104 Nabubuhay Ako sa Presensya ng Diyos
1 Araw-araw akong payapa sa presensya ng Diyos, pinagninilayan at pinagmumunihan ang Kaniyang mga salita. Sa pagsusuri ko sa aking sarili, nakikita kong marami pa ring katiwaliang dumadaloy sa aking mga saloobin at pananalita. Madalas akong nagpapakitang-gilas sa aking pananalita at kilos upang tingalain ako ng iba. Palagi kong hinahangad na manaig sa iba, mapagmagaling at mapagmataas ako, at hindi ko isinasabuhay ang pagkakawangis sa isang tao. Sa pagkakaharap sa paghatol at pagbubunyag ng mga salita ng Diyos, hiyang-hiya ako. Mukha man akong kumikilos nang maayos, hindi naman nagbago ang aking disposisyon. Wala akong realidad ngunit lubha pa rin akong mapagmataas, na matagal nang kinamumuhian ng Diyos tungkol sa akin. Kinapopootan ko na labis akong nagawang tiwali, at nais kong tanggapin ang paghatol ng Diyos.
2 Payapa ako sa presensya ng Diyos at hinahangad ang Kaniyang kalooban sa lahat ng bagay. Nakikipagniig ako sa Diyos sa Kaniyang mga salita, nauunawaan ko ang katotohanan at nagniningning ang aking puso. Na nagkikimkim ako ng mga maling palagay kapag nakakaharap ko ang mga tao, pangyayari at bagay-bagay ay nagpapakitang wala akong realidad. Palagi akong dumaraing, ipinapahayag ang aking kawalang-sala, at sinusubukang idaan ito sa paliwanag, at ni katiting ay hindi ako masunurin. Nang may pag-unawa sa katotohanan, nakikita kong totoong-totoo ang gawain ng Diyos na linisin ang tao. Anuman ang mas hindi umaayon sa kuro-kuro ng mga tao, mas maraming katotohanan ang mahahanap doon. Ang maranasan ang salita ng Diyos at pumasok sa realidad ay tunay na makaharap-harapan ang Diyos. Dinaranas ko ang pag-ibig ng Diyos, hindi na nalilito o napipigilan.
3 Nabubuhay ako sa presensya ng Diyos at tinatanggap ang Kaniyang masusing pagsisiyasat sa lahat ng oras. Sunod-sunod na tinatanggap ng aking mga saloobin at kilos ang paghatol at paglilinis ng salita ng Diyos. Kapag nakikita ko kung gaano kamatuwid at kabanal ang disposisyon ng Diyos, napupuno ng paggalang ang aking puso. Pinangangalagaan ako ng Diyos at hindi na ako magkakasala sa Kaniya; at payapa ang aking espiritu. Madalas kong pinapapayapa ang aking sarili sa presensya ng Diyos, at kinatatakutan ng aking puso ang Diyos at iniiwasan ang kasamaan. Isinasagawa ko ang salita ng Diyos at kumikilos ako alinsunod sa katotohanan, at minamahal at sinusunod ko ang Diyos. Ginagabayan ako ng salita ng Diyos, at humahayo ako sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Sa pagkakatamo ko sa katotohanan, nalinis ang aking katiwalian, at pinupuri ko ang Diyos sa aking puso.