60. Binabalewala ba ng Isang Mabuting Kaibigan ang Isang Maling Gawa?

Ni Ding Li, USA

Dalawang taon na kaming magkakilala ni Sister Barbara, at nakabuo na kami ng magandang ugnayan, at sa tuwing nakakapag-usap kami, para bang hindi kami nauubusan ng sasabihin. Madalas naming pag-usapan ang kanya-kanya naming mga karanasan at kung ano ang nakamit namin mula sa mga ito. Sa tuwing may nangyayari sa kanya, hinahanap niya ako, at sa tuwing nagkakaproblema ako, gusto kong makipagbahaginan sa kanya. Palagi siyang matiyagang nakikipagbahaginan sa akin at pinahahalagahan ko ang malapit na relasyong ito na mayroon kami. Pakiramdam ko ay napakagandang bagay na mayroong isang sister sa tabi ko na makakatulong at makakasuporta sa akin.

Noong nakaraang taon, hindi ko sinasadyang marinig si Barbara na nakikipag-usap sa ilang sister tungkol sa magagandang resulta na nakukuha niya sa kanyang gawain ng ebanghelyo kamakailan, kung gaano karami sa mga pinangangaralan niya ang puno ng mga kuru-kurong panrelihiyon, at pagkatapos, sa pamamagitan ng panalangin at pagtitiwala sa Diyos, matiyagang pagbabahagi sa kanila, at pagbabasa sa kanila ng salita ng Diyos, mabilis nilang tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nakita ko na nakatingin sa kanya ang mga sister nang may paghanga pagkatapos marinig iyon, pinalilibutan siya nang may lahat ng uri ng tanong, naghahanap ng magagandang landas ng pagsasagawa. Medyo nabahala ako at naisip ko, “Mabuti naman at maayos na maayos ang takbo ng kanyang gawain ng ebanghelyo, pero sinabi lang niya kung gaano kaganda ang mga resulta niya, hindi ang tungkol sa partikular na landas na tinahak niya, ni hindi siya nagpatotoo kung paano siya ginabayan ng Diyos sa panahong ito. Hindi ba siya nagpapakitang-gilas lang sa pagsasalita nang ganito?” Pagkaraan ng ilang araw, sinabi sa akin ni Sister Faye, “Napakahusay ni Barbara at nakapagkamit na siya ng napakagagandang resulta sa kanyang gawain ng ebanghelyo. Sabi niya, tinawag pa nga siya ng isang lider para magbahagi sa kanyang mga karanasan sa isang pagtitipon.” Bumilis ang tibok ng puso ko nang marinig ito: Bakit sinasabi ni Barbara ang mga bagay na ito? Labis siyang hinahangaan ni Faye ngayon, pero hindi ito kapaki-pakinabang para kay Faye. Napagtanto ko na palaging ipinagmamalaki ni Barbara ang magagandang resulta na nakuha niya sa pagganap ng kanyang tungkulin at medyo hindi ako mapalagay. Nagbahagi ang Diyos na ang pagpapakitang-gilas at pagtataas ng sarili ay isang paghahayag ng satanikong disposisyon, kaya mapanganib na magpatuloy nang ganito. Hindi ko ito pwedeng hayaang magpatuloy. Kailangan kong humanap ng pagkakataon na ipaalam ito kay Barbara. Pero sa tuwing naiisip ko na ipaalam sa kanya ang problemang ito, nagdadalawang-isip ako. Naalala ko ang ilang karanasan na nangyari ilang taon ang nakararaan. Ang kapareha kong si Janie ay madalas na bumibigkas ng mga doktrina, sinusumbatan ang iba mula sa isang mataas na posisyon, pero hindi niya kailanman sinuri o kinilala ang kanyang sarili. Ipinaalam ko sa kanya ang problemang ito, at bukod sa hindi niya ito tinanggap, ginantihan pa niya ako sa pamamagitan ng pagbanggit ng mga dati kong kabiguan at paglabag. Pagkatapos, nag-aatubili pa nga siyang pansinin ako. Talagang naging asiwa at masakit iyon para sa akin. Sa isa pang pagkakataon, lumihis sa paksa si Sister Roxanna sa kanyang pagbabahagi sa isang pagtitipon at ipinaalam ko sa kanya ito. Kalaunan, nagtapat siya sa akin at sinabing talagang napahiya siya at nakaramdam ng pagtutol nang tukuyin ko ang kanyang isyu, at na pakiramdam niya ay sinasadya kong gawing mahirap para sa kanya ang mga bagay-bagay, hanggang sa puntong ayaw na niyang magbahagi sa mga sumunod na pagtitipon. Bagamat nagpatuloy siya para maghanap, magnilay, at kumilala ng kanyang mga problema, talagang naging mahirap para sa akin na marinig siyang sabihin ito. Pagkatapos nito, labis na akong nag-iingat sa pagtukoy ng mga problema ng iba. Naisip ko kung gaano kaganda ang relasyon namin ni Barbara noon pa man, at napaisip ako na kung ipapaalam ko sa kanya ang problema niya, hindi ba siya makakaramdam na nalagay siya sa hindi komportableng posisyon? Ano ang gagawin ko kung hindi siya makinig at magkaroon ng pagkiling laban sa akin, kung maramdaman niya na inilalantad ko ang kanyang mga pagkukulang at sinusubukan kong gawing mahirap para sa kanya ang mga bagay-bagay, at pagkatapos ay ayaw na niya akong pansinin? Araw-araw na nagkukrus ang landas namin, kaya magiging sobrang nakakailang ang mga bagay-bagay. Hindi rin siya palaging nagpapakitang-gilas nang ganito. Baka sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos ay makapagnilay-nilay siya at mapagtanto niya mismo ito. Hindi bale na nga, tatahimik na lang ako.

Isang araw, sinabi sa akin ni Barbara na may ilang kapatid na nagbigay sa kanya ng ilang mungkahi. Sabi nila, gusto niyang nagpapakitang-gilas at hinihikayat ang iba na hangaan siya sa kanyang pagbabahagi. Medyo hindi siya naging komportable rito. Nabalisa ako nang marinig ko siyang sabihin ito. Ang totoo niyan, nakita ko rin siyang nagpapakitang-gilas kamakailan, pero dahil natatakot akong masira ang relasyon namin, nagbulag-bulagan na lang ako at walang sinabi sa kanya. Hindi ba ito na ang perpektong pagkakataon? Hindi ba dapat din akong magsalita tungkol sa mga problemang nakita ko? Pero kapagkuwan ay naisip ko kung gaano na kahirap para sa kanya ang mga bagay-bagay. Iniisip ko kung hindi ba niya makakayanan at magiging negatibo siya kung magsasalita rin ako. Napagtanto ko rin na kailangan kong ipaalam sa kanya ang mga problemang nakita ko, pero nag-alala ako na iisipin niyang masyado akong nagiging malupit at na didistansya siya sa akin, kaya pinag-isipan kong mabuti kung anong tono ng boses ang gagamitin at kung paano ko ipapahayag ang sarili ko para maging mas maunawain at nang hindi siya mapahiya. Kaya nagbanggit na lang ako ng mga halimbawa kung paano ko itinaas ang sarili ko at nagpakitang-gilas noon, at kung paano ko ito napagnilayan at naunawaan iyon, at nang patapos na akong magsalita, saka ko panandaliang tinukoy ang problema niya. Natakot akong mapahiya siya, kaya binigyan ko siya ng ilang salitang pampalubag-loob, “Lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon at normal na normal na magpakita niyon. Ganoon din ako. Noon pa man ay sobrang yabang ko na at may labis na pagtingin sa sarili, at madalas akong magpakitang-gilas. Huwag mong hayaang pigilan ka nito, kailangan mong magkaroon ng tamang saloobin sa iyong sarili.” Wala siyang sinabi bilang tugon dito. Pero may nangyari na nagpabalisa na naman sa akin.

Sa isang pagtitipon, nagbabahagi si Barbara sa kanyang pagkaunawa sa salita ng Diyos, at nagpatuloy na magkuwento tungkol sa kamakailang karanasan niya sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ikinuwento niya kung paanong nangangaral siya sa isang pastor na maraming dekada nang nananalig sa Panginoon. Puno ng mga kuru-kurong panrelihiyon ang pastor at nakapakinig ng maraming tsismis. Ayaw pa rin nitong tanggapin ang ebanghelyo kahit na paulit-ulit na itong ipinangaral dito. Pero pumunta si Barbara para magbahagi at makipagdebate sa pastor, at sa pamamagitan ng paghahanap ng nauugnay na mga sipi ng salita ng Diyos, isa-isa niyang pinabulaanan ang mga kuru-kuro nito, at sa huli, unti-unti nitong binitawan ang mga kuru-kuro nito at tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nang matapos siyang magsalita, nakatuon ang atensyon ng lahat sa kanyang karanasan sa ebanghelyo, at hindi sa salita ng Diyos. Noong panahong iyon, medyo nababatid ko: Hindi ba ito lumilihis sa paksa? Bagamat nagbabahagi siya tungkol sa kanyang karanasan sa ebanghelyo, nang matapos siya, lahat ay nagsimulang humanga at tumingala sa kanya. Hindi ba siya nagpapakitang-gilas nito? Gusto kong ipaalam ito sa kanya at patigilin siya sa pagsasalita tungkol sa paksang ito, pero hindi ko talaga makuhang magsalita: Kung sumabad ako sa kanya sa harap ng maraming tao na ito, hindi ba’t talagang mapapahiya siya? Totoo na nakakuha si Barbara ng ilang resulta sa kanyang gawain ng ebanghelyo, kaya kung sasabihin ko ito sa kanya, iisipin ba ng lahat na naiinggit ako kaya ko sinasadyang gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa kanya? Baka naman mabuti ang mga layunin niya at hindi niya sinusubukang magpakitang-gilas? Kaya hindi ako nagsalita, pero hindi ko mapakalma ang sarili ko nang sapat para mapagnilayan ang salita ng Diyos, at walang kaliwanagan ang pagbabahagi ko sapagkat nagbigay lang ako ng ilang walang katuturang salita, at natapos na nga ang pagtitipon.

Ginugol ko ang gabing iyon nang pabaling-baling sa kama, hindi ako makatulog. Hindi ko mapigilang isipin ang mga bagay na sinabi ni Barbara para magpakitang-gilas sa pagtitipon, at ang hitsura ng paghanga sa mukha ng lahat. Hindi nagkaroon ng mas mabuting pagkaunawa sa salita ng Diyos ang iba sa pagbabahagi niya, sa halip, tumuon ang atensiyon ng lahat sa kanyang gawain ng ebanghelyo, at kaya, walang mabuting natamo ang pagtitipon. Sa takot na mapahiya siya, wala akong sinabi at nabigo akong protektahan ang buhay-iglesia. Hindi ba ako nagiging isang mapagpalugod lang ng tao na walang anumang pagkamakatarungan? Naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Dapat mong suriin nang maigi ang iyong sarili para makita kung ikaw ay taong nasa tama. Ginagawa mo ba ang mga mithiin at layunin mo na Ako ang nasa isip? Ang iyo bang mga salita at pagkilos ay sinasabi at ginagawa sa Aking presensiya? Sinusuri Ko ang lahat ng iyong mga iniisip at palagay. Hindi ka ba nakokonsensya? … Iniisip mo ba na sa susunod ay makakaya mong punan ang pagkain at pag-inom na nakuha na ni Satanas ngayon? Kung gayon, nakikita mo na ito nang malinaw ngayon; ito ba’y isang bagay na matutumbasan mo? Mapupunan mo ba ang nasayang na panahon? Dapat ninyong masigasig na suriin ang inyong mga sarili para makita kung bakit walang pagkain at pag-inom na naganap sa ilang nakalipas na pagtitipon, at kung sino ang naging sanhi ng kaguluhang ito. Dapat kayong isa-isang magbahagi hanggang maging malinaw ito. Kung hindi labis na napipigilan ang gayong tao, hindi maiintindihan ng iyong mga kapatid, at pagkatapos ay muli lamang itong mangyayari. Nakasara ang inyong mga espirituwal na mata; masyadong marami sa inyo ang bulag! Higit pa rito, ang mga nakakakita ay pabaya tungkol dito. Hindi sila naninindigan at nagsasalita, at pati sila’y bulag. Ang mga nakakakita ngunit hindi nagsasalita ay mga pipi. Marami rito ang mga may kapansanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Labis akong nabagabag ng salita ng Diyos. Naisip ko kung paanong lumihis sa paksa si Barbara sa kanyang pagbabahagi, inaksaya ang oras ng lahat, at naapektuhan ang pagiging produktibo ng pagtitipon, at gayon pa man, tahimik lang akong nanood. Paulit-ulit kong iniisip, “Malinaw na alam kong lumilihis sa paksa si Barbara, kaya bakit hindi ko pinrotektahan ang buhay-iglesia? Bakit pinili kong manahimik at maging isang mapagpalugod ng tao?” Una, hindi ako sigurado kung ang mga kilos ni Barbara ay pagtataas sa kanyang sarili at pagpapakitang-gilas. Totoo na mayroon siyang kaunting karanasan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at maaaring kapaki-pakinabang sa iba ang pagbabahagi sa mga karanasang ito, kaya maituturing bang pagpapakitang-gilas ang pagbabahagi niya nang ganito? Pangalawa, nag-aalala ako na baka hindi ko nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, na mapipigilan siya ng pagsasalita ko, at na iisipin ng iba na sinasabi ko ang mga bagay na ito dahil sa inggit.

Sa pagtitipon kinabukasan, binanggit ko ang mga alalahanin ko at humingi ng tulong mula sa ilang sister. Sama-sama naming binasa ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Dinadakila at pinapatotohanan ang mga sarili nila, ipinagmamarangya ang mga sarili nila, sinisikap na gawing mataas ang pag-iisip sa kanila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksiyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang dumadakila at nagpapatotoo ang mga tao sa mga sarili nila? Paano nila natatamo ang ganitong layunin? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan dinadakila nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming mga tao ang papahalagahan, hahangaan, gagalangin, at maging ipipitagan, idadambana, at susundan sila. Upang matamo ang layong ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran. Walang kahihiyan ang mga taong ito: Walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ipinagmamarangya pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, mga matatalas na kapamaraanan sa pag-asal, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagdadakila at pagpapatotoo sa mga sarili nila ay upang ipagmarangya ang mga sarili nila at maliitin ang iba. Nagkukunwari rin sila at nagbabalatkayo, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita nila ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng negatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahagian sa kanila, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang sukdulan nila upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpaparangya nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba ito isang paraan ng pagdadakila at pagpapatotoo sa mga sarili nila?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem). Sa pamamagitan ng paghahayag ng salita ng Diyos, naunawaan ko na ang isang tanda ng pagtataas ng mga anticristo sa kanilang sarili ay ang kanilang pagmamarangya ng kanilang mga kaloob, kalakasan, mga kontribusyon, at mga tagumpay sa harap ng iba para isipin ng mga tao na may talento at kakayahan sila, at makuha ang respeto at paghanga ng mga ito. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos ay talagang mga positibong bagay. Gamit ang mga kalakasan niya bilang tagapag-ebanghelyo, kung nakapagbahagi sana si Barbara sa mga paghihirap na naharap niya, kung paano siya umasa sa Diyos at dumanas ng Kanyang gawain, kung ano ang nakamit at natutunan niya mula rito, at ang magagandang landas ng pagsasagawa na kanyang ibinuod, nakapagpapatibay sana ang pagbabahaging iyon. Pero ikinuwento lamang ni Barbara kung gaano karaming tao ang napagbalik-loob niya, kung gaano siya nagdusa, gaano kalaki ang halagang binayaran niya, pero walang sinumang nakikinig sa mga karanasan niya ang nagkamit ng higit na pagkaunawa sa Diyos o anumang kaliwanagan sa kung paano magsagawa o harapin ang iba’t ibang isyu. Sa halip, marami lang silang natutuhan tungkol sa kanya at nalaman na mayroon siyang mga kaloob at kakayahan sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at mas masigasig kaysa sa iba. Pinuri at kinainggitan siya ng lahat at labis nilang nadama na may kulang sa kanila. Nakita ko na ang mga resulta ng pagpapakitang-gilas at pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos ay hindi magkapareho. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan, nakumpirma ang mga nauna kong pananaw, at natukoy ko na karamihan sa sinasabi ni Barbara ay hindi nagpapatotoo sa Diyos, at sa halip ay sinasabi para itaas ang sarili niya at magpakitang-gilas. Nagpapakita siya ng disposisyon ng isang anticristo, na kinasusuklaman at kinapopootan ng Diyos. Pinaalalahanan din ako ng mga sister na marahil ay hindi pa namamalayan ni Barbara ang tiwaling disposisyon na ipinapakita niya, at na sa pagkakita nito, dapat naming ipaalam ito sa kanya nang may pagmamahal. Hindi tayo pwedeng maging mapagpalugod ng tao para lang maprotektahan ang mga relasyon natin. Napahiya ako nang husto sa mga salita ng mga sister, at nagpasya akong makipagbahaginan kay Barbara sa lalong madaling panahon.

Nang matapos ang pagpupulong, hindi ko mapakalma ang sarili ko. Nakita ko na ang mga isyu ni Barbara noon pero hindi ako nangahas na ipaalam sa kanya ang mga iyon, at kahit nang may sinabi nga ako, mabilisan ko lang tinukoy ang problema nang wala talagang anumang natatamo, na ibig sabihin ay hindi kailanman tunay na napagnilayan o namalayan ni Barbara ang kanyang problema. Labis akong nabalisa at nakonsensya sa mga isiping ito at hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko, “Karaniwang masayahin at masigla ako kasama ni Barbara at nasasabi ko sa kanya ang lahat, kaya bakit ako masyadong nahihirapan na ipaalam sa kanya ang mga problema niya? Bakit hindi ako makapagsalita?” Sa aking paghahanap at pagninilay-nilay, nabasa ko ang salita ng Diyos. “May pinag-aralan kayong lahat. Binibigyang-pansin ninyong lahat ang pagiging pino at payak sa inyong pananalita, at maging sa paraan ng inyong pagsasalita: Maingat kayong magsalita, at natuto na kayong hindi sirain ang dignidad at dangal ng iba. Sa inyong mga salita at kilos, tinutulutan ninyo ang mga tao na makakilos nang malaya. Ginagawa ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para mapanatag ang mga tao. Hindi ninyo inilalantad ang kanilang mga pilat o pagkukulang, at sinisikap ninyong huwag silang masaktan o mapahiya. Gayon ang interpersonal na prinsipyong pinagbabatayan ng kilos ng karamihan sa mga tao. At anong klaseng prinsipyo ito? (Ito ang pagiging mapagpalugod sa mga tao; ito ay mapanlinlang at madulas.) Ito ay tuso, madulas, mapanlinlang, at mapanira. Nakatago sa likod ng nakangiting mukha ng mga tao ang maraming malisyoso, mapanira, at kasuklam-suklam na bagay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). “Lahat ng nananatiling pumapagitna sa mga usapin ang pinakamasama. Sinisikap nilang huwag mapasama ang loob ninuman, mahilig silang magpalugod ng mga tao, sumasabay sila sa agos, at walang makahalata sa kanila. Ang gayong tao ay isang buhay na Satanas!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon). “May isang doktrina sa mga pilosopiya sa pamumuhay na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para maingatan ang isang pagkakaibigan, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon—na dapat niyang itaguyod ang mga prinsipyo ng hindi pag-atake sa dignidad ng iba o hindi paglalantad sa mga kakulangan nito. Lilinlangin nila ang isa’t isa, pagtataguan ang isa’t isa, iintrigahin ang isa’t isa; at bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para maingatan ang kanilang mga pagkakaibigan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil hindi mo alam kung paano ka pipinsalain ng isang tao matapos mong ilantad ang kanyang mga kakulangan o saktan siya at naging kaaway mo siya, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya sa pamumuhay na nagsasabing, ‘Huwag kang mamersonal ng mga tao kailanman, at kailanman ay huwag mong ilantad ang kanilang mga kakulangan.’ Batay rito, kung gayon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing relasyong panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga relasyong panlipunan, hindi naihahandog ng mga tao ang kanilang damdamin, ni wala silang malalalim na pag-uusap, ni hindi nila sinasabi ang anumang gusto nila, ni sinasabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa isa’t isa, o ang mga salitang makakatulong sa isa’t isa. Sa halip, pinipili nila ang mga salitang masarap pakinggan para hindi nila masaktan ang isa’t isa. Ayaw nilang magkaroon ng kaaway. Ang layon nito ay para hindi maging banta sa kanyang sarili ang mga tao sa kanyang paligid. Kapag walang sinumang banta sa kanya, hindi ba’t namumuhay siya nang medyo maginhawa at payapa? Hindi ba ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa pariralang, ‘Huwag kang mamersonal ng mga tao kailanman, at kailanman ay huwag mong ilantad ang kanilang mga kakulangan’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pag-iral, na may elemento ng pagtatanggol sa sarili, at ang layon ay pangalagaan ang sarili. Ang mga taong ganito ang pamumuhay ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit ano. Maingat sila laban sa isa’t isa, at tuso, at madiskarte, kinukuha ang kailangan nila mula sa relasyon. Hindi ba ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon na ‘Huwag kang mamersonal ng mga tao kailanman, at kailanman ay huwag mong ilantad ang kanilang mga kakulangan’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pamiminsala sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit para hindi masaktan ang sarili. Sa pagtingin sa ilang anggulo ng diwa, marangal na aral ba ang paggiit sa kabutihan ng mga tao na ‘huwag kang mamersonal ng mga tao kailanman, at kailanman ay huwag mong ilantad ang kanilang mga kakulangan’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na hindi mo dapat pasamain ang loob o saktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan; mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan, magiging estranghero sila na nadaraanan mo sa kalsada, o magiging kaaway mo. … Kaya, ano ang resulta ng itinuturo ng pariralang ito sa mga tao? Ginagawa ba nitong mas matapat ang mga tao, o mas mapanlinlang? Nauuwi ito sa pagiging mas mapanlinlang ng mga tao; mas nagkakalayo ang puso ng mga tao sa isa’t isa, lumalawak ang distansya sa pagitan ng mga tao, at nagiging kumplikado ang relasyon ng mga tao; katumbas ito ng pagiging kumplikado ng panlipunang relasyon ng mga tao. Nagsisimulang gumulo ang pag-uusap ng mga tao, at nagiging dahilan para ang pag-iisip ng tao ay maging maingat sa isa’t isa. Maaari bang maging normal ang relasyon ng mga tao sa ganitong paraan? Gaganda ba ang mga pananaw sa lipunan? (Hindi.) Kaya nga malinaw na mali ang kasabihang ‘huwag kang mamersonal ng mga tao kailanman, at kailanman ay huwag mong ilantad ang kanilang mga kakulangan.’ Ang pagtuturo sa mga tao sa ganitong paraan ay hindi makakatulong para maipamuhay nila ang normal na pagkatao; bukod pa riyan, hindi nito magagawang matapat, matuwid, o prangka ang mga tao; talagang hindi magiging positibo ang epekto nito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 8). Sa pagbabasa ng salita ng Diyos, nakita ko na umaasa ako sa mga satanikong pilosopiya ng pamumuhay sa kung paano ako nakikipag-ugnayan kay Barbara, tulad ng “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” “Huwag kailanman sampalin sa mukha ang ibang tao o pagalitan sila sa kanilang pagkukulang,” at “Ang isa pang kaibigan ay nangangahulugan ng isa pang landas; ang isa pang kaaway ay nangangahulugan ng isa pang balakid.” Hanggang sa puntong iyon, itinuring ko ang mga pilosopiyang ito bilang mga prinsipyo sa pakikipag-ugnayan sa mga tao. Naisip ko na ang ganitong pag-uugali ang tanging paraan para mapanatili ang mga relasyon sa mga tao, hindi mapasama ang loob ng iba, at hindi mabigyan ng problema ang sarili. Sa pamamagitan ng paghahayag ng salita ng Diyos, sa wakas ay nakita ko nang ang mga pilosopiyang ito ay tuso, mapanlinlang, at mapandaya na pamamaraan ng pamumuhay, na ginagawa nitong mapagbantay ang mga tao laban sa isa’t isa at pinipigilan nito ang taos-pusong pakikipag-ugnayan, lalong hindi nito pinahihintulutan ang pagmamahal sa isa’t isa. Bagamat sa pakikipag-ugnayan nang ganito ay naiiwasang mapasama ang loob ng iba o mabigyan ng problema ang sarili mo, pinipigilan ka nitong magkaroon ng mga tunay na kaibigan, at pinahihintulutan lamang ang mga tao na maging mas huwad at mapanlinlang. Naunawaan ko rin na dapat maging matapat ang isang tao kapag nakikipag-ugnayan sa iba, at na kapag nakita mong may problema ang isang tao, dapat may pagmamalasakit ka para tulungan siya sa abot ng iyong makakaya. Kahit na sa sandaling iyon, hindi niya ito matanggap at hindi ka niya maintindihan, dapat ka pa ring sumunod sa mga prinsipyong iyon at magtakda ng tamang mga layunin kapag hinaharap siya. Para sa mga taong tunay na tumatanggap sa katotohanan, kapag iwinawasto sila, bagamat maaaring mapahiya sila saglit at hindi tumanggap, kalaunan ay magagawa nilang hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang kanilang sarili. Hindi lamang sila hindi magdaramdam sa iba, sa halip, sila ay magpapasalamat sa taong nagwasto sa kanila. Nagbalik-tanaw ako sa mga pakikipag-ugnayan ko kay Barbara. Sa ilang pagkakataon ay malinaw kong nakita na nagpapakitang-gilas siya sa harap ng iba, at na napakataas ng tingin ng iba sa kanya, pero natakot akong masaktan ang ego niya kapag ipinaalam ko ang kanyang problema, at na hindi na niya ako papansinin sa hinaharap. Kaya, para mapanatili ang magandang samahan namin, nakatingin lang ako nang walang sinasabi sa kanya o tinutulungan siya habang nagpapakita siya ng katiwalian, na nangangahulugang hindi siya nagninilay-nilay at hindi niya alam ang kanyang problema, at kalaunan ay bumalik sa dati niyang mga gawi. Nakita ko na sa pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito, ginusto ko lang protektahan ang relasyon namin, para sabihin ni Barbara na maunawain at mahabagin akong tao. Hindi ko naisaalang-alang ang kanyang pagpasok sa buhay. Kung naipaalam ko lang sana nang mas maaga sa kanya ang mga problemang nakita ko, baka sakaling magkaroon siya ng kaunting pagkaunawa sa kanyang tiwaling disposisyon at hindi magsasabi ng gayong mga di-makatwirang bagay sa mga pagtitipon. Naging mapagpalugod ako ng tao para protektahan ang relasyon namin! Ito ay talagang nakakapinsalang pag-uugali! Pagkatapos ay naisip ko ang isa pang sister na nakasalamuha ko. Nakita ko na madalas siyang pabasta-basta sa kanyang tungkulin, at na kapag ipinapaalam sa kanya ng iba ang kanyang mga problema, nakikipagtalo siya at hindi niya ito kayang tanggapin. Ginusto kong magbahagi sa kanya para tulungan siyang magnilay sa sarili niya, pero naramdaman kong medyo matanda na siya, at kung tutukuyin ko ang problema niya, masasaktan ko ang ego niya at iisipin niyang napakalupit ko naman. Kaya nagbulag-bulagan na lang ako sa problema niya at nanatiling mukhang masayahin, madaldal, at palakaibigan sa kanya. Nang matanggal siya sa pagiging pabasta-basta sa kanyang tungkulin, saka lang ako nagsisi na hindi ko siya natulungan nang mas maaga. Pagkatapos lang niyang umalis saka ako nagbahagi sa mga problemang nakita ko sa kanya. Bagamat nakilala niya ang problema niya, sinisi niya ako dahil hindi ko ito ipinaalam sa kanya nang mas maaga at sinabi niya na kung nagawa niyang ayusin ang mga gawi niya nang mas maaga, siguro ay hindi siya matatanggal. Sa isiping ito, sa wakas ay nakita ko na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiyang ito at pagiging isang mapagpalugod ng tao ay hindi talaga katulad ng pagiging isang tunay na mabuting tao. Hindi ito nagpapakita ng sinseridad o habag sa iba, at sa halip ay makasarili at mapanlinlang ito. Isinasabuhay ko ang isang satanikong disposisyon at kinasusuklaman ito ng Diyos. Palaging sinsero sa akin si Barbara, pero nakaasa lang ako sa mga pilosopiyang ito habang nakikipag-ugnayan sa kanya at hindi isinagawa ang katotohanan. Inisip ko lang kung paano hindi mapasama ang loob niya at kung paano mapanatili ang magandang imahe ko sa kanya, at nang makita kong nagpapakita siya ng katiwalian, binalewala ko lang ito. Matatawag ko bang mabuting kaibigan ang sarili ko habang kumikilos nang ganito? Nakita ko na ang “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan” ay talagang isang kasinungalingan ni Satanas, at ayaw ko nang mamuhay ayon dito.

Sa aking pagninilay, napagtanto ko na may isa pang dahilan kung bakit hindi ako naglakas-loob na tukuyin ang problema ni Barbara: Mayroon akong maling pananaw. Palagi kong iniisip na ang pagtukoy sa problema ng iba ay paglalantad ng kanilang kapintasan, na masasaktan nito ang kanilang ego, malamang na mapapasama ang loob nila, at na isa itong hindi pinahahalagahang gawain. Kaya kay Barbara, palagi kong kinatatakutan na mapapasama ko ang loob niya kapag tinukoy ko ang problema niya at na masisira niyon ang relasyon namin, kaya naging napakahirap na isagawa ang katotohanan. Kaya hinanap ko ang Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa paglutas ng problema kong ito.

Sa aking paghahanap, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos. “Hinihingi ng Diyos na sabihin ng mga tao ang totoo, sabihin ang iniisip nila, at hindi niloloko, pinagtatawanan, inililigaw, tinutudyo, iniinsulto, hinihigpitan, sinasaktan, inilalantad ang mga kahinaan ng mga tao, o tinutuya ang mga tao. Hindi ba’t mga prinsipyo ng pananalita ang mga ito? Ano ang ibig sabihin ng hindi dapat ilantad ng isang tao ang mga kahinaan ng mga tao? Ang ibig sabihin nito ay huwag dungisan ang ibang mga tao. Huwag kumapit sa kanilang nakaraang mga pagkakamali o pagkukulang para husgahan o kondenahin sila. Ito ang pinakamaliit na bagay na dapat mong gawin. Sa maagap na banda, paano ipinapahayag ang nakakatulong na pananalita? Ito ay pangunahing nanghihikayat, nagtuturo, gumagabay, nagpapayo, umuunawa, at nagpapanatag. Gayundin, kung minsan, kailangang banggitin at punahin nang diretsahan ang mga pagkukulang, kapintasan, at pagkakamali ng iba. Malaki ang pakinabang nito sa mga tao. Talagang makakatulong ito sa kanila, at makakabuti para sa kanila, hindi ba? … At ano, sa kabuuan, ang prinsipyo sa likod ng pagsasalita? Ito iyon: sabihin ang nasa puso mo, at banggitin ang mga tunay na karanasan mo at kung ano talaga ang iniisip mo. Ang mga salitang ito ang may pinakamalaking pakinabang sa mga tao, tinutustusan ng mga ito ang mga tao, tinutulungan sila ng mga ito, positibo ang mga ito. Tumangging sambitin ang mga pekeng salitang iyon, ang mga salitang iyon na walang pakinabang o hindi nagpapatibay sa mga tao; maiiwasan nitong mapinsala sila o matisod sila, na magsasadlak sa kanila sa pagkanegatibo at magkakaroon ng negatibong epekto. Dapat kang magsalita ng mga positibong bagay. Dapat kang magsumikap na tulungan ang mga tao hangga’t kaya mo, para makinabang sila, para matustusan sila, para magkaroon sila ng tunay na pananampalataya sa Diyos; at dapat mong tulutan ang mga tao na matulungan, at makinabang nang husto, mula sa iyong mga karanasan sa mga salita ng Diyos at sa paraan ng paglutas mo ng mga problema, at magawang maunawaan ang landas ng pagdanas ng gawain ng Diyos at pagpasok sa realidad ng katotohanan, na magtutulot sa kanila na makapasok sa buhay at magpapaunlad sa kanilang buhay—na pawang epekto ng pagkakaroon ng mga prinsipyo sa iyong mga salita, at pagpapatibay nito sa mga tao(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan 3). “Kung may maayos kang kaugnayan sa isang kapatid, at pinakiusapan ka niyang ituro mo kung ano ang mali sa kanya, paano mo ito dapat gawin? May kaugnayan ito sa kung anong pamamaraan ang gagamitin mo sa bagay na ito. … Kung ganoon, paano mo ba dapat harapin ang bagay na ito ayon sa prinsipyo ng katotohanan? Anong pagkilos ang naaayon sa katotohanan? Gaano karaming nauugnay na prinsipyo ang mayroon? Una, kahit paano, huwag kang magsanhi na matisod ang iba. Dapat mo munang isaalang-alang ang mga kahinaan ng isang tao at kung anong paraan ng pakikipag-usap sa kanya ang hindi makatitisod sa kanya. Ito man lamang ang nararapat isaalang-alang. Sunod, kung alam mo na sila ay tunay na naniniwala sa Diyos at matatanggap nila ang katotohanan, kapag napansin mo na may problema sila, dapat kang magkusang tulungan sila. Kung wala kang gagawin at pinagtawanan mo sila, nakakasakit at nakapipinsala ito sa kanila. Ang taong gumagawa niyon ay walang konsiyensiya o pakiramdam, at wala silang pagmamahal para sa iba. Yaong mga may kaunting konsiyensiya at pakiramdam ay hindi lamang basta itinuturing na biro ang kanilang mga kapatid. Dapat silang mag-isip ng iba’t ibang paraan para tulungan ang mga ito na lutasin ang kanilang problema. Dapat nilang hayaang maunawaan ng tao ang nangyari at kung saan siya nagkamali. Problema na nila kung magagawa nilang magsisi; nagawa na natin ang ating responsibilidad. Kahit hindi sila magsisi ngayon, sa malao’t madali ay darating ang araw na mamumulat sila, at hindi ka nila sisisihin o pararatangan. Kahit paano, ang pagtrato mo sa iyong mga kapatid ay hindi maaaring mas mababa sa mga pamantayan ng konsiyensiya at katwiran. Huwag kang magkakautang sa iba; tulungan sila hangga’t kaya mo. Ito ang dapat gawin ng mga tao. Ang mga taong kayang tratuhin ang kanilang mga kapatid nang may pagmamahal at nang alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan ang pinakamainam na klase ng mga tao. Sila rin ang pinakamabait. Siyempre pa, ang tunay na mga kapatid ay yaong mga taong kayang tanggapin at isagawa ang katotohanan. Kung naniniwala lamang ang isang tao sa Diyos para mabusog sa tinapay o tumanggap ng mga pagpapala, ngunit hindi niya tinatanggap ang katotohanan, hindi siya isang kapatid. Kailangan mong pakitunguhan ang tunay na mga kapatid ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Paano man sila naniniwala sa Diyos o anumang landas ang kanilang tinatahak, dapat mo silang tulungan sa diwa ng pagmamahal. Ano ang pinakamaliit na epektong dapat makamtan ng isang tao? Una, hindi ito nakakatisod sa kanila, at hindi sila ginagawang negatibo; pangalawa, nakatutulong ito sa kanila, at naiaalis sila sa maling landas; at pangatlo, tinutulungan sila nitong maunawaan ang katotohanan at piliin ang tamang landas. Ang tatlong uring ito ng epekto ay makakamtan lamang sa pagtulong sa kanila sa diwa ng pagmamahal. Kung wala kang tunay na pagmamahal, hindi mo makakamtan ang tatlong uring ito ng epekto, at sa pinakamainam ay isa o dalawa lamang ang makakamtan mo. Ang tatlong uri ding ito ng epekto ang tatlong prinsipyo sa pagtulong sa iba. Alam mo ang tatlong prinsipyong ito at nauunawaan mo ang mga ito, ngunit paano talaga naipatutupad ang mga ito? Talaga bang nauunawaan mo ang paghihirap ng iba? Hindi ba’t isa pa itong problema? Dapat mo ring isipin, ‘Ano ang pinagmumulan ng kanyang paghihirap? May kakayahan ba akong tulungan siya? Kung masyadong maliit ang tayog ko at hindi ko malutas ang kanyang problema, at nagsalita ako nang walang-ingat, baka sa maling landas ko siya maituro. Bukod pa roon, gaano kahusay ang taong ito sa pag-unawa ng katotohanan, at ano ang kakayahan niya? Sarado ba siya sa kanyang paniniwala? Nakauunawa ba siya ng mga espirituwal na bagay? Kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan? Hinahanap ba niya ang katotohanan? Kung makikita niyang mas mahusay ako sa kanya, at nakipagbahaginan ako sa kanya, uusbong ba sa kanya ang paninibugho o pagiging negatibo?’ Kailangang isaalang-alang ang lahat ng tanong na ito. Matapos mong maisaalang-alang ang mga tanong na ito at malinawan sa mga ito, makipagbahaginan ka sa taong iyon, basahin mo ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos na naaangkop sa kanyang problema, at ipaunawa sa kanya ang katotohanan sa mga salita ng Diyos at maghanap ka ng landas na isasagawa. Sa gayon, malulutas ang problema, at hindi na sila maghihirap. Simpleng bagay ba ito? Hindi ito simpleng bagay. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, gaano man karami ang sabihin mo, mawawalan iyon ng silbi. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, maaari silang maliwanagan at makinabang sa ilang pangungusap lamang(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanilang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos). Mula sa salita ng Diyos naunawaan ko na kung inilalantad mo ang mga pagkukulang ng isang tao para samantalahin ang kanyang mga kahinaan upang husgahan at kondenahin siya, at kung ang mga layunin mo ay kutyain, pagtawanan, at tuligsain siya, kung gayon ay kinasusuklaman ito ng Diyos. Pero kung tinutukoy mo ang mga problema at pagkukulang ng isang tao nang may layunin na tulungan siya, ito ay nakapagpapatibay, at isa itong pagpapahayag ng pagkahabag sa iba at pagkakaroon ng responsibilidad sa kanyang buhay. Kung hinahangad ng tao ang katotohanan, kung gayon sa tulong ng iba, magagawa niyang pagnilayan ang kanyang sarili at hanapin ang katotohanan para lutasin ang kanyang mga problema, at uusad siya sa kanyang pagpasok sa buhay. Gayunpaman, lumalaban at tumututol ang ilang tao sa pagwawasto at pagtukoy sa kanilang mga isyu. Ipinapakita nito na hindi nila tinatanggap ang katotohanan at na nayayamot sa katotohanan ang kanilang disposisyon. Nakita ko na noon ay naniniwala ako na ang pagtukoy sa mga problema ng iba ay katulad ng paglalantad ng kanilang mga pagkukulang at na isa itong hindi pinahahalagahang gampanin. Maling-mali ang pananaw na ito. Naunawaan ko rin na mayroong mga prinsipyo sa pagtukoy ng mga problema ng iba. Hindi lamang ito tungkol sa pagkakaroon ng mabubuting layunin at sigasig, o direktang pagbibigay-alam sa mga tao ng mga problema nila, kahit sino pa sila. Minsan ay kailangan mong gumamit ng karunungan at sundin ang mga prinsipyo ng katotohanan. Ang pinakamahalaga ay na isinasaalang-alang mo ang mga nauugnay na katotohanan, na tinutulungan mo ang iba na maunawaan ang katotohanan at ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga bagay-bagay sa kanila, at na binibigyan mo sila ng landas ng pagsasagawa. Sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka tunay na nakakatulong sa mga tao. Sa puntong ito, sa wakas ay napagtanto ko na hindi ako nakakakuha ng magagandang resulta kapag tinutukoy ko ang mga problema ng iba noon dahil hindi ko hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan. Katulad ni Roxanna na palalo, nag-aalala sa kanyang reputasyon, at hindi pa naiwasto noon. Nang makita kong lumilihis siya sa paksa sa kanyang pagbabahagi, bukod sa dapat ipinaalam ko sa kanya ang problema niya, dapat ibinahagi ko rin noon sa kanya ang mga prinsipyo sa pagbabahagi ng salita ng Diyos para matulungan siyang makahanap ng landas ng pagsasagawa. Maiiwasan sana nito na mapigilan siya at magbibigay-daan sa kanya na magbahagi ayon sa mga prinsipyo sa mga sumunod na pagtitipon. Nang maunawaan ko ang prinsipyong ito, hindi na ako natakot na tukuyin ang mga problema ni Barbara, at alam kong dapat ko siyang tulungan ayon sa mga prinsipyo at nang may habag para mapigilan siyang tumahak sa maling landas. Sa puso ko, naghanap at nanalangin ako sa Diyos, “Paano po ako mabisang makapagbahagi kay Barbara, nang hindi siya mapigilan, at nang mapahintulutan din siyang maunawaan ang aspetong ito ng katotohanan, at makilala ang problema niya?”

Sa tuwing may oras ako, pinagninilayan ko ang problemang ito, hinahanap at isinasaalang-alang ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga nagpapakitang-gilas at nagtataas ng kanilang sarili. Naghanap ako ng oras para magtapat kay Barbara sa pagbabahagi at para kausapin siya tungkol sa kanyang mga problema na napansin ko sa panahong ito, pati na rin na magbahagi sa kanya sa kalikasan at mga kahihinatnan ng pagpapakitang-gilas, at sa saloobing ginagamit ng Diyos sa pagtrato sa ganitong uri ng pag-uugali. Matapos kong makapagbahagi sa kanya, sa wakas ay napagtanto ni Barbara ang kalubhaan ng kanyang problema, napagtanto niya na kontrolado siya ng pagkahumaling sa katayuan, na gusto niyang magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao at hangaan siya ng mga tao, at na ang ganitong uri ng paghahangad ay kinasusuklaman ng Diyos. Kalaunan ay sinuri at ipinagtapat niya sa isang pagtitipon ang tungkol sa pag-uugali niyang ito, na nakatulong sa lahat na matukoy ito. Nang makitang nagawang pagnilayan at kilalanin ni Barbara ang problema niya, at kamuhian ang sarili niya, natuwa ako. Pero kasabay niyon, nakonsensya rin ako. Nagsisi ako na inabot ako hanggang ngayon para ibahagi at ipaalam ito sa kanya. Hindi siya nagkaroon ng masamang palagay sa akin dahil tinukoy at inilantad ko ang problema niya, hindi rin nasira ang relasyon namin, sa halip, mas naging malapit kami kaysa dati. Naunawaan ko na sa pamamagitan lamang ng pamumuhay ayon sa salita ng Diyos at pakikipag-ugnayan sa mga tao ayon sa mga prinsipyo makakaramdam ang isang tao ng kapayapaan.

Sinundan: 59. Pag-Iwan sa Pag-aaral Ko

Sumunod: 61. Hindi Ako Nakapag-isip nang Malinaw Dahil sa Aking Emosyon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito