86. Huwag Hayaan ang Pagkagiliw na Palabuin ang Iyong Isipan

Ni Xin Jing, Tsina

Noong Hunyo 2015, pumunta ako sa isang iglesia para maglingkod bilang isang diyakono ng ebanghelyo. Noong panahong iyon, si Li Jie ang namamahala sa pagdidilig sa mga baguhan, at dahil sa mga pangangailangan ng aming mga tungkulin, madalas kaming gumawa nang magkasama. Maliban sa halos magkasing-edad kami, magkapareho ang aming pamumuhay at personalidad. Higit sa lahat, ang mga asawa namin ay parehong sumalungat sa aming pananampalataya dahil sa panunupil ng CCP sa mga mananampalataya. Magkatulad ang naging mga karanasan namin at maraming lenggwahe ang pareho naming nalalaman, kaya nagkakasundo talaga kami. Noong panahong iyon, kararating ko lang sa iglesiang iyon at hindi ako pamilyar sa iba pang mga kapatid, at nahaharap din ako sa maraming hamon sa paggawa ng aking tungkulin. Napakasigla ni Li Jie sa pakikipagbahaginan at pagtulong sa akin, at madalas ko siyang tinutulungan sa anumang mga problema sa buhay niya. Unti-unti, sinimulan naming ibahagi ang aming mga pinakanatatagong saloobin at damdamin sa isa’t isa at nakabuo kami ng isang tunay na ugnayan.

Kalaunan, nahalal ako bilang lider ng iglesia at hindi na kami nagkaugnayan na kasindalas ng dati. Paglipas ng ilang buwan, kinausap ako ng ilang kapatid tungkol kay Li Jie. Sinabi nila na talagang mayabang siya, at kapag may mga problema ang iba, hindi lang siya nabigo na matiyaga silang tulungan, kundi pinagalitan at hinamak pa niya sila. Dahil dito, pakiramdam ng lahat na napipigilan sila ni Li Jie. Tinukoy ito ng superbisor sa kanya, pero ayaw niyang tanggapin iyon at pabalang na sumagot. Nakagagambala siya nang husto na hindi na maka-usad ang mga pagtitipon. Kapag nagbabahagi sa kanya ang mga kapatid, nananatili siyang matigas ang ulo at ibinabaling ang sisi sa iba. Hindi malinaw ang kanyang pagbabahagi sa katotohanan at hindi siya naiintindihan ng mga baguhan, at kung minsan ay nagsasalita siya ng negatibo. Sa dalawang buwang iyon ay hindi niya nadiligan nang maayos ang mga baguhan. Nang marinig ko ang sitwasyong ito, napagtanto ko na hindi na naaangkop si Li Jie sa gawaing pagdidilig. Iminungkahi ng mga katrabaho ko na tanggalin siya, sinasabi na maaantala ang gawain ng iglesia kung mananatili siya. Sumama ang loob ko nang marinig ko ito, dahil malaki ang naitulong niya sa akin at mabuti kaming magkaibigan. Naisip ko, ano kaya ang iisipin niya sa akin kung pumayag ako sa pagpapaalis sa kanya? Sasabihin ba niya na wala akong puso? Bukod dito, matindi ang paggalang niya sa kanyang sarili at labis siyang masasaktan kapag natanggal siya. Sa pag-iisip sa lahat ng ito, hindi ko kinayang tanggalin siya. Kaya nagdahilan ako na bagama’t hindi naging maayos ang pagganap ni Li Jie sa kanyang tungkulin kamakailan, hindi lang naman niya kasalanan iyon. Maraming kuru-kuro sa relihiyon at mabagal matuto ang mga baguhang diniligan niya, kaya kauna-unawa lang na hindi maganda ang mga resulta niya. Dagdag pa, nagsumikap siya at gumugol nang maraming oras. Matatagalan bago kami makahanap ng angkop na kapalit kung tatanggalin namin siya, kaya mas mabuting panatilihin muna siya sa ngayon. Nag-alinlangan ang mga katrabaho ko nang marinig nila ang sinabi ko, pero ang lahat ay mabigat ang loob na pumayag na hayaan siyang pansamantalang gawin ang tungkulin niya habang naghahanap ng papalit sa kanya sa lalong madaling panahon. Nakahinga ako nang maluwag, pero medyo hindi pa rin ako mapanatag, iniisip na bagama’t hindi pa siya tinatanggal sa ngayon, kailangan pa rin siyang tanggalin kapag nakahanap na ng naaangkop na kapalit niya. Siguro kung magbibigay ako ng dagdag na tulong, huhusay ang pagganap niya at hindi na siya kailangang tanggalin. Kaya, noong gabing iyon, dumiretso ako sa bahay ni Li Jie pagkatapos ng pagtitipon ko sa gabi, at kinausap ko siya tungkol sa mga dahilan kung bakit hindi epektibo ang pagganap niya, at nagbanggit ng ilang problema sa tungkulin niya. Pero wala siyang kamalayan sa sarili at palaging nakikipagtalo. Medyo sumama ang loob ko nang makita kong ganoon ang inaasal niya. Nagbahagi pa ako sa kanya ng maraming beses pagkatapos niyon para tulungan siyang mapaganda ang mga resulta ng kanyang tungkulin, pero hindi kailanman umayos ang pagganap niya na labis kong ikinabahala. Pagkaraan ng ilang panahon, ilang beses akong kinontak ng isang nakatataas na lider na nangungumusta sa usapin ng pagtatanggal kay Li Jie. Nagdahilan lang ako sa kanya at sinabing wala pa akong nahahanap na naaangkop na kapalit. Nang maglaon, pribadong nakipag-ugnayan si Li Jie—na malamang ay nangyari habang nagmamasid ang pulisya—sa isang sister na pinayuhan siyang huwag nang makipag-ugnayan dahil sa mga isyu sa seguridad, na naging dahilan para wala akong magawa kundi patigilin siya sa pagganap sa kanyang tungkulin.

Kalaunan ay inilagay ako ng iglesia sa pamamahala ng gawaing pang-ebanghelyo, at naisip ko agad si Li Jie na nakaupo sa bahay, miserable at walang tungkuling ginagawa. Gustong-gusto niya noon ang pangangaral ng ebanghelyo, kaya mukhang isang magandang pagkakataon iyon. Binanggit ko ang ideyang ito sa isang pulong ng kapwa-manggagawa. Sinabi ko, “Sa loob ng mahabang panahon ay nangaral ng ebanghelyo si Li Jie; kalakasan niya ito. Alam niyang marami siyang nagawang pagkakamali at labis niyang pinagsisisihan ang mga iyon. Bigyan natin siya ng pagkakataong ipangaral ang ebanghelyo.” Nang marinig ito, sumang-ayon ang ilang kapwa-manggagawa. Sa gulat ko, hindi nagtagal ay sinabi sa akin ng mga kapatid na si Li Jie ay may pagkiling laban sa diyakono ng ebanghelyo at sa mga pagtitipon ay pinagkakalat niya na minaliit siya ng diyakono dati. Ipinagpatuloy niya ang pagkakalat nito. Humantong ito sa pagkakaroon ng mga kapatid ng pagkiling laban sa diyakono ng ebanghelyo at pagtatakwil dito. Sinasalungat din ni Li Jie ang diyakono at nakikipagtalo rito kapag ginagawa niya ang kanyang gawain, at ang ilan sa mga sister ay pumanig kay Li Jie. Nangahulugan ito na hindi magawa ng diyakono ng ebanghelyo ang kanyang trabaho, na lubhang nakagambala sa gawain ng ebanghelyo. Nagulat ako nang marinig iyon. Matagal nang humingi ng tawad ang diyakono kay Li Jie tungkol sa nangyari noon. Dagdag pa rito, nakipagbahaginan ako sa kanya, sinasabi sa kanya na kilalanin ang kanyang sarili at matuto mula sa karanasan sa halip na maging kritikal dito. Pero hinding-hindi ko inasahan na may sama pa rin siya ng loob. Ang kanyang pag-uugali ay talagang nakakagambala na sa loob ng iglesia. Kung hindi siya magsisisi at magpapatuloy ang mga bagay nang ganito, kailangan niyang ihiwalay at pagnilayan ang sarili. Habang mas iniisip ko ito, lalo akong nag-aalala sa kanya. Kalaunan, ilang beses akong nagbahagi sa kanya. Sinasabi niya ang mga tamang bagay sa harap ko, pero gaya pa rin sa dati ang mga kinikilos niya sa mga pagtitipon. Binahaginan at tinulungan din siya ng iba pang diyakono, pero wala siyang kamalayan sa sarili at ayaw niyang magbago.

Hindi nagtagal, nalaman ng nakatataas na lider ang tungkol sa inaasal ni Li Jie. Sinabi nito na si Li Jie ay gumagambala sa gawain ng iglesia, ayaw magsisi matapos ng paulit-ulit na pagbabahagi, at isang masamang impluwensya. Ayon sa mga prinsipyo, kailangan siyang tanggalin sa kanyang tungkulin, at pagkatapos ay alisin sa iglesia kung hindi pa rin siya magsisisi. Nadismaya ako nang marinig ko ito. Inisip ko kung paano nilisan ni Li Jie ang kanyang tahanan, isinuko ang trabaho at nagdusa nang husto. Talang nakakapanghinayang kung mapapaalis siya. Ang dami niyang naitulong sa akin nang magkaroon ako ng mga problema dati, at ako ang taong pinakamalapit sa kanya sa iglesia. Kung hindi ako titindig ngayon at magsasalita para sa kanya, at malaman niya ang tungkol dito, sasabihin ba niyang labis akong walang puso. Paano ko siya haharaping muli kung talagang maalis siya? Tiyak na magagalit siya sa akin, at talagang masasaktan. Sa pag-iisip tungkol dito, sinabi ko sa aking mga kapwa-manggagawa: “May ilang problema nga Si Li Jie, ngunit ginagawa niya ang kanyang mga tungkulin sa iglesia sa lahat ng oras at epektibo sa pangangaral ng ebanghelyo, kaya marahil ay masyadong malupit ang pagwawasto sa kanya sa ganitong paraan. Dapat ba natin siyang bigyan ng isa pang pagkakataon at mas tulungan pa siya, at siguro ay makakaunawa siya at magbabago?” Pagkatapos ay seryosong sinabi sa akin ng isang kapwa-manggagawa, “Sister, kumikilos ka nang walang mga prinsipyo at nadadala ng iyong mga damdamin. Si Li Jie ay epektibo naman sa pangangaral ng ebanghelyo dati, at siya ay nagsumikap at nagdusa nang husto, pero hindi niya tinatanggap ang katotohanan. Kinamumuhian niya ang katotohanan, at hindi siya gumaganap ng positibong papel sa iglesia. Nagulo na niya nang husto ang gawain ng iglesia. Hindi mo siya maaaring laging protektahan batay sa iyong nararamdaman. Tignan mo ang sarili mo; hindi ba’t ganito nga ang nangyayari?” Nang sabihin niya ito, natanto ko na hindi ko talaga nasusunod ang mga prinsipyo kay Li Jie, pero hindi pa rin ako makapagdesisyon. Gusto ko pa rin siyang bigyan ng isa pang pagkakataon. Noong pauwi na ako, bigla akong nahilo, parang umiikot ang paligid, at natakot akong idilat ang mga mata ko. Ni hindi ako makalakad. Natanto ko na malamang na pagdidisiplina iyon ng Diyos sa akin. Tahimik akong nanalangin sa Diyos. Sa sandaling iyon, malinaw na pumasok sa isip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Kapag nagkakasala ang mga tao sa Diyos, maaaring ito ay hindi lamang dahil sa isang pangyayari, o isang bagay na kanilang sinabi, nguni’t sa halip ito ay sanhi ng isang saloobin na kanilang pinanghahawakan at isang kalagayan na kinaroroonan nila. Ito ay isang bagay na sobrang nakakatakot(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII). Nagkaroon ng kaunting takot sa puso ko nang maisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos. Alam kong maaaring may nagawa ako na pagkakasala sa Diyos. Nagsimula akong magnilay sa sarili at napagtanto na patuloy lang akong nagmamatigas na pumapanig kay Li Jie. Alam kong wala siyang magandang ginampanang papel sa iglesia pero kinunsinti ko ang kanyang panggagambala. Nang iminungkahi ng nakatataas na lider at ng aking mga kapwa-manggagawa na ipatigil ang kanyang tungkulin, ipinagtanggol ko siya nang paulit-ulit at walang ginawa para protektahan ang gawain ng iglesia. Karapat-dapat talaga akong disiplinahin. Sa pag-iisip dito, dali-dali akong nanalangin sa Diyos, sinasabing handa akong pagnilayan ang aking sarili sa bagay na ito. Pagkatapos magdasal, habang hirap na hirap gumalaw, pasuray-suray akong umuwi.

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkauwi ko. Sabi ng Diyos: “Lubhang sentimental ang ilang tao. Araw-araw, sa lahat ng kanilang sinasabi, at sa lahat ng paraan ng asal nila sa iba, namumuhay sila ayon sa kanilang mga damdamin. Nakararamdam sila ng pagmamahal para sa taong ito at sa taong iyon, at ginugugol nila ang kanilang mga araw sa magiliw na pakikisalamuha. Sa lahat ng kanilang kinakaharap, nabubuhay sila sa mundo ng mga damdamin. … Masasabi na ang mga damdamin ang nakamamatay na kapintasan ng taong ito. Pinipigilan siya ng kanyang mga emosyon sa lahat ng bagay, wala siyang kakayahang magsagawa ng katotohanan o kumilos ayon sa prinsipyo, at madalas na siya ay malamang na magrebelde laban sa Diyos. Ang mga damdamin ang pinakamatindi niyang kahinaan, ang kanyang nakamamatay na kapintasan, at ganap na kaya siyang sirain at ipahamak ng kanyang mga damdamin. Ang mga taong sobrang sentimental ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan o magpasakop sa Diyos. Sila ay abala sa laman at sila ay hangal at magulo ang pag-iisip. Kalikasan ng gayong klase ng tao ang maging labis na sentimental, at namumuhay siya ayon sa kanyang mga damdamin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Naantig talaga ako nang mabasa ko ito at walang tigil na tumulo ang mga luha ko. Noon ko lang napagtanto na pinamumunuan talaga ako ng mga mga damdamin sa bagay na ito. Nang masangkot sa kaso ni Li Jie, nagsalita ako batay sa aking mga damdamin, palaging inaalala ang kanyang damdamin at kinakampihan siya dahil lang sa tinulungan niya ako at nagkaroon kami ng magandang relasyon. Hindi ko maharap ang mga bagay-bagay nang patas at makatarungan ayon sa mga prinsipyo. Sa totoo lang, alam ko na hindi maayos ang paggawa niya sa kanyang tungkulin, na siya ay nakakagambala, na ang pagpapahintulot sa kanya na magpatuloy ay higit na makakahadlang kaysa makakatulong, at na dapat ay pinalitan siya kaagad. Pero dahil sa aming magandang relasyon, nagsalita ako batay sa mga mga damdamin ko, naghanap ng lahat ng uri ng dahilan at palusot para kumbinsihin ang aking mga kapwa-manggagawa na huwag siyang palitan. Ginusto ko pa nga siyang tulungang mapaghusay ang pagganap niya sa tungkulin para makapanatili siya sa kanyang tungkulin. Kung hindi dahil sa magandang relasyon namin, hindi ko sana gagawin ang lahat ng makakaya ko para ipagtanggol siya. Kung sa ibang kapatid ito nangyari ay hinarap ko sana ang bagay na ito ayon sa mga prinsipyo. Sa wakas ay nakita ko na ang mga mga damdamin ang kahinaan ko, na sinusunod ko ang aking mga damdamin sa aking salita at gawa, pinoprotektahan si Li Jie sa lahat ng pagkakataon nang walang pagsasaalang-alang sa mga katotohanang prinsipyo. Talagang hindi ko isinaalang-alang ang gawain o mga interes ng iglesia. Masyado akong makasarili at kasuklam-suklam!

Nabasa ko ang ilan pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng mas higit na kabatiran sa kung ano ang pagkilos ayon sa mga mga damdamin. Sinasabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anong mga isyu ang may kaugnayan sa mga damdamin? Una ay kung paano mo sinusuri ang iyong sariling mga kapamilya, at kung paano mo hinaharap ang mga bagay na ginagawa nila. Natural na kasama rito sa ‘ang mga bagay na ginagawa nila’ kapag kanilang ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, kapag hinuhusgahan nila ang mga tao kapag nakatalikod ang mga ito, kapag lumalahok sila sa ilang pagsasagawa ng mga hindi mananampalataya, at iba pa. Kaya mo bang harapin ang mga bagay na ito nang patas? Kapag kailangan mong magsulat ng isang pagsusuri sa iyong mga kapamilya, magagawa mo ba ito nang obhetibo at patas, nang isinasantabi ang iyong sariling mga damdamin? May kinalaman ito sa kung paano mo hinaharap ang iyong mga kapamilya. Dagdag pa rito, nagkikimkim ka ba ng mga damdamin sa mga taong kasundo mo o sa mga dati nang tumulong sa iyo? Kaya mo bang tingnan ang kanilang mga kilos at asal sa isang obhetibo, patas, at tumpak na paraan? Kung ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, magagawa mo bang agad na iulat o ilantad sila pagkatapos mo itong malaman? Gayundin, nagtataglay ka ba ng mga damdamin sa mga taong medyo malapit sa iyo o sa mga may interes na pareho sa iyo? Mayroon ka bang patas at obhetibong pagsusuri, depinisyon, at paraan ng pagharap sa kanilang mga kilos at pag-uugali? Ipagpalagay na ang mga taong ito, na may sentimental na koneksyon sa iyo, ay pinangasiwaan ng iglesia ayon sa mga prinsipyo, at hindi naaayon sa iyong sariling mga kuru-kuro ang kinalabasan nito—paano mo ito haharapin? Magagawa mo bang sumunod? Palihim mo bang ipagpapatuloy ang masangkot sa kanila, at malilihis at mauudyukan pa nga nila na magpalusot para sa kanila, pangatwiranan sila, at ipagtanggol sila? Tutulungan mo ba ang mga tumulong sa iyo at ilalagay mo ba ang sarili mo sa panganib para sa kanila, habang binabalewala ang mga katotohanang prinsipyo at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t may kinalaman ang iba’t ibang isyung iyon sa mga damdamin? Sinasabi ng ilang tao, ‘Hindi ba’t ang mga damdamin ay may kaugnayan lang sa mga kamag-anak at kapamilya? Hindi ba’t ang saklaw lang ng mga damdamin ay ang iyong mga magulang, kapatid, at iba pang kapamilya?’ Hindi, kasama sa mga damdamin ang malawak na saklaw ng mga tao. Kalimutan na ang tungkol sa patas na pagsusuri sa kanilang sariling mga kapamilya—ang ilang tao ay hindi man lang masuri nang patas ang kanilang malalapit na kaibigan at kabarkada, at binabaluktot pa nila ang mga katunayan kapag nagsasalita sila tungkol sa mga taong ito. Halimbawa, kung ang kanilang kaibigan ay hindi inaasikaso ang kanyang tamang trabaho at palaging gumagawa ng mga baluktot at buktot na gawain sa kanyang tungkulin, ilalarawan nila ito bilang masyadong mapaglaro, at sasabihing hindi pa sapat ang gulang at hindi pa matatag ang pagkatao nito. Hindi ba’t may mga damdamin sa loob ng mga salitang ito? Ito ay pagsasalita ng mga salitang puno ng mga damdamin. Kung ang isang tao na walang koneksyon sa kanila ay hindi inaasikaso ang kanilang tamang trabaho at nakikibahagi sa mga baluktot at buktot na gawain, magsasalita sila ng mas malulupit na salita tungkol sa mga ito, at maaaring kondenahin pa nila ang mga ito. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagsasalita at pagkilos batay sa mga damdamin? Patas ba ang mga taong namumuhay batay sa kanilang mga damdamin? Matuwid ba sila? (Hindi.) Ano ang mali sa mga taong nagsasalita ayon sa kanilang mga damdamin? Bakit hindi nila matrato nang patas ang ibang tao? Bakit hindi nila kayang magsalita batay sa mga katotohanang prinsipyo? Buktot ang mga taong nagsasalita nang mapanlinlang at hindi kailanman ibinabatay ang kanilang mga salita sa mga katunayan. Ang hindi pagiging patas kapag nagsasalita ang isang tao, palaging nagsasalita ayon sa sariling mga damdamin at para sa sariling kapakanan, at hindi ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi iniisip ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at pinoprotektahan lang ang sariling mga damdamin, kasikatan, pakinabang, at katayuan—ito ang katangian ng mga anticristo. Ganito magsalita ang mga anticristo; buktot, nakakagulo, at nakagagambala ang lahat ng sinasabi nila. Ang mga taong namumuhay sa mga kagustuhan at interes ng laman ay namumuhay sa kanilang mga damdamin. Ang mga taong namumuhay sa kanilang mga damdamin ay iyong mga hindi talaga tumatanggap o nagsasagawa man lang sa katotohanan(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 2). “Hindi Ko binibigyan ng pagkakataon ang mga tao na magpahayag ng kanilang mga damdamin, sapagkat wala Akong mga damdamin ng laman, at natutuhan Kong kamuhian nang sukdulan ang mga damdamin ng mga tao. Dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako naitaboy sa isang tabi, at sa gayon ay naging ‘iba’ Ako sa kanilang paningin; dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako nakalimutan; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya sinasamantala ang pagkakataong kunin ang kanyang ‘konsensya’; dahil sa mga damdamin ng tao kaya siya laging tumututol sa Aking pagkastigo; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya Ako tinatawag na hindi patas at hindi makatarungan, at sinasabing hindi Ko iniintindi ang mga damdamin ng tao sa Aking pamamahala sa mga bagay-bagay. May kamag-anak din ba Ako sa ibabaw ng lupa? Sino, katulad Ko, ang nakapagtrabaho na araw at gabi, na hindi iniisip ang pagkain o pagtulog, para sa kapakanan ng buong plano ng Aking pamamahala? Paanong maikukumpara ang tao sa Diyos? Paanong magiging kaayon ng Diyos ang tao?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28). Ang pagbasa sa salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng dagdag na kalinawan sa kahulugan ng pagkilos batay sa mga mga damdamin, at nakita ko na kinamumuhian ng Diyos ang mga mga damdamin ng tao. Ang pagkilos ayon sa mga mga damdamin ay maaari tayong akayin tungo sa paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, paggawa ng masama, at paglaban sa Diyos. Bilang isang lider ng iglesia, hindi ko isinasagawa ang katotohanan o tinatrato ang mga tao nang patas at alinsunod sa mga prinsipyo. Sa halip, pinangangalagaan ko ang isang personal na relasyon batay sa aking mga mga damdamin, hindi pinapalitan ang isang tao na dapat palitan, ginagamit ang gawain ng iglesia upang magbigay ng mga pabor at pinoprotektahan ang aking sariling imahen na nakakapinsala sa mga interes ng iglesia. Pininsala nito ang buhay ng mga kapatid at walang ibang idinulot kundi ang pagkagambala sa gawain ng iglesia. Hindi ako tumatanaw ng utang na loob—nagtataksil ako. Hindi ba’t isang halimbawa iyon ng panghihiya at paglaban sa Diyos? Napuno ako ng pagsisisi nang matanto ang mga bagay na ito, at dali-dali akong nagdasal sa Diyos at nagsisi. Sa isang pagtitipon kalaunan, nagtapat ako at nagbahagi kung paano ako kumilos batay sa mga mga damdamin sa usapin ni Li Jie. Dagdag pa, batay sa ugali niya, tinanggal ko siya sa kanyang tungkulin at hiniling na pagnilayan ang kanyang sarili.

Mga anim na buwan o mahigit pa ang lumipas, at hindi man lang nagnilay-nilay at nagkaroon ng kamalayan si Li Jie sa kanyang masamang asal, ipinipilit pa rin niya na mali ang naging pagtrato sa kanya, at na hindi naging patas ang mga lider at diyakono. Inakusahan niya ang mga ito sa kanilang likuran na nagsumikap sila para parusahan siya. Nagbahagi sa kanya ang isang sister na nakapareha ko tungkol sa katotohanan at sinuri ang kanyang inasal, pero nanatili siyang palaban at puno ng palusot. Tumigil pa nga si Li Jie sa pakikipag-usap sa sister, at deretsahan na tinalikuran ito bilang protesta. Nagpapakalat siya ng pagkanegatibo sa iba, nagsasalita sa kung gaano siya nagdusa nang walang kapalit na anumang mga pagpapala samantalang napagpala ang mga hindi nararapat. Ang ilan sa mga nakaugnayan niya ay naligaw, pumanig sa kanya, at ipinagtanggol siya. Dahil sa lahat ng mga bagay-bagay na ito, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Yaong mga nagbubulalas ng kanilang makamandag at malisyosong pananalita sa loob ng iglesia, na nagkakalat ng mga tsismis, nagpupukaw ng kawalan ng pagkakaisa, at iginugrupu-grupo ang mga kapatid—dapat ay natiwalag na sila sa iglesia. Subalit dahil ibang panahon na ngayon ng gawain ng Diyos, hinihigpitan ang mga taong ito, sapagkat walang dudang ititiwalag sila. Lahat ng nagawang tiwali ni Satanas ay may mga tiwaling disposisyon. May ilang tao na nagtataglay ng tiwaling disposisyon lamang, samantalang ang iba ay hindi ganito: Hindi lamang sila mayroong mga tiwali at satanikong disposisyon, kundi napakamalisyoso rin ng kanilang likas na pagkatao. Hindi lamang inihahayag ng kanilang mga salita at kilos ang kanilang mga tiwali at satanikong disposisyon; ang mga taong ito, bukod dito, ang totoong mga diyablo at si Satanas. Ang pag-uugali nila ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos, nakakagulo ito sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at nakakasira sa normal na buhay ng iglesia. Sa malao’t madali, ang mga lobong ito na nakadamit-tupa ay kailangang alisin; dapat gamitan ng walang-awang saloobin, ng saloobin ng pagtanggi, ang dapat gamitin para sa mga alipores na ito ni Satanas. Ito lamang ang pumapanig sa Diyos, at yaong mga hindi nakakagawa nito ay nagtatampisaw sa putikan na kasama ni Satanas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, mas nakikilala ko na si Li Jie. Hinding-hindi niya tinanggap ang katotohanan, madalas na nagpapakalat ng pagkanegatibo sa loob ng iglesia, nanggagambala sa buhay-iglesia, at hindi gumaganap ng positibong papel. Isa siyang masamang tao at naglikha ng hindi magandang kapaligiran sa iglesia. Matapos mapungusan at maalis sa kanyang tungkulin, nanatili siyang palaban, sinubukang hanapan ng mali ang mga lider at manggagawa, at hinusgahan at tinuligsa sila. Ang gayong uri ng taong namumuhi sa katotohanan, mapaghiganti, agresibo, at masama ay hindi kailanman maliligtas, kahit manatili pa sila sa iglesia. Gagawa lang sila ng kasamaan at guguluhin ang gawain ng iglesia, tulad ng isang soro sa ubasan, nagnanakaw ng mga ubas at niyuyurakan ang ubasan. Sa pamamagitan lamang ng pag-aalis sa masasamang tao makapagpapatuloy nang hindi nagagambala ang gawain ng iglesia, at normal na makakausad ang buhay-iglesia ng mga kapatid. Ang Diyos ay matuwid at banal. Iyong mga iniligtas ng Diyos ay may mabuting pagkatao lahat at nagmamahal sa katotohanan; hindi inililigtas ng Diyos ang masasamang tao. Ang kalikasan ng masasamang tao ay tutol sa katotohanan at napopoot sa katotohanan, at hindi tunay na magsisisi kahit gaano pa karaming pagkakataon ang ibigay sa kanila. Habang iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay maaaring magpahayag ng mga tiwaling disposisyon, magsanhi ng ilang paggambala at maging medyo mapanghusga, makakapagnilay sila sa kanilang sarili pagkatapos, magsisisi at magbabago. Binigyan ng iglesia ng maraming pagkakataon si Li Jie noon, pero hindi siya nagsisi kailanman. Lalo lang niyang pinatindi ang kanyang mga pagtuligsa sa mga lider at diyakono at ang paggambala niya sa buhay-iglesia. Kalikasang diwa na niya ang pagiging masamang tao. Kailangan na siyang paalisin batay sa mga prinsipyo ng iglesia. Bilang isang lider ng iglesia, alam ko na kailangan kong magbahagi sa mga kapatid para ilantad ang kanyang masamang gawa at pumirma ng mga dokumento para sa pagpapaalis sa kanya. Gayunman, nang isipin ko ito ay nag-atubili pa rin ako. Nag-alala ako na baka katapusan na niya ito kung talagang maalis siya sa iglesia. Nagdasal ako sa Diyos sa sandaling naisip ko ang mga bagay na ito at hiniling sa Kanya na gabayan akong malagpasan ang mga paghahadlang ng aking mga damdamin.

Sa aking paghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong mapaghimagsik sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananampalataya, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo para sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at tinatrato sila nang may konsensiya at pagmamahal, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba kakampi ng mga demonyo? Kung umabot na ang mga tao sa puntong ito at hindi pa rin nila mapag-iba ang mabuti sa masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang pagnanais na hangarin ang mga layunin ng Diyos o magawang kunin bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga katapusan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi naniniwala sa Diyos sa katawang-tao. Kung nakapag-uukol ka ng budhi at pagmamahal sa isang kaaway, hindi ka ba salat sa pagpapahalaga sa katarungan? Kung bumabagay ka sa mga yaong kinamumuhian Ko at hindi Ko sinasang-ayunan, at nag-uukol pa rin ng pagmamahal o pansariling damdamin sa kanila, hindi ka ba mapaghimagsik kung gayon? Hindi mo ba sinasadyang labanan ang Diyos? Nagtataglay ba ng katotohanan ang gayong tao? Kung nag-uukol ng budhi ang mga tao patungkol sa mga kaaway, pagmamahal sa mga demonyo, at habag kay Satanas, hindi ba nila sinasadyang gambalain ang gawain ng Diyos sa gayon?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Nakonsensya ako nang husto nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos. Alam na alam ko na mapaggawa ng gulo si Li Jie, na ginagambala niya ang gawain ng iglesia at hindi kailanman magsisisi, at na siya ay isang masamang tao na talagang tutol sa katotohanan at ang kanyang kalikasan ay namumuhi sa katotohanan, pero pinagtanggol at pinrotektahan ko pa rin siya, palaging nagnanais na panatilihin siya sa loob ng iglesia. Nangangahulugan ito na hinahayaan kong gambalain ng isang masamang tao ang gawain ng iglesia, pumapanig kay Satanas, at nagiging kalaban ng Diyos. Nabubuhay ako sa satanikong pilosopiya na “Ang tao ay hindi patay; paano siya magiging malaya mula sa emosyon?” Noon pa man ay inakala ko na pangunahin ang mga personal na relasyon, at na kapag ginawa itong priyoridad ng isang tao, saka lang ito magpapakita na may mabuting pagkatao ang isang tao at isang mabuting tao. Kung hindi ko ito ginawa, magmumukha akong walang puso at tatanggihan ako ng iba. Pero katawa-tawa iyon. Ang mga makamundong pilosopiyang iyon para sa mga makamundong pakikitungo ay mukhang tama, at naaakma ang mga iyon sa mga kuru-kuro ng tao, pero sumasalungat ang mga ito sa katotohanan at mga prinsipyo. Ang pagiging mapagmahal at pagkakaroon ng malapit na damdamin sa lahat ay kahangalan at pagkaligaw ng landas, at ganap itong walang prinsipyo. Hinihingi ng Diyos na tratuhin natin ang iba nang may mga katotohanang prinsipyo, na maging mapagmahal sa mga kapatid, at magkaroon ng konsensya sa Diyos. Hinihingi Niya na tanggihan natin ang masasamang tao, mga hindi mananampalataya, mga demonyo, at mga Satanas. Hindi ba’t kahangalan at wala sa tamang landas ang maging malapit ang damdamin sa mga gayong uri ng mga tao? Ang gayong uri ng pagiging malapit ay walang pagkakilala at prinsipyo—nag-uugat ito sa kahangalan. Hindi lang tayo nililigaw nito, kundi maaari din tayong akayin nitong sundan ang isang masamang tao at pinsalain ang gawain ng iglesia. Hindi tayo maaaring magpadala lang sa ating mga damdamin. Kailangan nating magkaroon ng pagkakilala sa kung kanino tayo magpapakita ng pagmamahal at kung sino ang dapat nating tanggihan. Dapat ay maging maprinsipyo tayo sa ating mga emosyonal na ugnayan. Nakita ko na nabubuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya, at na napakahangal nito at walang dignidad. Alam na alam kong hindi tatanggapin ni Li Jie ang katotohanan, na isa siyang masamang taong namumuhi sa katotohanan na gumugulo sa gawain ng iglesia, at na kailangan siyang paalisin. Pero napaghaharian ako ng mga damdamin. Pinagtanggol ko siya nang paulit-ulit. Masakit ito at nakakapagod para sa akin, nang walang pahinga, pero higit sa lahat ay hindi ko isinasagawa ang mga katotohanang alam na alam ko. Binabalewala ko ang aking konsensya, kumikilos laban sa mga prinsipyo, at pinagbibigyan ang paggambala ng isang masamang tao sa gawain ng iglesia. Lumalaban ako at nagtataksil sa Diyos! Nagtatamasa ako ng biyaya at pagliligtas ng Diyos, pero nagtataksil ako sa Kanya, nagpoprotekta kay Satanas at nagtatanggol sa isang masamang tao. Tunay na wala akong konsensya at pagkatao! Sa wakas ay naging malinaw sa akin na ang mapagharian ng mga damdamin ay ang ipagkanulo ang Diyos at ang katotohanan. Tapos ay naisip ko kung paanong sa loob ng maraming taon, gumagawa na ang Diyos ng napakaraming gawain sa akin at nagbayad na ng napakalaking halaga. Wala pa akong naibigay sa Kanyang anumang kapalit, at sa halip ay pumapanig ako kay Satanas laban sa Kanya. Napuno ako ng pagsisisi at pagkakonsensya nang maisip ko ito sa ganoong paraan.

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal pagkatapos niyon: “Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. … Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?’ ‘Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.’ Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: ‘Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.’ Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Nakatulong ang salita ng Diyos na linawin sa akin ang prinsipyong ito ng pagsasagawa, “Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.” Yaon lamang mga tunay na nananalig sa Diyos, naghahangad ng katotohanan, at tapat sa kanilang tungkulin ang mga kapatid, at sa kanila tayo dapat magpakita ng pagmamahal. Iyong mga ayaw man lang tumanggap ng katotohanan at palaging gumagambala sa gawain ng iglesia, ay likas na namumuhi sa katotohanan at namumuhi sa Diyos, at lahat sila ay masasamang tao, mga hindi mananampalataya, mga demonyo, at mga Satanas. Dapat silang kapootan at tanggihan. Ang pagtrato lamang sa mga tao sa ganitong paraan ang may prinsipyo at naaayon sa layunin ng Diyos. Nang maglaon, sa mga pagtitipon, nagbahagi ako sa mga kapatid kung ano ang masamang tao at kung paano kilalanin ang masamang tao, at inilantad ko ang lahat ng masasamang asal ni Li Jie. Nagbahagi rin ako sa mga nauugnay na prinsipyo sa pagpapaalis at pagtitiwalag sa isang tao mula sa iglesia, at sa sandaling naunawaan ng mga kapatid ang katotohanan, inilantad din nila ang masasamang gawa ni Li Jie. Sa huli ay pinaalis siya sa iglesia.

Kung hindi dahil sa inilantad ng Diyos at sa paghatol at paghahayag ng Kanyang mga salita, patuloy sana akong namuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Bulag sana akong magiging mapagmahal at maawain sa iba, hindi mapag-iiba ang mabuti sa masama, o ang tama sa mali, at pumapanig kay Satanas at lumalaban sa Diyos nang hindi ito namamalayan. Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng kakayahan na malinaw na makita ang panganib at mga kahihinatnan ng pagsandig sa mga personal kong damdamin sa mga ikinikilos ko, at tinulungan akong maiwasan na mapigilan ng mga damdamin at na tratuhin ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos sa kaibuturan ng aking puso para sa Kanyang pagmamahal at pagliligtas.

Sinundan: 85. Matatalinong Birhen Lamang ang Maaaring Sumalubong sa Panginoon

Sumunod: 87. Ang Isang Kapareha ay Hindi Isang Karibal

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito