43. Ang Natutuhan Ko Mula sa Paglilinang sa Iba
Pinangangasiwaan namin ni Yang Chen ang gawaing nakabatay sa teksto sa Iglesia ng Yingguang. Noong kalagitnaan ng Setyembre 2024, nagpadala ng liham ang mga lider na nagsasabing si Sister Zhao Xue mula sa Iglesia ng Chenxin ay bagong halal bilang superbisor para sa gawaing nakabatay sa teksto roon, pero hindi pa raw siya pamilyar sa iba’t ibang aspekto ng gawain at sa mga prinsipyo ng pagsusuri ng mga sermon. Kaya tinanong nila kung puwede kaming maglaan ng oras para tulungan siyang gabayan, dahil kung malilinang daw siya agad, magiging kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia. Sa isip-isip ko, “Abala na nga kami sa pangunahin naming gawain, hindi ba’t mas makakakain pa ng oras namin ang pagtulong sa paggabay kay Zhao Xue kasabay nito? Kung bumaba ang pagiging epektibo ng gawain namin, hindi ba sasabihin ng mga lider na hindi namin natupad ang mga tungkulin namin? Saka, hindi ko naman pangunahing gawain ang paggabay sa kanila, at kahit maging epektibo pa ang gawain nila, hindi naman kami pupurihin ng mga nakatataas na lider.” Pakiramdam ko, trabahong walang mapapala ito kaya ayaw ko sanang tanggapin. Pero kung tatanggi ako, hindi ba sasabihin ng mga lider na wala akong malasakit? Pagkatapos kong pag-isipan, pumayag na rin ako.
Noong una, sumusulat si Zhao Xue para humingi ng payo, at sinasagot namin siya sa lalong madaling panahon. Noong Setyembre 25, nagpadala sa amin si Zhao Xue ng isang sermon para suriin. Pagkatapos naming suriin ni Yang Chen, marami kaming nakitang isyu sa sermon, at kinailangan naming pag-usapan iyon nang matagal bago kami umusad. Pagkatapos kong sagutin ang mga isyu, mayroon pa ring ilang bahagi na hindi ako sigurado, at nag-aalala ako na baka may mga paglihis sa paggabay ko, kaya ipinadala ko ang sermon sa ibang mga kapatid para tingnan, at nagbigay din sila ng ilang mungkahi. Pakiramdam ko, sobrang kumakain ng oras ang pagtulong sa paggabay kay Zhao Xue. Hindi lang kami naaantala nito, kundi minsan ay nauubos pa nito ang oras ng ibang miyembro ng grupo. Malaking gawain na ang mismong pagsasala ng mga sermon, at kung magpapatuloy ito, hindi ba maaapektuhan nito ang sarili naming gawain? Pagkatapos niyon, patuloy na nagpadala sa amin si Zhao Xue ng mga sermon, humihingi ng mga sagot sa iba’t ibang isyu. Mahirap para sa amin na maarok ang ilan sa mga isyu, kaya kinailangan naming gumugol ng oras sa pag-iisip at pagtalakay sa mga iyon, at dahil dito, nabawasan ang oras ko para subaybayan ang gawain sa sermon sa aming iglesia, at naantala ang ilang bagay. Noong Oktubre 20, nagpadala ng liham ang mga lider na nagtatanong sa amin, “Bakit hindi pa ninyo kami binibigyan ng feedback tungkol sa grupong dapat ninyong i-update sa amin ilang araw na ang nakalipas?” Noon ko lang napagtanto na nakalimutan kong sumagot. Naisip ko, “Siguradong iniisip ng mga lider na nagpapaliban ako at hindi ko ginagawa ang mga tungkulin ko nang may pasanin. Kung bumaba ang mga resulta ng gawain namin, siguradong sasabihin ng mga lider na hindi ko nagampanan nang maayos ang tungkulin ko.” Ilang araw ang lumipas, nakatanggap ulit ako ng liham mula kay Zhao Xue na humihingi ng tulong. Medyo sumama ang loob ko dahil dito, at naramdaman kong maaapektuhan ng paggabay sa kanya ang pangunahin kong gawain, na hindi ito sulit, at na isa itong abala. Kalaunan, napagtanto kong hindi tama ang kaisipan ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihining sa Kanya na gabayan akong ayusin ang aking kaisipan. Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad ang kayang magpresenta ng kanilang sarili kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos at ng mga taong hinirang ng Diyos, sila lamang ang kayang manindigan, nang buong tapang at nang nakatali sa tungkulin, upang magpatotoo sa Diyos at ibahagi ang katotohanan, inaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos papunta sa tamang landas, binibigyang-kakayahan silang makamit ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ito lamang ang saloobin ng pagkakaroon ng responsabilidad at pagpapamalas ng pagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos. Kung wala kayong ganitong saloobin at kung pabaya lang kayo sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay at iniisip ninyong, ‘Gagawin ko ang mga bagay na nasa saklaw ng aking tungkulin ngunit wala na akong pakialam sa iba pa. Kung may itatanong ka sa akin, sasagutin kita—kung maganda ang lagay ng kalooban ko. Kung hindi naman, hindi kita sasagutin. Ito ang saloobin ko,’ ito ay isang uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? Ang pagprotekta lamang sa sariling katayuan, reputasyon, at pagpapahalaga sa sarili, at ang pagprotekta lamang sa mga bagay na may kaugnayan sa mga pansariling interes—pagprotekta ba ito sa isang makatarungang layunin? Pagprotekta ba ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ang nasa likod ng mga hamak at makasariling motibong ito ay ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang mga taong taos-pusong nananampalataya sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan ay may malasakit at responsabilidad sa kanilang mga tungkulin. Kahit na mga pangangailangan ito ng gawain ng iglesia o may mga kapatid na nangangailangan ng tulong, kaya nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad. Kung ang inaasikaso lang ng isang tao ay ang sarili niyang gawain, at kapag may mga paghihirap ang iba at nangangailangan ng tulong, ayaw niyang tumulong, isa itong disposisyon ng pagiging makasarili, ubod ng sama, at pag-ayaw sa katotohanan. Naisip ko na si Zhao Xue ay bagong halal bilang isang superbisor. Hindi siya pamilyar sa gawain at hindi pa niya gaanong naarok ang mga prinsipyo. Dahil nagtatanong siya sa amin, siguradong nakakaranas siya ng mga paghihirap sa gawain, at dapat sana ay ginawa ko ang lahat para gabayan at tulungan siya. Pero ang gusto ko lang ay asikasuhin ang sarili kong gawain. Ayaw kong gumugol ng oras at magbayad ng halaga sa paggabay kay Zhao Xue. Hindi ba’t nagiging makasarili at ubod ng sama ako? Nang mapagtanto ko ito, medyo nagbago ang pananaw ko sa paglilinang ng mga tao, at nang sumulat muli si Zhao Xue na may ilang katanungan, nagkusa akong sumagot, at ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Pero wala pa akong gaanong pagkaunawa sa sarili kong makasarili at ubod ng sama na tiwaling kalikasan, at hindi ko pa rin maiwasang maibunyag ang katiwalian ko.
Sa pagtatapos ng Oktubre, nagpadala ulit sa amin si Zhao Xue ng isa pang sermon, hinihiling na tingnan namin kung may anumang isyu roon. Alam kong nagmamadali sila para sa sermon na ito, pero nakita ko na napakahaba pala ng sermon. Kakain ito ng maraming oras para basahin lahat at magpadala ng sagot. Sa isip-isip ko, “Hindi naman sakop ng responsabilidad namin ang sermon na ito, at kahit i-edit pa namin ito, hindi kami makakakuha ng anumang papuri para roon. Talagang isa itong trabahong walang mapapala!” Kaya hindi ako agad sumagot. Kinabukasan ng hapon, wala akong masyadong gawain, kaya pinaalalahanan ako ni Yang Chen na tingnan iyon, at saka ko lang iyon kinuha para suriin. Natuklasan kong marami itong isyu. Pagkatapos naming pag-usapan ni Yang Chen, sumulat ako kay Zhao Xue at nakipag-usap sa kanya tungkol doon, na kumain ng maraming oras. Pagkatapos, naisip ko na masyadong kakainin ng oras ko ang pagsagot sa sermon, at na kung ilalaan ko ang oras at lakas na ito sa pagsubaybay sa gawain na sakop ng aking responsabilidad, hindi lang bubuti ang mga resulta ng gawain, kundi tataas pa ang tingin sa amin ng mga lider. Pero ngayon, kailangan kong gugulin ang oras at lakas ko sa paggabay sa gawain ng iba, at kahit na magbunga pa ang gawaing iyon, hindi naman iyon ibibilang sa amin, kaya naisip ko na maganda sana kung hindi ko na kailangang gabayan pa ang gawain ni Zhao Xue. Pero hindi pa rin kayang gawin ni Zhao Xue ang gawain nang mag-isa, kaya hindi ko ito basta-basta maitataboy. Alam kong kailangan ko pa ring patuloy na gabayan si Zhao Xue, pero palagi akong matamlay tungkol dito at ayaw kong magbayad ng halagang ito.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa karakter ng mga anticristo, at nagkaroon ako ng dagdag na pagkaunawa sa mga isyu ko. Sabi ng Diyos: “Ang mga anticristo ay walang konsensiya, katwiran, o pagkatao. Bukod sa wala silang kahihiyan, may isa pa rin silang tanda: Hindi pangkaraniwan ang kanilang pagiging makasarili at ubod ng sama. Ang literal na kahulugan ng kanilang ‘pagiging makasarili at ubod ng sama’ ay hindi mahirap maunawaan: Bulag sila sa anumang bagay maliban sa sarili nilang mga interes. Nakatuon ang kanilang buong atensiyon sa anumang bagay na may kinalaman sa sarili nilang mga interes, at magdudusa sila para dito, magsasakripisyo, itututok ang kanilang sarili para dito, at ilalaan ang kanilang sarili para dito. Magbubulag-bulagan naman sila at hindi papansinin ang anumang walang kinalaman sa kanilang sariling mga interes; magagawa ng iba ang anumang gusto nila—walang pakialam ang mga anticristo kung may sinumang nagiging mapanggambala o mapanggulo, at para sa kanila, wala itong kinalaman sa kanila. Kung sasabihin nang maingat, sarili lamang nila ang kanilang iniintindi. Subalit mas tumpak na sabihin na ang ganitong uri ng tao ay ubod ng sama, napakababa, at marumi; inilalarawan natin sila bilang ‘makasarili at ubod ng sama.’ … Kahit ano pa ang akuin nilang gawain, hindi kailanman iniisip ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling mga interes, ang iniisip lamang nila ay ang maliit na bahagi ng gawaing nasa harapan nila na napapakinabangan nila. Para sa kanila, ang pangunahing gawain ng iglesia ay isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras. Hinding-hindi talaga nila ito sineseryoso. Gumagalaw lang sila kapag pinapakilos sila, ginagawa lamang ang gusto nilang gawin, at ginagawa lamang ang gawain na alang-alang sa pagpapanatili ng sarili nilang katayuan at kapangyarihan. Sa paningin nila, ang anumang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos ay hindi mahalaga. Anuman ang mga paghihirap ng ibang mga tao sa kanilang gawain, anuman ang mga isyung matuklasan at maiulat sa kanila, gaano man kasinsero ang kanilang mga salita, walang pakialam ang mga anticristo, hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Gaano man kalaki ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, lubos silang walang pakialam. Kahit pa nga nasa harapan na nila mismo ang isang problema, hinaharap lang nila ito nang pabasta-basta. Kapag tuwiran lamang silang pinungusan ng ang Itaas at inutusang ayusin ang isang problema ay saka lamang sila padabog na gagawa ng kaunting tunay na gawain at magpapakita ng anuman sa ang Itaas; pagkatapos na pagkatapos nito, magpapatuloy sila sa sarili nilang gawain. Wala silang interes at walang pakialam pagdating sa gawain ng iglesia, sa mahahalagang bagay na may mas malalawak na konteksto. Binabalewala pa nga nila ang mga problemang natutuklasan nila, at nagbibigay sila ng mga pabasta-bastang sagot o nag-aalangan silang sumagot kapag tinatanong sila tungkol sa mga problema, hinaharap lamang ang mga ito nang may labis na pag-aatubili. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Higit pa rito, anuman ang tungkuling ginagawa ng mga anticristo, ang iniisip lamang nila ay kung tutulutan ba sila nitong maging sentro ng atensyon; hangga’t patataasin nito ang kanilang reputasyon, pinipiga nila ang kanilang utak makaisip lamang ng paraan kung paano matutuhan ito, at kung paano ito isasakatuparan; ang iniintindi lamang nila ay kung magiging bukod-tangi ba sila dahil dito. Anuman ang gawin o isipin nila, iniisip lamang nila ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, nakikipagkompetensiya lamang sila para makita kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung sino ang mananalo at sino ang matatalo, kung sino ang mas may reputasyon. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kung gaano karaming tao ang sumasamba at tumitingala sa kanila, gaano karami ang sumusunod sa kanila, at kung gaano karaming tagasunod ang mayroon sila. Hindi sila kailanman nakikipagbahaginan sa katotohanan o nilulutas ang mga totoong problema. Hindi nila kailanman iniisip kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, hindi rin sila nagninilay-nilay kung naging tapat ba sila, kung natupad ba nila ang kanilang mga responsabilidad, kung nagkaroon ba ng mga paglihis o pagpapabaya sa kanilang gawain, o kung mayroon bang anumang mga problema, lalong hindi nila pinag-iisipan kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila binibigyang-pansin ni bahagya ang lahat ng bagay na ito. Mahigpit lang silang tumutuon sa gawain at gumagawa ng mga bagay-bagay alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, upang matugunan ang sarili nilang mga ambisyon at pagnanais. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Lubos nitong inilalantad kung paanong ang kanilang mga puso ay nag-uumapaw sa sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at walang katwirang hinihingi; lahat ng ginagawa nila ay dinidiktahan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais. Kahit ano pa ang gawin nila, ang motibasyon at pinagmumulan ay ang sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at walang katwirang hinihingi. Ito ang pinakatipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang mga anticristo ay partikular na makasarili at ubod ng sama, at ginagawa lang nila ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa sarili nilang reputasyon at katayuan. Itinuturing nilang mga pangalawahing gawain lang ang mga bagay na hindi kapaki-pakinabang sa sarili nilang reputasyon at katayuan, hindi sila handang magdusa o magbayad ng halaga para sa mga iyon, at binabalewala at ipinagwawalang-bahala pa nga nila ang mga ito. Kailangan nilang pangalagaan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, kahit na mangahulugan pa ito na mapinsala ang gawain ng iglesia. Ang landas na tinatahak nila ay landas ng paglaban sa Diyos. Ganitong-ganito ang pagtrato ko sa gawain ng paggabay kay Zhao Xue. Pakiramdam ko, hindi iyon sakop ng aking responsabilidad, at alam kong kakain ng maraming oras at lakas ang paggabay sa kanya nang maayos, na kahit magbunga pa ang gawain niya, hindi naman iyon ibibilang sa akin, at hindi rin ako makakatanggap ng anumang papuri mula sa iba, kaya ayaw kong magbayad ng halaga. Naisip ko, sa halip na gawin iyon, mas mabuting gugulin ko na lang ang mas maraming oras sa pagsubaybay sa gawaing sakop ng aking responsabilidad. Sa ganitong paraan, hindi lang bubuti ang mga resulta ng gawain, kundi tataas pa ang tingin sa akin ng mga lider. Kaya matamlay ako pagdating sa paggabay kay Zhao Xue. Kahit na sinasagot ko ang mga tanong niya, ginagawa ko lang ito para matapos na, at nagpapaliban pa ako. Alam na alam ko na kasisimula pa lang ni Zhao Xue sa tungkulin ng isang superbisor, at na hindi pa siya gaanong pamilyar sa gawain, ni hindi pa niya naarok nang maayos ang mga prinsipyo, pero ayaw kong magbayad ng halaga para tulungan at suportahan siya. Talagang makasarili at ubod ng sama ako! Namumuhay ako ayon sa mga satanikong lason na “Huwag tumulong kung walang gantimpala” at “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Sa paggawa ng anuman, isinasaalang-alang ko kung personal ba akong makikinabang dito, at handa lang akong maglaan ng oras at magbayad ng halaga para gawin ito kung may mapapala ako. Nakita ko na hindi ko talaga tinutupad ang tungkulin ko para palugurin ang Diyos, kundi sa halip ay kumikilos ako para sa kapakanan ng sarili kong reputasyon at katayuan. Sa mga mata ng Diyos, hindi ko talaga ginagawa ang aking tungkulin, kundi sa halip ay nagsasagawa ako ng sarili kong negosyo, at tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Sa huli, hindi lang sa hindi ko matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos, kundi kasusuklaman at ititiwalag pa Niya ako. Nang mapagtanto ko ito, ginusto kong magsisi agad sa Diyos. Ayaw ko nang mamuhay ayon sa aking makasarili at ubod ng sama na tiwaling disposisyon.
Isang araw, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nilinaw nito kung paano gagawin nang maayos ang mga tungkulin ng isang tao. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sabihin mo sa Akin, paano dapat gumawa ang mga tao ng mga makatarungang gawa, at sa anong kalagayan at kondisyon nila dapat gawin ito, para makonsidera ito na paghahanda ng mabubuting gawa? Sa pinakamababa, dapat mayroon silang positibo at maagap na saloobin, at habang ginagawa ang kanilang tungkulin, dapat silang maging tapat, dapat magawa nilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pagiging positibo at maagap ang susi; kung palagi kang pasibo, problema iyan. Para bang hindi ka kasapi ng sambahayan ng Diyos at hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin, na para bang wala kang pagpipilian kundi gawin ito para kumita ng sahod dahil hinihingi sa iyo ng tagapag-empleyo na gawin ito—hindi mo ito ginagawa nang kusa, kundi napakapasibo. Kung hindi lang sangkot ang mga interes mo, talagang hindi mo ito gagawin. O kung walang nagsabi sa iyo na gawin ito, tiyak na hindi mo ito gagawin. Kung gayon, ang paggawa ng mga bagay sa ganitong pamamaraan ay hindi paggawa ng mabubuting gawa. Kaya, napakahangal ng mga ganitong tao; pasibo sila sa lahat ng ginagawa nila. Hindi nila ginagawa kung ano ang naiisip nilang gawin, ni ginagawa kung ano ang kaya nilang maisakatuparan gamit ang kanilang oras at lakas. Naghihintay lang sila at nagmamasid. Problema ito at sobrang kahabag-habag. Bakit Ko nasasabi na labis itong kaawa-awa? Una, hindi naman sa hindi sapat ang kakayahan mo; ikalawa, hindi naman sa kulang ang karanasan mo; ikatlo, hindi naman sa wala kang mga tamang kondisyon para gawin ito. Taglay mo ang kakayahan na gawin ang gawaing ito, at kung gugugulin mo ang oras at enerhiya, magagawa mo ito, pero hindi ka gumugugol, nabibigo kang maghanda ng mabubuting gawa. Labis itong nakakapanghinayang. Bakit Ko sinasabi na nakakapanghinayang ito? Ito ay dahil kung magbabalik-tanaw ka rito pagkalipas ng maraming taon, makakaramdam ka ng pagsisisi, at kung gusto mong bumalik sa taon na iyon, sa buwang iyon, at sa araw na iyon, para gawin ang gawaing iyon, nagbago na ang mga bagay-bagay at lumipas na ang oras na iyon. Hindi ka makakakuha ng pangalawang pagkakataon na gaya niyon; kapag lumipas na ang pagkakataong iyon, lumipas na ito, kapag nawala na ito, nawala na ito. Kung mapapalampas mo ang mga kasiyahan ng laman gaya ng pagkain ng masasarap na pagkain o pagsuot ng magagandang damit, hindi ito gaanong mahalaga, dahil hungkag ang mga bagay na ito, at ang mga ito ay walang anumang epekto sa iyong buhay pagpasok o sa iyong paghahanda ng mabubuting gawa, o sa iyong hantungan. Gayumpaman, kung ang isang bagay ay nauugnay sa saloobin at pagsusuri ng Diyos sa iyo, o maging sa landas na nilalakaran mo o sa hantungan mo, ang mawalan ng pagkakataong magawa ito ay labis na nakakapanghinayang. Ito ay dahil mag-iiwan ito ng isang mantsa at magdudulot ng mga pagsisisi sa iyong landas ng pag-iral sa hinaharap, at sa buong buhay mo ay hindi ka na kailanman magkakaroon ng isa pang pagkakataon para makabawi rito. … Sa kabaligtaran, kung maayos mong pangangasiwaan ang gawaing ito at gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para magawa ito nang maayos, magiging payapa at matatag ang puso mo. Hindi madidismaya ang Diyos sa iyo, at kapag humarap ka sa Diyos, magkakaroon ka ng kumpiyansa at makakatayo nang nakataas-noo. Ngunit kung hindi mo gagawin ang gampaning ito o hindi mo ito gagawin nang maayos, at pipiliin mo na tipirin ang enerhiya at lakas mo, kung gayon, kahit na kayang gawin ng iba ang gampaning ito at kahit hindi nagdudulot ng anumang kawalan ang hindi mo paggawa nito, para sa iyo mismo, pagsisisihan mo ito habambuhay! Magiging isang malaking kawalan ito, na magdudulot sa iyo ng pasakit at pagkabalisa sa buong buhay mo. Sa tuwing binabanggit na dapat maging tapat at sinsero ang isang tao sa paggawa ng kanyang tungkulin at dapat niyang gawin ang kanyang buong makakaya, mararamdaman ng puso mo na para itong tinutusok ng mga karayom. Wala kang mararamdaman na kaligayahan, pagmamalaki, o karangalan tungkol sa usaping ito. Sa kabaligtaran, sasamahan ka ng pighating ito sa buong buhay mo. Kung may konsensiya ang isang tao, mararamdaman nila ang ganitong uri ng pighati. At ano naman ang perspektiba ng Diyos? Ginagamit ng Diyos ang mga katotohanang prinsipyo para matukoy ang usaping ito, na ang kalikasan ay higit na mas malubha kaysa sa nararamdaman mo” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa mga hinihingi ng Diyos na gawin ang tungkulin sa paraang positibo at may pagkukusa, pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at pagtataguyod sa gawain ng iglesia, tunay na magagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin at tunay na makapaghahanda ng mabubuting gawa. Kung hindi ko kusang ginawa ang naiisip kong gawin, o kahit ginawa ko pa ito, pero sa paraang negatibo, pasibo, at may mga pag-aalinlangan, ipapakita nito ang kakulangan ng katapatan sa aking tungkulin, at magdudulot ito ng pagkamuhi at pagkasuklam ng Diyos. Naisip ko kung paano ako nagsanay bilang isang superbisor nang mas matagal, at kung paano ako nagkaroon ng kaunting pag-aarok sa mga prinsipyo, kaya nakikita ko ang ilang isyu sa mga sermon na ipinadala sa akin ni Zhao Xue. Bagama’t mas kumplikado ang ilang problema at nangangailangan ng mas maraming oras, malilinawan din ang mga iyon pagkatapos ng talakayan. Pero napagtanto ko na kinakain ng pag-aasikaso sa mga isyung ito ang malaking bahagi ng oras ko, at naantala nito ang pagsubaybay sa sarili kong gawain. Naging dahilan ito para bumagal ang pag-usad ng gawain ng aming iglesia. Nag-alala ako na kung magpapatuloy ito, bababa ang pagiging epektibo ng aming gawain at makakaapekto ito sa aking reputasyon at katayuan. Samakatuwid, ayaw ko nang ipagpatuloy ang paggabay kay Zhao Xue. Nakita ko na sa aking tungkulin, ang isinasaalang-alang ko lang ay ang sarili kong karangalan at katayuan, na hindi ako nagkukusa sa paglilinang sa iba, palaging kumakalkula para sa sarili kong mga interes, at hindi ko isinasaalang-alang ang pangkalahatang gawain ng iglesia, ni hindi ko isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Ang sarili ko lang na mga interes ang isinasaalang-alang ko, at binalewala ko ang mga paghihirap ng iba. Hindi ba’t pareho lang ito sa ginagawa ng mga walang pananampalataya? Talagang binigo ko ang Diyos!
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Kapag mas mapagsaalang-alang ka sa mga layunin ng Diyos, mas malaki ang iyong pasanin, at kapag mas malaki ang iyong pasanin, mas yayaman ang iyong karanasan. Kapag mapagsaalang-alang ka sa mga layunin ng Diyos, bibigyan ka ng Diyos ng isang pasanin, at pagkatapos ay bibigyang-liwanag ka tungkol sa mga gampaning naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag ibinigay ng Diyos ang pasaning ito sa iyo, papansinin mo ang mga nauugnay na katotohanan habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos. Kung mayroon kang pasanin na may kaugnayan sa kalagayan ng iyong mga kapatid sa buhay nila, ito ay isang pasanin na naipagkatiwala sa iyo ng Diyos, at palagi mong dadalhin ang pasaning ito sa iyong mga dalangin sa araw-araw. Ang ginagawa ng Diyos ay naipagkatiwala na sa iyo, at handa kang isakatuparan yaong nais gawin ng Diyos; ito ang ibig sabihin ng dalhin ang pasanin ng Diyos na parang iyo. Sa puntong ito, sa iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa ganitong klase ng mga isyu, at iisipin mo, paano ko lulutasin ang mga problemang ito? Paano ko mabibigyan ng kakayahan ang aking mga kapatid na magkamit ng paglaya at makasumpong ng espirituwal na kasiyahan? Magtutuon ka rin sa paglutas ng mga problemang ito habang nakikibahagi, at habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa pagkain at pag-inom ng mga salitang nauugnay sa mga isyung ito. Magdadala ka rin ng isang pasanin habang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita. Kapag naunawaan mo na ang mga hinihingi ng Diyos, magkakaroon ka ng mas malinaw na ideya tungkol sa landas na tatahakin. Ito ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu na dulot ng iyong pasanin, at ito rin ang patnubay na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo. Bakit Ko sinasabi ito? Kung wala kang pasanin, hindi ka magbibigay-pansin habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos; kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos habang nagdadala ng isang pasanin, maaarok mo ang diwa ng mga ito, mahahanap ang iyong daan, at isasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos. Samakatwid, dapat mong ipagdasal na dagdagan ng Diyos ang iyong mga pasanin at ipagkatiwala sa iyo ang mas mabibigat na gawain, para sa harap mo ay mas magkaroon ka ng landas kung saan ka magsasagawa; para ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay magkaroon ng mas matinding epekto; para magawa mong maarok ang diwa ng Kanyang mga salita; at para mas makayanan mong maantig ng Banal na Espiritu” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maging Mapagsaalang-alang sa mga Layunin ng Diyos Para Makamit ang Pagiging Perpekto). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga responsibilidad na ipinagkakatiwala sa atin ay mga pagpapala mula sa Diyos. Sa pamamagitan ng mga pasaning ibinibigay sa atin ng Diyos, hinihimok tayong lumapit sa harap ng Diyos para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, na nagkakamit ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos at ng mas mabuting pagkaunawa sa katotohanan. Sa ganitong paraan, mas mabilis tayong uunlad sa buhay. Isinaayos ng mga lider na gabayan at linangin namin si Zhao Xue bilang pagsasaalang-alang sa pagpapanatili ng pangkalahatang gawain ng iglesia; binigyan din kami nito ng pagkakataong magsanay pa. Itinulak ako ng mga tunay na paghihirap at problema na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, na nagbigay-daan sa akin na magkamit ng higit pa. Ang totoo, may ilang tanong si Zhao Xue na hindi ko maipaliwanag nang malinaw, at ipinakita nito na hindi ko rin lubos na nauunawaan ang katotohanan sa mga larangang ito. Sa paghahanap at pananalangin sa Diyos nang may ganitong pagkadama ng pasanin, at pagkatapos basahin ang ilang katotohanang prinsipyo, mas malinaw kong naunawaan ang mga isyu. Sa usapin ng pagtulong sa paggabay kay Zhao Xue, bagama’t naglaan ako ng kaunting oras at lakas, sa prosesong ito, mas madalas akong nanalangin sa Diyos, at mas madalas na naghanap ng mga katotohanang prinsipyo, at hindi ko namamalayan, nagkaroon ako ng ilang natutuhan at napunan ko rin ang sarili kong mga pagkukulang. Tunay kong naranasan na ang mga pasanin ay talagang mga pagpapala mula sa Diyos, at napagtanto ko na hindi ko na dapat ituring na abala ang paglilinang sa iba. Malaki ang sakop ng responsabilidad ni Zhao Xue, at kung makakagawa siya nang mag-isa, makabubuti ito sa gawain ng iglesia, kaya kinailangan kong isantabi ang mga personal kong interes at makipagtulungan kay Zhao Xue para magawa nang maayos ang gawain sa sermon.
Kalaunan, sinadya kong isantabi ang mga personal kong interes, pinatahimik ko ang aking puso para pagnilayan ang mga isyu sa mga sermon, at tinalakay ko kay Zhao Xue ang mga isyung nakapaloob sa mga iyon. Unti-unti, sa pamamagitan ng pagninilay at pagsagot sa mga isyu sa mga sermon, mas naging malinaw sa akin ang mga prinsipyo sa pagtatasa ng mga sermon, at mula sa mga sermon ng iba, lumawak ang aking pag-iisip. Talagang biyaya ito ng Diyos! Pagkatapos, napaisip ako kung dapat ko bang ibuod ang mga isyu sa mga sermon kamakailan para kay Zhao Xue. Sa ganitong paraan, malalaman niya ang mga isyung ito at maiiwasan ang mga ito sa susunod. Mas magiging kapaki-pakinabang ito para mapabuti ang kalidad ng mga sermon. Pero naisip ko, “Marami na akong oras na ginugol sa pakikipag-usap sa kanya tungkol sa sermon, at kung ibubuod ko pa ang mga isyu at susulat para ipaalam ang mga detalye, mas kakain pa ito ng oras. Hindi ba’t maaantala nito ang sarili kong gawain? Sapat na siguro ito!” Napagtanto kong nagiging makasarili at ubod ng sama ako, at sinusubukang idaan sa madali ang lahat. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, naghihimagsik laban sa aking sarili, at itinuro ko kay Zhao Xue ang mga problema at paglihis na natuklasan namin. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, naramdaman kong panatag ang aking puso. Kalaunan, habang ginagabayan si Zhao Xue, naglaan din ako ng oras para subaybayan ang gawain sa sermon na sakop ng aking mga responsabilidad. Pero noong Nobyembre, mas marami pa ang bilang ng mga sermon na isinumite ng aming iglesia kaysa noong Oktubre, at hindi naging dahilan ang pagtulong kay Zhao Xue para bumaba ang pagiging epektibo ng gawain. Salamat sa Diyos sa Kanyang biyaya!