Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3

Ano ang pinagbahaginan natin noong huli nating pagtitipon? Nagbabahaginan tayo sa kung paano hangarin ang katotohanan, na may kaugnayan sa dalawang pangunahing paksa na siyang pangunahing dalawang aspekto ng pagsasagawa. Ano ang una? (Ang una ay ang pagbitiw.) At ang pangalawa? (Ang pangalawa ay ang pag-alay.) Ang una ay ang pagbitiw, at ang pangalawa ay ang pag-alay. Tungkol sa pagsasagawa ng “pagbitiw,” una tayong nagbahaginan tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon. Ang unang aspekto ng “pagbitiw” ay may kinalaman sa pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon. Kaya nang pag-usapan natin ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon, alin sa mga ito ang ating nabanggit? (Unang tinalakay ng Diyos ang tungkol sa pagiging mas mababa, poot, at galit, at pangalawa naman Niyang tinalakay ang tungkol sa depresyon.) Una Kong tinalakay ang pangangailangan na bitiwan ang poot, galit, at pagiging mas mababa—ito ang tatlong negatibong emosyon na Aking pangunahing tinalakay, at tinalakay Ko rin nang mahaba-haba ang tungkol sa depresyon. Pangalawa Ko namang tinalakay ang pagsasagawa na bitiwan ang depresyon bilang isa sa mga negatibong emosyon. Maaaring malugmok sa depresyon ang mga tao dahil sa iba’t ibang kadahilanan, at noong huli nating talakayan, pangunahin Kong tinalakay ang ilang paraan kung paano maaaring lumitaw ang negatibong emosyon ng depresyon. Sabihin ninyo sa Akin, anu-ano ang mga binanggit Kong pangunahing magsasanhi ng emosyon ng depresyon? (O Diyos, may tatlong pangunahing sanhi sa kabuuan. Una, palaging nadarama ng mga tao na sila ay may masamang kapalaran; pangalawa, sinisisi ng mga tao ang kanilang kamalasan kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay; at pangatlo ay kapag nakagawa ng malubhang paglabag ang mga tao noon, o kapag may nagawa silang kahangalan o kamangmangan, na nagdulot sa kanilang malugmok sa depresyon.) Ito ang tatlong pangunahing sanhi. Ang una ay dahil naniniwala ang mga tao na masama ang kapalaran nila, kaya madalas silang nalulugmok sa depresyon; ang pangalawa ay dahil naniniwala ang mga tao na malas sila, kaya madalas din silang nalulugmok sa depresyon; at ang pangatlo ay dahil nakagawa ang mga tao ng malulubhang paglabag, kaya madalas din silang nalulugmok sa depresyon. Ito ang tatlong pangunahing sanhi. Ang emosyon ng depresyon ay hindi lamang isang pansamantalang pagkaramdam ng pagkanegatibo o kalungkutan. Sa halip, ito ay isang nakagawian at paulit-ulit na negatibong emosyon sa isipan na dulot ng ilang sanhi. Ang negatibong emosyong ito ay nagdudulot sa mga tao na magkaroon ng maraming negatibong kaisipan, pananaw, at palagay, at maging ng maraming sukdulan at baluktot na kaisipan, pananaw, pag-uugali, at pamamaraan. Ito ay hindi pansamantalang lagay ng loob o panandaliang ideya; ito ay isang paulit-ulit at nakagawiang negatibong emosyon, na laging kasama ng mga tao, sinasamahan sila nito sa kanilang buhay sa pinakakaibuturan ng kanilang puso at kaluluwa, at kasama nila ito sa kanilang mga iniisip at ginagawa. Bukod sa nakakaapekto ang negatibong emosyong ito sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao ng mga tao, maaari din itong magkaroon ng epekto sa iba’t ibang palagay, pananaw, at perspektiba ng mga tao sa paraan nila ng pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa kanilang inaasal at mga ikinikilos araw-araw. Kaya naman mahalaga para sa atin na suriin ang iba’t ibang negatibong damdamin, himay-himayin ang mga ito, at kilalanin ang mga ito, bago bitiwan ang mga ito at isa-isang baguhin ang mga ito, nagsisikap na unti-unting talikdan ang mga ito upang ang iyong konsensiya at katwiran, pati na ang iyong kaisipan bilang tao, ay maging normal at praktikal, at upang ang iyong paraan ng pagtingin sa mga tao at bagay at ang paraan ng iyong pag-asal at pagkilos sa iyong pang-araw-araw na buhay ay hindi na apektado, kontrolado, o kaya ay pinipigilan pa ng mga negatibong damdamin na ito—ito ang pangunahing layunin ng pagsusuri at pagkilatis sa iba’t ibang negatibong emosyong ito. Ang pangunahing layunin ay hindi para makinig ka sa Aking sinasabi, hindi para malaman mo ito, unawain ito, at tapos ay tatapusin mo na roon, kundi para malaman mo mula sa Aking mga salita kung gaano kalala ang pinsala ng mga negatibong emosyon sa mga tao, para malaman mo kung gaano kamapaminsala ang mga ito at gaano kalaki ang epekto nito sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, kung paano nila tinitingnan ang mga tao at bagay, at kung paano sila umaasal at kumikilos.

Nagbahaginan din tayo dati kung paanong, sa isang antas, ang mga negatibong emosyong ito ay hindi umaabot sa antas ng mga tiwaling disposisyon at ng tiwaling diwa, ngunit pinapalala at pinapalubha ng mga ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao sa isang antas, nagbibigay ng batayan para sa paggawa nila ng mga bagay-bagay batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at nagbibigay ng mas maraming dahilan sa mga tao upang mamuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon habang suportado ng mga negatibong emosyong ito, pati na rin ng dahilan upang tingnan ang sinumang tao o anumang bagay nang ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang mga negatibong emosyong ito, samakatuwid, ay pawang may iba’t ibang antas ng epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, at sa isang antas, naaapektuhan at nakokontrol ng mga ito ang iba’t ibang kaisipan ng mga tao, at naiimpluwensyahan ng mga ito ang kanilang mga saloobin, perspektiba, at palagay sa katotohanan at sa Diyos. Maaaring sabihin na ang mga negatibong emosyong ito ay wala talagang magandang epekto sa mga tao, wala ring positibo o kapaki-pakinabang na epekto ang mga ito, sa halip, maaari lamang makapinsala ang mga ito sa mga tao. Kaya naman, kapag ang mga tao ay namumuhay sa loob ng mga negatibong emosyong ito, ang kanilang puso ay natural na naiimpluwensyahan at nakokontrol ng mga ito, at hindi nila mapigilan ang kanilang sarili na mamuhay sa isang negatibong kalagayan, at nagkakaroon pa nga sila ng mga sukdulang pananaw tungkol sa mga tao at bagay mula sa mga kakatwang perspektiba. Kapag tinitingnan ng mga tao ang isang tao o bagay mula sa perspektiba at pananaw ng mga negatibong emosyon, natural na ang mga pag-uugali, pamamaraan, at epekto ng mga asal at kilos na magagawa nila ay marurumihan ng mga sukdulan, negatibo, at lugmok sa depresyon na emosyon. Ang mga negatibo, lugmok sa depresyon, at sukdulang emosyong ito ay magdudulot sa mga tao na maging masuwayin sa Diyos, hindi masiyahan sa Diyos, sisihin ang Diyos, tutulan Siya, at salungatin pa nga Siya, pati na rin, siyempre, ang kapootan Siya. Halimbawa, kapag ang isang tao ay naniniwala na siya ay may masamang kapalaran, sino ang kanyang sinisisi? Maaaring hindi niya sabihin ito, ngunit sa kanyang puso, naniniwala siyang ang Diyos ay nagkamali at hindi patas, at iniisip niya, “Bakit siya ginawang guwapo ng Diyos? Bakit siya pinahintulutan ng Diyos na maipanganak sa ganoon kagandang pamilya? Bakit siya binigyan ng Diyos ng gayong mga kaloob? Bakit siya binigyan ng Diyos ng gayon kahusay na kakayahan? Bakit napakahina ng kakayahan ko? Bakit isinaayos ng Diyos na maging lider siya? Bakit hindi ako napipili kailanman, bakit hindi ako naging lider kahit isang beses man lang? Bakit maayos para sa kanya ang lahat ng bagay, subalit kapag ako ang gumagawa, kahit kailan ay hindi ito nagiging tama o maayos? Bakit napakamiserable ng kapalaran ko? Bakit sobrang naiiba ang mga bagay na nangyayari sa akin? Bakit masasamang bagay lang ang nangyayari sa akin?” Bagaman ang mga kaisipang ito na nagmumula sa mga emosyon na lugmok sa depresyon ay hindi nagiging dahilan para sisihin ng mga tao ang Diyos, o salungatin ang Diyos at ang kanilang kapalaran sa kanilang pansariling kamalayan, ang mga ito ay nagdudulot sa mga tao na madalas at hindi sinasadyang malubog sa mga emosyon ng pagsuway, kawalang kasiyahan, paghihinanakit, pagkainggit, at pagkapoot sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa malulubhang kaso, maaari pa ngang magdulot ang mga ito sa mga tao ng mas sukdulang mga kaisipan at pag-uugali. Halimbawa, kapag ang ilang tao ay nakakakita ng ibang tao na mas mahusay sa kanila at pinupuri ng Diyos, nakararamdam sila ng inggit at pagkamuhi. Dahil dito, nagsisimula silang gumawa ng mabababaw na bagay: Nagsasalita sila ng masama tungkol sa taong ito at minamaliit nila ito habang ito ay nakatalikod, palihim silang gumagawa ng ilang kaduda-duda at hindi makatwirang bagay, at iba pa. Ang paglitaw ng magkakasunod na isyung ito ay may direktang kinalaman sa kanilang depresyon at mga negatibong emosyon. Ang magkakasunod na kaisipan, kilos, at paraan na ito na nagmumula sa kanilang lugmok sa depresyon na emosyon ay maaaring tila ba mga uri ng emosyon lamang sa simula, ngunit sa pag-usad ng mga bagay-bagay, ang mga negatibo at lugmok sa depresyon na emosyong ito ay mas lalo pang nanghihikayat sa mga tao na mamuhay ayon sa kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon. Gayunpaman, kung nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at namumuhay sila nang may normal na pagkatao, kapag umuusbong ang mga negatibo at lugmok sa depresyon na emosyong ito sa kanilang kalooban, maaaring agad na kumilos ang kanilang konsensiya at katwiran, at maaaring mamalayan ng mga taong ito ang presensya at panggugulo ng mga lugmok sa depresyon na emosyon na ito at mahahalata nila ang mga ito. Kung gayon ay agad nilang matatalikdan ang kanilang mga lugmok sa depresyon na emosyon, at kapag nahaharap sila sa mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang kasalukuyang sitwasyon, makagagawa sila ng mga makatwirang desisyon at matitingnan nila nang makatwiran ang mga sitwasyong kanilang kinakaharap at ang mga bagay na kanilang nararanasan mula sa tamang perspektiba. Kapag ginagawa ng mga tao ang lahat ng ito nang may katwiran, ang pinakamababang bagay na kanilang magagawa ay ang tanggapin ang pamamahala ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Mas mainam pa, kung nauunawaan nila ang katotohanan, makakakilos sila nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo sa mas makatwirang paraan, batay sa kanilang konsensiya at katwiran, at hindi sila aasal o kikilos sa ilalim ng pamamahala ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Gayunman, kung ang mga negatibong emosyon ang pangunahing kumokontrol sa kanilang puso, iniimpluwensyahan ang kanilang mga kaisipan, pananaw, at paraan ng kanilang pangangasiwa sa mga usapin at ang kanilang pag-asal, natural lang na makaaapekto ang mga negatibong emosyong ito sa kanilang pag-usad sa buhay, at dahil dito ay mahahadlangan at magugulo ang kanilang mga kaisipan, pagpili, kilos, at pamamaraan sa lahat ng uri ng sitwasyon. Sa isang aspekto, pinapalala ng mga negatibong emosyong ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, kaya nagiging komportable ang mga tao at nararamdaman nilang makatwiran na mamuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon; sa isa pang aspekto, maaari din itong magdulot sa mga tao na tutulan ang mga positibong bagay at sa halip ay mamuhay sa pagkanegatibo, ayaw na maliwanagan. Sa ganitong paraan, ang mga negatibong emosyon ay mas lumalaganap at lumalala sa mga tao, at talagang hindi nito pinahihintulutan ang mga tao na kumilos nang may katwiran sa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran. Sa halip, hinahadlangan nito ang mga tao na hanapin ang katotohanan at mamuhay sa harap ng Diyos, at, sa ganitong paraan, ang mga tao ay natural na lalo pang nasisira, hindi lamang nakadarama ng pagkanegatibo, kundi lumalayo pa sa Diyos. At ano ang kahihinatnan kung magpapatuloy ang mga bagay-bagay nang ganito? Bukod sa hindi malulutas ng mga negatibong emosyon ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, palalakasin pa ng mga ito ang mga negatibong emosyon, na magdudulot sa mga tao na pangasiwaan ang mga bagay at na umasal batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon at sa kanilang sariling paraan. Ano ang gagawin ng mga tao kapag sila ay pinangingibabawan ng mga mali at sukdulang kaisipan at pananaw? Guguluhin ba nila ang gawain ng iglesia? Magpapalaganap ba sila ng pagkanegatibo, at huhusgahan ang Diyos at ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Sisisihin ba nila ang Diyos at susuwayin Siya? Tiyak na oo! Ito ang mga pinakamalalang kahihinatnan. Magkakaroon ng magkakasunod na paraan sa kalooban ng mga tao, tulad ng pagsuway, kawalang kasiyahan, pagkanegatibo, at pagtutol—lahat ito ay mga bunga ng pangingibabaw ng mga negatibong emosyon sa puso ng mga tao sa loob ng mahabang panahon. Tingnan mo, isang maliit na negatibong emosyon—isang emosyong waring hindi mararamdaman ng mga tao, na ni hindi mararamdaman ng mga tao ang pag-iral o anuman ang epekto nito sa kanila—ang maliit na negatibong emosyong ito ay patuloy na sumusunod sa kanila na para bang taglay na nila ito simula noong sila ay ipinanganak. Nagdudulot ito ng lahat ng uri ng pinsala sa mga tao, at patuloy ka pa nga nitong sinasakop, tinatakot, sinusupil, at iginagapos, hanggang sa puntong sinasamahan ka na nito sa lahat ng oras, gaya lamang ng iyong buhay, ngunit wala kang kamalay-malay rito, madalas kang namumuhay sa loob nito at itinuturing itong normal lang, iniisip ang mga bagay tulad ng, “Ganito dapat mag-isip ang mga tao, walang mali rito, normal na normal ito. Sino ba ang walang mga aktibong kaisipang gaya nito? Sino ba ang walang mga negatibong emosyon?” Hindi mo nararamdaman ang pinsalang dulot sa iyo ng negatibong emosyong ito, ngunit tunay na tunay ang pinsala, at madalas na hindi mo mamamalayang mauudyukan ka nito na natural na ilabas ang iyong mga tiwaling disposisyon, at kumilos at umasal batay sa iyong mga tiwaling disposisyon, hanggang sa wakas ay gawin mo na ang lahat ng bagay ayon sa iyong mga tiwaling disposisyon. Mahuhulaan mo na kung ano ang magiging mga huling resulta nito: Ang mga ito ay pawang negatibo, pawang hindi maganda, wala man lang kapaki-pakinabang o positibo, lalong walang makakatulong sa mga tao na makamit ang katotohanan at ang papuri ng Diyos—ang mga ito ay hindi mga optimistikong resulta. Kaya naman, hangga’t mayroong mga negatibong emosyon sa isang tao, ang lahat ng uri ng negatibong kaisipan at pananaw ay malubhang makakaimpluwensya at mangingibabaw sa kanyang buhay. Hangga’t ang mga negatibong kaisipan at pananaw ay nakakaimpluwensya at nangingibabaw sa kanyang buhay, may malalaking hadlang na pipigil sa kanyang mahangad ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, at makapasok sa katotohanang realidad. Kaya naman, kinakailangan na ituloy natin ang pagbubunyag at pagsusuri sa mga negatibong emosyong ito, upang malutas ang lahat ng ito.

Ang mga negatibong emosyon na katatapos lang nating pagbahaginan ay may seryosong epekto at nagdudulot ang mga ito ng malubhang pinsala sa mga tao, ngunit may iba pang mga negatibong emosyon na nakakaimpluwensya at nakakapinsala rin sa mga tao. Bukod sa mga negatibong emosyon ng poot, galit, pagiging mas mababa, at depresyon na pinag-usapan na natin, mayroon ding mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa at pag-aalala. Ang mga emosyong ito ay malalim ding nakaugat sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at sumasama ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, at sa kanilang mga salita at kilos. Siyempre, kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa mga tao, nakakaapekto rin ang mga ito sa mga kaisipan at pananaw na nabubuo sa kanilang kalooban, pati na rin sa kanilang mga palagay at perspektiba. Ngayong araw, susuriin at ibubunyag natin ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at sisikapin nating matulungan ang mga tao na matuklasan ang mga ito sa kanilang mga sarili. Pagkatapos na matuklasan ng mga tao ang mga negatibong emosyon na ito sa kanilang mga sarili, ang pangunahing layunin ay ang makilala nila ang mga negatibong emosyong ito nang lubusan, ang maiwaksi ang mga ito, ang huwag nang mamuhay sa ilalim ng impluwensya ng mga ito, at ang huwag nang mamuhay at umasal gamit ang mga negatibong emosyong ito bilang kanilang batayan at pundasyon. Una, tingnan natin ang mga salitang “pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala.” Hindi ba’t mga paraan ng pagpapahayag ng emosyon ang mga ito? (Ganoon na nga.) Bago tayo magbahaginan tungkol sa paksang ito, pagmuni-munihan muna natin ito, upang magkaroon ka ng pinakabatayang konsepto tungkol sa “pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala.” Kung literal man ang maging pagkaunawa mo sa mga salita, o mas malalim ang maging pagkaunawa mo kaysa sa literal na kahulugan ng mga ito, magkakaroon ka na ng batayang kaalaman tungkol sa mga negatibong emosyong ito. Sabihin muna ninyo sa Akin kung ano ang mga bagay na nagdulot sa inyo ng pag-aalala noon, o kung ano ang mga bagay na palagi ninyong ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala. Ang mga ito ay maaaring tulad ng isang malaking bato na dumudurog sa iyo, o parang isang anino na palaging sumusunod sa iyo, na iginagapos ka. (Diyos ko, magsasabi ako ng ilang salita. Kapag hindi ako nakakapagkamit ng anumang resulta sa aking tungkulin, malakas ang emosyong ito, at nag-aalala ako kung ako ay mabubunyag ba at matitiwalag, at kung magkakaroon ba ako ng magandang kinabukasan at hantungan. Kapag nagkakamit ako ng mga resulta sa aking tungkulin, hindi ko nararamdaman ito, ngunit kapag hindi ako nagkakamit ng mga resulta sa loob ng ilang panahon, ang ganitong uri ng negatibong emosyon ay lubos na kapansin-pansin.) Hindi ba’t pagpapamalas ito ng mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala? (Oo.) Tama iyan. Ang ganitong uri ng negatibong emosyon ay nagtatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao sa lahat ng oras, palaging nakakaimpluwensya sa kanilang mga kaisipan. Bagaman hindi maramdaman ng mga tao ang ganitong uri ng negatibong emosyon kapag walang masamang nangyayari, ito ay parang isang amoy, o parang isang uri ng gas, o mas higit pa, parang isang daloy ng kuryente. Hindi mo ito nakikita at kapag hindi mo ito namamalayan, hindi mo nga rin ito nararamdaman. Gayunpaman, palagi mong nadarama ang presensya nito sa kaibuturan ng iyong puso, gaya ng diumano’y pagkadama ng supernatural, at palagi mong hindi namamalayan na nadarama mo ang pag-iral ng ganitong uri ng kaisipan at emosyon. Sa tamang oras, sa tamang lugar, at sa tamang konteksto, ang ganitong uri ng negatibong emosyon ay unti-unting lilitaw, at unti-unting uusbong. Hindi ba’t ganoon nga iyon? (Oo.) Kaya, ano pa ang ibang mga bagay na nagpapadama sa inyo ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala? Wala na bang iba maliban sa nabanggit kanina? Kung gayon, dapat ay namumuhay kayo nang masayang-masaya at walang pag-aalala, walang anumang pagkabalisa, at hindi nababagabag sa anumang bagay—kung gayon ay magiging tunay kayong malaya. Ganoon nga ba ang nangyayari? (Hindi.) Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin kung ano ang nasa inyong puso. (Kapag hindi maganda ang pagganap ko sa aking tungkulin, palagi kong inaalala ang pagkawala ng reputasyon at katayuan, inaalala ko kung ano ang iisipin sa akin ng mga kapatid, at kung ano ang iisipin sa akin ng aking lider. Dagdag pa, kapag nakikipagtulungan ako sa mga kapatid para gampanan ang aking tungkulin at palagi kong naihahayag ang aking mga tiwaling disposisyon, palagi akong nag-aalala na matagal na akong nananampalataya sa Diyos ngunit wala man lang akong pagbabago, at kung magpapatuloy ang ganito, marahil isang araw ay matitiwalag ako. Ito ang mga pangamba ko.) Kapag may mga ganito kang pangamba, lumilitaw ba sa iyo ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala? (Oo.) Kaya, karamihan sa inyo ay nababalisa at nag-aalala dahil hindi ninyo mahusay na ginagampanan ang inyong mga tungkulin, tama ba? (Pangunahin na ako ay nag-aalala sa aking kinabukasan at kapalaran.) Ang pag-aalala sa kinabukasan at kapalaran ang nangungunang dahilan. Kapag ang mga tao ay hindi lubos na naiintindihan o hindi nauunawaan, natatanggap o nakapagpapasakop sa mga kapaligirang pinangangasiwaan ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at kapag ang mga tao ay nahaharap sa iba’t ibang paghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay, o kapag ang mga paghihirap na ito ay lampas na sa kayang tiisin ng pangkaraniwang tao, hindi nila namamalayan na nakadarama sila ng iba’t ibang uri ng pag-aalala at pagkabalisa, at maging ng pagkabagabag. Hindi nila alam kung ano ang mangyayari bukas, o sa susunod na araw, o kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay sa mga susunod na ilang taon, o kung ano ang kanilang kinabukasan, kaya sila ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay. Ano ang konteksto kung saan ang mga tao ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa kung anu-anong bagay? Ito ay ang hindi nila pananalig sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—ibig sabihin, hindi nila magawang manalig at lubos na maunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kahit pa makita ito ng sarili nilang mga mata, hindi pa rin nila ito mauunawaan o paniniwalaan. Hindi sila naniniwala na hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang kapalaran, hindi sila naniniwala na ang kanilang buhay ay nasa mga kamay ng Diyos, kaya umuusbong sa kanilang puso ang kawalan ng tiwala sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at pagkatapos ay lumilitaw ang paninisi at hindi nila magawang makapagpasakop. Maliban sa paninisi at hindi pagpapasakop, nais nilang maging panginoon ng kanilang sariling kapalaran at kumilos sa kanilang sariling inisyatiba. Ano nga ba ang nagiging aktuwal na sitwasyon kapag nagsimula silang kumilos sa kanilang sariling inisyatiba? Ang kaya lamang nilang gawin ay ang mamuhay nang umaasa sa kanilang sariling kakayahan at mga abilidad, ngunit maraming bagay ang hindi nila makamit, maabot, o maisakatuparan gamit ang kanilang sariling kakayahan at mga abilidad. Halimbawa: kung ano ang mangyayari sa kanila sa hinaharap, kung makapapasok ba sila sa kolehiyo, kung makakakuha ba sila ng magandang trabaho pagkatapos nilang magkolehiyo, at kung magiging maayos ba ang lahat para sa kanila pagkatapos nilang magkaroon ng trabaho; at kung nais nilang umangat at yumaman, kung makakamit ba nila ang kanilang mga hangarin at ninanais sa loob ng ilang taon; at pagkatapos, kung nais nilang makahanap ng mapapangasawa, at magpakasal at magkaroon ng pamilya, anong klase ba ng asawa ang angkop para sa kanila? Para sa tao, walang nakakaalam ng ganitong mga bagay. Dahil walang nakakaalam sa ganitong mga bagay, hindi alam ng mga tao kung ano ang gagawin. Kapag hindi alam ng mga tao ang gagawin, nakadarama sila ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala—nararamdaman nila ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa lahat ng posibleng mangyari sa kanilang hinaharap. Bakit nga ba ganito? Ito ay dahil, sa saklaw ng normal na pagkatao, hindi kayang tiisin ng mga tao ang lahat ng bagay na ito. Walang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa kanila sa loob ng ilang taon, walang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa kanilang trabaho, buhay may-asawa, o mga anak sa hinaharap—hindi talaga alam ng mga tao ang mga bagay na ito. Ito ay mga bagay na hindi kayang malaman ng kakayahan ng normal na pagkatao, kaya palaging nararamdaman ng mga tao ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa mga ito. Kahit gaano kasimple ang isip ng isang tao, hangga’t nagagawa niyang mag-isip, ang mga negatibong emosyong ito ay isa-isang uusbong sa kaibuturan ng kanyang puso kapag siya ay nasa hustong edad na. Bakit nga ba lumilitaw ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala sa mga tao? Ito ay dahil ang mga tao ay palaging nag-aalala at nababagabag sa mga bagay na labas sa saklaw ng kanilang abilidad; palagi nilang gustong malaman, maunawaan, at magawa ang mga bagay na labas na sa saklaw ng kanilang abilidad, at nais pa nga nilang kontrolin ang mga bagay na labas na sa saklaw ng mga abilidad ng normal na pagkatao. Nais nilang kontrolin ang lahat ng ito, at hindi lamang iyon—nais din nila na ang mga batas at resulta ng pag-unlad ng mga bagay na ito ay umusad at matupad ayon sa kanilang sariling kagustuhan. Kaya naman, dahil napangingibabawan ng gayong mga hindi makatwiran na kaisipan, nakadarama ang mga tao ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at ang mga bunga ng mga emosyong ito ay magkakaiba sa bawat tao. Anuman ang mga bagay na labis na nagdudulot sa mga tao ng pagkabagabag, pagkabalisa, o pag-aalala, na siyang nagbubunga ng mga negatibong emosyong ito, dapat seryosohin ng mga tao ang mga ito at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito.

Pangunahin nating pagbabahaginan ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala mula sa dalawang aspekto: Ang una ay ang suriin ang mga paghihirap ng mga tao upang malaman kung ano ang mga ito, at mula roon, makita kung ano ang mismong mga dahilan ng paglitaw ng mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at kung paano mismo lumilitaw ang mga ito; ang ikalawa ay ang suriin ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala batay sa iba’t ibang saloobin ng mga tao sa gawain ng Diyos. Naiintindihan ba ninyo? (Oo.) Ilang aspekto ang mayroon? (Dalawa.) Ating susuriin ang mga dahilan ng paglitaw ng mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, una mula sa mga paghihirap ng mga tao, at pangalawa mula sa mga saloobin ng mga tao sa gawain ng Diyos. Ulitin ninyo iyon sa Akin. (Ating susuriin ang mga dahilan ng paglitaw ng mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, una mula sa mga paghihirap ng mga tao, at pangalawa mula sa mga saloobin ng mga tao sa gawain ng Diyos.) Maraming paghihirap na maaaring kaharapin ang mga tao, lahat ng ito ay kinakaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay, mga paghihirap na madalas lumitaw sa loob ng saklaw ng pamumuhay ng isang normal na pagkatao. At paano nangyayari ang mga paghihirap na ito? Ito ay dahil ang mga tao ay palaging nag-aambisyon nang labis, palaging sinusubukang kontrolin ang kanilang sariling kapalaran, na malaman ang kanilang hinaharap nang maaga. Kung tila hindi maganda ang kanilang hinaharap, agad silang pumupunta sa isang eksperto sa feng shui o sa isang manghuhula upang ayusin at itama ito. Ito ang dahilan kung bakit ang mga tao ay nakakaranas ng maraming paghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at ito rin ang mga paghihirap na nagdudulot sa mga tao na madalas na malugmok sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ano nga ba ang mga paghihirap na ito? Tingnan muna natin kung ano ang itinuturing ng mga tao na kanilang pinakamalaking paghihirap—ano ito? Ito ay ang kanilang kinabukasan, ibig sabihin, kung ano ang hinaharap ng isang tao sa buhay na ito, kung sila ba ay magiging mayaman o karaniwan sa hinaharap, kung sila ba ay mamumukod-tangi, magkakamit ng malaking tagumpay, at magiging masagana sa mundo at sa piling ng mga tao. Lalo na sa mga taong nananampalataya sa Diyos, maaaring hindi nila alam ang magiging kahihinatnan ng iba sa hinaharap, ngunit palagi silang nangangamba sa kanilang sariling hinaharap at palaging nagtatanong, “Ito na ba ang lahat ng mayroon sa pananampalataya sa Diyos? Magkakaroon pa ba ako ng pagkakataon na mamukod-tangi sa hinaharap? Magkakaroon ba ako ng mahalagang papel sa sambahayan ng Diyos? Magkakaroon ba ako ng pagkakataong maging lider ng pangkat o maging isang tagapamahala? Magiging lider ba ako? Ano ang mangyayari sa akin? Kung patuloy kong gagampanan ang aking tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang ganito, ano ang mangyayari sa akin sa huli? Makakamit ko ba ang kaligtasan? May mga inaasahan pa ba ako sa hinaharap? Kailangan ko pa bang patuloy na gawin ang aking trabaho sa mundo? Kailangan ko pa bang ituloy ang pag-aaral ng propesyonal na kasanayan na aking pinag-aaralan dati, o itutuloy ko ba ito sa mas mataas na antas ng edukasyon? Kung maipagpapatuloy ko ang pagganap sa aking tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang buong oras, hindi ako dapat magkaroon ng anumang problema sa mga pangunahing pangangailangan sa buhay, ngunit kung hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko at ako ay malilipat at mapapalitan, paano ako mabubuhay kung gayon? Dapat ko na bang gamitin ang pagkakataon ngayon, bago pa ako mapalitan o matiwalag, upang makapaghanda sa posibilidad na iyon?” Ito ang kanilang iniisip at nakikita nila na mayroon silang kaunting ipon, at iniisip nila, “Ilang taon ba ang itatagal ko sa naipon ko? Nasa edad trenta na ako ngayon, at sa loob ng sampung taon ay magiging apatnapung taong gulang na ako. Kung matatanggal ako sa iglesia, makakasabay pa kaya ako kapag bumalik ako sa mundo? Magiging malusog pa ba ang katawan ko upang makapagtrabaho pa ako? Magkakaroon ba ako ng sapat na kita para mabuhay? Mahihirapan ba akong mabuhay? Ginagampanan ko ang aking tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ngunit papanatilihin ba ako ng Diyos hanggang sa wakas?” Bagamat lagi nilang iniisip ang mga bagay na ito, kailanman ay hindi nila mahanap ang mga sagot. Bagamat walang kongklusyon, hindi nila maiwasan na isipin nang isipin ang mga bagay na ito—ito ay labas sa kanilang kontrol. Kapag nahaharap sila sa ilang hadlang o suliranin, o kapag may mga nangyayari na hindi naaayon sa kanilang kagustuhan, sa kaibuturan ng kanilang puso, iniisip nila ang mga bagay na ito, nang hindi sinasabi kaninuman. Kapag ang ilang tao ay pinupungusan, kapag sila ay pinalitan sa kanilang mga tungkulin, kapag sila ay nilipat sa iba’t ibang tungkulin, o kapag sila ay nahaharap sa ilang krisis, hindi nila maiwasang maghanap ng paraan para makaiwas at hindi nila mapigilang gumawa ng mga plano at pakana para sa mga susunod nilang hakbang. Anuman ang mangyari sa huli, madalas pa ring nagpaplano at nagpapakana ang mga tao para sa mga bagay na kanilang ipinag-aalala, ikinababalisa, at ikinababagabag. Hindi ba’t ito ang mga bagay na iniisip ng mga tao para sa mga inaasahan nila sa kanilang sariling hinaharap? Hindi ba’t lumilitaw ang mga negatibong emosyong ito dahil hindi mabitiwan ng mga tao ang mga inaasahan nila sa kanilang sariling hinaharap? (Oo, gayon nga.) Kapag lalong nagiging masigasig ang mga tao at kapag maayos na maayos ang lahat ng bagay sa kanilang pagganap ng tungkulin, at lalo na kapag itinataas ang ranggo nila, kapag ginagamit sila para sa ilang mahahalagang gawain, kapag tinatamasa nila ang suporta ng karamihan sa kanilang mga kapatid, at kapag kinikilala ang kanilang halaga, hindi na nila iniisip ang mga negatibong emosyong ito. Sa sandaling manganib ang kanilang reputasyon, katayuan, at mga interes, hindi nila maiwasang bumalik sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Kapag sila ay bumalik sa mga negatibong emosyong ito, ang paraan ng kanilang pagtugon sa mga negatibong emosyong ito ay hindi ang takasan o tanggihan ang mga ito, bagkus ay pinalalayaw pa nila ang mga ito, at sinisikap nilang malubog sa mga damdaming ito ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at lalo pang malugmok sa mga ito. Bakit Ko nasasabi ito? Kapag nalulubog ang mga tao sa mga negatibong emosyong ito, nagkakaroon sila ng mas maraming rason, nagkakaroon sila ng mas maraming dahilan, at mas malaya silang nakapagpaplano para sa kanilang hinaharap at para sa mga susunod nilang hakbang. Habang ginagawa nila ang mga planong ito, iniisip nila na nararapat lang ito, na ito talaga ang dapat nilang gawin, at ginagamit nila ang kasabihang, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” at ang isa pang kasabihang, “Siyang hindi nagpaplano para sa kinabukasan ay magkakaproblema sa kasalukuyan,” na ang ibig sabihin ay kung hindi mo paplanuhin at iisipin ang iyong hinaharap at kapalaran nang maaga, wala nang iba pang mag-aalala sa mga ito para sa iyo, at wala nang iba pang magmamalasakit sa mga ito para sa iyo. Kapag wala kang ideya kung paano ang susunod mong hakbang, maaalangan, masasaktan, at mapapahiya ka at ang siyang magdurusa at magtitiis ng paghihirap ay ikaw. Kaya nararamdaman ng mga tao na napakatalino nila, at iniisip na nila agad ang kalalabasan ng bawat hakbang nila. Sa sandaling maharap sila sa anumang paghihirap o pagkabigo, agad silang bumabalik sa kanilang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala upang maprotektahan ang kanilang sarili, upang maging lubos na ligtas ang kanilang hinaharap at susunod na hakbang sa buhay, upang magkaroon sila ng makakain at masusuot, upang hindi sila magpalaboy-laboy sa kalsada, at hindi magkulang sa pagkain o damit. Samakatuwid, sa ilalim ng impluwensiya ng mga negatibong emosyong ito, madalas silang magbabala sa kanilang sarili, iniisip na, “Dapat magplano ako nang maaga, huwag ibigay ang lahat-lahat, at maghanda ng paraan para makaatras. Hindi ako dapat maging hangal—ang aking kapalaran ay nasa aking mga kamay. Madalas na sinasabi ng mga tao, ‘Ang ating kapalaran ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng tao,’ ngunit pawang walang kabuluhan na mga kasabihan lang ang mga ito. Sino ba ang aktuwal nang nakakita nito? Paano nga ba na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa ating mga kapalaran? Sino ba ang aktuwal nang nakakita na ang Diyos ang personal na nagsasaayos ng pagkain nang tatlong beses sa isang araw para sa sinuman, o nagsasaayos ng lahat ng bagay na kailangan nila sa buhay? Wala.” Naniniwala ang mga tao na kapag hindi nila nakikita ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at kung nararamdaman nila ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa kanilang mga inaasahan sa hinaharap, na ang mga negatibong emosyong ito ay parang proteksyon para sa kanila, parang isang pananggalang, isang pook kung saan sila ligtas. Palagi nilang binibigyang babala at paalala ang kanilang sarili na magplano para sa hinaharap, na dapat silang mag-alala sa kinabukasan, na hindi dapat sila magpakabusog nang husto sa pagkain buong araw at maging tamad; na hindi mali na magplano para sa sarili, na mag-isip ng paraan para makaiwas sa suliranin, at magtrabaho araw at gabi para sa kanilang sariling hinaharap. Iniisip nila na ito ay natural at ganap na nararapat lamang at hindi dapat ikahiya. Kaya, kahit na naniniwala ang mga tao na ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay mga negatibong emosyon, hinding-hindi nila naiisip na masama na maramdaman ang mga ito, hinding-hindi nila naiisip na ang mga negatibong emosyong ito ay maaaring nakakapinsala sa kanila sa anumang paraan, o na maaaring maging hadlang sa kanilang paghahangad sa katotohanan at sa pagpasok sa katotohanang realidad. Sa halip, walang kapaguran nilang tinatamasa ang mga ito, at handa at walang sawa silang nabubuhay sa loob ng mga negatibong emosyong ito. Ito ay dahil naniniwala sila na magiging ligtas lamang sila kung mamumuhay sila sa mga negatibong emosyong ito at sa palagiang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala sa kanilang mga inaasahan sa hinaharap. Kung hindi nila gagawin iyon, sino pa ba ang mababagabag, mababalisa, at mag-aalala sa kanilang hinaharap? Wala. Sila ang pinakanagmamahal sa kanilang sarili, walang ibang nakakaunawa sa kanila nang tulad ng pagkaunawa nila sa kanilang sarili, o nakakaintindi sa kanila nang tulad ng pagkakaintindi nila sa kanilang sarili. Kaya, kahit pa maaaring nakikilala ng mga tao sa isang antas at pagdating sa mga salita at doktrina na ang pag-iral ng ganitong mga negatibong emosyon ay nakasasama sa kanila, ayaw pa rin nilang iwanan ang mga negatibong emosyong ito dahil ang mga negatibong emosyong ito ay nagbibigay-daan sa kanila na mahigpit na panghawakan ang inisyatiba na kamtin at kontrolin ang sarili nilang hinaharap. Tama bang sabihin ito? (Oo.) Kaya naman para sa mga tao, ang pag-aalala, pagkabalisa, at pagkabagabag sa kanilang hinaharap ay isang napakalaking responsabilidad. Hindi ito nakakahiya, ni kahabag-habag, o kamuhi-muhi, bagkus, para sa kanila, nararapat lamang na ganito ang mga bagay-bagay. Kaya naman napakahirap para sa mga tao na bitiwan ang mga negatibong emosyong ito, para bang kasama na nila ang mga ito simula nang sila ay ipanganak. Ang lahat ng iniisip ng mga tao mula nang sila ay ipanganak ay para sa kanilang sarili, at ang pinakamahalagang bagay sa kanila ay ang sarili nilang mga inaasahan sa hinaharap. Iniisip nila na kung mahigpit nilang panghahawakan at babantayan ang kanilang hinaharap, mamumuhay sila nang walang pag-aalala. Iniisip nila na kung mayroon silang magagandang inaasahan sa hinaharap, makukuha nila ang lahat ng gusto nila, at magiging madali ang lahat. Kaya hindi kailanman napapagod ang mga tao na makaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa kanilang hinaharap, nang paulit-ulit. Kahit pa nangako na ang Diyos, kahit pa ang mga tao ay nakatamasa at nakatanggap na ng maraming biyaya mula sa Diyos, kahit pa nakita na nilang nagkaloob ang Diyos ng iba’t ibang uri ng mga pagpapala sa sangkatauhan, at ng iba pang gayong katunayan, nais pa rin ng mga tao na mamuhay sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at magplano at magdisenyo para sa kanilang hinaharap.

Maliban sa mga inaasahan sa hinaharap, may isa pang mahalagang bagay, isang bagay na ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala ng mga tao, at iyon ay ang pag-aasawa. May mga tao na hindi nag-aalala rito at hindi sila nababahala kung hindi pa sila kasal kahit nasa trenta na ang edad nila, dahil maraming tao ngayon na nasa trenta na ang edad na hindi pa kasal. Ito ay madalas na nakikita sa lipunan, at hindi ka pagtatawanan ninuman dahil dito, at wala ring magsasabi na may mali sa iyo. Gayunpaman, kapag ang isang taong nasa kwarenta na ang edad ay hindi pa kasal, unti-unti siyang nakadarama ng kaba sa kanyang kalooban, at naiisip niya, “Dapat ba akong humanap ng mapapangasawa o hindi? Dapat ba akong magpakasal o hindi? Kung hindi ako mag-aasawa at magpapamilya, kung hindi ako magkakaanak, may mag-aalaga kaya sa akin kapag matanda na ako? May mag-aalaga kaya sa akin kapag may sakit ako? May mag-aasikaso ba ng libing ko kapag ako ay namatay?” Inaalala ng mga tao ang mga bagay na ito. Ang mga walang planong magpakasal ay hindi masyadong nababagabag, nababalisa, o nag-aalala. Halimbawa, may mga nagsasabi, “Nananalig na ako sa Diyos ngayon, at handa akong igugol ang aking sarili para sa Diyos. Hindi ako maghahanap ng mapapangasawa, at hindi ako magpapakasal. Hindi ako mababagabag sa mga bagay na ito kahit gaano na ako katanda.” Ang mga taong walang asawa, ang mga taong sampu o dalawampung taon nang walang asawa, ang mga taong walang asawa mula sa edad na bente hanggang kwarenta, ay hindi dapat masyadong mag-alala. Bagamat maaaring paminsan-minsan ay medyo nag-aalala at nababagabag sila dahil sa mga kadahilanan sa kapaligiran o dahil sa mga obhetibong dahilan, dahil nananalig sila sa Diyos at abala sa pagtupad sa kanilang tungkulin, at dahil ang kanilang kasalukuyang pasya ay hindi nagbago, ang uri ng pangamba na nararamdaman nila ay bahagya at paminsan-minsan lamang nila maramdaman, at hindi ito malaking bagay. Ang ganitong uri ng emosyon na hindi nakakaapekto sa normal na pagganap ng mga tungkulin ay hindi nakasasama sa mga tao, hindi rin ito maituturing na isang negatibong emosyon, ibig sabihin, hindi naging negatibong emosyon ang bagay na ito para sa iyo. Para naman sa mga taong kasal na, ano ang mga bagay na inaalala nila? Kung ang mag-asawang lalaki at babae ay kapwa nananalig sa Diyos at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, magtatagal kaya ang kanilang pagsasama? Umiiral ba ang pamilya? Paano naman ang mga anak? Bukod dito, kung ang isa sa kanila ay naghahangad sa katotohanan at ang isa naman ay hindi, kung iyong hindi naghahangad sa katotohanan ay palaging hinahangad ang mundo, hinahangad ang marangyang buhay, at iyon namang naghahangad sa katotohanan ay laging nais na gampanan ang kanyang tungkulin, habang iyong hindi naghahangad sa katotohanan ay palaging nagtatangkang pigilan ang kanyang asawa subalit nahihiya, paminsan-minsang nagrereklamo o nagsasabi ng mga negatibong bagay upang pigilan ang kanyang asawa, iyong naghahangad sa katotohanan ay mapapaisip na, “Ang asawa ko ay hindi tunay na nananalig sa Diyos, kaya ano ang mangyayari sa amin sa hinaharap? Kung maghihiwalay kami, mawawalan ako ng asawa at hindi ko matutustusan ang mga pangangailangan ko. Kung hindi kami maghihiwalay, magkaiba ang landas na aming tatahakin, magiging magkaiba ang aming mga pangarap, ano na ang gagawin ko kung magkagayon?” Sila ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa mga bagay na ito. Kapag nagsimula na silang manalig sa Diyos, ang ilang sister ay naniniwala na bagamat ang kanilang asawa ay hindi nananalig sa Diyos, hindi naman nito gaanong hinahadlangan ang kanilang sariling pananalig sa Diyos, at hindi sila inuusig nito, kaya walang dahilan upang maghiwalay. Gayunpaman, kung magsasama pa rin sila, palagi nilang mararamdaman na sila ay napipigilan at naiimpluwensyahan. Ano ang nakakaimpluwensiya sa kanila? Sila ay napipigilan at naiimpluwensyahan ng kanilang pagmamahal, at ang iba’t ibang suliranin sa buhay-pamilya at buhay-may-asawa ay paminsan-minsang nagdudulot na lumabas ang mga emosyon sa kaibuturan ng kanilang puso, na nagsasanhi na maranasan nila ang isang uri ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala na hindi naman matindi ngunit hindi rin gaanong maliit. Sa gayong mga sitwasyon, ang pag-aasawa ay isang pormalidad na nagpapanatili sa normal na buhay ng pamilya, at ito ay nagiging isang bagay na pumipigil sa normal na pag-iisip, normal na buhay, at pati na rin sa normal na pagganap sa tungkulin ng asawang babae—mahirap panatilihin ang pagiging mag-asawa, ngunit hindi sila makaalis sa sitwasyong ito. Walang partikular na dahilan upang ituloy pa ang ganitong uri ng relasyon bilang mag-asawa, at wala ring partikular na dahilan upang maghiwalay sila; walang sapat na dahilan para piliin ang alinman sa dalawang hakbang na iyon. Hindi nila alam kung ano ang tamang desisyon, at hindi rin nila alam kung ano ang maling desisyon. Kaya naman, umuusbong sa kanila ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ang mga emosyong ito ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay patuloy na sumasagi sa kanilang isipan at iginagapos sila sa kanilang pang-araw-araw na buhay, at nakakaapekto rin ang mga ito sa kanilang normal na buhay. Sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, ang mga bagay na ito ay palaging sumasagi sa kanilang isipan at umuusbong sa kaibuturan ng kanilang puso, na nakakaimpluwensiya sa normal na pagganap ng kanilang mga tungkulin. Bagamat tila hindi malinaw na itinuturo ng mga bagay na ito kung ano ang dapat gawin ng mga asawang babae na ito o kung ano ang dapat nilang maging desisyon, ang mga usapin na ito ay nagdudulot sa kanila na malubog nang malalim sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa at pag-aalala, na nagpaparamdam sa kanila ng pagkaapi at pagkakulong. Hindi ba’t isa pa itong uri ng paghihirap? (Oo.) Isa pa itong uri ng paghihirap, isang paghihirap na dulot ng pag-aasawa.

Mayroon ding mga tao, na dahil nananalig na sila sa Diyos, namumuhay ng buhay-iglesia, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at gumaganap sa kanilang mga tungkulin, ay hindi na magkakaroon ng sapat na oras para makipag-ugnayan nang normal sa kanilang mga anak na walang pananalig, sa kanilang asawa, mga magulang, o mga kaibigan at kamag-anak. Partikular na hindi nila maaasikaso nang maayos ang kanilang mga anak na walang pananalig, o magagawa ang anumang bagay na kinakailangan ng kanilang mga anak, kaya nag-aalala sila sa kinabukasan ng kanilang mga anak at sa mga oportunidad para sa mga ito. Lalo na kapag malaki na ang kanilang mga anak, may ilang tao na mag-uumpisa nang mag-alala: Makakapagkolehiyo kaya ang aking anak o hindi? Anong kurso ang kukuhanin niya kung makapagkolehiyo siya? Ang aking anak ay hindi nananalig sa Diyos at gusto niyang pumasok sa kolehiyo, kaya ako ba, bilang isang taong nananalig sa Diyos, ang dapat magbayad para sa kanyang pag-aaral? Dapat ko bang asikasuhin ang kanyang pang-araw-araw na pangangailangan at suportahan siya sa kanyang pag-aaral? At pagdating sa kanyang pag-aasawa, pagtatrabaho, at maging sa kanyang pagkakaroon ng sariling pamilya at mga anak, anong papel ang dapat kong gampanan? Anong mga bagay ang dapat kong gawin at hindi dapat gawin? Wala silang ideya tungkol sa mga bagay na ito. Sa sandaling dumating ang ganitong pangyayari, sa sandaling malagay sila sa ganitong sitwasyon, naguguluhan sila at hindi nila alam kung ano ang dapat gawin, o kung paano harapin ang ganitong mga bagay. Sa paglipas ng panahon, umuusbong ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala sa mga bagay na ito: Kung gagawin nila ang mga bagay na ito para sa kanilang anak, natatakot silang malabag ang mga layunin ng Diyos at magalit sa kanila ang Diyos, at kung hindi nila gagawin ang mga bagay na ito, natatakot silang hindi magampanan ang kanilang mga responsabilidad bilang magulang at masisi ng kanilang anak at ng iba pang miyembro ng pamilya; kung gagawin nila ang mga bagay na ito, natatakot silang mawawala ang kanilang patotoo, at kung hindi nila gagawin ang mga bagay na ito, natatakot silang mahamak ng mga makamundong tao, at mapagtawanan, makutya, at mahusgahan ng kanilang mga kapitbahay; natatakot silang mabigyan ng kahihiyan ang Diyos, ngunit natatakot din silang magkaroon ng masamang reputasyon at mapahiya nang husto na hindi na nila kayang ipakita ang kanilang mukha. Habang nag-aalinlangan sila sa mga bagay na ito, umuusbong ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala sa kanilang puso; nababagabag sila na hindi nila alam kung ano ang dapat gawin, nababalisa sila na mali ang kanilang gagawin anuman ang kanilang mapili, at na hindi nila alam kung angkop ba ang anuman sa kanilang ginagawa, at nag-aalala sila na kung patuloy na mangyayari ang mga bagay na ito, isang araw ay hindi na nila kakayanin ang mga ito, at kung sila ay manlulupaypay ay mas mahihirapan pa sila. Ang mga taong nasa ganitong sitwasyon ay nakadarama ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala sa lahat ng bagay na nangyayari sa buhay, malalaki o maliliit na bagay man ang mga ito. Kapag ang mga negatibong damdamin na ito ay nagsimula nang lumitaw sa kanila, nababalot sila ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi nila magawang palayain ang kanilang sarili: Kung gagawin nila ito, mali ito, kung gagawin nila iyon, mali iyon, at hindi nila alam kung ano ang tamang gawin; gusto nilang palugdan ang ibang tao, ngunit natatakot silang magalit ang Diyos; nais nilang gumawa ng mga bagay para sa ibang tao upang maganda ang masabi tungkol sa kanila, ngunit ayaw nilang bigyan ng kahihiyan ang Diyos o na kamuhian sila ng Diyos. Kaya palagi silang nalulubog sa mga damdaming ito ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Nababagabag sila kapwa para sa ibang tao at para sa kanilang sarili; nababalisa sila sa mga bagay-bagay kapwa para sa ibang tao pati na rin para sa kanilang sarili; at nag-aalala rin sila sa mga bagay-bagay para sa ibang tao pati na rin para sa kanilang sarili, kaya nalulubog sila sa doble-dobleng paghihirap na hindi nila matakasan. Ang mga negatibong emosyon na tulad nito ay hindi lamang nakakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na buhay, bagkus ay nakakaapekto rin sa pagganap nila ng kanilang mga tungkulin, pati na rin siyempre sa kanilang paghahangad sa katotohanan sa isang antas. Ito ay isang uri ng paghihirap, ibig sabihin, ang mga ito ay mga paghihirap na may kinalaman sa pag-aasawa, buhay-pamilya, at personal na buhay, at dahil sa mga paghihirap na ito kaya madalas na naiipit ang mga tao sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Hindi ba’t dapat kaawaan ang mga tao kapag sila ay naiipit sa ganitong uri ng negatibong emosyon? (Dapat nga.) Dapat ba silang kaawaan? Sinasabi niyo pa rin, “Dapat,” na nagpapakita na nakikisimpatya pa rin kayo sa kanila. Kapag ang isang tao ay nalubog sa isang negatibong emosyon, anuman ang kwento sa likod ng pag-usbong ng negatibong emosyong iyon, ano ang dahilan ng pag-usbong nito? Ito ba ay dahil sa kapaligiran, dahil sa mga tao, pangyayari, at bagay na nasa paligid ng taong iyon? O dahil ba nagugulo sila ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos? Ang kapaligiran ba ang nakakaapekto sa tao, o ang mga salita ba ng Diyos ang nakakagulo sa kanilang buhay? Ano nga ba ang mismong dahilan? Alam ba ninyo? Sabihin ninyo sa Akin, maging ito man ay sa normal na buhay ng mga tao o sa pagganap ng kanilang tungkulin, mayroon bang ganitong mga paghihirap kung hinahangad nila ang katotohanan at handa silang isagawa ang katotohanan? (Wala.) Mayroong ganitong mga paghihirap batay sa obhetibong katunayan. Sinasabi ninyo na walang ganito, kung gayon, maaari kayang nalutas na ninyo ang mga paghihirap na ito? Kaya ba ninyong gawin iyon? Ang mga paghihirap na ito ay hindi kayang lutasin, at mayroong mga ganito batay sa obhetibong katunayan. Ano ang kalalabasan ng mga paghihirap na ito sa mga taong naghahangad sa katotohanan? At ano ang magiging resulta ng mga ito sa mga hindi naghahangad sa katotohanan? Magkakaroon ang mga ito ng dalawang resulta na magkaibang-magkaiba. Kung hinahangad ng mga tao ang katotohanan, hindi sila maiipit sa mga paghihirap na ito at hindi sila malulubog sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Sa kabaligtaran, kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, nasa kanila pa rin ang mga paghihirap na ito, at ano ang kalalabasan? Iipitin ka ng mga ito upang hindi ka makawala, at kung hindi mo malutas ang mga ito, sa huli ay magiging mga sobrang komplikadong negatibong emosyon ang mga ito sa kaibuturan ng iyong puso; makakaapekto ang mga ito sa iyong normal na buhay at sa normal na pagganap sa iyong mga tungkulin, at dahil sa mga ito ay mararamdaman mo na naaapi ka at hindi makalaya—ito ang kalalabasan mo dahil sa mga ito. Magkaiba ang dalawang resultang ito, hindi ba? (Oo.) Kaya balikan natin ang itinanong Ko kanina. Ano nga ba iyong itinanong Ko? (Ang paglitaw ba ng mga negatibong emosyon sa mga tao ay bunga ng mga impluwensiya ng kapaligiran o dahil nagugulo ang mga tao sa mga salita ng Diyos?) Kaya ano ang dahilan? Ano ang sagot? (Ito ay dahil hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan.) Tama, ito ay hindi dahil sa alinman sa mga iyon, sa halip, ito ay dahil hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan. Kapag hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, madalas silang nalulubog sa sukdulang mga kaisipan at negatibong emosyon at hindi sila makaalis doon. Ulitin mo ang tanong Ko kanina. (Ang dahilan ba ng paglitaw ng mga negatibong emosyon sa mga tao ay ang kapaligiran at ang mga tao, pangyayari, at bagay na nasa paligid nila? O dahil ba nagugulo sila ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos?) Sa madaling salita, ito ba ay dahil sa mga impluwensiya ng kapaligiran o dahil nagugulo ang mga tao sa mga salita ng Diyos? Alin sa dalawang ito? (Wala sa mga ito.) Tama, wala sa mga ito. Ang mga kapaligiran ay nakakaapekto sa lahat ng tao nang patas; kung hinahangad mo ang katotohanan, hindi ka malulubog sa isang negatibong emosyon dahil sa kung anong kapaligiran. Ngunit kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, natural lang na malulunod ka sa iyong kapaligiran nang paulit-ulit at maiipit ka sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Kung titingnan ito sa ganitong perspektiba, hindi ba’t mahalaga ang paghahangad sa katotohanan? (Mahalaga nga.) May mga katotohanang prinsipyo na dapat hanapin sa bawat pangyayari. Gayunpaman, sa realidad, dahil hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan at hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, o kaya naman ay malinaw sa kanila kung ano ang hinihingi ng Diyos, kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, kung ano ang landas na dapat nilang isagawa, at kung ano ang mga batayan para sa pagsasagawa, ngunit hindi nila ito pinapansin o sinusunod, kapag lagi silang nagsasarili sa kanilang mga desisyon at plano, ano ang mangyayari sa kanila sa huli? Kapag hindi nagsasagawa ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, kapag palagi silang nag-aalala sa kung anu-ano, mayroon lamang iisang kalalabasan, at iyon ay ang malulubog sila sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi na sila makakaahon pang muli. Maaari bang palaging umasa ang mga tao sa kanilang sariling mga imahinasyon, umasa na ang mga bagay ay palaging magiging ayon sa kanilang nais, na mapananatiling masaya ang ibang tao at matatanggap din ang pagsang-ayon ng Diyos? Imposible iyan! Palagi nilang gustong pangasiwaan ang mga bagay sa paraan na mapapasaya at mapapalugod nila ang lahat ng nasa paligid nila, at pupurihin sila nang husto ng mga ito. Gusto nilang matawag na isang mabuting tao, at na masiyahan ang Diyos, at kung hindi nila maabot ang pamantayan na ito, nababagabag sila. At hindi ba’t nararapat lamang na sila ay mabagabag? (Oo.) Ito ang kanilang pinili para sa kanilang sarili.

Sinasabi ng ilang tao na madaling mabaluktot, “Kung hindi nagpahayag ng napakaraming salita ang Diyos, gagawin ko ang mga bagay-bagay ayon sa mga pamantayan ng moralidad ng pagiging mabuting tao. Napakasimple lamang niyon, at hindi masyadong marami ang magiging pahayag. Tulad na lamang sa Kapanahunan ng Biyaya, sumunod ang mga tao sa mga kautusan, at sila ay nagtiis at nagparaya, at nagpasan ng krus at nagdusa, at napakasimple nito. Hindi ba’t iyon na ang wakas ng usapin? Ngayon, sa napakaraming katotohanang binigkas ng Diyos at sa napakaraming prinsipyo ng pagsasagawa na ibinigay sa pakikipagbahaginan, bakit hindi maabot ng mga tao ang mga ito matapos ang napakahabang panahon? Masyadong kulang ang kakayahan ng mga tao, at hindi nila maunawaan ang lahat ng ito, at maraming katotohanan ang hindi nila maabot; marami ring suliranin ang mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan, at kahit nauunawaan nila ito, nahihirapan pa rin silang maabot ito. Kung nauunawaan mo ang katotohanan ngunit hindi mo ito isinasagawa, hindi ka mapalagay, ngunit kapag isinasagawa mo ito, napakaraming praktikal na suliranin.” Naniniwala ang mga tao na nakagugulo sa kanila ang mga salita ng Diyos, ngunit ganito nga ba sa realidad? (Hindi.) Ang tawag dito ay pagiging hindi makatwiran at pagiging irasyonal. Tutol sila sa katotohanan at hindi nila hinahangad ang katotohanan, hindi rin nila isinasagawa ang katotohanan, ngunit nais pa rin nilang magkunwaring espirituwal, magkunwaring isinasagawa nila ang katotohanan, at nais nilang makamit ang kaligtasan. Sa huli, kapag hindi nila makamit ang mga bagay na ito, nakadarama sila ng depresyon at pagkabagabag, iniisip na, “Sino ba ang makakapagbalanse ng lahat ng ito? Mas mabuti kung bababaan ng Diyos ang Kanyang mga pamantayan nang kaunti, at kung magkagayon ay magiging maayos ang mga tao, magiging maayos ang Diyos, magiging maayos ang lahat—napakasarap ng buhay na iyon!” Palaging iniisip ng ganitong mga tao na ang mga salitang binibitiwan ng Diyos ay walang pagsasaalang-alang sa tao. Sa katunayan, kapag nakararamdam sila ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, hindi sila nasisiyahan sa Diyos sa maraming bagay. Partikular na pagdating sa kung paano nila tinatrato ang mga katotohanang prinsipyo, hindi nila ito maabot o makamit, hindi man lang nila ito mapag-usapan, at may malubha itong epekto sa kanilang reputasyon at prestihiyo sa mga mata ng ibang tao, pati na rin sa kanilang pagnanais na mapagpala, na nagiging sanhi ng kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at iyan ang dahilan kung bakit naniniwala silang hindi sila nasisiyahan sa maraming bagay na ginagawa ng Diyos. May ilan pa nga na nagsasabing, “Matuwid ang Diyos, hindi ko ito itinatanggi; banal ang Diyos, at hindi ko rin itinatanggi iyon. Lahat ng sinasabi ng Diyos ay siyang katotohanan, ngunit nakalulungkot lang na ang sinasabi ng Diyos ngayon ay labis na mataas, ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao ay labis na mahigpit, at hindi madali para sa mga tao na maabot ang lahat ng ito!” Wala silang pagmamahal sa katotohanan, at ipinapatong nila ang lahat ng responsabilidad sa Diyos. Nagsisimula sila sa paniniwalang matuwid ang Diyos, at banal ang Diyos, at naniniwala sila na lahat ng ito ay totoo. Matuwid ang Diyos, banal ang Diyos—kailangan mo pa bang kilalanin ang diwa ng Diyos? Ito ay mga katunayan; hindi ito totoo lamang dahil lang sa kinikilala mo ang mga ito. Upang hindi sila makondena sa kanilang paninisi sa Diyos, agad nilang sinasabi na matuwid ang Diyos, na banal ang Diyos. Gayunpaman, anuman ang kanilang sabihin tungkol sa pagiging matuwid at banal ng Diyos, naroroon pa rin ang kanilang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at bukod sa naroroon pa rin ang mga emosyong ito, ayaw pa nilang bitiwan ang mga emosyong ito, ayaw nilang iwanan ang mga ito, ayaw nilang baguhin ang kanilang mga prinsipyo ng pagsasagawa, ayaw nilang baguhin ang direksyon ng kanilang paghahangad, at baguhin ang landas na kanilang sinusundan sa buhay. Ang gayong mga tao ay kapwa kaawa-awa at kamuhi-muhi. Sadyang hindi karapat-dapat na makisimpatya sa kanila, at gaano man sila magdusa, hindi sila karapat-dapat sa ating awa. Ang kailangan lamang nating gawin ay sabihin sa kanila ang ilang salitang ito: Iyan ang nararapat sa iyo! Kung mamatay ka man sa sobrang pagkabagabag, wala pa ring maaawa sa iyo! Sino ba ang nagsabi sa iyo na huwag mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang iyong mga problema? Sino ba ang dahilan kaya hindi ka makapagpasakop sa Diyos at hindi mo maisagawa ang katotohanan? Para kanino ka ba nababagabag, nababalisa, at nag-aalala? Nararamdaman mo ba ang mga iyon upang makamit ang katotohanan? O upang makamit ang Diyos? O alang-alang sa gawain ng Diyos? O alang-alang sa kaluwalhatian ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, para saan pa na nararamdaman mo ang mga emosyong iyon? Lahat ito ay para sa iyong sarili, sa iyong mga anak, sa iyong pamilya, sa iyong dangal, sa iyong reputasyon, sa iyong hinaharap at mga inaasam, para sa lahat ng may kinalaman sa iyo. Ang gayong tao ay walang isinusuko, o binibitiwan, o pinaghihimagsikan, o inaabandona; wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, at walang tunay na katapatan sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi nila tunay na iginugugol ang kanilang sarili, nananalig lamang sila upang makapagkamit ng mga pagpapala, at malalim lamang silang nananalig sa Diyos upang tumanggap ng mga pagpapala. Puno sila ng “pananampalataya” sa Diyos, sa gawain ng Diyos, at sa mga pangako ng Diyos, ngunit hindi pinupuri ng Diyos ang gayong pananampalataya, hindi rin ito inaalaala ng Diyos, sa halip ay kinamumuhian Niya ito. Ang gayong mga tao ay hindi sinusunod o isinasagawa ang mga prinsipyo sa pangangasiwa sa anumang bagay na hinihingi ng Diyos sa kanila, hindi nila binibitiwan ang mga bagay na dapat nilang bitiwan, hindi nila isinusuko ang mga bagay na dapat nilang isuko, hindi nila inaabandona ang mga bagay na dapat nilang abandonahin, at hindi nila iniaalay ang katapatan na dapat nilang ialay, kaya nararapat silang lumubog sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Gaano man sila magdusa, nagdurusa lamang sila para sa kanilang sarili, hindi para sa kanilang tungkulin at hindi para sa gawain ng iglesia. Samakatuwid, ang gayong mga tao ay sadyang hindi naghahangad sa katotohanan—sila ay mga tao na paimbabaw lamang na nananalig sa Diyos. Alam na alam nilang ito ang tunay na daan, ngunit hindi nila ito isinasagawa, o sinusunod. Ang kanilang pananampalataya ay kaawa-awa at hindi makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos, at hindi ito tatandaan ng Diyos. Ang gayong mga tao ay nalulubog sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa maraming suliranin sa kanilang tahanan.

Nariyan din ang mga taong hindi maganda ang kalusugan, na mahina ang pangangatawan at kulang sa enerhiya, na madalas na may malubha o kaunting karamdaman, na hindi man lamang magawa ang mga pangunahing bagay na kinakailangan sa pang-araw-araw na buhay, na hindi kayang mabuhay o kumilos tulad ng mga normal na tao. Ang gayong mga tao ay madalas na hindi komportable at hindi maayos ang pakiramdam habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin; ang ilan ay mahina ang pangangatawan, ang ilan ay may tunay na mga karamdaman, at siyempre, may ilan na may natuklasan nang sakit at kung anong posibleng sakit. Dahil may gayon silang praktikal na pisikal na mga paghihirap, ang gayong mga tao ay madalas na nalulubog sa mga negatibong emosyon at nakakaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ano ang kanilang ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala? Nag-aalala sila na kung magpapatuloy sila sa pagganap sa kanilang tungkulin nang ganito, ginugugol ang kanilang sarili at nagpapakaabala para sa Diyos nang ganito, at palaging napapagod nang ganito, lalo bang hihina nang hihina ang kanilang kalusugan? Kapag sila ay nasa edad 40 o 50 na, mararatay na lang ba sila sa kama? May basehan ba ang mga pag-aalalang ito? May magbibigay ba ng kongkretong paraan para harapin ito? Sino ang magiging responsable rito? Sino ang mananagot? Ang mga taong may mahinang kalusugan at hindi maayos na pangangatawan ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa mga ganitong bagay. Ang mga may karamdaman ay madalas na iniisip na, “Determinado akong gampanan nang mabuti ang tungkulin ko, ngunit may ganito akong karamdaman. Hinihiling ko sa Diyos na ilayo ako sa kapahamakan, at hindi ko kailangang matakot dahil nariyan ang proteksyon ng Diyos. Ngunit kung mapagod ako habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, lalala ba ang aking kalagayan? Ano ang gagawin ko kung talagang lumala ang kalagayan ko? Kung kailangan kong maospital upang sumailalim sa operasyon, wala akong perang pambayad para dito, kaya kung hindi ko uutangin ang pera para sa paggagamot, lalo bang lalala ang kalagayan ko? At kung lumala nga talaga ito, mamamatay ba ako? Maituturing bang normal na pagkamatay ang gayong kamatayan? Kung mamamatay nga talaga ako, maaalala ba ng Diyos ang mga tungkulin na ginampanan ko? Maituturing kayang gumawa ako ng mabubuting gawa? Makakamtan ko ba ang kaligtasan?” May ilan ding nakakaalam na may sakit sila, ibig sabihin, alam nilang mayroon silang tunay na karamdaman o iba pa, halimbawa, mga sakit sa tiyan, pananakit ng ibabang bahagi ng likod at ng binti, arthritis, rayuma, pati na rin mga sakit sa balat, sakit ng mga kababaihan, sakit sa atay, alta presyon, sakit sa puso, at iba pa. Iniisip nila, “Kung patuloy kong gagampanan ang tungkulin ko, sasagutin ba ng sambahayan ng Diyos ang bayarin para sa pagpapagamot ng sakit ko? Kung lumala ang karamdaman ko at maapektuhan nito ang pagganap ko sa tungkulin ko, pagagalingin ba ako ng Diyos? May ibang tao na gumaling matapos manalig sa Diyos, kaya gagaling din ba ako? Pagagalingin ba ako ng Diyos, gaya ng Kanyang pagpapakita ng kabutihan sa iba? Kung tapat kong gagampanan ang tungkulin ko, dapat akong pagalingin ng Diyos, ngunit kung ako lang ang may gusto na pagalingin ako ng Diyos at ayaw Niyang gawin ito, ano na ang gagawin ko kung gayon?” Tuwing iniisip nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila ang pag-usbong ng matinding pagkabalisa sa kanilang puso. Kahit na hindi sila kailanman tumitigil sa pagganap ng kanilang tungkulin at palagi nilang ginagawa ang dapat nilang gawin, palagi nilang iniisip ang kanilang karamdaman, kalusugan, hinaharap, at ang tungkol sa kanilang buhay at kamatayan. Sa huli, ang nagiging konklusyon nila ay nangangarap silang, “Pagagalingin ako ng Diyos, papanatilihin akong ligtas ng Diyos. Hindi ako aabandonahin ng Diyos, at hindi babalewalain ng Diyos kung makikita Niyang nagkakasakit ako.” Walang anumang basehan na mag-isip nang ganito, at masasabi pa ngang isang uri ito ng kuru-kuro. Kailanman ay hindi malulutas ng mga tao ang kanilang praktikal na mga paghihirap gamit ang ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kaibuturan ng kanilang puso, bahagya silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan at mga karamdaman; hindi nila alam kung sino ang magiging responsable para sa mga bagay na ito, o kung mayroon man lang bang magiging responsable para sa mga ito.

Mayroon ding ilan na, bagamat hindi naman masama ang pakiramdam nila at wala namang na-diagnose na sakit sa kanila, alam nilang mayroon silang natatagong sakit. Anong uri ng natatagong sakit? Halimbawa, maaaring ito ay isang namamanang sakit tulad ng sakit sa puso, diyabetes, o altapresyon, o maaaring Alzheimer’s disease, Parkinson’s disease, o isang uri ng kanser—lahat ng ito ay mga natatagong sakit. May mga taong alam na dahil isinilang sila sa ganoong pamilya, sa malao’t madali ay dadapuan sila ng mga namamanang sakit na ito. Iniisip nila, kung mananalig sila sa Diyos at hahangarin nila ang katotohanan, kung maayos nilang gagampanan ang kanilang tungkulin, kung gagawa sila ng sapat na mabubuting gawa, at kung makapagpapalugod sila sa Diyos, lalagpasan kaya sila ng mga natatagong sakit na ito at hindi sila dadapuan? Subalit hindi ito kailanman ipinangako ng Diyos sa kanila, at kailanman ay hindi sila nagkaroon ng ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos, at kailanman ay hindi Siya nagbigay ng anumang garantiya o nagkaroon ng anumang hindi makatotohanang ideya. Dahil wala silang anumang garantiya o katiyakan, gumugugol sila ng maraming enerhiya at pagsusumikap sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, tumutuon sila sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga, at lagi silang gumagawa nang higit sa iba at mas namumukod-tangi kaysa sa iba, iniisip na, “Ako ang unang magdurusa at ang huling magtatamasa.” Palagi nilang hinihikayat ang kanilang sarili gamit ang ganitong motto, subalit ang takot at pag-aalala sa kaibuturan nila tungkol sa kanilang natatagong sakit ay hindi maalis-alis, at ang pag-aalalang ito, ang pagkabagabag na ito, ay palagi nilang kasama. Kahit na kaya nilang tiisin ang pagdurusa at hirap at handa silang magbayad ng halaga sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, nararamdaman pa rin nilang hindi nila makamtan ang pangako ng Diyos o ang isang tumpak na salita mula sa Diyos tungkol sa paksang ito, kaya patuloy silang napupuno ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa bagay na ito. Kahit na sinusubukan nila nang husto na walang gawin tungkol sa kanilang natatagong sakit, paminsan-minsan at hindi namamalayan na naghahanap sila ng iba’t ibang uri ng mga tradisyonal na panggagamot upang maiwasan nilang madapuan ng natatagong sakit na ito sa isang partikular na araw, sa isang partikular na oras, o nang hindi nila namamalayan. May ilang taong paminsan-minsang naghahanda ng magagamit na mga halamang-gamot mula China, may ilang taong paminsan-minsang nagtatanong-tanong tungkol sa mga tradisyonal na gamot na pwede nilang gamitin kapag kinakailangan, habang ang ilang tao ay paminsan-minsang nag-o-online para maghanap ng mga payo tungkol sa pag-eehersisyo upang makapag-ehersisyo at makapag-eksperimento sila. Bagamat maaaring ito ay isang natatagong sakit lamang, nangunguna pa rin ito sa kanilang isipan; bagamat maaaring hindi masama ang pakiramdam o ni walang anumang sintomas ang mga taong ito, puno pa rin sila ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol dito, at sa kanilang kaibuturan, nakararamdam sila ng pagkabagabag at depresyon tungkol dito, palaging umaasa na mapawi o maiwaksi ang mga negatibong emosyong ito sa kanilang kalooban sa pamamagitan ng pagdarasal o pagganap ng kanilang mga tungkulin. Ang mga taong ito na talagang may karamdaman o may natatagong sakit, kasama na ang mga nag-aalala na magkakasakit sila sa hinaharap, at iyong mga ipinanganak na may mahinang kalusugan, na walang malalang sakit ngunit palaging nagdurusa sa simpleng mga karamdaman, palagi silang nababagabag at nag-aalala tungkol sa mga sakit at sa iba’t ibang mga paghihirap ng laman. Nais nilang makatakas sa mga ito, makalayo sa mga ito, ngunit wala silang paraan upang magawa ito; nais nilang bitiwan ang mga ito ngunit hindi nila magawa; nais nilang hilingin sa Diyos na alisin ang mga sakit at paghihirap na ito sa kanila, ngunit hindi nila masabi ang mga salita at nahihiya sila, dahil pakiramdam nila ay wala namang basehan ang ganitong uri ng kahilingan. Alam na alam nilang hindi dapat dumaing sa Diyos tungkol sa mga bagay na ito, ngunit sa puso nila ay nadarama nilang wala silang magawa; iniisip nila na kung iaasa nila ang lahat sa Diyos, mas mapapayapa ba sila, at mas mapapanatag ba ang kanilang konsensiya? Kaya naman, paminsan-minsan ay tahimik nilang ipinanalangin ang bagay na ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Kung sila ay makatanggap ng karagdagan o hindi inaasahang tulong o biyaya mula sa Diyos, bahagya silang nasisiyahan at napapanatag; kung wala talaga silang matanggap na espesyal na pangangalaga mula sa sambahayan ng Diyos, at wala silang nararamdaman na kabutihan mula sa Diyos, hindi namamalayang bumabalik silang muli sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Kahit pa ang kapanganakan, pagtanda, karamdaman at kamatayan ay palaging kapiling ng sangkatauhan at hindi maiiwasan sa buhay, may mga taong mayroong partikular na kalagayang pisikal o espesyal na karamdaman, gumaganap man sila ng kanilang mga tungkulin o hindi, na nalulugmok sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa mga paghihirap at sakit ng kanilang laman; inaalala nila ang kanilang karamdaman, inaalala nila ang maraming hirap na maaaring idulot sa kanila ng kanilang karamdaman, kung magiging malubha ba ang kanilang karamdaman, kung ano ba ang mga kahihinatnan kung magiging malubha nga ito, at kung mamamatay ba sila dahil dito. Sa mga espesyal na sitwasyon at partikular na konteksto, ang serye ng mga katanungang ito ay nagsasanhi sa kanila na malubog sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala at hindi sila makaahon; may ilan pa nga na nabubuhay sa kalagayan ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa malubhang karamdaman na alam na nilang mayroon sila o dahil sa natatagong karamdamang hindi nila maiwasan, at sila ay naiimpluwensyahan, naaapektuhan, at nakokontrol ng mga negatibong emosyong ito. Kapag sila ay napasailalim na sa kontrol ng mga negatibong emosyong ito, may mga taong lubos nang nawawalan ng pag-asa na makamit ang kaligtasan; pinipili nilang bitiwan ang pagganap sa kanilang tungkulin at ang anumang pagkakataon na matanggap ang kabutihan ng Diyos. Sa halip, pinipili nilang harapin at pangasiwaan ang sarili nilang karamdaman nang hindi humihingi ng tulong sa sinumang tao at nang hindi naghihintay sa anumang oportunidad. Iginugugol nila ang kanilang sarili sa paggamot sa kanilang sakit, hindi na sila gumaganap ng tungkulin, at kahit na kaya pa ng kanilang katawan na gampanan ang kanilang tungkulin, hindi pa rin nila ito ginagawa. Ano ang dahilan nito? Nag-aalala sila, “Kung magpapatuloy ang kalagayan ko nang ganito at hindi ako pagagalingin ng Diyos, maipagpapatuloy ko ang pagganap ng tungkulin ko tulad ng ginagawa ko ngayon at mamamatay pa rin ako sa huli. Kung ititigil ko ang pagganap sa tungkulin ko at magpapagamot ako, maaari akong mabuhay ng ilan pang taon, at baka magamot pa nga ito. Kung ipagpapatuloy ko ang pagganap sa tungkulin ko at hindi sinabi ng Diyos na pagagalingin Niya ako, maaaring lalong humina ang kalusugan ko. Ayaw kong gampanan ang tungkulin ko sa loob ng 10 o 20 taon pa at pagkatapos ay mamatay. Gusto kong mabuhay nang ilang taon pa, ayaw kong mamatay agad, nang maaga!” Kaya ginagampanan nila ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang pansamantala, nagmamasid-masid sila pansamantala, at masasabi nating tinitingnan nila kung ano ang mangyayari pansamantala, at pagkatapos ay napapaisip sila, “Ginagampanan ko ang tungkulin ko, ngunit hindi naibsan o nawala ang karamdaman ko. Mukhang wala nang pag-asa na gagaling pa ito. Noon ay may plano ako, inakala ko na kung iiwan ko ang lahat at gagampanan ko nang tapat ang tungkulin ko, marahil ay aalisin sa akin ng Diyos ang sakit na ito. Ngunit walang nangyari ayon sa aking plano, sa aking iniisip, at sa aking hinihiling. Ang aking sakit ay gaya pa rin ng dati. Lumipas na ang maraming taon, ngunit hindi pa rin bumuti ang kalagayan ko. Mukhang ako mismo ang kailangang gumamot sa sakit na ito. Hindi ako maaaring umasa sa sinuman, walang ibang maaasahan. Kailangan kong hawakan ang kapalaran ko sa sarili kong mga kamay. Ang siyensya at teknolohiya ngayon ay sobrang maunlad na, pati na rin ang medisina, mayroong mga epektibong medisina para sa paggamot ng iba’t ibang uri ng sakit, at may mga advanced na paraan ng paggamot para sa lahat ng sakit. Sigurado akong magagamot ang sakit na ito.” Matapos gumawa ng gayong mga plano, nagsimula silang maghanap-hanap online o magtanong-tanong, hanggang sa wakas ay nakatagpo sila ng ilang solusyon. Sa huli, nagdesisyon sila kung anong gamot ang gagamitin nila, kung paano gagamutin ang sakit nila, kung paano mag-eehersisyo, at kung paano aalagaan ang kanilang kalusugan. Iniisip nila, “Kung hindi ko gagampanan ang tungkulin ko at tututok ako sa paggagamot sa sakit na ito, may pag-asa pa na gumaling ako. Napakarami nang ganitong klase ng sakit ang gumaling.” Matapos magplano at magpakana nang ganito nang ilang panahon, sa wakas ay nagdesisyon silang huwag nang gampanan ang kanilang tungkulin at ang paggagamot sa kanilang sakit ang naging kanilang numero unong prayoridad—wala nang mas mahalaga pa sa kanila kundi ang mabuhay. Ang kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay naging isang uri na ng praktikal na pagkilos; ang kanilang pagkabalisa at pag-aalala na dating simpleng mga kaisipan lamang ay naging isang uri na ng pagkilos. Mayroong kasabihan ang mga walang pananampalataya na, “Mas mainam ang pagkilos kaysa sa pag-iisip, at ang mas mainam kaysa sa pagkilos ay ang agarang pagkilos.” Ang gayong mga tao ay nag-iisip at saka kumikilos, at kumikilos sila nang mabilis. Isang araw ay iniisip nila ang paggamot sa kanilang sakit, at kinabukasan ng umaga ay nakaempake na ang kanilang mga gamit at handa na silang lumisan. Pagkalipas ng iilang buwan, darating ang masamang balita na namatay na sila nang hindi pa rin gumagaling sa kanilang sakit. Nalunasan ba ang kanilang sakit? (Hindi.) Hindi palaging posible na magamot mo ang sarili mong sakit, pero sigurado bang hindi ka magkakasakit habang ginagampanan mo ang tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos? Walang mangangako sa iyo nang gayon. Kaya, paano ka dapat pumili, at paano mo dapat harapin ang usapin ng pagkakaroon ng karamdaman? Napakasimple nito, at isang landas lang ang dapat sundan: Ang hangarin ang katotohanan. Hangarin ang katotohanan at tingnan ang usapin ayon sa mga salita ng Diyos at ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang pang-unawa na dapat mayroon ang mga tao. At paano ka dapat magsagawa? Ikonsidera mo ang lahat ng karanasang ito at isagawa mo ang pang-unawang nakamit mo at ang mga katotohanang prinsipyong naunawaan mo ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at gawin mo ang mga ito na iyong realidad at iyong buhay—ito ang isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay hindi mo dapat iwanan ang iyong tungkulin. Ikaw man ay may karamdaman o may pasakit, hangga’t may natitira kang hininga, hangga’t ikaw ay nabubuhay pa, hangga’t ikaw ay nakapagsasalita at nakapaglalakad pa, may enerhiya ka pa para gampanan ang tungkulin mo, at dapat ay maganda ang asal mo sa pagganap mo ng iyong tungkulin at praktikal kang mag-isip. Hindi mo dapat talikuran ang tungkulin ng isang nilalang o ang responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Lumikha. Hangga’t hindi ka pa patay, dapat mong tapusin ang iyong tungkulin at tuparin ito nang maayos. May mga taong nagsasabi, “Itong mga bagay na sinasabi Mo ay wala gaanong konsiderasyon. May sakit ako at nahihirapan na ako!” Kung nahihirapan ka, maaari kang magpahinga, at maaari mong alagaan ang iyong sarili at magpagamot ka. Kung nais mo pa ring gampanan ang iyong tungkulin, maaari mong bawasan ang iyong trabaho at gumanap ka ng naaangkop na tungkulin, isang tungkulin na hindi nakakaapekto sa iyong paggaling. Patutunayan nitong hindi mo iniwan ang tungkulin mo sa puso mo, na ang puso mo ay hindi lumayo sa Diyos, na hindi mo itinanggi ang pangalan ng Diyos sa iyong puso, at na hindi mo tinalikuran sa puso mo ang pagnanais na maging isang wastong nilalang. May mga taong nagsasabi, “Nagawa ko na ang lahat ng iyan, kaya aalisin ba ng Diyos itong karamdaman ko?” Aalisin ba Niya? (Hindi palagi.) Kung aalisin man ng Diyos ang sakit mo o hindi, kung gagamutin ka man ng Diyos o hindi, ang dapat mong gawin ay ang dapat gawin ng isang nilalang. Ikaw man ay may pisikal na kakayahang gawin ang iyong tungkulin o wala, kung kaya mo mang gampanan ang anumang gawain o hindi, kung pinahihintulutan ka man ng iyong kalusugan na gampanan ang iyong tungkulin o hindi, ang iyong puso ay hindi dapat lumayo sa Diyos, at hindi mo dapat talikuran ang iyong tungkulin sa puso mo. Sa ganitong paraan, matutupad mo ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin—ito ang katapatan na dapat mong panghawakan. Dahil lang sa hindi mo magawa ang mga bagay-bagay gamit ang iyong mga kamay o hindi ka na makapagsalita, o hindi na nakakakita ang iyong mga mata, o hindi mo na maigalaw ang iyong katawan, hindi mo dapat isipin na dapat kang pagalingin ng Diyos, at kung hindi ka Niya pagalingin ay nais mong tanggihan Siya sa iyong puso, talikuran ang iyong tungkulin, at talikuran ang Diyos. Ano ang kalikasan ng gayong pagkilos? (Ito ay isang pagtataksil sa Diyos.) Ito ay isang pagtataksil! Kapag wala silang sakit, ang ilang tao ay madalas na lumalapit sa Diyos upang magdasal, at kapag may sakit sila at umaasa silang pagagalingin sila ng Diyos, inilalagay ang lahat ng kanilang pag-asa sa Diyos, lalapit pa rin sila sa Diyos at hindi Siya tatalikuran. Gayunpaman, pagkatapos ng ilang panahon at hindi pa rin sila pinagagaling ng Diyos, nadidismaya sila sa Diyos, tinatalikuran nila ang Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso at tinatalikuran nila ang kanilang mga tungkulin. Kapag hindi pa ganoon kalala ang kanilang sakit at hindi sila pinapagaling ng Diyos, ang ilang tao ay hindi tinatalikuran ang Diyos; ngunit kapag naging malala na ang kanilang sakit at nasa bingit na sila ng kamatayan, alam na nila na talagang hindi sila pinagaling ng Diyos, na ang hinintay lamang nila sa loob ng mahabang panahon ay ang pagdating ng kamatayan, kaya tinatalikuran at tinatanggihan nila ang Diyos sa kanilang puso. Naniniwala sila na kung hindi sila pinagaling ng Diyos, wala nga sigurong Diyos; na kung hindi sila pinagaling ng Diyos, ang Diyos ay hindi talaga Diyos, at hindi karapat-dapat na paniwalaan. Dahil hindi sila pinagaling ng Diyos, nagsisisi sila na nanalig pa sila sa Diyos, at hindi na sila nananalig pa sa Kanya. Hindi ba’t ito ay isang pagtataksil sa Diyos? Ito ay isang malubhang pagtataksil sa Diyos. Kaya hindi mo talaga dapat tahakin ang daang iyon—tanging ang mga nagpapasakop sa Diyos hanggang sa kamatayan ang may totoong pananampalataya.

Kapag dumadapo ang karamdaman, anong landas ang dapat sundan ng mga tao? Paano sila dapat pumili? Hindi dapat malubog ang mga tao sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi nila dapat pag-isipan ang mga posibilidad at mga landas para sa kanila sa hinaharap. Sa halip, habang mas nalalagay sa ganitong mga panahon at ganitong mga espesyal na sitwasyon at konteksto ang mga tao, at habang mas nalalagay sila sa ganitong mga biglaang paghihirap, mas higit nilang dapat hanapin at hangarin ang katotohanan. Sa ganitong paraan lamang na hindi masasayang at na magkakabisa ang mga sermon na iyo nang narinig noon at ang mga katotohanan na iyo nang nauunawaan. Habang mas nalalagay ka sa ganitong mga paghihirap, mas lalong dapat mong bitiwan ang sarili mong mga ninanasa at magpasakop ka sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng ganitong uri ng sitwasyon at pagsasaayos ng mga kondisyon na ito para sa iyo ay hindi para malubog ka sa mga emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi ito upang masubok mo ang Diyos kung pagagalingin ka ba Niya kapag ikaw ay nagkasakit, o upang siyasatin ang katotohanan sa usapin; isinasaayos ng Diyos ang mga espesyal na sitwasyon at kondisyong ito para sa iyo upang matutunan mo ang mga praktikal na aral sa gayong mga sitwasyon at kondisyon, upang makamit mo ang mas malalim na pagpasok sa katotohanan at sa pagpapasakop sa Diyos, at upang mas malinaw at tumpak mong malaman kung paano pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay. Ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at nararamdaman man ito ng mga tao o hindi, tunay man nila itong namamalayan o hindi, dapat silang magpasakop at huwag lumaban, huwag tumanggi, at lalong huwag subukin ang Diyos. Maaari kang mamatay anu’t anuman, at kung lalabanan, tatanggihan, at susubukin mo ang Diyos, malinaw na agad kung ano ang iyong magiging wakas. Sa kabaligtaran, kung sa kaparehong mga sitwasyon at kondisyon ay magawa mong hanapin kung paano dapat magpasakop ang isang nilalang sa mga pangangasiwa ng Lumikha, hanapin kung anong mga aral ang dapat mong matutunan at kung anong mga tiwaling disposisyon ang dapat mong malaman sa mga sitwasyon na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa gayong mga sitwasyon, at maayos kang makapagpatotoo upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, ito ang dapat mong gawin. Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi upang mapahalagahan mo ang mga detalye ng pagkakaroon ng sakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga hirap at suliraning idinudulot ng sakit sa iyo, at ang maraming damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na mapahalagahan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto ka kung paano umunawa sa mga layunin ng Diyos, malaman mo ang mga tiwaling disposisyon na iyong inihahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matuto ka kung paano magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at mapanindigan mo ang iyong patotoo—ito ay napakahalagang bagay. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga ninanasa at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang plano, panghuhusga, at pakana na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na ninanasa sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa at pagdanas ng pagpapasakop, na malaman mo ang iyong saloobin tungkol sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang sa iyo na isinaayos ng Diyos ang mga kondisyon ng karamdaman para sa iyo o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong buhay pagpasok. Kaya nga, kapag dumadapo ang karamdaman, hindi mo dapat palaging isipin kung paano mo ito maiiwasan o matatakasan o matatanggihan. May mga taong nagsasabi, “Sinasabi Mong hindi ko dapat iwasan o tanggihan ito, at hindi ko dapat subukang takasan ito, kaya ang ibig Mong sabihin ay hindi ko ito dapat ipagamot!” Hindi Ko iyon sinabi kailanman; iyan ay maling pagkaunawa mo. Sinusuportahan kita sa aktibo mong paggagamot sa iyong mga karamdaman, ngunit ayaw Kong mabuhay ka sa iyong sakit o malugmok ka sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa epekto ng iyong karamdaman, hanggang sa huli ay layuan at iwanan mo ang Diyos dahil sa lahat ng pasakit na dulot ng iyong karamdaman. Kung nagdudulot sa iyo ng matinding paghihirap ang iyong karamdaman at nais mong magpagamot at mawala ang iyong karamdaman, ayos lang iyon, siyempre. Karapatan mo iyon; may karapatan kang magdesisyong magpagamot, at walang may karapatang pigilan ka. Gayunpaman, hindi ka dapat mabuhay sa iyong karamdaman at tumanggi na gampanan ang iyong tungkulin, o talikuran ang iyong tungkulin, o tanggihan ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos dahil ikaw ay nagpapagamot. Kung ang iyong karamdaman ay hindi magagamot, malulugmok ka sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at dahil dito ay mapupuno ka ng mga reklamo at pagdududa tungkol sa Diyos, at mawawalan ka pa nga ng pananampalataya sa Diyos, mawawalan ng pag-asa, at may ilan na pipiliing talikuran ang kanilang mga tungkulin—ito ay isang bagay na talagang hindi mo dapat gawin. Kapag nahaharap ka sa karamdaman, maaari kang aktibong magpagamot, ngunit dapat mo rin itong harapin nang may positibong saloobin. Pagdating naman sa kung gaano kahusay magagamot ang iyong karamdaman at kung ito ba ay magagamot, at kung anuman ang mangyayari sa huli, dapat ka palaging magpasakop at hindi magreklamo. Ito ang saloobin na dapat mong taglayin, sapagkat ikaw ay isang nilalang at wala kang ibang pagpipilian. Hindi mo pwedeng sabihing, “Kung gagaling ako sa sakit na ito, saka ako maniniwala na iyon ay dakilang kapangyarihan ng Diyos, ngunit kung hindi ako gagaling, hindi ako masisiyahan sa Diyos. Bakit ba ako binigyan ng Diyos ng sakit na ito? Bakit ba hindi Niya pinagagaling ang sakit na ito? Bakit ba ako ang nagkasakit at hindi yung iba? Ayaw ko nito! Bakit ko ba kailangang mamatay nang maaga, sa ganitong murang edad? Bakit ba nakakapagpatuloy na mabuhay ang ibang tao? Bakit?” Huwag mo nang itanong kung bakit, ito ay pangangasiwa ng Diyos. Walang dahilan, at hindi mo dapat itanong kung bakit. Ang pagtatanong kung bakit ay rebeldeng pananalita, at hindi ito dapat itanong ng isang nilikha. Huwag kang magtanong kung bakit, wala itong dahilan. Isinaayos at pinlano ng Diyos ang mga bagay nang ganito. Kung itatanong mo kung bakit, masasabi lamang na sobra kang rebelde, sobrang mapagmatigas. Kapag hindi ka nasisiyahan sa isang bagay, o hindi ginagawa ng Diyos ang nais mo o hindi ka Niya hinahayaan sa gusto mo, hindi ka nasisiyahan, naghihinanakit ka, at palagi mong itinatanong kung bakit. Kaya, tinatanong ka ng Diyos, “Bilang isang nilalang, bakit hindi mo ginampanan nang mabuti ang iyong tungkulin? Bakit hindi mo tapat na ginampanan ang iyong tungkulin?” At paano ka sasagot? Sasabihin mo, “Walang dahilan, ganito lang talaga ako.” Katanggap-tanggap ba iyon? (Hindi.) Katanggap-tanggap na pagsalitaan ka ng Diyos nang ganoon, ngunit hindi katanggap-tanggap na pagsalitaan mo ang Diyos nang ganoon. Mali ang iyong pananaw, at sobra kang wala sa katwiran. Anuman ang mga pagsubok na kinakaharap ng isang nilalang, ganap na natural at makatwiran na dapat kang magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Lumikha. Halimbawa, ipinanganak ka ng iyong mga magulang, pinalaki ka nila, at tinatawag mo silang ina at ama—ito ay ganap na natural at makatwiran, at ito ang nararapat; walang dahilan. Kaya, pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng ito para sa iyo, at kung ikaw man ay nagtatamasa ng mga pagpapala o nagdurusa sa mga paghihirap, ito ay ganap ding natural at makatwiran, at wala kang magagawa sa usaping ito. Kung makapagpapasakop ka hanggang sa huli, makakamit mo ang kaligtasan gaya ni Pedro. Gayunpaman, kung sisisihin mo ang Diyos, tatalikuran ang Diyos, at pagtataksilan ang Diyos dahil sa pansamantalang karamdaman, ang lahat ng pagbitiw, paggugol, pagganap ng iyong tungkulin, at pagbabayad ng halaga na iyong ginawa noon ay mauuwi sa wala. Ito ay sapagkat ang lahat ng iyong nakaraang pagpapagal ay hindi naglatag ng anumang pundasyon para maayos mong magampanan ang tungkulin ng isang nilalang o para makatindig ka sa iyong wastong posisyon bilang isang nilalang, at hindi nito nabago ang anuman sa iyo. Pagkatapos, ito ay magiging dahilan upang pagtaksilan mo ang Diyos dahil sa iyong karamdaman, at ang iyong wakas ay magiging katulad ng kay Pablo, maparurusahan sa huli. Ang dahilan para sa determinasyong ito ay na ang lahat ng iyong ginawa noon ay upang makamit mo ang isang korona at makatanggap ka ng mga pagpapala. Kung, sa wakas na maharap ka sa karamdaman at kamatayan, ay nakapagpapasakop ka pa rin nang walang anumang reklamo, nagpapatunay ito na ang lahat ng iyong ginawa noon ay ginawa nang tapat at kusang-loob para sa Diyos. Ikaw ay mapagpasakop sa Diyos, at sa huli, ang iyong pagsunod ay magiging isang tanda ng perpektong pagwawakas ng iyong buhay ng pananampalataya sa Diyos, at ito ay pinupuri ng Diyos. Kaya nga, ang isang karamdaman ay maaaring magdulot sa iyo ng magandang wakas, o maaaring magdulot sa iyo ng masamang wakas; ang uri ng wakas na mararating mo ay nakasalalay sa landas na iyong sinusundan at sa iyong saloobin sa Diyos.

Nalutas na ba ang suliranin ng pagkakalugmok ng mga tao sa mga negatibong emosyon dahil sa karamdaman? (Nalutas na.) Mayroon ka na ba ngayong mga tamang ideya at pananaw kung paano harapin ang karamdaman? (Mayroon na.) Alam mo ba kung paano ito isagawa? Kung hindi, ibibigay Ko sa iyo ang susi, ang pinakamagandang gawin. Alam ba ninyo kung ano ito? Kung magkasakit ka, at kahit gaano pa karaming doktrina ang nauunawaan mo ay hindi mo pa rin ito malampasan, ang iyong puso ay mababagabag, mababalisa, at mag-aalala pa rin, at maliban sa hindi mo mahaharap ang usapin nang kalmado, ang iyong puso ay mapupuno rin ng mga reklamo. Palagi kang magtatanong, “Bakit walang ibang may ganitong sakit? Bakit ako ang pinili na magkaroon nito? Paano nangyari ito sa akin? Ito ay dahil malas ako at may masamang kapalaran. Kailanman ay wala akong pinasama ng loob, ni hindi ako gumawa ng pagkakasala, kaya bakit nangyari ito sa akin? Labis na hindi patas ang pagtrato sa akin ng Diyos!” Makikita mo, bukod sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, nalulugmok ka rin sa depresyon, nang may sunud-sunod na negatibong emosyon at hindi mo maiwasan ang mga ito kahit gaano mo pa kagusto. Dahil ito ay totoong karamdaman, hindi ito madaling mawala o mapagaling, kaya ano ang dapat mong gawin? Gusto mong magpasakop pero hindi mo magawa, at kung ikaw ay magpapasakop isang araw, sa susunod na araw ay lalala ang iyong kalagayan at masyado nang masakit, at pagkatapos ay hindi mo na nais pang magpasakop, at muli kang magsisimulang magreklamo. Palagi kang ganito, kaya ano ang dapat mong gawin? Hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang sekreto sa tagumpay. Ikaw man ay maharap sa malala o simpleng karamdaman, sa sandaling ang iyong sakit ay maging malubha o ikaw ay maharap sa kamatayan, tandaan mo lamang ang isang bagay: Huwag mong katakutan ang kamatayan. Kahit pa ikaw ay nasa mga huling yugto na ng kanser, kahit pa napakalaki ng posibilidad na mamatay sa iyong partikular na karamdaman, huwag mong katakutan ang kamatayan. Gaano man katindi ang iyong pagdurusa, kung ikaw ay natatakot sa kamatayan ay hindi ka magpapasakop. May mga nagsasabi, “Nang marinig kong sinabi Mo ito, nakadama ako ng inspirasyon at may mas magandang ideya pa ako. Bukod sa hindi ako matatakot sa kamatayan, magmamakaawa pa akong makamit iyon. Hindi ba’t mas magiging madali kapag ganoon?” Bakit ka magmamakaawang mamatay? Ang pagmamakaawang mamatay ay isang sukdulang ideya, samantalang ang hindi katakutan ang kamatayan ay isang makatwirang saloobin na dapat taglayin. Tama ba iyon? (Tama.) Ano ang tamang saloobin na dapat mong taglayin upang hindi mo katakutan ang kamatayan? Kung ang iyong karamdaman ay lumala nang husto na maaari mo na itong ikamatay, at malaki ang posibilidad na mamatay rito anuman ang edad ng tao na tinamaan ng sakit, at ang panahon mula sa pagkakasakit ng tao hanggang sa mamatay siya ay labis na maikli, ano ang dapat mong isipin sa iyong puso? “Hindi ko dapat katakutan ang kamatayan, ang lahat naman ay namamatay sa huli. Gayunpaman, ang magpasakop sa Diyos ay isang bagay na hindi magawa ng karamihan sa mga tao, at magagamit ko ang karamdamang ito upang maisagawa ang pagpapasakop sa Diyos. Dapat akong magkaroon ng kaisipan at saloobing nagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at hindi ko dapat katakutan ang kamatayan.” Ang mamatay ay madali, higit na mas madali kaysa mabuhay. Maaaring ikaw ay labis na nasasaktan at hindi mo ito namamalayan, at sa sandaling pumikit ang iyong mga mata, humihinto ang iyong paghinga, lumilisan ang iyong kaluluwa mula sa katawan, at ang iyong buhay ay nagwawakas. Ganito mamatay; ganito ito kasimple. Ang hindi katakutan ang kamatayan ay isang saloobing dapat taglayin. Bukod dito, hindi mo dapat alalahanin kung lalala ba ang iyong sakit o hindi, o kung mamamatay ka ba kung hindi ka magagamot, o kung gaano pa katagal bago ka mamatay, o kung anong kirot ang mararanasan mo kapag dumating na ang oras ng kamatayan. Hindi mo dapat alalahanin ang mga bagay na ito; ito ay mga bagay na hindi mo dapat alalahanin. Ito ay sapagkat darating ang araw na iyon, at darating iyon sa partikular na taon, buwan, at araw. Hindi mo ito mapagtataguan at hindi mo ito matatakasan—ito ang iyong kapalaran. Ang iyong diumano’y kapalaran ay pauna nang itinakda ng Diyos at isinaayos na Niya. Ang haba ng iyong mga taon at ang edad mo at ang oras kung kailan ka mamamatay ay naitakda na ng Diyos, kaya ano ang inaalala mo? Maaari mo itong alalahanin, pero wala itong mababago; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo ito mapipigilang mangyari; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo mapipigilan ang pagdating ng araw na iyon. Samakatuwid, ang iyong pag-aalala ay walang kabuluhan, at ang idinidulot lamang nito ay ang pabigatin pa lalo ang pasanin mo sa iyong karamdaman. Ang isang aspekto ay ang huwag mag-alala, at ang isa pa ay ang huwag katakutan ang kamatayan. Ang isa pang aspekto ay ang huwag mabalisa, ang sabihing, “Pagkatapos kong mamatay, mag-aasawa bang muli ang aking asawa? Sino ang mag-aalaga sa aking anak? Sino ang magpapatuloy sa aking tungkulin? Sino ang makakaalala sa akin? Pagkatapos kong mamatay, ano ang itatakda ng Diyos na magiging wakas ko?” Hindi ka dapat nag-aalala sa mga bagay na ito. May wastong lugar na pupuntahan ang lahat ng taong namamatay at isinaayos na ito ng Diyos. Ang mga nabubuhay ay patuloy na mabubuhay; ang pag-iral ng sinumang tao ay hindi makakaapekto sa normal na aktibidad at kaligtasan ng sangkatauhan, wala ring magbabago dahil lang sa pagkawala ng isang tao. Kaya hindi mo dapat alalahanin ang mga bagay na ito. Hindi mo kinakailangang alalahanin ang iba’t ibang kamag-anak mo, at mas lalong hindi mo kinakailangang alalahanin kung may makakaalala ba sa iyo pagkatapos mong mamatay. Ano ba ang silbi kung may makaalala sa iyo? Kung ikaw ay tulad ni Pedro, may halaga ang pag-alala sa iyo; kung ikaw ay tulad ni Pablo, kalamidad lang ang idudulot mo sa mga tao, kaya bakit gugustuhin pa ninuman na alalahanin ka? May isa pang bagay na dapat ipag-alala, isang napakamakatotohanang kaisipan na taglay ng mga tao. Sinasabi nila, “Kapag namatay na ako, hindi ko na muling makikita ang mundong ito, at hindi ko na matatamasa ang materyal na buhay ng lahat ng mga bagay na ito. Kapag namatay na ako, hindi na ako maaapektuhan ng anumang bagay sa mundong ito, at mawawala na ang pakiramdam ng pagiging buhay. Kapag namatay na ako, saan ako pupunta?” Hindi mo dapat alalahanin kung saan ka pupunta, hindi mo rin ito dapat ikabalisa. Hindi ka na isang buhay na tao, ngunit nag-aalala kang hindi mo na mararamdaman ang lahat ng tao, pangyayari, bagay, kapaligiran, at iba pa ng materyal na mundo. Mas lalong hindi mo dapat alalahanin ang mga bagay na ito, at kahit hindi mo mabitiwan ang mga bagay na ito, wala na rin itong silbi. Gayunpaman, ang maaaring makapagbigay sa iyo ng kaunting ginhawa ay ang posibilidad na ang iyong pagkamatay o pag-alis ay maaaring maging isang bagong simula para sa iyong susunod na pagkakatawang-tao, isang mas magandang simula, isang malusog na simula, isang ganap na mabuting simula, isang simula para muling makabalik ang iyong kaluluwa. Ito ay hindi nangangahulugang isang masamang bagay ito, sapagkat marahil ay makababalik ka sa ibang paraan at sa ibang anyo. Kung ano ang eksaktong anyo nito ay nakasalalay sa mga pagsasaayos ng Diyos at ng Lumikha. Sa puntong ito, maaaring sabihin na lahat ay dapat lamang na maghintay at mag-antabay. Kung pipiliin mong mamuhay sa mas mabuting paraan at mas mabuting anyo matapos mong mamatay sa buhay na ito, gaano man kalala ang iyong karamdaman, ang pinakamahalagang bagay ay kung paano mo ito haharapin at anong mabubuting gawa ang dapat mong ihanda, at hindi ang iyong walang kabuluhang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Kapag ganito ka mag-isip, hindi ba’t bumababa ang antas ng iyong takot, pangamba, at pagtanggi sa kamatayan? (Oo.) Ilang aspekto ang katatapos lang nating pag-usapan? Ang isa ay ang hindi katakutan ang kamatayan. Ano pa? (Hindi namin dapat alalahanin kung lalala ba o hindi ang aming karamdaman, at hindi kami dapat mabalisa tungkol sa aming asawa at mga anak, o sa aming magiging wakas at hantungan, at iba pa.) Ipaubaya ang lahat ng ito sa mga kamay ng Diyos. Ano pa? (Hindi namin dapat alalahanin kung saan kami mapupunta pagkatapos mamatay.) Walang silbi ang mag-alala tungkol sa mga bagay na ito. Mabuhay ka sa kasalukuyan at gawin mo nang maayos ang mga bagay na dapat mong gawin dito at ngayon. Hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa mga bagay-bagay sa hinaharap, kaya dapat mong ipaubaya ang lahat ng ito sa mga kamay ng Diyos. Ano pa? (Dapat kaming magmadali na maghanda ng mabubuting gawa para sa aming hantungan sa hinaharap.) Tama, dapat maghanda ang mga tao ng mas maraming mabubuting gawa para sa hinaharap, at dapat nilang hangarin ang katotohanan at maging mga taong nauunawaan ang katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad. May mga nagsasabi, “Kamatayan na ang binabanggit Mo ngayon, kaya ibig Mo bang sabihin na lahat ay kailangang humarap sa kamatayan sa hinaharap? Masama ba itong pangitain?” Hindi ito masamang pangitain, hindi rin ito isang pananggalang, at lalong hindi ito sumpa ng kamatayan para sa sinuman—ang mga salitang ito ay hindi sumpa. Ano nga ba ang mga ito? (Ito ay isang landas ng pagsasagawa para sa mga tao.) Tama, ang mga ito ang dapat isagawa ng mga tao, ang mga ito ang tamang pananaw at saloobing dapat panghawakan ng mga tao, at ito ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao. Kahit ang mga taong walang anumang uri ng karamdaman ay dapat ding taglayin ang ganitong uri ng saloobin para harapin ang kamatayan. Kaya may mga nagsasabi, “Kung hindi tayo matatakot sa kamatayan, ibig sabihin ba ay hindi tayo mamamatay?” Ito ba ang katotohanan? (Hindi.) Kung gayon ay ano ito? (Ito ay isang kuru-kuro at kanilang imahinasyon.) Ito ay baluktot, ito ay lohikal na pangangatwiran, at pilosopiya ni Satanas—ito ay hindi ang katotohanan. Hindi totoo na kung hindi ka matatakot o mag-aalala sa kamatayan ay hindi ito darating sa iyo at hindi ka mamamatay—hindi ito ang katotohanan. Ang sinasabi Ko ay ang saloobing dapat taglayin ng mga tao patungkol sa kamatayan at karamdaman. Kapag taglay mo ang ganitong saloobin, maaari mo nang iwanan ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Hindi ka na makukulong sa iyong karamdaman, at ang iyong pag-iisip at ang mundo ng iyong espiritu ay hindi mapipinsala o magugulo ng iyong karamdaman. Isa sa mga personal na hamon ng mga tao ay ang mga inaasam sa kanilang hinaharap, at ang isa pang hamon ay ang karamdaman at kamatayan. Ang mga inaasam sa hinaharap at ang kamatayan ay maaaring sakupin ang puso ng mga tao, ngunit kung kaya mong harapin nang tama ang dalawang problemang ito at malampasan ang iyong mga negatibong emosyon, hindi ka matatalo ng mga karaniwang hamon.

Maliban sa karamdaman, madalas na nababagabag, nababalisa, at nag-aalala ang mga tao tungkol sa iba pang mga totoong problema sa kanilang buhay. Maraming totoong problema sa buhay, halimbawa, may matatanda o mga bata sa iyong tahanan na kailangang alagaan at itaguyod, kailangan ng iyong mga anak ng pera para sa kanilang pag-aaral at pang-araw-araw na gastusin, kailangan ng matatanda ng pera para gamutin ang kanilang mga medikal na kondisyon, at ang malalaking halaga ng pera na kinakailangan para sa pang-araw-araw na gastusin. Nais mong gampanan ang iyong tungkulin, ngunit kung bibitiwan mo ang iyong trabaho, paano ka mabubuhay? Madaling mauubos ang iyong ipon sa tahanan, kaya ano na ang gagawin mo kung wala ka nang pera? Kung maghahanap ka ng pagkakakitaan, makakaantala ito sa pagganap mo ng iyong tungkulin, ngunit kung bibitiwan mo naman ang iyong trabaho upang gampanan ang iyong tungkulin, hindi mo malulutas ang mga problema sa tahanan. Kaya ano ang dapat mong gawin? Maraming tao ang nahihirapan at naguguluhan sa gayong mga bagay, kaya inaasam nilang lahat ang araw ng pagparito ng Diyos at iniisip nila kung kailan darating ang malalaking sakuna at kung kailangan ba nilang mag-imbak ng pagkain. Kung maghahanda sila, wala silang sobrang pera sa tahanan at magiging napakahirap ng buhay. Nakikita nila ang ibang tao na may mas magagandang damit at mas masasarap na pagkain, kaya nalulungkot sila at naiisip na sobrang hirap ng kanilang buhay. Matagal silang hindi kumakain ng karne, at kung may mga itlog sila, nag-aatubili silang kainin ang mga ito, at nagmamadali silang pumunta sa palengke para ibenta ang mga ito at kumita ng kaunting pera. Habang iniisip nila ang lahat ng pagsubok na ito ay nagsisimula silang mag-alala: “Kailan matatapos ang mahihirap na araw na ito? Palagi nilang sinasabing, ‘Paparating na ang araw ng Diyos, paparating na ang araw ng Diyos’ at ‘Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos,’ pero kailan ba may magsasabi sa akin kung kailan talaga mangyayari ito? Sino ang makapagsasabi nito nang tiyak?” May ilang tao na gumugugol ng ilang taon sa pagganap ng kanilang tungkulin na malayo sa kanilang tahanan, at paminsan-minsan ay iniisip nila, “Hindi ko alam kung gaano na kalaki ang mga anak ko ngayon, o kung maayos ba ang kalusugan ng aking mga magulang. Ilang taon na akong malayo sa aking tahanan at hindi ko sila naaalagaan. Mayroon kaya silang mga suliranin? Ano ang gagawin nila kung magkasakit sila? May mag-aalaga ba sa kanila? Marahil ay nasa edad otsenta o nobenta na ang aking mga magulang ngayon, at ni hindi ko alam kung buhay pa ba sila.” Kapag iniisip nila ang mga bagay na ito, isang hindi maipaliwanag na pagkabalisa ang umuusbong sa kanilang puso. Higit pa sa pagkabalisa, nag-aalala sila, ngunit kailanman ay walang nalulutas ang pag-aalala, kaya nagsisimula silang mabagabag. Kapag sobra silang nababagabag, nababaling ang kanilang atensyon sa gawain ng Diyos at sa araw ng Diyos, at napapaisip sila, “Bakit hindi pa dumarating ang araw ng Diyos? Lagi ba tayong mamumuhay nang ganito na walang patutunguhan at nang nag-iisa? Kailan darating ang araw ng Diyos? Kailan matatapos ang gawain ng Diyos? Kailan wawasakin ng Diyos ang mundong ito? Kailan mamamalas ang kaharian ng Diyos sa lupa? Kailan natin matutunghayan ang presensya ng Diyos?” Iniisip nila ang mga bagay na ito nang paulit-ulit, at ang mga negatibong emosyon ng pag-aalala, pagkabalisa, at pagkabagabag ay umuusbong sa kanilang puso, biglang nakikita ang pag-aalala sa kanilang mukha, hindi na sila masaya, naglalakad sila nang walang sigla, kumakain nang walang gana, at araw-araw magulo ang kanilang isipan. Maganda ba ang mabuhay sa loob ng gayong mga negatibong emosyon? (Hindi.) Kahit ang maliliit na problema sa buhay ay maaaring magdulot sa mga tao na paminsan-minsang malubog sa mga negatibong emosyong ito ng pagiging pasibo, at minsan kahit walang dahilan, o walang partikular na konteksto, o walang partikular na tao na nagsasabi ng anumang espesyal na bagay, ang mga negatibong emosyong ito ay hindi mamamalayang uusbong sa kanilang puso. Kapag ang mga negatibong emosyong ito ay umusbong sa puso ng mga tao, ang mga kahilingan ng mga tao, ang kanilang pag-aasam sa araw ng pagparito ng Diyos, na matapos na ang Kanyang gawain, at sa pagdating ng Kanyang kaharian, ay mas tumitindi pa. May ilang tao na taimtim pa ngang lumuluhod at nagdarasal sa Diyos habang umaagos ang kanilang luha, sinasabing, “Diyos ko, napopoot ako sa mundong ito, at napopoot ako sa sangkatauhang ito. Pakiusap, tapusin Mo na ang lahat ng ito sa lalong madaling panahon, tapusin ang makalamang buhay ng mga tao, at tapusin ang lahat ng paghihirap na ito.” Maraming beses silang nagdarasal nang ganito nang walang resulta, at ang kanilang puso ay nababalot pa rin ng mga negatibong emosyon ng pag-aalala, pagkabalisa, at pagkabagabag, at nananatili ang mga ito sa kanilang mga pag-iisip at sa kaibuturan ng kanilang espiritu, malalim na nakakaimpluwensya sa kanila at pinaliligiran sila. Sa katunayan, nangyayari ito dahil lang inaasam nilang mas mapaaga ang pagdating ng araw ng Diyos, na mas mapaaga ang pagtatapos ng gawain ng Diyos, na makatanggap sila ng mga pagpapala sa lalong madaling panahon, na magkaroon sila ng magandang hantungan, na makapasok sila sa langit o sa kahariang laman ng kanilang imahinasyon at na inaasam nila sa kanilang sariling mga kuru-kuro; kaya palagi silang labis na naaapektuhan ng mga bagay na ito sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa panlabas, ipinapakita nilang labis silang naaapektuhan, pero ang totoo, sila ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala. Kapag ang mga tao ay palaging napaliligiran ng mga damdaming ito ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, nagkakaroon sila ng aktibong kaisipan, iniisip nila, “Kung matagal pang darating ang araw ng Diyos, at hindi pa matatapos ang gawain ng Diyos sa lalong madaling panahon, dapat kong samantalahin ang aking kabataan at kakayahan upang magsumikap nang husto. Gusto kong magtrabaho at kumita ng pera, magtrabaho nang maigi sa mundo nang pansamantala at magsaya sa buhay. Kung matagal pa bago dumating ang araw ng Diyos, gusto kong bumalik sa aking tahanan at makasamang muli ang aking pamilya, humanap ng mapapangasawa, mamuhay nang maayos nang ilang panahon, suportahan ang aking mga magulang, palakihin ang aking mga anak. Kapag matanda na ako, marami na akong anak at kasama ko sila sa bahay, at tatamasahin namin ang buhay pamilya—kayganda ng ganoong eksena! Kaytamis na imahe!” Nang nag-iisip nang ganito, nasasabik silang matamasa ang ganoong uri ng buhay. Sa tuwing naiisip ng mga tao na malapit nang dumating ang araw ng Diyos at malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, lalong umiigting ang kanilang pagnanasa, at lalong tumitindi ang kanilang pagnanais na matapos na ang gawain ng Diyos sa lalong madaling panahon. Sa gayong sitwasyon, kapag hindi tumutugma ang mga katunayan sa nais ng mga tao, kapag hindi nila nakikita ang anumang palatandaan na malapit nang matapos ang gawain ng Diyos o darating na ang araw ng Diyos, lalong lumalala ang kanilang damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Nag-aalala sila na, sa loob ng ilang taon, kapag tumanda na sila at hindi pa nakakahanap ng asawa, sino ang mag-aalaga sa kanila sa kanilang pagtanda. Nag-aalala sila, kung palagi nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos at pinutol na nila ang lahat ng ugnayan sa lipunan, kung makababalik pa ba sila sa lipunan kapag umuwi sila para mamuhay sa kanilang tahanan. Nag-aalala sila, kung babalik sila sa pagnenegosyo o pagtatrabaho pagkatapos ng ilang taon, kung makakasabay pa ba sila sa panahon, kung magagawa pa ba nilang mamukod-tangi sa karamihan, at kung mabubuhay ba sila. Habang mas nag-aalala sila sa mga bagay na ito at habang mas nababalisa at nababagabag sila sa mga ito, mas lalong hindi nila magampanan nang kalmado ang kanilang tungkulin at masundan ang Diyos sa sambahayan ng Diyos. Kaya mas lalo nilang inaalala ang kanilang kinabukasan, ang mga oportunidad para sa kanila, at ang kanilang buhay pamilya, pati na rin ang lahat ng paghihirap na maaaring lumitaw sa buhay sa hinaharap. Iniisip nila ang lahat ng kanilang kayang isipin, inaalala nila ang lahat ng kanilang kayang alalahanin; inaalala pa nga nila pati ang kanilang mga apo at kung paano ang magiging buhay ng mga inapo ng kanilang apo. Malayo ang nararating ng kanilang pag-iisip, ang kanilang mga iniisip ay sobrang detalyado, at pinag-iisipan nila ang lahat. Kapag may ganitong mga alalahanin, ikinababalisa at ikinababagabag ang mga tao, hindi na nila magampanan nang kalmado ang kanilang tungkulin, at hindi nila masundan na lang ang Diyos, sa halip, madalas na mayroon silang mga aktibong kaisipan at pabago-bago ang kanilang damdamin. Kapag nakikita nilang maayos ang takbo ng gawain ng pag-eebanghelyo, iniisip nila, “Malapit nang dumating ang araw ng Diyos. Kailangan kong gampanan nang mabuti ang aking tungkulin! Tuloy lang! Dapat kong ituloy ito nang ilang taon pa, hindi na ito magtatagal. Lahat ng pagdurusang ito ay magiging sulit at magbubunga, at wala na akong aalalahanin pa!” Ngunit pagkalipas ng ilang taon, hindi pa rin dumarating ang malalaking sakuna at walang nagbabanggit tungkol sa araw ng Diyos, kaya nanlalamig ang kanilang puso. Ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalalang ito, pati na rin ang kanilang mga aktibong kaisipan, ay patuloy na pabalik-balik at paulit-ulit sa ganitong paraan, paikot-ikot lang ayon sa pandaigdigang sitwasyon at sa sitwasyon sa sambahayan ng Diyos, at wala silang magawa upang kontrolin ang mga ito—hindi nila mabago ang kanilang kalagayan anuman ang sabihin ninuman. May gayon bang mga tao? (Mayroon.) Madali ba para sa ganitong mga tao na manatiling matatag? (Hindi.) Ang kanilang saloobin at lagay ng loob sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at ang dami ng enerhiyang inilalaan nila sa kanilang mga tungkulin, ay batay lahat sa “pinakabagong balita.” May mga taong nagsasabi, “Ayon sa mapagkakatiwalaang balita, ang ebanghelyo ng Diyos ay lumalaganap nang kamangha-mangha!” At may mga taong nagsasabi, “Ang pinakabagong balita ay na napakadalas nang mangyari ng mga sakuna sa buong mundo, at lumalabas na ang sitwasyon ng mundo at ang mga sakuna ay tumutupad sa mga ganito at ganyang sakuna sa Aklat ng Pahayag. Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, malapit nang dumating ang araw ng Diyos, at sobrang ingay na ng mundo ng relihiyon!” Sa tuwing naririnig nila ang “pinakabagong balita” o “mapagkakatiwalaang balita,” pansamantalang tumitigil ang kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala at hindi na sila nagugulo ng mga ito at binibitiwan muna nila ang kanilang aktibong mga kaisipan. Gayunpaman, kapag hindi sila nakarinig kamakailan ng anumang “mapagkakatiwalaang balita” o “tumpak na balita,” bigla na lang bumubulusok ang kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, pati na rin ang kanilang mga aktibong kaisipan. May mga taong naghahanda pa nga sa pamamagitan ng pag-iisip kung saan sila mag-a-aplay ng trabaho, saan sila magtatrabaho, ilang anak ang gusto nila, saan mag-aaral ang kanilang mga anak pagkalipas ng ilang taon, paano nila ihahanda ang pangmatrikula sa kolehiyo, at nagpaplano pa silang bumili ng bahay, lupa, o kotse. Gayunpaman, kapag narinig nila ang “mapagkakatiwalaang balita,” pansamantala nilang iniiwan ang mga bagay na ito. Hindi ba ito tila isang biro? (Oo.) Nananalig sila sa Diyos ngunit hindi nila isinasapuso ito at sinasabi na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas sa buhay, na ito ang pinakamakabuluhang buhay, na ang mabuhay nang ganito ang may pinakamataas na halaga; paano man sila akayin ng Diyos o anuman ang ginagawa ng Diyos, nakatitiyak silang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ginagawa para iligtas ang mga tao, at kaya susunod sila sa Diyos hanggang sa pinakadulo. Abutin man ito ng pagtanda ng langit at lupa, hanggang sa magbago ang posisyon ng mga bituin, hanggang sa matuyo ang mga karagatan, maging alikabok ang mga bato, o hanggang sa ang karagatan ay maging lupa at ang lupa ay maging karagatan, ang kanilang puso ay hindi magbabago, at mananatili itong matatag. Ang kanilang puso ay iaalay sa Diyos sa buong buhay nila, at kung may isa pang buhay pagkatapos nito, susunod pa rin sila sa Diyos. Subalit hindi ganito mag-isip ang mga taong may napakaraming paghihirap sa buhay. Ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay nauukol lamang sa pagmamasid sa ngayon, at namumuhay sila sa kung anong paraan nila naiisip na dapat mamuhay. Hindi nila babaguhin ang paraan ng kanilang pamumuhay o ang kanilang mga nais o plano dahil lang sa nananalig sila sa Diyos at sumusunod sa landas ng pananampalataya sa Diyos. Anuman ang kanilang mga plano noong una, hindi nila binabago ang mga ito dahil lang sa nananalig sila sa Diyos, hindi nila binabago ang anuman, at hinahangad nilang mamuhay sa kung anumang paraan namumuhay ang mga walang pananampalataya. Subalit ang pananampalataya sa Diyos ay may kasamang isang espesyal na bagay, at iyon ay ang malapit nang dumating ang araw ng Diyos, malapit nang dumating ang kaharian ng Diyos, at malapit nang mangyari ang malalaking sakuna. Ang mga nananalig sa Diyos ay makatatakas sa mga sakuna, hindi sila mahuhulog sa mga sakuna, maaari silang maligtas, at dahil lamang sa espesyal na bagay na ito kaya sila ay sobrang interesado na manalig sa Diyos. Samakatuwid, ang kanilang layunin at ang kanilang pinagtutuunan ng pansin sa kanilang pananalig sa Diyos ay itong isang bagay lamang na ito. Kahit gaano karaming sermon ang kanilang pakinggan, o kahit gaano karaming pakikipagbahaginan sa katotohanan ang kanilang marinig sa mga tao, o gaano katagal na silang nananalig sa Diyos, hindi kailanman nagbabago ang paraan ng kanilang pananalig sa Diyos, at hindi nila ito kailanman binibitawan. Hindi sila nagbabago o bumibitiw sa kanilang mga maling pananaw sa pananalig sa Diyos dahil lang sa mga sermon na kanilang pinakikinggan o sa mga katotohanang nauunawaan nila. Kaya naman, mayroon mang ilang pagbabago o ilang kasabihan tungkol sa sitwasyon sa mundo sa labas o sa sambahayan ng Diyos, palagi itong may epekto sa bagay na ito na pinakainaalala nila sa kaibuturan ng kanilang puso. Kung marinig nila na malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, labis silang nagagalak; subalit kung marinig nila na masyado pang maaga para matapos ang gawain ng Diyos, at hindi na nila kayang magpatuloy, ang kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay araw-araw na lalago, at magsisimula silang maghanda na iwanan ang sambahayan ng Diyos at ang kanilang mga kapatid anumang oras, upang maging maayos ang kanilang pag-alis sa sambahayan ng Diyos. Siyempre, mayroon ding mga taong, sa anumang oras, ay nagsisimulang maghanda na tuluyang burahin ang lahat ng impormasyon para makaugnayan ang kanilang mga kapatid at ang lahat ng mensahe nila, at ibalik sa iglesia ang mga aklat ng mga salita ng Diyos na ipinadala sa kanila ng sambahayan ng Diyos. Iniisip nila, “Hindi ko talaga kayang magpatuloy sa landas na ito ng pananalig sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Inakala ko na ang pananalig sa Diyos ay nangangahulugan na mamumuhay ako nang masaya, magkakaroon ng mga anak, makatatanggap ng mga pagpapala, at makapapasok sa kaharian ng langit. Ngayon, nawasak na ang magandang pangarap na ito, kaya pipiliin ko pa ring mamuhay nang masaya, magkaroon ng mga anak, at tamasahin ang buhay. Gayunpaman, hindi ko pa rin kayang iwanan ang aking pananalig sa Diyos. Kung may pagkakataon akong makatanggap nang isang daang beses sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na buhay, hindi ba’t mas maganda iyon?” Ito ang kanilang pananaw sa pananalig sa Diyos, ito ang kanilang plano, at siyempre, ito rin ang kanilang ginagawa. Ito ang pag-iisip at pagpaplano sa kaibuturan ng puso ng mga taong umaasa sa kanilang mga imahinasyon sa kanilang pananalig sa Diyos, na palaging nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa buhay ng kanilang laman, at kinakatawan nito kung ano ang kanilang hinahangad at ang landas na sinusunod nila sa kanilang pananalig sa Diyos. Ano ba talaga ang kanilang iniisip nang husto? Ang pinag-iisipan nila nang husto ay kung kailan darating ang araw ng Diyos, kailan matatapos ang gawain ng Diyos, kailan mangyayari ang malalaking sakuna, at kung makatatakas ba sila sa malalaking sakuna—ito ang iniisip nila nang husto.

Para naman sa mga taong laging nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa buhay ng kanilang laman, ang kanilang hangarin sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang “makatanggap nang isang daang beses sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na buhay.” Gayunpaman, ayaw nilang marinig kung gaano kalayo na ang naging pag-usad ng gawain ng Diyos, kung nakakamit ba ng mga nananalig sa Diyos ang resulta ng pagtatamo ng kaligtasan, kung ilang tao na ba ang nakapagkamit ng katotohanan, nakakilala sa Diyos, at nakapagbigay ng magandang patotoo, na para bang walang kinalaman sa kanila ang mga bagay na ito. Kaya ano ang nais nilang marinig? (Kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos.) Mas mataas ang kanilang mga inaasahan, tama ba? Karamihan sa mga tao ay masyadong makitid ang pag-iisip. Tingnan ang mga bagay na kanilang inaasam at ang inaasam nila ay ang malalaking bagay lamang—napakatayog ng kanilang kalagayan! Karamihan sa mga tao ay masyadong mababaw, palaging nagsasalita tungkol sa pagbabago ng disposisyon, pagpapasakop sa Diyos, tapat na pagganap ng kanilang tungkulin, paggawa ng mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ano ba ang mga taong ito? Napakakitid ng kanilang pag-iisip! Ano ang sinasabi ng mga Tsino? Napakababa nila. Ano ang ibig sabihin ng mababa? Napakababaw nila. At ano ang inaasam ng mga taong ito? Inaasam nila ang malalaking bagay, matataas na bagay, at mararangyang bagay. Ang mga nag-aasam sa mararangyang bagay ay laging nagnanais na umangat, patuloy na umaasa nang walang saysay na isang araw ay itataas sila ng Diyos sa alapaap upang makasama Siya. Gusto mong makatagpo ang Diyos, ngunit hindi mo itinatanong kung gusto ka bang makatagpo ng Diyos—patuloy mo lang na ninanais ang mga kamangha-manghang bagay na ito! Ilang beses mo pa lang bang nakatagpo ang Diyos? Hindi kilala ng mga tao ang Diyos, kaya kapag nakatagpo mo Siya ay susuwayin mo pa rin Siya. Kaya ano ang dahilan sa likod ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ng mga taong ito? Talaga bang lahat ito ay dahil sa mga paghihirap sa kanilang buhay? Hindi, hindi dahil sa may mga paghihirap talaga sila sa kanilang buhay, ito ay dahil itinuon nila ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa buhay ng kanilang laman. Ang sentro ng kanilang paghahangad ay hindi ang katotohanan, kundi ay ang mamuhay nang masaya, ang matamasa ang magandang buhay, at matamasa ang magandang kinabukasan. Madali bang lutasin ang mga problema ng mga taong ito? May ganitong mga tao ba sa iglesia? Palagi nilang tinatanong ang iba, “Kailan ba darating ang araw ng Diyos? Hindi ba’t sinabi ilang taon na ang nakalilipas na malapit nang matapos ang gawain ng Diyos? Kaya bakit hindi pa ito natatapos?” Mayroon bang paraan para pakitunguhan ang ganitong mga tao? Dalawang salita lang ang sabihin sa kanila, at sabihin sa kanila, “Malapit na!” Pagdating sa ganitong mga tao, tanungin muna sila, “Palagi kang nagtatanong tungkol dito. May mga plano ka na ba? Kung mayroon, huwag ka nang mag-abala pa na manatili rito kung ayaw mo naman. Gawin mo na lang kung ano ang gusto mo. Huwag mong salungatin ang sarili mong mga kagustuhan, at huwag mong pahirapan ang sarili mo. Hindi ka pinananatili rito ng sambahayan ng Diyos, hindi ka nito ikinukulong dito. Pwede kang umalis kahit kailan mo gusto. Huwag mong palaging tanungin kung ano ang bagong balita. Sa anumang balita ay sasabihin lamang sa iyo na, ‘Malapit na!’ Kung hindi ka masaya sa sagot na iyon, kung nakagawa ka na ng mga plano sa puso mo at ipapatupad mo rin naman ang mga ito sa malao’t madali, tanggapin mo ang payo ko: Ibalik mo sa iglesia ang mga aklat mo ng mga salita ng Diyos sa lalong madaling panahon, iempake mo ang mga gamit mo at umalis ka na. Magpapaalam na lang tayo sa isa’t isa, at hindi mo na kailangan pang mabagabag, mabalisa, at mag-alala tungkol sa mga bagay na ito kailanman. Umuwi ka na sa inyo at gawin ang gusto mo sa buhay mo. Hinihiling ko na mapabuti ka! Hinihiling ko na maging masaya at kontento ka sa buhay at sana ay makamit mo ang iyong mga ninanais sa hinaharap!” Ano ang palagay mo rito? (Maganda ito.) Payuhan silang umalis sa iglesia; huwag subukan na pigilan sila. Bakit hindi susubukan na pigilan sila? (Hindi sila totoong nananalig sa Diyos, kaya wala na ring saysay na pigilan pa sila.) Tama iyan; sila ay mga hindi mananampalataya! Ano pa ang magiging silbi ng pagpapanatili sa mga hindi mananampalataya at hindi pagtataboy sa kanila? May mga nagsasabi, “Pero wala naman silang ginawang anumang kasamaan, at wala naman silang ginambala.” Kailangan bang may gambalain sila? Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t panggagambala ang pananatili ng ganitong tao sa isang grupo ng mga tao? Saanman sila magpunta, nakagagambala na ang kanilang asal at mga ikinikilos. Hinding-hindi sila nagsasagawa ng mga espirituwal na debosyon, hindi nila kailanman binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi sila kailanman nagdarasal o nakikipagbahaginan sa mga pagtitipon, iniraraos lang nila ang kanilang mga tungkulin, palaging nagtatanong kung ano ang bagong balita. Labis silang emosyonal at pabigla-bigla. Masyado rin silang nakatuon sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at mayroon pa ngang mga tamad, mga nagpapakasarap sa pagkain, mga mahilig sa pagtulog, mga nagpapakatamad, at mga naroroon lamang upang punan ang bilang sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila inaalala ang pagganap ng kanilang mga tungkulin, at mga tambay lang sila. Kapag pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos, naghahanap lamang sila ng mga bagay na mapapakinabangan at masasamantala nila. Kung hindi sila makapagsasamantala, agad-agad silang aalis. Dahil nakikita namang agad-agad din silang umaalis, hindi ba’t mas maganda kung umalis na sila nang mas maaga? Ni hindi makapagtrabaho hanggang huli ang ganitong mga tao, at walang magandang epekto ang kanilang pagtatrabaho. Kapag nagtatrabaho man sila, hindi nila ginagawa ang tamang mga bagay—sadyang hindi sila mananampalataya. Sa kanilang pananalig sa Diyos, tinitingnan nila ang mga isyu mula sa panlabas na pananaw. Kapag maunlad ang sambahayan ng Diyos, masaya sila, iniisip nilang may pag-asa silang mapagpala, na may benepisyo sila, na hindi nawalan ng saysay ang pananalig nila sa Diyos, na hindi sila nalugi, at na tumaya sila sa panig ng mananalo. Gayunpaman, kung ang sambahayan ng Diyos ay inaapi ng mga satanikong puwersa, tinatalikdan ng lipunan, sinisiraan at inuusig, at nasa malubhang kalagayan, maliban sa hindi sumasama ang kanilang loob, tinatawanan pa nila ang nangyayari. Maaari ba nating panatilihin ang ganitong mga tao sa iglesia? (Hindi.) Sila ay mga hindi mananampalataya at mga kaaway! Kung nasa tabi mo ang isang kaaway pero itinuturing mo pa rin siyang isang kapatid, hindi ba’t nagiging hangal ka na kung gayon? Kung ang ganitong mga tao ay ayaw magtrabaho, dapat silang itaboy, tama? (Tama.) Tama nga, gawin ito nang maagap at lubusan. Hindi na sila kailangang payuhan pa, panatag lamang na hilingin sa kanila na umalis. Hindi na kailangang mag-aksaya pa ng hininga sa kanila, dapat mo lang silang pauwiin. Sa diwa, hindi sila mga taong nabibilang sa sambahayan ng Diyos, sila ay mga hindi mananampalataya lang na nakapasok sa iglesia. Maaaring bumalik na lang sila sa kung saan sila nanggaling, at pwedeng sabihan mo na lang sila na umalis. Pagkatapos nilang pumasok sa iglesia, may mga taong talagang nililinaw ang pagkakaiba nila sa mga kapatid at sa sambahayan ng Diyos. Ito ay dahil alam nila kung ano ang ipinunta nila, alam nila kung tunay ba silang nananalig o hindi, at maliban sa kanilang mga inaasahan sa kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos at kung makakatanggap ba sila ng mga pagpapala, walang gawain sa sambahayan ng Diyos o anuman sa mga katotohanang hinihingi ng Diyos sa mga tao para makapasok ang may anumang kinalaman sa kanila; hindi nila binibigyang-pansin ang mga bagay na ito, hindi nila binabasa ang mga aklat ng mga salita ng Diyos na ipinapadala sa kanila ng iglesia upang basahin, at hinahayaan lang nila ang mga ito na nakabalot pa. Sinasabi lang ng gayong mga tao na nananalig sila sa Diyos; sa panlabas, mukha silang nananalig tulad ng iba at iniraraos nila ang pagganap sa kanilang mga tungkulin, ngunit hindi nila kailanman binabasa ang mga salita ng Diyos. Hindi pa sila kailanman nagbukas ng aklat ng mga salita ng Diyos, hindi pa sila nagbuklat ng kahit isang pahina—wala pa silang nabasa sa mga ito kahit kailan. Hindi nila pinanonood kailanman ang mga video ng patotoong batay sa karanasan, ang mga pelikula ng ebanghelyo, o ang mga himno at iba pang inilalathala ng sambahayan ng Diyos online. Ano ang karaniwan nilang pinapanood? Pinapanood nila ang mga balita, sikat na palabas, video clip, at komedya, tanging mga walang kabuluhan ang kanilang pinapanood. Ano ba ang mga taong ito? Paminsan-minsan silang bumibisita sa iglesia upang magtanong, “Sa ilang bansa na ba lumaganap ang gawain ng ebanghelyo ngayon? Ilang tao na ang bumaling sa Diyos? Sa ilang bansa na naitatag ang mga iglesia? Ilang iglesia na ang mayroon? Nasaang yugto na ang gawain ng Diyos?” Sa kanilang libreng oras, palagi nilang itinatanong ang mga bagay na ito. Hindi ba’t kahina-hinala na baka espiya ang taong ito? Sabihin ninyo sa Akin, ayos lang bang panatilihin ang ganitong tao? (Hindi.) Kung hindi sila kusang aalis sa iglesia, dapat ninyo silang alisin sa sandaling sila ay matuklasan ninyo at alisin ninyo ang mga salot na ito sa iglesia. Walang silbing panatilihin sila at magdudulot lang sila ng gulo. Kaya, ang mga bagay na ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala ng mga taong ito ay walang anumang kinalaman sa atin. Huwag nang mag-abalang payuhan pa sila, at wala nang silbing makipagbahaginan pa sa kanila tungkol sa katotohanan. Alisin na lang sila at tapusin na ito—ito ang pinakamainam na paraan para pakitunguhan ang ganitong mga tao.

Maliban sa mga hindi mananampalataya, mayroon ding matatandang kapatid na ang edad ay 60 hanggang bandang 80 o 90, at dahil sa kanilang katandaan, nakakaranas din sila ng ilang paghihirap. Sa kabila ng kanilang edad, hindi palaging tama o makatwiran ang kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga ideya at pananaw ay hindi palaging naaayon sa katotohanan. May mga problema rin ang mga matatandang ito, at palagi silang nag-aalala, “Hindi na masyadong malakas ang katawan ko at may mga limitasyon na sa kung anong tungkulin ang aking magagampanan. Kung gagampanan ko lamang itong maliit na tungkulin na ito, tatandaan kaya ako ng Diyos? Minsan ay nagkakasakit ako, at kailangan ko ng mag-aalaga sa akin. Kapag walang nag-aalaga sa akin, hindi ko magampanan ang aking tungkulin, kaya ano ang magagawa ko? Matanda na ako at hindi ko na naaalala ang mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ito at nahihirapan akong maunawaan ang katotohanan. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, magulo at hindi maayos ang pagsasalita ko, at wala akong karanasan na karapat-dapat na ibahagi. Matanda na ako at kulang na ako sa enerhiya, malabo na ang aking paningin at hindi na ako malakas. Ang lahat ay mahirap na para sa akin. Maliban sa hindi ko magampanan ang aking tungkulin, madali rin akong makalimot ng mga bagay-bagay at magkamali. Minsan ay nalilito ako at nagdudulot ako ng problema sa iglesia at sa aking mga kapatid. Gusto kong makamtan ang kaligtasan at mahangad ang katotohanan ngunit napakahirap nito. Ano ang puwede kong gawin?” Kapag iniisip nila ang mga ito, nagsisimula silang mabahala, iniisip na, “Bakit ba kung kailan matanda na ako ay saka lang ako sumampalataya sa Diyos? Bakit ba hindi ako katulad niyong mga nasa edad 20 at 30, o maging niyong mga nasa edad 40 at 50? Bakit ba natagpuan ko lang ang gawain ng Diyos kung kailan napakatanda ko na? Hindi naman sa masama ang aking kapalaran; kahit papaano ngayon ay natagpuan ko na ang gawain ng Diyos. Maganda ang kapalaran ko, at naging mabuti ang Diyos sa akin! May isang bagay lang na hindi ako nasisiyahan, at iyon ay ang masyado na akong matanda. Hindi na matalas ang aking memorya, at hindi na rin malakas ang kalusugan ko, ngunit matatag ang kalooban ko. Kaya lang ay hindi na ako sinusunod ng katawan ko, at inaantok ako pagkatapos kong makinig nang matagal-tagal sa mga pagtitipon. Minsan ay pumipikit ako upang magdasal at nakakatulog ako, at lumilipad ang isip ko kapag nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos. Matapos magbasa nang kaunti, inaantok ako at nakakatulog, at hindi ko nauunawaan ang mga salita. Ano ang magagawa ko? Nang may ganitong mga praktikal na suliranin, mahahangad at mauunawaan ko pa ba ang katotohanan? Kung hindi, at kung hindi ako makapagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng aking pananampalataya? Hindi ba’t mabibigo akong makamtan ang kaligtasan? Ano ang puwede kong gawin? Nag-aalala ako nang husto! Sa ganitong edad, wala nang mahalaga pa. Ngayong nananalig na ako sa Diyos, wala na akong mga inaalala o ikinababalisa, at malalaki na ang aking mga anak at hindi na nila ako kailangan para alagaan o itaguyod sila, ang pinakahinihiling ko sa buhay ay ang mahangad ang katotohanan, magampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at sa huli ay makamtan ang kaligtasan sa mga taon na natitira sa akin. Gayunpaman, kung titingnan ngayon ang aking aktuwal na sitwasyon, malabo ang mata dahil sa katandaan at magulo ang isip, mahina ang kalusugan, hindi magampanan nang maayos ang aking tungkulin, at minsan ay nagdudulot ng mga problema kapag sinusubukan kong gawin ang lahat ng aking makakaya, tila ba hindi magiging madali para sa akin na makamit ang kaligtasan.” Paulit-ulit nilang iniisip ang mga bagay na ito at nababalisa sila, at pagkatapos ay iniisip nila, “Tila ba ang magagandang bagay ay nangyayari lamang sa mga kabataan at hindi sa matatanda. Mukhang kahit gaano pa kaganda ang mga bagay, hindi ko na matatamasa pa ang mga ito.” Habang lalo nilang iniisip ang mga bagay na ito, lalo silang nababahala at lalo silang nababalisa. Hindi lamang nila inaalala ang kanilang sarili, kundi nasasaktan din sila. Kung umiyak sila, nararamdaman nilang hindi ito karapat-dapat na iyakan, at kung hindi sila umiyak, palagi nilang nadarama ang kirot at ang sakit. Kaya ano ang dapat nilang gawin? Partikular na may matatandang nais gumugol ng kanilang buong oras para sa Diyos at gumanap ng kanilang tungkulin, ngunit mahina ang kanilang katawan. Mayroong may altapresyon, mataas ang blood sugar, may problema sa gastrointestinal, at hindi sapat ang kanilang lakas para matugunan ang mga hinihingi ng kanilang tungkulin, kaya nababahala sila. Nakikita nila ang mga kabataan na nakakakain at nakakainom, nakakatakbo at nakakatalon, at naiinggit sila. Habang mas nakikita nila ang mga kabataan na nagagawa ang gayong mga bagay, mas lalo silang nababagabag, iniisip na, “Nais kong gampanan nang maayos ang tungkulin ko at hangarin at unawain ang katotohanan, at nais ko ring isagawa ang katotohanan, kaya bakit napakahirap nito? Napakatanda ko na at wala akong silbi! Ayaw ba ng Diyos sa matatanda? Talaga bang walang silbi ang matatanda? Hindi ba kami makapagkakamit ng kaligtasan?” Malungkot sila at hindi nila magawang maging masaya paano man nila ito pag-isipan. Ayaw nilang palampasin ang gayon kagandang panahon at pagkakataon, ngunit hindi nila magugol ang kanilang sarili at magampanan ang kanilang tungkulin nang buong-puso at kaluluwa gaya ng mga kabataan. Nahuhulog sa malalim na pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ang matatandang ito dahil sa kanilang edad. Sa tuwing nahaharap sila sa ilang pagsubok, kabiguan, paghihirap, o hadlang, sinisisi nila ang kanilang edad, at napopoot pa nga sila sa kanilang sarili at hindi nila gusto ang kanilang sarili. Pero anu’t anuman, wala itong saysay, walang solusyon, at wala silang daan pasulong. Posible nga talaga kayang wala silang daan pasulong? May solusyon ba? (Dapat pa ring magampanan ng matatanda ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya.) Katanggap-tanggap naman na gampanan ng matatanda ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, tama ba? Hindi na ba mahahangad ng matatanda ang katotohanan dahil sa kanilang edad? Wala na ba silang kakayahan na maunawaan ang katotohanan? (Kaya nila.) Kaya bang unawain ng matatanda ang katotohanan? Maaari nilang maunawaan ang ilan, at maging ang mga kabataan ay hindi rin naman maunawaan ang lahat ng ito. Ang matatanda ay palaging may maling akala, iniisip nilang malilituhin na sila, na mahina na ang kanilang memorya, kaya hindi nila maunawaan ang katotohanan. Tama ba sila? (Hindi.) Bagaman higit na mas marami ang enerhiya ng mga kabataan kaysa sa matatanda, at mas malakas ang kanilang katawan, ang totoo, ang kanilang kakayahan na makaunawa, makaintindi, at makaalam ay katulad lamang ng sa matatanda. Hindi ba’t minsan ding naging kabataan ang matatanda? Hindi sila ipinanganak na matanda, at darating din ang araw na ang mga kabataan ay tatanda rin. Hindi dapat palaging isipin ng matatanda na dahil sila ay matanda na, mahina ang katawan, may karamdaman, at mahina ang memorya, ay naiiba na sila sa mga kabataan. Ang totoo, wala namang pagkakaiba. Ano ang ibig Kong sabihin na walang pagkakaiba? Bata man o matanda ang isang tao, pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon, pare-pareho ang kanilang mga saloobin at opinyon sa lahat ng bagay, at pare-pareho ang kanilang mga perspektiba at pananaw sa lahat ng bagay. Kaya hindi dapat isipin ng matatanda na dahil matanda na sila, mas kaunti ang kanilang maluluhong kagustuhan kaysa sa mga kabataan, at mas matatag sila, wala na silang malalaking pangarap o ninanasa, at mas kaunti na ang kanilang mga tiwaling disposisyon—ito ay isang maling paniniwala. Maaaring makipagkumpetensya para sa puwesto ang mga kabataan, kaya hindi ba’t maaari din itong gawin ng matatanda? Ang mga kabataan ay maaaring gumawa ng mga bagay na labag sa mga prinsipyo at kumilos nang pabasta-basta, kaya hindi ba’t maaari din itong gawin ng matatanda? (Oo, maaari.) Maaaring maging mayabang ang mga kabataan, kaya hindi ba’t maaari ding maging mayabang ang matatanda? Gayunpaman, kapag mayabang ang matatanda, dahil sa kanilang edad ay hindi sila ganoon kaagresibo, at hindi masyadong matindi ang kanilang pagiging mayabang. Mas malinaw ang pagpapamalas ng mga kabataan ng kayabangan dahil sa kanilang maliliksing katawan at isipan, samantalang mas hindi halata ang mga pagpapamalas ng kayabangan ng mga nakatatanda dahil sa kanilang mahihinang kasukasuan at saradong isipan. Subalit iisa ang diwa ng kanilang kayabangan at iisa ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Gaano katagal man nang nananalig ang isang matanda sa Diyos, o ilang taon na niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin, kung hindi niya hinahangad ang katotohanan, mananatili ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, ang ilang matatandang namumuhay nang mag-isa ay sanay na sa pamumuhay nang mag-isa at ayaw na nilang baguhin ang kanilang mga nakagawian: May mga itinakda na silang oras at mga sarili nilang pagsasaayos para sa kanilang pagkain, pagtulog, at pagpapahinga, at ayaw nilang magambala ang ayos ng mga bagay-bagay sa kanilang buhay. Sa panlabas, ang matatandang ito ay tila mabubuting tao, ngunit mayroon pa rin silang mga tiwaling disposisyon, at matutuklasan mo ito pagkatapos mo silang makasama nang matagal. May matatandang sobrang pabigla-bigla at mayabang; kinakailangan talaga na makain nila ang gusto nilang kainin, at walang makapipigil sa kanila kapag gusto nilang pumunta kung saan para maglibang. Kapag nakapagdesisyon na silang gagawin nila ang isang bagay, walang sinumang makapipigil sa kanila. Walang makapagpapabago sa kanila, at pabigla-bigla sila sa buong buhay nila. Ang gayong matatanda na matitigas ang ulo ay mas nakagugulo pa kaysa sa mga suwail na kabataan! Kaya naman, kapag sinasabi ng ilang tao na, “Ang matatanda ay hindi kasingtiwali ng mga kabataan. Ang matatanda ay nabuhay sa panahong mas konserbatibo at sarado pa ang mga isipan, kaya ang henerasyong ito ng matatanda ay hindi masyadong natiwali,” totoo ba ang kasabihan na ito? (Hindi.) Ito ay pangangatwiran lamang para sa sarili nilang kapakinabangan. Ayaw ng mga kabataan na makatrabaho ang iba, at hindi ba’t maaaring ganoon din ang matatanda? (Maaari.) May matatanda na may mas malulubhang tiwaling disposisyon kaysa sa mga kabataan, palaging ipinagmamalaki ang kanilang katandaan at ipinagyayabang ang kanilang edad, sinasabing, “Matanda na ako. Ilang taon ka na ba? Ako ba ang matanda, o ikaw? Hindi mo gugustuhing marinig ito, pero papunta ka pa lang ay pabalik na ako, at kailangan mong makinig sa akin. Marami na akong karanasan at kaalaman. Ano ba ang alam ninyong mga kabataan? Nananalig na ako sa Diyos bago ka pa ipanganak!” Hindi ba’t mas nakakagulo ito? (Oo.) Kapag may titulo na silang “matanda na,” maaaring maging mas nakakagulo ang nakatatanda. Kaya hindi totoo na wala nang magagawa ang matatanda, o hindi na nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at lalong hindi totoo na hindi nila kayang hangarin ang katotohanan—marami silang pwedeng gawin. Ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala na naipon mo sa buong buhay mo, pati na rin ang iba’t ibang tradisyonal na ideya at kuru-kuro, mga kamangmangan at katigasan ng ulo, mga bagay na konserbatibo, mga bagay na hindi makatwiran, at mga bagay na baluktot na naipon mo ay nagkapatong-patong na sa puso mo, at dapat kang gumugol ng mas maraming oras kaysa sa mga kabataan upang alisin, suriin, at kilalanin ang mga bagay na ito. Hindi totoo na wala kang magagawa, o na dapat kang mabagabag, mabalisa, at mag-alala kapag wala kang ginagawa—hindi ito ang iyong gawain o responsabilidad. Una sa lahat, dapat magkaroon ng tamang pag-iisip ang matatanda. Bagamat tumatanda ka na at medyo tumatanda na rin ang iyong katawan, dapat ay parang sa kabataan pa rin ang iyong pag-iisip. Bagamat tumatanda ka na, ang iyong pag-iisip ay bumabagal na at ang iyong memorya ay humihina na, kung nakikilala mo pa rin ang iyong sarili, nauunawaan pa rin ang mga salitang sinasabi Ko, at nauunawaan pa rin ang katotohanan, pinatutunayan niyon na hindi ka pa matanda at sapat pa ang iyong kakayahan. Kung ang isang tao ay nasa 70 na ngunit hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan, ipinapakita nito na napakababa ng kanyang tayog at hindi niya kaya ang gawain. Samakatuwid, walang kinalaman ang edad pagdating sa katotohanan, at higit pa rito, walang kinalaman ang edad pagdating sa mga tiwaling disposisyon. Si Satanas ay libu-libong taon, daan-daang milyong taon nang umiiral, at ito ay si Satanas pa rin, ngunit kinakailangan pa rin nating magdagdag ng isang pang-uring naglalarawan bago ang salitang “Satanas,” at ito ay ang “matandang Satanas,” ibig sabihin, ito ay sobra-sobrang masama, tama ba? (Oo.) Kaya paano dapat magsagawa ang matatanda? Ang isang aspekto nito ay na dapat kang magkaroon ng kaisipang katulad ng sa mga kabataan, dapat mong hangarin ang katotohanan at kilalanin ang iyong sarili, at kapag nakilala mo na ang iyong sarili, dapat kang magsisi. Ang isa pang aspekto ay na dapat mong hanapin ang mga prinsipyo sa pagganap ng iyong tungkulin at dapat kang magsagawa nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi mo dapat isiping hindi mo na kayang hangarin ang katotohanan, sabihin na matanda ka na, may edad na, na wala ka nang mga aktibong kaisipan na mayroon ang mga kabataan, na wala ka nang mga tiwaling disposisyon na mayroon ang mga kabataan, na naranasan mo na ang lahat sa buhay na ito, na may kabatiran ka na sa lahat ng ito, at kaya wala kang malalaking ambisyon o mga ninanasa. Ang ibig mo talagang sabihin sa pagsasabi nito ay, “Ang aking mga tiwaling disposisyon ay hindi ganoon kalubha, kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay para sa inyong mga kabataan. Wala itong kinalaman sa aming matatanda. Kaming matatanda ay ginagawa at ginugugol kung ano lang ang kaya namin sa sambahayan ng Diyos, at sa gayon ay nagawa na namin nang maayos ang aming tungkulin at maliligtas na kami. Tungkol naman sa pagbubunyag ng Diyos sa mga tiwaling disposisyon, sa mga anticristong disposisyon, at sa anticristong diwa ng mga tao, iyon dapat ang maunawaan ninyong mga kabataan. Maaari ninyong maingat na pakinggan ito, at sapat nang pinatutuloy namin kayo nang maayos at binabantayan ang paligid upang mapanatili kayong ligtas. Kaming matatanda ay walang malalaking ambisyon. Tumatanda na kami, mabagal na kaming mag-isip, kaya lahat ng aming tugon ay positibo. Bago kami mamatay, nagiging mabuti ang aming mga puso. Kapag ang mga tao ay tumatanda na, bumubuti ang kanilang asal, kaya kami ay may mabubuting asal.” Ang ibig talaga nilang sabihin ay na wala silang mga tiwaling disposisyon. Kailan ba natin sinabi na ang matatanda ay hindi kinakailangang maghangad sa katotohanan o na ang paghahangad sa katotohanan ay iba-iba depende sa inyong edad? May sinabi ba tayong ganito kailanman? Wala. Sa sambahayan ng Diyos at pagdating sa katotohanan, ang matatanda ba ay isang espesyal na grupo? Hindi. Ang edad ay walang kinalaman sa katotohanan, gayundin sa iyong mga tiwaling disposisyon, sa lalim ng iyong pagkatiwali, kung ikaw ay kwalipikado bang hangarin ang katotohanan, kung makakamtan mo ba ang kaligtasan, o kung ano ba ang tsansa na ikaw ay maliligtas. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Maraming taon na nating pinagbabahaginan ang katotohanan, pero hindi tayo kailanman nagbahaginan tungkol sa iba’t ibang uri ng katotohanan ayon sa iba’t ibang edad ng mga tao. Kailanman, hindi pa napagbahaginan ang katotohanan o nalantad ang mga tiwaling disposisyon nang eksklusibo para sa mga kabataan o matatanda, hindi rin kailanman sinabi na dahil sa kanilang katandaan, saradong isipan, at kawalan ng kakayahan na tanggapin ang mga bagong bagay, ay natural na bumababa at nagbabago ang kanilang mga tiwaling disposisyon—hindi kailanman sinabi ang mga bagay na ito. Wala ni isang katotohanan ang pinagbahaginan nang partikular na ayon sa edad ng mga tao at nang hindi isinasama ang matatanda. Ang matatanda ay hindi isang espesyal na grupo sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, o sa harap ng Diyos, kundi pareho lang sila sa iba pang mga grupo ng edad. Walang espesyal sa kanila, sadya lamang na mas matagal na silang nabubuhay kaysa sa iba, na sila ay dumating sa mundong ito nang mas maaga nang ilang taon kaysa sa iba, na ang kanilang buhok ay medyo mas maputi kaysa sa iba, at ang kanilang katawan ay medyo tumanda nang mas maaga kaysa sa iba; maliban sa mga bagay na ito, wala nang pagkakaiba. At kung gayon, kung palaging iniisip ng matatanda, “Matanda na ako kaya ibig sabihin ay mabuti ang asal ko, wala akong mga tiwaling disposisyon, at mayroon lang akong kaunting katiwalian,” hindi ba’t ito ay isang maling pagkaunawa? (Ganoon nga.) Hindi ba’t medyo kawalang kahihiyan ito? Ang ilang matatanda ay mga matanda at tusong kawatan, sobrang mapanlinlang. Sinasabi nilang wala silang mga tiwaling disposisyon, at sinasabi pa nga nilang ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay nawala na, samantalang ang totoo, ang kanilang mga inihahayag na mga tiwaling disposisyon ay kasingdami lang din naman ng sa ibang tao. Sa realidad, mailalarawan natin sa maraming paraan ang mga tiwaling disposisyon at kalidad ng pagkatao ng ganitong uri ng matanda. Halimbawa, “ang mga matanda at tusong kawatan” at “ang matandang luya ang pinakamaanghang, talo ng karanasan ang kabataan”—pareho itong gumagamit ng salitang “matanda,” tama? (Tama.) Ano pa ang ibang paglalarawan na may salitang “matanda”? (Matatandang mahilig magpakana.) Oo, tama iyan, “matatandang mahilig magpakana.” Nakikita ninyo, lahat ng mga ito ay gumagamit ng salitang “matanda.” Nariyan din ang “matandang Satanas” at “matatandang diyablo”—ang pinakatipikal na matatanda! Ano ang paniniwala ng mga tao kapag bahagi sila ng isang grupo ng matatanda? Naniniwala silang, “Lahat ng aming tiwaling disposisyon ay napawi na. Ang mga tiwaling disposisyon ay isang usaping para sa inyong mga kabataan. Mas malalim kayong natiwali kaysa sa amin.” Hindi ba’t ito ay sadyang pangbabaluktot? Nais nilang pagandahin ang imahe nila at magbuhat ng kanilang sariling bangko, pero ang totoo, hindi iyon ang tunay na nangyayari, at hindi ganoon ang mga bagay-bagay. Ang “matatandang diyablo,” “matandang Satanas,” “matatandang mahilig magpakana,” “mga matanda at tusong kawatan,” at “ipinagmamalaki ang katandaan”—ang mga paglalarawang ito na gumagamit ng salitang “matanda” ay hindi mabubuting bagay, at hindi positibong bagay ang mga ito.

Nagbabahaginan tayo ngayon tungkol dito upang magbigay ng babala, payo, at patnubay sa matatanda, at upang maprotektahan din ang mga kabataan. Ang layunin sa pagsasabi ng mga bagay na ito ay pangunahin upang malutas ang anong problema? Ito ay upang malutas ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ng matatanda, at masigurong nauunawaan nila na sobra-sobra na at hindi kinakailangan ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala na ito. Kung nais mong gumanap ng isang tungkulin at angkop kang gumanap ng isang tungkulin, tatanggihan ka ba ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Ang sambahayan ng Diyos ay tiyak na magbibigay sa iyo ng pagkakataon na gumanap ng isang tungkulin. Hinding-hindi nito sasabihing, “Hindi ka maaaring gumanap ng tungkulin dahil matanda ka na. Lumabas ka na. Hindi ka namin bibigyan ng pagkakataon.” Hindi, patas ang pagtrato ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng tao. Hangga’t ikaw ay naangkop na gumanap ng isang tungkulin at walang natatagong panganib, bibigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataon at tutulutan ka nitong gumanap ng tungkulin sa abot ng iyong makakaya. Dagdag pa rito, kung nais mong kilalanin ang iyong sarili at hangarin ang katotohanan, may mangungutya ba sa iyo at magsasabing, “Ang tulad mo bang matanda ay kwalipikadong hangarin ang katotohanan?” May mangungutya ba sa iyo? (Wala.) May magsasabi bang, “Matanda ka na at nalilito. Ano ang silbi ng paghahangad mo sa katotohanan? Hindi ililigtas ng Diyos ang isang matanda na gaya mo”? (Wala.) Wala, walang magsasabi niyan. Lahat ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan, at ang bawat isa ay tinatrato nang patas. Baka lang hindi mo hangarin ang katotohanan at palagi mong gawing palusot na ikaw ay matanda na, palaging iniisip na, “Ako ay matanda na at hindi ko na magagampanan ang anumang tungkulin.” Sa totoo lang, maraming tungkulin na maaari mong gampanan hanggang sa abot ng iyong makakaya. Kung hindi ka gaganap ng anumang tungkulin at sa halip ay ipagmamalaki mo ang iyong katandaan, nagnanais na turuan ang iba, sino ang gugustuhing makinig sa iyo? Wala. Palagi mong sinasabi, “Kayong mga kabataan ay hindi talaga makaunawa sa mga bagay-bagay!” at “Kayong mga kabataan ay napakamakasarili!” at “Kayong mga kabataan ay mayayabang!” at “Kayong mga kabataan ay tamad. Kaming matatanda ay masisipag, at noong kapanahunan namin, kami ay ganito at ganyan.” Ano ang silbi ng pagsasabi ng gayong mga bagay? Huwag mo nang ikwento ang tungkol sa iyong “kamangha-manghang” kasaysayan; walang interesado rito. Walang saysay na pag-usapan pa ang mga lumang bagay na iyon; hindi kinakatawan ng mga iyon ang katotohanan. Kung nais mong pag-usapan ang isang bagay, pagsikapan mo ang katotohanan, unawain mo ang katotohanan nang kaunti pa, kilalanin mo ang iyong sarili, tingnan mo ang iyong sarili bilang isang karaniwang tao lamang at hindi bilang isang miyembro ng espesyal na grupo na dapat respetuhin ng iba, sambahin ng iba, igalang ng iba at pinaliligiran ng ibang tao. Ito ay isang magarang kagustuhan, at ito ay maling pag-iisip. Ang edad ay hindi isang simbolo ng iyong pagkakakilanlan, ang edad ay hindi sumisimbolo sa kwalipikasyon, at ang edad ay hindi sumisimbolo sa seniority, mas lalong hindi ito sumisimbolo na taglay mo ang katotohanan o pagkatao, at hindi mapapahina ng edad ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kaya, katulad ka lang din ng ibang tao. Huwag mong palaging tukuyin ang sarili mo bilang “matanda” upang ihiwalay ang sarili mo sa iba, at ihiwalay pa nga ang sarili mo bilang isang banal. Ipinapakita niyon na hindi mo talaga kilala ang iyong sarili! Habang sila ay nabubuhay, ang matatanda ay mas lalong dapat na magsumikap na hangarin ang katotohanan, hangarin ang pagpasok sa buhay, at makipagtulungan nang matiwasay sa mga kapatid upang magampanan ang kanilang tungkulin; sa ganitong paraan lang maaaring lumago ang kanilang tayog. Ang matatanda ay hinding-hindi dapat na isiping mas senior sila kaysa sa iba at ipagmalaki ang kanilang katandaan. Ang mga kabataan ay maaaring maghayag ng lahat ng uri ng tiwaling disposisyon, at ganoon ka rin; ang mga kabataan ay maaaring makagawa ng lahat ng klase ng kahangalan, at ganoon ka rin; ang mga kabataan ay nagkikimkim ng mga kuru-kuro, at gayundin ang matatanda; ang mga kabataan ay maaaring magrebelde, at gayundin ang matatanda; ang mga kabataan ay maaaring maghayag ng anticristong disposisyon, at gayundin ang matatanda; ang mga kabataan ay may malalaking ambisyon at pagnanais, at gayundin ang matatanda, nang walang anumang pinagkaiba; ang mga kabataan ay maaaring magdulot ng pagkagambala at panggugulo at mapaalis sa iglesia, at gayundin ang matatanda. Samakatuwid, bukod sa kakayahan nilang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, marami pa silang magagawa. Maliban na lamang kung ikaw ay hangal, may problema sa isip, at hindi nakakaunawa sa katotohanan, at maliban na lamang kung hindi mo na kayang alagaan ang iyong sarili, marami kang dapat gawin. Katulad ng mga kabataan, maaari mong hangarin ang katotohanan, maaari mong hanapin ang katotohanan, at maaari kang madalas na lumapit sa Diyos upang manalangin, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, sikaping tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang landas na dapat mong tahakin, at hindi ka dapat mabagabag, mabalisa, at mag-alala dahil matanda ka na, dahil marami kang sakit, o dahil tumatanda na ang iyong katawan. Ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay hindi ang tamang gawin—ito ay mga hindi makatwiran na pagpapamalas. Ang matatanda ay dapat bitiwan ang kanilang titulo na “matanda,” makisama sa mga kabataan at umupo bilang kapantay ng mga ito. Hindi ninyo dapat ipinagmamalaki ang inyong katandaan, palaging iniisip na napakabuti ninyo at karapat-dapat kayong igalang, na napakataas ng inyong kwalipikasyon, na kaya ninyong pamahalaan ang mga kabataan, na kayo ang mga senior at nakakatanda sa mga kabataan, palaging nag-aambisyon na kontrolin ang mga kabataan, at palaging may kagustuhang pamahalaan ang mga kabataan—ito ay isang napakalinaw na tiwaling disposisyon. Yamang ang matatanda ay may mga tiwaling disposisyon gaya lang din ng mga kabataan, at madalas silang naghahayag ng kanilang tiwaling disposisyon sa buhay at sa pagganap ng kanilang mga tungkulin gaya lang din ng mga kabataan, bakit hindi ginagawa ng matatanda kung ano ang tama, at sa halip ay palagi silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang katandaan at sa mangyayari sa kanila pagkatapos mamatay? Bakit hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin gaya ng ginagawa ng mga kabataan? Bakit hindi nila hinahangad ang katotohanan gaya ng ginagawa ng mga kabataan? Ibinigay sa iyo ang pagkakataong ito, kaya kung hindi mo ito susunggaban, at talagang tatanda ka nang husto na hindi ka na makarinig o makakita o hindi mo na maalagaan ang iyong sarili, pagsisisihan mo ito, at ang iyong buhay ay lilipas nang ganito. Naiintindihan mo ba? (Oo.)

Nalutas na ba ngayon ang problema sa mga negatibong emosyon ng matatanda? Kapag kayo ay tumanda, ipagmamalaki ba ninyo ang inyong katandaan? Kayo ba ay magiging mga matanda at tusong kawatan at matatandang mahilig magpakana? Kapag nakakita kayo ng isang matanda, tatawagin ba ninyo siyang “matandang brother” o “matandang sister”? May pangalan siya ngunit hindi ninyo siya tinatawag sa kanyang pangalan, sa halip ay idinadagdag ninyo ang salitang “matanda.” Kung palagi mong idinadagdag ang salitang “matanda” kapag kausap ninyo ang matatanda, hindi ba ito makakasama sa kanila? Iniisip na nila na sila ay matanda na at may mga negatibong emosyon na sila, kaya kung tatawagin mo silang “matanda,” para bang sinasabi mo sa kanilang, “Matanda ka na, mas matanda kaysa sa akin, at wala ka nang silbi.” Magiging komportable ba sila kapag narinig nilang sinabi mo ito? Tiyak na malulungkot sila. Hindi ba ito makakasakit sa kanila kung tatawagin mo sila sa ganitong paraan? May matatanda na matutuwa kapag narinig nila na tinatawag mo sila nang ganito, at iisipin nilang, “Nakita ninyo, napakabuti ko at karapat-dapat akong igalang at may maganda akong reputasyon. Kapag nakikita ako ng mga kapatid, hindi nila ako tinatawag sa aking pangalan. Sa sambahayan ng Diyos, ang matatanda ay hindi tinatawag na tiyo, o lolo, o lola. Sa halip, kapag tinatawag ako ng mga kapatid, idinadagdag nila ang salitang ‘matanda,’ at tinatawag akong ‘matandang brother’ (o ‘matandang sister’). Tingnan ninyo kung gaano ako karangal, at tingnan ninyo kung gaano ako nirerespeto ng iba. Mabuti ang sambahayan ng Diyos—iginagalang ng mga tao ang matatanda at inaalagaan ang mga kabataan!” Karapat-dapat ka bang igalang? Ano na ang iyong naituro sa iyong mga kapatid? Anong pakinabang na ang idinulot mo sa kanila? Ano ang kontribusyon mo sa sambahayan ng Diyos? Gaano karami sa katotohanan ang nauunawaan mo? Gaano karami sa katotohanan ang isinasagawa mo? Iniisip mong napakabuti mo at karapat-dapat kang igalang ngunit wala ka man lang naging kontribusyon, kaya karapat-dapat ka bang tawagin bilang “matandang brother” o “matandang sister” ng iyong mga kapatid? Hinding-hindi! Ipinagmamalaki mo ang iyong katandaan at palagi mong gusto na respetuhin ka ng ibang tao! Maganda bang matawag na “matandang brother” o “matandang sister”? (Hindi.) Hindi, hindi ito maganda, pero madalas Ko itong naririnig. Napakasama nito, ngunit madalas pa ring tinatawag ng mga tao ang matatanda sa ganitong paraan. Anong uri ng atmospera ang nalilikha nito? Nakakasuya ito, hindi ba? Habang lalo mong tinatawag ang isang matanda bilang “matandang brother” o “matandang sister,” mas lalo niyang iisipin na siya ay karapat-dapat, at mas lalo niyang iisipin na napakabuti niya at karapat-dapat siyang igalang; habang lalo mo siyang tinatawag na “matandang ganito at ganyan,” mas lalo niyang iniisip na espesyal siya, mas importante at mas mahusay kaysa sa iba, ang kanyang puso ay mas bumabaling sa pamumuno ng ibang tao, at mas napapalayo siya mula sa paghahangad sa katotohanan. Palagi niyang gustong pamunuan ang ibang tao at pamahalaan ang ibang tao, palaging itinuturing ang kanyang sarili na mas mahusay kaysa sa iba, palaging iniisip na hindi kanais-nais ang ibang tao, palaging nakikita ang mga problema sa ibang tao at wala sa kanyang sarili. Sabihin ninyo sa Akin, mahahangad pa ba ng ganitong tao ang katotohanan? Hindi. Kaya, ang pagtawag sa mga tao bilang “matandang brother” o “matandang sister” ay walang pakinabang sa kanila, at ang maidudulot lamang nito ay ang saktan at ipahamak sila. Kung tatawagin mo sila sa kanilang pangalan lamang at tatanggalin mo ang titulong “matanda,” kung ituturing mo sila nang tama, at uupo ka bilang kanilang kapantay, magiging normal ang kanilang kalagayan at ang kanilang mentalidad, at hindi na nila ipagmamalaki ang kanilang edad at hahamakin ang iba. Sa ganitong paraan, magiging madali para sa kanila na ituring ang kanilang sarili bilang kapantay ng ibang tao, maituturing na nila nang tama ang kanilang sarili at ang ibang tao, makikita na nilang katulad lang sila ng ibang tao, katulad lang ng mga karaniwang tao, at hindi mas mahusay kaysa sa ibang tao. Sa ganitong paraan, mas liliit ang kanilang mga paghihirap, at hindi nila mararanasan ang mga negatibong emosyong maaaring lumitaw dahil sa kanilang katandaan at dahil sa hindi nila pagkamit sa katotohanan, at pagkatapos ay magkakaroon sila ng pag-asa na mahangad ang katotohanan. Kapag ang mga negatibong emosyong ito ay hindi lumitaw, titingnan nila ang sarili nilang mga problema, lalo na ang kanilang mga tiwaling disposisyon, nang may tamang pag-iisip. Ito ay may positibo at nakatutulong na epekto sa kanilang paghahangad sa katotohanan, sa kanilang kaalaman sa sarili, at sa kanilang kakayahan na sundan ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Hindi ba’t malulutas ang mga isyu ng mga negatibong emosyon sa matatanda kung gayon? (Oo.) Malulutas ang mga ito, at wala nang magiging mga paghihirap. Kaya, ano ang dapat munang maging pag-iisip ng matatanda? Dapat silang magkaroon ng isang positibong pananaw; hindi sila dapat maging maingat lang, kundi mapagbigay rin. Hindi nila dapat palakihin ang mga bagay na may kaugnayan sa mga kabataan, bagkus ay dapat silang maging halimbawa, at dapat nilang ipakita ang daan sa mga kabataan, at huwag maging masyadong malupit sa mga ito. Madaling uminit ang ulo ng mga kabataan at mabilis silang magsalita, kaya huwag palakihin ang mga bagay-bagay tungkol sa kanila. Sila ay bata pa, kulang pa sa gulang, at wala pang masyadong karanasan, at makakatulong sa kanila ang ilang taon ng pagdidisiplina. Ito ang dapat na mangyari, at dapat itong maunawaan ng matatanda. Kaya, anong pag-iisip ang dapat mayroon ang matatanda na naaayon sa katotohanan? Dapat nilang tratuhin nang tama ang mga kabataan, at kasabay nito, hindi sila dapat maging mayabang at maging labis ang pagtingin sa sarili, iniisip na marami na silang karanasan at may malalim na kaalaman. Dapat nilang ituring ang kanilang sarili bilang karaniwang tao at katulad lamang ng iba—ito ang tamang gawin. Ang matatanda ay hindi dapat mapigilan ng kanilang edad, at hindi rin sila dapat magbago upang maging katulad ng sa mga kabataan ang pag-iisip nila. Ang pagbabago para magkaroon ng pag-iisip na katulad ng sa mga kabataan ay hindi rin normal, kaya huwag ka na lang magpapigil sa iyong edad. Huwag mong palaging isipin na, “Hay, masyado na akong matanda, hindi ko ito magagawa, hindi ko ito masasabi, hindi ko iyon magagawa. Dahil ako ay matanda na, dapat ganito at ganyan ang aking gawin, dapat akong umupo at tumayo sa isang partikular na paraan, at dapat pa nga akong kumain sa isang partikular na magandang paraan, lahat ng ito ay para makita ng mga kabataan, upang hindi nila hamakin ang matatanda.” Mali ang ganitong pag-iisip, at sa pag-iisip nang ganito, ikaw ay nakokontrol at nalilimitahan ng isang uri ng maling pag-iisip, at ikaw ay medyo nagiging artipisyal, peke, at huwad. Huwag kang magpapigil sa iyong edad, maging katulad ka ng iba, gawin mo ang anumang makakaya mo, at gawin mo ang nararapat mong gawin—sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng normal na pag-iisip. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Kaya, kapag ang isang matanda ay may normal na pag-iisip, ang iba’t ibang negatibong emosyon na maaaring lumitaw sa kanya dahil sa kanyang katandaan ay mawawala nang hindi niya namamalayan; hindi ka na matatali ng mga ito, ang pinsala na idinudulot ng mga ito sa iyo ay maglalaho rin, at pagkatapos ay magiging medyo normal ang iyong pagkatao, katwiran, at konsensiya. Kapag mayroong normal na konsensiya at katwiran ang mga tao, ang kanilang pagsisimula ay medyo nagiging tama para sa paghahangad sa katotohanan, pagganap ng kanilang tungkulin, pakikilahok sa anumang aktibidad at anumang gawain, at ang mga resultang natatamo ay nagiging medyo tama rin. Una, ang matatanda ay hindi na napipigilan ng kanilang edad at sa halip ay masusuri na nila ang kanilang sarili sa obhetibo at praktikal na paraan, magagawa na nila ang dapat nilang gawin, magiging katulad sila ng ibang tao, at magagampanan nila ang tungkuling nararapat nilang gampanan sa abot ng kanilang makakaya. Hindi dapat isipin ng mga kabataan na, “Napakatanda mo na, kahit kailan ay hindi mo ako pinagbibigyan, at hindi mo rin ako inaalagaan. Napakatanda mo na, dapat ay may karanasan ka na, pero hindi mo ako binibigyan ng mga payo kung paano gawin ang mga bagay-bagay at walang pakinabang ang makasama ka. Matanda ka na, kaya bakit hindi mo alam kung paano maging mapang-unawa sa mga kabataan?” Tama bang sabihin ito? (Hindi.) Hindi angkop na gumiit nang ganoon sa matatanda. Samakatuwid, ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa harap ng katotohanan. Kung ang lahat ng iyong iniisip ay praktikal, obhetibo, tumpak, at makatwiran, tiyak na ito ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi ka apektado ng anumang obhetibong kondisyon, sanhi, kapaligiran, o kahit ng anong kadahilanan, kung ang ginagawa mo lamang ay ang mga bagay na dapat gawin ng mga tao at ang ginagawa mo lamang ay kung ano ang itinuturo ng Diyos na dapat gawin ng mga tao, tiyak na ang iyong mga ginagawa ay angkop at wasto, pangunahing naaayon sa katotohanan. Hindi ka rin mahuhulog sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala dahil sa iyong katandaan, at malulutas ang problemang ito.

Mahusay, dito Ko na tatapusin ang pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!

Oktubre 22, 2022

Sinundan: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2

Sumunod: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito