16. Hindi Na Ako Duwag
Noong Hulyo 2022, dinidiligan ko ang mga bagong mananampalataya sa iglesia. Si Lucia ang diyakono ng pagdidilig na responsable para sa gawain ko. Si Ruthy, ang lider ng iglesia, ay may magandang pananaw kay Lucia, madalas na pinupuri ito sa harap namin dahil sa pagkakaroon ng mahusay na kakayahan at magaling na abilidad sa trabaho, tinutukoy siya bilang haligi ng gawain ng pagdidilig sa iglesia. Kaya mataas din ang tingin ko kay Lucia. Ngunit pagkatapos ng pakikipag-ugnayan kay Lucia nang ilang panahon, nalaman kong hindi siya naghahangad ng mga katotohanang prinsipyo sa kung paano niya pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay at nagsasagawa siya ng mga arbitraryong pagsasaayos ng mga tauhan. Maraming beses, ang mga tagadilig na itinalaga niya ay hindi umaayon sa mga prinsipyo, at wala pang isang buwan, pinapalitan na niya ang mga ito. Ang madalas na mga pagbabago sa mga tagadilig ay malubhang nakakaapekto sa gawain ng pagdidilig sa mga bagong mananampalataya. Bukod pa roon, sa trabaho niya, sumisigaw lamang siya ng mga slogan at gumagawa ng mabababaw na gawain, nang hindi tinutugunan ang mga aktuwal na paghihirap namin. Sa tuwing ang mga resulta ng pagdidilig namin ay hindi kasingganda ng mga nasa ibang iglesia, magagalit siya, pagagalitan kami nang tuloy-tuloy tulad ng isang adultong sumasaway sa mga bata. Naging lalong napipigilan ang mga kapatid sa kanya, hindi naglalakas-loob na magsalita kapag nakikita siya, nakakaramdam ng matinding pagkasupil. Batid ng lider na si Ruthy ang mga pag-uugali ni Lucia, pero niya hindi kailanman tinugunan ang mga isyu nito sa pamamagitan ng pagbabahaginan.
Noong Mayo 2023, sa isang pagtitipon, ang mga nakatataas na lider ay nagbahagi sa amin ng katotohanan tungkol sa pagtukoy sa mga anticristo, mga huwad na lider, at masasamang tao, at hinikayat kaming isagawa ang katotohanan, inilalantad ang anumang mga pag-uugali at mga pagpapamalas ng mga anticristo, mga huwad na lider, at masasamang taong naoobserbahan namin. Pagkatapos ng pagtitipon, lumapit sa akin si Brother Jasper at sinabing, “Ang diyakono ng pagdidilig na si Lucia ay hindi maingat sa pagpili at paggamit ng mga tao, hindi sumusunod sa mga prinsipyo at madalas na pinapagalitan ang mga kapatid. Narinig ko ang tungkol sa mga problemang nabanggit mo tungkol sa kanya. Dahil may mas higit kang pakikipag-ugnayan kay Lucia at mas pamilyar ka sa mga pag-uugali niya, iminumungkahi kong iulat mo ang mga isyung ito. Isa itong paggawa ng katarungan.” Sa pakikinig sa mga sinasabi ni Jasper, naramdaman ko rin na ang mga isyu ni Lucia ay dapat iulat at sumang-ayon akong magsumite ng liham ng pag-uulat sa araw na iyon. Nang isusulat ko na ito, biglang sumagi sa isip ko na direktang pinangangasiwaan nina Ruthy at Lucia ang gawain ko, at kung isusumite ko ang liham ng pag-uulat, dadaan ito sa mga kamay nila. Karaniwang may pagka-dominante si Lucia at madalas inaakusahan ako ng pagiging iresponsable sa tungkulin ko at hindi pagtuon sa pagkakamit ng mga resulta sa gawain ko. Kapag nalaman niyang ini-report ko siya, parurusahan ba niya ako, pahihirapan ang buhay ko, o baka alisin pa nga niya ako o ilipat ako? Natakot ako at naguluhan ako dahil sa mga bagay na ito, at naisip ko sa sarili ko, “Mas mabuti pang magbulag-bulagan na lang ako. Ang pagdudulot ng problema sa kanila ay magdudulot lang ng problema sa sarili ko. Ayaw kong mawalan ng pagkakataong gawin ang mga tungkulin ko. Mas mahalagang protektahan ko ang sarili ko.” Bukod pa roon, dahil maraming bagay ang dapat harapin sa araw na iyon, nagpasya akong huwag nang isulat ang liham ng pag-uulat, gamit ang pagiging abala ko bilang palusot. Sa sumunod na araw, nagpadala si Jasper ng mensahe na nagtatanong kung naisumite ko na ang ulat. Nang makita ko ang mensahe, naramdaman kong umiinit ang mukha ko at nakadama ako ng malalim na kahihiyan sa puso ko. Sumagot lang ako ng “Hindi.” Wala nang sinabi pa si Jasper.
Sa mga sumunod na araw, nakaramdam ako ng labis na pagkabalisa at nagambala ako ng konsensiya. Sa oras ng debosyonal ko, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung ikaw ay madalas na nagpaparatang sa buhay mo, kung ang puso mo ay hindi makasumpong ng kapahingahan, kung ikaw ay walang kapayapaan o kagalakan, at madalas na binabalot ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol sa lahat ng uri ng mga bagay, ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita lamang nito na hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi naninindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Kapag namumuhay ka sa gitna ng disposisyon ni Satanas, malamang na ikaw ay mabibigo nang madalas sa pagsasagawa ng katotohanan, ipagkakanulo ang katotohanan, at magiging makasarili at kasuklam-suklam; itinataguyod mo lamang ang iyong imahen, ang iyong reputasyon at katayuan, at ang iyong mga interes. Ang pamumuhay palagi para lamang sa iyong sarili ay nagdadala sa iyo ng malaking pasakit. Dahil napakarami ng iyong mga makasariling pagnanasa, gusot, gapos, pag-aalinlangan, at kinaiinisan kaya wala ka na kahit kaunting kapayapaan o kagalakan. Ang mamuhay para sa tawag ng tiwaling laman ay ang magdusa nang labis-labis” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin). Ang paglalantad ng mga salita ng Diyos ay malinaw na nagpatanto sa akin na ang pagkabalisa at pagkakonsensiya ko ay dulot ng pangangalaga ko sa sarili kong mga interes at ng pagprotekta ko sa sarili ko sa halip na pagsasagawa ng katotohanan. Alam na alam ko na ang pagsisiwalat at pag-uulat ng mga huwad na lider, anticristo, at masasamang tao ay responsabilidad ng bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos at isang aspekto ng katotohanan na dapat isagawa. Ito ay dahil ang pinsalang dulot ng mga anticristo at masasamang tao sa gawain ng iglesia ay napakalaki na ang sinumang may anumang konsensiya at katwiran ay dapat iulat at isiwalat ang mga ito para protektahan ang gawain ng iglesia. Ganoon pa man, kahit na natuklasan ko ang mga problema, wala akong lakas ng loob na iulat ang mga ito, natatakot na baka supilin at gantihan ako nina Ruthy at Lucia pagkatapos nilang makita ang ulat ko. Mas gusto kong maging mapagpalugod ng mga tao kaysa protektahan ang gawain ng iglesia, at hindi ko isinasaalang-alang kung paano tutuparin ang mga tungkulin ko at paninindigan ang patotoo ko. Labis akong makasarili at kasuklam-suklam! Nang mapagtanto ko ito, tahimik akong nanalangin sa Diyos, “O, Diyos ko, labis akong makasarili at kasuklam-suklam dahil wala akong lakas ng loob na isulat ang ulat. Nakokonsensiya ako nang husto. O, Diyos ko, bigyan Mo ako ng pananalig at lakas ng loob na isagawa ang katotohanan.”
Sa mga sumunod na araw, mas marami pa akong naobserbahang isyu kay Lucia. Sa isang ulat sa gawain, sinabi niya na hindi nauuhaw sa katotohanan o regular na dumadalo sa mga pagtitipon ang limang baguhan, at na plano niyang tumigil na sa pagdidilig at pagsuporta sa kanila. Pero ang totoo, ang ilan sa mga baguhang ito ay may sakit, ang ilan ay abala sa trabaho, at ang iba ay may aktuwal na mga isyu sa pamilya na kailangang lutasin, na pansamantalang pumipigil sa kanila na regular na dumalo sa mga pagtitipon, at nababalisa rin dito ang mga baguhan mismo. Dahil ang hindi regular na pagdalo ng mga baguhan ay nakakaapekto sa mga resulta ng gawain ni Lucia, sinukuan na lang niya ang mga baguhan na ito na nangangailangan ng pagdidilig at suporta. Naramdaman namin na malinaw na labag ito sa mga prinsipyo at iresponsable, kaya binago namin ang bahagi ng ulat ni Lucia na hindi umaayon sa katotohanan. Nang makita ni Lucia ang mga pagbabago, galit na galit siya at kinuwestiyon niya kami kung bakit namin ginawa ang mga ito. Matapos kong ipaliwanag kung bakit, nagalit lalo si Lucia at pinagalitan ako, “Bakit mo sinusubukang umakto tulad ng isang bayani? Alam ng lahat ang mga prinsipyo, ikaw lang ang hindi nakakaunawa sa mga ito. Ni anong gawain ng pagdidilig ba ang ginagawa mo?” Naguluhan ako nang lubos. Ayon sa mga prinsipyo, ang limang baguhang iyon ay hindi mga taong walang pagkauhaw sa katotohanan; sila ay mga indibidwal na nangangailangan ng pagdidilig at suporta, at angkop para sa amin na iwasto ang nilalamang hindi umaayon sa mga katotohanan. Kaya bakit nagalit si Lucia at inakusahan ako na sinusubukan kong maging isang bayani? Pakiramdam ko ay may problema sa kanya. Siya ang diyakono ng pagdidilig, kaya kung kikilos siya nang walang mga prinsipyo, maaapektuhan nito ang gawain ng pagdidilig, at puwedeng maging grabe ang mga kahihinatnan. Naisip ko kung paanong wala akong lakas ng loob na isulat ang liham ng pag-uulat noong nakaraan, at kung paanong napalampas ko ang pagkakataong isagawa ang katotohanan, na nagdulot sa akin na makaramdam ng pagkakautang. Sa oras na ito, kailangan kong iulat sa mga nakatataas ang mga isyu tungkol sa kanya. Pero may sumagi sa isip ko, “Kung direkta akong pupunta kay Lider Ruthy para iulat ang mga isyu tungkol kay Lucia, iisipin ba niyang sinusubukan kong pahirapan si Lucia?” Naalala ko kung paanong noong nakaraan taon, nang unang dumating si Lucia sa iglesia namin, labis na nalugod si Ruthy, sinasabing si Lucia ay may mahusay na kakayahan at magaling na abilidad sa mga gawain, at siya ay isang haligi ng iglesia. Bukod pa roon, alam na alam ni Ruthy ang pagkilos ni Lucia nang walang prinsipyo at ang ugali nitong supilin at sermonan ang iba, pero palagi siyang nagbubulag-bulagan sa mga isyu kay Lucia. Sa taas ng pagtingin ni Ruthy kay Lucia, seseryosohin man lang ba niya ang ulat ko? Pagtatakpan ba niya si Lucia at gagawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa akin, na pipigil sa aking gawin ang mga tungkulin ko? Sa pag-iisip ng mga bagay na ito, napuno ako ng pag-aalala, hindi sigurado kung babanggitin ko ba kay Ruthy ang mga problema tungkol kay Lucia. Napagtanto ko na muli ko na namang sinusubukang protektahan ang sarili ko. Kaya, nang gabing iyon, naghanap ako ng mga kaugnay na artikulo ng patotoong batay sa karanasan na may kinalaman sa kalagayan ko para basahin. Binanggit ng isa sa mga ito ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nakapukaw sa akin. Binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Lahat kayo ay nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba sa inyo ang talagang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong sa iyong sarili: Ikaw ba ay isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Magagawa mo bang maging matuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba ay may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapahihintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matugunan sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahahalagang sandali? Ikaw ba ay taong sumusunod sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mong isipin ang mga ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Ang mga nagtatanong na salita ng Diyos ay pumuno sa akin ng matinding kahihiyan at pagkakonsensiya. Malinaw kong nakita na hindi sinusunod ni Lucia ang mga prinsipyo sa tungkulin niya, madalas na kumikilos siya ayon sa mga tiwaling disposisyon at pagkamainitin ng ulo niya para sermonan ang mga kapatid. Nagkaroon ako ng ilang pagkilatis tungkol sa mga isyu kay Lucia at gusto kong iulat ang mga ito kay Ruthy, pero nag-alala ako na baka gumanti si Lucia at pahirapan ako sa mga bagay-bagay, at natakot ako na baka protektahan ni Ruthy si Lucia at supilin o isantabi ako. Dahil dito, pinrotektahan ko ang sarili ko at hindi ko iniulat ang mga isyu. Sa panahong iyon, palaging nakatuon ang puso ko sa pagprotekta sa mga sarili kong interes, nang hindi isinasaalang-alang ang pasanin ng Diyos, at nabigo akong pangalagaan ang gawain ng iglesia. Sa mga kritikal na sandali, paulit-ulit akong umatras, hindi isinasagawa ang katotohanan o itinataguyod ang mga prinsipyo. Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang layunin Niya at nagkaroon ako ng landas ng pagsasagawa. Kaya, nag-ipon ako ng lakas ng loob na iulat kay Ruthy ang mga isyu tungkol kay Lucia.
Kinabukasan, sinabi ni Ruthy sa akin at sa ilan pang lider ng grupo na magsulat ng mga pagsusuri kay Lucia. Isinulat ko ang lahat ng isyung naobserbahan ko nang detalyado hangga’t maaari, pero mayroon pa rin akong ilang alalahanin, dahil nag-aalala ako na baka protektahan ni Ruthy si Lucia at isantabi o supilin ako. Kaya, binigyan ko ang sarili ko ng kaluwagan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng isang linya sa pagsusuri, “Hindi ko pa lubos na nakita nang malinaw ang mga isyung ito, kaya iniuulat ko ang mga ito para suriin ng lahat nang sama-sama.” Naisip ko na sa sandaling tipunin ni Ruthy ang mga pagsusuri kay Lucia, tatanggalin niya si Lucia, pero lumipas ang mga araw nang walang nangyayari. Nagsimula na naman akong makaramdam ng pagkabalisa, iniisip na, “Isinulat ng lahat ang mga pagsusuri nila kay Lucia, at kahit pa hindi siya mapagdesisyunang karapat-dapat na tanggalin, dapat siyang isiwalat at dapat tukuyin ang mga problema sa kanya para mapagtanto niya ang mga isyu sa kanya. Pero wala pa ring palatandaan ng pag-aksyon. Hindi kaya iniisip ng lider na mali ang pagsusuri ko? Tatanggalin ba niya ako?” Makalipas ang ilang araw, nakita ni Lucia na ako at ang iba pang mga tagadilig ay sumusuporta pa rin sa mga baguhan na hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon, at lubha siyang nabalisa, kinukuwestiyon kami kung bakit nasa iglesia pa rin ang mga hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon, inaakusahan kami na matigas ang ulo. Sa isang pulong ng magkakatrabaho, muli niya kaming pinagalitan tungkol sa isyung ito, pinipilit kaming sukuan ang mga baguhang ito na hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon. Pakiramdam ko ay medyo seryoso ang mga problema kay Lucia, pero kinalaunan, nang makita ko na hindi lamang siya hindi tinanggal, kundi itinaas pa ang ranggo para mangasiwa sa isang mahalagang aytem ng gawain, nag-alinlangan ako kung mali ba ang iniulat ko dahil sa kawalan ng pagkilatis. Sa panahong iyon, nakaramdam ako ng labis na pagkasupil at panghihina ng loob, at hindi ko naunawaan kung ano talaga ang layunin ng Diyos sa pagharap ko sa ganitong sitwasyon at kung paano ko ito dapat danasin. Lalo na ngayong mas mataas na ang posisyon ni Lucia, kung talagang malalaman niya na iniulat ko ang mga isyu tungkol sa kanya, baka ilipat o tanggalin niya ako anumang oras, o paalisin pa nga ako sa iglesia. Ang pag-iisip tungkol sa mga bagay na ito ay labis akong pinag-alala at pinuno ng takot, at ayaw ko nang kilatisin pa si Lucia.
Isang araw ng Hulyo, nagpadala sa akin ang nakatataas na mga lider ng dalawang kapatid para magtanong tungkol sa sitwasyon ni Lucia. Noon ko lang nalaman na iniulat ni Brother Jasper sa nakatataas na mga lider ang impormasyong natipon niya nang malaman niyang hindi ko isinulat ang liham ng pag-uulat. Ibinahagi ko sa dalawang kapatid ang lahat ng inasal ni Lucia. Nagulat sila nang todo nang marinig ito at sinabing, “Hiningi ni Ruthy sa inyong lahat na magsulat ng mga pagsusuri kay Lucia, kaya bakit wala pang nagagawa tungkol dito nang halos isang buwan?” Sa wakas, tinanong ako ng dalawang kapatid, “Dahil ba natatakot ka kaya hindi mo isinulat ang liham ng pag-uulat?” Nang marinig ko ang tanong ng mga kapatid, nakaramdam ako ng matinding kahihiyan at pagkakonsensiya. Napagtanto ko kung gaano ako naging makasarili at kasuklam-suklam, laging sinusubukang protektahan ang sarili ko. Pakiramdam ko ay napakaduwag ko. Matapos iulat ang sitwasyon at makita na si Lucia ay hindi lamang hindi tinanggal kundi itinaas pa ng ranggo, nawalan ako ng lakas ng loob na gumawa ng anumang mga karagdagang ulat. Sa totoo lang, alam na alam kong may mga problema kay Lucia, at na marami sa mga pananaw at mga pagsasagawa niya ay hindi umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sinupil at pinagalitan niya ang iba para sa sarili niyang pagkaepektibo sa gawain, reputasyon, at katayuan, at hindi siya lumutas ng mga aktuwal na problema. Inabandona pa nga niya ang ilang baguhang nangangailangan ng pagdidilig at suporta. Nang itama ko ang mga isyu sa kanya, pinangaralan pa nga niya ako, inakusahan ako na sinusubukan kong maging isang bayani. Ganoon pa man, dahil sa takot sa katayuan at kapangyarihan niya at na masupil o maparusahan, hindi ako nakasunod sa mga katotohanang prinsipyo at nawalan ako ng lakas ng loob na isiwalat at iulat siya. Nang gabing iyon, matagal akong hindi makatulog. Naisip ko kung paanong nabubuhay ako sa isang kalagayan ng pagkasupil, kawalan ng pag-asa, at pagtatalo ng damdamin sa nakalipas na isang buwan at kalahati. Nakita ko ang mga problema pero natakot akong magsalita, at pagkatapos ng pag-uulat ng mga isyu sa wakas, natakot akong masupil. Ang kalagayang ito ay patuloy na umulit. Ano ba mismo ang problema? Naghanap ako ng mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kalagayan ko. Sa panahong iyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao pagdating sa kung paano tratuhin ang isang pinuno o manggagawa? Kung tama at alinsunod sa katotohanan ang ginagawa ng isang pinuno o manggagawa, maaari mo siyang sundin; kung mali at hindi alinsunod sa katotohanan ang ginagawa niya, hindi mo siya dapat sundin at maaari mo siyang ilantad, salungatin at maaari kang maghayag ng ibang opinyon. Kung hindi siya nakakagawa ng aktuwal na gawain o gumagawa siya ng masasamang gawa na nagsasanhi ng kaguluhan sa gawain ng iglesia, at nabunyag na isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa o isang anticristo, maaari mo siyang kilatisin, ilantad at iulat. Gayunman, hindi nauunawaan ng ilang taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at lalo nang napakaduwag; natatakot silang masupil at mapahirapan ng mga huwad na lider at anticristo, kaya hindi sila nangangahas na itaguyod ang mga prinsipyo. Sinasabi nila, ‘Kung patatalsikin ako ng lider, tapos na ako; kung hihikayatin niyang ilantad o talikuran ako ng lahat, hindi ko na magagawang manampalataya sa Diyos. Kung patatalsikin ako sa iglesia, hindi ako gugustuhin at hindi ako ililigtas ng Diyos. At hindi ba’t mawawalan ng saysay ang aking pananalig?’ Hindi ba katawa-tawa ang gayong pag-iisip? May tunay bang pananalig sa Diyos ang gayong mga tao? Kakatawanin ba ng isang huwad na lider o anticristo ang Diyos kapag pinatalsik ka niya? Kapag pinahirapan at pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, kagagawan ito ni Satanas, at wala itong kinalaman sa Diyos; kapag inaalis o pinatatalsik ang mga tao mula sa iglesia, nakaayon lamang ito sa mga layunin ng Diyos kapag magkasamang nagdesisyon ang iglesia at ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, at kapag ang pag-aalis o pagpapatalsik ay lubos na nakaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo ng mga salita ng Diyos. Paanong ang mapatalsik ng isang huwad na lider o anticristo ay mangangahulugan na hindi ka maliligtas? Pang-uusig ito ni Satanas at ng anticristo, at hindi nangangahulugan na hindi ka maililigtas ng Diyos. Maliligtas ka man o hindi ay depende na sa Diyos. Walang taong kalipikadong magdesisyon kung maaari ka bang iligtas ng Diyos. Dapat malinaw ito sa iyo. At para tratuhin ang pagpapatalsik sa iyo ng isang huwad na lider o anticristo bilang pagpapatalsik ng Diyos—hindi ba ito maling pag-unawa sa Diyos? Maling pag-unawa ito. At hindi lamang ito maling pag-unawa sa Diyos, kundi paghihimagsik din laban sa Diyos. Medyo paglapastangan din ito sa Diyos. At hindi ba’t kamangmangan at kahangalan ang maling pagkaunawa sa Diyos sa ganitong paraan? Kapag pinatalsik ka ng isang huwad na lider o anticristo, bakit hindi mo hanapin ang katotohanan? Bakit hindi ka maghanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan upang magkamit ka ng kaunting pagkakilala? At bakit hindi mo ito ipinaaalam sa mga nakatataas? Pinatutunayan nito na hindi ka naniniwalang naghahari ang katotohanan sa sambahayan ng Diyos, ipinapakita nito na wala kang tunay na pananalig sa Diyos, na hindi ka isang taong tunay na nananampalataya sa Diyos. Kung nagtitiwala ka sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, bakit ka natatakot sa pagganti ng isang huwad na lider o anticristo? Mapagpapasyahan ba niya ang iyong kapalaran? Kung may kakayahan kang makakilala, at natukoy mong salungat ang kanilang mga ikinikilos sa katotohanan, bakit hindi ka makipagbahaginan sa mga taong hinirang ng Diyos na nakauunawa sa katotohanan? May bibig ka naman, kaya bakit hindi ka naglalakas-loob na magsalita? Bakit takot na takot ka sa isang huwad na lider o anticristo? Pinatutunayan nitong duwag ka, walang silbi, isang kampon ni Satanas” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahangad sa Katotohanan). Ipinatanto sa akin ng mga salita ng Diyos na sa panahong ito, ang paulit-ulit kong pag-aalinlangan at maraming alalahanin tungkol sa pag-uulat kay Lucia ay dahil sa maling saloobin at pananaw ko sa mga lider at manggagawa. Napakataas ng tingin ko sa mga lider at manggagawa, naniniwala na sila ay may katayuan at kapangyarihan, at na ang salungatin sila ay magdudulot ng problema at malamang na hahantong na mawalan ako ng mga tungkulin o paalisin pa nga sa iglesia. Kapag nagkaganoon, mawawalan ako ng pagkakataon na maligtas. Kaya kahit na malinaw kong nakita ang mga problema kay Lucia at nais kong iulat ang mga iyon, takot akong mapahirapan, masupil, o maharap sa paghihiganti, kaya palagi akong umuurong at hindi nangangahas na mag-ulat. Kahit na noong nag-uulat kay Ruthy ng mga isyu tungkol kay Lucia, nagkaroon ako ng ilang pag-aalinlangan, at naging mapanlinlang din ako at nagsalita nang walang katiyakan, sinasabing hindi ko makita nang malinaw ang mga problema kay Lucia, at na dapat naming suriin ang mga ito nang sama-sama. Lalo na pagkatapos kong iulat ang mga isyu tungkol kay Lucia, nang makita ko na hindi lamang siya hindi tinanggal kundi itinaas pa nga ang ranggo, at na medyo tinatarget pa niya ako, lalo akong natakot. Nagpasya akong tumigil na sa pagkilatis at pag-uulat sa kanya. Sa ganitong paraan, mapoprotektahan ko ang sarili ko mula sa panunupil at mapapanatili ko ang mga tungkulin ko. Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos napagtanto ko kung gaano ako kamangmang at kahangal. Naniwala ako na kapag tinanggal o sinupil ng mga lider at manggagawa, nangangahulugan iyon ng pagkawala ng pagkakataon na maligtas. Ang pananaw na ito ay ganap na walang katotohanan! Wala akong tunay na pananalig sa Diyos at hindi ako nanampalataya na ang sambahayan ng Diyos ay pinamamahalaan ng katotohanan. Nanampalataya ako sa Diyos pero hindi ako nagtiwala na ang kapalaran ko ay nasa mga kamay Niya, at inakala ko pa nga na kayang tukuyin ng mga huwad na lider at anticristo ang kapalaran ko. Itinuring ko ang mga huwad na lider at mga anticristo bilang higit pa sa Diyos. Tunay na isa itong kalapastanganan sa Diyos!
Nang maglaon, kinausap ko si Jasper tungkol kay Lucia, at pareho naming naramdaman na ang sitwasyong ito ay isang pagsasaayos ng Diyos para matugunan ang mga kakulangan namin, at na naglalaman ito ng layunin ng Diyos. Ibinahagi sa akin ni Jasper ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nagsisilabasan at gumaganap ng iba’t ibang papel bilang mga diyablo at Satanas ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga hindi mananampalataya, lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain at gumagawa ng isang bagay na ganap na naiiba, nagsisinungaling at nanlilinlang sa sambahayan ng Diyos; kapag ginugulo at ginagambala nila ang gawain ng Diyos, gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos at dumudungis sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, wala kang ginagawa kundi magalit kapag nakikita mo ito, subalit hindi mo kayang tumindig para itaguyod ang katarungan, ilantad ang masasamang tao, itaguyod ang gawain ng iglesia, harapin at pangasiwaan ang masasamang taong ito, at pigilan sila sa panggugulo sa gawain ng iglesia at pagdungis sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia. Sa hindi pagsasagawa ng mga bagay na ito, nabigo kang magpatotoo. May mga taong nagsasabi na, ‘Hindi ako nangangahas na gawin ang mga bagay na ito, natatakot ako na kung napakarami ng taong haharapin ko, baka magalit sila sa akin, at kung pagtutulungan nila akong atakihin para parusahan ako at alisin sa puwesto, ano ang gagawin ko?’ Sabihin mo sa Akin, duwag at mahiyain ba sila, wala ba sa kanila ang katotohanan at hindi ba nila matukoy ang mga tao o makita ang panggugulo ni Satanas, o hindi ba sila tapat sa kanilang pagganap sa tungkulin, sinusubukan lang na protektahan ang kanilang sarili? Ano ba ang tunay na isyu rito? Napag-isipan mo na ba ito? Kung likas kang mahiyain, marupok, duwag, at matatakutin; subalit, pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, batay sa pagkaunawa sa ilang katotohanan, ay nagkaroon ka ng tunay na pananalig sa Diyos, hindi ba’t mapagtatagumpayan mo na ang ilan sa iyong mga kahinaan bilang tao, ang iyong pagkamahiyain, at pagkamarupok, at hindi ka na matatakot sa masasamang tao? (Oo.) Kung gayon, ano nga ba ang ugat ng inyong kawalan ng kakayahang mangasiwa at humarap sa masasamang tao? Ito ba ay dahil likas na duwag, mahiyain, at matatakutin ang inyong pagkatao? Hindi ito ang ugat o ang diwa ng problema. Ang diwa ng problema ay na ang mga tao ay hindi tapat sa Diyos; pinoprotektahan nila ang kanilang sarili, ang kanilang personal na seguridad, reputasyon, katayuan, at ang kanilang malalabasan. Ang kanilang kawalan ng katapatan ay naipapamalas sa kung paano nila palaging pinoprotektahan ang kanilang sarili, umaatras tulad ng isang pagong papasok sa bahay nito kapag nahaharap sila sa anumang bagay, at naghihintay na lumipas muna ito bago nila muling ilabas ang kanilang ulo. Anuman ang kanilang nakakatagpo, palagi silang nag-iingat nang husto, sobrang nababalisa, nag-aalala, at nangangamba, at hindi nila kayang tumayo at ipagtanggol ang gawain ng iglesia. Ano ang problema rito? Hindi ba’t ito ay kawalan ng pananalig? Wala kang tunay na pananalig sa Diyos, hindi ka naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at hindi ka naniniwala na ang buhay mo, ang lahat ng sa iyo ay nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ka naniniwala sa sinasabi ng Diyos na, ‘Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas si Satanas na galawin ni isang buhok sa iyong katawan.’ Umaasa ka sa sarili mong mga mata at hinuhusgahan mo ang mga katunayan, hinuhusgahan mo ang mga bagay-bagay batay sa sarili mong mga pagtataya, palaging pinoprotektahan ang iyong sarili. Hindi ka naniniwala na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos; natatakot ka kay Satanas, natatakot ka sa masasamang puwersa at masasamang tao. Hindi ba’t ito ay kawalan ng tunay na pananalig sa Diyos? (Oo.) Bakit walang tunay na pananalig sa Diyos? Ito ba ay dahil masyadong mababaw ang mga karanasan ng mga tao at hindi nila maunawaang mabuti ang mga bagay na ito, o ito ba ay dahil sa napakakaunti ng kanilang pagkaunawa sa katotohanan? Ano ang dahilan? May kinalaman ba ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Ito ba ay dahil masyadong tuso ang mga tao? (Oo.) Gaano man karaming bagay ang nararanasan nila, gaano man karaming katunayan ang inilalatag sa harap nila, hindi sila naniniwala na ito ay gawain ng Diyos, o na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Isang aspekto ito. Ang isa pang malubhang isyu ay ang sobrang pag-aalala ng mga tao sa kanilang sarili. Hindi sila handang magbayad ng anumang halaga o magsakripisyo para sa Diyos, para sa Kanyang gawain, para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, para sa Kanyang pangalan, o para sa Kanyang kaluwalhatian. Hindi sila handang gawin ang anumang bagay na may kalakip na kahit pinakakatiting na panganib. Masyadong nag-aalala ang mga tao sa kanilang sarili! Dahil sa kanilang takot na mamatay, na mapahiya, na mabitag ng masasamang tao, at na masadlak sa anumang uri ng suliranin, ginagawa ng mga tao ang lahat para mapangalagaan ang kanilang sariling laman, sinisikap na hindi sila mapasok sa anumang delikadong sitwasyon. … Anumang mga sitwasyon o usapin ang kinakaharap mo, pinangangasiwaan mo ang mga ito gamit ang mga pamamaraan, taktika, at estratehiyang ito, at hindi ka nakakapanindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Anuman ang mga sitwasyon, hindi mo magawang maging isang kwalipikadong lider o manggagawa, hindi ka makapagpakita ng mga katangian o kilos ng isang tagapangasiwa, at hindi ka makapagpakita ng ganap na katapatan, kaya’t nawawalan ka ng patotoo. Gaano man karaming usapin ang kinakaharap mo, hindi mo magawang umasa sa iyong pananalig sa Diyos upang makapagpakita ka ng katapatan at pananagutan. Kaya’t ang pinakaresulta, wala kang nakakamit. Sa bawat sitwasyon na pinamatnugutan ng Diyos para sa iyo, at kapag nakikipaglaban ka kay Satanas, palagi mong pinipiling umatras at tumakas. Hindi mo nagawang sundan ang landas na itinuro o isinaayos ng Diyos na danasin mo. Kaya, sa gitna ng labang ito, napapalagpas mo ang katotohanan, pagkaunawa, at mga karanasang dapat sana ay nakamit mo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 19). Ang mga salita ng Diyos ay lubos na pumukaw sa akin. Ang inilantad ng Diyos ay ang eksaktong kalagayan ko. Sa partikular, inilantad ng Diyos na kapag nakita natin ang masasamang tao na gumagawa ng masama, hindi tayo nangangahas na isiwalat ang mga ito, at nabibigo tayong itaguyod ang gawain ng iglesia. Hindi lamang ito kahinaan o pagkamahiyain; ang diwa ng problema ay dahil ang isang tao ay hindi tapat sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit palagi nating pinoprotektahan ang mga sarili natin, isinasaalang-alang ang sarili nating kinabukasan at kaligtasan. Bukod pa rito, inilantad ng Diyos na ang ganoong mga tao ay walang tunay na pananalig sa Kanya, hindi nananampalataya sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Hinuhusgahan nila ang mga bagay batay lang sa kung ano ang nakikita nila at sa sarili nilang mga kalkulasyon. Kapag nahaharap sa masasamang puwersa, tumatakbo sila at nagtatago, iniisip na baka hindi sila maprotektahan ng Diyos at na Siya ay mas hindi mapagkakatiwalaan kaysa sa sarili nila, kaya wala silang lakas ng loob na ipagkatiwala ang sarili nila sa Diyos. Puno ng mga kalkulasyon at panlilinlang ang puso ng mga tao! Isa pang aspekto ay ang sobrang pagmamalasakit ng mga tao sa sarili nila, at na ayaw nilang magbayad ng anumang halaga o gumawa ng anumang sakripisyo para pangalagaan ang gawain ng iglesia. Ang ganitong mga tao ay lubos na makasarili at kasuklam-suklam. Ito ang nakamamatay na kapintasan sa loob ko. Inisip ko kung paanong nagkatawang-tao ang Diyos nang dalawang beses para gumawa sa mundo para iligtas tayo, kusang-loob na tinitiis ang napakalaking kahihiyan, gumagawa ng masusing mga pagsisikap, at ibinibigay ang lahat. Hindi kailanman umatras ang Diyos o itinigil ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan dahil sa pagdurusa ng kahihiyan, paninirang-puri, pag-uusig, at mga kapighatian. Ang Diyos ay laging nagbibigay nang tahimik na walang anumang mga reklamo. Ang lahat ng bagay na ito na ginawa ng Diyos ay hindi para sa sarili Niya, at hindi rin para makakuha ng anumang bagay mula sa tao, kundi para iligtas tayong mga tao, na sobrang lalim nang pininsala ni Satanas. Ang diwa ng Diyos ay napakaganda at walang pag-iimbot! Naalala ko kung paano ako patuloy na diniligan at tinustusan ng Diyos ng mga salita Niya sa lahat ng mga taon ko ng pananalig, at kung paano Niya isinaayos ang maraming tao, pangyayari, bagay at sitwasyon para maranasan ko, pinapatnubayan at inaakay ako para maunawaan ang katotohanan, pumasok sa realidad, at matutong umasal at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ngayon, sa mga huwad na lider at masasamang taong nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng iglesia, ito na mismo ang oras para kumilos ako at pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Gayon pa man, para maprotektahan ang sarili ko, itinago ko mula sa Diyos ang mga naiisip ko at naging mapanlinlang ako sa Kanya, at ayaw kong talikuran ang sarili kong mga interes para isagawa ang katotohanan. Talagang masyado akong naging mapanlinlang, masyadong makasarili, at mababang-uri! Nanalangin ako nang tahimik sa Diyos at nagpasya na mula ngayon, hahangarin kong maging isang taong may pagpapahalaga sa katarungan na kayang magsagawa ng katotohanan at pangalagaan ang gawain ng iglesia.
Pagkalipas ng ilang araw, tinanggal ng iglesia si Lucia bilang superbisor, pero pinanatili pa rin ang posisyon niya bilang isang diyakono ng pagdidilig. Sa panahon ng pagtitipon, natuklasan ko na hindi gaanong kilala ni Lucia ang sarili niya. Paulit-ulit niyang binigyang-diin na ang pagkakatanggal sa kanya ay dahil lang sa kawalan ng karanasan sa gawain. Naisip ko ang mga nakaraan niyang pag-uugali, at naramdaman ko na hindi na siya nababagay na maging diyakono ng pagdidilig at na hindi naaangkop ang kasalukuyang pagsasaayos. Sa pagkakataong ito, ayaw ko nang protektahan ang sarili ko tulad ng ginawa ko noong nakaraan. Determinado akong kumilos para iulat ang mga isyu tungkol kay Lucia. Kaya, nilapitan ko ang dalawang kapatid na dati nang nagtanong sa akin tungkol kay Lucia at iniulat ko sa kanila ang sitwasyon niya. Sa pagkakataong ito, sa liham ko ng pag-uulat, malinaw kong ipinahayag ang pananaw ko: Naniniwala ako na sinusundan ni Lucia ang landas ng isang anticristo at hindi siya nababagay na maging isang lider o manggagawa, at na dapat siyang tanggalin. Kasabay nito, iniulat ko rin kung paanong sadyang pinagtakpan at pinrotektahan ni Lider Ruthy si Lucia. Pagkatapos magsagawa sa ganitong paraan, nakaramdam ako ng kapayapaan at kasiguruhan sa puso ko. Kinalaunan, batay sa palagiang asal ni Lucia na pagkilos nang walang ingat sa mga tungkulin niya, madalas na panenermon sa mga tao mula sa itaas, hindi pagpapakita ng anumang pagtanggap sa katotohanan, at lantarang pagsupil pa nga sa mga nag-uulat sa kanya—siya ay isang masamang tao sa diwa at sa huli ay ibinukod siya. Tinanggal din si Ruthy dahil sa pagkabigong gumawa ng aktuwal na gawain at dahil sa pagprotekta sa isang masamang tao.
Sa pagbabalik-tanaw, nakita ko na marami akong pinagdaanan sa lahat ng ito at maraming nabunyag sa akin. Natikman ko ang mapait na bunga ng pagprotekta sa sarili ko, at isa itong malaking aral para sa akin. Kasabay nito, tunay kong naranasan ang banal at matuwid na disposisyon ng Diyos at tunay kong nakita na gusto ng Diyos ang matatapat na tao at na kinamumuhian Niya ang mga mapanlinlang na tao, at na tutukuyin ng Diyos ang kalalabasan ng bawat tao batay sa mga aksyon nito at landas na pinipili. Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinahintulutan Niya akong makamit ang mga pakinabang na ito!