68. Ang Labis na Pagpapahirap na Dinanas sa Kulungan

Ni Chen Hao, Tsina

Isang umaga noong Nobyembre ng 2004, pumunta ako sa bahay ng isang nakatatandang sister para dumalo sa isang pagtitipon. Kakatok pa lang sana ako sa pinto nang bigla itong bumukas, at sinunggaban ako ng isang pares ng kamay at hinila ako papasok. Habang nakatitig sa akin at nagsasalita nang may malalim at umaangil na tinig, binantaan ako ng isang lalaki, sinasabing, “Huwag kang mangahas magsalita!” Sinunggaban ako ng isa pang lalaki sa leeg at sinipa ako sa binti habang tinatanong kung ano ang ginagawa ko roon at kung ilang tao ang darating. Napagtanto kong mga pulis ang mga lalaking ito at nang medyo nababalisa, sinabi kong, “Nandito lang ako para maghatid ng tubig at mangolekta ng bayarin sa tubig.” Sabi ng isa sa kanila, “Ikaw si Chen Hao, hindi ba?” Natigilan ako—paano nila nalaman ang pangalan ko? Bago pa ako nakakibo, sinimulan na nila akong kapkapan, kinumpiska nila ang isang kuwaderno at mahigit 600 yuan mula sa aking mga bulsa, at pagkatapos ay pinosasan ako. Narinig kong may nagsabing, “Hindi naman pala nasayang ang pagmamanman natin sa lugar na ito sa loob ng isang buwan.” Napagtanto kong matagal-tagal na nilang binabantayan ang bahay. Makalipas ang mga limang minuto, dumating ang tatlong nakasibilyang pulis. Isa sa kanila ang tumingin sa akin nang may gulat at sinabing, “Anong ginagawa mo rito? Anong ginagawa mo at kasama mo ang mga taong ito?” Ang lalaking ito ay nagngangalang Liu at katrabaho ko ang nakababata nitong kapatid na babae noong nanalig ako sa Panginoong Jesus. Talagang malupit at masama si Liu at ipinadakip niya ako sa kanyang mga tauhan. Naisip ko kung paanong nang naaresto ang ibang mga kapatid dati, madalas silang napapasailalim sa lahat ng uri ng matinding pagpapahirap at ang ilan ay binugbog pa nga hanggang sa mamatay, nakaramdam ako ng matinding takot. Hindi ko alam kung pahihirapan o papatayin pa nga ako ng mga pulis, kaya nanalangin ako sa Diyos, hiniling sa Kanyang protektahan ako at bigyan ako ng pananalig at lakas na manindigan sa aking patotoo sa Kanya. Pagkatapos ay naisip ko kung paanong sinabi ng Panginoong Jesus: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno(Mateo 10:28). Tama iyon, kaya lamang akong patayin ng mga pulis nang pisikal—hindi nila kayang nakawin ang aking kaluluwa. Sa patnubay ng mga salita ng Diyos, medyo nabawasan ang takot ko.

Pagkatapos niyon, dinala nila ako sa lokal na istasyon ng pulisya. Nang tila taos-puso, sinabi ni Liu sa mga pulis na nagdala sa akin, “Huwag niyo siyang masyadong pahirapan. Matapat siyang tao at matagal na kaming magkakilala.” Pagkatapos, nang may pekeng katapatan, sinabi niya sa akin, “Sabihin mo na lang sa amin ang nalalaman mo. Hindi malaking bagay ang kaunting gawaing panrelihiyon. Kung magtatapat ka, puwede kang umuwi na lang. Mahigit isang taon na mula nang huli kang nakauwi, tama ba? Pag-isipan mong mabuti. Pagdating ng oras, sabihin mo lang sa amin ang gusto naming malaman at sinisiguro kong magiging ayos ka.” Nang marinig ko ang sinabi niya, medyo nag-atubili ako, at naisip ko na: “Dahil kilalang-kilala na namin ang isa’t isa at siya ang pinuno ng espesyal na pangkat na nag-iimbestiga, kung magbubunyag lang ako ng ilang hindi gaanong mahalagang impormasyon at makukuha ang tiwala niya, baka pakawalan niya ako.” Habang kinokonsidera ko ito, bigla kong naisip ang mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Napagtanto ko na muntik na akong mahulog sa tusong pakana ni Satanas. Itong si Officer Liu ay isang taong tuso at mahilig makipagsabwatan—paano ko paniniwalaan ang sinasabi niya? Gusto lang niyang makakuha ng impormasyon mula sa akin tungkol sa iglesia at magawa akong ipagkanulo ang Diyos. Nang matanto ko ito, pinanatili kong sarado ang bibig ko. Pagkatapos ay tinanong ako ng isa pang pulis, “Saan ka nag-eebanghelyo? Kanino ka nakikipagtipon? Sino ang lider niyo? Saan itinatago ng iglesia ang pera nito?” Ngunit kahit gaano niya ako tinanong nang husto, hindi ako umimik.

Bandang alas-3 ng hapon noong araw ring iyon, dinala nila ako sa bahay-detensiyon ng probinsya. Dinala ako ng isang opisyal doon sa isang silid at inutusan akong hubarin ang lahat ng damit ko, itaas ang aking mga braso at pagkatapos ay pinaikot-ikot ako. Nang hindi ako magsimulang umikot agad, mabilis niya akong sinipa at pagkatapos ay inutusan akong mag-squat nang mababa nang tatlong beses. Nakaramdam ako ng sobrang galit at kahihiyan. Pagkatapos niyon, dinala ako sa isang selda ng kulungan na puno ng mahigit tatlumpung preso sa espasyong wala pang 20 metrong kuwadrado. Pagkapasok na pagkapasok ko sa selda, dalawang preso ang pumilipit sa mga braso ko sa likuran ko, hinila nila ang mga ito pataas at tinulak paabante para iparada ako sa palibot ng silid bago ako sinipa para matumba. Tumama ang noo ko sa sahig at nagsimulang dumugo. Nagtawanan lang ang mga preso at sinabi ng isa, “Mukhang hindi naka-preno ang eroplano.” Sabi naman ng isa pa, “Marami kaming ituturo sa iyo. Matututo ka rin pagtagal-tagal.” Naisip ko: “Kararating ko lang at pinahihirapan na nila ako nang ganito. Paano ako makatatagal dito? Kakayanin ko bang tiisin ito?” Sa loob ko, nanalangin ako sa Diyos, nagsusumamo sa Kanya na pangalagaan ang puso ko upang mapanindigan ko ang aking patotoo. Noon mismo, naisip ko ang mga salita ng Diyos, na nagsasabing: “Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong ginawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, natanto ko na ginagamit ng Diyos ang kapaligirang ito upang gawing perpekto ang ating pananampalataya. May pahintulot ng Diyos ang pag-aresto at pagpapahirap sa akin ng mga pulis. Umaasa Siyang maninindigan ako sa aking patotoo sa Kanya para mapahiya si Satanas. Tunay na isang karangalan ang magkaroon ng pagkakataong magpatotoo para sa Diyos. Naisip ko kung paanong ipinako sa krus ang Panginoong Jesus para tubusin ang sangkatauhan at kung paanong pagkatapos magkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw para iligtas tayo, sumailalim Siya sa pagtugis at pag-uusig ng naghaharing partido, sa paninirang-puri at pagtanggi ng mundo ng relihiyon at nagdusa Siya ng lahat ng uri ng paghihirap at kahihiyan. Gayunpaman, sa kabila nito, ipinapahayag pa rin ng Diyos ang katotohanan at tinutustusan tayo. Ano ba naman ang katiting na pagdurusang ito kumpara sa pagkakataong sundin ang Diyos, hangarin ang katotohanan, at mailigtas Niya? Nang matanto ko ito, pakiramdam ko ay medyo lumakas ako at naisip ko: “Gaano man nila ako pahirapan, hindi ko dapat ibunyag ang anumang impormasyon tungkol sa iglesia o ipagkanulo ang Diyos.”

Kinaumagahan ng ikaapat na araw, dumating muli ang mga pulis para tanungin ako. Pinagtatanong nila ako tungkol sa iba’t ibang detalyeng may kinalaman sa iglesia at ipinakita sa akin ang ilang litrato ng mga tao at sinabihan akong pangalanan sila, sinasabi na tinukoy na ako ng mga taong ito. Alam kong isa pa ito sa mga tuso nilang pakana—gusto nilang linlangin ako para pagtaksilan ko ang mga kapatid ko—kaya hindi ko na lang sila pinansin. Sa huli, nang makita nilang wala akong sasabihin, pinabalik nila ako at inilagay sa ibang selda. Pagpasok ko, narinig kong sinabi ng pulis sa mga preso sa selda na, “Mananampalataya ang isang ito. Siguraduhin niyo na ‘maaalagaan siya nang mabuti.’” Pagkatapos ay lumapit sa akin ang isang batang preso at sinabing “lilinisin niya ang mga tainga ko” para sa akin. Hinila niya at ng isa pang preso ang mga tainga ko sa magkasalungat na direksyon. Sinimulan ko silang itulak palayo, pero bigla silang bumitaw at bumagsak ako sa sahig. Nang akmang tatayo na sana ako, may humawak sa balikat ko, pinipigilan akong tumayo. Pagkatapos ay lumapit sa akin ang isa pang preso na nagsasabing “babalatan niya ang puno.” Itinaas niya ang dulo ng pantalon ko at gamit ang isang kamay, diniinan niya nang husto ang binti ko habang kinukuskos nang matindi ang balat ng binti ko gamit ang isang bag na lalagyan ng sabong panlaba. Napakabilis nang pagkuskos niya na hindi nagtagal, naging singpula ng dugo ang binti ko at nagsimulang kumirot sa sakit. Ang isa pang preso na nakahawak sa akin ay patuloy akong pinipingot. Mahigit dalawampung minuto nila akong pinahirapan nang ganoon. Binalot ng sakit ang tainga ko at lubhang nagkapasa ang binti ko at dumudugo na ito. Pagkatapos niyon, malakas akong sinipa sa likod ng batang preso, kaya gumiray ako paharap. Pagkatapos ay sinipa niya ako sa tiyan nang napakalakas kung kaya’t umarko ang likod ko sa sakit. Parang mabibiyak ang mga laman-loob ko. Lumapit ang isa pang preso at sinipa ako sa likod, kaya napatagilid ako sa sahig, pagkatapos ay tinakpan nila ako ng kumot at sinimulan akong sipain at suntukin. Dumadaloy ang sakit sa buong katawan ko—may hiwa sa noo ko at tumulo ang dugo mula sa ilong ko. Ikinuskos nila ang sabong panlaba sa buhok ko at pinilit akong hubarin lahat ng damit ko at maligo sa malamig na tubig. Disyembre noon at umuulan ng niyebe sa labas. Ang tubig ng selda ay natunaw mula sa yelo sa mga tore ng tubig at nanunuot sa buto ang lamig nito. Giniginaw ako dahil sa malamig na tubig at nanginginig ang buong katawan ko. Pagkatapos niyon, kumuha ng kalahating baso ng sabong panlabang tinunaw sa tubig ang isang preso at sinabing, “Mukhang nanlalamig ka. Nagtabi kami ng kalahating baso ng ‘beer’ para sa iyo. Sige, uminom ka na.” Nang hindi ko ito ininom, sinabi niya, “Ano? Kulang pa ba sa iyo?” at dinagdagan pa ng malamig na tubig ang baso. Umagos sa gilid ng baso ang bula mula sa sabon. Nang makitang tumatanggi pa rin akong uminom mula sa baso, sinabi niya: “Kung hindi mo ito iinumin, paano ka namin magagawang ‘magpaputok’?” Pagkatapos ay dinaganan ako ng dalawang preso sa isang kama, pinisil ang ilong ko at sapilitang ibinuhos ang tubig na panlaba sa lalamunan ko. Ang ibig pala nilang sabihin sa “magpaputok” ay ang pilitin ang isang tao na inumin ang tubig panlaba at pagkatapos ay bugbugin ito para sumuka. Galit na galit akong nagpumiglas at sumigaw, “Sinusubukan niyo ba akong patayin? Hindi ba nasusunod ang batas dito?” Narinig ako ng isa sa mga nakabantay na pulis at sininghalan: “Ano ba ang ipinagsisigaw mo riyan? Binibigyan ka lang nila ng kaunting paligo—hindi mo iyan ikamamatay! Sumigaw ka ulit at matitikman mo ang panguryenteng batuta bukas!” Napuspos ako ng galit sa mga sinabi niya. Nanginginig ang buong katawan ko dahil sa napakalamig na tubig at lumalabas ang napakaliliit na bukol sa balat ko dahil sa lamig. Nang inaabot na ng nanginginig kong kamay ang mga damit ko para kunin at isuot, sinipa ako pabagsak ng sahig ng isang preso. Habang nakaarko ang likod ko sa sakit, sinubukan kong tumayo, pero agad akong inipit sa dingding ng dalawa pang preso, pagkatapos niyon ay sinugod ako ng labintatlong preso at sinimulan akong bugbugin na parang punching bag. Isang presong nahatulan ng kamatayan ang sumigaw, “Sige, bawat isa sa inyo, suntukin niyo siya nang sampung beses.” Pagkatapos ay tumayo siya sa tabi at nagbilang habang ang bawat preso ay nagpapaulan ng mga suntok. Sa sobrang paghihirap ay nakaarko na ang likod ko, hindi ko na kaya ang sakit ng aking dibdib at tiyan at halos hindi na ako makahinga. Pagkatapos niyon, lumapit ang isa pang preso at dalawang beses akong hinampas nang malakas sa likod ng ulo ko gamit ang kanyang posas. Nahilo ako at nasusuka na, nagsimulang umikot ang silid, nagsimulang magpanting ang mga tainga ko at pagkatapos ay nagsuka ako nang matagal. Mayamaya pa ay nagsusuka na lang ako ng madilaw na tubig. Hinawakan ko ang dibdib ko at hindi na ako nangahas na huminga nang malalim, dahil kahit paghinga ay naging masakit na. Sa huli, nagsimula akong umubo ng dugo at pakiramdam ko ay bibigay na ang katawan ko. Naisip ko: “Bubugbugin ako ng mga presong ito hanggang sa mamatay at hindi alam ng pamilya ko na inaresto ako at hindi rin alam ng mga kapatid ko kung saan ako dinala. Kapag talagang pinatay nila ako at itatapon lang ng pulis ang katawan ko sa kung saan, walang makaaalam kung ano ang nangyari.” Nang matanto ko ito, nakaramdam ako ng matinding takot at panghihina, kaya nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos! Hindi ko na ito matatagalan pa. Kung magpapatuloy ito, pahihirapan nila ako hanggang sa mamatay. Nakikiusap akong protektahan Mo po ako, para malampasan ko ang sakit at pagpapahirap na ito.” Noon din, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nag-alay ng kanilang buhay, nagyuko ng kanilang ulo, nagpadanak ng kanilang dugo upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). Kaharap ang mga katanungang ito, napuno ako ng kahihiyan. Naisip ko ang mga banal sa buong kapanahunan. Dahil ipinalaganap nila ang ebanghelyo at nagpatotoo sila sa Diyos, ang iba sa kanila ay binato hanggang sa mamatay, ang iba ay pinagputol-putol ang katawan, at ang iba ay kinaladkad pa ng mga kabayo hanggang sa mamatay. Inialay nila ang kanilang mahalagang buhay para manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Pero pagkatapos akong arestuhin, bugbugin, pahirapan, at pagbantaan ang buhay, naging mahina ako, negatibo at duwag akong kumapit sa buhay dahil sa takot na mamatay. Napakaduwag ko! Naisip ko kung gaano kawalang-konsensya na mabigo akong manindigan sa aking patotoo sa Diyos sa napakahalagang sandaling ito, sa kabila ng labis na pagtatamasa sa pagdidilig at pagtustos ng mga salita ng Diyos. Pakiramdam ko ay labis akong inakusahan at nangako ako na hinding-hindi ako susuko kay Satanas, anuman ang pagpapahirap na iatang sa akin sa hinaharap. Nang makitang hindi na ako gumagalaw sa sahig, doon lang tumigil sa wakas ang mga preso sa pambubugbog sa akin.

Makalipas ang mga isang linggo, dumating si Officer Liu para tanungin akong muli. Nagkukunwaring sinsero, sinabi niya sa akin: “Matagal ko nang kaibigan, tiningnan namin ang mga rekord mo at wala kang anumang kasaysayan ng ilegal na gawain. Tumatanda na ang mga magulang mo at iniiyakan ka na ng anak mo. Lahat sila ay umaasang makakauwi ka para sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Pag-isipan mo pa. Kung sasabihin mo sa amin kung ano ang gusto naming malaman tungkol sa iglesia, pakakawalan ka namin kaagad.” Nang hindi ako sumagot, nagbago siya ng pamamaraan at sinabing, “Alam mo, kahit wala kang sabihin sa amin, puwede ka pa rin naming sentensyahan nang tatlo hanggang limang taon. Kailangan mong maunawaan na ganito talaga ang mga bagay-bagay—huwag masyadong matigas ang ulo mo.” Nang patuloy ko siyang hindi pansinin, ipinabalik niya ako sa selda para pag-isipan ang kanyang alok. Pagbalik sa selda, naisip ko kung ilang taon na ang nanay ko at kung paanong hindi mabuti ang kalusugan niya. Kung talagang masesentensyahan ako ng tatlo hanggang limang taon at mamamatay pa sa loob ng kulungan, sino ang mag-aalaga sa nanay ko? Habang mas lalo kong iniisip ito, mas lalong sumasakit ang loob ko. Sa huli, nagsimula akong mag-isip na baka puwede akong magbunyag ng walang kabuluhang bagay para hindi ako makulong. Noon din, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita kong hindi pinalalampas ng matuwid na disposisyon ng Diyos ang kahit anong paglabag. Lubos na kinasusuklaman ng Diyos ang mga nagiging Hudas, pinagtataksilan ang iglesia at ipinagkakanulo ang Diyos, at hinding-hindi Niya patatawarin ang gayong mga tao. Malinaw kong naunawaang si Officer Liu ay isang mapanlinlang at tusong tao, at na kung magbubunyag ako ng kahit kaunting impormasyon, makahahanap siya ng paraan para pilitin akong magbunyag ng higit pa. Pero, naniwala pa rin talaga ako sa mga maladiyablong salita niya. Napakatanga ko! Dahil sa pag-aalala sa pamilya ko, naisipan kong ipagkanulo ang Diyos. Nakita kong talagang mahina ang pananampalataya ko sa Diyos. Ang ating kapalaran ay lubos na nasa kamay ng Diyos. Ang Diyos ang may huling salita sa kung pahihirapan ba ako hanggang sa mamatay at sa kung anong mangyayari sa pamilya ko. Dapat kong ipagkatiwala ang lahat sa mga kamay ng Diyos at umasa sa Kanya para malampasan ang pagsubok na ito. Nang maging handa na akong magpasakop, tumigil na sa pambubugbog sa akin ang mga preso sa selda 8. Nang makitang nagbago na ang pakikitungo ng mga bilanggo sa akin, inilipat ako ng mga pulis sa selda 10.

Binugbog ako ng mga preso sa selda 10 gaya ng sa selda 8. Bago pa man ako makakibo, tinakpan nila ako ng kumot at sinimulang sipain at suntukin. Tinawag nila itong “paggawa ng mga dumpling.” Tuwing masama ang loob ng mga preso, ibinubunton nila ito sa akin. Nagdusa ako nang husto at pakiramdam ko ay labis akong sinupil sa kapaligirang iyon. Mahirap malampasan ang bawat araw, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako at bigyan ako ng pananalig. Pagkaraan ng isang linggo, isang preso na hinatulan ng kamatayan ang nagsabi sa akin: “Kwentuhan mo ako tungkol sa pananalig mo sa Panginoon at kantahan mo ako ng mga himno niyo. Kung hindi mo gagawin ang iniuutos ko sa iyo, hahampasin kita sa ulo ng mga posas na ito. Huwag kang mangahas tumigil, ang trabaho mo lang ay magsalita at kumanta ngayon.” Kaya kinanta ko ang anumang pumasok sa isip ko, at nang hindi man lang nag-iisip, nagsimula akong kumanta ng isang himno ng mga salita ng Diyos “Nadama Niyo na Ba ang mga Inaasam ng Diyos para sa Inyo?”: “Sino sa inyo si Job? Sino si Pedro? Bakit paulit-ulit Kong nabanggit si Job? Bakit Ko natukoy si Pedro nang napakaraming beses? Natiyak na ba ninyo kung ano ang mga inaasam Ko para sa inyo? Dapat kayong gumugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa gayong mga bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 8). Habang kumakanta ako, nagsimula akong maging emosyonal. Naisip ko kung paanong ipinagpatuloy ni Job ang pagpuri sa pangalan ng Diyos kahit na nawala ang lahat ng kanyang ari-arian at naglabasan ang mga sugat sa buong katawan niya. Naisip ko si Pedro, na gumugol ng kanyang buong buhay sa pagpapatuloy na mahalin ang Diyos at sumailalim sa hindi mabilang na mga pagpipino at paghihirap, at sa huli ay ipinako nang patiwarik sa krus. Lubos niyang minahal ang Diyos at nagpasakop siya sa Kanya hanggang kamatayan. Pareho silang nagbigay ng magandang patotoo sa Diyos at natanggap ang Kanyang parangal. Sabi ng Diyos: “Sino sa inyo si Job? Sino si Pedro?” Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang Kanyang mga inaasahan. Naisip ko: “Dapat akong maging katulad nina Job at Pedro at magpatotoo sa Diyos.” Nagbigay sa akin ng panibagong motibasyon ang pag-awit ng himnong iyon. Pakiramdam ko ay nasa tabi ko ang Diyos at nadama ko ang panibagong determinasyon na tiisin ang lahat ng pagdurusa at manindigan sa aking patotoo. Pagkatapos niyon, sinabi ko sa preso kung paanong namumuno ang Diyos sa lahat, kung paano Niya pinarurusahan ang mga gumagawa ng masama at ginagantimpalaan ang mga gumagawa ng mabuti, na nagpapatotoo sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Sinabi ko rin sa kanya ang kwento ni Lazaro at ng mayamang lalaki. Ipinaalam ko sa kanya na ang mga gumagawa ng masama ay dadanas ng kaparusahan at itatapon sa impiyerno para tumanggap ng kaparusahan pagkatapos mamatay. Pumarito na ang Diyos para ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanan para mapalaya nila ang kanilang sarili sa kasalanan upang madalisay at makapasok sila sa kaharian ng langit. Matapos marinig ang lahat ng iyon, bumuntong-hininga ang preso at sinabing, “Huli na ang lahat ngayon! Kung nakilala ko lang ang isang tulad mo nang mas maaga, hindi na sana ako aabot sa ganito.” Sumang-ayon din ang isa pang kaselda na retiradong guro: “May mga nakilala na akong mga mananampalatayang tulad mo noon. Wala pa akong narinig na may ginagawa silang ilegal.” Pagkatapos ay galit niyang sinabi, “Sa Tsina, walang bagay tulad ng hustisya o paghahari ng batas.” Pagkatapos niyon, tumigil na sa pambubugbog sa akin ang mga preso sa seldang iyon. Alam kong tanda ito ng awa ng Diyos at na naaawa Siya sa akin sa aking kahinaan. Nang makita ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat, nag-ibayo ang aking pananampalataya.

Noong Disyembre ng 2004, hinatulan ako ng CCP ng “ilegal na pagpapasampalataya na nagdudulot ng kaguluhan sa kaayusan ng lipunan” at sinentensyahan ako ng tatlong taon ng reedukasyon sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Galit na galit ako nang marinig kong binabasa ang aking sentensya—bilang isang mananampalataya, tumatahak ako sa tamang landas at hindi ako kailanman gumawa ng anumang ilegal, pero ipinilit ng CCP ang tatlong taong sentensya sa akin. Napakasama talaga nila! Kalaunan, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang sumagi sa isip ko: “Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sinasabi ng CCP na itinataguyod nito ang kalayaan sa relihiyon habang palihim nitong sinusupil at inuusig ang mga Kristiyano, binubugbog, labis na pinahihirapan, at ikinukulong ang mga mananampalataya sa Diyos. Naghahangad sila ng kabantugan sa pamamagitan ng panlilinlang at lubusan silang masama! Sa pamamagitan ng personal na pagdanas ng pag-aresto at pag-uusig ng CCP, nakilala ko ang kanilang mala-demonyo at mapanlaban sa Diyos na diwa. Lalo nitong pinatibay ang aking kapasyahan na sundin ang Diyos hanggang sa wakas.

Noong Enero ng 2005, dinala ako sa isang labor camp at itinalaga sa pagawaan ng pag-iimprenta. Kailangan naming magtrabaho nang humigit-kumulang 15 oras bawat araw at kadalasan ay mayroon lamang mga 3–4 na oras na pahinga bawat araw. Bawat buwan ay kailangan naming magtrabaho nang lagpas sa oras sa loob ng 10–15 araw at kung minsan ay kailangan pang magtrabaho sa buong gabi. Sa paglipas ng panahon, tumaas ang aming kota sa pag-imprenta mula 3,000 papuntang mahigit 15,000 piraso. Dahil dito, kailangan kong magdala ng mga plakang pang-imprenta pabalik-balik sa buong araw at madalas na naglalakad ako ng mga 10 kilometro hanggang dose-dosenang kilometro bawat araw. Hawak ko ang mga pintura sa kaliwang kamay ko habang patuloy na nagpapahid gamit ang kanang kamay ko. Nahihilo ako sa amoy ng mga pintura, humahapdi ang mga mata ko, nanlalabo ang paningin ko, at nahihirapan akong huminga. Sa buong araw ko, nararanasan ko ang paulit-ulit at hindi matiis na pananakit sa mga braso, binti, at balikat ko, at pagod na pagod ako na pwede na akong makatulog nang nakatayo. Naalala ko minsan, noong may sipon ako at nilalagnat, nahilo ako nang sobra na muntik na akong matumba. Nang makita ito ng namamahalang superbisor, sinabi niyang sinusubukan ko lang magpakatamad at sinabing: “Mapapabilis ang kilos mo kung hahampasin kita ng aking de-kuryenteng batuta.” Naisip ko ang isang labimpitong taong gulang na batang lalaking kinuryente dahil hindi niya nakayanan ang mahirap na trabaho. Nagtamo siya ng ilang paso sa kanyang mga tainga at umitim ang ilang patse ng balat niya dahil sa iba pang mga paso. Sa huli, hindi na niya ito makayanan at sinubukan niyang magpakamatay sa pamamagitan ng paglunok ng mga pako, pero hindi siya namatay at nasentensyahan siya ng dagdag na isang buwan ng pagtatrabaho. Alam ko na mga demonyo ang mga taong ito, na papatay sa amin nang walang kurap at na hindi nila kami hahayaang magpahinga, kaya kailangan ko lang itiim ang bagang ko at magpatuloy. Dahil sa sobrang dami kong trabaho, nag-iba ang hugis ng mga daliri ko at nagkaroon ako ng mga bukol sa siko na namaga nang kasinglaki ng pula ng itlog. Nagkaroon din ako ng matinding rhinitis at madalas akong nahihilo at kinakapos ang paghinga. Ang kombinasyon ng labis na trabaho at kakulangan ng tulog ay nagdulot ng sobrang pagkahilo, hanggang sa nanginginig na ako kapag naglalakad at para akong matutumba anumang oras. Bukod sa trabaho namin, pinilit din kaming makilahok sa mga sesyon ng brainwashing na ipinanukala ng CCP dalawang beses sa isang buwan. Nakita ko na kasuklam-suklam ang mga maling paniniwala at ereheng ideya ng CCP at ayaw kong makinig. Nagdusa ako nang husto sa labor camp na iyon at nangulila ako sa mga araw ng pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos kasama ng mga kapatid ko. Gusto ko nang makaalis sa mala-impiyerno at di-makataong sitwasyon na iyon sa lalong madaling panahon. Nanalangin ako sa Diyos at hiniling sa Kanya na bigyan ako ng lakas at tulungan akong malampasan ang sitwasyong iyon. Kalaunan, naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Paano Magawang Perpekto”: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, panatilihin mo ang iyong pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t ikaw ay tatangis nang labis o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Habang kinakanta ko ang himnong iyon, naunawaan ko ang layunin ng Diyos at nakaramdam ako ng matinding lakas ng loob at pagnanais na magpasakop sa mahirap na sitwasyong ito at umasa sa Diyos at sa aking pananampalataya para malampasan ito. Sa mahigit dalawang taon ko sa labor camp, nagkaroon ako ng rhinitis, bronchitis, rheumatoid arthritis, luslos, at mga problema sa tiyan. Minsan, nang magsimulang umatake ang luslos ko at dinala ako ng opisyal ng kampo sa klinika, nakita kong nabali ng doktor ang itinurok na karayom sa puwet ng isang preso at pagkatapos ay gumamit ito ng mga panipit na pumipigil sa pag-agos ng dugo para tanggalin ito. Nasindak ako nang makita ko iyon at hindi na ako nangahas pang bumalik sa klinika na iyon. Noong panahong iyon, sumasakit ang ibabang bahagi ng tiyan ko kapag naglalakad ako kahit kaunti. Kapag pinipilit kong magpatuloy at gumawa ng ilang trabaho, pakiramdam ko ay malalagutan ako ng hininga. Nag-alala ang mga opisyal ng bilangguan na sila ang mananagot kapag namatay ako, kaya dinala nila ako sa ospital ng kampo ng paggawa ng lungsod para sa isang mas masusing medikal na pagsusuri. Matapos kong makumpleto ang medikal na pagsusuri, gulat na sinabi ng doktor: “Anong klase ng pagtatrabaho ang ginagawa mo? Bakit ngayon ka lang nagpasuri sa ospital! Kailangang operahan ang luslos mo. At saka, parehong lumaki nang kaunti ang atay at pantog mo, kaya hindi ka na pupuwede sa manu-manong trabaho. Kung patuloy kang magtatrabaho, mamamatay ka.” Gayunpaman, kumuha lang ng ilang gamot ang mga opisyal para sa akin at inihatid ako pabalik sa kampo ng paggawa. Labis akong nag-alala noong panahong iyon dahil alam kong may isang taon pang natitira sa sentensya ko at hindi ako sigurado kung kakayanin ko pa ito. Pagkatapos niyon, naisip ko: “Sa loob ng dalawang taong pagkakakulong, pinahirapan ako ng mga pulis at muntik na akong mamatay sa pambubugbog ng mga preso, pero sa kabila ng lahat ng dinanas ko, ni minsan ay hindi ko ipinagkanulo ang Diyos. Kaya, paano ako nagkaroon ng ganito kalubhang sakit? Talaga bang kapalaran ko na mamatay sa kampong ito ng paggawa?” Sa gitna ng aking pagdurusa, nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos! Ano na ang gagawin ko ngayon? Gabayan Mo po ako.” Ilang sandali ang lumipas at isang sipi ng mga salita ng Diyos ang pumasok sa isip ko: “Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung ganap ka nang nagpasakop sa Diyos. Kung wala ka ng mga ito, nananatili sa loob mo ang paghihimagsik, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil malayo sa pagiging tapat ang puso mo, hindi ka kailanman nakatanggap ng positibong pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman namuhay sa liwanag(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, nagnilay ako sa sarili ko. Kapag nahaharap ako sa karamdaman at pasakit, nagiging negatibo ako at mahina at sinusubukan ko pa ngang makipagtalo sa Diyos. Tinalikuran ko ang aking panunumpa at nagrereklamo ako at nagrerebelde. Nasaan ang pagpapasakop ko? Nasaan ang aking patotoo? Naalala ko na noong inuusig at pinahihirapan ako ng CCP at nasasaktan at nanghihina ako, ang mga salita ng Diyos ang gumabay at nagbigay sa akin ng pananalig at lakas. Gumawa rin ang Diyos sa pamamagitan ng mga tao, sitwasyon, at mga bagay para magbukas ng landas para sa akin. Palagi Siyang nasa tabi ko, inaalagaan at pinoprotektahan ako. Napakadakila ng Kanyang pagmamahal sa akin at alam kong kailangan kong itigil na ang maling pag-unawa sa Kanya at pagrereklamo. Anumang pagpapahirap o pagdurusa ang naghihintay, mabuhay man ako o mamatay, kailangan kong umasa sa Diyos para magpatuloy! Pagkaraan ng isang buwan, itinalaga ako ng mga pulis sa ibang trabaho kung saan hindi na ako kailangang masyadong maglakad at malaki ang ibinuti ng kalusugan ko. Pinasalamatan ko ang Diyos para sa Kanyang pagmamahal mula sa kaibuturan ng aking puso.

Habang nasa kampo ng paggawa, madalas akong tahimik na kumakanta ng mga himno sa aking sarili. Ang talagang nagkaroon ng malalim na epekto sa akin ay pinamagatang “Ano na ang Nailaan Ninyo sa Diyos?” Sinasabi rito: “Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nag-alay ng kanilang buhay, nagyuko ng kanilang ulo, nagpadanak ng kanilang dugo upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan? Kung ikukumpara, ni hindi man lang kayo nararapat na magtamasa ng gayon kalaking biyaya. Huwag ninyong gaanong taasan ang tingin ninyo sa inyong sarili. Wala kang dapat ipagmayabang. Ang gayon kadakilang kaligtasan, ang gayon kadakilang biyaya ay buong layang ibinibigay sa inyo. Wala kayong naisakripisyo, subalit buong laya kayong nagtatamasa ng biyaya. Hindi ba kayo nahihiya?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). Sa tuwing natatapos kong kantahin ang himnong ito, napupuno ako ng pasasalamat. Hindi maikukumpara ang paghihirap ko sa paghihirap ng mga banal sa buong kapanahunan. Sa pagdanas ng gawain ng Diyos, silang lahat ay nagbigay ng magandang patotoo sa Diyos at nagkamit ng Kanyang pagsang-ayon. Binibigyan ako ngayon ng Diyos ng kaparehong pagkakataon na makapagpatotoo—ito ay pagmamahal Niya sa akin! Ang mga salita ng Diyos ang patuloy na nagpalakas ng loob ko at gumabay sa akin sa matagal at mahirap na pagkabilanggo sa kampo ng paggawa. Hindi ko ito makakaya kung wala ang patnubay ng mga salita ng Diyos sa gayong kakila-kilabot na mga sitwasyon.

Noong Setyembre ng 2007, natapos ko ang aking sentensya at pinalaya ako mula sa kampo ng paggawa. Sa paglabas ko, inutusan nila akong mag-ulat sa lokal na himpilan ng pulisya pagkauwi ko, kung hindi ay mawawalan ng bisa ang aking pagpaparehistro ng tirahan. Binantaan din nila ako, sinabi na kung maaaresto akong muli, mas magiging mabigat ang sentensya ko. Pagkalaya ko, umalis na ako sa bahay, para makapagpatuloy akong manalig sa Diyos at magawa ang tungkulin ko. Sa pamamagitan ng pag-aresto at pag-uusig ng CCP, malinaw kong nakilala ang kanilang diwang mala-demonyo at mapanlaban sa Diyos. Habang mas inuusig nila ako, mas lalo akong nagiging desidido na sundin ang Diyos, tuparin ang responsibilidad ko bilang isang nilikha, at gawin ang aking tungkulin nang maayos para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 67. Paano Harapin ang mga Paghihirap sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Sumunod: 69. Kung Paano Ako Naging Isang Huwad na Lider

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito