10. Ano ang Nakatago sa Likod ng Pag-ayaw Kong Maging Isang Lider?
Noong unang bahagi ng Mayo 2024, ginagawa ko ang tungkulin ko sa pagsasayaw sa iglesia. Isang gabi, sinabihan ako ng lider ng distrito na nahalal ako bilang isang lider ng iglesia. Nang marinig ko ang balitang ito, kumabog nang husto ang dibdib ko. Sa isip-isip ko, “Paano naman kaya ako napili ng mga kapatid bilang lider? Wala akong anumang katotohanang realidad, mahina ang kakayahan ko, at malubha rin ang tiwali kong disposisyon. Maraming beses na akong nabigo at nadapa sa mga tungkulin ko. Paano ko kakayanin ang tungkulin ng isang lider? Hindi ba’t ang paggawa sa tungkuling ito ay paghihintay lang na mabunyag at matiwalag? Lalo na’t napakahalaga ng gawain sa himno at sayaw, at sa tiwali kong disposisyon, baka isang araw ay magambala at magulo ko pa ang mga bagay-bagay. Baka mapungusan pa ako ng mga nakatataas na lider o matanggal pa nga. Hindi ba’t tuluyan na akong mapapahamak at dito na magtatapos ang landas ko sa pananalig?” Sa pag-iisip pa lang nito, sobrang bumigat ang dibdib ko. Naghinala pa nga ako kung gagamitin ba ng Diyos ang tungkuling ito para itiwalag ako. Kalaunan, lumapit ako sa Diyos sa panalangin, tumatawag sa Kanya, hinihiling na panatilihin Niyang kalmado ang puso ko at tulungan akong maunawaan ang Kanyang layunin. Sa pananalangin, napagtanto ko na ang lahat ng bagay, pangyayari, at bagay na nakakaharap ko araw-araw ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi nagkataon lang. Alam na alam ng Diyos ang kakayahan at tayog ko, at sa pagpapahintulot Niyang dumating sa akin ang tungkuling ito, tiyak na may katotohanang dapat kong hanapin at pasukin, kaya dapat muna akong tumanggap at magpasakop, hindi tumanggi o lumaban. Kung hindi, magiging lubos akong walang katwiran. Pagkatapos magdasal, bagama’t hindi ko na tinanggihan ang tungkulin bilang lider, mabigat pa rin ang pakiramdam ng dibdib ko, na parang may malaking batong nakadagan dito, at puno ako ng pasakit at pag-aalala.
Kinabukasan, habang nagdedebosyonal, nanood ako ng dalawang video ng patotoong batay sa karanasan, at ang mga salita ng Diyos na nakasipi sa mga iyon ay mahigpit na kumapit sa puso ko. Sabi ng Diyos: “Iniisip ng ilang tao, ‘Ang sinumang nagseserbisyo bilang isang lider ay hangal at mangmang at nagdudulot ng sarili niyang pagkawasak, sapagkat kapag ang isang tao ay nagseserbisyo bilang isang lider, hindi naiiwasang nagbubunyag siya ng katiwalian sa harap ng Diyos. Napakarami bang katiwalian ang mabubunyag kung hindi niya ginawa ang gawaing ito?’ Napakakatawa-tawang ideya! Sa tingin mo ba ay hindi ka magbubunyag ng katiwalian kung hindi ka kikilos bilang isang lider? Ang hindi pagiging lider, kahit na nagbubunyag ka ng mas kaunting katiwalian, ay nangangahulugan ba na maliligtas ka? Batay sa argumentong ito, ang lahat ba ng mga hindi naglilingkod bilang mga lider ang siyang mananatiling buhay at maliligtas? Hindi ba’t ang pahayag na ito ay lubos na katawa-tawa? Ang mga taong naglilingkod bilang mga lider ay gumagabay sa mga hinirang ng Diyos upang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at upang maranasan ang gawain ng Diyos. Nakataas ang hinihinging pamantayang ito, kaya hindi maiiwasan na ang mga lider ay magbubunyag ng ilang tiwaling kalagayan kapag nagsisimula pa lang silang magsanay. Ito ay normal, at hindi ito kinokondena ng Diyos. Hindi lamang ito hindi kinokondena ng Diyos, kundi binibigyang-liwanag, tinatanglawan, at ginagabayan rin Niya ang mga taong ito, pinagkakalooban ang mga ito ng mga pasanin. Hangga’t kaya nilang magpasakop sa patnubay at gawain ng Diyos, mas mabilis silang uunlad sa buhay kaysa sa mga ordinaryong tao. Kung hinahangad nila ang katotohanan, matatahak nila ang landas ng pagpeperpekto ng Diyos. Ito ang bagay na pinakapinagpala ng Diyos. Hindi ito nakikita ng ilang tao, at binabaluktot pa nga ang mga katunayan. Ayon sa pagkaunawa nila, gaano man nagbabago ang mga tao sa mga namumunong papel, hindi ito titingnan ng Diyos, at titingnan lang Niya kung gaano karaming katiwalian ang ibinubunyag ng mga lider at manggagawa, at kokondenahin Niya sila batay lang dito; at para sa mga hindi lider at manggagawa, dahil kaunting katiwalian lamang ang ibinubunyag nila, kahit hindi sila magbago, hindi sila kokondenahin ng Diyos. Hindi ba’t ito ay katawa-tawa? Hindi ba’t ito ay kalapastanganan laban sa Diyos? Kung napakalubha mong nilalabanan ang Diyos sa puso mo, maliligtas ka ba? Hindi. Pangunahing tinutukoy ng Diyos ang mga kinalalabasan ng mga tao batay sa kung taglay nila ang katotohanan at tunay na patotoo, at ito ay pangunahing nakasalalay sa kung hinahangad nila ang katotohanan. Kung hinahangad ng isang tao ang katotohanan, kahit na sumalangsang siya at maharap sa paghatol at pagkastigo, kaya niyang tunay na magsisi. Hangga’t hindi siya nagsasalita o kumikilos sa mga paraang lumalapastangan sa Diyos, tiyak na makakamit niya ang kaligtasan. Ayon sa inyong mga imahinasyon, lahat ng ordinaryong mananampalataya na sumusunod sa Diyos hanggang sa wakas ay makakamit ang kaligtasan, habang ang mga nagsisilbing lider ay pawang ititiwalag. Kung kayo ay hihilingin na maging lider, iisipin ninyo na hindi magiging ayos na hindi ito gawin, ngunit kung kayo ay magsisilbing lider, patuloy kayong magbubunyag ng katiwalian nang hindi ninyo napipigilan. Mararamdaman ninyo na para kayong naghihintay na lang na mabitay. Hindi ba’t ito ay ganap na dulot ng inyong mga maling pagkaunawa sa Diyos? Kung ang mga kinalalabasan ng mga tao ay tinutukoy ng katiwaliang kanilang ibinubunyag, walang sinuman ang maliligtas. Kung ganoon nga, ano ang magiging silbi ng paggawa ng Diyos sa gawain ng pagliligtas? Kung ganito nga talaga, nasaan ang pagiging matuwid ng Diyos? Hindi makikita ng mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Samakatwid, lahat kayo ay mali ang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, na nagpapakita na kayo ay walang tunay na pagkakilala sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Tinumbok ng mga salita ng Diyos ang katotohanan ng sitwasyon ko, at sa wakas ay napagtanto kong may mga kuru-kuro, imahinasyon, at maling pagkaunawa pala ako tungkol sa Diyos na nakatago sa puso ko. Inakala ko na ang pagiging hindi lider sa sambahayan ng Diyos ay magreresulta sa mas kaunting pagbubunyag ng katiwalian, at mas bihira akong mapupungusan ng mga nakatataas na lider, at sa ganitong paraan, magiging mas ligtas ang pananampalataya sa Diyos, at mas malaki ang pag-asa kong maligtas. Pero sa tungkulin ng isang lider, maraming katotohanang prinsipyo ang nasasangkot, mas mabigat ang responsabilidad, at kung walang mga katotohanang realidad, hindi maiiwasang magbubunyag ako ng katiwalian, at madali akong makakagawa ng mga bagay na gumagambala at gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos at mabubunyag at matitiwalag. Nakita ko na sinabi ng Diyos na ang mga kuru-kurong ito ay mga maling pagkaunawa at kalapastanganan pa nga laban sa Kanya. Nagulat ako at medyo natakot. Hindi ko napagtanto kung gaano kalubha ang kalikasan ng mga kuru-kurong ito. Nagsimula akong pagnilayan kung paano naging kakatwa mismo ang pananaw na ito. Nakita ko na may ilang lider na nagkamali, lubhang ginulo at ginambala ang gawain ng iglesia, at tinanggal o pinaalis o pinatalsik pa nga. Kaya inakala kong masyadong mapanganib ang pagiging lider, at na sa sandaling magkamali ka, matatanggal o matitiwalag ka. Pero hindi ko kailanman hinanap ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa pagtatanggal ng mga tao. Sa katunayan, ang pagtatanggal sa isang lider sa sambahayan ng Diyos ay hindi nakabatay sa panandalian niyang pag-uugali o sa paggampan niya sa isang pagkakataon lang, kundi sa palagian niyang paghahangad at sa landas na tinatahak niya. Naisip ko ang isang lider at dalawang superbisor sa iglesia na natanggal. Bagama’t tila sila ay tinanggal dahil sa pagkabigo sa isang partikular na gampanin at sa paglabag sa mga prinsipyo at paggambala at pag-antala sa gawain, sa katunayan, iyon ay dahil karaniwan silang hindi nakatuon sa paghahangad sa katotohanan, hindi hinahanap ang mga prinsipyo sa kanilang mga tungkulin at matagal nang kumikilos nang ayon sa sarili nilang kagustuhan, at dahil doon ay nagulo at nagambala nila ang gawain ng iglesia pero hindi sila nagsisi. Kaya sila tinanggal. Hindi ko kailanman inalam ang pinakadahilan ng pagkabigo nila. Nakita kong nagkamali lang sila nang isang beses at natanggal na, at pagkatapos ay nagsimula na akong magkamali ng pagkaunawa at maging mapagbantay sa Diyos. Hindi ba’t lubos itong baluktot? Isa pa, sa mga kuru-kuro ko, inakala ko na kapag ang isang tao ay nagbunyag ng katiwalian, sumalangsang, o nabunyag at natanggal sa kanyang mga tungkulin, kung gayon ay habambuhay na siyang kokondenahin ng Diyos, na walang pag-asang maligtas. Isa rin itong maling pagkaunawa ko. Sa realidad, kapag pinag-isipan kong mabuti ang sarili kong mga karanasan at ng maraming kapatid, at kung paano kami inilantad, ibinunyag at kinondena dahil sa pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, o natanggal pa nga, alam kong mga kinakailangang hakbang ito sa pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Gayumpaman, hindi kami inabandona ng Diyos dahil dito, bagkus ay binigyan Niya kami ng mga pagkakataong magsisi at magbago. Ginamit Niya ang Kanyang mga salita para bigyang-liwanag at gabayan kami, pinahihintulutan ang aming mga isipan at pananaw na unti-unting magbago at binibigyang-daan kami na unti-unting iwaksi ang aming mga tiwaling disposisyon. Nakamit ang mga pakinabang na ito sa pamamagitan ng pagdanas ng kabiguan at pagbubunyag. Nakita ko na ang mabunyag sa tungkulin ay hindi nangangahulugang matitiwalag, kundi isa itong pagkakataong magkamit ng katotohanan. Pero sa kalikasan ko, hindi ko mahal ang katotohanan o gustong magdusa, ayaw kong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at gusto ko lang mamuhay nang payapa bilang isang ordinaryong mananampalataya. Inakala ko na sa ganitong paraan, maiiwasan ko ang malalaking kabiguan at pagkakabunyag at matatakasan ang pagdurusa o pagpipino, at sa gayon ay maliligtas ako. Pero hindi ko napagtanto na kung hindi daranasin ang paghatol at pagkastigo, hindi maiwawaksi ang tiwaling disposisyon ng isang tao, at ang kanyang mga pananaw, kilos, at gawa ay mananatiling salungat sa katotohanan. Kung ganoon, paano maliligtas ang gayong tao? Napagtanto kong hindi ko nauunawaan ang katotohanan o kilala ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at na namumuhay ako sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon. Talagang isang kahangalan at mali ang mga pananaw ko. Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng isang tao hindi batay sa kung gaano karaming katiwalian ang naibunyag niya o kung gaano karaming pagsalangsang ang nagawa niya, kundi kung hinahangad ba niya ang katotohanan at tunay siyang nagsisisi. Kung ang isang tao ay nagbunyag ng katiwalian at pagkatapos ay hinangad ang katotohanan at nagkamit ng tunay na pagsisisi, binibigyan pa rin siya ng Diyos ng pagkakataong maligtas. Pero nag-aalala ako sa mga dati kong pagsalangsang sa aking mga tungkulin, at ngayon, marami pa rin akong naibubunyag na katiwalian dahil hindi ko nauunawaan ang katotohanan. Kaya natakot ako na kung hindi ako mag-iingat sa tungkulin ko bilang lider, may mga problemang lilitaw, at pagkatapos ay kasusuklaman at ititiwalag ako ng Diyos. Talaga ngang hinusgahan ko ang pagiging matuwid ng Diyos gamit ang sarili kong makitid at mababaw na pag-iisip!
Nakabasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa takot ng mga tao na umako ng responsabilidad. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Natatakot ang ilang tao na umako ng responsabilidad habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung hinihingi ng trabaho na umako sila ng responsabilidad, at kung oo, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang mga kondisyon nila sa paggampan ng isang tungkulin ay, una, na ito ay dapat na isang maluwag na trabaho; pangalawa, na hindi ito matrabaho o nakawkapagod; at pangatlo, na kahit anong gawin nila, wala silang aakuing anumang responsabilidad. Ito lang ang uri ng tungkuling tinatanggap nila. Anong uri ng tao ito? Hindi ba’t isa itong tuso at mapanlinlang na tao? Ayaw niyang pasanin kahit ang pinakamaliit na responsabilidad. Kinatatakutan pa nga niya na mababasag ng mga dahon ang kanyang bungo kapag nahulog ang mga ito mula sa mga puno. Anong tungkulin ang magagampanan ng taong tulad nito? Ano ang pakinabang niya sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng pakikipaglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang mga kaakibat na responsabilidad? Masasabi ba ninyong may kaakibat na responsabilidad ang pagiging lider? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ba’t mas lalo silang dapat na umako ng responsabilidad? Nangangaral ka man ng ebanghelyo, nagpapatotoo, gumagawa ng mga video, at iba pa—anuman ang iyong gawain—hangga’t nauukol ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, may mga kaakibat itong responsabilidad. Kung walang prinsipyo ang paggampan mo ng iyong tungkulin, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang umako ng responsabilidad, hindi mo magagampanan ang anumang tungkulin. Duwag ba ang isang taong natatakot na umako ng responsabilidad sa paggampan ng kanyang tungkulin, o may problema sa kanyang disposisyon? Dapat ay masabi mo ang pagkakaiba. Ang katunayan ay hindi ito isyu ng karuwagan. Kung kayamanan ang habol ng taong iyon, o gumagawa siya ng isang bagay para sa kanyang sariling interes, paanong siya ay napakatapang? Aakuin niya ang anumang panganib. Subalit kapag gumagawa siya ng mga bagay-bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, wala siyang inaako na anumang panganib. Ang gayong mga tao ay makasarili at ubod ng sama, ang pinakataksil sa lahat. Ang sinumang hindi umaako ng responsabilidad sa paggampan ng isang tungkulin ay walang ni katiting na sinseridad sa Diyos, lalong wala siyang katapatan. Anong uri ng tao ang nangangahas na umako ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magbuhat ng mabigat na pasanin? Ang sinumang nangunguna at buong tapang na humaharap sa pinakamahalagang sandali sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na hindi natatakot na magpasan ng isang mabigat na responsabilidad at magtiis ng matinding paghihirap kapag nakita niya ang gawain na pinakaimportante at pinakamahalaga. Iyon ay isang taong tapat sa Diyos, isang mabuting sundalo ni Cristo. Ito ba ay ang kaso kung saan ang lahat ng natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ginagawa iyon dahil hindi sila nakakaunawa sa katotohanan? Hindi; isa itong problema sa kanilang pagkatao. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan o responsabilidad, sila ay mga taong makasarili at ubod ng sama, hindi tunay na mananampalataya ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dahil dito, hindi sila maliligtas” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Nang makita ko ang pagsisiwalat ng mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng matinding pagkabagab sa puso ko. Napagtanto kong ang takot ko na maging isang lider ay nagmula sa pagkakakontrol sa akin ng isang makasarili at mapanlinlang na disposisyon. Sinunod ko ang prinsipyo ng “Makakuha ng benepisyo nang walang pagdurusa o pagkalugi”—gusto kong tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos pero ayaw kong umako ng malalaking panganib. Sa diwa, ito ang pag-uugali ng isang taong tuso at mapanlinlang. Pakiramdam ko, ang pagsasayaw ay hindi lang naaayon sa mga personal kong interes at libangan, kundi nagbunga rin ng mga resulta ang pagganap ko sa tungkuling ito. Hindi ako ang pangunahing superbisor, at hindi ako may hawak ng malalaking responsabilidad, at sa ganitong paraan, pakiramdam ko ay ligtas kong magagawa ang mga tungkulin ko sa iglesia at sa gayon ay magkakaroon ng pag-asang maligtas. Pagkatapos mahalal bilang lider, pakiramdam ko ay itinulak ako sa gitna ng bagyo, palaging nasa panganib na malunod, kaya gusto ko na lang tumakas at tanggihan ang tungkuling ito. Sa mga kuru-kuro ko, inakala ko na ang paggawa ng isang hindi kapansin-pansing tungkulin at hindi pamumukod-tangi o pag-ako ng malalaking responsabilidad ang pinakaligtas na opsiyon, at na basta’t sumunod ako hanggang sa huli, magkakaroon ako ng pag-asang maligtas. Pero sinasabi ng Diyos na ang ganitong uri ng tao ay takot umako ng responsabilidad, may problema sa kanyang pagkatao at hindi tunay na nananampalataya sa Kanya, at ito pa lang ay nangangahulugan nang hindi sila maliligtas. Sa wakas ay nakita ko na ang mga kuru-kuro at imahinasyon ko ay salungat sa katotohanan. Nagsimula akong mag-isip-isip, “Bakit sinasabi ng Diyos na ang mga umiiwas sa responsabilidad ay mga taong masama ang pagkatao at talagang hindi tumatanggap ng katotohanan?” Sa paggawa ng mga tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos, palagi kong sinusunod ang prinsipyo ng “Makakuha ng benepisyo nang walang pagdurusa o pagkalugi.” Sa lahat ng ginawa ko at sa bawat tungkuling hinarap ko, sinusukat ko muna kung makikinabang ba ako, at kung oo, gagawin ko ito, pero kung hindi, ayaw kong gawin ito. Kahit alam kong sangkot dito ang gawain at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ayaw ko pa ring dalhin ang pasanin. Sa anong paraan ako naging kaisa sa puso ng Diyos? Hindi ba’t ito ang pag-uugali ng isang taong makasarili at kasuklam-suklam? Ngayon, libreng ibinibigay ng Diyos ang lahat para sa mga tao, ipinagkakaloob Niya ang katotohanan nang walang bayad, umaasang maisasagawa ng mga tao ang katotohanan at gagamitin ang isang tapat na puso para tuparin ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha. Pero maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos, tinatamasa ang napakaraming panustos Niya, pero hindi ko man lang naisip na suklian Siya. Sa halip, naging mapagbantay ako sa Diyos at nagpapakana laban sa Kanya, at ang sarili ko lang kinabukasan at mga pakinabang o kawalan ang isinasaalang-alang at pinaplano ko. Paano ako naging tunay na mananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t isa lang akong makasarili at tusong hindi mananampalataya? Sa ganitong pag-iisip at mga pananaw sa pananalig, paanong hindi ako kasusuklaman ng Diyos? Kaya, nanalangin ako, “O Diyos ko, nakikita kong talagang mapanlinlang at buktot ako. Ayaw kong mamuhay sa sarili kong mga kuru-kuro, imahinasyon, maling pagkaunawa, at mga hinala. Handa kong ibigay ang puso ko sa Iyo at umasa sa konsensiya ko para pasanin ang aking responsabilidad. Pakiusap, tulungan at gabayan Mo po ako.”
Pagkatapos ay nakakita ako ng dalawa pang sipi mula sa mga salita ng Diyos sa isa pang video ng patotoong batay sa karanasan, at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Diyos: “Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, ‘Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.’ Gayumpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging deboto sa tungkulin na dapat niyang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Mataas man o mababa ang iyong kakayahan, at nauunawaan mo man ang katotohanan o hindi, sa anumang kaso, dapat kang magkaroon ng ganitong saloobin: ‘Dahil ibinigay sa akin ang gawaing ito para gawin, dapat ko itong seryosohin, dapat kong alalahanin ito, at dapat kong gamitin ang buong puso at lakas ko para gawin ito nang maayos. Tungkol sa kung magagawa ko ba ito nang napakaayos, hindi ko maaaring ipagpalagay na garantisado iyon, ngunit ang saloobin ko ay na gagawin ko ang makakaya ko para gampanan iyon nang maayos, at tiyak na hindi ako magiging pabasta-basta tungkol dito. Kung may lumitaw na problema sa gawain, dapat kong akuin ang responsabilidad, at tiyakin na matuto ako ng aral mula rito at gawin nang maayos ang aking tungkulin.’ Ito ang tamang saloobin” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Pagkabasa ko sa dalawang siping ito ng mga salita ng Diyos, naramdaman kong tunay ngang sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao at lubos Niyang nauunawaan ang mga pangangailangan ng mga tao. Nang marinig kong napilil ako bilang lider, dalawang dahilan ang mabilis na sumulpot sa isip ko, “Mahina ang kakayahan ko, at bilang isang lider, araw-araw akong haharap sa maraming tao, pangyayari, at bagay, at marami rin akong isyung haharapin. Tiyak na hindi ko ito kakayanin. Pangalawa, hindi ko nauunawaan ang katotohanan at hindi ko nakikilatis ang mga bagay-bagay, kaya paanong naging kalipikado ako na pamunuan ang mga kapatid?” Sa una, pakiramdam ko ay makatwiran naman ang iniisip ko, at na nagpapakita ito ng kamalayan sa sarili, pero nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Mataas man o mababa ang iyong kakayahan, at nauunawaan mo man ang katotohanan o hindi, sa anumang kaso, dapat kang magkaroon ng ganitong saloobin: ‘Dahil ibinigay sa akin ang gawaing ito para gawin, dapat ko itong seryosohin, dapat kong alalahanin ito, at dapat kong gamitin ang buong puso at lakas ko para gawin ito nang maayos. …’ Ito ang tamang saloobin.” Pagkabasa ko nito, bigla akong walang nasabi. Para sa akin, mukhang katanggap-tanggap naman ang dalawang dahilang iyon, pero sa paningin ng Diyos, hindi pala iyon mga dahilan o kahirapan, at lalong hindi dapat maging hadlang ang mga iyon para tanggapin ko ang aking tungkulin. Pakiramdam ko, para akong binbigyang-babala ng Diyos nang harap-harapan at puso sa puso. Hindi tinitingnan ng Diyos kung ano ang kakayahan ko o kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan ko. Hinihingi Niya na maging masigasig at responsable tayo sa ating mga tungkulin, at na ibigay natin ang buong puso’t lakas para magawa nang maayos ang ating mga tungkulin. Lubos na naantig ang puso ko, at naramdaman kong wala na akong anumang dahilan para takasan o tanggihan ang tungkulin ko. Bagama’t magiging mahirap para sa akin ang tungkulin ng isang lider, handa akong maging matapat ayon sa mga salita ng Diyos, at magsimula sa pamamagitan ng pagtanggap at pagpapasakop.
Pagkatapos niyon, nagsimula akong makipagtulungan sa aking sister, at ako ang pangunahing responsable sa gawain ng pangkat ng mga mananayaw, habang ang iba pang mga gawain, tulad ng sa mga himno, paggawa ng pelikula, at pangkalahatang gawain, ay pangunahing pinangangasiwaan niya. Noong panahong iyon, isang grupo ng mga mananayaw na responsabilidad ko ay walang nailalabas na programa sa loob ng dalawang buwan. Sa una, medyo kinabahan ako, natatakot na baka hindi ko kayanin ang gawain. Patuloy akong nananalangin at tumatawag sa Dioys, hinihiling na bigyan Niya ako ng pananalig at ng paninindigang magpasakop para akuin ko ang aking tungkulin. Sa aking mga panalangin, naalala ko ang dalawang parirala mula sa mga salita ng Diyos na nabasa ko dati: Ang isa ay “positibo at may pagkukusa” at ang isa naman ay “sa abot ng makakaya ng isang tao.” Napagtanto kong ito ang kaliwanagan at gabay ng Diyos, at dapat akong magkaroon ng positibo at may pagkukusang saloobin sa aking tungkulin. Dahil mahina ang kakayahan ko, hindi ko nauunawaan ang katotohanan, at hindi ako makahanap o makalutas ng maraming problema, nangangahulugan itong kailangan kong mas umasa sa Diyos para hanapin ang katotohanan, at dapat ko munang gawin sa abot ng aking makakaya ang anumang maiisip ko at kaya kong gawin. Pagkatapos niyon, ipinagkatiwala ko sa Diyos ang aking kalagayan at mga paghihirap araw-araw, at nang may pasanin sa puso, tinutukan ko ang kalagayan ng mga sister sa grupo. Kapag nakakahanap ako ng mga problema, naghahanap ako ng mga kaugnay na prinsipyo para makipagbahaginan at makapasok kasama nila, at kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap sa pagsasaayos ng programa, nakikipagbahaginan ako sa kanila ng mga layunin ng Diyos at sinusubukang maghanap ng mga solusyon ayon sa mga prinsipyo. Unti-unti, umusad ang programa. Bawat araw ay naging kasiya-siya at panatag. Unti-unting napapalapit ang puso ko sa Diyos, at ang mga maling pagkaunawa at hadlang sa pagitan namin ng Diyos ay lubos na nabawasan. Dahan-dahang nawala ang pakiramdam na may pabigat sa puso ko. Nakagawa rin ng isang programa ang grupo ng mga mananayaw sa loob ng isang buwan, na na-upload online, at maganda ang naging pagtanggap dito ng mga lider. Sobrang nagpapasalamat ako sa Diyos.
Pero hindi inaasahan, pagkalipas ng humigit-kumulang tatlong buwan, natanggal ang sister ko dahil bulag siyang sumunod sa mga maling pagsasaayos ng isang huwad na lider. Naging dahilan ito para masuspinde nang ilang araw ang gawain sa pag-record ng himno, na lubhang nakagambala at nakahadlang sa gawain. Bukod pa rito, natuklasan ng mga nakatataas na lider na dahil sa mahina niyang kakayahan, hindi siya makagawa ng tunay na gawain. Nang marinig ko ito, nagsimula na namang kumabog nang husto ang dibdib ko, at naisip ko, “Tapos na, ngayong natanggal na ang sister ko, kakailanganin kong pasanin lahat ng gawain sa iglesia. Hindi sapat ang kakayahan at kapabilidad ko sa gawain! Narinig ko na ang tungkol sa mga isyung nakaharap ng sister ko sa kanyang tungkulin, pero hindi ko nakita ang mga pagkakamali niyang ito. Kung ako ang nasa kalagayan niya, naantala ko rin sana ang gawain, at ngayon, ako sana ang natanggal. Sa kakayahan at abilidad kong tingnan ang mga bagay-bagay, hindi ba’t anumang oras ay maaari na rin akong matanggal sa tungkuling ito? Mas mabuti pang magbitiw na lang ako at umatras nang walang anumang pinsala sa lalong madaling panahon bago ako makagawa ng malaking kasamaan.” Pero nang mag-isip ako nang ganito, nakonsensiya ako, “Lagi ko na lang gustong magbitiw; ipinapakita nitong kulang ako sa pagpapasakop sa Diyos at katapatan sa tungkulin ko! Kung magbibitiw ako at isusuko ang tungkulin ko, hindi ba’t maaantala ang gawain? Kung magbibitiw ako, mapapagaan ko ang sarili kong pasanin, pero magiging iresponsable naman ako sa gawain ng sambahayan ng Diyos.” Pagkatapos kong isipin ang mga bagay na ito, hindi na ako nangahas na magbitiw. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling na protektahan Niya ang puso ko, bigyang-liwanag at gabayan akong maunawaan ang katotohanan, at bigyan ako ng pananalig na kailangan ko para maranasan ang sitwasyong ito.
Talagang isang milagro ang sitwasyong isinaayos ng Diyos. Noong gabing iyon, nakatanggap kami ng isang liham na ipinasa mula sa Tsina. Binanggit sa liham na sa Tsina, aligagang inaaresto ng malaking pulang dragon ang mga nananampalataya sa Diyos, at na magagawa lang ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng pagtatago, at na kailangan nilang madalas na magpalit ng mga tahanang matutuluyan. Hinikayat din sa liham ang mga kapatid na nangibang-bansa na pahalagahan ang pagkakataong mayroon sila para gawin ang kanilang mga tungkulin, at na tuparin ang kanilang mga tungkulin. Nagbanggit din and liham ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Ang mga pagpapala ay hindi matatamo sa loob ng isa o dalawang araw; ang mga iyon ay kailangang makamtan sa pamamagitan ng malaking halaga. Ibig sabihin, kailangan niyong magtaglay ng pagmamahal na nagdaan na sa pagpipino, kailangan kayong magkaroon ng malaking pananalig, at kailangan kayong magkaroon ng maraming katotohanang hinihingi ng Diyos na inyong matamo; bukod pa rito, kailangan magawa ninyong bumaling sa katarungan, nang hindi nasisindak o umuurong, at kailangang magkaroon kayo ng mapagmahal-sa-Diyos na puso na hindi nagbabago hanggang kamatayan. Kailangang magkaroon kayo ng determinasyon, kailangang magkaroon ng mga pagbabago sa inyong buhay disposisyon, kailangang malunasan ang inyong katiwalian, kailangang tanggapin ninyo ang lahat ng pamamatnugot ng Diyos nang walang reklamo, at kailangan magawa ninyong magpasakop maging hanggang kamatayan. Ito ang dapat ninyong makamit, ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos sa grupong ito ng mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Pagkabasa ko sa liham, labis akong napahiya. Inilalagay ng mga kapatid sa Tsina ang kanilang buhay sa panganib pero mahigpit pa ring kumakapit sa kanilang mga tungkulin, at sumulat pa nga sila para hikayatin ang mga kapatid sa ibang bansa na gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Pero paano naman ako? Nakaligtas ako sa mga pag-aresto at pag-uusig ng malaking pulang dragon at nagagawa ko ang tungkulin ko sa isang kumportableng kapaligiran, pero nang maharap ako sa kaunting hirap at panggigipit sa tungkulin ko, gusto ko na itong takasan at isuko. Hindi ba’t naging duwag ako dahil dito? Nasaan ang paninindigan ko? Nasaan ang patotoo ko? Sinabi ng Diyos na para manampalataya at sumunod sa Diyos, kailangang maranasan ng isang tao ang pagpipino at magkaroon ng determinasyong magdusa, at higit sa lahat, kailangang hangarin ng isang tao ang katotohanan, sumailalim sa pagbabago sa disposisyon sa buhay, at tanggapin at magpasakop sa lahat ng mga pamamatnugot ng Diyos. Naramdaman kong sa bawat salita ay hinihingan ako ng Diyos. Ito ang mga katotohanang dapat kong isinasagawa at pinapasok sa puntong ito, at kung magbibitiw ako, wala akong maisasagawang anuman sa mga katotohanang ito. Hindi ba’t bibiguin at kasusuklaman ako ng Diyos dahil dito? Kinabukasan, isang lider ng grupo ng mga mananayaw ang gustong magbitiw dahil hindi niya makasundo ang iba. Nang makipagbahaginan sa kanya, nagtapat ako tungkol sa sarili kong mga kahinaan at paghihirap, at sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, unti-unting naantig ang puso ko. Napagtanto kong ang mga tungkulin ay atas ng Diyos, at na mga responsabilidad itong hindi matatakasan. Gaano man kasakit o kahirap ang mga bagay-bagay, hindi ko maaaring tanggihan ang tungkulin ko o saktan ang puso ng Diyos.
Pagkatapos niyon, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang tumama sa kalagayan ko at malaki ang naitulong sa akin. Sabi ng Diyos: “Dapat harapin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin at ang Diyos nang may matapat na puso. Kapag ginawa nila iyon, sila ay magiging mga taong may takot sa Diyos. Anong klase ng saloobin sa Diyos mayroon ang mga taong may matapat na puso? Kahit papaano man lang, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, isang pusong nagpapasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, hindi sila nagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kasawian, wala silang binabanggit na mga kondisyon, ipinauubaya nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos—ito ang mga taong may matapat na puso. Iyong mga palaging nagdududa sa Diyos, palaging nagsisiyasat sa Kanya, palaging sinusubukang makipagtawaran sa Kanya—sila ba ay mga taong may matapat na puso? (Hindi.) Ano ang nananahan sa loob ng puso ng gayong mga tao? Panlilinlang at kabuktutan; palagi silang nagsisiyasat. At ano ang sinisiyasat nila? (Ang saloobin ng Diyos sa mga tao.) Palagi nilang sinisiyasat ang saloobin ng Diyos sa mga tao. Anong problema ito? At bakit nila ito sinisiyasat? Dahil may kaugnayan ito sa mga pangunahin nilang interes. … Laging sinisiyasat ng mga taong masyadong nagpapahalaga sa sarili nilang mga kinabukasan, kapalaran, at interes kung kapaki-pakinabang ba ang gawain ng Diyos sa kanilang mga kinabukasan, sa kanilang mga kapalaran, at sa pagkakamit nila ng mga pagpapala. Sa huli, ano ang kinalalabasan ng kanilang pagsisiyasat? Ang tanging ginagawa nila ay maghimagsik at lumaban sa Diyos. Kahit kapag ipinipilit nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin, ginagawa nila iyon nang pabasta-basta, nang may negatibong pakiramdam; sa kanilang mga puso, isip sila nang isip kung paano magsasamantala, at hindi malulugi. Gayon ang mga motibo nila kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at dito, sinusubukan nilang makipagtawaran sa Diyos. Anong disposisyon ito? Ito ay panlilinlang, ito ay isang buktot na disposisyon. Hindi na ito isang pangkaraniwang tiwaling disposisyon, lumala na ito sa kabuktutan. At kapag may ganitong uri ng buktot na disposisyon sa puso ng isang tao, isa itong pakikipaglaban sa Diyos! Dapat malinaw sa inyo ang problemang ito. Kung palaging sinusuri ng mga tao ang Diyos at sinusubukang makipagtawaran kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Hinding-hindi. Hindi nila sinasamba ang Diyos nang taos-puso, at nang may katapatan, wala silang matapat na puso, nagmamasid sila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, palaging nagpipigil—at ano ang bunga? Hindi gumagawa ang Diyos sa kanila, at naguguluhan at nalilito sila, hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at kumikilos sila alinsunod sa sarili nilang mga kagustuhan, at palagi silang nagkakaaberya. At bakit palagi silang nagkakaaberya? Dahil ang puso nila ay masyadong kulang sa kalinawan, at kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, hindi sila nagninilay sa kanilang sarili, o naghahanap sa katotohanan para makahanap ng resolusyon, at iginigiit nilang gawin ang mga bagay nang may pagkasutil, ayon sa sarili nilang mga kagustuhan—ang resulta nito ay na palagi silang nagkakaaberya kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Kailanman ay hindi nila iniisip ang gawain ng iglesia, ni ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagpapakana para sa sarili nilang kapakanan, palagi silang nagpaplano para sa sarili nilang mga interes, pride, at katayuan, at hindi lang nila pangit na nagagampanan ang kanilang mga tungkulin, naaantala at naaapektuhan pa nila ang gawain ng iglesia. Hindi ba’t pagkaligaw ito ng landas at pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin? Kung palaging nagpaplano ang isang tao para sa sarili niyang mga interes at mga kinabukasan kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia o ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi ito paggawa ng tungkulin. Ito ay paghahangad ng sarili nilang mga interes, paggawa ng mga bagay para sa sarili nilang pakinabang at para makapagtamo ng mga pagpapala para sa kanilang sarili. Sa ganitong paraan, nagbabago ang kalikasan sa likod ng paggampan niya sa kanyang tungkulin. Tungkol lamang ito sa pakikipagtawaran sa Diyos, at pagnanais na gamitin ang paggampan sa kanyang tungkulin para makamit ang sarili niyang mga layon. Ang ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ay malamang na talagang makagulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa mga Katotohanang Prinsipyo Maaaring Magampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Sinasabi ng Diyos na “hindi sila nagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kasawian, wala silang binabanggit na mga kondisyon, ipinauubaya nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos—ito ang mga taong may matapat na puso.” Talagang tumama sa puso ko ang mga salitang ito. Hinihiling ng Diyos na huwag isaalang-alang ng mga tao ang mga pagpapala o kasawian, pero sobra kong pinahalagahan kung pagpapalain ba ako o magdurusa ng kasawian. Takot na takot ako na habang ginagawa ang tungkulin ng isang lider, baka makagawa ako ng masama na makakagulo at makakagambala sa gawain, na mag-iiwan ng mga mantsa at pagsalangsang sa landas ko, at kondenahin at itiwalag ako ng Diyos, at na sa huli, hindi lang ako mabibigong maligtas, kundi magiging biktima pa ako ng kasawian. Lalo ko itong naramdaman nang malaman kong dalawa sa tatlong dating lider ng distrito ay kumikilos nang sinasadya at hindi naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo sa kanilang mga tungkulin, na siyang dahilan kung bakit nila malubhang nagulo at nagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos kaya sila tinanggal. Ngayong natanggal na rin ang sister ko, naramdaman ko na kung hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan at walang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon ay delikado ang paggawa ng tungkulin ng isang lider, at na madali siyang mabubunyag at matitiwalag, at na hindi tiyak kung ano ang kalalabasan o magiging hantungan niya sa hinaharap. Gusto kong siguruhin ang aking kinabukasan at hantungan, kaya binalak kong magbitiw bago makagawa ng anumang pagkakamali at umatras nang walang anumang pinsala. Inilalantad ng Diyos na ito pala ay isang pakikipaglaban sa Kanya sa pamamagitan ng isang mapanlinlang at buktot na disposisyon! Saka ko lang napagtanto na ang palaging pagpaplano para sa sarili kong mga interes at kinabukasan, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay hindi paggawa ng aking tungkulin. Ito ay pagtatangkang utakan ang Diyos at salungatin Siya. Sa paggawa ng aking tungkulin nang may ganitong pag-iisip at kalagayan, kahit na hindi ako nagsilbi bilang lider at hindi hayagang gumawa ng mga pagkakamali, nagpapakana at kinakalaban ng puso ko ang Diyos. Ito ay isang gawa ng kasamaan, at ito ay kinasusuklaman at kinokondena ng Diyos. Ipinakita sa akin ng Diyos ang isang napakalinaw na landas, iyon ay, ang maging isang taong may matapat na puso, ang hindi pagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kasawian, ang hindi pagsasalita tungkol sa mga kondisyon, at ang pagpapaubaya ng sarili ko sa awa ng pamamatnugot ng Diyos. Dahil hindi ako tinanggal o initiwalag ng sambahayan ng Diyos, kailangan kong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at matatag na panindigan ang tungkulin ko, ginagawa ang lahat ng aking makakaya para pasanin ang mga responsabilidad na dapat kong gampanan.
Kinabukasan, sumulat ako ng liham sa mga nakatataas na lider, pero hindi ko binanggit ang pagbibitiw. Sa halip, inamin ko ang responsabilidad na dapat kong pasanin para sa pagkaantala sa gawain sa himno, at ipinagtapat ko ito sa mga lider, sinasabing handa akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Pagkasulat ko ng liham, napanatag at gumaan ang pakiramdam ko, handang tanggapin ang pamamatnugot ng Diyos. Kung pungusan o tanggalin man ako ng mga nakatataas na lider, haharapin ko ito nang mahinahon at aakuin ang responsabilidad. Kung hindi ako matatanggal, panghahawakan ko ang aking tungkulin at tutuparin ang aking mga responsabilidad. Sa gulat ko, hindi ako tinanggal ng mga nakatataas na lider pagkabasa nila sa liham, at hinayaan nila akong magpatuloy sa pagsasanay sa aking tungkulin. Sa pagdanas nito, pakiramdam ko ay mas marami na akong naunawaan sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at napagtanto kong ang pinahahalagahan ng Diyos ay kung kaya bang tanggapin ng puso ng isang tao ang katotohanan, at kung kaya ba niyang maging simple at matapat sa Kanya, nang hindi isinasaalang-alang o pinaplano ang sarili niyang mga interes o kinabukasan, kundi sa halip ay iniisip ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung tama ang mga layunin ng isang tao, kahit na kung minsan ay gumagawa siya ng mga kahangalan, hindi ito tatandaan ng Diyos, bagkus ay bibigyan pa rin siya ng pagkakataong gawin ang kanyang mga tungkulin at punan ang kanyang mga pagkukulang. Makalipas ang ilang panahon, hindi pa rin nakakapaghalal ng bagong lider ang iglesia, kaya nanalangin ako at umasa sa Diyos para subaybayan ang gawain ng iglesia. Sa tuwing may mga problema, nakikipagtulungan ako sa mga kapatid para lutasin ang mga ito. Natuklasan ko na kapag handa akong aktibong umako ng responsabilidad at maglagay ng higit na pagmamalasakit at pag-iisip sa gawain, ang aking pasanin at responsabilidad para sa gawain ng iglesia, kasama ang aking kakayahang kumilatis ng mga bagay-bagay at ang aking mga kapabilidad sa gawain, ay bumuti lahat nang hindi ko namamalayan. Para bang naging mas matalino ako kaysa dati. Ang paggawa sa gawain ay hindi pala kasing hirap ng inakala ko, at alam kong ang mga resultang ito ay nakamit sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu. Tunay kong naranasan na pinoprotektahan ng Diyos ang Kanyang gawain, at ang tao ay nakikipagtulungan lamang. Hindi naglalagay ang Diyos ng mga pasanin sa mga tao na napakabigat para dalhin nila, at lumago ang pananalig ko sa Diyos. Kalaunan, naghalal ang iglesia ng isang bagong lider, at nakipagtulungan ako sa kanya sa pagsubaybay sa gawain ng iglesia.
Sa paggawa ng tungkulin ng isang lider sa mga nakalipas na ilang buwan, naramdaman ko ang kabaitan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at binitiwan ko na ang ilan sa aking mga kuru-kuro, imahinasyon, maling pagkaunawa, at pagiging mapagbantay sa Diyos. Higit pa rito, naranasan ko na ang pagbibigay sa akin ng Diyos ng pagkakataong gawin ang tungkulin ng isang lider ay hindi para pahirapan ako o ibunyag ako, kundi para iwasto ang aking mga maling pananaw sa pananalig at linisin ang aking tiwaling disposisyon. Ito ay para udyukan akong maging mas mapagsaalang-alang at mag-isip nang higit pa tungkol sa kung paano pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at kung paano gawin ang mga bagay sa paraang makabubuti sa gawain at sa mga kapatid. Bukod pa rito, tungkol sa kalagayan ng mga kapatid at sa kanilang mga propesyonal na paghihirap at problema, naghanap ako ng mga katotohanang prinsipyo, nagsanay sa paglutas ng mga isyu gamit ang katotohanan, at hindi ko namamalayan, medyo lumago ang aking kabatiran at tayog. Naramdaman kong ang pagsasanay sa akin para maging lider ay tunay na pagpeperpekto sa akin ng Diyos, at na ito ay pag-ibig ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw noong una kong sinimulang gawin ang tungkuling ito, talagang duwag ako at takot. Nagkamali pa nga ako ng pagkaunawa sa Diyos, iniisip na ginagamit Niya ang tungkuling ito para itiwalag ako. Talagang hindi ko masabi ang tama sa mali, o ang itim sa puti! Lubos akong walang katwiran! Ngayon, hindi na ako takot maging lider. Anuman ang maranasan o harapin ko sa hinaharap, magtutuon na lang ako sa paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan at pagsasakatuparan sa tungkuling dapat kong gawin. Ang kaunting pagbabago at pagpasok na nakamit ko ay pawang resulta ng gabay ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!