64. Ang Aking Karamdaman ay Pagpapala ng Diyos

Ni Xiaojin, Tsina

Noong Abril 2017, pumunta ako sa ospital para magpasuri at nalaman kong mayroon akong hepatitis B. Umaabot sa 220 U/L ang taas ng aking transaminase level, at aktibo ang aking hepatitis B. Isinaalang-alang ng iglesia ang kalagayan ko at isinaayos na umuwi ako para magpagamot. Habang nag-iimpake ako, pinanood ko ang dalawang brother na katuwang ko na nag-uusap at nagtatawanan habang pinag-uusapan ang gawain. Nakaramdam ako ng kapanglawan, at naisip ko, “Ngayong malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, kritikal na sandali ito para gawin natin ang ating tungkulin at maghanda tayo ng mabubuting gawa. Pero ako, heto, uuwi para magpagaling. Kung mananatili ako sa bahay nang isa o dalawang taon at hindi makakagawa ng anumang tungkulin, paano pa ako makakapaghanda ng mabubuting gawa? Pagdating ng kalamidad, tiyak na mapapahamak ako. Kung mamatay ako, hindi ba’t masasayang lang ang pananampalataya ko sa Diyos?” Naisip ko rin kung paanong wala pa mang isang taon mula nang magsimula akong manampalataya sa Diyos ay umalis na ako ng bahay para gampanan ang tungkulin ko. Anumang tungkulin ang iatas sa akin ng iglesia, hindi ako kailanman naging mapili, at palagi kong sinisikap na gawin iyon nang maayos. Sa partikular, nitong huling anim na buwan ay ginagawa ko ang tungkulin ng pag-eedit. Madalas ay maaga akong bumabangon at gabing-gabi na natutulog. Hindi ako kailanman sumuko kapag nakakaranas ng mga paghihirap, at nagsikap akong pag-aralan ang mga kinakailangang kasanayang propesyonal. Nagtamo naman ako ng ilang resulta sa mga tungkulin ko. Napakasigasig at napakaaktibo ko sa paggawa ng tungkulin ko, kaya bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos? Bakit sa halip nito ay hinayaan Niyang dapuan ako ng sakit na ito? Talagang hindi ko iyon maintindihan. Pag-angat ko ng ulo ko para tingnan ang dalawang brother, nainggit ako sa kanila dahil malusog ang kanilang pangangatawan at nakakagawa pa rin sila ng tungkulin dito. Samantalang ako, malapit nang umalis sa lugar kung saan ako gumagawa ng tungkulin para umuwi. Pakiramdam ko ay labis na mapanglaw ang aking hinaharap, at bagsak na bagsak ang loob ko, para akong paralisado at nanghihina ang buong katawan. Nang maisip ko kung paanong ito na ang huling yugto ng gawain ng Diyos at ang tanging pagkakataon ng sangkatauhan para maligtas, at na mapalad ako na mabuhay sa panahong ito, talagang ayaw kong sumuko nang ganito na lang. Naisip ko na sa pag-uwi kong ito, kailangan kong magmadaling magpagamot, at babalik ako sa aking mga tungkulin kapag gumaling na ako. Sa ganoong paraan, mas marami akong maihahandang mabuting gawa at mas malaki ang pag-asa kong maligtas.

Pagkauwi ko, narinig kong napakabisa raw ng gamot na Tsino, kaya agad kong pinakuha si Tatay ng gamot na Tsino. Kasabay nito, nagpatuloy din ako sa pag-aaral ng mga teknik na may kaugnayan sa tungkuling ginagawa ko noon, iniisip na kapag gumaling na ang sakit ko, makakalabas na ulit ako para gawin ang tungkulin ko. Niresetahan ako ng doktor ng gamot na para sa isang buwan. Ininom ko iyon nang tama sa oras gaya ng sabi ng doktor, sa pag-asang gagaling ako agad. Makalipas ang isang buwan, pumunta ako sa ospital para magpasuri, punung-puno ng pag-asa. Nang makuha ko ang resulta ng test, nakita kong hindi bumaba ni katiting ang transaminase level ko. Talagang hindi ako makapaniwala, at naisip ko, “Ininom ko naman ang gamot ko sa tamang oras sa buong buwang ito. Bakit hindi man lang bumuti ang kalagayan ko? Bakit hindi ako pinagpala ng Diyos?” Pagkaraan ng ilang panahon, bandang Agosto, may isang sister na nagsabi sa akin tungkol sa isang halamang tinatawag na wild celery, na ginamit daw ng ilang tao para gamutin ang hepatitis B. Tuwang-tuwa ako nang marinig ko ito. Kahit na paulit-ulit na binigyang-diin ng sister na ang halamang ito ay labis na nakakalason at maaaring nakamamatay kapag hindi naproseso nang maayos, gusto ko pa rin itong subukan. Naisip kong sulit lang ang panganib kung mapapagaling naman nito ang sakit ko. Sa hindi inaasahan, wala itong naging anumang epekto, at labis akong naging miserable. Hindi ko maintindihan kung bakit nangyayari ito. Pagkatapos niyon, nalubog ako sa pagiging negatibo. Wala akong masabi sa mga panalangin ko, na walang kabuhay-buhay; nabawasan ang pagkain at pag-inom ko ng mga salita ng Diyos, hindi ko na gustong pag-aralan ang mga teknik na pinagsisikapan kong aralin noon, at palagi akong walang motibasyon.

Bandang Nobyembre, isang brother ang nagdala sa akin ng isang reseta, at sinabing para daw talaga iyon sa paggamot ng hepatitis B. Gusto ko sana iyong subukan, pero nang maalala ko ang pagkabigo ng huli kong gamutan gamit ang wild celery, naisip ko, “Dahil kaya iyon sa nakatuon lang ako sa gamot at bihira akong manalangin? Habang ginagamot ako, kailangan kong mas madalas na manalangin sa Diyos. Baka kapag nakita ng Diyos ang ‘taimtim’ kong puso, pagpapalain Niya ako at pagagalingin ang sakit ko.” Agad kong kinuha ang reseta at binili ang gamot. Gaano man kapait ang gamot, tiniis at ininom ko iyon. Sa panahong ito, maraming beses akong nanalangin sa Diyos, sinasabi sa Kanya na gusto kong lumabas ulit para gawin ang tungkulin ko at taimtim na hangarin ang katotohanan. Umaasa akong maaantig ko ang puso ng Diyos sa ganoong “kataimtim” na saloobin, para pagpalain Niya ako at gumaling na ako sa aking karamdaman. Makalipas ang isang buwan, nang kunin ko ang resulta ng test, sabi ng doktor, “Dalawang beses ka naming sinuri. Napakataas ng viral load mo. Ang transaminase level mo ay umabot pa sa mahigit 1,200!” Naisip ko, “Yung mahigit 200 na transaminase level nga, napakalubha na. Ano pa kaya ang ibig sabihin ng mahigit isang libo?” Natigilan ako sa aking kinatatayuan, at naalala kong may nagsabi noon na kung hindi makokontrol nang maayos ang hepatitis B, maaari itong mauwi sa cirrhosis o maging sa kanser sa atay. Magkakaroon din kaya ako ng kanser sa atay? Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng matinding takot at kawalan ng magawa. Naisip ko kung paanong sa nakalipas na buwan ay madalas akong nanalangin sa Diyos na pagalingin ang sakit ko, pero ngayon, hindi lang hindi bumuti ang kondisyon ko, lalo pa itong lumala. Tiyak na hindi nagkataon lang na paulit-ulit akong sumasapol sa pader. Sa buong panahong ito, ang gusto ko lang ay gumaling, at inakala kong dahil gusto kong gumaling para magawa ang tungkulin ko, makatwiran naman iyon. Pero, hindi ko kailanman naisip kung nakaayon ba ito sa mga layunin ng Diyos. Nagsimula akong mag-isip, “Maaaring may layunin ang Diyos sa biglaang paglala ng kalagayan ko. Hindi ako puwedeng magpatuloy na maging matigas ang ulo at hindi nagsisisi. Kailangan kong manalangin, hanapin ang layunin ng Diyos, at matuto ng aral.” Kaya, taimtim akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, “Mahal kong Diyos, may pahintulot Mo ang paglala ng aking karamdaman. Bagama’t hindi ko pa rin naiintindihan kung bakit ito nangyayari, alam ko sa puso ko na ang hinahangad ko ay tiyak na hindi naaayon sa Iyong layunin. Nawa’y akayin Mo ako para maarok ko ang Iyong layunin at hindi ako maghimagsik laban sa Iyo.” Nakatulala akong nakaupo sa isang baitang sa ospital, walang tigil na tumatawag sa Diyos sa puso ko. Bigla kong naalala ang ilang salita ng Diyos na nabasa ko noon: “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Pinahintulutan ng Diyos na alisin ni Satanas ang lahat ng ari-arian at mga anak ni Job at pinahintulutan din Niyang dapuan ito ng karamdaman. Nawala kay Job ang lahat at nagdusa rin ang kanyang laman ng matinding sakit. Mula sa perspektiba ng mga makamundong tao, ang nangyari kay Job ay hindi mabuting bagay kundi masama. Gayunpaman, natakot si Job sa Diyos. Hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos, at nagawa niyang magpasakop. Pagkatapos maranasan ni Job ang mga pagsubok, nagkamit siya ng kaunting pagkaunawa sa Diyos, at ang kanyang pananalig at takot sa Diyos ay tumaas; Nagpakita sa kanya ang Diyos nang personal. Napakalaking pagpapala nito! Nang pagnilayan ko ito, napagtanto ko na gaano man kalaki ang karamdaman o kasawiang dumating sa iyo, o gaano man karaming pagdurusa ang dapat mong tiisin, kung kaya mong hangarin ang katotohanan at hanapin ang layunin ng Diyos, sa huli ay makakamit mo ang katotohanan mula rito at may ilan kang makakamit. Mabuti ang mga layunin ng Diyos, at hindi Niya gustong pagkatuwaan ang sinuman. Nang maunawaan ko ang layunin ng Diyos, may mainit na pakiramdam na umusbong mula sa kaibuturan ng puso ko, at ang aking pusong walang magawa at natatakot ay nag-init at unti-unting kumalma. Kailangan kong tularan si Job, magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop, at manalangin para hanapin ang layunin ng Diyos. Naniniwala akong aakayin ako ng Diyos!

Masyadong maingay sa ospital, kaya tumayo ako at pumunta sa kalapit na kakahuyan. Pagpasok ko sa kakahuyan, hindi ko mapigilang mag-alala ulit tungkol sa kalagayan ko. Naisip ko, “Ngayong buwan, pumalo na sa mahigit 1,000 ang transaminase level ko. Kung magpapatuloy ito sa ganitong bilis, at magkaroon ako ng kanser sa atay, hindi ba’t katapusan ko na? Talaga bang kukunin na ng Diyos ang buhay ko sa pagkakataong ito?” Nang maisip ko ang kamatayan, hindi ko namalayang lumaban ang puso ko, iniisip ko na, “Bakit gusto ng Diyos na mamatay ako? Bata pa ako! Talaga bang magtatapos na ang buhay ko gayong nagsisimula pa lang ito? Kung hindi ako nanampalataya sa Diyos, hindi kaya ako dadaan sa ganitong uri ng pagsubok? Hindi kaya ako magkakaroon ng ganitong sakit? Kahit na hindi ako maliligtas, kahit papaano sana’y nabuhay pa ako nang ilang taon!” Sa sandaling iyon, kinabahan ako bigla. Naisip ko, “Hindi ba’t nagrereklamo ako tungkol sa Diyos?” Agad akong nanalangin sa Diyos, “Mahal kong Diyos, ayokong magreklamo tungkol sa Iyo, pero laging pinipigilan ng kamatayan ang puso ko. Nawa’y akayin Mo ako para harapin nang tama ang bagay na ito.” Pagkatapos manalangin, naalala ko ang isang himno na madalas kong kantahin noon na may pamagat na “Ang Nilikha’y Dapat Sakop ng mga Pagsasaayos ng Diyos”:

1  Anuman ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kailangan mo lamang pagsikapan ito nang buo mong lakas, at umaasa Ako na magagawa mong ipakita ang debosyon mo sa Diyos sa harap Niya sa mga huling araw na ito. Hangga’t kaya mong makita ang nasisiyahang ngiti ng Diyos habang Siya ay nakaupo sa Kanyang trono, kahit ang sandali mang ito ang oras ng iyong kamatayan, dapat mong makayang tumawa at ngumiti habang ipinipikit ang iyong mga mata. Dapat mong gawin ang iyong huling tungkulin para sa Diyos habang buhay ka pa.

2  Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga huling araw na ito, at ubusin ang lahat ng iyong lakas alang-alang sa Kanya. Ano ang maaaring gawin ng isang nilikha para sa Diyos? Samakatwid, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa Diyos nang maaga, para mapamatnugutan ka Niya sa paraang nais Niya. Hangga’t napapasaya at nabibigyang-kaluguran nito ang Diyos, kung gayon ay hayaan Siyang gawin kung ano ang kalooban Niyang gawin sa iyo. Ano ang karapatan ng tao na bumigkas ng mga salita ng reklamo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 41

Mahina kong hinuhuni ang himno at kusang naluha ang aking mga mata. Biniyayaan ako ng Diyos sa pagdadala sa akin sa Kanyang sambahayan. Nakabasa ako ng maraming salita Niya at nakaunawa ng ilang katotohanan. Alam kong ang mga tao ay nilikha ng Diyos, alam ko kung paano ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan nang paisa-isang hakbang, at kung paano nililinis at binabago ng Diyos ang mga tao sa mga huling araw. Naranasan ko rin ang kaliwanagan at pamumuno ng Banal na Espiritu sa paggawa ko ng aking tungkulin. Napakarami kong natanggap mula sa Diyos, pero hindi man lang ako nagpasalamat sa Kanya. Ngayong lumala ang kalagayan ko, nagreklamo ako tungkol sa Diyos at naisip ko pa ngang pagsisihan ang pananampalataya ko sa Kanya. Hindi ba’t nakakadurog iyon ng puso para sa Diyos? Hindi ba’t isa iyong pagtataksil? Lahat ng taong nabubuhay sa mundong ito ay magkakasakit, at napakaraming taong hindi nananampalataya sa Diyos ang nagkakaroon ng malulubhang karamdaman at kanser. Pero nagreklamo pa rin ako, iniisip na kung hindi ako nanampalataya sa Diyos, baka hindi ako nagkaroon ng sakit na ito. Hindi ba’t purong kalokohan ang sinasabi ko? Talagang wala ako sa katwiran! Bagama’t nagkaroon ako ng ganitong sakit, nanalangin ako sa Diyos, at binigyang-liwanag at ginabayan Niya ako sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, na nagbigay sa akin ng kapanatagan at suporta. Dahil sa suporta ng Diyos, naging mas masaya ako kaysa sa mga walang pananampalataya. Bukod pa roon, isa akong nilikha. Nilikha ako ng Diyos, at kahit bawiin pa Niya ang buhay ko, hindi ako dapat magreklamo tungkol sa Kanya, at lalong hindi ko dapat pagsisihan kailanman ang pananampalataya ko sa Diyos. Dapat akong magpasakop. Pagkatapos ay nag-alay ako ng isang panalangin ng pagpapasakop sa Diyos, at napanatag nang husto ang kalooban ko. Hindi na ako nag-alala kung mamamatay ba ako.

Sa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa aking tiwaling disposisyon. Sabi ng Diyos: “Dahil ang mga tao sa ngayon ay hindi nagtataglay ng pagkatao na gaya ng kay Job, ano ang kanilang kalikasang diwa, at ang kanilang saloobin sa Diyos? Natatakot ba sila sa Diyos? Lumalayo ba sila sa kasamaan? Ang mga walang takot sa Diyos o hindi lumalayo sa kasamaan ay maaari lamang na ilarawan sa tatlong salita: ‘kaaway ng Diyos.’ Madalas ninyong sabihin ang tatlong salitang ito, ngunit hindi ninyo kailanman nalaman ang kanilang tunay na kahulugan. Ang mga salitang ‘kaaway ng Diyos’ ay may ganitong diwa: Ang mga ito ay hindi nagsasabi na nakikita ng Diyos ang tao bilang kaaway, kundi ang tao ay nakikita ang Diyos bilang kaaway. Una, kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, sino sa kanila ang walang sariling mga pakay, motibasyon, at ambisyon? Kahit na may isang bahagi sa kanila na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at nakakita sa pag-iral ng Diyos, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay naglalaman pa rin ng ganoong mga motibasyon, at ang kanilang pinakapakay sa paniniwala sa Diyos ay ang pagtanggap ng Kanyang mga pagpapala at ng mga bagay na gusto nila. Sa mga karanasan ng mga tao sa kanilang buhay, madalas nilang naiisip sa kanilang sarili: ‘Tinalikuran ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong kuwentahin ito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Marami ang ibinigay ko sa panahong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at labis na nagdusa—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naalala ba Niya ang aking mabubuting gawa? Ano ang magiging hantungan ko? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? …’ Ang bawat tao ay patuloy na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at naglalatag sila ng mga hinihingi sa Diyos na nagtataglay ng kanilang mga motibasyon, ambisyon, at transaksiyonal na pag-iisip. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nangangatwiran sa Diyos para sa kanyang sariling indibidwal na kalalabasan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, at tingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Diyos, at pinipilit pa ang Diyos sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Diyos, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, negatibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula nang ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang pagpoprotekta, pangangalaga, at pagtutustos sa tao ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng Diyos. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa ‘pananampalataya sa Diyos,’ ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng pananampalataya sa Diyos. Mula sa kalikasang diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hangarin, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang pananampalataya sa Diyos ay nangangailangan ng pagkatakot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Sa harap ng ganitong mga kalagayan, ang diwa ng tao ay halatang-halata. Ano ang diwang ito? Ito ay na ang puso ng tao ay masama, mapanganib, at mapanlinlang, walang pagmamahal sa pagiging patas at pagiging matuwid, at sa mga bagay na positibo, at ito ay kamuhi-muhi at sakim. Ang puso ng tao ay masyado nang sarado sa Diyos; hindi ito ibinigay ng tao sa Diyos kailanman. Hindi kailanman nakita ng Diyos ang tunay na puso ng tao, at hindi rin Siya kailanman sinamba ng tao. Gaano man kalaki ang halagang binabayaran ng Diyos, o gaano man karaming gawain ang Kanyang ginagawa, o gaano man karami ang ibinibigay Niya sa tao, ang tao ay nananatiling bulag dito, at lubos na walang malasakit. Hindi kailanman ibinigay ng tao ang kanyang puso sa Diyos, gusto niya lang na pangalagaan mismo ang kanyang puso, gumawa ng kanyang mga sariling desisyon—ang ibig sabihin ay hindi niya nais na sundan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, o magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi niya rin gusto na sambahin ang Diyos bilang Diyos. Ganito ang kalagayan ng tao sa kasalukuyan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Inilantad ng Diyos ang mga intensyon at pamamaraan ng mga taong nananampalataya sa Diyos para subukang makipagtawaran sa Kanya. Kinokondena ng Diyos ang mga taong ito bilang may diwa na kasuklam-suklam, sakim, taksil, at mapanlinlang. Ang tono at pagkakasabi sa mga salita ng Diyos ay punumpuno ng pagkamuhi at pagkasuklam sa ganitong uri ng mga tao, at naramdaman ko ang matuwid na disposisyon at banal na diwa ng Diyos. Nang ihambing ko ang pakikitungo nila sa Diyos sa pakikitungo ko, nakita kong ganoon din ang naging pakikitungo ko sa Kanya. Naalala ko noong malaman kong sa mga huling araw, dumating ang Diyos para magtrabaho upang wakasan ang kapanahunang ito, at ang mga taong ililigtas ng Diyos ay makakaligtas at makakapasok sa kaharian para tamasahin ang walang hanggang mga pagpapala, labis kong hinangad na makamit ang mga pagpapalang ibibigay ng Diyos sa tao, kaya buong-katatagan akong nagpasyang manampalataya sa Diyos. Pagkatapos kong manampalataya sa Diyos, masigasig akong naghangad, at sa loob ng isang taon, nagsimula na akong gawin ang aking tungkulin nang full-time. Hindi ako sumuko sa paggawa ng tungkulin sa pag-eedit sa kabila ng maraming paghihirap, at kusa kong pinag-aralan ang mga kasanayan sa gawain, at naglaan ako ng maraming pagsisikap. Akala ko, dahil napakaagap ko sa paggawa ng aking tungkulin, tiyak na gusto ako ng Diyos at sinasang-ayunan Niya ako, at magkakaroon ako ng malaking pag-asa na pagpalain sa hinaharap. Nang ma-diagnose ako na may aktibong Hepatitis B, nagreklamo ako tungkol sa Diyos sa puso ko, at inakala kong hindi dapat ako hinayaan ng Diyos na magkasakit dahil napakaagap ko sa paggawa ng aking tungkulin. Naisip ko na kung uuwi ako para magpagaling, hindi ko na magagawa ang tungkulin ko at hindi na ako makakatanggap ng mga pagpapala sa hinaharap, kaya napakasakit ng kalooban ko. Pagkauwi ko, sinubukan ko ang lahat ng posibleng paraan para gamutin ang sakit ko, at umasa akong pagpapalain ako ng Diyos para gumaling ako sa aking karamdaman sa lalong madaling panahon. Nang hindi gumaling ang sakit ko pagkatapos ng dalawang gamutan, nakaramdam ako ng matinding pagkabalisa at kawalan ng pag-asa. Ayoko nang manalangin, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, o matuto pa ng mga teknik sa pag-eedit, at namuhay ako sa pagiging negatibo. Kalaunan, nanalangin ako nang hindi taos-puso sa Diyos, sinasabing mabagal ang aking paglago sa buhay dahil hindi ko ginagawa ang aking tungkulin. Ang ipinapahiwatig ko ay hilingin sa Diyos na alisin ang sakit ko para maipagpatuloy ko ang paggawa ng aking tungkulin. Ang totoo, gusto kong lumabas at gawin ang tungkulin ko hindi para bigyang-kasiyahan ang Diyos, kundi para sa kapakanan ng sarili kong hantungan sa hinaharap. Natatakot ako na kung hindi ko magagawa ang tungkulin ko, hindi ako magkakaroon ng magandang hantungan, pero kapag nananalangin ako sa Diyos, sinasabi kong gusto kong gawin ang tungkulin ko para hangarin ang katotohanan at bigyang-kasiyahan Siya. Hindi ba’t harap-harapan kong sinusubukang linlangin ang Diyos? Nakita ko na ang intensyon ko sa pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ay para lamang makakuha ng mga pagpapala at kapakinabangan mula sa Kanya. Ang tanging sinubukan kong gawin ay makipagtawaran at humingi sa Diyos, at wala akong kahit katiting na katapatan. Nilikha ako ng Diyos, at lahat ng mayroon ako ay mula sa Diyos. Ngayon, pinalad akong tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, pero wala akong kahit katiting na pasasalamat sa Kanya. Sinubukan ko pa ngang makipagtawaran sa Diyos, linlangin Siya, at gamitin Siya. Wala akong kahit katiting na konsensiya o katwiran. Labis akong kasuklam-suklam! Wala akong anumang pagkatao! Kung ang pananampalataya ko sa Diyos ay palaging may halong mga pagtatangkang makipagtawaran sa Kanya, hindi Niya ako kailanman sasang-ayunan gaano man karaming tungkulin ang gawin ko. Dahil ang aking makasariling tiwaling disposisyon ay hindi nagbago ni katiting, isa pa rin akong makasarili, ubod ng sama, buktot, at mapanlinlang na tao. Paano ako maliligtas kung ganoon ako? Naisip ko kung paanong ginugol ni Pablo ang buong buhay niya sa pagpapagal para sa Panginoon, gumagawa ng hindi mabilang na mga gawain. Gayunpaman, hindi niya hinangad ang katotohanan, at ang kanyang tiwaling disposisyon ay hindi nagbago ni katiting. Ginamit pa niya ang kanyang gawain at paggugol bilang puhunan para hayagang humingi ng korona mula sa Diyos, sinasabing, “Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:8). Ang ipinahihiwatig nito ay na magiging hindi matuwid ang Diyos kung hindi Niya ipagkakaloob ang isang korona kay Pablo. Hayagang hinamon ni Pablo ang Diyos, na sumalungat sa disposisyon ng Diyos at humantong sa kanyang pagiging isinumpa at pinarusahan ng Diyos. Nang pagnilayan ko ito, nakaramdam ako ng takot, at napagtanto kong ang pananampalataya sa Diyos para lang maghangad ng mga pagpapala ay may malulubhang kahihinatnan. Noon ko lang naunawaan na may mabuting layunin ang Diyos sa pagkakaroon ko ng sakit na ito. Ilang taon na akong nananampalataya sa Diyos pero hindi ko kailanman hinangad ang katotohanan; tanging mga pagpapala lang ang hinangad ko at sinubukan kong makipagtawaran sa Diyos. Ayaw ng Diyos na magpatuloy ako sa maling landas at mapahamak, kaya ginamit Niya ang karamdaman para pigilan ako, ibinubunyag ang aking maruruming intensyon sa paghahangad ng mga pagpapala, pinipilit akong kumalma at pagnilayan nang husto ang aking sarili para maitama ko kaagad ang maling perspektiba sa likod ng aking paghahangad. Kung hindi ako nagkaroon ng sakit na ito, hinding-hindi ko talaga mauunawaan ang aking sarili. Noon ko lang naunawaan ang masisidhing layunin ng Diyos, at bigla na lang, nawala ang mga dati kong maling pagkaunawa at reklamo tungkol sa Diyos. Sa halip, napuno ng pasasalamat sa Kanya ang puso ko. Napagtanto ko na sa hinaharap, hindi na ako puwedeng humingi pa sa Diyos, gumaling man ang sakit ko o hindi. Sa halip, kailangan kong manampalataya at magpasakop nang maayos sa Diyos. Makalipas ang ilang araw, dinala ako ni Tatay sa ospital para magpagamot. Nanalangin ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, hindi ko alam kung ano ang haharapin ko sa pagpunta sa ospital ngayon. Pero naniniwala akong nasa lahat ng bagay ang Iyong mabubuting layunin. Anuman ang maging kalagayan ko, handa akong magpasakop sa Iyo.” Nagulat ang doktor nang makita niya ang resulta ng mga test ko, at sinabing medyo malubha ang kalagayan ko. Napinsala na ang atay ko at napakaraming hepatitis B virus sa katawan ko, kaya kailangan ko ng agarang gamutan. Nang marinig ko ito, medyo nag-alala ako, pero agad kong napagtanto na kung gagaling ba ang sakit ko o hindi ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang tangi kong dapat gawin ay tanggapin na lang kung ano ang mangyayari, at makipagtulungan sa gamutan. Pagdating naman sa kung ano ba ang mangyayari sa hinaharap, handa akong ipagkatiwala iyon sa Diyos. Nang maisip ko ito, napanatag ang loob ko.

Kalaunan, madalas akong nakakaramdam ng pag-aalala sa puso ko, iniisip na, “Nasa bahay lang ako araw-araw at hindi ko magawa ang tungkulin ko. Hindi ba’t magiging walang silbi lang ako? Hindi ako sasang-ayunan ng Diyos kung hindi ko magagawa ang tungkulin ko.” Nanalangin ako sa Diyos, hinahanap kung paano dapat danasin ang ganitong kapaligiran. Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang bokasyong mula sa langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o katwiran. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang pagdurusa sa kasawian ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi siya ginagawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa sa kasawian, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). “Kung, sa iyong pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, nasasabi mong, ‘Anumang karamdaman o hindi kaaya-ayang pangyayari ang itulot ng Diyos na sumapit sa akin—anuman ang gawin ng Diyos—kailangan kong magpasakop, at manatili sa aking lugar bilang isang nilikha. Bago ang lahat, kailangan kong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan—ang pagpapasakop—dapat ko itong ipatupad, at isabuhay ang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Bukod pa rito, hindi ko dapat isantabi ang inatas sa akin ng Diyos at ang tungkuling dapat kong gampanan. Kahit sa aking huling hininga, kailangan kong panghawakan ang aking tungkulin,’ hindi ba ito pagpapatotoo? Kapag mayroon kang ganitong uri ng determinasyon at ganitong uri ng kalagayan, nagagawa mo pa bang magreklamo tungkol sa Diyos? Hindi, hindi mo nagagawa. Sa gayong pagkakataon, iisipin mo sa iyong sarili, ‘Ibinibigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, tinustusan at pinrotektahan Niya ako sa nagdaang mga taon, inalis Niya mula sa akin ang labis na sakit, binigyan ako ng maraming biyaya, at maraming katotohanan. Naunawaan ko na ang mga katotohanan at hiwaga na hindi naunawaan ng mga tao sa maraming henerasyon. Napakarami kong nakamit mula sa Diyos, kaya kailangan kong suklian ang Diyos! Dati-rati, napakababa ng tayog ko, wala akong naunawaan, at lahat ng ginawa ko ay masakit sa Diyos. Maaaring wala na akong ibang pagkakataon para suklian ang Diyos sa hinaharap. Gaano man kahabang panahon ang natitira sa akin para mabuhay, kailangan kong ilaan ang kaunting lakas na taglay ko at gawin ang aking makakaya para sa Diyos, upang makita ng Diyos na lahat ng taon ng paglalaan Niya para sa akin ay hindi nawalan ng saysay, kundi nagkaroon ng bunga. Hayaang maghatid ako ng kapanatagan sa Diyos, at hindi ko na Siya saktan o biguin.’ Paano kaya kung sa ganitong paraan ka mag-isip? Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, ‘Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin at maging deboto. Paano ako magiging deboto kapag may karamdaman ako? Paano ko magagampanan ang tungkulin ng isang nilikha?’ Hangga’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gampanan ang iyong tungkulin? Hangga’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi magbigay ng kahihiyan sa Diyos? Hangga’t mayroon kang isang hininga, hangga’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagliwanag ang puso ko, at naunawaan kong ang ating tungkulin ay walang kinalaman sa kung tayo ba ay pagpapalain o magdurusa ng kasawian. Ang paggawa ng ating tungkulin ay ating responsabilidad at misyon bilang mga nilikha; ito lang talaga ang dapat nating gawin. Sa mga kuru-kuro ko, naniwala ako na hangga’t mas marami akong ginagawang tungkulin, sa huli ay makakatanggap ako ng mga pagpapala mula sa Diyos. Naisip kong kagaya lang ito ng pagtatrabaho ng mga walang pananampalataya para sa kanilang amo: Habang mas marami silang ginagawa, mas malaki ang sahod nila. Ang totoo, hindi kailanman sinabi ng Diyos na hangga’t ginagawa natin ang ating mga tungkulin at mas marami tayong ginagawang tungkulin, sasang-ayunan Niya tayo at pagpapalain. Ang pananaw ko ay ganap na nakabatay sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, at hindi talaga nakaayon sa katotohanan. Ang paggawa ng ating tungkulin ay isang paraan para hangarin natin ang katotohanan at maligtas tayo sa ating pananampalataya sa Diyos. Kung ginagawa natin ang ating tungkulin pero hindi natin hinahangad ang katotohanan, at tinatahak natin ang maling landas, at walang pagbabago sa ating mga tiwaling disposisyon, kung gayon gaano man karaming tungkulin ang gawin natin, hindi tayo kailanman sasang-ayunan ng Diyos. Halimbawa, ilang taon na akong nananampalataya sa Diyos ngayon, at sa buong panahong ito, gumagawa ako ng mga tungkulin sa iglesia. Gayunpaman, hindi ako nakatuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos para lutasin ang aking tiwaling disposisyon. Ang intensyon ko sa paggawa ng aking tungkulin ay palaging para makatanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos, at ang aking makasarili at sakim na tiwaling disposisyon ay hindi nagbago ni katiting. Nang dapuan ako ng karamdaman at manganib ang buhay ko, hindi ko mapigilang dumaing at magreklamo tungkol sa Diyos. Hindi ba’t paghihimagsik at paglaban ito sa Diyos? Kung hindi ko pa rin hahangarin ang katotohanan, sa huli ay hindi magbabago ang aking disposisyon, hindi ako magpapakita ng anumang tunay na pagpapasakop o takot sa Diyos at hindi ako magpapatotoo. Sa ganoong sitwasyon, gaano man karaming pagsisikap ang ilaan ko o gaano man karaming tungkulin ang gawin ko, masasayang lang ang lahat at hindi ako maliligtas. Naisip ko si Job. Sa kanyang kapanahunan, hindi gaanong gumawa ang Diyos, at wala rin Siyang gaanong ipinagkatiwala sa tao. Ang buhay ni Job ay pangunahing ginugol sa pag-aalaga ng mga hayop, pero may puwang para sa Diyos sa kanyang puso; mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Sa kanyang buhay, hinanap niya ang layunin ng Diyos sa bawat pagkakataon at hindi siya kailanman gumawa ng anumang bagay na sumalungat sa Diyos. Kahit noong dumating sa kanya ang mga pagsubok at nawala ang kanyang ari-arian at mga anak, at kahit noong napuno ang kanyang katawan ng napakasasakit na pigsa, hindi siya kailanman nagreklamo tungkol sa Diyos. Nagawa pa rin niyang magpasakop sa Diyos at purihin ang pangalan ng Diyos. Ang aktuwal na pagsasabuhay ni Job ay naging isang patotoo ng tagumpay ng Diyos laban kay Satanas, at natanggap niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Palagi akong natatakot na hindi na ako makagagawa ng iba pang mga tungkulin at matitiwalag ako. Ito ang kuru-kuro ko. Kung iisipin ko, limitado lang ang mga tungkuling nagagawa ko dahil sa aking karamdaman. Alam na alam ng Diyos ang sitwasyon ko. Halimbawa, may ilang kapatid na hindi magawa ang kanilang mga tungkulin dahil nakakulong sila, pero hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi Niya sila sinasang-ayunan. Hindi sinusukat ng Diyos ang mga tao ayon sa kung gaano karaming tungkulin ang ginagawa nila; sa halip, tinitingnan Niya kung anong landas ang kanilang tinatahak at kung nagbabago ba ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ngayon, ang kapaligirang isinaayos ng Diyos ay para maranasan ko ang Kanyang gawain sa bahay, at dapat akong tumanggap at magpasakop, na nakatuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at paghahangad sa katotohanan. Ito ang dapat kong gawin. Nabasa ko ang partikular na siping ito ng mga salita ng Diyos: “Huwag mong isipin kung paano iligtas ang sarili mo o tumakas, na iniisip, ‘Kailan gagaling ang karamdamang ito? Kapag gumaling ito, gagawin ko ang aking makakaya para gampanan ang aking tungkulin at maging deboto. Paano ako magiging deboto kapag may karamdaman ako? Paano ko magagampanan ang tungkulin ng isang nilikha?’ Hangga’t mayroon kang isang hininga, hindi mo ba kayang gampanan ang iyong tungkulin? Hangga’t mayroon kang isang hininga, kaya mo bang hindi magbigay ng kahihiyan sa Diyos? Hangga’t mayroon kang isang hininga, hangga’t matino ang iyong pag-iisip, kaya mo bang hindi magreklamo tungkol sa Diyos?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pagbabasa Lamang ng mga Salita ng Diyos at Pagninilay sa Katotohanan Magkakaroon ng Daan Pasulong). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag hinihingi sa atin ng Diyos na gawin natin ang ating tungkulin, tumutukoy ito sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapatotoo sa Kanya. Hindi Niya gustong magpagal ang mga tao para sa Kanya. Kahit pa hindi na ako kailanman gumaling sa sakit ko at hindi na ako makalabas para gawing muli ang tungkulin ko, kung kaya kong isuko ang intensyon kong magtamo ng mga pagpapala, tigilan ang pakikipagtawaran sa Diyos, at maging handang magpasakop sa Kanya anuman ang matanggap kong mga pagpapala o kasawian, ito rin ay isang tungkulin na dapat kong gawin sa harap ng Diyos. Anuman ang kahinatnan ng sakit ko sa hinaharap, makalabas man ako ulit para gawin ang tungkulin ko o hindi, o anuman ang uri ng kapaligirang isasaayos ng Diyos para sa akin, dapat akong magpatuloy na taimtim na manampalataya sa Diyos at hangarin ang katotohanan. Nang maunawaan ko ito, talagang nagliwanag ang puso ko, at hindi na ako nag-alala kung gagaling pa ba ako sa aking karamdaman. Ang pakiramdam ay gaya ng ginhawa at gaan matapos maiwaksi ang mabibigat na tanikala!

Pagkatapos niyon, gumawa ako ng plano para sa sarili ko araw-araw. Nagdebosyon ako, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, umawit ng mga himno, at natuto ng mga teknik sa pag-eedit, at namuhay ako nang napakamakabuluhan. Kalaunan, nagsanay din akong sumulat ng mga sermon para sa pangangaral ng ebanghelyo. Bago ko pa namalayan, nakalimutan ko na ang aking karamdaman, at kung minsan, nakakalimutan ko pa ngang uminom ng gamot pagkagising ko sa umaga. Mabilis na lumipas ang isang buwan, at oras na naman para sa isa pang pagsusuri. Hindi na ako kinakabahan, at hindi na ako umaasa na gagaling pa ang sakit ko; alam kong may mga aral akong dapat matutunan gumaling man ito o hindi. Tahimik akong nanalangin sa Diyos at kalmadong sumailalim sa pagsusuri. Nang kunin ko ang resulta ng test, nakita kong bumaba sa 34 U/L ang transaminase level ko! Natakot akong baka nagkamali ako ng basa, kaya binasa ko ulit nang mabuti. 34 U/L nga talaga! Bumalik na sa normal ang liver function ko, at bumaba na rin sa normal na antas ang hepatitis B virus ko. Hanggang sa paglabas ko ng ospital, hindi pa rin ako makapaniwala; parang panaginip. Ito ang buwan na pinaka-hindi regular ang pag-inom ko ng gamot. Kung minsan, nakakalimutan ko pa ngang uminom ng gamot nang dalawang magkasunod na araw, pero gumaling ang sakit ko nang hindi ko namamalayan. Naramdaman ko sa puso ko na gawa ito ng Diyos! Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang puso at espiritu ng tao ay hawak ng Diyos, at lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man sa lahat ng ito o hindi, ang anuman at ang lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito humahawak ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto kong ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, buhay man o patay, at lahat ng iyon ay nagbabago ayon sa mga iniisip ng Diyos. Hindi apektado ang mga iyon ng anumang ibang bagay. Ito ang awtoridad ng Diyos. Halimbawa na lang ang sakit ko. Noong namumuhay ako sa maling kalagayan, gaano ko man ginamot ang sakit ko, lalo lang itong lumala, at hindi kailanman bumuti. Gayunpaman, nang magkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili at medyo nagbago ang kalagayan ko, mabilis akong gumaling kahit hindi regular ang pag-inom ko ng gamot. Naramdaman kong napakamakapangyarihan ng Diyos sa lahat, at napakamilagroso ng Kanyang mga gawa! Pinuri ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso. Halos isang taon nang pabalik-balik ang sakit na ito, at marami akong dinanas na pagdurusa sa panahong iyon. Gayunpaman, sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos at tumibay ang pananalig ko sa Diyos, kaya naramdaman kong sulit ang pagkakaroon ng sakit na ito!

Sa pamamagitan ng karamdamang ito, naunawaan ko ang sarili kong maruruming intensyon na maghangad ng mga pagpapala, at nakita ko rin nang malinaw ang pangit kong aspekto: ako ay makasarili at ubod ng sama. Nakita ko na lahat ng ginawa ng Diyos ay para linisin ako, akayin ako patungo sa tamang landas ng pananalig sa Diyos, at para mamuhay ako nang may pagkatao at katwiran. Kung hindi ako napatatag sa pamamagitan ng karamdamang ito, hindi ko sana naunawaan ang mga karumihan sa aking pananalig sa Diyos; lalong hindi ko sana naunawaan kung ano ang ibig sabihin ng tunay na paggawa ng aking tungkulin bilang isang nilikha. Sa pamamagitan ng karamdamang ito, nailigtas ako ng Diyos at nagkaroon ako ng pagbabago sa landas ng pananalig ko sa Kanya—nang tamang-tama sa oras. Sa wakas ay naranasan ko na ang pagkakaroon ko ng karamdamang ito ay pagpapala pala ng Diyos para sa akin. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Sinundan: 63. Ang Aking Natamo sa Pagkakatalaga sa Ibang Tungkulin

Sumunod: 65. Sa Wakas ay Sinalubong Ko Na ang Pagbabalik ng Panginoon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito