32. Ang Espiritu Ko’y Pinalaya

Ni Mibu, Spain

Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao(“Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Dahil sa pag-awit sa himnong ito ng mga salitang ito ng Diyos, naalala ko ang isang karanasan ko ilang taon na ang nakalipas.

Noong Oktubre ng 2016, in-upload sa Internet ang isang music video na may awitan at sayaw kung saan tumulong akong mag-choreograph. Gustong-gusto ito ng mga kapatid, at inirekomenda nilang pamunuan ko ang dance team ng iglesia. Sa sobrang pagkasabik ko, nanalangin ako sa Diyos na magpapatotoo ako sa Kanya sa pamamagitan ng pagtupad nang mabuti sa aking tungkulin sa iglesia. Kamangha-manghang nakuha agad ng dance team ang kanilang gawain. Lumapit sa akin ang mga kapatid para matulungan ko sila sa mga hamon ng pagsasayaw. At siyempre, yumabang talaga ako dahil doon, at pakiramdam ko, ako’y napakaimportanteng talento sa iglesia. Hindi nagtagal, dumating si Sister Ye para magtrabaho kasama ko, ayon sa itinakda ng lider ng iglesia. Sobrang saya ko dahil dito. Naisip ko, “May propesyonal na karanasan sa pagsasayaw si Sister Ye, at mahusay siya sa iba’t ibang estilo ng sayaw kaysa sa akin. Puwede naming mapunan ang isa’t isa, at magiging mahusay kami sa aming tungkulin.” Makalipas ang ilang panahon, naghahanda kaming mag-shoot ng isang music video, at mas malalim ang mga ideya ni Sister Ye para sa koreograpiya kaysa sa akin. Tila gusto ng lahat ang mga iyon. Hindi ako gaanong natuwa rito, at naisip ko, “Ano’ng iisipin ng iba sa akin ngayon? Iisipin ba nilang hindi ko mapapantayan si Sister Ye? Kung mahihigitan niya ako, magiging importante pa ba ang papel ko sa pangkat na ito?” Tapos, nagsimulang lumapit ang iba kay Sister Ye kapag nagkakaroon sila ng problema, at nabahala talaga ako. Ako ang namumuno, pero siya ang hinahanap nila at hindi ako. Ibig sabihin niyon, mas gusto nila siya, hindi ba? Parang hindi tama iyon, kaya nagpasya akong gumawa ng talagang magandang palabas para patunayang kasinggaling ko lang siya.

Kalaunan, hinati namin ni Sister Ye ang aming mga trabaho para punan ang gawain. Ako ang bahala sa music video, at siya naman ang bahala sa palabas sa entablado. Talagang natuwa ako rito. Kapag magkasama kaming nagtatrabaho dati, ramdam kong nasasapawan ako. Gusto kong samantalahin ang pagkakataon at patunayan sa lahat na mas magaling ako sa kanya. Maraming oras akong nagsaliksik ng mga bagong galaw at estilo para gumawa ng pinakamagandang music video, pero noong nakita kong malapit na siyang matapos sa kanyang produksyon ng sayaw, habang hindi pa tapos ang aking koreograpiya, nabahala ako at hindi mapakali. Kaya nagsimula akong magmadali. Mahigpit ako sa mga kapatid sa mga ensayo namin. Minsa’y pagalit kong pinagsabihan ang isang kapatid noong mali ang ginagawa niyang galaw sa sayaw. Natatakot ako na kung hindi maganda ang kanyang sayaw, hindi magiging kasingganda ng kay Sister Ye ang palabas ko. Bago mag-shoot, napuna ng isang kapatid na walang gaanong sayaw sa pambungad. At talagang tama siya, pero wala akong nasagot sa oras na iyon kaya minungkahi niyang kausapin ko si Sister Ye. Talagang hindi ako masaya na marinig ito. Kung lalapitan ko siya at hihingan ng tulong, hindi ba magmumukhang wala akong kakayahan? Kapag nasangkot pa si Sister Ye, hindi ba’t makukuha niya ang pagkilala sa huli? Naglaan ako ng aking oras, aking lakas para maging maganda ang huling produkto. Kaya hindi ako magtatanong sa kanya. Sabi ko, “Huwag nating pagtuonan ang maliliit na detalye. Kapag na-shoot na, puwede nating tingnan ang huling produkto.” Kalaunan, pinanood ng lider ang aming music video at sinabing hindi ito nagpapatotoo sa Diyos, at pinapaulit sa amin. Sobrang nadismaya ako, para bang sinaksak ang puso ko. Naisip ko, “Ngayon, makikita na ng lahat kung ano talaga ako. Gayunma’y makikita nila na hindi ako kasinggaling ni Sister Ye, na hindi ako kwalipikado. Paano ko mapapamunuan ngayon ang pangkat?” Pagkatapos niyon, hindi ko maalis sa isip ko ang reputasyon ko. Hindi ako makatulog sa gabi. Nakakaidlip ako sa mga pagtitipon, nagpapabaya sa tungkulin ko.

At kaya naman lumapit sa akin ang lider ko. Nang makita niyang hindi ko kilala ang sarili ko, inilantad niya ako, at sinabing naiinggit ako kay Sister Ye para sa sarili kong katanyagan, at hindi ko naisaalang-alang ang gawain ng simbahan, at makasarili ako. Sinabihan niya akong magnilay, at tapos ay binasahan ako ng mga salita ng Diyos: “Sa sandaling pumasok na sa usapan ang posisyon, mukha, o reputasyon, lumulukso sa pag-asam ang puso ng lahat, at gusto palagi ng bawat isa sa inyo na mamukod-tangi, maging tanyag, at makilala. Lahat ay ayaw sumuko, sa halip ay palaging nagnanais na makipagtalo—kahit nakakahiya at hindi tinutulutan ang pagtatalo sa sambahayan ng Diyos. Gayunman, kung walang pagtatalo, hindi ka pa rin kuntento. Kapag nakikita mong may ibang namumukod-tangi, naiinggit ka, namumuhi, at na hindi iyon patas. ‘Bakit hindi ako namumukod-tangi? Bakit palagi na lang ang taong iyon ang namumukod-tangi, at hindi ako kahit kailan?’ Sa gayo’y naghihinanakit ka. Sinusubukan mo itong pigilin, ngunit hindi mo magawa. Nagdarasal ka sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam mo sandali, ngunit kapag naharap kang muli sa ganitong sitwasyon, hindi mo ito madaig. Hindi ba iyan tayog na kulang pa sa gulang? Hindi ba isang patibong ang pagkahulog ng isang tao sa gayong katayuan? Ito ang mga kadena ng likas na katiwalian ni Satanas na gumagapos sa mga tao. … habang nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang paligid mo, at lalo kang maiinggit at mamumuhi, at lalong titindi ang hangarin mong magtamo. Habang mas tumitindi ang hangarin mong magtamo, lalo mo itong di matatamo, at habang mas kaunti ang natatamo, mas namumuhi ka. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Kapag lalong nagdilim ang iyong kalooban, lalo mong hindi magagampanan ang iyong tungkulin; kapag lalo mong hindi nagagampanan ang iyong tungkulin, lalo kang mawawalan ng silbi. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, kung gayon ay unti-unti kang aalisin(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Tinamaan talaga ako sa mga salitang ito ng Diyos. Ibinunyag sa akin ng Diyos nang husto ang sarili kong katayuan. Naiinggit ako sa mga talento ni Sister Ye at iniisip ko lang ang tungkol sa pangalan ko. Nakakagalit iyon. Inisip ko kung paanong dati’y talagang sobrang naiinggit ako mula pa noong sumali si Sister Ye sa pangkat at ipinakita ang kanyang talento. Natakot na ako na titingalain siya ng iba, at magiging banta ito sa posisyon ko. Gusto kong patunayan ang sarili ko, pakiramdam ko kailangan kong makipagkumpitensya sa kanya. Noong napansin kong mas mabilis na umuusad ang kanyang programa ng sayaw kaysa sa akin, talagang naging mahigpit ako para hindi niya mapag-iwanan. Malinaw na dapat nilapitan at kinausap ko si Sister Ye. Pero humanap ako ng mga dahilan para umiwas sa kanya, takot na aagawin niya ang lahat ng pagkilala. Kaya hindi naayos kaagad ang ilang isyu, at kahit matapos ang sobrang pagsisikap ng mga kapatid, hindi iyon sapat para magsilbing patotoo sa Diyos. Noong itinakda ng lider ng iglesia na magtrabaho si Sister Ye kasama ko, iyon ay para pagsamahin namin ang aming mga kalakasan at magpatotoo sa Diyos sa pamamagitan ng mga palabas, pero talagang hindi ko isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Ginambala ko ang gawain ng simbahan sa parating pakikipagpaligsahan para umangat ang pangalan ko. Nilabanan ko ang Diyos, at wala akong ginawa kundi masasamang gawa. Pinagsisihan ko ang lahat nang maisip ko ito. Nanalangin ako sa Diyos at ayoko nang mainggit pa sa tagumpay ng iba. Gusto kong magsisi, magtrabaho nang mabuti kasama si Sister Ye, at gawin ang aming tungkulin at maging maganda ang trabaho nang magkasama.

Pagkatapos niyon, nagtulungan kami sa mga koreograpiya, at medyo bumuti ang saloobin ko. May mga panahong nakakaramdam pa rin ako ng inggit sa kanya, pero alam kong dapat kong itaguyod ang gawain ng iglesia, hindi ang sarili kong mga interes. Sinadya kong talikdan ang laman at ang aking sarili, habang iniisip ko kung paano ako makikipagtulungan sa kapatid ko para mapabuti ang plano. Kapag may nakakaharap kaming mga problema, madalas kaming nagtutulungan, at nagtatapat tungkol sa aming mga katiwalian at hinahanap ang katotohanan para malutas ito. Tapos ay mabilis kaming pinagpala ng Diyos, at lumabas na maganda ang koreograpiya. Naging payapa ang loob ko sa pagsasagawa ng katotohanan.

Makalipas ang ilang buwan, magkasama kaming nagtatrabaho ni Sister Ye sa isang palabas. Mabilis na umusad ang mga bagay sa simula, at nagustuhan ng mga kapatid ang paraan kung paano namin inayos ang mga sayaw. Talagang natuwa ako sa sarili ko. Tapos, isang araw, tinanong ng lider kung kumusta ang mga bagay, at ang sagot ko, “Nakakausad kami.” Pagkatapos ay sumabad ang isang kapatid, “Napakahuhusay ng mga ideya ni Sister Ye, mukhang maganda rin ang pangkalahatang kaayusan.” Talagang nainis ako dahil doon, kaya naisip ko, “Bakit mo sasabihin iyon? Ang alam ng lahat ngayon ay galing kay Sister Ye ang mga ideya para sa sayaw at hindi ako makakakuha ng kahit anong pagkilala. Kailangan kong mag-isip ng paraan para may makamit ako. Kung wala iyon, ano ang iisipin ng lahat sa akin?” Minsan sa isang praktis, nag-isip ako ng bago at akrobatikong galaw. At nasasabik na naisip ko, “Mahusay talaga ako sa akrobatika. Basta’t kung sasanayin namin ito nang mabuti, hindi lang nito mapapaganda ang koreograpiya, kundi papahalagahan din ng lahat ang mga kalakasan ko. Tapos sa wakas ay hahangaan ng lahat ang lahat ng gawain ko.” Pero sumunod na araw, noong tinuturo ko ang galaw na iyon sa mga kapatid, nagbigay sila ng puna na masyado itong mabilis, na mahirap ito. Noong gabing iyon, nagbabala sa akin ang isang kapatid, “Madaling masasaktan ang mga tao sa galaw na iyon. Sa tingin ko, hindi iyon ligtas.” Nag-alala ako na baka palitan nila ang bagong galaw ko, at paano ko na maikukumpara ang sarili ko kay Sister Ye? Kaya hinikayat ko ang lahat na subukan ulit, at sumuko lang ako nang mahulog ang ilang kapatid at mapinsala ang kanilang mga sarili. Nadismaya ako at talagang nalungkot. Kaya humingi ako ng tawad sa pangkat at binago ang galaw, pero hindi ako nagnilay sa sarili ko sa kabila ng nangyari. Nakatakda na agad magsimula ang shoot pagkatapos niyon. Nagtanghal kaming pareho ni Sister Ye. Habang kinukunan ng video, sa tingin ko ay hindi ako nakasayaw nang mabuti sa isa sa mga kuha, kaya nakiusap ako sa direktor na kunan ulit ako. Pero nakita ko pagkatapos na maraming kuha kay Sister Ye na kita ang mukha niya, at ang tanging malapit na kuha sa akin ay mula sa gilid ko. Nasiraan ako ng loob. Sa mga sumunod na shoot, hindi ko na magawang ngumiti, at walang-sigla ang pagsasayaw ko. Nakatuon ako at naisip ko na: kaya kong sumayaw nang mas magaling kaysa kay Sister Ye. Wala akong lakas ng loob na panoorin ang mga eksena ng sayaw na dapat sinusuri ko. Wala akong pakialam kung ang palabas ay nagpatotoo sa Diyos o hindi. At kaya noong lumabas ang video, sinabi ng lahat na masyadong pigil at matigas ang pagsasayaw. Hindi lang ito hindi naging patotoo sa Diyos, kahiya-hiya rin ito sa Diyos. Kalaunan, sinabi ng lider na nakikipagpaligsahan ako para sa pangalan at pakinabang, at hindi ko nagagawa ang tungkulin ko, at nagdesisyon siyang tanggalin ako. Talagang dismayado ako. Sa simula’y gusto ko lang pasayahin ang Diyos, pero nakipagpaligsahan ako para sa pangalan, lahat ng programang binuo ko ay nagbigay ng kahihiyan sa Diyos. Isa itong kasalanan. Nawalan ako ng pagkakataon na gawin ang tungkulin ko sa pamamagitan ng sayaw. Umiyak ako nang sobra.

Paulit-ulit kong inisip, “Alam kong ang paglaban para sa pangalan at pakinabang ay maling bagay na gawin, kaya bakit hindi ko mapigil ang sarili ko sa palaging paghahabol ng mga bagay na iyon? Ano ang totoong dahilan?” Sa oras ng debosyonal, binasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos. “Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang naiisip ng mga tao ay pawang katanyagan at pakinabang na lamang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagbabata ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, isinasakripisyo ang lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at gagawa sila ng anumang paghatol o pagpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Walang kaalam-alam nilang dinadala ang mga kadenang ito at lumalakad nang may matinding paghihirap. Para sa kapakanan ng katanyagan at pakinabang na ito, ang sangkatauhan ay lumalayo sa Diyos at pinagtataksilan Siya at mas lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, nasisira ang sali’t salinlahi sa katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga pagkilos ni Satanas, hindi ba kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil hindi pa rin ninyo nakikita ngayon nang malinaw ang masasamang motibo ni Satanas sapagka’t iniisip ninyo na hindi maaaring mabuhay kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kapag iniwan ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa hinaharap, hindi na makikita ang kanilang mga layunin, na ang kanilang hinaharap ay magiging madilim, malamlam at mapanglaw. Subali’t, dahan-dahan, isang araw ay makikilala ninyong lahat na ang katanyagan at pakinabang ay parang halimaw na mga kadena na ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Hanggang sa sumapit ang araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at lubusang lalabanan ang mga kadena na ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Kapag dumating ang oras na nanaisin mong iwaksi ang lahat ng bagay na ikinintal sa iyo ni Satanas, ikaw sa gayon ay ganap na hihiwalay kay Satanas at tunay mong kamumuhian ang lahat ng idinulot sa iyo ni Satanas. Sa gayon lamang magkakaroon ng isang totoong pag-ibig at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang mga taktika at masamang intensyon ni Satanas sa pagtitiwali sa sangkatauhan. Ginagamit nito ang katanyagan at pakinabang para kontrolin ang mga tao at gawin silang tiwali upang sila’y maging ubod ng sama at tiwali, at labanan nila ang Diyos at gumawa ng masama. Naturuan at naimpluwensiyahan ako ni Satanas simula pa noong maliit ako. Ang “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan kahit saan man siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad” ay ang mga satanikong prinsipyo na nakaugat sa loob ko. Saan mang grupo ako napapabilang, gusto kong maging katangi-tangi, hangaan, purihin. Nainggit ako nang makakita ng isang tao na nangingibabaw, at ginawa ko ang lahat ng kaya ko para umangat, laging nagpupunyagi para sa pangalan at pakinabang, ginawang miserable ng mga panlilinlang ni Satanas. Lalo rin akong naging mapagmataas at malupit. Gusto kong higitan si Sister Ye gamit ang mga teknikal na kasanayan ko, ipakita ang mga talento ko, at wala akong pakialam kung kaya ba ng mga nagtatanghal na gawin ito, na nauwi sa pagkakapinsala ng ilang mga kapatid. Habang kumukuha kami ng video, gusto kong gamitin ang malalapit na kuha sa akin para ipakita na mas magaling ako kaysa kay Sister Ye, at dahil sa tingin ko’y mukhang hindi perpekto ang mga galaw ko, pinaulit ko sa direktor ang mga kuha, at inaabala ko pa ang trabaho. At noong gilid lang ng mukha ko ang nalagay sa video, at kita ang mukha ni Sister Ye sa mga kuha sa kanya, napuno ako ng sama ng loob at nabuhay sa pagiging negatibo, at hindi nakatuon sa paggawa sa tungkulin ko nang mabuti. Bilang resulta, naging kahihiyan sa Diyos ang pagsasayaw ko. Ang koreograpiya ko ay hindi para pagsilbihan ang Diyos, kundi para pagsilbihan ang sarili ko. Ang pakikipaglaban ko para sa katanyagan ay naging seryosong hadlang sa gawain ng iglesia at talagang nakasakit sa mga nasa paligid ko. Sobrang nakakagalit at nakakasuklam sa Diyos ang pag-uugali ko! Pumasok sa isip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Ang ‘masamang gawi’ ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi sa masamang bukal kung saan nagmumula ang pag-uugali ng mga tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Ipinakita ng mga salita ng Diyos na tinanggal ako dahil nakagawa ako ng ilang masasamang bagay. Nangyari ito dahil ang landas na kinatatayuan ko ay masama at gayon din ang ugat ng mga kilos ko. Simula nang magtrabaho ako kasama si Sister Ye, parati akong nakikipaglaban para sa sarili kong mga interes, at nagsasagawa ng personal na pagsisikap. Ibig sabihin, nilalabanan ko ang Diyos. Para bang napuno ako ng pangamba. Nakita kong nilalabanan ko ang Diyos sa pamamagitan ng paghahabol sa pangalan at katayuan, at kung hindi ako magsisi, sa huli’y parurusahan at aalisin ako. Labis akong nakonsensya. Tumangis ako at nanalangin sa Diyos. “Diyos ko! Nawalan ako ng tungkulin. Naibubunyag sa akin ang Iyong katuwiran, at alam kong iniingatan Mo ako. Maraming salamat sa pagpigil Mo sa masasamang landas ko bago pa mahuli ang lahat. Sa Iyo’y nagsisisi ako.”

Sa mga sumunod na araw, nangaral ako ng ebanghelyo sa iglesia at nagnilay sa sarili. Sa tuwing naiisip ko ang tungkol sa mga bagay na nagawa ko para sa pangalan at pakinabang, nakakaramdam ako ng pagsisisi. Kinamuhian ko ang sarili ko sa hindi pagpapahalaga sa pagkakataong ibinigay ng Diyos sa akin. Noong muli kong pinanood ang mga music video, gusto ko talagang bumalik, at magsimula ulit sa umpisa, pero siyempre, hindi na tayo puwedeng bumalik sa oras. Siyempre, ang magagawa ko na lang ngayon ay matuto sa mga pagkakamali ko, at gawin nang mabuti ang bago kong tungkulin. Pero sa gulat ko, pinasali ulit ako ng lider ng iglesia sa pangkat makalipas ang isang buwan. Sobrang naantig ako sa balitang ito at hindi ko talaga mapigilan ang mga luha ko, at napagpasiyahan kong hindi na ako maghahabol sa pangalan at pakinabang, na pahahalagahan ko ang pagkakataong ito, para suklian ang pagmamahal ng Diyos at makipagtulungan sa lahat, at gawin ang tungkulin ko nang mabuti.

Minsan, matapos muling sumali sa pangkat, binanggit ni Sister Ye na hindi ayon sa pamantayan ang isang galaw sa sayaw na naituro ko sa iba. Nakaramdam ako ng pagkahiya sa oras na iyon, at naisip ko pagkatapos, “Paano mo nagawang punahin ako sa harap ng iba sa ganoong paraan? Talagang iisipin nila ngayon na mas magaling ka kaysa sa akin. Hindi puwedeng bumaba ang tingin nila sa akin. Propesyonal pa man din ako. Alam mo ring hindi ganooon kaperpekto ang mga galaw mo sa sayaw.” Gusto kong ibasura ang mga galaw na itinuro niya, at tapos ay napagtanto kong sarili ko na naman ang iniisip ko, kaya nanalangin ako sa Diyos sa puso ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos pagkatapos ng panalangin ko: “Kung sa mas mapanganib na sandali, mas nagagawa ng mga tao na magpasakop at talikdan ang kanilang sariling mga interes, kahambugan, at kayabangan, at isagawa nang wasto ang kanilang mga tungkulin, saka lamang sila aalalahanin ng Diyos. Iyon ay pawang mabubuting gawa! Anuman ang gawin ng mga tao, alin ang mas mahalaga—ang kanilang kahambugan at kayabangan, o ang kaluwalhatian ng Diyos? (Kaluwalhatian ng Diyos.) Alin ang mas mahalaga—ang iyong mga responsibilidad, o ang sarili mong mga interes? Ang pagganap sa iyong mga responsibilidad ang pinakamahalaga, at tungkulin mo ang mga ito. … unahin mo ang iyong sariling tungkulin, ang kalooban ng Diyos, ang pagpapatotoo para sa Kanya, at ang sarili mong mga responsibilidad. Ito ay isang napakagandang paraan ng pagpapatotoo, at naghahatid ito ng kahihiyan kay Satanas!(“Pagtatamo sa Diyos at sa Katotohanan ang Pinakamasaya sa Lahat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). May nagliwanag sa loob ko. Hindi ba ang sitwasyon na ito ay paraan ng pagsubok ng Diyos sa akin? Sa tuwing nagkakaroon ng hidwaan sa pagitan ng mga sariling interes ko at interes ng iglesia, dapat akong tumuon sa pagtugon sa kalooban ng Diyos, pagsasagawa ng katotohanan at pagpapahiya kay Satanas. Nang kumalma ako, naunawaan ko na hindi ko naituro sa kanila ang galaw nang tama. Naging tapat si Sister Ye at napahiya ako noon, pero tinanggap ko ang suhestiyon niya, dahil alam kong tama siya. Kaya matapos isantabi ang sarili ko sa wakas, nagtrabaho kami agad nang magkasama at tinapos ang koreograpiya. Naramdaman ko ring talagang tinutupad ko ang tungkulin ko sa ganoong paraan.

Ipinakita talaga ng karanasang iyon sa akin na ang paghatol ng Diyos ay ang Kanyang pagliligtas at pagmamahal para sa akin. Talagang ginising ako ng paghatol ng Diyos at ipinakita sa akin ang mga panganib ng paghahabol sa pangalan at pakinabang. Tinama niyon ang mali kong pananaw. At sinimulan kong gawin ang tungkulin ko at hanapin ang katotohanan nang mapagkumbaba. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 31. Pagiging Tapat sa Aking Tungkulin

Sumunod: 33. Mga Tanikala ng Kasikatan at Kasakiman

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito