22. Isang Pagsusuri na Naglantad sa Akin

Ni Caitlyn, USA

Noong kalagitnaan ng Mayo 2021, biglang pumunta ang isang lider ng iglesia para kausapin ako at tinanong niya ako kung marami akong alam tungkol kay Sister Lilah, kung patas ba ito sa iba, at kung kahit kailan ba ay naging mapanghugsa ito. Napakaseryoso niyang tingnan kaya tinanong ko siya agad kung ano ba ang nangyayari. Sinabi niyang mayroong napakamapagmataas na disposisyon si Lilah at na nagsabi ito ng mapanghusgang mga bagay tungkol sa ilang lider sa harap ng mga kapatid, sinasabing mga huwad na lider sila. Sinabi rin niya na magaling magsalita si Lilah, at na sa mga pagtitipon ay panay ang salita nito tungkol sa pagkakilala nito sa sarili, pero hindi nito talaga nauunawaan man lang ang sarili nito. Sinabi niya na hindi nahalata ng karamihan sa mga kapatid kung ano ba talaga si Lilah, at na nagustuhan nila ang pagbabahagi nito. Agad kong naisip kung paanong ganoon din ang ginawa ng ilan sa mga anticristong napatalsik sa iglesia, hinuhusgahan ang mga lider at manggagawa. Maaari mong sabihin na ang isang lider dito o doon ay huwad, pero mapagmataas ang sabihing huwad ang ilan sa kanila. Noong panahong iyon, sinabi ko, “Ang katunayan na kaya niyang sabihin ang mga bagay na ito ay isang seryosong bagay. Hindi ba’t ang mga panghuhusgang ginagawa niya ay katulad ng ginagawa ng mga anticristo?” Naalala ko rin kung paanong sa halalan ng mga lider noong nakaraang taon, palihim na tinatalakay ni Lilah sa isa pang kapatid ang isa sa mga kandidato, sinasabing masyadong pinahahalagahan ng kandidatong iyon ang reputasyon at katayuan, pakitang-tao lang na ginagawa nito ang mga bagay-bagay, at hindi ito gumagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi ko maiwasang magsimulang makadama ng pagkiling laban kay Lilah at naisip kong talagang mapanghusga siya.

Pagkatapos, inudyukan ako ng lider na sumulat ng pagsusuri kay Lilah. Binalikan ko ang mga pakikipag-ugnayan ko sa kanya kamakailan, nang punahin siya ng ilang kapatid para sa ilang bagay. Bagamat depensibo siya noong una, kalaunan ay pinagnilay-nilayan at kinilala niya ang sarili niya, nagkaroon ng kaunting pagbabago at pagpasok, at nagawa niyang tanggapin ang katotohanan. Sa mga pag-uusap namin, nakita ko na pinahahalagahan niya ang pagninilay sa sarili at ang pagkakilala sa sarili, at na nagdarasal siya, naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo, at naghahanap ng mga salita ng Diyos para makapasok. Nadama kong isa siyang naghahanap ng katotohanan. Pero nang maisip ko kung paanong sinabi ng lider na si Lilah ay mapagmataas ang disposisyon, mabulaklak ang dila, magaling sa pagliligaw ng mga tao, at ngayon ay kaswal na hinuhusgahan ang mga lider at manggagawa, kung sasabihin ko sa aking pagsusuri na isa siyang taong kayang tanggapin at hangarin ang katotohanan, sasabihin ba ng lider na wala akong pagkakilala, at na isa akong hangal? Kung bibigyan ko ang lider ng hindi magandang impresyon, baka hindi niya ako payagan na gampanan ang ilang tungkulin sa hinaharap. Nang nasa isip iyon, sinabi ko sa aking pagsusuri na si Lilah ay may mapagmataas na disposisyon, at kung minsan ay hinuhusgahan niya ang mga tao alinsunod sa kanyang sariling imahinasyon. Sinabi ko na nahihirapan siyang tanggapin ang katotohanan, at hilig niyang mangatwiran para sa kanyang sarili kapag kinokompronta siya ng mga tao sa mga problema. Binanggit ko rin ang ilan sa katiwalian na paminsan-minsan niyang inihahayag sa pang-araw-araw na buhay. Bagamat isinulat ko rin ang ilang paraan na hinangad niya ang katotohanan, nagdagdag ako ng komento na nagsasabing hindi ako sigurado kung talaga bang isa siyang naghahanap ng katotohanan. Medyo nabalisa ako matapos isulat ang pagsusuri; hindi ko kailanman nadama na si Lilah ay naging katulad ng inilarawan ng lider. Bagamat mayroon nga siyang mapagmataas na disposisyon at minsan ay prangka siya magsalita at mahirap tanggapin ang pananalita niya, sa puso niya ay hindi siya masama. Itinataguyod niya ang mga interes ng iglesia kapag nagkakaproblema, at naglalakas-loob siyang magsalita kapag nakikita niyang nilalabag ng iba ang mga katotohanang prinsipyo. Halimbawa, nang makita niya na ang isang sister ay palaging iniraraos lang ang tungkulin nito at naaapektuhan nito ang pag-usad ng gawain, nagawa ni Lilah na isantabi ang relasyon nila at tulungan ito sa pamamagitan ng agad na pagpuna rito, habang sinasabi rin ito sa lider. Kung titingnan ang pangkalahatang pag-uugali ni Lilah, naitataguyod niya ang mga interes ng iglesia at isa siyang tamang tao, pero kabaligtaran ang sinabi ng lider. Napaisip ako kung may pagkiling ang lider, at kung mapatatanggal o mapapaalis ba si Lilah sa iglesia dahil sa mga pagsusuring kinakalap ng lider. Lalo akong nababalisa habang lalo ko iyong iniisip, kaya tinanong ko ang lider kung nakipagbahaginan na ba siya kay Lilah tungkol sa mga problema nito, at kung paano niya nauunawaan ang mga iyon. Pero iniwasan ng lider ang tanong, sinasabing mahilig dati si Lilah na manghusga ng mga lider at manggagawa, at na ginagawa na naman nito iyon. Sinabi niyang isang lider ang nag-iisip nang magbitiw dahil sa mga paratang ni Lilah, kaya nakagagambala na ito. Nang marinig ko ito, naisip ko na mas magaling siguro ang lider kaysa sa akin sa pag-unawa ng mga problema, at na wala siguro akong pagkakilala at nalinlang ako ng panlabas na pag-uugali ni Lilah. Kaya wala na akong ibang sinabi.

Makalipas ang dalawang araw, siniyasat ng isang nakatataas na lider ang sitwasyon at sinabing hindi basta-basta hinuhusgahan ni Lilah ang mga lider at manggagawa, inilalantad at iniuulat ang mga huwad na lider nang may pagpapahalaga sa katarungan. Iniulat ni Lilah ang lider na iyon, kaya sinusupil at pinaparusahan siya nito, sinasabing basta-basta nanghuhusga si Lilah ng mga lider at manggagawa—mag-isa pa nitong pinatigil ang tungkulin ni Lilah! Ang mga huwad na lider na iniulat ni Lilah ay tinanggal nang lahat, at ibinalik sa kanya ang tungkulin niya. Lumukso ang puso ko nang marinig ko ito—gulat na gulat ako, at medyo nabagabag din. Nakiayon ako sa lider sa pagsasabing may mapagmataas na disposisyon si Lilah, basta-bastang paghusga nito sa mga lider, at hindi pagtanggap nang mabuti sa katotohanan. Hindi ba’t kinokondena ko rin si Lilah? Seryosong problema ito! Pakiramdam ko ay hindi ito maliit na bagay, at na dapat ko talagang pagnilayan at kilalanin ang sarili ko. Kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na maunawaan ang sarili ko. Kalaunan, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Para manalig sa Diyos at tumahak sa tamang landas sa buhay, kahit papaano ay dapat kang mamuhay nang may dignidad at wangis ng tao, dapat kang maging karapat-dapat sa tiwala ng mga tao at maituring na mahalaga, dapat maramdaman ng mga tao na mayroong laman ang iyong karakter at integridad, na tinutupad mo ang lahat ng sinasabi mo, at mayroon kang isang salita. … Ang mga taong may dignidad ay lahat may kaunting personalidad, minsan hindi nila nakakasundo ang iba, pero sila ay matapat, at walang pagsisinungaling o panlalansi sa kanila. Sa huli, mataas ang tingin ng iba sa kanila, dahil kaya nilang isagawa ang katotohanan, matapat sila, sila ay may dignidad, integridad, at karakter, hindi nila kailanman sinasamantala ang ibang tao, tinutulungan nila ang mga tao kapag nasa alanganin ang mga ito, tinatrato nila ang mga tao nang may konsensiya at katwiran, at hindi nila agad na hinuhusgahan ang mga taong ito. Kapag sinusuri o tinatalakay ang ibang tao, tumpak ang lahat ng sinasabi ng mga indibidwal na ito, sinasabi nila kung ano ang nalalaman nila at hindi sila nagsasalita tungkol sa mga bagay na hindi nila alam, hindi sila nagdadagdag ng kuwento, at maaaring magsilbing ebidensiya o sanggunian ang mga salita nila. Kapag nagsasalita at kumikilos sila, ang mga taong nagtataglay ng integridad ay praktikal at mapagkakatiwalaan. Walang sinumang tumuturing na may halaga ang mga taong walang integridad, walang nagbibigay-pansin sa mga sinasabi at ginagawa nila, o nagpapahalaga sa kanilang mga salita at kilos, at walang nagtitiwala sa kanila. Ito ay dahil masyadong marami ang kasinungalingang sinasabi nila at masyadong kakaunti ang matatapat nilang salita, ito ay dahil wala silang sinseridad kapag nakikisalamuha sila sa mga tao o gumagawa ng anumang bagay para sa mga ito, sinusubukan nilang lansihin at lokohin ang lahat ng tao, at walang sinumang may gusto sa kanila. Nakatagpo na ba kayo ng sinuman na, sa mga mata ninyo, ay mapagkakatiwalaan? Iniisip ba ninyong karapat-dapat kayo sa tiwala ng ibang tao? Mapagkakatiwalaan ba kayo ng ibang tao? Kung may isang taong magtatanong sa iyo tungkol sa sitwasyon ng isang tao, hindi mo dapat suriin at husgahan ang taong iyon ayon sa sarili mong kagustuhan, ang mga salita mo ay dapat obhetibo, tumpak, at naaayon sa mga katunayan. Dapat kang magsalita tungkol sa anumang nauunawaan mo, at hindi ka dapat magsalita tungkol sa mga bagay na wala kang kabatiran. Dapat maging makatarungan at patas ka sa taong iyon. Iyan ang responsableng paraan ng pagkilos. Kung ang naobserbahan mo lang ay ang panlabas na penomena, at ang gusto mong sabihin ay ang sarili mong panghuhusga tungkol sa taong iyon, kung gayon, dapat hindi mo pikit-matang hatulan ang taong iyon, at lalong hindi mo siya dapat husgahan. Dapat mong simulan ang sasabihin mo sa, ‘Sariling paghuhusga ko lamang ito,’ o ‘Ganito lang talaga ang nararamdaman ko.’ Sa ganoong paraan, magiging obhetibo ang mga salita mo, at pagkatapos pakinggan ang mga sinabi mo, mararamdaman ng ibang tao ang katapatan ng mga salita mo at ang iyong patas na saloobin, at magagawa ka na niyang pagkatiwalaan. Sigurado ba kayong maisasakatuparan ninyo ito?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang mga taong matuwid at matapat ay sinusuri ang iba nang tama at walang kinikilingan, at hindi basta-basta lang nagsasalita. Sinasabi nila kung ano lang ang alam nila, at wala nang iba. Mapagkakatiwalaan sila. Pero iyong mga hindi matuwid ay may mga pansariling layunin sa kanilang mga pagsusuri, sinasabi ang anumang nasa imahinasyon nila, binabaluktot pa nga ang mga katunayan, o binabaligtad ang mga bagay-bagay upang makamit ang sarili nilang mga layunin. Ang gayong uri ng tao ay masyadong nagsisinungaling, napakakaunti ng katotohanang sinasabi, at hindi mapagkakatiwalaan. Wala siyang dignidad at integridad. Muli kong inisip ang pagsusuri ko kay Lilah. Nang marinig ko ang lider na kondenahin siya na mapagmataas, mapagmagaling, at mapanghusga, wala akong anumang ginawa para matukoy kung totoo ba ito o hindi, at hindi ko siniyasat kung ang mga lider na iniulat ni Lilah ay mga huwad na lider. Pikit-mata lang akong nakiayon sa lider sa pagkondena sa kanya. Kahit na napagtanto ko na hindi tugma sa karanasan ko ang opinyon ng lider tungkol kay Lilah, at nabagabag ako, natakot akong sasabihin niyang isa akong hangal na walang pagkakilala at magkakaroon siya ng pangit na impresyon sa akin, at na baka hindi ako mabigyan ng mahahalagang tungkulin. Kaya naman nagsulat ako ng negatibong pagsusuri kay Lilah. Binabaligtad ko ang mga katunayan, idinidiin siya, at inaapi siya; naghahayag ako ng isang mapaminsalang disposisyon. Matuwid ang pag-uulat at paglalantad ni Lilah sa mga huwad na lider nang hindi napipigilan ng katayuan o kapangyarihan. Hindi lang ako nabigong suportahan siya, kundi sumama pa ako sa isang huwad na lider sa pagkondena sa kanya, na nakasakit sa kanya. Paggawa iyon ng kasamaan, at kumikilos ako bilang alalay ni Satanas. Nang mapagtanto ko ito, puno ako ng pagsisisi at paninisi sa sarili. Nakaramdam ako ng labis na pagkakautang kay Lilah at hindi ko siya kayang harapin. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, wala po akong pagkatao. Sumunod ako sa isang huwad na lider, at siniil at kinondena ko si Lilah. Nakagawa po ako ng isang paglabag sa harap Mo. Diyos ko, nagkamali ako at gusto ko pong magsisi.”

Nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na mas maunawaan ang sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga anticristo ay bulag sa Diyos, wala Siyang puwang sa kanilang mga puso. Kapag nakakaharap nila si Cristo, itinuturing lang nila Siya bilang ordinaryong tao, palagi silang nakikiramdam sa Kanyang mga ekspresyon at tono, iniaangkop ang kanilang sarili batay sa hinihingi ng sitwasyon, hindi kailanman sinasabi kung ano talaga ang nangyayari, hindi kailanman nagsasalita ng anumang taos sa puso, nagsasalita lamang ng mga hungkag na salita at doktrina, at sinusubukang linlangin at lansihin ang praktikal na Diyos na nakatayo sa harapan ng kanilang mga mata. Wala talaga silang may-takot-sa-Diyos na puso. Ni hindi nila kayang magsalita sa Diyos nang mula sa puso, na magsabi ng anumang totoo. Nagsasalita sila na parang isang gumagapang na ahas, ang galaw ay paliku-liko at hindi tuwiran. Ang paraan at direksyon ng mga salita nila ay tulad ng isang baging ng melon na umaakyat sa isang poste. Halimbawa, kapag sinasabi mong ang isang tao ay may mahusay na kakayahan at maaaring itaas ng ranggo, kaagad silang nagsasalita tungkol sa kung gaano kahusay ang taong ito, at kung ano ang nakikita at naihahayag sa kanya; at kung sasabihin mong ang isang tao ay masama, mabilis sila sa pagsasalita kung gaano ito kasama at kamakasalanan, kung paano siya nagdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala sa iglesia. Kapag nagtatanong ka tungkol sa mga aktuwal na sitwasyon, wala silang masasabi; nagpapaliguy-ligoy sila, naghihintay na gumawa ka ng konklusyon, nakikinig para sa kahulugan ng mga salita mo, upang maiayon nila ang kanilang mga salita sa iyong mga iniisip. Ang lahat ng sinasabi nila ay mga salitang masarap pakinggan, pambobola, at pagbibigay ng labis na papuri; walang sinserong salita ang lumalabas sa kanilang mga bibig(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikalawang Bahagi)). “Ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi matapat, ibig sabihin ay hindi sila nagpapakatotoo kahit kaunti. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay may karumihan at nagtataglay ng sarili nilang mga layunin at mithiin, at nakatago sa lahat ng ito ang kanilang mga hindi masabi at napakasamang panlalansi at pakana. Kaya naman ang mga salita at kilos ng mga anticristo ay lubos na kontaminado at punong-puno ng kawalang-katotohanan. Gaano man sila magsalita, imposibleng malaman kung alin sa kanilang mga sinasabi ang totoo, alin ang hindi totoo, kung alin ang tama, at alin ang mali. Ito ay dahil hindi sila matapat, at ang kanilang isipan ay lubhang kumplikado, puno ng mga mapanlinlang na pakana at sagana sa mga panlalansi. Wala silang sinasabi nang prangkahan. Hindi nila sinasabi na ang isa ay isa, ang dalawa ay dalawa, ang oo ay oo, at ang hindi ay hindi. Sa halip, sa lahat ng bagay, paliguy-ligoy sila at pinag-iisipang mabuti nang ilang beses ang mga bagay-bagay sa kanilang isipan, pinag-aaralan ang mga kahihinatnan, tinitimbang ang mga pakinabang at desbentaha mula sa bawat anggulo. Pagkatapos, binabago nila ang gusto nilang sabihin gamit ang wika kaya lahat ng sinasabi nila ay medyo masalimuot sa pandinig. Ang matatapat na tao ay hindi nauunawaan kailanman ang kanilang sinasabi at madali nilang malinlang at maloko ang mga ito, at sinumang nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao ay napapagod at nahihirapan. Hindi nila sinasabi kailanman na ang isa ay isa at ang dalawa ay dalawa, hindi nila sinasabi kailanman ang kanilang iniisip, at hindi nila inilalarawan kailanman ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito. Lahat ng sinasabi nila ay hindi maarok, at ang mga layunin at intensyon ng kanilang mga kilos ay napakakumplikado. Kung malantad ang katotohanan—kung mahalata sila ng ibang mga tao, at mabisto sila—agad silang nagtatahi ng isa pang kasinungalingan para makalusot. … Ang prinsipyo at pamamaraan ng mga taong ito sa pag-asal at pakikitungo sa mundo ay nilalansi nila ang mga tao gamit ang mga kasinungalingan. Doble-kara sila at nagsasalita para masiyahan ang kanilang tagapakinig; ginagampanan nila ang anumang papel na hinihingi ng sitwasyon. Madulas sila at madaya, puno ng mga kasinungalingan ang kanilang bibig, at hindi sila mapagkakatiwalaan. Sinuman ang nakikipag-ugnayan sandali sa kanila ay nalilihis o naguguluhan at hindi makatanggap ng panustos, tulong, o magandang halimbawa(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi)). Inihahayag ng mga salita ng Diyos na ang mga anticristo ay laging may nakatagong mga panlilinlang sa kanilang mga salita at kilos; paliguy-ligoy sila kung magsalita, niloloko ang iba, at wala silang anumang kredibilidad. Kahit kapag nakikipag-ugnayan sila kay Cristo, naghahanap sila ng mga pahiwatig sa Kanyang mga salita, tinitingnan kung saang direksyon umiihip ang hangin, at nagiging mambobola. Walang anumang totoo sa kanila. Talagang tuso, mapanlinlang, at masasama sila. Hindi ko pa direktang nakaugnayan si Cristo, pero naghanap ako ng mga palatandaan, nakiramdam ako, at hinulaan ko ang gusto ng iba. Nagpapakita ako ng disposisyon ng isang anticristo. Ilang buwan na ang nakararaan, hiniling ng lider ang pagsusuri ko kay Lilah. Noong panahong iyon, hindi ko narinig ang negatibong opinyon sa kanya ang lider; naisip ko na baka gusto nitong itaas ang ranggo ni Lilah. Kaya sinabi kong kaya ni Lilah na maghanap at tumanggap ng katotohanan sa harap ng mga problema, na siya ay may pagpapahalaga sa katarungan, at nakapagtataguyod siya ng mga interes ng iglesia. Talagang mga kalakasan niya lang ang isinulat ko, halos hindi binabanggit ang kanyang mga kahinaan. Pero sa pagkakataong ito, nang marinig ko na sinabi ng lider na hindi siya isang tamang tao at na hinihingi niya ang pagsusuri ng ibang tao kay Lilah, alam kong iba ang naging karanasan ko kay Lilah kaysa rito. Pero, para sabihin ng lider na mayroon akong pagkakilala, nakiayon ako sa kanya, at sinabing si Lilah ay may mayabang na disposisyon, na mapanghusga ito, at nahihirapang tumanggap ng katotohanan nang mangyari ang mga bagay-bagay. Iisang tao lang ang sinusuri ko sa parehong pagsusuri, pero magkaibang-magkaiba ang mga sinabi ko. Ni bahagya ay hindi ako naging patas o walang kinikilingan. Naisip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’(Mateo 5:37). Gayunpaman, noong nagsusulat ako tungkol kay Lilah, gusto kong bigyan ng magandang impresyon ang lider, kaya sinubukan kong hulaan kung ano ang gusto niyang marinig. Kinailangan ko munang ilang beses na pag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay bago ko sabihin ang opinyon ko, ginagawang komplikado ang isipan ko. May bahid ng mga pansariling layunin ang lahat ng sinabi at ginawa ko; wala ni isang salita roon ang totoo o tunay. Masyado akong naging mapanlinlang at masama. Wala akong prinsipyo sa mga salita at kilos ko, at hindi ako karapat-dapat sa tiwala ng Diyos o ng ibang mga tao. Ganap nang nawala ang dignidad at integridad ko. Habang tumatagal ay lalo akong nasusuklam sa sarili ko. Noon, nagalit ako nang makakita ako ng mga huwad na lider at anticristo na nang-aapi at kumokondena ng iba para protektahan ang sarili nilang pangalan at katayuan. Hindi ko kailanman inakalang gagawa ako ng ganoong uri din ng kasamaan. Binaluktot ko ang mga katotohanan para lang makamit ang sarili kong mga layunin at mapangalagaan ang sarili kong mga interes. Pinagmukha kong mapanghusga ang isang taong may pagpapahalaga sa katarungan na pinangangalagaan ang mga interes ng iglesia. Idinidiin at inaagrabyado ko ang isang mabuting tao. Pumanig ako sa isang huwad na lider, kinokondena at inaapi si Lilah.

Minsan sa isang pagtitipon, sinabi ng isang sister na narinig niyang gusto ng lider na mangalap ng mga pagsusuri kay Lilah, pero pakiramdam niya ay hindi naman katulad si Lilah ng kung paano ito inilarawan ng lider. Hindi pikit-matang nakinig sa lider ang sister na ito; sa halip, mayroon siyang pagkilatis sa sinabi at ginawa ng lider. Sinabi rin niya sa mga nakatataas na lider ang tungkol dito at napatigil niya ang gayong pagtrato kay Lilah. Nang maharap siya sa sitwasyong kapareho ng sa akin, kaya ng sister na ito na hanapin ang katotohanan; mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, at ang kanyang mga salita ay tapat at patas. Pinrotektahan niya si Lilah at itinaguyod ang mga interes ng iglesia, samantalang napaniwala ako ng mga kasinungalingan at panlilinlang ng huwad na lider, at sinuportahan ko ang kanyang hindi mapigil na kasamaan, umaastang parang kampon ni Satanas. Kinamuhian ko talaga ang sarili ko dahil dito. Pinagnilayan ko kung bakit napakadali kong sumuko nang sabihin ng lider ang mga bagay na iyon tungkol kay Lilah. Iyon ay dahil hindi ko lubos na nauunawaan ang katotohanan tungkol sa kung ano ang pagiging mapanghusga. Sa katunayan, ang susi para malaman kung mapanghusga ba ang isang tao ay ang tingnan ang mga layuning nasa likod ng mga salita niya, at kung ang mga problemang iniuulat niya ay totoo. Kung ang isang tao ay may matuklasang mga huwad na lider na sumasalungat sa mga prinsipyo at hindi gumagawa ng totoong gawain, at pagkatapos ay makipagbahaginan at mangilatis siya kasama ng mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan, kung ang intensiyon ng taong iyon ay ang itaguyod ang mga interes ng iglesia, siya ay hindi nagiging mapanghusga, kundi sa halip ay may pagpapahalaga siya sa katarungan. Ang mga talagang mapanghusga ay may sarili nilang mga layunin; binabaluktot nila ang mga katunayan at ganap na binabago ang mga ito; sinisiraan at inaatake nila ang mga tao; naghahanap sila ng mga magagamit laban sa iba, o pinalalaki nila ang katiwaliang ipinakikita ng mga tao, at basta na lang binabansagan ang mga ito. Ang tanging idinudulot nila sa iba ay pang-aapi at pagkondena. Iyon ang ibig sabihin ng pagiging mapanghusga. Wala akong dalisay na pagkaunawa sa ibig sabihin ng pagiging mapanghusga; kaya, mapanlinlang kong pinaniwalaan na kung may matuklasan tayong mga problema sa isang lider o manggagawa, dapat nating sabihin ito nang direkta sa kanya o iulat ito sa isang nakatataas na lider, at na kung palihim nating tatalakayin sa mga kapatid ang mga problema niya, pagiging mapanghusga iyon. Hindi ko tinitingnan ang konteksto o diwa ng sitwasyon. Nang marinig ko na pribadong nakipag-usap si Lilah sa ibang mga kapatid, sinasabing hindi gumagawa ng totoong gawain ang ilang lider at na mga huwad na lider sila, inakala kong naging mapanghusga siya, kaya basta-basta ko siyang kinondena. Hindi ko inisip kung totoo ba ang sinabi niya. Pero ngayon, ipinakita ng mga katunayan na totoo ang iniulat niya. Naglakas-loob siyang sabihin ang katotohanan at protektahan ang mga interes ng iglesia. Siya ay may pagpapahalaga sa katarungan, hindi mapanghusga.

Natuto ako ng ilang aral sa kabiguan kong ito. Sa mga pagsusuri sa hinaharap, kailangan kong magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi pikit-matang magtiwala sa iba. Kailangan kong kilatisin ang diwa ng mga bagay-bagay ayon sa mga katunayan at mga salita ng Diyos. Kung hindi ko nauunawaan ang katotohanan at hindi ko makita nang malinaw ang mga bagay-bagay, kailangan kong maging prangka man lang, at hindi maglangis ng tao at magbaluktot ng mga bagay-bagay. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kapag sinasasabi Kong ‘sumusunod sa daan ng Diyos,’ ano ang pinatutungkulan ng ‘daan ng Diyos’? Ang ibig sabihin ay pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. At ano ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Kapag sinusuri mo ang isang tao, halimbawa—nauugnay ito sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Paano mo sila kinikilatis? (Dapat tayong maging matapat, makatarungan, at patas, at hindi dapat nakabatay sa ating mga damdamin ang ating mga salita.) Kapag sinasabi mo kung ano mismo ang iniisip mo, at kung ano mismo ang nakita mo, nagiging matapat ka. Una sa lahat, ang pagiging matapat ay tugma sa pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang itinuturo ng Diyos sa mga tao; ito ang daan ng Diyos. Ano ang daan ng Diyos? Pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang pagiging matapat ba ay hindi bahagi ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? At hindi ba ito pagsunod sa daan ng Diyos? (Oo, pagsunod ito.) Kung hindi ka matapat, ang nakikita mo at ang iniisip mo ay hindi tugma sa lumalabas sa bibig mo. May magtatanong sa iyo, ‘Ano ang opinyon mo sa taong iyon? Responsable ba siya sa gawain ng iglesia?’ at sasagot ka, ‘Magaling siya. Mas responsable siya kaysa sa akin, mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin, at mabuti rin ang pagkatao niya. Nasa kahustuhan siya at matatag siya.’ Pero ito ba talaga ang iniisip mo sa puso mo? Ang talagang nakikita mo ay bagama’t may kakayahan nga ang taong ito, siya ay hindi maaasahan, medyo mapanlinlang, at napakamapagpakana. Ito talaga ang iniisip mo, pero noong oras nang magsalita, naisip mo na, ‘Hindi ko puwedeng sabihin ang katotohanan, hindi ko dapat mapasama ang loob ng sinuman,’ kaya mabilis kang nagsabi ng ibang bagay, at pinili mong magsalita ng mabubuting bagay tungkol sa kanya, pero wala ni isa sa sinabi mo ang talagang nasa isip mo; ang lahat ng ito ay kasinungalingan at lahat ay pandaraya. Ipinapakita ba nito na sinusunod mo ang daan ng Diyos? Hindi. Ang tinatahak mo ay ang daan ni Satanas, ang daan ng mga demonyo. Ano ang daan ng Diyos? Ito ang katotohanan, ito ang batayan kung saan dapat ibagay ng mga tao ang kanilang pag-uugali, ito ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Bagama’t nakikipag-usap ka sa ibang tao, nakikinig din ang Diyos; pinagmamasdan Niya ang iyong puso at sinisiyasat ito. Nakikinig ang mga tao sa sinasabi mo, pero sinisiyasat ng Diyos ang puso mo. Kaya ba ng mga tao na siyasatin ang puso ng tao? Ang pinakamagagawa nila ay ang makita na hindi ka nagsasabi ng katotohanan; nakikita nila kung ano ang nasa panlabas, pero tanging Diyos lamang ang nakakikita ng nasa pinakakaibuturan ng puso mo. Ang Diyos lamang ang nakakikita ng iniisip mo, ng pinaplano mo, at ng maliliit na pakana, mga mapandayang paraan, at aktibong mga iniisip na mayroon ka sa puso mo. Kapag nakikita ng Diyos na hindi ka nagsasabi ng totoo, ano ang opinyon at ebalwasyon Niya sa iyo? Na hindi mo sinunod ang daan ng Diyos sa bagay na ito dahil hindi ka nagsabi ng totoo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Napagtanto ko mula sa mga salita ng Diyos na ang lahat ng nangyayari ay pangunahing may kaugnayan sa kung kaya ba nating matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Nakikita ng Diyos ang puso at isipan natin. Nakikita ng Diyos ang lahat-lahat ng iniisip at ginagawa natin. Kapag sinusuri natin ang iba, dapat mayroon tayong may-takot-sa-Diyos na puso. Hindi tayo dapat kinokontrol ng sarili nating layunin o interes, kundi sa halip ay maging makatunayan, sinasabi kung ano lang ang nalalaman natin, at nagiging matapat ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kung wala tayong malinaw na pagkaunawa sa pag-uugali ng isang tao, o sa mga katotohanang prinsipyo na angkop sa sitwasyon, dapat ay mas maghanap at magdasal pa tayo, para hindi tayo basta-basta nanghuhusga o nambabansag sa isang tao. Naisip ko rin ang gawain ng paglilinis ng iglesia. Ang pagkakaroon ng mga pansariling layunin, at ang pagkabigong suriin ang mga tao nang walang kinikilingan at nang ayon sa mga katunayan, ay maaaring makaligaw sa iba. Sa mga malalalang kaso, maaaring maling mapaalis o mapatalsik ang isang tao, at sa gayon ay magawan siya ng hindi tama. Ang pagsasalita at pagkilos batay sa mga damdamin, ang pagtatanggol at pagpoprotekta sa isang hindi mananampalataya o sa isang masamang tao, ay maaaring mangahulugan na ang isang taong dapat alisin o patalsikin ay napanatili sa iglesia kung saan maaari itong lalo pang makagambala. Ganoon din sa mga pagbabago ng tungkulin. Kung mali ang isang pagsusuri, maaari nitong mapigilan ang mabubuting tao na maitaas ang ranggo at malinang, habang ang masasamang tao ay nananatili sa kanilang posisyon. Hindi lang nito naaantala ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid, kundi ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng iglesia. Bukod pa rito, napagtanto ko na ang mga pagsusuri ay kailangang nakabatay sa pangkalahatang pag-uugali; kailangang patas at walang kinikilingan ang mga ito. Hindi tayo puwedeng tumuon sa mga kahinaan lang o panandaliang paghahayag ng katiwalian ng mga tao, nang pinalalaki ito at binabansagan sila. Matapos kong mapagtanto ito, sinimulan kong paalalahanan ang sarili ko na sa hinaharap kailangan kong magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso kapag sinusuri ang ibang mga tao, at gawin ito nang ayon sa katotohanan, nang patas, at walang kinikilingan. Kalaunan, kinailangan kong sumulat ng isa na namang pagsusuri kay Lilah dahil sa tungkulin. Alam kong isa itong pagsubok, upang makita kung kaya kong isagawa ang katotohanan, pumasok sa mga prinsipyo, at suriin ang aking sister nang patas at walang kinikilingan. Kaya, pinatahimik ko ang puso ko sa harap ng Diyos at nagdasal ako, hinihiling sa Diyos na siyasatin ang puso ko. Gusto kong maging tapat. Kailangan kong magsalita nang malinaw, at hindi magsalita mula sa sarili kong layunin. Kailangan kong isulat kung ano ang alam ko, at sabihin kung hindi ko alam ang isang bagay. Mas gumaan ang pakiramdam ko nang isagawa ko ito.

Ang pagsusuring iyon kay Lilah ay nakatulong sa aking makita ang sarili kong tuso at mapanlinlang na tiwaling disposisyon, at na kung magsasalita at kikilos ako mula sa sarili kong layunin, makagagawa ako ng kasamaan at makapipinsala ng mga tao nang hindi ko sinasadya. Nakita ko rin na ang pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ang pagsasalita at pagkilos nang tapat sa paraang itinuturo sa atin ng Diyos, at ang pagiging matapat na tao, ang tanging paraan para isabuhay ang isang tunay na wangis ng tao at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.

Sinundan: 21. Paglalantad sa Aking “Espirituwal na Magulang”

Sumunod: 23. Ang Isang Tungkulin ay Hindi Nagbubunga Kung Walang Mga Prinsipyo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito