49. Isang Wastong Saloobin sa Tungkulin ng Isang Tao

Ni Melanie, Pilipinas

Dati akong nagdidilig ng mga baguhan sa iglesia, pero dahil medyo kulang ang kakayahan ko, maraming katotohanan ang hindi ko kayang ibahagi nang malinaw, at hindi ko malutas ang mga problema ng mga baguhan. Isa pa, palagi kong pinoprotektahan ang aking reputasyon at katayuan. Kapag may mga bagay na hindi malinaw sa akin, nahihiya akong humingi ng tulong sa iba. Dahil dito, hindi ko nagawang mabuti ang pagdidilig sa mga baguhan at natanggal ako dahil doon. Pagkatapos ay isinaayos ng lider na pangasiwaan ko ang pangkalahatang gawain. Talagang sumama ang loob ko nang maharap sa pagsasaayos na ito sa tungkulin. Hindi ko lang ito matanggap, lalo na nang makita kong mas maraming tao ang tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at agarang nangangailangan ng pagdidilig. Dahil sa pagbabago sa tungkulin ko noon, napaisip ako kung nalantad ba ako. Nag-alala ako kung ano ang iisipin ng iba sa akin kapag nalaman nila, na iisipin nilang kulang ako sa kakayahan at kaya ko lang gumawa ng mababang gawain at maliliit na trabaho. Nagdidilig ako ng mga bagong mananampalataya kasama ng iba noong una, pero ngayon na pinangangasiwaan ko ang mga pangkalahatang gawain, maliliit na gawain lang, ano ang punto sa ganoong uri ng tungkulin? Gaano man ako kahusay gumawa, magiging trabahador lang ako at sa huli ay matitiwalag. Habang mas iniisip ko iyon, lalong sumasama ang loob ko. Hindi ko tinatapos nang maayos ang mga gawain ko, bagkus ay kuntento na lamang ako na gumawa nang wala sa loob nang hindi isinasapuso ang mga ito. Minsan ay maraming bagay na dapat gawin sa gabi, pero magsisimula akong matulog nang napakaaga. Minsan, pinadalhan ako ng mensahe ng isang sister na namamahala sa gawain ng pagdidilig, hinihiling sa akin na tumulong na pagsama-samahin ang ilang dokumento ng gawain mula sa dati. Nakaramdam ako ng labis na pagtutol nang mabasa ko iyon. Hindi na ako nagdidilig, bakit niya hinihiling sa akin na gawin iyon? Pero hindi ako makatanggi, kaya may pag-aatubili akong pumayag na gawin iyon. Kinabukasan ay humiling sa akin ang isa pang sister na tagapagdilig na tumulong ako sa isang bagay. Talagang nag-aatubili ako, iniisip na, “Ang mga pangkalahatang gawain ay talagang maliliit na trabaho lang, at kahit sino ay pwedeng mag-utos sa akin ng gagawin. Hindi ko naman talaga ito trabaho, kaya bakit niya ako pinatutulong?” Natakot ako na iisipin niya na hindi ko sinusuportahan ang gawain ng iglesia kung tatanggi ako. Dahil walang magawa, sinabi ko sa kanya na gagawin ko iyon.

Sa loob ng ilang araw, hindi ko pinagnilayan ang sarili ko kahit kaunti. Hindi ko nagawang tanggapin ang pagbabago ng tungkulin na mula sa Diyos at tumutol ako sa lider, iniisip na pinahihirapan niya ako. Sinabi ko sa isang sister na nakapareha ko noon, nang medyo sinasadya, “Kahit kailan ay hindi ako nagkaroon ng bakanteng oras sa gawain ko ng pagdidilig at ginawa ko ang lahat ng dapat kong gawin. Kailanman ay hindi ako tinulungan ng lider kapag nagkakaroon ng problema, pero tinanggal niya ako agad-agad. Kung ganoon, hayaan mo na! Dahil natanggal ako, malamang na may aral dito para sa akin.” Matapos marinig iyon, pakiramdam din ng sister ay hindi naging patas sa akin ang lider. Noong panahong iyon, pakiramdam ko talaga ay naagrabyado ako. Bakit ako itinalagang mangasiwa ng pangkalahatang gawain? Maliliit na trabaho lang ba ang kaya kong gawin? Hindi ba ako karapat-dapat linangin? Pakiramdam ko ay mawawalan na ako ng silbi simula noon, at kahit na ipagpatuloy ko ang aking pananampalataya hanggang sa huli, matitiwalag ako. Ang mga saloobing ito ay lalo pang nagpahirap sa akin. Napagtanto ko na mali ang kalagayan ko kaya agad akong lumapit sa Diyos sa panalangin at sinabing, “Diyos ko, ano ba ang mali sa akin? Isa rin itong tungkulin, kaya bakit hindi ako nasisiyahan sa pangangasiwa sa mga pangkalahatang gawain? Diyos ko, pakiusap, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan at gabayan Mo po ako para maunawaan ko ang sarili ko at tumigil ako sa pamumuhay sa katiwalian.” Pagkatapos manalangin, naisip ko ang mga salita ng Diyos tungkol sa saloobin ng mga anticristo sa pagbabago ng tungkulin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang tungkuling nararapat sa iyo ay dapat batay sa sarili mong mga kalakasan. Kapag minsan ay hindi ka magaling sa tungkuling isinaayos ng iglesia para sa iyo o hindi iyon isang bagay na nais mong gawin, maaari mong ipaalam ang isyu at lutasin iyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap. Ngunit kung nagagampanan mo ang tungkulin, at isang tungkulin iyon na dapat mong gampanan, at ayaw mong gawin iyon dahil lang sa natatakot kang magdusa, may problema sa iyo. Kung handa kang sumunod at kaya mong maghimagsik laban sa iyong laman, masasabi na medyo makatwiran ka. Gayunman, kung lagi mong sinusubukang kalkulahin kung aling mga tungkulin ang mas kagalang-galang, at ipinalalagay mo na ang ilang tungkulin ay magiging dahilan para hamakin ka ng iba, patunay ito na mayroon kang tiwaling disposisyon. Bakit masyado kang may kinikilingan sa iyong pagkaunawa sa mga tungkulin? Magagampanan mo kaya nang maayos ang isang tungkulin kung pipiliin mo iyon batay sa sarili mong mga ideya? Hindi naman talaga totoo iyon. Ang pinakamahalaga rito ay ang paglutas sa iyong tiwaling disposisyon, at kung hindi mo gagawin iyon, hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin, kahit nasisiyahan ka roon. Ang ilang tao ay ginagampanan ang kanilang mga tungkulin nang walang mga prinsipyo, at ang pagganap nila sa kanilang tungkulin ay palaging batay sa sarili nilang mga kagustuhan, kaya hindi nila nalulutas kailanman ang mga paghihirap, palagi nilang iniraraos lang ang bawat tungkuling ginagampanan nila, at sa huli ay itinitiwalag sila. Maliligtas ba ang ganitong mga tao? … Ang masasamang tao at mga anticristo ay hindi kailanman nagkakaroon ng tamang saloobin sa kanilang mga tungkulin. Ano ang iniisip nila kapag inililipat sila? ‘Palagay mo ba isa lang akong tagapagserbisyo? Kapag ginagamit mo ako, pinagseserbisyo mo ako sa iyo, at kapag tapos ka na sa akin, basta mo na lang akong papaalisin. Aba, hindi ako magseserbisyo nang ganoon! Gusto kong maging lider o manggagawa, dahil iyon lamang ang kagalang-galang na trabaho rito. Kung hindi mo ako hahayaang maging lider o manggagawa at gusto mo pa rin akong magpakapagod, kalimutan mo na lang iyon!’ Anong klaseng saloobin ito? Nagpapasakop ba sila? Sa anong batayan nila hinaharap ang paglilipat sa kanilang tungkulin? Sa batayan ng pagkamainitin ng ulo, ng sarili nilang mga ideya, at ng tiwaling disposisyon nila, tama ba? At ano ang mga kahihinatnan ng pagharap dito sa ganitong paraan? Una sa lahat, magagawa ba nilang maging tapat at taos sa susunod nilang tungkulin? Hindi, hindi nila magagawa. Magkakaroon ba sila ng positibong saloobin? Anong uri ang magiging kalagayan nila? (Isang kalagayan ng pagkasira ng loob.) Ano ang diwa ng pagkasira ng loob? Ito ay pagsalungat. At ano ang pinakahuling resulta ng isang kaloobang mapanalungat at nasisiraan ng loob? Magagawa ba ng isang taong nakakaramdam nang ganoon ang tungkulin niya nang maayos? (Hindi.) Kung palaging negatibo at mapanalungat ang isang tao, akma ba siyang gumawa ng isang tungkulin? Anumang tungkulin ang gawin niya, hindi niya iyon magagawa nang maayos. Paulit-ulit lang ang sitwasyong ito, at hindi magiging maganda ang kalalabasan. Bakit ganoon? Ang gayong mga tao ay wala sa mabuting landas; hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi sila mapagpasakop, at hindi nila maunawaan nang maayos ang saloobin at pakikitungo sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Problema ito, hindi ba? Ganap na angkop na pagbabago iyon sa tungkulin, ngunit sinasabi ng mga anticristo na ginagawa iyon para pahirapan sila, na hindi sila tinatratong tao, na ang sambahayan ng Diyos ay walang pagmamahal, na tinatrato silang parang makina, tinatawag kapag kailangan sila, pagkatapos ay isinasantabi kapag hindi. Hindi ba’t isa iyong baluktot na argumento? May konsensiya o katwiran ba ang isang taong nagsasabi ng gayong bagay? Wala siyang pagkatao! Binabaluktot niya ang isang ganap na maayos na bagay; binabaluktot niya ang isang ganap na angkop na pagsasagawa at ginagawang isang bagay na negatibo—hindi ba’t kabuktutan ito ng isang anticristo? Mauunawaan ba ng isang taong ganito kabuktot ang katotohanan? Talagang hindi. Problema ito ng isang anticristo; anumang nangyayari sa kanya, iisipin niya ito sa isang baluktot na paraan. Bakit siya nag-iisip sa baluktot na paraan? Dahil napakabuktot ng kalikasang diwa niya. Una sa lahat, ang kalikasang diwa ng isang anticristo ay buktot, na sinusundan ng kanyang kabangisan, at ang mga ito ang kanyang mga pangunahing katangian. Ang likas na kabuktutan ng mga anticristo ay humahadlang sa kanilang maunawaan nang tama ang anumang bagay, at sa halip ay binabaluktot nila at namamali ang pakahulugan nila sa lahat ng bagay, nagmamalabis sila, gumagawa ng walang saysay na pagtutol, at hindi nila maasikaso nang maayos ang mga bagay-bagay o mahanap ang katotohanan. Sunod, aktibo nilang nilalabanan ang mga bagay-bagay at naghahangad na maghiganti, nagpapakalat pa nga ng mga kuru-kuro at naglalabas ng pagiging negatibo, na inuudyukan at hinihikayat ang iba na guluhin ang gawain ng iglesia. Lihim silang nagpapakalat sa paligid ng ilang reklamo, nanghuhusga kung paano tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang mga tao, hinuhusgahan ang ilan sa mga tuntuning administratibo nito, kung paano ginagawa ng ilang lider ang mga bagay-bagay, at kinokondena ang mga lider na ito. Anong uri ng disposisyon ito? Kalupitan ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na sa harap ng anumang bagay, hindi kaya ng mga anticristo na unawain nang tama ang mga layunin ng Diyos, bagkus ay palaging mali ang pagkaunawa nila sa mga bagay-bagay. Itinuturing nila ang isang simpleng pagbabago sa tungkulin na para bang ibinababa sila ng ranggo, iniisip na pinahihirapan sila. Nagiging negatibo at lumalaban sila, at posible nilang iwanan ang kanilang tungkulin anumang oras, isinasawalang-bahala ang gawain ng iglesia. Ang mga anticristo ay may napakasamang kalikasan! Nakita ko na kumikilos ako sa parehong-parehong paraan. Dapat ay nagnilay ako kung paano ako nabigo pagkatapos matanggal, at pinahalagahan ko ang pagkakataong ito sa isang bagong tungkulin. Pero hindi man lang ako nagnilay-nilay. Pakiramdam ko ay pinaghihigpitan ako ang lider, na ang pangangasiwa sa pangkalahatang gawain ay nakabababa at nakahihiya, na gumagawa ako ng maliliit na trabaho at nagiging isang trabahador, at hindi karapat-dapat linangin. Hindi ko lang kayang magpasakop dito, bagkus ay naramdaman ko pa na labis akong naagrabyado, at tutol na tutol ako sa tungkuling ito. Palagi akong nagpapakatamad, gumagawa nang wala sa loob, sumasabay lang sa agos. Nakikipagkumpetensya ako sa Diyos at ginagamit ang ganitong uri ng pagiging negatibo para labanan ang Diyos. Ayaw kong makipagtulungan nang lumapit sa akin ang mga sister na tagapagdilig para humingi ng tulong, bagkus ay puno ako ng mga hinaing. Akala ko ay inuutus-utusan nila ako, pinahihirapan at pinagagawa ng maliliit na trabaho. Gusto kong ilabas ang mga damdamin ko ng pagiging agrabyado, kaya ipinahayag ko ang mga hinaing ko sa dati kong partner, nagrereklamo tungkol sa lider. Naapektuhan siya niyon at sa huli ay nakaramdam siya ng pagkiling laban sa lider. Ganap akong inilantad ng pagbabagong iyon ng tungkulin. Ginawa ko ang tungkulin ko nang lubos na nakabatay sa personal na kagustuhan, nagnanais lamang na gumawa ng isang tungkulin na magpapaganda sa imahe ko. Sa mas mababang katayuan, pakiramdam ko ay hindi ako titingalain ng iba at wala akong pag-asa sa mga pagpapala, kaya negatibo ako at nag-atubili, nilalabanan ang Diyos, inilalabas pa nga ang galit ko sa aking tungkulin. Ipinakalat ko ang sarili kong mga pagkiling at kuru-kuro, at nakakuha ng isa pang tao para ipaglaban ako. Paano iyon naiiba sa isang anticristo? Wala talaga akong anumang normal na pagkatao o katwiran!

Pagkatapos ay nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Ang ilang tao ay hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, lagi silang pabasta-basta, na nagiging sanhi ng mga pagkagambala o kaguluhan, at sa huli, pinapalitan sila. Gayunman, hindi sila pinatatalsik sa iglesia, na pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magsisi. Lahat ay may mga tiwaling disposisyon, at lahat ay may mga pagkakataon na naguguluhan sila o nalilito, mga pagkakataon na mababa ang kanilang tayog. Ang layon ng pagbibigay sa iyo ng pagkakataon ay upang mabago mo ang lahat ng ito. At paano mo ito mababago? Dapat mong pagnilayan at malaman ang nakaraan mong mga pagkakamali; huwag kang magdahilan, at huwag kang magpakalat ng mga kuru-kuro. Kung mali ang pagkaunawa mo sa Diyos at basta ipinapasa mo na lang ang mga maling pagkaunawang ito sa iba, upang sila rin ay magkamali ng pagkaintindi sa Diyos na kasama mo, at kung mayroon kang mga kuru-kuro at naglilibot ka na ikinakalat ang mga iyon, upang magkaroon ng mga kuru-kuro ang lahat na kasama mo, at sinisikap na mangatwiran sa Diyos na kasabay mo, hindi ba’t pagpukaw ito sa pagkabagabag ng lahat? Hindi ba ito pagsalungat sa Diyos? At may buti bang maidudulot ang pagsalungat sa Diyos? Maliligtas ka pa ba? Inaasam mo na ililigtas ka ng Diyos, ngunit tinatanggihan mong tanggapin ang Kanyang gawain, at nilalabanan at sinasalungat mo ang Diyos, kaya ililigtas ka pa rin ba ng Diyos? Kalimutan mo na ang mga pag-asam na ito. Nang makagawa ka ng pagkakamali, hindi ka pinanagot ng Diyos, ni hindi ka Niya tiniwalag dahil sa nag-iisang pagkakamaling ito. Binigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon, at tinulutan kang patuloy na gampanan ang isang tungkulin, at magsisi, na siyang oportunidad na ibinigay sa iyo ng Diyos; kung mayroon kang konsensiya at katwiran, dapat mong pahalagahan ito. Ang ilang tao ay palaging pabasta-basta kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at pinapalitan sila; ang ilan ay inililipat. Ibig sabihin ba nito ay tiniwalag na sila? Hindi iyon ang sinabi ng Diyos; may pagkakataon ka pa rin. Kaya ano ang dapat mong gawin? Dapat mong pagnilayan at kilalanin ang sarili mo, at tunay kang magsisi; ito ang landas. Ngunit hindi iyon ang ginagawa ng ilang tao. Lumalaban sila, at sinasabi kung saan-saan na, ‘Hindi ako pinayagang gampanan ang tungkuling ito dahil mali ang nasabi ko at may napasama ako ng loob.’ Hindi nila hinahanap ang problema sa sarili nila, hindi sila nagninilay, hindi nila hinahanap ang katotohanan, hindi sila nagpapasakop sa mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, at sinasalungat nila ang Diyos sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga kuru-kuro. Hindi ba naging Satanas na sila? Kapag ginagawa mo ang mga bagay na ginagawa ni Satanas, hindi ka na isang tagasunod ng Diyos. Naging kaaway ka na ng Diyos—maaari bang iligtas ng Diyos ang Kanyang kaaway? Hindi. Inililigtas ng Diyos ang mga taong may mga tiwaling disposisyon, mga tunay na tao—hindi mga diyablo, hindi ang Kanyang mga kaaway. Kapag nilalabanan mo ang Diyos, at nagrereklamo ka tungkol sa Diyos, at nagkakamali ka ng pagkaintindi sa Diyos, at hinuhusgahan mo ang Diyos, na nagkakalat ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, lubos kang laban sa Diyos; nagpoprotesta ka laban sa Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Labis akong napukaw ng mga salita ng Diyos. Bagama’t natanggal ako, binigyan pa rin ako ng iglesia ng pagkakataong magampanan ang isang tungkulin. Hindi nito sinabing hindi ko pwedeng hangarin ang katotohanan, na ititiwalag ako. Isinaayos ako na tumanggap ng isa pang tungkulin, na nagbigay sa akin ng pagkakataon para tunay na pagnilayan at unawain ang aking sarili. Pero dahil hindi nauunawaan ang layunin ng Diyos, inakala ko na ang pagkakatanggal sa akin ay pagkawala ng katayuan at reputasyon. Naging negatibo ako at mapanlaban. Napakarebelde ko at hindi makatwiran! Noong nagdidilig ako sa mga bagong mananampalataya, dahil wala akong mabuting kakayahan, hindi ako makapagbahagi nang malinaw sa katotohanan, at hindi nalulutas sa tamang panahon ang mga katanungan ng mga baguhan. Natatakot na maliitin ako ng iba, palagi akong nagpapanggap at hindi ako nagtapat at humingi ng tulong tungkol sa mga paghihirap na hinaharap ko. Nagbahagi sa akin ang lider tungkol sa mga prinsipyo at pamamaraan para sa tungkuling iyon, pero nakontento na ako na malaman lang ang tungkol sa mga iyon, at pagkatapos ay hindi ko inisip kung paano isasagawa at gagamitin ang mga iyon. Kaya, maraming prinsipyo ang hindi ko naunawaan pagkatapos ng maraming pagbabahagi at kailanman ay hindi nagkaroon ng magagandang resulta ang gawain ko ng pagdidilig. Hindi lamang mababa ang kakayahan ko, kundi masyado akong mapagmataas at walang gana na hanapin ang katotohanan. Hindi ko talaga pinagbubuti ang mga kasanayan ko, at walang pag-usad sa gawain ko. Kaya kinailangan akong ilipat sa ibang tungkulin. Pero ayaw kong kilalanin ang katiwalian at mga pagkakamali ko. Tinrato ko ang paglilipat sa akin nang may galit at tumanggi akong tanggapin ito. Mali pa nga ang pagkaunawa ko na inilalantad ako ng Diyos, pinagmumukha akong masama, na ititiwalag Niya ako. Katawa-tawa at wala ako sa katwiran doon. Dahil sa aking mababang kakayahan at kawalan ng mga tagumpay sa pagdidilig ng mga baguhan, madalas akong negatibo. Kung patuloy kong gagawin ang tungkuling iyon, hindi lamang nito mapipinsala ang sarili kong buhay, kundi maaantala rin nito ang gawain ng iglesia. Batay sa kakayahan at mga kalakasan ko, binigyan ako ng lider ng isang tungkulin na kaya kong gampanan. Pagsunod iyon sa prinsipyo, at pagiging responsable sa buhay ko. Pero hindi ko alam kung ano ang makabubuti para sa akin. Hindi ako nagnilay-nilay para kilalanin ang sarili ko, bagkus ay gumawa ako ng ganting atake, hinuhusgahan ang lider sa kanyang likuran, nagkakalat ng pagiging negatibo. Mula sa panlabas, parang naghahanap lang ako ng mali sa lider, pero ang totoo ay sumasalungat ako sa Diyos, lumalaban sa Kanya. Nalalantad nang ganito, nakita ko na hindi lang ako kulang sa kakayahan, kundi mayroon din akong malubhang tiwaling disposisyon. Kung hindi ako magpapasakop tulad ng nararapat at taimtim na gagawin ang aking tungkulin, malalantad ako at matitiwalag!

Habang nagninilay-nilay ako, natuklasan ko rin ang isang mapanlinlang na pananaw na taglay ko. Akala ko ang mga tungkulin ay may iba’t ibang ranggo, na mayroong mabababa at matataas, at ang paggawa lamang ng gawaing pamumuno o pagdidilig ang tunay na tungkulin, habang ang trabaho tungkol sa pangkalahatang mga gawain ay hindi itinuturing na isang tungkulin. Itinuring ko ito na mababang klase ng trabaho, na ang paggawa sa gayong mga tungkulin ay paggawa lamang ng trabaho, at ako ay matitiwalag pagkatapos ng aking trabaho. Kaya, nang marinig kong itinatalaga akong mangasiwa sa pangkalahatang gawain, nanliit ang pakiramdam ko, at na parang tinatrato akong isang makina. Talagang tutol ako rito at ni wala akong gana na gawin ang aking tungkulin. Pero sa iglesia, lahat ng tungkulin ay para sa plano ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas ng sangkatauhan. Ito man ay pagiging isang lider, tagapagdilig, o paggawa ng pangkalahatang gawain, lahat ng ito ay paggawa ng tungkulin, at ang lahat ay kailangang magtulungan nang mabuti. Katulad lang ito ng isang makina, ang bawat bahagi ay may silbi, kaya walang malaki o maliit, mataas o mababa, marangal o hamak sa mga tungkulin, iba-ibang papel lamang. Anuman ang tungkulin na kanilang ginagawa, ang lahat ay may mga aral na dapat matutuhan, mga katotohanang prinsipyo na dapat nilang isagawa at pasukin. Hangga’t hinahanap natin ang katotohanan, lahat tayo ay maililigtas ng Diyos. Pero laging mali ang iniisip ko sa mga bagay-bagay. Akala ko na ang pangangasiwa sa pangkalahatang gawain ay pagtatrabaho lamang at maliliit na trabaho. Ginamit ko ang baluktot na pananaw na iyon sa pagkakabago ng tungkulin ko at mali ang pagkaunawa ko sa layunin ng Diyos. Kasuklam-suklam at kamuhi-muhi talaga iyon sa Diyos. Naalala ko roon ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Ang inaasam ng Diyos ay para ang bawat tao ay magawang perpekto, sa kahuli-hulihan ay matamo Niya, lubos Niyang malinis, at maging mga tao na Kanyang minamahal. Sinasabi Ko man na kayo ay paurong o may mahinang kakayahan, pawang totoo ang mga ito. Ang pagsasabi Ko nito ay hindi nagpapatunay na binabalak Kong pabayaan ka, na nawalan na Ako ng pag-asa sa inyo, lalong hindi na ayaw Kong iligtas kayo. Naparito Ako ngayon upang gawin ang gawain ng pagliligtas sa inyo, na ang ibig sabihin ay ang gawain na Aking ginagawa ay isang pagpapatuloy ng gawain ng pagliligtas. Ang bawat tao ay may pagkakataon upang magawang perpekto: Basta’t ikaw ay handa, basta’t patuloy kang naghahangad, sa huli ay magagawa mong makamit ang resultang ito, at walang sinuman sa inyo ang mapapabayaan. Kung mahina ang iyong kakayahan, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong mahinang kakayahan; kung magaling ang iyong kakayahan, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong magaling na kakayahan; kung ikaw ay ignorante at mangmang, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong kamangmangan; kung ikaw ay may pinag-aralan, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa antas ng iyong pinag-aralan; kung ikaw ay nakatatanda, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong katandaan; kung ikaw ay may kakayahang magbigay ng kagandahang-loob, ang Aking mga hihingin sa iyo ay magiging alinsunod sa kakayahang ito; kung sinasabi mong hindi ka makapagbibigay ng kagandahang-loob, at magagampanan mo lamang ang isang partikular na tungkulin, maging ito man ay pagpapalaganap ng ebanghelyo, o pag-aalaga sa iglesia, o pagdalo sa iba’t ibang mga pangkalahatang ugnayan, ang Aking pagpeperpekto sa iyo ay magiging alinsunod sa tungkulin na iyong ginagampanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Nang mabasa ko ang salita ng Diyos, talagang naantig ako, pero nahiya rin ako. Mali ang pagkaunawa ko at sinisi ko ang Diyos nang hindi inuunawa ang Kanyang layunin. Inakala ko na itinalaga ako sa mga pangkalahatang gawain dahil sa mahinang kakayahan, at na ititiwalag ako kapag natapos ko na ang trabaho ko. Sa katunayan, hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi Niya ililigtas ang mga taong may mababang kakayahan, at hindi Niya tinatrato ang mga tao batay sa kanilang kakayahan o kung anong tungkulin ang kanilang ginagawa. Tinitingnan Niya kung mahal at hinahanap nila ang katotohanan. Iyon ang susi sa kung sila ay maililigtas. Naisip ko ang isang masamang tao na dating pinaalis ng iglesia. Mukha siyang may kakayahan at nakapukaw ng paghanga ang tungkulin niya, pero palagi siyang naghahangad ng katayuan, inaapi ang iba at ibinubukod ang mga may ibang pananaw. Napungusan na siya nang paulit-ulit, pero hindi siya nagsisi. Kalaunan, pinaalis siya sa iglesia. At karamihan ng mga huwad na lider at anticristo na nalantad at natiwalag nitong mga nakaraang taon ay may kakayahan at mga kaloob sa panlabas, pero hindi nila hinanap ang katotohanan. Lahat sila ay gumawa ng maraming kasamaan para sa karangalan at katayuan, at nasa isang landas na laban sa Diyos. Gaano man kalaking tingnan ang kakayahan ng isang tao, gaano man kataas ang kanyang katayuan, kung hindi niya hinahanap ang katotohanan, siguradong ilalantad at ititiwalag siya ng Diyos. Naisip ko rin ang ilang kapatid na may katamtamang kakayahan na may mga pangkaraniwang tungkulin, pero nagagawa nila itong isapuso, tumatayo sa posisyon ng isang nilikha. Kapag nagbubunyag sila ng katiwalian, lumalapit sila sa Diyos upang manalangin at maghanap, upang pagnilayan at kilalanin ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Nagbabago ang mga tiwali nilang disposisyon sa paglipas ng panahon. Napakamatuwid ng disposisyon ng Diyos. Hindi tinatrato ng Diyos ang sinuman nang hindi patas. Anuman ang kalidad ng ating kakayahan, anumang tungkulin ang ating ginagawa, nililinang at dinidiligan ng Diyos ang lahat nang pantay-pantay, at nagsasaayos Siya ng mga sitwasyon para maranasan natin ang mga salita ng Diyos at makapasok tayo sa katotohanang realidad. Napakapraktikal ng gawain ng Diyos para iligtas ang tao! Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, hindi na ako masyadong tutol sa kasalukuyan kong tungkulin, bagkus ay gusto kong magpasakop dito at gampanan ito nang maayos.

Nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos kalaunan: “Upang magampanan ninyo ang inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon, malaki man ito o maliit, pisikal man ito o mental, at ito man ay ang pangangasiwa sa mga panlabas na isyu o panloob na gawain, walang sinuman ang aksidenteng gumaganap ng tungkulin niya. Paano mangyayaring ito ay desisyon mo? Ang lahat ng ito ay pinangunahan ng Diyos. Dahil lamang sa pag-aatas ng Diyos sa iyo kaya ka kumikilos nang ganito, na mayroon kang pagpapahalaga sa misyon at responsabilidad, at na nagagampanan mo ang tungkulin mo. Napakarami sa mga walang pananampalataya ang may magagandang hitsura, kaalaman, o talento, ngunit pinapaboran ba sila ng Diyos? Hindi, hindi Niya sila pinapaboran. Hindi sila pinili ng Diyos, at kayo lang ang pinapaboran Niya. Lahat kayo ay binibigyan Niya ng lahat ng uri ng papel, pinagagampan ng lahat ng uri ng tungkulin, at pinaaako ng iba’t ibang responsabilidad sa Kanyang gawain ng pamamahala. Kapag sa wakas ay natapos na at natupad ang gawain ng pamamahala ng Diyos, napakalaking kaluwalhatian at pribilehiyo nito! Kaya, kapag nakararanas ng kaunting hirap ang mga tao habang ginagampanan nila ang tungkulin nila ngayon; kapag kailangan nilang isuko ang ilang bagay, gugulin nang bahagya ang kanilang sarili, at magbayad ng partikular na halaga; kapag nawala ang katayuan nila at ang katanyagan at pakinabang nila sa mundo; at kapag ang mga bagay na ito ay nawalang lahat, tila ang Diyos ang kumuha ng lahat ng ito sa kanila, ngunit may nakamit silang isang bagay na mas katangi-tangi at mas mahalaga. Ano ang nakamit ng mga tao mula sa Diyos? Nakamit nila ang katotohanan at buhay sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin nila. Kapag natupad mo ang tungkulin mo, nakumpleto ang atas ng Diyos, ginugol ang buong buhay mo para sa misyon mo at sa iniatas ng Diyos sa iyo, mayroon kang magandang patotoo, at namumuhay ka nang may halaga—saka pa lamang masasabi na ikaw ay isang totoong tao! At bakit sinasabi kong ikaw ay isang totoong tao? Dahil pinili ka ng Diyos at pinagampan Niya sa iyo ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang pamamahala. Ito ang pinakamahalaga at ang pinakadakilang kahulugan sa buhay mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Ang Diyos ay hindi tumitingin sa sinasabi o ipinapangako mo sa harap Niya; tinitingnan Niya kung ang ginagawa mo ba ay may katotohanang realidad. At saka, walang pakialam ang Diyos kung gaano kataas, kalalim, o kagiting ang iyong mga ikinikilos, at kahit na maliit na bagay ang ginagawa mo, kung nakikita ng Diyos ang pagiging taos-puso sa iyong bawat kilos, sasabihin Niyang, ‘Taos-pusong nananalig sa Akin ang tao na ito. Hindi siya kailanman nagyabang. Kumikilos siya ayon sa kanyang katungkulan. Bagama’t maaaring hindi malaki ang kanyang naiambag sa sambahayan ng Diyos at mahina ang kanyang kakayahan, matatag at may pagiging taos-puso siya sa lahat ng kanyang ginagawa.’ Ano ang nilalaman ng ‘pagiging taos-puso’ na ito? Naglalaman ito ng takot at pagpapasakop sa Diyos, gayundin ng tunay na pananampalataya at pagmamahal; naglalaman ito ng lahat ng nais makita ng Diyos. Maaaring hindi kapansin-pansin ang ganitong mga tao sa iba, maaaring sila ang taong tagaluto ng pagkain o tagalinis, isang taong nagsasagawa ng isang ordinaryong tungkulin. Ang ganitong mga tao ay hindi kapansin-pansin sa iba, walang anumang dakilang nagawa, at walang anumang kapita-pitagan, kahanga-hanga o kainggit-inggit tungkol sa kanila—mga ordinaryong tao lamang sila. Gayunpaman, ang lahat ng hinihingi ng Diyos ay nasa kanila, naisasabuhay nila, at ibinibigay nila ang lahat ng ito sa Diyos. Sabihin mo sa Akin, ano pa ba ang gusto ng Diyos? Nalulugod Siya sa kanila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na kahit na anong tungkulin ang makuha ko, ito ay mula sa pamamahala at pagsasaayos ng Diyos. Dapat akong magpasakop at harapin ang lahat ng ito nang buong puso. Anuman ang kakayahan ko o gaano man karami ang nagagawa ko, dapat ilaan ko ang lahat ng mayroon ako, ibigay ko ang lahat ng makakaya ko. Iyon ang layunin ng Diyos, at iyon talaga ang paggawa ng aking tungkulin.

Pagkatapos nito, tinaglay ko ang tamang saloobin at masigasig kong ginampanan ang pangkalahatang gawain, at pagkaraan ng sandaling panahon, nakita ko na hindi talaga ito ang nakababagot na trabahong inakala ko. Maraming prinsipyo na mauunawaan at mapapasok sa tungkuling iyon, at nangangailangan ito ng isang taos na pusong naghahanap sa katotohanan sa pagganap ng tungkuling ito. Sa loob ng isang panahon ng pagsasagawa, marami akong nakamit mula sa pangangasiwa sa pangkalahatang gawain. Natutuhan ko ang ilang kasanayan at naunawaan ang ilang prinsipyo, at naranasan ko rin kung gaano kapraktikal ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Binago ng paglilipat ng tungkulin na ito ang maling pananaw ko sa mga tungkulin at naging handa akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos at gawin ang aking makakaya sa aking tungkulin. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 48. Mga Pagninilay Pagkatapos Maligaw

Sumunod: 50. Ano ang Nasa Likod ng Pagtangging Maging Lider

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito