61. Hindi Ako Nakapag-isip nang Malinaw Dahil sa Aking Emosyon

Ni Zhou Ming, Tsina

Hello

Huijuan,

Natanggap ko ang sulat mo. Sinabi mo sa sulat mo na pinaalis ang mga anak natin sa iglesia. Hindi ko talaga ito matanggap noong una. Naalala ko ilang taon na ang nakalipas nang umuwi ako, nagtitipon pa rin at gumaganap ng mga tungkulin sina Xiaotao at Xiaomin, kaya paanong naalis sila? Bagamat hindi talaga nila hinangad ang katotohanan, pareho silang totoo sa pananampalataya. Sobra ba ang hinihingi ng lider sa kanila? Mali ba ang pagpapaalis sa kanila? Itinuon ko pa ang mga reklamo ko sa iyo. Sinusunod ng mga anak natin ang mga gawi ng mundo, inaalala lang ang paghabol sa pera, at ayaw gumawa ng tungkulin o kumain at uminom ng salita ng Diyos. Nagtataka ako kung bakit hindi ka nakipagbahaginan sa kanila. Pakiramdam ko, kung nasa bahay lang sana ako, mas natulungan at nasuportahan ko sana sila at hindi ko sana hinayaang umabot sila sa puntong mapaalis. Ito ang mga isiping pumupuno sa utak ko, at nakahiga ako sa gabi, hindi makatulog, binabagabag ng masasayang alaala nating lahat, umaawit ng papuri sa Diyos at kumakain at umiinom ng Kanyang salita. Naalala kong sinabi ko sa iyo na umaasa akong ang pamilya natin ay hahangaring lahat ang katotohanan, maililigtas ng Diyos, at mamumuhay sa Kanyang kaharian, at kung gaano ito magiging kaganda. Hindi ko kailanman inasahan na habang patapos na ang gawain ng Diyos, malalantad ang mga anak natin bilang mga walang pananampalataya at mapapaalis sa iglesia. Hindi ba’t nangangahulugan ito na nawalan sila ng pagkakataon na mailigtas? Mas lalong sumama ang loob ko habang mas iniisip ito. Nang makita kong dumarami ang mga sakuna at lumalala ang pandemya, lalo akong nag-alala sa kinabukasan ng mga anak natin. Gusto ko pa ngang sumulat ng liham sa lider ng iglesia, para tanungin kung pwedeng manatili sa paglilingkod sa iglesia ang mga anak natin, para magkaroon ng kaunting pag-asa sa kanilang kaligtasan. Dahil maraming taon ang ginugol ko nang nasa tungkulin dulot ng mga pag-aresto ng CCP, pakiramdam ko ay hindi ko sila naalagaan at hindi ko nagampanan ang mga responsibilidad ko bilang ama nila. Pakiramdam ko ay may utang ako sa kanila. Huijuan, alam mo ba na habang namumuhay ako sa kalagayang iyon, napuno ng kadiliman at depresyon ang puso ko, at hindi ako makapagtuon sa tungkulin ko? Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, kaya nanalangin ako sa Diyos: “Diyos ko! Masakit sa akin na malamang napaalis sa iglesia ang mga anak ko. Bagamat alam kong pinahihintulutan Mo ito at dapat akong magpasakop, hindi ko lang kayang bitiwan ang mga anak ko at pakiramdam ko ay napakalaki ng utang ko sa kanila. Diyos ko! Bigyan mo po ako ng kaliwanagan para maunawaan ang katotohanan sa bagay na ito at hindi mapigilan ng aking mga emosyon.”

Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang salita ng Diyos. “Detalyado ang pagsasagawa ni Job, hindi ba? Pag-usapan muna natin kung paano niya tinrato ang kanyang mga anak. Ang layunin niya ay ang magpasakop sa pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay. Hindi siya sapilitang nagkusa na gawin ang anumang hindi ginawa ng Diyos, ni hindi siya gumawa ng anumang mga plano o kalkulasyon batay sa mga ideya ng tao. Sa lahat ng bagay, sumunod siya at naghintay sa pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ito ang kanyang pangkalahatang prinsipyo. … Paano tinrato ni Job ang kanyang mga anak? Tinupad lang niya ang kanyang responsibilidad bilang ama, ipinapangaral ang ebanghelyo at nagbabahagi sa katotohanan sa kanila. Gayunpaman, makinig man sila o hindi sa kanya, sumunod man sila o hindi, hindi sila pinilit ni Job na manalig sa Diyos—hindi niya sila pinuwersa, o pinakialaman ang kanilang buhay. Naiiba ang kanilang mga ideya at opinyon sa kanya, kaya hindi siya nakialam sa ginagawa nila, at hindi nakialam kung anong uri ng landas ang tinatahak nila. Bihira bang nagsalita si Job sa kanyang mga anak tungkol sa pananalig sa Diyos? Tiyak na natalakay sana niya nang sapat sa kanila ang tungkol dito, pero tumanggi silang makinig, at hindi tinanggap ito. Ano ang saloobin ni Job tungkol doon? Sabi niya, ‘Natupad ko na ang responsabilidad ko; sa kung anong uri ng landas ang tatahakin nila, iyon ay nakasalalay sa kanilang pipiliin, at ito ay nakasalalay sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung hindi gagawa ang Diyos, o pagagalawin sila, hindi ko susubukang pilitin sila.’ Kung kaya, hindi nagdasal si Job para sa kanila sa harap ng Diyos, o umiyak sa pagdadalamhati dahil sa kanila, o nag-ayuno para sa kanila o nagdusa sa anumang paraan. Hindi niya ginawa ang mga bagay na ito. Bakit hindi ginawa ni Job ang alinman sa mga bagay na ito? Dahil wala sa mga ito ang mga paraan ng pagpapasakop sa pamumuno at mga pagsasaayos ng Diyos; lahat ng ito ay nagmula sa mga ideya ng tao at mga paraan ng tahasang pamimilit ng isang tao na unahin ang kanyang kagustuhan. … Ang kanyang paraan ng pagsasagawa ay tama; sa bawat paraang nagsagawa siya, sa pananaw, saloobin at kalagayan kung paano niya tinrato ang lahat, palagi siyang nasa sitwasyon at kalagayan ng pagpapasakop, paghihintay, paghahanap, at pagkakamit ng kaalaman. Napakahalaga ng ganitong saloobin. Kung ang mga tao ay hindi kailanman magkakaroon ng ganitong uri ng saloobin sa anumang bagay na ginagawa nila, at talagang may matinding pansariling mga ideya at inuuna ang mga pansariling motibo at pakinabang bago ang lahat, talaga bang nagpapasakop sila? (Hindi.) Sa gayong mga tao ay hindi makikita ang tunay na pagpapasakop; hindi nila kayang makamit ang tunay na pagpapasakop(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos). Nang mabasa ko ang salita ng Diyos na naghahayag sa karanasan ni Job, nanliit at napahiya ako. Nakita ko na hindi umasa si Job sa mga emosyon sa pangangasiwa sa kanyang mga anak at nagawa niyang maging makatwiran. Bagamat ninais niyang mananalig sa Diyos ang mga anak niya at ilalayo ang sarili nila sa kasamaan para hindi sila lubos na magkasala at tumahak sa daan tungo sa pagkawasak, nang makita niyang hindi sila sumasamba sa Diyos at namumuhay sa imoralidad, hindi niya sila pinilit na baguhin ang kanilang mga gawi o pilitin silang tahakin ang isang partikular na landas. Nagpasakop lang siya sa mga pagsasaayos ng Diyos at umiwas sa pagkakasala sa Diyos. Kalaunan, nang durugin hanggang mamatay ang kanyang mga anak, hindi sinisi ni Job ang Diyos. Nakita ko na sa pangangasiwa sa kanyang mga anak, iginalang at sinunod ni Job ang Diyos. Pero ako, nang malaman kong umalis ang anak ko sa iglesia para sa mga makamundong hangarin at napaalis ang anak kong babae, tumuon ako sa pagmamahal ng laman para sa pamilya. Naisip ko kung paano sila makakakapit sa kaunting pag-asa na mapagpala. Tapat man o hindi ang kanilang pananampalataya, o hinahangad man nila ang katotohanan, gusto ko lang na makapanatili sila sa iglesia. Gusto ko pa ngang bigyan sila ng lider ng isa pang pagkakataon, hayaan silang manatili sa paglilingkod sa iglesia sa anumang posibleng paraan. Pagdating sa mga anak ko, gusto ko lang gumamit ng mga pamamaraan ng tao para maisalba ang mga bagay-bagay. Hindi ako nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan o mga pagsasaayos ng Diyos. Lalo na nang malaman kong binansagan ang mga anak ko bilang mga walang pananampalataya, hindi ko lang hindi hinanap ang katotohanan para makilala ang kanilang mga diwa, kundi namuhay pa ako sa ilalim ng maling pagkaunawa, pinagdududahan kung napangasiwaan ba ng lider nang patas ang mga bagay-bagay, at nawalan ako ng motibasyon sa tungkulin ko. Ang mga anak ko lang ang nasa puso ko; walang puwang ang Diyos dito. Naalala ko ang mga malinaw na hinihingi ng mga atas administratibo ng Diyos. “Ang kaanak na iba ang pananampalataya (ang iyong mga anak, ang iyong asawa, iyong mga kapatid o magulang, at iba pa) ay hindi dapat piliting sumapi sa iglesia. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi kulang sa mga kasapi, at hindi kailangang pataasin ang bilang nito ng mga taong walang silbi. Hindi na dapat akayin sa iglesia ang lahat ng hindi malugod na nananalig. Ang kautusang ito ay para sa lahat ng tao. Dapat ninyong siyasatin, subaybayan at paalalahanan ang isa’t isa sa bagay na ito, at walang sinumang maaaring lumabag dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian). Naalala ko na sinabi mo sa sulat mo na labis silang sinuportahan ng iba, at na sila mismo ang pumiling huwag magsisi, pabayaan ang pagbabasa ng salita ng Diyos at huminto sa pagtitipon. Ipinapakita na nito na sila ay mga walang pananampalataya, pero hindi ko pinansin ang salita ng Diyos at ginusto kong umasa sa mga emosyon ko para mapanatili sila sa iglesia. Napakarebelde ko. Hindi ako pwedeng patuloy na umasa sa mga emosyon ko. Sa pangangasiwa sa mga anak natin, kailangan kong maging katulad ni Job, hanapin ang katotohanan, at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang katwirang dapat kong taglayin.

Pagkatapos, naisip ko ang lahat ng tao na nalantad at napalayas nitong mga nakaraang taon. Nang makita ko ang mga abiso sa pag-aalis na inilabas ng sambahayan ng Diyos, wala akong anumang mga kuru-kuro. Alam kong matuwid ang Diyos at na sa sambahayan Niya, naghaharing pinakamataas ang katotohanan at walang tao ang inaagrabyado. Pero nang makita kong naalis ang mga anak natin, bakit hindi ako nagpasakop sa Diyos o pinuri ang Kanyang pagiging matuwid, sa halip ay umaasa sa aking mga emosyon at nagdududa kung pinangasiwaan ba ng iglesia nang patas ang mga bagay-bagay? Nagpatuloy ako sa pagbabasa ng salita ng Diyos. “Ano ang nagbibigay-katangian sa mga emosyon? Tiyak na walang anumang positibo. Ito ay nakatuon sa mga pisikal na relasyon at nagbibigay-kasiyahan sa mga kagustuhan ng laman. Paboritismo, pagdadahilan para sa iba, pagkagiliw, pagpapalayaw, at pagpapakasasa ay lahat nasa ilalim ng mga emosyon. Ang ilang tao ay masyadong nagtitiwala sa mga emosyon, tumutugon sila sa anumang nangyayari sa kanila batay sa kanilang mga emosyon; sa kanilang mga puso, alam na alam nilang mali ito, gayunpaman ay hindi pa rin nila magawang maging obhektibo, lalo na ang kumilos ayon sa prinsipyo. Kapag palaging pinamumunuan ng emosyon ang mga tao, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? Napakahirap nito. Ang kawalan ng kakayahan ng maraming tao na isagawa ang katotohanan ay pangunahing bunga ng mga emosyon; itinuturing nila ang mga emosyon bilang napakahalaga, inuuna ang mga ito. Mga tao ba sila na nagmamahal sa katotohanan? Tiyak na hindi. Ano ang mga emosyon, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga emosyon ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, sobrang pagprotekta, pagpapanatili ng mga pisikal na relasyon, pagkiling; ito ang mga emosyon. Ano ang mga posibleng kahihinatnan ng pagkakaroon ng mga tao ng mga emosyon at pamumuhay ayon sa mga ito? Bakit pinakakinasusuklaman ng Diyos ang mga emosyon ng mga tao? Ang ilang tao, na palaging pinamumunuan ng kanilang mga emosyon, ay hindi kayang isagawa ang katotohanan, at bagamat nais nilang sundin ang Diyos, hindi nila ito magawa. Kaya, emosyonal silang nagdurusa. At maraming tao ang nakakaunawa sa katotohanan ngunit hindi ito maisagawa. Ito rin ay dahil pinamumunuan sila ng mga emosyon. Yaong mga naghahangad sa katotohanan ay lahat gustong bitiwan ang kanilang mga emosyon, ngunit hindi ito madaling gawin. Hindi sapat na maging malaya lamang sa kanilang mga gapos—kasangkot dito ang kalikasan at disposisyon ng isang tao. Kapag ang ilang tao ay ginugugol ang buong oras nila na nangungulila sa kanilang mga pamilya, at iniisip nila ang ang mga ito araw at gabi, at humihinto sa pagganap nang maayos sa kanilang tungkulin, problema ba ito? Kapag ang ilang tao ay may lihim na pagtingin sa iba, at nag-iisa lang ito sa kanilang puso, at nakakaapekto ito sa pagganap nila sa kanilang tungkulin, problema ba ito? Kapag ang ilang tao ay sumasamba at humahanga sa isang partikular na tao, at hindi nakikinig kaninuman—kundi sa partikular na taong iyon lang—at ni mga salita ng Diyos ay hindi nila malinaw na nauunawaan, at sila ay nasa ilalim ng kontrol ng taong iyon, problema ba ito? Sa kanilang mga puso, ang ilang tao ay umiidolo sa isang partikular na tao. Para sa kanila, walang mapipintas o mapupuna sa taong ito; maghanap ka ng anumang isyu sa kanila at sila ay lubos na magagalit. Hindi sila kailanman nabibigong ipagtanggol ang kanilang idolo, na ipahayag ang kabaligtaran ng nasabi. Hinding-hindi nila hahayaan ang ‘paninira’ sa kanilang idolo. At ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para protektahan ang magandang reputasyon ng kanilang idolo, sinasabing ang mali ay tama, hindi hinahayaan ang mga tao na magsalita ng totoo, hindi hinahayaan ang mga ito na ilantad ang kanilang idolo. Sila ay may kinikilingan—mga emosyon nila ang gumagana(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Realidad ng Katotohanan?). Mula sa salita ng Diyos naunawaan ko na ang mga emosyon ay kabilang sa isang satanikong tiwaling disposisyon, at na sa pag-asa sa mga emosyon, bukod sa hindi mo nagagawang tratuhin nang patas ang mga bagay o tao, nagkakaroon ka rin ng mga pagkiling at paboritismo, at lalabagin mo ang mga prinsipyo para protektahan ang mga relasyon mo sa laman. Katulad noong nalaman kong napaalis sina Xiaotao at Xiaomin, hindi ko hinanap ang kalooban ng Diyos, ang mga aral na dapat kong matutunan, o ang aspeto ng katotohanan na dapat kong pasukin. Sa halip, naghinala ako na kumikilos ang lider nang walang mga prinsipyo. Nag-alala ako na naagrabyado ang mga anak natin at ginusto kong ayusin ito sa pamamagitan ng pagsulat ng liham sa lider, hilingin na patawarin sila at pahintulutang patuloy na gumawa ng tungkulin sa iglesia. Nakita ko na ang emosyonal na pagkilos tungkol sa mga anak ko ay isang uri ng pagkiling at paboritismo, at walang prinsipyo. Pagkatapos ng lahat ng taon na ito sa pananampalataya, alam kong may mga prinsipyo ang iglesia para sa pag-aalis ng mga tao at na ginagawa ito dahil sa pangkalahatang pag-uugali ng isang tao sa halip na sa isang panandaliang pagkakamali. Tanging kung ang isang tao ay hindi magsisisi pagkatapos ng malawak na tulong at pagbabahagi, at mababansagan sa huli bilang isang masamang tao o isang walang pananampalataya, ay saka lang siya pakikitunguhan ayon sa mga prinsipyo, at kung may pag-apruba lang mula sa hindi bababa sa 80% ng iglesia, ay saka mapapaalis ang isang tao. Ito ay patas at naaayon sa katotohanan. Naisip ko ang anak natin at kung paano ko siya tinanong kung bakit siya lumabas para gawin ang isang tungkulin. Sinabi niya sa akin, “Lumabas ako para gumawa ng tungkulin dahil na-miss kita.” Nakita ko na walang puwang ang Diyos sa puso niya, na hindi niya talaga mahal ang katotohanan, at na hindi niya ginagawa ang kanyang tungkulin para hangarin ang katotohanan. Nang makita niyang patuloy na nagbabahagi sa katotohanan ang sambahayan ng Diyos at hindi nito mapapalugod ang kanyang mga ninanais, ginusto niyang sumuko sa kanyang tungkulin. Sobrang daming beses nang nakipagbahaginan sa kanya ang mga lider pero hindi talaga siya nakikinig. Naglalaro siya pagkauwi sa halip na magbasa ng salita ng Diyos. Isa siyang walang pananampalataya. Gayundin sa anak nating babae, nanalig siya sa loob ng mahigit isang dekada pero bihirang kumain o uminom ng salita ng Diyos at ang mga pananaw niya ay katulad ng sa mga hindi mananampalataya. Bagamat ginagawa niya ang kanyang tungkulin paminsan-minsan, sa tuwing hindi ito umaayon sa kanyang mga kuru-kuro o naaapektuhan nito ang kanyang mga interes, hindi niya ito gagawin. Wala siyang tunay na pananalig sa Diyos at sa diwa, isa rin siyang walang pananampalataya. Naaalala kong minsang sinabi ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay totoong naklasipika na ng Diyos na umalis na, ito ay hindi lamang usapin ng kanyang paglisan sa sambahayan ng Diyos, ng kanyang pagkawala na, at ng kanyang pagkatanggal mula sa mga talaan ng iglesia. Ang totoo ay na kapag hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ang isang tao, gaano man kalaki ang kanyang pananalig, at ipinapahayag man niya na mananampalataya siya ng Diyos, nakikita sa kanya na hindi niya kinikilala sa puso niya na umiiral ang Diyos, o na katotohanan ang Kanyang mga salita. Para sa Diyos, ang taong iyon ay umalis na at hindi na kabilang. Ang mga hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos ay isang uri ng mga tao na umalis na. … May isa pang uri: yaong mga tumatangging gumanap ng mga tungkulin. Anuman ang hilingin sa kanila ng sambahayan ng Diyos, anumang uri ng gawain ang nais nitong ipagawa sa kanila, alinmang tungkulin ang pagampanan nito sa kanila, sa parehong malalaki at maliliit na bagay, maging sa isang bagay na napakasimple gaya ng pagpapasa nila ng paminsan-minsang mensahe—ayaw nilang gawin ito. Sila, na nagsasabing mga mananampalataya umano sila ng Diyos, ay hindi man lang nakagagawa ng mga gampaning maaaring hilingin sa isang hindi mananampalataya; ito ay pagtanggi na tanggapin ang katotohanan at pagtanggi na gampanan ang isang tungkulin. Gaano man sila hinihimok ng mga kapatid, tinatanggihan nila ito at hindi tinatanggap; kapag nagsasaayoss ang iglesia ng ilang tungkulin na gagampanan nila, binabalewala nila ito at gumagawa sila ng napakaraming dahilan. Ito ang klase ng mga taong tumatangging gumanap ng mga tungkulin. Para sa Diyos, ang gayong mga tao ay umalis na. Ang kanilang pag-alis ay hindi usapin ng pinaalis na sila ng sambahayan ng Diyos o tinanggal sila mula sa mga talaan nito; sa halip, sila ang wala nang totoong pananampalataya—hindi nila kinikilala ang sarili nila bilang mga mananampalataya ng Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). “Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong masuwayin sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananampalataya, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo para sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at nag-uukol ng budhi at pagmamahal sa kanila, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba kakampi ng mga demonyo? Kung hindi pa rin magawa ng mga tao sa mga araw na ito na makita ang kaibhan ng mabuti at masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang layon na hangarin ang kalooban ng Diyos o magawang kupkupin bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga katapusan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama).

Huijuan, nang mabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos, napagtanto ko kung gaano ako naging hangal. Gusto kong gumamit ng mga pamamaraan ng tao para mapanatili ang mga anak natin sa iglesia, iniisip na baka maliligtas sila sa huli kung maglilingkod sila sa iglesia. Pero batay sa salita ng Diyos, nakikita ko kung gaano kakatwa ang pag-iisip ko. Ang totoo, ang lahat ng nananalig sa Diyos pero hindi nagbabasa ng Kanyang salita o gumagawa ng isang tungkulin ay hindi talaga kinikilala ng Diyos bilang mga mananampalataya, kahit na hindi pa sila napapaalis, dahil sa mga mata ng Diyos ay napalayo na sila. Ikinumpara ko ito sa ugali ng mga anak natin. Pagkatapos ng lahat ng taon ng kanyang pananampalataya, sumusunod pa rin si Xiaotao sa mga makamundong kalakaran, at hindi nagbabasa ng salita ng Diyos o gumagawa ng tungkulin. Nakita kong hindi talaga niya mahal ang katotohanan at sa diwa ay nayayamot sa katotohanan at isang walang pananampalataya. Maraming taon nang nasa pananampalataya si Xiaomin pero hindi kailanman tumuon sa pagbabasa ng salita ng Diyos, at sa kundisyong ito pa lang ay maaari na sana siyang mapaalis bilang isang walang pananampalataya. Hindi nangangailangan ang sambahayan ng Diyos ng mga ganitong tao para madagdagan ang bilang nito, lalong hindi ang serbisyo ng gayong mga walang pananampalataya. Kahit na hindi sila inalis ng iglesia, hindi sila kikilalanin ng Diyos bilang mga mananampalataya. Dapat akong magkaroon ng pagkakilala sa kanila, suportahan ang Diyos sa pagtrato sa mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo at katotohanan, at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Pero umasa ako sa aking mga emosyon para pangasiwaan ang mga anak natin, at nang hindi nalalaman ang mga katunayan, naghinala akong nagkamali ang lider sa pagpapaalis sa kanila at ginusto kong mapanatili itong mga walang pananampalataya at palakihin ang bilang ng iglesia. Palagi kong pinoprotektahan ang aking mga relasyon sa laman. Hindi ba’t nakikihalubilo ako sa mga demonyo, nagbibigay ng mabubuting layunin at pagmamahal kay Satanas, gaya ng inihayag ng Diyos? Hindi ko matukoy ang tama sa mali, nakikisama ako sa mga demonyo, at sa diwa ay lumalaban sa Diyos. Sa mga pagkatantong ito, lubos kong naunawaan na ang pagkakaalis kay Xiaotao at Xiaomin ay ganap na naaayon sa salita ng Diyos, sa mga prinsipyo ng katotohanan.

Napaisip din ako kung bakit labis akong nakokonsensya at nahihiya nang mapaalis ang mga anak natin, at kung bakit naramdaman kong hindi ko natupad ang mga responsibilidad ko bilang isang ama, nag-aakala na kung nakahanap lang sana ako ng oras para makauwi at makapagbahagi at makatulong pa sa kanila, hindi sana sila umabot sa puntong ito. Huijuan, pareho ba tayo ng kalagayan? Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos na nagsusuri at naglalantad sa tradisyonal na pag-iisip ng mga tao at nakita ko na naimpluwensyahan ako ng tradisyunal na kuru-kuro ng “Ang magpakain nang hindi nagtuturo ay kasalanan ng ama.” Sabi ng mga salita ng Diyos, “‘Ang magpakain nang hindi nagtuturo ay kasalanan ng ama.’ Anong uri ng pangungusap ito? Ano ang mali rito? Ang pangungusap na ito ay nangangahulugan na kung ang isang bata ay masuwayin o kulang pa sa gulang, ito ay dahil sa kapabayaan ng ama, at ito ay dahil hindi siya naturuan nang maayos ng mga magulang. Iyon nga ba talaga ang kaso? (Hindi.) Ang ilang magulang ay mahigpit na kumikilos ayon sa mga panuntunan at nagsisikap na maging mabubuting tao, ngunit ang kanilang mga anak na lalaki ay nagiging masasamang-loob at ang kanilang mga anak na babae ay nagiging mga babaeng bayaran. Kapag nagagalit ang isang ama at sinasabing, ‘“Ang magpakain nang hindi nagtuturo ay kasalanan ng ama”—ang bata ay pinapalayaw ko!’ tama ba ang mga salitang iyon? (Hindi.) Ano ang mali sa mga iyon? Kung naiintindihan mo kung ano ang mali sa mga salitang iyon, nagpapatunay ito na naiintindihan mo ang katotohanan at natatarok mo kung ano ang problema sa mga iyon. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan dito, hindi ka makakapagsalita nang malinaw sa bagay na ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). “Una, kailangan nating linawin na ang kasabihang, ‘Ang hindi pagsunod ng mga bata sa tamang landas ay may kinalaman sa kanilang mga magulang,’ ay hindi wasto. Maging sinuman siya, ang isang tao ay ang landas na kanyang tinatahak. Wala bang duda rito? (Wala.) Itinatakda ng landas na tinatahak ng isang tao kung ano siya. Ang landas na tinatahak niya at kung anong klase siyang tao ay sarili niyang alalahanin. Ito ay inorden, likas, at may kaugnayan sa kanyang kalikasan. Kaya, anong papel ang ginagampanan ng mga turo ng kanyang mga magulang? Nakagagawa ba ito ng pagbabago sa kalikasan ng mga tao? (Hindi.) Ang itinuro sa mga tao ng kanilang ina at ama ay walang ginagawang pagbabago sa kanilang kalikasan; hindi nito maitatakda ang landas na tatahakin ng isang tao. Ano ang maituturo ng mga magulang? Ang maituturo lamang nila sa kanilang mga anak ay ilang simpleng pag-uugali para sa pang-araw-araw na buhay, iilang medyo magagaspang na pag-iisip at mga prinsipyo ng pag-uugali; may ilang kaugnayan ang mga ito sa mga magulang. Bago lumaki ang kanilang mga anak, ginagawa ng mga magulang ang dapat nilang gawin: Tinuturuan nila ang kanilang mga anak na lumakad sa tamang landas, na mag-aral nang maigi, na subukan at maging matagumpay paglaki nila, na huwag gumawa ng masasamang bagay, na huwag maging isang masamang tao. Kabilang din sa mga pananagutan ng mga magulang ang pagtiyak na sumusunod ang kanilang mga anak sa mga pamantayan ng pag-uugali, pagtuturo sa kanila na maging magalang at bumati sa kanilang mga nakatatanda, pagtuturo sa kanila ng gayong mga bagay na may kinalaman sa pag-uugali. Saklaw ng impluwensiya ng mga magulang ang pangangalaga sa kanilang mga anak at pagtuturo sa kanila ng ilang pangunahing prinsipyo ng pag-uugali—ngunit ang kondisyon ng kalooban ng isang tao ay hindi isang bagay na maaaring maituro ng mga magulang. Ang ilang magulang ay mahinahon at hindi gumagawa ng anumang bagay nang nagmamadali—samantalang ang kondisyon ng kalooban ng kanilang anak ay mainipin, hindi nila kayang manatili nang matagal kahit saan, at sa murang edad na 14 o 15 ay nagsisimula na silang gumawa ng sarili nilang daan sa buhay. Nagpapasya sila kung ano ang gagawin nila, hindi nila kailangan ang kanilang mga magulang, at lubos na talaga silang nakakapagsarili. Itinuro ba ito sa kanila ng kanilang ina at ama? Hindi. Kung kaya ang kondisyon ng kalooban at disposisyon ng isang tao, at maging ang mga bagay na may kinalaman sa kanyang diwa, at ang landas na pipiliin niya sa hinaharap—wala sa mga ito ang may anumang kaugnayan sa kanyang mga magulang. … Ang ilang magulang ay nananalig sa Diyos at tinuturuan ang kanilang mga anak na manalig sa Diyos—ngunit kahit anong sabihin ng mga magulang, tumatanggi ang kanilang mga anak, at walang magagawa ang mga magulang dito. Ang ilang magulang ay hindi nananalig sa Diyos at ang kanilang mga anak ay nananalig, sa sariling pagkukusa ng mga ito. Pagkatapos nilang manalig sa Diyos, sumusunod ang mga anak sa Kanya, gumugugol ng kanilang sarili para sa Kanya, nagagawang tanggapin ang katotohanan at nakakamit ang Kanyang pagsang-ayon, at kaya ang kanilang mga kapalaran ay nababago. Resulta ba iyan ng pagtuturo ng mga magulang? Hinding-hindi. Ito ay may kinalaman sa pagtatalaga at pagpili ng Diyos. May problema sa pagpapahayag na ‘Ang magpakain nang hindi nagtuturo ay kasalanan ng ama.’ Bagama’t responsibilidad ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak, hindi sila ang nagpapasya sa kapalaran ng kanilang mga anak; iyon ay itinatakda ng kanilang kalikasan. Malulutas ba ng pagtuturo ang mga problema sa kalikasan ng isang tao? Hindi, talagang hindi. Ang landas na tinatahak ng isang tao sa kanyang buhay ay hindi napagpapasyahan ng kanyang mga magulang, kundi inorden ng Diyos. Gaya ng sinasabi nila, ‘Ang kapalaran ng tao ay itinakda ng Langit.’ Ito ang natutuhan ng sangkatauhan mula sa karanasan. Hindi mo maaaring makita kung ano ang magiging landas ng sinuman bago sila lumaki; sa sandaling sila ay nasa hustong gulang na, may sarili na silang pag-iisip, kaya na nilang mapag-isipan ang mga bagay-bagay, kaya pinipili nila kung magiging sino sila sa grupong ito ng mga tao. Sinasabi ng ilang tao na nais nilang magtrabaho sa mataas na posisyon sa gobyerno, ang iba ay nais maging abogado, o manunulat; bawat isa ay gumagawa ng kanilang sariling desisyon. Lahat ay may partikular na ideya. Walang nagsasabing, ‘Hihintayin kong turuan ako ng mga magulang ko, ako ay magiging kung anuman ang ituturo nila sa akin.’ Walang ganoon kahangal. Matapos nilang sumapit sa hustong gulang, nabubuhayan ang isip ng mga tao; dahan-dahan ngunit sigurado, nagiging husto ang kanilang pag-iisip, at ang landas at mga layunin sa harapan nila ay nagiging lalong malinaw; sa oras na ito, kung anong uri sila ng tao, at ang pangkat na kinabibilangan nila ay unti-unting lumilitaw, unti-unting nagpapakita. Mula sa oras na ito, unti-unting lumilinaw ang kondisyon ng kalooban ng bawat tao, gayundin ang kanyang disposisyon, at ang landas na pinagsisikapan niya, ang direksiyon ng kanyang buhay, at ang pangkat na kinabibilangan niya. Ano ang pinagbatayan nito? Sa huling pagsusuri, ito ay inorden ng Diyos, at walang kinalaman sa kanyang mga magulang—malinaw na itong nakikita ngayon, tama?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Malinaw na sinuri ng salita ng Diyos ang tradisyunal na kuru-kuro na “Ang magpakain nang hindi nagtuturo ay kasalanan ng ama.” Ang mga kinabukasan ng mga anak natin at ang mga landas na tinatahak nila ay ganap na napagpapasyahan ng kanilang mga kalikasan, na siyang natural. Tinutukoy rin ang mga ito ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at walang kinalaman sa ating pagiging magulang. Ang pagiging magulang ay nakakaapekto lang sa pang-araw-araw na buhay ng isang bata o sa ilan sa kanilang panlabas na pag-uugali, pero hindi sa kanilang mga kalikasan. Sa sandaling mature na ang mga bata sa kanilang pag-iisip, pumipili sila ng iba’t ibang landas alinsunod sa kanilang angking kalikasan, hinahanap ang kanilang daan tungo sa mga kategoryang kinabibilangan nila. Ito ay paunang itinakda ng Diyos at hindi mababago ng sinumang tao. Pero hindi ko maunawaan ang mga kalikasan at diwa ng mga anak natin pagdating sa landas na tinatahak nila sa kanilang pananampalataya. Ginusto ko pa ngang tulungan ang mga anak natin sa sarili kong paraan, para manatili sila sa pananampalataya at sa iglesia. Walang saysay akong umasa sa sarili kong mga pamamaraan para isalba ang kanilang mga kapalaran. Mapagmatigas kong nilalabanan ang Diyos. Isa lang akong hamak na nilikha at wala man lang kontrol sa sarili kong kapalaran, kaya paano ako makakaasa na makokontrol ko ang mga kinabukasan ng mga anak ko o mababago ang kanilang mga kapalaran? Masyado akong mayabang at ignorante, at mataas ang tingin sa sarili kong kakayahan. Tapos nagtaka ako, “Bakit ganito ako mag-isip?” naalala ko kung paanong noong maliliit pa sila, lahat tayo ay sama-samang naniniwala sa Panginoon at nang tanggapin natin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, dinala natin sila sa iglesia at hinikayat sila na umako ng tungkulin. Inakala ko na ang kanilang kakayahang manalig sa Diyos ay direktang nauugnay sa ating pagiging magulang. Kaya’t nang malaman kong napaalis sila, naisip ko na hindi ko nagampanan ang mga responsibilidad ko bilang ama at na kung mas nakasama ko lang sana sila para tulungan at bahaginan sila, marahil ay hindi nila tatalikuran ang kanilang pananampalataya at hindi sila babalik sa mundo. Mula sa salita ng Diyos, nakikita ko na ngayon kung gaano lubos na kakatwa ang mga pananaw ko at kung paanong hindi naaayon sa katotohanan ang mga ito. Mahigit isang dekada silang nanalig sa Diyos, binasa ang Kanyang salita, nakinig sa mga sermon at alam na ang totoong buhay ay kailangang isabuhay sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan at paggawa ng tungkulin ng isang nilikha. Pero wala silang interes sa katotohanan at nang makitang hindi sila pinagpapala pagkatapos ng kanilang mga taon ng pananampalataya, nagsimula silang magpakasasa sa laman. Ipinagkanulo nila ang Diyos at sinunod ang mga makamundong kalakaran sa kabila ng pagkaalam sa tunay na daan at kahit na madalas na nakikipagbahaginan sa kanila ang iba at tinutulungan sila, sila ay mapagmatigas at hindi nagsisisi. Ipinapakita nito na tunay silang nayayamot sa katotohanan at itinataguyod nila ang kasamaan. Hindi sila kabilang sa mga ililigtas ng Diyos, kundi kabilang sa mga demonyo ng mundong ito. Kapag nawasak sila sa darating na mga sakuna, ito ay dahil sa ipinagkanulo nila ang Diyos, at sila lang ang may kasalanan nito. Naisip ko rin ang tungkol sa maraming tao sa iglesia na hindi napagbalik-loob ng kanilang mga magulang, kundi sa pamamagitan ng pagkakataon, ng mga kasamahan, kaibigan, o ng mga estranghero pa nga na nagbahagi ng ebanghelyo sa kanila, at hindi sila napigilan ng pag-uusig ng kanilang mga magulang na manalig o gumawa ng tungkulin. Ang ilang magulang ay umaasa sa mga emosyon para patuloy na mangaral sa kanilang mga anak, pero hindi naniniwala ang mga anak at naghihinakit at lumalaban pa nga sa mga magulang nila. Ang ilang magulang ay itinitiwalag dahil sa kanilang walang pagsisisi na paghahangad sa katayuan at maraming kasamaan, pero nananatiling hindi apektado ang kanilang mga anak at nauunawaan pa nga ang mga diwa ng kanilang mga magulang ayon sa salita ng Diyos at tinatanggihan ang mga ito. Gayundin, maraming anak ang pinapaalis at itinitiwalag at nakakakilala ang kanilang mga magulang sa kanilang mga diwa gamit ang salita ng Diyos. Mula rito makikita natin na tama man o mali ang tinatahak na landas ng isang tao, mabuti o masamang tao man siya, mahal man niya o kinapopootan ang katotohanan, at ano man ang kanyang huling kahihinatnan, ay ganap na itinatakda ng kanyang kalikasan at diwa at hindi bunga ng pangangasiwa ng magulang. Ang responsibilidad na maisasakatuparan ng mga magulang ay ang pagpapalaki ng kanilang mga anak hanggang sa pagtanda at pagdadala sa kanila sa harap ng Diyos. Pero ang landas na kanilang tatahakin at ang kanilang kapalaran ay ganap na wala sa kontrol ng mga magulang. Pinili ng mga anak natin mismo na tahakin ang maling landas at hindi sila maibabalik ng pagsasakatuparan ko ng mga responsibilidad ko bilang ama. Wala itong kinalaman sa kung natupad ko man ang mga responsibilidad na ito. Ang mga kalikasan nila ay nayayamot sa katotohanan. Kahit na manatili ako kasama nila at gugulin ang lahat ng araw ko sa pagbabahagi sa kanila, magiging walang kabuluhan ito. Ang mga responsibilidad natin bilang mga magulang ay palakihin sila at dalhin sila sa harap ng Diyos. Para naman sa kung ano ang hinahangad nila at ang landas na tinatahak nila, walang kinalaman ang mga ito sa atin bilang mga magulang. Nang pakitunguhan ko ang mga anak natin ayon sa salita ng Diyos, mas malaya na ang pakiramdam ko at hindi na naaabala sa tungkulin ko.

Huijuan, ito ang nakamit ko mula sa sitwasyon. Alam kong matindi ang pagmamahal mo sa mga anak natin at na napakahirap siguro ng lahat ng ito para sa iyo. Hindi ko alam kung paano mo ito nalampasan. Bagamat maaaring hindi naaayon sa mga kuru-kuro natin ang pagkakaalis sa mga anak natin, siguradong may mga aral tayong matututunan sa sitwasyong nilikha ng Diyos. Umaasa ako na magagawa mong hanapin ang katotohanan dito at tratuhin nang tama ang isyu. Pwede kang sumulat sa akin kung mayroon ka ring anumang nakamit mula sa sitwasyong ito. Inaasahan ko ang iyong tugon.

Zhou Ming

Agosto 20, 2022

Sinundan: 60. Binabalewala ba ng Isang Mabuting Kaibigan ang Isang Maling Gawa?

Sumunod: 62. Mga Pagninilay Matapos ang Bulag na Pagsamba sa mga Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito