69. Kung Paano Ako Naging Isang Huwad na Lider
Sa pagtatapos ng 2019, inilagay ako sa pamamahala ng paggawa ng video para sa iglesia. Tensyonadong-tensyonado ako dahil nangangailangan ito ng mga kasanayan na hindi ko pa kailanman natutunan. Ang pressure na harapin ang di-pamilyar na gawaing ito ay tila isang malaking pabigat sa aking dibdib. Kapag kinukumusta ko ang gawain, madalas na nagtatalakay ng mga teknikal na isyu ang mga lider ng grupo, at nakaupo lang ako roon na babahagya ang nauunawaan sa pinag-uusapan nila. Kapag may bagay na hindi nila mapagkasunduan, tatanungin nila ang mga pananaw at mungkahi ko at kabadong-kabado ako dahil dito, dahil hindi ko matukoy kung ano ang problema. Minsan ay nagbibigay ako ng ilang suhestyon batay sa kutob ko, pero hindi nagagamit ang mga ito. Nahihiya ako sa tuwing nangyayari ito. Isa akong lider ng iglesia, kaya ano na lang ang iisipin sa akin ng mga kapatid kung hindi ko nakikita ang mga problemang ito o makapagmungkahi ng anumang paraan para ayusin ang mga ito? Pagkatapos makailang beses na mangyari ang ganitong bagay, ayaw ko nang makisali sa mga talakayan ng gawain. Naisip ko, “Hindi ko talaga nauunawaan ang mga ganitong uri ng mga teknikal na problema, at huli na ang lahat para pag-aralan pa ngayon. Sila ang gumagawa ng mga video, kaya hahayaan ko silang magsumikap para talakayin ang parteng iyon ng gawain. Hindi ko sila magagabayan sa larangang ito, pero mas matutulungan ko sila sa pagpasok nila sa buhay. Kung normal ang mga kalagayan nila at kaya nilang asikasuhin ang mga teknikal na aspeto, hindi ba’t tinupad ko pa rin naman ang tungkulin ko? Sa ganitong paraan, hindi ko maipapahiya ang sarili ko sa harap nila.” Dahil sa mga ideyang ito sa isip ko, hinayaan ko silang talakayin ang gawain, pero hindi ako nakisali.
Pagtagal-tagal, nalaman ko na napakabagal ng pag-usad ng produksyon ng video, may lumitaw rin na ilang problema sa prinsipyo, at hindi matiwasay na nagtutulungan ang mga kapatid. Sunud-sunod na iniulat sa akin ng ilang sister ang lider ng grupo na si Sister Sarah, sinasabi na siya ay naghahari-harian at pinipilit ang iba na makinig sa kanya sa ilang talakayan sa gawain, na nangangahulugan na kailangang patuloy na ulitin ang paggawa sa mga video. Naisip ko, “May mahusay na kakayahan si Sarah. Bagama’t medyo mayabang ang disposisyon niya, magaling naman siya. Normal para sa mga taong may kaunting talento na maging mayabang, kailangan ko lang magbahagi sa kanya.” Kaya gumamit ako ng salita ng Diyos at nakipagbahaginan sa kanya kung paano makipagtulungan sa iba at ang mga aral na dapat niyang matutunan. Ipinahayag ni Sarah na handa siyang tanggapin ang mga salita ko at magbago. Gayunpaman, hindi nagtagal pagkatapos niyon, lumapit sa akin si Sister Elsie at sinabi na gumugol siya ng oras at nagsumikap sa paggawa ng isang video, pero sandali lang itong tiningnan ni Sarah at lubusan niya itong tinanggihan, at nawalan na siya ng pagkakataon para makipagnegosasyon. Napakasama ng loob ni Elsie at tinanong niya ako kung paano niya ito malalampasan. Naisip ko, “May mali ba talaga sa video na ginawa ni Elsie, o umaasa lang ba si Sarah sa mapagmataas niyang disposisyon sa pag-aasikaso ng mga bagay?” Gusto kong idetalye sa akin ni Elsie ang tungkol sa sitwasyon, para malaman ko kung ano mismo ang problema, pero naalala ko na hindi ako pamilyar sa parteng iyon ng gawain. Kung sasabihin niya sa akin iyon at hindi ko maiintindihan ang problema, ano na lang ang iisipin niya sa akin? “Hindi bale na,” naisip ko, “hahayaan ko silang talakayin ang mga isyu na ito nang sila-sila lang. Ayos na siguro kung magbabahagi na lang ako kay Elsie tungkol sa kalagayan niya at sasabihin sa kanya na danasin ito bilang pagpupungos. Kung mahaharap niya ang usaping ito nang tama, malulutas niyon ang problema niya sa pakikipagtulungan kay Sarah.” Kaya nagbahagi ako kay Elsie, sinabi sa kanya na tanggapin ang payo ng ibang tao, na huwag magpapigil sa labis na pagpapahalaga sa sarili, na maunang magsagawa ng katotohanan at maagap na makipagtulungan sa iba. Nakasimangot pa rin si Elsie pagkatapos niyang marinig ito, at umalis nang nayayamot. Masamang-masama rin ang loob ko, dahil alam ko na hindi talaga nalutas ang problema niya. Gusto kong makita kung ano ang isyu sa video ni Elsie, pero nag-aalala ako na hindi ko ito maiintindihan at magmumukha akong walang kakayahan. Naisip ko, “Hindi bale na, hahayaan ko na lang silang pag-usapan ang problemang ito nang sila-sila lang.” Pagkatapos, nagbahagi ako kay Sarah para lutasin ang kanyang kalagayan. Tinukoy ko na mapagmataas ang disposisyon niya, at sinabihan ko siya na matiwasay na makipagtulungan sa iba at na dapat silang matuto mula sa kalakasan ng bawa’t isa, at na kahit na may magaganda siyang mungkahi, dapat niya itong talakayin sa iba. Nangako si Sarah na pagtutuunan ng pansin ang pagbabago, pero pagkatapos niyon, napakayabang pa rin niya at laging pakiramdam niya ay mas maganda ang opinyon niya kaysa sa iba. Pakiramdam niya ay may kasanayan at karanasan siya at na ang iba ay mas mababa sa kanya, at gusto niya na siya ang laging may huling salita kapag gumagawa kasama sila. Kapag nagkasundo ang mga kapatid sa isang plano ng paggawa na iba sa kung ano ang gusto niya, tatanggihan niya ito at iuutos na ulitin ito ayon sa kanyang mga hinihingi. Kung pakiramdam ng iba ay hindi angkop ang plano niya at nagbigay sila ng payo, hinding-hindi niya ito tatanggapin, at ituturing niyang walang pakinabang ang payo nila. Hindi siya makausap ng mga kapatid, at madalas na kailangan nilang ulitin ang gawain nila. Palala nang palala ang kalagayan ng bawat isa at nabubuhay sila sa pagiging negatibo. Nang makita ko na si Sarah ay mayabang, mapagmagaling, at may sariling batas, at na malubha niyang naaapektuhan ang pag-usad ng gawain, labis akong hindi mapakali, pero hindi ko maunawaan ang mga teknikal na isyung ito. Noong panahong iyon, medyo may pakiramdam ako na hindi tinanggap ni Sarah ang katotohanan at hindi pa siya nagsisi at nagbago, at siguro ay hindi na siya nababagay pang gawin ang tungkuling ito. Pero pagkatapos ay naisip ko na mas mahusay siya rito kaysa sa iba, at napaisip ako na kung matatanggal siya, may iba bang kayang pumalit sa trabaho? Nag-alangan ako, at gusto ko itong iulat sa mga nakatataas na lider, pero nag-alala ako na kapag nakita nila ang gulo na idinulot ko sa aming gawain, baka pungusan nila ako at tanggalin ako. Pagkatapos makipagtunggali sa sarili ko, nagpasya akong magbahagi muli kay Sarah. Kaya, pinuntahan ko siya at tinukoy ang kanyang mayabang na disposisyon, inilantad na lagi siyang malupit at nagnanais na siya ang may huling salita, at sinabi sa kanya na tinatahak niya ang landas ng isang anticristo. Hindi siya nagsalita pagkatapos itong marinig, pero malinaw na laban ito sa loob niya. Pagkatapos niyon, ginagawa pa rin niya ang mga bagay sa sarili niyang paraan, at madalas na magpakitang-gilas at magmaliit ng iba. Karamihan sa mga kapatid ay nakararamdam ng paghihigpit at ayaw siyang makatrabaho. Dahil sa kanyang panggugulo at panggagambala, naantala ang paggawa ng video, at sa huli, wala na akong magawa kundi iulat ang isyu sa mga nakatataas na lider. Pagkatapos ng kanilang pagsisiyasat, natanggal si Sarah sa kanyang posisyon bilang lider ng grupo, at natanggal ako dahil sa hindi paggawa ng aktuwal na gawain o paglutas ng mga totoong problema.
Pagkatapos kong matanggal, inamin ko lang na mahina ang kakayahan ko, na hindi ko nauunawaan ang larangang iyon ng gawain, at na hindi ako makagawa ng totoong gawain. Wala akong tunay na pagkaunawa sa mga sarili kong problema. Kalaunan, nang mabasa ko ang pagbabahagi ng Diyos tungkol sa pagtukoy ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, sinimulan kong pagnilayan at unawain kung ano ba mismo ang nagawa ko. Sinasabi ng Makapangyarihang Diyos: “Magaling sa paimbabaw na gawain ang mga huwad na lider, ngunit hindi sila kailanman gumagawa ng tunay na gawain. Hindi nila iniinspeksyon, pinapangasiwaan, o ginagabayan ang iba’t ibang propesyonal na gawain, o inaalam ang nangyayari sa iba’t ibang pangkat sa tamang oras, hindi nila iniinspeksyon kung kumusta ang pag-usad ng gawain, kung ano ang mga problema, kung mahuhusay ba ang mga superbisor ng pangkat sa kanilang trabaho, at kung paano inuulat o sinusuri ng mga kapatid ang mga superbisor. Hindi nila sinusuri kung mayroong sinuman na pinipigilan ng mga lider o superbisor ng pangkat, kung isinasagawa ba ang mga tamang mungkahi ng mga tao, kung sinusupil o ibinubukod ba ang sinumang may talento o naghahangad sa katotohanan, kung naaapi ba ang sinumang taos-pusong tao, kung inaatake, pinaghihigantihan, pinapaalis, o pinapatalsik ba ang mga taong naglalantad at nag-uulat ng mga huwad na lider, kung masasamang tao ba ang mga lider o superbisor ng pangkat, at kung mayroon bang sinumang pinahihirapan. Kung hindi ginagawa ng mga huwad na lider ang alinman sa kongkretong gawaing ito, dapat silang tanggalin. Halimbawa, may nag-ulat sa isang huwad na lider na may isang superbisor na madalas pumipigil at sumusupil sa mga tao. May ginawang ilang maling bagay ang superbisor ngunit hindi niya hinahayaan ang mga kapatid na magbigay ng mga mungkahi, at naghahanap pa nga siya ng mga dahilan para ipawalang-sala at ipagtanggol ang kanyang sarili, hindi niya kailanman inaamin ang kanyang mga pagkakamali. Hindi ba’t dapat na tanggalin kaagad ang gayong superbisor? Ito ay mga problema na dapat lutasin agad ng mga lider. Hindi pinapayagan ng ilang huwad na lider na malantad ang mga superbisor na itinalaga nila, anuman ang mga isyung lumitaw sa gawain ng mga ito, at tiyak na hindi nila pinapayagan na maulat ang mga ito sa mga nakatataas—sinasabihan pa nga nila ang mga tao na matutong magpasakop. Kung may maglalantad nga ng mga isyu tungkol sa isang superbisor, sinusubukan ng mga huwad na lider na ito na protektahan ang mga ito o itago ang mga katunayan, sinasabi nila, ‘Problema ito sa buhay pagpasok ng superbisor. Normal lang na magkaroon siya ng mayabang na disposisyon—mayabang ang lahat ng may kaunting kakayahan. Hindi ito malaking isyu, kailangan ko lang makipagbahaginan sa kanya nang kaunti.’ Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, ipinapahayag ng superbisor ang kanyang paninindigan, sinasabi niya, ‘Inaamin kong mayabang ako. Inaamin kong may mga pagkakataon na iniisip ko ang sarili kong banidad, pagpapahalaga sa sarili, at katayuan, at hindi ko tinatanggap ang mga mungkahi ng ibang tao. Ngunit hindi mahusay ang ibang tao sa propesyong ito, madalas silang nagbibigay ng mga walang kwentang mungkahi, kaya may dahilan kung bakit hindi ko sila pinakikinggan.’ Hindi sinusubukan ng mga huwad na lider na lubusang unawain ang sitwasyon, hindi nila tinitingnan ang mga resulta ng gawain ng superbisor, lalo na kung ano ang kanyang pagkatao, disposisyon, at hangarin. Ang ginagawa lang nila ay maliitin ang mga bagay-bagay, sinasabi nila, ‘Iniulat ito sa akin kaya binabantayan kita. Binibigyan kita ng isa pang pagkakataon.’ Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, sinasabi ng superbisor na handa siyang magsisi, ngunit sa usapin ng kung talagang magsisisi siya pagkatapos, o kung nagsisinungaling lang siya at nanlilinlang, hindi ito binibigyang-pansin ng mga huwad na lider” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 3). “Ginagampanan ng mga huwad na lider ang gawain sa isang matamlay at paimbabaw na paraan: Kinakausap nila ang mga tao, gumagawa sila ng kaunting gawaing sikolohikal, pinapayuhan nila nang kaunti ang mga tao, at iniisip nila na paggawa ito ng totoong gawain. Paimbabaw ito, hindi ba? At anong isyu ang nakatago sa likod ng pagiging paimbabaw na ito? Hindi ba’t kawalan ng muwang ito? Lubhang walang muwang ang mga huwad na lider, at tinitingnan din nila ang mga tao at mga bagay sa isang napakawalang muwang na paraan. Wala nang mas mahirap lutasin kaysa sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao—hindi mababago ng isang leopardo ang kanyang mga batik. Hindi talaga makikilatis ng mga huwad na lider ang problemang ito. Samakatwid, pagdating sa mga uri ng superbisor sa iglesia na palaging nagdudulot ng kaguluhan, na palaging pumipigil at nagpapahirap sa mga tao, walang ginagawa ang mga huwad na lider kundi kausapin ang mga ito, at pungusan ang mga ito gamit ang ilang salita, at iyon na iyon. Hindi nila agad-agad na tinatanggal at inililipat ang mga ito. Nagdudulot ng matinding pinsala sa gawain ng iglesia ang pamamaraang ito ng mga huwad na lider, at madalas na humahantong sa pagkaantala, pagtatagal, at pagkasira sa gawain ng iglesia, at napipigilan ito na makapagpatuloy nang normal, maayos, at mahusay dahil sa mga panggugulo ng ilang masamang tao—na pawang isang malubhang bunga ng mga huwad na lider na kumikilos batay sa kanilang mga damdamin, lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at gumagamit ng mga maling tao. Sa panlabas na anyo, ang mga huwad na lider ay hindi sadyang gumagawa ng maraming kasamaan, o gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa kanilang sariling paraan at nagtatatag ng kanilang mga nagsasariling kaharian, tulad ng ginagawa ng mga anticristo. Ngunit hindi nagagawang agad na lutasin ng mga huwad na lider ang iba’t ibang problema na lumilitaw sa gawain ng iglesia, at kapag nagkakaroon ng mga problema sa mga superbisor ng iba’t ibang pangkat, at kapag hindi kayang pasanin ng mga superbisor na iyon ang kanilang gawain, hindi kaya ng mga huwad na lider na maagap na baguhin ang mga tungkulin ng mga superbisor o tanggalin ang mga ito, na nagdudulot ng malubhang kawalan sa gawain ng iglesia. At ang lahat ng ito ay dulot ng pagpapabaya sa tungkulin ng mga huwad na lider” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 3). Nang mabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos, nalungkot akong lalo at nadurog ang puso ko. Pakiramdam ko ay ako ang huwad na lider na inilalarawan ng Diyos. Inihahayag ng Diyos na ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, hindi kailanman nagsisiyasat, namamahala, o nangangasiwa sa paggawa, at hindi kailanman sinusubukan na direktang maunawaan ang mga aktwal na problema o kumustahin ang mga partikular na trabaho. Kapag may nag-ulat ng problema tungkol sa isang tagapamahala, hindi nila kailanman ginagawa ang isang puspusang pagsisiyasat o kinikilala ang diwa ng tagapamahala at ang mga epekto ng gawain nito. Ang ginagawa lang nila ay makipagbahaginan sa mga ito at gumawa ng kaunting gawaing pang-ideolohiya at iniisip nila na malulutas niyon ang problema. Nangangahulugan ito na hindi nila maagap na naililipat ang mga tagapamahala na hindi naaangkop, na nagdudulot ng malubhang pinsala sa gawain. Ang inasal ko ay ang inihayag mismo ng Diyos. Bihira akong makisali sa gawain, at hindi ko madalas na kinukumusta kung paano ito umuusad o binibigyan ito ng paggabay. Alam ko nang mabagal ang produksyon ng video, at iniulat na ng mga tao na mayabang si Sarah, na iginigiit niya na ang pamamaraan niya ang masunod at na naapektuhan nito ang gawain, ngunit ang ginawa ko lang ay magbahagi tungkol sa kanyang kalagayan. Hindi ko siniyasat ang mga alitan nila tungkol sa proseso ng paggawa ng video o kung saan nagmumula ang problema, nagbahagi lang ako na dapat nilang malaman ang kanilang mga tiwaling disposisyon at matuto ng mga aral. Inakala ko na ang pagbabahagi at paggawa ng gawaing pang-ideolohiya ay isang paraan ng paglutas ng mga problema at paggawa ng totoong gawain, at hindi ko kinumusta o nilutas ang mga tunay na problema na humahadlang sa pag-usad ng gawain. Hindi ko inilipat o inasikaso ang lider ng grupo na gumagambala at gumugulo sa mga bagay, hinayaan ko lang siyang patuloy na hadlangan ang paggawa ng video. Hindi ba’t ako ang huwad na lider na naihayag sa salita ng Diyos? Noong panahong iyon, higit sa isang tao ang nagsabi sa akin na pinaghihigpitan sila ni Sarah. Lahat ng video ay dapat na sang-ayunan niya, at kapag gumawa ng mga kapasyahan ang iba nang wala siya, tatanggihan niya ang mga ito. Kahit ano pa ang tinatalakay nila, kailangang hintayin ng mga kapatid ang kanyang opinyon, na labis na nag-antala sa gawain. Sa katunayan, hawak na niya ang kapangyarihan sa grupo at siya ang may huling salita. Tuloy-tuloy na nag-uulat ang iba ng mga problema tungkol sa kanya, pero bulag ako at mangmang at madalang na magkaroon ng malalim na pag-unawa sa gawain, kaya mababaw ko lang na tiningnan ang mga problemang ito at hindi natukoy ang mga napakalulubhang isyu ni Sarah. Inisip ko pa rin na may kasanayan siya, pero medyo mayabang lang ang kanyang disposisyon, at sa kaunting pagbabahagi, mapagninilayan niya ang kanyang sarili at magkakaroon siya ng kaunting pagkakilala sa kanyang sarili. Dahil hindi ko malinaw na nakikita ang kalikasan ng kanyang ginagawa, kahit na ano pang pagbabahagi ko, naglilitanya lang ako ng mga salita at doktrina, at hindi talaga nilulutas ang aktwal na problema. Bilang resulta, sa loob ng kalahating taon, maraming tao ang napaghigpitan niya, ang naging negatibo at mahina, ang produksyon ay hindi epektibo, at ang paggawa ng video ay malubhang nahadlangan at nagulo. Noon ko lang malinaw na nakita na napakalaking pinsala ang naidulot sa gawain dahil hindi ako gumawa ng totoong gawain o inilipat ang hindi naaangkop na lider ng grupo sa tamang oras. Ako ay isang totoong huwad na lider. Noong una, akala ko ay nabigo ako sa gawain ko dahil lang mahina ang kakayahan ko at hindi ko nauunawaan ang larangang iyon ng gawain. Nang siniyasat ko ang sarili ko batay sa salita ng Diyos ay saka ko lang nakita na hindi ko man lang sinubukan na unawain ang mga isyu nang direkta o lutasin ang mga aktwal na problema. Hindi lang ito usapin ng mahinang kakayahan, ito ay isang isyu ng hindi paggawa ng aktuwal na gawain.
Patuloy kong pinagnilayan ang aking sarili, “Bakit ako nag-aatubili na mas matuto tungkol sa gawaing ito?” Nang alalahanin ko ang ilang inisip at inasal ko noon, doon ko lang napagtanto na sa kaibuturan ko ay palaging mapanlinlang ang pinanghahawakan kong pananaw. Pakiramdam ko ay hindi ko nauunawaan ang larangang iyon ng gawain, kaya gusto kong iwasan ang mga isyu na kaugnay nito, at ayaw kong siyasatin ito o aralin ito. Natakot ako na kapag tinalakay ko ang mga problemang ito sa mga taong nakauunawa, mailalantad ko kung gaano ako kamangmang. Kaya kahit na responsable ako dapat sa gawaing iyon, gusto ko pa rin na hindi ito bigyang-pansin. Kalaunan, nabasa ko sa salita ng Diyos: “Ang pangunahing katangian ng gawain ng mga huwad na lider ay pagdadaldal tungkol sa doktrina at pag-uulit ng mga salawikain. Matapos ilabas ang kanilang mga utos, naghuhugas na lang sila ng mga kamay tungkol sa bagay na iyon. Hindi sila nagtatanong tungkol sa sumunod na pag-unlad ng gawain; hindi nila itinatanong kung nagkaroon ng anumang mga problema, paglihis, o paghihirap. Itinuturing nilang tapos na ang kanilang trabaho sa sandaling italaga nila ang trabaho. Sa katunayan, bilang isang lider, matapos isaayos ang gawain, dapat mong subaybayan ang pag-usad ng gawain. Kahit hindi ka pamilyar sa larangang iyon ng gawain—kahit wala kang anumang kaalaman tungkol dito—makakahanap ka ng paraan para magawa ang gawain mo. Makakahanap ka ng isang taong tunay na naaarok ito, na nauunawaan ang naturang propesyon, na magsuri at magbigay ng mga mungkahi. Mula sa kanilang mga mungkahi matutukoy mo ang angkop na mga prinsipyo, kaya magagawa mong subaybayan ang gawain. Pamilyar ka man o hindi o nauunawaan mo man o hindi ang propesyong pinag-uusapan, sa pinakamababa ay kailangan mo pangunahan ang gawain, subaybayan ito, at patuloy na mag-usisa at magtanong tungkol sa pag-usad nito. Kailangan mong magkaroon ng pagkaintindi tungkol sa gayong mga bagay; ito ang responsabilidad mo, bahagi ito ng iyong trabaho. Ang hindi pagsubaybay sa gawain, hindi paggawa ng higit pa sa sandaling naitalaga na ito, ang paghuhugas mo ng mga kamay rito—ito ang paraan ng mga huwad na lider sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ang hindi pagsusubaybay o pagbibigay ng direksiyon sa gawain, hindi pag-uusisa o paglulutas sa mga isyung lumilitaw, at hindi pag-aarok sa pag-usad o kahusayan ng gawain—mga pagpapamalas din ang mga ito ng mga huwad na lider” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na ang hindi pangungumusta sa partikular na mga gawain sa kadahilanang hindi ko nauunawaan ang mga larangang iyon at ang hindi paglutas sa mga totoong problema na umiiral sa gawain ay isang pagpapamalas ng isang huwad na lider na iresponsable at umiiwas sa kanyang mga obligasyon. Bilang isang lider, dapat man lang ay pamunuan at kumustahin mo ang gawain, magtanong tungkol sa pag-usad nito, at maghanap at lumutas ng mga problema nito. Kahit pa hindi mo nauunawaan nang mabuti ang isang larangan, maaari mong pakiusapan iyong mga nakauunawa na magsiyasat at magbigay ng mga mungkahi, at makipagtulungan ka sa kanila para makabawi sa iyong mga kakulangan. Maaari ka pa ring magtrabaho nang maayos sa ganoong paraan. Pero sinubukan kong iwasan ang anumang bagay na may kinalaman sa teknikal na gawain at hindi ako sumali sa mga partikular na gawain sa batayan na hindi ko nauunawaan ang mga ito. Ginawa ko ito para pagtakpan ang aking mga kamalian at kakulangan at para mapanatili ang aking imahen at katayuan at dahil natatakot ako na mamaliitin ako ng mga kapatid ko kapag hindi ko sila nagabayan. Noong may mga problema sa produksyon, noong may hindi mapagkasunduan ang mga kapatid, noong hindi sila makapagtulungan, at bumagal ang pag-usad ng gawain, sa halip na aktwal na lutasin ang mga bagay, hindi ako direktang nakialam. Hindi ba’t ako mismo ang huwad na lider na inihayag sa salita ng Diyos? Sa katunayan, lahat ng gawain ng iglesia ay kinabibilangan ng mga katotohanang prinsipyo, kaya ang payak na pagpapakadalubhasa sa isang espesyal na kaalaman ay hindi sapat para magawa nang mahusay ang trabaho. Bilang isang lider, kahit pa hindi mo nauunawaan ang isang larangan ng gawain, dapat alam mo ang nauugnay na mga katotohanang prinsipyo para magabayan mo ito at masiyasat ito. May ilang lider na sa umpisa ay hindi nauunawaan ang isang larangan ng gawain, pero nagsisikap silang mag-aral at nagpapakadalubhasa sa nauugnay na mga katotohanang prinsipyo, at pagkatapos ay kaya na nilang aktuwal na gabayan ito at siyasatin ito, at patuloy na umuunlad ang gawain. Tinanong ko ang sarili ko, “Lagi kong sinasabi na hindi ko nauunawaan ang larangang ito ng gawain, pero nagsikap man lang ba ako nang mabuti na aralin ito? Nagsumikap ba ako o nagbayad ng halaga? Kapag hindi ko alam kung paano siyasatin ang mga bagay-bagay, hinahanap ko ba ang mga katotohanang prinsipyo?” Wala akong ginawa sa mga bagay na ito. Naging padaskul-daskol ako sa tungkulin ko, hindi ko sinubukan na umusad, at kapag hindi ko nauunawaan ang mga bagay ay hindi ko sinusubukang matuto mula sa iba, lalong hindi ko hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Ginamit kong dahilan ang pagiging hindi ko pamilyar sa larangang iyon ng gawain, upang protektahan ang karangalan ko at katayuan, na nangahulugan na maraming totoong problema at suliraning lumitaw habang ginagawa ng iba ang kanilang mga tungkulin ang hindi agad nalutas, at malubha nitong naapektuhan ang mga resulta ng paggawa ng video. Ito ang mga kinahinatnan ng walang pag-unawa kong pagpapaulit-ulit ng mga sawikain at hindi paggawa ng totoong gawain o paglutas ng mga totoong problema.
Pagkatapos, nabasa ko rin sa salita ng Diyos: “Kapag hinihingi ng Diyos na isantabi ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi naman sa pinagkakaitan Niya ang mga tao ng karapatang mamili; bagkus, ito ay dahil habang hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagagambala at nagugulo ng mga tao ang gawain ng iglesia at ang pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, at maaari pa ngang makaimpluwensiya sa pagkain at pag-inom ng maraming tao ng mga salita ng Diyos, sa pag-unawa nila sa katotohanan, at sa pagkamit nila ng kaligtasan ng Diyos. Ito ay isang katunayang hindi mapag-aalinlanganan. Kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, siguradong hindi nila hahangarin ang katotohanan at hindi nila matapat na tutuparin ang kanilang tungkulin. Magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at lahat ng gawaing ginagawa nila, nang wala ni katiting na eksepsyon, ay alang-alang sa mga bagay na iyon. Ang umasal at kumilos sa gayong paraan ay walang pagdududang pagtahak sa landas ng mga anticristo; ito ay isang paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos, at lahat ng iba’t ibang kahihinatnan nito ay nakakahadlang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos sa loob ng iglesia. Kaya, maaaring sabihin ng isang tao nang may katiyakan na ang landas na tinatahak ng mga naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay ang landas ng paglaban sa Diyos. Ito ay sadyang paglaban sa Kanya, pagkontra sa Kanya—ito ay ang makipagtulungan kay Satanas sa paglaban sa Diyos at pagsalungat sa Kanya. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang problema sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga mithiin ni Satanas—ang mga ito ay mga mithiin na masasama at hindi makatarungan. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga personal na interes gaya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagiging kasangkapan na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa iglesia; sa gawain ng iglesia, at sa normal na buhay-iglesia at normal na paghahangad ng mga taong hinirang ng Diyos, ang epekto nila ay mang-abala at maminsala; mayroon silang masama at negatibong epekto” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Habang pinag-iisipan kong mabuti ang mga salita ng Diyos, nakita ko na ang tanging ginawa ko sa tungkulin ko ay panatilihin ang aking imahen at katayuan, at na hindi ko talaga pinangalagaan ang gawain ng iglesia, na nagdulot ng pinsala rito. Kumikilos ako bilang alipin ni Satanas, ginagambala at hinahadlangan ang gawain ng iglesia. Dahil natatakot ako na mamaliitin ako ng iba kung hindi ko nauunawaan ang isang larangan sa gawain, hindi ako nakisali sa mga talakayan sa gawain, at hindi rin nangumusta sa mga partikular na trabaho. Nang makita ko na ang lider ng grupo ay may sariling batas at ginagambala ang gawain, at na hindi ko ito malutas, natakot ako na malalaman ng mga nakatataas na lider na hindi ako makagawa ng totoong gawain at tatanggalin ako, kaya hindi ko ito iniulat sa nakatataas o hinanapan ng solusyon, at nanood lamang ako habang nagdurusa ang gawain ng iglesia. Lantaran kong ikinukubli ang mga katunayan, nililinlang iyong mga nasa itaas at ibaba ko, at pinaniniwala ang mga tao na walang problema at normal na umuusad ang gawain na pinangangasiwaan ko, para maprotektahan ko ang posisyon ko bilang namumuno. Habang ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para protektahan ang imahen at katayuan ko, pinaghihigpitan ang aking mga kapatid at walang paraan para makaabante sila sa kanilang gawain. Nabubuhay sila sa pasakit at paghihirap, nagdurusa sa usapin ng kanilang pagpasok sa buhay, at ang gawain ay malubhang nahahadlangan, pero wala akong pakialam sa alinman dito. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng isang huwad na pamumuno? Habang pinagninilayan ko ang mga bagay na ito, medyo natakot ako, nakonsensiya at nagsisi. Napoot ako sa sarili ko sa pagiging makasarili at mapanlinlang ko. Masyado nang naging manhid at walang katwiran ang konsensya ko! Ang paggawa ng video ay may mahalagang bahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ginampanan ko ang isang napakahalagang tungkulin, pero hindi ko isinaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, pinanatili ko ang imahen at katayuan ko sa lahat ng bagay, at ginambala at ginulo ko ang gawain ng iglesia. Ang isipin kung ano ang inasal ko sa aking tungkulin at ang pinsalang idinulot ko sa gawain ng iglesia ay kasingsakit ng kutsilyo na nakatarak sa puso ko. Hiyang-hiya ako. Nanalangin ako sa Diyos habang lumuluha sa pagsisisi, “Diyos ko, naging tuso at taksil ako sa aking tungkulin, hindi ako gumawa ng aktuwal na gawain at huli na ang lahat para ayusin ang pinsala na nagawa ko sa gawain ng iglesia. Gusto kong magsisi sa Iyo sa tungkulin ko sa hinaharap, at hinihiling ko na siyasatin Mo ako.”
Kalaunan, nakahanap ako ng ilang landas ng pagsasagawa at pagpasok sa salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano kayo magiging ordinaryo at normal na mga tao? Gaya ng sinasabi ng Diyos, paano kayo tatayo sa tamang lugar ng isang nilikha—paano ninyo magagawang hindi subukang maging isang pambihirang tao, o maging kung sinong dakilang tao? Paano ka dapat magsagawa upang maging isang ordinaryo at normal na tao? Paano ito magagawa? … Una, huwag mong bigyan ng titulo ang sarili mo at huwag kang magpagapos dito, na sinasabing, ‘Ako ang lider, ako ang pinuno ng grupo, ako ang tagapangasiwa, walang nakaaalam sa gawaing ito nang higit sa akin, walang nakauunawa sa mga kasanayan nang higit sa akin.’ Huwag kang mahumaling sa titulong ibinigay mo sa sarili. Sa sandaling gawin mo ito, itatali nito ang iyong mga kamay at paa, at maaapektuhan ang iyong sinasabi at ginagawa. Maaapektuhan din ang normal mong pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili sa mga limitasyon ng katayuang ito. Ibaba mo muna ang iyong sarili mula sa opisyal na titulo at posisyon na ito at tumayo ka sa lugar ng isang pangkaraniwang tao. Kung gagawin mo ito, magiging medyo normal ang mentalidad mo. Dapat mo ring aminin at sabihin na, ‘Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko rin iyon nauunawaan—kakailanganin kong magsaliksik at mag-aral nang kaunti,’ o ‘Hindi ko pa ito nararanasan, kaya hindi ko alam ang gagawin.’ Kapag kaya mong magsabi ng tunay mong iniisip at magsalita nang tapat, magtataglay ka ng normal na katwiran. Makikilala ng iba ang tunay na ikaw, at sa gayon ay magkakaroon ng normal na pagtingin sa iyo, at hindi mo kakailanganing magpanggap, ni hindi ka magkakaroon ng anumang matinding kagipitan, kung kaya’t magagawa mong makipag-usap nang normal sa mga tao. Ang pamumuhay nang ganito ay malaya at magaan; ang sinumang napapagod mabuhay ay idinulot ito sa kanilang mga sarili. Huwag kang magkunwari o magpanggap. Magtapat ka muna tungkol sa iniisip mo sa iyong puso, tungkol sa tunay mong mga saloobin, upang malaman ng lahat ang mga iyon at maunawaan ang mga iyon. Bilang resulta, ang iyong mga alalahanin at ang mga hadlang at mga hinala sa pagitan mo at ng iba ay mawawala lahat. May iba pang nakahahadlang sa iyo. Palagi mong itinuturing ang sarili mo na pinuno ng grupo, isang lider, isang manggagawa, o isang taong may titulo, katayuan, at posisyon: Kung sasabihin mong mayroon kang hindi nauunawaan, o hindi kayang gawain, hindi ba’t nilalait mo ang iyong sarili? Kapag isinantabi mo ang mga gapos na ito sa iyong puso, kapag tumigil ka na sa pag-iisip na isa kang lider o isang manggagawa, at kapag tumigil ka na sa pag-iisip na mas magaling ka sa ibang tao at naramdaman mo na isa kang pangkaraniwang tao, na katulad ng lahat, at na mayroong ilang aspeto kung saan mas mababa ka sa iba—kapag nagbahagi ka ng katotohanan at mga bagay na may kinalaman sa gawain nang may ganitong saloobin, iba ang epekto, gayundin ang atmospera. Kung sa iyong puso, palagi kang may mga pag-aalinlangan, kung palagi kang namomroblema at nahahadlangan, at kung gusto mong alisin sa iyo ang mga bagay na ito pero hindi mo magawa, dapat ay seryoso kang magdasal sa Diyos, pagnilay-nilayan ang iyong sarili, tingnan ang iyong mga pagkukulang, at pagsumikapan ang katotohanan. Kung maisasagawa mo ang katotohanan, magkakamit ka ng mga resulta” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, lumiwanag nang husto ang puso ko. Lagi kong inilalagay ang sarili ko sa posisyon ng isang lider. Nais ko laging magpanggap na alam ko ang lahat para tingalain ako ng iba, at ayaw kong makita ng iba ang totoong ako. Naniwala ako na para maging isang lider, kailangan kong maging angat sa iba at magkaroon ng kakayahang gawin ang anumang bagay, pero nagkamali ako. Ang totoo, hindi ako mas magaling sa iba. Ang mga tiwali kong disposisyon ay katulad ng sa mga kapatid ko, at maraming bagay na hindi ko malinaw na nakikita o nauunawaan. Ang pagiging isang lider ay pagkakataon lamang para makapagsagawa. Dapat kong isantabi ang ranggo ko, maging tapat, maging bukas sa iba tungkol sa totoong ako, at makipagtulungan sa lahat nang may pantay na katayuan sa paggawa natin sa ating mga tungkulin. Kapag may hindi ako naiintindihan, dapat ko itong aminin at hayaan iyong mga nakauunawa na mas makapagbahagi. Sa ganoong paraan, hindi ko lang maagap na malulutas ang mga problema sa gawain, makababawi rin ako sa mga sarili kong kakulangan. Kung may isyu na hindi ko maintindihan o malutas, dapat ko itong iulat agad sa nakatataas para maiwasan ang malulubhang kahihinatnan dahil sa hindi pangangasiwa sa tamang oras.
Ngayon, napili ako na maging lider uli sa iglesia. Sobra akong nagpapasalamat, at alam ko na ibinigay sa akin ng Diyos ang oportunidad na ito para makapagsisi ako. Hindi na ako makababawi sa mga dati kong paglabag, kaya gusto kong gawin ang lahat ng makakaya ko sa hinaharap kapag ginagampanan ko ang tungkulin ko. Nanumpa ako sa sarili ko: “Diyos ko, handa akong gawin ang lahat ng makakaya at dapat kong gawin para maayos na magampanan ang tungkuling ito. Kung aasa ako sa tiwali kong disposisyon at maging iresponsable uli ako sa tungkulin ko, umaasa akong parurusahan Mo ako at itutuwid.” Maraming gawain sa tungkulin ko ngayon na wala akong masyadong alam. Minsan, kapag pumupunta sa akin ang mga kapatid para magtalakay ng gawain, hindi ko masyadong nauunawaan ang ilan dito, at nararamdaman ko pa rin ang kagustuhan na iwasan ito at huwag nang sumali. Pero kapag naiisip ko ang mga aral na natutunan ko mula sa mga dati kong kabiguan, medyo natatakot ako at agad akong nagdarasal sa Diyos. Hinihiling ko sa Kanya na tulungan ako na maging kalmado, na makinig nang mabuti, at makipagtulungan sa mga kapatid ko sa paghahanap ng mga paraan para lutasin ang mga problemang ito. Kapag nagdadala ako ng isang pasanin at aktwal na nakikisali sa mga gawaing ito, hindi ko lang nauunawaan kung ano ang problema, kung minsan ay nakapagbibigay pa ako ng ilang makatwirang mungkahi. Kapag may nasasangkot na mga isyu sa prinsipyo na hindi ko malinaw na nakikita o nalulutas, iniuulat ko ang mga ito sa mga nakatataas na lider at humihingi ng tulong. Sa ganitong paraan ay hindi naaantala ang gawain, at agarang nalulutas ang problema.