28. Huwag Hayaang Pangunahan Ka ng Inggit

Ni Li Fang, Tsina

Naglilingkod ako bilang lider ng iglesia noong tag-init ng 2017. Dahil sa mga pangangailangan sa gawain, isinaayos ng nakatataas na lider na makasama ko sina Sister Yang Guang at Sister Cheng Xin sa pangangasiwa sa gawain ng iglesia, at sinabi niya sa akin na tulungan ko sila. Pagkalipas ng ilang panahon, nakita kong ang dalawang kapatid ay nagdadala ng pasanin sa tungkulin nila at nakagagawa sila ng mabilis na pag-usad. Hindi ko na kailangang alalahanin ang ilang bagay—maayos na natatalakay at napangangasiwaan ng dalawang kapatid ang mga iyon. Noong una, talagang masaya ako tungkol doon, pero kalaunan, hindi ko na ito nagugustuhan. Naisip ko, “Ako ang lider, kaya makatwiran lang na ang mga bagay tungkol sa iglesia, malaki man o maliit, ay dapat talagang talakayin muna sa akin. Pero ngayon, nagsasaayos ang dalawang kapatid na ito ng ilang bagay nang hindi sumasangguni sa akin. Hindi nila ako sineseryoso! Kung magpapatuloy ito, hindi ba’t magiging lider na lang ako sa pangalan?”

Sa isang pagtitipon, binanggit ng diyakono ng pagdidilig sina Yang Guang at Cheng Xin. Sinabi niya, “Talagang nagdadala sila ng pasanin sa kanilang tungkulin. Dati, palagi kaming kulang sa mga tagadilig, pero mula nang dumating sila, hindi lang napabilis ang mga paglilipat, naging mabisa rin ang gawain sa pagdidilig….” Pagkatapos itong marinig, sa panlabas ay nagpasalamat ako sa Diyos, ngunit sa puso ko, hindi ako gaanong nasiyahan at naramdaman kong nag-iinit ang aking mukha. Naisip ko, “Mukhang mas iniisip ng iba ang dalawang kapatid na iyon kaysa sa akin. Ilang taon na akong lider, at ilang araw pa lang itong ginagawa ng dalawang kapatid. Mas magaling ba sila sa akin?” Ayaw ko itong tanggapin, at wala na akong narinig na anumang sinabi ng diyakono ng pagdidilig pagkatapos niyon. Nanlulumo akong naglakad pauwi pagkatapos ng pagtitipon. Noong gabing iyon, paikot-ikot ako sa kama, hindi makatulog. Talagang sumasama ang loob ko sa tuwing naiisip ko ang sinabi ng diyakono ng pagdidilig. Ilang taon na akong lider, ngunit hindi ko man lang mapantayan ang dalawang kapatid na kasisimula pa lang magsanay. Ano na lang ang iisipin sa akin ng nakatataas na lider kapag nalaman niya ito? Sasabihin kaya niyang hindi ako mahusay at hindi angkop na maging lider? Dati ay tinitingala ako ng iba, iisipin kaya nila ngayon na mas magaling ang mga kapatid na iyon sa akin? Susuportahan kaya nila ang dalawang iyon sa halip na ako sa hinaharap? Pakiramdam ko, nasapawan na ako nina Sister Yang Guang at Sister Cheng Xin, at napuno ako ng inggit at sama ng loob sa kanila. Kung anu-ano ang tumatakbo sa isip ko noong panahong iyon, natatakot akong hindi ligtas ang posisyon ko. Tahimik kong hinimok ang sarili kong galingan sa gawain at magsikap na mas pagbutihin sa lahat ng aming proyekto, at ipakita sa iba na hindi naman talaga ako pangalawa lang sa mga kapatid na iyon. Pagkatapos niyon, gumigising ako nang maaga at nagpupuyat araw-araw. Nangunguna ako sa lahat ng mahahalagang gawain at mabilis na nilulutas ang anumang problemang dumarating, sa takot na baka mauna ang mga kapatid sa akin. Minsan, umaasa pa nga akong magkamali at mapahiya sila. Isang araw, habang sinusuri ang mga aklat ng iglesia, nakakita kami ng mga hindi pagtutugma sa bilang ng mga ipinadala at tinanggap. Ang mga kapatid ang nangangasiwa sa pamamahagi at pagtanggap ng mga aklat, at habang nababalisa sila sa paghahanap ng pinagmulan ng kaguluhan, hindi ko lang sila hindi tinulungan, nagsaya pa ako sa kasawian nila, iniisip na, “Akala ko ba napakagaling ninyong dalawa—ano nang gagawin ninyo ngayon?” Sa tonong naninita, sinabi ko sa kanilang malaking bagay kung may problema sa mga aklat ng iglesia. Lalo pa silang nabalisa at naapektuhan ang kalagayan nila dahil dito. Medyo nasiyahan ako nang palihim, “Tingnan natin kung iisipin pa rin ng nakatataas na lider na mas magaling kayo kaysa sa akin ngayong nakagawa kayo ng ganito kalaking pagkakamali! Kung mananatili kayo sa negatibong kalagayang ito, hindi ko na kailangang alalahin ang banta sa aking posisyon.” Noong panahong iyon, medyo nakonsensiya ako at napagtanto kong sumusobra na ako, pero hindi ko talaga ito pinagnilayan.

Kalaunan, sa ilang kadahilanan ay binago ang tungkulin ni Cheng Xin, na nag-iwan sa amin ni Sister Yang Guang na magkasama sa gawain. Isang araw habang nasa isang talakayan tungkol sa gawain, napansin ko na palaging hinihingi ng nakatataas na lider ang opinyon ni Sister Yang Guang habang nakaupo lang ako sa isang tabi, pakiramdam ko ay nabalewala ako. Hindi ko maiwasang isipin na baka tumututok ang lider sa pagsasanay sa kanya dahil mas bata siya at mas may kakayahan. Nakaramdam ako ng labis na pagkabigo. Dati-rati, palaging tinatalakay ng lider ang mga bagay-bagay sa akin, pero ngayon, napakataas na ng tingin niya kay Yang Guang. Hindi ba ipinakikita niyon na mas magaling si Yang Guang kaysa sa akin? Lumilitaw na naman ang inggit ko. Noong panahong iyon, pinagagalitan ko si Yang Guang sa tuwing may napapansin akong mga paglihis sa kanyang gawain at minsan ay hindi ko lang siya kinikibo. Nagmamadali akong mamuno sa bawat patitipon at lumutas ng mga problema ng iba, hindi ko siya binibigyan ng pagkakataong magbahagi. Lumala nang lumala ang kalagayan niya at hindi na siya nagdadala ng pasanin para sa gawain ng iglesia; may ilang gawain na hindi niya agad naasikaso at nagdulot ito ng ilang kawalan sa gawain ng iglesia. Noong panahong iyon, medyo nakonsensiya ako. Pakiramdam ko, malaki ang kinalaman ko sa negatibo niyang kalagayan, pero hindi ako nagnilay sa sarili ko. Wala akong anumang pagkaunawa sa sarili kong kalagayan hanggang sa dinisiplina ako ng Diyos.

Isang araw, bigla na lang sumama ang pakiramdam ko at nilagnat ako, pagkatapos ay inubo. Akala ko, umaatake na naman ang hika ko, pero nang lumaon, lumala nang lumala ang ubo ko at walang gamot na nakatutulong. Kahit gaano ko pa kagusto, hindi ako makapagbahagi sa mga pagtitipon. Pumunta ako sa doktor para patingnan ito, at sinabihan ako na may malala akong bronchiectasis at tuberkulosis. Sinabi ng doktor na malubha ang mga sakit na ito at inaabot nang higit isang taon na gamutan para makontrol. Nang marinig ko iyon, napaupo na lang ako sa gulat, miserableng-miserable ang pakiramdam ko. Nagkaroon na ako ng tuberkulosis dati at talagang napakahirap nitong gamutin. Paano ito bumalik ulit, at bakit ganito kaseryoso ang kaso nito ngayon? Dahil nakahahawa ang tuberkulosis, hindi ako puwedeng lumapit sa mga kapatid. Nangangahulugan iyon na hindi ko magagawa ang tungkulin ko. Gumagawa ako ng tungkulin sa buong panahon ng aking pananampalataya. Iniwan ko pa nga ang pamilya at trabaho ko para igugol ang sarili ko. Lalo na at noong panahong iyon, talagang abala ang iglesia at ako ang namumuno sa lahat ng ito. Bakit ako nagkaroon ng ganito kalalang sakit? Ano ang layunin ng Diyos? Habang lalo ko itong iniisip, lalong sumasama ang pakiramdam ko, at madalas akong nagtatago sa ilalim ng aking kumot nang umiiyak. Minsan, umiiyak akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Sobrang sakit ng nararamdaman ko. Hindi ko alam kung paano ito malalagpasan. Pakiusap, bigyan Mo ako ng kaliwanagan para maunawaan ko ang Iyong layunin, para matuto ako ng aral sa sakit na ito.”

Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos sa aking mga debosyonal. Sabi ng Diyos: “Karaniwan, kapag humaharap ka sa isang malubhang karamdaman o kakaibang sakit na nagdudulot sa iyo ng matinding pagdurusa, hindi ito nagkakataon lang. May karamdaman ka man o nasa mabuting kalusugan, naroon ang layunin ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan). Habang pinagninilayan ito, napagtanto kong hindi aksidente ang pagpapahintulot ng Diyos na magkaroon ako ng malubhang sakit, kundi tiyak na naglalaman ito ng layunin ng Diyos. Kailangan kong pagnilayan nang mabuti ang sarili ko. Nagdasal ako at paulit-ulit na naghanap mula sa Diyos. Sa aking pagninilay, bigla kong napagtanto na ang palagi kong pagkainggit kay Yang Guang noong panahong iyon, at ang aking hindi natitinag na pagsisikap para sa personal na katanyagan at pakinabang ay naging dahilan para mahadlangan si Sister Yang at nakaapekto ito sa gawain ng iglesia. Nang mapagtanto ko ito, nakonsensiya at napuno ako ng pagsisisi. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Malupit na sangkatauhan! Ang pakikipagsabwatan at intriga, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, inaasahan, katayuan, karangyaan, at kayamanan, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan). “Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging malisyoso! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga hangarin, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Ang ibinunyag ng Diyos ay ang mismong kalagayan ko. Mula nang makita kong mahusay na ginagawa ng dalawang kapatid ang tungkulin nila, mabilis na umuunlad, at nag-aasikaso ng mga bagay-bagay nang hindi komukonsulta sa akin, nabalisa ako at inisip kong hindi nila ako iginagalang. Nang purihin sila ng diyakono ng pagdidilig dahil sa pagiging epektibo sa tungkulin nila, lalo ko pang naramdamang banta sila sa posisyon ko at nasapawan na nila ako. Para patunayang mas magaling ako sa kanila at para protektahan ang posisyon ko, inuunahan ko sila sa pagbabahagi at paglutas ng mga problema ng iba sa mga pagtitipon at hindi sila binibigyan ng pagkakataong makapagbahagi man lang. Nang hindi magtugma ang bilang ng mga aklat ng iglesia, sa halip na tulungan silang hanapin ang dahilan nito, nasiyahan ako sa paghihirap nila at nangutya, na humantong sa pamumuhay nila nang negatibo. Napakamapaminsala ko. Habang iniisip ito, nakonsensiya ako at nagsisi, at umiiyak na nagdasal sa Diyos, “O Diyos! Dahil sa Iyong biyaya kaya nagagawa kong pangasiwaan ang gawain ng iglesia, ngunit masyado akong naging mapaghimagsik. Hindi lang ako nabigong gawin nang maayos ang aking tungkulin at suklian ang Iyong pagmamahal, kundi nainggit pa ako sa mga higit na may abilidad, at nakipaglaban para sa pansariling katanyagan at pakinabang. Nakasusuklam at nakamumuhi sa Iyo ang pag-uugali ko. Diyos ko, gusto kong magsisi at magbago.”

Pagkatapos niyon, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kapag nahaharap sa isang problema, totoong naghahanap ng sagot ang ilang tao mula sa iba, pero kapag nagsasalita ang ibang tao ayon sa katotohanan, hindi nila iyon tinatanggap, hindi sila makasunod, at sa puso nila, iniisip nilang, ‘Hindi hamak na mas magaling ako kaysa sa kanya. Kung makikinig ako sa mungkahi niya sa pagkakataong ito, hindi ba magmumukhang mas magaling siya sa akin? Hindi, hindi ako maaaring makinig sa kanya tungkol sa bagay na ito. Gagawin ko na lang ito sa aking paraan.’ Pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan at palusot para kontrahin ang pananaw ng ibang tao. Anong uri ng disposisyon ito kapag may nakita ang isang tao na mas mahusay kaysa sa kanya at sinusubukan niya siyang pabagsakin, nagkakalat ng mga tsismis tungkol sa kanya, o gumagamit ng mga kasuklam-suklam na paraan para siraan siya at isabotahe ang kanyang reputasyon—inaapakan pa ang kanyang pagkatao—para maprotektahan ng taong ito ang sarili niyang puwang sa isip ng mga tao? Hindi lang ito kayabangan at kapalaluan, ito ay disposisyon ni Satanas, ito ay isang malisyosong disposisyon. Mapaminsala at buktot na nagagawa ng taong ito na batikusin at ihiwalay ang mga taong mas mahusay at mas malakas kaysa sa kanya. At ipinapakita ng hindi niya pagtigil hanggang sa mapabagsak ang mga tao kung gaano siya kademonyo! Dahil namumuhay siya ayon sa disposisyon ni Satanas, malamang na maliitin niya ang mga tao, subukang isangkalan sila, at pahirapan sila. Hindi ba ito paggawa ng masama? At habang namumuhay nang ganito, iniisip pa rin niyang maayos ang lagay niya, na mabuti siyang tao—subalit kapag may nakita siya na taong mas magaling kaysa sa kanya, malamang na pahirapan niya ito, na tapak-tapakan niya ito. Ano ang isyu rito? Hindi ba’t ang mga taong kayang gumawa ng ganoong masasamang gawa ay mga imoral at matitigas ang ulo? Ang mga gayong tao ay iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, isinasaalang-alang lamang nila ang sarili nilang damdamin, at ang tanging nais nila ay matupad ang sarili nilang mga pagnanasa, ambisyon, at mithiin. Wala silang pakialam kung gaano kalaking pinsala ang idinudulot nila sa gawain ng iglesia, at mas gugustuhin nilang isakripisyo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang kanilang katayuan sa isipan ng mga tao at ang sarili nilang reputasyon. Hindi ba’t ang mga taong gaya nito ay mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, mga makasarili at ubod ng sama? Ang gayong mga tao ay hindi lamang mayayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis din silang makasarili at ubod ng sama. Hinding-hindi sila mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. May takot sa Diyos na puso ba ang gayong mga tao? Wala man lang silang takot sa Diyos na puso. Ito ang dahilan kung bakit wala silang pakundangan kung kumilos at ginagawa nila ang anumang gusto nila, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga ibubunga nito. Ito ang madalas nilang ginagawa, at kung paano sila palaging kumikilos. Ano ang kalikasan ng ganoong pag-uugali? Sa mas magaang na salita, ang mga gayong tao ay napakamainggitin at may napakalakas na paghahangad para sa pansariling reputasyon at katayuan; sila ay napakamapanlinlang at traydor. Sa mas masakit na pananalita, ang diwa ng problema ay ang gayong mga tao ay wala man lang may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi sila takot sa Diyos, naniniwala sila na sila ang pinakamahalaga, at itinuturing nila na bawat aspeto ng kanilang sarili ay mas mataas kaysa sa Diyos at mas mataas kaysa sa katotohanan. Sa kanilang puso, ang Diyos ay hindi karapat-dapat banggitin at hindi mahalaga, at wala man lang anumang mataas na katayuan ang Diyos sa kanilang puso. Maisasagawa ba ang katotohanan ng mga walang puwang ang Diyos sa puso nila, at ng mga walang may-takot-sa-Diyos na puso? Hinding-hindi. Kaya, kapag karaniwan ay masaya silang kumikilos at pinananatiling abala ang kanilang sarili at gumugugol ng matinding lakas, ano ang ginagawa nila? Sinasabi pa ng mga taong ito na tinalikuran na nila ang lahat upang gumugol para sa Diyos at nagdusa na sila nang malaki, ngunit ang totoo, ang motibo, prinsipyo, at layon ng lahat ng kilos nila ay para sa sarili nilang katayuan at reputasyon, para maprotektahan ang lahat ng interes nila. Masasabi ba ninyo o hindi ninyo masasabing masama ang ganitong uri ng tao? Anong uri ng mga tao ang naniniwala sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit wala namang may-takot-sa-Diyos na puso? Hindi ba’t mapagmataas sila? Hindi ba’t mga Satanas sila? At anong mga bagay ang pinakawala sa walang takot sa Diyos na puso? Bukod sa mga halimaw, ito ay ang masama at ang mga anticristo, ang kauri ng mga diyablo at ni Satanas. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan; wala silang anumang may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya nilang gumawa ng anumang kasamaan; sila ang mga kaaway ng Diyos, at ang mga kaaway ng Kanyang mga hinirang na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos). Pakiramdam ko ay kaharap ko ang Diyos, hinahatulan ako. Inakala ko na pagkatapos ng ilang taon ng pagiging lider, dapat ay nakatataas at mas magaling na ako sa iba, kaya kinainggitan at tinanggihan ko ang sinumang mas magaling kaysa sa akin. Alam kong may kakayahan ang dalawang kapatid na iyon, na nagdadala sila ng pasanin, at epektibo sa tungkulin nila—mabuti ito para sa gawain ng iglesia at para sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Pero hindi ko isinaalang-alang ang alinman sa mga iyon, ang inalala ko lang ay ang sarili kong reputasyon at katayuan. Palihim akong nakipaglaban sa kanila, naghahanap ng mga paglihis at pagkakamali sa gawain nila, para bagabagin at pahiyain sila. Inilagay sila nito sa masamang kalagayan at hindi na sila nagdadala ng pasanin sa tungkulin nila, na nakapinsala rin sa gawain ng iglesia. Para mapanatili ang sarili kong katayuan, habang kinaiinggitan ko ang mga mas may talento sa akin, hinadlangan ko ang dalawang kapatid na iyon, na nakagagawa ng aktuwal na gawain, hanggang sa sila ay maging negatibo. Sa paggawa niyon, ginagambala ko ang gawain at pinipinsala ang mga interes ng iglesia. Wala akong anumang pagkatao. Pawang satanikong disposisyon ang aking ibinunyag. Hindi kaya ni Satanas na makitang nagtatagumpay ang mga tao, at desperadong makita silang maging negatibo, sumama, at pagtaksilan ang Diyos. Kumikilos ako bilang kampon ni Satanas, ginagambala ang gawain ng iglesia. Bilang lider ng iglesia, dapat ay isinasaalang-alang ko ang mga layunin ng Diyos, nililinang ang mga tao para sa iglesia, para magampanan ng aking mga kapatid ang mga tungkulin nila. Sa halip, hindi lang ako nabigong maglinang ng mga taong may talento, kundi nainggit pa ako sa kanila at siniil sila. Paano iyon naging paggawa ng tungkulin ko? Gumagawa lang ako ng masama at lumalaban sa Diyos.

Isang araw, nagtapat ako sa isang kapatid at nagbahagi tungkol sa pagkainggit ko. Pinakinggan niya ako, pagkatapos ay ibinahagi sa akin ang halimbawa ng pagkainggit ni Saul kay David. Sinabi niyang, “Nang makita ni Saul na ginagamit ng Diyos si David para ipanalo ang mga digmaan at sinuportahan ito ng lahat ng Israelita, nainggit siya kay David at paulit-ulit itong sinusubukang patayin. Sa huli, itinaboy at pinarusahan ng Diyos si Saul.” Kinilabutan ako nang marinig ito. Naisip ko ang lahat ng inasal ko kamakailan. Nang makakuha ang dalawang kapatid ng ilang resulta sa tungkulin nila, nainggit ako sa kanila at hinadlangan pinigilan at siniil ko sila sa bawat pagkakataon. Hindi ko lang sila pinahirapan, ginagawa ko ring kalaban ng Diyos ang sarili ko. Hindi ba’t tulad lang din ako ni Saul? Medyo natakot ako nang naisip ko ito, at napagtanto ko na ito ang maagap na pagkastigo ng Diyos na pumipigil sa akin sa landas ng paggawa ng masama. Kung ipagpapatuloy ko ang pagkilos nang ganoon, magiging kakila-kilabot ang mga kahihinatnan. Kalaunan, paulit-ulit kong pinag-isipan: Bakit ba, kahit na alam na alam kong ayaw ng Diyos sa pagkainggit, hindi ko pa rin mapigilan ang sarili kong gumawa ng mga bagay-bagay para isantabi ang iba? Nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Isa sa mga pinakahalatang katangian ng diwa ng isang anticristo ay sinosolo niya ang kapangyarihan at pinapatakbo ang mga sarili niyang diktadurya: Hindi siya nakikinig sa sinuman, hindi niya iginagalang ang sinuman, at anuman ang mga kalakasan ng mga tao, o anumang tamang pananaw at matalinong opinyon ang ipinapahayag ng mga ito, o anuman ang mga naaangkop na pamamaraan ang inilalatag ng mga ito, hindi niya pinapansin ang mga iyon; ito ay para bang walang sinuman ang kuwalipikadong makipagtulungan sa kanya, o makibahagi sa anumang ginagawa niya. Ito ang uri ng disposisyong mayroon ang mga anticristo. Sinasabi ng ilan na ito ay pagiging masamang uri ng pagkatao—pero paanong ito ay pangkaraniwang masamang uri ng pagkatao? Ito ay ganap na isang satanikong disposisyon; at ang gayong disposisyon ay napakalupit. Bakit Ko sinasabing ang kanilang disposisyon ay napakalupit? Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, at hindi nila pinapayagan ang sinumang makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. … Kapag napapangibabaw ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa isang maliit na gawain, o kapag nagagawa ng isang taong magsalita ng tunay na patotoong batay sa karanasan, at nakakatanggap ng mga pakinabang, napapatibay, at nasusuportahan mula rito ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, at nakatatanggap ito ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at poot sa puso ng mga anticristo, at sinusubukan nilang ihiwalay at supilin ang taong ito. Anuman ang sitwasyon, hinding-hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi maging banta ang mga ito sa kanilang katayuan. … iniisip ng mga anticristo, ‘Hindi ko talaga matitiis ang ganito. Nais mong magkaroon ng papel sa aking nasasakupan, upang makipagpaligsahan sa akin. Imposible iyon; huwag na huwag kang magtatangka. Mas edukado ka kaysa sa akin, mas matatas magsalita kaysa sa akin, mas sikat kaysa sa akin, at mas masikap mong hinahangad ang katotohanan kaysa sa akin. Kung makikipagtulungan ako sa iyo at inagaw mo ang atensyon mula sa akin, ano na lang ang gagawin ko?’ Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi. Ano ang iniisip nila? Iniisip lamang nila kung paano kakapit sa sarili nilang katayuan. Kahit alam ng mga anticristo na hindi nila kayang gumawa ng totoong gawain, hindi nila nililinang o itinataas ng ranggo ang mga taong mahusay ang kakayahan na naghahangad sa katotohanan; ang tanging itinataas nila ng ranggo ay ang mga taong nambobola sa kanila, mga mahilig sumamba sa iba, na sumasang-ayon at humahanga sa kanila sa puso ng mga ito, mga taong mahusay sa pakikipag-ugnayan, na walang pagkaunawa sa katotohanan at hindi kayang kumilatis(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Inihahayag ng Diyos na ang mga anticristo ay walang pagsasaalang-alang para sa gawain ng iglesia at nagnanais lamang na sarilinin ang kapangyarihan. Isinasailalim nila ang iglesia sa kontrol nila at hindi hinahayaang makasali ang sinuman. Ibinubukod at sinisiil nila ang sinumang nagbabanta sa katayuan nila, at masigasig na gumagawa para pagtakpan ang mga kalakasan at kagalingan ng iba. Kumikilos ako na tulad lang ng isang anticristo. Para patatagin ang katayuan ko, ginusto kong masarili ang kapangyarihan at para maging ako lang ang may huling salita sa iglesia. Itinataguyod ko ang mga ideyang, “Isa lang ang lalaking maaaring manguna,” at “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa,” at ayaw kong mahigitan ako ng iba. Nang pangasiwaan ng dalawang kapatid ang ilang usapin at hindi nila tinalakay ang mga ito sa akin, inakala ko na hindi nila ako sineseryoso, at na isa akong lider, kung tutuusin, kaya dapat lang na ipaalam muna sa akin ang mga usapin ng iglesia. Nang magkaroon ng mga problema sa mga tungkulin nila, pinuna ko sila sa pamamagitan ng pagpapalaki sa isyu at sinadya kong ipahiya sila. Ako mismo ang nagho-host ng mga pagtitipon, at hindi ko binibigyan ng pagkakataon ang mga kapatid na ito na magbahagi. At nagsabi pa nga ako ng mga mapanirang bagay tungkol sa kanila habang nakatalikod sila para isipin ng superbisor na hindi sila interesadong magbahagi at na palaging may nakaaasiwang katahimikan sa mga pagtitipon, na parati na lang ako ang gumaganap na host, na para bang sa akin lang dapat ang lahat ng papuri. Mapanlinlang at malupit ang disposisyon ko, at tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Sa puntong iyon, napagtanto ko na kung wala ang pagkastigo at disiplina ng Diyos, at ang paghatol at paghahayag ng Kanyang mga salita, hindi ko kailanman makikita kung gaano kalala ang kalikasan ng mga ginawa ko. Bukod sa sinupil at pininsala ko ang mga kapatid na nakapareha ko, nakagawa rin ako ng mga pagsalangsang at masamang gawa. Noong panahong iyon, nakaramdam ako ng matinding panunumbat sa sarili at pagsisisi. Kinamuhian ko ang sarili ko sa paggawa ng kasamaan, pinagsisihan ko na hindi ko nagawa nang maayos ang tungkulin ko, at nakadama ako ng labis na pagkakautang sa Diyos.

Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Bilang isang lider ng iglesia, hindi mo lamang kailangang pag-aralan na gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema, kailangan mo ring matutunang tumuklas at luminang ng mga taong may talento, na talagang hindi ninyo dapat kainggitan o pigilan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung makakapaglinang ka ng ilang naghahangad ng katotohanan upang makipagtulungan sa iyo at gawin nang maayos ang lahat ng gawain, at sa huli, lahat kayo ay may patotoong batay sa karanasan, kuwalipikado kang lider o manggagawa. Kung nagagawa mong asikasuhin ang lahat nang ayon sa mga prinsipyo, kung gayon ay iniaalay mo ang iyong katapatan. … Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng katapatan sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, natutuhan ko na kailangang tumutok ang mga lider at manggagawa sa pagtuklas at paglinang ng mga taong may talento. Ang pagsupil at pagkainggit sa kanila alang-alang sa mga sariling interes ng isang tao ay nakasusuklam sa Diyos. Naisip ko ang mga pagsisisi ko mula sa pagtatrabaho kasama ang dalawang sister na iyon, at nagpasya ako. Kahit sinong makatrabaho ko sa hinaharap, uunahin ko ang mga interes ng iglesia, agad kong irerekomenda ang sinumang mahuhusay na taong matutuklasan ko, at tutuparin ang aking mga responsabilidad. Nang maglaon, ibinunyag at sinuri ko ang aking katiwalian sa iba sa isang pagtitipon, at habang nagtatrabaho kasama ang lahat, palagi kong pinaaalalahanan ang sarili ko na makipagtulungan sa kanila, na matuto mula sa kanilang mga kalakasan at huwag gumawa ng anumang bagay na makagagambala sa gawain ng iglesia.

Makalipas ang ilang panahon, medyo gumaling na ako mula sa karamdaman ko, at isinaayos ng iglesia na gumawa ako ng produksyon ng video. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, hiniling sa akin ng iglesia na bigyan ko ng ilang teknikal na pagsasanay ang isa pang kapatid. May mahusay siyang kakayahan at madaling matuto. Naisip kong, “Kapag natutuhan niya ang lahat ng teknik na ito, papalitan niya kaya ako? Mamaliitin na kaya ako ng lider kapag nakita nitong mas mabilis matuto ang kapatid na ito kaysa sa akin?” Matapos isipin iyon, ayaw ko nang maging masigasig sa pagsasanay sa kanya. Pagkatapos ay napagtanto kong wala ako sa tamang kalagayan, kaya nagmadali akong magdasal, hiniling sa Diyos na bantayan ang puso ko. May naalala ako mula sa mga salita ng Diyos: “Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Ang mga salita ng Diyos ay nagsilbing maagap na paalala sa akin at naghimagsik ako laban sa aking mga maling pag-iisip at ginawa ang aking makakaya upang sanayin ang kapatid na iyon. Pagkalipas ng ilang araw, nakagagawa na siya ng mga video nang mag-isa. Habang magkasamang nagtatrabaho, ang aming mga tungkulin ay bahagyang naging mas produktibo. Matapos itong maranasan, napagtanto ko na ang maayos na pakikipagtulungan ay nagdudulot ng kagalakan at kapayapaan sa ating mga puso. Tanging sa pamamagitan ng maayos na pakikipagtulungan tayo maaaring magkamit ng kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu at magtamo ng magagandang resulta sa ating mga tungkulin. Ang pagbabagong ito sa akin ay ganap na nakamit sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 27. Ang Nakamit Ko Mula sa Pagtanggap ng Pagpupungos

Sumunod: 29. Bakit Ako Laging Nagpapanggap?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito