44. Ang mga Araw Ko sa Pagkakulong

Ni Yang Qing, Tsina

Noong Hulyo 2006, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sinuportahan ng asawa ko ang pananampalataya ko sa Diyos, at malugod niyang tinatanggap ang mga kapatid na pumupunta sa bahay namin. Kalaunan ay nabalitaan niya na maaaring maharap sa panunupil at pang-aaresto ng gobyerno ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, at tinanong niya ang pinsan ko, na nagtatrabaho sa isang procuratorial office, tungkol dito. Pagkauwi niya, sinabi niya sa akin, “Sabi ng pinsan mo, sinusugpo ng gobyerno ang relihiyosong pananalig, lalo na ang mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Isa pa, idadawit ng isang mananampalataya ang kanyang buong pamilya. Huwag ka nang manalig sa Makapangyarihang Diyos. Kung kailangan mong manalig, pumunta ka sa isang Three-Self church.” Nakita ko na hindi nauunawaan ng asawa ko ang mga usapin ng pananampalataya. “Ang Three-Self Church ay itinatag ng Partido Komunista,” sinabi ko sa kanya. “Inuuna nila ang pagiging makabayan at pagmamahal sa Partido kaysa sa pagmamahal sa Diyos. Itinuturing nilang mas dakila ang Partido kaysa sa Diyos. Hindi iyon pananampalataya. Hindi ako pupunta sa Three-Self church.” “Alam kong mabuti ang manampalataya sa Makapangyarihang Diyos,” may pag-aalinlangan niyang sinabi, “pero kailangan mong makita nang malinaw ang sitwasyon. Mundo na ito ng Partido Komunista, at kung pananatilihin mo ang pananampalataya mo, maaaring mawalan tayo ng trabaho. Handa ka bang bitiwan ang trabaho mo sa ospital? Higit pa roon, may isinangla tayo at kailangan natin ng pera sa pagpapalaki ng anak natin. Paano tayo mabubuhay nang walang pera? Kung masesentensiyahan ka sa bilangguan, mamaliitin ako ng mga tao at pagtatawanan ang anak natin ng mga kaklase niya. Dapat isipin mo rin kami! Dapat tumigil ka na sa pananalig.” Alam kong hindi maiiwasan na magkaroon ng mga ganitong alalahanin ang asawa ko, bilang isang walang pananampalataya, kaya sinabi ko sa kanya, “Ang Partido Komunista ay ateista at palaging inuusig ang mga nananalig sa Diyos. Hindi ko bibitiwan ang pananampalataya ko dahil sa pag-uusig ng Partido. Ang mga natatakot ay hindi makakapasok sa kaharian ng langit—hindi mo ba alam iyon? Palala nang palala ang mga sakuna ngayon. Ang Makapangyarihang Diyos na Tagapagligtas ay nagpahayag ng katotohanan at nagsagawa ng gawain ng paghatol sa mga huling araw, na ganap na linisin at iligtas ang sangkatauhan para makaligtas tayo sa sakuna at madala sa kaharian ng Diyos. Isa itong pagkakataon na hindi na mauulit! Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na magkakaroon ng pansamantalang pagdurusa at panganib, pero sa pamamagitan nito ay makakamit natin ang katotohanan at maliligtas ng Diyos. Iyon ang mahalaga.” Sabi ng asawa ko, “Matagal pa ang pagpasok sa kaharian ng Diyos. Ang pinakapraktikal na bagay ngayon ay ang mamuhay ng magandang buhay. Hindi ako nag-aalala sa kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap, at hindi ko ito pag-iisipan.” Kalaunan, nakipagtalo siya sa akin nang makita niyang pumupunta pa rin ako sa mga pagtitipon at ginagawa ang aking tungkulin. Sinabi niya: “Walang saysay ang mamuhay nang palaging nababalisa. Kung patuloy kang mananalig, masisira ang pamilya natin.” Naisip ko: “Marahil ay talagang masisira ang pamilya namin kung ipagpipilitan ko ang aking pananampalataya. Siyam na taong gulang pa lang ang anak ko, at masasaktan siya nang husto sa hindi pagkakaroon ng buong pamilya!” Noong panahong iyon, ayaw kong mawala ang pamilya ko, pero hinahadlangan ng asawa ko ang aking pananampalataya, at kung magpapatuloy nang ganito ang mga bagay-bagay, paano ko magagawa ang tungkulin ko? Ang anak ko, ang pamilya ko, at ang Diyos—hindi ako handang isuko ang alinman sa mga ito. Habang nahihirapan ako sa kalagayang ito, naisip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin. At ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa Akin, ay hindi karapat-dapat sa Akin(Mateo 10:37–38). Naisip ko ang lahat ng santo sa buong panahon na isinuko ang lahat para tuparin ang atas ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, at kung paanong ako, na tinustusan ng napakaraming katotohanan mula sa Diyos, ay kailangang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at hindi pwedeng talikdan ang pananampalataya at tungkulin para lang protektahan ang aking pamilya. Naisip ko ang tungkol sa Diyos, na nagkatawang-tao para ganap na iligtas tayo mula sa kapangyarihan ni Satanas, tahimik na nagpapahayag ng mga katotohanan para diligan at tustusan tayo habang tinitiis ang panunupil, pang-aaresto, pang-aalipusta at pagkondena ng malaking pulang dragon pati na rin ang pagtanggi at paninira ng pamayanang panrelihiyon. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan! Napakarami kong natanggap mula sa Diyos, habang pinahahalagahan ang pamilya at anak ko, at hindi iniisip kung paano masusuklian ang pagmamahal ng Diyos. Nasaan ang aking konsensya? Sa isiping ito, nakaramdam ako ng labis na pagkakautang sa Diyos at nagpasya ako na gaano man ako hadlangan o gipitin ng asawa ko, susunod ako sa Diyos; ipapalaganap ko ang ebanghelyo at magpapatotoo sa Diyos.

Kasunod nito, mas lumala ang panunupil ng Partido Komunista sa iglesia at tumindi ang pagkontra ng asawa ko. Sa mga huling buwan ng 2007, sa ilalim ng pagkukunwaring pagpapanatili ng kaayusan para sa Olympic Games, sinugpo ng Partido ang pananalig sa relihiyon at sinupil ang mga simbahan, at ilang kapatid ang inaresto. Isang umaga noong Setyembre habang naghahanda akong lumabas para ibahagi ang ebanghelyo, pinigilan ako ng asawa ko at hindi ako pinayagang umalis. Pinapunta niya ang kuya ko, at sinabing, “Nitong nakaraang araw, sinabi ng pinsan mo na ang Committee of Political and Legal Affairs ay nag-organisa ng magkasanib na operasyon ng security at mga justice agency, nagpadala ng maraming tauhan para magsagawa ng malawakang pag-aresto sa mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Kapag naaresto, sesentensiyahan sila. Kaya huminto ka na sa pananalig sa Diyos, okey?” Hinimok din ako ng kapatid ko, “Alam ko na magandang bagay ang pananampalataya, pero hindi pinapayagan ng Partido ang mga tao na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Wala tayong lakas para labanan sila, kaya kung kailangan mong manampalataya, gawin mo ito sa bahay. Itigil mo ang paglabas para magpalaganap ng ebanghelyo. Ano ang gagawin mo kapag naaresto ka?” Sabi ko: “Alam kong gusto mo lang ang pinakamabuti para sa akin, pero ang pinakamakatarungang gawin ay ang magkaroon ng pananalig sa Diyos at ibahagi ang ebanghelyo, para mas maraming tao ang maliligtas ng Diyos at manatiling buhay. Ito ang pinakadakilang mabuting gawa. Hindi ba’t napakamakasarili ko kung ihihinto ko ang pagbabahagi ng ebanghelyo para lang protektahan ang sarili ko?” Sa sandaling iyon, lumuhod ang asawa ko at sinabing, “Nagmamakaawa ako sa iyo. Para sa ating tahanan, para sa ating anak, itigil mo ang pananampalataya sa Diyos. Ang pananampalataya ay nangangahulugan na hindi makakapasok sa unibersidad o makakahanap ng magandang trabaho ang anak natin. Mawawalan siya ng mga oportunidad! Isa lang ang anak natin—kailangan mo siyang isipin! Kung maaaresto ka, pag-uusapan ako ng mga tao habang nakatalikod kapag lalabas ako. Sabihin mo sa akin, paano na ang dignidad ko?” Nang makita kong ganoon ang asawa ko, hindi ko talaga alam kung ano ang gagawin. Palagi siyang mapagmalaki, pero heto siya’t nakaluhod na nakikiusap sa akin, sa harap ng kuya ko. Mas masasaktan lang siya kung ipagpipilitan ko ang pananalig ko. At ano ang mangyayari sa anak ko kung sa huli ay pipigilan siya ng Partido na makapasok sa unibersidad dahil sa pananampalataya ko, na magiging dahilan para hindi siya makahanap ng magandang trabaho at makabuo ng karera para sa kanyang sarili? Maging ang kuya ko ay tutol sa pananampalataya ko. Malamang na hahadlangan ng pamilya ko ang aking pananampalataya kung malalaman nilang nagdudulot ito ng lamat sa relasyon namin ng asawa ko. Lalo niyong mapapahirap para sa akin ang landas ng pananampalataya. Pero kung bibigay ako sa asawa ko at mangangakong isusuko ang pananampalataya ko, hindi ba iyon ay pagkakanulo sa Diyos? Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalo akong nababalisa, kaya’t tahimik akong nanalangin, hinihiling sa Diyos na protektahan ang puso ko. Sa puntong iyon ay naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko noon: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Totoo nga! Kung titingnan, parang ang pamilya ko ang humahadlang sa akin, pero ang totoo ay si Satanas ang tumutukso sa akin. Sa pananalig sa Diyos at paggawa ng aking tungkulin, nasa tamang landas ako. Ginagamit ni Satanas ang pamilya ko para hadlangan ako at ipagkanulo ko ang Diyos. Hindi ako pwedeng magpalinlang kay Satanas, bagkus kailangan kong manindigan, magpatotoo at ipahiya si Satanas. Sa pag-iisip nito, mataimtim kong sinabi sa kanila, “Ang Diyos ang nagpapasya sa lahat. Pinangangasiwaan ng Diyos ang ating trabaho at ang ating kinabukasan, ano pa man ang sabihin ng Partido Komunista. Ang pagbangon at pagbagsak ng mga bansa at partidong pampulitika, bukod pa sa kapalaran ng isang hamak na tao, ay lahat nasa mga kamay ng Diyos. Alam ninyong dalawa kung gaano kalubha ang karamdaman ko bago ako naging mananampalataya, at matagal na sana akong namatay kung hindi dahil sa Diyos. Binigay sa akin ng Diyos ang buhay na ito at napakarami kong natanggap mula sa Kanya. Kawalan ng konsensya kung wala akong pananampalataya o hindi gagawa ng tungkulin ko. Magiging tao pa ba ako? Magkakaroon ba ng kabuluhan ang buhay ko?” Kumunot-noo ang kuya ko at sinabing, “Totoo na gumaling ka pagkatapos magkaroon ng pananampalataya. Pero namumuhay tayo sa ilalim ng Partido Komunista ngayon, at gusto nilang arestuhin ang mga mananampalataya. Hindi ba’t ang paglabas para ipangaral ang ebanghelyo ay paglalagay lang sa sarili mo sa kapahamakan?” Nasa panig niya ang asawa ko, sumasang-ayon. Pero iginiit ko ang aking pananampalataya, anuman ang kanilang sabihin. Nang makitang hindi ako matitinag, bumaling sila sa mas malulupit na taktika. Makalipas ang mga isang buwan, pagkauwing pagkauwi ko mula sa isang pagtitipon isang araw, sinampal ako ng asawa ko sa mukha at galit na sinabi, “Malupit na inaaresto ng Partido ang mga mananampalataya pero dumadalo ka pa rin sa mga pagtitipon. Sinabihan kitang huwag manampalataya, pero iginiit mong manampalataya! Nirespeto kita sa lahat ng taong ito, hindi kita kailanman pinagbuhatan ng kamay. Sinabi ng kuya at hipag mo na pinalayaw kita at dapat kitang kontrolin, at hindi ka bigyan ng pagkakataon na patuloy na manalig sa Diyos.” Tinitigan ko siya, nabigla sa inaasal niya. Sa takot na tingnan ako sa mga mata ko, yumuko siya at sinabing, “Ayaw ko talagang saktan ka. Ayaw kong maaresto at makulong ka dahil sa pananampalataya mo sa Diyos. Para ito sa ikabubuti mo.” Nakakasama talaga ng loob na marinig ito mula sa kanya. Palaging napakabuti sa akin ng asawa ko, pero dahil sa kanyang takot sa pag-uusig, naging kasangkapan siya ng Partido Komunista. Sinusubukan niyang kumbinsihin ako na ipagkanulo ang Diyos. Paanong para sa ikabubuti ko iyon? Kalaunan, nang makita niyang determinado akong panghawakan ang aking pananampalataya, tumigil na lang siya sa pagtatrabaho. Mahigpit niya akong sinusundan, hindi niya ako hinahayaang magbasa ng mga salita ng Diyos, magpunta sa mga pagtitipon, o gumawa ng tungkulin ko. Napakaraming gawain sa iglesia noong panahong iyon, pero ikinulong niya ako sa bahay at hindi ko magawa ang tungkulin ko. Hinimok ko siya na huwag hadlangan ang pananampalataya ko. Sabi ko, “Pinrotektahan ka ng Diyos noong mga panahong muntik ka nang mabangga ng sasakyan, noong sinusuportahan mo pa ang pananampalataya ko. Napakaraming biyaya ang ibinigay sa atin ng Diyos, paano mo nagagawang labanan at tanggihan Siya?” Aniya, “Noon, kapaki-pakinabang ang pananampalataya mo sa Diyos, pero hindi na ito ganoon ngayon. Hangga’t nananalig ka sa Diyos, hindi ka tatantanan ng Partido at magdurusa ang pamilya natin. Makakaligtas ba tayo sa pananampalataya lang?” Kalaunan, dahil ayaw niyang madamay, sinabi niya na dapat kaming magdiborsiyo. Nasaktan ako nang husto, pero mas higit ang pagkamuhi ko sa malaking pulang dragon. Inuusig at sinasaktan ako ng asawa ko tapos ngayon ay gusto niya ng diborsiyo. Nag-ugat ang lahat ng ito sa panunupil ng Partido Komunista. Naalala ko ang siping ito mula sa mga salita ng Diyos: “Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng diyablong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at maghimagsik laban sa masama at matandang diyablong ito. Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ang Partido ay isang laban-sa-Diyos, napopoot-sa-Diyos na demonyo. Inaaresto at inuusig nito ang mga mananampalataya para hadlangan at lipulin ang gawain ng Diyos. Gumagawa ito ng lahat ng uri ng tsismis para siraan ang gawain ng Diyos at lokohin ang mga tao para salungatin din nila ang Diyos at sa huli ay mapapahamak sila. Sinusupil at inuusig pa nito ang mga pamilya ng mga Kristiyano, kaya nagdurusa ang buong pamilya dahil lang sa pananampalataya ng isang tao. Sinuportahan ng pamilya ko ang pananampalataya ko noong una, pero iniligaw sila ng pag-uusig at mga gawa-gawang kwento ng Partido, ginawa silang mga kasabwat na lumalaban sa Diyos. Napakasama ng Partido! Naisip ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang normal na tao, na naghahangad na mahalin ang Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang sumunod sa kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupo lamang ng mga taong ito, na pinili ng Diyos, ang magagawang isabuhay ang isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). Nagbibigay-liwanag sa akin ang pagninilay sa mga salita ng Diyos. Tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Natamasa ko ang labis na pagdidilig at panustos mula sa Kanyang mga salita, nagawa ang tungkulin ko bilang isang nilikha, naibahagi ang ebanghelyo at nagpatotoo para sa Diyos, at natulungan ang mas maraming tao na lumapit sa Diyos at mailigtas. Iyon ang pinakamakatarungan, pinakamahalagang bagay na dapat gawin, at hindi ko pwedeng isuko ang pananampalataya at tungkulin ko para protektahan ang aking pamilya. Kailangan kong sundin ang Diyos hanggang sa wakas, kahit na nangangahulugan pa ito ng pakikipagdiborsiyo. Kaya, sinabi ko sa asawa ko, “Tapat ako sa pagtahak sa landas na ito. Dahil iginigiit mo ang diborsiyo, pumapayag ako.”

Pumunta kami sa Civil Affairs Bureau para asikasuhin ang proseso sa mismong araw na iyon. Nang sasagutan ko na ang mga papeles nang biglang pumasok ang kuya ko at ang asawa niya, walang sabi-sabi akong kinaladkad sa kotse nila nang walang sabi-sabi at dinala ako sa kanilang tindahan. Nandoon na ang tatay ko, at pagkakitang-pagkakita niya sa akin ay pinagbuhatan niya ako ng kamay, pero nagmadaling lumapit ang mga tauhan para pigilan siya. Bumulyaw siya, “Akala ko suportado ng gobyerno ang pananampalataya mo. Hindi ko alam na maaari kang arestuhin at madadawit ang pamilya mo. Hindi ka pwedeng magpatuloy na manalig sa Diyos. Itatakwil kita kung hindi ka susunod!” Sabi ko, “Tay, nilikha tayo ng Diyos, Siya ang namamahala sa lahat. Dapat magkaroon ng pananampalataya ang mga tao at sumamba sa Kanya.” Bago pa ako makatapos, umangil ang kuya ko, “Gusto mo pa ring manampalataya kahit nangangahulugan ito ng pagkawala ng pamilya mo?” Matatag kong sinabi, “Walang mali sa aking pananampalataya. Siya ang may gusto nitong diborsiyo—hindi ako ang lumalayo sa pamilya.” Bumulyaw ang kuya ko, “Sabi ng kaibigan kong nagtatrabaho sa gobyerno, naglabas ang gobyerno ng isang dokumentong nagtatakda sa mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos bilang mga pangunahing target ng panunupil. Sinabi niya sa amin na subaybayan ka at ilayo ka sa pananampalataya mo para hindi kami madamay sa iyo.” Pagkatapos ay kumuha siya ng isang piraso ng kawayan at hinampas ako nito sa mga mata habang sinasabing, “Ito ang magtuturo sa iyo sa hindi pagkakita sa mga bagay-bagay nang tama!” Masakit talaga na matrato nang ganoon ng pamilya ko. Ginamit ko ang lahat ng lakas ko para makawala sa kanila at makatakbo palabas. Humihikbi ako hanggang makauwi. Pakiramdam ko ay talagang nag-iisa na ako at wala nang magagawa, at talagang hindi ko na alam kung paano manatili sa landas na ito. Habang umiiyak, nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, ngayon ay kumokontra na sa akin ang buong pamilya ko, hinahadlangan ako, sinasabihan akong hindi ako pwedeng manampalataya. Talagang nahihirapan ako rito. Diyos ko, gabayan Mo po ako para maunawaan ko ang Iyong layunin at matuto kung paano malalampasan ang sitwasyong ito.” Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos magdasal: “Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na gumagawa ang Diyos sa mga huling araw sa bansa ng malaking pulang dragon, kung saan Siya labis na sinasalungat, at tayong mga sumusunod sa Kanya ay tiyak na dadanas ng pang-aapi at pagbubukod. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan para makilala natin ang malaking pulang dragon at ang masama, laban-sa-Diyos na diwa nito, at hindi na malihis pa nito. Ito rin ay para gawing perpekto ang ating pananampalataya upang matuto tayong sumandal sa Diyos sa kabila ng paghihirap, at sumunod sa Diyos nang hindi napipigilan ng mga puwersa ni Satanas, at magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos. Pero pagkatapos ng kaunting pagdurusa, naramdaman ko na napakahirap magkaroon ng pananampalataya. Namumuhay ako sa pagkanegatibo at gusto kong takasan ang sitwasyon. Wala talaga akong pananalig. Sa pagharap sa mga paghihirap na ito, alam kong kailangan kong tanggapin ang mga ito mula sa Diyos. Kailangan kong magdasal at hanapin ang katotohanan, at manindigan sa patotoo ko para sa Diyos. Bilang isang nilikha, iyon ang dapat kong gawin. Hindi na gaanong miserable ang pakiramdam ko sa sandaling naunawaan ko ang layunin ng Diyos. Kalaunan, nalaman ko na hindi talaga gusto ng asawa kong makipagdiborsiyo, pero napag-usapan nila ito ng pamilya ko at inakala nilang ito ang magtutulak sa akin na talikdan ang aking pananampalataya.

Hindi nagtagal, nang nasa kotse kami at inihahatid ng asawa ko para mamili, bigla siyang lumiko sa freeway at dumiretso sa isang mental hospital. Kinaladkad niya ako papunta sa silid ng pagkonsulta at sinabi niya sa doktor, “Nananalig siya sa Makapangyarihang Diyos at nag-eebanghelyo. Kailangan mo siyang ikulong at ilayo siya sa ibang mga mananampalataya. Tulad ng isang detox. Makakalabas siya kapag hindi na siya mananampalataya at hindi na mag-eebanghelyo.” Sobra itong nakakadurog ng puso. Gusto niyang isama ako sa pasyenteng may problema sa pag-iisip para matigil ang pananampalataya ko sa Diyos. Maaaring ikabaliw ng isang tao ang makulong doon! Kaagad kong sinabi sa doktor, “Doktor din ako. Alamin mo muna kung mayroon akong anumang sakit sa pag-iisip bago mo ako ipasok.” Pagkatapos ay ibinuod ko sa kanya nang maayos kung paano ko pinamahalaan ang mga gawain namin sa bahay sa mga nakaraang taon. Matapos akong marinig, sinabi ng doktor sa asawa ko, “Wala siyang sakit sa pag-iisip. Hindi namin siya pwedeng ipasok. Hindi namin magagarantiya ang kaligtasan niya kung ipipilit mong iwan siya rito.” Paulit-ulit na iginigiit ng asawa ko na tanggapin ako ng doktor. Sabi ko, “Kung ikukulong mo ako, magpapakamatay ako rito.” Sa takot ng doktor na magiging pananagutan niya iyon, hindi niya ako ipinasok. Walang ibang nagawa ang asawa ko kundi iuwi ako.

Malinaw kong nakita mula sa nangyari na bagamat sinasabi ng asawa ko na ginagawa niya ang pinakamainam para sa akin, isa lang itong palabas. Muli’t muli ay pinoprotektahan niya ang sarili niyang mga interes, habang sinasaktan at pinapahiya ako. Gusto pa niya akong ipasok sa mental hospital. Kaya niyang gawin ang lahat para ilayo ako sa aking pananampalataya. Dahil sumasalungat siya sa Diyos, kasabay ng Partido, ipinapakita nito na minamahal din niya ang kasamaan, pinagpipitagan ang kapangyarihan at kinamumuhian ang katotohanan. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Nasa dalawang magkaibang landas kami. Nawalan ako ng pag-asa sa kanya, at para na lang sa kapakanan ng anak namin kaya hindi ako nakipagdiborsiyo. Pagkatapos niyon, hindi na siya tumigil sa pakikipagtalo at pagsigaw, at paggiit na isuko ko ang aking pananampalataya. Lalo na nang malapit na ang Olympics, nang sabihin ng pinsan ko na nakatuon ang gobyerno sa pang-aaresto sa mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, at na malupit na pinarurusahan ang mga mananampalataya at walang sinuman ang makakapagpiyansa sa kanila, lalong mahigpit akong binantayan ng asawa ko at sinundan ang bawat galaw ko. Ikinulong niya ako sa bahay sa loob ng 11 araw. Walang paraan para maisagawa ko ang pananampalataya ko sa bahay. Para magawa iyon, at magampanan ang isang tungkulin, kailangan kong iwan ang pamilya. Pero hindi ko talaga kayang mahiwalay sa anak ko. Magiging napakahirap para sa kanya kung aalis ako! Kung wala ako sa tabi niya at walang magbabantay sa kanya nang maayos, ano ang mangyayari kapag naligaw siya ng landas? Tumutulo ang mga luha ko sa tuwing naiisip ko ito. Sa tindi ng aking paghihirap, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, ginunita ko ang mga taon ng aking pananampalataya. Laging ginagamit ni Satanas ang mga kamag-anak ko para apihin at guluhin ako, para itulak ako palayo sa Diyos at hikayatin akong ipagkanulo Siya. Kasama ko ang pamilya ko pero hindi ako masaya, at hindi ako pinapayagan ng asawa ko na magbasa ng mga salita ng Diyos o ibahagi ang ebanghelyo at gawin ang aking tungkulin. Mahirap ang ganitong paraan ng pamumuhay. Isinaayos ng Diyos na ipanganak ako sa mga huling araw at tanggapin ang Kanyang ebanghelyo para hangarin ko ang katotohanan, mailigtas at matupad ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Iyon ang dapat kong hangarin. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nag-aabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling hinaharap, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, isa ka pa rin bang nilikha?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Totoo ito. Para sa bawat taong dumarating sa mundong ito, matagal nang itinakda ng Diyos kung anong landas ang tatahakin natin at kung gaano tayo magdurusa. Walang makakatulong sa sinuman. Isinilang ko ang anak ko, pero nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran niya. Matagal nang ipinasya ng Diyos kung gaano siya magdurusa at kung gaano karaming pagpapala ang tatamasahin niya sa buhay. Kahit na nasa tabi niya ako, hindi ko pwedeng pasanin ang anumang paghihirap na nakatadhana para sa kanya. Ni hindi ko makontrol ang sarili kong kapalaran, lalo na ang sa kanya. Kailangan ko lang ipagkatiwala ang anak ko sa Diyos at magpasakop sa Kanyang pamumuno. Kalaunan, isang araw, habang tulog ang asawa ko, nakatakas ako sa bahay.

Sa gulat ko, pagkaraan lang ng dalawang linggo, sinabi sa akin ng isang lider na araw-araw na inaabala ng asawa ko ang mga kapatid at sinasabing kung hindi ako babalik ay isusumbong niya sila sa mga pulis. Kinailangan kong umuwi para hindi sila magkaproblema. Sa pagkakataong ito, mas mahigpit akong sinubaybayan ng asawa ko. Pinanatili niya akong nakakulong sa loob ng bahay, nang nakatago ang susi, at palaging ilang talampakan lang ang layo mula sa akin. Nagbabantay siya kahit nagluluto ako at kapag pumupunta ako sa banyo. Pinananatili niyang nakabukas ang TV mula umaga hanggang gabi, araw-araw niya akong pinipilit manood ng balita at mga makabayang pelikula kasama niya, sinasabing gusto niya akong i-brainwash. Sinabihan daw siya ng pinsan ko na huwag akong bigyan ng anumang pagkakataon na manalangin o magbasa ng mga salita ng Diyos, at na para makumbinsi akong talikdan ang aking pananampalataya, kailangan niyang punuin ako nang punuin ng kung anumang nasa TV, para hindi na ako magkaroon ng puwang para sa mga isiping panrelihiyon. Sinabi rin niya sa akin na hindi niya ako mabibigyan ng isang sandali ng katahimikan, dahil sa sandaling manalangin ako, bibigyan ako ng Diyos ng daan para makalabas, at pagkatapos ay pupunta ako sa mga pagtitipon at muling mag-eebanghelyo. Galit kong sinabi sa kanya, “Kalayaan ko ang magkaroon ng pananampalataya. Bakit ka sumusuporta sa Partido Komunista, inaapi ako at ipinagkakait sa akin ang kalayaan ko? Natamasa mo ang maraming biyaya ng Diyos dahil sa aking pananampalataya, at nakita mo kung ano ang kayang gawin ng Diyos. Ngayon ay hinahadlangan mo ang pananampalataya ko at inaapi mo ako. Hindi lang ito pang-aapi sa akin—ito ay pagsalungat sa Diyos!” Nagulat ako nang gumanti siya ng sigaw, “Sinasalungat ko ang Diyos, kaya’t sige, pumarito Siya at parusahan ako!” Nabigla talaga ako. Paano niya nasabi ang ganoong bagay? Nawalan na siya ng lahat ng katwiran. Kinulong niya ako nang ganito sa loob ng isang linggo o higit pa, hindi man lang makaapak sa labas. Hindi ako pwedeng magbasa ng mga salita ng Diyos, pumunta sa mga pagtitipon, o gumawa ng aking tungkulin. Isa itong lubusang pagdurusa. Wala akong gana kumain at hindi ako makatulog. Iniisip ko kung paanong gumagawa ng tungkulin ang iba, habang ikinukulong ako ng asawa ko sa loob ng bahay, pinagkakaitan ng karapatang manalangin man lang. Kung magpapatuloy iyon, hindi ba ako mapapalayo nang mapapalayo sa Diyos? Bukod pa rito, nasa panig ng asawa ko ang lahat ng miyembro ng pamilya ko, inaapi ako. Halos hindi ko na ito kaya! Habang iniisip ko ito ay mas lalo akong nanlulumo. Nag-iisa ako at walang magawa.

Isang gabi habang natutulog ang asawa ko, tahimik akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko, hindi po ako makabasa ng mga salita Mo. Sobrang nanghihina ang loob ko. O Diyos, napakaliit ng tayog ko. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas.” Naisip ko ang isang sipi ng Kanyang mga salita pagkatapos magdasal: “Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga ‘mananagumpay’ ay yaong mga nagagawa pang manindigan sa kanilang pagsaksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay naninindigan sa iyong pagsaksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang ‘mananagumpay’(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na sa mga huling araw, nais Niyang bumuo ng isang grupo ng mga tao na magiging mananagumpay, mga taong hindi susuko sa mga puwersa ng kadiliman sa ilalim ng mga pag-atake at pag-uusig ni Satanas. Sa halip, mananatili silang mahigpit na nakakapit sa kanilang pananampalataya at debosyon, at magbibigay ng magandang patotoo sa Diyos. Nakaramdam ako ng inspirasyon, at handa akong magpasakop at matuto ng aral. Gaano man ako hadlangan at apihin ng aking asawa, maninindigan ako sa patotoo ko at palulugurin ang Diyos. Kalaunan, kapag natutulog ang asawa ko, pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, tahimik na nagdarasal o umaawit ng himno sa aking sarili, at nagbigay ito sa akin ng kagalakan. Sa ika-labinsiyam na araw ng pagkakulong ko sa bahay, nagsimulang magkaroon ng mga pananakit ng ulo, leeg at likod ang asawa ko sa sandaling makipag-away siya sa akin. Kapag mas nagagalit siya, mas nananakit din ito, umaabot na sa puntong napapasigaw na siya sa sakit, hanggang sa hindi na siya nangangahas na makipagtalo. Sa wakas ay sinabi niya: “Hindi ko na kaya! Habang tumatagal ang pagkulong ko sa iyo, mas lumalakas ang loob mo. Binibigyan ko lang ng karamdaman ang sarili ko.” Sa sumunod na araw ay pumasok siya sa trabaho at iniwan akong nakakulong sa loob ng bahay. Isang araw, nagkataong nahanap ko ang susi, at nakalabas ako ng bahay habang wala siya roon. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng daan palabas, at sa wakas ay makakadalo na ako sa mga pagtitipon at magagawa kong muli ang aking tungkulin.

Hindi na ako gaanong mahigpit na sinusubaybayan ng asawa ko pagkatapos niyon. Paminsan-minsan, kapag sinisikap niyang kontrahin at pigilan ako, nagkakasakit siya at nagkakaroon ng matinding pananakit sa kanyang leeg. Isang araw, noong Marso 2012, sinabi niya sa akin, “Sa lahat ng taong ito, ginusto kong mamili ka—ang pamilya natin o ang pananampalataya mo, pero hindi mo kailanman binitiwan ang pananampalataya mo. Tapusin na natin ito ngayong araw. May dalawang landas sa unahan mo. Kung mananatili ka sa bahay na ito, hindi ka pwedeng sumunod sa Diyos, at kung susundin mo ang Diyos, hindi ka na kailanman makakabalik sa bahay na ito.” Sinabi ko sa kanya, nang may diin, “Pinipili ko ang landas ng pananalig sa Diyos, at hindi na ako babalik.” Pagkatapos ay inimpake ko ang aking mga bag at umalis ng bahay, sumama sa lahat ng gumagawa ng kanilang tungkulin. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Sinundan: 43. Nananampalataya Ako sa Diyos: Bakit Sasamba sa mga Tao?

Sumunod: 45. Ang mga Nakatagong Dahilan ng Pagkatakot sa Responsabilidad

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito