31. Nakamit Ko ang Landas para Malutas ang Aking Pakiramdam na Pagiging Mababa
Noong bata ako, dahil abala sa paghahanapbuhay ang mga magulang ko at wala silang oras sa pag-aalaga sa akin, ipinadala nila ako sa lola ko para doon na ako palakihin. Noong panahong iyon, kasagsagan ng family planning census, at dahil hindi ako nakarehistro sa bahay ng lola ko, para maiwasan ang multa, sa tuwing may inspeksyon ng family planning sa nayon, kinakarga ako ng lola ko at itinatago ako. Kinukutya ako ng mga kapitbahay dahil wala akong household registration, tinatawag akong “balewala,” at sinasabing wala akong nanay. Kahit bata pa lang ako noon, alam kong kinukutya nila ako. Sobra akong nasaktan. Ayaw ko silang makita o ang makipaglaro sa ibang mga bata. Kadalasan, nakakulong lang ako mag-isa sa loob ng bahay at nanonood ng TV, o hindi kaya ay nakikipaglaro ako sa lola ko. Ang pagkabata ko ay puno ng pagkasikil at walang sigla. Kalaunan, noong puwede na akong mag-aral, kinuha na ako ng mga magulang ko para sa kanila na tumira. Dahil introvert ako, hindi palasalita, at hindi bumabati sa mga tao, sinasabi ng nanay ko na mahina ang ulo ko, at hindi kasingtalino ng nakababata kong kapatid na babae. Naisip ko rin na maraming wala sa akin, kaya lalo pa akong naging mailap sa pakikipag-usap sa mga tao. Unti-unti, nahirapan na akong makipag-usap sa iba, at kapag nakikipag-usap sa kanila, hindi ko alam kung ano ang sasabihin o kung paano magsisimula ng usapan. Minsan, may mga nasa isip ako at mga opinyon na gusto kong sabihin, pero kapag nagsasalita ako, nagkakandabulol-bulol ako dahil sa kaba at takot. Lalo na kapag nakikipag-usap sa malalaking grupo ng tao na mga hindi ko kakilala, sobra akong kinakabahan na namumula ang mukha ko. Kaya sa tuwing may dumarating na mga kamag-anak o kailangan kong dumalo sa isang panggabing salusalo, palagi kong sinusubukang umiwas dito kung kaya ko, at kung hindi ko matanggihan, tahimik lang akong uupo sa isang sulok, pinapanood ang iba na nag-uusap-usap at nagtatawanan.
Ganito pa rin ako pagkatapos matagpuan ang Diyos. Naaalala ko, minsan sa isang pagtitipon, nakita kong may 50 o 60 katao na dumalo. Natakot agad ako, at sa dami ng tao, hindi ako nangahas na magsalita. Wala akong kakayahang magpahayag, kaya naramdaman ko na kung magsasalita ako nang hindi malinaw o hindi ako maiintindihan ng iba, sobrang nakaiilang at nakahihiya iyon. Kaya sa tuwing hinihiling sa akin ng superbisor na makipagbahaginan, pinipili kong manahimik at makinig na lang. Minsan, kapag nag-aaral ako ng mga propesyonal na kasanayan kasama ang mga kapatid, hinihiling sa amin ng superbisor na ibahagi ang aming mga opinyon, at hindi ko mapigilang kabahan at hindi ako nangangahas na makipagbahaginan, dahil takot akong hindi malinaw ang masabi ko. Ilang beses, napilitan akong makipagbahaginan matapos akong tawagin ng superbisor, at habang nakikipagbahaginan ako, sobra ang kaba ko na nagbago ang boses ko, at lalong umiinit ang mukha ko habang mas nagsasalita ako. Sa huli, hindi ako nakapagsalita nang malinaw at talagang nahiya ako. Naisip ko, “Bakit ba wala akong kuwenta? Nagsasabi lang naman ako ng mga opinyon ko, kaya bakit napakahirap nito at nakakakaba? Hindi man lang ako makapagsalita nang malinaw, hangal talaga ako!” Nang makita kong napakanatural at matatas makipagbahaginan ang mga sister na katuwang ko, inggit na inggit ako, “Bakit wala akong ganitong kumpiyansa at lakas ng loob? Bakit napakahirap para sa akin na magsalita o magpahayag ng aking mga iniisip?” Kalaunan, isinaayos ng superbisor na maging lider ako ng pangkat. Naisip ko, “Introvert ako at hindi magaling magsalita, at kapag maraming tao, hindi ako nangangahas na magsalita. Paano kung may mga tanong ang mga kapatid at hindi ko sila masagot nang malinaw? Hindi ba at nakaiilang iyon?” Gusto ko na lang sanang humanap ng iba ang superbisor, at mas gugustuhin kong maging isang tahimik na miyembro na lang ng pangkat. Pero natakot ako na baka magkaroon ng masamang impresyon sa akin ang superbisor kung tatanggihan ko ang tungkulin, kaya binalewala ko na lang ang isiping iyon. Nang kumustahin ko ang gawain ng mga kapatid pagkatapos, natatakot pa rin ako, at kapag nagtatanong sila sa akin, gusto kong iba na lang ang sumagot, dahil takot akong hindi ko maipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay o hindi ko malutas ang mga problema nila. Kapag hindi ko na maiwasan, pinipilit ko ang sarili kong magsabi ng ilang salita, pero kabadong-kabado pa rin ako. Dahil nakikita ko ang sarili ko na ganito, hirap na hirap ang kalooban ko, at napagtanto ko na ang kalagayang ito ay lubhang nakaaapekto sa normal na pakikipag-usap ko sa iba at sa abilidad kong gawin ang aking mga tungkulin. Kung hindi ko ito babaguhin sa lalong madaling panahon, lalo akong magiging pasibo sa mga tungkulin ko, at siguradong maaantala nito ang gawain. Kaya sinadya kong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga isyu ko.
Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Anuman ang mangyari sa kanila, kapag nahaharap sa kaunting paghihirap ang mga duwag na tao, umaatras sila. Bakit nila ito ginagawa? Ang isang dahilan ay sanhi ito ng kanilang emosyon ng pagiging mas mababa. Dahil pakiramdam nila ay mas mababa sila, hindi sila naglalakas-loob na humarap sa mga tao, ni hindi nila maako ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat nilang akuin, hindi rin nila maako ang mga bagay na kaya naman talaga nilang maisakatuparan sa saklaw ng sarili nilang abilidad at kakayahan, at sa saklaw ng karanasan ng sarili nilang pagkatao. Ang emosyong ito ng pagiging mas mababa ay nakakaapekto sa bawat aspekto ng kanilang pagkatao, naaapektuhan nito ang kanilang integridad, at siyempre, naaapektuhan din nito ang kanilang personalidad. Kapag may ibang tao sa paligid, madalang nilang ipinapahayag ang sarili nilang mga pananaw, at halos hindi maririnig na nililinaw nila ang sarili nilang pananaw o opinyon. Kapag nahaharap sila sa isang isyu, hindi sila naglalakas-loob na magsalita, sa halip, palagi silang umiiwas at umaatras. Kapag kaunti ang tao roon, nagkakaroon sila ng sapat na lakas ng loob na umupo kasama ang mga ito, pero kapag marami ang tao roon, naghahanap sila ng isang sulok at doon pumupunta kung saan malamlam ang ilaw, hindi naglalakas-loob na lumapit sa ibang tao. Sa tuwing nararamdaman nila na nais nilang positibo at aktibong magsabi ng isang bagay at magpahayag ng sarili nilang mga pananaw at opinyon para ipakita na tama ang kanilang iniisip, ni wala man lang silang lakas ng loob na gawin iyon. Sa tuwing sila ay may gayong mga ideya, sabay-sabay na lumalabas ang kanilang emosyon ng pagiging mas mababa, at kinokontrol, sinasakal sila nito, sinasabi sa kanila na, ‘Huwag kang magsabi ng kahit na ano, wala kang silbi. Huwag mong ipahayag ang mga pananaw mo, sarilinin mo na lang ang mga ideya mo. Kung may anumang bagay sa puso mo na nais mo talagang sabihin, itala mo na lang ito sa kompyuter at pag-isipan mo ito nang mag-isa. Hindi mo dapat hayaang malaman ito ng sinuman. Paano kung may masabi kang mali? Sobrang nakakahiya iyon!’ Sinasabi palagi ng tinig na ito sa iyo na huwag mong gawin ito, huwag mong gawin iyon, huwag mong sabihin ito, huwag mong sabihin iyon, kaya’t nilulunok mo na lang ang bawat salitang nais mong sabihin. Kapag may bagay na nais mong sabihin na matagal mo nang pinagmuni-munihan sa iyong puso, umuurong ka at hindi naglalakas-loob na sabihin ito, o kaya ay nahihiya kang sabihin ito, naniniwala na hindi mo ito dapat sabihin, at na kapag ginawa mo ito, pakiramdam mo ay parang may nilabag kang tuntunin o batas. At kapag isang araw ay tahasan mong ipinahayag ang iyong pananaw, sa kaibuturan mo ay mararamdaman mo na hindi mapapantayan ang iyong pagkabagabag at pagkabahala. Bagama’t unti-unting naglalaho ang pakiramdam na ito ng sobrang pagkabahala, unti-unting sinusugpo ng emosyon mo ng pagiging mas mababa ang mga ideya, intensyon, at planong mayroon ka sa kagustuhan mong magsalita, magpahayag ng sarili mong mga pananaw, maging normal na tao, at maging katulad lang ng lahat. Iyong mga hindi nakakaintindi sa iyo ay naniniwala na hindi ka palasalita, na tahimik ka, na may mahiyaing personalidad, at isang taong ayaw mamukod-tangi. Kapag nagsasalita ka sa harap ng maraming tao, nahihiya ka at namumula ang mukha mo; medyo hindi ka palakibo, at ikaw lang talaga ang nakakaalam na pakiramdam mo ay mas mababa ka. … Bagama’t hindi nasisiguro na isang tiwaling disposisyon ang pakiramdam na ito, nagdulot na ito ng malubhang negatibong epekto; malubha nitong pinipinsala ang kanilang pagkatao at may malaking negatibong epekto ito sa iba’t ibang emosyon at sa pananalita at mga kilos ng kanilang normal na pagkatao, kasama ang mga napakalulubhang kahihinatnan. Ang maliit na impluwensiya nito ay makakaapekto sa kanilang katangian, mga kagustuhan at ambisyon; ang malaking impluwensiya nito ay makakaapekto sa kanilang mga layon at direksiyon sa buhay. Sa mga sanhi ng pakiramdam na ito ng pagiging mas mababa, sa proseso nito at sa mga kahihinatnan na idinudulot nito sa isang tao, sa alinmang aspekto mo ito titingnan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat bitiwan ng mga tao? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (1)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na talagang mababa ang tingin ko sa sarili. Ang kalagayan at mga pagpapamalas ng mababang tingin sa sarili na inilantad ng Diyos ay nakita sa akin. Nakagapos ang puso ko sa pakiramdam ng pagiging mababa, at palagi kong nararamdaman na hindi ako sapat sa iba’t ibang paraan. Kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao, natatakot akong magsalita kapag maraming tao, o nagtatago ako sa isang sulok at nananatiling tahimik. Sa mga tungkulin ko, sa tuwing kailangan kong magpahayag ng aking mga iniisip, hindi ko maiwasang kabahan, at ang iniisip ko ay hindi kung paano makikipagtulungan sa lahat para matupad ang aking mga tungkulin, kundi sa halip, nararamdaman ko na kulang ang aking kasanayan sa wika, na wala sa punto ang aking sinasabi, at mas gugustuhin kong hayaan na lang ang iba na makipagbahaginan. Kapag may mga opinyon o ideya ako sa ilang mga isyu, palagi akong nag-aatubili, iniisip na, “Dapat ba akong magsalita o hindi? Tama ba ang opinyon ko? Sasang-ayon ba sa akin ang iba? Huwag na lang, mas mabuti pang hindi ko na sabihin. Makikinig na lang ako sa opinyon ng iba.” Madalas akong naiimpluwensyahan ng mga kaisipang ito, na para bang selyado ang bibig ko at barado ang lalamunan ko, kaya hindi ko maipahayag ang aking mga pananaw at paninindigan sa maraming sitwasyon. Inutusan ako ng superbisor na maging lider ng pangkat, at alam kong sa pag-ako ng tungkuling ito, dapat kong tuparin ang aking mga responsabilidad, pero sa tuwing kailangan kong kumustahin ang gawain, hindi ko talaga masabi ang mga salita, natatakot na hindi ko maipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay at hindi maiintindihan ng iba. Talagang nakahihiya iyon! Kaya palagi kong gusto na isang taong may mas magaling na kasanayan sa pakikipag-usap ang sumagot sa mga tanong ng mga kapatid, at makikinig at sasang-ayon na lang ako sa gilid. Bilang resulta, hindi ko natupad ang mga responsabilidad na dapat kong tuparin, at lalo pa akong naging pasibo sa aking mga tungkulin. Ang negatibong pakiramdam na ito ng pagiging mababa ay talagang nagkaroon ng malaking epekto sa akin, na nagiging dahilan para lalo akong maging umid at pasibo, at hindi ko man lang magawang makipag-usap nang normal sa iba. Nawala ang aking pagiging responsable at ang sigasig, at lalo kong hinuhusgahan nang negatibo at kinaklasipika ang aking sarili, at lalong lumalakas ang pagnanais kong umatras. Nakita ko kung gaano kasakit maigapos at mapigilan ng mga pakiramdam na ito ng pagiging mababa.
Pagkatapos, naghanap ako ng mga solusyon para sa isyung ito, at nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sa panlabas, ang pagiging mas mababa ay isang emosyon na naipapamalas sa mga tao; pero sa katunayan, ang ugat nito ay ang katiwalian ni Satanas, ang kapaligirang ginagalawan ng mga tao, at sariling mga obhetibong dahilan ng mga tao. Ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama, lubos na ginawang tiwali ni Satanas at walang nagtuturo sa susunod na henerasyon nang alinsunod sa katotohanan, gamit ang mga salita ng Diyos, sa halip, nagtuturo sila nang alinsunod sa mga bagay na nagmumula kay Satanas. Kaya naman, maliban sa ginagawa nitong tiwali ang mga disposisyon at diwa ng mga tao, ang kahihinatnan ng pagtuturo sa susunod na henerasyon at sangkatauhan ng mga bagay na kay Satanas ay ang pag-usbong ng mga negatibong emosyon sa mga tao. Kung pansamantala lamang ang mga umuusbong na negatibong emosyon, hindi ito magkakaroon ng malaking epekto sa buhay ng isang tao. Gayumpaman, kung malalim nang nakaugat ang isang negatibong emosyon sa kaibuturan ng puso at kaluluwa ng isang tao at hindi ito maalis-alis sa pagkabaon doon, kung ganap na hindi niya ito makalimutan o maiwaksi, kung gayon ay tiyak na makakaapekto ito sa bawat desisyon ng taong iyon, sa paraan ng pagharap niya sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay, sa kung ano ang pinipili niya kapag nahaharap sa malalaking usapin ng prinsipyo, at sa landas na kanyang tatahakin sa buhay niya—ito ang epekto ng tunay na lipunan ng tao sa bawat indibiduwal. Ang isa pang aspekto ay ang sariling mga obhetibong dahilan ng mga tao. Ibig sabihin, ang edukasyon at mga turo na natatanggap ng mga tao habang lumalaki sila, lahat ng kaisipan at ideya kasama ang mga paraan ng pag-asal na tinatanggap nila, gayundin ang iba’t ibang kasabihan ng tao, ay lahat nagmumula kay Satanas, hanggang sa puntong wala nang kakayahan ang mga tao na pangasiwaan at iwaksi mula sa tamang perspektiba at pananaw ang mga isyung ito na nakahaharap nila. Samakatwid, nang hindi nalalaman, sa ilalim ng impluwensiya ng malupit na kapaligirang ito, at nang nasisiil at nakokontrol nito, walang magawa ang tao kundi magkaroon ng iba’t ibang negatibong emosyon at gamitin ang mga ito para subukang labanan ang mga problemang wala siyang kakayahan na lutasin, baguhin, o iwaksi. Gamitin nating halimbawa ang emosyon ng pagiging mas mababa. Ang iyong mga magulang, guro, nakatatanda, at ang ibang tao sa paligid mo ay pawang may hindi makatotohanang pagsusuri sa iyong kakayahan, pagkatao, at integridad, at ang ginagawa nito sa iyo ay aatakihin ka, uusigin, susupilin, hahadlangan, at igagapos. Sa huli, kapag wala ka nang lakas na lumaban pa, wala ka nang magawa kundi ang piliin ang buhay kung saan tahimik mong tinatanggap ang mga insulto at pamamahiya, tahimik mong tinatanggap ang ganitong uri ng hindi patas at hindi makatarungang realidad bagama’t alam mong hindi dapat. Kapag tinanggap mo ang realidad na ito, ang mga emosyon na uusbong sa iyo sa huli ay hindi mga emosyong nagagalak, nasisiyahan, positibo o progresibo; hindi ka namumuhay nang may higit na motibasyon at direksyon, lalong hindi mo hinahangad ang tumpak at tamang mga layon para sa buhay ng tao, kundi sa halip, lilitaw sa iyo ang matinding emosyon ng pagiging mas mababa. Kapag lumitaw ang emosyong ito sa iyo, pakiramdam mo ay wala kang matatakbuhan. Kapag naharap ka sa isang isyu kung saan nangangailangan na magpahayag ka ng pananaw, ilang beses mong pag-iisipan ang gusto mong sabihin at ang pananaw na nais mong ipahayag sa kaibuturan ng iyong puso, pero hindi mo pa rin magawang sabihin ito. Kapag may isang tao na nagpapahayag ng pananaw na pareho ng sa iyo, tinutulutan mo ang iyong sarili na makaramdam sa puso mo na tama ka, isang kumpirmasyon na hindi ka mas mababa kaysa sa ibang tao. Pero kapag nangyayaring muli ang ganoong sitwasyon, sinasabi mo pa rin sa iyong sarili, ‘Hindi ako pwedeng magsalita nang basta-basta lang, gumawa ng anuman nang pabigla-bigla, o maging katatawanan. Wala akong kwenta, ako ay estupido, hangal, at mangmang. Kailangan kong matuto kung paano magtago at makinig lang, hindi magsalita.’ Mula rito ay makikita natin na simula sa punto ng pag-usbong ng emosyon ng pagiging mas mababa hanggang sa kapag malalim na itong nakabaon sa kaibuturan ng puso ng isang tao, hindi ba’t napagkakaitan siya ng sarili niyang kalooban at ng mga lehitimong karapatan na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos? (Oo.) Napagkaitan siya ng mga bagay na ito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (1)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, sinimulan kong pagnilayan kung bakit napakaduwag ko at may ganoong pakiramdam ng pagiging mababa, at hindi ko maiwasang isipin ang aking nakaraan. Noong bata ako, para maiwasan ang family planning census, pinalaki ako sa bahay ng lola ko, at madalas akong tumatakbo at nagtatago kasama ang lola ko. Nag-iwan ito ng anino sa aking puso, at talagang naging duwag ako. Dahil wala ang mga magulang ko sa tabi ko, kinutya ako ng isang ale mula sa pamilya ng aming kapitbahay bilang “balewala,” at kinutya rin ako ng mga batang kasing-edad ko bilang isang batang walang ina. Pakiramdam ko, nabubuhay ako sa ilalim ng isang walang kulay at walang araw na langit, at nakaramdam ako ng matinding kalungkutan at pagkasikil, iniisip na iba ako sa ibang mga bata. Mayroon silang parehong mga magulang sa kanilang tabi, pero ako ay wala. Pagkatapos ng lahat ng ito, hindi ko na gustong lumabas, natatakot akong makipagkita sa mga tao, at lalo akong naging hindi palakibo. Pagkatapos magsimula sa eskuwela, dahil umid ako at walang pakiramdam ng seguridad, bihira akong makipag-usap sa aking mga kaklase tuwing break. Pinapanood ko silang nag-uusap, nagtatawanan, at naglalaro pagkatapos ng klase, pero hanggang sa panonood at pagkainggit lang ako, palaging nararamdaman na iba ako sa kanila. Isang karanasang nag-iwan ng malalim na marka sa akin ay nangyari sa klase sa Chinese. Dahil napakahina ng boses ko noong sumagot ako sa isang tanong, sarkastikong sinabi ng guro, “Dapat yata kitang ikuha ng megaphone,” at pagkasabi niya nito, nagtawanan ang buong klase. Noong sandaling iyon, pakiramdam ko ay ako ang katatawanan ng buong klase, at gusto ko na lang itago ang mukha ko. Dahil sa karaniwan kong mga grado at sa paghamak ng guro, pagkatapos ng ganoong pangungutya, lubhang nasugatan ang pagpapahalaga ko sa sarili. Pagbalik ko sa bahay ng mga magulang ko, nakita kong madalas silang mag-away, at lalo akong nakaramdam ng pagkasikil at kalungkutan. Dahil matagal akong naipit sa ganitong emosyonal na kalagayan, kinailangan kong sarilinin ang maraming iniisip at nararamdaman. Dahil palagi akong tahimik at mukhang naiilang kapag nakikitungo sa mga tao o humaharap sa mga sitwasyon, may galit at kawalang-magawa ang mga magulang ko sa pakikitungo sa akin, at sinasabi nila sa akin, “Bobo ka ba? Hindi ka man lang makapagsalita nang maayos, parang umuurong ang dila mo!” Sa paglipas ng panahon, sinimulan kong tanggapin na wala akong kuwenta at hindi ako magaling magsalita, at ang mga ebalwasyong ito ay dumikit sa akin na parang mga sticker, na nag-iwan sa akin ng pangmatagalang pakiramdam ng pagiging mababa. Hanggang sa puntong ito, kapag kailangan kong ipahayag ang aking mga pananaw sa aking mga tungkulin, malinaw na may mga opinyon at ideya ako pero sobrang takot akong magsalita, palaging natatakot na baka hindi angkop ang aking mga salita kaya tatanggihan ito, na lalo pa akong magmumukhang masama. Pero sa totoo lang, marami sa aking mga pananaw at mungkahi ay napatunayang angkop at karapat-dapat isaalang-alang. Sa pagninilay sa mga bagay na ito, nagsimula akong mas malinaw na maunawaan ang mga dahilan ng aking pakiramdam ng pagiging mababa. Dahil sa impluwensya ng mga panlabas na pangyayari, palagi kong hinuhusgahan nang negatibo at kinaklasipika ang aking sarili, at sa paglipas ng panahon, nawala ang aking inisyatiba, at sa pakikipag-usap ko sa iba at sa paggampan ko ng aking mga tungkulin, lalo akong naging pasibo at umid.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Anuman ang sitwasyong nagdulot ng iyong emosyon ng pagiging mas mababa o kung sino o anong pangyayari ang sanhi nito, dapat mong taglayin ang tamang pagkaunawa sa iyong sariling kakayahan, mga kalakasan, talento, at sa sarili mong karakter. Hindi tama na makaramdam ng pagiging mas mababa, hindi rin tama na makaramdam ng pagiging mas nakatataas—parehong negatibong emosyon ang mga ito. Maaaring gapusin ng pagiging mas mababa ang iyong mga kilos at kaisipan, at iimpluwensiyahan ang iyong mga pananaw at saloobin. Ang pagiging mas mataas ay mayroon ding ganitong negatibong epekto. Kaya, ito man ay pagiging mas mababa o iba pang negatibong emosyon, dapat mong taglayin ang tamang pagkaunawa sa mga interpretasyon na humahantong sa paglitaw ng emosyong ito. Una, dapat mong maunawaan na ang mga interpretasyong iyon ay hindi tama, at ito man ay tungkol sa iyong kakayahan, talento, o sa iyong karakter, ang mga pagsusuri at kongklusyon nila sa iyo ay palaging mali. Kaya, paano mo tumpak na masusuri at makikilala ang iyong sarili, at paano ka makalalaya sa emosyon ng pagiging mas mababa? Dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan sa pagkamit ng pagkilala sa iyong sarili, pag-alam sa kung ano ang iyong pagkatao, kakayahan, at talento, at kung anong mga kalakasan ang mayroon ka. … Sa ganitong sitwasyon, kailangan mong gumawa ng tamang pagsusuri at sukatin nang tama ang iyong sarili batay sa mga salita ng Diyos. Dapat mong pagtibayin kung ano ang natutunan mo at kung saan nakasalalay ang mga kalakasan mo, at humayo ka at gawin mo ang anumang kaya mo; para naman sa mga bagay na hindi mo kayang gawin, ang iyong mga kakulangan at kapintasan, dapat mong pagnilayan at kilalanin ang mga ito, at dapat din na tumpak mong suriin at alamin kung ano ang kakayahan mo, at kung mahusay o mahina ba ito. Kung hindi mo maunawaan o malinaw na makilala ang sarili mong mga problema, kung gayon, hilingin mo sa mga tao sa paligid mo na may pagkaunawa na kilatasin ka. Tumpak man o hindi ang sasabihin nila, kahit papaano ay mabibigyan ka nito ng pagbabatayan at mabibigyan ka nito ng kakayahan na magkaroon ng batayang pagsusuri o paglalarawan sa iyong sarili. Pagkatapos, malulutas mo na ang esensiyal na problema ng negatibong emosyon ng pagiging mas mababa, at unti-unti kang makakaahon mula rito. Ang emosyon ng pagiging mas mababa ay madaling lutasin kung makakakilatis at, mamumulat dito ang isang tao, at kung mahahanap niya ang katotohanan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (1)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, natagpuan ko ang paraan upang mabitawan ang aking pakiramdam ng pagiging mababa. Ito ay ang suriin ang aking sarili nang obhektibo at makatarungan batay sa mga salita ng Diyos. Hindi ako maaaring patuloy na maglublob sa mga lumang alaalang ito, na nalilimitahan ng mga anino ng nakaraan at ng mga maling ebalwasyon ng iba sa akin, hanggang sa punto na hinahayaan ko pang kontrolin ng mga bagay na ito ang aking pag-iisip at buhay. Dapat kong sukatin at suriin ang aking sarili ayon sa mga salita ng Diyos, at tingnan nang tama ang aking mga kalakasan at kahinaan. Maaari ko ring isaalang-alang ang mga ebalwasyon ng mga taong nakapaligid sa akin upang obhektibong husgahan ang aking sarili. Naalala ko kung paano ako sinuri ng mga kapatid na nakikipagtulungan sa akin. Sinabi nila na karaniwan lang ang kakayahan ko, na hindi baluktot ang aking pag-unawa, na mayroon akong sariling mga iniisip kapag nahaharap sa mga sitwasyon, at na mayroon akong pasanin at responsabilidad sa aking mga tungkulin. Nakita ko na bagama’t hindi ako masyadong may kapabilidad at matalino, at hindi masyadong mataas ang aking kakayahan, hindi ako isang taong may mahinang kakayahan o walang mga iniisip. Higit pa rito, hindi ako inayawan ng aking mga kapatid dahil sa pagiging introvert at hindi magaling magsalita. Sa halip, kapag kinakabahan ako at hindi makapagsalita nang malinaw, tinutulungan nila akong linawin at dagdagan ang sinusubukan kong sabihin. Ipinadama nito sa akin ang tunay na tulong sa pagitan ng mga kapatid, na walang pangmamaliit o paghamak.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga taong namumuhay sa normal na pagkatao ay nalilimitahan din ng maraming likas na gawi ng katawan at ng maraming pangangailangan ng katawan. … Kung minsan ay maaaring napipigilan ang mga tao ng mga damdamin at pangangailangan ng katawan, at minsan ay maaaring sumasailalim sila sa mga limitasyon ng mga likas na gawi ng katawan, o sa mga limitasyon ng oras at personalidad—ito ay normal at natural. Halimbawa, may ilang tao na labis na introvert mula pa noong bata sila; hindi sila mahilig magsalita at nahihirapan silang makipag-ugnayan sa iba. Kahit nasa hustong gulang na sila sa edad na trenta o kuwarenta, hindi pa rin nila mapangibabawan ang personalidad na ito: Hindi pa rin sila sanay magsalita o mahusay sa mga salita, hindi rin sila magaling sa pakikipag-ugnayan sa iba. Pagkatapos nilang maging lider, medyo nagiging limitasyon at hadlang sa kanilang gawain ang personalidad nilang ito, at dahil dito ay madalas silang nababagabag at nadidismaya, kaya’t nararamdaman nilang napipigilan sila. Ang pagiging introvert at hindi pagkahilig na magsalita ay mga pagpapamalas ng normal na pagkatao. Dahil ang mga ito ay mga pagpapamalas ng normal na pagkatao, maituturing ba na mga pagsalangsang sa Diyos ang mga ito? Hindi, hindi mga pagsalangsang ang mga ito, at tatratuhin ng Diyos nang tama ang mga ito. Anuman ang iyong mga problema, depekto, o mga kapintasan, hindi isyu ang mga ito sa mga mata ng Diyos. Tinitingnan lang ng Diyos kung paano mo hinahanap ang katotohanan, isinasagawa ang katotohanan, kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sumusunod sa daan ng Diyos sa ilalim ng mga likas na kalagayan ng pagkatao—ang mga ito ang tinitingnan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, mas lumiwanag ang puso ko. Palagi kong inaayawan ang sarili ko dahil sa pagiging introvert at hindi magaling magsalita, at madalas akong minamaliit at hinahamak ng mga kaklase at kasamahan, pero sinasabi ng Diyos na ang mga bagay na ito ay mga pagpapakita ng normal na pagkatao. Sa wakas ay napagtanto ko na ang pagiging introvert at hindi magaling magsalita ay hindi mali, at na hindi ito isang bagay na dapat ikahiya. Hindi maaaring baguhin ang likas na personalidad ng isang tao, at ang gawain ng Diyos ay hindi upang baguhin ang personalidad ng isang tao, na gawing extrovert ang mga introvert, o gawing matatas magsalita ang mga hindi magaling magsalita. Sa halip, ang gawain ng Diyos ay nakatuon sa paglilinis at pagbabago ng tiwaling disposisyon ng isang tao, at hindi kinokondena ng Diyos ang mga pagkukulang at kakulangan sa loob ng normal na pagkatao. Ang tinitingnan ng Diyos ay kung kaya ng isang tao na hangarin ang katotohanan, at kung kaya nilang makinig at magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Nang maunawaan ko ito, hindi na ako nabagabag dahil sa pagiging introvert ko o sa mahinang kasanayan ko sa pagsasalita, at hindi ko na rin inayawan ang sarili ko. Dapat kong tratuhin nang tama ang aking mga pagkukulang, at kapag kailangan kong magpahayag ng aking opinyon, hindi ko dapat palaging isipin, “Hindi ko kaya. Introvert ako at hindi ako magaling magsalita,” sa halip, dapat kong tuparin ang aking mga responsabilidad at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Sa pagpapatuloy sa aking mga tungkulin, sinadya kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos.
Kalaunan, nang kumustahin ko ang gawain, napansin ko na may ilang kapatid na pasibo sa kanilang mga tungkulin. Naisip kong himukin sila, pero nang magpapadala na ako ng mensahe, nag-alala ako, iniisip na, “Paano ko ito sasabihin? Tutugon kaya sila nang aktibo sa mensahe? Kung magtatanong sila sa akin at hindi ko masasagot nang malinaw, sobrang nakaiilang!” Sa pag-iisip nito, hindi ako nangahas na magpadala ng mensahe. Napagtanto ko na muli na naman akong naigapos ng aking pakiramdam ng pagiging mababa. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nabasa ko ilang araw na ang nakalipas: “Anuman ang iyong mga problema, depekto, o mga kapintasan, hindi isyu ang mga ito sa mga mata ng Diyos. Tinitingnan lang ng Diyos kung paano mo hinahanap ang katotohanan, isinasagawa ang katotohanan, kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sumusunod sa daan ng Diyos sa ilalim ng mga likas na kalagayan ng pagkatao—ang mga ito ang tinitingnan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (3)). Sa sandaling iyon, naramdaman kong mayroon akong direksyon at landas. Tumugon man nang aktibo ang aking mga kapatid o hindi, dapat ko pa ring tuparin ang aking responsabilidad. Kaya nagpadala ako ng mensahe para himukin sila sa kanilang gawain. Nang tanungin nila ako ng ilang bagay, sinagot ko sila sa abot ng aking nalalaman, at sa pagsasagawa nang ganito, napanatag ang kalooban ko. Naranasan ko na ang mga salita ng Diyos ay tunay na direksyon at pamantayan sa kung paano dapat kumilos ang mga tao.
Kalaunan, pinaalalahanan ako ng isang sister na magnilay: Bukod sa pagiging apektado ng pakiramdam ng pagiging mababa, anong mga tiwaling disposisyon ang naglilimita sa akin noong palagi akong pasibo at umiiwas sa aking tungkulin? Pinadalhan ako ng sister ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kinokondisyon ng pamilya ang mga tao gamit ang hindi lamang isa o dalawang kasabihan, kundi napakaraming sikat na kasabihan at salawikain. Halimbawa, madalas bang binabanggit ng mga nakatatanda sa iyong pamilya at ng iyong mga magulang ang kasabihang ‘Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad’? (Oo.) Sinasabi nila sa iyo: ‘Dapat mamuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon. Wala nang iba pang dapat hangarin ang mga tao sa kanilang buhay, maliban sa bumuo ng magandang reputasyon at mag-iwan ng magandang impresyon sa isipan ng iba. Sinuman ang kausapin mo, magsabi ka sa kanila ng mga salitang magandang pakinggan, magsabi ka lang ng mga salita ng pambobola at kabaitan, at huwag pasamain ang kanilang loob. Sa halip, gumawa ka ng mas maraming kabutihan.’ Itong partikular na epekto ng pagkokondisyon ng pamilya ay may tiyak na epekto sa pag-uugali o mga prinsipyo ng pag-asal ng mga tao, na may hindi maiiwasang kahihinatnan kung saan binibigyang-halaga nila ang kasikatan at pakinabang. Ibig sabihin, binibigyang-halaga nila ang kanilang sariling reputasyon, katanyagan, ang impresyong nililikha nila sa isipan ng mga tao, at ang ebalwasyon ng iba sa lahat ng kanilang ginagawa at bawat opinyon na kanilang ipinapahayag. Lubos na pinahahalagahan ng mga tao ang kasikatan at pakinabang, kaya ang mga salita ng mga sikat na kasabihang iyon at mga prinsipyo sa pakikitungo sa mga bagay-bagay sa tradisyonal na kultura ay nagkakaroon ng nangingibabaw na posisyon sa kanilang puso, tuluyan pa ngang sumasakop sa kanila. Nang hindi namamalayan, itinuturing na nilang hindi mahalaga kung ginagawa ba nila ang kanilang tungkulin alinsunod sa katotohanan at mga prinsipyo, at maaari pa nga nilang talikuran nang lubusan ang gayong mga pagsasaalang-alang. Sa kanilang puso, ang mga satanikong pilosopiyang iyon at mga sikat na kasabihan ng tradisyonal na kultura, tulad ng ‘Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,’ ay nagiging napakahalaga. … Ang lahat ng ginagawa mo ay hindi para maisagawa ang katotohanan, ni hindi para mapalugod ang Diyos, sa halip, ito ay para sa sarili mong reputasyon. Sa ganitong paraan, ano ang nagiging matagumpay na resulta ng lahat ng iyong ginagawa? Ito ay matagumpay na nagiging isang relihiyosong gawain. Ano ang nangyari sa iyong diwa? Naging tipikal na modelo ka ng isang Pariseo. Ano ang nangyari sa landas mo? Ito ay naging landas ng mga anticristo. Ganyan ito inilalarawan ng Diyos. Kaya, ang diwa ng lahat ng iyong ginagawa ay nabahiran, hindi na ito pareho; hindi mo isinasagawa ang katotohanan o hinahangad ito, sa halip ay hinahangad mo ang kasikatan at pakinabang. Sa huli, kung ang Diyos ang tatanungin, ang pagganap ng iyong tungkulin—sa isang salita—ay hindi pasok sa pamantayan. Bakit ganoon? Dahil nakatuon ka lamang sa sarili mong reputasyon, sa halip na sa ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, o sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. … Sapagkat ang diwa ng lahat ng ginagawa mo ay para lamang sa iyong reputasyon, at para lamang isagawa ang kasabihang ‘Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.’ Hindi mo hinahangad ang katotohanan, at ikaw mismo ay hindi alam iyon. Sa tingin mo ay walang mali sa kasabihang ito, dahil hindi ba’t dapat mamuhay ang mga tao para sa kapakanan ng kanilang reputasyon? Tulad ng karaniwang kasabihan na, ‘Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.’ Ang kasabihang ito ay tila napakapositibo at marapat, kaya hindi mo namamalayang tinatanggap mo ang epekto ng pagkokondisyon nito at itinuturing ito bilang isang positibong bagay. Sa sandaling ituring mo ang kasabihang ito bilang isang positibong bagay, hindi mo namamalayang hinahangad at isinasagawa mo ito. Kasabay nito, hindi mo namamalayan at nalilitong napagkakamalan mo ito bilang ang katotohanan at bilang isang katotohanang pamantayan. Kapag itinuring mo ito bilang isang katotohanang pamantayan, hindi ka na nakikinig sa sinasabi ng Diyos, at hindi mo na rin nauunawaan ito. Pikit-mata mong isinasagawa ang salawikaing ito, ‘Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,’ at kumikilos ka alinsunod dito, at sa huli, ang nakukuha mo roon ay isang magandang reputasyon. Nakamit mo ang nais mong makamit, ngunit sa paggawa nito ay nalabag at natalikuran mo ang katotohanan, at nawalan ka ng pagkakataong maligtas” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (12)). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na palagi akong lubos na naiimpluwensyahan ng ideya na “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at na palagi kong labis na pinahahalagahan ang aking reputasyon, labis na nag-aalala sa kung ano ang iisipin ng iba tungkol sa akin. Para akong isang papet, na nakagapos sa karangalan at katayuan. Naisip ko kung paanong ang pagtatalaga sa akin ng superbisor bilang lider ng pangkat ay talagang isang magandang pagkakataon para ako ay magsanay. Sa pakikipag-usap at pagkatuto kasama ang mga kapatid, isa rin itong magandang pagkakataon para mapunan ko ang aking mga kakulangan. Kung mali ang aking mga pananaw, matutulungan ako ng mga kapatid na itama ang anumang mga paglihis. Ngunit palagi akong nalilimitahan ng aking karangalan, at kapag nakikita kong maraming tao at kailangan kong magbahagi ng aking mga pananaw, ang una kong reaksyon ay palaging, “Hindi ko ito kaya.” Natatakot akong mailantad ang aking mga pagkukulang, na magkaroon ng masamang impresyon sa akin ang mga kapatid at maliitin ako. Bilang resulta, hindi ko nasabi ang dapat kong sabihin o natupad ang mga responsabilidad na dapat kong tuparin, na naging dahilan para maging napakapasibo ko sa paggawa ng aking mga tungkulin. Masyado kong pinahalagahan ang aking personal na karangalan at katayuan. Upang protektahan ang aking karangalan at katayuan, pinalampas ko ang maraming pagkakataon para isagawa ang katotohanan at tuparin ang aking mga responsabilidad, at pinalampas ko ang napakaraming pagkakataon para tanggapin ang gawain ng Banal na Espiritu. Kinailangan kong sadyang isagawa ang katotohanan at hindi na mamuhay para sa karangalan o katayuan.
Kalaunan, dahil sa mga pangangailangan sa gawain, kinailangan kong gawin ang aking mga tungkulin sa ibang pangkat, at hiniling sa akin ng lider ng pangkat na kumustahin ang gawain ng mga kapatid at pangunahan ang mga pagtitipon ng grupo. Naisip ko, “Hindi ako magaling magsalita. Kung hindi ko maipapaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay, at hindi maintindihan ng mga kapatid, hindi ba’t mamaliitin ako ng mga tao?” Medyo kinabahan ako at hindi mapakali. Ngunit napagtanto ko na pinahintulutan ng Diyos na dumating sa akin ang tungkuling ito upang bigyan ako ng pasanin, at para mas makapagsanay ako. Kaya naman, tinanggap ko ang tungkuling ito. Noong una, kapag nakikipagtipon ako kasama ang mga kapatid, kasama ko ang aking katuwang sa pagho-host, at kinakabahan pa rin ako bago makipagbahaginan, nag-aalala na kung hindi ko magawang makipagbahaginan nang maayos, mamaliitin ako ng mga kapatid. Ngunit nang maisip ko kung paano na ito ay ang aking tungkulin, nakaramdam ako ng responsabilidad, at nagawa kong makipagbahaginan nang may lakas ng loob. Bagama’t kinakabahan pa rin ako habang nakikipagbahaginan, pagkatapos ng ilang pagtitipon, natuklasan ko na matapos kong maingat na pagnilayan ang mga salita ng Diyos, hindi na ako gaanong kinakabahan kapag nakikipagbahaginan. Hindi ko na masyadong inintindi kung maganda ba o hindi ang aking pakikipagbahaginan, at mas gumaan ang pakiramdam ko. Ang kaunting pagbabagong ito na nagawa ko ay bunga ng paggabay sa akin ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!