23. Ang Isang Tungkulin ay Hindi Nagbubunga Kung Walang Mga Prinsipyo
Noong 2021, nahalal ako bilang lider. Dahil sa mga hinihingi ng trabaho, kalaunan ay umako ako ng responsabilidad sa isa pang iglesia. Dahil napansin kong hindi gaanong epektibo ang gawain, naisip kong, “Tiyak na lubos akong pinahahalagahan ng mga lider na nagsaayos na pumunta ako sa iglesiang ito at umaasa silang mababago ko ang gawain ng iglesiang ito, kaya kailangan kong maging matagumpay at maipakita sa mga lider na kaya kong gumawa ng kaunting aktuwal na gawain.” Tapos, pumunta ako sa bawat grupo sa iglesia para alamin ang sitwasyon ng gawain at lutasin ang mga suliranin at problema ng mga kapatid sa mga tungkulin nila. Nasa masamang kalagayan ang ilang kapatid, kaya mapagmalasakit ko silang tinulungan at sinuportahan. Nang makakita ako ng mga hindi angkop na tao sa mga trabaho, tinalakay ko ito kasama ng mga kapatid na nakapareha ko at agad na inilipat o pinalitan ang mga ito ayon sa mga prinsipyo. Paglipas ng ilang panahon, medyo bumuti ang gawain ng iglesia. Napakasaya ko, at hindi ko maiwasang isipin na, “Mukhang makagagawa ako ng ilang aktuwal na gawain. Kailangan kong patuloy na magsumikap at gumawa ng mas magagandang resulta para makita ng mga kapatid ko na may kakayahan akong magtrabaho at masabi nilang isa akong mahusay na lider.”
Isang araw, habang may sinusuri kaming gawain, napansin kong lubhang humina ang pagkaepektibo ng gawain ng pagdidilig. Ilang baguhan ang hindi dumadalo sa mga pagtitipon. Naisip ko, “Ang lahat ng iba pang gawain ay mas epektibo ngayon, pero humina ang pagiging epektibo ng gawain ng pagdidilig. Hindi ko puwedeng hayaang makaapekto ang gawain ng pagdidilig sa mga pangkalahatang resulta, kung hindi ay sasabihin ng lahat na isa akong walang kakayahan na lider, at magbabago na ang tingin nila sa akin.” Kaya, dali-dali kong pinuntahan ang mga manggagawa ng pagdidilig para siyasatin ito. Nalaman ko noon na hindi isinaalang-alang ng lider ng grupo na si Sister Wu Wen ang mga tunay na paghihirap ng mga baguhan nang nagsaayos siya ng mga pagtitipon at tungkulin nila. Nagsaayos siya ng mga pagtitipon kung kailan kailangang magtrabaho ng ilang baguhan, kaya hindi sila makadalo. Medyo nagalit ako nang marinig ito. Naisip ko, “Malinaw kong sinabi sa kanya na kailangan naming isaalang-alang ang mga sitwasyon ng mga baguhan kapag nagsasaayos kami ng mga pagtitipon at tungkulin para sa kanila. Bakit hindi niya kayang lubusang maunawaan ang mga bagay-bagay at mailapat ang mga ito nang may kakayahang umangkop? Parang wala siyang kakayahang magdilig ng mga baguhan. Siya ang lider ng grupo, at kung lilihis siya sa pagsasagawa niya, makaaapekto ito sa pagiging epektibo ng buong grupo. Kailangan niyang matanggal kaagad. Kung hindi ko siya tatanggalin, hindi kailanman bubuti ang mga resulta ng gawain. Bukod sa hahadlangan nito ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi iisipin pa ng mga nakatataas ko at ng mga kapatid na wala akong kakayahang gumawa o lumutas ng mga aktuwal na problema. Hindi ko hahayaang kuwestyonin ng mga tao ang kakayahan ko.” Kaya binanggit ko ang pagtatanggal kay Wu Wen sa mga katrabaho ko. Sabi ng diyakono ng pagdidilig, “Epektibo si Wu Wen sa pagdidilig ng mga baguhan noon. Baka nasa masamang kalagayan siya kamakailan, at maaaring medyo nagmamadali siya sa pagsasanay ng mga baguhan, na nagdulot ng mga problema. Dapat nating alamin ang sitwasyon niya at pagkatapos ay bahaginan at tulungan siya. Kung hindi siya magbabago matapos ang ilang panahon, puwede na natin siyang tanggalin noon.” Pero hindi talaga ako nakinig. Naisip ko lang, “Hindi naman kasisimula lang magdilig ni Wu Wen ng mga baguhan. Ipinaalala ko na rin ito sa kanya dati. Sa tingin ko, hindi siya tumatanggap ng mga paalala at tulong. Kung hindi namin siya tatanggalin agad, at magkakaroon ng pagkaantala o maapektuhan ang gawain, ako ang mananagot doon. Anuman ang mangyari, sa pagkakataong ito kailangan kong mapasang-ayon sila sa akin at tanggalin si Wu Wen.” Kaya galit kong sinabing, “Hindi epektibo si Wu Wen sa tungkulin niya—pinatutunayan nito na hindi siya mahusay at hindi angkop para sa tungkuling ito. Kung pananatilihin ninyo siya, at hindi bubuti ang mga resulta ng gawain natin, sino sa inyo ang aako sa responsabilidad na iyon? Huwag ninyo akong idamay sa pagtulong ninyo sa kanya!” Nang makita nila ang pag-uugali ko, walang sinabi ang mga katrabaho ko.
Kalaunan, nabalitaan kong napakanegatibo ni Wu Wen matapos siyang mapalitan. Pakiramdam niya ay tinanggal namin siya batay sa panandalian niyang pag-uugali, sa halip na sa isang balanseng pagsusuri ng palagian niyang pag-uugali, at na hindi naaayon sa mga prinsipyo ang ganitong uri ng pagtatanggal. Pero hindi ko lang hindi hinanap ang katotohanan at pinagnilayan ang aking sarili, pakiramdam ko pa ay masyadong mababa ang tayog ni Wu Wen, at hindi niya magawang kilalanin ang sarili niya o matutunan ang mga aral mula sa mga bagay-bagay, kaya ni hindi ko ito sineryoso.
Matapos matanggal si Wu Wen, pinili namin si Sister Zhen Xin bilang lider ng grupo. Masaya kong naisip na, “Magiging mas epektibo na ngayon ang gawain ng pagdidilig.” Pero paglipas ng ilang panahon, nalaman ko na medyo mahina ang abilidad ni Zhen Xin sa paggawa, at hindi siya kasing responsable ni Wu Wen. Hindi niya maarok sa oras ang mga kalagayan ng mga baguhan, at hindi niya alam kung paano magbahagi para malutas ang mga problema nila. Bilang resulta, paglipas ng ilang panahon, hindi pa rin bumuti ang gawain ng pagdidilig. Nagsimula akong mabagabag, at napaisip kung isang pagkakamali ba ang pagtatanggal kay Wu Wen. Pero sa puntong ito ng mga bagay-bagay, nagpasya akong magbahagi at magbigay ng karagdagang tulong kay Zhen Xin, para makita kung mapapabuti ba ang mga resulta niya.
Habang dumarami ang mga baguhan sa iglesia, ang pangunahing priyoridad ay ang agad na magsanay ng mas maraming tagapagdilig. Kaya sinimulan ko agad na maghanap ng mga kandidato. Naisip ko si Sister Chen Chen, na natanggal kamakailan. Nangaral na siya ng ebanghelyo dati at nagkaroon ng ilang resulta. Palakaibigan siya at magaling makipag-usap sa mga tao, kaya kung sasanayin namin siya, bubuti ang gawain ng pagdidilig, at tiyak na sasabihin ng mga nakatataas ko na mayroon akong mahusay na kakayahan at na magaling ako. Kaya, hiniling ko sa diyakono ng pagdidilig na tumuon sa paglilinang kay Chen Chen. Sinabi ng diyakono ng pagdidilig na, “Naisipan naming isaayos ang mga bagay-bagay nang ganyan, pero nakita namin na wala pa ring pagkaunawa sa sarili si Chen Chen matapos siyang matanggal. Noong nangangaral siya ng ebanghelyo, nakipagkompetensya siya para sa katanyagan at pakinabang, at nagtanim ng inggit at mga pagtatalo, ginagawang imposible para sa iba na gampanan nang normal ang mga tungkulin nila. Kung sasanayin natin siya na magdilig ng mga baguhan ngayon, hindi ba’t gagawa lang siya ng mas maraming kasamaan at magdudulot ng mas maraming pagkagambala? Ang pagdidilig ay isa sa mga pinakamahalagang gawain—ang mga sinasanay para dito ay dapat na may mabuting pagkatao at hindi dapat makagambala sa gawain ng iglesia. Kailangan nating gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo!” Nabalisa ako sa sinabi niya. Naisip ko, “Palakaibigan si Chen Chen at may kakayahan. Ang pagsasanay sa kanya na diligan ang mga baguhan ay tiyak na agad magagawang mas epektibo ang gawain. Kung magpapasya kaming hindi siya sanayin ngayon dahil parang wala siyang tunay na pagsisisi, hindi makikita ng mga lider ko ang kakayahan ko sa trabaho. Hindi maganda iyon. Kailangan ko silang kumbinsihin na gawin ang gusto ko. Hindi ako puwedeng sumuko na lang.” Kaya sinabi ko sa diyakono ng pagdidilig, “Ngayon ba ang oras para bulag na sumunod sa mga panuntunan? Sinasabi rin ng mga prinsipyo na ang mga lumabag noon ay dapat bigyan ng pagkakataong magsisi. Palakaibigan si Chen Chen at may kakayahang magdilig ng mga baguhan, kaya puwede natin siyang sanayin. Kailangan lang natin siyang bantayan nang mabuti at huwag siyang hayaang makaabala. May mahusay na kakayahan si Chen Chen at mabilis matuto. Ang pagkakaroon ng isa pang bihasang tagadilig ay makalulutas ng maraming problema para sa iglesia!” Nang makita ng diyakono ng pagdidilig ang katigasan ng ulo ko, hindi na siya nagsalita pa.
Pero pagkaraan ng ilang araw, iniulat ng diyakono ng pagdidilig na hindi inaalam ni Chen Chen ang mga kuru-kuro at kalituhan ng mga baguhan bago sila diligan at hindi siya nagbibigay ng tutok na pagbabahagi at mga solusyon. Sa halip, nagpumilit siyang magbahagi batay sa sarili niyang mga ideya. Nagdulot ito sa dalawang baguhan na tumutol, lumaban, at huminto sa paniniwala. Medyo nabalisa ako—sa kakayahan ni Chen Chen, hindi siya dapat nakagawa ng ganoong bagay. Kalaunan, nang makausap ko si Chen Chen, napagtanto ko na sa panlabas lang siya maagap sa mga tungkulin niya. Wala siyang pagkaunawa sa mga nakaraan niyang paglabag, at matapos magkaroon ng ganoon kalaking problema sa kanyang gawain ng pagdidilig, hindi siya nagnilay sa sarili niya at natuto ng aral mula rito. Manhid siya. Ngayon lang ako nagkaroon ng kaunting kamalayan na baka masyado akong naging padalus-dalos sa paglinang sa kanya, at na baka kailangan pa niyang patuloy na magnilay. Pero naisip ko rin na, may mahusay na kakayahan si Chen Chen at naging isa nang lider, kaya kung mas tutulungan ko siya, baka mabilis niyang mauunawaan ang sarili niya at mabago ang mga bagay-bagay. Ang kailangan ko lang gawin ay sanayin siya at pabutihin ang mga resulta ng gawain ng pagdidilig, at sasang-ayunan ako ng mga lider ko.
Habang umaasa ako sa magagandang resulta, sinabi sa akin ng katuwang kong kapatid isang umaga na, “Sumulat ang mga kapatid para sabihin na hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin ayon sa mga prinsipyo. Sapilitan mong isinaayos si Chen Chen, na nakabukod pa at nagninilay, para gumawa ng gawain ng pagdidilig. Sa panahong ito, nagkaroon ng maraming problema si Chen Chen sa pagdidilig ng mga baguhan, at hindi talaga siya nagnilay o nagpakita ng kamalayan sa sarili niya. Kung titingnan ang palagian niyang pag-uugali, lubos siyang hindi angkop linangin at inirerekomenda nila na ipagpatuloy niyang ibukod ang sarili niya at magnilay.” Nang marinig ko ang sinabi niya, kinabahan ako. “Tapos na. Hindi lang ito simpleng puna—pag-uulat at paglalantad ito sa akin dahil sa hindi paggawa sa tungkulin ko nang ayon sa mga prinsipyo. Maraming taon na akong nananalig sa Diyos, at hindi pa ako kailanman iniulat ninuman. Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin ngayon?” Noong oras na iyon, hiyang-hiya ako. Kinuha ko ang tasa ko at uminom ng ilang lagok ng tubig, sinusubukang pakalmahin ang aking sarili, pero ang puso ko ay kasingligalig ng isang dagat na binabagyo: “Kung malalaman ng mga lider ko ang nilalaman ng liham na iyon, tiyak na sasabihin nilang hindi ko ginagawa ang tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo, at na ginagambala ko ang gawain ng iglesia. Tatanggalin ba nila ako dahil dito?” Gulong-gulo ang isip ko. Sa huli, bumagsak ako sa upuan ko na parang isang impis na bola. Nang makita ng kapareha ko ang kalagayan ko, sinabi niyang, “Nakatutulong para sa atin ang masubaybayan at mailantad ng mga kapatid natin. Dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos.” Nangako akong tatanggap mula sa Diyos, pero hindi ko mapakalma ang isipan ko. Hindi ako makakain o makatulog buong araw. Ang pag-iisip na kung paano nalantad ang mga katunayan ng pag-uugali ko sa sulat na ito ay tumagos sa puso ko. Lumuhod ako at nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Alam kong mabuti ang layunin Mo sa pagpayag na mangyari ito sa akin. Pakiusap gabayan Mo po ako na maunawaan ang layunin Mo at matuto ng mga aral mula rito.”
Habang nagninilay at naghahanap ako, nagkamit ako ng kaunting kaalaman sa kalagayan ko sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman ang kanilang ginagawa, palaging may sariling mga pakay at layunin ang mga anticristo, palagi silang kumikilos ayon sa kanilang sariling plano, at ang kanilang saloobin sa mga pagsasaayos at sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay, ‘Maaaring mayroon kang isang libong plano, pero mayroon akong isang patakaran’; ang lahat ng ito ay natutukoy ng kalikasan ng mga anticristo. Maaari bang baguhin ng mga anticristo ang kanilang mentalidad at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Tiyak na imposible iyon…. Anuman ang tungkuling gampanan ng mga anticristo, lagi silang kumakapit sa iisang prinsipyo: Dapat silang magkaroon ng kaunting nakamit pagdating sa reputasyon, katayuan, o sa kanilang mga interes, at hindi sila dapat magkaroon ng anumang kawalan. Ang klase ng gawaing pinakagusto ng mga anticristo ay kapag hindi nila kailangang magdusa o magbayad ng anumang halaga, at may pakinabang iyon sa kanilang reputasyon at katayuan. Sa kabuuan, anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi sila tunay, sinsero, at lubos na nagpapasakop sa katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga katotohanang prinsipyo, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapalulugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang kanilang sariling reputasyon at mapagtatanto ng maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang paggawa ng tunay na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, tulutan silang magkaroon ng mas higit pang katanyagan, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasang diwa ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa inihayag ng salita ng Diyos, naunawaan ko na lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para protektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Sa mga bagay na walang kinalaman sa reputasyon at katayuan nila, kaya nilang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, pero kung ang pagkilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay nagbabanta sa reputasyon at katayuan nila, tahasang lalabagin ng mga anticristo ang mga prinsipyo at kikilos sila nang basta-basta ayon sa sarili nilang mga ideya. Mas gugustuhin nilang mapinsala ang mga interes ng iglesia upang maprotektahan ang sarili nilang mga interes. Pinagnilayan ko ang lahat ng nagawa ko mula nang maging lider ako, at nakita kong kapareho ito ng pag-uugali ng mga anticristo na inihayag ng salita ng Diyos. Gusto ko palaging magtagumpay nang mabilis para patunayan na mahusay ako at kaya kong gumawa ng aktuwal na gawain—sa ganitong paraan, makikita ng mga nakatataas sa akin at ng mga kapatid ko na tamang desisyon ang pagpili sa akin bilang lider. Kaya, nang pumili at gumamit ako ng mga tao, ni hindi ko hinanap ang mga katotohanang prinsipyo, hindi ko inisip kung paano mabibigyang-pakinabang ang gawain ng iglesia, hindi ako nakinig sa payo ng iba, at pinilit kong magdesisyon nang mag-isa. Nang makita kong hindi makatwirang nagsasaayos si Wu Wen ng mga pagtitipon at mga tungkulin para sa mga baguhan batay sa kanilang mga aktuwal na sitwasyon, hindi ako nagtanong tungkol sa kalagayan at mga paghihirap niya, ni nakipagtulungan sa kanya na mahanap ang ugat ng mga problema at makapasok sa mga prinsipyo para maiwasan niyang maulit ang mga pagkakamali. Nang makita ko na hindi siya nagkakaroon ng mga resulta sa tungkulin niya, at kung paano niyon masisira ang reputasyon at katayuan ko, di-makatarungan ko siyang binansagan, ibinukod, at ginustong tanggalin. Para protektahan ang reputasyon at katayuan ko, binalewala ko ang mga prinsipyo at ang payo ng mga katrabaho ko at sapilitan siyang inalis. Hindi ako nagpakita ng pagmamahal o pasensya para sa kanya, at hindi nagbahagi ng katotohanan para tulungan siya. Diretso ko lang siyang tinanggal. Talagang wala akong pagkatao! Pagkatapos siyang tanggalin, hindi magawa ng bagong kapatid na pinili ko ang gawain, na direktang nakaapekto sa mga resulta ng gawain ng pagdidilig. Gayunpaman, hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Para sa mabilis na pagbuti ng mga resulta ng gawain, at para makuha ang pagsang-ayon ng mga lider, nilabag ko ulit ang mga prinsipyo—itinataas ang ranggo at nililinang ang isang taong nakagulo sa gawain ng iglesia. Wala pa nga sa konteksto ang pag-unawa ko sa mga bagay-bagay, at wala sa katwirang sinabi na dapat namin siyang bigyan ng pagkakataong magsisi. Pinuna ko ang diyakono ng pagdidilig dahil sa bulag na pagsunod sa mga panuntunan, kaya natakot siyang pabulaanan ako. Ang naging resulta ay hindi talaga angkop si Chen Chen, at napinsala niya ang gawain ng pagdidilig. Nakita ko na alang-alang sa sarili kong reputasyon at katayuan, naghangad ako ng mabilis na tagumpay sa tungkulin ko, at binalewala ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos at ang mga paalala ng iba. Kahit pagkatapos maiulat at mailantad, hindi ko pinagnilayan ang mga dahilan ng mga pagkabigo ko—ang inalala ko ay kung ano ang tingin sa akin ng mga lider. Nagmamatigas kong pinrotektahan ang reputasyon at katayuan ko, at mas gugustuhin ko pang hayaang magdusa ang mga interes ng iglesia para maprotektahan ang sa sarili ko. Ang ipinakita ko ay ang disposisyon ng isang anticristo!
Kalaunan, nakabasa ako ng isa pang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting kabatiran sa kalikasan ng mga kilos ko. Sinasabi ng Diyos na: “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang mithiing hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang magpasakop o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanilang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagawa ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa esensya, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos nang normal at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang pagpasok nila sa buhay, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Matapos basahin ang salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag hinahangad natin ang pansariling reputasyon at katayuan pero sinasabi nating ito ay paggawa ng ating tungkulin, sa diwa ay kumikilos tayo bilang mga lingkod ni Satanas at ginagambala ang gawain ng iglesia. Ibinunyag ng salita ng Diyos ang diwa ng mga kilos ko. Biniyayaan ako ng Diyos sa pagbibigay sa akin ng pagkakataon na maging isang lider ng iglesia, at umasa Siya na isasaalang-alang ko ang Kanyang mga layunin at didiligan nang mabuti ang mga kapatid ko, lulutasin ang kanilang mga paghihirap at problema sa buhay pagpasok, at itataguyod at sasanayin ang mga angkop na tao para magawa ang iba’t ibang gawain ng iglesia at titiyaking nagpapatuloy nang normal ang gawain ng iglesia. Pero hindi ko isinaalang-alang ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos, at hindi ko tinupad ang mga responsabilidad ko bilang lider. Nang pumili at gumamit ako ng mga tao, sariling mga interes ko lang ang inisip ko. Ang resulta, hindi angkop sa gawain ang tagadilig na itinaas ko ng ranggo at nilinang. Bukod sa hindi nadiligan nang maayos ang mga baguhan, nahadlangan din ang gawain ng pagdidilig, na nagdulot sa pagiging negatibo at pag-atras ng mga baguhan. Paano ito naging pagganap sa tungkulin ko? Ginagambala ko ang gawain ng iglesia, at gumagawa ako ng masama! Kahit sa ganito, wala akong kamalayan—masyado akong makasarili at manhid! Naisip ko ang mga anticristo at masasamang tao na itiniwalag sa iglesia. Palagi silang nagbabalak para sa sarili nilang kapakanan, hindi nila pinansin ang mga katotohanang prinsipyo para mapanatili ang reputasyon at katayuan nila, ginawa nila ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta at walang pakundangan, seryosong ginulo ang gawain ng iglesia, at sa huli, dahil sa marami nilang masasamang gawa, kinasuklaman at itiniwalag sila ng Diyos. Mayroon bang kahit anong pagkakaiba sa diwa ang ginawa ko at ang mga ginawa ng mga anticristong ito? Nang malaman ko ito, natakot ako, at nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, naging pabaya ako sa tungkulin ko. Hinangad ko ang katanyagan, katayuan, at mabilisang tagumpay, at tinahak ko ang maling landas. O Diyos, nais ko pong magsisi sa Iyo. Pakiusap, akayin at gabayan Mo ako.”
Kalaunan, sa pamamagitan ng pagninilay at paghahanap, napagtanto ko na upang maging epektibo sa tungkulin natin, dapat tayong magkaroon ng mga tamang layunin, tumuon sa paghahanap ng katotohanan, at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Saka lang natin matatanggap ang patnubay ng Diyos, at patuloy na mapabubuti ang ating mga resulta. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Kapag nakatanggap ka ng atas mula sa Diyos at layon mong tuparin ang tungkulin mo at tapusin ang misyon mo, dapat mo munang maunawaan ang layunin ng Diyos. Kailangan mong malaman na nagmumula sa Diyos ang atas na ito, na layunin Niya ito, at dapat tanggapin mo ito, isaalang-alang ito, at higit sa lahat, magpasakop dito. Pangalawa, dapat mong hanapin kung aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan para magampanan ang tungkuling ito, aling mga prinsipyo ang dapat mong sundin, at kung paano magsagawa sa paraang nakakatulong sa hinirang na mga tao ng Diyos at sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, dapat mong agad na hanapin at unawain ang mga katotohanang nauugnay sa pagganap sa tungkuling ito at, matapos maunawaan ang katotohanan, tiyakin ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa ng mga katotohanang ito. Ano ang tinutukoy ng ‘mga prinsipyo’? Sa partikular, ang isang prinsipyo ay tumutukoy sa isang bagay kung saan dapat nakabatay ang pagkamit ng isang target o paggawa ng mga resulta kapag nagsasagawa ng katotohanan. … Dapat maarok ng isang tao ang mga prinsipyo para maisagawa ang katotohanan: Ang mga prinsipyo ang susi, ang pinakapangunahing elemento. Kapag naarok mo na ang mga pundamental na prinsipyo ng pagganap sa tungkulin mo, ipinapakita nitong nauunawaan mo ang mga kinakailangang pamantayan sa pagganap sa tungkuling iyon. Ang makabisado ang mga prinsipyong ito ay katumbas ng malaman kung paano isagawa ang katotohanan. Kaya, sa anong batayan itinatag ang kakayahang ito sa pagsasagawa? Ito ay sa pundasyon ng pagkaunawa sa layunin ng Diyos at sa katotohanan. Maituturing bang pagkaunawa sa katotohanan kung isang pangungusap lang sa hinihingi ng Diyos ang alam mo? Hindi. Anong mga pamantayan ang dapat matugunan para maituring na pagkaunawa sa katotohanan? Dapat mong maunawaan ang kahulugan at halaga ng pagganap sa iyong tungkulin at, kapag naging malinaw na sa iyo ang tungkol sa dalawang aspektong ito, naunawaan mo na ang katotohanan ng pagganap sa tungkulin mo. Higit pa rito, matapos maunawaan ang katotohanan, dapat mo ring maarok ang mga prinsipyo ng pagganap sa tungkulin mo at ang mga landas ng pagsasagawa. Kapag kaya mo nang maarok at magamit ang mga prinsipyo ng pagganap sa tungkulin mo, at maglapat minsan ng kaunting karunungan, matitiyak mo na ang pagiging epektibo ng pagganap sa tungkulin mo. Sa pamamagitan ng pag-arok sa mga prinsipyong ito at pagkilos ayon sa mga ito, magiging handa kang isagawa ang katotohanan. Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin nang hindi ito hinahaluan ng anumang mga layuning pantao, kung gagawin ito sa pamamagitan ng lubusang pagpapasakop sa mga hinihingi ng Diyos at ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, ganap na umaayon sa mga salita ng Diyos, natupad mo na ang tungkulin mo sa ganap na kwalipikadong paraan, at kahit na maaaring may ilang pagkakaiba sa mga resulta kumpara sa mga hinihingi ng Diyos, maituturing pa rin itong pagsasakatuparan ng mga hinihingi ng Diyos. Kung gagampanan mo ang tungkulin mo nang ganap na alinsunod sa mga prinsipyo, kung tapat ka, sa abot ng iyong makakaya, ganap na umaayon sa layunin ng Diyos ang pagganap mo sa tungkulin. Natupad mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha nang buong puso, isipan, at lakas mo, na siyang resultang naisakatuparan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kunin ang Loob ng mga Tao). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Kapag tinataggap natin ang atas ng Diyos, kailangan muna nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, hanapin ang mga prinsipyo na dapat nating pasukan sa ating tungkulin, magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan, magpasakop sa Diyos, at mahigpit na sundin ang mga katotohanang prinsipyo sa tungkulin natin. Isa pa, kapag ginagawa ang tungkulin natin, dapat nating isaalang-alang ang mga interes ng iglesia, madalas na suriin ang ating mga sarili, at hindi magpakana para sa pansariling pakinabang. Nababawasan nito ang karumihan ng sarili nating mga ideya, at ang mga pagkakamaling nagagawa natin sa mga tungkulin natin. Naisip ko kung paano ako kumikilos para lang sa katanyagan at katayuan sa aking tungkulin—bihira kong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at kahit na may kaunti akong nalalaman, hindi ako sumunod. Sa pagpili ng mga tagapagdilig, ang mga pangunahing katangiang kailangan ay ang magbahagi sa katotohanan nang malinaw, magkaroon ng pasensya, at maging responsable. Responsable si Wu Wen sa tungkulin niya, at mapagmahal at matiyaga sa mga baguhan. Anuman ang mga kalagayan o suliranin ng mga baguhan, aktibo siyang nakapagbabahagi at nakalulutas ng mga problema. Naunawaan din niya ang ilan sa mga prinsipyo ng pagdidilig sa mga baguhan. Noon, naging epektibo siya sa tungkulin niya, at kamakailan lang siya nakagawa ng ilang pagkakamali dahil sa ilang aktuwal na paghihirap na hindi niya maasikaso. Sa sitwasyong ito, dapat sana ay nag-alok ako ng pagbabahagi at tumulong nang may pagmamahal—iyon, o pinungusan, inilantad, at pinagsabihan siya, sa halip na basta-basta na lang siyang tinanggal. Isa pa, nang makita kong mukhang masigasig at palakaibigan si Chen Chen, naisip ko na angkop siya para sa paglilinang. Ngayon ay napagtanto ko na hindi ito naaayon sa mga prinsipyo. Ang mga nakabukod para magnilay sa sarili ay maaaring atasan na magpalaganap ng ebanghelyo at magdilig ng mga baguhan kung hindi sila nagdudulot ng paggambala o mga pag-antala, pero ang mga taong may masamang pagkatao na gumagawa ng masama at gumugulo sa gawain ng iglesia ay hindi talaga maaaring linangin. Matindi ang pagnanais ni Chen Chen sa reputasyon at katayuan, at madalas na siyang nakikipaglaban noon para sa mga ito, ginugulo ang gawain ng iglesia. Matapos matanggal at maibukod para magnilay sa sarili, hindi siya kailanman nagpakita ng anumang tunay na pagkaunawa sa kanyang mga nakaraang paglabag. Ang ganitong mga tao ay hindi puwedeng maging mahahalagang target para sa paglilinang. Nalabag ko ang prinsipyo sa pagtataas ng ranggo at paglilinang kay Chen Chen, nagdudulot ng mga pag-antala sa gawain ng pagdidilig. Hindi ko naunawaan ang mga prinsipyo ng pagtatanggal at paggamit ng mga tao, at gumagawa ako para sa katanyagan at katayuan. Nagambala at nahadlangan nito ang gawain ng iglesia, at napinsala ang buhay pagpasok ng mga kapatid ko. Nang maisip ito, napuno ako ng pagsisisi. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, kahit ano pa ang ginagawa mo, hindi mo ginagawa ang personal mong gawain; ito ay ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ito ay ang gawain ng Diyos. Dapat palagi mong ilagay sa isipan ang kaalaman at kamalayang ito at sabihin, ‘Hindi ko ito personal na gawain; ginagawa ko ang tungkulin ko at tinutupad ang responsabilidad ko. Ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Ito ay isang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos at ginagawa ko ito para sa Kanya. Tungkulin ko ito, hindi ko ito personal na pribadong gawain.’ Ito ang unang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kung itinuturing mo ang isang tungkulin bilang sarili mong personal na gawain, at hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos ka, at ginagawa mo ito alinsunod sa mga sarili mong motibo, pananaw, at plano, malamang na makagagawa ka ng mga pagkakamali. Kaya paano ka dapat kumilos kung nagagawa mong malinaw na makita ang pagkakaiba sa pagitan ng tungkulin mo at ng sarili mong personal na gawain, at alam mo na ito ay isang tungkulin? (Hanapin mo ang hinihingi ng Diyos, at hanapin ang mga prinsipyo.) Tama iyan. Kapag may nangyari sa iyo at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at mayroon kang kaunting ideya ngunit hindi pa rin malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, dapat kang maghanap ng mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan upang makipagbahaginan ka sa kanila; ito ang paghahanap sa katotohanan, at bago ang lahat, ito ang saloobin na dapat mong taglayin sa tungkulin mo. Hindi mo dapat pagpasyahan ang mga bagay-bagay batay sa kung ano ang sa palagay mo ay angkop, at pagkatapos ay gagawa ka na ng paghatol at sasabihin mong nalutas na ang usapin—madali itong hahantong sa mga problema. Ang tungkulin ay hindi mo sariling personal na usapin; malaki man o maliit, ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos ay hindi personal na usapin ninuman. Hangga’t may kinalaman ito sa tungkulin, hindi mo ito pribadong usapin, hindi mo ito personal na usapin—may kinalaman ito sa katotohanan, at may kinalaman ito sa prinsipyo. Kaya ano ang unang bagay na dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga prinsipyo. At kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat mo munang hanapin ang mga prinsipyo; kung nauunawaan mo na ang katotohanan, magiging madali nang tukuyin ang mga prinsipyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Binigyan ako ng salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Ang mga tungkulin ay mga atas mula sa Diyos, hindi mga personal na gawain, kaya hindi natin puwedeng gawin ang mga ito sa kahit anong paraang gusto natin para mapalugod ang ating mga personal na interes. Sa lahat ng bagay, dapat nating hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at magsagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi tayo nakauunawa, dapat tayong makipagbahaginan at mas maghanap pa kasama ang iba. Kahit anong isipin ng iba, ang kailangan lang nating gawin ay tanggapin ang pagsusuri ng Diyos at gawin ang ating makakaya. Kahit na minsan ay may mga paglihis o kamalian sa gawain natin, at hindi natin agad nakakamit ang magagandang resulta, pero kung gumagawa tayo para mapalugod ang Diyos, at hindi para makita ng iba, tinatahak natin ang tamang landas, at gagabayan tayo ng Diyos. Kalaunan, nagtapat ako tungkol sa sarili ko sa mga kapatid, inilalantad kung paanong ginagawa ko ang tungkulin ko para sa reputasyon at katayuan, ang pagnanais ko ng mabilisang tagumpay, ang mga paglabag ko sa prinsipyo sa pagpili at paggamit ng mga tao, pati na kung paano ako kumilos nang padalus-dalos at gumamit ng posisyon para pagsabihan ang iba, na nakapinsala sa kanila. Taimtim akong humingi ng tawad sa kanila at hiniling ko sa kanila na mas subaybayan pa ako. Noong magsagawa ako nang ganito, hindi ako hinamak ng mga kapatid ko, pinalakas nila ang loob ko, at sinabing puwede naming pangasiwaan ang isa’t isa at magtulungan upang magampanan nang maayos ang aming mga tungkulin.
Hindi nagtagal, may iba pang nangyari. Pansamantalang hindi nagawa ng diyakono ng ebanghelyo ang tungkulin niya dahil sa paghahadlang ng pamilya niya. Pagkatapos kong marinig ang balita, medyo nabalisa ako. Naisip kong, “Ngayon, ginagawa ng bawat iglesia ang lahat ng makakaya nito para ipangaral ang ebanghelyo—sa puntong ito, kung hindi magagampanan ng diyakono ng ebanghelyo ang tungkulin niya, labis na maaapektuhan ang gawain namin! Kung hindi ko siya papalitan sa oras, hindi bubuti ang mga resulta namin. Tiyak na iisipin ng mga nakatataas sa akin na wala akong kakayahan.” Kaya, tinalakay ko sa kapareha kong kapatid kung ililipat ba ang diyakono ng ebanghelyo at maghahanap ng ipapalit sa kanya. Sabi niya, “Ang diyakono ng ebanghelyo ay palaging naging responsable at siya ay isang manggagawang may kakayahan, at ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo ay naging mabuti. Kung ililipat mo siya dahil lang sa panandalian siyang hindi makawala sa mga gapos ng pamilya niya, lalabagin niyon ang mga prinsipyo.” Mangangatwiran na sana ako nang maisip ko kaagad kung paano ko sapilitang pinalitan si Wu Wen. Hindi ba’t kumikilos ako para protektahan na naman ang reputasyon ko at katayuan? Pinaalalahanan ako ng kapareha ko na dapat kong gampanan ang tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo. Muntik na akong makagawa ng isa pang malaking pagkakamali. Habang nagpapasalamat ako sa Diyos sa aking puso, sinabi ko sa kanya, “Mali ang mga layunin ko. Ililipat ko siya nang walang prinsipyo, at magtatrabaho na naman ako para sa katanyagan at katayuan. Responsable nga siya, at isang tamang tao. Kung hindi niya magagawa ang gawain niya sa ngayon, tayo na muna ang mag-aasikaso niyon at gagawa ng gawain ng ebanghelyo. Alamin din natin ang higit pa tungkol sa sitwasyon niya at subukan nating suportahan at tulungan siya.” Matapos akong marinig, tumango ang kapareha ko bilang pagsang-ayon, at gumaan ang pakiramdam ko sa pagsasagawa nang ganito.
Ngayon, kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, madalas kong tinatanong ang sarili ko, “Nagampanan ko ba ang tungkulin ko ngayon ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Gumawa ba ako ng mga bagay-bagay nang may tiwaling disposisyon sa mga pakikipag-ugnayan ko sa mga tao?” Kung nakagagawa ako ng bagay na hindi naaayon sa mga prinsipyo at sa mga layunin ng Diyos, nagdarasal ako sa Diyos para agad itong itama. Kapag nagsasagawa ako nang ganito, nakikita ko ang patnubay ng Diyos, bumubuti nang kaunti ang gawain ng iglesia, at aktibong nagagampanan ng mga kapatid ko ang kanilang mga tungkulin. Salamat sa Diyos!