62. Mga Pagninilay Matapos ang Bulag na Pagsamba sa mga Tao

Ni Jiang Ling, Tsina

Nung ako’y naging lider ng iglesia noong 2019, nakilala ko ang dalawang nakatataas na lider. Kapag nagbabahagi sila ng katotohanan at tumutugon sa mga isyu, hinaharap nila ang puno’t dulo ng usapin, ibinabahagi at sinusuri ang mga bagay mula sa ibabaw, hanggang sa lumalim, sa maayos na paraan. Ramdam ko na ako’y nakinabang sa pakikinig dito. Naisip kong may malawak silang pananaw sa mga bagay-bagay, na sila ay may realidad ng katotohanan. Sa aking limitadong karanasan sa buhay, naisip kong kapag may mga ganyang tao na gagabay sa akin, tiyak na mabilis akong uunlad at lalo ko pang matututuhan ang katotohanan, at masisiguro ang aking kaligtasan. Pagkatapos nun, anumang isyu o paghihirap ang hinaharap ko sa aking gawain, ang una kong ginagawa ay sulatan sila, humihingi ng tulong. Mabusisi sila at nagkakaloob ng mga direksyon sa patnubay sa kanilang mga tugon, nagbibigay ng mga solusyon sa mga problema ko. Hinangaan ko sila at lalo pa akong umasa sa kanila. Sa paglipas ng panahon, hinahanap ko sila para humingi ng tulong na lutasin ang bawat isyu, malaki at maliit, kahit sa mga pangkalahatang gawain. Sa tuwing ako ay nasa negatibong kalagayan, hindi ako tumutuon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at paghahanap ng katotohanan, o sa pagbabahagi sa sister na kapareha ko, bagkus ay naghihintay ako ng pagtitipon kasama ang mga lider na ‘yon para malutas ito. Kapag nagbabahagi sila sa mga pagtitipon, nakikinig ako nang masinsinan at masigasig na nagtatala, natatakot na may makaligtaan ako. Sa mga pagtitipon, madalas nilang ipaalam at suriin ang aming mga problema, at agad nila kaming pupunahin kung makikipagtalo kami at ipagtatanggol namin ang aming mga sarili kapag iwinawasto kami. Minsan kapag nagpakita ako ng katiwalian na mismong ako ay walang kamalayan, naipapaalam nila ang mga nakatagong motibo sa mga ‘yon at nasusuri ang kalikasan ng mga kilos ko. Lalo nitong pinalakas ang pakiramdam ko na nauunawaan nila ang katotohanan at tinataglay ang realidad nito, kaya lalo ko pa silang tiningala at hinangaan. Pero matapos ko silang makilala sa maikling panahon, napagtanto ko na kapag lumulutas sila ng mga problema, ipinapaalam lang nila ang tiwaling disposisyon na aming ipinakita, pero halos hindi ibinabahagi ang ipinakita nilang katiwalian o ang kanilang aktwal na mga karanasan. Kadalasan ay sinasabi lang nila ang sarili nilang positibong pagpasok, na para bang wala silang kahit na anong katiwalian at tunay na nakapagsasagawa sila ng katotohanan. Medyo nadama ko na tila nakatuon silang ganap sa gawain at wala silang anumang pagpasok sa buhay, gayunpaman, naisip ko na nagagawa nilang makita ang mga isyu ng iba at nagagabayan nila ang aming gawain, kaya hindi ba iyon isang uri ng pagpasok sa buhay at realidad? Kaya, patuloy ko silang hinangaan, inidolo, at ginaya ko pa ang kanilang istilo ng paggawa. Nang makakita ako ng mga isyu sa mga tungkulin ng mga kapatid, o ng tiwaling disposisyon na kanilang inihayag, katulad ng mga lider na ‘yon, walang tigil ko silang inilantad at iniwasto. Bilang resulta, ang iba sa kanila ay nalugmok sa pagiging negatibo at natakot sa akin; napigilan ko sila. Masyado ko silang hinangaan, kaya nang naharap ako sa mga isyu, hindi ako sumandal sa Diyos at naghanap ng katotohanan, bagkus ay sila ang aking hinanap para ayusin ang mga bagay-bagay. Unti-unti, naramdaman kong ang aking pag-iisip ay lalong lumalabo at mas naguguluhan ako sa mga bagay-bagay. Sa kalagayan ng mga kapatid at mga isyu sa gawain, hindi ko talaga maintindihan ang mga bagay-bagay. Hindi ko alam kung anong gagawin sa mga problemang nalulutas ko naman noon. Hindi ko maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu, at lalo akong nawalan ng kakayahan, pero hindi pa rin ako nagnilay sa aking sarili.

Isang araw noong Abril, nakatanggap ako ng hindi inaasahang balita na ang dalawang lider na ‘yon ay umamin sa pagkakamali at nagbitiw, na sila ay nalantad bilang mga huwad na lider, mga taong hindi naghahanap ng katotohanan. Hindi talaga ako makapaniwala na ito ay totoo. Sa loob ng ilang araw, isip ako nang isip kung paano nila nagawang umamin sa pagkakamali at magbitiw. Napakarami nilang alam at may kakayahan sa gawain. Nailantad sila bilang mga taong hindi naghahanap ng katotohanan at hindi ako pumantay sa kanila, kaya magagawa ko ba nang mabuti ang tungkulin ko at maililigtas ba ako ng Diyos kung patuloy kong isasagawa ang aking pananampalataya nang ganoon? Balisa talaga ako noong panahong ‘yon. Naisipan ko pa ngang umamin sa pagkakamali at magbitiw. Pero malinaw na malinaw kong nakikita na wala ako sa tamang kalagayan. Tinanong ko ang aking sarili kung ang aking pananampalataya ay nasa Diyos, o nasa tao. Bakit magkakaroon ng ganoon kalaking epekto sa akin ang pagbibitiw ng dalawang nakatataas na lider, hanggang sa puntong pakiramdam ko ay wala akong pag-asa na mailigtas ng Diyos? Napagtanto kong may puwang sa aking puso para sa mga tao, na nakalabag sa disposisyon ng Diyos. Natatakot, dali-dali akong nagdasal, hinihiling sa Diyos na gabayan ako para malaman ko ang sarili kong katiwalian. Kinabukasan, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ang pinakamabuting gawin ng mga taong nagsasabi na sumusunod sila sa Diyos ay imulat ang kanilang mga mata at tumingin nang husto upang makita kung sino talaga ang pinaniniwalaan nila: Ang Diyos ba talaga ang pinaniniwalaan mo, o si Satanas? Kung alam mo na hindi ang Diyos ang pinaniniwalaan mo, kundi ang sarili mong mga idolo, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Kung talagang hindi mo alam kung sino ang iyong pinaniniwalaan, muli, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Ang pagsasabi niyon ay kalapastanganan! Walang sinumang pumipilit sa iyo na maniwala sa Diyos. Huwag ninyong sabihing naniniwala kayo sa Akin; sawa na Ako sa ganyang pananalita, at ayaw Ko nang marinig iyong muli, dahil ang pinaniniwalaan ninyo ay ang mga idolo sa inyong puso at ang lokal na mga maton sa inyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nakapupukaw-damdamin para sa akin, lalo na ang bahagi na, “imulat ang kanilang mga mata at tumingin nang husto upang makita kung sino talaga ang pinaniniwalaan nila.” Labis ‘yong nakaaantig para sa akin—naramdaman kong tinatawag ako ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw sa lahat ng aking mga interaksyon sa mga lider na ‘yon, dahil nakita kong malinaw at sistematiko ang paraan nila ng paglutas sa mga bagay-bagay at organisado sila sa kanilang pananalita, pakiramdam ko’y alam nila ang katotohanan at taglay nila ang realidad ng katotohanan, at kung mas makikipagbahaginan ako sa kanila mas mabilis akong uunlad sa buhay at masisiguro ko ang aking kaligtasan. Kaya anumang isyu o paghihirap ang aking hinarap, imbes na sumandig sa Diyos at hanapin ang katotohanan para sa resolusyon, lagi ko silang hinahanap at sinasandigan, at ginagawa ang anumang sabihin nila. Sa aking puso, naging mga idolo ko na sila, mga sandigan ko. Ngayon na umamin sila sa pagkakamali at nagbitiw, pakiramdam ko’y wala akong direksyon, walang landas sa sarili kong tungkulin. At sa wakas napagtanto ko na noon pa’y sumasandig at umaasa ako sa mga tao, hindi sa Diyos. Sa panlabas, may pananampalataya ako sa Diyos at gumagawa ng tungkulin, at araw-araw akong nananalangin sa Diyos, pero wala talagang puwang para sa Diyos sa aking puso. Lagi akong naghahanap ng mga tao at nakikinig sa kanila sa tuwing nahaharap sa mga isyu. Malinaw na nananalig ako sa mga tao, pero sinasabi ko pa ring nananalig ako sa Diyos. Dinadaya ko ang Diyos, nilalapastangan Siya! Naisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos. “Ang mga taong nananalig sa Diyos ay dapat sumunod sa Diyos at sumamba sa Kanya. Huwag mong dakilain o tingalain ang sinumang tao; huwag mong unahin ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat isaalang-alang ang mga tao—lalo na ang iyong mga iginagalang—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito katanggap-tanggap para sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Naramdaman ko talaga na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi maaaring malabag. Malinaw na sinasabi sa atin ng Diyos na sa ating pananampalataya, kailangan nating sambahin ang Diyos at igalang Siya bilang dakila. Dapat tayong sumandig sa Diyos at tumingala sa Kanya, at hindi tumingala sa tao. Lubos Niyang hindi papayagan ang sinuman na purihin at sundin ang taong nagkukunwaring nananampalataya sa Kanya. Iyan ay isang paglabag sa disposisyon ng Diyos, na hindi Niya pahihintulutan. Sa ilang sandali, nanalangin ako sa Diyos nang husto, at nagnilay kung bakit labis kong hinangaan ang dalawang lider na ‘yon. Nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos na nakatulong sa aking maunawaan nang bahagya ang isyu na ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang paniwalaan ang gawain ni Cristo at mabigat sa kalooban mong tanggapin ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa paggalang magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). “Anuman ang antas ng isang lider o manggagawa, kung sinasamba ninyo siya dahil sa pagkaunawa sa katiting na katotohanan at sa pagkakaroon ng kaunting kaloob, at naniniwala kayong taglay niya ang realidad ng katotohanan, at matutulungan niya kayo, at kung pinagpipitagan ninyo siya at umaasa sa kanya sa lahat ng bagay, at sinusubukang matamo ang kaligtasan sa pamamagitan nito, kahangalan at kamangmangan ito, at sa huli, ang lahat ng ito ay mauuwi lang sa wala, dahil ang pinagsimulan ay likas na mali. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, walang sinumang makahahalili kay Cristo, at kahit gaano pa siya kahusay, hindi ibig sabihin nito na taglay niya ang katotohanan—kaya ang mga sumasamba, nagpipitagan, at sumusunod sa mga tao ay palalayasin lahat sa huli, at kokondenahin silang lahat. Kapag ang mga tao ay naniniwala sa Diyos, maaari lamang nilang ipagpitagan at sundan ang Diyos. Anuman ang kanilang ranggo sa pamunuan, karaniwang tao pa rin ang mga lider at manggagawa. Kung itinuturing mo sila bilang mga direktang nakatataas sa iyo, kung sa pakiramdam mo ay nakalalamang sila kaysa sa iyo, na mas magaling sila kaysa sa iyo, at na dapat ka nilang pamunuan, na lagi silang nakatataas sa lahat ng iba pa, mali iyon—kahibangan mo iyon. At ano ang mga ibubunga ng kahibangang ito? Magiging dahilan ito para sukatin mo ang iyong mga lider laban sa mga hinihingi na hindi naaayon sa realidad, at hindi mo magagawang tratuhin nang tama ang mga problema at pagkukulang na mayroon sila; kasabay nito, nang hindi namamalayan, maaakit ka rin nang lubusan sa kanilang pambihirang katangian, mga kaloob at talento, kaya bago mo pa malaman, sinasamba mo na sila, at naging mga Diyos mo na sila. Ang landas na iyon, mula sa sandaling nagsisimula na silang maging huwaran mo, pakay ng pagsamba mo, hanggang sa sandaling maging isa ka sa kanilang mga tagasunod, ang aakay sa iyo palayo sa Diyos nang hindi mo namamalayan. At kahit habang unti-unti kang lumalayo sa Diyos, maniniwala ka pa rin na sumusunod ka sa Diyos, na ikaw ay nasa sambahayan ng Diyos, na ikaw ay nasa presensya ng Diyos. Ngunit sa totoo lang, natangay ka na pala palayo ng mga kampon ni Satanas, ng mga anticristo, at ni hindi mo madarama ito—na isang lubhang mapanganib na kalagayan. Para malutas ang problemang ito, kinakailangan, sa isang banda, na makilala ang kalikasan at diwa ng mga anticristo, na mahalata ang pangit na hitsura ng pagkapoot ng mga anticristo sa katotohanan at ng paglaban nila sa Diyos; gayundin, kinakailangang maging pamilyar sa mga madadalas gamiting diskarte ng mga anticristo sa panloloko at panlilinlang ng mga tao, pati na ang paraan kung paano nila ginagawa ang mga bagay-bagay. Sa kabilang banda naman, dapat ninyong hangarin ang kaalaman sa disposisyon at diwa ng Diyos, dapat maging malinaw sa inyo na si Cristo lamang ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at na ang pagsamba sa kaninumang tao ay magdadala sa inyo ng kapahamakan at kasawian. Dapat magtiwala kayo na si Cristo lamang ang makapagliligtas sa mga tao, at dapat ninyong sundan at sundin si Cristo nang may lubos na pananampalataya. Ito lamang ang tamang landas ng pag-iral ng tao. Maaaring sabihin ng ilan: ‘May mga dahilan nga ako sa pagsambang ginagawa ko sa mga lider—sa puso ko, natural kong sinasamba ang sinumang may talento, sinasamba ko ang sinumang lider na naaayon sa aking mga kuru-kuro.’ Bakit mo ipinipilit na sambahin ang tao bagaman naniniwala ka sa Diyos? Matapos sabihin at gawin ang lahat, sino ba ang magliligtas sa iyo? Sino ang tunay na nagmamahal sa iyo at nagpoprotekta sa iyo—hindi mo ba talaga nakikita? Kung nananalig ka sa Diyos at sinusundan mo ang Diyos, dapat kang makinig sa Kanyang salita, at kung may nagsasalita at gumagawa nang wasto, at umaayon ito sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi pa ba tama ang pagsunod sa katotohanan? Bakit napakasama mo? Bakit ka nagpupumilit na humanap ng isang taong sinasamba mo para sundin? Bakit mo ba gustong maging alipin ni Satanas? Bakit hindi ka na lang maging isang lingkod ng katotohanan? Ipinapakita nito kung may katinuan at dignidad ang isang tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem: Sila ay Kumikilos sa Mapanlinlang na mga Paraan, Sila ay Wala sa Katwiran at mga Diktador, Hindi Sila Kailanman Nakikipagbahaginan sa Iba, at Pinipilit Nila ang Iba na Sundin Sila). Noong nabasa ko ang mga sipi na ito, naramdaman kong ako ay isang alipin ni Satanas, tulad ng inilarawan ng Diyos. Ginusto kong sambahin at sundin ang mga tao. Hinangaan ko ‘yung mga may katayuan, may mga kaloob na magagaling magsalita. Nang makitang nauunawaan ng mga nakatataas na lider na ‘yun ang pinakamahalagang bahagi ng mga bagay-bagay sa tuwing nagbabahagi ng katotohanan at lumulutas ng mga isyu, idagdag pa ang makitang malinaw at maayos ang kanilang pagbabahagi, naakit ako sa kanilang mga kaloob at sa kanilang kakayahan sa paggawa. Naramdaman kong nauunawaan nila ang katotohanan at taglay nila ang realidad ng katotohanan, kaya bulag akong humanga at umasa sa kanila. Akala ko sa pangunguna nila sa akin, matututuhan ko ang katotohanan at magagawa ang aking trabaho nang maayos, na mabilis akong uunlad sa buhay at magkakaroon ng pag-asang mailigtas, at kung wala ang kanilang tulong at patnubay, ang aking pag-asa sa kaligtasan ay liliit. Gulong-gulo ako, bulag na bulag! Ang Diyos ang pinagmumulan ng katotohanan. Ang Diyos lamang ang makapagbibigay sa mga tao ng katotohanan, makalulutas sa ating mga problema at paghihirap, at makapagliligtas sa atin mula sa mga pwersa ni Satanas. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, anuman ang kanyang taglay na kaloob o abilidad, isa pa rin siyang taong ginawang tiwali ni Satanas, at hindi natin siya maaaring sandigan o sambahin. Kahit na bilang isang mananampalataya, walang puwang ang Diyos sa puso ko. Sa pagharap sa mga problema, hindi ako kailanman umasa sa Diyos o naghanap ng katotohanan, bagkus ako’y naghintay sa mga taong ‘yon na dumating at ayusin ang mga bagay-bagay. Hindi ba’t kahangalan ‘yon? Ang mga lider na ‘yon ay may kabatiran sa ilang problema at kaya nilang ipaliwanag ang kanilang pagkaunawa, pero ito na ang lahat ng natutuhan nila mula sa mga salita ng Diyos. Isa pa, gaano man sila katalino o kagaling magsalita, mga tiwaling tao lang sila at hindi man lang nagtataglay ng katotohanan. Kinailangan din nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at kailangan nila ang pagliligtas ng Diyos. Pero sinamba at tiningala ko sila. Ginusto ko pa ngang umasa sa kanila sa aking landas ng pananampalataya patungo sa kaligtasan. Isa talaga akong mangmang. Nakatatakot para sa akin na makita ito. Kailanman ay hindi ko naisip na titigil ako sa paghahanap ng katotohanan, na ako’y bulag na sasamba sa mga tao, na maglalagay ako ng isang tao sa pedestal sa aking puso na mas mataas pa sa Diyos. Inilayo ko na ang aking sarili sa Diyos at ipinagkanulo Siya—nasa landas ako na laban sa Diyos! Pinuno ako ng kaisipang ito ng pagkakonsensya at pagsisisi, at gusto kong magsisi sa Diyos.

Kalaunan, nalaman ko ang dahilan ng pagbibitiw ng dalawang nakatataas na lider na ‘yon. Ang isa sa kanila ay naghahangad ng reputasyon at katayuan, at laging gustong magpakitang-gilas at hangaan sa kanyang gawain. Nung walang mga resulta sa kanyang gawain, siya ay nanlumo at nagpakatamad. Maraming beses sinubukan ng mga kapatid na magbahagi at tumulong sa kanya, pero hindi siya nagbago. Sa huli, wala siyang natatapos na totoong gawain, kaya siya nagbitiw. Ang isa naman ay hinadlangan ng kanyang pamilya at nagreklamo sa hirap ng pananampalataya sa Diyos, kaya isinuko niya ang kanyang tungkulin at umuwi upang mamuhay kasama ang kanyang pamilya. Nagulat ako nang marinig ko ‘yon. Karaniwan silang nagsasalita nang may kayabangan sa kanilang pagbabahagi sa mga pagtitipon at matatas sa paglutas ng problema ng iba, kaya paanong nanghina sila nang sila mismo ang humarap sa kaparehong mga isyu? Bakit hindi nila maisagawa ang katotohanan? Akala ko dati ay kaya nilang isagawa ang katotohanan, na taglay nila ang realidad ng katotohanan, pero sa wakas nakita ko na wala talaga silang taglay na realidad ng katotohanan. Nagmaktol sila at iwinaksi ang kanilang mga tungkulin nang may magkompromiso sa kanilang mga interes. Hindi talaga nila hinangad ang katotohanan. Ang matayog na imahe nila sa aking puso ay gumuho sa isang iglap.

Kalaunan, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos tungkol sa isyung ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang hawakan ang mga salita ng Diyos at magawang ipaliwanag ang mga ito nang hindi nahihiya ay hindi nangangahulugan na taglay mo ang realidad; ang mga bagay ay hindi kasing-simple ng iyong iniisip. Kung nagtataglay ka ng realidad ay hindi nababatay sa kung ano ang iyong sinasabi; sa halip, nababatay ito sa iyong isinasabuhay. Kapag naging buhay at likas na pagpapahayag mo ang mga salita ng Diyos, saka lamang masasabi na taglay mo ang realidad, at saka ka lamang maituturing na nagkamit ng tunay na pagkaunawa at totoong tayog. Kailangan mong matagalan ang pagsusuri sa loob ng mahabang panahon, at kailangan mong maisabuhay ang wangis na hinihingi ng Diyos. Hindi ito dapat maging pakitang-tao lamang; kailangan itong likas na dumaloy mula sa iyo. Saka ka lamang tunay na magtataglay ng realidad, at saka ka lamang magkakamit ng buhay. … Gaano man kabagsik ang hangin at mga alon, kung maaari kang manatiling nakatayo nang wala ni katiting na pagdududang pumapasok sa iyong isipan, at maaari kang manindigan at manatiling malaya sa pagtanggi, kahit wala nang iba pang natitira, ituturing kang mayroong totoong pagkaunawa at tunay na nagtataglay ng realidad(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan ang Pagtataglay ng Realidad). “Ang mabubuting kawal ng kaharian ay hindi sinanay na maging isang grupo ng mga tao na kaya lamang magsalita tungkol sa realidad o magyabang; sa halip, sinanay silang isabuhay ang mga salita ng Diyos sa lahat ng oras, manatiling hindi sumusuko anumang mga dagok ang kinakaharap nila, at patuloy na mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos at huwag bumalik sa mundo. Ito ang realidad na sinasabi ng Diyos; ito ang kinakailangan ng Diyos sa tao. Sa gayon, huwag isiping napakadali ng realidad na binabanggit ng Diyos. Ang kaliwanagan lamang mula sa Banal na Espiritu ay hindi kapantay ng pagtataglay ng realidad. Hindi gayon ang tayog ng tao—ito ang biyaya ng Diyos, kung saan walang iniaambag ang tao. Bawat tao ay kailangang tiisin ang mga pagdurusa ni Pedro, at, higit pa rito, taglayin ang kaluwalhatian ni Pedro, na kanilang isinasabuhay matapos nilang matamo ang gawain ng Diyos. Ito lamang ang matatawag na realidad(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan ang Pagtataglay ng Realidad). “Naaayon man sa katotohanan ang kaalamang sinasabi mo ay lubhang nakasalalay sa kung ikaw ay may praktikal na karanasan doon. Kapag may katotohanan sa iyong karanasan, magiging praktikal at mahalaga ang iyong kaalaman. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, magtatamo ka rin ng paghiwatig at kabatiran, mapapalalim mo ang iyong kaalaman, at madaragdagan ang iyong karunungan at sentido kumon tungkol sa kung paano ka dapat kumilos. Ang kaalamang ipinapahayag ng mga taong walang taglay na katotohanan ay doktrina, gaano man iyon katayog. Ang ganitong uri ng tao ay maaaring napakatalino pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa laman ngunit hindi matukoy ang mga kaibhan pagdating sa mga espirituwal na gawain. Iyan ay dahil ang gayong mga tao ay wala ni isang karanasan man lamang sa mga espirituwal na bagay. Sila ang mga taong hindi naliliwanagan sa mga espirituwal na gawain at hindi nauunawaan ang mga espirituwal na bagay. Anumang uri ng kaalaman ang ipahayag mo, basta’t tungkol iyon sa iyong pagkatao, iyon ay iyong personal na karanasan, iyong tunay na kaalaman. Ang tinatalakay ng mga taong nagsasalita lamang ng doktrina—yaong mga taong walang taglay na katotohanan ni realidad—ay maaari ding tawaging kanilang pagkatao, dahil nakarating sila sa kanilang doktrina sa pamamagitan lamang ng malalim na pagninilay-nilay at ito ang bunga ng kanilang malalim na pagbubulay-bulay. Subalit ito ay doktrina lamang, walang iba kundi imahinasyon!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao).

Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nakamumulat para sa akin. Labis kong hinangaan ang dalawang lider na ‘yon dahil hindi ko nauunawaan kung ano ang doktrina at kung ano ang realidad. Nang makita ko kung gaano katayog ng kanilang naging pagbabahagi sa mga pagtitipon, at na kaya nilang maglantad at magsuri ng katiwalian ng ibang tao, inakala kong taglay nila ang realidad ng katotohanan. Pero pagkatapos, natutuhan ko sa mga siping ito na ang pagbabahagi ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos at pagsusuri sa ilang isyu ay hindi pagtataglay ng realidad ng katotohanan. Ang pagkakaroon ng realidad ay tungkol sa pagbabasa ng mga tao ng mga salita ng Diyos, tapos ay pagtanggap at pagsasagawa sa mga ‘yon, pagpapasakop sa Diyos anumang pagsubok ang harapin nila, at pagkakaroon ng patotoo mula sa pagsasagawa ng katotohanan. Ang mga taong totoong may realidad ang tunay na nakauunawa sa sarili nilang tiwaling kalikasan, at may personal na karanasan sa mga salita ng Diyos. Kaya nilang gamitin ang kanilang praktikal na mga karanasan para gabayan at tulungan ang mga kapatid na pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. ‘Yung mga may realidad ng katotohanan ay gumagawa ng mga bagay-bagay sa isang maprinsipyong paraan at gumagawa ng kanilang tungkulin nang tapat. Anuman ang sitwasyon na kanilang harapin, maitataguyod nila ang gawain ng iglesia at maisasagawa ang kanilang sariling tungkulin. Kadalasang matatas na matatas ang dalawang lider na ‘yon sa kanilang pagbabahagi at tila kaya nilang lutasin ang mga problema ng ibang tao. Pero sa harap ng totoong mga isyu, isinuko nila ang kanilang mga tungkulin para protektahan ang kanilang sariling mga interes. Nakita kong nagbabahagi lamang sila ng doktrina, na ito ay hindi praktikal, at bumagsak sila sa unang tikim ng realidad. Pinatunayan nun na hindi sila naghangad ng katotohanan, at wala talaga silang taglay na realidad ng katotohanan. Gayundin, kapag tinutugunan nila ang mga problema ng ibang tao, ikinukumpara nila ang mga isyung ‘yon sa kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos para matulungan ang mga ito sa pagkaunawa ng mga ito, pero halos hindi sila nagsasabi ng kanilang sariling katiwalian at mga pagkukulang, o nagsusuri ng kanilang sariling mga maling motibo. Bihira ko silang marinig na magsalita tungkol sa kanilang mga karanasan ng paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan. Kadalasan ay nagmamataas sila, basta-bastang sinusuri at kinokondena ang iba, na para bang hindi sila tiwaling mga tao, na para bang wala silang tiwaling mga disposisyon. Ang ilang kapatid ay napaluha ng kanilang pagpuna at namuhay nang negatibo at may kahinaan, natatakot na makita sila, at napipigilan nila. Sa wakas, malinaw kong nakita na ang dalawang lider na ‘yon ay hindi man lamang nakapaglutas ng mga problema gamit ang katotohanan. Gumamit lang sila ng mga hungkag na doktrina, at umasa sa kanilang mga utak at karanasan sa gawain. Talagang hindi nila kayang lutasin ang aming mga isyu sa pagpasok sa buhay. Noon ay wala akong pagkakilala, bagkus ay sinamba at tiningala ko lang sila, at ginaya pa nga ang kanilang istilo ng paggawa. Napakabulag ko!

Nang makaranas ako ng mga paghihirap sa aking gawain matapos ‘yon, siniguro kong sumandig sa Diyos, umasa sa Kanya, at maghanap ng mga prinsipyo ng katotohanan. Sa sandaling panahon, may ilang gawaing hindi ko alam kung paano tatapusin at may mga isyung hindi ko alam kung paano tutugunan. Nagdasal ako at sumandig nang husto sa Diyos, at naghanap at nagbahagi kasama ang aking mga kapatid. Ang ilan sa mga isyung ‘yon ay nalutas sa ganoong paraan. Nakamit ko rin ang pagkaunawa sa ilang prinsipyo ng katotohanan at umusad ako nang kaunti sa aking gawain. Sa paglipas ng panahon, mas nagkaroon ako ng mas malaking tiwala sa aking tungkulin at umunlad ako sa aking pagpasok sa buhay. Nakaramdam ako ng kasiyahan. Sa puntong ito, matindi kong naramdaman na ang pag-asa sa Diyos sa aking tungkulin ay ang tanging paraan para magkaroon ng daan pasulong. Kung gusto kong magawa ang aking tungkulin nang maayos at makamit ang katotohanan, hindi talaga ako maaaring mawalay sa patnubay ng Diyos.

Sinundan: 61. Hindi Ako Nakapag-isip nang Malinaw Dahil sa Aking Emosyon

Sumunod: 63. Narinig Ko na sa Wakas ang Tinig ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito