Kabanata 8

Kapag nagsasalita ang Diyos mula sa pananaw ng Espiritu, ang Kanyang tono ay nakatuon sa buong sangkatauhan. Kapag nangungusap ang Diyos mula sa pananaw ng tao, ang Kanyang tono ay nakatuon sa lahat ng sumusunod sa patnubay ng Kanyang Espiritu. Kapag nangungusap ang Diyos sa ikatlong persona (mula sa tinutukoy ng mga tao na pananaw ng tagamasid), tuwiran Niyang ipinakikita ang Kanyang mga salita sa mga tao, upang makita nila Siya bilang isang komentarista, at sa tingin nila ay lumalabas mula sa Kanyang bibig ang walang-hangganang mga bagay na hindi alam at hindi maarok ng mga tao. Hindi ba ganito nga? Kapag nangungusap ang Diyos mula sa pananaw ng Espiritu, nagugulat ang buong sangkatauhan: “Ang pagmamahal ng mga tao sa Akin ay kakatiting, at ang kanilang pananampalataya sa Akin ay napakaliit. Kung hindi Ko idinirekta ang sidhi ng Aking mga salita sa mga kahinaan ng mga tao, magyayabang sila at magmamalabis, na nangangaral at lumilikha ng magarbong mga teorya, na para bang alam nila ang lahat at napakarunong nila patungkol sa mga bagay sa lupa.” Hindi lamang inihahayag ng mga salitang ito ang tunay na pagkatao ng sangkatauhan at ang posisyon ng Diyos sa puso ng mga tao, kundi inilalantad din ng mga iyon ang buong buhay ng sangkatauhan. Naniniwala ang bawat tao na higit pa sila sa karaniwan subalit ni hindi nila alam na may salitang “Diyos.” Samakatuwid, sila ay nangangahas na lumikha ng magarbong mga teorya. Gayunman, itong “paglikha ng magarbong mga teorya” ay hindi “pagsasalita” ayon sa pagkaunawa rito ng mga tao. Sa halip, nangangahulugan ito na nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga tao. Lahat ng kanilang ginagawa, lahat ng ikinikilos nila ay salungat sa Diyos at tuwirang kumakalaban sa Kanya, at ang diwa ng kanilang mga kilos ay nagmumula kay Satanas at laban sa Diyos, at nilayon upang magkamit ng kalayaan, na kontra sa kalooban ng Diyos. Kaya nga sinasabi ng Diyos na lahat ng tao ay lumilikha ng magarbong mga teorya. Bakit sinasabi ng Diyos na nakatuon ang sidhi ng Kanyang mga salita sa mga kahinaan ng tao? Dahil, alinsunod sa layon ng Diyos, kung hindi Niya inihayag ang mga bagay na nakatago sa kailaliman ng puso ng mga tao, walang sinumang magpapasakop; sa gayon, hindi mauunawaan ng mga tao ang kanilang sarili, at hindi sila magkakaroon ng may takot sa Diyos na puso. Sa madaling salita, kung hindi inilantad ang mga layon ng mga tao, mangangahas silang gumawa ng anuman—marahil ay tuwiran pang magbato ng mga sumpa sa Langit o sa Diyos. Mga kahinaan ito ng tao. Samakatuwid, ganito ang sinasabi ng Diyos: “Naglilibot Ako sa lahat ng sulok ng mundo ng sansinukob sa walang-katapusang paghahanap sa mga yaon na nakaayon sa Aking layon at akma na kasangkapanin Ko.” Ang pahayag na ito, kasabay ng sinabi kalaunan tungkol sa pagsaludo ng kaharian na pormal na umaalingawngaw, ay malinaw na ipinapakita na ang Espiritu ng Diyos ay abala sa bagong gawain sa lupa; kaya lamang ay hindi ito nakikita ng pisikal na mga mata ng mga tao. Dahil sinasabi na ang Espiritu ay nasa lupa at gumagawa ng bagong gawain, sumasailalim din ang buong mundo ng sansinukob sa napakahalagang pagbabago: Hindi lamang nagsisimula ang mga anak ng Diyos at ang mga tao ng Diyos na tanggapin ang patotoo tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos, kundi higit pa rito, tinatanggap din ito ng bawat relihiyon at denominasyon, bawat klase ng pamumuhay at lugar sa iba-ibang antas. Isa itong malaking pagkilos ng mundo ng sansinukob sa espirituwal na dako. Niyayanig nito ang buong relihiyosong mundo hanggang sa pusod nito, na siyang tinutukoy ng binanggit kanina na “lindol.” Sumunod, pormal na sinisimulan ng mga anghel ang kanilang gawain at bumabalik ang mga tao ng Israel sa kanilang tahanan, hindi na muling gagala kailanman, at nagsisimulang tanggapin ng lahat ng kabilang na maakay. Sa kabilang dako, nagsisimulang kumalas ang mga taga-Ehipto mula sa saklaw ng Aking pagliligtas; ibig sabihin, tumatanggap sila ng Aking pagkastigo (ngunit hindi pa iyan pormal na nagsisimula). Kaya, kapag ang mundo ay sabay-sabay na sumailalim sa ilang malalaking pagbabago, iyon din ang panahon na pormal na umaalingawngaw ang pagsaludo ng kaharian, isang panahon na tinawag ng mga tao na “ang panahon kung kailan nagsisimulang gumawa ang Espiritung pitong beses na pinaigting.” Tuwing ginagawa ng Diyos ang gawaing pagbawi, sa mga yugtong ito (o sa mga panahong ito ng pagbabago), walang sinumang nakararamdam sa gawain ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, ang mga salita ng Diyos na, “kapag nawawalan ng pag-asa ang mga tao” ay totoo. Bukod pa riyan, sa bawat isa sa mga yugtong ito ng pagbabago, kapag nawawalan ng pag-asa ang sangkatauhan, o kapag nadarama nila na maling daloy ito, nagsisimulang muli ang Diyos at isinasagawa Niya ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, nabawi ng Diyos ang Kanyang gawain at nabago ang mga pamamaraan ng Kanyang gawain sa gayong paraan. Bagama’t karamihan sa mga tao, sa iba-ibang antas, ay naiintindihan ang ilang aspeto ng gawaing ito, sa huli ay natatangay pa rin sila ng malakas na agos ng tubig, sapagkat napakaliit ng kanilang tayog; hindi nila maintindihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, kaya nga sila ay inaalis. Gayunman, ganito rin ang paraan ng Diyos sa pagdadalisay sa mga tao, at ito ang paghatol ng Diyos sa mga lumang kuru-kuro ng sangkatauhan. Kapag mas matatag ang pundasyon ng mga tao, mas matindi ang kanilang mga relihiyosong kuru-kuro tungkol sa Diyos, na nahihirapan silang isantabi; lagi silang nakakapit sa mga lumang bagay, at mahirap para sa kanila ang tumanggap ng bagong liwanag. Sa kabilang banda, kung nakatayo ang isa, kailangang magkaroon ng ilang pundasyon ang isang tao na masasandigan, subalit karamihan sa mga tao ay nahihirapang pawalan ang kanilang mga kuru-kuro. Totoo ito lalo na sa kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon, isang puntong malinaw na nakikita.

Sa mga salita ngayon, maraming sinabi ang Diyos tungkol sa mga pangitain, at hindi na kailangang liwanaging mabuti. Binabanggit ng Diyos una sa lahat kung paano inilalatag ng pagtatayo ng iglesia ang pundasyon para sa pagtatayo ng kaharian. Mas partikular pa, samantalang itinatayo ang iglesia, ang pangunahing layunin ay kumbinsihin ang mga tao kapwa sa puso at sa salita, kahit hindi pa nila nakikilala ang Diyos na nagkatawang-tao gamit ang sarili nilang mga mata. Kahit may pananampalataya sila sa kanilang puso, hindi nila kilala ang Diyos na nagkatawang-tao, dahil sa yugtong iyon ay hindi Siya naiiba sa tao. Sa Kapanahunan ng Kaharian, kailangang ipakita ng lahat ang kanilang matibay na paniniwala sa kanilang puso, kanilang pananalita, at kanilang mga mata. Sapat na ito para ipakita na para maipakita ng lahat ang matibay na paniniwala sa kanilang puso, kanilang pananalita, at kanilang mga mata, kailangan silang tulutang makilala ang Diyos na nabubuhay sa katawang-tao gamit ang kanilang pisikal na mga mata—nang hindi napipilitan, ni hindi sa mababaw na paniniwala, kundi nang may kaalaman na nagmumula sa matibay na paniniwala sa kanilang puso at bibig. Samakatuwid, sa yugtong ito ng pagtatayo, walang awayan o patayan. Sa halip, maaakay ang mga tao sa kaliwanagan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan nito ay maaari silang magsikap at magsaliksik, upang makilala nila nang di-namamalayan ang Diyos na nagkatawang-tao. Samakatuwid, para sa Diyos, ang yugtong ito ng gawain ay mas madali, dahil hinahayaan nitong kusang mangyari ang mga bagay-bagay at hindi pasalungat sa sangkatauhan. Sa huli, aakayin nito ang mga tao na likas na makaalam tungkol sa Diyos, kaya huwag mag-alala o mabalisa. Nang sabihin ng Diyos, “Ang kalagayan ng digmaan sa espirituwal na dako ay ginagawang malinaw nang tuwiran sa lahat ng Aking tao,” ang ibig Niyang sabihin ay kapag pumasok ang mga tao sa tamang landas at nagsimulang makilala ang Diyos, hindi lamang tinutukso ni Satanas ang kalooban ng bawat tao, kundi maaari din silang matukso ni Satanas sa iglesia mismo. Gayunman, ito ang landas na kailangang tahakin ng lahat, kaya hindi kailangang mangamba ang sinuman. Maaaring dumating ang panunukso ni Satanas sa iba-ibang anyo. Maaaring kaligtaan o talikuran ng isang tao ang sinasabi ng Diyos, at maaari siyang magsalita ng mga negatibong bagay para pawiin ang pagiging positibo ng ibang mga tao; gayunman, karaniwan ay hindi nakukumbinsi ng taong iyon ang ibang mga tao na pumanig sa kanila. Mahirap itong mahiwatigan. Ang pangunahing dahilan nito ay: Maaaring aktibo pa ring dumadalo sa mga pagtitipon ang taong iyon, ngunit hindi malinaw sa kanya ang mga pangitain. Kung hindi mag-iingat ang iglesia laban sa kanila, maaaring matangay ng kanilang pagkanegatibo ang buong iglesia para manlamig sila sa Diyos, at sa gayon ay hindi nila bigyang-pansin ang mga salita ng Diyos—at mangangahulugan ito na tuluyan silang mahuhulog sa tukso ni Satanas. Maaaring hindi tuwirang maghimagsik ang taong iyon laban sa Diyos, ngunit dahil hindi niya maarok ang mga salita ng Diyos at hindi kilala ang Diyos, maaari pa siyang magreklamo o magkaroon ng sama ng loob. Maaari niyang sabihin na tinalikuran na siya ng Diyos at sa gayon ay wala siyang kakayahang tumanggap ng kaliwanagan at pagtanglaw. Maaari niyang naising umalis, ngunit medyo takot siya, at maaari niyang sabihin na hindi nagmumula sa Diyos ang gawain ng Diyos kundi sa halip ay gawain iyon ng masasamang espiritu.

Bakit napakadalas banggitin ng Diyos si Pedro? At bakit Niya sinasabi na kahit si Job ay malayong makapantay sa kanya? Sa pagsasabi ng gayon, hindi lamang bibigyang-pansin ng mga tao ang mga gawa ni Pedro, kundi isasantabi rin nila ang lahat ng halimbawang nasa kanilang puso, dahil maging ang halimbawa ni Job—na may pinakamalaking pananampalataya—ay hindi maaari. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkamit ng mas magandang resulta, kung saan nagagawang isantabi ng mga tao ang lahat sa pagsisikap na gayahin si Pedro, at, sa paggawa nito, mapapalapit sila nang isang hakbang sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos. Ipinapakita ng Diyos sa mga tao ang landas ng pagsasagawang tinahak ni Pedro para makilala ang Diyos, at ang layuning gawin iyon ay para bigyan ng batayan ang mga tao. Pagkatapos ay nagpapatuloy ang Diyos na hulaan ang isa sa mga paraan na tutuksuhin ni Satanas ang mga tao nang sabihin Niyang, “Gayunman, kung nanlalamig ka at wala kang pakialam sa Aking mga salita, walang dudang kontra ka sa Akin. Ito ay totoo.” Sa mga salitang ito, hinuhulaan ng Diyos ang mga tusong pakanang susubuking gamitin ni Satanas; babala ang mga ito. Hindi posibleng mawalan ng pakialam ang lahat sa mga salita ng Diyos, subalit magkagayunman, may ilang taong mabibihag ng tuksong ito. Samakatuwid, sa huli, muling binibigyang-diin ng Diyos, “Kung hindi ninyo alam ang Aking mga salita, ni hindi ninyo tinatanggap ang mga ito, ni hindi ninyo isinasagawa ang mga ito, siguradong magiging mga pakay kayo ng Aking pagkastigo! Siguradong magiging mga biktima kayo ni Satanas!” Ito ang payo ng Diyos sa sangkatauhan—subalit sa huli, tulad ng hula ng Diyos, hindi maiiwasang maging biktima ni Satanas ang isang bahagi ng mga tao.

Sinundan: Tungkol sa Buhay ni Pedro

Sumunod: Kabanata 9

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito