73. Pagharap sa Isang Maling Ulat

Ni Liu Na, Tsina

Isang araw ay nakatanggap ako ng isang liham-ulat kung saan sinabi ng mga kapatid na ang isang lider ng iglesia na si Sister Chen Mo ay nabigong pasanin ang kanyang tungkulin, hindi kayang lutasin ang mga isyu ng mga tao, hindi gumagawa ng totoong gawain, at isang huwad na lider. Pagkatapos basahin ang liham, nagmadali akong mag-ayos ng isang pagpupulong kasama ang mga kapatid ng iglesia na iyon para mas maunawaan kung ano ang pagtatasa nila kay Chen Mo. Ngunit ang realidad ng sitwasyon ay hindi tugma sa nilalaman ng liham. Ang lahat ng mga kapatid sa iglesia na iyon ay nagsabi na pinapasan ni Chen Mo ang mga responsibilidad sa paggawa sa kanyang tungkulin, aktibong isinasakatuparan ang lahat ng mga proyekto ng iglesia, maagap na nilulutas ang mga isyu ng mga tao, at masasabing gumagawa ng totoong gawain. Naisip ko: “Mali ang inilalarawan ng liham-ulat sa sitwasyon sa iglesiang ito. Ano ang nangyayari dito?”

Kalaunan, nang lalo pa akong magsiyasat sa isyu, nalaman ko na ang liham-ulat ay isinulat ng dalawang miyembro ng iglesia na sina Zhao Hui at Liu Ying. Nagsulat sila ng ulat dahil isang beses ay nakita nilang nahuli sa pagdating ang isang diyakono ng pagdidilig para diligan ang mga baguhan, at nang iulat nila ito kay Chen Mo ay hindi nito sinaway ang diyakono—matapos malaman na nahuli ito sa kadahilanang inasikaso nito ang iba pang mga agarang proyekto noong panahong iyon, ngunit hindi na nahuli pa uli pagkatapos niyon. Hindi isinaalang-alang nina Zhao at Liu ang mga pangyayari at sinamantala lamang ang pagkakataon na husgahan si Chen Mo sa hindi paglutas ng mga isyu, pagprotekta sa ibang miyembro na may ranggo, at pagkabigong gumawa ng totoong gawain. Bukod pa rito, hindi pinalampas nina Zhao at Liu ang bagay na iyon. Madalas nilang husgahan si Chen Mo at ang iba pang diyakono sa tuwing may pagtitipon, sinasabing pinoprotektahan lang ng mga ito ang isa’t isa, na hindi gumagawa ang mga ito ng totoong gawain, at na sila ay mga huwad na lider at manggagawa. Ang pagkagambalang ito ay nakaapekto sa buhay-iglesia at si Chen Mo mismo ay nalugmok sa pagkanegatibo, na lalong humadlang sa gawain ng iglesia. Nang marinig ko ang tungkol sa pag-uugali nina Zhao at Liu, naalala ko kung paanong noong lider ako sa iglesia na iyon ilang taon na ang nakalilipas, nagsanib silang dalawa para atakehin ang mga lider at manggagawa at tinawag pa ngang “hindi makatarungan” ang pagpapatalsik sa isang anticristo. Ang pag-uudyok nila sa mga bagay-bagay ay lubhang nakagagambala sa buhay-iglesia. Noon, nagsisimula pa lang akong lider. Iyon ang unang pagkakataon kong humawak ng gayong sitwasyon at medyo bago pa ako sa pananampalataya, kaya medyo napipigilan ako at hindi ako naglakas-loob na ilantad sila o magpataw ng mga paghihigpit. Ang komosyong dinulot nito ay nagpatuloy nang mahigit kalahating taon. Tumigil lang sila sa panggugulo noong may nakatataas na lider na dumating at nagbahagi, na inilantad ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kanilang buktot na pag-uugali. Dahil tumigil sila sa paggambala sa buhay-iglesia at sinabing handa na silang magsisi, pinayagan silang manatili sa iglesia at sumailalim sa pagsusubaybay. Ngunit ang nangyari, muli na naman silang nagdudulot ng gulo at pagkagambala, inaatake at hinuhusgahan ang mga lider at manggagawa. Sina Zhao at Liu ay madalas na humahanap ng pagkakamali at kinokondena ang mga lider at manggagawa, na lumilikha ng kaguluhan sa loob ng iglesia at ayaw pa ring magsisi. Kung titingnan ang palagian nilang pag-uugali, malinaw na mayroon silang kalikasang diwa ng masasamang tao. Nang mapagtanto ito, naisip ko: “Sa pagkakataong ito, kailangan ko silang ilantad at paghigpitan nang husto. Hindi ko sila pwedeng hayaang patuloy na gumawa ng masama at gumambala sa iglesia.” Ngunit pagkatapos ay naisip ko rin: “Mahilig silang maghanap ng pagkakamali sa mga lider, at nag-uumpisa ng gulo. Paano kung mahuli nila akong nagsasabi o gumagawa ng mali?” Naisip ko kung paanong dati, noong ipinoproseso ko ang kaso ng isang anticristo, dalawang beses akong iniulat ng anticristo. Ano ang iisipin sa akin ng mga kapatid kung isusumbong ako nina Zhao at Liu at babaluktutin nila ang mga katunayan ng pangyayari? Maghihinala ba sila na may mali sa akin o na ako ay isang huwad na lider, dahil paulit-ulit akong naging paksa ng mga ulat? Paano kung matanggal ako dahil dito? Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalo akong natatakot, at hindi ako magkalakas ng loob na komprontahin sila. Nagkataong marami akong ibang ginagawa noong panahong iyon, kaya ipinagpaliban ko nang ipinagpaliban ang pagpoproseso ng liham-ulat.

Makalipas ang sampung araw, sumulat sa akin ang nakatataas na mga lider na nagtatanong tungkol sa pag-usad ko sa liham-ulat. Nang sabihin ko sa kanila na hindi pa rin ako nakikipagbahaginan kina Zhao Hui at Liu Ying, hinimok ako ng mga lider na asikasuhin ang usapin sa lalong madaling panahon. Napagtanto ko na magiging napakairesponsable ko kung hindi ko agad lulutasin ang sitwasyon, kaya nagpasya akong sumulat kina Zhao at Liu para magtakda ng oras ng pakikipagkita sa kanilang dalawa at kumpirmahin ang kanilang masamang pag-uugali. Sa gulat ko, kinabukasan din, nakatanggap ako ng isa pang liham mula sa kanila na iniuulat si Chen Mo sa hindi paggawa ng totoong gawain at hindi paglutas ng mga totoong isyu. Binaluktot ng ilang nilalaman ng liham ang mga katunayan, at ang ilan dito ay kailangang ipagtanong at kumpirmahin. Nang makita ko kung gaano sila kasama at kung paano nila iniulat at idiniin si Chen Mo at na ayaw nilang magpatalo, medyo natakot ako at naisip ko: “Ano ang gagawin ko kung magsabwatan sila para atakehin ako kapag inilantad ko sila nang harapan? Paano kung makakita sila ng mali sa gawain ko at magpasa ng isang liham-ulat na ganap na maling naglalarawan ng mga katunayan?” Habang iniisip ko iyon, mas lalo akong natatakot. Dahil hindi ko na alam ang gagawin, nanalangin ako sa Diyos: “Mahal na Diyos, sa pagharap sa masasamang tao na gumagambala sa buhay-iglesia, alam kong kailangan kong manindigan at ilantad sila para protektahan ang gawain ng iglesia, ngunit nauumid at natatakot ako. Pakiusap, gabayan Mo ako na isagawa ang katotohanan at hindi mapigilan ng masasamang taong ito.” Pagkatapos ay nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabi: “Ang mga anticristo ay nagtataglay ng lubhang malulupit na disposisyon. Kung susubukan mo silang pungusan o ilantad, kamumuhian ka nila at ibabaon nila sa iyo ang mga ngipin nila na para bang sila ay mga makamandag na ahas. Hindi mo sila maiwawaksi o maiaalis kahit anong pilit mo. Kapag nakakatagpo kayo ng mga gayong anticristo, natatakot ba kayo? May ilang tao na natatakot at nagsasabi, ‘Hindi ako nangangahas na pungusan sila. Masyado silang mabangis, para silang mga makamandag na ahas, at kung pupulupot sila sa akin, magiging katapusan ko na.’ Anong uri ng mga tao ang mga ito? Masyadong mababa ang tayog nila, wala silang silbi sa anumang bagay, hindi sila mabubuting sundalo ni Cristo, at hindi nila kayang magpatotoo sa Diyos. Kaya, ano ang dapat ninyong gawin kapag nakatagpo kayo ng mga gayong anticristo? Kung pinagbabantaan ka nila o tinatangka nilang kitilin ang buhay mo, matatakot ka ba? … Palaging natatakot ang mga tao na makakahanap ang mga anticristo ng sandata para gantihan sila. Ngunit hindi ka ba natatakot na masalungat ang Diyos at maranasan ang Kanyang pagtataboy? Kung natatakot ka na makahanap ng paraan ang isang anticristo na makaganti sa iyo, bakit hindi mo kunin ang ebidensya ng masasamang gawa ng anticristong iyon para iulat at ilantad siya? Sa paggawa nito, makakamit mo ang pagsang-ayon at suporta ng hinirang na mga tao ng Diyos, at higit sa lahat, matatandaan ng Diyos ang iyong mabubuting gawa at mga kilos ng katarungan. Kaya, bakit hindi mo gawin ito? Dapat palaging tandaan ng hinirang na mga tao ng Diyos ang atas ng Diyos. Ang pag-aalis ng masasamang tao at mga anticristo ang pinakamahalagang laban sa pakikipagsagupa kay Satanas. Kung maipapanalo ang labang ito, magiging patotoo ito ng isang mananagumpay. Ang pakikipaglaban sa mga Satanas at diyablo ay isang patotoong batay sa karanasan na dapat taglayin ng hinirang na mga tao ng Diyos. Isa itong katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga mananagumpay. Pinagkalooban ng Diyos ang mga tao ng napakaraming katotohanan, inakay ka Niya sa loob ng napakahabang panahon, at napakarami niyang itinustos para sa iyo, para patotohanan at pangalagaan mo ang gawain ng iglesia. Pero lumalabas na kapag gumagawa ng masasamang gawa ang masasamang tao at ang mga anticristo at kapag ginugulo nila ang gawain ng iglesia, nagiging duwag ka at umaatras ka, tumatakbo nang nakatakip ang mga kamay sa ulo—wala kang kwenta. Hindi mo madaig si Satanas, hindi ka nakapagpatotoo, at kinasusuklaman ka ng Diyos. Sa kritikal na sandaling ito, kailangan mong manindigan at makipagdigma sa mga Satanas, ilantad ang masasamang gawa ng mga anticristo, kondenahin at isumpa sila, huwag silang bigyan ng lugar na mapagtataguan, at alisin sila palayo sa iglesia. Ito lang ang maituturing na pagkamit ng tagumpay laban sa mga Satanas at pagwawakas sa kapalaran nila. Isa ka sa hinirang na mga tao ng Diyos, isang tagasunod ng Diyos. Hindi ka pwedeng matakot sa mga hamon; dapat kang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang mananagumpay. Kung natatakot ka sa mga hamon at nakikipagkompromiso ka dahil natatakot ka sa paghihiganti ng masasamang tao o mga anticristo, kung gayon, hindi ka isang tagasunod ng Diyos, at hindi ka kabilang sa hinirang na mga tao ng Diyos. Wala kang kwenta, mas mababa ka pa kaysa sa mga tagapagserbisyo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Lumatay ang mga salita ng Diyos—hindi ba’t katulad ako mismo ng mga walanghiya na tinutukoy ng Diyos? Dahil may masasamang tao sa iglesia na gumagambala sa buhay-iglesia, trabaho ko bilang isang lider ang manindigan sa paglalantad at paghihigpit sa kanila, para mapangalagaan ang gawain ng iglesia. Ngunit sa mahalagang sandali, naumid ako at umiwas. Dahil alam kong madalas baluktutin nina Zhao at Liu ang mga katunayan, pinupuna ang mga pagkakamali ng mga tao at inatake na ako noon, natakot ako na kung mapasama ko ang loob nila ay gagawa sila uli ng gulo at gagantihan nila ako. Kaya para maprotektahan ang aking sarili, ipinagpaliban ko ang pagtugon sa isyu at pinahintulutan silang magpatuloy sa pagpuna at pag-atake sa mga lider at manggagawa at paggambala sa buhay-iglesia. Nasaan ang aking patotoo? Hindi ba’t pinagtatakpan ko ang masasamang tao at pinipinsala ang mga interes ng iglesia? Kinasusuklaman ng Diyos ang gayong pag-uugali! Nang mapagtanto ito, nasuklam ako sa aking sarili at sa labis-labis kong pagkamakasarili. Hindi ako puwedeng magpatuloy sa pagiging walanghiya, nagpapabaya sa aking tungkulin at umiiwas sa hindi pagkakasundo. Kailangan kong manindigan at pangalagaan ang gawain ng iglesia.

Nang sumunod na araw, ipinatawag ko sina Zhao at Liu. Sa sandaling nakita nila ako, ginisa na nila ako: “Anong trabaho ang ginagawa mo? Ipinoproseso mo ba ang kaso ng isang huwad na lider? O ipinadala ka ba ng mga lider at manggagawa para makipagbahaginan sa amin?” Nang sabihin ko sa kanilang naroon ako para iberipika ang nilalaman ng liham-ulat, nagsimula silang baluktutin ang mga katunayan para atakehin at punahin uli si Chen Mo, sinasabing madalas itong hindi dumadalo sa mga pagtitipon ng grupo, hindi lumulutas ng mga isyu ng mga kapatid, at hindi naaasikaso ang mga baguhan. Nagrereklamo pa rin sila kung paanong ang diyakono ng pagdidilig ay hindi dumating sa oras para sa pagtitipon kasama ang mga baguhan, at sinabi na hindi gumagawa ng totoong gawain si Chen Mo. Siniraan pa nila si Chen Mo sa paratang na kinondena at pinigilan sila nito noong banggitin nila ang ilang pagkukulang nito. Masyado silang nagiging dominante kaya nagsimula uli akong mag-alinlangan: “Wala silang pagkatao at laging nagsisimula ng gulo. Nakipagbahaginan sa kanila ang mga lider at diakono tungkol kay Chen Mo, ngunit hindi pa rin nila ito tinatantanan. Kung ilalantad ko sila nang harapan ngayon, baka magalit sila at sino ang nakaaalam kung ano ang kanilang gagawin?” Nabalisa ako nang husto at nagsisi pa ngang pumunta ako para harapin ang liham-ulat na ito. Naisip ko: “Puwede akong magsulat na lang ng isang liham sa mga nakatataas na lider para ipaalam sa kanila ang sitwasyon at hayaan silang harapin ito. Sa gayong paraan ay hindi ko kailangang komprontahin sina Zhao at Liu at hindi ko na kailangang mabalisa tungkol dito.” Kaya sinagot ko na lang basta ang kanilang mga tanong at nagmadaling umalis. Pagkatapos ay nagsulat ako ng liham sa mga nakatataas na lider tungkol sa beripikasyon ng liham-ulat, at tungkol sa pag-uugali nina Zhao at Liu. Pagkalipas ng dalawang araw, sumulat pabalik ang mga lider na nagsasabing: “Sinabi mo sa amin ang tungkol sa kasalukuyang isyu kina Zhao Hui at Liu Ying, ngunit hindi mo binanggit kung paano mo ito pinaplanong harapin. Ipinasa mo lang ang bagay na ito sa amin. Ano ang iniisip mo sa sitwasyong ito?” Nakonsensya ako pagkatapos basahin iyon. Napatunayan ko nang sina Zhao at Liu ay masasamang tao sa diwa, dahil patuloy nilang hinahanapan ng mali, pinupuna, at inaatake ang iba, ginagambala ang buhay-iglesia at tumatangging magsisi. Kung papayagan silang manatili, mas lulubha ang pagkagambala sa gawain ng iglesia. Ayon sa prinsipyo, dapat silang agarang alisin sa iglesia, ngunit para protektahan ang aking sarili, ipinasa ko ang responsibilidad sa nakatataas na pamunuan. Napakamapanlinlang ko talaga.

Kalaunan, pagkatapos basahin ang sumusunod na dalawang sipi ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng mas mabuting pagkaunawa sa kalikasan at mga kahihinatnan ng aking mga asal. Ang mga salita ng Diyos ay nagsasabi: “Madalas tayong nagbabahaginan at naghihimay-himay tungkol sa mga anticristo at masasamang tao, tinatalakay natin kung paano sila makilatis at makilala, lahat ng ito ay para makapagbahaginan nang malinaw tungkol sa katotohanan, at mabigyan ang mga tao ng pagkilatis laban sa masasamang tao at mga anticristo, para mailantad sila ng mga tao. Sa ganitong paraan, hindi na malilihis o magugulo ng mga anticristo ang hinirang na mga tao na tao ng Diyos, at makakalaya na sila mula sa impluwensiya at pagkaalipin ni Satanas. Gayunpaman, may mga pilosopiya pa rin ang ilang tao para sa mga makamundong pakikitungo sa puso nila. Hindi nila sinusubukang kilatisin ang masasamang tao at mga anticristo; sa halip, ginagampanan nila ang papel ng mga mapagpalugod ng mga tao. Hindi sila nakikipaglaban sa mga anticristo, hindi sila nagtatakda ng malinaw na distansiya sa kanila, at pinipili nila ang isang nyutral at maingat na paraan para mapangalagaan ang kanilang sariling mga interes. Hinahayaan nila ang mga diyablong ito—ang masasamang tao at mga anticristong ito—na manatili sa sambahayan ng Diyos, nag-aanyaya ng panganib sa pamamagitan ng pag-aalaga sa mga diyablo. Hinahayaan nila ang mga diyablong ito na walang habas na guluhin ang gawain ng iglesia at ang paggawa ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Anong papel ang ginagampanan ng mga gayong tao? Nagiging sanggalang sila para sa mga anticristo at mga kasabwat ng mga anticristo. Bagamat pwedeng hindi mo ginagawa ang mga bagay na katulad sa mga anticristo o ginagawa ang katulad na masasamang gawa, may parte ka sa kanilang masasamang gawa—ikaw ay kinokondena. Kinukunsinti at ikinakanlong mo ang mga anticristo, hinahayaan silang maghasik ng kaguluhan sa paligid mo nang hindi gumagawa ng anumang aksiyon o anumang bagay. Hindi ba’t may parte ka sa kasamaan ng mga anticristo? Ito ang dahilan kung bakit nagiging kasabwat ng mga anticristo ang ilang huwad na lider at ang mga mapagpalugod ng mga tao. Ang sinumang nakakasaksi sa mga anticristo na nanggugulo sa gawain ng iglesia ngunit hindi naglalantad sa mga anticristo o nagtatakda ng malinaw na distansiya mula sa mga ito ay nagiging alipores at kasabwat ng mga ito. Wala silang pagpapasakop at katapatan sa Diyos. Sa mga kritikal na sandali ng labanan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, pumapanig sila kay Satanas, pinoprotektahan nila ang mga anticristo at ipinagkakanulo ang Diyos. Kinasusuklaman ng Diyos ang mga gayong tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). “May mga mapagpalugod ng mga tao sa bawat iglesia. Walang pagkilatis ang mga taong ito sa masasamang tao na nagmamanipula at nagsasabotahe sa mga halalan. Kahit na mayroon silang kaunting pagkilatis, hindi nila ito pinapansin. Ang kanilang saloobin sa mga isyu na lumilitaw sa mga halalan sa iglesia ay ‘Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakakaapekto ang mga ito sa iyo.’ Iniisip nila na hindi mahalaga kung sino ang magiging lider, na wala itong kinalaman sa kanila. Hangga’t masaya silang namumuhay araw-araw, ayos na sila. Ano ang tingin mo sa mga ganitong tao? Sila ba ay mga tao na nagmamahal sa katotohanan? (Hindi.) Anong uri sila ng tao? Mga mapagpalugod sila ng mga tao, at maaari din silang tawaging mga hindi mananampalataya. Ang mga taong ito ay hindi naghahangad sa katotohanan; ang gusto lang nila ay mamuhay nang magaan, nagnanasa ng kaginhawahan sa laman. Masyado silang makasarili at tuso. Marami bang gayong tao sa lipunan? Anumang pampolitikang partido ang nasa kapangyarihan, kahit sino ang nasa posisyon, sila ay gustong-gusto ng mga tao at mahusay nilang napapamahalaan ang kanilang mga ugnayang panlipunan, at namumuhay sila nang komportable; kahit anong kilusang pampolitika ang lumitaw, hindi sila naiipit dito. Anong uri ng mga tao ito? Ang mga ito ang pinakamapanlinlang, pinakatuso na mga tao, kilala bilang ‘mga tusong tao’ at ‘mga matandang ahas.’ Namumuhay sila ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, nang wala ni katiting na prinsipyo. Kung sino man ang nasa kapangyarihan, iyon ang kanilang nilalapitan, binobola, ipinagdiriwang nila ang kabutihan nito. Wala silang ibang ginagawa kundi ipagtanggol ang mga nakatataas sa kanila, at hindi nila kailanman sinasalungat ang mga ito. Gaano man kalaki ang kasamaang ginagawa ng mga nakatataas sa kanila, hindi nila ito sinasalungat ni sinusuportahan, kundi itinatago nila ang kanilang mga iniisip sa kanilang kaibuturan. Gustong-gusto sila ng mga tao kahit sino pa ang nasa kapangyarihan. Gusto ni Satanas at ng mga diyablong hari ang ganitong uri ng tao. Bakit gusto ng mga diyablong hari ang ganitong uri ng tao? Dahil hindi nila sinisira ang mga gawain ng mga diyablong hari at hindi sila nagiging banta sa mga ito. Walang prinsipyo ang ganitong uri ng tao, at walang batayan sa kanilang pag-asal, at walang integridad at dignidad; sumusunod lamang sila sa mga kalakaran ng lipunan at yumuyukod sa mga diyablong hari, umaayon sa mga panlasa ng mga ito. Hindi ba’t mayroon ding mga gayong tao sa iglesia? Maaari bang maging mga mananagumpay ang mga gayong tao? Mabubuting sundalo ba sila ni Cristo? Mga saksi ba sila sa Diyos? Kapag nagpapakita ng kanilang ulo ang mga masamang tao at anticristo at ginugulo ang gawain ng iglesia, makakaya bang tumindig ng mga gayong tao at makipaglaban sa kanila, ilantad, kilatisin, at itakwil sila, itigil ang kanilang masasamang gawa at magpatotoo sa Diyos? Tiyak na hindi. Ang mga tusong tao na ito ay hindi iyong mga gagawing perpekto o ililigtas ng Diyos. Hindi sila kailanman nagpapatotoo sa Diyos o hindi nila kailanman itinataguyod ang mga interes ng Kanyang sambahayan. Sa nakikita ng Diyos, ang mga taong ito ay hindi iyong mga sumusunod o nagpapasakop sa Kanya, kundi mga taong bulag gumagawa ng gulo, mga miyembro ng pangkat ni Satanas—sila ang mga ititiwalag Niya kapag natapos na ang Kanyang gawain. Hindi pinahahalagahan ng Diyos ang gayong mga sawing-palad. Wala sila ng katotohanan o buhay; sila ay mga hayop at diyablo; hindi sila karapat-dapat sa kaligtasan ng Diyos at sa pagtatamasa ng pagmamahal Niya. Kaya, madali na isinasantabi at tinitiwalag ng Diyos ang mga gayong tao, at dapat na maagap silang paalisin ng iglesia bilang mga hindi mananampalataya(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 19). Mula sa mga salita ng Diyos, nalaman kong kapag ginagambala ng mga anticristo at masasamang tao ang buhay-iglesia at ang gawain ng iglesia, tinitingnan ng Diyos kung pipiliin ng mga tao na pangalagaan ang mga interes ng iglesia o ang kanilang pansariling interes. Kung pipiliin nilang protektahan ang kanilang sarili at hahayaan ang masasamang tao at mga anticristo na gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, sa mga mata ng Diyos, sila ay madaya, mapanlinlang, makasarili at kasuklam-suklam. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang gayong mga tao at kinokondena at tinitiwalag pa nga sila. Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, labis akong nabalisa. Alam na alam ko na sina Zhao Hui at Liu Ying ay walang tigil na ginagambala ang buhay-iglesia at inaatake at pinupuna ang mga lider, kaya hindi na magawa nang maayos ng mga lider ang kanilang mga tungkulin at nahahadlangan ang gawain ng iglesia. Gayunpaman, nabuhay ako sa mga satanikong pilosopiya tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali” at “Mas kakaunti ang gulo, mas mainam,” at bilang resulta, nabigo akong manindigan para ilantad at paghigpitan sila, kahit na malinaw kong nasaksihan ang kanilang mga maling gawain at paggambala. Nag-alala ako na kung mapasama ko ang loob nila ay pupunahin nila ang mga pagkakamali ko at gaganti sa pamamagitan ng pag-uulat sa akin, kaya patuloy kong iniwasan ang ilantad sila at pinabayaan ang aking tungkulin, na umabot pa nga sa pagpapasa ko ng aking mga tungkulin sa nakatataas na pamunuan. Sa gayong paraan, pakiramdam ko ay maiiwasan kong mapasama ang loob nila at mapoprotektahan ko ang aking sarili—napakamakasarili at napakamapanlinlang ko! Bilang isang lider, pananagutan ko ang agad na manindigan at maglantad ng masasamang tao kapag may paggambala sa buhay-iglesia, upang maprotektahan ang aking mga kapatid, ngunit hindi ko ginagampanan ang aking responsabilidad, lalong hindi ipinapakita ang aking katapatan. Sa pagkatantong ito, sa wakas ay nakita ko na sa pagpayag kong madiktahan ng mga lason ni Satanas ang paraan ng aking pamumuhay, wala ako kahit katiting na wangis ng pagkatao at ganap na nawalan ng katwiran o konsensya. Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang hindi sumasa Akin ay laban sa Akin; at ang hindi nag-iimpok na kasama Ko ay nagkakalat(Mateo 12:30). Sa digmaan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, iyong mga hindi kumakampi sa Diyos ay kumakampi kay Satanas—walang nasa gitna. Gayunpaman, sinubukan kong maging tuso sa kung paano ako haharap sa masasamang tao, nagpasyang ipasa ang trabaho sa nakatataas na pamunuan. Sinubukan kong manatili sa gitna, inuuna ang pag-iingat sa sarili kaysa sa prinsipyo. Hindi ba’t ito ay malinaw na kaso ng pagpanig kay Satanas nang ipinagkakanulo ang Diyos? Naisip ko pa ngang ang wais ko sa hindi pakikisangkot sa pagwawasto sa masasamang tao, ngunit naging biktima ako ng sarili kong katusuhan. Maaaring hindi nga ako nakagawa ng masama at gumambala sa iglesia tulad ng masasamang taong iyon, ngunit nabigo akong iwasto agad sila nang malinaw kong nakita ang kanilang kasamaan at paggambala. Kinunsinti ko ang kanilang masasamang gawa at pinagtakpan pa nga sila. Naging bahagi ako sa kanilang masamang gawain! Nasaan ang aking konsensya, ang aking pagkatao? Hindi ako karapat-dapat na tawaging tao! Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, nakaramdam ako ng pagsisisi sa nagawa ko. Nabigo akong gawin ang aking tungkulin at maghanda ng mabubuting gawa. Sa kabaligtaran, nag-iipon ako ng masasamang gawa at kung magpapatuloy ako sa gayong paraan, itatakwil at ititiwalag ako ng Diyos.

Pagkatapos, pinagnilayan ko kung bakit takot na takot ako sa masasamang tao at natagpuan ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na naghahayag ng katotohanan tungkol sa mga anticristo: “Iniisip nila na kapareho ng lipunan ang sambahayan ng Diyos, na makakapanindigan ang sinumang hindi sumusuko at mapanupil, na walang sinumang mangangahas na kumanti sa mga walang awa, mabagsik, at masama, at naniniwala sila na pawang hindi mahusay at walang kakayahan ang mga taong tumatanggap ng pagpupungos. Iniisip nila na walang mangangahas na kumanti sa mga taong may abilidad, na walang mangangahas na maglantad sa mga taong iyon kahit pa magkamali ang mga ito, at singtigas ng bakal ang mga taong ito!(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). “Sinabi ng Diyos: ‘Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos.’ Hanggang saan mo magagawang paniwalaan ang mga salitang ito? Ibinubunyag ng pakikipaglaban sa mga anticristo at masasamang tao ang laki ng iyong pananalig. Kung mayroon kang tunay na pananampalataya sa Diyos, kung gayon, may tunay kang pananalig. Kung maliit lang ang iyong pananampalataya sa Diyos, at malabo at hungkag ang pananampalatayang iyon, kung gayon, wala kang tunay na pananalig. Kung hindi ka naniniwala na may kakayahan ang Diyos na magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito at na nasa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos si Satanas, at natatakot ka pa rin sa mga anticristo at masasamang tao, natitiis mo ang paggawa nila ng kasamaan sa iglesia, ang panggugulo at pagsira nila sa gawain ng iglesia, at kaya mong makipagkompromiso kay Satanas o magmakaawa rito para protektahan ang iyong sarili, nang hindi ka naglalakas-loob na tumindig at labanan siya, at kung ikaw ay naging isang taong lumilisan, mapagpalugod ng mga tao, at isang tagamasid, kung gayon ay wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos. Nagiging kuwestiyonable ang pananampalataya mo sa Diyos, dahilan para maging kaawa-awa ang iyong pananampalataya!(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang Diyos ang may kapangyarihan at may kontrol sa lahat ng bagay. Sa sambahayan ng Diyos, si Cristo at ang katotohanan ang nagtataglay ng awtoridad. Gaano man mag-amok ang mga anticristo at masasamang tao sa iglesia, gumawa ng masasamang gawain at gumambala sa buhay-iglesia, sila ay mga kasangkapan lamang na ginagamit ng Diyos para gawing perpekto ang kakayahang kumilatis ng Kanyang mga taong hinirang. Pagkatapos nilang gampanan ang kanilang bahagi, sila ay isa-isang inilalantad at tinitiwalag ng Diyos. Ngunit hindi ko kinilala ang pamamahala at pagiging matuwid ng Diyos at laging natatakot na mapasama ang loob ng masasamang tao. Naniwala ako na sa pangkalahatang lipunan, kapag mas mapaniil at mahigpit ang isang tao, mas hindi sila kakalabanin at mas magiging matagumpay sila. Akala ko ay gayundin sa sambahayan ng Diyos, at kung mapapasama ko ang loob ng isang masamang tao, tiyak na magkakaroon ng mga negatibong kahihinatnan. Ang sambahayan ng Diyos, para sa akin, ay tulad ng lipunan kung saan, “Mas mabuting magkaayos ang magkakaaway kaysa magtalo” at “Mas mabuting pasamain ang loob ng isang maginoo kaysa sa isang tampalasan.” Sa ilalim ng impluwensiya ng mga ideyang ito, hindi ako nangahas na manguna at patigilin ang paggambala ng masasamang tao sa buhay-iglesia, dahil takot na takot akong gumanti sila, magpakalat ng mga sabi-sabi tungkol sa akin at iulat ako bilang isang huwad na lider. Kung humantong ito sa pagkakatanggal ko at hindi ko magawa ang aking tungkulin, hinding-hindi ako magkakaroon ng mabuting hantungan. Masyado kong minalaki ang kapangyarihan ng masasamang taong ito at lubos na itinanggi ang pagiging matuwid ng Diyos at ang katunayan na naghahari ang Diyos sa lahat ng bagay. Naalala ko ang isang taong kilala ko noon na si Sister Chen Zhengxin. Nang italaga siya para iwasto ang pagsiklab ng kaguluhan sa isa sa mga iglesia, itinaboy siya ng masasamang tao na gumagambala sa iglesia na iyon, inaway siya at hindi siya pinayagang dumalo sa mga pagtitipon. Ngunit hindi nagpakita ng kahit katiting na takot si Zhengxin sa harapan ng masasamang taong iyon—umasa siya sa Diyos para ilantad ang kanilang masasamang gawa at sa huli, ang lahat ng masasamang tao ay itiniwalag mula sa iglesia. Si Zhengxin naman, hindi siya napabagsak ng mga pag-atake ng masasamang tao at nagpatuloy sa paggawa ng kanyang tungkulin sa iglesia. Nagbigay sa akin ng praktikal na pag-unawa ang kuwento niya kung paanong ang katotohanan ang namamayani sa sambahayan ng Diyos, kung paanong Siya ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay, at kung paanong kapag gumagawa tayo ng mga bagay na makatarungan, pinupuri, pinoprotektahan, at ginagabayan tayo ng Diyos. Ipinakita rin ng karanasan ko sa liham-ulat na ito kung gaano kaseryoso ang iglesia sa gawain ng pagsusuri at pagbeberipika sa mga naturang liham, at kung paano nito ipinoproseso ang mga ito sa isang patas at matuwid na paraan ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Nang baluktutin nina Zhao Hui at Liu Ying ang katotohanan sa kanilang liham-ulat, at pinuntirya ang mga pagkakamali ni Chen Mo, hindi tinanggal ng iglesia si Chen Mo batay lamang sa liham, bagkus ay kinonsulta muna ang mga pagtatasa ng karamihan sa mga kapatid at kumuha ng malinaw na pag-unawa sa sitwasyon ng parehong nagsulat ng ulat at ng taong iniulat. Kung hindi totoo ang ulat, reremedyuhan ng iglesia ang kawalan ng katarungan. Kung totoo, haharapin ito batay sa prinsipyo. Noon, dalawang beses na akong iniulat ng isang anticristo, ngunit nakita sa kasunod na mga pagsisiyasat na mali ang parehong ulat at bilang resulta, hindi ako inalis ng simbahan sa aking tungkulin. Nakita kong ginagawa ng iglesia ang lahat ayon sa mga katotohanang prinsipyo at hindi basta ipoproseso ang kaso ng isang tao pagkatapos marinig ang iisang panig lamang ng kuwento. Hindi nito aagrabyaduhin ang isang mabuting tao at hindi palalampasin ang masasamang tao. Sa pag-iisip nito, pakiramdam ko ay kahibangan ang dati kong mga pananaw—ito’y mga pananaw ng isang hindi mananampalataya. Kasabay nito, napagtanto ko na ang sitwasyong ito ay isang pagsubok para makita kung kaya kong bumaling sa katarungan, labanan ang mga puwersa ng kasamaan at manindigan sa aking pagpapatotoo sa Diyos.

Kalaunan, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabi: “Sa iglesia, maging matatag kayo sa inyong patotoo sa Akin, panindigan ang katotohanan; ang tama ay tama at ang mali ay mali. Huwag malito sa kung alin ang itim at puti. Makikipagdigma kayo kay Satanas at dapat ninyong lubusang magapi ito upang sa gayon ay hindi na ito kailanman babangon. Dapat ninyong ibigay ang lahat ng mayroon kayo upang pangalagaan ang Aking patotoo. Ito ang magiging layunin ng inyong mga pagkilos—huwag kalimutan ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nalaman ko na mahal ng Diyos iyong matatapat at may katarungan. Ang gayong mga tao ay kayang isagawa ang katotohanan, itaguyod ang mga prinsipyo at protektahan ang mga interes ng iglesia, at hindi sila natatakot na mapasama ang loob ng mga tao. Ang gayong mga tao lamang ang pinupuri ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nagkaroon ako ng panibagong kahulugan sa pananampalataya at handa na akong manindigan para pangalagaan ang mga interes ng iglesia. Naalala ko kung paanong noon, nang pakiramdam ko ay napipigilan ako ng masasamang tao, hindi ako nangahas na ilantad at paghigpitan sila, at nagdulot ito ng kalahating taon ng kaguluhan sa loob ng iglesia, na lubhang nakaapekto sa buhay-iglesia at sa pagpasok sa buhay ng aking mga kapatid. Iyon ay isang pagsisising buong buhay kong papasanin. Alam ko na sa pagkakataong ito ay kailangan kong isagawa ang katotohanan at tigilan ang pagsisikap kong protektahan ang aking sarili na tulad ng isang duwag. Kailangan kong agad na alisin ang masasamang tao mula sa iglesia at linangin ang pagkilatis ng mga kapatid, nang sa gayon ay hindi na sila muling malihis at magulo ng masasamang tao. Pagkatapos niyon, nakipagkita ako kina Zhao Hui at Liu Ying, at tinukoy ang kanilang palagiang pag-uugali kasama ang mga salita ng Diyos para ilantad at himayin ang kanilang kasamaan. Naging napakapayapa at napakagaan ng pakiramdam ko pagkatapos gawin iyon. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, at kasunod ng pagboto ng mga kapatid, ang dalawang masasamang tao ay inalis sa iglesia. Tinapos nito ang isang yugto ng kaguluhan sa iglesia, at sa mga kapatid ay nagtaguyod ito ng higit na pagkakilatis sa masasamang tao. Buong-puso akong nagpapasalamat sa Diyos sa Kanyang pagiging matuwid.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkaroon ako ng kaunting kamalayan sa aking makasarili at mapanlinlang na kalikasan at nasaksihan ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos. Talagang nadama ko kung paano naghahari ang katotohanan at katuwiran sa sambahayan ng Diyos, at kung paanong walang masamang impluwensiya ang maaaring magkaroon ng katayuan sa loob. Napagtanto ko rin na sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng katotohanan at pangangalaga sa mga interes ng iglesia tayo umaaayon sa mga layuin ng Diyos at nakadarama tayo ng kapayapaan. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 72. Ang Landas Patungo sa Kaharian ng Langit

Sumunod: 74. Ang mga Kinahihinatnan ng Bulag na Pagsamba sa Isang Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito