45. Ang mga Nakatagong Dahilan ng Pagkatakot sa Responsabilidad
Ako ang namamahala sa gawain ng pagdidilig sa iglesia. Habang dumarami ang tumatanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, nahati ang iglesia namin sa tatlong iba’t ibang iglesia, at ipinangasiwa sa akin ang isa sa mga ito. Pagkatapos ng paghahati, natuklasan ko na itinalaga sa akin ang maraming baguhan na hindi regular na nagtitipon. Naisip ko: Dahil kulang kami sa mga tagadilig, kakailanganin ng maraming oras at lakas ang pagsuporta sa lahat ng hindi nagtitipon nang maayos. Kung umatras sila dahil hindi sila nadiligan nang maayos, baka sabihin ng mga kapatid na mahina ang kakayahan ko. Sobrang nakakahiya iyon. Tapos, baka pungusan ako, o papanagutin sa kanilang pag-alis. Kung hindi ako ang tagapangasiwa, kung tagadilig lang ako, hindi ko sana kakailanganing managot. Masyado akong napi-pressure, para akong may malaking pasanin, at nakaramdam ako ng bigat sa puso ko. Gusto ng lider na maglinang kami ng mas maraming tao para tugunan ang kakulangan ng mga tagadilig. Pero nang makita ko kung ga’no karami ang mga hindi nagtitipon nang maayos, nahirapan ako. Inisip ko na hindi ako makapagsasanay ng mga tao sa lalong madaling panahon, at nasiraan ako ng loob. Pagkatapos niyon, sobra akong naging pasibo sa gawain ko. Hindi ko sinasanay o maayos na dinidiligan iyong mga dapat ko sanang inasikaso, na nakapinsala sa gawain namin. Sumama talaga ang loob ko at medyo nakonsensiya. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, kulang ako sa tayog. Nang makita ko kung gaano karami’ng paghihirap at isyu sa bagong iglesiang ito, ginusto kong lumayo. Alam kong hindi iyon ang layunin Mo. Gabayan Mo po sana ako na magnilay sa sarili at baguhin ang mali kong kalagayan para matanggap ko ang gawaing ito.”
Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Natatakot ang ilang tao na magpasan ng responsabilidad habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung binibigyan sila ng iglesia ng isang trabahong gagawin, iisipin muna nila kung hinihingi ng trabaho na magpasan sila ng responsabilidad, at kung oo, hindi nila tatanggapin ang trabaho. Ang mga kondisyon nila sa pagganap ng isang tungkulin ay, una, na ito ay dapat na isang maluwag na trabaho; pangalawa, na hindi ito matrabaho o nakapapagod; at pangatlo, na kahit anong gawin nila, wala silang papasaning anumang responsabilidad. Ito lang ang uri ng tungkuling tinatanggap nila. Anong uri ng tao ito? Hindi ba ito isang hindi mapagkakatiwalaang, mapanlinlang na tao? Ayaw nilang pasanin kahit ang pinakamaliit na responsabilidad. Kinatatakutan pa nga nila na mababasag ng mga dahon ang kanilang bungo kapag nahulog ang mga ito mula sa mga puno. Anong tungkulin ang magagampanan ng taong tulad nito? Ano ang pakinabang nila sa sambahayan ng Diyos? Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa gawain ng pakikipaglaban kay Satanas, gayundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Anong tungkulin ang walang mga kaakibat na responsabilidad? Masasabi ba ninyong may kaakibat na responsabilidad ang pagiging lider? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang mga responsabilidad, at hindi ba’t mas lalo silang dapat na magpasan ng responsabilidad? Nagpapalaganap ka man ng ebanghelyo, nagpapatotoo, gumagawa ng mga bidyo, at iba pa—anuman ang iyong trabaho—hangga’t nauukol ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo, may mga kaakibat itong responsabilidad. Kung walang prinsipyo ang pagganap mo ng iyong tungkulin, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung natatakot kang magpasan ng responsabilidad, hindi mo magagampanan ang anumang tungkulin. Duwag ba ang isang taong natatakot na umako ng responsabilidad sa pagganap ng kanyang tungkulin, o may problema sa kanilang disposisyon? Dapat ay masasabi mo ang pagkakaiba. Ang katunayan ay hindi ito isyu ng karuwagan. Kung kayamanan ang habol ng taong iyon, o gumagawa siya ng isang bagay para sa kanyang sariling interes, paanong siya ay napakatapang? Tatanggapin nila ang anumang panganib. Subalit kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos, wala silang tinatanggap na anumang panganib. Ang gayong mga tao ay makasarili at ubod ng sama, ang pinakataksil sa lahat. Ang sinumang hindi umaako ng responsabilidad sa pagganap ng isang tungkulin ay walang ni katiting na pagiging totoo sa Diyos, lalong wala siyang katapatan. Anong uri ng tao ang nangangahas na umako ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magbuhat ng mabigat na pasanin? Ang sinumang nangunguna at buong tapang na humaharap sa pinakamahalagang sandali sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na hindi natatakot na magpasan ng isang mabigat na responsabilidad at magtiis ng matinding paghihirap kapag nakita nila ang gawain na pinakaimportante at pinakamahalaga. Iyon ay isang taong tapat sa Diyos, isang mabuting sundalo ni Cristo. Ito ba ay ang kaso kung saan ang lahat ng natatakot na umako ng responsabilidad sa kanilang tungkulin ay ginagawa iyon dahil hindi sila nakauunawa sa katotohanan? Hindi; isa itong problema sa kanilang pagkatao. Wala silang pagpapahalaga sa katarungan o responsabilidad, sila ay mga taong makasarili at ubod ng sama, hindi tunay na mananampalataya ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Dahil dito, hindi sila maliligtas. Ang mga nananalig sa Diyos ay dapat magbayad ng malaking halaga para makamit ang katotohanan, at makahaharap sila ng maraming balakid sa pagsasagawa nito. Dapat nilang talikuran ang mga bagay-bagay, abandonahin ang kanilang mga makalamang interes, at tiisin ang ilang pagdurusa. Saka lang nila maisasagawa ang katotohanan. Kaya, maisasagawa ba ang katotohanan ng isang taong natatakot na umako sa responsabilidad? Tiyak na hindi niya maisasagawa ang katotohanan, lalong hindi ang makamit ito. Natatakot siyang magsagawa ng katotohanan, na makaranas ng kalugihan sa kanyang mga interes; natatakot siyang mapahiya, sa panghahamak, at sa panghuhusga, at hindi siya nangangahas na magsagawa ng katotohanan. Dahil dito, hindi niya ito makakamit, at gaano karaming taon man siyang nananalig sa Diyos, hindi nila makakamit ang Kanyang kaligtasan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Medyo sumama ang pakiramdam ko nang makita ang ibinunyag sa mga salita ng Diyos. Sinasabi ng Diyos na ang mga takot umako ng responsabilidad ay ang pinakamakasarili, pinakamasama, at pinakamapanlinlang. Hindi nila maisagawa ang katotohanan at hindi makakamit ang kaligtasan. Ganoon ang kinikilos ko. Nang makita ko na maraming baguhan ang hindi regular na nagtitipon at kakaunti ang kandidato para sa pagsasanay, hindi ko isinaalang-alang ang layunin ng Diyos, na maglinang ng mga kandidato at madiligan nang maayos ang mga bagong mananampalataya para magkaroon sila ng pundasyon sa tunay na daan nang mas maaga. Tinatrato ko sila na parang pabigat. Inisip ko kung gaano karaming oras at lakas ang kakailanganin para suportahan sila, at na hahamakin ako ng iba kung hindi ko ito gagawin nang maayos, at mapupungusan pa ako, at mananagot kung malubha ito. Maaaring walang resulta ang nakapapagod na gawaing ito at nakaramdam ako ng pagtutol. Bagamat pinilit ko ang sarili ko na gawin ito, naging pasibo ako. Dahil naging iresponsable ako, hindi nasanay ang mga dapat sinanay, samantalang hindi na regular na dumadalo ang ilan. Mabilis lumalaganap ngayon ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw, at mas maraming tao ang bumabaling sa Diyos. Ang pagdilig at pagsuporta sa mga bagong mananampalataya ang apurahang layunin ng Diyos, pero inisip ko lang ang sarili kong mga interes, hindi ang layunin ng Diyos. Hindi ko rin inisip ang buhay pagpasok ng mga baguhan. Sobra akong makasarili at nakakadismaya sa Diyos! At sa ibang mga bagong iglesia, napansin ko na kayang itaguyod ng iba ang gawain ng iglesia nang hindi iniisip ang kanilang mga personal na pakinabang o kawalan. Ginawa nila ang lahat para diligan ang mga bagong mananampalataya gaano man ito kahirap. Tunay silang mananampalataya na tapat sa kanilang mga tungkulin. Napahiya ako. Kailangan kong ihinto ang pagsasaalang-alang sa sarili kong mga interes at pag-antala sa gawain ng iglesia. Kailangan kong pasanin ang responsabilidad na ito at ibigay ang lahat ko para diligang mabuti ang mga baguhan. Maagap na akong nakikipagtulungan pagkatapos nun at nagsikap sa pagdidilig ng ilang tao na maaaring linangin. Nang maunawaan nila ang layunin ng Diyos, naging aktibo rin sila sa tungkulin nila. Nagtulungan kaming gawin ang aming trabaho at suportahan ang mga bagong mananampalataya. Pagtagal-tagal, marami-raming baguhan ang regular na nagtitipon. Talagang masaya ako at nagpapasalamat sa Diyos.
Pero hindi nagtagal, naharap ako ulit sa parehong sitwasyon. Isang araw, sinabi sa akin ng lider na, “Katatatag lang ng Iglesia ng Chenguang. Hindi nagtitipon nang maayos ang ilang bagong mananampalataya at kapos sila sa mahuhusay na tagadilig. Mabagal ang pag-usad ng gawain. Pangasiwaan mo ang iglesiang iyon.” Nang sabihin ito ng lider, napagtanto ko na may layunin ng Diyos ang sitwasyong ito. Noong huling beses na hinati ang isang iglesia, takot akong tumanggap ng responsabilidad, na nakaantala sa gawain. Ngayon, kailangan kong magpasakop at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Pero nag-alinlangan ako nang muli kong tingnan ang kalagayan ng Iglesia ng Chenguang. Nagsisimula pa lang bumuti ang iglesiang pinangangasiwaan ko at marami pang dapat gawin. Mangangailangan ng maraming oras at lakas kung papangasiwaan ko ang isa pang iglesia. Kung hindi ko sapat na masusuportahan ang Chenguang at hindi maaasikaso ang gawain sa kasalukuyang iglesia ko, ano ang iisipin sa akin ng iba? Hindi gaanong abala kung isa lang ang pangangasiwaang iglesia, at makakatuon ako sa paggawa nang maayos sa gawain ko. Pagkatapos magbabago ang tingin ng lahat sa akin, at baka mahirang pa ako sa mas mataas na posisyon. Sa pag-iisip na ito, pakiramdam ko ay ang hirap nang isabay ng Iglesia ng Chenguang. Anuman ang mangyari, hindi ako makikinabang dito, at ayaw kong tanggapin iyon. Pero kung tatanggihan ko ito at walang tumanggap nito, maaapektuhan niyon ang gawain ng iglesia. Nagtalo ang kalooban ko. Nakita ng lider ang kalagayan ko at ibinahagi sa akin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung medyo mahusay ka sa isang larangan at mas matagal ka nang nagtatrabaho sa larangang iyon kaysa sa karamihan, dapat sa iyo italaga ang mas mahihirap na trabaho. Dapat mong tanggapin ito mula sa Diyos at magpasakop ka rito. Huwag kang maging mapili at magreklamo, at sabihing, ‘Bakit ako ang pinag-iinitan? Ibinibigay nila ang madadaling trabaho sa ibang tao at ibinibigay sa akin ang mahihirap. Sinusubukan ba nilang pahirapin ang buhay ko?’ ‘Sinusubukang pahirapin ang buhay mo’? Ano ang ibig mong sabihin diyan? Ang mga pagsasaayos ng trabaho ay iniaakma sa bawat tao; ang mga may higit na kakayahan ay gumagawa ng mas maraming trabaho. Kung marami ka nang natutuhan at nabigyan ka na ng Diyos ng marami, dapat kang bigyan ng mas mabigat na pasanin—hindi para pahirapin ang buhay mo, kundi dahil ito ang mismong nababagay sa iyo. Tungkulin mo ito, kaya huwag mong subukang mamili, o na tanggihan, o takasan ito. Bakit mo iniisip na mahirap ito? Ang totoo, kung medyo isasapuso mo ito, ganap na makakaya mo ito. Ang pag-iisip mo na mahirap ito, na hindi ito patas na pagtrato, na sadya kang pinag-iinitan—iyan ay pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. Ito ay pagtangging gampanan ang iyong tungkulin, hindi pagtanggap mula sa Diyos. Hindi ito pagsasagawa ng katotohanan. Kapag namimili ka sa pagganap ng iyong tungkulin, ginagawa kung ano ang magaan at madali, ginagawa kung ano lang ang pinagmumukha kang magaling, ito ay isang tiwali at satanikong disposisyon. Ang hindi mo magawang tanggapin ang iyong tungkulin o makapagpasakop ay nagpapatunay na suwail ka pa rin sa Diyos, na ikaw ay sumasalungat, umaayaw, at umiiwas sa Kanya. Ito ay isang tiwaling disposisyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nakaaantig sa akin ang siping ito. Hindi ako pinapahirapan ng lider sa pagpapa-ako sa akin ng isa pang iglesia. Matagal-tagal na akong nagdidilig, kaya siguradong mapamamahalaan ko ito kung magsasakripisyo lang ako nang kaunti. Gayumpaman, masyado akong makasarili, iniisip lang ang sarili kong interes at ayaw kong magsakripisyo pa. Takot din akong magmukhang hindi magaling kung hindi ko huhusayan, kaya ayaw kong tanggapin ito, tinanggihan ko ito—hindi ako mapagpasakop. Ipinagkatiwala sa akin ng iglesia ang isang bagay na kasinghalaga ng pagdidilig sa mga bagong mananampalataya. Biyaya at pagtataas ito ng Diyos. Dapat akong magpasakop dito at gawin ang aking buong makakaya. Ganoon ang gagawin ng taong may konsensiya at katwiran. Sa pagsandig sa Diyos at sa tunay na pakikipagtulungan sa Kanya, alam kong gagabayan ako ng Diyos na magawa nang maayos ang trabaho. Tapos, nagdasal ako sa Diyos, handang bitiwan ang aking mga alalahanin at tanggapin ang responsabilidad na iyon.
Kalaunan, nagnilay ako at naghanap. Bakit palagi kong gustong tanggihan ang mga tungkulin at hindi magdala ng pasanin? May nabasa ako sa mga salita ng Diyos: “Anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi sila tunay, sinsero, at lubos na nagpapasakop sa katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga katotohanang prinsipyo, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapalulugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang kanilang sariling reputasyon at mapagtatanto ng maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang paggawa ng tunay na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, tulutan silang magkaroon ng mas higit pang katanyagan, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Hindi ba ito makasarili at kasuklam-suklam?” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Nahanap ko ang sagot sa mga salita ng Diyos. Ang pangunahing dahilan kaya ayokong magdala ng mabigat na pasanin ay dahil namumuhay ako sa anticristong disposisyon, makasarili at mapanlinlang ako. Iniugnay ko ang bawat bagay na ginawa ko sa sarili kong interes, may paunang kondisyon na hindi nito makokompromiso ang mga personal kong interes. Hindi ko isinasaalang-alang ang layunin ng Diyos o itinataguyod ang gawain ng iglesia. Nang makita kong maraming baguhan sa aking bagong iglesia ang hindi regular na nagtitipon, natakot akong maapektuhan ang pagiging epektibo ng aking tungkulin, na makasisira sa reputasyon ko. Nang hilingin sa akin ng lider na pangasiwaan ang Iglesia ng Chenguang, alam ko na kung hindi madidiligan kaagad ang mga bagong mananampalataya roon, maaari silang magambala ng mga relihiyosong pastor at umatras. Pero ayaw kong tanggapin ang gawain ng pagdidilig doon. Tinitimbang ko ang mga kalamangan at kahinaan para sa sarili ko, iniisip lang kung paano tapusin ang gawaing una kong naging responsabilidad. Nang sa ganoon, hindi ito sobrang makaka-stress at hindi ako magdurusa nang husto. Kung may matatamo ako sa huli, sasang-ayunan ako ng iba at mag-iiwan ako ng magandang impresyon. Namumuhay ako ayon sa satanikong lason, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Sa anumang bagay, iniisip ko muna kung makakabuti ba ito sa reputasyon ko. Kung mapipinsala ang mga interes ko, kahit na makakabuti ito para sa gawain ng iglesia, ayokong gawin ito. Tumututol at tumatanggi ako, hindi nagiging totoo o nagpapasakop sa Diyos. Ang mga katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay hindi pa nakaaalam sa katotohanan. Marupok pa sila sa panghihimasok ng mga pastor na maaaring makalihis at makapagtaboy sa kanila, kaya inatasan ako ng iglesia na magdilig at sumuporta sa kanila. Nahaharap sa ganoon kahalagang gawain, hindi ko inako ang responsabilidad at hindi tinupad ang aking tungkulin, bagkus natakot akong masira ang reputasyon ko kung hindi ko huhusayan. Ganoon din ang disposisyon ng isang anticristo—makasarili at kasuklam-suklam. Napuno ako ng pagsisisi at pagkakonsensiya. Pakiramdam ko ay may utang na loob ako sa Diyos, at gusto kong magsisi sa Kanya.
Nabasa ko ang marami pang salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Ano ang pamantayang ginagamit para husgahan kung mabuti o masama ang mga ikinikilos at inaasal ng isang tao? Ito ay kung taglay ba niya o hindi, sa kanyang mga iniisip, ibinubunyag, at ikinikilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Para sa Diyos, ang mga iniisip at ipinapakita mong kilos ay hindi nagpapatotoo sa Kanya, ni ipinapahiya o tinatalo si Satanas; sa halip, nagbibigay ang mga ito ng kahihiyan sa Kanya, at puno ang mga ito ng mga marka ng kasiraan ng puri na idinulot mo sa Kanya. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni ginagampanan ang mga responsabilidad at obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Sa tiyak na pananalita, ang ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ituturing na mabubuting gawa ang iyong mga ikinilos, ituturing ang mga ito na masasamang gawa. Hindi lamang mabibigong makamit ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin pa ang mga ito. Ano ang inaasahang makamit ng isang tao mula sa ganitong pananalig sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano tayo nagdurusa, kundi ang nilalaman ng mga puso natin at ang ating ibinubunyag habang ginagawa ang ating tungkulin, at kung may patotoo tayo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung ang motibo ng isang tao sa kanyang tungkulin ay hindi para palugurin ang Diyos, kung hindi niya isinasagawa ang katotohanan, ga’no man karami ang ibigay niya, sa tingin ng Diyos, ito ay paggawa ng masama at paglaban sa Kanya. Sa pagbabalik-tanaw sa kung ano ang ibinunyag ng aking pag-iisip noong panahong iyon, palagi akong nag-iisip at nagpaplano ayon sa sarili kong mga interes, at gustong iwasan ang tungkulin ko. Bagaman nag-aatubili kong tinanggap ito, hindi ako naging responsable. Hindi ko sinanay ang mga dapat kong sinanay, at hindi regular na nagtitipon ang ilang bagong mananampalataya dahil hindi ko sila diniligan sa oras. Ang mga motibo at pag-uugali ko ay kasuklam-suklam sa Diyos. Sa mata ng Diyos, gumagawa ako ng masama at lumalaban sa Kanya. Maraming taon na akong mananampalataya at natamasa ang labis na pagtustos ng katotohanan mula sa Diyos, pero hindi ko kailanman inisip na suklian ang pagmamahal ng Diyos. Noong higit na nangangailangan ng suporta ang gawain ng iglesia, ayokong magdala ng mabigat na pasanin. Hindi ko ginagawa ang tungkulin ko nang maayos at pinapalugod ang Diyos. Wala talaga akong konsensiya o pagkatao. Tahimik akong nagdasal, “Diyos ko, hinahangad ko ang karangalan at katayuan sa tungkulin ko nang hindi man lang pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Napakamakasarili ko. Hindi ko nagawa nang maayos ang tungkulin ko, at malaki ang utang ko sa Iyo. Diyos ko, salamat at binigyan Mo po ako ng isa pang pagkakataon. Nais kong magsisi, tanggapin ang pasaning ito, at gawin ang aking makakaya sa tungkulin ko para makabawi sa mga paglabag noon.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Diyos: “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling hangarin, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, layon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang hamak at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, hamak, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang hangarin mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Ito ay ang bitiwan ang sarili kong mga interes at unahin ang mga interes ng iglesia kapag may nangyari. Gusto kong gawin ang sinasabi ng salita ng Diyos, huwag nang isaalang-alang kung maaapektuhan o hindi ang mga interes ko, at huwag nang isaalang-alang ang iisipin ng ibang tao sa akin. Kailangan kong tuparin ang mga responsabilidad ko at tanggapin ang gawain. Napagtanto ko rin na ayaw na ayaw kong gumagawa ng mahirap na gawain, natatakot na mamaliitin ako, o pupungusan kung hindi ko ito huhusayan. Hindi ko naunawaan ang magandang layunin ng Diyos na iligtas ang tao: Ang pagbibigay sa akin ng mas mahirap na gawain ay biyaya ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang hamong ito para tulungan akong matutong sumandal sa Kanya at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Sa tungkulin ko, ang pagdala ng mabigat na pasanin, at ang mapungusan o mabunyag ay pawang mabubuting bagay. Binibigyan nila ako ng pagkakataong mas makita ang mga pagkakamali at pagkukulang ko para mas makatutok ako sa paghahanap at pagsasangkap sa sarili ko ng katotohanan para makabawi sa aking mga kahinaan. Kapaki-pakinabang iyon para sa aking pag-unawa sa katotohanan at pag-usad sa buhay. Ito ay pagmamahal ng Diyos. Nang naunawaan ko ang layunin ng Diyos, nagbago ang saloobin ko sa tungkulin ko. Nakita ko na para mapangasiwaan ang gawain ng dalawang iglesia, hindi ako puwedeng umasa lang sa sarili kong kakayahan. Limitado ang kaya kong gawin, kaya kailangan kong tumuon sa pagsasanay ng mga tao. Kapag nalaman na ng mga kapatid ang mga layunin ng Diyos, puwede na silang umako ng mga tungkulin at mapadadali niyon ang trabaho. Tapos, maitutuon ko ang lakas ko sa mga kritikal na gawain. Kaya, tinalakay at kinumpirma ko ang mga tao na magsanay kasama ang mga tagadilig, pagkatapos ay nagdaos ng mga pagtitipon at nagbahagi ng mga salita ng Diyos para lutasin ang kanilang mga aktuwal na mga paghihirap at isyu. Nagulat ako nang magkaroon ng pagkaunawa ang ilang kapatid sa gawain ng Diyos, nagkamit ng pananalig, at ginustong gumawa ng tungkulin. Kapag nagtutulungan kami, nagiging mas mahusay ako sa tungkulin ko, at mabilis na natatapos ang ilang proyekto. Nagkaroon din sila ng pagsasagawa at mas maraming lakas para sa kanilang tungkulin. Matapos madiligan at masuportahan nang ilang panahon, maraming bagong mananampalataya ang nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa gawain ng Diyos, nagkapundasyon sa tunay na daan, at aktibong nagtitipon. Nakakaantig talaga sa akin na makita lahat ito. Pagkatapos kong bitiwan ang sarili kong mga interes, umako ng pasanin, at subukan ang aking makakaya para gawin ang tungkulin, bago ko pa namalayan ay nakausad na ako nang kaunti at mas maraming nagagawa sa aking tungkulin. Ngayon, hindi na ako natatakot na umako ng responsabilidad, at gusto kong isagawa ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko nang maayos para palugurin ang Diyos.