44. Nakikita Ko Na sa Wakas ang Katotohanan Tungkol sa Sarili Ko
Ang tungkulin ko noong 2018 sa iglesia ay pagsasalin ng mga dokumento, kasama ko sina Sister Zhang at Sister Liu. Maayos naman ang pagsasama namin. Minsan naming ibinahagi kung paano kinikilala’ng isang huwad na pinuno: Ito ang pagtataya ni Sister Liu sa huwad na pinuno: “Pinapalitan niya ang mga tao nang walang prinsipyo. Nilipat niya si Sister Zhang pero hinayaan niyang manatili iyong isang kapatid sa grupo kahit hindi naman talaga iyon kasing-sigasig o kasing-sipag sa tungkulin niya.” At noong oras na binasa iyon ng isa pang pinuno sa harap ng mga kapatid, biglang namula ang mukha ko. Naramdaman kong malupit ang mga salita ni Sister Liu. Pinilit ko na manatiling kalmado, pero sa loob ko, puno ako ng ligalig. Tatatlo lang naman kami sa grupo namin eh, at tiyak akong ako iyong binanggit niya. Pakiramdam ko iisipin ng lahat na hindi ako ganoon kasigasig o kasipag sa tungkulin ko. Ano pang mukha ang maihaharap ko matapos ang lahat ng iyon? Simula noon, nagkaroon na ako ng sama ng loob kay Sister Liu at unti-unti kaming naging malayo sa isa’t isa.
Hindi nagtagal, siya ang napiling maging pinuno ng grupo. Talagang maingat at matiyaga siya sa gawain, maingat niyang sinusuri ang lahat ng mga isinalin ko. Pinanatili ko ang positibo kong saloobin noong una, pero kalaunan, lumaban na ako sa kanya. Pakiramdam ko kasi, matagal ko nang ginagawa ang tungkuling iyon pero wala pa rin siyang tiwala sa akin, na para bang may kakulangan ang kakayahan ko. Binibigyan niya rin ako ng mga suhestiyon paminsan-minsan, kaya pakiramdam ko, hinahamak niya ako at pinahihirapan. Ang talagang hindi ko matagalan ay iyong kapag pinag-uusapan namin ang gawain namin, lagi niyang inuungkat iyong mga pagkukulang ko sa harap mismo noong taong namumuno sa amin. Naisip ko, “Hindi ba parang sinusubukan mong pasamain ang imahe ko sa harap ng pinuno natin?” Lumaki nang lumaki ang hinanakit ko sa kanya, pati ang sama ng loob ko sa kanya. Matapos iyon, kapag nakakasama ko siya sa gawain, ayaw ko na siyang makita, naiirita ako sa kanya. Ayoko ng kinukumusta niya ang gawain ko at sumisimangot ako kapag nagbibigay siya ng suhestiyon. Minsan iniisip ko kung papaano ko ba magagawang bawasan ang yabang niya. Noong may makita akong mga problema sa tungkulin niya, ayoko siyang tulungan, sa halip, hindi ko siya gaanong inisip at hinangad ko pa ngang magkaproblema siya para maturuan siya ng leksyon. Minsan, nagtapat si Sister Liu sa isang pagtitipon, sabi niya, nasasakal daw siya sa akin, masyado raw mainitin ang ulo ko at hindi niya alam kung paano ako pakisamahan. Pagkasabi niya noon, talagang sumiklab ang galit ko sa kanya. Naisip ko, “Kunwari nagtatapat ka, pero ang totoo, sinusubukan mo lang akong ilantad sa iba. Ngayong alam na ng lahat na nasasakal ka dahil sa init ng ulo ko, ano’ng iisipin nila sa akin?” Lalo akong nagalit habang mas iniisip ko iyon. Pakiramdam ko sinusubukan niya akong sirain. Nagkaroon ako ng pagkiling laban sa kanya’t sumimangot at nanahimik hanggang sa dulo ng pagtitipon. Matapos iyon, napansin ni Sister Liu na tahimik ako, kaya lumapit siya at tahimik niyang sinabing, “Mukhang masama ang loob mo, at hindi ka nagsalita kanina. Kung mayroon ka mang iniisip, pwede nating pag-usapan iyon. Kung may pagkukulang ako, ipaalam mo rin sa akin.” Pero hindi ko matagalan na makita siya, nasusuklam ako sa kanya. Naisip ko, “Nagtanong ka pa talaga? Sino ang matutuwa sa ganoong paraan ng ‘pagtatapat’ mo?” Pagkatapos noon, naupo siya sa tabi ko. Tapos tiningnan ko siya na puno ng pangmamata, at hindi ko na napigil ang galit ko habang naiisip ko iyong ginawa niyang pagpuna sa akin sa harap ng lahat. Inilabas ko sa kanya ang lahat ng kamalian niya at ang katiwaliang ipinakita niya, na kulang siya sa karunungan, naninira ng iba, sumasakal ng mga tao, at talagang mayabang siya. Kumalma ang loob ko nang makita kong parang nalungkot siya at talagang nakatungo ang ulo niya. Nilabas ko ang lahat ng sama ng loob na matagal kong kinimkim. Tapos sabi sa akin ni Sister Liu, “Hindi ko akalaing masyado kitang nasaktan. Pasensya ka na talaga.” Noong lumayo siya at nagpunas ng luha, nakaramdam ako ng pagkakonsensya. Hindi kaya masyado kong nasobrahan? Maging negatibo kaya ang lagay niya dahil doon? Pero naisip ko, “Naging tapat lang naman ako. Sinabi ko iyon para makilala niya ang sarili niya.” Dahil doon, nawala iyong pang-uusig ng konsensya ko. Lalong naasiwa sa akin si Sister Liu matapos iyon, hindi na siya nagtangkang kumustahin ang trabaho ko, at hindi na rin siya nagbigay ng mga suhestiyon.
Kalaunan, pinagsulat kami ng pagsusuri tungkol sa mga pinuno ng grupo para makilatis ang pagiging epektibo nila ayon sa mga prinsipyo. Palihim akong natuwa noong marinig ko ang tungkol doon. Sabik akong ilantad ang lahat ng mga katiwaliang ipinakita ni Sister Liu para malaman ng lahat kung ano siya, at para magpakumbaba siya. Nakaramdam ako ng panandaliang pagkabalisa at napagtanto kong mali ang pag-iisip ko, na dapat akong maging patas, at tanggapin ang pagsusuri ng Diyos. Binalak kong maging patas sa pagsusuri ko, pero noong naisip ko kung paanong lagi akong hinihiya ni Sister Liu, talaga namang nag-umapaw ang sama ng loob ko. Ibinuhos ko sa pagsusuring iyong lahat ng mga pagkiling ko laban sa kanya sa paghahangad na pakikitunguhan siya ng pinuno o kaya, ilipat na lang siya. Masaya na ako basta mawala siya. Hindi nagtagal, natanggal nga si Sister Liu. Medyo nabalisa ako dahil sa balitang iyon. Naisip ko, “May kinalaman kaya iyong sinulat ko sa pagkatanggal niya? Sinulat ko lang iyong ilan sa katiwalian niya, pero hindi siya dapat matanggal nang dahil doon, hindi ba?” Matapos iyon, nakita kong nasa negatibong lagay si Sister Liu at nakaramdam ako ng pang-uusig ng konsensya. Nawalan ako ng lakas para sa tungkulin.
Kinausap ko ang pinuno namin tungkol sa kalagayan ko, na nagsabi sa aking natanggal si Sister Liu dahil sa limitado niyang kakayahan at hindi siya angkop maging pinuno ng grupo. Wala iyong kinalaman sa pagsusuri ko. Pero sinabi niyang naging malupit ako sa mga kamalian niya, at hindi ako naging patas, na nagpakita ako ng pagiging mapaghiganti at mayroong malisyosong disposisyon. Noong marinig ko iyon, nabigla ako. Hindi ba ang “malisyoso” at “mapaghiganti” ay sinasabi tungkol sa taong masama? Ilang araw akong nakaramdam ng pagkabalisa lalo na tuwing naiisip ko iyong sinabi niyang iyon. Inisip ko kung talagang malisyosong tao ako. Nanalangin ako sa Diyos sa gitna ng sakit na nararamdaman ko: “Diyos ko, malisyoso raw ang disposisyon ko, pero hindi ko makita iyon. Nawa’y liwanagan Niyo po ako para tunay kong makilala ang sarili ko.”
Matapos magdasal, nabasa ko ang siping ito ng salita ng Diyos: “Kaya ba ninyong mag-isip ng iba-ibang paraan para parusahan ang mga tao dahil ayaw ninyo sa kanila o dahil hindi mo sila makasundo? Nagawa na ba ninyo ang gayong uri ng bagay dati? Gaano karami nito ang nagawa ninyo? Hindi ba ninyo hinahamak palagi ang mga tao nang di-tuwiran, nagbibitaw ng masasakit na salita, at nagiging mapanuya sa kanila? (Oo.) Ano ang mga kalagayan ninyo habang ginagawa ninyo ang gayong mga bagay? Noon, bumubulalas kayo, at masaya kayo; nakaisa kayo. Gayunman, pagkatapos, naisip ninyo sa inyong sarili, ‘Kasuklam-suklam ang ginawa ko. Wala akong takot sa Diyos, at hindi naging patas ang pagtrato ko sa taong iyon.’ Sa kaibuturan mo, nakonsiyensya ka ba? (Oo.) Bagama’t wala kayong takot sa Diyos, kahit paano’y may konsiyensya kayo. Sa gayon, kaya mo pa rin bang gawing muli ang ganitong klaseng bagay sa hinaharap? Maiisip mo bang atakihin at paghigantihan ang mga taong ito, pinahihirapan sila at ipinapakita sa kanila kung sino ang amo tuwing inaalipusta mo sila at hindi mo sila makasundo, o tuwing hindi sila sumusunod o nakikinig sa iyo? Sasabihin mo bang, ‘Kung hindi mo gagawin ang gusto ko, maghahanap ako ng pagkakataong parusahan ka nang hindi iyon nalalaman ninuman. Walang sinumang makakaalam, ngunit pipilitin kitang magpailalim sa akin; ipapakita ko sa iyo ang aking kapangyarihan. Pagkatapos niyon, walang sinumang mangangahas na kalabanin ako!’ Sabihin mo sa Akin: Anong klaseng pagkatao ang taglay ng isang taong gumagawa ng gayong bagay? Pagdating sa kanilang pagkatao, siya ay malisyoso. Kung ikukumpara sa katotohanan, hindi siya nagpipitagan sa Diyos” (“Ang Limang Kinakailangang Kalagayan Upang Mapunta sa Tamang Landas ng Pananampalataya ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nanlumo ako matapos basahin ang salita ng paghatol ng Diyos. Inihayag noon ang eksakto kong kalagayan. Kung iisipin, maayos naman ang pagsasama namin noong una ni Sister Liu. Nagkaroon ako ng problema sa kanya nang masaling ako ng pagsusuri niya para sa iba at nasaktan ang pagtingin ko sa sarili sa harap ng iba. Sinimulan niyang ungkatin ang mga kakulangan ko matapos siyang maging pinuno ng grupo. Pakiramdam ko nawalan ako ng mukhang ihaharap sa iba. Nagsimula akong mairita sa kanya at ginusto ko siyang hiyain sa ibang tao. Nang sabihin niya ang kalagayan niya para makahanap ng solusyon, ang akala ko, inilalantad niya lang ang mga pagkukulang ko, sinisira ang imahe ko sa harap ng mga kapatid. Lumaki ang sama ng loob ko laban sa kanya at pinalaki ko ang mga problema niya nang sa gayo’y mailantad siya, kumilos ako ayon sa masamang hangarin. Ginamit ko ang pagsusuri ko sa kanya bilang pagkakataong gumanti. Sinulat ko ang lahat ng kamalian at katiwalian niyang napansin ko nang hindi binabanggit ang mga kalakasan niya. Gusto ko lang na makilala siya ng pinuno namin, na umaasang mailipat siya. Kapag iniisip ko iyong naging pagkilos ko noon, talagang hindi ako mapakali sa nararamdaman ko. Nagtanim ako ng sama ng loob dahil lang sa tinamaan ng mga salita ni Sister Liu ang imahe’t katayuan ko, kaya nagkaroon ako ng galit laban sa kanya. Ginawa ko kung anuman ang gusto kong gawin. Napagtanto kong wala akong paggalang para sa Diyos at talagang mayroon akong malisyosong likas. Ang buong akala ko dati, talagang nakakasundo ko ang mga kapatid at sabik akong tumulong sa nahihirapan. Akala ko mabuting tao ako dahil sa ilang mabuting ginawa ko. Napagtanto kong ganoon iyon dahil walang nagtaya sa personal kong interes. Nang nadamay na ang mga interes ko, saka lumabas ang satanikong disposisyon ko. Hindi ko napigil na kumilos at maghiganti. Kung hindi lulutasin ang disposisyong iyon, makakagawa ako ng masama anumang oras. Napakadelikado noon.
Matapos iyon, nagnilay ako sa sarili. Kung kaya ko ang ganoong kasamaan, anong pag-iisip ang kumontrol sa akin? Nabasa ko ang salita ng Diyos: “Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, masama ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na tumatalima sa Diyos ang tao at sumusunod sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pinahina ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagkamasunurin at pag-ibig sa Diyos. Nalihis ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at basta na lamang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). “Ganito mag-isip ang mga tao: ‘Kung hindi ka magiging mabait, hindi ako magiging makatarungan! Kung bastos ka sa akin, magiging bastos din ako sa iyo! Kung hindi mo ako pakikitunguhan nang may dignidad, bakit kita pakikitunguhan nang may dignidad?’ Anong klaseng pag-iisip ito? Hindi ba ito isang mapaghiganting klase ng pag-iisip? Sa mga pananaw ng isang karaniwang tao, hindi ba posible ang ganitong perspektibo? ‘Mata para sa mata, ngipin para sa ngipin’; ‘Ito ang karma mo’—sa mga di-mananampalataya, ang lahat ng ito ay mga pangangatwirang tama at lubos na umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Subalit, bilang isang taong naniniwala sa Diyos—bilang isang taong hinahangad na maunawaan ang katotohanan at naghahangad ng isang pagbabago sa disposisyon—masasabi mo bang tama o mali ang mga ganoong salita? Anong dapat mong gawin upang makilala ang mga ito? Saan nagmumula ang mga ganitong bagay? Nagmumula ang mga ito sa malisyosong kalikasan ni Satanas; nagtataglay ang mga ito ng lason, at tinataglay ng mga ito ang totoong mukha ni Satanas na puno ng pagkamalisyoso at kapangitan. Tinataglay ng mga ito ang pinakadiwa ng kalikasang iyon. Ano ang katangian ng mga perspektibo, saloobin, pagpapahayag, pananalita, at pati na rin mga kilos na nagtataglay ng diwa ng kalikasang iyon? Hindi ba mula kay Satanas ang mga iyon? Umaayon ba sa sangkatauhan ang mga aspetong ito ni Satanas? Umaayon ba ang mga ito sa katotohanan, o sa katotohanang realidad? Ang mga ito ba ang mga pagkilos na dapat gawin ng mga sumusunod sa Diyos, at mga saloobin at pananaw na dapat nilang taglayin? (Hindi.)” (“Ang Paglutas Lang sa Iyong Tiwaling Disposisyon ang Makapagpapalaya sa Iyo Mula sa Isang Negatibong Kalagayan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Napagtanto kong ang mga tao ay napakatiwali at masama dahil ginawa silang tiwali ni Satanas. Sa pamamagitan ng pormal na edukasyon at impluwensya ng lipunan, binababad tayo ni Satanas sa mga lason niya, gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Hindi kami aatake maliban na lang kung inatake kami; kung inatake kami, siguradong gaganti kami ng atake,” “Pakitunguhan mo ang isang tao tulad ng pakikitungo niya sa iyo,” at “Para sa maginoo hindi lubhang huli ang maghintay bago maghiganti.” Naging batas iyon sa pamumuhay ng mga tao nang hindi nila namamalayan. Nagiging mas arogante sila, tuso, makasarili, at malisyoso. Hindi tunay na maaruga o mapagpatawad ang mga tao, walang tunay na pagmamahal. Kapag nasaling ang personal nilang interes, nagagalit sila at saka lumalayo. Baka nga magkaroon pa sila ng mga kaaway at maghiganti. Nagiging mas malamig ang mga tao at malayo sa iba at nawawalan ng normal na katauhan. Nababad ako sa ganoong pag-iisip mula pagkabata. Sinunod ko ang mga bagay na iyon, kaya naging mas malisyoso ang disposisyon ko. Kapag may nakasaling sa personal kong mga interes, hindi ko mapigil na kamuhian sila at gantihan. Noong panahong kasama ko si Sister Liu, may mga sinabi siyang nakakompromiso sa interes ko, kaya sumama ang loob ko’t sinamantala ang pagkakataong gumanti. Gusto kong ipakita ang kaya kong gawin para hindi niya na ako galitin uli. Ginusto ko pa nga siyang paalisin. Ano’ng kaibahan ko sa mga anticristo’t masasamang tao na napatalsik ng iglesia? Ang gusto lang ng mga taong iyon ay ang papuri at pagsang-ayon ng iba pero hindi nila natiis ang salitang naglantad sa katiwalian nila. Kikilos sila laban sa sinumang nagsalita o gumawa ng nakakasakit sa kanila. Nagkasala sila sa disposisyon ng Diyos sa kasamaan nila, ginalit nila ang iba’t napalayas sa iglesia. Tuluyan na silang nawalan ng pagkakataong maligtas. At ako naman, nilabanan ko si Sister Liu dahil lang sa nasugatan ang pagpapahalga ko sa sarili nang dahil sa mga salita niya. Wala akong ibang ginawa kundi ang saktan siya. Gumagawa ako ng masama! Nakita ko ang napakasama kong katauhan, na may masama akong likas gaya ng anticristo, at kinasusuklaman iyon ng Diyos. Kung hindi ako nagsisi, malulubog ako sa kasamaan at parurusahan ng Diyos gaya ng isang anticristong gumagawa ng masama! Habang iniisip ko iyon, lalo akong natakot. Nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko, kulang ako sa kabutihan. Nabubuhay ako sa katiwalian ko’t nilabanan ang kapatid ko. Wala akong wangis ng isang tao. Kung hindi Mo ako pinakitunguhan sa sitwasyong ito, hindi ko mapagninilayan ang sarili ko. Patuloy akong gagawa ng masama. Diyos ko, gusto kong magsisi. Ayoko nang mabuhay sa mga lason ni Satanas. Gabayan Mo akong maging matapat at makatwirang taong may kabaitan.”
Matapos iyon, nabasa ko ito sa salita ng Diyos: “Ang pagmamahal at pagkamuhi ay mga bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao, ngunit kailangan mong makita nang malinaw ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong minamahal at ng iyong kinamumuhian. Sa puso mo, dapat mong mahalin ang Diyos, mahalin ang katotohanan, mahalin ang mga positibong bagay, at mahalin ang iyong mga kapatid, samantalang dapat mong kamuhian ang diyablong si Satanas, kamuhian ang mga negatibong bagay, kamuhian ang mga anticristo, at kamuhian ang masasamang tao. Kung nagtatanim ka ng pagkamuhi sa iyong mga kapatid, malamang na supilin mo sila at paghigantihan sila; lubhang nakakatakot iyan. Ang nasa isip lamang ng ilang tao ay pagkamuhi at masasamang ideya. Pagkaraan ng ilang panahon, kung hindi makasundo ng gayong mga tao ang taong kinamumuhian nila, sisimulan nilang layuan ito; gayunman, hindi nila ito tinutulutang makaapekto sa kanilang mga tungkulin o maimpluwensyahan ang kanilang normal na pakikisama sa iba, dahil nasa puso nila ang Diyos at nagpipitagan sila sa Kanya. Ayaw nilang magkasala sa Diyos, at natatakot silang gawin iyon. Bagama’t maaaring magkimkim ng ilang pananaw ang mga taong ito tungkol sa isang tao, hindi nila ginagawa ang mga iniisip nila o nagsasalita man lang ng isang salita na lihis, dahil ayaw nilang magkasala sa Diyos. Anong klaseng ugali ito? Isang halimbawa ito ng pagkilos at pamamahala sa mga bagay-bagay nang may prinsipyo at walang pinapanigan. Maaaring hindi ka kaayon sa personalidad ng isang tao, at maaaring ayaw mo sa kanya, ngunit kapag nakikipagtulungan ka sa kanya, nananatili kang walang pinapanigan at hindi mo ibubunton ang mga pagkadismaya mo sa paggawa ng iyong tungkulin, isasakripisyo ang iyong tungkulin, o ilalabas ang mga pagkadismaya mo sa mga interes ng pamilya ng Diyos. Magagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo; sa gayon, mayroon kang pangunahing pagpipitagan sa Diyos. Kung mayroon kang medyo higit pa riyan, kapag nakita mo na may ilang kamalian o kahinaan ang isang tao—kahit nagkasala siya sa iyo o napinsala niya ang iyong sariling mga interes—kaya mo pa rin siyang tulungan. Mas makabubuti pang gawin iyon; mangangahulugan iyon na ikaw ay isang taong may taglay na pagkatao, katotohanang realidad, at pagpipitagan sa Diyos” (“Ang Limang Kinakailangang Kalagayan Upang Mapunta sa Tamang Landas ng Pananampalataya ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Kayang tratuhin ng mga may takot sa Diyos ang iba ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Maaaring minsan, may pagkiling sila laban sa mga kapatid, pero hindi sila sutil sa pakikisalamuha at hindi sila gumagawa ng makakasakit sa Diyos. Ang walang takot sa Diyos, ginagawa ang anumang nais ng puso nila, at paggawa iyon ng masama’t kinokondena iyon ng Diyos. Napakadirekta ni Sister Liu kung magsalita, pero tapat naman iyong sinabi niya tungkol sa akin. Hindi iyon para puntiryahin ako. Seryoso at responsable niyang ginawa ang tungkulin niya at karamihan ng suhestiyon niya, malaking tulong sa gawain namin. Hindi ko dapat sinadyang gawing mahirap sa kanya ang lahat. Sinabi ko sa kanya ang katiwalian ko at humingi ako ng tawad. Sabi niya wala lang sa kanya iyon, at nagbahagi siya ng ilang katotohanan. Nahiya ako at namuhi sa sarili ko. Ayoko nang mabuhay sa tiwali kong disposisyon. Matapos iyon, kapag nagbibigay si Sister Liu ng suhestiyon o may sinabi siyang nakasakit sa pagpapahalaga ko sa sarili, mas nakayanan ko iyon at nagtuon sa paghahanap ng katotohanan. Pwede na kaming magkasama uli sa gawain. Isa iyong malaking ginhawa sa akin. Salamat sa paghatol ng Diyos na siyang bumago sa akin.