42. Nagawa Kong Tratuhin nang Tama ang Tungkulin Ko
Noong 2024, isinaayos ng lider na umarte ako sa mga video ng patotoong batay sa karanasan. Masayang-masaya ako na nagagawa ko ang ganito kaimportanteng tungkulin sa huling yugto ng gawain ng Diyos, at nagpasya akong gawin nang maayos ang tungkulin ko para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Noong una, ekstra lang ako, pero kalaunan ay gumanap din ako bilang bida, nagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan. Habang dumarami ang mga sumasaling aktor sa pangkat, na mas maraming bentaha kaysa sa akin, dumalang nang dumalang ang pagganap ko bilang bida. May isang video ng patotoong batay sa karanasan na orihinal na nakatakdang pagbidahan ko, pero kalaunan ay ibinigay ang papel kay Brother Albert. Nang sandaling iyon, nakaramdam ako ng krisis. Alam kong mas mahina ang kasanayan ko sa pag-arte kaysa sa lahat, at nag-alala ako na baka unti-unting itigil ng lider ang paggamit sa akin bilang aktor. Ano na lang ang gagawin ko kapag nagkagayon? Ano na lang ang iisipin ng lahat sa akin? Pagkatapos, ilang beses kong tiningnan ang iskedyul ng shooting at nakita kong pangalan pa rin ni Brother Albert ang nakasulat sa iskrip na iyon. Medyo nadismaya ako, pero lumipas din ito agad. Noong Oktubre, isinaayos ng lider na tumulong ako sa pagluluto sa kusina bukod pa sa mga tungkulin ko sa pag-arte. Noong panahong iyon, inisip kong magandang pagsasaayos iyon, dahil paraan ito para makagawa ako ng mas maraming tungkulin. Pero nang nasa kusina na talaga ako, nagsuot ng apron, at nagsimulang magluto, medyo sumama ang loob ko. Naisip ko, “Halos sa buong panahong ito ay ginagawa ko ang tungkulin ng pag-arte. Kahit hindi ako kailanman gumanap na bida, nakasama naman ako sa maraming pelikula, at maituturing na beteranong aktor. Nakikilala ako ng mga kapatid saanman ako magpunta. Pero ngayon, tingnan mo ako. Naging tagaluto na ako. Kahit na tungkulin pa rin ang pagluluto, parang napakawala nitong halaga. Hindi ito isang bagay na magbibigay sa iyo ng respeto o pagpapahalaga ng sinuman.” Kalaunan, madalas na kailangang lumabas ng ilang manggagawa sa pangkat para mag-asikaso ng bagay-bagay. Kapag wala ang brother na namamahala sa set, pinag-aayos ako ng lider ng set. Kapag wala ang sister na namamahala sa props, pinapaayos sa akin ng lider ang props. Mas lalo akong nanlumo. “Ipinapadala lang ako kung saan may kailangan ng tao,” naisip ko. “Ano na lang ang labas ko nito? Iisipin na ba ng lahat na panakip-butas lang ako?”
Minsan, sabay-sabay kaming mga aktor na nag-aaral ng mga propesyonal na kasanayan, nagpapalitan sa pag-eensayo ng isang bahagi ng diyalogo. Kinakabahan talaga ako, nag-aalalang baka pangit ang maging pagganap ko at mapahiya ako. Sa huli, gaya ng kinatatakutan ko, ako ang may pinakapangit na pagbigkas sa lahat. Nagreklamo ako sa loob-loob ko, “Mahina na nga ang mga kasanayan ko sa simula pa lang, at ngayon ay maghapon akong nagluluto o nag-aayos ng set nang walang oras para magpraktis. Hindi ba’t lalo lang hihina ang mga kasanayan ko sa pag-arte?” Nang hindi namamalayan, medyo nasiraan ako ng loob. Tuwing hapon, nagpapraktis sumayaw nang sabay-sabay ang ibang aktor. Ang makita silang lahat na buong galak na sumasayaw habang hindi ako makaalis sa pagluluto sa kusina ay nagparamdam sa akin na mas lalo akong nasasakal. Gusto ko na lang silang iwasan para hindi ako mapahiya. Noong Nobyembre, lumipat kami sa isang bagong lokasyon ng shooting, at pinauna ako ng lider para ayusin ang set, sinasabi sa akin na ako na rin ang mamamahala sa gawain ng pangkalahatang usapin ng pangkat mula noon. Nang makita ang lahat na puspusang nagtatrabaho sa pag-shoot ng mga video ng patotoong batay sa karanasan araw-araw, habang ako ay palaging nakapako sa maliliit na trabahong ito, naisip ko, “Siguradong iniisip ng lahat na mahina ang kakayahan ko at hindi ako uubra bilang aktor, na hindi ako karapat-dapat linangin. Siguro iyon ang dahilan kaya ipinapagawa sa akin ng lider itong mga gampanin ng pangkalahatang usapin.” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nahihiya. Sa isang pagtitipon, pumasok ako sa opisina ng mga aktor dala ang laptop ko at nakita kong nakaupo na ang lahat. Mahina akong nagtanong, “May bakante pa ba?” Mabilis na sumagot ang isang sister, “Ay, nandiyan din pala si Brother Terry! Nakalimutan ka namin!” Alam kong wala namang ibang ibig sabihin ang sister doon, pero sumama ng loob ko. “Maghapon akong gumagawa ng maliliit na trabaho,” naisip ko. “Hindi nakakagulat na nakaligtaan ako.” Lalong mahirap noong nakita ko na ang dalawang brother sa pangkat ay naging direktor at lider ng pangkat, habang ako ay nakapako sa pagluluto, paglilinis, at pagbubuhat ng props buong araw. Sadyang napakalaki ng pagkakaiba. Nagkaroon pa nga ako ng pagkiling laban sa lider. “Kung sa tingin mo ay hindi ako bagay maging aktor, sabihin mo na lang,” naisip ko. “Puwede naman akong magdilig ng mga baguhan! Kahit paano ay mas magandang pakinggan iyon, at hindi ko mararamdamang hindi ako tanggap dito.” Pagkatapos niyon, tumigil na ako sa pag-eensayo ng boses sa umaga at nawalan na ako ng ganang mag-aral ng mga kasanayan sa pag-arte. Dati ay umiiwas ako sa maaanghang na pagkain para protektahan ang boses ko, pero noong panahong iyon ay binalewala ko na ang pag-iingat at nagsimula nang kumain nito. Ang resulta, nagkasingaw ako sa labi dahil sa panloob na init, na nakaapekto sa kalidad ng video. Bago mag-shooting, hindi ko pinag-iisipang mabuti ang emosyon ng karakter; basta ko na lang kinakabisado ang mga linya ko. Bilang resulta, dahil sa panlalamig ko ay ilang beses naantala ang pag-usad namin at naapektuhan ang resulta ng shooting. Noong panahong iyon, lutang ako maghapon. Minsan, pakiramdam ko ay walang saysay ang paggawa ng tungkulin ko, at naisip ko pa nga, “Tutal, hindi naman ako kawalan sa grupong ito. Kaysa gumawa ng maliliit na trabahong ito araw-araw, mas mabuti pang hindi na lang mag-full time sa tungkulin at magtrabaho na lang sa labas habang gumagawa ng kaunting tungkulin.”
Isang araw, habang nag-aayos ng props, biglang sumakit nang husto ang puso ko. Noon ko lang sinimulang pagnilayan ang kalagayan ko sa panahong iyon. Noon ko nabasa ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na tumutukoy mismo sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa halip na hanapin ang katotohanan, gumagamit ang karamihan ng mga tao ng maliliit na panlalansi. Nagbibigay sila ng malaking kahalagahan sa sarili nilang mga interes, pride, at sa kanilang lugar o katayuan sa isipan ng ibang tao. Ito lang ang mga bagay na pinahahalagahan nila. Mahigpit silang kumakapit sa mga bagay na ito at itinuturing ang mga ito bilang kanilang pinakabuhay—para naman sa kung paano tinitingnan at tinatrato ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi nila ito ikinababahala; una nilang isinasaalang-alang kung sila ba ang amo ng grupo, kung makakakuha ba sila ng isang posisyon kung saan mataas ang tingin sa kanila ng iba, at kung may sinuman ba na nakikinig sa sinasabi nila. Una nilang sinisikap na sakupin ang posisyong iyon. Halos lahat ng tao, kapag nasa isang grupo, ay naghahanap ng ganitong uri ng posisyon, ng ganitong uri ng oportunidad. Kung mataas ang kakayahan nila, siyempre sinusubukan nilang sakupin ang pinakamataas na puwesto. Kung pangkaraniwan lang sila, sinusubukan pa rin nilang magkaroon ng prominenteng posisyon sa grupo. At kung bahagi sila ng mas mabababang ranggo sa grupo, na karaniwan lang ang kakayahan at abilidad, sinusubukan din nilang gawing mataas ang tingin ng iba sa kanila; hindi nila hahayaang maliitin sila ng iba. Nasa kanilang pride at dignidad ang kanilang hangganan; iniisip nilang dapat nilang panghawakan ang mga bagay na ito. Kahit pa mawala ang kanilang integridad, o hindi nalulugod sa kanila ang Diyos at hindi sila kinikilala, kailangan pa rin nilang magsikap para sa kanilang pride at katayuan; dapat nilang iwasan ang kahihiyan kahit anong mangyari. Isa itong satanikong disposisyon. Ngunit hindi nila ito napagtatanto. Iniisip nilang hindi sila puwedeng mawalan ng kaunting pride na natitira sa kanila. Hindi nila alam na kapag ganap nang naisuko at natalikuran ang mga paimbabaw na bagay na ito, saka lamang sila magiging mga tunay na tao, at na kung babantayan nila na parang sariling buhay ang mga bagay na ito na dapat itapon, mawawala ang kanilang buhay. Hindi lang talaga nila alam kung ano ang nakataya. Samakatwid, sa anumang ginagawa nila, palagi silang may reserbasyon, palagi silang kumikilos alang-alang sa pagprotekta sa sarili nilang pride at katayuan, at inuuna nila ang mga bagay na ito. Nagsasalita at gumagawa sila ng mga walang-katotohanang argumento para lamang sa kanilang sariling kapakanan—gagawin nila ang anumang bagay para sa kanilang sarili” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sinasabi ng mga salita ng Diyos na anuman ang ating kakayahan o mga talento, gusto nating lahat na magkaroon ng posisyon sa grupo at hangaan ng iba. Gusto ng may mahuhusay na abilidad na mapunta sa pinakataas, habang kahit iyong mga walang espesyal na talento at may katamtamang kakayahan ay gustong pahalagahan at tingalain. Ang lahat ng ito ay inuudyukan ng mga satanikong disposisyon. Noong isinaayos ng lider na maging aktor ako, kontentong-kontento ako na nagagawa ko ang ganoon kaimportanteng tungkulin, at napakaaktibo ko at nagdala ako ng pasanin. Pero noong isinaayos ng lider na magluto ako, o pansamantalang mag-ayos ng set o magbuhat ng props batay sa mga pangangailangan ng gawain, pakiramdam ko ay maliliit na gawain ang mga ito, at na ngayon ay hindi na ako kawalan sa pangkat kumpara sa ibang mga aktor. Kaya, namuhay ako sa mga emosyon ng pagkasira ng loob at naging pabasta-basta sa tungkulin, iniraraos lang ang mga bagay-bagay. Hindi ko sinusubukang pag-isipan nang maaga ang emosyon ng karakter, kundi basta ko lang kinakabisado ang mga linya. Wala akong ganang isipin kung paano magkakamit ng mas magandang resulta para sa shooting. Wala akong ipinakitang kahit katiting na pagpapasakop sa ginawa ng Diyos. Ayaw kong maging pinakamababa sa pangkat, at palagi kong hinahangad na hangaan at pahalagahan. Talagang wala akong katwiran! Alam kong mahina ang kasanayan ko sa pag-arte at na dapat sana ay nag-eensayo pa ako, pero hindi lang sa hindi ako nag-ensayo, hindi na ako sumubok pa. Naisip ko pa ngang tumigil na sa pag-full time sa tungkulin. Napakatindi ng pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan!
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mas maraming salita ng Diyos, at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong kalikasang diwa. Sabi ng Diyos: “Para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, anuman ang kapaligiran na tinitirhan nila, anuman ang gawain na kanilang ginagawa, anuman ang kanilang hinahangad, anuman ang kanilang mga layon, anuman ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at tinatrato ang dalawang bagay na ito nang magkapantay. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, ang paghahangad sa katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa reputasyon at katayuan, at ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan; ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang makamit ang katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang kasikatan, pakinabang, o katayuan, na walang tumitingala sa kanila, nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Hindi ba’t wala na akong pag-asa?’ Madalas na kinakalkula nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso. Kinakalkula nila kung paano sila makalilikha ng sariling puwang sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, kung paano nila mapapakinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at mapapasuporta sa kanila kapag kumikilos sila, kung paano nila mapapasunod sa kanila ang mga tao nasaan man sila, at kung paano sila magkakaroon ng maimpluwensiyang tinig sa iglesia, at ng kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na pinahahalagahan ng mga anticristo ang reputasyon at katayuan gaya ng sarili nilang buhay. Saanmang grupo sila mapunta, lagi nilang gustong magkaroon ng posisyon at mapahalagahan. Sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, parang kinitil na rin ang buhay nila. Maaari pa nga nilang maramdaman na walang saysay ang manampalataya sa Diyos, at kaya nilang ipagkanulo at iwan ang Diyos anumang oras. Hindi ba’t ganoon mismo akong klaseng tao? Dati, noong palagi akong gumagawa ng tungkulin sa pag-arte, tinitingala ako ng lahat, at nakakaramdam ako ng superyoridad kapag kasama ang iba. Noong isinaayos ng lider na makasama ako sa mga video ng patotoong batay sa karanasan, masayang-masaya ako, at pakiramdam ko ay labis akong pinahahalagahan, at ganadong-ganado ako sa tungkulin ko. Pero noong itinalaga akong magluto o mag-ayos ng set, pakiramdam ko ay hindi na ako pinahahalagahan. Miserable ako buong araw at pakiramdam ko ay walang saysay ang paggawa ng kahit ano. Sabi ng Diyos: “Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin.” Napakapraktikal ng mga salitang ito! Ang pagpapahalaga ko sa reputasyon at katayuan ay hindi panandalian lang; sagad na ito sa buto ko. Saanmang grupo ako naroroon o anuman ang ginagawa ko, ang una kong isinasaalang-alang ay palaging ang aking reputasyon at katayuan. Kahit hindi ko magawang maging ang pinakamagaling, dapat maramdaman ko man lang na may halaga ako. Kung hindi, nakararamdam ako ng matinding pasakit, na parang walang saysay ang mabuhay. Nagsimula akong magtaka, bakit ba napakahalaga sa akin ng reputasyon at katayuan? Ito ay dahil malalim akong nakondisyon at naimpluwensiyahan ng mga satanikong lason tulad ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa” at “Mamuhay bilang bayani sa gitna ng mga tao, at mamatay bilang magiting na espiritu sa gitna ng mga multo.” Naniwala ako na saanmang grupo ako naroroon, kailangan kong mapahalagahan at matingala; iyon ang tanging paraan para hindi masayang ang buhay ko. Naalala ko na mula pa noong bata ako, sobrang mapagkompitensya na ako at mahalaga sa akin ang hindi mapahiya, ayaw na ayaw kong maliitin sa anumang ginagawa ko. Mahirap lang ang pamilya ko noong bata pa ako, kaya nag-aral akong mabuti. Naging presidente ako ng klase sa loob ng sampung taon, mula elementarya hanggang hayskul. Puno ang mga pader sa bahay ng iba’t ibang sertipiko ng parangal ko. Pinupuri ako ng mga guro, kamag-anak, at kaibigan ko, at tinitingala ako ng mga kaklase ko. Namuhay ako sa katanyagang iyon at nakaramdam ako ng pagpapahalaga sa sarili, laging naglalakad nang taas-noo. Pero bago ang entrance exam ko sa kolehiyo, napilitan akong tumigil sa pag-aaral dahil sa sakit. Noong panahong iyon, hindi ko matanggap ang malupit na realidad na ito. Mula noon, hindi ko na muling maayos ang sarili ko at lubos akong nasiraan ng loob. Pagkatapos kong magsimulang manampalataya sa Diyos, hinangad ko pa ring tingalain ng iba. Kahit na katamtaman ang kakayahan at kasanayan ko at hindi ko kayang humawak ng mahalagang gawain, ginusto ko pa ring maging isang taong may halaga, at hindi minamaliit. Noong patuloy akong binibigyan ng lider ng mga gawain ng pangkalahatang usapin, hindi nalugod ang aking banidad, at namuhay ako sa negatibong kalagayan. Hindi ako nasiyahan at ayaw kong tanggapin ito, at nagkaroon pa nga ako ng pagkiling laban sa lider. Naging pabasta-basta ako sa tungkulin ko at naisip ko pang kumuha ng part-time na trabaho. Ito ay pagtakas ko sa kapaligirang inihanda ng Diyos, at sa diwa, ito ay pagkakanulo sa Diyos. Nakita ko na hindi ko ginagawa ang tungkulin ko para hangarin ang katotohanan at magkamit ng kaligtasan, kundi para hangarin ang reputasyon at katayuan. Tumatahak ako sa landas ng isang anticristo. Kung hindi ako magsisisi at magbabago, sa malao’t madali ay mabubunyag at matitiwalag ako ng Diyos. Pagkatapos niyon, madalas akong nananalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na akayin akong baguhin ang aking maling kalagayan.
Isang araw, nakita ko ang mga salita ng Diyos, at naunawaan ko ang landas na dapat kong tahakin sa aking pananampalataya sa Diyos para umayon sa mga layunin ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Ang ilang tao ay kuntento na sa paggawa ng mga kahanga-hanga at kapuri-puring tungkulin, na nagiging dahilan para tingalain at kainggitan sila ng iba. Kapaki-pakinabang ba ito? Hindi ito ang iyong kalalabasan sa huli, at hindi rin ito ang iyong huling gantimpala, at lalong hindi ito ang iyong hantungan. Dahil dito, anuman ang tungkuling ginagampanan mo, ito ay pansamantala lamang, hindi ito walang hanggan. Ito ay hindi isang pagsang-ayon na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, o isang gantimpala na Kanyang ibinigay sa iyo. Sa huli, kung magtatamo man ng kaligtasan ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung anong tungkulin ang ginagawa nila, kundi kung kaya ba nilang maunawaan at makamit ang katotohanan, at kung, sa huli, ay kaya nilang lubos na magpasakop sa Diyos, magpasailalim sa Kanyang pamamatnugot, huwag isaalang-alang ang kanilang hinaharap at kapalaran, at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Matuwid at banal ang Diyos, at ito ang mga pamantayan na ginagamit Niya upang sukatin ang buong sangkatauhan. Hindi nababago ang mga pamantayang ito, at dapat mo itong tandaan. Ikintal mo ang mga pamantayan na ito sa iyong isipan, at kahit kailan, huwag mong isipin na maghanap ng ibang landas upang hangarin ang ilang bagay na hindi totoo. Ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos para sa lahat ng nais magtamo ng kaligtasan ay hindi nagbabago magpakailanman. Nananatiling pareho ang mga iyon maging sino ka man. Makakamit mo lamang ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos ayon sa mga hinihinging pamantayan ng Diyos. Kung may nakita kang iba pang landas sa paghahangad ng mga bagay na malabo, at iniisip mong magtatagumpay ka dala ng suwerte, isa kang taong lumalaban at nagkakanulo sa Diyos, at tiyak na isusumpa at parurusahan ka ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Ang Diyos ay hindi tumitingin sa sinasabi o ipinapangako mo sa harap Niya; tinitingnan Niya kung ang ginagawa mo ba ay may katotohanang realidad. At saka, walang pakialam ang Diyos kung gaano kataas, kalalim, o kagiting ang iyong mga ikinikilos, at kahit na maliit na bagay ang ginagawa mo, kung nakikita ng Diyos ang pagiging taos-puso sa iyong bawat kilos, sasabihin Niyang, ‘Taos-pusong nananalig sa Akin ang tao na ito. Hindi siya kailanman nagyabang. Umaasal siya ayon sa kanyang katungkulan. Bagama’t maaaring hindi malaki ang kanyang naiambag sa sambahayan ng Diyos at mahina ang kanyang kakayahan, matatag at may pagiging taos-puso siya sa lahat ng kanyang ginagawa.’ Ano ang nilalaman ng ‘pagiging taos-puso’ na ito? Naglalaman ito ng takot at pagpapasakop sa Diyos, gayundin ng tunay na pananampalataya at pagmamahal; naglalaman ito ng lahat ng nais makita ng Diyos. Maaaring hindi kapansin-pansin ang ganitong mga tao sa iba, maaaring sila ang taong tagaluto ng pagkain o tagalinis, isang taong nagsasagawa ng isang ordinaryong tungkulin. Ang ganitong mga tao ay hindi kapansin-pansin sa iba, walang anumang dakilang nagawa, at walang anumang kapita-pitagan, kahanga-hanga o kainggit-inggit tungkol sa kanila—mga ordinaryong tao lamang sila. Gayumpaman, ang lahat ng hinihingi ng Diyos ay nasa kanila, naisasabuhay nila, at ibinibigay nila ang lahat ng ito sa Diyos. Sabihin mo sa Akin, ano pa ba ang gusto ng Diyos? Nalulugod Siya sa kanila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang dalawang siping ito, mas nagliwanag ang puso ko. Hindi mahalaga kung makuha mo man o hindi ang pagpapahalaga ng iba sa iyong tungkulin; hindi nito itinatakda ang huli mong kalalabasan at hantungan. Ang paggawa ng ating tungkulin ay sadyang ang landas kung saan hinahangad at nakakamit natin ang katotohanan. Hindi kailangan ng Diyos na makagawa tayo ng dakilang mga bagay, ni hindi Niya hinihingi sa atin na magkamit ng mataas na katayuan. Umaasa ang Diyos na umasal tayo nang naaayon sa ating katayuan, gawin ang ating mga tungkulin sa praktikal na paraan, isagawa ang Kanyang mga salita, at magpakita ng tunay na pagpapasakop sa Kanya. Napagtanto ko rin na dahil katamtaman ang kasanayan ko sa pag-arte, ang pagpapaubaya sa mga kapatid na may mas mahusay na kasanayan na umarte sa mga video ng patotoong batay sa karanasan ay magbubunga ng mas magandang resulta, na kapaki-pakinabang para sa gawain ng ebanghelyo. Isa pa, gumawa na ako ng gawain ng renobasyon noon, kaya ang pagsasaayos ng lider na tumulong ako sa pag-aayos ng set ay base sa aking mga kasanayan at talagang angkop naman. May mga prinsipyo ang iglesia sa kung paano isinasaayos ang tungkulin ng bawat tao, pero desidido akong hangarin ang reputasyon at katayuan, at na pahalagahan ako ng mga tao, laging nagkikimkim ng sariling mga di-makatwirang kahilingan. Talagang wala akong katwiran! Sa totoo lang, kahit na ang mga gampaning itinalaga sa akin ng lider ay puro hindi kapansin-pansin at maliliit na gawain, ang mga ito ay ang tungkulin pa rin na dapat kong gawin, at dapat pinagbutihan ko ang paggawa sa mga ito. Bukod pa riyan, anuman ang tungkuling gawin mo, may mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa at pasukin. Kung nagpasakop lang sana ako at nakipagtulungan sa abot ng aking makakaya, hindi lang sana ako nakapag-ambag sa gawain ng iglesia, kundi nagkaroon din sana ako ng mas maraming pagkakataon na hanapin at unawain ang katotohanan. Halimbawa, sa pag-aayos ng set, kailangan mong isaalang-alang kung paano makakatipid ng materyales at makikipagtulungan nang maayos sa mga departamento ng camera at lighting para maging mas maganda ang mga eksena. Ang tungkulin ng pangkalahatang usapin ay kinapapalooban ng wastong pamamahala at makatwirang paggamit ng lahat ng uri ng suplay; kapag nagluluto, kailangan mong isaalang-alang kung paano gagawing puno ng nutrisyon, malinis, at masustansya ang pagkain. Bawat tungkulin ay kinapapalooban ng mga prinsipyo sa iba’t ibang aspekto, at hindi madaling tuparin nang pasok sa pamantayan. Dati, sa paghahangad ng reputasyon at katayuan, tumatahak ako sa maling landas. Hindi lang dumanas ng kawalan ang sarili kong buhay pagpasok, kundi nagkaroon din ito ng negatibong epekto sa aking tungkulin. Ngayon, dapat kong pahalagahan ang pagkakataong gawin ang aking tungkulin, at, habang ginagawa ang aking tungkulin, tumuon sa aking buhay pagpasok, sa paghahanap sa katotohanan, at pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Kalaunan, may nangyari na talagang tumimo sa akin. May isang aktor na tinanggal dahil sa kanyang malulubhang tiwaling disposisyon: Ayaw niyang tanggapin ang mga mungkahi ng iba, hindi niya magawang makipagtulungan nang maayos sa mga kapatid, at ayaw niyang magbago sa kabila ng paulit-ulit na pagbabahaginan, na nakaapekto sa mga resulta ng kanyang tungkulin. Napaisip ako nang malalim dito. Mahusay naman ang mga kasanayan ng aktor na ito, pero mayroon siyang malulubhang tiwaling disposisyon at hindi niya kailanman hinanap ang katotohanan para lutasin ang mga iyon; sa huli, tinanggal siya. Nakita ko na napakahalaga ng landas na tinatahak mo sa iyong tungkulin. Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, gaano man kataas ang katayuan mo o gaano man karaming pagpapahalaga ang natatanggap mo, mabibigo ka sa huli. Nanalangin ako sa Diyos, “O, Diyos! Handa akong magsisi. Ayaw ko nang hangarin ang reputasyon at katayuan. Handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos.”
Hindi nagtagal, tinanong ako ng lider kung payag akong mag-full-time sa pagluluto sa kusina. Naisip ko, “Dati, tumutulong lang ako nang pansamantala. Kung papayag ako, magluluto ako nang pangmatagalan. Hindi ba’t mangangahulugan iyon na wala na akong pagkakataong maging aktor ulit? Ano na lang ang iisipin ng lahat sa akin? Iisipin ba nilang tiniwalag ako dahil hindi sapat na mahusay ang mga kasanayan ko?” Nagtalo ang kalooban ko, pero naisip ko na pagsubok ito ng Diyos sa akin, para makita kung kaya kong magpasakop. Kaya, tinanggap ko ang tungkulin. Kalaunan, pinagsabay-sabay sa akin ng lider ang tatlong tungkulin—pag-arte, pagluluto, at mga pangkalahatang usapin—at inaayos ang mga ito nang pleksible ayon sa kung alin ang apurahan at importante. Noong mga araw na iyon, madalas kong maisip ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang gampanin ninyo bilang mga nilikha? May kaugnayan ito sa inyong pagsasagawa at tungkulin. Isa kang nilikha, at kung binigyan ka ng Diyos ng kaloob ng pag-awit, at isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na umawit ka, kailangan mong umawit nang maayos. Kung may kaloob ka ng pangangaral ng ebanghelyo, at isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na ipangaral mo ang ebanghelyo, kung gayon, dapat mo itong gawin nang mahusay. Kung inihahalal ka ng hinirang na mga tao ng Diyos bilang isang lider, dapat mong akuin ang atas ng pamumuno, at pangunahan ang mga hinirang ng Diyos sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at sa pagpasok sa realidad. Kapag ginawa mo ito, magagawa mo nang maayos ang iyong tungkulin. Lubhang mahalaga at makahulugan ang atas na ibinibigay ng Diyos sa tao! Kaya, paano mo ba dapat akuin ang atas na ito at isagawa ang iyong gampanin? Masasabi na ito ang isa sa pinakamalalaking isyu na kinakaharap mo, isang napakahalagang sandali na magpapasya kung makakamit mo ba ang katotohanan at mapeperpekto ka ba ng Diyos o hindi. Dapat kang gumawa ng pagpili” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anuman ang tungkulin natin sa sambahayan ng Diyos, nagkakaiba lang ang papel at pangalan ng mga ito. Anuman ang tungkulin, hindi nagbabago ang ating pagkakakilanlan at diwa bilang mga nilikha. Kapag kailangan kong magdilig ng mga baguhan, magiging tagadilig ako. Kapag kailangan kong umarte, magiging aktor ako. Kapag kailangan ako sa pag-aayos ng set, magiging tagapag-ayos ako ng set. Kapag kailangan kong magluto, magiging manggagawang pansuporta ako. Paano man magbago ang tungkulin ko, isa pa rin akong nilikha. Ang dapat kong gawin ay tumanggap at magpasakop, at tuparin ang tungkulin ko nang buong puso at lakas ko. Isa pa, kapag inaasikaso ko ang maliliit na trabahong ito, magkakaroon ng mas maraming lakas at oras ang mga kapatid para sa sarili nilang mga tungkulin. Hindi ba’t paggawa ko rin iyon ng bahagi ko? Kaya nanalangin ako sa Diyos, “O, Diyos! Handa akong bitiwan ang aking reputasyon at katayuan at tumigil sa paghahangad ng pagpapahalaga ng iba. Anuman ang tungkuling gawin ko, handa akong magpasakop.” Mula noon, kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, hindi ko na inaalala ang iniisip ng iba sa akin. Sa halip, isinapuso ko ang pagdanas sa mga kapaligirang inihanda ng Diyos para sa akin araw-araw, at tumuon ako sa pagkatuto ng mga aral, nagninilay kung anong mga tiwaling disposisyon ang ibinunyag ko sa tungkulin ko. Minsan, kapag nakikita kong napapasinungaling ako nang hindi sinasadya, nagsasanay akong maging matapat na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Minsan, kapag napapansin kong lagi kong gustong makinig ang iba sa akin at hindi ko matanggap ang mga mungkahi nila, nagninilay ako at kinikilala ang sarili kong mapagmataas na disposisyon. Ang tungkulin ng mga pangkalahatang usapin ay may maraming maliit na gampanin, kaya inisip ko kung paano pamahalaan nang maayos ang oras ko para maharap ko ang lahat ng ito. Pagkatapos kong magsanay magluto nang ilang panahon, napagtanto kong nagamay ko na ang ilang pangunahing kasanayan sa pagluluto. Nang makita ko na hindi masyadong maayos gamitin ang ilang kagamitan sa kusina, nag-isip ako ng maliliit na pagbabago para mapaganda ang mga ito, at sinabi ng lahat na mas maayos nang gamitin ang mga ito. Kalaunan, kapag may iskrip na bagay sa akin, pinagaganap din ako ng direktor bilang bida, binibigyan ako ng mga pagkakataong magsanay. Laking pasasalamat ko sa Diyos sa puso ko. Nang baguhin ko ang aking mentalidad at harapin ang bawat bagay sa ganitong bagong saloobin, hindi ko na isinasaalang-alang ang mga opinyon ng iba sa akin. Sa halip, tinatanggap ko ang bawat gampanin bilang responsabilidad mula sa kaibuturan ng aking puso. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, naramdaman kong mas napalapit ang puso ko sa Diyos. May mga nakamit ako kapwa sa aking buhay pagpasok at sa aking mga propesyonal na kasanayan, at nakaramdam ako ng espesyal na kapayapaan at kasiyahan sa puso ko. Salamat sa Diyos! Ang lahat ng ito ay biyaya at pagpapala ng Diyos!