48. Mga Pagninilay Pagkatapos Maligaw
Isang araw noong Agosto 2019, nagpadala ang lider ko ng isang liham na humihiling sa akin na sunduin ang isang kapatid mula sa ibang bayan. Nakita ko na ang tirahan ng kapatid ay nasa lugar ng kalapit na iglesia. Naisip kong, “Bakit siya inilipat sa iglesia namin? Bakit hindi sa mas malapit?” Pero naisip ko rin na kailangan ng iglesia namin ng karagdagang tulong para sa lahat ng uri ng trabaho, kaya nagpasya akong sunduin siya at tingnan ang mangyayari. Anumang tungkulin ang magagawa niya, magagamit namin ang karagdagang tulong. Pagkatapos ay nakita kong sinabi sa sulat na ang pangalan ng kapatid ay Zhu Yun, at bigla kong naalala, “Nakilala ko si Sister Zhu Yun ilang taon na ang nakararaan. Mahigit kuwarenta anyos ang edad niya at may mahusay na pagkaunawa sa katotohanan. Kung siya iyon, maaari pa siyang maging lider o manggagawa sa iglesia namin. Magbibigay ito sa akin ng karagdagang makakatulong.” Labis akong natuwa na isipin ito. Wala na akong pakialam na malayo ang tirahan niya, gusto ko lang siyang dalhin agad sa iglesia!
Ginamit ko ang adres sa sulat para hanapin ang bahay ni Zhu Yun, at kumatok ako sa pinto, pero ang taong nagbukas nito ay mukhang napakatanda na. Hindi siya ang Zhu Yun na nakilala ko. Agad kong sinabi, “Pasensya na, maling pinto ang kinatok ko!” Tumalikod ako para umalis, pero sinundan niya ako at sabik na tinanong, “Sino ba ang hinahanap mo?” Sinabi kong hinahanap ko si Zhu Yun. Agad niyang sinabi, “Ako iyon!” Sinundan ko siya papasok ng bahay. Habang nag-uusap kami, nalaman kong inaresto siya ng CCP at mahigit tatlong taon nang nakulong. Binabantayan pa rin siya ng mga pulis matapos siyang palayain, kaya hindi siya makadalo sa mga pagtitipon sa kanyang bayan. Wala na siyang ibang magagawa kundi pumunta sa bahay ng kanyang anak na lalaki para maipagpatuloy niya ang buhay-iglesia. Matapos malaman ang kanyang sitwasyon, nadismaya ako. Naisip ko, “Kung ito lang sana ang Zhu Yun na nakilala ko. Kung sasapi siya sa iglesia namin, magkakaroon ako ng mahusay na makakatulong. Pero ang Zhu Yun na ito ay sinusubaybayan ng mga pulis. Ibig sabihin, hindi siya makagagawa ng anumang tungkulin. Kulang na nga ng mga tauhan sa pagdidilig ang iglesia, at ngayon ay kailangan pang may isang tao na makipagtipon sa kanya nang personal. Kung tatargetin din ng mga pulis ang mga kapatid na makikipag-ugnayan sa kanya, magiging matindi ang mga kawalan! Hindi, hindi siya puwedeng pumunta sa iglesia namin. Pagbalik ko, susulatan ko ang lider at hihilingin sa kanya na ilipat si Zhu Yun sa malapit na iglesia.” Nang malaman ko na ang sitwasyon niya, naghanda na akong umalis. Hindi ko siya tinanong kung anong mga problema o paghihirap ang mayroon siya. Mapilit na tinanong ako ni Zhu Yun, “Kailan ka babalik?” Wala sa loob kong sinabi, “Maghintay ka na lang dito. Babalikan kita pagkatapos kong talakayin ang ilang bagay.”
Sa daan pabalik, dumaing ako sa sarili habang naglalakad, “Hindi alam ng lider ang ginagawa niya. Napakalapit ni Zhu Yun sa kalapit na iglesia. Bakit hindi siya sinundo ng isa sa taga-iglesia na iyon? Napakalayo nito sa amin. Sa hinaharap, mag-aaksaya kami ng napakaraming oras para makipagtipon sa kanya….” Nagrereklamo ako sa puso ko habang patuloy akong naglalakad pahilaga, at habang naglalakad ako, napagtanto kong naligaw na ako. Nang magtanong ako ng direksiyon, nalaman kong sa kabilang direksiyon ako napunta, palabas ng bayan. Naguluhan talaga ako, “Naglakad na ako sa daang ito noon. Paano ako naligaw?” Noong oras na iyon, hindi ko ito masyadong inisip. Pag-uwi ko, sumulat ako ng liham na nagmumungkahi na ilipat ng lider si Zhu Yun sa malapit na iglesia.
Sa mga sumunod na araw pagkatapos kong ipadala ang liham, palagi akong hindi mapakali, na parang may mali. Hindi ko mapakalma ang sarili ko kapag binabasa ko ang salita ng Diyos, ni makatuon sa mga sermon o pagbabahaginan. Napagtanto ko na maaaring nakagawa ako ng isang bagay na labag sa layunin ng Diyos, kaya agad akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako para makilala ko ang sarili ko. Pagkatapos magdasal, bigla kong naalala na naligaw ako noong isang araw. Napagtanto ko na pagdating sa pagtanggap kay Zhu Yun sa iglesia, ang tanging inaalala ko ay ang sarili kong mga interes. Kung nakabubuti ito sa akin, ginagawa ko, pero kung hindi, tumatanggi at nagrereklamo ako. Wala akong pakialam sa buhay ng kapatid ko. Saka ko lang medyo naunawaan ang problema ko pagkatapos kong mabasa ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang mga bagay na may kinalaman sa mga interes ng isang tao ang pinakanagbubunyag sa kanila. Ang mga interes ay malalim na nauugnay sa buhay ng bawat tao, at ang lahat ng bagay na nakakasalamuha ng isang tao sa bawat araw ay may kinalaman sa mga interes nila. Halimbawa, kapag may sinasabi ka o nag-uusap tungkol sa isang bagay, anong mga interes ang kasama? Kapag nag-uusap ang dalawang tao tungkol sa isang isyu, isang usapin ito ng kung sino ang mahusay magsalita at sino ang hindi, sino ang hinahangaan ng ibang tao at sino ang minamaliit ng ibang tao…. Anong iba pang mga aspekto ang kasama sa mga interes na hinahangad ng mga tao? Kapag abala sila sa gawain nila, palaging tinitimbang ng mga tao ang bagay-bagay, nagkakalkula, at nagninilay-nilay sa isipan nila, nagpapakahirap mag-isip kung anong mga aksiyon ang makakabuti sa interes nila, anong mga aksiyon ang hindi makakabuti sa interes nila, anong mga aksiyon ang makakapagpalago ng interes nila, anong mga aksiyon ang kahit papaano ay hindi makasasama sa mga interes nila, at anong mga aksiyon ang makapagbibigay sa kanila ng pinakamalaking kaluwalhatian at pinakamaraming materyal na pakinabang, at na gagawin silang pinakamalaking benepisyado. Ito ang dalawang interes na ipinaglalaban ng mga tao sa tuwing may mga isyung nangyayari sa kanila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Ibinunyag ng salita ng Diyos ang kalagayan ko. Nakita ko na makasarili at kasuklam-suklam ako. Sa lahat ng bagay, sariling mga interes ko ang iniisip ko at gusto kong maghanap ng mga paraan para makuha ang lahat ng puwedeng maging pakinabang. Hindi ko man lang inisip ang mga kapatid ko, lalo na ang gawain ng iglesia. Nang hilingin sa akin ng lider na sunduin si Sister Zhu Yun, inakala ko na makagagawa siya ng gawain para sa iglesia, at may isa pang makakatulong sa akin para gumaan ang pasanin ko at maging mas epektibo ang aking gawain, na mas magpapaganda sa imahe ko, kaya hindi ako makapaghintay na tanggapin siya sa iglesia namin. Pero nang makita kong hindi siya ang kapatid na nakilala ko, at na isa siyang panganib sa seguridad, nag-alala ako na bukod sa hindi siya makagagawa ng tungkulin, kakailanganin pa ng isang taong makikipagtipon sa kanya nang personal. Naisip ko na hindi lang niya hindi mapabubuti ang aming pagiging produktibo sa gawain o mapagmumukha akong mahusay, kundi maaaring manganib ang kaligtasan namin dahil sa kanya. Tutol ako rito, at nagreklamo ako na hindi makatwiran ang pagsasaayos ng lider, kaya nagmadali akong subukang ipasa siya sa kalapit na iglesia. Nakita ko na ang pamumuhay ayon sa satanikong lason na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay ginawa akong lalo’t lalong makasarili at kasuklam-suklam. Sarili kong mga interes lang ang nasa puso ko, at ang inaalala ko lang ay ang sarili ko. Nakikita ng Diyos kung ano ang nasa puso natin. Paanong hindi kasusuklaman ng Diyos ang mga iniisip ko? Nang maisip ko kung paano inilipat si Sister Zhu Yun sa kalapit na iglesia, nakonsensiya ako, at alam kong sa hinaharap, kailangan kong magsagawa ayon sa salita ng Diyos, at na hindi ko na puwedeng isaalang-alang ang sarili kong mga interes.
Kalaunan, nakatanggap ulit ako ng liham mula sa lider ko. Ang ilang kapatid ay tumatakas mula sa CCP, at kailangan naming isaayos na pumunta sila sa iglesia namin. Habang binabasa ang sulat, naisip ko sa sarili ko, “Sa pagkakataong ito, hindi ko na puwedeng isipin ang sarili kong mga interes. Kung kaya man nilang gampanan ang mga tungkulin o hindi, handa akong tanggapin sila para magkaroon sila ng buhay-iglesia.” Kaya pinuntahan ko ang mga adres na ibinigay sa akin ng lider ko, tinanggap ko sila sa iglesia namin, at ginawa ang mga kinakailangang pagsasaayos. Pagkatapos magsagawa nang ganito, labis na napayapa at gumaan ang pakiramdam ko.
Kalaunan, binabantayan din ako ng mga pulis, kaya naging isa akong panganib sa seguridad at hindi ako puwedeng makipag-ugnayan sa iba. Hindi ako makadalo sa mga pagtitipon, at hindi ko magawa ang mga tungkulin ko. Mahirap ang panahong iyon para sa akin. Madalas kong hinahanap-hanap ang mga araw na nakapagtitipon ako kasama ng aking mga kapatid at nagagampanan ang aking mga tungkulin. Nasabik akong makitang muli ang mga kapatid, makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, at masabi ang nasa puso ko. Namighati ako sa pananabik ko sa buhay-iglesia at sa mga kapatid ko. Saka ko lang naunawaan kung ano ang nararamdaman ng mga kapatid na tinutugis ng CCP kapag hindi sila puwedeng magkaroon ng buhay-iglesia o makipag-ugnayan sa mga kapatid nila. Naalala ko si Sister Zhu Yun, na ipinasa ko sa kalapit na iglesia. Noong panahong iyon, inakala ko lang na dahil hindi siya makagagawa ng mga tungkulin, hindi siya makatutulong sa gawain ng iglesia. Pero hindi ko inisip kung gaano katinding paghihirap at pasakit ang nararanasan niya, yamang ikinulong siya ng CCP nang mahigit tatlong taon, at minamanmanan pa rin siya pagkatapos siyang palayain, at hindi makakontak sa kanyang mga kapatid o makapamuhay ng buhay-iglesia. Para makadalo sa mga pagtitipon, obligado siyang pumunta sa amin mula sa kanyang bayan. Ginawa niya ito para makipag-ugnayan sa mga kapatid, pero tinanggihan ko siya nang wala ni isang salita ng pag-aliw o katiting na simpatiya. Habang mas iniisip ko iyon, mas nakokonsensiya ako. Bakit ako naging napakalamig at walang puso? Isang araw, nabasa ko ang mga salita mula sa Diyos na nagbubunyag sa mga anticristo, na nakatulong sa akin na makita nang mas malinaw ang problema ko. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging traydor at malupit ng mga anticristo ay na may partikular na malinaw na pakay sa lahat ng kanilang ginagawa. Ang unang bagay na iniisip nila ay ang sarili nilang mga interes; at ang mga pamamaraan nila ay kasuklam-suklam, walang pakundangan, karumal-dumal, mababa, at kahina-hinala. Walang sinseridad sa paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay, at sa paraan ng pagtrato nila sa mga tao at ang mga prinsipyong ipinantatrato nila sa mga ito. Ang paraan ng pakikitungo nila sa mga tao ay ang samantalahin at paglaruan ang mga ito, at kapag wala nang silbi ang mga tao sa kanila, ibinabasura nila ang mga ito. Kung may silbi ka sa kanila, nagkukunwari silang may malasakit sa iyo: ‘Kumusta ka na? Nagkaroon ka ba ng anumang paghihirap? Matutulungan kitang lutasin ang mga paghihirap mo. Sabihin mo sa akin kung mayroon kang anumang problema. Nandito ako para sa iyo. Napakasuwerte naman natin na may mabuti tayong samahan!’ Tila napakamaasikaso nila. Pero kapag dumating ang araw na wala ka nang anumang silbi sa kanila, pababayaan ka nila, itatapon ka nila sa isang tabi at babalewalain ka, na parang ni hindi ka nila kailanman nakilala. Kapag talagang nagkakaproblema ka at hinahanap mo sila para humingi ng tulong, biglang nagbabago ang kanilang ugali, hindi na ganoon kabait-pakinggan ang kanilang mga salita gaya noong una silang nangako sa iyo na tutulungan ka nila—at bakit ganito? Ito ay dahil wala ka nang silbi sa kanila. Dahil dito, hindi ka na nila pinapansin. At hindi lang iyon: Kapag nalaman nilang may mali kang nagawa o may nakita silang bagay na magagamit nila laban sa iyo, nagiging malamig at mapang-uyam sila sa iyo, at baka nga kondenahin ka pa nila. Anong palagay mo sa pamamaraang ito? Pagpapamalas ba ito ng kabaitang-loob at sinseridad? Kapag nagpapamalas ang mga anticristo ng ganitong uri ng pagiging traydor at malupit sa kanilang pakikitungo sa iba, may anumang bakas ba ng pagkatao rito? Mayroon ba silang katiting na sinseridad sa mga tao? Walang-wala. Lahat ng ginagawa nila ay para sa sarili nilang pakinabang, pagpapahalaga sa sarili, at reputasyon, para mabigyan ang kanilang sarili ng katayuan at katanyagan sa ibang mga tao. Sa lahat ng nakikilala nila, kung masasamantala nila ang mga ito, gagawin nila. Ang mga hindi nila kayang samantalahin, minamata nila at hindi nila pinapakinggan; kahit na ikaw pa ang mismong lumapit sa kanila, hindi ka nila papansinin, at hindi ka man lang tinitingnan. Pero kapag dumating ang araw na kailangan ka na nila, biglang nagbabago ang kanilang pakikitungo sa iyo, at nagiging napakamaasikaso at napakagiliw nila, na ikinagugulat mo. Bakit nagbago ang pakikitungo nila sa iyo? (Dahil may silbi ka na sa kanila ngayon.) Tama iyon: Nang makita nilang may silbi ka, nagbabago ang kanilang pakikitungo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi)). Nang makita ko ang inihayag ng salita ng Diyos, nalungkot ako at nakonsensiya. Ang mga naging kilos at gawa ay kapareho ng sa isang anticristo. May motibo ako sa bawat sitwasyon, at isinasaalang-alang lamang ang sarili kong mga interes. Palagi akong nagkakalkula at ginagamit ang mga tao sa mga pakikipag-ugnayan ko. Wala akong pagmamahal sa mga kapatid ko, walang katapatan o kabaitan. Napakatagal nang minamanmanan ng CCP si Sister Zhu Yun at hindi siya puwedeng magkaroon ng buhay-iglesia. Dapat ay naunawaan ko ang sitwasyon niya, at sinuportahan at tinulungan siya nang may pagmamahal, isinaayos na makadalo siya sa mga pagtitipon at magampanan ang mga tungkuling kaya niya sa lalong madaling panahon Pero nag-alala ako tungkol sa panganib sa seguridad na maidudulot niya. Inisip ko na ang pagtanggap sa kanya sa iglesia ay walang maitutulong sa gawain ng iglesia, at kakailanganin naming gumugol ng karagdagang lakas at magbayad ng halaga para tulungan siya. Ang pinakamalala, makokompromiso niya ang kaligtasan ng iba pang mga kapatid, na makaaapekto sa gawain ng iglesia. Kaya, wala akong pakialam kung magkakaroon siya ng buhay-iglesia o hindi, at hindi ako nagtanong sa kanya ni minsan tungkol sa kalagayan niya o mga paghihirap niya. Gusto ko lang mawala na siya, hindi tanggapin sa iglesia. Wala akong malasakit at makasarili ako. Hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko, “Hindi ko maisip ang kapatid ko sa maliit na bagay na ito. Wala akong pagmamahal o awa. Kaya paanong naging taos-puso ang tulong na inalok ko sa mga kapatid ko noon?” Sa pagninilay-nilay, nalaman ko na maraming beses kong tinulungan ang mga kapatid dahil ako ang lider ng iglesia. Akala ko na sa pagbibigay sa kanila ng wastong suporta at pagsisiguro na normal ang kalagayan ng lahat, magtatamo ako ng mga resulta sa aking tungkulin at sa gayon ay masisigurong nagpresenta ako ng magandang imahe. Ngayon ko lang napagtanto na hindi ko isinasaalang-alang ang layunin ng Diyos, at na hindi ko ginagampanan ang responsabilidad ko bilang lider. Sa halip, pinoprotektahan ko ang aking reputasyon at katayuan. Sa panlabas, ginagampanan ko ang aking tungkulin, pero sa totoo lang, pinangangalagaan ko ang personal kong mga interes sa pagkukunwaring ginagawa ko ang aking tungkulin, at ginamit ko ang iba para makatulong sa paghahangad ko ng reputasyon at katayuan. Ang ginawa ko ay kasuklam-suklam sa Diyos, at tinatahak ko ang landas ng paglaban sa Diyos. Kung hindi ko naranasan kung gaano kasakit mawalan ng buhay-iglesia, hindi ko sana malalaman kahit kailan ang sakit at pagdurusa ng aking mga kapatid kapag walang mga pagtitipon at buhay-iglesia. At hindi ko sana makikilala kailanman ang masama at mapanira kong anticristong disposisyon.
Nabasa ko ang isa pang sipi mula sa salita ng Diyos: “Ang problema sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga mithiin ni Satanas—ang mga ito ay mga mithiin na masasama at hindi makatarungan. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga personal na interes gaya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagiging kasangkapan na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa iglesia; sa gawain ng iglesia, at sa normal na buhay-iglesia at normal na paghahangad ng mga taong hinirang ng Diyos, ang epekto nila ay mang-abala at maminsala; mayroon silang masama at negatibong epekto” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Napagtanto ko mula sa paghahayag na ito na mula sa mga salita ng Diyos na kung gagawin natin ang ating tungkulin nang hindi isinasagawa ang katotohanan, at pangangalagaan natin ang ating reputasyon at katayuan, gaano man kalaki ang halagang ibayad natin, palagi tayong magkakaroon ng negatibong papel sa iglesia at magiging kasangkapan ni Satanas. Makagagambala at makagugulo lang tayo sa gawain ng iglesia at masisira natin ang buhay pagpasok ng ating mga kapatid. Naisip ko si Sister Zhu Yun na napilitang pumunta sa amin mula sa kanyang bayan para lang makibahagi sa buhay-iglesia. Taos-puso siyang nananalig sa Diyos at nananabik sa salita ng Diyos. Kung mayroon akong kahit katiting na pagkatao, hindi ko sana siya tinrato nang ganoon. Isa akong lider ng iglesia, pero noong nagkaproblema si Sister Zhu Yun, hindi ko siya nagawang tulungan, wala akong pakialam at walang awa kong sinubukang ipasa siya sa ibang iglesia. Habang mas naiisip ko ang ginawa ko, lalo akong namumuhi sa sarili ko. Pakiramdam ko ay may pagkakautang ako sa kapatid ko, at lalo na sa Diyos. Lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “Diyos ko! Isinasaalang-alang ko lang ang sarili kong mga interes kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, at wala akong pagmamahal sa mga kapatid ko. Napakamakasarili ko at mapanira! Diyos ko! Gusto ko pong magsisi….”
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos. Nakita ko ang di-makasariling pagtutustos at pangangalaga ng Diyos sa sangkatauhan, at lalo pa akong nahiya sa pagiging makasarili at kasamaan ko. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Gaano man karaming salita ng Diyos ang napakinggan mo, gaano man karaming katotohanan ang nagagawa mong tanggapin at ang naunawaan mo, gaano man karaming realidad ang naisabuhay mo, o gaano man karaming resulta ang nakamit mo, may isang katunayan na dapat mong maunawaan: Ang katotohanan, ang daan at ang buhay ng Diyos ay ipinagkakaloob sa bawat tao nang libre, at patas ito sa lahat. Hindi kailanman magiging paborito ng Diyos ang isang tao kaysa sa iba dahil sa kung gaano katagal na itong nananalig sa Diyos o kung gaano na ito nagdusa, at hinding-hindi Niya papaboran o pagpapalain ang isang tao dahil matagal na itong nananalig sa Diyos o dahil marami na itong pinagdusahan. Hindi Niya rin tatratuhin nang naiiba ang sinuman dahil sa edad nito, hitsura nito, kasarian nito, pinanggalingan nitong pamilya, at iba pa. Pare-pareho ang mga bagay na natatanggap ng bawat tao mula sa Diyos. Hindi Niya tinutulutan na makatanggap ang sinuman nang mas kaunti, o na makatanggap ang sinuman nang mas marami. Patas at makatwiran ang Diyos sa bawat tao. Binibigyan Niya ang mga tao ng mismong kinakailangan nila, kung kailan nila ito kailangan, hindi Niya sila hinahayaan na magutom, malamigan o mauhaw, at tinutugunan Niya ang lahat ng pangangailangan ng puso ng tao. Kapag ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito, ano naman ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Ibinibigay ng Diyos ang mga bagay na ito sa mga tao, kaya mayroon bang anumang makasariling motibo ang Diyos? (Wala.) Walang kahit anong makasariling motibo ang Diyos. Ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos ay pawang para sa kapakanan ng sangkatauhan, at naglalayong lutasin ang lahat ng paghihirap at suliranin ng mga tao, nang sa gayon ay matamo nila ang tunay na buhay mula sa Diyos. Totoo ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tao ang Pinakamalaking Benepisyaryo ng Pamamahala ng Diyos). Ang Diyos ay di-makasariling nagtutustos sa lahat ng may tunay na pananampalataya. Masigasig Siyang nagsumikap para sa bawat isa sa atin at hindi kailanman umaasa ng anumang kapalit, nagnanais lang na hanapin natin ang katotohanan, baguhin ang ating mga disposisyon, at isabuhay ang tunay na wangis ng tao Ngunit ang pakikitungo ko sa mga kapatid ko ay batay sa kung sila ba ay kapaki-pakinabang. Kung sila ay kapaki-pakinabang, handa akong magbayad ng anumang halaga. Kung hindi, hindi ko sila pinapansin. Ayokong mag-abala kung walang pakinabang. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Katotohanan ang sinasabi Ko sa inyo, bagama’t ginawa ninyo ito sa isa sa mga pinakamababa sa Aking mga kapatid, sa Akin ninyo ito ginawa” (Mateo 25:40). Totoo ito. Kahit ang mga pinaka hindi kapansin-pansin na kapatid sa iglesia ay dapat mabigyan ng tulong, hangga’t tunay silang nananalig sa Diyos, at hindi masasamang tao, anticristo, o hindi mananampalataya. Ang magawang tumulong sa kanila nang may pagmamahal ay pagsasaalang-alang sa layunin ng Diyos, at may pagsang-ayon ng Diyos. Lalo na ang mga kapatid na tinutugis at hinahanap ng CCP, na hindi makauwi, kailangan natin silang tratuhin nang maayos at siguraduhing ligtas sila. Ito ay higit pang mabuting gawa. Ang pag-uugali ng isang tao sa gayong mga kapatid ay naghahayag ng kanyang pagkatao. Labis akong nakonsensiya. Kung mayroon akong isa pang pagkakataon na gawin ang aking tungkulin, hindi na ako magiging makasarili at kasuklam-suklam, o isasaalang-alang lang ang sarili kong mga interes kapag nakikipag-ugnayan sa mga kapatid. Kailangan kong gawin ang aking makakaya para tulungan ang mga kapatid, at maging isang taong nagtataglay ng pagkatao at katwiran.
Makalipas ang ilang buwan, sa wakas, sinimulan ko ang isa pang tungkulin. Isinaayos ng lider ko na suportahan ko ang isang kapatid na isang panganib sa seguridad. Naisip ko, “Pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan ko, sa wakas ay may tungkulin na ako. Kung makikipag-ugnayan ako sa kapatid na ito, ano ang mangyayari kung madadawit ako?” Sa puntong ito, napagtanto kong wala ako sa tamang kalagayan, at mabilis akong nanalangin sa Diyos na sana ay maghimagsik ako laban sa sarili ko, sinasabing gusto kong gawin ang makakaya ko para tulungan at suportahan ang kapatid ko. Sa pagtitipon at pakikipagbahaginan sa kanya tungkol sa salita ng Diyos, unti-unting nagbago ang kanyang negatibong kalagayan, at gusto niyang magsulat ng artikulong nagpapatotoo sa Diyos. Nang ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para tulungan ang kapatid, napakapayapa ng pakiramdam ko.
Noon, pakiramdam ko palagi ay may mabuti akong pagkatao, na kaya kong magtiis ng hirap sa tungkulin ko, at na may pagmamahal ako sa mga kapatid. Sa ipinakita ng mga katunayan at ng paghatol at paghahayag ng salita ng Diyos, nakita ko sa wakas na hinangad ko lang na makinabang. Makasarili ako at walang malasakit. Ginawa akong tiwali ni Satanas hanggang sa puntong wala na akong anumang wangis ng tao! Ipinaunawa sa akin ng salita ng Diyos kung paano tratuhin ang mga kapatid nang may pagkatao at katwiran. Tinulungan ako nitong makasundo ang iba nang hindi laging hinahangad ang sarili kong mga interes, at maging taos-puso sa pagsuporta at pagtulong sa aking mga kapatid. Salamat sa Diyos!