29. Bakit Ako Laging Nagpapanggap?
Noong Agosto 2021 nagsimula akong magsanay sa pagdidilig ng mga bagong mananampalataya. Dahil hindi ako masyadong magaling sa pagbigkas ng Ingles, natakot ako na kapag nakipagbahaginan ako sa kanila ay hahamakin nila ako, kaya karaniwan ay nakikipag-usap lang ako sa kanila sa pamamagitan ng pagmemensahe. Subalit, ang pagpapatuloy ng ganoong gawi ay nakaapekto sa pag-usad ng pagdidilig. Sa isang pagtitipon, ibinahagi ng isang sister na hindi siya mahusay mag-Ingles, pero gusto niyang verbal na makipagbahaginan sa mga baguhan at matugunan ang kanilang iba’t ibang kuru-kuro at paghihirap nang nasa oras, kaya gumamit siya ng translation software bilang pantulong. Sa ganoong paraan, kaya niyang makipagbahaginan sa kanila nang nagsasalita hangga’t maaari. Nahiya ako nang ihambing ko iyon sa sarili kong saloobin sa aking tungkulin. Kahit na hindi siya magaling magsalita ng Ingles, nakahanap pa rin siya ng paraan para makausap nang pasalita ang mga baguhan. Ang tanging problema ko ay hindi magaling ang pagbigkas ko. Ayos naman ako sa pang-araw-araw na pag-uusap, pero natatakot ako na baka sabihin ng mga baguhan na hindi maganda ang Ingles ko, kaya naman ayaw kong makipag-usap nang pasalita sa kanila. Nagkaroon ito ng direktang epekto sa resulta ng pagdidilig ko. Parami nang parami ang mga bagong mananampalataya na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, kaya kailangan naming palakasin ang gawain namin sa pagdidilig at tulungan silang magtatag ng pundasyon sa tunay na daan sa lalong madaling panahon. Pero isinasaalang-alang ko lang ang sarili kong reputasyon at katayuan, hindi kung paano madidiligan kaagad ang mga baguhan. Wala akong katiting na pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos! Kaya’t nagdasal ako, handang sumandal sa Diyos at subukang makipag-usap nang pasalita sa mga baguhan. Nagsimula akong sanayin ang aking sinasalitang Ingles pagkatapos niyon, nagsimula ako sa mga baguhang kilala ko na. Matapos ang maikling panahon, hindi na ako gaanong takot na magkaroon ng pasalitang pakikipag-usap. Naaalala ko minsang nakikipag-usap ako sa isang bagong mananampalataya, at hindi ko lang matatas na naipahayag ang sarili ko, kundi nalutas pa ang kanyang isyu. Hindi ako makapaniwala—hindi ko kailanman inakala na ang isang verbal na talakayan ay maaaring maging mas epektibo kaysa sa ilang araw ng pagmemensahe.
Noong dumami nang dumami ang mga baguhan na sumasapi sa iglesia, ako at si Sister Mavis ay pinagpareha ng lider para mangasiwa sa gawain ng pagdidilig. Nang marinig ko ang pagsasaayos na ito, nagulat talaga ako. Kakasimula ko pa lang magsagawa ng pagdidilig sa mga baguhan, marami pang katotohanan tungkol sa gawain ng Diyos na hindi ko nauunawaan, at katamtaman lang ang galing ko sa Ingles. Paano ko aakuin ang ganoong uri ng responsibilidad? Mas matagal nang nagdidilig si Mavis ng mga baguhan kaysa sa akin, kaya mas marami siyang karanasan sa lahat ng bagay. Magaling din siyang magsalita ng Ingles. Kung ipapareha ako sa kanya, kung iisipin ang mga aktuwal kong kakayahan, hindi ba mabubunyag ang totoo sa sandaling ibuka ko ang bibig ko? Baka sabihin niya na hindi malinaw ang pagbabahagi ko tungkol sa katotohanan, na hindi ako angkop sa tungkuling iyon. Habang nag-aalala ako tungkol doon, dumating si Mavis upang talakayin sa akin ang gawain at tinanong niya ako kung gaano ako kagaling mag-Ingles. Walang pagdadalawang-isip na sinabi kong, “Hindi ako magaling mag-Ingles. Nakakaintindi ako, pero hindi ako mahusay magsalita. Maayos ang pakikipag-usap ko nang pasulat.” Sumagot siya, “Kung gayon pwede kang maging responsable sa pagsasaayos ng mga oras ng pagtitipon kasama ng mga bagong mananampalataya, at magiging responsable ako sa pakikipagbahaginan sa kanila. Pwede tayong magtulungan.” Pagkatapos kong marinig na sabihin ito ni Mavis, naisip kong magandang palusot ang pagsasabing hindi ako masyadong magaling mag-Ingles, at hindi ko na kailangang magsalita sa mga pagtitipon. Hangga’t tahimik ako, hindi kailanman magiging halata ang mga kapintasan at pagkukulang ko. Tapos kapag nagdidilig si Mavis ng mga baguhan, pwede akong nandoon na nakikinig at natututo, at pagtagal-tagal, sa sandaling matutunan ko na ang mga bagay-bagay, kaya ko nang verbal na makipag-usap sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi nila ako mahahalata.
Noong unang beses na magkasama naming diniligan ni Mavis ang mga baguhan, napansin kong nakikipag-ugnayan siya sa kanila sa matatas na pag-i-Ingles, pero maliban sa “Hello!” ay hindi na ako naglakas-loob na magsalita ng kahit ano pa. Napagkasunduan namin na kapag tapos na ang pagtitipon, kakausapin ko ang mga bagong mananampalataya para maunawaan ko ang kanilang mga isyu at pakikibaka upang malutas ang mga ito sa lalong madaling panahon, pero nag-aatubili ako. Sa unang pakikipag-ugnayan nila kay Mavis, nakita nila kung gaano siya kahusay mag-Ingles at malinaw siyang nakakapagbahagi sa katotohanan. Kung kakausapin nila ako pagkatapos niyon at maririnig nila akong nahihirapang magsalita, makikita nila kung gaano kalaki ang pagkakaiba. Tapos ano na lang ang iisipin nila sa akin? Paulit-ulit ko iyong pinag-isipan, at nagpasya akong patuloy na mag-type ng mga mensahe. Pagkatapos niyon, bukod sa pakikipag-ugnayan nang pasalita sa ilang baguhan na medyo pamilyar na sa akin, nakipag-ugnayan ako sa ibang baguhan sa pamamagitan ng pagta-type ng mga mensahe. Pero isa iyong mas mabagal na paraan ng pakikipag-usap. Madalas magpapadala ako ng mensahe sa isang baguhan at hindi siya online, tapos kapag tumugon naman sila ay hindi ko napapansin. Ang ilang isyu na pwedeng malutas nang pasalita sa loob lamang ng ilang minuto, ay hindi nalulutas kahit ilang araw pa sa pamamagitan ng pagta-type ng mga mensahe. Noon lamang sinuri namin ang nagawa naming trabaho, saka ko nakita na halos kalahati ng mga bagong mananampalataya na responsibilidad ko ay hindi normal na dumadalo sa mga pagtitipon. Natulala ako. Paano ito nangyayari? Tinanong ako ni Mavis, “Bakit palagi kang nagmemensahe sa mga bagong mananampalataya? Bakit ni minsan hindi mo sila direktang kinakausap?” Nag-atubili akong magsalita, dahil ayaw kong sabihin sa kanya. Alam ko na kung direkta ko silang kinausap para lutasin ang kanilang mga problema at paghihirap, ang ilan sa kanila ay nagsimula na sanang dumalo sa mga pagtitipon nang normal. Ngunit natakot akong ipakita ang mga kahinaan ko at umasa na lang ako sa pagmemensahe, kung kaya’t ganito ang kinahinatnan.
Noong gabing iyon, hindi ako mapakali at hindi ako makatulog. Lalong sumasama ang pakiramdam ko habang mas iniisip ito. Kung hindi malulutas kaagad ang mga pagkalito at iba’t ibang kuru-kuro ng mga bagong mananampalataya, maaari silang umatras anumang oras. Isa iyong malubhang pagpapabaya sa tungkulin! Bakit ba ako nagpumilit na magmensahe tungkol sa isang bagay na pwede namang malutas sa tatlong minutong pag-uusap? Hindi iyon dahil sa hindi ako marunong magsalita ng Ingles. Nagawa ko namang makipag-usap nang pasalita kamakailan lang, kaya bakit hindi ko na ginagawa iyon? Nainis ako sa sarili ko nang maisip ko kung paanong hindi dumadalo nang normal sa mga pagtitipon ang ilang baguhan dahil hindi ko sila nadiligan nang maayos. Sa sobrang sama ng loob ko, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan akong maunawaan ang sarili ko. Tapos, nabasa ko ang siping ito sa mga salita ng Diyos: “Ang mga tao mismo ay mga nilikha. Kaya ba ng mga nilikha na magkamit ng walang-hanggang kapangyarihan? Kaya ba nilang maging perpekto at walang anumang mali? Kaya ba nilang maging mahusay sa lahat ng bagay, maunawaan ang lahat ng bagay, makilatis ang lahat ng bagay, at makaya ang lahat ng bagay? Hindi nila kaya. Gayunman, sa kalooban ng mga tao, mayroong mga tiwaling disposisyon, at isang malalang kahinaan: Sa sandaling matuto sila ng isang kasanayan o propesyon, pakiramdam ng mga tao ay may kakayahan sila, na sila ay mga taong may katayuan at may halaga, at na sila ay mga propesyonal. Gaano man sila kapangkaraniwan, nais nilang lahat na ipresenta ang kanilang sarili bilang sikat o katangi-tanging indibidwal, na gawing medyo tanyag na tao ang kanilang sarili, at ipaisip sa mga tao na perpekto sila at walang kapintasan, wala ni isang depekto; sa mga mata ng iba, nais nilang maging sikat, makapangyarihan, o dakilang tao, at gusto nilang maging napakalakas, kaya ang anumang bagay, nang walang hindi nila kayang gawin. Pakiramdam nila, kapag humingi sila ng tulong sa iba, magmumukha silang walang kakayahan, mahina, at mas mababa, at na hahamakin sila ng mga tao. Sa dahilang ito, palagi nilang nais na patuloy na magkunwari. Ang ilang tao, kapag pinagawa ng isang bagay, ay nagsasabing alam nila kung paano ito gawin, kahit na sa katunayan ay hindi. Pagkatapos, palihim, sasaliksikin nila ito at susubukang matutuhan kung paano ito gawin, ngunit pagkatapos itong pag-aralan nang ilang araw, hindi pa rin nila nauunawaan kung paano ito gawin. Kapag tinanong kung kumusta sila rito, sinasabi nila, ‘Malapit na, malapit na!’ Pero sa kanilang puso, naiisip nila, ‘Hindi ko pa nauunawaan, wala akong ideya, hindi ko alam kung ano ang gagawin! Hindi ako puwedeng magpahuli, dapat ituloy ko ang pagkukunwari, hindi ko maaaring hayaang makita ng mga tao ang aking mga pagkukulang at kamangmangan, hindi ko maaaring hayaang hamakin nila ako!’ Anong problema ito? Isa itong impiyernong buhay na sinusubukang huwag mapahiya sa anupamang paraan. Anong klaseng disposisyon ito? Walang hangganan ang kayabangan ng gayong mga tao, nawalan na sila ng buong katwiran. Ayaw nilang maging katulad ng iba, ayaw nilang maging karaniwang mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o kahanga-hanga. Napakalaking problema nito! Patungkol sa mga kahinaan, mga pagkukulang, kamangmangan, kahangalan, at kawalan ng pang-unawa sa loob ng normal na pagkatao, babalutan nila ang lahat ng iyon, hindi ipapakita sa ibang mga tao, pagkatapos ay patuloy silang magpapanggap. … hindi ba’t namumuhay ang gayong mga tao nang lumilipad ang isip? Hindi ba nangangarap sila nang gising? Hindi nila kilala kung sino sila mismo, ni hindi nila alam kung paano isabuhay ang normal na pagkatao. Ni minsan ay hindi sila kumilos na tulad ng praktikal na mga tao. Kung araw-araw ka na lang lutang mag-isip, iniraraos lang ang gawain, walang ginagawang anumang praktikal, at laging namumuhay nang ayon sa sarili mong imahinasyon, problema ito. Ang landas sa buhay na iyong pinili ay mali” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, nakita ko na nagpapanggap ako at nagbabalatkayo. Natakot ako na hahamakin ako ng mga bagong mananampalataya dahil hindi mahusay ang pagsasalita ko ng Ingles, kaya hindi ako naglakas-loob na makipag-usap sa kanila. Pagkatapos naming magsimulang magtulungan sa trabaho ni Mavis, nakita ko na talagang mahusay siyang mag-Ingles at mas malinaw ang pagbabahagi niya tungkol sa katotohanan kaysa sa akin. Nag-alala ako na kung ikukumpara ay makikita ako ng mga kapatid ko na isang kabiguan, at natakot akong mahahalata ako ni Mavis, kaya lalo pa akong nagpanggap. Nang tanungin ako ni Mavis kung kumusta ang Ingles ko, sinadya kong sabihin na hindi ako mahusay rito, naghahanap ng dahilan para hindi ko na kailangang verbal na makipagbahaginan. Sa tuwing magkasama kaming dalawa na nagdidilig, hindi ako nagsasalita. Hindi ko tinutupad ang sarili kong tungkulin. Kapag nagdidilig ako ng mga baguhan, nagmemensahe ako sa kanila sa halip na direkta silang kausapin, na nangangahulugang maraming isyu ng mga baguhan ang hindi nalutas sa lalong madaling panahon, kaya nanatili ang kanilang pagiging negatibo at hindi sila dumalo sa mga pagtitipon. Inaantala ko ang gawain namin. Lagi akong nagpapanggap, sa takot na mabunyag ang mga kahinaan ko. Nais kong matutunan ang mga bagay-bagay nang walang nakakakita at pagkatapos ay bumalik at pahangain ang lahat. Napakayabang ko! Hindi ko kayang harapin nang tama ang mga kapintasan at pagkukulang ko, kundi gusto kong magmukhang namumukod-tangi at naiiba sa lahat. Katulad lang ito ng isang bagay na inihayag ng Diyos: “Ayaw nilang maging katulad ng iba, ayaw nilang maging karaniwang mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o kahanga-hanga. Napakalaking problema nito!” Hindi mahusay ang kasanayan kong mag-Ingles, at wala pa akong gaanong karanasan sa gawain ng pagdidilig. Isinaayos ng iglesia na diligan ko ang mga dayuhang baguhan at binigyan ako nito ng pagkakataon na isagawa ang isang bagay na dapat ay pinahalagahan ko. Pero sa halip na gawin nang maayos ang tungkulin ko, gusto ko laging pagtakpan ang mga kapintasan ko at kumilos na para bang kaya kong gawin ang anuman para tingalain at hangaan ako ng iba. Wala talaga akong anumang katwiran o kamalayan sa sarili. Alam kong kailangan ko nang ihinto ang pagpapanggap at pagbabalatkayo. Anuman ang isipin ng iba, kailangan ko nang bitawan ang aking banidad, at isakatuparan ang tungkulin ko at mga responsibilidad. Iyon ang kailangan kong isagawa.
Nabasa ko ang ilan pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga kamalian, iyong mga kakulangan, iyong mga kasalanan, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at tapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Sa harap ng Diyos, gaano ka man magbalatkayo, gaano mo man ikubli ang iyong sarili, o anuman ang ikatha mo para sa sarili mo, malinaw na nauunawaan ng Diyos ang lahat ng pinakatotoo mong saloobin at ang mga bagay na nakatago sa pinakamalalalim, at kaloob-loobang parte mo; walang kahit isang taong may itinatagong saloobin ang makakatakas sa masusing pagsisiyasat ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Habang pinagbubulay-bulayan ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang unang hakbang sa paglutas ng aking tiwaling disposisyon ay ang matutong magtapat, huminto sa pagpapanggap at pagkukunwari, at ilantad ang mga kakulangan, pagkabigo, at katiwaliang inihahayag ko. Kailangan kong maging isang simple, tapat, at praktikal na tao sa harap ng mga kapatid at sa harap ng Diyos. Sa gayon ay gagaan ang pakiramdam ko at magiging malaya ako sa aking tungkulin. Ang maunawaan ito ay nagbigay sa akin ng tiwala at lakas ng loob na isagawa ang katotohanan, at kaya hinanap ko ang lider at si Mavis, at hayagang sinabi sa kanila ang tungkol sa kalagayan ko at pagkaunawa. Hindi nila ako hinamak, kundi matiyaga silang nakipagbahaginan sa akin tungkol sa sarili nilang mga karanasan para tulungan akong maunawaan ang aking isyu. Kapag nagdidilig ako ng mga baguhan pagkatapos niyon, hindi na ako napipigilan ng banidad ko. Nagsimula na akong magtuon sa aking verbal na pakikipag-usap sa kanila para mas mabilis ko silang matulungang lutasin ang mga pagkalito nila. Kapag may nakikita akong isang salita na hindi ko alam o hindi ko kayang bigkasin, kumukuha ako ng diksyunaryo o gumagamit ng translation software. Sa paglipas ng panahon, humusay ang pagsasalita ko ng Ingles. Naramdaman ko na sa pamamagitan ng hayagang pakikipagbahaginan sa aking mga kapatid at hindi pagpapanggap o pagiging peke, kaya kong matutunan ang katiwalian at mga pagkakamali ko at agad na mabago ang masamang kalagayan ko. Tulad ng sinasabi ng Diyos: “Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Akala ko na pagkatapos maranasan ang lahat ng ito ay kaya ko nang magtapat at magbago. Ngunit, pagkatapos ay naibunyag na naman ako ng ibang sitwasyon.
Isang beses, ilang bagong mananampalataya ang gustong ibahagi ang ebanghelyo sa ilan nilang kapamilya at kaibigan, kaya ipinaliwanag namin ng lider ng grupo ang mga prinsipyo sa paggawa nito sa kanila. Katatapos ko lang ipakilala ang sarili ko nang sabihin ng isa sa mga bagong mananampalataya na hindi niya maintindihan ang sinasabi ko. Agad na tumulong magpaliwanag ang lider ng grupo, sinasabing hindi mahusay ang pagbigkas ko sa Ingles, at pagkatapos ay nagsimulang makipag-usap sa mga baguhan. Pakiramdam ko talaga ay para akong tagalabas habang nakikinig ako sa kanila na matatas na nag-uusap—dama kong namumula ang mukha ko. Sobrang nakakahiya iyon. Sa simula, nais kong magkaroon ng pagkakataon ang lider ng grupo na matuto mula sa akin at makapagsagawa, pero hindi ko man lang maipakilala nang maayos ang sarili ko—ano kaya ang iisipin ng lider ng grupo at ng mga baguhang iyon sa akin? Iisipin ba nilang hindi ako marunong mag-Ingles, kaya tiyak na wala rin akong kakayahan sa trabaho? Sino ang makikinig sa akin pagkatapos niyon kapag kinukumusta ko ang mga bagay-bagay? Ang mga kaisipang ito ay nag-iwan sa akin ng hindi maipaliwanag na pakiramdam ng pagkabigo, at talagang nalumbay ako. Nang panahong iyon, ang lider ng iglesia ay miyembro din ng grupo. Natakot ako na baka mag-online siya, makita kung ano ang nangyayari, isipin na hindi ako marunong mag-Ingles at na hindi ko magawa ang trabaho, at pagkatapos ay tanggalin ako. Ayaw kong mahalata nila ako, kaya sinimulan ko na namang itago ang mga pagkukulang ko, nakikipag-usap sa pamamagitan ng pagta-type ng mensahe sa halip na pasalita, at ginagawang pribadong one-on-one chat ang talakayan ng grupo. Paglipas ng ilang panahon, nagsimula akong talagang mahapo. Natatakot akong malaman ng lahat ang katotohanan ng usapin at maliitin nila ako. Namumuhay ako araw-araw sa ganoong kalagayan at wala akong oras o lakas para isipin kung paano gawin nang maayos ang tungkulin ko. Pakiramdam ko ay padilim nang padilim ang aking puso at hindi ko man lang maramdaman ang patnubay ng Diyos. Wala rin akong direksyon sa tungkulin ko. Alam kong nasa mapanganib akong kalagayan, pero hindi ko ito malagpasan. Kaya, nagdasal ako sa puso ko, hinihiling sa Diyos na gabayan ako para makaalis ako rito.
Isang araw napanood ko ang isang video ng patotoo na pinamagatang Sa likod ng Pagpapanggap, at ang ilang salita ng Diyos na lumitaw rito ay nag-iwan sa akin ng malalim na impresyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anong klaseng disposisyon ito kapag ang mga tao ay palaging nagpapanggap, palaging pinagtatakpan ang kanilang sarili, palaging nagmamagaling upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag palagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspekto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang buktot na bagay. Tingnan natin ang mga miyembro ng satanikong rehimen: Gaano man sila maglaban-laban, mag-away-away, o pumatay nang lihim, walang sinumang maaaring mag-ulat o magsiwalat sa kanila. Natatakot sila na makikita ng mga tao ang kanilang mala-demonyong mukha, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ito. Sa harap ng iba, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ang kanilang sarili, sinasabi nila kung gaano nila kamahal ang mga tao, kung gaano sila kadakila, kamaluwalhati at kung paano sila hindi nagkakamali. Ito ang kalikasan ni Satanas. Ang pinakaprominenteng katangian ng kalikasan ni Satanas ay ang panloloko at panlilinlang. At ano ang layon ng panloloko at panlilinlang na ito? Para dayain ang mga tao, para pigilan silang makita ang diwa at tunay na kulay nito, at nang sa gayon ay makamtan ang layon na mapatagal ang pamumuno nito. Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang magkaroon ng magandang pagtingin ang ibang tao tungkol sa kanila, at magkaroon ng mataas na tingin ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa mataas na katayuan ng mga ito, sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito. … Ang paggawa ng mga pagkakamali o pagpapanggap: alin sa mga ito ang may kaugnayan sa disposisyon? Ang pagpapanggap ay isang usapin ng disposisyon, may kaakibat itong mapagmataas na disposisyon, kabuktutan, at panlilinlang; ito ay higit na itinataboy ng Diyos. … Kung hindi mo susubukang magkunwari o pangatwiranan ang sarili mo, kung kaya mong aminin ang iyong mga pagkakamali, sasabihin ng lahat na tapat ka at matalino. At ano ang ikinatalino mo? Ang lahat ng tao ay nagkakamali. Ang lahat ng tao ay may mga pagkukulang at kapintasan. At ang totoo, lahat ng tao ay may magkakaparehong tiwaling disposisyon. Huwag mong isipin na mas marangal, perpekto, at mabait ka kaysa sa iba; lubos na pagiging hindi makatwiran iyan. Sa sandaling malinaw na sa iyo ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang diwa at totoong hitsura ng kanilang katiwalian, hindi mo na susubukang pagtakpan ang sarili mong mga pagkakamali, ni hindi mo isusumbat ang pagkakamali ng ibang tao sa kanila—mahaharap mo nang tama ang dalawang ito. Saka ka lamang magkakaroon ng kabatiran at hindi gagawa ng mga kahangalan, na siyang ikatatalino mo. Ang mga hindi matatalino ay mga taong hangal, at palagi silang nakatuon sa maliliit na pagkakamaling nagawa nila habang palihim na kumikilos. Kasuklam-suklam itong makita. Sa katunayan, halatang-halata kaagad ng ibang mga tao ang ginagawa mo, subalit lantaran ka pa ring nagpapanggap. Nagmumukha kang katatawanan sa iba. Hindi ba’t kahangalan ito? Talagang kahangalan ito. Walang anumang karunungan ang mga hangal na tao. Kahit gaano pa karaming sermon ang marinig nila, hindi pa rin nila maunawaan ang katotohanan o makita ang anumang bagay sa kung ano talaga ito. Palagi silang nagmamagaling, iniisip na naiiba sila sa lahat, at mas kagalang-galang sila; ito ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili, ito ay kahangalan. Ang mga hangal ay walang espirituwal na pagkaunawa, hindi ba? Ang mga bagay kung saan hangal at mangmang ka ay ang mga bagay kung saan wala kang espirituwal na pagkaunawa, at hindi madaling maunawaan ang katotohanan. Ito ang realidad ng usaping ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Medyo pinag-isipan ko ang mga salita ng Diyos—nabigla talaga ako nito. Ang pagpapanggap at paggawa ng pagkakamali ay magkaiba sa kalikasan. Hindi ako magaling mag-Ingles, kaya kapag nagkakamali ako, pwede akong matuto at magsanay. Ngunit lagi akong nagpapanggap para hindi makita ng iba ang totoong ako. Nakakubli sa likod nito ang aking mga tiwaling disposisyon ng kayabangan, pagkamapanlinlang, at kasamaan. Iyon ay kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos. Nagsasanay pa ako kung paano gawin ang tungkuling iyon, kaya hindi maiiwasan ang mga pagkakamali, kapabayaan, at pagpapahayag ng katiwalian. Iyon ay mga bagay na hindi dapat ikahiya, at nalulutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Pero mula nang tanggapin ko ang responsibilidad ng gawain ng pagdidilig, inilagay ko ang sarili ko sa posisyon ng isang namamahala, at inisip na kailangan kong maging mas mahusay kaysa sa isang regular na tao, dahil kung hindi, hahamakin ako ng mga baguhan. Nang sabihin ng bagong mananampalatayang iyon na hindi niya maintindihan ang sinasabi ko, pakiramdam ko ay nalantad ang mga kakulangan ko at nasira ang reputasyon ko, at hahamakin ako ng mga bagong mananampalataya at hindi ako pakikinggan. Mas nag-alala pa nga ako na makikita ng lider ang pagkukulang ko at iisipin niyang hindi ko kayang gawin ang trabaho, at pagkatapos ay tatanggalin ako. Nag-isip ako ng paraan para itago ang mga kabiguan ko para protektahan ang katayuan at reputasyon ko, na pinaabot ko pa sa pagkaantala sa gawain ng iglesia. Pinalitan ko ang verbal na pakikipag-usap ng mga pasulat na palitan, at gumamit ng pribadong pakikipag-chat sa halip na pagpupulong ng grupo para talakayin ang gawain, na nakaantala sa gawain ng pagdidilig. Nasa kalagayan ako ng pagiging mapagbantay at palayo ako nang palayo sa Diyos. Napakamapanlinlang ko noon! Nanginig ako nang mabasa ko ang bahagi ng mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa satanikong kalikasan. Sinasabi ng Diyos na ang pinakakapansin-pansing aspeto ng isang satanikong kalikasan ay ang panlalansi at panlilinlang, na iyon ay napakabuktot. Ang malaking pulang dragon ay napakahusay sa pagpapanggap at panlilinlang. Lagi nitong ibinibida ang “dakila, maluwalhati, at tama” nitong imahe para maakit ang mga tao na sambahin at sundin ito, lahat dahil sa pagsisikap nitong matiyak ang diktadura nito. Ginagawa nito ang lahat upang maitago ang lahat ng masasamang bagay na ginagawa nito sa likod ng mga eksena, kaya naliligaw at nalilinlang ang mga tao sa mundo. Sa pagninilay sa ugali ko, nakita kong nagpapanggap ako para magkaroon ako ng positibong imahe sa iba, at makita lang nila ang maganda sa akin. Nagpapakita ako ng mapanlinlang at buktot na disposisyon! Hindi ba’t ganito ang disposisyon ng malaking pulang dragon? Ano ang pakinabang ng pagtatamo ng paggalang at paghanga ng iba sa pamamagitan ng panlilinlang at pagpapanggap? Sa pagtatago ng mga kapintasan at pagkukulang ko, sa panlilinlang para dayain ang Diyos at ang ibang mga tao, hindi lang ako hindi umusad, kundi naantala ko rin ang gawain ng pagdidilig sa mga baguhan. Hindi ba’t kahangalan iyon? Maraming bagong mananampalataya ang nagbabasa ng mga salita ng Diyos at natututo tungkol sa Kanyang layunin na iligtas ang sangkatauhan. Nakikita nila ang mga sakunang lumalaganap at ang pandemyang palala nang palala, at alam nila na ang pagtanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang tanging landas para manatiling buhay ang mga tao. Bukal sa loob nilang ibahagi ang ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan at pamilya, para dalhin sila sa harap ng Diyos upang matamo nila ang pagliligtas ng Diyos. Pero wala ako ni katiting na pakialam sa kanilang pagpasok sa buhay. Para mapanatili ang aking walang silbing banidad, hindi ko kaagad tinutugunan ang mga tanong ng mga kapatid tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Naantala niyon ang napakaraming tao sa pagsisiyasat sa tunay na daan at pagbaling sa Diyos. Hindi ba’t ginawa ako noon na isang hadlang, isang balakid sa gawain ng ebanghelyo? Habang pinagninilayan ko ito, napagtanto ko na namumuhay ako ayon sa tiwali kong disposisyon, at bagamat tila ginagawa ko ang aking tungkulin, ang totoo ay nilalabanan ko ang Diyos, inaantala ang gawain ng iglesia, at pinipinsala ang mga kapatid. Kinamuhian ko ang sarili ko at nasusuka ako sa sarili ko mula sa kaibuturan ng aking puso. Pakiramdam ko ay napakalaki ng pagkakautang ko sa Diyos at binigo ko rin ang mga kapatid ko. Nagdasal ako sa Diyos na handa na akong magsisi, at nais kong matatag na hangarin ang katotohanan at gawin ang aking tungkulin.
Isang beses sa aking mga espirituwal na debosyonal, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag. Ang matutuhan kung paano maging bukas kapag nagbabahagi ay ang unang hakbang sa buhay pagpasok. Susunod, kailangan mong matutong himayin ang iyong mga saloobin at kilos para makita kung alin ang mali at kung alin ang hindi gusto ng Diyos, at kailangan mong baligtarin at ituwid kaagad ang mga iyon. Ano ang layunin ng pagtutuwid sa mga ito? Iyon ay para tanggapin at kilalanin ang katotohanan, habang inaalis ang mga bagay sa loob mo na nabibilang kay Satanas at pinapalitan ang mga ito ng katotohanan. Dati, ginawa mo ang lahat ayon sa iyong mapanlinlang na disposisyon, na sinungaling at bulaan; pakiramdam mo ay wala kang magagawa nang hindi nagsisinungaling. Ngayong nauunawaan mo na ang katotohanan, at kinasusuklaman ang mga paraan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ka na kumikilos nang ganoon, kumikilos ka na nang may kaisipan ng katapatan, kadalisayan, at pagpapasakop. Kung wala kang itatago, kung hindi ka magpapanggap, magkukunwari, o magkukubli ng mga bagay-bagay, kung magpapakatotoo ka sa mga kapatid, hindi itatago ang iyong mga kaloob-loobang ideya at saloobin, sa halip ay hahayaang makita ng iba ang tapat mong saloobin, kung magkagayon ay unti-unting mag-uugat sa iyo ang katotohanan, sisibol at mamumunga ito, magbubunga ito ng mga resulta nang paunti-unti. Kung lalong nagiging tapat ang iyong puso, at lalong nakahilig sa Diyos, at kung alam mong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at nababagabag ang iyong konsensiya kapag nabibigo kang maprotektahan ang mga interes na ito, ito ang katunayan na nagkaroon ng bisa sa iyo ang katotohanan, at ito ang siyang naging buhay mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang tiyak na landas ng pagsasagawa. Kailangan kong gawin ang tungkulin ko nang may dalisay at matapat na puso, at gaano man kataas o kababa ang tayog ko, o anumang mga kapintasan at pagkukulang ang mayroon ako, hindi ako pwedeng magpanggap. Kailangan kong ipakita ang totoo kong sarili sa lahat, at ipagtapat ang tungkol sa aking sarili kahit pa nagkamali ako. Ang pamumuhay sa ganitong paraan ay hindi nakakapagod, at sinasang-ayunan ito ng Diyos. Sa katunayan, ang mga problema at pagkukulang ko ay hindi mawawala dahil lamang sinusubukan kong itago ang mga ito, kaya dapat kong harapin ang mga ito nang mahinahon, kilalanin kung ano ang kulang sa akin, at maging isang tao na kayang magtapat at magbukas. Kung mayroon akong hindi nauunawaan, kailangan kong magtanong at matuto pa para unti-unti akong humusay sa gawain ko. Isa pa, ang pagsasaayos ng lider na maging tagapamahala ako ay dapat isang responsibilidad na tinatanggap ko mula sa Diyos, hindi isang katayuan. Kailangan kong bitawan ang identidad ng isang namamahala, at unahin ang tungkulin ko. Anuman ang isipin o sabihin ng ibang tao, kailangan kong itama ang mga motibo ko, malaman kung saan ako lulugar, at gawin ang tungkulin ng isang nilikha.
Magmula noon, binibitawan ko na ang pagpapahalaga ko sa sarili at aktibong nilalapitan ang mga baguhan para verbal silang makausap para tumulong sa paglutas ng mga paghihirap at isyu na mayroon sila sa kanilang mga tungkulin. Mas nagsanay rin ako sa pakikipag-usap ng Ingles at sinanay ko ang pagbigkas ko, at kapag nahaharap ako sa mga bagay-bagay na hindi ko maunawaan, nagtatanong ako sa mga kapatid at natututo mula sa mga kalakasan nila. Minsan, noong lumahok ako sa isang online na pagtitipon kasama ng ilang bagong mananampalataya, nang nagsisimula na kaming magbatian, nahirapan akong sabihin ang pangalan ng isa sa kanila. Paulit-ulit na itinatama ng bagong mananampalataya ang pagbigkas ko. Medyo napahiya ako, at nagtataka kung bakit niya ito masyadong sineseryoso. Ayos lang na itama ito nang isang beses lang, habang nakikinig ang lahat ng taong iyon! Pagkatapos ay naalala ko ang isang bagay na sinasabi ng Diyos: “Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Totoo ito—kapag mali ako, mali ako. Bakit ba kailangan ko laging itago iyon? Sa halip na isipin ko ang aking tungkulin, nananatili ang isip ko sa aking banidad, at walang paraan para magawa ko nang maayos ang tungkulin ko kung may ganoon akong pasanin. Kaya, pinakalma ko ang sarili ko at nagdasal ako, hinihiling sa Diyos na gabayan ako na bitawan ang pagpapahalaga ko sa sarili at manatiling nakatuon sa tungkulin ko. Pagkatapos magdasal, hindi na ako nakaramdam ng pagkapahiya, at hindi na ako masyadong napipigilan ng hindi magandang pagbigkas ko. Hiniling ko sa baguhan na tulungan akong itama ang aking pagbigkas. Pagkaraan ng kaunting panahon, sinabi ng isang sister na nakapartner ko noon, “Ano ang karaniwan mong ginagawa para magsanay na magsalita ng Ingles? Talagang maayos ang pakikipag-usap mo sa mga bagong mananampalataya. Napakalaki na ng inihusay mo sa loob ng ilang buwan mula noong huli tayong magkita!” Talagang naantig ako nang marinig ko ito, at alam kong ang lahat ng ito ay patnubay at biyaya ng Diyos. Habang mas nagkakaroon ako ng ganitong mga karanasan, mas lalo kong nararamdaman na ang pagtatapat tungkol sa tunay kong kalagayan, hindi pagpapanggap o pagtatakip sa sarili ko, at matatag na paggawa sa tungkulin ko, ay isang pagsasagawa na nagbibigay ng kapayapaan sa puso ko. Salamat sa Diyos!