Kabanata 6
Natitigilan ang mga tao kapag binabasa nila ang mga binigkas ng Diyos, at iniisip nila na nakapagsagawa ang Diyos ng isang dakilang gawa sa espirituwal na dako, isang bagay na hindi kaya ng tao, at kailangang isakatuparan ng Diyos Mismo nang personal. Kaya minsan pang sumasambit ang Diyos ng mga salita ng pagpaparaya sa sangkatauhan. Nalilito sila sa kanilang puso: “Ang Diyos ay hindi isang Diyos na may awa o kagandahang-loob, isa Siyang Diyos na pumapatay lamang sa tao. Bakit Siya nagpaparaya sa atin? Maaari kayang minsan pang nagpalit ng pamamaraan ang Diyos?” Kapag pumapasok ang mga kuru-kuro na ito, ang mga ideyang ito, sa kanilang puso, ginagawa nila ang lahat upang labanan ang mga ito. Ngunit matapos sumulong ang gawain ng Diyos sa loob ng kaunting panahon, gumagawa ng dakilang gawain ang Banal na Espiritu sa iglesia, at lahat ay nagsisimulang gumanap sa kanilang tungkulin, lahat ng tao ay pumapasok sa pamamaraan ng Diyos, sapagkat walang sinumang nakakakita ng anumang kamalian sa sinasabi at ginagawa ng Diyos. Tungkol sa kung ano mismo ang susunod na hakbang ng Diyos, walang sinuman ang may katiting na ideya. Tulad ng sinabi na ng Diyos: “Sa lahat ng nasa silong ng langit, sino ang hindi Ko hawak sa Aking mga kamay? Sino ang hindi kumikilos ayon sa Aking patnubay?” Gayunma’y may iaalok Akong kaunting payo sa inyo: Sa mga bagay na hindi malinaw sa inyo, walang sinuman sa inyo ang dapat magsalita o gumawa ng anuman. Hindi Ko sinasabi ito para mawala ang iyong kasigasigan, kundi para masunod mo ang patnubay ng Diyos sa iyong mga kilos. Hindi ka dapat manghina o magduda sa anumang dahilan dahil sa pagbanggit Ko sa “mga kamalian”; ang Aking layunin una sa lahat ay upang ipaalala sa iyo na bigyang-pansin ang mga salita ng Diyos. Muling natigilan ang mga tao nang mabasa nila ang mga salita ng Diyos na nagsasabing, “Pansinin ang mga bagay na nauukol sa espiritu, pakinggan ang Aking salita, at magkaroon ng tunay na kakayahang ituring ang Aking Espiritu at Aking pagkatao, at ang Aking salita at Aking pagkatao, bilang isang di-mapaghihiwalay na kabuuan, upang mapalugod Ako ng buong sangkatauhan sa Aking presensya.” Kahapon, binasa nila ang mga salita ng babala, mga salita tungkol sa pagpaparaya ng Diyos—ngunit ngayon, biglang binanggit ng Diyos ang mga espirituwal na bagay. Ano ang nangyayari? Bakit palaging binabago ng Diyos ang Kanyang pamamaraan ng pagsasalita? Bakit dapat ituring ang lahat ng ito bilang isang di-mapaghihiwalay na kabuuan? Maaari kayang hindi praktikal ang mga salita ng Diyos? Matapos basahin nang mas mabuti ang mga salita ng Diyos, natuklasan na kapag nagkahiwalay ang katawang-tao ng Diyos at ang Kanyang Espiritu, ang katawang-tao ay nagiging isang pisikal na katawan na may mga katangian ng laman—ang tinutukoy ng mga tao na isang naglalakad na bangkay. Ang nagkatawang-taong laman ay nagmumula sa Espiritu: Siya ang pagkakatawan ng Espiritu, ang Salita na nagiging tao. Sa madaling salita, ang Diyos Mismo ay namumuhay sa loob ng katawang-tao. Ganyan kaseryoso ang paghihiwalay ng Espiritu ng Diyos mula sa Kanyang pagkatao. Dahil dito, bagama’t tinatawag Siyang tao, hindi Siya kalahi ng sangkatauhan. Wala Siyang mga katangian ng tao, Siya ang pagkataong ibinibihis ng Diyos Mismo, ang pagkataong sinasang-ayunan ng Diyos. Ang salita ng Diyos ay kumakatawan sa Espiritu ng Diyos, at ang salita ng Diyos ay tuwirang ibinubunyag sa katawang-tao—na nagpapakita, bukod pa riyan, na ang Diyos ay namumuhay sa katawang-tao at ang mas praktikal na Diyos, sa gayon ay pinatutunayan na umiiral ang Diyos at winawakasan ang kapanahunan ng pagkasuwail ng tao sa Diyos. Matapos sabihin sa mga tao ang landas ng pagkilala sa Diyos, minsan pang binabago ng Diyos ang paksa, na bumabaling sa kabilang panig ng bagay na iyon.
“Napasok Ko na ang lahat ng naroon, natanaw Ko na ang buong kalawakan ng sansinukob, at nakalakad na Ako sa gitna ng lahat ng tao, na tinitikman ang tamis at pait sa piling ng tao.” Bagama’t simple, ang mga salitang ito ay hindi madaling maunawaan ng sangkatauhan. Nagbago na ang paksa, ngunit sa diwa, pareho pa rin ito: Binibigyang-kakayahan pa rin nito ang mga tao na makilala ang Diyos na nagkatawang-tao. Bakit sinasabi ng Diyos na natikman na Niya ang tamis at pait sa piling ng tao? Bakit Niya sinasabi na nakalakad na Siya sa gitna ng lahat ng tao? Ang Diyos ay ang Espiritu, at Siya rin ang nagkatawang-taong nilalang. Ang Espiritu, na hindi sakop ng mga limitasyon ng nagkatawang-taong nilalang, ay maaaring pumasok sa lahat ng naroon, matatanaw ng Espiritu ang buong kalawakan ng sansinukob, na nagpapakita na ang Espiritu ng Diyos ay pinupuno ang buong kosmos, na sakop Niya ang daigdig mula sa isang panig patungo sa kabila, na walang anumang bagay na hindi ipinlano ng kamay ng Diyos at walang lugar na hindi matatagpuan ang mga yapak ng Diyos. Bagama’t naging tao ang Espiritu at naisilang na tao, hindi itinatanggi ng pag-iral ng Espiritu ang lahat ng pangangailangan ng tao; ang pagkatao ng Diyos ay kumakain, binibihisan ang Kanyang Sarili, natutulog, at naninirahan nang normal, at ginagawa Niya ang dapat gawin ng mga tao nang normal. Subalit dahil iba ang diwa ng Kanyang kalooban, hindi Siya kapareho ng “tao” na binabanggit ng sinuman. At bagama’t nagtitiis Siya sa piling ng sangkatauhan, hindi Niya tinatalikuran ang Espiritu dahil sa pagdurusang ito. Bagama’t Siya ay pinagpala, hindi Niya kinalilimutan ang Espiritu nang dahil sa mga pagpapalang ito. Ang Espiritu at ang pagkatao ay tahimik na nag-uugnayan. Ang Espiritu at ang pagkatao ay hindi maaaring maghiwalay, sapagkat ang pagkatao ang pagkakatawan ng Espiritu, at Siya ay nagmumula sa Espiritu, ang Espiritu na may anyo. Sa gayon ay imposible ang pangingibabaw ng Espiritu sa katawang-tao; ibig sabihin, hindi kaya ng Espiritu na gumawa ng mga bagay na higit sa karaniwan, na ibig sabihin, hindi maaaring humiwalay ang Espiritu sa pisikal na katawan. Kung hihiwalay Siya sa katawang-taong may laman, mawawalan ng kabuluhan ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Kapag lubos nang ipinahayag ang Espiritu sa pisikal na katawan, saka lamang makikilala ng tao ang praktikal na Diyos Mismo, at saka lamang matutupad ang kalooban ng Diyos. Pagkatapos ipakita nang magkahiwalay ang katawang-taong may laman at ang Espiritu sa tao, saka lamang ituturo ng Diyos ang kabulagan at pagsuway ng tao: “Subalit hindi pa Ako totoong nakilala ng tao kailanman, hindi niya Ako pinakinggan kailanman sa Aking mga paglalakbay.” Sa isang banda, sinasabi ng Diyos na lihim Siyang nagtatago sa katawang-taong may laman, hindi kailanman gumagawa ng anumang bagay na higit sa karaniwan para makita ng mga tao; sa kabilang banda, nagrereklamo Siya na hindi Siya kilala ng tao. Walang magkasalungat dito. Sa katunayan, mula sa isang detalyadong pananaw, hindi mahirap makita na nakakamit ng Diyos ang Kanyang mga layunin mula sa dalawang panig na ito. Kung magpapakita ang Diyos ng mga tanda at himala na higit sa karaniwan, hindi na Niya kakailanganing gumawa ng dakilang gawain. Sa sarili Niyang bibig, susumpain lamang Niya ang mga tao hanggang sa mamatay, at agad silang mamamatay, at sa gayong paraan ay makukumbinsi ang lahat ng tao—ngunit hindi nito matutupad ang layunin ng Diyos sa pagiging tao. Kung talagang kikilos ang Diyos nang gayon, hindi magagawa ng mga tao kailanman na sadyang maniwala sa Kanyang pag-iral. Mawawalan sila ng kakayahang tunay na manampalataya, at bukod diyan, mapagkakamalan nilang Diyos ang diyablo. Ang mas mahalaga pa, hindi malalaman ng mga tao ang disposisyon ng Diyos kailanman—at hindi ba isang aspeto ito ng kabuluhan ng pagkatao ng Diyos sa katawang-tao? Kung walang kakayahan ang mga tao na makilala ang Diyos, mangingibabaw sa tao ang malabong Diyos na iyon, ang Diyos na iyon na higit sa karaniwan, magpakailanman. At dito, hindi ba nasaniban ang mga tao ng sarili nilang mga kuru-kuro? Sa madaling salita, hindi ba si Satanas, ang diyablo, ang mangingibabaw? “Bakit Ko sinasabi na nabawi Ko na ang kapangyarihan? Bakit Ko sinasabi na napakalaki ng kabuluhan ng pagkakatawang-tao?” Ang sandaling nagiging tao ang Diyos ay ang sandaling binabawi Niya ang kapangyarihan, at ito rin ang oras na tuwirang lumilitaw ang Kanyang pagka-Diyos upang kumilos. Lahat ng tao ay unti-unting nakikilala ang praktikal na Diyos, at sa gayong paraan ay ganap na napapawi ang lugar ni Satanas sa kanilang puso, kaya nabibigyan ng mas malalim na lugar ang Diyos sa kanilang puso. Noong araw, nakita ng mga tao ang Diyos sa kanilang isipan sa larawan ni Satanas, bilang isang Diyos na hindi nakikita at hindi nahahawakan; magkagayunman ay naniwala sila na hindi lamang umiiral ang Diyos na ito, kundi may kakayahan ding magsagawa ng lahat ng uri ng tanda at himala, at maghayag ng maraming hiwaga, tulad ng mga pangit na mukha ng mga sinapian ng mga demonyo. Sapat nitong pinatutunayan na ang Diyos sa isipan ng mga tao ay hindi ang larawan ng Diyos, kundi ang larawan ng isang bagay maliban sa Diyos. Sinabi na ng Diyos na nais Niyang sakupin ang 0.1 porsiyento ng puso ng mga tao. Ito ang pinakamataas na pamantayang hinihiling Niya sa tao. Bukod pa sa makikita sa mga ito, mayroon ding praktikal na panig sa mga salitang ito. Kung hindi ito ipinaliwanag nang gayon, iisipin ng mga tao na napakababa ng mga hinihiling ng Diyos sa kanila, na para bang napakaliit ng pagkaunawa ng Diyos sa kanila. Hindi ba ito ang mentalidad ng tao?
Sa paghahalo ng nabanggit sa itaas at ng halimbawa ni Pedro sa ibaba, makikita ng isang tao na totoo ngang mas kilala ni Pedro ang Diyos kaysa sinumang iba pa, sapagkat nakaya niyang talikuran ang malabong Diyos at maghangad ng kaalaman tungkol sa praktikal na Diyos. Bakit espesyal ang pagbanggit kung paano naging mga demonyong kumontra sa Diyos ang kanyang mga magulang? Nagpapatunay ito na hindi hinangad ni Pedro na makilala ang Diyos sa kanyang puso. Ang kanyang mga magulang ang kumatawan sa malabong Diyos; ito ang punto ng pagbanggit sa kanila ng Diyos. Hindi gaanong pinapansin ng karamihan sa mga tao ang katotohanang ito. Sa halip, nagtutuon sila sa mga panalangin ni Pedro. Sa ilang tao, ang mga panalangin ni Pedro ay palaging nasa kanilang mga labi, palaging nasa kanilang isipan, subalit hindi nila ikinukumpara kailanman ang malabong Diyos sa kaalaman ni Pedro. Bakit tinalikuran ni Pedro ang kanyang mga magulang at naghangad ng kaalaman tungkol sa Diyos? Bakit inudyukan ni Pedro ang kanyang sarili sa mga aral na natutuhan ng mga taong nabigo? Bakit siya nakibahagi sa pananampalataya at pagmamahal ng lahat ng nagmahal sa Diyos sa lahat ng kapanahunan? Nalaman ni Pedro na lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos at tuwirang lumalabas mula sa Kanya nang hindi naiimpluwensyahan ni Satanas. Ipinapakita nito na ang Diyos na kilala niya ay ang praktikal na Diyos, hindi ang Diyos na higit sa karaniwan. Bakit sinasabi na nagtuon si Pedro sa pakikibahagi sa pananampalataya at pagmamahal ng lahat ng nagmahal sa Diyos sa lahat ng kapanahunan? Makikita mula rito na ang kabiguan ng mga tao sa lahat ng kapanahunan higit sa lahat ay dahil nagkaroon lamang sila ng pananampalataya at pagmamahal ngunit wala silang kakayahang makilala ang praktikal na Diyos. Dahil dito, nanatiling malabo ang kanilang pananampalataya. Bakit binanggit ng Diyos nang maraming beses ang pananampalataya ni Job, nang hindi sinasabi na kilala niya ang Diyos, at bakit sinasabi ng Diyos na hindi kapantay ni Pedro si Job? Sa mga salita ni Job—“Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig; nguni’t ngayo’y nakikita Ka ng aking mata”—makikita na mayroon lamang pananampalataya si Job, at wala siyang kaalaman. Ang mga salitang “Ang pagkakaiba ng mga magulang ni Pedro sa kanya ay nagbigay sa kanya ng higit na kaalaman tungkol sa Aking kagandahang-loob at awa” ay madalas mag-udyok ng maraming tanong mula sa karamihan ng mga tao: Bakit kinailangang tuwirang makilala ni Pedro ang Diyos? Bakit wala siyang kakayahang tuwirang makilala ang Diyos? Bakit awa at kagandahang-loob lamang ng Diyos ang alam niya, at wala nang ibang binanggit ang Diyos? Posible lamang na maghanap ng kaalaman tungkol sa praktikal na Diyos matapos maunawaan ang kawalan ng realidad ng malabong Diyos; ang layunin ng mga salitang ito ay upang maalis ng mga tao ang malabong Diyos sa kanilang puso. Mula noong panahon ng paglikha hanggang ngayon, kung nakilala ng mga tao ang tunay na mukha ng Diyos noon pa man, hindi sila magkakaroon ng kakayahang mahiwatigan ang mga gawa ni Satanas, sapagkat ang karaniwang kasabihan ng tao na—“hindi napapansin ng isang tao ang patag na lupa hangga’t hindi niya natatawid ang isang bundok”—ay nagpapamalas ng punto ng Diyos sa pagsambit sa mga salitang ito. Dahil nais Niyang bigyan ng mas malalim na pagkaunawa ang mga tao tungkol sa katotohanan ng halimbawang ibinigay Niya, sadyang binibigyang-diin ng Diyos ang awa at kagandahang-loob, na nagpapatunay na ang kapanahunang kinabuhayan ni Pedro ay ang Kapanahunan ng Biyaya. Mula sa isa pang pananaw, mas lalo pang inihahayag nito ang pangit na mukha ng diyablo, na walang ginagawa kundi saktan at gawing tiwali ang tao, na lalong pinatitindi ang kaibhan ng awa at pagmamahal ng Diyos.
Binabalangkas din ng Diyos ang mga katotohanan tungkol sa mga pagsubok kay Pedro at inilalarawan ang kanilang tunay na sitwasyon, na higit na nagpapahiwatig sa mga tao na hindi lamang mayroong awa at pagmamahal ang Diyos, kundi mayroon din Siyang kamahalan at poot, at na yaong mga payapang namumuhay ay hindi nangangahulugan na namumuhay sila sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos. Ang pagsasabi sa mga tao tungkol sa mga karanasan ni Pedro pagkatapos ng mga pagsubok sa kanya ay mas malaking katunayan pa ng katotohanan ng mga salita ni Job na “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Sa gayon ay ipinamamalas nito na ang kaalaman ni Pedro tungkol sa Diyos ay tunay ngang nakarating sa mga dakong hindi pa nararating, mga dakong hindi nakamtan ng mga tao noong nakaraang mga kapanahunan, na siya ring bunga ng kanyang pakikibahagi sa pananampalataya at pagmamahal ng lahat ng nagmahal sa Diyos sa lahat ng kapanahunan at ng kanyang paghihikayat sa kanyang sarili gamit ang mga aral na natutuhan ng mga taong nabigo noong araw. Dahil dito, lahat ng nagtatamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos ay tinatawag na “bunga,” at kasama riyan si Pedro. Ang mga panalangin ni Pedro sa Diyos ay nagpapakita ng kanyang tunay na kaalaman tungkol sa kanyang mga pagsubok. Gayunman, ang isang problema ay na wala siyang kakayahang lubos na maintindihan ang kalooban ng Diyos, kaya nga ang tanging hiniling ng Diyos ay “sakupin ang 0.1 porsiyento ng puso ng tao” batay sa kaalaman ni Pedro tungkol sa Kanya. Na kahit si Pedro, ang taong pinakalubos na nakakilala sa Diyos, ay nagpapakita na walang kakayahan ang mga tao na makilala ang Diyos, sapagkat labis silang nagawang tiwali ni Satanas; tinutulutan nito ang lahat ng tao na malaman ang diwa ng tao. Ang dalawang kinakailangang kundisyong ito—ang kawalan ng kakayahan ng mga tao na makilala ang Diyos at ang lubos na pagpasok ni Satanas sa kanila—ay isang hambingan para sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, sapagkat ang Diyos ay gumagawa lamang gamit ang mga salita, hindi Siya nagnenegosyo ng anuman, at sa gayong paraan ay nagkakaroon Siya ng lugar sa puso ng mga tao. Ngunit bakit kailangan lamang makamtan ng mga tao ang 0.1 porsiyentong iyon para mapalugod ang kalooban ng Diyos? Ito ay dahil hindi nilikha ng Diyos ang tao na may ganitong kakayahan. Kung narating ng tao, sa kabila ng kawalan ng kakayahang ito, ang isandaang porsiyentong kaalaman tungkol sa Diyos, bawat galaw ng Diyos ay magiging kasingliwanag ng araw para sa kanila—at, dahil sa likas na pagkatao ng tao, agad maghihimagsik ang mga tao sa Diyos, titindig sila at hayagan Siyang kokontrahin, na siyang ikinabagsak ni Satanas. Kaya hindi minamaliit ng Diyos ang tao kailanman, sa mismong dahilan na lubos na Niya silang nasuri, at alam Niya ang lahat tungkol sa kanila na kasinglinaw ng kristal, kahit hanggang sa kung gaano talaga karami ang tubig sa kanilang dugo. Kung gayon ay gaano pa higit na malinaw sa Kanya ang likas na pagkatao ng sangkatauhan? Hindi nagkakamali ang Diyos kailanman, at pinipili Niya ang mga salita ng Kanyang mga pagbigkas nang may ganap na katumpakan. Sa gayon ay walang salungatan sa pagitan ng hindi pagkakaroon ni Pedro ng tumpak na pagkaintindi sa kalooban ng Diyos at ng pagkakaroon niya ng pinakamalaking kaalaman tungkol sa Diyos; ang dalawang ito, bukod pa riyan, ay ganap na walang kaugnayan sa isa’t isa. Binanggit ng Diyos si Pedro bilang halimbawa hindi para ituon ang pansin ng mga tao sa kanya. Bakit hindi nakilala ng isang taong tulad ni Job ang Diyos, subalit nakaya iyon ni Pedro? Bakit sasabihin ng Diyos na kaya ng tao na makamtan ito, subalit sasabihin pa na dahil iyon sa Kanyang dakilang kapangyarihan? Talaga bang likas na mabuti ang mga tao? Hindi ito madaling malaman ng mga tao; walang sinumang makatatanto sa kabuluhang nasa loob nito kung hindi Ko ito binanggit. Ang layunin ng mga salitang ito ay upang bigyan ng kabatiran ang mga tao, upang magkaroon sila ng pananampalatayang makipagtulungan sa Diyos. Saka lamang makakagawa ang Diyos sa pakikipagtulungan ng tao. Ganito ang aktuwal na sitwasyon sa espirituwal na dako, at ito ay ganap na di-maaarok ng tao. Alisan ng lugar si Satanas sa puso ng mga tao at sa halip ay ibigay ang lugar na iyon sa Diyos—ito ang kahulugan ng labanan ang pag-atake ni Satanas, at sa gayong paraan lamang masasabi na nakababa na si Cristo sa lupa, saka lamang masasabi na ang mga kaharian sa lupa ay naging kaharian na ni Cristo.
Sa puntong ito, ang pagbanggit sa pagiging isang huwaran at uliran si Pedro sa loob ng libu-libong taon ay hindi lamang para sabihin na naging isa siyang huwaran at uliran; ang mga salitang ito ay sumasalamin sa digmaang nangyari sa espirituwal na dako. Gumagawa na si Satanas sa tao sa buong panahong ito sa walang-kabuluhang pag-asa na lamunin siya, na naging dahilan upang wasakin ng Diyos ang mundo at mawala ang Kanyang mga saksi. Subalit sinabi na ng Diyos, “Lilikha muna Ako ng isang huwaran upang makuha Ko ang pinakamaliit na lugar sa puso ng tao. Sa yugtong ito, hindi Ako napapalugod ni lubos na nakikilala ng sangkatauhan; magkagayunman, dahil sa Aking dakilang kapangyarihan, magagawa ng mga tao na magpasakop sa Akin nang buung-buo at titigil sila sa paghihimagsik laban sa Akin, at gagamitin Ko ang halimbawang ito upang talunin si Satanas. Ibig sabihin, gagamitin Ko ang sakop Kong 0.1 porsiyento ng puso ng tao upang supilin ang lahat ng puwersang ginagamit ni Satanas sa sangkatauhan.” Kaya, ngayon ay binabanggit ng Diyos si Pedro bilang isang halimbawa upang magsilbi siyang isang hulmahan na tutularan at susundan ng buong sangkatauhan. Kapag inihalo sa pambungad na talata, nagpapamalas ito ng katotohanan ng sinabi ng Diyos tungkol sa sitwasyon sa espirituwal na dako: “Ang ngayon ay hindi na katulad ng nakaraan: Gagawa Ako ng mga bagay na hindi pa nakita kailanman mula noong panahon ng paglikha, magsasalita Ako ng mga salitang hindi pa narinig sa nakalipas na mga kapanahunan, sapagkat hinihiling Ko na lahat ng tao ay makilala Ako sa katawang-tao.” Mula rito ay malinaw na nagsimula na ang Diyos na kumilos ayon sa Kanyang mga salita ngayon. Nakikita lamang ng mga tao ang nangyayari sa labas, hindi nila nakikita ang tunay na nangyayari sa loob ng espirituwal na dako, kaya nga tuwirang sinasabi ng Diyos: “Ito ang mga hakbang ng Aking pamamahala, ngunit wala ni katiting na ideya ang tao. Bagama’t nagsalita na Ako nang malinaw, nalilito pa rin ang mga tao; mahirap silang paliwanagan. Hindi ba ito ang kaabahan ng tao?” May mga salita sa loob ng mga salitang ito: Ipinaliliwanag ng mga ito na isang digmaan ang nangyayari sa espirituwal na dako, tulad ng inilarawan sa itaas.
Hindi pa lubos na matutupad ang kalooban ng Diyos matapos Niyang ilarawan nang maikli ang kuwento tungkol kay Pedro, kaya humihingi ang Diyos sa tao ng mga bagay tungkol kay Pedro: “Sa buong kosmos at sa kalangitan, sa lahat ng bagay sa langit at sa lupa, lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa at sa langit ay ginagawa ang lahat para sa huling yugto ng Aking gawain. Sigurado kayang ayaw ninyong manatiling mga manonood lamang, na inuutus-utusan ng mga puwersa ni Satanas?” Naliwanagan nang husto ang mga tao matapos magbasa tungkol sa kaalaman ni Pedro, at upang maging higit pang epektibo, ipinapakita ng Diyos sa mga tao ang kahihinatnan ng kanilang kahayupan, kawalan ng pagpipigil, at kawalan ng kaalaman tungkol sa Diyos; bukod pa riyan, sinasabi Niya sa sangkatauhan—minsan pa, at may higit na katumpakan—ang tungkol sa tunay na nangyayari sa digmaan sa espirituwal na dako. Sa gayong paraan lamang mas maingat ang mga tao laban sa pagbihag ni Satanas. Bukod dito, nililinaw nito na kung mahulog ang mga tao sa pagkakataong ito, hindi sila ililigtas ng Diyos na tulad noon sa pagkakataong ito. Kapag pinagsama-sama, pinalalalim ng mga babalang ito ang impresyon ng sangkatauhan tungkol sa mga salita ng Diyos, mas pinahahalagahan ng mga tao ang awa ng Diyos dahil dito, at itinatangi ang mga salita ng babala ng Diyos, upang tunay na matamo ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan.