88. Ito ang Tinig ng Diyos

Ni Pierre, USA

Ipinanganak ako sa isang pamilyang Kristiyano at, noong bata pa ako, sumasama ako sa mga magulang ko sa mga samba. Hindi ko alam kung bakit, pero sa paglipas ng panahon, nagsimula akong makaramdam ng patuloy na kahungkagan sa puso ko; hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa Panginoon nang magdasal ako at hindi ko nadama na naliwanagan ako nang basahin ko ang Bibliya. Nadama ko na napakalayo ko sa Panginoon, at nakadama ako ng matinding kirot sa kalooban ko. Kalaunan, madalas kong hanapin ang mga sermon ng mga pastor para mapakinggan ko at nanood din ako ng maraming pelikulang dapat sana ay nagpasigla sa aking pananampalataya. Pinagsikapan ko ring itigil ang paggawa ng mga bagay na hindi nakaayon sa mga hinihingi ng Panginoon, subalit hungkag pa rin ang puso ko.

Isang araw, nanood kaming mag-asawa ng isang pelikulang Kristiyano sa YouTube na pinamagatang Pananabik na talagang umantig sa amin. Nang magsimula ang pelikula, isinusulat ng bida ang sarili niyang mga karanasan, at sinabi niya, “Dalawang libong taon na ang nakararaan, nangako ang Panginoong Jesus sa Kanyang mga alagad, ‘Narito, Ako’y madaling pumaparito(Pahayag 22:7).” Naakit kami kaagad sa taludtod na ito sa Biblia. Ang mga propesiya sa Pahayag ay pawang mga hiwaga, at ang sinasabi rito ng bida ay tungkol sa bahaging ito ng mga propesiya sa aklat. Ano ang susunod niyang sasabihin? Patuloy kaming nanood nang may tumitinding pag-uusisa. Pagkatapos ay inaresto ng CCP ang bida sa pelikula dahil sa paniniwala sa Diyos. Habang nasa bilangguan, nakilala niya si Brother Zhao na naniniwala sa Makapangyarihang Diyos. Nakakita ng pagkakataon si Brother Zhao na abutan siya ng isang piraso ng papel. Nakasulat doon na: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao. … Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo(“Kabanata 41” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(“Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Naantig nang husto ang bida matapos niyang mabasa ang dalawang siping ito. Lubos siyang napanatag, at nahanap ang kanyang pananampalataya at lakas. Namangha rin kaming mag-asawa sa dalawang siping ito. Paano naging napakamaawtoridad, napakamakapangyarihan ng mga salitang ito, at lubhang nakakaantig? Para bang ang Diyos ang tuwirang nagsasalita sa amin, na sinasabi sa amin kung ano ang dapat naming gawin. Kahit nakita ko na sa mga salitang ito kung gaano ang hirap na maaaring danasin sa pagtahak sa landas ng paniniwala sa Diyos, nakadama ako ng tuwa sa aking kalooban, at nagkaroon ako ng pananampalataya at lakas nang marinig ko ang mga salitang ito. Naisip ko, “Saang lugar sa mundo nagmula ang mga salitang ito? Nagmula kaya ang mga ito sa Diyos? Maaari kayang nagbalik na talaga ang Panginoon? Pero kapag pumarito ang Panginoon, dapat Siyang bumaba na sakay ng ulap, at wala pa tayong nakikitang anumang tanda ng Kanyang pagbaba na sakay ng ulap.” Kahit medyo naguluhan ako noon, nasiyahan talaga ako sa mga salitang ito, at bumaling ako sa asawa ko at sinabi ko, “Kamangha-mangha ang mga salitang ito! Ngayon lang ako nakarinig ng mga salitang may gayong kapangyarihan.” Tapos ay inihinto ko sandali ang pelikula, dinampot ko ang isang notebook, at kinopya ang mga salitang ito. Habang nagsusulat ako, binasa kong muli ang mga ito: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple!” Tumingin ako sa asawa ko at sinabing, “Ang daan tungo sa kaharian?” Naisip ko, “Tanging ang Diyos Mismo ang maaaring makaalam kung ano ang daan patungong kaharian. Binabanggit ng mga salitang ito ang landas patungong kaharian, at hindi maaaring sambitin ng sinumang karaniwang tao lang ang mga ito—Diyos lang ang maaaring makaalam sa bagay na ito!”

Patuloy akong nagbasa: “Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao. … Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo.” Ipinaramdam sa akin ng tono ng mga salitang ito na sinambit ang mga salitang ito ng isang taong nangangasiwa sa lahat ng bagay, na direktang nagtatapat sa atin nang may ganap na sinseridad na ang landas tungo sa pananampalataya ay hindi madali, at na bawat tao ay kailangang magdanas ng magkakaibang dami ng pasakit at paghihirap, pero ito ay para gawing perpekto ang ating pagmamahal at pananampalataya. Ito ang pagmamahal at pagpapala ng Diyos sa atin. Bigla kong nakita ang liwanag. Naniwala na ako noon pa man na ang pagsampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na kailangan ay maayos at walang problema ang naging takbo ng lahat ng bagay sa buhay, at na ito ay pagpapala ng Diyos. Naniwala ako na kung nasalanta tayo ng sakuna o kalamidad tulad ng nangyari sa mga hindi nananalig, masamang bagay iyon, at na pinarurusahan tayo ng Diyos. Katulad noong 2010, na nawala sa akin ang lahat ng pag-aari ko sa isang lindol. Noon, pakiramdam ko ay hindi ako binantayan o pinrotektahan ng Diyos, at sumama nang husto ang loob ko dahil namuhay ako sa isang kalagayan na nagkamali ako ng pagkaunawa sa Diyos. Ngayon, nang basahin ko ang mga salitang ito, nagbago ang pananaw ko sa gayon kahihirap na sitwasyon. Kasabay niyon, naunawaan ko rin na kinailangan kong sumunod, manalangin sa Diyos, hangaring maunawaan ang mga gawa ng Diyos nang sumapit sa akin ang paghihirap at mga pagsubok, at na sa paggawa nito ay hindi ako magiging mahina at negatibo.

Patuloy kong pinag-isipan ang mga salitang: “Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo.” Ibinunyag ng mga salitang “tiyak,” “pangako,” at “pagpapala” ang naghayag sa awtoridad at kapangyarihan ng Nagsasalita. May mga hinihingi Siya sa atin, pero may mga ipinapangako rin Siya sa atin, at bukod pa roon, may kapangyarihan Siyang tuparin ang mga pangakong ito. Inantig ng mga salitang ito ang puso ko, at inisip ko kung paano naging kaparehong-kapareho ng tonong ginamit ng Panginoong Jesus ang tono ng mga salitang ito. Gaya noong sabihin ng Panginoon, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay ‘di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko(Juan 14:6). “Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang buhay: ang siyang sumasampalataya sa Akin, bagama’t siya’y patay, gayunma’y siya ay mabubuhay(Juan 11:25). “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit(Mateo 18:3). Nakapaloob din sa lahat ng salitang ito ang mga hinihingi at pangako sa atin ng Diyos, at kinakatawan ng mga ito ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Kapag naririnig natin ang mga ito, nadarama natin ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos. Nang makita namin na kapareho nito ang mga salita sa pelikulang ito, pareho naming nadamang mag-asawa na parang sa Diyos nagmula ang mga ito, at na para bang tinig ng Diyos ang mga ito. Sa oras na iyon, tuwang-tuwa ako, pero nalilito rin ako: Hindi nagmula sa Bibliya ang mga salitang ito, kaya saang lugar sa mundo nagmula ang mga ito? Patuloy naming pinanood ang pelikula. Sa pelikula, sinabi ni Brother Zhao sa bida habang nagtatrabaho sila na nakabalik na ang Panginoong Jesus, at na Siya ay nagkatawang-tao at naparito nang lihim upang isagawa ang gawain ng paghatol at paglilinis sa tao sa mga huling araw. Sa puntong ito, medyo naguluhan kaming mag-asawa, dahil noon pa kami naniniwala na babalik ang Panginoong Jesus balang araw sakay ng ulap. Pero sinabi ni Brother Zhao sa pelikula na, “Hinihintay lang natin ang pagbabalik ng Panginoon batay sa mga propesiya ng Kanyang pagbaba sakay ng ulap, pero nakaligtaan natin ang iba pang mga propesiya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon. Malaking pagkakamali ito! Maraming bahagi ng Bibliya ang naglalaman ng mga propesiya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon. Halimbawa, ipinropesiya ng Panginoon: ‘Narito, Ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw(Pahayag 16:15). ‘Datapuwat pagkahating gabi ay may sumigaw, “Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya”(Mateo 25:6). Nariyan din ang Pahayag 3:20, ‘Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko.’ At ang Lucas 17:24–25, ‘Sapagkat gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito.’ Binabanggit sa mga propesiyang ito ang pagbabalik ng Panginoon na gaya ng magnanakaw, at ang pagparito ng Anak ng tao; binabanggit doon na nangungusap Siya sa mga tao habang kumakatok sa pinto, at iba pa. Ipinapakita nito na pagdating sa pagbabalik ng Panginoon, maliban sa hayagang pagbaba Niya sakay ng ulap, bababa rin Siya nang lihim. Kung naniniwala tayo na babalik lang ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba sakay ng ulap, hindi puwedeng matupad ang mga propesiya tungkol sa pagparito Niya nang lihim. Maraming propesiya sa Biblia tungkol sa pagbabalik ng Panginoon sa mga huling araw. Kung iwawaksi natin ang iba pang mga propesiya, at ililimita natin ang paraan ng pagbabalik ng Panginoon sa Kanyang pagbaba sakay ng puting ulap batay lang sa isa o dalawang bahagi ng Bibliya, malamang na mawalan tayo ng pagkakataong sumalubong sa Kanyang pagbabalik, at malamang na hindi Niya tayo tanggapin.” Dahil dito, inilabas kaagad naming mag-asawa ang aming Bibliya at sinuring isa-isa ang mga salita sa talatang ito. Nang gawin namin iyon, naisip ko, “Talaga nga palang sinasabi sa mga talatang ito na babalik ang Panginoon nang lihim, kaya mukhang hindi lang ang pagbaba ng Panginoon sakay ng ulap ang tanging paraan ng Kanyang pagbabalik. Talagang naimulat nito ang mga mata ko.”

Patuloy naming pinanood na mag-asawa ang pelikula. Nagpatuloy si Brother Zhao sa kanyang pagbabahagi, na sinasabing, “Ipinropesiya sa Bibliya na paparito ang Panginoon ‘gaya ng magnanakaw,’ at, ‘Datapuwat pagkahating gabi ay may sumigaw, “Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya”(Mateo 25:6). ‘Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito(Lucas 17:25). Natupad ang mga propesiyang ito sa pagpapakita at gawain ng Makapangyarihang Diyos. Sa tingin, mukha Siyang isang karaniwang tao. Nangungusap Siya mula sa normal na pagkatao. Sino ang makakaisip na Siya ang pagpapakita ng Panginoon? Lubos na tinutupad nito ang propesiya na babalik ang Panginoon na ‘gaya ng magnanakaw.’ Nagpapatotoo ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa lahat ng naghahanap sa pagpapakita ng Diyos, at matiyaga nilang ibinabahagi ang Kanyang mga salita. Ito ang Panginoon na kumakatok sa pinto! Simula nang magpakita at gumawa ang Makapangyarihang Diyos, patuloy na Siyang sumailalim sa malulupit na pagtugis at pag-uusig ng CCP, at nagdanas Siya ng baliw na pagkalaban, pagkondena, at pagtanggi ng mundo ng mga relihiyon. Marami pa ngang masasamang espiritu at demonyo na hayagang umatake, nagkondena, at lumapastangan sa Makapangyarihang Diyos online. Lubos nitong tinutupad ang propesiyang sinabi ng Panginoon: ‘Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito.’ Kung hayagan nang bumaba ang Panginoon sakay ng ulap nang may dakilang kaluwalhatiang tulad ng iniisip ng mga tao, tiyak na luluhod sa pagsamba ang mga panirang damo, kambing, masasamang lingkod, at anticristo para tanggapin ang Makapangyarihang Diyos. Paano naman sila mailalantad kung gayon? Pumarito na ang Makapangyarihang Diyos at nagpahayag ng lahat ng katotohanang nagpapadalisay at nagliligtas sa sangkatauhan, at ginagawa Niya ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Nakikinig ang Kanyang mga tupa sa Kanyang tinig, at pinakikinggan ng matatalinong dalaga mula sa bawat denominasyon ang mga salitang naipahayag ng Makapangyarihang Diyos at alam nilang katotohanan ang mga iyon, at na tinig iyon ng Diyos, at bumaling na silang lahat sa Makapangyarihang Diyos. Ito ang pagdadala. Dinala na ang mga taong ito sa harap ng luklukan ng Diyos, at tumatanggap ng paghatol at pagkastigo sa harap ng hukumang-luklukan ni Cristo. Sila ang unang dadalisayin, gagawing mga mananagumpay ng Diyos, at magiging mga unang bunga. Lubos nitong tinutupad ang propesiyang ito mula sa Pahayag 14:4–5, ‘Ang mga ito’y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagkat sila’y mga malilinis. At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero. At sa kani-kanyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis.’ Matapos bumaba nang lihim ang Diyos at gawin ang grupong ito ng mga mananagumpay, makukumpleto na ang Kanyang dakilang gawain. Pagkatapos niyon, bababa Siya sakay ng ulap at magpapakita sa lahat ng bansa at lahat ng tao. Tutuparin niyan ang Pahayag 1:7, ‘Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya.’ Ito ang magiging tagpo ng hayagang pagbaba ng Panginoon sakay ng ulap, at makikita Siya ng lahat. Makikita rin Siya ng mga kumalaban at kumondena sa Makapangyarihang Diyos na bumababa sakay ng ulap, kaya nga ‘lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya.’ Gumagawa ang Diyos sa paisa-isang yugto at ayon sa isang plano; ang mga propesiya tungkol sa pagbalik ng Panginoon ay halos natupad nang lahat ngayon, kaya ang natitira na lang na tutuparin ay ang mga propesiya ng hayagang pagbaba ng Diyos sakay ng ulap pagkaraan ng mga sakuna.” Nakikitang makatwiran at batay sa mga katunayan ang pagbabahagi ni Brother Zhao, nalaman ko sa puso ko na nagbalik na nga ang Panginoon, na nagkatawang-tao Siya at naparito sa piling natin nang lihim. Natanto naming mag-asawa kung gaano kami naging hangal na lagi kaming nakakapit sa ideya na bababa ang Panginoon sakay ng mga ulap, pero kasabay nito, nagalak kaming marinig ang magandang balita ng pagparito ng Panginoon nang lihim. Hindi namin napigilang isipin, “Kaya pala napakatindi ng awtoridad at kapangyarihan ng mga salitang ito, at parang tinig ang mga ito ng Diyos. Lumalabas na tunay ngang mga salita ito na sinambit ng Diyos Mismo!” Puno ng katuwaan, patuloy naming pinanood ang pelikula. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at ito ay kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na ‘Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo’ ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng pagsumpa. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang(“Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nang marinig ko ang mga salitang ito, inisip ko kung ang katagang “tinatawag na banal” ay tumutukoy sa mga taong hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos kapag naparito Siya nang lihim, at naghihintay lang na bumaba ang Panginoong Jesus sakay ng ulap? Sa lahat ng taon na ito, halos buong mundo ng mga relihiyon ay naghihintay na bumaba ang Panginoong Jesus sakay ng mga ulap. Pero malinaw na isinasaad ng mga salitang ito na kung pikit-mata tayong kumakapit sa ideya ng pagbaba ng Panginoon sakay ng mga ulap at tumatangging tanggapin ang katotohanan na naparito na ang Diyos nang lihim sa piling natin, sa huli ay mapaparusahan tayo ng Diyos, dahil pagsapit ng oras na iyon ay tapos na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw na paghatol, paglilinis, at ganap na pagliligtas sa tao. Mabagsik ang tono ng mga salitang ito, dala ng mga ito ang hindi malalabag na disposisyon ng Diyos, puno ang mga ito ng awtoridad at kapangyarihan, at pinupuspos tayo ng pagpipitagan at takot. Kasabay nito, pinaaalalahanan tayo ng mga salitang ito, gayundin ng payo at panghihikayat, sa pag-asang baka maging mga tao tayo na naghahanap at tumatanggap ng katotohanan, at hindi pikit-matang nililimitahan ang gawain ng Diyos o ikinakaila ang katotohanan na nagbalik na ang Panginoon. Naakit kaming mag-asawa sa pelikulang ito at paulit-ulit naming pinanood iyon nang ilang beses. Talagang niyanig kami nang husto ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Tumagal nang maraming araw ang aming katuwaan.

Isang araw, tinawagan ko ang asawa ko habang papunta ako sa trabaho, at nang lalo naming pag-usapan iyon, lalo naming nadama na ang mga salitang ito ay mga salita nga ng Diyos. Tuwang-tuwang sinabi niya sa akin, “Kailangan lang tayong magkaroon ng aklat na ito!” Sabik na sabik kaming malaman kung ano ang susunod na gagawin at kung paano kami dapat sumalubong sa Panginoon, kaya pagdating ko sa bahay mula sa trabaho noong araw na iyon, hinanap naming mag-asawa online ang “Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos” at natagpuan namin ang opisyal na website nila. Nang makapasok kami roon, nakita namin ang aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao at lubhang nasabik kami. Una, nabasa namin sa Paunang Salita na sinasabi ng Makapangyarihang Diyos na: “Ang ‘paniniwala sa Diyos’ ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Bukod pa riyan, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na paniniwala sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananampalataya na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa paniniwala na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, pinalulugod ang kalooban ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na ‘pananampalataya sa Diyos.’ Subalit madalas ituring ng mga tao ang paniniwala sa Diyos bilang isang simple at walang-kabuluhang bagay. Nawala na sa mga taong naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas.” Hindi ko napigilang isipin kung gaano kadakila ang mga salitang ito, at nalaman ko na talagang katotohanan ang mga ito. Ganap na binago ng mga salitang ito ang dati kong mga konsepto tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Dati-rati, ang alam ko lang ay na kailangan naming basahin nang madalas ang Bibliya, magdasal nang madalas, at makinig nang madalas sa mga sermon, at naniwala kami sa Diyos para mapagpala at mabiyayaan lang. Wala kaming ideya na ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang maranasan ang mga salita at gawain ng Diyossa pundasyon ng paniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ipinaliwanag ng mga salitang ito ang tunay na kahulugan ng pananampalataya sa Diyos nang napakalalim at napakamasusi, at nagbigay ng napakalinaw na daan pasulong. Lalo akong nakumbinsi na ang mga salitang ito ay nagmula sa Diyos at na ang mga ito ang tinig ng Diyos, dahil Diyos lamang ang kayang mangusap tungkol sa katotohanan at sa tunay na kahulugan ng pananampalataya sa Diyos nang napakalinaw.

Patuloy kaming nagbasa, at nakita namin na sinasabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang Diyos at ang tao ay hindi maaaring banggitin nang magkapantay. Ang Kanyang diwa at Kanyang gawain ay pinakamahirap na maaarok at maintindihan ng tao. Kung hindi personal na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at sinasambit ang Kanyang mga salita sa mundo ng tao, hindi mauunawaan ng tao ang kalooban ng Diyos kailanman. Kaya nga, kahit yaong mga naglaan na ng kanilang buong buhay sa Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon. Kung hindi sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain, gaano man kahusay gumawa ang tao, mababalewala iyon, dahil ang mga iniisip ng Diyos ay laging magiging mas mataas kaysa mga iniisip ng tao, at ang karunungan ng Diyos ay hindi kayang maintindihan ng tao. Kaya nga sinasabi Ko na yaong mga nagsasabing ‘lubos na nauunawaan’ nila ang Diyos at ang Kanyang gawain ay walang kakayahan; lahat sila ay hambog at mangmang. Hindi dapat bigyang-kahulugan ng tao ang gawain ng Diyos; bukod pa riyan, hindi kayang ilarawan ng tao ang gawain ng Diyos. … Yamang naniniwala tayo na mayroong Diyos, at yamang nais nating palugurin Siya at makita Siya, dapat nating hanapin ang daan ng katotohanan, at dapat tayong humanap ng daan upang makaayon ng Diyos. Hindi tayo dapat makipagmatigasan sa paglaban sa Kanya. Anong kabutihan ang posibleng mangyari sa gayong mga pagkilos?(Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Matapos basahin ang siping ito, natanto namin na tayo ay mga nilikhang nilalang lamang, walang-kabuluhan magpakailanman. Ang Diyos naman, sa kabilang dako, ay magiging Diyos magpakailanman. Napakaraming hiwaga sa Kanyang mga salita at gawain na hindi natin maaarok. Dapat tayong magkaroon ng mapagpakumbaba at mapaghanap na saloobin sa Kanyang gawain, hindi tayo maaaring gumawa na lang ng mga konklusyon nang basta-basta. Tapos ay binasa namin ang iba pang mga salita ng Diyos na nagsabing, “Maaaring nabuksan mo na ang aklat na ito para sa layuning magsaliksik, o sa hangaring tanggapin ito; anuman ang iyong saloobin, umaasa Akong babasahin mo ito hanggang dulo, at hindi mo ito agad isasantabi(Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nang mabasa ko ito, nadama ko kung gaano katapat ang mga salitang ito, na para bang tuwirang nangungusap ang Diyos sa atin, inaakay tayong hanapin ang Kanyang mga salita at gawain. Nagpasya akong patuloy na basahin ang aklat na ito at makipag-ugnayan sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos.

Nagpadala kami ng mensahe gamit ang chat function sa website ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at sumagot kaagad sa amin ang mga kapatid mula sa Iglesia. Tapos niyon, madalas na kaming nagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos na kasama ang mga kapatid online, na ibinabahagi ng bawat isa sa amin ang aming mga karanasan at pagkaunawa. Habang parami nang parami ang nababasa kong mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nalaman ko ang maraming katotohanan, tulad ng kung paano isinasagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, ang pagkakaiba sa pagitan ng maligtas at ng magtamo ng ganap na kaligtasan, kung ano ang ibig sabihin ng madala, kung anong uri ng tao ang maaaring pumasok sa kaharian ng langit, at ang hiwaga ng pagkakatawang-tao. Sinasabi sa salita ng Makapangyarihang Diyos: “Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng patnubay ng Diyos. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay(Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). “Mula sa gawain ni Jehova hanggang sa gawain ni Jesus, at mula sa gawain ni Jesus hanggang sa gawain sa kasalukuyang yugto, ang tatlong yugtong ito ay sumasaklaw sa kabuuang lawak ng pamamahala ng Diyos, at lahat ng ito ay gawain ng isang Espiritu. Mula nang likhain ang mundo, lagi nang pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan. Siya ang Simula at ang Wakas, Siya ang Una at ang Huli, at Siya ang Siyang nagpapasimula ng kapanahunan at Siyang naghahatid sa kapanahunan sa katapusan nito. Ang tatlong yugto ng gawain, sa magkakaibang kapanahunan at lugar, ay tiyak na gawain ng isang Espiritu. Ang lahat ng naghihiwalay sa tatlong yugtong ito ay sumasalungat sa Diyos(“Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Matapos basahin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, naunawaan ko na tinupad lang ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan, at hindi ang gawain ng paghatol, paglilinis, at lubos na pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kahit ang ating pananampalataya sa Panginoon ay nangangahulugan na napatawad ang ating mga kasalanan, hindi napapawi ang ating makasalanang kalikasan, at iyon ang dahilan kaya madalas pa rin tayong nagkakasala at nangungumpisal, at kaya hindi natin nagagawang kumawala sa mga tanikala ng kasalanan. Sa pundasyon ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus, ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan at isinasagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw upang linisin at iligtas ang tao nang lubusan. Ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus ay iisang Diyos, na may magkaibang pangalan at nagsasagawa ng magkaibang gawain sa iba’t ibang kapanahunan. Sa pagdanas lamang ng gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw maaaring malinis ang ating mga tiwaling disposisyon at maaari tayong maging marapat na makapasok sa kaharian ng Diyos. Napakahalagang malaman natin ang impormasyong ito! Ibinunyag sa atin ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang mga hiwagang ito tungkol sa gawain ng Diyos, at nayanig kami nang lubusan. Tunay ngang ito ang mga salita at tinig ng Diyos! Dahil Diyos lamang ang maaaring maghayag ng mga hiwaga ng gawain ng Diyos, Diyos lamang ang maaaring magwakas sa lumang kapanahunan at maglunsad ng bago. Walang taong makakagawa nito.

Nakita rin namin na naglabas ng maraming katotohanan ang Makapangyarihang Diyos na may kaugnayan sa pagsasagawa, tulad ng mga prinsipyo ng pananampalataya, mga prinsipyo ng katapatan, mga prinsipyo ng pagsunod sa Diyos, at mga prinsipyo ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Tunay ngang pinagyayaman at ganap na tinutupad ng mga ito ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). Lubos kaming nakumbinsi na talaga ngang nagbalik na ang Panginoong Jesus, na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay mga pagpapahayag ng Diyos, at na ang mga ito ang balumbon na ipinropesiya sa Pahayag. Sa pagbasa sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos, naunawaan namin ang maraming katotohanang hindi namin naunawaan kailanman, at sa pagdarasal sa Makapangyarihang Diyos at pagbasa sa Kanyang mga salita, lahat ng problemang nakaharap namin sa pang-araw-araw naming buhay ay nalutas. Talagang nagsimula kaming mamuhay ng buhay na harapan sa Diyos, napakapalad namin! Natutuhan ko na talagang mahalagang marinig ang tinig ng Diyos pagdating sa pagsalubong sa Panginoon!

Sinundan: 87. Ang Nakamit Ko Mula sa Pagkakawasto

Sumunod: 90. Muling Pagharap sa Karamdaman

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito