87. Ang Isang Kapareha ay Hindi Isang Karibal

Ni Claire, Myanmar

Hindi nagtagal pagkatapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, sinimulan kong isagawa ang pagdidilig sa mga baguhan. Dahil ako ay masigasig, maagap, at nagtatamo ng mga resulta sa aking tungkulin, napili ako na maging lider ng grupo. Kalaunan, naging diyakono ako ng ebanghelyo. Sabi ng mga kapatid ko, kahit na bata pa ako, maaasahan talaga ako, nagdadala ako ng pasanin sa tungkulin ko, at responsable ako. Lubos itong nagbigay ng kasiyahan sa aking banidad. Noong Oktubre 2020, naging lider ako ng iglesia. Lalo nitong ipinaramdam sa akin na ako ay isang tao na may kakayahan, na naghahanap sa katotohanan.

Makalipas ang ilang panahon, isang nakatataas na lider ang nagsaayos na makatrabaho ko si Sister Olivia. Habang sinasabi ko sa kanya ang sitwasyon ng iglesia, sinabi ng lider ang ilang problemang mayroon sa iglesia. Matapos itong marinig, sinabi ni Olivia, “Kailangan nating mahanap ang ugat ng problema at agad itong lutasin. Kung hindi, mahahadlangan nito ang gawain ng iglesia.” Nahiya ako nang marinig kong sabihin niya ito, dahil nag-alala ako na mamaliitin ako ni Olivia dahil may mga problemang ito sa aking gawain. Sa sumunod na ilang araw, nalaman ni Olivia kung paano ginawa ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin sa iglesia. Pagkatapos, sinabi niya sa akin sa harap ng ilang katrabaho at ng aking mga kapatid, “Ang diyakono ng ebanghelyo at ilang lider ng grupong nakilala ko nitong nakaraang dalawang araw ay hindi nagdadala ng pasanin. Kapag may mga kuru-kuro at paghihirap ang mga baguhan, hindi alam ng mga lider ng grupo kung paano lutasin ang mga ito at hindi nila aktibong sinisiyasat ang mga ito, sa halip ay nalulugmok sila sa mga paghihirap. Hindi nila madidiligan nang maayos ang mga baguhan nang ganito.” Medyo nakaramdam ako ng pagtutol nang marinig ko ang sinabi niya dahil may ilang lider ng grupo na pinagtuunan kong linangin. Ang marinig siyang magsalita nang ganito tungkol sa kanila ay para bang pinagmumukha na wala ni isa sa kanila ang mahusay na gumagawa. Pakiramdam ko, para bang masyado siyang maraming hinihingi. Naisip ko, “Kararating mo lang at hindi mo nauunawaan ang mga detalye tungkol sa sitwasyon, pero nagsimula ka nang pumuna ng mga pagkakamali. Gusto mo bang ipakita na nagdadala ka ng pasanin at nakahahanap ng mga problema? Sinusubukan mo lang bang magmukhang magaling dahil bago ka rito? Kung patuloy mong uungkatin ang mga problema sa gawain ko, hindi ba’t sisirain mo ang maganda kong imahe sa mga mata ng aking mga kapatid?” Pinigilan ko ang galit ko at sinabing, “Tama ka sa mga problemang ito. Gayunpaman, ang mga lider ng grupo at ang diyakono ng ebanghelyo ay lahat nahaharap sa mga aktuwal na paghihirap, kaya kung minsan, ang gawain ng pagsubaybay ay hindi nagagawa nang maayos, at kailangan natin itong unawain.” Matapos marinig ito, sabi niya, “Ang mga paghihirap na ito ay puwedeng malutas sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan at maunawaan ang layunin ng Diyos, magdadala sila ng pasanin at magiging responsable sa kanilang tungkulin. Ang susi ay kung nagbabahaginan ba tayo tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problemang ito.” Lalo lang akong nagalit, iniisip na, “Sinasabi mo bang hindi ko kayang lutasin ang mga problemang ito sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan?” Ganap na nagbago ang pagtingin ko kay Olivia. Hindi ko na siya itinuring na aking kapareha o isang taong makatutulong sa akin, kundi sa halip ay kalaban ko. Naisip ko, “Kung magpapatuloy ito, hindi magtatagal ay pangungunahan niya na ang gawain. Ako ang lider, at nandito lang siya para makipagtulungan sa akin. Mas magaling siya sa akin sa lahat ng bagay, at palagi akong ipinahihiya. Paano ako magkakaroon ng anumang dignidad nito? At ano na lang ang iisipin ng mga kapatid ko sa akin?” Pagkatapos niyon, ayoko nang gumawa kasama siya, at ayoko na siyang kausapin.

Minsan, sa isang pagpupulong ng magkakatrabaho, nabasa namin ang salita ng Diyos na nagbubunyag na ang mga huwad na lider ay hindi nagsasagawa ng tunay na gawain. Nagnilay-nilay si Olivia at ibinahagi ang kanyang pagkaunawa tungkol sa kanyang sarili, sinasabing matagal-tagal na rin siyang nasa iglesia, pero dahil hindi siya gumawa ng anumang tunay na gawain, hindi nalutas sa oras ang mga paghihirap ng mga baguhan. Sinabi niya na dahil dito ay palagi silang nabubuhay nang nahihirapan, at hindi nila alam kung paano isasagawa ang katotohanan, na nakaaantala sa kanilang paglago sa buhay. Kahit na tinatalakay ni Olivia ang pagkakilala niya sa sarili, sa pandinig ko, parang inilalantad niya ako sa hindi paggawa ng anumang tunay na gawain. Sinimulan kong hulaan kung anong ibig niyang sabihin, “Tinatalakay mo ang mga problemang ito para sadyang ipaalam sa lahat ang tungkol sa mga problema sa gawain ko, hindi ba? Maganda ang tingin sa akin ng mga kapatid dati, pero ngayong inilantad mo ako nang ganito, hindi ba’t parang sadya mong sinisira ang imahe ko? Ano nang iisipin nila ngayon sa akin?” Nung panahong iyon, lubhang lumalaban ako at gustong umalis, pero naramdaman kong hindi makatwiran na gawin ito, kaya pinilit ko ang sarili ko na manatili hanggang sa huli. Nung gabing iyon, pinuntahan ako ni Olivia para talakayin kung sinong nagdadala ng pasanin ang puwede naming linangin para maging lider ng grupo sa pagdidilig. Matapos niya itong itanong sa akin, sobra akong nakaramdam ng paglaban at naisip ko, “May mga natitira pa bang karapat-dapat na kandidato? Tinanggihan mo na ang lahat ng magagaling. Hayagan mong tinatalakay ang mga problema sa aming iglesia hindi lamang dito, kundi pati sa harap ng mga kapatid mula sa ibang mga iglesia. Ngayon alam na ng ibang mga iglesia na hindi ako gumagawa ng totoong gawain. Bakit hindi mo muna isaalang-alang ang damdamin ko bago ka magsalita? Sa tingin ko, sinasadya mong targetin ako!” Mataray kong sinabi, “Simula nang dumating ka, wala nang iba pang nagdala ng pasanin!” Mahina niya akong sinagot, “Kung gayon, ibig mo bang sabihin, hindi ako dapat nandito?” Napagtanto kong masyado akong naging mapusok, at hindi ko dapat sinabi iyon, kaya agad akong sumagot na “Hindi.” Pareho kaming natahimik sa loob ng ilang saglit bago namin ipinagpatuloy ang pagtalakay sa gawain. Maya-maya, nung naalala ko kung anong sinabi ko sa kapatid ko, medyo nakonsensiya ako. Ang katunayang nakatuklas si Olivia ng mga problema sa aming gawain ay nagpapakita na kaya niyang magdala ng pasanin. Paano ko siya nagawang pagsalitaan nang ganoon? Gusto kong humingi ng tawad sa kanya pagkatapos ng talakayan, pero noong sandaling naging abala na ako sa gawain, nakalimutan ko ito.

Kalaunan, nang makita kong kinokonsulta ng nakatataas na lider si Olivia sa lahat ng uri ng usapin, labis akong nabalisa: “Isa rin akong lider. Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Sasabihin ba nila na isa akong walang kuwentang lider, at hindi ako kailangan?” Pakiramdam ko, inaagawan ako ni Olivia ng atensyon, at naiinggit ako sa kanya. Naisip ko, “Kung hindi siya dumating dito, sa akin tatalakayin ng lider ang gawain.” Naisip ko rin ang katunayang pinangungunahan na ni Olivia ngayon ang lahat ng gawain, at mas matagal na siyang nananalig sa Diyos at mas marami siyang nauunawaang katotohanan kaysa sa akin. Pinuna rin niya ang mga problema sa gawain ko sa harap ng aking mga kapatid, kaya hindi ko alam kung ano nang tingin sa akin ng mga kapatid ngayon. Kapag naiisip ko ang mga ito, nababagabag ako. Nag-aalala ako na aagawin ni Olivia ang posisyon ko. Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo akong hindi nasisiyahan, at gusto kong maghiganti sa kanya: “Wala kang pakialam sa damdamin ko, kaya simula ngayon, hindi ko gagawing madali ang mga bagay-bagay para sa iyo.” Naalala ko minsan, tinatalakay namin ang gawain, at matapos ipahayag ni Olivia ang kanyang opinyon, hiningi niya ang payo ko. Hindi ko siya pinansin at naghanap ako ng mali sa kanyang mga pagsasaayos ng gawain, sinasabing hindi ito uubra at hindi iyon uubra para sadya siyang pahirapan. Minsan, tinatalakay namin ang isang trabaho na pangunahing responsabilidad ni Olivia. Nung panahong iyon, malinaw kong nauunawaan kung paano lutasin ang problema, pero ayaw kong magbigay ng anumang mungkahi. Naisip ko pa nga, “Mas maganda kung mabibigo ang mga pagsasaayos mo. Sa ganoong paraan, malalaman ng lahat na hindi mo kayang pamahalaan ang mga bagay, at makikita ng lider na mali na palaging makipag-usap sa iyo kaysa sa akin.” Pagkatapos niyon, gumawa siya ng ilang mungkahi, na tinanggihan ko lahat. Nung nakita kong hindi niya alam kung paano ito lutasin at gusto niyang bigyan ko siya ng ilang payo, lihim akong natuwa, “Ni hindi mo nga maisaayos nang tama ang gawaing tulad nito, pero ang lakas ng loob mong punahin ang gawain ko.” Nakita ng lider na hindi tama ang pag-uugali ko at pinaalalahanan ako na kailangan kong makipagtulungan nang maayos kay Olivia, kundi, maaantala ang gawain ng iglesia. Matapos marinig ang sinabi ng lider ko, sa kaibuturan ko ay medyo nakonsensiya ako. Noong hindi kami makausad sa gawain namin, hindi ako nagdala ng pasanin para lutasin ito. Sa halip, pinanood ko lang iyon at pinagtawanan. Hindi ko talaga pinangangalagaan ang gawain ng iglesia. Matapos mapagtanto ito, inayos ko ang pag-iisip ko at nakilahok sa mga talakayan. Pero dahil sa nakaraang pagkaantala, sobrang huli nang naisakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain.

Isang gabi, pinuntahan ako ng lider para punahin ang aking mga problema. Sabi niya, “Ang pagnanais mo ng katanyagan at katayuan ay masyadong matindi. Nakikipagkumpitensya ka kay Olivia para sa kasikatan. Kapag tinatalakay ang gawain, hindi mo tinatanggap ang anumang mga pananaw na kanyang iminumungkahi. Pinabubulaanan mo ang lahat ng iyon. Pakiramdam ni Olivia ay napipigilan siya dahil sa iyo, at hindi niya alam kung paano makikipagtulungan sa iyo. Kailangan mong medyo pagnilayan ang sarili mo.” Matapos marinig ang sinabi ng lider, nakaramdam ako ng sobrang lungkot at pagkaagrabyado: “Bakit isinusumbong ni Olivia ang problema ko nang hindi ko alam? Kung talagang gusto niya akong tulungan, puwede niya namang sabihin sa akin nang personal. Ngayon, alam na ng lider ang tungkol sa mga problema ko at baka tanggalin niya ako.” Sa sandaling maisip ko ito, ipinagtapat ko sa lider ang tungkol sa kalagayan ko. Nag-alok pa nga ako na umako ng responsabilidad at magbitiw, para hindi na patuloy na maantala ang gawain ng iglesia. Habang nagsasalita ako tungkol sa pagbibitiw, halos madurog ang puso ko. Pakiramdam ko, mawawala na sa akin ang tungkulin ko. Nagbahagi sa akin ang lider at sinabi, “Kapag may mga problema tayo, hindi natin maiiwasan ang mga ito. Kailangan nating hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang ating sarili. Ang katunayang nakahahanap si Olivia ng mga problema sa gawain ay nagpapakita na kaya niyang magdala ng pasanin. Hindi ba’t kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia? Bakit hindi mo ito matrato nang tama? Palagi kang naiinggit sa kanya at natatakot na malalagpasan ka niya. Ipinapakita nito na masyadong matindi ang pagnanais mo ng katayuan.” Matapos ang pagbabahagi ng aking lider, napagtanto ko na ang pagnanais ko ng katanyagan at katayuan ay talagang masyadong matindi. Kailangan kong hanapin ang katotohanan para malutas ang kalagayan ko. Hindi na ako puwedeng maging negatibo at lumalaban.

Pagkatapos nun, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ng kaunting pagkaunawa sa tiwaling disposisyon na ipinakita ko. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Iniisip ng mga anticristo na sinumang naglalantad sa kanila ay pinahihirapan lang sila, kaya nakikipagkompetensiya at nakikipaglaban sila sa sinumang naglalantad sa kanila. Dahil sa ganitong kalikasan ng mga anticristo, hindi sila kailanman magiging mabait sa sinumang nagpupungos sa kanila, ni hindi sila magpaparaya o magtitiis sa sinumang gumagawa nito, lalo nang hindi nila pasasalamatan o pupurihin ang sinumang gumagawa nito. Bagkus, kung pinupungusan sila ng sinuman at nawawalan sila ng dignidad at napapahiya sila, magtatanim sila ng galit sa taong ito sa puso nila, at nanaisin nilang maghanap ng pagkakataong paghigantihan siya. Napakalaki ng galit nila sa iba! Ito ang iniisip nila, at hayagan nilang sasabihin sa harap ng iba, ‘Ngayon ay napungusan mo na ako, kaya, ngayon ay nakataga na sa bato ang away natin. Humayo ka kung saan mo gusto, at hahayo ako kung saan ko gusto, pero isinusumpa kong maghihiganti ako! Kung ipagtatapat mo sa akin ang kasalanan mo, magyuyuko ka ng ulo sa akin, o luluhod ka at magmamakaawa sa akin, patatawarin kita, kung hindi ay hinding-hindi ko ito palalagpasin!’ Anuman ang sabihin o gawin ng mga anticristo, hindi nila itinuturing na ang mapagmalasakit na pagpupungos sa kanila ng sinuman o ang taos-pusong tulong ng sinuman bilang pagsapit ng pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Sa halip, ang tingin nila rito ay isang tanda ng pagkapahiya, at bilang sandali kung kailan sila lubusang ipinahiya. Ipinapakita nito na hindi talaga tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, ang disposisyon nila ay pagiging tutol at pagkamuhi sa katotohanan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Ibinunyag ng Diyos na kapag ang mga anticristo ay pinupungos, hindi lang nila ito hindi tinatanggap, kundi nagsisimula pa silang kamuhian ang taong nagpungos sa kanila at gusto nilang gumanti. Nakita ko na hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, tutol sila sa katotohanan, at kinamumuhian nila ang katotohanan. Dati-rati, kapag nakikita ko ang salitang “paghihiganti,” naiisip ko na masama ang pamamaraang ito. Hindi ako naniniwalang nagpapakita ako ng kasamaan at na kaya kong gawin ang mga ganitong bagay. Mga anticristo at masasamang tao lang ang maghihiganti sa iba. Binalikan ko ang sarili kong pag-uugali, hindi ba’t kapareho lang ito ng sa mga anticristo? Noong pinuna ni Olivia ang mga problema sa aking gawain sa harap ng aking mga katrabaho at mga kapatid, pakiramdam ko, nasira ang imahe ko, kaya nagkaroon ako ng pagkiling at paglaban sa kanya. Sa isang pagpupulong, napagtanto ni Olivia na hindi siya gumawa ng tunay na gawain batay sa mga salita ng Diyos, at pakiramdam ko, sinasadya niyang ibunyag ang mga problema sa gawain ko sa pamamagitan ng pagtalakay sa pagkakilala niya sa kanyang sarili, kaya ang pagkiling ko laban sa kanya ay lalo lang nadagdagan. Inatake ko pa nga siya, sinasabing wala nang sinuman na nagdala ng pasanin simula nung dumating siya. Nang makita ko na palaging tinatalakay ng lider ang gawain sa kanya, pakiramdam ko ay inagawan ako ng atensyon. Para makaganti sa kanya, hindi ako nagpapahayag ng mga mungkahi kapag tinatalakay namin ang gawain, at nung ipinahayag ni Olivia ang kanyang mga iniisip at mungkahi, naghanap ako ng mga mali at tinanggihan siya, dahilan para maging imposibleng makausad ang gawain. Itinuring ko ang aking kapatid bilang isang karibal. Para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan, kaya ko pa nga siyang atakihin at gantihan. Hindi ba’t ang disposisyong aking inihayag ay kapareho ng disposisyon ng isang anticristo? Higit pa roon, naisip ko iyong katunayan na pinupuna niya ang mga aktuwal na problema sa gawain ko. Kung hinanap ko ang katotohanan para pagnilayan ang sarili ko at binaligtad ang mga paglihis, agad sanang nalutas ang mga problemang ito. Naging kapaki-pakinabang sana iyon sa gawain namin. Pero hindi ko lang ito hindi tinanggap, ginusto ko pang maghiganti laban sa kapatid ko. Hindi talaga ako karapat-dapat na tawaging isang mananampalataya ng Diyos!

Kalaunan, nakabasa ako ng dalawa pang sipi ng salita ng Diyos na nagpaunawa sa akin ng diwa at mga kahihinatnan ng ganitong pag-uugali. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Ang isa sa mga pangunahing katangian ng likas na pagkatao ng mga anticristo ay ang kasamaan. Ano ang kahulugan ng ‘kasamaan’? Nangangahulugan ito na mayroon silang partikular na kasuklam-suklam na saloobin tungkol sa katotohanan—hindi lamang nabibigong magpasakop doon, at hindi lamang tumatangging tanggapin iyon, kundi kinokondena pa ang mga nagpupungos sa kanila. Iyon ang masamang disposisyon ng mga anticristo. Iniisip ng mga anticristo na sinumang tumatanggap sa ay madaling apihin, at na ang mga taong palaging pumupungos sa iba ay ang mga taong palaging nagnanais na manudyo at mang-api sa mga tao. Kaya, lalabanan ng isang anticristo ang sinumang pumupungos sa kanya, at pahihirapan niya ang taong iyon. At sinumang bumabanggit sa mga kakulangan o katiwalian ng isang anticristo, o nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at mga layunin ng Diyos, o naghihikayat sa kanyang kilalanin ang kanyang sarili, iniisip niya na pinahihirapan siya ng taong iyon at nakayayamot ang tingin sa kanya. Kinamumuhian niya ang taong iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at paghihigantihan at pahihirapan niya ito. … Anong uri ng mga tao ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon? Masasamang tao. Sa katunayan, masasamang tao ang mga anticristo. Kaya, ang masasamang tao at mga anticristo lamang ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon. Kapag naharap ang isang malupit na tao sa anumang uri ng pagpapayo, akusasyon, turo, o tulong na may mabuting layunin, ang saloobin nila ay hindi ang magpasalamat o tanggapin ito nang mapagpakumbaba, kundi, ang magalit nang husto dahil sa kahihiyan, at makaramdam ng matinding pagkamapanlaban, pagkamuhi, at maghiganti pa nga(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). “Itinuturing ng mga anticristo na mas mahalaga ang sarili nilang katayuan at reputasyon kaysa sa anupamang bagay. Ang mga taong ito ay hindi lamang mapanlinlang, tuso, at buktot, kundi lubos ding malulupit. Ano ang ginagawa nila kapag napag-alaman nilang nasa panganib ang kanilang katayuan, o kapag nawawala ang puwang nila sa puso ng mga tao, kapag nawala ang pagtangkilik at pagmamahal ng mga taong ito, kapag hindi na sila iginagalang at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng mga tao, at nahulog na sila sa kahiya-hiyang kalagayan? Bigla na lang silang nagbabago. Sa sandaling mawala sa kanila ang kanilang katayuan, ayaw na nilang gampanan ang anumang tungkulin, nagiging pabasta-basta na lang sila sa lahat ng kanilang ginagawa, at wala silang interes na gumawa ng kahit ano. Subalit hindi ito ang pinakamalalang pagpapamalas. Ano ang pinakamalalang pagpapamalas? Sa sandaling mawalan ng katayuan ang mga taong ito, at hindi na mataas ang tingin sa kanila ng sinuman, at wala na silang nalilihis, lumalabas ang poot, inggit, at paghihiganti. Bukod sa wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, wala rin silang ni katiting na pagpapasakop. Bukod pa rito, sa kanilang mga puso, malamang na kapootan nila ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, at ang mga lider at manggagawa; pinakaaasam-asam nilang magkaproblema at mahinto ang gawain ng iglesia; gusto nilang pagtawanan ang iglesia, at ang mga kapatid. Kinapopootan din nila ang sinumang naghahangad ng katotohanan at natatakot sa Diyos. Binabatikos at kinukutya nila ang sinumang tapat sa kanyang tungkulin at handang magsakripisyo. Ito ang disposisyon ng mga anticristo—at hindi ba’t malupit ito? Malinaw na masasamang tao sila; ang mga anticristo sa diwa nila ay masasamang tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Ang makakita ng mga salita tulad ng “malupit” at “masasamang tao” ay nakatatakot at nakababahala. Hindi ko inasahang ang mga salitang ito ay magiging angkop sa akin. Nasira ang imahe ko dahil pinuna ni Olivia ang mga problema sa aking gawain. Inatake at ginantihan ko siya, sinasadyang ipahiya siya kapag tinatalakay ang gawain, at naghahanap ng mga mali sa kanyang mga pagsasaayos ng gawain. Ni hindi ako nagpaliwanag noong alam ko kung paano lutasin ang isang problemang mayroon siya sa kanyang gawain dahil gusto ko siyang ipahiya at pagtawanan. Nung inilantad at pinungusan ako ng lider, hindi ko lang hindi pinagnilayan ang sarili ko, kundi kinamuhian ko pa siya dahil sa pagsusumbong ng mga problema ko. Negatibo ako at lumalaban, ibinaling ko ang galit ko sa aking tungkulin, at gusto ko pa ngang magbitiw at tumigil na sa paggawa ng tungkulin ko. Ang ipinakita ko ay tulad ng sa isang anticristo, isang masamang disposisyon! Ang mga pinaniniwalaan ko ay “Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako” at “Kung hindi ka mabait sa akin, gagawan kita ng masama.” Kapag may sinumang nakakaapekto sa mga interes at imahe ko, kinamumuhian, inaatake, at ginagantihan ko sila. Naalala ko iyong isang beses bago ako nanalig sa Diyos, nung nagkaroon ako ng sigalot sa isang kaibigan, at nagsalita siya ng masama tungkol sa akin sa ibang tao. Sobrang nagalit ako, at naisip ko, “Kung hindi ka mabait sa akin, gagawan kita ng masama.” Palihim kong sinabi sa taong pinagsabihan niya, “Paano ka naging sobrang estupido? Bakit mo nagagawang maging napakabait sa kanya? Ni hindi mo alam na nagsasabi siya ng masasamang bagay tungkol sa iyo sa likod mo!” Akala ko mahina ako kung hindi ako gaganti matapos maapi. Ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiyang ito ay ginawa akong sakim at masama, binaluktot ang aking pag-iisip, at ginawa akong walang kakayahang makakilala ng mabuti at masama. Nang mapagtanto ito, pakiramdam ko ay napakasama ko. Kapag hindi ko iwinasto ang kasamaan ko, makakagawa lang ako ng mas maraming kasamaan, at pagkatapos ay itataboy at ititiwalag ako ng Diyos! Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, sa pamamagitan ng paghatol at paghahayag ng Iyong salita ay nakikita kong hindi maganda ang pagkatao ko at napakasama ko. Gusto kong magsisi at isagawa ang katotohanan para mabago ang sarili ko. Pakiusap, gabayan Mo ako.”

Kalaunan, nabasa ko sa salita ng Diyos: “Kapag may sinumang gumugugol ng kaunting oras para pangasiwaan o obserbahan ka, o umuunawa sa iyo nang malalim, sumusubok na kausapin ka nang masinsinan at tuklasin kung ano ang naging kalagayan mo sa panahong ito, at kapag medyo mabagsik pa kung minsan ang kanilang pag-uugali, at pinupungusan, dinidisiplina, at pinagsasabihan ka nila nang kaunti, lahat ng ito ay dahil tapat at responsable sila sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ka dapat magkaroon ng anumang negatibong saloobin o emosyon tungkol dito. Ano ang ibig sabihin kung kaya mo itong tanggapin kapag pinapangasiwaan, inoobserbahan, at sinusubukan kang unawain ng iba? Na sa puso mo, tinatanggap mo ang pagsusuri ng Diyos. Kung hindi mo tinatanggap ang pangangasiwa, pag-oobserba, at pagtatangka ng mga tao na unawain ka—kung ayaw mong tanggapin ang lahat ng ito—magagawa mo bang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos? Ang pagsusuri ng Diyos ay mas detalyado, malalim, at tumpak kaysa kapag sinusubukan ng mga tao na unawain ka; ang mga hinihingi ng Diyos ay mas partikular, mahirap, at malalim. Kung hindi mo matanggap ang pangangasiwa ng mga hinirang na tao ng Diyos, walang kabuluhang mga salita lamang ba ang sinasabi mo na kaya mong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos? Para magawa mong tanggapin ang pagsusuri at pagsisiyasat ng Diyos, dapat mo munang tanggapin ang pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos, ng mga lider at manggagawa, o ng mga kapatid(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 7). “Anumang problema ang mayroon ka o anumang katiwalian ang ipinapakita mo, palagi mo dapat pagnilayan at kilalanin ang sarili mo sa liwanag ng mga salita ng Diyos o hilingin mo sa mga kapatid na ituro ang mga ito sa iyo. Ang pinakaimportante ay dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, lumapit ka sa Diyos, at hilingin sa Kanya na liwanagan at tanglawan ka. Anumang pamamaraan ang gamitin mo, ang mas maagang pagtuklas ng mga problema at pagkatapos ay paglutas sa mga ito ay ang epektong nakakamit sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili, at ito ang pinakamagandang bagay na magagawa mo. Huwag mo nang hintaying ibunyag ka ng Diyos at itiwalag ka bago ka magsisi, dahil magiging masyado nang huli para manghinayang!(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)). Noon lang matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos saka ko napagtanto na ang pangangasiwa at paggabay na ibinibigay sa akin ng aking mga kapatid ay dahil lang seryoso at responsable sila sa kanilang gawain. Dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos at matutong tumanggap at sumunod. Tanging ito lang ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos at pagkakaroon ng isang pusong may takot sa Diyos. Nung natuklasan ng kapatid ko ang mga problema ko at sinabi niya ang mga ito sa akin, ito ay para sana tulungan at saklolohan ako. Masyadong mababaw ang karanasan ko sa buhay. Nagkaproblema ang mga baguhan sa kanilang mga tungkulin, pero hindi ko kayang magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga ito, at maraming beses ay nagsaayos lang ako ng gawain para matapos na iyon at hinayaan ko na lang iyon, nang walang pangungumusta o pagtulong kalaunan. Hindi nagtamo ng anumang resulta ang gawain. Hindi ko naunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasaayos ng mga tauhan at mahirap iwasan ang pagiging hindi angkop ng ibang mga tao. Nauunawaan ni Olivia ang ilang katotohanan at malinaw na nakikita ang ilang bagay, kaya kung nagtulungan kami sa gawain ng iglesia, hindi lang sana ito nakatulong sa gawain, kundi natuto pa sana ako sa kanya at bumuti. Noon ko lang naunawaan kung bakit hinihingi ng Diyos sa atin na makipagtulungan sa ating mga tungkulin, sa halip na gawin ang mga ito nang mag-isa. Ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon at maraming kamalian ang mga tao. Kailangan nating pangasiwaan ang isa’t isa, gabayan ang isa’t isa, at tulungan ang isa’t isa. Ito lang ang paraan para maiwasan ang mga pagkakamali. Sa pag-iisip nito, labis akong nakonsensiya. Hindi na ako puwedeng mamuhay para sa katanyagan at katayuan. Kailangan kong matutuhang pakawalan ang aking sarili, tanggapin ang pangangasiwa at patnubay ng iba, makipagtulungan sa aking kapatid, hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga problema sa gawain nang magkasama, at gawin nang maayos ang aking tungkulin.

Pagkatapos noon, ipinadala ako sa ibang iglesia para gawin ang tungkulin ko. Nang mahiwalay kay Olivia, naramdaman kong napakarami kong pagsisisi. Kaya, tahimik akong nagdasal sa Diyos, sinasabing mula ngayon, gusto ko nang gawin nang tama ang tungkulin ko at pagtuunan ang pag-ayos sa mga tiwali kong disposisyon. Minsan, hiniling ko kay Sister Esther, na siyang namamahala sa pagdidilig, na ipaliwanag kung ano na ang nangyayari sa mga pagtitipon ng mga baguhan. Binigyan ako ni Esther ng ilang payo, “Palagi kang pumupunta sa ibang pagtitipon, at bihirang pumunta sa mga pagtitipon ng mga baguhan, kaya nagmumukha tuloy na para bang wala ang lider. Wala sa mga kapatid ang nakakakilala sa iyo. Hindi madali para sa iyo na kumustahin ang kanilang gawain, o lutasin ang kanilang mga kalagayan at paghihirap.” Natigilan ako nang marinig kong sabihin niya iyon, at naramdaman kong umiinit ang mukha ko. Sa isip-isip ko, “Paano mo ako natawag na isang liban na lider? Ang ibig mo bang sabihin ay hindi ako gumagawa ng aktuwal na gawain at na wala akong kuwenta? Napakalupit mo! Hindi naman sa hindi ako gumagawa, kinukumusta ko ang ibang gawain. Dahil ikaw ang namamahala sa grupong ito, ikaw ang dapat maging responsable para dito. Hindi naman kailangang ako ang gumawa ng lahat. Kapag narinig ng mga nakatataas na lider ang sinabi mo, hindi ba’t iisipin nilang hindi ako gumagawa ng aktuwal na gawain? Hindi ito puwede. Kailangan kong maghanap ng ilang paglihis sa iyong gawain para pag-usapan.” Nang maisip ko iyon, napagtanto ko na mali ang kalagayan ko. Pinupuna ng kapatid ko ang mga problema sa aking gawain, at sa halip na tanggapin ito at magnilay, inisip kong masyado siyang malupit, at gusto kong maghanap ng mga problema sa kanyang gawain para pabulaanan siya. Tumatanggi akong tanggapin ang katotohanan at sinusubukan na namang maghiganti. Agad akong tahimik na nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, may sinabi si Esther sa akin na isyu at lumalaban ako sa puso ko, na sumasalungat sa Iyong layunin. Gusto kong tumanggap, sumunod at pagnilayan ang aking sarili.” Matapos kong magdasal, nagnilay-nilay ako at napagtanto ko na mayroon nga talaga akong problema. Masyado akong nakaasa kay Esther. Pakiramdam ko, dahil siya ang namamahala sa pagdidilig ng mga baguhan, puwede akong magrelaks, kaya hindi ako sumubaybay. Bilang isang lider ng iglesia, bihira kong nalalaman ang mga tunay na kalagayan at paghihirap ng mga baguhan. Hindi ko tinutupad ang aking mga responsabilidad. Ito talaga ay isang pagpapamalas ng hindi paggawa ng aktuwal na gawain. Pagkatapos niyon, sinabi ko kay Esther, “Hindi ko napagtanto noon na mayroong ganitong problema, pero gusto kong baguhin ito.” Kalaunan, totoong nakipag-ugnayan ako sa mga baguhan at dumalo sa kanilang mga pagtitipon at nagbahagi para lutasin ang kanilang mga kalagayan. Sa pagsasagawa ng aking tungkulin sa ganitong paraan, lubos na gumaan ang loob ko.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto ko na sa pagsasagawa ayon sa salita ng Diyos at pagkatutong tanggapin ang pangangasiwa, patnubay, at pagpupungos, ng aking mga kapatid, talagang makakamit ko ang ilang pagbabago. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 86. Huwag Hayaan ang Pagkagiliw na Palabuin ang Iyong Isipan

Sumunod: 88. Bakit Ako Natatakot na Mahigitan?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito