67. Paano Harapin ang mga Paghihirap sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Ang buong pamilya ko ay Katoliko, at gayundin ang karamihan ng ibang mga tao sa aming nayon, pero dahil walang paring namumuno sa simbahang Katoliko roon, matagal na panahon na walang nag-aaral ng Bibliya sa simbahan. Noong Mayo 22, 2020, nabasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos online at sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, nakatiyak ako na ang Panginoong Jesus ay nagbalik na, na Siya ang Cristo ng mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos, at masaya kong tinanggap ang gawain Niya sa mga huling araw. Kalaunan, nabasa ko ito sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Yamang naniniwala ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang mga yapak ng Diyos sa bawat hakbang; dapat siyang ‘sumunod sa Kordero saan man pumaroon ang Kordero.’ Ang mga ito lamang ang mga taong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Alam ko na bilang mga mananampalataya, dapat nating malaman ang gawain ng Diyos at sundan ang mga yapak Niya. Napakaraming mananampalataya sa nayon, pero wala sa kanila ang nakarinig sa tinig ng Diyos o sumalubong sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, kaya gusto ko talagang ibahagi sa kanila ang napakagandang balita na ito. Pero medyo natakot ako. Pakiramdam ko na dahil bata pa ako at hindi alam kung paano ibahagi ang ebanghelyo, siguradong hindi sila makikinig sa akin. Nag-alala ako na mamaliitin nila ako at sasabihing, “Napakabata mo pa. Bakit ka nangangaral, sa halip na pumasok sa paaralan o maghanap ng trabaho?” Bukod pa rito, matagal na silang mananampalataya, kaya makikinig ba sila sa aking patotoo ng pagbabalik ng Panginoong Jesus? Paano nila ako pakikitunguhan? Paano ako makapagbabahagi para malutas ang anumang mga kuru-kuro o kalituhan na maaaring mayroon sila? Ano ang gagawin ko kung tutol sila sa pananalig ko sa Makapangyarihang Diyos at pagbabahagi ng ebanghelyo? Pinag-isipan ko ito nang husto, pero alam ko na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay layunin ng Diyos. Kailangan kong ibahagi ang ebanghelyo sa kanila at magpatotoo sa Diyos.
Kaya’t nagdasal ako sa Diyos, at sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, napagtibay ang aking pananalig. Nabasa ko ito sa Kanyang mga salita: “Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong atas, at ang iyong responsabilidad? Nasaan ang iyong pakiramdam ng makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang sapat bilang isang pinuno sa susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang matibay na paninindigan ng pagiging pinuno? Paano mo ipaliliwanag ang pinuno ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang pinuno ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pagsulong ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na maging pastol nila? Mabigat ba ang iyong gawain? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at nalilito, dumaraing sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, upang biglang bumulusok at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sinong makakaalam kung gaano sila balisang umaasa, at gaano sila nananabik, araw at gabi, para dito? Kahit sa isang araw na nagdaraan ang kumikinang na liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagluha? Grabe ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang patuloy na nakagapos sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at malamig na kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa ingay ng kanilang pagdaing? Sino na ang nakakita sa kanilang kaawa-awang kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdaranas ng gayong paghihirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang kapus-palad na mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masamang nilalang ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang patuloy na mabuhay, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, upang iligtas ang mga natirang buhay na ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang laman at dugo? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, paano mo bibigyang-kahulugan ang pagkakasangkapan ng Diyos sa iyo upang maipamuhay mo ang iyong pambihirang buhay? Talaga bang mayroon kang matibay na pasya at tiwala na ipamuhay ang makabuluhang buhay ng isang taong madasalin at mapaglingkod sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?). Naunawaan ko na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay tungkulin natin. Maraming tao ang hindi pa nakaririnig sa tinig ng Diyos at wala pa nga silang alam na nagbalik na ang Panginoon at na ginagawa na Niya ang gawain ng paghatol at pagdalisay sa mga tao. Nabubuhay pa rin sila sa katiwalian at pagpapahirap ni Satanas. Umaasa ang Diyos na lahat tayo ay kayang isaalang-alang ang Kanyang layunin at manindigan at makipagtulungan sa Kanya. Anuman ang mga problema o paghihirap na ating kinahaharap, maaari tayong mas magdasal at sumandig sa Diyos, at gawin ang lahat ng ating makakaya para maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian. Pero hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos—pakiramdam ko na dahil napakabata ko, hindi ko maibabahagi ang ebanghelyo. Natakot ako na hindi makikinig sa akin ang mga taganayon at mamaliitin ako, kaya naipit ako sa gitna ng mga paghihirap na ito at ng sarili kong imahinasyon, pasan ang mga alalahanin. Inisip ko lang ang sarili kong mga paghihirap nang hindi isinasaalang-alang ang layunin ng Diyos, at hindi ko naisip na magdasal at sumandig sa Diyos sa gitna ng mga paghihirap na ito, na tuparin ang tungkulin at responsabilidad ko. Nang maisip ko kung gaano karaming tao ang nananabik sa pagbabalik ng Panginoon at mailigtas mula sa kadiliman, nakaramdam ako ng pagmamadali. Nagpasya akong gawin ang lahat ng makakaya ko para maipalaganap at mapatotohanan ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw at ibuhos ang lahat ng oras at lakas ko sa gawaing ito.
Pagkatapos niyon, nagsimula akong magplano na ibahagi ang ebanghelyo sa mga tao sa aking nayon. Una, pumunta ako sa copy shop upang mag-print ng ilang imbitasyon para sa sampung pamilya na makinig ng sermon sa bahay ko. Medyo nagulat silang lahat, at may magagandang bagay na nasasabi tungkol sa ginagawa ko. Masayang-masaya ako. Kalaunan, naisip ko na, “Kung maraming tao ang darating ngayong gabi, magiging mahirap para sa lahat na basahin ang mga salita ng Diyos gamit lamang ang aking maliit na cellphone habang nakikinig sila sa sermon.” Kaya, pumunta ako sa isang kaibigan para manghiram ng laptop niya. Nung gabing iyon, 13 tao ang dumating para marinig ang sermon, at sa pagtitipon ay nagustuhan ng lahat ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, sinumang gustong magbasa ay tatayo lamang at magboboluntaryo. Tuwang-tuwa ang lahat pagkatapos. Sabi nila na kahanga-hanga ang mga salita ng Diyos at na marami silang nakamit mula sa pagbabasa ng mga ito. Sinabi nila na napakagandang makapagtipon para basahin ang mga ito at nais pa nilang dalhin ang mga kapamilya nila sa susunod na araw para marinig din ang Kanyang mga salita. Nang makita ko kung gaano nananabik ang lahat sa mga salita ng Diyos, talagang natuwa ako. Pero napagtanto kong hindi puwedeng palagi na lang akong manghihiram ng laptop sa kaibigan ko. Gusto kong bumili ng sarili ko pero nang tipunin ko ang lahat ng pera ko, hindi pa rin ito sapat. Nalagay ako sa medyo alanganin. Pagkatapos magtanong-tanong, nalaman ko na medyo mas mura ang mga projector kaysa sa mga computer at nagpasya akong umutang para makabili nito upang mabasa ng ibang mga taganayon ang mga salita ng Diyos sa ganoong paraan. Pumunta ako sa bayan para umutang, at bumili ako ng projector. Inayos ko na ang lahat bago simulan ang susunod na pagtitipon at hindi nagtagal ay nagsimulang dumating ang mga taganayon. 19 na tao ang dumalo, na pumuno sa buong silid. Sa sandaling iyon, nakita ko na isinaayos ng Diyos ang lahat ng ito, at tuwang-tuwa ako. Nagmadali akong humanap ng speaker para marinig ng lahat ang mga salita ng Diyos. Nagbahaginan kami sa katotohanan ng kung paano natupad ang mga propesiya ng pagbabalik ng Panginoon, kung paano Siya sasalubungin, kung paano makatitiyak na ang Panginoong Jesus ay nagbalik na, at kung paanong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay magbubunyag sa bawat uri ng tao. Masigasig na sumali sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos ang lahat ng taong dumalo, at ang ilan sa mga bata ay nasasabik ding basahin ang mga ito. Nang makita kung gaano sila naghahangad sa Kanyang mga salita, alam ko na lahat ito ay paggawa ng Diyos. Ang ilang tao ay nanatili pagkatapos ng pagtitipon, at sinabi na talagang nasiyahan sila sa pakikinig. Ang ibang tao ay labis na naantig, pati na rin ang pinuno ng nayon, na gustong himukin ang lahat ng taganayon na dumalo at makinig sa mga salita ng Diyos. Isa itong magandang sorpresa. Ang kinalabasan na ito ang lubusang tumapos sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon—at nahiya ako. Talagang nasaksihan ko ang gawain at patnubay ng Diyos, at patuloy na nagkamit ng higit na lakas ng loob na ibahagi ang ebanghelyo. Inanyayahan ko ang mga taganayon na makinig sa mga sermon araw-araw pagkatapos niyon, at parami nang parami ang mga taong nagsimulang dumalo. Tuwang-tuwa silang lahat, at sinabing, “Hindi pa ako nakabasa nang ganito dati. Nagkatawang-tao na ngayon ang Diyos at nagbalik at nakaharap na natin Siya. Sobrang pinagpala tayo na masasalubong natin ang Panginoon.” Nagplano rin sila ng isang kaganapan para imbitahan ang mas maraming tao mula sa mga kalapit na bayan sa isang pagtitipon. Sinabi nila sa akin, “Napakabata mo pa, pero ginagawa mo ito para sa mga taganayon, tinutulungan ang lahat na marinig ang mga salita ng Diyos at maging masigasig tungkol dito. Wala pang nakagawa nang ganito para sa amin dati. Hindi talaga namin akalain na magagawa ito ng isang nakababata na katulad mo—kahanga-hanga ito.” Alam ko na lahat ito ay paggawa ng Diyos, na nagpasigla sa akin at lalong nagpalakas ng loob ko na ibahagi ang ebanghelyo.
Pero naranasan ko ang lahat ng uri ng mga paghihirap noong dinidiligan ko ang mga bagong mananampalatayang ito. Minsan hindi malakas ang internet connection ko, at kailangan kong pumunta sa bahay-bahay para makipagtipon. Mas malala pa ay madalas umulan doon, at nagpuputik ang lahat ng kalsada, na nagpapahirap sa paglalakad. Kapag lumalabas ako para magdilig ng mga baguhan, kailangan kong tumakbo sa mga bahay-bahay. Minsan magmamadali akong pupunta sa bahay ng bagong mananampalataya bago umulan, at minsan kailangan kong maghintay dahil hindi pa sila nakakauwi. Pagkatapos, kapag tapos na ang mga pagtitipon, hindi madaling umuwi nang naglalakad sa mapuputik na kalsada. Minsan nagiging medyo negatibo ako at nanghihina kapag napapagod ako, kaya nagdadasal ako at nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Noong panahong iyon, nabasa ko ito sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao. Ang mga pagsubok ay pagpapala mula sa Akin, at ilan sa inyo ang malimit na lumalapit sa Aking harapan at nakaluhod na nagmamakaawa para sa Aking mga pagpapala? Mga hangal na bata! Lagi ninyong iniisip na ang ilang mapapalad na salita ay maibibilang na Aking pagpapala, gayunman ay hindi ninyo kinikilala ang kapaitan bilang isa sa Aking mga pagpapala” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. … Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang magkaroon kapwa ng kahandaang dumanas ng paghihirap at ng tunay na pananampalataya, at kailangan ka ring magkaroon ng kahandaang maghimagsik laban sa laman. Dapat ay handa kang magtiis ng personal na mga paghihirap at magdusa ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat ay may kakayahan ka ring makaramdam ng pagsisi sa puso mo: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, maaari kang magsisi sa iyong sarili. Hindi ka dapat magkulang sa anuman sa mga bagay na ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga kinakailangang ito, hindi ka magagawang perpekto” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Pinalakas ng mga salita ng Diyos ang loob ko at inalo ako na huwag masiraan ng loob o manghina, at na gagabayan at tutulungan ako ng Diyos. Medyo nagdusa ang katawan ko at nagbayad ako ng kaunting halaga para maibahagi ang ebanghelyo, pero makabuluhan at mahalaga ito. Ito ang pinakamakatarungang bagay na dapat gawin, at ang pinakamagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Naisip ko sina Pedro, Mateo, at iba pang apostol ng Panginoong Jesus na nagdusa nang husto para ipalaganap ang ebanghelyo. Ang ilan ay namatay pa sa kanilang pagsisikap na maibahagi ito, pero nanatili silang matatag at hindi kailanman umatras. Kung ikukumpara sa kanila, walang-wala ang kaunting pagdurusa ko. Dahil sa biyaya ng Diyos kaya nagkaroon ako ng magandang kapalaran na matanggap ang Kanyang gawain sa mga huling araw, at nagagawa ang tungkulin ko sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Hindi ko puwedeng patuloy na isaalang-alang ang sarili kong laman, at matakot sa kaunting paghihirap. Kailangan kong maging handang magdusa. Hindi ako puwedeng panghinaan ng loob sa harap ng anumang paghihirap. Kahit na magdusa ang katawan ko, kailangan ko pa ring ibahagi ang ebanghelyo, maging saksi sa Diyos, at tuparin ang tungkulin ko para bigyan Siya ng kasiyahan.
Isang beses, nagkasakit ako, at nagkasipon nang ilang araw. Sa gabi nilalagnat ako at masakit ang ulo at tiyan. Ni hindi ako makapagsalita. Nakita ng isang kapatid na masama ang lagay ko at sinabi sa akin na, “Hindi ka dapat pumunta sa pagtitipon ngayong gabi.” Pumayag ako noong oras na iyon. Pero pagkatapos, hindi ako mapakali sa isipin na hayaang magtipon nang sila-sila lang ang mga bagong mananampalataya. Iniisip ko na ang masamang pakiramdam ay isang pagsubok sa akin, at kailangan ko pa ring gawin nang maayos ang tungkulin ko. Naalala ko na naglalaro pa rin ako ng soccer kapag may sakit ako o kapag masakit ang binti ko. Kaya bakit hindi ko magawa ang tungkulin ko ngayon? Nang maisip ito, sumakay ako sa aking motorsiklo at pumunta sa pagtitipon. Hindi inaasahang pagdating ko roon ay hindi na gaanong masama ang pakiramdam ko. Tuwang-tuwa ako at gumaling ako sa loob lang ng ilang araw.
Kalaunan, pagkatapos ng mahigit isang buwan na pagsusumikap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, karamihan sa mga taganayon, maliban sa mga nagtatrabaho sa labas ng bayan, ay natanggap na ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Gusto kong mas maraming tao ang makarinig sa tinig ng Diyos, dahil marami pa ring tao ang hindi nakaaalam na nagbalik na ang Panginoong Jesus, na nagpapahayag Siya ng napakaraming katotohanan, at ginagawa ang gawain ng paglilinis at pagliligtas sa sangkatauhan. Kaya nagpasya akong magbahagi ng ebanghelyo sa ibang mga nayon. Nanalangin ako sa puso ko, “Makapangyarihang Diyos, pakiusap gabayan Mo ako para hindi ako mawalan ng pananalig at patuloy na makausad. May tiwala ako na tutulungan Mo akong lutasin ang anumang paghihirap na kahaharapin ko.” Pagkatapos niyon, pumunta ako sa kalapit na nayon para magbahagi ng ebanghelyo. Naglakad ako pababa sa maputik na kalsada sa loob ng 30 minuto para ipangaral ang ebanghelyo sa kanila, pero sinabi ng unang tatlong kabahayan na wala silang oras, at magalang na tinanggihan ako. Nadismaya talaga ako at medyo pinanghinaan ng loob. Gabing-gabi na ako nakauwi nun. Tinawagan ako ni Sister Annie para kumustahin ang pagbabahagi ko ng ebanghelyo, at nakipagbahaginan din siya sa akin sa mga salita ng Diyos, pinalalakas ang loob ko at tinutulungan ako. May nabasa ako sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pag-ibig at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pag-ibig, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananampalataya sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka magpapatotoo sa Akin? Papaano ka magiging tapat at mapagpasakop sa Akin? Itinatalaga mo ba ang iyong buong katapatan sa iyong tungkulin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at mapagpasakop sa Akin. Higit pa rito, ang pagkastigo sa kasalukuyan ay upang ilantad ang susunod na hakbang ng Aking gawain at upang pahintulutang sumulong nang walang hadlang ang gawain. Kaya itinatagubilin Ko sa iyo na maging matalino at huwag tratuhin ang iyong buhay o ang kahalagahan ng iyong pag-iral na parang walang kabuluhang buhangin. Malalaman mo bang tiyak kung ano ang darating na gawain Ko? Alam mo ba kung paano Ako gagawa sa mga darating na araw at kung paano malalantad ang Aking gawain? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng iyong karanasan sa Aking gawain, at bukod pa rito, ang kabuluhan ng iyong pananampalataya sa Akin. Marami na Akong nagawa; paano Ako susuko sa kalagitnaan ayon sa iyong palagay? Malawak na ang gawaing nagampanan Ko; paano Ko iyon mawawasak? Sa katunayan, naparito Ako upang wakasan ang kapanahunang ito. Ito ay totoo, ngunit higit pa rito, dapat mong malaman na magsisimula Ako ng isang bagong kapanahunan, upang magsimula ng bagong gawain, at, higit sa lahat, upang palaganapin ang ebanghelyo ng kaharian. Kaya dapat mong malaman na ang gawain ngayon ay para lamang simulan ang isang kapanahunan, at upang ilatag ang pundasyon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa panahong darating at sa pagwawakas sa kapanahunan sa hinaharap. Ang Aking gawain ay hindi kasing pangkaraniwan tulad ng iniisip mo, hindi rin ito kasing walang halaga o walang kahulugan gaya ng pinaniniwalaan mo. Samakatuwid, dapat Ko pa ring sabihin sa iyo: Dapat mong ibigay ang iyong buhay sa Aking gawain, at bukod dito, dapat mong italaga ang iyong sarili sa Aking kaluwalhatian. Matagal Ko nang hinahangad na magpatotoo ka sa Akin, at higit Kong hinahangad na palaganapin mo ang Aking ebanghelyo. Dapat mong maunawaan kung ano ang nasa Aking puso” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Ang pagbasa rito sa mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng kaunting lakas. Pakiramdam ko ay sinasabi sa akin ng Diyos na dapat akong manalig sa Kanya, at kahit ano pang mga paghihirap ang kahaharapin ko, hindi ako puwedeng maging mahina o negatibo, hindi ako puwedeng panghinaan ng loob o malungkot, dahil ginagabayan tayo ng Diyos. Hangga’t may pagsasaalang-alang ako sa layunin ng Diyos at lumalabas ako para ipalaganap ang Kanyang ebanghelyo ng kaharian, magbubukas Siya ng landas para sa akin. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi isang madaling landas, bagkus nangangailangan ito ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga. Ipinangaral ni Noe ang ebanghelyo sa loob ng 120 taon at kinutya siya, siniraan, at hinamak ng mga tao. Nagdusa siya nang husto, at bagaman wala siyang napagbalik-loob, hindi pa rin siya sumuko o nanghina—patuloy niyang ibinahagi ang ebanghelyo. Nanatiling matatag si Noe sa kanyang debosyon at pagpapasakop sa Diyos. Ginawa niya ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha at nagkamit ng pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Nang ipadala ng Diyos ang baha upang wasakin ang mundo, ang walong-miyembrong pamilya ni Noe ay iniligtas ng Diyos at nabuhay sila. Tapos naisip ko ang sarili ko, ibinahagi ko lang ang ebanghelyo sa tatlong pamilya at pinanghinaan na ng loob nang hindi nila ito tinanggap. Wala akong tunay na pananalig sa Diyos. Sa katunayan, pinahintulutan ng Diyos ang sitwasyong ito at ang mga paghihirap na ito na dumating sa akin para gawing perpekto ang pananalig at debosyon ko sa Kanya. Kaya tanggapin man nila o hindi ang ebanghelyo, kailangan ko itong ipangaral. Tungkulin ko iyon.
Binigyan ako ng lakas ng mga salita ng Diyos. Pumunta ako sa ibang nayon kinabukasan para magbahagi ng ebanghelyo. Nagdasal din ako, hinihiling sa Diyos na bigyang-liwanag ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo para maunawaan ang Kanyang mga salita. Nung gabing iyon, nakakita ako ng isang taong interesadong marinig ang ebanghelyo, at pagkatapos kong magbahagi at magpatotoo sa kanya tungkol sa pagpapakita at gawain ng Diyos, patuloy akong nakakita ng iba pang mababahaginan ng ebanghelyo, at napagbalik-loob ang anim na tao nung gabing iyon. Nagulat talaga ako dahil ang ilang tumatanggap ng ebanghelyo ay mga Katoliko at may maraming kuru-kuro, pero pagkatapos kong magbahagi ng mga salita ng Diyos sa kanila ay naunawaan nila, at tinanggap nila ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nagpunta ako sa ibang lugar pagkatapos niyon, at sa tuwing lalabas ako para ibahagi ang ebanghelyo, nananalangin ako, hinihiling sa Diyos na bigyang-liwanag at gabayan ako para malaman ko kung paano mangaral at magpatotoo sa Kanyang mga salita. Habang parami nang parami ang tumatanggap sa ebanghelyo ng Diyos, lumago ang pananalig ko. Bagaman minsan kapag pumupunta ako sa ibang mga nayon para mangaral sa mga estranghero, medyo nahihiya at natatakot ako, ang patnubay ng mga salita ng Diyos ay binibigyan ako ng tiwala at tapang na harapin ito. Alam kong tungkulin ko ito, at kung hindi ko ibabahagi ang ebanghelyo, hindi ako mas makapagsasanay, at hindi ako matututo at makakakamit ng mas marami pang katotohanan. Pagkatapos niyon, sa patuloy na pagsasagawa ng pagbabahagi ng ebanghelyo, hindi na ako kinakabahan at natatakot at naunawaan ko ang katotohanan ng mga pangitain nang mas malinaw. Talagang naging mahinahon at malaya ang pakiramdam ko. Talagang napakarami kong nakamit sa karanasang ito ng pagbabahagi ng ebanghelyo.
Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo, napakarami kong naranasan at naharap sa napakaraming paghihirap. Pero natuto akong sumandig at magtiwala sa Diyos sa mga panahong ito, nalaman ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at naunawaan din ang kahalagahan ng paggawa sa aking tungkulin.