8. Isang Espesyal na Karanasan sa Pagdidilig ng mga Baguhan

Ni Georgina, Myanmar

Noong Agosto 2021, nagdidilig ako ng mga baguhan sa iglesia. Sa loob ng ilang panahon, diniligan ko ang tatlong baguhan online. Ang tatlong baguhang ito ay napakasigasig na dumalo sa mga pagtitipon, pero walang internet sa nayon nila, kaya kinailangan nilang pumunta sa malayong kabundukan para magkaroon ng koneksyon, at sa kabila niyon, dumadalo pa rin sila sa bawat pagtitipon. Habang nag-uusap kami, nalaman ko na sa bawat isa sa dalawang kalapit nilang nayon, mahigit isandaang tao ang hindi pa nakakarinig sa ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Nakaramdam ako ng responsabilidad na magpatotoo sa mga taong ito tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at dalhin sila sa harap ng Diyos. Sa panahon ng isang pagtitipon, nakipagbahaginan ako sa tatlong baguhang ito tungkol sa layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, at binasahan ko sila ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sasapit ang lahat ng uri ng sakuna, sunod-sunod; daranas ng mga sakuna ang lahat ng bansa at lugar: Ang salot, taggutom, baha, tagtuyot, at mga lindol ay nasa lahat ng dako. Ang mga sakunang ito ay hindi lamang mangyayari sa isa o dalawang lugar, ni matatapos ang mga ito sa loob ng isa o dalawang araw; bagkus, kakalat ang mga ito sa palawak nang palawak na lugar, at titindi nang titindi. Sa loob ng panahong ito, lilitaw nang sunud-sunod ang lahat ng uri ng mga salot na insekto, at mangyayari ang penomenon ng kanibalismo sa lahat ng dako. Ito ang Aking paghatol sa di-mabilang na bansa at tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 65). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakipagbahaginan ako, “Unti-unting natutupad ang mga salita ng Diyos, at palala nang palala ang mga sakuna araw-araw. Hindi lang ibang mga bansa ang nakakaranas ng mga sakuna, kundi ang ating Wa State ay dumaranas din ng isang matinding pandemya. Naka-lockdown na ngayon ang mga lungsod at nayon, at maraming tao ang naka-quarantine. Ang ilan, dahil walang pagkain o tubig habang naka-quarantine, ay nagpapakamatay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa gusali, at ang ilan, dahil hindi kayang bayaran ang gastos sa quarantine matapos mahawahan ng virus, ay nagbigti. Ang ilang lumabas para magtrabaho ay hindi nakauwi dahil sa lockdown, namatay ang mga miyembro ng kanilang pamilya, at hindi man lang nila nakita ang mga ito sa huling pagkakataon. Araw-araw, hindi mabilang na mga tao ang nahahawahan, at hindi masukat ang bilang ng mga namamatay. Maaaring maayos tayo ngayon, pero walang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas. Mapalad tayong tinanggap natin ang gawain ng Diyos at narinig ang Kanyang mga salita. Dapat nating ipangaral agad ang ebanghelyo ng Diyos sa ating mga pamilya, kapitbahay, at kaibigan, para marinig din nila ang tinig ng Diyos, makalapit sa Kanya, makamit ang katotohanan, at matanggap ang Kanyang pagliligtas. Kung hindi natin ibabahagi sa kanila ngayon ang ebanghelyo, at mahawahan sila at pumanaw isang araw, hindi ba tayo magsisisi? Pero sa panahong iyon, kahit mag-iiyak pa tayo nang husto, wala na itong silbi. Handa ba kayong ipangaral ang ebanghelyo sa nayon ninyo?” Pagkarinig nito, pumayag silang lahat na gawin ito. Nang sumunod na gabi, nagdala sila ng ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Kabilang sa kanila ang anak ng puno ng nayon at isang accountant na may medyo mataas na prestihiyo sa nayon. Nakipagbahaginan sa kanila ang tagapangaral ng ebanghelyo tungkol sa katotohanan ng pagkilatis sa pagitan ng tunay na Diyos at mga huwad na diyos, at kung paanong sa paniniwala lamang sa tunay na Diyos mapoprotektahan ang isang tao sa mga sakuna, at kung paanong iyong mga nananampalataya sa mga huwad na diyos ay masasadlak lamang sa mga sakuna at sa huli ay sa lawa ng apoy at asupre. Ang ilan sa kanila, pagkatapos marinig ang mga salita ng Diyos, ay naunawaan na tanging ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos na makapagliligtas sa buong sangkatauhan. Masaya silang marinig ang mga salita ng Diyos at naantig sila hanggang sa mapaluha. Kalaunan, dinala nila ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan na may medyo mabuting pagkatao para makinig sa mga salita ng Diyos. Sa loob lamang ng mahigit dalawampung araw, mahigit isandaang tao mula sa dalawang nayon na ito ang dumating para siyasatin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at naging responsable ako sa pagdidilig sa mahigit animnapu sa kanila. Hindi ko kailanman inakala na ganoon karaming tao ang tatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw nang sabay-sabay.

Kalaunan, parami nang parami ang mga tao mula sa dalawang nayon na dumating para siyasatin ang tunay na daan. Nalaman ng isang opisyal ng distrito mula sa kalapit na nayon na nakikinig ang mga taga-nayon sa aming mga sermon, at pinakilos niya ang milisya ng nayon para magsagawa ng mga pagpapatrolya at inspeksyon. Labing-anim na baguhan na kasisimula pa lang sumiyasat sa tunay na daan ang inaresto, at pinagmulta rin sila. Habang nagpapatrolya ang milisya araw at gabi, hindi na nangahas ang mga taga-nayon na makinig sa mga sermon sa nayon, at ang ilan ay huminto na rin sa pag-akyat sa bundok para sa mga pagtitipon. Dahil walang internet sa nayon, maliban kung makahanap ang mga baguhan ng paraan para makakonekta sa internet at kontakin ako, napakahirap talaga nilang kontakin. Noong sandaling iyon, pakiramdam ko ay tapos na. Huwag na nating pag-usapan ang pangangaral ng ebanghelyo sa iba, kahit ang mga baguhan na katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos sa nakalipas na dalawang araw ay baka hindi makapanindigan. Noon din, isang lider ng grupo ng pagtitipon ang umakyat sa bundok para maghanap ng internet at nakipag-ugnayan sa akin. Sabi niya, “Napakasama talaga ng sitwasyon ngayon, at ang mga pulis at milisya ay nagpapatrolya sa lahat ng lugar araw-araw. Puwede ba tayong magtipon kahit isang beses lang sa isang buwan?” Sa isip-isip ko, “Hindi puwede iyan. Maliit ang tayog ng mga baguhan; hindi nila nauunawaan ang maraming katotohanan at kailangan nila ng patuloy na pagdidilig at pagsuporta. Anuman ang mangyari, dapat nating tiyakin na makadadalo sa mga pagtitipon ang mga baguhan.” Pinanood namin ng lider ng grupo ang dokumentaryong Siya Na May Kapangyarihan sa Lahat. Sinabi ko, “Noong pinangunahan ni Moises ang mga Israelita palabas ng Ehipto, nasa harapan nila ang Dagat na Pula, at nasa likuran nila ang mga humahabol na kawal. Wala silang daan pasulong, pero nanahimik sila, nagdasal sa Diyos, umasa sa Kanya, at nagbukas ang Diyos ng daan para sa kanila. Nasaksihan nila ang awtoridad ng Diyos. Hinati ng Diyos ang Dagat na Pula, na naglantad ng tuyong lupa sa gitna. Tumawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula, habang ang humahabol na mga kawal ay nalunod sa tubig. Ipinapakita nito na tiyak na gagabayan ng Diyos ang mga taong tinakda Niyang iligtas.” Pagkatapos ay binasahan ko siya ng isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ang bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao sa panlabas ay mukhang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi nito sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod nito ay isang labanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananalig sa Diyos). Pagkatapos ay nakipagbahaginan ako, “Sa panlabas, tila humahadlang ang opisyal sa ating pananampalataya sa Diyos, pero sa likod nito ay ang panggugulo ni Satanas. Ayaw ni Satanas na marinig natin ang mga salita ng Diyos, kaya ginagamit nito ang opisyal para usigin at arestuhin tayo para puwersahin tayong isuko ang ating pananalig. Katulad noong sinubok si Job at nawala ang lahat ng kanyang yaman, sa panlabas ay tila gawa ito ng mga magnanakaw, pero sa realidad, ito ay si Satanas na tinutukso at inaatake si Job. Nang harapin ni Job ang lahat ng pagsubok na ito, hindi siya nagreklamo laban sa Diyos kundi sa halip ay pinuri niya ang pangalan ng Diyos na si Jehova. Paano man guluhin ni Satanas si Job, hindi niya tinalikuran ang Diyos, at sa huli, napahiya si Satanas at umatras. Ngayon, sa pagharap sa panggugulo at pang-uusig ng opisyal, kung malilimitahan tayo hanggang sa punto na makikinig lang tayo sa mga salita ng Diyos isang beses sa isang buwan, hindi ba’t mangangahulugan iyon na nagtagumpay ang pakana ni Satanas? Kung magpapatuloy tayo sa pagtitipon sa gayong sitwasyon, mapapahiya si Satanas.” Pagkatapos kong magbahagi, sinabi ng lider ng grupo na handa siyang bumalik at anyayahan ang mga baguhang ito sa mga pagtitipon. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng lider ng grupo, sunud-sunod na sinabi ng mga baguhan, “Walang mangyayari maliban kung pahihintulutan ito ng Diyos.” “Kung aarestuhin man kami o hindi ay nasa mga kamay ng Diyos.” “Gustong gamitin ni Satanas ang panggugulo ng gobyerno para talikuran namin ang aming pananalig at kaladkarin kami sa impiyerno. Kahit paano nila kami usigin, tiyak na susunod kami sa Diyos at hindi kailanman tatalikuran ang aming pananalig.” Bagama’t napakasama ng sitwasyon, ang ilan sa mga baguhang mas masigasig ay nakahanap pa rin ng paraan para makakuha ng signal ng internet para makadalo sa mga pagtitipon. Gayumpaman, dahil nalantad na ang kanilang mga lugar ng pagtitipon, hindi na sila maaaring magtipon sa mga grupo ng animnapu o pitumpung tao tulad ng dati, at ang bawat lokasyon ng pagtitipon ay maaari lang magkaroon ng humigit-kumulang sa dalawampung tao sa pinakamarami. Noong naghahanda na kaming isaayos ang mas maliliit na pagtitipon, nakaharap kami ng isa pang paghihirap. Dahil ang mga baguhan ay mayroon lamang dalawang SIM card na makaka-access sa internet, kung maghihiwa-hiwalay sila para sa mga pagtitipon, magkukulang sa SIM card, kaya ang ilang mga taga-nayon ay hindi pa rin makakarinig sa mga salita ng Diyos. Isa pa, sa dalawampung taong gumagamit ng iisang telepono para sa mga pagtitipon, kapag mahina ang koneksyon, hindi marinig ng ilang tao nang malinaw ang pagbabahaginan, at hindi magkakamit ng magagandang resulta ang mga pagtitipon. Nagsimula akong panghinaan ng loob nang naramdaman ko na napakahirap ng mga bagay-bagay. Noong panahong iyon, naisip ko, “Kung makakapunta lang sana ako mismo roon ay madidiligan ko sila nang personal.” Pagkatapos ay ibinahagi ko ang aking mga iniisip sa superbisor at sumang-ayon ang superbisor na payagan akong pumunta sa lokal na lugar.

Noong gabing iyon, dumating ako sa lokal na tahanang matutuluyan. Sakto namang nagpadala ng mensahe sa akin ang mga lider ng grupo ng mga baguhan, kaya hiniling ko sa kanila na anyayahan ang mga kapatid sa isang pagtitipon kinabukasan ng tanghali, sinasabi sa kanila na anyayahan ang pinakamaraming taong kaya nila at na maghanap ng isang tagong lugar. Kinabukasan, dumating kami sa napagkasunduang lugar, at namangha ako. Sa gulat ko, dumating ang grupo ng mahigit animnapung baguhan, at isa-isa silang lumapit para makipagkamay at yakapin ako, bawat isa ay sabik na nagpapakilala ng kanilang sarili. Para silang isang langkay ng masasayang ibon, at para itong isang tanawing hindi ko pa kailanman nasaksihan. Pagkatapos ng pagtitipon noong araw na iyon, nag-anyaya sila ng mga baguhan mula sa isa pang nayon para dumating at makinig sa ebanghelyo. Sa ikatlong araw, dinala kami ng lider ng grupo sa isang mahabang daan sa bundok, at nakahanap kami ng isang tahimik at tagong lugar. Humigit-kumulang limampung baguhan ang dumating. Pero habang kami ay nagtitipon, isang walang pananampalataya na nagpapastol ng mga baka ang nakakita sa amin. Naisip ko, “Isusuplong niya kaya ako? Darating kaya ang opisyal o ang mga pulis para arestuhin ako?” Naisip kong tumakas. Pero noong sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi mula sa salita ng Diyos na nabasa ko dati: “Ginagawa ng mga anticristo ang kanilang makakaya para protektahan ang kanilang seguridad. Ang iniisip nila ay: ‘Dapat ko talagang tiyakin ang seguridad ko. Sinuman ang mahuli, hindi dapat ako iyon.’ … Kung ligtas ang isang lugar, pipiliin ng mga anticristo ang lugar na iyon upang doon sila gumawa, at, tunay nga, magmumukha silang napakasipag at positibo, ibinibida nila ang kanilang matinding ‘pagiging responsable’ at ‘katapatan.’ Kung ang paggawa ng ilang gawain ay nangangahulugan na kailangan nilang humarap sa ilang panganib, at malamang na makatagpo sila ng peligro, at sila ay matutuklasan ng malaking pulang dragon, nagdadahilan sila at tinatanggihan ito, at naghahanap ng pagkakataong matakasan iyon. Sa sandaling magkaroon ng panganib, o sa sandaling may tanda ng panganib, nag-iisip sila ng lahat ng posibleng paraan para makaalis at inaabandona nila ang kanilang tungkulin, hindi nagmamalasakit sa mga kapatid, at inaalala lang ang pag-alis sa panganib. Maaaring inihanda na nila ang kanilang isipan: Sa sandaling lumitaw ang panganib, agad nilang bibitiwan ang gawaing ginagawa nila, nang walang pakialam tungkol sa kung ano ang mangyayari sa gawain ng iglesia, o tungkol sa kung ano ang pinsalang maidudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o tungkol sa seguridad ng mga kapatid—ang mahalaga sa kanila ay makatakas. Mayroon pa nga silang ‘lihim na alas,’ isang plano para protektahan ang kanilang sarili: Sa sandaling sumapit sa kanila ang panganib o maaresto sila, iuulat nila ang lahat ng nalalaman nila, nililinis ang kanilang pangalan at pinawawalang-sala ang kanilang sarili sa lahat ng responsabilidad para maipreserba ang sarili nilang seguridad. Ito ang nakahanda nilang plano(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Kaya ng mga anticristo na gawin ang kanilang mga tungkulin at magtrabaho nang normal kapag walang panganib, pero kapag lumilitaw ang panganib, ang una nilang iniisip ay ang sarili nilang seguridad. Itinuturing nilang pinakamahalaga ang sarili nilang seguridad at hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga interes ng iglesia. Ang mga anticristo ay sukdulang makasarili at kasuklam-suklam, at wala talagang konsensiya o katwiran. Ang pag-uugali ko ay ganoon na ganoon sa isang anticristo. Noong una, nakaya kong umakyat sa bundok para makipagtipon sa mga baguhan, at mukhang gumagawa naman ako ng kaunting gawain at nagtitiis ng kaunting hirap, pero sa sandaling naapektuhan ang sarili kong seguridad, ginusto kong talikuran ang tungkulin ko at tumakas. Inuuna ko ang sarili kong seguridad higit sa lahat, at hindi ko kailanman isinaalang-alang na gumawa muna ng mga pagsasaayos para sa mga baguhang ito. Napakaraming baguhan ang malamang na tatalikod kung maaaresto dahil maliit ang tayog nila, pero ang tanging inalala ko lang ay kung paano maililigtas ang sarili ko sa panganib. Talagang makasarili ako! Nang maisip ko ito, mabilis kong itinago ang mga baguhan para sa kanilang kaligtasan. Ang ilan ay nagtago sa mga kanal, ang ilan sa damuhan, at ang ilan sa kagubatan. Pagkaalis ng pastol, ipinagpatuloy namin ang pagtitipon, at nagsaayos kami ng ilang kapatid na lalaki para magbantay. Pagkatapos ng pagtitipon, nagtakda kami ng oras para sa susunod na pagtitipon.

Kalaunan, mahigit isandaang tao pa ang tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Noong panahong iyon, ang mga baguhan mula sa dalawang nayon ay umabot sa halos dalawang daan. Ang napakaraming taong dumarating para makinig sa mga salita ng Diyos ay nakaagaw ng mas maraming atensiyon mula sa opisyal, at inutusan niya ang mga walang pananampalataya sa nayon at maging ang mga estudyante sa elementarya na magpatrolya sa bundok. Sinabi rin ng opisyal na kung mahahanap nila ang aming lugar ng pagtitipon, gagantimpalaan sila ng isandaang yuan bawat isa. Noong panahong iyon, may mga nagpapatrolya hindi lang sa nayon kundi sa bundok din. Kaya palala nang palala ang sitwasyon, pero araw-araw, patuloy na dinadala ng mga baguhan ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan para makinig sa mga salita ng Diyos, at maging ang puno at pangalawang puno ng nayon mula sa dalawang nayon ay dumating para makinig sa mga salita ng Diyos. Dahil sa pang-uusig ng opisyal, kinailangan naming palaging palitan ang aming lugar ng pagtitipon. Minsan nagtitipon kami sa mga bukirin, minsan sa may buhanginan, minsan sa kakahuyan, at minsan kailangan naming maglakbay sa napakalayong kabundukan para magtipon. Kapag pumupunta ako para diligan ang mga baguhan, araw-araw akong dumadaan sa bahay ng opisyal. Hindi ko ito maiiwasan sa aking ruta, at madalas akong nag-aalala na baka makita ako ng opisyal at ng mga pulis at bigla na lang akong harangin at arestuhin sa mismong tapat ng tarangkahan ng opisyal. Ano ang gagawin ko kung maaresto ako at malaman ng pamilya ko? Sinasalungat na nga nila ang pananalig ko; hindi ba’t mas lalo nila akong uusigin kung malalaman nilang naaresto ako? Ang ideyang mangyayari ito ay paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko araw-araw, at sa pag-iisip pa lang nito ay labis na akong natatakot. Araw-araw kapag pumupunta ako para diligan ang mga baguhan, talagang balisa ako. Kapag dumadaan sa tapat ng bahay ng opisyal, halos hindi ako nangangahas na huminga, at pinahaharurot ko ang aking motorsiklo, hindi man lang nangangahas na lumingon. Kapag natatakot ako, tahimik akong tumatawag sa Diyos sa puso ko. Naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos, “Ang Ginagawang Perpekto ng Diyos ay ang Pananalig”: “Sa gawain ng mga huling araw, hinihingi sa atin ang sukdulang pananalig at pagmamahal, at maaari tayong matisod dahil sa pinakamaliit na kawalang-ingat, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nauna: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananalig ng mga tao, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay gawing pananalig, pagmamahal, at buhay ang mga salita. Dapat umabot ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananalig na mas dakila kaysa kay Job, na humihingi sa kanila na magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap pero hindi kailanman lumalayo sa Diyos anumang oras. Kapag sila ay mapagpasakop hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananalig sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kompleto na(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … (8)). Nang kantahin ko ang himnong ito, nakaramdam ako ng lakas sa loob ko. Naunawaan ko na pinahintulutan ng Diyos na mangyari ang sitwasyong ito para maranasan ko ang Kanyang mga salita at para mapalakas ang aking pananalig sa Kanya. Bago dumating sa nayong ito, pakiramdam ko ay may malaki akong pananalig sa Diyos, pero ibinunyag ng mga katunayan ang tunay kong tayog. Nakita kong napakaliit pala ng pananalig ko sa Diyos. Ginagamit ng Diyos ang kapaligirang ito ng pang-uusig para gawing perpekto ang pananalig ko. Naging handa akong umasa sa Diyos para danasin ito. Kalaunan, mas lumubha pa ang pang-uusig mula sa opisyal. Sinabi niya sa mga taga-nayon na ang sinumang makitang nagtitipon ay dapat isumbong, at gagantimpalaan sila ng 500 yuan para sa pag-uulat ng isang mananampalataya at 1,000 yuan para sa dalawa. Naisip ko na sila ay lubhang buktot. Wala kaming ginawang anumang krimen sa pananampalataya sa Diyos, pero ginawa nila ang lahat para mahuli kami. Talagang kinamuhian ko sila sa puso ko. Para hindi nila kami matuklasan, inilipat namin ang pagtitipon mula alas diyes ng umaga sa alas sais ng umaga. Disyembre noon, at napakalamig, pero masigasig pa ring dumalo ang mga baguhan sa mga pagtitipon. Ang ilan ay mahigit 60 taong gulang na at nagtitiyaga pa rin sa pagtitipon, ang ilan ay kasama ang kanilang buong pamilya, at ang ilan ay may dalang mga sanggol na isang buwan pa lang para sa pagtitipon sa bundok. Nang makita na aktibo silang lumalahok sa mga pagtitipon, labis akong naantig at nakaramdam din ako ng hiya, iniisip kung paanong ang pananalig ko ay hindi kasing-lakas ng sa kanila. Kinamuhian ko rin ang satanikong rehimeng ito, na, para pigilan ang mga tao na marinig ang mga salita ng Diyos, ay pinakilos pa nga ang lahat sa mga nayon para magpatrolya at isumbong ang mga mananampalataya. Sa kabila nito, hindi naapektuhan ang gawain ng ebanghelyo kahit kaunti, at patuloy na lumaganap ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw sa lugar na ito. Isa pa, ni minsan ay hindi kami natagpuan ng mga nagpapatrolya. Talagang nagpapasalamat kami sa Diyos sa Kanyang proteksyon!

Isang araw, ang aking asawang di-nananampalataya ay biglang umuwi mula sa hukbo. Dapat sana ay sa Bagong Taon pa siya babalik, pero sa hindi inaasahan, sa pagkakataong ito ay umuwi siya nang maaga. Nakita niyang wala ako sa bahay at tumawag siya para tanungin kung saan ako nagpunta, sinasabi sa aking umuwi agad kinaumagahan. Kinabukasan, nang makita niyang hindi pa ako bumabalik, nagpadala siya ng mensahe sa akin. Noong panahong iyon, wala akong internet at hindi ko siya sinagot, at labis siyang nagalit. Kalaunan, patuloy na tumatawag ang asawa ko, hinihimok akong umuwi, binantaan pa akong ididiborsiyo ako kung hindi ako magmamadaling bumalik. Nanghina ako. Sinasalungat na nga ng pamilya ko ang pananampalataya ko sa Diyos, at madalas pang hinihimok ng biyenan ko ang asawa ko na idiborsiyo ako. Kung hindi ako uuwi, ididiborsiyo kaya talaga ako ng asawa ko? Napuno ng sakit ang puso ko, at naisip ko, “Dapat kayang umuwi na lang ako ng ilang araw?” Pero alam ko na sa sandaling umuwi ako, mahihirapan na akong umalis muli. Sino ang magdidilig sa mga baguhang ito? Labis na napapahirapan ang puso ko, at hindi ko mapigilan ang mga reklamong umusbong sa puso ko. “Bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ito sa akin? Patuloy akong pinipilit ng asawa kong umuwi, at sinasabi niyang kung hindi, didiborsiyuhin niya ako. Pero kung uuwi ako, paano ko pa magagawa ang tungkulin ko?” Sa puso ko, patuloy kong pinagninilayan kung ano ang layunin ng Diyos. Habang nagninilay-nilay ako, bigla kong naisip ang mga salita ng Diyos: “Sa pagsukat kung makakapagpasakop ba ang mga tao sa Diyos o hindi, ang susi ay kung mayroon sila o walang anumang labis-labis na pagnanais o lihim na motibo sa Kanya. Kung laging humihiling ang mga tao sa Diyos, pinatutunayan nito na hindi sila mapagpasakop sa Kanya. Anuman ang mangyari sa iyo, kung hindi mo ito tinatanggap mula sa Diyos, at hindi mo hinahanap ang katotohanan, at palagi kang nakikipagtalo para sa iyong sarili at palagi mong nadarama na ikaw lamang ang tama, at kung may kakayahan ka pa ngang pagdudahan na ang Diyos ang katotohanan at ang pagiging matuwid Niya, magkakaproblema ka. Ang gayong mga tao ang pinakamayabang at ang pinakamapaghimagsik sa Diyos. Ang mga taong palaging humihingi sa Diyos ay hindi tunay na makapagpapasakop sa Kanya. Kung humihiling ka sa Diyos, pinatutunayan nito na sinusubukan mong makipagtawaran sa Diyos, na pinipili mo ang sarili mong kalooban, at kumikilos ka ayon dito. Ito ay pagkakanulo sa Diyos at kawalan ng pagpapasakop. Kawalan ng katwiran ang mismong paghingi sa Diyos; kung totoong nananampalataya ka na Siya ang Diyos, hindi ka mangangahas na humingi sa Kanya—na hindi ka naman kalipikadong gumawa—makatwiran man ang mga ito o hindi. Kung may totoo kang pananampalataya sa Diyos, at nananampalataya na Siya ang Diyos, Siya lang ang sasambahin at sa Kanya ka lang magpapasakop—wala nang ibang pagpipilian pa(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao Mula sa Diyos). Napagtanto ko na ako ay tulad ng inilantad ng Diyos. Noong naghanda ang Diyos ng mga sitwasyon na naaayon sa aking mga kagustuhan, handa akong magpasakop, pero kapag hindi ito angkop sa aking mga kagustuhan, ayaw kong magpasakop at patuloy akong gumagawa ng mga hindi makatwirang kahilingan sa Diyos. Naisip ko na dahil ginagawa ko ang aking tungkulin at ipinapangaral ko ang ebanghelyo, dapat akong bantayan at protektahan ng Diyos mula sa pang-uusig at panggugulo ng aking asawa at hindi siya hayaang umuwi nang maaga, dahil hindi ko na magagawang ipangaral ang ebanghelyo kung uuwi siya. Ginusto ko na sumunod ang Diyos sa mga kahilingan ko, at nang hindi Niya iyon ginawa, nagreklamo ako na hindi angkop ang Kanyang mga pagsasaayos at sadyang nakipagtalo sa Kanya. Talagang hindi ako makatwiran! Dati, noong kaya kong umalis ng bahay para ipangaral ang ebanghelyo, naramdaman ko na lumago na ang tayog ko at na kaya ko nang magpasakop sa Diyos. Ngayon, sa wakas ay malinaw ko nang nakita ang tunay kong tayog. Bagama’t ang usaping ito na nangyari sa akin ay hindi umaayon sa aking mga kuru-kuro, ito ay isang magandang pagkakataon para maunawaan ko ang aking sarili.

Naisip ko kung gaano kasabik na sabik ang mga baguhang ito sa mga salita ng Diyos. Gaano man kalamig ang panahon, kalayo ang paglalakbay, o napakasama man ng sitwasyon, nagpumilit pa rin silang dumalo sa mga pagtitipon. Kung uuwi ako, sino ang magdidilig sa kanila? Pero kung hindi ako babalik, maaaring humarap ako sa diborsiyo. Habang nahihirapan akong magpasya, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na ibinahagi ng superbisor dati: “Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong atas, at ang iyong responsabilidad? Nasaan ang iyong kamalayan sa makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang wasto bilang isang panginoon ng susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang malakas na pakiramdam ng pagiging panginoon? Paano dapat ipaliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pag-usad ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na pastulan sila? Mabigat ba ang iyong gampanin? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at hindi alam ang gagawin, tumatangis sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, na biglang bumaba at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sila ay balisang umaasa, at nananabik, araw at gabi, para dito—sino ang ganap na makaaalam nito? Kahit sa araw na nagdaraan nang mabilis ang liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagtangis? Malubha ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang nananatiling nakagapos sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at napakong kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa tunog ng kanilang pagtangis? Sino na ang nakakita sa kanilang miserableng kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdurusa ng gayong pagpapahirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masama ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang magsikap, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, na iligtas ang lahat ng natirang buhay na ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang dugo’t laman? Paano mo ba mismo naaarok ang paggamit sa iyo ng Diyos upang maipamuhay mo ang iyong ekstraordinaryong buhay? Talaga bang mayroon kang determinasyon at pananalig na ipamuhay ang makabuluhang buhay ng isang taong madasalin at mapaglingkod sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?). Nagpakita na ang Diyos at gumagawa na sa loob ng napakaraming taon, pero marami pa ring tao ang hindi nakakaalam at sumasamba pa rin sa mga huwad na diyos, namumuhay sa panlilinlang ni Satanas. Tayo, na unang nakatanggap sa ebanghelyo ng Diyos, ay may responsabilidad na magpatotoo sa kanila tungkol sa gawain ng Diyos para marinig nila ang tinig ng Diyos at lumapit sa Diyos sa lalong madaling panahon. Sa pagbabalik-tanaw sa mga pagtitipon kasama ang mga baguhang ito, kapag binabasa namin sa kanila ang mga salita ng Diyos, anuman ang edad o kasarian, lahat sila ay may pananabik sa kanilang mga mata, na para bang nakakita sila ng liwanag na suminag sa isang madilim na mundo, na para bang napakatagal na nilang hinihintay ang pagdating ng liwanag at sa wakas ay nakahanap na ng pag-asa. Kahit na nahaharap sa pang-uusig ng gobyerno at sa panganib na maaresto at mapagmulta, kahit na kailangan nilang maglakbay nang malayo, at kahit pa ang ilan sa kanila ay may anak na isang buwang gulang pa lang, ayaw nilang makaligtaan ang kahit isang pagtitipon, at ninais nilang magtipon buong araw para pakinggan ang mga salita ng Diyos. Hindi sila natakot sa pang-uusig ng gobyerno, kundi natakot silang hindi marinig ang mga salita ng Diyos at hindi makapagtipon. Sabi ng ilan sa mga baguhan, “Sister, huwag kang matakot. Makikipaglaban tayo ng digmaang gerilya kay Satanas. Kung umakyat sila sa bundok, bababa tayo. Hahanap tayo ng paraan para magtipon.” Talagang naantig ako nang marinig ito. Kung iiwan ko na lang sila nang ganito, na magiging dahilan para hindi nila marinig ang mga salita ng Diyos, uusigin ako ng aking konsensiya. Naisip ko kung paanong ipinahayag ng Diyos ang napakaraming katotohanan para dalisayin at iligtas ang sangkatauhan, at kung paanong natamasa ko ang pagdidilig at pagtutustos ng mga salita ng Diyos, naunawaan ang maraming misteryo ng katotohanan, at natanggap ang landas para iwaksi ang aking tiwaling disposisyon. Napakarami nang naibigay sa akin ng Diyos, at napakalaki ng Kanyang pagmamahal! Paulit-ulit kong sinasabi na gagawin ko nang maayos ang aking tungkulin para suklian ang pagmamahal ng Diyos, at na hindi ko bibiguin ang Diyos o ang Kanyang pagmamahal sa akin, pero dahil natakot akong idiborsiyo ng asawa ko, gusto kong abandonahin ang tungkulin ko at iwanan ang mga baguhan. Hindi ko man lang naisip kung ano ang mangyayari kung umalis ako: Patuloy silang uusigin ng opisyal, pinagbabantaan na kung mahuhuli sila, pagmumultahin sila o ikukulong. Manghihina at magiging kimi ba sila, at hindi na mangangahas na dumalo sa mga pagtitipon? Kung walang magdidilig sa kanila, magiging negatibo ba sila at aatras? Labis-labis ang kanilang pag-aasam sa katotohanan na para marinig ang mga salita ng Diyos, dumarating sila sa lugar ng pagtitipon bago pa man mag-madaling araw, naghihintay sa akin. Kung hindi nila maririnig ang mga salita ng Diyos, hindi ba sila mapapahirapan at masasaktan? Kung aalis na lang ako nang ganito, tatratuhin ko ba nang tama ang Diyos at ang mga baguhang ito? Kung iiwan ko ang mga baguhang ito dahil sa takot sa diborsiyo, na magiging dahilan para manghina sila at umatras, wala na akong mukhang ihaharap sa Diyos! Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong naramdaman na may utang ako sa Diyos.

Kalaunan, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ang Diyos ay gumagawa—kapag nagmamalasakit ang Diyos sa isang tao at nagsisiyasat sa taong ito, at kapag nakikita Niyang karapat-dapat ito at sinasang-ayunan Niya ang taong ito—nakabuntot din nang malapitan si Satanas, sinusubukang iligaw at lubhang pinsalain ang taong ito. Dahil nais ng Diyos na makamit ang taong ito, ginagawa ni Satanas ang lahat ng makakaya nito para humadlang, gamit ang iba’t ibang kasuklam-suklam na pamamaraan upang guluhin at sirain ang gawain ng Diyos, upang makamit ang napakasamang layon nito. Ano ang layong ito? Ayaw nito na makamit ng Diyos ang sinuman; nais nitong agawin palayo ang mga taong nilalayong makamit ng Diyos, upang masakop sila, makontrol sila, at mapangasiwaan sila, upang sambahin nila ito at samahan nila ito sa paggawa ng mga kasamaan para labanan ang Diyos. Hindi ba ito ang masamang motibo ni Satanas? … Sa pakikipagdigma sa Diyos at pagbuntot sa Kanya, ang layon ni Satanas ay ang buwagin ang lahat ng gawain na nais gawin ng Diyos, at ang sakupin at kontrolin ang mga nais na makamit ng Diyos. Gusto nitong ganap na lipulin ang mga nais na makamit ng Diyos, o na angkinin sila at gamitin sila kung hindi sila malipol. Ito ang layon nito(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na saanman magpunta ang gawain ng Diyos, sumusunod ang panggugulo ni Satanas. Nais ng Diyos na makamit ang mga taong tunay na nananampalataya sa Kanya, pero ginagamit ni Satanas ang gobyerno para usigin sila, ginagawa ang lahat ng makakaya para pigilan sila sa pananampalataya sa Diyos. Nang makita ni Satanas na hindi makamit ng gayong pang-uusig ang layon nito, binago nito ang mga taktika, ginamit nito ang asawa ko para pagbantaan ako ng diborsiyo, sinusubukang pilitin akong umalis sa nayon, dahil sa ganitong paraan, walang sinuman ang magdidilig sa mga baguhang ito. Ang layon ni Satanas ay ang pigilan sila sa pagdinig sa mga salita ng Diyos at unti-unti silang paatrasin. Talagang kasuklam-suklam at walang-hiya si Satanas! Kung uuwi ako, hindi ba’t mahuhulog ako sa mga pakana ni Satanas? Nang makita nang malinaw ang masamang intensyon ni Satanas, nagpasya akong diligan nang maayos ang mga baguhang ito. Pagkatapos ay nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, hindi na ako uuwi. Aasa ako sa Iyo para madiligan nang maayos ang mga baguhan sa dalawang nayong ito. Kahit idiborsiyo pa ako ng asawa ko, hindi ako babalik.” Nang maihanda ko na ang aking sarili para sa diborsiyo, ang hindi ko inaasahan ay kinabukasan mismo, nagpadala ng mensahe ang asawa ko na alagaan kong mabuti ang sarili ko. Sinabi niya na dahil malamig, dapat akong magsuot ng mas maraming damit at mag-ingat kapag nangangaral ng ebanghelyo. Sinabi rin niya na puwede akong bumalik kahit kailan ko gusto at pinadalhan pa niya ako ng 4,000 yuan para bumili ng damit para sa taglamig. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos!

Sa mga sumunod na araw, bagama’t hindi na ako gaanong nililimitahan ng asawa ko, mas lalo pang tumindi ang pang-uusig ng opisyal sa halip na humupa. Kalaunan, narinig ko ang isang himno na pinamagatang, “Sumusunod kay Cristo, Hindi Ako Kailanman Tatalikod, Kahit Hanggang Kamatayan”:

Ang Anak ng tao sa mga huling araw ay nagpapahayag ng katotohanan, ginigising ang di-mabilang na puso. Nakikita kong ang mga salita ng Diyos ay pawang katotohanan, kaya sumusunod ako sa Kanya. Si Satanas, ang malaking pulang dragon, ay hibang na inaapi at inaaresto ang hinirang na mga tao ng Diyos. Iyong mga sumusunod kay Cristo at gumagawa ng mga tungkulin nila ay ibinubuwis ang kanilang buhay. Balang araw, maaari akong maaresto at mausig dahil sa pagpapatotoo sa Diyos. Sa puso ko, malinaw kong nauunawaan na isa itong pang-uusig na alang-alang sa pagiging matuwid. Balang araw, baka maaresto at makulong ako dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Ito ang pagdurusang inorden ng Diyos para sa mga sumusunod sa Kanya. Hindi ko alam kung gaano katagal ko pa matatahak ang landas na ito ng pangangaral ng ebanghelyo, pero hangga’t nabubuhay ako, ipapakalat ko ang mga salita ng Diyos at magpapatotoo ako kay Cristo. Ginugugol ko ang aking sarili para lang hangarin ang katotohanan at tuparin ang atas ng Diyos. Sa buhay na ito, ikinararangal ng puso ko ang sumunod at magpatotoo kay Cristo. Kahit hindi ko makita ang araw na maisasakatuparan ang kaharian, sapat nang makapagpatotoo at mapahiya si Satanas sa araw na ito. Kasama ko ang Diyos sa pag-uusig at kapighatian; Siya ang aking sandigan. Marahil ang buhay ko ay maglalahong parang isang panandaliang paputok, ngunit ang mamatay bilang martir para sa Diyos ay isang matunog na patotoo. Naihandog ko ang aking munting lakas sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Wala akong mga reklamo at mga pagsisisi. Dahil nakapagpatotoo ako sa Diyos, hindi naging walang saysay ang buhay ko. Ito ang pag-orden ng Diyos, at nag-aalay ako sa Kanya ng papuri at pasasalamat.

Lumalaganap ang mga salita ng Diyos sa buong mundo; ang kaharian ni Cristo ay nagpakita na sa gitna ng mga tao. Sa gitna ng mga sakuna, nakagawa ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay, pawang nagpapatotoo sa Kanya. Naglalaho na ang kadiliman, at sumikat na ang bukang-liwayway ng katuwiran. Ginapi ng Diyos si Satanas, ang malaking pulang dragon. Purihin ang Diyos, na nagkamit ng kaluwalhatian!

—Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin

Talagang naantig ako at nabigyang-inspirasyon matapos makinig sa himnong ito. Bagama’t maaari akong arestuhin at usigin dahil sa pagdidilig sa mga baguhan sa dalawang nayong ito—kahit hanggang sa punto ng kamatayan bago ko pa man makita ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos—hindi ko ito pagsisisihan. Napakalaking karangalan ang matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at maipakalat ang Kanyang ebanghelyo ng kaharian. Nang mapagtanto ito, mas lalo akong nagkaroon ng pananalig na danasin ang anumang bagay na paparating.

Nalaman ng opisyal na nagtitipon kami tuwing ika-6 ng umaga, kaya nagsisiga siya sa kanyang bakuran ng ika-5 ng umaga, naghihintay sa amin. Kapag dumadaan ako sa bahay niya sakay ng aking motorsiklo, pinapatay ko ang mga ilaw ng motorsiklo o pinapatay ang makina at itinutulak ito, sa takot na makita niya ako. Hindi kami nangahas na buksan ang mga flashlight kapag umaakyat kami sa bundok, at minsan, kapag umuulan, nagtitipon kami sa mga liblib na bahay ng mga kapatid sa nayon. Para maiwasang mahuli, kapag natatapos ang mga pagtitipon, ang ilang kapatid ay nagbubuhat ng panggatong pauwi, habang ang iba naman ay naggagabay ng baka pabalik, at ang ilan ay namimitas ng mga ligaw na gulay para iuwi. Bagama’t nagsisiga ang opisyal sa kanyang bakuran, naghihintay sa amin, ni minsan ay hindi kami kailanman natuklasan. Alam kong ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at tinakpan Niya ang mga mata ng opisyal. Sa pagdanas sa gayong sitwasyon, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kalaunan, ang mga tao sa dalawang nayong ito, maliban sa opisyal, sa kanyang asawa, at sa ilang taong may masamang pagkatao, ang lahat ay tumanggap ng gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Maging ang kapatid na lalaki, kapatid na babae, hipag, at biyenang lalaki ng opisyal ay tinanggap din ito. Sa huli, nagpatuloy kami sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga tao sa isa pang nayon sa pamamagitan nila, at noong panahong iyon, humigit-kumulang pitumpu hanggang walumpung tao ang tumanggap sa gawain ng Diyos. Gaano man kami inusig ng opisyal, aktibo pa ring dumalo sa mga pagtitipon ang mga baguhang ito, at patuloy na dumami ang bilang ng mga baguhan. Ito ay tunay na resulta ng gawain ng Banal na Espiritu. Nakita ko na anuman ang mga pamamaraang gamitin ni Satanas, hindi nito mapipigilan ang paglaganap ng gawain ng ebanghelyo.

Sa panahong iyon, bagama’t nagdusa ako ng ilang pisikal na paghihirap, at nakaranas din ako ng pang-uusig ng gobyerno at panggugulo mula sa aking asawa, na napakasakit noong mga panahong iyon, marami akong natamo. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 7. Ang Pagsunod sa Diyos ang Pinakamagandang Pagpili sa Aking Buhay

Sumunod: 9. Mga Aral na Natutuhan Pagkatapos Mailipat ng Tungkulin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito