43. Nananampalataya Ako sa Diyos: Bakit Sasamba sa mga Tao?
Noong unang ipinangasiwa sa akin ang gawain ng ebanghelyo sa iglesia, hindi ako nakakakuha ng magagandang resulta, at labis akong nabalisa dahil dito. Noong mga panahong iyon, inilipat si Annie sa iglesia namin. Nabalitaan ko na isa siyang mananampalataya sa loob ng mahigit 20 taon, na tinalikdan niya ang lahat para gumawa at gumugol ng sarili, nangaral sa maraming lugar, at nakaranas ng malaking panganib at paghihirap nang hindi kailanman sumusuko. Dahil dito, lubos ko siyang hinangaan, at nang isaayos ng lider ko na makapareha ko si Annie sa gawain ng ebanghelyo, natuwa ako. Sa una niyang pakikipagtipon sa amin, ikinuwento ni Annie ang mga karanasan niya sa mga nakakagambalang lider ng relihiyon habang ibinabahagi ang ebanghelyo, at kung paano siya nagkipagbahaginan at nakipagdebate sa kanila, hanggang sa hindi na sila nakapagsalita. Ikinuwento niya kung paano siya nagbahagi sa katotohanan sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na may malakas na mga kuru-kuro sa relihiyon at malawak na kaalaman sa Bibliya, at sa huli ay nilutas ang kanilang mga kalituhan. Tinalakay niya ang maraming paghihirap na naranasan niya sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at kung paano siya at ang ibang mga kapatid ay nagbayad ng halaga para ipalaganap ang ebanghelyo sa iba’t ibang lugar. Ikinuwento rin niya kung paano siya hinangaan at nilinang ng mga nakatataas na lider at binigyan ng ilang mahahalagang tungkulin. Ang pinakahigit na nagpahanga sa akin ay nang magbahagi siya tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan, habang naluluha ang kanyang mga mata. Sinabi niya na dapat nating isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at gaano man karaming paghihirap ang kinakaharap natin, misyon natin na ipalaganap ang Kanyang ebanghelyo sa mga huling araw. Noong panahong iyon, para sa akin, tila puspos ng pagmamahal si Annie sa Diyos, at agad akong nagkaroon ng respeto sa kanya. Naisip ko, “Matagal nang nananalig sa Diyos si Annie, nauunawaan niya ang mas maraming katotohanan kaysa sa amin, at mas mataas ang tayog niya kaysa sa amin. Dapat matuto ako sa kanya.” Kalaunan, habang magkasama naming ginagampanan ang aming mga tungkulin, napansin ko na talagang nakakayanan ni Annie ang paghihirap, madalas na nagpupuyat para kumustahin ang gawain at lutasin ang mga problema. Tinutukoy rin niya ang mga paglihis at mga pagkalingat sa gawain ko, at nagbabahagi sa akin tungkol sa mga landas ng pagsasagawa. Kapag ibinabahagi ang ebanghelyo sa mga potensyal na tatanggap, nagbibigay siya ng mga halimbawa, gumagamit ng mga talinghaga, matalas na nagsasalita, at nalulutas ang mga kalituhang mayroon sila. Kapag ikinukuwento niya sa mga pagtitipon kung paano siya nabigong gawin nang maayos ang kanyang tungkulin, madalas siyang umiiyak, sinasabi kung gaano kalaki ang utang niya sa Diyos. Kung minsan, nilalapitan siya ng mga tagadilig na may problemang dapat lutasin, at agad siyang naghahanap ng oras para tulungan sila. Talagang mapagmalasakit din siya kapag napapansin niyang masama ang pakiramdam ko. Lalo ko siyang nagustuhan dahil sa lahat ng ito. Kalaunan, nang mahalal siya bilang lider ng iglesia, lalo akong nakatitiyak na nauunawaan niya ang katotohanan at taglay ang realidad. Lalo ko pa siyang tiningala at hinangaan. Nakita ko kung gaano siya kaabala, nagmamadaling tulungan ang mga kapatid na lutasin ang kanilang mga problema, at ipinaramdam nito sa akin na mayroon talaga siyang mahalagang papel sa iglesia, at tiyak na hindi namin makakaya kung wala siya. Kapag nagkakaproblema ako o nahihirapan, pinupuntahan ko siya para makipagbahaginan. Matiyaga kong itinatala ang kanyang mga pananaw at ideya, at ipinapatupad ang kanyang mga mungkahi. Ginaya ko pa ang ilang pag-uugali niya. Halimbawa, nang makita ko siyang nagtatrabaho hanggang dis-oras ng gabi, itinuring ko iyon bilang tanda ng pagiging tapat at pagtitiis sa hirap sa paggawa ng isang tungkulin, at kaya nagpupuyat din ako. Kahit na wala akong apurahang gagawin at pwede na sana akong matulog nang mas maaga, kapag nakikita kong hindi pa natutulog si Annie, gusto ko ring manatiling gising. Nang makita kong nananatili siyang matatag at patuloy na nagiging abala sa kanyang tungkulin matapos mapungusan, naisip ko na nangangahulugan ito na mayroon siyang tayog at realidad. Kaya pagkatapos kong mapungusan, kahit na talagang sumama ang loob ko at gusto kong maglaan ng oras para makapagnilay, kapag naiisip ko ang pag-uugali ni Annie, nagmamadali akong bumalik sa tungkulin ko nang hindi tumutuon sa pagninilay-nilay at pagkakaroon ng kaalaman sa sarili ko. Ganap akong walang kamalayan na namumuhay ako sa isang kalagayan ng pagpapahalaga at pagsamba sa isang tao. Nanatili akong ganito hanggang sa may mga nangyaring bagay na unti-unting nagbigay sa akin ng pagkakilala kay Annie.
Direktang pinangangasiwaan ni Annie ang lahat ng bagay bilang lider ng iglesia, at talagang nagawa niyang magdusa at magbayad ng halaga, pero patuloy pa ring lumilitaw nang sunuod-sunod ang mga problema, at unti-unting humihina ang pagiging epektibo ng gawain ng iglesia. Isang araw, sinabi sa akin ng diyakono ng pagdidilig, si Sister Laila, na nakatuklas siya ng ilang paglihis sa gawain ni Annie. Sinabi niya na pinangangasiwaan ni Annie ang lahat at hindi pinahihintulutang magsagawa ang mga kapatid, at na hindi siya nakatutok sa paglilinang sa iba. Sinabi ni Laila na ginagawa ni Annie ang lahat ng gawain ng mga diyakono at mga lider ng grupo, na nangangahulugang walang sinuman ang makakapagsagawa, at sa paglipas ng panahon, nagsimulang maramdaman ng lahat na wala silang silbi at halaga, pero talagang tinitingala nila si Annie. Hindi ito isang kapaligiran na nakakatulong sa paggawa ng tungkulin ng isang tao. Sinabi ni Laila na gusto niyang payuhan si Annie, at sabihin dito na bigyan ang iba ng mas maraming pagkakataon na magsagawa, para malaman nila ang kanilang mga kakulangan at kamalian at mas mabilis na makausad. Sa ganoong paraan, magagamit ng lahat ang kanilang mga talento, at tiyak na magiging mas epektibo sila sa kanilang mga tungkulin. Talagang pabor ako sa ideya ni Laila, kaya sinamahan ko siya para kausapin si Annie. Nagulat ako nang makitang talagang hindi natuwa si Annie sa payo namin, at sumimangot lang at hindi sumang-ayon sa amin. Sinabi niya na masyadong maraming kahinaan ang mga kapatid, na magiging malaking abala ang pagtuturo sa kanila at makakaantala lang sa mga bagay-bagay. Sinabi niya na mas epektibo at mahusay kung siya mismo ang gumagawa sa mga bagay-bagay. Nang marinig ko na mapanghikayat niyang iginiit ito, medyo nalito ako. Pero nang pag-isipan ko ito kalaunan, napagtanto ko na hindi nararapat para kay Annie na magtrabaho nang ganoon. Hindi makakapagsanay ang iba, at kung ipapaubaya sa kanya ang lahat, hindi pa rin magiging maayos ang gawain. Pero naisip ko kung paanong hindi namin nauunawaan ang katotohanan, kaya’t magiging walang silbi lang kami at maaantala ang mga bagay-bagay kapag sinubukan naming makipagtulungan sa kanya para malutas ang mga problema. Dahil mas nauunawaan ni Annie ang katotohanan, naisip ko na hayaan na lang namin siyang asikasuhin ang mga bagay-bagay. Dahil dito, bagamat talagang abala si Annie araw-araw, marami pa ring natitirang problema. Napakapasibo ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin at hinihintay nila siyang ayusin ang mga problema. Karamihan sa mga tao ay namumuhay sa napipigilan at lugmok na kalagayan. Kalaunan, nalaman ng isang nakatataas na lider na maraming problema sa iglesia namin, kaya nangolekta siya ng mga pagtatasa kay Annie mula sa mga kapatid, at nalaman niya kung gaano kayabang, mapagmataas, dominante, at mapagsawalang-bahala sa mga mungkahi si Annie, at kung paanong palagi niyang itinataas ang kanyang sarili, nagpapakitang-gilas, at dinadala ang lahat sa harapan niya. Nang matuklasan ito, agad siyang tinanggal ng lider. Natukoy rin niya na wala kaming pagkakilala, at bulag na tumitingala at sumasamba kay Annie. Nagbahagi siya kung paano namin dapat hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa aming mga tungkulin, at hindi tumingala o sumunod sa ibang tao. Nang marinig ko ito, napagtanto ko na matagal na akong namumuhay sa kalagayan ng pagsamba sa isang tao, at hindi na normal ang relasyon ko sa Diyos sa loob ng mahabang panahon. Naisip ko kung paanong sinabi sa “Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian” na: “Ang mga taong nananalig sa Diyos ay dapat magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Huwag mong dakilain o tingalain ang sinumang tao; huwag ilagay sa una ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat isaalang-alang ang mga tao—lalo na ang iyong mga iginagalang—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito katanggap-tanggap para sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Medyo natakot ako. Naisip ko kung paano ko hinangaan si Annie mula nang makilala ko siya, at kung paano ako hindi nakatuon sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo sa aking tungkulin, at sa halip ay umasa lang sa kanya. Hinahanap ko siya sa tuwing nagkakaproblema ako at ginagawa ko ang anumang sabihin niya. Talagang tiningala ko siya at hindi ako naglaan ng puwang para sa Diyos sa puso ko. Para sa akin, hindi matatapos ang gawain namin kung wala siya sa iglesia, na para bang makakausad kami nang walang patnubay ng Diyos o mga katotohanang prinsipyo. Isa ba talaga akong mananampalataya? Hindi ba’t sumasamba at sumusunod lang ako sa ibang tao? Ang gayong pag-uugali ay talagang kasuklam-suklam sa Diyos! Hindi nakapagtataka na hindi ko makamit ang gawain ng Banal na Espiritu sa aking tungkulin, at wala akong nakitang anumang pag-usad pagkatapos ng napakatagal na pagsasagawa. Nagdasal ako sa Diyos, gusto kong baguhin ang kalagayan ko at ihinto ang pagtingala sa ibang tao.
Pagkatapos niyon, may mga nangyari na nagpakita sa akin sa totoong Annie. Pagkatapos niyang matanggal, kahit alam na alam niyang maraming kapatid ang gumagalang sa kanya, hindi pa rin niya hinihimay o sinisikap na kilalanin ang kanyang sarili sa mga pagtitipon. Sa halip, umakto siya na parang naagrabyado siya, sinasabing iginagalang niya ang kapareha niya, si Sister Vera, at na kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, ginagawa lang niya ang lahat ng sinasabi sa kanya ni Vera. Nagulat ako nang makitang ipinapasa niya ang sisi kay Vera, at naisip ko, “Malinaw na inilantad at hinimay ng lider ang mga problema ni Annie, kaya bakit wala siyang pagkaunawa sa sarili at walang pananagutan? Hindi iyon pagpapamalas ng pagtanggap sa katotohanan!” Kalaunan, muling itinalaga ng lider si Annie na gumawa ng gawain ng ebanghelyo kasama ko, at bagamat hindi ko na siya gaanong hinahangaan gaya ng dati, masayang-masaya pa rin ako. May kasabihan na, “Kahit ang payat na kamelyo ay mas malaki kaysa sa kabayo,” at pakiramdam ko ay mas magaling pa rin si Annie kaysa sa akin, sa kabila ng lahat ng kanyang mga problema. Gayunpaman, habang nakikipagtulungan sa kanya, natuklasan kong hindi siya madaling pakisamahan o madaling lapitan gaya ng dati at sa halip ay naging napakabagsik. Kapag tinatalakay namin ang gawain, hindi siya nakikinig sa alinman sa mga pananaw ko at madalas na tinatanggihan lang ang mga ito. Maraming beses niya akong iniiwasang kausapin, at sa halip ay nakikipagtalakayan sa sister na nakapareha niya noon. Dahil dito, naramdaman kong napipigilan ako at tinatanggihan. Noong panahong iyon, wala kaming anumang resultang natatamo sa tungkulin namin, kaya nakipagbahaginan ako sa kanya tungkol sa mga problemang natuklasan ko noong panahong nagtutulungan kami. Nagulat ako nang makitang ayaw niyang tanggapin ang alinman sa mga ito, at na pakiramdam niya ay wala siyang anumang problema. Walang pasubali niya akong sinagot, sinasabing, “Magiging prangka ako sa iyo, kaya huwag kang magalit. Hindi ako sanay na katrabaho ka. Hindi ko gusto ang paraan ng pagtatrabaho mo, at naiinip ako rito.” Mas lalo akong naging negatibo nang marinig ito, at pakiramdam ko ay parang napipigilan ko siya.
Kalaunan, nabalitaan ng lider ang tungkol sa mga problema namin at pinungusan niya si Annie dahil sa pagiging mayabang, mapagmagaling, at hindi pagtanggap sa katotohanan. Sa isang pagtitipon, sinabi ni Annie sa lahat na ang pagpupungos sa kanya ay pagmamahal ng Diyos. Umiyak siya, inaamin na binigo niya ang Diyos sa hindi paggawa nang maayos sa kanyang tungkulin. Tila napakasinsero niya, na parang kilala niya talaga ang sarili niya. Gayunpaman, sa aming mga pribadong pakikipag-ugnayan, nagpapakalat lang siya ng pagkanegatibo, sinasabing pagod na siya, at na walang-wala na siyang ganang gawin ang kanyang tungkulin. Sinubukan kong magbahagi sa kanya, pero ayaw niyang makinig. Kapag ikinukuwento ng lider ang tungkol sa pag-usad ng isang kapatid, at kung gaano ito kahusay sa kanyang tungkulin, mas nagiging negatibo si Annie, iniisip na mas pinahahalagahan ng lider ang iba kaysa sa kanya. Lagi niya akong tinatanong kung pinagtatawanan siya ng iba sa likod niya. Malinaw na nagiging negatibo siya at nanghihina na ang kanyang pisikal at mental na kalagayan, pero umaakto siyang napakahusay at malakas sa mga pagtitipon, at nagkukunwaring tinatanggap ang katotohanan at isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Tinitingnan ko pa lang siya ay napapagod na ako. Minsan naitatanong ko sa sarili ko, “Ito ba talaga ang taong dati kong hinahangaan at iginagalang? Hindi siya mukhang isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad!” Napagtanto ko na masyado siyang nakatuon sa katanyagan at katayuan, at na hindi man lang niya tinanggap ang katotohanan. Kapag may nangyayari sa kanya, hindi niya sinusubukang kilalanin ang sarili niya, at madalas na nagpapanggap lang. Hindi siya tamang tao. Kalaunan, patuloy na lumalala ang kalagayan niya. Ilang beses nagbahagi sa kanya ang lider, at kahit na tila tinanggap niya ito, hindi talaga siya nagbago. Kinasusuklaman pa nga niya ang mga kapatid at tinitingnan sila nang may galit sa mga mata niya. Nang mapungusan siya ng lider at ilantad ang kanyang mga problema, kinamuhian at sinisi niya ang Diyos. Hindi niya mapigilan ang sarili na ipasa sa mga balikat ng Diyos ang responsibilidad para sa lahat ng masasamang nangyari. Nakita ko na mayroon siyang mapanirang kalikasan, at napopoot siya sa Diyos at sa katotohanan. Siya ay isang demonyo, isang anticristo. Kalaunan, hindi na siya pinayagang mamuhay ng buhay-iglesia o gumanap ng tungkulin.
Medyo matagal-tagal akong hindi mapanatag pagkaalis ni Annie. Nagtaka ako kung bakit ko siya sinamba at hinangaan nang husto, hanggang sa puntong ginusto ko pa ngang maging katulad niya. Naisip ko kung paanong palagi kong hinahangaan ang mga taong magaling magsalita, na kayang tiisin ang matinding pagdurusa at talikdan ang lahat para igugol ang kanilang sarili sa Diyos, at ang mga taong inaresto at pinahirapan nang hindi ipinagkakanulo ang Diyos. Bakit ko masyadong sinasamba at hinahangaan ang mga taong ito? Anong ideya ang naghahari sa akin? Pagkatapos, isang araw, nakita ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Nagagawa ng ilang tao na magtiis ng mga paghihirap, magsakripisyo, magpakita ng mabuting asal, maging medyo kagalang-galang, at magalak sa paghanga ng iba. Masasabi ba ninyo na maituturing na pagsasagawa ng katotohanan ang ganitong klase ng ipinapakitang pag-uugali? Matutukoy kaya ng isang tao na natutugunan ng gayong mga tao ang mga layunin ng Diyos? Bakit paulit-ulit na nakakakita ang mga tao ng gayong mga indibiduwal at iniisip nila na napapalugod nila ang Diyos, na tumatahak sila sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, at sinusundan ang daan ng Diyos? Bakit ganito ang iniisip ng ilang tao? Isa lamang ang paliwanag para dito. Ano ang paliwanag na iyon? Na para sa napakaraming tao, ang ilang katanungan—tulad ng ano ang ibig sabihin ng isagawa ang katotohanan, ano ang ibig sabihin ng palugurin ang Diyos, at ano ang ibig sabihin ng tunay na taglayin ang katotohanang realidad—ay hindi gaanong malinaw. Sa gayon, may ilang tao na madalas mailigaw ng mga tao na sa tingin ay mukhang espirituwal, marangal, matayog, at dakila. Tungkol naman sa mga taong mahusay bumigkas ng mga salita at doktrina, at ang pananalita at mga kilos ay tila karapat-dapat sa paghanga, yaong mga nalilinlang ng mga ito ay hindi natingnan kailanman ang diwa ng kanilang mga kilos, ang mga prinsipyo sa likod ng kanilang mga gawa, o kung ano ang kanilang mga mithiin. Bukod pa riyan, hindi nila natingnan kailanman kung tunay na nagpapasakop sa Diyos ang mga taong ito, ni hindi nila natukoy kailanman kung tunay na may takot sa Diyos ang mga taong ito o wala at umiiwas sila sa kasamaan o hindi. Hindi nila nahiwatigan kailanman ang pagkataong diwa ng mga taong ito. Sa halip, simula sa unang hakbang ng pagkilala sa kanila, unti-unti na nilang hinangaan at iginalang ang mga taong ito, at sa huli, naging mga idolo nila ang mga taong ito. Bukod pa riyan, sa isipan ng ilang tao, ang mga idolong sinasamba nila—at pinaniniwalaan nila na kayang iwan ang kanilang pamilya at trabaho, at tila paimbabaw na nagagawang magsakripisyo—ang mga tunay na nagpapalugod sa Diyos at talagang magtatamo ng magagandang kahihinatnan at hantungan. Sa kanilang isipan, ang mga idolong ito ang mga taong pinupuri ng Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). “Iisa lamang ang ugat na dahilan kaya nagiging gayon kamangmang ang mga kilos at pananaw ng mga tao, o isang panig lamang ang mga opinyon at gawi nila—at ngayon ay sasabihin Ko sa inyo ang tungkol dito: Ang dahilan nito ay na, bagama’t maaaring sinusunod ng mga tao ang Diyos, nagdarasal sila sa Kanya araw-araw, at binabasa nila ang Kanyang mga pagbigkas araw-araw, hindi nila talaga nauunawaan ang mga layunin Niya. Narito ang ugat ng problema. Kung may nakaunawa sa puso ng Diyos, at nakaalam kung ano ang gusto Niya, ano ang kinasusuklaman Niya, ano ang nais Niya, ano ang inaayawan Niya, anong klaseng tao ang minamahal Niya, anong klaseng tao ang inaayawan Niya, anong klaseng pamantayan ang ginagamit Niya kapag may hinihingi Siya sa mga tao, at anong klaseng pamamaraan ang ginagamit Niya para gawin silang perpekto, maaari pa rin kayang magkaroon ang taong iyon ng sarili nilang mga opinyon? Maaari kayang basta humayo ang mga tao at sambahin nila ang ibang tao? Maaari kayang maging idolo nila ang isang ordinaryong tao? Ang mga taong nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay magtataglay ng medyo mas makatwirang pananaw kaysa riyan. Hindi nila basta iidolohin ang isang taong natiwali, ni hindi sila maniniwala, habang tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan, na ang pikit-matang pagsunod sa isang simpleng panuntunan o mga prinsipyo ay katumbas ng pagsasagawa ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Tumpak ang mga salita ng Diyos para sa kalagayan ko. Napagtanto ko na mali ang pananaw ko sa pananampalataya ko sa lahat ng taon na iyon, iniisip na kung ang isang tao ay matagal nang nananalig sa Diyos, kung masigasig niyang ginugugol ang kanyang sarili, nagdurusa at nagbabayad ng halaga, at gumagawa ng maraming trabaho, nangangahulugan ito na isinasagawa niya ang katotohanan at mayroon siyang katotohanang realidad, at siya ang uri ng taong kinalulugdan ng Diyos at mayroong lugar sa iglesia. Kaya, nang makita kong matagal nang mananampalataya si Annie, na marami siyang nagawang sakripisyo at nagdusa nang husto para ipalaganap ang ebanghelyo, at na malinaw at lohikal siya sa kanyang pangangaral at pagbabahagi, nalihis ako ng kanyang dakilang imahe at mabuting pag-uugali, at nagsimulang hangaan at sambahin siya. Pagkatapos lang basahin ang mga siping iyon ng salita ng Diyos ko nakita kung gaano ako kahangal at kawalang-malay, at napakakatawa-tawa ng ideyang pinanghawakan ko. Kapag nagsasakripisyo ang isang tao at ginugugol ang kanyang sarili, kapag nagdurusa siya at nagbabayad ng halaga sa kanyang tungkulin, iyon ay mababaw lang na mabubuting pag-uugali. Hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang mabuting pagkatao o na mahal niya ang katotohanan, at tiyak na hindi ito nangangahulugan na taglay niya ang katotohanang realidad. Kahit na mahusay magsalita si Annie at patuloy na tinatalikdan at ginugugol ang kanyang sarili sa loob ng 20 taon ng pagiging mananampalataya niya, itinuring niya ang mga bagay na ito bilang personal na kapital, at palaging ginagamit ito para magpakitang-gilas, ipagmalaki ang kanyang sarili, at dalhin ang mga tao sa harapan niya. Hindi niya talaga nagawang tanggapin o isagawa ang katotohanan. Kahit gaano pa karaming beses siyang pinungusan, o gaano man karaming kabiguan o kamalian ang nagawa niya, hindi siya kailanman nagnilay-nilay para kilalanin ang kanyang sarili, at talagang hindi siya tunay na nagsisi. Noong pinahahalagahan siya ng iba at taglay niya ang mataas na katayuan, napakasigla niya sa tungkulin niya, at nagagawa niyang magpuyat at ibuhos ang lahat dito. Pero pagkatapos niyang matanggal, nawala ang lahat ng kanyang pagnanais na gawin ang kanyang tungkulin, at naging mapanlaban at napopoot. Sa patago, nagpapakalat siya ng pagkanegatibo pero sa panlabas, sinasabi niyang may pagkakautang siya sa Diyos at mukhang nagsisisi talaga. Ipinaramdam nito sa ibang tao na isinaalang-alang niya ang mga layunin ng Diyos, na mayroon siyang tayog at taglay ang katotohanang realidad, kaya hinangaan at sinamba siya ng lahat. Matapos siyang mapungusan, sinabi niya sa lahat na ito ay pagmamahal ng Diyos, pero lihim niyang sinisisi at kinasusuklaman ang Diyos. Hindi ba’t isa siyang anticristo na namumuhi sa katotohanan at sa Diyos? Sa wakas ay naunawaan ko na dahil lang sa matagal nang nananalig ang isang tao sa Diyos, at kayang magsakripisyo at mahusay magsalita, may karanasan, at hinahangaan ng iba, hindi iyon nangangahulugan na nasa kanila ang katotohanang realidad, at tiyak na hindi ito nangangahulugan na kinalulugdan sila ng Diyos. Gaano man katagal nang nananalig ang isang tao o gaano man siya nagsikap, kung hindi niya isinasagawa ang katotohanan at hindi pa rin nababago ang kanyang satanikong disposisyon, isa pa rin siyang taong lumalaban sa Diyos sa kanyang diwa, at sa huli ay malalantad at matitiwalag siya. Tinutupad nito ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:22–23). Kalaunan, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Wala Akong pakialam kung gaano man kapuri-puri ang iyong pagsisikap, kung gaano man kahanga-hanga ang iyong mga kwalipikasyon, kung gaano mo man kahigpit Akong sinusunod, kung gaano ka man kabantog, o kung gaano mo man pinabuti ang iyong pag-uugali; hangga’t hindi mo natutugunan ang Aking mga hinihingi, hindi mo kailanman makakamit ang Aking papuri. Iwaksi mo na sa lalong madaling panahon ang lahat ng iyong kaisipan at mga pagtataya at simulang seryosohin ang Aking mga hinihingi; kung hindi, gagawin Kong abo ang lahat ng tao nang sa gayon ay mawakasan na ang Aking gawain at, sa pinakamalala ay ipawalang-saysay ang Aking mga taon ng paggawa at pagdurusa, sapagkat hindi Ko madadala ang Aking mga kaaway at yaong mga tao na umaalingasaw sa kasamaan at may anyo ni Satanas sa Aking kaharian o dalhin sila sa susunod na kapanahunan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno). “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Talagang naantig ang puso ko ng mga salita ng Diyos. Hindi itinatakda ng Diyos ang kahihinatnan o hantungan ng isang tao ayon sa kung gaano karami ang pinaghirapan at iniambag niya, kung gaano kabuti siyang kumilos, o kung gaano karaming trabaho ang nagawa niya, ibinabatay ito ng Diyos sa kung nasa kanya o wala ang katotohanan. Hindi hinuhusgahan ng Diyos ang mga tao sa panlabas, hinuhusgahan Niya sila ayon sa kanilang diwa. Tinitingnan Niya kung mahal nila ang katotohanan at kayang isagawa ito, kung nagpapasakop sila sa Kanya at sumusunod sa Kanyang kalooban. Napagtanto ko na talagang mayroong matuwid at banal na disposisyon ang Diyos. May mga pamantayan sa paghuhusga Niya sa mga tao, at mga prinsipyo kung paano Niya tinatrato ang mga tao, nang walang kahit kaunting panghihimasok ng mga damdamin ng laman. Hindi tinutukoy ng Diyos na matuwid o mabuti ang isang tao dahil lang sa nagpapakita siya ng kaunting sigasig, o kung nag-aambag o nagdurusa siya nang kaunti. Sa kabaligtaran, gaano man katagal nang nananalig sa Diyos ang isang tao, gaano man karami ang kanyang nagawa, o gaano man kaganda ang kanyang reputasyon, sa huli ay ititiwalag siya ng Diyos kung hindi niya isinasagawa ang katotohanan at binabago ang kanyang tiwaling disposisyon. Pagkatapos kong maunawaan ito, lalo kong naramdaman na mangmang at kaawa-awa ako. Sa lahat ng taon ng pananampalataya ko, hindi ko hinangad ang katotohanan o naunawaan ang mga layunin ng Diyos. Ibinatay ko lang ang pananalig ko sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, at patuloy na sinasamba ang ibang tao. Napakabulag ko at napakamangmang! Naisip ko ang salita ng Diyos: “Sa buong sangkatauhan, walang sinumang maaaring magsilbing isang huwaran para sa iba, dahil lahat ng tao una sa lahat ay magkakapareho at hindi nagkakaiba sa isa’t isa, na may kakaunting pagkakaiba para matukoy sila sa isa’t isa. Dahil dito, kahit ngayon ay hindi pa rin lubusang nalalaman ng mga tao ang Aking mga gawa. Kapag sumasapit ang Aking pagkastigo sa buong sangkatauhan, nang hindi nila mismo alam, saka lamang sila nagkakaroon ng kamalayan sa Aking mga gawa, at kung hindi Ko ginawa ang anumang bagay o pinilit ang sinuman, makikilala Ako ng mga tao, at sa gayon ay masasaksihan nila ang Aking mga gawa. Ito ang Aking plano, ito ang aspeto ng Aking mga gawa na ipinapakita, at ito ang dapat malaman ng tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 26). Napakalinaw ng salita ng Diyos. Ang mga tao ay ginawang tiwali ni Satanas at may diwa ni Satanas. Wala tayong ibang ibinubunyag kundi mga satanikong disposisyon. Wala ni isa sa atin ang karapatdapat sambahin. Kung naunawaan ko iyon noon, hinding-hindi ko sana sinamba o inidolo ang isang tao.
Hindi nagtagal pagkatapos niyon, natanggal ako dahil sa matagal na panahon na wala akong natamo sa tungkulin ko. Noong panahong iyon, marami akong pinag-isipan at pinagnilayan ko kung bakit ako nabigo. Ginunita ko kung paanong naipit ako sa isang kalagayan ng pagsamba at pagtingala kay Annie, at kung paanong naniwala ako na nauunawaan niya ang katotohanan at taglay ang realidad dahil lang sa matagal na siyang mananampalataya, nangaral ng ebanghelyo sa loob ng maraming taon, nagdusa nang husto, at maraming karanasan sa gawain. Madalas kong ginagaya ang ugali niya at pinupuntahan siya kapag may mga problema ako. Tinatanggap ko kaagad ang anumang mga pananaw na ipinapahayag niya, nang hindi pinag-iisipan ito, at ginagawa lang ang anumang sabihin niya. Hindi man lang ako naglaan ng puwang sa puso ko para sa Diyos. Hindi ko hinahanap ang katotohanan kapag nagkakaproblema ako, at walang anumang mga prinsipyo sa mga kilos ko. Nakikinig lang ako sa isang tao—kay Annie. Paanong pananalig iyon sa Diyos? Hindi ba’t sinusundan ko lang ang isang tao? Katulad ito mismo ng sinasabi ng Diyos: “Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang lunukin ang gawain ni Cristo at hindi mo ito matanggap. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa katakutan magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang tunay kong kalagayan. Nang gunitain ko ang mga taon ng aking pananampalataya, nakita ko na ang mga taong hinangaan ko ay lahat nagtataglay ng kakayahan at mga kaloob, at sinusuportahan at pinahahalagahan ng iba, at na itinuring ko ang bawat salita at gawa nila bilang isang bagay na dapat tularan. Hindi ko kailanman naitanong sa sarili ko kung ano ang mga layunin ng Diyos, kung ang mga kilos ko ay ang ninanais ba ng Diyos, o kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo. Bulag ko lang na sinamba at sinundan ang ibang tao, at umasa pa nga akong maging katulad nila. Buong panahon akong nasa maling landas, hinahangad ang higit pang pagdurusa at gawain, at umaasa sa kakayahan at karanasan habang ginagampanan ang aking tungkulin. Hindi ako tumuon sa paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo at mas hindi ko binibigyang-diin ang sarili kong pagpasok sa buhay. Bilang resulta, hindi ko gaanong naunawaan ang katotohanan sa ilang taon ng pananampalataya ko, at naapektuhan ang buhay ko. Napagtanto ko kung gaano ako kamangmang at kakaawa-awa. Binigyan tayo ng Diyos ng napakaraming salita, at halos hindi ko naisaulo ang alinman sa mga ito, pero napakalinaw kong natatandaan ang lahat ng sinabi ni Annie, at lahat ng pananaw na ipinahayag niya, at palagi akong nagmamadaling isakatuparan ang mga iyon. Palagi akong umasa sa kanya sa aking tungkulin, at hindi man lang ako naglaan ng puwang para sa Diyos sa puso ko. Lubusang naglantad sa akin ang sitwasyong ito kay Annie. Lalo na pagkatapos ng kanyang pagkatanggal, nang mabunyag ang marami niyang problema at nagtrabaho kaming muli nang magkasama, dakila pa rin ang imahe niya sa isip ko. Nagpatuloy akong umasa sa kanya sa tungkulin ko at paulit-ulit kong iniisip ang kawikaan na, “Kahit ang payat na kamelyo ay mas malaki kaysa sa kabayo,” naniniwalang mas magaling pa rin si Annie kaysa sa akin kahit na may mga problema siya. Ganap na sataniko ang pananaw na ito. Masyado ko siyang sinamba, hindi ko hinanap ang mga katotohanang prinsipyo sa mga pakikipag-ugnayan namin at ganap akong walang pagkakilala. Palagi kong itinuturing ang mga bagay-bagay ayon sa mga maladiyablong salita ni Satanas. At kalaunan, nang dumami na nang dumami ang mga nalalantad na problema ni Annie, hindi ko pa rin siya nakilala o inilantad. Patuloy ko lang siyang sinusundan, napipigilan niya, at namumuhay sa negatibo at miserableng kalagayan. Karapat-dapat lang talaga sa akin ang lahat ng napala ko! Tinitingala ko si Annie at umaasa sa kanya sa tungkulin ko, pero ano ang naibigay niya sa akin? Panlilihis, pagpigil, at pagtanggi. Ipinaramdam din niya sa akin na miserable at napipigilan ako, nang walang pag-asang makalaya, at mas lalo akong napapalayo sa Diyos. Bagamat nananalig ako sa Diyos, hindi ako umasa o tumingala sa Kanya, at hindi ko man lang hinangad ang katotohanan. Sumamba at sumunod lang ako sa mga tao. Isa akong hangal na walang pagkakilala. Ang mabigo at bumagsak nang ganoon ay tunay na pagiging matuwid at pagliligtas ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagbubunyag na ito, napag-isipan kong mabuti ang maling landas na tinatahak ko, nasuri ang mga kakatwang pananaw na kinikimkim ko, at nahanap ang katotohanan para malutas ang mga problema ko. Kasabay nito, nadama ko rin ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan. Sinabi ng Diyos na “Yaong mga hindi naghahangad ng katotohanan ay hindi makakasunod hanggang sa kahuli-hulihan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos), at totoong-totoo ito. Ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay tiyak na malalantad at matitiwalag ng Diyos. Ang mga kabiguan ng taong tinitingala ko—at ang sarili ko ring mga kabiguan—ay ang pinakatumpak na patunay nito.
Makalipas ang ilang buwan, ipinares ako kay Sarah para sa gawain ng ebanghelyo. Nabalitaan ko na pagkatapos manalig sa Diyos, binitiwan niya ang isang magandang trabaho para magawa ang kanyang tungkulin, at na talagang kinaya niyang tiisin ang paghihirap, nagtataglay ng mahusay na kakayahan, at may karanasan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Matagal-tagal ko na siyang kilala at nakita ko na labis siyang nagmamalasakit sa gawain ng iglesia. Aktibo siyang nagbabahagi sa mga pagtitipon, at anuman ang mga pangyayari o gaano man karaming tao ang naroroon, hindi siya kailanman napipigilan, at nagsasalita siya nang napakamahinahon at walang takot. Nagbabahagi at tumutulong siya sa mga kapatid kapag nagkakaproblema sila, at talagang sinang-ayunan siya ng lahat. Pakiramdam ko ay isa siyang taong naghahangad sa katotohanan, at hinangaan ko siya. At bagamat masaya ako na magkaroon ng pagkakataong makatrabaho siya, naalala ko rin ang dati kong kabiguan, at kung paanong ang pagpapahalaga sa kakayahan at mga kaloob ng iba ay nagtulak sa akin na sambahin at sundan sila. Natahak ko ang maling landas dahil dito at naging mapinsala ito sa buhay ko. Alam ko na hindi ko pwedeng ituring ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng ganoong uri ng mapanlinlang na perspektiba pagdating sa pakikipag-ugnayan ko kay Sarah, at na kailangan ko siyang harapin alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. May mahusay na kakayahan si Sarah at karanasan sa pagbabahagi ng ebanghelyo, kaya marami akong natutunan sa kanya para mapunan ang mga pagkukulang ko. Pero isa rin siyang tiwaling tao, na may mga tiwaling disposisyon, mga kakulangan, at mga kamalian. Hindi ako pwedeng sumamba at umasa sa kanya. Kung mayroon siyang mga problema o mga paglihis sa tungkulin niya, hindi ko siya pwedeng bulag na susundan. Kailangan kong gumamit ng pagkakilala at pakitunguhan siya ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kalaunan, sa mga talakayan namin sa gawain, napansin ko na hindi gaanong praktikal ang karamihan sa mga mungkahi ni Sarah. Naramdaman din ng dalawa pang sister na hindi magiging epektibo ang mga ito, pero talagang iginiit ni Sarah ang mga ito. Sa tuwing hindi niya mapaaprubahan ang isang ideya, naiipit kami rito, at matagal na nananatiling hindi magkasundo, na talagang nakaantala sa pag-usad ng gawain namin. Unti-unti kong nakita na mayabang si Sarah, mapagmagaling, at mapagmatigas, at sumasama ang loob niya kapag hindi natatanggap ang mga mungkahi niya. Nawawalan siya ng pasensya, at napipigilan nito ang ibang tao. Hindi siya gumaganap ng positibong papel sa grupo namin, at ginagambala at hinahadlangan niya ang pag-usad ng gawain, kaya’t iniulat ko ang palagian niyang pag-uugali sa lider. Matapos maunawaan ang sitwasyon, inilantad at sinuri ng lider ang mga isyu ni Sarah at sinubukan siyang tulungan, pero tumanggi siyang tanggapin ito, kaya tinanggal siya ng lider. Matapos maranasan iyon, talagang napayapa ang pakiramdam ko. Pakiramdam ko ay nabago ko na sa wakas ang mga mapanlinlang na ideya ko at hindi na ako sumasamba at sumusunod sa mga tao tulad ng dati. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagsasaayos ng mga sitwasyong iyon para tulungan akong magkaroon ng pagkakilala at matutunan ang mga aral na iyon.