Tungkol sa Buhay ni Pedro

Si Pedro ang huwaran ng Diyos para sa sangkatauhan, isang sikat na taong kilala ng lahat. Bakit kaya itinaas ng Diyos ang isang taong lubhang pangkaraniwan bilang isang huwaran at dinakila ng sunud-sunod na mga henerasyon? Malinaw na hindi ito maihihiwalay sa pagpapahayag niya ng pagmamahal sa Diyos at paninindigang mahalin ang Diyos. Tungkol naman sa kung paanong naipamalas ang mapagmahal-sa-Diyos na puso ni Pedro, at kung ano ba talaga ang mga karanasan niya sa buhay, kailangan nating bumalik sa Kapanahunan ng Biyaya para muling tingnan ang mga kaugalian noong panahong iyon at obserbahan ang Pedro ng panahong iyon.

Ipinanganak si Pedro sa isang pangkaraniwang pamilya ng mga magbubukid na Hudyo. Itinaguyod ng kanyang mga magulang ang buong pamilya sa pamamagitan ng pagsasaka, at siya ang panganay sa mga anak, may apat siyang kapatid na lalaki at babae. Siyempre pa, hindi ito ang pangunahing bahagi ng ating kuwento; si Pedro ang ating pangunahing tauhan. Noong siya ay limang taong gulang, sinimulang turuan si Pedro ng kanyang mga magulang na magbasa. Noong panahong iyon, napakamaalam ng mga Hudyo, at napakamaunlad nila sa mga larangan ng agrikultura, industriya, at negosyo. Dahil sa kanilang kapaligirang panlipunan, ang mga magulang ni Pedro ay kapwa nakatanggap ng mataas na edukasyon. Kahit nanggaling sila sa probinsya, mataas ang kanilang pinag-aralan at maihahambing sa karaniwang mga estudyante sa unibersidad sa panahon ngayon. Isinilang si Pedro sa gayong kanais-nais na mga kalagayang panlipunan—malinaw na ito ang kanyang magandang kapalaran. Dahil matalino at alisto ang isip, madali niyang naaarok ang mga bagong ideya. Pagkatapos simulan ang kanyang pag-aaral, nakakagawa siya ng mga hinuha mula sa kanyang natututunan, hindi nahihirapan dito kahit kaunti. Ipinagmalaki ng kanyang mga magulang na magkaroon ng gayong matalino at alistong anak, kaya ibinigay nila ang dugo ng kanilang puso para suportahan ang kanyang pag-aaral, umaasang mamumukod-tangi siya at makakakuha ng anumang uri ng opisyal na posisyon sa lipunan. Hindi niya namamalayan, naging interesado si Pedro sa Diyos. Kaya, sa edad na labing-apat, noong siya ay nasa high school, nakaramdam siya ng malalim na pagtutol sa sinaunang kulturang Griyego na kanyang pinag-aaralan; sa partikular, lalo pa niyang kinasuklaman ang mga kathang-isip na tauhan at gawa-gawang pangyayari sa sinaunang kasaysayan ng Gresya. Mula noon, si Pedro—na kararating pa lang sa kasibulan ng kanyang kabataan—ay nagsimulang magsaliksik tungkol sa buhay ng tao at makisalamuha sa lipunan. Hindi niya sinuklian ang mga paghihirap ng kanyang mga magulang dulot ng pakiramdam ng konsensiya, dahil nakita niya nang malinaw na ang mga tao ay pawang namumuhay sa isang kalagayan ng panlilinlang sa sarili, at namumuhay nang walang kabuluhan, at na sinisira nilang lahat ang sarili nilang buhay alang-alang sa pakikipag-agawan para sa reputasyon at pakinabang. Ang kanyang kabatiran ay may malaking kinalaman sa kapaligirang panlipunan na kanyang ginagalawan. Habang mas maraming taglay na kaalaman ang mga tao, mas nagiging komplikado ang kanilang mga ugnayan sa isa’t isa at ang kanilang mga panloob na mundo, at kaya nararamdaman nilang mas hungkag ang espasyong kanilang ginagalawan. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, ginugol ni Pedro ang kanyang libreng oras sa pagbisita sa iba’t ibang lugar, na karamihan sa mga binisita niya ay mga taong relihiyoso. Tila mayroon siyang malabong pakiramdam sa kanyang puso na marahil ay maaaring linawin ng relihiyon ang iba’t ibang palaisipan sa mundo ng tao, kaya madalas siyang pumunta sa isang sinagoga malapit sa kanyang bahay para dumalo sa mga pagsamba, nang hindi nalalaman ng kanyang mga magulang. Hindi nagtagal, si Pedro, na palaging may mabuting karakter at mahusay sa pag-aaral, ay nagsimulang masuklam sa pagpasok sa paaralan. Sa ilalim ng pangangasiwa ng kanyang mga magulang, labag sa kalooban niyang tinapos ang high school, at pagkatapos, pagkalangoy paahon mula sa karagatan ng kaalaman, huminga siya nang malalim—mula noon, malaya na siya sa lahat ng edukasyon at pagpipigil.

Nang makatapos ng pag-aaral, sinimulan niyang magbasa ng lahat ng uri ng aklat, ngunit sa edad na labimpito, natural na wala siyang gaanong karanasan sa mas malawak na mundo. Nang makapagtapos sa paaralan, itinaguyod niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsasaka habang naglalaan ng pinakamaraming oras hangga’t maaari sa pagbabasa ng mga aklat at pagdalo sa mga pagsamba. Ang kanyang mga magulang, na malaki ang inaasahan sa kanya, ay madalas isumpa ang Langit dahil sa kanilang “mapanghimagsik na anak,” ngunit kahit ito ay hindi nakapigil sa pagkagutom at pagkauhaw niya para sa katuwiran. Hindi lang iilan ang pinagdaanang dagok ni Pedro sa kanyang mga karanasan, ngunit uhaw na uhaw ang kanyang puso, at lumago siyang parang damo pagkatapos ng ulan. Hindi nagtagal, naging sapat na “mapalad” siya para makatagpo ng ilang matataas na tao sa mundo ng relihiyon, at dahil napakatindi ng kanyang pananabik, nagsimula siyang makihalubilo sa kanila nang mas madalas, hanggang sa halos buong oras niya ay iginugol niya kasama sila. Nakalubog sa kontentong kaligayahan, bigla niyang napagtanto na karamihan sa mga taong ito ay nananampalataya gamit ang kanilang mga labi at hindi nila ibinigay ang kanilang puso sa kanilang pananampalataya. Paano matitiis ni Pedro, na may kaluluwang matuwid at dalisay, ang gayong dagok? Napagtanto niya na halos lahat ng taong nakasama niya ay mga hayop na nakadamit pantao—mga hayop sila na mukhang tao. Noong panahong iyon, wala pang kamuwang-muwang si Pedro, kaya sa ilang pagkakataon ay taos-puso niya silang pinakiusapan. Ngunit paano naman makikinig ang mga tuso at mautak na opisyal sa mundo ng relihiyon sa mga pagsusumamo ng masigasig na binatang ito? Sa pagkakataong iyon ay nadama ni Pedro ang tunay na kahungkagan ng buhay ng tao. Sa unang hakbang sa yugto ng buhay, siya ay nabigo…. Makalipas ang isang taon, lumayo siya sa sinagoga at nagsimulang mamuhay nang nagsasarili.

Dahil sa dagok na iyon, mas naging husto ang pag-iisip at sopistikado ang labing-walong taong gulang na si Pedro. Wala nang anumang bahid ng kawalang-muwang ng kanyang kabataan; ang kawalang-malay at kawalang-pagpapanggap ng kabataan ay malupit na sinupil ng dagok na naranasan niya, at nagsimula siyang mamuhay bilang isang mangingisda. Mula noon, makikita ang mga taong nakikinig sa pangangaral niya sa kanyang bangka. Habang siya ay naghahanapbuhay sa pangingisda, ipinapalaganap niya ang mensahe saan man siya magpunta, at lahat ng pinangaralan niya ay nahalina sa kanyang mga sermon, dahil tumagos ang kanyang ipinapahayag sa puso ng mga karaniwang tao, at lahat sila ay malalim na naantig ng kanyang pagkamatapat. Malimit niyang ituro sa mga tao na tratuhin ang iba nang taos-puso, na tumawag sa May Kataas-taasang Kapangyarihan ng langit at lupa at lahat ng bagay sa bawat usapin, at na huwag balewalain ang kanilang konsensiya at gumawa ng mga kahiya-hiyang bagay, sa lahat ng bagay ay bigyang-kasiyahan ang Diyos na minamahal nila sa kanilang puso… Madalas na lubhang naaantig ang mga tao matapos makinig sa kanyang mga sermon; lahat sila ay nakakakuha ng inspirasyon sa kanya at madalas maluha. Noong panahong iyon, labis siyang hinahangaan ng lahat ng taong sumusunod sa kanya. Ang mga taong iyon ay pawang mga dukha, at sila ay, siyempre, iilan lang din dahil sa kalagayan ng lipunan noong panahong iyon. Inusig din si Pedro ng mga relihiyosong tao ng lipunan noong panahong iyon. Dala ng lahat ng iyon, sa loob ng dalawang taon, naglalakbay siya sa iba’t ibang lugar at mag-isang namuhay. Sa loob ng dalawang taon ng mga pambihirang karanasang iyon, marami siyang napulot na kaalaman at maraming natutunan tungkol sa mga bagay na dati ay hindi niya alam, dahil doon ay hindi na siya makilala mula sa labing-apat na taong gulang niyang sarili, na tila wala na siyang pagkakapareho ngayon. Sa loob ng dalawang taong ito ay nakatagpo niya ang lahat ng klase ng tao at nakita ang lahat ng uri ng realidad tungkol sa lipunan, bunga noon ay unti-unti na niyang sinimulang iwaksi ang lahat ng uri ng ritwal mula sa mundo ng relihiyon. Lubha rin siyang naapektuhan ng mga pag-usad ng gawain ng Banal na Espiritu noong panahong iyon; noon, maraming taon nang gumagawa si Jesus, kaya naimpluwensiyahan din ng gawain ng Banal na Espiritu noon ang gawain ni Pedro, bagama’t hindi pa niya nakikilala si Jesus. Dahil dito, noong nangangaral si Pedro, maraming bagay siyang natamo na hindi natamo ng mga naunang henerasyon ng mga banal. Siyempre pa, noong panahong iyon, medyo may alam na siya tungkol kay Jesus, ngunit hindi pa siya nagkaroon ng pagkakataong makita Siya nang harapan. Umasa lang siya at nanabik na makita ang makalangit na taong nagmula sa Banal na Espiritu.

Isang gabi sa takipsilim, nangingisda si Pedro mula sa kanyang bangka (malapit sa dalampasigan ng tinatawag noon na Dagat ng Galilea). May hawak siyang pamingwit, ngunit ibang mga bagay ang nasa kanyang isipan. Tinatanglawan ng lumulubog na araw ang ibabaw ng tubig na parang isang malawak na karagatan ng dugo. Suminag ang liwanag sa bata subalit payapa at panatag na mukha ni Pedro; tila malalim ang iniisip niya. Sa sandaling iyon, umihip ang banayad na hangin, at bigla niyang nadama ang kalumbayan ng kanyang buhay, na agad na naghatid sa kanya ng kapanglawan. Habang nagniningning sa liwanag ang mga alon ng karagatan, naging malinaw na wala siya sa kundisyon na mangisda. Habang nag-iisip nang malalim, bigla siyang may narinig na nagsalita sa kanyang likuran, “Simon Barjona, na anak ng mga Hudyo, malumbay ang mga araw ng iyong buhay. Susunod ka ba sa Akin?” Sa pagkabigla, agad nabitiwan ni Pedro ang pamingwit na hawak niya, na mabilis na lumubog sa ilalim ng dagat. Nagmamadaling lumingon si Pedro at nakita niya ang isang lalaking nakatayo sa kanyang bangka. Tiningnan niya ang lalaki mula ulo hanggang paa: Ang buhok ng lalaki, na hanggang balikat Niya, ay medyo ginintuang dilaw sa liwanag ng araw, kulay-abo ang Kanyang kasuotan, katamtaman ang tangkad, at nakabihis na gaya ng isang lalaking Hudyo mula ulo hanggang paa. Sa dumidilim na paligid, nagmukhang medyo itim ang kulay-abong kasuotan ng lalaki, at tila may bahagyang kintab ang Kanyang mukha. Maraming beses nang sinikap ni Pedro na makatagpo si Jesus, ngunit hindi siya nagtagumpay kailanman. Noong sandaling iyon, sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, naniwala si Pedro na ang lalaking ito ay tiyak na siyang banal na nasa puso niya, kung kaya nagpatirapa siya sa bangkang pangisda at sinabi, “Ikaw nga kaya ang Panginoon na naparito upang ipangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng langit? Nabalitaan ko na ang tungkol sa Iyong mga karanasan, ngunit hindi Kita nakita kailanman. Noon ko pa gustong sumunod sa Iyo, ngunit hindi Kita matagpuan.” Sa oras na iyon, lumipat na si Jesus sa kamarote ng bangka, kung saan panatag Siyang nakaupo. “Tumayo ka riyan at maupo sa tabi Ko!” wika Niya. “Narito Ako para hanapin iyong mga tunay na nagmamahal sa Akin. Naparito Ako lalo na para ipangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at naparito Ako para maglakbay sa maraming lupain para hanapin iyong mga kaisa Ko sa isipan. Handa ka ba?” Tumugon si Pedro, “Kailangan kong sumunod sa kanya na isinugo ng Ama sa langit. Kailangan kong kilalanin siya na pinili ng Banal na Espiritu. Dahil mahal ko ang Ama sa langit, paanong hindi ako magiging handang sumunod sa Iyo?” Bagama’t punong-puno ng mga relihiyosong kuru-kuro ang mga salita ni Pedro, ngumiti si Jesus at tumango nang may kasiyahan. Noong sandaling iyon, nadama Niyang sumibol ang pagmamahal ng isang ama sa Kanyang kalooban para kay Pedro.

Sinundan ni Pedro si Jesus nang ilang taon at marami siyang nakita sa Kanya na hindi pa nakikita sa kalooban ng mga tao. Matapos Siyang sundan nang isang taon, pinili ni Jesus si Pedro mula sa labindalawang alagad. (Siyempre, hindi ito sinabi nang malakas ni Jesus, at ni hindi iyon alam ng iba.) Sa buhay, tinrato ni Pedro ang bawat galaw ni Jesus bilang isang huwaran. Higit sa lahat, ang mga mensaheng ipinangaral ni Jesus ay nakaukit sa kanyang puso. Labis siyang mapagsaalang-alang at tapat kay Jesus, at hindi siya kailanman nagsabi ng anumang mga hinaing laban sa Kanya. Dahil doon, naging tapat na kasama siya ni Jesus saanman Siya nagpunta. Inobserbahan ni Pedro ang mga turo ni Jesus, ang mahinahon Niyang mga salita, kung ano ang kinakain Niya, ang Kanyang pananamit, ang Kanyang tirahan, at kung paano Siya maglakbay. Tinularan niya si Jesus sa lahat ng aspekto. Hindi siya kailanman naging mapagmagaling, kundi iwinaksi niya ang lahat ng lipas na, na sinusunod ang halimbawa ni Jesus kapwa sa salita at gawa. Noon nadama ni Pedro na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat. Sa kadahilanang ito, walang personal na pagpili si Pedro, at isinapuso niya ang lahat ng kung ano si Jesus at ginamit iyon bilang huwaran. Nakita ni Pedro sa buhay ni Jesus na hindi kailanman mapagmagaling si Jesus sa Kanyang ginawa at hindi kailanman nagyabang tungkol sa Kanyang sarili, kundi sa halip ay binago ni Jesus ang mga tao nang may pagmamahal. Nakita ni Pedro sa iba’t ibang bagay kung ano si Jesus, at dahil dito, ang lahat ng tungkol kay Jesus ay naging pakay niyang tularan. Dahil sa kanyang mga karanasan, nagkaroon si Pedro ng nag-iibayong pakiramdam sa pagiging kaibig-ibig ni Jesus, at nagsabi ng mga bagay na tulad ng, “Hinanap ko ang Makapangyarihan sa lahat na nasa langit, at namalas ko ang mga kababalaghan ng langit at lupa at lahat ng bagay, at sa gayon lamang ako nagkamit ng malalim na pakiramdam sa pagiging kaibig-ibig ng Makapangyarihan sa lahat. Gayunman, hindi ako nagkaroon kailanman ng tunay na pagmamahal sa aking sariling puso, at hindi pa kailanman nakita ng sarili kong mga mata ang pagiging kaibig-ibig ng Makapangyarihan sa lahat. Ngayon, sa paningin ng Makapangyarihan sa lahat, ako ay tinrato Niya nang may pabor, at sa wakas ay nadama ko na ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sa wakas ay natuklasan ko na hindi lang ang paglikha Niya sa lahat ng bagay ang dahilan kaya Siya mahal ng sangkatauhan; sa aking pang-araw-araw na buhay, natagpuan ko ang Kanyang walang-hanggang pagiging kaibig-ibig. Paanong posibleng magiging limitado iyon sa kung ano ang matutuklasan ngayon?” Sa paglipas ng panahon, marami ring kaibig-ibig na bagay ang nakita kay Pedro. Naging napakamapagpasakop niya kay Jesus, at siyempre, dumanas din siya ng maraming dagok. Kapag isinasama siya ni Jesus para mangaral sa iba’t ibang lugar, laging nagpapakumbaba si Pedro at nakikinig sa mga sermon ni Jesus. Hindi siya kailanman naging mapagmataas dahil sa maraming taon ng pagsunod niya kay Jesus. Matapos sabihan ni Jesus na kaya Siya naparito ay upang ipako sa krus at tapusin ang Kanyang gawain, madalas makaramdam si Pedro ng pighati sa kanyang puso at lihim na umiiyak nang mag-isa. Gayumpaman, dumating na sa wakas ang “malas” na araw na iyon. Matapos maaresto si Jesus, mag-isang umiyak si Pedro sa kanyang bangkang pangisda at umusal ng maraming dalangin para rito. Ngunit sa kanyang puso, alam niyang ito ang kalooban ng Diyos Ama, at na walang sinumang makapagpapabago roon. Nanatili siyang naghihinagpis at naluluha dahil lamang sa kanyang pagmamahal. Isa itong kahinaan ng tao, siyempre. Sa gayon, nang malaman niyang ipapako si Jesus sa krus, tinanong niya si Jesus, “Sa Iyong pag-alis, babalik Ka ba sa aming piling at babantayan kami? Makikita Ka pa ba namin?” Bagama’t lubhang walang kamuwang-muwang ang mga salitang ito at puno ng mga kuru-kuro ng tao, alam ni Jesus ang pait ng pagdurusa ni Pedro, kaya sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal ay isinaalang-alang Niya ang kahinaan ni Pedro: “Pedro, minahal kita. Alam mo ba iyon? Bagama’t walang katwiran ang iyong sinasabi, nangako ang Ama na pagkatapos ng Aking muling pagkabuhay, magpapakita Ako sa mga tao sa loob ng 40 araw. Hindi ka ba naniniwala na malimit na magkakaloob ng biyaya ang Aking Espiritu sa inyong lahat?” Kahit na bahagyang napayapa nito si Pedro, pakiramdam niya ay may isang bagay pa rin na kulang, kaya nga, matapos mabuhay na mag-uli, hayagang nagpakita si Jesus sa kanya sa unang pagkakataon. Gayunman, para mapigilan si Pedro na patuloy na kumapit sa kanyang mga kuru-kuro, tinanggihan ni Jesus ang masaganang pagkaing inihanda ni Pedro para sa Kanya, at naglaho sa isang kisapmata. Mula sa sandaling iyon, sa wakas ay nagkaroon na si Pedro ng mas malalim na pagkaunawa sa Panginoong Jesus at lalo pa Siyang minahal. Pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, malimit na nagpakita si Jesus kay Pedro. Tatlong beses pa Siyang nagpakita kay Pedro makalipas ang apatnapung araw at pagkatapos Niyang umakyat sa langit. Bawat pagpapakita ay mismong sa sandaling matatapos na ang gawain ng Banal na Espiritu at magsisimula na ang bagong gawain.

Sa buong buhay niya, nabuhay si Pedro sa pangingisda ngunit, higit pa roon, nabuhay siya upang mangaral. Sa kanyang katandaan, isinulat niya ang una at pangalawang sulat ni Pedro, pati na rin ang ilang liham sa iglesia ng Philadelphia noong panahong iyon. Ang mga tao sa panahong ito ay lubhang naantig sa kanya. Sa halip na magsermon sa mga tao gamit ang sarili niyang mga kalipikasyon, binigyan niya sila ng angkop na panustos sa buhay. Hindi niya kailanman nakalimutan ang mga turo ni Jesus bago Siya lumisan, at naging inspirasyon ang mga iyon sa kanyang buong buhay. Habang sinusundan si Jesus, nagpasya siyang suklian ang pagmamahal ng Panginoon ng kanyang kamatayan at sundan ang Kanyang halimbawa sa lahat ng bagay. Sumang-ayon dito si Jesus, kaya nang si Pedro ay 53 taong gulang (mahigit 20 taon nang nakaalis si Jesus), nagpakita sa kanya si Jesus para tumulong na matupad ang kanyang determinasyon. Sa loob ng pitong taong kasunod noon, ginugol ni Pedro ang kanyang buhay sa pagkilala sa kanyang sarili. Isang araw, sa pagtatapos ng pitong taong ito, ipinako siya sa krus nang pabaliktad, sa gayon ay winawakasan ang kanyang pambihirang buhay.

Sinundan: Kabanata 6

Sumunod: Kabanata 8

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito