21. Ang Paghahangad ba Para Lang Magtamasa ng mga Biyaya ay Tunay na Pananampalataya sa Diyos?
Bago ko pa man natagpuan ang Panginoong Jesus, nagdusa ako ng maraming pasakit, pagsubok, kabiguan, at kasawian. Una, nagkaroon ako ng kambal na anak na lalaki na ipinanganak nang kulang sa buwan at hindi nabuhay, pagkatapos, ilang beses akong nalugi sa negosyo at nagpakana pa ang mga tao laban sa akin, hanggang sa puntong hindi ko na kayang ipagpatuloy pa ang negosyo. Pero ang pinakamahirap tiisin para sa akin ay ang pagtataksil ng asawa ko. Ang sunod-sunod na mga dagok na ito ay labis na nagpahirap sa akin hanggang sa halos mawalan na ako ng lakas ng loob na magpatuloy mabuhay. Hanggang noong 2001, nang matagpuan ko ang Panginoong Jesus, saka lang ako nakakita ng pag-asa. Matapos matagpuan ang Panginoon, nagsimula akong magbasa ng Bibliya, dumalo sa mga pagtitipon, manalangin sa Panginoon araw-araw, ipagkatiwala sa Kanya ang aking mga pasanin at pasakit, at hindi ko namalayan, nawala ang aking pasakit at mga alalahanin, at nagkaroon ng kapayapaan at kapanatagan ang puso ko na hindi ko pa kailanman naranasan. Naging mas masaya at mas magaan din ang pakiramdam ko. Kalaunan, nagkaroon ako ng isa pang anak na lalaki, at unti-unting naging mas maayos ang buhay. Ipinadama sa akin ng mga pagbabagong ito na ang Panginoong Jesus ay talagang tapat at kamangha-mangha, at masayang-masaya ako na natagpuan ko ang Panginoon at talagang nagpapasalamat ako sa pagliligtas sa akin ng Panginoong Jesus.
Noong Mayo 2003, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at sinalubong ang pagbabalik ng Panginoon. Nalaman ko na ito ang huling yugto sa gawain ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan, at nilalayon nitong lutasin ang ugat ng kasalanan ng tao at ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at sa huli ay dalhin ang mga naligtas sa kaharian ng Diyos. Pakiramdam ko ay tunay akong pinagpala at sabik na sabik at masayang-masaya ako, at nagpasya akong maghangad nang masigasig. Pagkatapos niyon, nanalangin ako at binasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos araw-araw, at walang palya akong dumalo sa mga pagtitipon, umulan man o umaraw. Kahit na tinutulan ng asawa ko ang pananalig ko, hindi ako napigilan, ginawa ko ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, at nangaral ako ng ebanghelyo sa tuwing may oras ako. Inakala ko na sa paghahangad nang may gayong sigasig, tiyak na sasang-ayon sa akin ang Diyos, mas lalo pa akong bibiyayaan at pagpapalain, at ipagkakaloob sa akin ang isang buhay na payapa at ligtas sa hinaharap.
Kalaunan, ang isang taong gulang kong anak na lalaki ay laging nilalagnat, na umaabot pa sa 39 degrees Celsius, kasabay pa ng matinding hika. Minsan ay magsusuka siya, at walang magiging epekto ang gamot sa lagnat, at kakailanganin siyang dalhin sa ospital para sa tuloy-tuloy na suwero sa loob ng ilang araw o hanggang kalahating buwan bago gumaling. Ang makita ang anak ko na araw-araw iniineksiyunan o pinaiinom ng gamot, na ang mataba niyang mukha ay nawala na ang dating mamula-mulang kulay at sigla, at ang katawan niyang lalong pumapayat, ay dumurog sa puso ko at pinaiyak ako, at hiniling kong sana ay ako na lang ang magkasakit. Sinabi ng doktor na ito ay congenital allergic asthma, at medyo problematiko daw ang sakit na ito. Masyado pang bata ang anak ko at mahina ang resistensya. Walang espesyal na pamamaraan ng paggamot na magagamit, tanging karaniwang gamutan lang para makontrol ang kondisyon, pero sabi niya, habang lumalaki ang anak ko, baka bumuti ang kanyang kondisyon. Napuno ako ng pasakit at kawalang-magawa sa pakikinig sa malalabong salita ng doktor. Madalas akong manalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na pagalingin ang sakit ng anak ko. Pero hindi gumaling-galing ang sakit ng anak ko, at nagsimula akong magkaroon ng mga kuru-kuro, iniisip na, “Noon pa man ay masigasig na ako sa aking paghahangad, nananalangin at nagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, at hindi ko kailanman ipinagpaliban ang mga pagtitipon at aktibo kong ginagawa ang aking mga tungkulin. Dapat akong pagpalain ng Diyos, hindi ba? Noong nananampalataya ako sa Panginoong Jesus, nagkaroon ako ng biyaya, mga pagpapala, kapayapaan, at kagalakan. Pero ngayong nananampalataya na ako sa Makapangyarihang Diyos, bakit hindi Niya pinagagaling ang sakit ng anak ko? Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, kaya hindi ba Niya kayang pagalingin ang sakit ng anak ko sa isang salita lang? Bakit hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga panalangin ko?” Partikular kong naalala ang anak ng isang kamag-anak na napinsala ang utak dahil sa naantalang paggamot sa mataas na lagnat. Napakabata pa ng anak ko, at napaisip ako kung ang madalas niyang pagkakaroon ng mataas na lagnat ay makapipinsala sa kanyang utak at makaaapekto sa kanyang talino. Isipin ko pa lang ito ay napupuno na ako ng nakadudurog sa pusong pasakit. Wala na ang kambal ko noon, at sinabi ng doktor na nahihirapan ang katawan kong magbuntis, kaya kung may mangyari sa anak ko, paano pa ako magpapatuloy? Sa pag-iisip sa lahat ng ito, hindi ko napigilang mapait na tumangis, at umiyak ako habang desperadong nananalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na kaawaan at protektahan ang aking anak, at pagalingin siya kaagad. Pero kahit anong dasal ko, tila hindi ako pinakikinggan ng Diyos. Pagkaraan ng ilang panahon, hindi na nga gumaling ang sakit ng anak ko, mas dumalas pa ang pagkakaroon niya ng lagnat, at sa tuwing nilalagnat siya, hindi siya makahinga nang maayos, hindi siya makakain ng kahit ano, at nagsusuka siya pagkatapos kumain. Ang makita ang anak kong nagtitiis ng labis na paghihirap sa ganoong kabatang edad ay halos ikadurog ng puso ko, at nagsimula akong mag-alinlangan sa Diyos, iniisip na, “Noong nananampalataya ako sa Panginoong Jesus, lagi Siyang nagpapagaling kapag nananalangin ako tungkol sa sakit, pero ngayong nananampalataya na ako sa Makapangyarihang Diyos, bakit walang epekto ang mga panalangin ko? Mali ba ang aking sinasampalatayahan? Ang Makapangyarihang Diyos ba talaga ang nagbalik na Panginoong Jesus?” Dahil sa madalas na pagkakasakit ng anak ko, lahat ng atensyon ko ay nasa pag-aalaga sa kanya. Hindi na ako regular na nakadadalo sa mga pagtitipon, hindi ako makapagtuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at wala akong masabi sa aking mga panalangin. Unti-unting lumalayo ang puso ko sa Diyos.
Kalaunan, may ilang sister na pumunta para tulungan at suportahan ako, at nakahanap sila ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos para basahin ko. Nabasa ko ang mga salitang ito ng Makapangyarihang Diyos: “Ang bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao sa panlabas ay mukhang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi nito sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod nito ay isang labanan. … Sa lahat ng ginagawa ng mga tao, kinakailangan ng partikular na dami ng dugo ng kanilang puso. Kung walang aktuwal na paghihirap, hindi nila mabibigyang-kasiyahan ang Diyos; hindi man lamang sila nakakaabot sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos, at naglilitanya lamang sila ng mga hungkag na islogan! Mabibigyang-kasiyahan ba ng mga hungkag na islogang ito ang Diyos? Kapag naglalaban sa espirituwal na mundo ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Sabi ng isa sa mga sister, “Maraming hindi kanais-nais na bagay ang mangyayari sa ating buhay, at sa likod ng bawat isa ay isang espirituwal na labanan. Mula sa panig ng Diyos, sinusubok tayo ng Diyos, tinitingnan kung may pananalig tayo sa Kanya at kung makapaninindigan tayo sa ating patotoo; mula naman sa panig ni Satanas, inaatake at tinutukso tayo ni Satanas, na ang layon ay pagdudahin tayo sa gawain ng Diyos, para itanggi at ipagkanulo natin ang Diyos. Katulad na lang ni Job. Sa panlabas, tila mga magnanakaw lang ang kumuha ng kanyang ari-arian, at napuno siya ng nagnanaknak na pigsa, pero sa katotohanan, ito ay pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos, para lang makita kung kaninong panig maninindigan si Job. Ngayon, dumating ang Makapangyarihang Diyos para ipahayag ang katotohanan para iligtas tayo, at hindi ito matiis ni Satanas, kaya ginagamit ni Satanas ang mga sakit ng ating mga anak para atakehin at guluhin tayo, sinusubukang pagdudahin tayo sa Diyos, o kaya naman ay itanggi at iwan natin Siya. Kailangan nating mas manalangin at umasa sa Diyos para makilatis ang mga pakana ni Satanas.” Matapos marinig ang pagbabahagi ng sister, pinagnilayan ko ang aking mga pag-uugali at ang mga bagay na aking ibinubunyag, at nakita kong wala akong tunay na pananalig o pagpapasakop sa Diyos, at wala rin akong pagkilatis sa mga pakana ni Satanas. Umaasa lang ako sa aking kasigasigan sa aking pananalig, at naisip ko sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon na nagpagaling ng maysakit ang Panginoong Jesus, nagpalayas ng mga demonyo, at nagbigay ng biyaya at mga pagpapala, at dahil ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus, tiyak na makapagpapakita Siya ng mga tanda at kababalaghan para pagalingin ang maysakit at palayasin ang mga demonyo, kaya patuloy akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na pagalingin ang anak ko. Inakala ko na tiyak na isasaalang-alang ng Diyos ang aking masigasig na paghahangad at mabilis na pagagalingin ang aking anak. Pero nang ang realidad ay ganap na kabaligtaran ng aking inakala, at nang hindi bumuti ang kondisyon ng anak ko, kundi lalo pang lumala, nagsimula akong mag-alinlangan sa Diyos, at nawalan ako ng motibasyon na manalangin, dumalo sa mga pagtitipon, at gawin ang aking mga tungkulin. Nagbunyag ako ng napakaraming katiwalian nang hindi ko man lang namamalayan. Inakala ko pa ngang talagang tama ang aking mga ideya, pero napagtanto kong gulong-gulo pala ako sa aking pananalig sa Diyos! Nang mapagtanto ko ang aking mga pagkukulang, sinadya kong kumain at uminom pa ng higit pang mga salita ng Diyos at dumalo sa mas maraming pagtitipon, at nanalangin din ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at lakas para makapanindigan ako sa sitwasyong ito at matuto ng mga aral mula sa sakit ng aking anak.
Isang araw, nabasa ko ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa mga kuru-kuro ng tao, kailangang laging magpakita ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan, kailangang laging magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at kailangang laging maging katulad lamang ni Jesus. Subalit sa pagkakataong ito, hindi talaga ganoon ang Diyos. Kung, sa mga huling araw, nagpakita pa rin ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, at nagtaboy pa rin ng mga demonyo at nagpagaling ng maysakit—kung gagawin Niya ang ginawa mismo ni Jesus—uulitin ng Diyos ang parehong gawain, at mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ni Jesus. Sa gayon, isinasagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain sa bawat kapanahunan. Kapag natapos na ang bawat yugto ng Kanyang gawain, agad itong ginagaya ng masasamang espiritu, at matapos simulang sundan ni Satanas ang mga yapak ng Diyos, nag-iiba ng pamamaraan ang Diyos. Kapag natapos na ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, ginagaya ito ng masasamang espiritu. Kailangang maging malinaw sa inyo ang tungkol dito. Bakit iba ang gawain ng Diyos ngayon sa gawain ni Jesus? Bakit hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi nagpapalayas ng mga demonyo, at hindi nagpapagaling ng mga maysakit ang Diyos ngayon? Kung pareho ang gawain ni Jesus sa gawaing ginawa noong Kapanahunan ng Kautusan, maaari kayang kinatawan na Niya ang Diyos ng Kapanahunan ng Biyaya? Maaari kayang natapos Niya ang gawaing magpapako sa krus? Kung si Jesus, tulad noong Kapanahunan ng Kautusan, ay pumasok sa templo at sinunod ang Sabbath, wala sanang nang-usig sa Kanya at tinanggap sana Siya ng lahat. Kung nagkagayon, maaari kayang naipako Siya sa krus? Natapos kaya Niya ang gawain ng pagtubos? Ano ang magiging kabuluhan kung nagpakita ng mga tanda at kababalaghan ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, tulad ng ginawa ni Jesus? Tanging kung ginagawa ng Diyos ang isa pang bahagi ng Kanyang gawain sa mga huling araw, isang kumakatawan sa bahagi ng Kanyang plano ng pamamahala, saka lamang magkakaroon ang tao ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Diyos, at saka lamang matatapos ang plano ng pamamahala ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagkilala sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos). “Ang gawaing ginawa ng Diyos sa kapanahunang ito ay pangunahing ang pagtutustos ng mga salita ng buhay para sa tao; ang paglalantad ng kalikasang diwa ng tao, at ang kanyang tiwaling disposisyon; at ang pag-aalis ng mga kuru-kurong panrelihiyon, piyudal na pag-iisip, lipas na pag-iisip, at ang kaalaman at kultura ng tao. Ang lahat ng bagay na ito ay dapat linisin sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, hindi ng mga tanda at kababalaghan, para gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ibunyag ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makikita ng tao ang karunungan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at mauunawaan ang disposisyon ng Diyos, at upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, makikita ng tao ang mga gawa ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagkilala sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos). “Ngayon, dapat ay maging malinaw sa inyong lahat na, sa mga huling araw, pangunahing ang katunayan na ‘ang Salita ay nagkatawang-tao’ ang isinasakatuparan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang aktuwal na gawain sa lupa, ginagawa Niyang makilala Siya ng tao at makipag-ugnayan sa Kanya, at makita ang Kanyang praktikal na mga gawa. Ginagawa Niya na malinaw na makita ng tao na kaya Niyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan at na mayroon ding mga pagkakataon na hindi Niya ginagawa iyon; nakadepende ito sa kapanahunan. Mula rito, makikita mo na may kakayahan ang Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit sa halip ay binabago Niya ang Kanyang paraan ng paggawa ayon sa gawaing gagawin at ayon sa kapanahunan. Sa kasalukuyang yugto ng gawain, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan; nagpakita Siya ng ilang tanda at kababalaghan sa kapanahunan ni Jesus dahil iba ang Kanyang gawain sa kapanahunang iyon. Hindi ginagawa ng Diyos ang gawaing iyon ngayon, at naniniwala ang ilang tao na hindi Niya kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, o kaya ay iniisip nila na kung hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi Siya Diyos. Hindi ba’t maling kaisipan iyan? Kaya ng Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit gumagawa Siya sa ibang kapanahunan, kaya nga hindi Siya gumagawa ng gayong gawain. Dahil ito ay ibang kapanahunan, at dahil ito ay ibang yugto ng gawain ng Diyos, ang mga gawang ibinunyag ng Diyos ay iba rin. Ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay hindi paniniwala sa mga tanda at kababalaghan, ni hindi paniniwala sa mga himala, kundi paniniwala sa Kanyang praktikal na gawain sa bagong kapanahunan. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamaraan ng paggawa ng Diyos, at ang kaalamang ito ay nagbubunga sa tao ng pananampalataya sa Diyos, na ibig sabihin, pananampalataya sa gawain at mga gawa ng Diyos. Sa yugtong ito ng gawain, pangunahing nagsasalita ang Diyos. Huwag hintaying makakita ng mga tanda at kababalaghan; wala kang makikitang anuman! Ito ay dahil hindi ka isinilang sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinilang ka noon, maaaring nakakita ka ng mga tanda at kababalaghan, ngunit isinilang ka sa mga huling araw, kaya nga ang nakikita mo lamang ay ang pagiging praktikal at normal ng Diyos. Huwag mong asahang makita ang kahima-himalang Jesus sa mga huling araw. Nagagawa mo lamang makita ang praktikal na Diyos na nagkatawang-tao, na hindi naiiba sa sinumang normal na tao. Sa bawat kapanahunan, nagbubunyag ang Diyos ng iba’t ibang gawa. Sa bawat kapanahunan, nagbubunyag Siya ng parte ng Kanyang mga gawa, at ang gawain ng bawat kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos, at isang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Ang mga gawang ibinubunyag Niya ay nag-iiba ayon sa kapanahunan kung saan Siya gumagawa, ngunit lahat ay nagbibigay sa tao ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Diyos, isang pananampalataya sa Diyos na mas totoo at matatag. Nananampalataya ang tao sa Diyos dahil sa lahat ng gawa ng Diyos, dahil ang Diyos ay lubhang kamangha-mangha, napakadakila, dahil Siya ay makapangyarihan at hindi maarok” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagkilala sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos).
Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, mas nabuhayan ang puso ko. Nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa gawaing ginagawa ng Diyos sa mga huling araw. Sa paggampan ng Diyos sa gawain sa mga huling araw, hindi naman sa hindi Siya makapagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, kundi sa huling kapanahunang ito, hindi na gumagawa ang Diyos sa ganoong paraan. Ang ginagawa ng Diyos ngayon ay ang gawain ng paggamit ng mga salita upang perpektuhin at dalisayin ang mga tao. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, inilalantad Niya ang mga bagay tulad ng mga satanikong tiwaling disposisyon ng mga tao, mga lumang kaisipan ng mga tao, at iba’t ibang relihiyosong kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos, na nagbibigay-daan sa mga tao na iwaksi ang kanilang mga satanikong tiwaling disposisyon. Kung ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay tungkol pa rin sa pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, na nagpapahintulot sa mga tao na makita ang Diyos bilang bukod-tanging supernatural, hindi madaling mabubunyag ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at hindi sila maghihimagsik o lalaban sa Diyos. Sa ganitong paraan, hindi natin kailanman mapagtatanto ang mga bagay sa ating kalooban na naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, lalo namang hindi tayo madadalisay o mapeperpekto. Tulad na lang sa akin, kung gumaling agad ang sakit ng anak ko pagkatapos kong manalangin, hindi ako magkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, ni hindi ako mag-aalinlangan sa Kanya, at iisipin kong mayroon akong malaking pananalig sa Diyos at na talagang naghahangad ako. Pero nang hindi gumaling ang sakit ng anak ko, nakabuo ako ng mga maling pagkaunawa at kuru-kuro tungkol sa Diyos, at nagreklamo akong hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga panalangin ko, at nag-alinlangan pa nga ako sa Diyos. Ayaw kong manalangin o dumalo sa mga pagtitipon, at ang pauna kong sigasig ay mabilis na naglaho. Sa pamamagitan ng mga tunay at praktikal na pagbubunyag na ito, ang aking katiwalian, paghihimagsik, at mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ay ganap na nabunyag. Noon ko lang napagtanto na sinusukat ko pala kung ang gawain ay mula sa Diyos batay sa kung may mga tanda at kababalaghang ipinapakita o kung pinagagaling ang mga sakit ng mga tao at pinalalayas ang mga demonyo, pero nakalilinlang ang pananaw na ito. Gumagawa ang Diyos ng isang yugto ng gawain sa bawat kapanahunan, at ang isang bagong kapanahunan ay nangangailangan ng bagong gawain. Sa Kapanahunan ng Biyaya, isinagawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, at nagpagaling Siya ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, at nagpakita ng ilang tanda at kababalaghan. Ngunit ngayon ay ang Kapanahunan ng Kaharian, ang huling kapanahunan, at isinasagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagdadalisay sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, sa gayon ay kinaklasipika ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri, pagkatapos ay ginagantimpalaan ang mabuti at pinarurusahan ang masama, at winawakasan ang lumang kapanahunang ito. Kung ang Makapangyarihang Diyos ay gumawa pa rin tulad ng Panginoong Jesus, na nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, nagpapagaling ng maysakit, at nagpapalayas ng mga demonyo, hindi ba’t inuulit lang Niya ang Kanyang gawain? Paano pa matatapos ang kapanahunan kung gayon? Higit pa rito, kaya ring gayahin ng masasamang espiritu ang gawaing nagawa na ng Diyos, at kung susukatin ko kung ang gawain ay mula sa Diyos sa pamamagitan ng kung may mga tanda at kababalaghang ipinapakita o kung pinagagaling ang mga sakit ng mga tao, sa huli ay maituturing ko ang gawain ni Satanas at ng masasamang espiritu bilang gawain ng Diyos, at malalapastangan ko ang Diyos! Sa pangalan, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, pero wala akong tunay na pagkaunawa sa Diyos, at tinitingnan ko pa rin ang pinakabagong gawain ng Diyos sa pananaw ng paghahanap para makinabang hangga’t nais sa Kapanahunan ng Biyaya. Sinusubukan ko lang na tahakin ang lumang landas nang may bagong sapatos. Ang ganitong uri ng pananalig ay hindi natutugunan ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay hindi naglalayong gawing perpekto ang mga tao sa pamamagitan ng mga tanda at kababalaghan, kundi sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Ito talaga ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos! Kung ipapakita ang mga tanda at kababalaghan, maniniwala ang lahat ng tao kapag nakita nila ang mga ito, at hindi na magkakaroon ng paglaban, pero paano pa makikilatis ang pagkakaiba ng mga kambing at mga tupa, ang mga mapanirang damo at ang trigo, ang mga tunay na mananampalataya at mga huwad, at ang mabubuting lingkod at masasamang lingkod? Paano magagawa ng Diyos ang gawain ng pagperpekto, pagbubunyag, at pagtitiwalag sa mga tao? Ngayon, gumagawa ang Makapangyarihang Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan upang sakupin at iligtas ang mga tao, at hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan. Tinitingnan lang Niya kung kaya ng mga taong tanggapin ang katotohanan, at sa ganitong paraan, tanging ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ang maliligtas, at ang mga kabilang sa diyablong si Satanas ay mabubunyag at matitiwalag. Nakikita ko na habang mas nagiging normal at praktikal ang gawain ng Diyos, mas lalong naroon ang Kanyang karunungan. Ang ganitong paraan ng paggawa ng Diyos ay tunay na kamangha-mangha! Kung hindi dahil sa pagbubunyag ng mga katunayan at sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, hindi ko kailanman mapagtatanto na nananampalataya pala ako sa Diyos nang may kalabuan at may mga kuru-kuro, ni hindi ko mapagtatanto na lumalaban at naghihimagsik pa rin pala ako sa Diyos, at lalong hindi ako magkakaroon ng anumang pagkaunawa sa praktikal na gawain ng Diyos. Sa sandaling iyon, nakaramdam ako ng malaking kagaanan at kalayaan sa aking puso, at hindi na ako desperadong umasa na magpapakita ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan para alisin ang sakit ng anak ko.
Kalaunan, nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos: “Ngayon nauunawaan ba ninyo kung ano ang paniniwala sa Diyos? Nangangahulugan ba ang paniniwala sa Diyos ng pagkakita ng mga tanda at mga kababalaghan? Nangangahulugan ba ito ng pag-akyat sa langit? Hindi madali kahit bahagya ang paniniwala sa Diyos. Dapat maalis ang gayong mga relihiyosong pagsasagawa ng paghahabol sa paglunas sa mga maysakit at pagpapatalsik sa mga demonyo, ang pagtutuon sa mga tanda at kababalaghan, pag-iimbot sa higit pang biyaya, kapayapaan at kagalakan ng Diyos, paghahangad sa kinabukasan at mga kaginhawahan ng laman—pawang relihiyosong gawi ang mga ito, at malabong uri ng paniniwala ang mga ganoong relihiyosong gawi. Ano ang tunay na paniniwala sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad mo at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang magpasakop ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at tuparin ang tungkulin na dapat isakatuparan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang mga pangunahing kinakailangan ng iyong pananampalataya sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos sa pangunahin ay ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos; mula sa pamumuhay na nakapaloob sa katiwalian tungo sa pamumuhay na nakapaloob sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagpapasakop sa Diyos at hindi ang pagpapasakop sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling satanikong disposisyon. Pangunahin ang paniniwala sa Diyos upang ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay mangyaring maipamalas sa iyo, nang sa gayon maaari kang makasunod sa kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, o hindi ito dapat alang-alang sa iyong personal na laman. Tungkol ito dapat sa paghahangad sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang magpasakop sa Diyos, at, tulad ni Pedro, na nagpasakop sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ang mga pangunahing layunin ng paniniwala sa Diyos. … Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, mali kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang buhay realidad. Makakamit lamang ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa loob mo. Sa pananampalataya sa Diyos, dapat hangarin ng tao na magawang perpekto ng Diyos, ang magawang magpasakop sa Diyos, at makamit ang ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung makakapagpasakop sa Diyos nang hindi dumaraing, isasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, kamtin ang tayog ni Pedro, at taglayin ang estilo ni Pedro na sinabi ng Diyos, kung gayon, iyon ang magiging hudyat na natamo mo ang tagumpay sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamit ka na ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang tamang pananaw sa pananalig. Ang pananalig ay hindi para sa kapakanan ng pagkakamit ng biyaya at mga pagpapala, ni hindi ito para sa isang payapa at maayos na buhay ng laman. Hindi ito tunay na pananalig. Umaasa ang Diyos na kaya nating hangarin ang katotohanan, mamuhay ayon sa Kanyang mga salita kapag may mga nangyayari, at gamitin ang ating aktuwal na pagsasabuhay upang magpatotoo at luwalhatiin ang Diyos. Ito ang tunay na pananalig. Nakatuon lang ako sa pag-asang gumaling ang sakit ng anak ko, pero hindi ko alam kung ano ang layunin ng Diyos, o kung paano ako dapat manindigan sa aking patotoo para sa Diyos. Lubos akong nagpakalugmok sa aking tiwaling disposisyon, hinuhusgahan at nililimitahan ang Diyos batay sa sarili kong mga kuru-kuro, at nag-aalinlangan pa nga sa Diyos at itinatanggi ang Kanyang gawain. Sa anong paraan ako nagkaroon ng anumang tunay na pananalig o pagpapasakop sa Diyos? Wala talaga akong patotoo kahit katiting! Noong may sakit ang anak ko, sinisiyasat din ng Diyos ang aking saloobin, tinitingnan kung mayroon akong tunay na pananalig at tunay na pagpapasakop sa Kanya. Kinailangan kong isantabi ang sarili kong mga kuru-kuro, at anuman ang mangyari sa sakit ng anak ko, hindi ako maaaring patuloy na magpakanegatibo, magpakahina, o magpakalayo sa Diyos.
Pero madaling gawin ang mga resolusyon. Mas mahirap ang tunay na pagsasagawa ng katotohanan. Isang hapon, nang magtitipon na sana kami, nilagnat na naman ang anak ko, at malinaw kong napagtanto sa aking puso na ito ay si Satanas na sinusubukan akong tuksuhin, at sinusubukang isuko ko ang pagtitipon. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kung hindi mo kayang magpatotoo sa harap ni Satanas, tatawanan ka ni Satanas, ituturing ka nito bilang isang katatawanan, bilang isang laruan, madalas ka nitong tutuyain, at gagawin kang baliw” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Alam ni Satanas na ang pinakaikinababahala ko ay ang aking anak, kaya patuloy nitong ginagamit ang sakit ng anak ko para subukang guluhin ako at pigilan sa pagdalo sa pagtitipon. Dati, hindi ko nauunawaan ang katotohanan at hindi ko makilatis ang mga pakana ni Satanas, at sa tuwing nagbabangga ang pagtitipon at ang pagkakasakit ng anak ko, natataranta ako at mabilis na iniiwan ang pagtitipon para dalhin ang anak ko sa doktor, at bilang resulta, sunud-sunuran lang ako kay Satanas. Kapag wala akong pagtitipon, hindi nilalagnat ang anak ko, pero sa sandaling magkaroon, lalagnatin siya. Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalong luminaw na ito ay ganap na pakana ni Satanas, at alam kong hindi na ako maaaring magpagapos at magpakontrol pa kay Satanas. Nanalangin ako sa Diyos sa aking puso, “Diyos ko, ayaw ko nang malinlang o mapahirapan pa ni Satanas. Gusto kong makipagtipon sa aking mga kapatid. Pakiusap, tulungan Mo ako.” Pagkatapos manalangin, medyo kumalma ang puso ko. Tiningnan ko ang kalagayan ng anak ko, at hindi gayon kataas ang lagnat niya, at mukha naman siyang masigla, kaya iniwan ko siya sa aking biyenan, hiniling ditong painumin siya ng gamot sa lagnat, at pumunta ako sa pagtitipon. Sa gulat ko, pagkatapos ng pagtitipon, bumalik ako at nakita kong masayang naglalaro ng mga laruan ang anak ko. Sinabi ng biyenan ko na bumaba ang lagnat niya kahit hindi uminom ng gamot. Sobra ang saya at pagkaantig ko kaya bigla akong napaiyak. Naisip ko kung paanong dati, hindi nawawala ang lagnat ng anak ko, at kung paanong kailangan naming pumunta sa ospital para sa suwero para gumaling siya, pero sa pagkakataong ito, bumaba na lang ang lagnat nang walang anumang gamot. Halos hindi ako makapaniwala, at sa puso ko, patuloy kong pinasalamatan at pinuri ang Diyos. Sa pamamagitan ng karanasang ito, naunawaan ko rin na bagama’t noong una, nang may sakit ang anak ko ay nanalangin ako sa Diyos, hindi pinagaling ng Diyos ang anak ko, at mayroong karunungan ng Diyos dito. Noong panahong iyon, puno ang puso ko ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at limitasyon tungkol sa Diyos, at wala akong pagkaunawa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw na sinasakop at piniperpekto ang mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at wala akong anumang pagkilatis sa mga panunukso at panggugulo ni Satanas. Kaya hinayaan ng Diyos na patuloy na dumating ang mga panggugulo at panunukso ni Satanas para dalisayin ako, at nang sa gayon ay maunawaan ko ang katotohanan at makilala ang Diyos. Sa prosesong ito, nagbunyag ako ng mga kuru-kuro, maling pagkaunawa, reklamo, at pag-aalinlangan sa Diyos, at pagkatapos ay ginamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para bigyang-liwanag at gabayan ako, inilalantad at hinahatulan ang aking mga kuru-kuro at katiwalian, na nagpahintulot sa aking maunawaan ang normal at praktikal na kalikasan ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, at makilala ang sarili kong paghihimagsik at paglaban, at tinulungan din akong makita nang malinaw ang espirituwal na labanan at matutong kilatisin ang mga pakana ni Satanas. Sa huli, nagawa kong isantabi ang aking mga kuru-kuro, maghimagsik laban sa aking laman, at isagawa ang katotohanan. Nakita ko na ang paggawa ng Diyos sa ganitong paraan ay tunay na makapangyarihan sa lahat at praktikal, at napakatalino. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagawa ko talagang makilala ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, at nakita kong ginagamit ng Diyos ang mga praktikal na salita at praktikal na gawain upang sakupin at gawing perpekto ang mga tao, at para makuha ang kanilang mga puso. Ang paggawa ng Diyos sa ganitong paraan sa mga huling araw ay higit na mas makabuluhan kaysa sa pagpapakita ng mga tanda at kababalaghan. Naalala ko dahil dito ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa gawain sa mga huling araw, ang kapangyarihan ng salita ay mas higit kaysa sa pagpapamalas ng mga tanda at mga kababalaghan, at nahihigitan ng awtoridad ng salita ang mga tanda at mga himala” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)). Napakatotoo ng mga salitang ito!
Kalaunan, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking tiwaling disposisyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa mundong darating. Kapag ibinuhos Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ibinigay Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at namuhi Ako sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?). “Dapat ninyong maunawaan kung bakit kayo naniniwala sa Akin; kung gusto lang ninyong maging Aking aprentis o Aking pasyente, o maging isa sa Aking mga banal sa langit, kung gayon ang inyong pagsunod sa Akin ay magiging walang kabuluhan. Ang pagsunod sa Akin sa ganoong paraan ay pag-aaksaya lamang ng lakas; ang pagkakaroon ng gayong paraan ng pananampalataya sa Akin ay pag-aaksaya lamang ng inyong mga araw, pagsasayang ng inyong kabataan. At sa huli, wala kayong matatanggap. Hindi ba’t pagtatrabaho iyon nang walang kabuluhan? Matagal Ko nang nilisan ang mga Hudyo at hindi na Ako isang manggagamot ng tao ni ang gamot para sa tao. Hindi na Ako isang hayop na pang-trabaho na maaaring ikutsero o katayin kung kailan naisin ng tao; sa halip, Ako ay dumating sa mga tao upang hatulan at kastiguhin ang tao, upang makilala Ako ng tao. Dapat mong malaman na minsan Ko nang ginampanan ang gawain ng pagtubos; minsan Akong naging si Jesus, ngunit hindi Ako maaaring manatiling si Jesus habang panahon, tulad nang minsan Akong naging si Jehova ngunit sa paglaon ay naging si Jesus. Ako ang Diyos ng sangkatauhan, ang Lumikha, ngunit hindi Ako maaaring manatiling si Jesus o Jehova magpakailanman. Ako ay naging iyong maituturing ng tao na manggagamot, ngunit hindi masasabi na ang Diyos ay isang manggagamot lang para sa sangkatauhan. Kaya kung taglay mo ang lumang pananaw sa iyong pananampalataya sa Akin, wala kang makakamit kung ganon. Gaano mo man Ako purihin ngayon: ‘Tunay na mapagmahal ang Diyos sa tao; pinagagaling Niya ako at binibigyan ako ng mga biyaya, kapayapaan, at kagalakan. Tunay na mabuti ang Diyos sa tao; kung may pananampalataya lang tayo sa Kanya, kung gayon ay hindi natin kailangang mag-alala sa pera at kayamanan…,’ Hindi Ko pa rin puwedeng gambalain ang Aking naunang gawain. Kung ikaw ay naniniwala sa Akin ngayon, tatanggapin mo lang ang Aking kaluwalhatian at magiging karapat-dapat ka na magpatotoo sa Akin, at magiging pangalawahin ang lahat ng iba pa. Dapat mo itong malinaw na maunawaan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?). Habang pinag-iisipang mabuti ang mga salita ng Diyos, nakita ko ang kasuklam-suklam na mga intensyon sa aking pananalig. Noong nananampalataya ako sa Panginoong Jesus dati, natamasa ko ang biyaya, kapayapaan, at kagalakang bigay ng Panginoon, kaya inakala kong tunay akong pinagpala sa pananampalataya sa Panginoon. Pero matapos matagpuan ang Makapangyarihang Diyos, nakita ko kung paano ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para iligtas ang mga tao at sa huli ay dalhin sila sa kaharian ng langit, kaya lalo pa akong naging aktibo sa aking paghahangad. Araw-araw akong kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at nananalangin sa Diyos, hindi ako kailanman nahuli ng dating sa mga pagtitipon, at nangaral din ako ng ebanghelyo at ginawa ang tungkulin ng pagpapatuloy. Ginawa ko ang lahat ng ito para palugurin ang Diyos, iniisip na sa paggawa nito, mas lalo pa akong bibiyayaan at pagpapalain ng Diyos. Nakita ko na nananampalataya lang pala ako sa Diyos para gamitin Siya upang matugunan ang aking pagnanais para sa mga pagpapala. Wala akong kahit anong pakialam kung ano ang gawaing ginagawa ng Diyos, ni hindi ako nagmalasakit sa kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, kung paano dapat manampalataya ang mga tao sa Diyos upang umayon sa Kanyang kalooban at mapalugod Siya, kung anong uri ng mga tao ang makapapasok sa kaharian, kung ang paraan ko ng pananampalataya ay may pagsang-ayon ng Diyos, o kung ano ang tamang pananaw sa pananalig sa Diyos. Hindi ko alam alinman sa mga bagay na ito, ni hindi ko naisip ang mga ito. Umaasa lang ako sa aking sigasig na makipagtipon at mangaral ng ebanghelyo, iniisip na sa paggawa ng mga bagay na ito, pinalulugod ko ang Diyos at dapat akong makatanggap ng Kanyang mga pagpapala. Nang magkaroon ang anak ko ng mataas na lagnat na hindi bumababa, hindi natupad ang mga biyaya at pagpapalang idinalangin ko, pero hindi ako naghanap ng katotohanan o nagnilay sa aking sarili. Sa halip, sa puso ko, nag-alinlangan ako sa Diyos at itinanggi ang Kanyang gawain. Nakita ko na napakatindi ng pagnanais ko para sa mga pagpapala. Ang Diyos ang Lumikha, at ako ay isang nilikha, kaya ganap na likas at may katwiran para sa isang nilikha na manampalataya sa Diyos at gawin ang kanyang tungkulin. Hindi ako dapat makipagtawaran sa Diyos, lalo namang hindi ako dapat gumawa ng mga di-makatwirang kahilingan sa Kanya. Ngayon ko lang tunay na naunawaan na may mabubuting layunin ang Diyos sa pagkakasakit ng anak ko. Nagbigay-daan ito sa akin upang pagnilayan at unawain ang aking satanikong disposisyon at nakalilinlang na mga pananaw sa pananalig. Natanto ko rin na kapag sinusuri kung ang isang bagay ay tunay na gawain ng Diyos, hindi ito dapat ibatay sa kung may mga tanda at kababalaghang ipinapakita, o kung may nagaganap na pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo, o kung may mga biyaya at pagpapalang ipinagkakaloob, kundi sa halip ay kung maipapahayag ang katotohanan sa pamamagitan nito, kung maaakay ba ng gawaing ito ang mga tao na magkaroon ng lalo pang pagkaunawa sa Diyos, kung kaya ba nitong linisin at baguhin ang mga satanikong tiwaling disposisyon ng mga tao, at kung kaya ba ng gawaing ito na iligtas at gawing perpekto ang mga tao. Kung makakamit nito ang ganitong mga epekto, tiyak nga na gawain ito ng Diyos.
Sa pagdanas sa sakit ng anak ko, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa Kanyang gawain, at nagkaroon ako ng mga tamang pananaw at tamang paghahangad sa aking pananalig. Ito ang tunay na pagliligtas ng Diyos para sa akin, at ang Kanyang dakilang pagmamahal sa akin. Ang pagmamahal na ito ay hindi mabilang na mas dakila kaysa sa mga biyaya at pagpapalang dati kong hiniling o inasahan. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso! Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng hiya at konsensiya sa paghahanap lamang ng mga biyaya at pagpapala sa aking pananalig at sa hindi paghahangad ng katotohanan, at na ako pala ay naging tunay na hangal, mangmang, at bulag! Dapat kong bitawan ang aking mga intensyon na magkamit ng mga pagpapala at tahakin ang tamang landas sa aking pananalig.