Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2
Sa ating nakaraang pagtitipon, nagbahaginan tayo sa isang malaking paksa: paano sikaping matamo ang katotohanan. Paano sikaping matamo ang katotohanan—paano nga ba tayo nagbahaginan sa usaping ito? (Nagbahagi ang Diyos tungkol sa dalawang aspekto: Ang una ay ang “pagbitiw,” at ang pangalawa ay ang “pag-alay.” Tungkol sa pagbitiw, tinalakay ng Diyos ang mga negatibong emosyon na umiiral sa tao. Partikular na nagbahagi ang Diyos tungkol sa mga epekto at kahihinatnan sa ating tungkulin ng mga negatibong emosyon ng pagiging mas mababa, pagkagalit, at pagkapoot. Ang pagbabahagi ng Diyos ay nagbigay sa atin ng ibang pagkaunawa sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Nakita natin kung paano natin madalas na hindi napapansin ang mga negatibong emosyon na inihahayag natin araw-araw, at kadalasan ay hindi natin nakikilatis o nauunawaan ang ating mga negatibong emosyon. Hindi patas tayong humuhusga na sadyang ganitong uri tayo ng tao. Dinadala natin sa ating tungkulin ang mga negatibong emosyon na ito, at may direktang epekto ito sa mga resulta ng tungkuling iyon. Naiimpluwensyahan din nito kung paano natin tingnan ang mga tao at bagay-bagay at kung paano natin harapin ang mga suliranin sa ating buhay. Dahil dito ay napakahirap para sa atin na tahakin ang landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan.) Sa huling pagtitipon natin, nagbahagi Ako tungkol sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Pagdating sa pagsasagawa, may dalawang pangunahing landas—ang pagbitiw at ang pag-alay. Noong huli, binuod natin ang mga pangunahing isyu na kaugnay ng unang aspekto ng unang landas, ang “pagbitiw”—ibig sabihin, kailangan ng isang tao na bitiwan ang iba’t ibang uri ng emosyon. Karamihan sa mga ito ay mga negatibong emosyon—yaong mga hindi normal, hindi makatwiran, at hindi umaayon sa konsensiya at katwiran. Sa mga ito, ang ating pagbabahaginan ay nakatuon sa mga negatibong emosyon ng pagiging mas mababa, pagkagalit, at pagkapoot, pati na rin sa ilang pag-uugaling resulta ng pamumuhay sa mga negatibong emosyon na ito, iba’t ibang negatibong emosyon na resulta ng ilang partikular na pangyayari o karanasan sa pag-unlad, at mga negatibong emosyon na ipinakikita ng isang hindi normal na pagkatao. Bakit nga ba kailangan bitawin ang mga negatibong emosyon na ito? Sapagkat ang mga emosyong ito, sa obhetibong pagtingin, ay nagdudulot ng mga negatibong perspektiba at pananaw sa mga tao, na nakaiimpluwensya sa kanilang nagiging panininidigan kapag nahaharap sa mga tao, pangyayari, o bagay-bagay. Kaya, ang unang aspekto ng paraang ito ng pagsasagawa—ang pagbitiw—ay nangangailangan na bitiwan ng mga tao ang lahat ng uri ng negatibong emosyon. Nitong huli, nagbahaginan tayo tungkol sa mga negatibong emosyong ito. Ngunit bukod sa pagiging mas mababa, pagkagalit, at pagkapootna pinagbahaginan natin, siyempre ay mayroong iba’t ibang emosyon na maaaring makaapekto sa mga pananaw ng normal na pagkatao. Nakakasagabal ang mga ito sa konsensiya, katwiran, pag-iisip, at paghusga ng normal na pagkatao, at maaaring makaapekto sa mga resulta ng pagsisikap ng tao na matamo ang katotohanan. Ibig sabihin, ang mga negatibong emosyon na ito ang mga unang bagay na kailangang bitiwan ng sangkatauhan sa pagsisikap nitong matamo ang katotohanan. Sa ating pagtitipon ngayon, itutuloy natin ang paksa—kung paano bitiwan ang iba’t ibang negatibong emosyon. Una, magbabahaginan tayo sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga negatibong emosyon, at sa pamamagitan ng Aking pagbabahagi tungkol sa mga pagpapamalas na ito, makakakuha ang tao ng kaalaman tungkol sa mga negatibong emosyon, maihahambing niya ang mga ito sa kanyang sarili, at makakapag-umpisa siyang lutasin ang mga ito nang paisa-isa, sa kanyang pang-araw-araw na buhay. Sa pamamagitan ng paghahanap at pag-unawa sa katotohanan, at sa pagkilala at pagsusuri sa mga negatibong kaisipan at opinyon, pati na rin sa mga hindi normal na perspektiba at paninindigan, na idinudulot ng mga negatibong emosyon sa mga tao, makapagsisimula siyang lutasin ang mga negatibong emosyong iyon.
Nitong huli, pinag-usapan natin ang negatibong emosyon na “depresyon.” Una sa lahat, karamihan ba ng mga tao ay mayroon nitong emosyon ng depresyon? Nauunawaan ba ninyo ang uri ng damdamin at lagay ng kalooban na depresyon, at kung ano ang mga pagpapamalas nito? (Oo.) Madali itong maunawaan. Hindi na natin pag-uusapan nang husto ang “depresyon,” ilalarawan lang natin ang mga pagpapamalas na dulot ng emosyon na depresyon sa mga nananalig at sumusunod sa Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “depresyon?” Ang ibig sabihin nito ay ang pagiging malungkot, pagiging hindi maganda ng pakiramdam, kawalan ng interes sa anumang ginagawa mo, kawalan ng sigla, kawalan ng motibasyon, pagkakaroon ng negatibo at pasibong saloobin sa mga ginagawa mo, at kawalan ng anumang determinasyong magpursigi. Kaya, ano nga ba ang ugat ng mga pagpapamalas na ito? Ito ang pangunahing isyu na kailangang suriin. Sa sandaling maintindihan na ninyo ang iba’t ibang pagpapamalas ng depresyon, pati na ang iba’t ibang lagay ng pag-iisip, kaisipan, at saloobin sa paggawa ng mga bagay-bagay na dulot ng negatibong emosyon na ito, dapat ninyong maunawaan kung ano ang mga dahilan ng mga negatibong emosyon na ito, ang ibig sabihin, kung ano ang mga ugat na nasa likod ng mga negatibong emosyon na ito, na nagdudulot ng mga ito sa mga tao. Bakit nahuhulog ang mga tao sa depresyon? Bakit wala silang nararamdamang motibasyon na gumawa ng mga bagay-bagay? Bakit sila palaging negatibo, pasibo, at walang determinasyon kapag gumagawa ng mga bagay-bagay? Malinaw na may dahilan ito. Halimbawa, nakikita mo ang isang tao na palaging lugmok sa depresyon at pasibo sa paggawa ng mga bagay-bagay, wala siyang enerhiya, ang kanyang mga emosyon at saloobin ay hindi gaanong positibo o optimistiko, at palagi siyang nagpapakita ng isang saloobin na negatibo, mapanisi, at walang pag-asa. Binibigyan mo siya ng payo pero kailanman ay hindi niya pinakikinggan ito, at bagamat kinikilala niyang ang landas na itinuro mo sa kanya ay ang tamang landas at na mahusay ang katwiran mo, wala pa rin siyang sigla kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, at negatibo at pasibo pa rin siya. Sa malulubhang kaso, sa mga kilos ng kanyang katawan, sa kanyang hugis ng katawan, paraan ng paglakad, tono ng pananalita, at mga salitang sinasabi, makikita mo sa mga emosyon ng taong ito na mayroon talaga siyang depresyon, na wala siyang sigla sa lahat ng kanyang ginagawa, at na siya ay parang isang napiping bunga, at ang sinumang matagal na makakasama ng taong iyon ay maaapektuhan niya. Ano nga ba ito? Ang iba’t ibang pag-uugali, ekspresyon ng mukha, tono ng pananalita, at maging ang mga kaisipan at pananaw na ipinapahayag ng mga taong nabubuhay sa depresyon ay may mga negatibong katangian. Kaya, ano ba ang dahilan sa likod ng mga negatibong pangyayaring ito? Nasaan ang ugat nito? Siyempre, iba-iba ang pinag-uugatan ng pag-usbong ng negatibong emosyon na depresyon sa bawat tao. Ang pagkaramdam ng depresyon ng isang uri ng tao ay maaaring nagmumula sa kanyang palagiang paniniwala na mayroon siyang masamang kapalaran. Hindi ba’t isa ito sa mga sanhi? (Oo.) Noong siya ay bata pa, nakatira siya sa probinsya o sa isang mahirap na lugar, ang kanyang pamilya ay hindi mayaman at maliban sa ilang simpleng kagamitan, wala siyang masyadong mahalagang pag-aari. Marahil ay mayroon siyang isa o dalawang set ng damit na kailangan niyang isuot kahit na may mga butas na ang mga ito, at karaniwan na hindi siya nakakakain ng masasarap na pagkain, kundi kailangan pa niyang maghintay ng Bagong Taon o ng mga pista upang makakain ng karne. Minsan siya ay nagugutom at wala siyang sapat na maisusuot upang hindi siya ginawin, at ang pagkakaroon ng isang malaking mangkok na puno ng karne ay isang malabong pangarap lamang, at kahit ang paghanap ng isang pirasong prutas para makain ay mahirap. Dahil siya ay nabubuhay sa gayong kapaligiran, nararamdaman niya na iba siya sa ibang mga tao na nakatira sa malaking lungsod, na may mayayamang magulang, at nakakakain at nakakapagsuot ng anumang naisin nila, na agad nakukuha ang lahat ng naisin nila, at maalam sa mga bagay-bagay. Iniisip niya, “Ang ganda ng kapalaran nila. Bakit ang aking kapalaran ay napakasama?” Gusto niya na palaging mamukod-tangi at mabago ang kanyang kapalaran. Ngunit hindi ganoon kadaling baguhin ang kapalaran ng isang tao. Kapag isinilang ang isang tao sa gayong sitwasyon, kahit na subukan pa niya, mababago ba niya nang husto ang kanyang kapalaran, at mapapabuti ba niya ito nang husto? Kapag nasa hustong gulang na siya, hinaharang siya ng mga hadlang saanmang dako siya pumunta sa lipunan, siya ay inaapi saanman siya magpunta, kaya palagi niyang nararamdam na malas siya. Iniisip niya, “Bakit ba napakamalas ko? Bakit ba palagi akong nakakatagpo ng masasamang tao? Mahirap ang buhay noong bata pa ako, at sadyang ganoon talaga iyon. Ngayong ako ay matanda na, mahirap pa rin ang sitwasyon. Gusto ko palaging ipakita kung ano ang kaya kong gawin, pero kailanman ay hindi ako nagkakaroon ng pagkakataon. Kung hindi ako magkakaroon ng pagkakataon kailanman, hindi bale na. Gusto ko lang naman magsikap at kumita ng sapat na pera upang magkaroon ng magandang buhay. Bakit ba kahit iyon ay hindi ko magawa? Bakit ba napakahirap na magkaroon ng magandang buhay? Hindi ko naman kailangang mamuhay nang nakahihigit sa lahat ng iba pa. Gusto kong mamuhay na parang isang taong tagalungsod man lang at hindi mahamak ng mga tao, at hindi maging mas mababang klase na mamamayan. Kahit papaano, kung tatawagin ako ng mga tao ay hindi sila sisigaw ng ‘Hoy ikaw, halika rito!’ Kahit papaano ay tatawagin nila ako sa aking pangalan at kakausapin nang may respeto. Pero hindi ko man lang matamasa na kausapin ako nang may respeto. Bakit ba napakalupit ng aking tadhana? Kailan ba ito matatapos?” Noong hindi pa nananalig sa Diyos ang gayong tao, itinuturing niyang malupit ang kanyang tadhana. Ngunit pagkatapos niyang magsimulang manalig sa Diyos at makita na ito ang tunay na daan, iniisip na niya na, “Sulit ang lahat ng paghihirap noon. Lahat ng iyon ay pinangasiwaan at ginawa ng Diyos, at mabuti ang ginawa ng Diyos. Kung hindi ako nagdusa nang ganoon, hindi sana ako nanalig sa Diyos. Ngayong nananalig na ako sa Diyos, kung matatanggap ko ang katotohanan, dapat ay maging mas maganda na ang tadhana ko. Ngayon ay nakapamumuhay na ako ng patas na buhay sa iglesia kasama ng mga kapatid ko, at tinatawag ako ng mga tao na ‘Brother’ o ‘Sister,’ at kinakausap nila ako nang may paggalang. Ngayon, natatamasa ko na ang pakiramdam na nirerespeto ako ng iba.” Mukhang nagbago na ang tadhana niya, at tila hindi na siya nagdurusa at wala na siyang masamang kapalaran. Sa sandaling magsimula siyang manalig sa Diyos, nagiging determinado siyang magampanan nang mabuti ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, nagagawa niyang magtiis ng mga paghihirap at magpakasipag, mas nakakayanan niya ang anumang usapin kaysa sa ibang tao, at nagsusumikap siyang makamit ang pagsang-ayon at paggalang ng karamihan. Iniisip niya na baka mapili pa siyang lider sa iglesia, isa sa mga tagapamahala, o lider ng grupo, at kung magkagayon, hindi ba’t bibigyang-karangalan niya ang kanyang mga ninuno at pamilya? Hindi ba’t nabago na niya ang kanyang tadhana kung magkagayon? Ngunit ang kanyang mga pangarap ay hindi natutupad sa realidad, kaya pinanghihinaan siya ng loob at iniisip niya, “Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos at magandang-maganda ang ugnayan ko sa mga kapatid, pero bakit tuwing panahon na para pumili ng lider, ng tagapamahala, o ng lider ng grupo, hindi ako kailanman napipili? Dahil ba sobrang ordinaryo ng hitsura ko, o dahil hindi ganoon kahusay ang pagganap ko, at walang nakapansin sa akin? Tuwing may botohan, umaasa ako nang kaunti, at magiging masaya na ako kung mapipili ako bilang isang lider ng grupo man lang. Punong-puno ako ng kasiglahan na masuklian ang Diyos, pero lagi lang akong nadidismaya sa tuwing may botohan at hindi man lang ako nasasali sa mga ibinoboto. Bakit ganoon? Maaari kayang ang kaya ko lang talagang gawin sa buong buhay ko ay ang maging isang karaniwang tao, isang ordinaryong tao, isang taong hindi kahanga-hanga? Kapag nagbabalik-tanaw ako sa aking pagkabata, kabataan, at noong may edad na ako, ang landas na aking tinahak ay palaging napakaordinaryo at wala akong nagawang anumang kahanga-hanga. Hindi naman sa wala akong ambisyon, o na masyadong kulang ang aking kakayahan, at hindi rin sa kulang ako sa pagsusumikap o na hindi ko kayang magtiis ng hirap. May mga kapasyahan at mithiin ako, at masasabi pa ngang may ambisyon ako. Kaya bakit ba kailanman ay hindi ko magawang mamukod-tangi? Sa huling pagsusuri, masama lang talaga ang aking kapalaran at nakatadhana na akong magdusa, at ganito isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa akin.” Habang mas pinag-iisipan niya ito, mas pumapangit ang tingin niya sa kanyang kapalaran. Sa ordinaryong takbo ng kanyang mga tungkulin, kung nagbibigay siya ng ilang mungkahi o nagpapahayag ng ilang opinyon at palaging nakatatanggap ng mga pagtutol, at walang nakikinig sa kanya o sumeseryoso sa kanya, lalo pa siyang nalulugmok sa depresyon, at iniisip niya, “Naku, masama talaga ang tadhana ko! Sa bawat grupo na kinabibilangan ko, palaging may masamang tao na humaharang sa aking pag-usad at nang-aapi sa akin. Kailanman ay walang sumeseryoso sa akin at kailanman ay hindi ko magawang mamukod-tangi. Sa huli ay dito lang din nauuwi: masama lang talaga ang tadhana ko!” Anuman ang mangyari sa kanila, palagi nilang iniuugnay ito sa pagkakaroon nila ng masamang kapalaran; palagi nilang pinaglalaanan ng lakas ang ideyang ito ng pagkakaroon ng masamang kapalaran, nagsusumikap silang magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa at pagpapahalaga rito, at habang iniisip nila ito, mas lalong nalulugmok sa depresyon ang kanilang emosyon. Kapag nakagagawa sila ng maliit na pagkakamali sa pagganap ng kanilang tungkulin, iniisip nila, “Naku, paano ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko kung ganito kasama ang kapalaran ko?” Sa mga pagtitipon, nagbabahagi ang kanilang mga kapatid at iniisip nila ito nang paulit-ulit, ngunit hindi nila ito nauunawaan, at iniisip nila, “Naku, paano ko mauunawaan ang mga bagay-bagay kung ganito kasama ang kapalaran ko?” Tuwing nakakakita sila ng isang taong mas magaling magsalita kaysa sa kanila, na kayang mas malinaw at mas maliwanag na talakayin ang pagkaunawa nito kaysa sa kanila, lalo pa silang nalulugmok sa depresyon. Kapag nakakakita sila ng isang taong kayang magtiis ng mga paghihirap at magbayad ng halaga, na nakakakita ng mga resulta sa pagganap ng tungkulin nito, na nakatatanggap ng pagsang-ayon ng kanyang mga kapatid at naitataas ang ranggo, nararamdaman nila ang kalungkutan sa kanilang puso. Kapag nakakakita sila ng isang tao na nagiging lider o manggagawa, lalo pa silang nalulugmok sa depresyon, at kahit kapag nakakakita sila ng isang taong mas magaling kumanta at sumayaw kaysa sa kanila, at nadarama nilang mas mababa sila sa taong iyon, ay nalulugmok sila sa depresyon. Sinumang mga tao, o anumang mga pangyayari, o bagay ang kanilang nakahaharap, o anumang sitwasyon ang kanilang nakatatagpo, palagi silang tumutugon sa mga ito nang may emosyon ng pagkalugmok sa depresyon. Kahit kapag nakakakita sila ng isang taong may suot na damit na medyo mas maganda kaysa sa kanila o na ang ayos ng buhok ay medyo mas maganda, palagi silang nalulungkot, at umuusbong ang selos at inggit sa kanilang puso hanggang sa wakas ay malugmok silang muli sa depresyon. Ano ang mga idinadahilan nila? Iniisip nila, “O, hindi ba’t ito ay dahil sa masama ang kapalaran ko? Kung medyo mas may hitsura ako, kung ang tikas ko ay katulad ng sa kanila, kung ako ay matangkad na may magandang pangangatawan, may magagarang damit at maraming pera, may mabubuting magulang, kung nagkagayon, hindi ba’t iba ang magiging lagay ng mga bagay kumpara sa ngayon? Kung nagkagayon, hindi ba’t titingalain ako ng mga tao, at maiinggit at magseselos sila sa akin? Sa huli, masama ang kapalaran ko at wala akong ibang masisisi. Sa ganito kasamang kapalaran, walang nangyayaring tama sa akin, at hindi ako makalakad kahit saan nang hindi natitisod. Ito’y bunga lamang ng masama kong kapalaran, at wala akong magagawa tungkol dito.” Gayundin, kapag sila ay pinupungusan o kapag sinasaway o pinupuna sila ng mga kapatid, o nagmumungkahi ang mga ito sa kanila, tumutugon sila sa mga ito nang may emosyong lugmok sa depresyon. Anu’t anuman, kung ito man ay isang bagay na nangyayari sa kanila o ang lahat ng bagay na nasa kanilang paligid, palagi silang tumutugon nang may iba’t ibang negatibong kaisipan, pananaw, saloobin, at perspektiba na umuusbong mula sa kanilang emosyon na lugmok sa depresyon.
Ang mga taong tulad nito, na palaging iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, ay palaging nadarama na parang ang kanilang puso ay dinudurog ng isang malaking bato. Dahil palagi silang naniniwala na lahat ng nangyayari sa kanila ay nangyayari dahil sa kanilang masamang kapalaran, pakiramdam nila ay hindi nila ito mababago, kahit anong mangyari. Kaya, ano ang kanilang ginagawa? Nagiging negatibo na lang sila at nagpapakatamad at tinatanggap na lang nila ang kanilang masamang kapalaran. Ano nga ba ang ibig Kong sabihin kapag sinasabi Kong tinatanggap na lang nila ang kanilang masamang kapalaran? Iniisip nila, “Ah, iraraos ko na lang nang ganito ang buhay!” Kapag ang ibang tao ay pinupungusan, nagagawang pagnilayan ng mga taong iyon ang kanilang sarili at sabihing, “Bakit ako pinungusan? Ano ang nagawa ko na salungat sa mga katotohanang prinsipyo? Anong mga tiwaling disposisyon ang aking naihayag? Sapat ba ang lalim at pagkakongkreto ng aking pagkaunawa? Paano ko dapat unawain at lutasin ang mga isyung ito?” Nagsasabi sila ng ganitong mga bagay, at ito ay isang tao na naghahangad sa katotohanan. Subalit, kapag ang taong may diumano’y masamang kapalaran ay pinungusan, pakiramdam niya ay hinahamak siya ng iba, na masama ang kanyang kapalaran, kaya hindi siya nagugustuhan ninuman, at puwede siyang pungusan ng sinumang nagnanais na pungusan siya. Kapag walang nagpupungos sa kanya, napapawi nang kaunti ang kanyang depresyon, ngunit sa sandaling may magpungos sa kanya, lalong lumalala ang kanyang depresyon. Kapag pinupungusan ang ibang tao, maaaring makaramdam sila ng pagkanegatibo sa loob ng ilang araw. Binabasa nila ang mga salita ng Diyos, at sa tulong at suporta ng kanilang mga kapatid, nagagawa nilang tanggapin ang katotohanan at unti-unti silang nagbabago, at nakakaalis sila sa negatibong kalagayan na iyon. Subalit, ang mga taong iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, bukod sa hindi nila iniiwan ang negatibong emosyon na iyon, sa kabaligtaran ay mas lalo siyang nakatitiyak na mayroon nga silang masamang kapalaran. Bakit nga ba ganito? Sa pagdating nila sa sambahayan ng Diyos, pakiramdam nila ay hindi kailanman lubusang nagagamit ang kanilang mga kakayahan, na palaging sila ang pinupungusan at sinisisi. Iniisip nila, “Nakita mo ba? Ginagawa ito ng ibang tao pero hindi sila pinupungusan, kaya bakit ako pinupungusan kapag ginagawa ko ito? Tiyak na ipinapakita nito na mayroon akong masamang kapalaran!” Kaya sila ay nalulugmok sa depresyon at kawalan ng pag-asa. Paano man subukan ng ibang tao na magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila ito lubos na nauunawaan, at sinasabi nila, “Kapag pinupungusan kayo ay saglit lang, pero iba ang nangyayari kapag ako ang pinupungusan. Wala akong magawang tama at isinilang ako upang magtiis ng pagpupungos. Wala akong ibang masisisi, sadyang masama lang talaga ang kapalaran ko.” Dahil palagi silang naniniwala na may masama silang kapalaran, at na sila ay mananatili sa ganitong kalagayan hangga’t sila ay nabubuhay, paano man sabihan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao kung paano sikaping matamo ang katotohanan, kung paano gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at kung paano gampanan ang kanilang tungkulin nang pasok sa pamantayan, wala silang nauunawaan sa mga ito. Dahil palagi silang nakatitiyak na mayroon silang masamang kapalaran, pakiramdam nila ay hindi sila bahagi ng kamangha-manghang bagay na ito ng paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan, kaya’t hindi sila gaanong maingat sa pagganap sa kanilang tungkulin. Sigurado sila sa kanilang mga puso na “Ang mga taong may masamang kapalaran ay hindi kayang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin; tanging ang mga taong may magandang kapalaran ang maayos na nakagaganap sa kanilang tungkulin. Kapag ang isang tao ay may magandang kapalaran, nagugustuhan sila ng mga tao kahit saan sila magpunta, at lahat ay madali para sa kanila. May masama akong kapalaran at palagi akong nakatatagpo ng masasamang tao, kailanman ay hindi maganda ang pakiramdam ko kapag gumagawa ako ng aking mga tungkulin—sunud-sunod na nangyayari ang mga kamalasang ito!” Dahil naniniwala silang may masama silang kapalaran, palagi silang nalulumbay at nalulugmok sa depresyon. Palagi silang naniniwala na ang paghahangad sa katotohanan ay isang bagay na pinag-uusapan lamang at na ang isang taong tulad nila na may masamang kapalaran ay walang makakamit kailanman sa paghahangad sa katotohanan. Pakiramdam nila, kahit pa hangarin nila ang katotohanan, wala silang makakamit sa huli, at palagi nilang iniisip na, “Paano makakapasok sa kaharian ang mga taong may masamang kapalaran? Paano magkakamit ng kaligtasan ang mga taong may masamang kapalaran?” Hindi sila nangangahas na paniwalaan ito, kaya’t palagi nilang nililimitahan ang kanilang sarili, iniisip na, “Dahil masama ang kapalaran ko at isinilang ako upang magdusa, hindi naman gaanong masama kung mabuhay ako at maging isang trabahador sa huli. Mangangahulugan iyon na ang mabubuting gawa ng aking mga ninuno ay magbubunga sa akin, at pagpapalain nila ako ng magandang kapalaran. Dahil masama ang kapalaran ko, bagay lang ako sa paggawa ng hindi espesyal na mga tungkulin, tulad ng pagluluto, paglilinis, o pangangalaga sa mga anak ng mga kapatid, o ng ilang simpleng trabaho, at iba pa. Para naman sa mga gawain sa sambahayan ng Diyos na nagdudulot na ikaw ay mamukod-tangi, malamang na wala akong magiging kinalaman sa mga iyon sa buong buhay ko. Alam mo, pumasok ako sa sambahayan ng Diyos na puno ng sigla, at ano ang nangyari sa akin sa huli? Nagluluto at gumagawa na lamang ng mga manu-manong gawain. Walang nakakapansin kung gaano ako kapagod o kung gaano ito kahirap, walang nakakakita, at walang may pakialam. Kung hindi ito masamang kapalaran ay ewan ko na lang! Ang ibang tao ay mga pangunahing aktor o mga ekstra, gumagawa ng sunud-sunod na mga pelikula, ng sunud-sunod na mga video—sobrang kahanga-hanga ito! Kahit minsan ay hindi pa ako namukod-tangi. Napakahirap ng buhay na ito! Napakasama ng kapalaran ko! Sino ang dapat sisihin sa masamang kapalaran ko? Hindi ba’t kasalanan ko ito? Magpapatuloy lang ako hanggang sa oras ko nang mamatay.” Nalulubog sila nang nalulubog sa negatibong emosyong ito. Bukod sa hindi nila nagagawang pagnilay-nilayan at kilalanin ang kanilang sariling negatibong emosyon, o kung bakit ito nabuo, o kung may anumang kinalaman ba ito sa pagkakaroon ng magandang kapalaran o ng masamang kapalaran, hindi rin nila hinahanap ang katotohanan upang maunawaan ang mga bagay na ito, sa halip, pikit-mata silang kumakapit sa ideyang lahat ng kanilang problema ay dahil sa masamang kapalaran nila. Ang resulta nito ay lalo silang nalulubog sa mga negatibong emosyong ito at hindi na sila makaahon. Sa huli, dahil sa palaging paniniwala nila na may masama silang kapalaran, nalulugmok sila sa kawalan ng pag-asa, namumuhay nang walang tunay na layunin at kain-tulog na lamang, naghihintay ng kamatayan; sa gayon, lalo at lalo silang nawawalan ng interes sa paghahangad sa katotohanan, sa maayos na pagganap ng kanilang tungkulin, sa pagkakamit ng kaligtasan, at sa iba pang mga hinihingi ng Diyos, at lalo pa nga nilang tinututulan at tinatanggihan ang mga bagay na ito. Ginagawa nilang dahilan at batayan ang kanilang masamang kapalaran para hindi hangarin ang katotohanan at hindi magawang kamtin ang kaligtasan gaya ng inaasahan. Hindi nila sinusuri ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon o negatibong emosyon sa mga sitwasyon na kanilang kinakaharap at sa gayon ay hindi nila nalalaman at nalulutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, sa halip, ginagamit nila ang kanilang pananaw sa pagkakaroon ng masamang kapalaran sa kanilang pagtugon sa bawat tao, pangyayari at bagay na nakakaharap at nararanasan nila, at dahil dito ay lalo pa silang nalulugmok sa emosyon ng depresyon. Hindi ba’t ganoon nga ang nangyayari? (Oo.) Kaya, tama ba o mali ang emosyong ito na depresyon kung saan iniisip ng mga tao na may masama silang kapalaran? (Mali ito.) Paano ito naging mali? (Sa palagay ko, medyo radikal ang emosyong ito. Ginagamit nila ang kanilang masamang kapalaran sa kanilang pagpapaliwanag at paglilimita sa lahat ng nangyayari sa kanila. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi sila nagninilay-nilay o bumubuo ng konklusyon sa kung bakit lumilitaw ang mga problemang ito, ni hindi sila naghahanap o nagmumuni-muni. Ito ay ganap na radikal at nakalilimitang paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay.) Paano nga ba nabubuo ang radikal at katawa-tawang paraan na ito ng pagharap sa mga bagay-bagay? Ano ang ugat ng mga emosyong ito na depresyon? (Sa palagay ko, ang ugat ng emosyong ito ay na mali ang landas na sinusundan nila, at mali ang simula ng kanilang paghahanap. Mayroon silang ilang matitinding pagnanasa, palagi silang nakikipagkumpetensya at ikinukumpara ang kanilang sarili sa iba, at kapag hindi nila natutugunan ang kanilang matitinding pagnanasa, lumilitaw ang negatibong emosyon na ito na nasa kalooban nila.) Hindi pa ninyo malinaw na nauunawaan ang diwa ng isyung ito—ang pangunahing kadahilanan ay na mali ang kanilang pananaw sa usapin ng “kapalaran.” Palagi silang naghahangad ng isang magandang kapalaran o gusto nila ng kapalaran na ang lahat ay madali at maginhawa para sa kanila. Palagi silang tumitingin sa kapalaran ng mga tao, at kapag nagsimula silang maghangad ng gayong bagay, ano ang nangyayari sa kanila? Tinitingnan nila ang pamumuhay ng mga tao sa iba’t ibang mga kalagayan, kung ano ang kinakain, sinusuot, pinaglilibangan ng mga ito, at pagkatapos ay ikinukumpara nila ito sa kanilang sariling kalagayan at nararamdaman nila na mas masama ang lahat ng aspekto ng kanilang kalagayan, na ang lahat ay may mas magandang kalagayan kaysa sa kanila, kaya naniniwala silang may masama silang kapalaran. Sa katunayan, hindi naman sila ang may pinakamasamang kalagayan, ngunit palaging nilang inihahambing at sinusukat ang kanilang sarili sa iba, palagi silang nagsisikap na pagnilayan at obserbahan ang usaping ito ng “kapalaran” at pinag-aaralan nila ito nang husto. Ginagamit nila ang perspektiba at pananaw kung ang kapalaran ba ay maganda o masama upang sukatin ang lahat ng bagay, palaging nagsusukat, hanggang sa sila ay malugmok na lamang sa isang sulok at wala nang landas pasulong, at sa huli ay nalulubog sila sa pagkanegatibo. Palagi nilang ginagamit ang pananaw kung maganda o masama ba ang kapalaran upang sukatin ang panlabas na anyo ng lahat ng nangyayari sa halip na tingnan ang diwa ng mga bagay-bagay. Ano ang kanilang nagiging pagkakamali sa paggawa nito? Ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay baluktot, at mali ang kanilang mga ideya tungkol sa kapalaran. Ang kapalaran ng tao ay isang napakalalim na usapin na walang sinuman ang malinaw na makakaunawa. Hindi lamang ang petsa ng kapanganakan ng isang tao o ang eksaktong oras ng kanyang kapanganakan ang nagtatakda kung ang kapalaran ng isang tao ay magiging mabuti o masama—ito ay isang misteryo.
Ang isinaayos ng Diyos na kapalaran ng isang tao, ito man ay maganda o masama, ay hindi dapat tingnan o sukatin gamit ang mga mata ng tao o ang mga mata ng manghuhula, ni hindi ito dapat sukatin batay sa laki ng yaman at kabantugang natatamasa ng taong iyon sa kanyang buong buhay, o kung gaano karaming paghihirap ang kanyang nararanasan, o kung gaano siya kamatagumpay sa kanyang paghahangad sa mga oportunidad, kasikatan, at kayamanan. Gayunpaman, ito mismo ang malubhang pagkakamali na ginagawa ng mga nagsasabing sila ay may masamang kapalaran, ito rin ay isang paraan ng pagsukat ng kapalaran ng isang tao na ginagamit ng karamihan ng mga tao. Paano ba sinusukat ng karamihan sa mga tao ang kanilang sariling kapalaran? Paano sinusukat ng mga makamundong tao kung ang kapalaran ng isang tao ay maganda o masama? Pangunahin na ibinabatay nila ito sa kung ang takbo ng buhay ng taong iyon ay maayos o hindi, kung siya ay nakakapagtamasa o hindi ng yaman at kabantugan, kung siya ay nakapamumuhay nang higit na marangya kaysa sa iba, kung gaano siya nagdurusa at kung gaano karami ang natatamasa niya sa kanyang buong buhay, kung gaano siya katagal mabubuhay, kung ano ang kanyang propesyon, kung ang kanyang buhay ay puno ba ng hirap o kaya ay maginhawa at madali—ang mga ito at iba pa ang kanilang ginagamit upang sukatin kung ang kapalaran ng isang tao ay maganda o masama. Hindi ba’t ganito niyo rin sinusukat ito? (Oo.) Kaya, kapag ang karamihan sa inyo ay nakakaharap ng isang bagay na hindi ninyo gusto, kapag dumaranas kayo ng paghihirap, o hindi ninyo magawang matamasa ang isang mas mataas na uri ng pamumuhay, iisipin ninyong may masamang kapalaran din kayo, at malulugmok kayo sa depresyon. Ang mga nagsasabing sila ay may masamang kapalaran ay hindi naman laging totoong may masamang kapalaran, gayundin, ang mga nagsasabing sila ay may magandang kapalaran ay hindi naman laging totoong may magandang kapalaran. Paano nga ba nasusukat kung maganda o masama ang kapalaran? Ang iyong kapalaran ay maganda kung nananalig ka sa Diyos, at hindi ito maganda kung hindi ka nananalig sa Diyos—tama bang sabihin ito? (Hindi lagi.) Sinabi ninyong “hindi lagi,” na ibig sabihin ay may ilang nananalig sa Diyos na totoong may masamang kapalaran at ilang mayroon namang magandang kapalaran. Kung ganito nga, may mga hindi nananalig sa Diyos na mayroon ding magandang kapalaran at mayroon ding may masamang kapalaran—tama bang sabihin ito? (Hindi, mali iyon.) Sabihin ninyo sa Akin ang inyong mga dahilan kung bakit ninyo sinasabi ito. Bakit ito mali? (Hindi ako naniniwala na ang kapalaran ng isang tao ay may kinalaman sa kung nananalig siya sa Diyos.) Tama iyan; kung maganda o masama ang kapalaran ng isang tao ay walang kinalaman sa pananalig sa Diyos. Kaya, ano ba ang may kinalaman dito? May kinalaman ba ito sa landas na tinatahak ng mga tao o sa kanilang mga hangarin? Ibig bang sabihin, may magandang kapalaran ang isang tao kung siya ay naghahangad sa katotohanan, ngunit masama ang kapalaran niya kung hindi siya naghahangad sa katotohanan? Sabihin ninyo sa Akin, may magandang kapalaran ba ang isang biyuda? Para sa mga makamundong tao, ang mga biyuda ay may masamang kapalaran. Kung sila ay namatayan ng asawa noong sila ay tatlumpu hanggang apatnapu, tunay na may masama silang kapalaran, talagang napakahirap nito para sa kanila! Ngunit kung ang isang biyuda ay sobrang nagdurusa dahil sa pagkawala ng kanyang asawa, at nanampalataya siya sa Diyos, mahirap pa rin ba ang kanyang kapalaran? (Hindi.) Dahil ang mga hindi pa namatayan ng asawa ay namumuhay nang masaya, maayos ang lahat sa buhay nila, marami silang suporta, pagkain at damit, may pamilya sila na maraming anak at apo, namumuhay sila nang komportable, wala silang anumang hirap o nadaramang anumang espirituwal na pangangailangan, sila ay hindi nananalig sa Diyos at hindi sila mananalig sa Diyos gaano mo man subukang ipalaganap ang ebanghelyo sa kanila. Kaya sino ang may magandang kapalaran? (Ang biyuda ang may magandang kapalaran sapagkat siya ay sumampalataya sa Diyos.) Kasi, dahil itinuturing ng mga makamundong tao na may masamang kapalaran ang biyuda, at siya ay labis na nagdurusa, nagbabago siya ng direksyon at nagsisimulang sundan ang ibang landas, at nananalig siya sa Diyos at sumusunod sa Diyos—hindi ba’t ibig sabihin nito ay mayroon na siyang magandang kapalaran ngayon, at siya ay nabubuhay nang maligaya? (Oo.) Ang kanyang masamang kapalaran ay naging magandang kapalaran na. Kung sasabihin mong siya ay may masamang kapalaran, ang kanyang kapalaran sa buhay ay dapat palaging masama at hindi niya ito mababago; kung gayon, paano ba ito mababago? Nagbago ba ang kanyang kapalaran nang magsimula siyang sumampalataya sa Diyos? (Hindi, ito ay dahil nagbago ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay.) Dahil nagbago ang kanyang pagtingin sa mga bagay-bagay. Nagbago ba ang obhetibong katunayan ng kanyang sariling kapalaran? (Hindi.) Bago magsimulang sumampalataya sa Diyos ang biyuda, naiinggit siya sa mga babae na hindi pa namamatayan ng asawa, iniisip na, “Tingnan mo siya, kayganda ng kapalaran niya. May asawa siya, may tahanan, namumuhay siya nang masaya at kontento. Hindi niya nararanasan ang sakit na ito na dulot ng pagiging biyuda.” Subalit pagkatapos niyang sumampalataya sa Diyos, iniisip niya, “Ako ngayon ay nananalig na sa Diyos at pinili Niya akong sundan Siya, at magagampanan ko ang aking tungkulin at makakamtan ko ang katotohanan. Sa hinaharap ay makakamit ko ang kaligtasan at makapapasok ako sa kaharian. Kayganda ng kapalarang ito! Hindi siya nabiyuda, ngunit ano ang kanyang kapalaran? Lagi siyang naghahangad na masiyahan sa buhay, naghahangad ng kasikatan, kayamanan, at katayuan, at umaasang magtatagumpay sa kanyang propesyon, at magtatamasa ng kasaganaan at kayamanan, ngunit kalaunan, kapag siya ay namatay, mapupunta pa rin siya sa impiyerno. Masama ang kapalaran niya. Mas maganda ang kapalaran ko kaysa sa kanya!” Nagbago na ang kanyang pananaw, ngunit hindi nagbago ang mga obhetibong katunayan. Ang taong hindi nananalig sa Diyos ay iniisip pa rin na, “Hmph! Mas maganda ang kapalaran ko kaysa sa iyo! Isa kang biyuda, ako ay hindi. Mas maganda ang buhay ko kaysa sa iyo. Maganda ang kapalaran ko!” Gayunpaman, sa mga mata ng babae na nananalig sa Diyos, hindi maganda ang kapalaran nito. Paano nangyari ang pagbabagong ito? Nagbago ba ang obhetibong kapaligiran ng biyuda? (Hindi.) Kaya paano nagbago ang kanyang mga pananaw? (Ang kanyang pamantayan sa pagsukat kung maganda ba o masama ang mga bagay-bagay ay nagbago na.) Oo, ang kanyang mga pananaw sa kung paano sukatin at tingnan ang mga usapin ay nagbago na. Dati ay iniisip niya na ang babaeng hindi nabiyuda ay may magandang kapalaran ngunit ngayon ay iniisip na niya na masama ang kapalaran nito, at dati ay iniisip niya na masama ang kapalaran niya ngunit ngayon ay iniisip na niyang maganda ang kapalaran niya. Magkaibang-magkaiba ang dalawang pananaw na ito kumpara dati, ganap na nagbago ang mga ito. Ano ang nangyayari dito? Hindi nagbago ang obhetibong mga katunayan at kapaligiran, kaya bakit nagbago ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay sa huli? (Pagkatapos niyang matanggap ang katotohanan at ang mga positibong bagay, ginagamit na niya ngayon ang mga tamang pamantayan sa kanyang mga pananaw sa pagsukat kung maganda ba o masama ang mga bagay-bagay.) Nagbago na ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay, ngunit nagbago ba ang aktuwal na mga katunayan? (Hindi.) Ang biyuda ay biyuda pa rin, at ang babaeng namumuhay nang masaya ay patuloy pa ring namumuhay nang masaya—wala namang naging pagbabago sa aktuwal na mga katunayan. Kaya, sino ang may magandang kapalaran at sino ang may masamang kapalaran sa huli? Maipapaliwanag mo ba? Iniisip dati ng biyuda na masama ang kapalaran niya, isang dahilan nito ay ang kanyang obhetibong sitwasyon sa buhay, at isa pang dahilan ay ang mga kaisipan at pananaw na dulot ng kanyang obhetibong kapaligiran. Matapos niyang manalig sa Diyos, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pag-unawa sa ilang katotohanan, sunod na ring nagbago ang kanyang mga kaisipan, at ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay ay iba na. Kaya, pagkatapos niyang manalig sa Diyos, hindi na niya itinuturing ang sarili niyang may masamang kapalaran, kundi bilang isang taong may magandang kapalaran, sapagkat nagkaroon siya ng pagkakataon na tanggapin ang gawain ng Diyos, at nauunawaan niya ang katotohanan at nakakamit ang kaligtasan—ito ay isang bagay na pauna nang itinakda ng Diyos, at siya ay lubos na pinagpala. Sa sandaling siya ay nanalig na sa Diyos, nakatuon na lamang siya sa paghahangad sa katotohanan, na iba sa mga layuning pinagsikapan niyang matamo noon. Bagamat ang kanyang mga kalagayan sa pamumuhay, kapaligirang pinamumuhayan, at kalidad ng buhay ay pareho pa rin at hindi nagbago, ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay ay nagbago na. Sa katunayan, talaga bang nagkaroon siya ng magandang kapalaran dahil nananalig siya sa Diyos? Hindi naman. Sadya lamang na ngayong nananalig na siya sa Diyos, may pag-asa siya, nakadarama siya ng kasiyahan sa kanyang puso, nagbago na ang mga mithiing kanyang hinahangad, iba na ang kanyang mga pananaw, kaya naman ang kanyang kasalukuyang kapaligirang pinamumuhayan ay nagbibigay sa kanya ng kaligayahan, kasiyahan, kagalakan, at kapayapaan. Nararamdaman niya na ang kanyang kapalaran ay napakaganda na ngayon, higit na mas maganda kaysa sa kapalaran ng babaeng hindi nabiyuda. Ngayon lamang niya napagtatanto na ang kanyang pananaw noon, noong naniniwala siyang masama ang kanyang kapalaran, ay mali pala. Ano ang maaari ninyong makita rito? May mga bagay bang matatawag na “magandang kapalaran” at “masamang kapalaran”? (Wala.) Wala, walang ganito.
Noon pa man ay pauna nang itinakda ng Diyos ang kapalaran ng mga tao, at hindi mababago ang mga ito. Ang “magandang kapalaran” at “masamang kapalaran” na ito ay magkakaiba sa kada tao, at ito ay nakadepende sa kapaligiran, sa kung ano ang nararamdaman ng mga tao at kung ano ang kanilang hinahangad. Kaya naman, ang kapalaran ng isang tao ay hindi maganda at hindi rin masama. Maaaring napakahirap ng buhay mo, ngunit maaari mong isipin na, “Hindi ako naghahangad ng marangyang buhay. Masaya na ako na may sapat akong makakain at maisusuot. Lahat ay dumaranas ng paghihirap sa kanilang buhay. Sinasabi ng mga makamundong tao, ‘Hindi mo makikita ang bahaghari maliban na lang kung umuulan,’ kaya’t may halaga ang paghihirap. Hindi ito masyadong masama, at hindi masama ang kapalaran ko. Binigyan ako ng langit ng kaunting pasakit, ilang pagsubok, at pagdurusa. Iyon ay dahil mataas ang tingin Niya sa akin. Ito ay isang magandang kapalaran!” May mga tao namang nag-iisip na ang paghihirap ay masama, na ito ay nangangahulugan na may masama silang kapalaran, at tanging ang pamumuhay na walang paghihirap, na puno ng kaginhawahan at kaalwanan, ang nangangahulugang may maganda silang kapalaran. Para sa mga walang pananampalataya, “kanya-kanyang opinyon ito ng mga tao sa usapin.” Paano itinuturing ng mga nananalig sa Diyos ang usaping ito ng “kapalaran”? Pinag-uusapan ba natin ang pagkakaroon ng “magandang kapalaran” o “masamang kapalaran”? (Hindi.) Hindi natin sinasabi ang ganitong mga bagay. Sabihin nang may maganda kang kapalaran dahil nananalig ka sa Diyos, kung gayon, kung hindi mo susundin ang tamang landas sa iyong pananampalataya, kung ikaw ay parurusahan, ilalantad at ititiwalag, nangangahulugan ba ito na may magandang kapalaran ka o may masamang kapalaran? Kung hindi ka nananalig sa Diyos, imposibleng ikaw ay mailalantad o matitiwalag. Ang mga walang pananampalataya at ang mga relihiyoso ay hindi nagsasalita tungkol sa paglalantad o pagkilatis sa mga tao, at hindi rin sila nagsasalita tungkol sa pagpapaalis o pagpapalayas ng mga tao. Dapat sana ay nangangahulugan ito na may magandang kapalaran ang mga tao kapag sila ay nakakapanalig sa Diyos, ngunit kung sila ay maparurusahan sa huli, ibig bang sabihin niyon na may masama silang kapalaran? Ang dati nilang magandang kapalaran ay biglang nagiging masama—kaya alin nga ba rito? Kung maganda man o hindi ang kapalaran ng isang tao ay hindi isang bagay na maaaring husgahan, hindi ito kayang husgahan ng mga tao. Lahat ng ito ay ginawa ng Diyos, at ang lahat ng isinasaayos ng Diyos ay maganda. Sadyang magkakaiba lang talaga ang takbo ng kapalaran ng bawat indibidwal, o ang kanilang kapaligiran, at ang mga tao, pangyayari, at mga bagay na kanilang kinakaharap, at ang landas sa buhay na kanilang nararanasan sa kanilang mga buhay ay magkakaiba; ang mga bagay na ito ay magkakaiba sa kada tao. Ang kapaligirang pinamumuhayan at kapaligirang kinalalakhan ng bawat indibidwal, na parehong isinaayos ng Diyos, ay lahat magkakaiba. Ang mga bagay na nararanasan ng bawat indibidwal sa kanilang mga buhay ay lahat magkakaiba. Walang tinatawag na magandang kapalaran o masamang kapalaran—lahat ng ito ay isinasaayos ng Diyos, at lahat ng ito ay ginawa ng Diyos. Kung titingnan natin ang usapin mula sa perspektiba na lahat ng ito ay ginawa ng Diyos, lahat ng ginagawa ng Diyos ay maganda at tama; sadya lamang na sa perspektiba ng mga hilig, damdamin, at mga pagpili ng tao, may ilang taong pumipili ng komportableng buhay, pinipiling magkaroon ng kasikatan at kayamanan, ng magandang reputasyon, na magkaroon ng kasaganaan sa mundo, at maging matagumpay. Naniniwala sila na nangangahulugan ito na mayroon silang magandang kapalaran, at na ang mabuhay nang pangkaraniwan at hindi matagumpay, palaging nasa pinakababa ng lipunan, ay isang masamang kapalaran. Ganito nakikita ang mga bagay-bagay mula sa perspektiba ng mga walang pananampalataya at ng mga makamundong taong naghahangad ng mga makamundong bagay at naglalayon na mabuhay sa mundo, at ganito umuusbong ang ideya ng magandang kapalaran at masamang kapalaran. Ang ideya ng magandang kapalaran at masamang kapalaran ay umuusbong lamang mula sa makitid na pang-unawa at mababaw na pananaw ng tao sa kapalaran, at mula sa mga paghusga ng mga tao sa dami ng pisikal na paghihirap na kanilang tinitiis, at sa dami ng kasiyahan, at kasikatan at yaman na kanilang nakakamit, at iba pa. Sa totoo lang, kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, walang gayong mga interpretasyon na magandang kapalaran o masamang kapalaran. Hindi ba’t tumpak ito? (Oo.) Kung titingnan mo ang kapalaran ng tao mula sa perspektiba ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti, at ito ang kailangan ng bawat indibidwal. Ito ay dahil ang sanhi at bunga ay may bahagi sa mga nakaraan at kasalukuyang buhay, ang mga ito ay paunang itinakda ng Diyos, ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito, at ang Diyos ang nagpaplano at nagsasaayos sa mga ito—walang magagawa rito ang tao. Kung titingnan natin ito mula sa ganitong pananaw, hindi dapat husgahan ng mga tao ang kanilang sariling kapalaran bilang maganda o masama, hindi ba? Kung kaswal na huhusgahan ng mga tao ang usaping ito, hindi ba’t nakagagawa sila ng malaking pagkakamali? Hindi ba’t nagagawa nila ang pagkakamali na husgahan ang mga plano, pagsasaayos, at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? (Oo.) At hindi ba’t malubha ang pagkakamaling iyon? Hindi ba’t makakaapekto ito sa landas na tatahakin nila sa buhay? (Makakaapekto ito.) Kung gayon, ang pagkakamaling iyon ang magdadala sa kanila sa pagkawasak.
Ano ang dapat gawin ng mga tao bilang tugon sa mga pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang kapalaran? (Magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos.) Una, dapat mong hangarin na alamin kung bakit isinaayos ng Lumikha ang ganitong uri ng kapalaran at sitwasyon ng pamumuhay para sa iyo, kung bakit ka Niya pinahaharap sa ilang bagay at pinararanas sa iyo ang mga ito, at kung bakit gayon ang kapalaran mo. Mula rito, dapat mong maunawaan kung ano ang inaasam ng puso mo at kung ano ang kailangan nito, gayundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Matapos mong maunawaan at malaman ang mga bagay na ito, hindi ka dapat lumaban, gawin ang sarili mong mga pagpapasya tungkol sa iyong sariling kapalaran, tanggihan, kontrahin, o iwasan ito. Siyempre pa, hindi mo rin dapat subukang makipagtawaran sa Diyos. Sa halip, dapat kang magpasakop. Bakit ka dapat magpasakop? Dahil ikaw ay isang nilikha, hindi mo mapapangasiwaan ang iyong kapalaran at wala kang kataas-taasang kapangyarihan doon. Ang Diyos ang nagpapasya sa iyong kapalaran. Pagdating sa iyong kapalaran, wala kang magagawa at wala kang pagpipilian. Ang dapat mo lamang gawin ay ang magpasakop. Hindi ka dapat gumawa ng sarili mong mga pagpapasya sa iyong kapalaran o umiwas dito, hindi ka dapat makipagtawaran sa Diyos, at hindi ka dapat sumalungat sa iyong kapalaran o magreklamo. Siyempre pa, lalong hindi ka dapat magsabi ng mga bagay na gaya ng, “Ang sama ng kapalarang isinaayos ng Diyos para sa akin. Miserable ito at mas masahol kaysa sa kapalaran ng iba,” o “Ang sama ng kapalaran ko at hindi ako makapagtamasa ng anumang kaligayahan o kasaganahan. Ang sama ng pagsasaayos ng Diyos sa mga bagay-bagay para sa akin.” Ang mga salitang ito ay panghuhusga at sa pagsambit ng mga ito, lumalagpas ka sa iyong posisyon. Ang mga ito ay hindi mga salita na dapat sambitin ng isang nilikha at hindi mga pananaw o saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha. Sa halip, dapat mong kalimutan ang iba’t ibang nakalilinlang na pagkaunawa, pakahulugan, pananaw, at pagkaintinding ito sa kapalaran. Kasabay nito, dapat magawa mong taglayin ang isang tamang saloobin at paninindigan upang makapagpasakop sa lahat ng bagay na mangyayari bilang bahagi ng kapalarang isinaayos ng Diyos para sa iyo. Hindi ka dapat lumaban, at lalong hindi ka dapat malugmok sa depresyon at magreklamo na hindi patas ang Langit, na ang sama ng pagsasaayos ng Diyos sa mga bagay-bagay para sa iyo, at hindi ibinigay sa iyo ang pinakamainam. Ang mga nilikha ay walang karapatang piliin ang kanilang kapalaran. Hindi ka binigyan ng Diyos ng ganitong uri ng obligasyon at hindi Niya ipinagkaloob ang karapatang ito sa iyo. Kaya, hindi mo dapat subukang gumawa ng mga pagpapasya, mangatwiran sa Diyos, o humingi ng mga karagdagang kahilingan sa Kanya. Dapat kang umayon at humarap sa mga pagsasaayos ng Diyos, anuman ang mga iyon. Dapat mong harapin at subuking maranasan at mapasalamatan ang anumang isinaayos ng Diyos. Dapat kang ganap na magpasakop sa lahat ng dapat mong maranasan sa pamamagitan ng mga pagsasaayos ng Diyos. Dapat kang sumunod sa kapalarang isinaayos ng Diyos para sa iyo. Kahit ayaw mo sa isang bagay, o kung nagdurusa ka dahil dito, kahit nilalagay nito sa panganib at pinipigilan ang iyong kapalaluan at dignidad, basta’t ito ay isang bagay na dapat mong maranasan, isang bagay na pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos para sa iyo, dapat kang magpasakop dito at wala kang magagawa tungkol dito. Dahil isinasaayos ng Diyos ang mga kapalaran ng mga tao at ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga ito, hindi maaaring makipagnegosasyon sa Kanya tungkol sa mga ito. Kaya, kung matitino ang mga tao at may katwiran ng normal na mga tao, hindi sila dapat magreklamo na masama ang kanilang kapalaran o na ang bagay-bagay ay hindi mabuti para sa kanila. Hindi nila dapat harapin ang kanilang tungkulin, ang kanilang buhay, ang landas na sinusundan nila sa kanilang pagsampalataya, ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos, o ang Kanyang mga hinihingi sa kanila nang saloobing lugmok sa depresyon dahil lamang sa nadarama nila na masama ang kanilang kapalaran. Ang ganitong uri ng depresyon ay hindi simple o panandaliang pagrerebelde lamang, hindi rin ito pansamantalang pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon, lalong hindi ito pagpapamalas ng isang tiwaling kalagayan. Sa halip, ito ay isang tahimik na paglaban sa Diyos, at isang hindi kontento at tahimik na paglaban sa kapalarang isinaayos para sa kanila ng Diyos. Bagama’t maaaring ito ay isang simpleng negatibong emosyon, mas malubha ang mga idinudulot nito sa mga tao kaysa sa mga idinudulot ng isang tiwaling disposisyon. Maliban sa hinahadlangan ka nito na magkaroon ng positibo at tamang saloobin sa tungkuling dapat mong gampanan, at sa iyong pang-araw-araw na buhay at paglalakbay sa buhay, ang mas malubha pa, maaari ka ring mawasak nito dahil sa depresyon. Kaya’t ang matatalinong tao ay dapat na magmadaling baguhin ang kanilang mga nakalilinlang na pananaw, pagnilay-nilayan at kilalanin ang kanilang sarili ayon sa mga salita ng Diyos, at tingnan kung ano ang nagsasanhi sa kanilang maniwala na mayroon silang masamang kapalaran; dapat nilang tingnan kung paano napinsala ang kanilang dangal o paano nasaktan ang kanilang puso, na nagresulta sa mga negatibong kaisipan tulad ng pakiramdam na may masama silang kapalaran, na nagdulot sa kanilang malugmok sa negatibong emosyon na depresyon, kung saan hindi na sila kailanman nakaahon, kahit hanggang sa kasalukuyan. Ito ay isang isyu na dapat mong pagnilayan at suriin. Ang ilang bagay ay maaaring malalim nang nakatatak sa iyong puso, o marahil may nagsabi ng masamang bagay sa iyo na sumugat sa iyong respeto sa sarili, at dahil dito ay naramdaman mong may masama kang kapalaran, at kaya ikaw ay nalulugmok sa depresyon; o marahil sa iyong buhay o habang lumalaki ka, may kung anong kaisipan o pananaw tungkol kay Satanas o sa mundo na umusbong at nagdulot sa iyong magkaroon ng maling pagkaunawang ito sa kapalaran at nagsanhi na maging labis kang sensitibo sa kung may maganda o masama kang kapalaran; o marahil sa isang punto, pagkatapos mong maranasan ang isang bagay na nakakasama ng loob, naging lalo kang seryoso at sensitibo tungkol sa iyong kapalaran, at nag-alab ang iyong damdamin at naging determinado kang baguhin ang iyong kapalaran—lahat ng ito ay mga bagay na dapat mong suriin. Gayunpaman, paano mo man suriin ang mga bagay na ito, ang dapat mong maunawaan sa huli ay ito: Hindi mo dapat gamitin ang mga iniisip at pananaw ukol sa kung maganda o masama ang kapalaran para sukatin ang iyong sariling kapalaran. Ang kapalaran ng buhay ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos at matagal na itong isinaayos ng Diyos; hindi ito isang bagay na mababago ng mga tao. Gayunpaman, nasa tao na ang pagpapasya sa kung anong uri ng landas ang tatahakin niya sa buong buhay niya at kung siya ay mamumuhay nang may halaga. Maaaring piliin mo na mamuhay nang may halaga, mabuhay para sa mga bagay na may halaga, mabuhay para sa mga plano at pamamahala ng Lumikha, at para sa makatarungang layunin ng sangkatauhan. Siyempre, maaari mo ring piliin na hindi mabuhay para sa mga positibong bagay, at sa halip ay mabuhay para sa paghahangad ng kasikatan at kayamanan, isang opisyal na propesyon, kasaganaan, at mga makamundong kalakaran. Maaaring piliin mo ang buhay na walang anumang halaga at maging tulad ng isa sa mga naglalakad na bangkay. Lahat ng ito ay mga pagpapasyang maaari mong piliin.
Sa pagbabahagi sa ganitong paraan, nauunawaan na ba ninyo kung ang mga iniisip at pananaw ng mga taong palaging nagsasabing may masama silang kapalaran ay tama o mali? (Mali sila.) Malinaw na ang mga taong ito ay nakakaranas ng emosyon ng depresyon dahil sa pagkalugmok sa pagiging sagad-sagaran. Dahil sa kanilang matinding emosyon ng depresyon na dulot ng kanilang sagad-sagarang mga iniisip at pananaw, hindi nila maharap nang tama ang mga bagay na nangyayari sa buhay, hindi nila normal na magamit ang mga kakayahan na dapat taglay ng mga tao, ni magampanan ang mga tungkulin, responsabilidad o obligasyon ng isang nilikha. Samakatuwid, katulad sila ng iba’t ibang uri ng taong nalulugmok sa mga negatibong emosyon na ating tinalakay sa huli nating pagbabahaginan. Bagamat nananalig sa Diyos ang mga taong ito na nag-iisip na may masama silang kapalaran at handa silang bitiwan ang mga bagay-bagay, gugulin ang kanilang sarili at sumunod sa Diyos, hindi pa rin nila magampanan ang kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa isang malaya, magaan, at mapanatag na paraan. Bakit hindi nila ito magawa? Ito ay dahil sa kanilang kalooban ay nagtataglay sila ng ilang sukdulan at abnormal na mga kaisipan at pananaw na nagdudulot na umusbong sa kanila ang mga matinding emosyon. Dahil sa mga matinding emosyon na ito, ang paraan ng kanilang paghusga sa mga bagay-bagay, ang paraan ng kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga pananaw sa mga bagay-bagay ay nagmumula sa isang sagad-sagaran, hindi wasto, at baluktot na pananaw. Tinitingnan nila ang mga isyu at mga tao mula sa sagad-sagaran at maling pananaw na ito, kung kaya’t sila ay paulit-ulit na namumuhay, tumitingin sa mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos sa ilalim ng epekto at impluwensya ng negatibong emosyong ito. Sa huli, paano man sila mamuhay, tila napapagod sila nang husto na hindi na nila kayang magpakita ng anumang sigla sa kanilang pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Paano man nila piliing mamuhay, hindi nila magampanan ang kanilang tungkulin nang positibo o aktibo, at kahit na maraming taon na silang nananalig sa Diyos, hindi sila kailanman tumutuon sa pagganap ng kanilang tungkulin nang buong puso at kaluluwa o sa pagganap ng kanilang tungkulin nang maayos, at siyempre, lalong hindi sila naghahangad ng katotohanan, o nagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Bakit nga ba ganito? Sa panghuling pagsusuri, ito ay dahil palagi nilang iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, at dahil dito ay labis silang nalulugmok sa depresyon. Lubos silang nawawalan ng sigla, pakiramdam nila ay wala silang magagawa, para silang naglalakad na bangkay, walang kabuhay-buhay, hindi nagpapakita ng anumang positibo o optimistikong pag-uugali, lalo na ng anumang determinasyon o tibay na ialay ang katapatan na dapat nilang ialay sa kanilang tungkulin, mga responsabilidad, at obligasyon. Sa halip, mabigat ang loob silang nagsisikap araw-araw nang may pabayang saloobin, nang walang direksyon at magulo ang pag-iisip, at iniraraos pa nga nila ang mga araw nang wala sa sarili. Wala silang kamalay-malay kung gaano katagal nilang iraraos ang mga bagay-bagay. Sa huli, wala silang ibang magagawa kundi paalalahanan ang kanilang sarili, sabihin na, “Ay, itutuloy ko na lamang na iraos ang mga bagay-bagay hangga’t kaya ko! Kung isang araw ay hindi na ako makakapagpatuloy, at naisin ng iglesia na paalisin at itiwalag ako, dapat na lang nila akong itiwalag. Ito ay dahil may masama akong kapalaran!” Makikita mo na maging sa kanilang sinasabi ay sumuko na sila. Ang emosyong ito ng depresyon ay hindi lamang isang simpleng lagay ng kalooban, kundi, higit pa rito, may malubha itong epekto sa mga iniisip, puso, at paghahangad ng mga tao. Kung hindi mo mababago kaagad ang iyong mga emosyon na nalulugmok sa depresyon, hindi lamang nito maaapektuhan ang iyong buong buhay, sisirain din nito ang iyong buhay at dadalhin ka sa iyong kamatayan. Kahit pa nananalig ka sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan at kaligtasan, at sa huli, mamamatay ka. Kaya naman, iyong mga naniniwalang may masama silang kapalaran ay dapat magising na ngayon; ang palaging pagnanais na malaman kung maganda o masama ba ang kanilang kapalaran, ang palaging paghahangad ng isang uri ng kapalaran, ang palaging pag-aalala sa kanilang kapalaran—ito ay hindi magandang bagay. Dahil palagi mong sineseryoso ang iyong kapalaran, kapag naharap ka isang maliit na kaguluhan o hindi kaaya-ayang pangyayari, o kapag nagkaroon ng pagkabigo, mga dagok, o kahihiyan, kaagad kang naniniwala na ito ay dahil sa sarili mong masamang kapalaran at kamalasan. Kaya’t paulit-ulit mong pinaaalalahanan ang iyong sarili na mayroon kang masamang kapalaran, na hindi maganda ang kapalaran mo tulad ng ibang tao, at paulit-ulit na nilulugmok mo ang iyong sarili sa depresyon, napapaligiran, naigagapos, at naiipit ng negatibong emosyong ito ng depresyon, at hindi mo ito matakasan. Labis na nakakatakot at mapanganib na mangyari ito. Bagama’t ang emosyong ito ng depresyon ay maaaring hindi magdulot sa iyo na mas lalong maging mayabang o mapanlinlang, o magdulot sa iyo na maghayag ng kasamaan o pagmamatigas, o ng iba pang mga tiwaling disposisyon; bagama’t maaaring hindi ito umabot sa antas na maghahayag ka ng tiwaling disposisyon at susuwayin mo ang Diyos, o maghahayag ka ng tiwaling disposisyon at lalabagin ang mga katotohanang prinsipyo, o magdudulot ka ng pagkagambala at kaguluhan, o gagawa ng masasamang gawain, pagdating sa diwa, ang emosyong ito ng depresyon ay isang napakalubhang pagpapamalas ng kawalang kasiyahan ng mga tao sa realidad. Sa diwa, ang pagpapamalas na ito ng kawalang kasiyahan sa realidad ay isa ring kawalang kasiyahan sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. At ano ang mga kahihinatnan ng kawalang kasiyahan sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Tiyak na napakalulubha ng mga ito at magdudulot kahit papaano sa iyo na magrebelde laban sa Diyos at suwayin Siya, at dahil sa mga ito ay hindi mo matatanggap ang mga binibigkas at tinutustos ng Diyos, at hindi mo mauunawaan at pakikinggan ang mga turo, tagubilin, paalala, at babala ng Diyos. Dahil puno ka ng emosyon ng depresyon, hindi mo magawang tanggapin ang mga kasalukuyang binibigkas ng Diyos, at wala kang paraan upang tanggapin ang makatotohanang gawain ng Diyos o ang kaliwanagan, patnubay, tulong, suporta, at panustos ng Banal na Espiritu para sa iyo. Kahit na gumagawa ang Diyos, hindi mo ito maramdaman; kahit na gumagawa ang Diyos at ang Banal na Espiritu, hindi mo ito magawang tanggapin. Hindi mo magawang tanggapin ang mga positibong bagay na ito, ang mga hinihingi at panustos na ito mula sa Diyos, ang iyong puso ay puno at okupado lamang ng emosyong ito ng depresyon, at wala sa anumang ginagawa ng Diyos ang may anumang epekto sa iyo. Sa huli, mapapalampas mo ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos, mapapalampas mo ang bawat yugto ng Kanyang mga binibigkas, at mapapalampas mo maging ang bawat yugto ng gawain ng Diyos at ang Kanyang panustos para sa iyo. Kapag ang mga pagbigkas ng Diyos at ang mga hakbang ng Kanyang gawain ay ganap nang natapos lahat, hindi mo pa rin malulutas ang iyong emosyon ng depresyon, hindi mo ito mabibitiwan, mananatili kang napalilibutan at puno ng emosyong ito ng depresyon, at kung magkagayon, ganap mo nang napalampas ang gawain ng Diyos. Sa sandaling ganap mo nang napalampas ang gawain ng Diyos, sa huli, ikaw ay mahaharap sa hayagang paghatol at pagkondena ng Diyos sa sangkatauhan, at iyon ang oras kung kailan iaanunsyo ng Diyos ang katapusan ng sangkatauhan. Saka mo lamang mapagtatanto na, “Naku, dapat kong pagnilay-nilayan ang aking sarili, dapat kong bitiwan ang emosyong ito ng depresyon, dapat akong magbasa pa ng mga salita ng Diyos, lumapit sa Diyos upang humingi ng Kanyang tulong at suporta, hangarin ang Kanyang panustos, alamin kung paano tanggapin ang Kanyang pagkastigo at paghatol at ako ay malinis Niya, upang makapagpasakop ako sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.” Subalit huli na! Napalampas mo na ang lahat ng iyon. Huli na upang magising ka ngayon, at ano ang naghihintay sa iyo? Hahampasin mo ang iyong dibdib at maghihinagpis ka at mapupuno ka ng pagsisisi. Bagama’t ang depresyon ay isang uri lamang ng emosyon, dahil labis na malubha ang kalikasan at ang mga kahihinatnan na dala nito, dapat mong suriin ang iyong sarili nang mabuti at huwag mong hayaan ang emosyong ito ng depresyon na maghari sa iyo o kontrolin ang iyong mga iniisip at ang mga mithiin na iyong hinahangad. Kailangan mo itong lutasin at huwag hayaang maging hadlang sa iyong landas ng paghahangad sa katotohanan o maging isang pader na makakaharang sa iyong paglapit sa Diyos. Kung kaya mong magkaroon ng malinaw na kamalayan dito, o kung masusumpungan mo ang malubhang emosyong ito ng depresyon sa pamamagitan ng pagsusuri sa iyong sarili, dapat mong baguhin agad ang takbo ng iyong buhay, bitiwan ang emosyong ito at talikdan ang emosyong ito ng depresyon. Huwag kang patuloy na kumapit sa ganitong takbo ng iyong buhay, na mapagmatigas na iniisip na, “Anuman ang sabihin o gawin ng Diyos, alam kong masama ang kapalaran ko. Dahil masama ang kapalaran ko, dapat akong malugmok sa depresyon. Dahil masama ang kapalaran ko, dapat tanggapin ko na lang ito at huwag na talagang umasa pa.” Ang harapin ang lahat ng bagay na nangyayari nang may gayong negatibong saloobin ay pagiging matigas ang ulo. Kapag napagtanto mo na mayroon ka nitong emosyon ng depresyon, dapat mong baguhin ang iyong sarili at lutasin ito sa lalong madaling panahon. Huwag mong hintayin na pagharian ka na nito nang lubusan, dahil sa oras na iyon ay magiging huli na upang magising ka pa rito.
Sabihin ninyo sa Akin, ang paniniwala ba sa kapalaran ay isang ekspresyon ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, ano ang tamang saloobin na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pagharap sa usapin ng kapalaran? (Dapat silang maniwala sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos at magpasakop sa mga ito.) Tama iyan. Kung ang isang tao ay palaging nakatuon sa kung ang kanyang kapalaran ay maganda o masama, anong problema ang malulutas niyon? Ang kilalanin na ang kanyang kapalaran ay masama ngunit maniwala na ang masamang kapalaran ay pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos at ang maging handang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, tama ba o mali ang pananaw na ito? (Mali ito.) Bakit ito mali? (Dahil pinanghahawakan pa rin ng pananaw na iyon ang interpretasyon na ang kanyang kapalaran ay maganda o masama.) Ito ba ay isang tuntunin? Ano ang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao rito? (Hindi natin masasabing maganda o masama ang kapalaran. Ang lahat ng itinatakda ng Diyos ay mabuti, at ang mga tao ay dapat magpasakop sa lahat ng pangangasiwa ng Diyos.) Dapat maniwala ang mga tao na ang kapalaran ay pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos, at dahil lahat ito ay pinangasiwaan at isinaayos ng Diyos, hindi nila puwedeng sabihin kung ito ay maganda o masama. Kung ito ay maganda o masama ay hinuhusgahan batay sa pananaw, mga opinyon, kagustuhan at damdamin ng mga tao, at ang paghusga na ito ay batay sa kanilang mga imahinasyon at pananaw at hindi nakaayon sa katotohanan. May mga taong nagsasabi, “Maganda ang kapalaran ko, isinilang ako sa isang pamilya ng mga mananampalataya. Kailanman ay hindi ako naimpluwensyahan ng kapaligiran ng mundo ng mga walang pananampalataya at kailanman ay hindi ako naimpluwensyahan, naakit o nalihis ng mga kalakaran ng mga walang pananampalataya. Bagama’t mayroon din akong mga tiwaling disposisyon, lumaki ako sa iglesia at kailanman ay hindi ako nalihis. Napakaganda ng kapalaran ko!” Tama ba ang kanilang sinasabi? (Hindi.) Bakit hindi? (Pauna nang itinakda ng Diyos na sila ay isisilang sa isang pamilya ng mga mananampalataya, ito ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Wala itong kinalaman sa kung maganda ba o masama ang kanilang kapalaran.) Tama, nakuha mo ang punto. Ito ay ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Isa itong paraan kung paano isinasaayos at paano nagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa mga kapalaran ng tao, at ito ay isang anyo ng kapalaran—hindi dapat gamitin ng mga tao ang pagiging maganda o masama ng kanilang kapalaran para husgahan ang usaping ito. May mga taong nagsasabi na maganda ang kanilang kapalaran dahil isinilang sila sa isang Kristiyanong pamilya, kaya paano mo ito pabubulaanan? Maaaring sabihin mo, “Isinilang ka sa isang Kristiyanong pamilya at sinasabi mong maganda ang kapalaran mo, kaya’t sinuman na hindi isinilang sa isang Kristiyanong pamilya ay malamang na may masamang kapalaran. Ibig mo bang sabihin na masama ang kapalaran na isinaayos ng Diyos para sa lahat ng taong iyon?” Tama bang pabulaanan sila nang ganito? (Tama.) Tama na pabulaanan sila nang ganito. Sa pamamagitan ng pagpapabulaan sa kanila nang ganito, ipinapakita mo na ang kanilang sinasabi na may magandang kapalaran ang mga taong isinilang sa mga pamilyang Kristiyano ay hindi mapaninindigan at hindi naaayon sa katotohanan. Ngayon, mas tumpak na ba nang kaunti ang opinyon ninyo tungkol sa maganda at masamang kapalaran? (Oo.) Anong pananaw ang dapat taglayin ng mga tao tungkol sa usapin ng paniniwala sa kapalaran na pinakatama, pinakaangkop, at naaayon sa katotohanan? Una, hindi ninyo mahuhusgahan kung maganda ba o masama ang kapalaran mula sa perspektiba ng mga makamundong tao. Bukod pa rito, dapat maniwala kayo na ang kapalaran ng bawat kasapi ng sangkatauhan ay isinaayos ng kamay ng Diyos. May mga taong nagtatanong, “Kapag sinabing isinaayos ng kamay ng Diyos, ibig bang sabihin ay ang Diyos Mismo ang nagsaayos nito?” Hindi. Maraming pamamaraan, gawi at daan na ginagamit ang Diyos sa pagsasaayos ng mga kapalaran ng tao at may mga komplikadong detalye ito sa espirituwal na daigdig na hindi Ko na isasalaysay rito. Lubos na komplikado ang usaping ito, ngunit sa pangkalahatan, lahat ng ito ay isinaayos ng Lumikha. Ang ilan sa mga pagsasaayos na ito ay ginawa ng Diyos Mismo para sa iba’t ibang uri ng tao, samantalang ang iba ay may kasamang pagkakategorya ng iba’t ibang uri ng mga tao at grupo ng mga tao ayon sa mga regulasyon, atas administratibo, prinsipyo, at sistema na itinakda ng Diyos; batay sa kanilang kategorya at sa landas ng kanilang kapalaran na itinakda ng Diyos, ang mga kapalaran ng mga tao ay isinaayos at dinisenyo sa espirituwal na mundo, at pagkatapos ay isinilang sila. Napakadetalyado ng usaping ito, ngunit sa pangkalahatan, ang Diyos ang nagsasaayos at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito. Kasama sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos ang mga prinsipyo, batas, at alituntunin ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Walang mabuti o masama rito, lahat ito ay natural na gawi para sa Diyos, na may kinalaman sa sanhi at bunga. Tungkol naman sa nadarama ng mga tao tungkol sa kapalaran, maaaring mayroon silang maganda o masamang pakiramdam, may mga kapalaran kung saan ang lahat ay umaayon, mga kapalaran na puno ng mga hadlang, mahihirap na kapalaran, at malulungkot na kapalaran—walang maganda o masamang kapalaran. Ano ang dapat na maging saloobin ng mga tao tungkol sa kapalaran? Dapat kang sumunod sa mga pagsasaayos ng Lumikha, aktibo at masikap na hanapin ang layunin at kahulugan ng Lumikha sa Kanyang pagsasaayos ng lahat ng ito at maunawaan ang katotohanan, gamitin ang iyong pinakamahusay na kakayahan sa buhay na ito na isinaayos ng Diyos para sa iyo, tuparin ang mga tungkulin, responsabilidad, at obligasyon ng isang nilikha, at gawing mas makabuluhan at mas mahalaga ang iyong buhay, hanggang sa wakas ay matuwa sa iyo ang Lumikha at maalala ka Niya. Siyempre, mas mainam kung makakamit mo ang kaligtasan sa pamamagitan ng iyong paghahanap at pagsisikap nang husto—ito ang pinakamagandang resulta. Anu’t anuman, sa usapin ng kapalaran, ang pinakaangkop na saloobin na dapat taglayin ng nilikhang sangkatauhan ay hindi ang paghuhusga at paglilimita nang walang pasubali, o ang paggamit ng mga sukdulang pamamaraan para harapin ito. Siyempre, lalong hindi dapat subukang labanan, piliin, o baguhin ng mga tao ang kanilang kapalaran, bagkus dapat nilang gamitin ang kanilang puso upang pahalagahan ito, at hanapin, siyasatin, at sundin ito, bago ito harapin nang positibo. Sa huli, sa kapaligirang pinamumuhayan at sa landas sa buhay na inilaan para sa iyo ng Diyos, dapat mong hanapin ang paraan ng pag-asal na itinuturo sa iyo ng Diyos, hanapin ang landas na hinihingi ng Diyos na iyong tahakin, at danasin ang kapalaran na itinakda ng Diyos para sa iyo sa ganitong paraan, at sa huli, ikaw ay pagpapalain. Kapag iyong naranasan ang kapalaran na isinaayos ng Lumikha para sa iyo sa ganitong paraan, ang iyong mapahahalagahan ay hindi lamang paghihinagpis, kalungkutan, mga luha, kirot, pighati, at pagkabigo, sa halip, higit pa rito ay iyong mararanasan ang kasiyahan, kapayapaan, at kaginhawahan, pati na rin ang kaliwanagan at pagtanglaw ng katotohanan na ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo. Bukod pa rito, kapag ikaw ay naligaw sa iyong landas sa buhay, kapag ikaw ay naharap sa pighati at pagkabigo, at kinakailangan mong pumili, mararanasan mo ang paggabay ng Lumikha, at sa huli ay magkakamit ka ng pang-unawa, karanasan, at pagpapahalaga sa kung paano mamuhay nang pinakamakabuluhan. Kaya hindi ka na muling maliligaw sa buhay, hindi ka na laging mababalisa, at siyempre, hindi ka na muling magrereklamo na masama ang iyong kapalaran, at lalong hindi ka na malulugmok sa emosyon ng depresyon dahil sa pakiramdam mo na masama ang iyong kapalaran. Kung mayroon ka ng ganitong saloobin at gagamitin mo ang paraang ito upang harapin ang kapalaran na isinaayos ng Lumikha para sa iyo, hindi lamang magiging mas normal ang iyong pagkatao, magkakaroon ka rin ng normal na pagkatao, at ng mga kaisipan, pananaw, at prinsipyo sa kung paano tingnan ang mga bagay ng normal na pagkatao, ngunit magkakaroon ka rin, siyempre, ng mga pananaw at pang-unawa sa kabuluhan ng buhay na hindi kailanman tataglayin ng mga walang pananampalataya. Laging sinasabi ng mga walang pananampalataya na, “Saan tayo nanggaling? Saan tayo pupunta? Bakit tayo nabubuhay?” Palaging may nagtatanong ng mga tanong na ito, at ano ang mga sagot na kanilang natatagpuan sa huli? Mga tanong lang din ang natatagpuan nila sa huli, hindi mga sagot. Bakit hindi nila mahanap ang mga sagot sa mga tanong na ito? Kahit na naniniwala sa kapalaran ang ilang taong matalino, wala silang ideya kung paano harapin ang usapin ng kapalaran o kung paano harapin ang maraming kahirapan, pighati, kabiguan, at kalungkutan na lumilitaw sa kanilang kapalaran; hindi rin nila alam kung paano harapin ang mga bagay na nangyayari sa kanilang kapalaran na nagdudulot sa kanila ng kasiyahan at kaligayahan—hindi nila alam kung paano harapin ang mga ito. Sa una ay sinasabi nilang maganda ang kanilang kapalaran, tapos bigla na lang nilang sasabihin na masama ang kanilang kapalaran; una ay sinasabi nilang masaya ang kanilang buhay, tapos bigla na lang nilang sasabihing malas ang kanilang buhay—sa iisang bibig nila sinasabi ang parehong bagay na ito. Iba ang sinasabi nila kapag sila ay masaya at iba naman kapag sila ay malungkot; iba ang sinasabi nila kapag ang mga bagay ay maayos para sa kanila, at iba naman kapag ang mga bagay ay hindi maayos; sila ang nagsasabi na sila ay malas, at sila rin ang nagsasabi na maganda ang kanilang kapalaran. Malinaw na nabubuhay sila nang walang kaliwanagan o pang-unawa. Palagi silang nangangapa sa dilim, namumuhay sa kalituhan, nang walang paraan para makaalpas. Kaya naman, ang mga tao ay dapat magkaroon ng malinaw na pag-unawa at malinaw na landas patungo sa kung paano nila dapat tratuhin nang tama ang kapalaran, kung ano ang dapat nilang gawin, at kung paano dapat harapin ang malaking usaping ito sa buhay. Sa sandaling nalutas na ang isyung ito, ang mga saloobin at pananaw ng mga tao tungkol sa kapalaran ay dapat maging tama na at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at sa gayon ay hindi na sila magiging sagad-sagaran sa usapin na ito.
Ang mga kasabihan bang ito tungkol sa kapalaran na kababahagi Ko lang ay naaayon sa katotohanan? (Oo.) Alam ba ninyo ang mga katangian ng mga kasabihan na naaayon sa katotohanan? (Kapag naririnig ng mga tao ang mga ito, mas nagiging malinaw at maginhawa ang pakiramdam nila.) (Praktikal ang mga ito at naglalaman ng mga landas ng pagsasagawa.) Tama iyan, praktikal nga ang mga ito; mas tumpak na sabihin ito nang ganito. May mas tumpak pa na mga paraan upang ilarawan ito. Sino ang susunod na magsasalita? (Nalulutas ng mga ito ang mga kasalukuyang problema ng mga tao.) Ito ay epekto ng praktikalidad ng mga ito. Nakakalutas ang mga ito ng mga problema dahil praktikal ang mga ito. Naniniwala ang mga tao sa kapalaran, pero ang kanilang mga isipan ay laging natatali sa ideya ng magagandang kapalaran at masasamang kapalaran, kaya’t sabihin ninyo sa Akin, malaya ba sila sa kaibuturan ng kanilang puso, o nakagapos ba sila? (Nakagapos sila.) Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, palagi kang magagapos sa ideyang ito. Sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan, bukod sa mararamdaman mong praktikal ito at na may paraan ka upang magpatuloy, ano pa ang mararamdaman mo? (Malaya.) Tama iyan, mararamdaman mong malaya ka na. Kapag mayroon ka nang landas ng pagsasagawa at hindi ka na nakakulong, hindi ba’t magiging malaya na ang iyong espiritu? Ang mga baluktot at katawa-tawang pananaw na iyon ay hindi na maigagapos ang iyong mga iniisip o ang iyong mga kamay at paa; may landas ka nang susundan, at hindi ka na makokontrol ng mga pananaw na iyon. Sa sandaling marinig mo ang pagbabahagi ng Diyos tungkol sa mga kapalaran ng tao, mararamdaman mong malaya ka na, at sasabihin mo, “Ah, kaya pala! Grabe, ang dati kong pag-unawa tungkol sa kapalaran ay sobrang baluktot at sagad-sagaran! Ngayon ay nauunawaan ko na, at hindi na ako nagugulo ng nakalilinlang na ideya ng pagiging maganda o masama ng mga kapalaran. Hindi na ako nababahala rito. Kung hindi ko ito naunawaan, palagi kong iisipin na maganda ang kapalaran ko sa umpisa tapos bigla na lang magiging masama, at mapapaisip ako kung maganda nga ba o masama ang kapalaran ko! Palagi ko itong aalalahanin.” Kapag nauunawaan mo na ang katotohanang ito, may landas ka nang susundan, may tumpak ka nang opinyon tungkol dito, at may tumpak na landas ka na ng pagsasagawa—ibig sabihin, malaya ka na. Kaya naman, upang makilatis kung ang mga salita ng isang tao ay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at kung ang mga ito ba ay ang katotohanan, kailangan mong pakinggan kung ang mga salitang ito ay praktikal ba o hindi; kasabay nito, dapat mong obserbahan kung ang iyong mga paghihirap at problema ay nalutas na kapag narinig mo na ang mga salitang ito—kung nalutas nga ang mga ito, mararamdaman mong malaya ka na, na para bang nawala na ang mabigat na pasaning dala-dala mo. Kaya naman, sa tuwing nauunawaan mo ang isang katotohanang prinsipyo, magagawa mong lutasin ang ilang nauugnay na problema at maisasagawa mo ang ilang katotohanan, at dahil dito ay madarama mong malaya ka na. Hindi ba’t ito ang magiging resulta? (Oo.) Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano mismo ang epekto ng katotohanan? (Oo.) Ano ang maaaring maging epekto ng katotohanan? (Dahil dito ay makadarama ng kalayaan ang espiritu ng mga tao.) Ito lamang bang isang ito ang epekto ng katotohanan? Ito lamang bang isang pakiramdam na ito? (Pangunahin na nilulutas nito ang mga nakalilinlang at radikal na pananaw na kinikimkim ng mga tao sa mga bagay-bagay. Sa sandaling tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay sa dalisay na paraan at nang naaayon sa katotohanan, madarama nila na malaya ang kanilang espiritu, at hindi na sila maigagapos o magugulo ng mga negatibong bagay na mula kay Satanas.) Bukod sa pagiging malaya ng iyong espiritu, ang mahalaga ay mabibigyan ka nito ng kakayahan na pumasok sa isang partikular na katotohanang realidad, upang hindi ka na maigapos o maimpluwensyahan ng mga mali at baluktot na kaisipan at pananaw. Ang puwang ng mga ito ay naokupa na ng mga prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan at pagkatapos ay makakapasok ka na sa katotohanang realidad na iyon. Dito Ko na tatapusin ang Aking pagbabahagi tungkol sa mga pagpapamalas ng mga taong nakadarama ng depresyon dahil iniisip nilang masama ang kanilang kapalaran.
Isa pang dahilan kung bakit nalulugmok sa depresyon ang ilan, bagamat hindi nila iniisip na ganoon kasama ang kanilang kapalaran, ay dahil nararamdaman nila na palagi silang malas at walang magandang nangyayari sa kanila kahit kailan, gaya lamang ng sinasabi ng mga walang pananampalataya: “Ang Diyos ng Suwerte ay palagi akong nilalampasan.” Kahit pa hindi nila nararamdaman na ganoon kasama ang kanilang sitwasyon, at sila ay matangkad at may hitsura, edukado at may talento, at sila ay mahuhusay na manggagawa, nagtataka sila kung bakit hindi sila kailanman pinapaboran ng Diyos ng Suwerte. Dahil dito ay palagi silang dismayado, at lagi nilang iniisip na sila ay malas. Simula sa taon ng kanilang pagsusulit para makapasok sa kolehiyo, puno ng pag-asa ang kanilang mga puso na makapag-aral sa kolehiyo, ngunit pagdating ng araw ng pagsusulit, sila ay tinrangkaso at nilagnat. Nakaapekto ito sa pagsagot nila sa pagsusulit, at dahil lang sa dalawa o tatlong puntos ay nawalan sila ng pagkakataong makapasok sa kolehiyo. Iniisip nila: “Bakit sobra akong minalas? Mahusay naman ako sa pag-aaral at karaniwan akong nagsisikap nang mabuti. Bakit naman sa lahat ng araw ay sa araw ng pagsusulit para sa kolehiyo pa ako nilagnat? Sadyang malas ito. Ay naku! Nakaranas na ako agad ng pagkabigo sa unang malaking pangyayari sa buhay ko. Ano na ang dapat kong gawin ngayon? Sana ay maging mas masuwerte ako sa hinaharap.” Subalit kalaunan sa kanilang buhay, makakaranas sila ng iba’t ibang paghihirap at problema. Halimbawa, may isang negosyo na naghahanap ng mga bagong empleyado at naghahanda pa lang silang mag-apply nang matuklasan nila na napuno na ang lahat ng bakanteng posisyon at hindi na kailangan pa ng kompanya ng dagdag na empleyado. Iniisip nila, “Paano ako naging sobrang malas? Bakit nilalagpasan ako palagi tuwing may magandang oportunidad? Napakamalas nito!” At sa unang araw ng kanilang pagtatrabaho sa isang lugar, ang ibang tao ay kakataas lang ng ranggo bilang manager, deputy manager, at department head. Gaano man sila magsumikap, wala itong saysay; kailangan pa nilang maghintay sa susunod na pagkakataon para maitaas ang kanilang ranggo. Dahil magaling silang magtrabaho at mataas ang tingin sa kanila ng kanilang mga superyor, iniisip nilang itataas ang ranggo nila sa susunod, ngunit sa huli, nagpasok ang mga superyor nila ng isang manager mula sa ibang lugar, at muli silang natalo. Iniisip nila, “Ay naku! Mukhang totoo nga na malas ako. Kahit kailan ay hindi ako sinuwerte—hindi ako pinapaboran kailanman ng Diyos ng Suwerte.” Makalipas ang ilang panahon, sila ay nagsisimulang manampalataya sa Diyos, at dahil sa kanilang hilig sa pagsusulat, nais nilang gumanap ng tungkulin na may kinalaman sa pagsusulat, subalit sa huli ay hindi naging masyadong mahusay ang resulta ng kanilang pagsusulit at bumagsak sila. Iniisip nila, “Karaniwan ay magaling akong sumulat, kaya bakit hindi ako nagtagumpay sa pagsusulit? Hindi ako binigyang-liwanag o inakay ng Diyos! Inakala ko na sa pagganap sa isang tungkuling may kinalaman sa pagsusulat, mas makakakain at makakainom ako ng mga salita ng Diyos at mas mauunawaan ko ang katotohanan. Sayang at malas ako. Bagamat maganda ang plano, hindi ito nagtagumpay.” Sa huli, pipili sila sa marami pang ibang tungkulin, at sasabihin nilang, “Sasama ako sa isang grupo ng mga tagapag-ebanghelyo upang magpalaganap ng ebanghelyo.” Sa simula, maganda ang takbo ng mga bagay sa grupo ng mga tagapag-ebanghelyo at nararamdaman nila na sa pagkakataong ito ay nahanap na nila ang tamang lugar para sa kanila, na para bang magagamit na nila ang kanilang mga kakayahan sa kapaki-pakinabang na paraan. Iniisip nila na sila ay matalino, may kakayahan sa kanilang trabaho, at handang gumawa ng praktikal na gawain. Dahil sa pagsisikap, nakapagkamit sila ng ilang resulta, at sila ay naging superbisor. Gayunpaman, may nagawa silang mali, at natuklasan ito ng kanilang lider. Sinabihan sila na ang kanilang ginawa ay labag sa mga prinsipyo at na nakaapekto ito sa gawain ng iglesia. Pagkatapos mapungusan ang kanilang pangkat, may nagsabi sa kanila, “Maganda ang takbo ng lahat bago ka dumating. Nang dumating ka, pinungusan kami sa pinakaunang pagkakataon.” Iniisip nila, “Hindi ba’t kamalasan ko pa rin ito?” Makaraan ang ilang panahon, inilipat ang mga tao dahil sa mga pagbabago sa gawain ng ebanghelyo at mula sa pagiging superbisor ay naging simpleng miyembro na lamang sila ng grupo, at sila ay ipinadala sa bagong lugar upang magpalaganap ng ebanghelyo. Iniisip nila, “Naku, pababa ang posisyon ko imbes na pataas. Wala pang nailipat bago ako dumating dito, kaya bakit nangyayari ang malaking paglilipat na ito ngayon na nandito na ako? Ngayong ipinadala na ako rito, wala nang pag-asa na maitaas pa ang ranggo ko.” Kaunti lang ang mga iglesia at mga miyembro ng iglesia sa bagong lugar. Nakaranas sila ng mga paghihirap sa pag-uumpisa ng gawain at wala silang anumang karanasan. Kinailangan nilang lutasin ito nang ilang panahon, at may mga problema rin sa wika, kaya’t ano ang magagawa nila? Gusto na nilang sumuko at umalis, ngunit hindi sila naglalakas-loob; nais nilang magawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin subalit napakahirap at nakakapagod ito, at iniisip nila, “Hay, ito ay dahil sa sobrang malas ko! Paano ko mababago ang aking suwerte?” May mga balakid saanmang direksyon sila tumungo, dama nila na malas sila palagi, na mayroong humaharang sa kanilang bawat galaw, at bawat hakbang ay napakahirap. Nagsumikap sila nang husto para makapagkamit ng ilang resulta, at makakita ng kaunting pag-asa, at pagkatapos ay nagbago ang kanilang sitwasyon, at naglaho ang pag-asa, kaya wala silang ibang magawa kundi ang magsimulang muli. Lalo silang nalulugmok sa depresyon, iniisip na, “Bakit ba sobrang hirap para sa akin na magkamit ng ilang resulta at makuha ang pagsang-ayon ng mga tao? Bakit ba sobrang hirap magkaroon ng matibay na pundasyon sa isang grupo ng mga tao? Bakit ba sobrang hirap na maging isang taong sinasang-ayunan at gusto ng mga tao? Bakit ba sobrang hirap na maging maayos at magaan ang lahat ng bagay? Bakit ba maraming bagay sa buhay ko ang hindi umaayon sa aking mga plano? Bakit ba napakaraming hadlang? Bakit ba palaging may balakid sa lahat ng ginagawa ko?” Partikular na may ilang tao na hindi kailanman nagagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, kahit saan sila pumunta, at palagi silang napapalitan at natitiwalag. Palagi silang nalulugmok sa depresyon at naniniwalang malas sila, iniisip na, “Ako ay parang isang mabilis na kabayo na hindi kailanman napapansin. Gaya nga ng kasabihan, ‘Maraming mabilis na kabayo, ngunit iilan lang ang nakakakilala sa mga ito.’ Para akong isang mabilis na kabayo na hindi pa natutuklasan. Sa huli, sadyang malas ako at wala akong makamit na anuman o magawa nang mahusay sa alinmang larangan saanman ako magpunta. Kailanman ay hindi ko magamit ang aking mga kalakasan, o maipakitang-gilas ang mga ito, o makuha ang gusto ko. Hay, sobrang malas ko! Ano bang nangyayari dito?” Palagi silang naniniwala na malas sila at araw-araw silang nababalisa, iniisip na, “Naku! Huwag naman sana akong ilipat sa ibang tungkulin,” o “Naku! Wala sanang mangyaring masama,” o “Naku! Wala sanang maging anumang pagbabago,” o “Naku! Huwag naman sanang magkaroon ng iba pang malalaking problema.” Bukod sa nalulugmok sila sa depresyon, sila rin ay labis na hindi mapakali, balisa, iritable, at nababahala. Palagi nilang iniisip na malas sila, kaya nalulugmok sila nang husto sa depresyon, at ang depresyon na ito ay nagmumula sa kanilang personal na pagkadama ng pagiging malas. Palagi nilang nararamdaman na malas sila, kailanman ay hindi itinataas ang ranggo nila, kailanman ay hindi sila maaaring maging lider ng grupo o superbisor, at kailanman ay hindi sila nagkakaroon ng pagkakataon na mamukod-tangi. Ang mabubuting bagay na ito ay hindi nangyayari sa kanila kailanman, at hindi nila maunawaan kung bakit ganito ang kanilang kalagayan. Iniisip nila, “Wala namang pagkukulang sa akin sa anumang aspekto, kaya bakit hindi ako magustuhan ng sinuman kahit saan ako magpunta? Wala naman akong pinasama ng loob at wala akong pinahirapan, kaya bakit sobrang malas ko?” Dahil palagi silang kumakapit sa gayong mga damdamin, ang emosyon na ito ng depresyon ay palaging nagpapaalala sa kanila, sinasabi na, “Malas ka, kaya huwag kang maging kampante, huwag kang magmayabang, at huwag mo palaging naisin na mamukod-tangi. Malas ka, kaya ni huwag mo nang isipin na magiging lider ka. Malas ka, kaya kailangan mong mas mag-ingat kapag gumaganap sa iyong tungkulin at magpigil ka nang kaunti, sakaling isang araw ay malantad ka at palitan, o sakaling may magsumbong sa iyo nang hindi mo nalalaman at maghanap ng dahilan upang pinsalain ka, o sakaling lagi kang nangunguna at magkamali ka at mapungusan ka. Kahit maging lider ka pa, kailangan mo pa ring maging maingat at mapagbantay sa lahat ng oras, na para bang ikaw ay nasa mata ng panganib. Huwag maging arogante, kailangan mong maging mapagpakumbaba.” Ang negatibong emosyon na ito ay palaging nagpapaalala sa kanila na maging mapagpakumbaba, maging masunurin, at huwag na muling kumilos nang may dangal. Ang ideya, pag-iisip, pananaw, o kamalayan na malas sila ay palaging nagpapaalala sa kanila na huwag maging positibo o aktibo, na huwag pangatwiranan ang kanilang sarili, at huwag ilagay ang kanilang sarili sa kapahamakan. Sa halip, kailangan nilang manatiling lugmok sa depresyon, hindi naglalakas-loob na mamuhay nang nakikita ng iba. Kahit pa ang lahat ay nasa iisang bahay, kailangan nilang maghanap ng mauupuan na medyo tago upang walang masyadong makapansin sa kanila. Hindi dapat sila magmukhang masyadong mayabang, sapagkat sa sandaling magsimula silang magpakita ng kahit kaunting kayabangan, babalik ang kamalasan nila. Dahil ang emosyon ng depresyon ay palaging nakapaligid sa kanila at palaging nagbababala sa kanila tungkol sa mga bagay na ito sa kaibuturan ng kanilang puso, sila ay kimi at maingat sa lahat ng kanilang ginagawa. Palaging may kaba sa kanilang puso, hindi nila kailanman mahanap ang tamang lugar para sa kanila, at hindi nila kailanman maibigay ang kanilang buong puso, isip, at lakas sa pagtupad ng kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Para bang may binabantayan sila at may hinihintay na mangyari. Nagbabantay sila laban sa pagdating ng kamalasan, laban sa masasamang bagay at mga kahihiyang idudulot sa kanila ng kanilang kamalasan. Kaya naman, maliban sa mga tunggalian sa kaibuturan ng kanilang puso, ang emosyon ng depresyon ang mas nangingibabaw sa mga paraan ng kanilang pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa kanilang asal at kilos. Palagi nilang ginagamit ang suwerte o malas upang sukatin ang kanilang sariling pag-uugali, at suriin kung tama ba ang paraan ng kanilang pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at ang kanilang asal at kilos, at ito ang dahilan kung bakit sila palaging nalulugmok sa emosyon ng depresyon at hindi nila maiahon ang kanilang sarili, at kung bakit hindi nila magamit ang tamang pag-iisip at mga pananaw upang harapin ang diumano’y mga “malas” na bagay na ito, o upang harapin at lutasin ang tinatawag nilang kamalasan nila. Sa ganito kasamang siklo, palagi silang kontrolado at naiimpluwensyahan ng emosyon ng depresyon. Dahil sa kanilang labis na pagsusumikap, naipagtatapat nila ang nilalaman ng kanilang puso at nakapagbabahagi sila sa iba tungkol sa kanilang kalagayan o mga ideya, ngunit sa mga pagtitipon, ang mga salita na binibitiwan ng mga kapatid sa pagbabahaginan, sadya man o hindi, ay nauugnay sa kanilang kalagayan at isyu, na nagpapadama sa kanila na parang nasaktan ang kanilang dangal at dignidad. Naniniwala pa rin sila na ito ay isang pagpapamalas ng kanilang kamalasan, at iniisip nila, “Kita mo na? Sobrang hirap para sa akin na sabihin ang nasa aking puso, at sa sandaling gawin ko ito, may agad na sumusunggab nito at nagtatangka na pinsalain ako. Sobrang malas ko!” Naniniwala sila na ito ay dahil sa kanilang kamalasan at na kapag ang isang tao ay malas, tiyak na lahat ng bagay ay magiging salungat sa kanya.
Ano ang problema sa mga taong palaging iniisip na malas sila? Palagi nilang ginagamit ang pamantayan ng suwerte upang sukatin kung tama o mali ang kanilang mga ikinikilos, at upang timbangin kung aling landas ang dapat nilang tahakin, ang mga bagay na dapat nilang maranasan, at ang anumang problema na kanilang hinaharap. Tama ba iyon o mali? (Mali.) Nilalarawan nila ang masasamang bagay bilang malas at ang mabubuting bagay bilang suwerte o kapaki-pakinabang. Tama ba o mali ang perspektibang ito? (Mali.) Ang pagsukat ng mga bagay mula sa ganitong uri ng perspektiba ay mali. Ito ay isang sagad-sagaran at maling paraan at pamantayan ng pagsukat ng mga bagay-bagay. Dahil sa ganitong uri ng pamamaraan, madalas na nalulugmok ang mga tao sa depresyon, at madalas silang nababagabag, at pakiramdam nila ay hindi kailanman nangyayari ang mga gusto nila, at na kailanman ay hindi nila nakukuha ang gusto nila, at sa huli, dahil dito ay palagi silang nababalisa, iritable, at nababagabag. Kapag hindi nalulutas ang mga negatibong emosyon na ito, patuloy na nalulugmok sa depresyon ang mga taong ito at nararamdaman nilang hindi sila pinapaboran ng Diyos. Iniisip nila na mabait ang Diyos sa iba ngunit hindi sa kanila, at na inaalagaan ng Diyos ang iba ngunit sila ay hindi. “Bakit lagi akong nababahala at nababalisa? Bakit palaging nangyayari sa akin ang masasamang bagay? Bakit hindi kailanman nangyayari sa akin ang mabubuting bagay? Kahit isang beses lang, iyon lang ang hinihiling ko!” Kapag tinitingnan mo ang mga bagay-bagay gamit ang ganitong maling paraan ng pag-iisip at perspektiba, ikaw ay mahuhulog sa bitag ng suwerte at malas. Kapag ikaw ay patuloy na nahuhulog sa bitag na ito, patuloy kang makadarama ng depresyon. Sa gitna ng depresyon na ito, lalo kang magiging sensitibo sa kung ang mga bagay na nagaganap sa iyo ay suwerte ba o malas. Kapag ito ay nangyari, pinapatunayan nito na kontrolado ka na ng perspektiba at ideya ng suwerte at malas. Kapag ikaw ay kontrolado ng ganitong uri ng perspektiba, ang iyong mga pananaw at saloobin sa mga tao, pangyayari, at bagay ay wala na sa saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at sa halip ay naging sagad-sagaran na. Kapag ikaw ay naging sagad-sagaran na, hindi ka makakaahon sa iyong depresyon. Paulit-ulit kang malulugmok sa depresyon, at kahit na ikaw ay karaniwang hindi nakakaramdam ng depresyon, sa sandaling may mangyaring hindi kanais-nais, sa sandaling madama mo na may nangyaring kamalasan, agad kang malulugmok sa depresyon. Ang depresyong ito ay makakaapekto sa iyong normal na paghusga at pagpapasya, at maging sa iyong kaligayahan, galit, lungkot, at kasiyahan. Kapag ito ay nakaapekto sa iyong kaligayahan, galit, lungkot, at kasiyahan, guguluhin at sisirain nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, pati na rin ang iyong kagustuhan at pagnanais na sundin ang Diyos. Kapag ang mga positibong bagay na ito ay nasira, ang ilang katotohanan na iyong naunawaan ay mawawala na parang bula at hindi makakatulong sa iyo. Iyan ang dahilan kung bakit, kapag ikaw ay nahulog sa masamang siklo na ito, magiging mahirap para sa iyo na isagawa ang ilang katotohanang prinsipyo na iyong nauunawaan. Kapag iyo nang nadama na nasa iyo na ang suwerte, kapag hindi ka na nasusupil ng depresyon, ay saka mo lamang kayang mabigat sa loob na magbayad ng kaunting halaga, magdusa ng kaunting hirap, at magpakita ng kaunting sinseridad habang ginagawa ang mga bagay na handa kang gawin. Sa sandaling madama mong nawala na ang iyong suwerte at nangyayari na sa iyong muli ang mga kamalasan, mabilis kang pinangingibabawang muli ng iyong depresyon, at ang iyong sinseridad, katapatan, at kahandaang magtiis ng hirap ay biglang mawawala sa iyo. Kaya naman, ang mga taong naniniwala na sila ay malas o yaong labis na sineseryoso ang suwerte, ay katulad lang ng mga taong naniniwala na masama ang kanilang kapalaran. Madalas na mayroon silang sagad-sagarang mga emosyon—partikular na madalas silang nalulugmok sa mga negatibong emosyon tulad ng depresyon. Sila ay lalo pang negatibo at mahina, at may tendensiya pa ngang maging pabago-bago ang lagay ng kanilang loob. Kapag nadarama nilang suwerte sila, sila ay puno ng kasiyahan, puno ng enerhiya, at kaya nilang magtiis ng mga hirap at magbayad ng halaga; kaya nilang matulog nang mas kaunting oras sa gabi, at kumain nang mas kaunti tuwing umaga, handa silang magtiis ng anumang hirap, at kung makaramdam sila ng panandaliang pananabik, masaya nilang iaalay ang kanilang buhay. Ngunit sa sandaling maramdaman nila na sila ay malas kamakailan, kapag tila wala na yatang tama na nangyayari sa kanila, agad na napupuno ng emosyon ng depresyon ang kanilang puso. Nababalewala ang lahat ng panata at resolusyong ginawa nila noon; bigla silang nagiging parang isang bola na sumingaw, wala nang enerhiya, o nanlambot na, ayaw gumawa ng anuman o magsabi ng anuman. Iniisip nila, “Ang mga katotohanang prinsipyo, paghahangad sa katotohanan, pagkamit ng kaligtasan, pagpapasakop sa Diyos—walang kinalaman sa akin ang mga ito. Ako ay malas at walang halaga kahit gaano karaming katotohanan ang aking isagawa o gaano kalaking halaga ang aking ibayad, hindi ko kailanman makakamit ang kaligtasan. Katapusan ko na. Para akong isang sumpa, isang malas na indibidwal. Kung ganoon, bahala na, malas naman talaga ako!” Kita mo, sa una ay para silang bolang sasabog na sa dami ng hangin nito, tapos bigla na lang silang lumalambot. Hindi ba’t problematiko ito? Paano nangyayari ang problemang ito? Ano ang ugat ng problema? Palagi nilang inoobserbahan ang sarili nilang kapalaran, na para bang inoobserbahan nila ang stock market, upang makita kung ito ba ay umaangat o bumabagsak, kung ito ba ay isang bull market o bear market. Palagi silang balisa, lubhang sensitibo sa usapin ng kanilang kapalaran, at sobrang matigas ang ulo. Ang ganitong uri ng sagad-sagarang tao ay madalas na malulugmok sa emosyon ng depresyon dahil sobra nilang iniintindi ang kanilang sariling kapalaran at namumuhay sila batay sa lagay ng kanilang loob. Kung masama ang gising nila sa umaga, iniisip nila, “Naku! Sigurado akong hindi ako magiging suwerte ngayong araw. Ilang araw nang pumipintig ang talukap ng kaliwa kong mata, ang aking dila ay parang naninigas, at ang aking utak ay mabagal. Nakagat ko ang dila ko habang kumakain, at hindi maganda ang panaginip ko kagabi.” O iniisip nila, “Ang mga unang salita na narinig ko na sinabi ng isang tao ngayong araw ay tila isang masamang pangitain.” Palagi silang praning, walang tigil na nagsasalita tungkol sa kung anu-ano, at sinisiyasat nila nang husto ang mga bagay-bagay. Lubos silang nag-aalala sa kanilang sariling kapalaran, direksyon, at lagay ng loob araw-araw at sa bawat yugto. Inoobserbahan din nila ang pagtingin, ugali, at maging ang tono ng boses sa kanila ng lahat ng kanilang kapatid sa iglesia. Ang kanilang puso ay abala sa mga bagay na ito, na nagdudulot sa kanila na palaging malugmok sa depresyon. Alam nila na hindi maganda ang kalagayan nila, ngunit hindi sila nagdarasal sa Diyos, o naghahanap sa katotohanan upang malutas ito, at ano man ang mga tiwaling disposisyon na kanilang inihahayag, hindi nila binibigyang-pansin o sinerseryoso ang mga ito. Hindi ba’t ito ay isang problema? (Oo, ito ay isang problema.)
Ang mga taong ito na laging nag-aalala kung sila ay suwerte o malas—tama ba ang paraan ng kanilang pagtingin sa mga bagay? Mayroon bang suwerte o malas? (Wala.) Ano ang batayan para sabihin na hindi umiiral ang mga ito? (Ang mga tao na ating nakakasalamuha at ang mga bagay na nangyayari sa atin araw-araw ay itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Wala talagang suwerte o malas; lahat ng bagay ay nangyayari dahil sa pangangailangan at may kabuluhan sa likod nito.) Tama ba ito? (Oo, ito ay tama.) Ang pananaw na ito ay tama, at ito ang teoretikal na batayan para sabihing hindi umiiral ang suwerte. Anuman ang mangyari sa iyo, maging ito man ay maganda o masama, lahat ng ito ay normal lamang, tulad lang ng panahon sa apat na season—hindi pwedeng araw-araw ay maaraw. Hindi mo maaaring sabihing ang mga araw na masikat ang araw ay isinaayos ng Diyos, samantalang ang mga araw na maulap, ang ulan, hangin, at mga bagyo ay hindi. Ang lahat ay itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at ito ay nagmumula sa natural na kalikasan. Ang natural na kalikasan na ito ay umuusbong ayon sa mga batas at tuntunin na isinaayos at itinakda ng Diyos. Lahat ng ito ay kinakailangan at mahalaga, kaya anuman ang lagay ng panahon, ito ay nagmula sa mga batas ng kalikasan at idinulot ng mga ito. Walang maganda o masama rito—ang mga damdamin lang ng mga tao tungkol dito ang maganda o masama. Hindi maganda ang pakiramdam ng mga tao kapag umuulan, mahangin, o maulap, o kapag umuulan ng yelo. Lalong ayaw ng mga tao kapag maulan at basa ang paligid, sumasakit ang mga kasu-kasuan nila at nanghihina sila. Maaaring hindi mo gusto ang mga araw na maulan, pero masasabi mo bang malas ang mga araw na maulan? Ito ay pakiramdam lamang na idinudulot ng panahon sa mga tao—walang kinalaman ang suwerte sa katunayan na umuulan sa araw na iyon. Maaaring sabihin mo na mainam kapag maaraw. Kung maaraw sa loob ng tatlong buwan, nang walang kahit isang patak ng ulan, maganda ang pakiramdam ng mga tao. Araw-araw nilang nakikita ang araw, at tuyo ang paligid at hindi maginaw at paminsan-minsan ay humahangin, at nakakalabas sila ng bahay kailanman nila gustuhin. Pero hindi ito nakakayanan ng mga halaman, at ang mga pananim ay namamatay dahil sa tagtuyot, kaya’t walang ani sa taon na iyon. Kaya, talaga bang maganda ito dahil lang sa pakiramdam mong maganda ito? Kapag dumating ang taglagas, at wala kang makain, sasabihin mo, “Naku po, hindi rin maganda na masyadong mahaba ang tag-araw. Kung hindi uulan, magdurusa ang mga pananim, walang maaaning pagkain, at magugutom ang mga tao.” Sa puntong ito, mapagtatanto mo na hindi rin maganda ang walang katapusang tag-araw. Ang totoo, ang pagkagusto o hindi ng isang tao sa isang bagay ay batay sa kanyang sariling mga motibo, ninanasa, at interes, sa halip na sa diwa ng bagay na iyon mismo. Kaya naman, ang batayan ng mga tao sa pagsukat kung ang isang bagay ay maganda ba o masama ay hindi tumpak. Dahil ang batayan ay hindi tumpak, ang pangwakas na mga konklusyon na kanilang nabubuo ay hindi rin tumpak. Bumalik tayo sa paksa ng suwerte o malas, ngayon ay alam na ng lahat na ang kasabihang ito tungkol sa suwerte ay walang saysay, at na ito ay hindi maganda at hindi rin masama. Ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap mo, maging ang mga ito man ay maganda o masama, ay pawang itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, kaya dapat harapin mo nang wasto ang mga ito. Tanggapin mo ang magandang bagay mula sa Diyos, at tanggapin mo rin ang masamang bagay mula sa Diyos. Huwag mong sabihing suwerte ka kapag mabubuting bagay ang nangyayari, at na malas ka kapag masasamang bagay ang nangyayari. Masasabi lamang na mayroong mga aral na dapat matutunan ang mga tao sa lahat ng bagay na ito, at hindi nila ito dapat tanggihan o iwasan. Pasalamatan ang Diyos para sa mabubuting bagay, ngunit pasalamatan din ang Diyos para sa masasamang bagay, sapagkat ang lahat ng ito ay isinaayos Niya. Ang mabubuting tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran ay nagbibigay ng mga aral na dapat matutunan nila, ngunit may mas higit pa na matututunan sa masasamang tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran. Lahat ng ito ay mga karanasan at senaryo na dapat maging bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi dapat gamitin ng mga tao ang ideya ng suwerte para sukatin ang mga ito. Kaya, ano ang mga iniisip at pananaw ng mga taong gumagamit ng suwerte para sukatin kung ang mga bagay ay mabuti ba o masama? Ano ang diwa ng gayong mga tao? Bakit masyado nilang binibigyang-pansin ang suwerte at malas? Ang mga tao bang masyadong nakatuon sa suwerte ay umaasa na suwerte sila, o umaasa ba silang malas sila? (Umaasa silang suwerte sila.) Tama iyan. Sa katunayan, hinahangad nila ang suwerte at na mangyari sa kanila ang mabubuting bagay, at sinasamantala lang nila ang mga ito at pinakikinabangan ang mga ito. Wala silang pakialam kung gaano man magdusa ang iba, o kung gaano karaming paghihirap o suliranin ang kailangang tiisin ng iba. Ayaw nilang mangyari sa kanila ang anumang bagay na sa tingin nila ay malas. Sa madaling salita, ayaw nilang mangyari sa kanila ang anumang masama: walang mga dagok, pagkabigo o pagkapahiya, walang pagpupungos, walang kawalan, pagkatalo, o pagkalinlang. Kapag nangyari ang anuman sa mga iyon, iniisip nilang malas ito. Sinuman ang nagsaayos nito, kung mangyari ang masasamang bagay, malas ito. Umaasa sila na ang lahat ng mabubuting bagay—ang maitaas ang ranggo, mamukod-tangi, at ang masamantala ang iba, ang makinabang mula sa ibang bagay, kumita nang malaki, o maging opisyal na mataas ang ranggo—ay mangyayari sa kanila, at iniisip nila na suwerte iyon. Palagi nilang sinusukat batay sa suwerte ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakahaharap nila. Hinahangad nila ang suwerte, hindi ang malas. Sa sandaling magkaroon ng aberya sa kaliit-liitang bagay, sila ay nagagalit, nayayamot, at hindi nasisiyahan. Sa mas prangkang pananalita, makasarili ang ganitong uri ng mga tao. Hinahangad nilang masamantala ang iba, makinabang, manguna, at mamukod-tangi. Masisiyahan sila kung sa kanila lang mangyayari ang lahat ng mabubuting bagay. Ito ang kanilang kalikasang diwa; ito ang tunay nilang mukha.
Lahat ay kailangang dumaan sa maraming dagok at kabiguan sa buhay. Sino ang may buhay na puno ng kasiyahan lamang? Sino ang hindi kailanman nakararanas ng anumang kabiguan o dagok? Kapag minsan ay hindi umaayon sa mga plano mo ang mga bagay-bagay, o nahaharap ka sa mga dagok at kabiguan, ito ay hindi kamalasan, ito ang dapat mong maranasan. Parang pagkain ito—kailangan mong pare-parehong kainin ang maasim, ang matamis, ang mapait, at ang maanghang. Hindi kayang mabuhay ng mga tao nang walang asin at kinakailangan nilang kumain ng kaunting maalat na pagkain, ngunit kung sosobrahan mo ang asin, ito ay makakasama sa iyong bato. May panahon na kailangan mong kumain ng ilang maasim na pagkain, ngunit hindi maganda sa iyong ngipin o tiyan kung masosobrahan ka sa pagkain nito. Lahat ay dapat kinakain nang hinay-hinay lang. Kumakain ka ng maaasim, maaalat, at matatamis na pagkain, at kailangan mo ring kumain ng mapapait na pagkain. Ang mapapait na pagkain ay maganda para sa ilang internal organ, kaya dapat kang kumain nito nang kaunti. Ganito rin ang buhay ng tao. Ang karamihan sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong kakaharapin sa bawat yugto ng iyong buhay ay hindi mo magugustuhan. Bakit ganito? Ito ay dahil ang mga tao ay naghahangad ng iba’t ibang bagay. Kung hinahangad mo ang kasikatan at kaalwanan, katayuan at kayamanan, ang maging higit sa iba at makamit ang malaking tagumpay, at iba pa, halos lahat ng bagay ay hindi mo magugustuhan. Gaya lamang ng sinasabi ng mga tao: “Kamalasan at kapahamakan ang lahat ng ito.” Gayunpaman, kung bibitiwan mo ang ideya ng kung gaano ka kasuwerte o kamalas, at tatratuhin mo ang mga bagay na ito nang kalmado at tama, makikita mong karamihan sa mga bagay ay hindi naman gaanong hindi paborable o mahirap harapin. Kapag tinalikuran mo ang iyong mga ambisyon at ninanasa, kapag hindi mo na tinutulan o iniwasan ang anumang kapahamakan na iyong nararanasan, at hindi mo na sinukat ang gayong mga bagay batay sa kung gaano ka kasuwerte o kamalas, marami sa mga bagay na dati mong itinuturing na kapahamakan at masama, ay iisipin mo na ngayon na mabuti—ang masasamang bagay ay magiging mabubuti. Ang iyong mentalidad at kung paano mo tingnan ang mga bagay-bagay ay magbabago, na magbibigay-daan sa iyo na magbago ng damdamin tungkol sa iyong mga karanasan sa buhay, at kasabay nito ay magkakamit ka ng iba’t ibang gantimpala. Ito ay isang kakaibang karanasan, isang bagay na magdadala sa iyo ng mga di-inaasahang gantimpala. Ito ay isang mabuting bagay, hindi masama. Halimbawa, ang ilang indibidwal ay palaging napapahalagahan, palaging naitataas ang ranggo, palagi silang nakatatanggap ng papuri at pampalakas ng loob, madalas silang sinasang-ayunan ng kanilang mga kapatid, at lahat ay naiinggit sa kanila. Ito ba ay isang mabuting bagay? Karamihan sa mga tao ay iniisip na ang mga bagay na ito ay nangyayari dahil suwerte ang mga indibidwal na iyon. Sinasabi nila: “Tingnan ninyo, may mahusay na kakayahan ang taong iyon, isinilang siya na suwerte at maganda ang takbo ng buhay niya—nakukuha niya ang magagandang oportunidad at naitataas ang ranggo niya. Talagang suwerte siya!” Sila ay labis na naiinggit. Gayunpaman, sa bandang huli, ang indibidwal na iyon ay matatanggal sa loob ng ilang taon at magiging isang ordinaryong mananampalataya. Iiyakan niya ito at susubukan niyang magbigti, at sa loob lang ng ilang araw ay papaalisin na siya. Ito ba ay suwerte? Kung titingnan mo ito sa ganoong paraan, napakamalas niya. Ngunit ito ba talaga ay kamalasan? (Hindi.) Sa katunayan, hindi ito dahil sa malas siya, ito ay dahil hindi niya tinahak ang tamang landas. Dahil hindi niya tinahak ang tamang landas, nang mangyari sa kanya ang mga bagay na itinuturing ng mga tao bilang “suwerte,” naging tukso at bitag ang mga ito na nagpapabilis sa kanyang pagkawasak. Ito ba ay isang mabuting bagay? Palagi siyang nag-aasam na maitaas ang ranggo niya, na mamukod-tangi siya, na maging sentro siya ng atensyon, at na maging maayos ang takbo ng lahat at naaayon sa kanyang kagustuhan, ngunit ano ang nangyari sa huli? Hindi ba’t siya ay itiniwalag? Ito ang resulta kapag ang mga tao ay hindi tumatahak sa tamang landas. Ang paghahangad sa suwerte ay hindi ang tamang landas. Ang mga taong naghahangad ng suwerte ay tiyak na tatanggi at iiwas sa lahat ng hindi magagandang bagay, lahat ng bagay na karaniwang itinuturing ng mga tao na hindi kanais-nais, mga bagay na hindi umaayon sa lagay ng loob at mga interes ng laman ng mga tao. Kinatatakutan, iniiwasan, at tinatanggihan nilang mangyari ang mga bagay na ito. Kapag nangyayari ang mga ito, inilalarawan nila ang mga ito na “malas.” Kaya ba nilang hanapin ang katotohanan kapag sa tingin nila ay malas sila? (Hindi.) Sa palagay ninyo, ang mga tao bang hindi kayang hanapin ang katotohanan at palaging iniisip na sila ay malas ay makakapaglakad sa tamang landas? (Hindi.) Tiyak na hindi. Kaya nga, ang mga taong palaging naghahangad ng suwerte, na palaging tumutuon at nag-iisip sa kanilang suwerte, ay mga taong hindi tumatahak sa tamang landas. Ang gayong mga tao ay hindi binibigyang-pansin ang kanilang nauukol na mga tungkulin, at hindi sila tumatahak sa tamang landas, kaya patuloy silang nalulugmok sa depresyon. Kasalanan nila ito, at nararapat sa kanila ito! Ito ay dahil sa kanilang pagtahak sa maling landas! Nararapat silang malugmok sa depresyon. Madali bang makaahon sa depresyon na ito? Sa katunayan, madali lamang ito. Iwanan mo lang ang iyong mga baluktot na pananaw, huwag mong asahan na palaging magiging maganda ang takbo ng lahat, o aayon sa mismong gusto mo, o magiging magaan. Huwag mong katakutan, kalabanin, o tanggihan ang mga bagay na hindi nagiging maayos. Sa halip, bitiwan mo ang iyong pagsalungat, maging kalmado ka, at lumapit ka sa Diyos nang may saloobin ng pagpapasakop, at tanggapin mo ang lahat ng isinasaayos ng Diyos. Huwag mong hangarin ang diumano’y “suwerte” at huwag mong tanggihan ang diumano’y “malas.” Ibigay mo ang iyong puso at buong pagkatao sa Diyos, hayaan mong Siya ang kumilos at mangasiwa, at magpasakop ka sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos. Ibibigay sa iyo ng Diyos ang kailangan mo sa tamang sukat kapag kailangan mo na ito. Isasaayos Niya ang mga kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay na kinakailangan mo, ayon sa iyong mga pangangailangan at kakulangan, upang matuto ka ng mga aral na dapat mong matutunan mula sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong pagdaraanan. Siyempre, ang pangunahing kondisyon para sa lahat ng ito ay dapat may mentalidad ka ng pagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kaya huwag mong hangarin ang pagiging perpekto; huwag mong tanggihan o katakutan ang mga pangyayaring hindi kanais-nais, nakakahiya, o hindi paborable; at huwag mong gamitin ang iyong depresyon upang labanan ng iyong kalooban ang hindi magagandang bagay na nangyayari. Halimbawa, kung ang isang mang-aawit ay masakit ang lalamunan isang araw at hindi maganda ang kanyang pagkanta, iniisip niya, “Napakamalas ko naman! Bakit hindi inaalagaan ng Diyos ang boses ko? Karaniwan naman na magaling akong kumanta kapag mag-isa lang ako, pero ngayon ay ipinahiya ko ang sarili ko sa harap ng lahat. Hindi ko makuha ang tamang tono, at hindi ko makuha ang tamang tempo. Nagmukha akong hangal!” Ang pagmukhaing hangal ang sarili mo ay isang mabuting bagay. Tinutulungan ka nitong makita ang sarili mong mga kakulangan at ang pagmamahal mo sa banidad. Ipinapakita nito kung saan naroon ang iyong mga problema at ipinauunawa nito sa iyo nang malinaw na ikaw ay hindi perpektong tao. Walang perpektong tao at normal lang na pagmukhaing hangal ang sarili mo. Lahat ng tao ay nagdaranas ng mga pagkakataon kung kailan pinagmumukha nilang hangal ang kanilang sarili o napapahiya sila. Lahat ng tao ay nabibigo, nagdaranas ng mga problema, at may mga kahinaan. Ang pagmukhaing hangal ang iyong sarili ay hindi masama. Kapag pinagmumukha mong hangal ang sarili mo pero hindi ka nahihiya, at sa loob-loob mo ay hindi ka nalulugmok sa depresyon, hindi ibig sabihin niyon na makapal ang mukha mo; ang ibig sabihin nito ay wala ka nang pakialam kung ang pagpapamukha mong hangal sa sarili mo ay makakaapekto sa iyong reputasyon at nangangahulugan na wala na sa isip mo ang iyong banidad. Nangangahulugan ito na lumago na ang iyong pagkatao. Napakaganda nito! Hindi ba’t mabuting bagay ito? Mabuting bagay ito. Huwag mong isipin na nakapagsagawa ka nang maayos o na malas ka, at huwag mong hanapin ang mga obhetibong sanhi sa likod nito. Normal ito. Maaari kang magmukhang hangal, maaaring magmukhang hangal ang iba, lahat ay maaaring magmukhang hangal—kalaunan ay matutuklasan mong pare-pareho lang ang lahat ng tao, ang lahat ay ordinaryo lang, lahat ng tao ay mortal, at walang sinuman ang nakahihigit sa iba, at walang sinuman ang mas magaling kaysa sa iba. Lahat ay maaaring magmukhang hangal paminsan-minsan, kaya walang sinuman ang pwedeng manghamak ng iba. Kapag naranasan mo na ang maraming kabiguan, unti-unti nang lalago ang iyong pagkatao; kaya sa tuwing mararanasan mong muli ang mga bagay na ito, hindi ka na mapipigilan pa, at ang mga ito ay hindi magkakaroon ng epekto sa normal na pagganap mo sa iyong tungkulin. Ang iyong pagkatao ay magiging normal, at kapag ang iyong pagkatao ay normal, ang iyong katwiran ay magiging normal din.
Ang mga taong ito na nasisiyahan sa paghahangad sa suwerte ay mga taong naghahangad ng magandang kapalaran sa buhay na ito, mga taong sinasagad ang mga bagay-bagay. Ang mga bagay na hinahangad ng mga taong ito ay mali at dapat nilang bitiwan ito. Nagbahaginan tayo ngayon-ngayon lang kung paano pangasiwaan at harapin nang tama ang mga hindi kanais-nais na bagay na ito—nauunawaan na ba ninyo ito ngayon? Paano tayo nagbahaginan tungkol dito? (Dapat magpasakop ang mga tao sa lahat ng pangangasiwa ng Diyos. Hindi nila dapat hangarin na maging perpektong tao, o katakutan ang anumang nakakahiya o hindi kanais-nais na pangyayari, at hindi dapat gamitin ng mga tao ang kanilang emosyon ng depresyon para tutulan ang mga bagay na ito kapag nangyari na ang mga ito.) Pakalmahin mo ang iyong isipan at harapin ang lahat ng ito nang may tamang pananaw. Kapag nangyayari sa iyo ang masasamang bagay, kailangang mayroon kang tamang landas para harapin at lutasin ang mga ito, at kahit na hindi mo maayos na mapangasiwaan ang mga ito, hindi ka pa rin dapat malugmok sa depresyon. Kung ikaw ay mabigo, maaari kang sumubok muli; sa pinakamalalang senaryo, ang pagkabigo ay isang aral, at kahit na ikaw ay mabigo, mas mainam pa rin ito kaysa sa tutulan, labanan, tanggihan, at takasan ang mga ito. Kaya, anuman ang mangyari o anuman ang iyong kailangang harapin sa hinaharap, kailanman ay hindi mo ito dapat tanggihan o subukang takasan, lalong hindi mo ito dapat sukatin batay sa iyong pananaw sa kung ikaw ba ay suwerte o malas. Dahil kinukumpirma mo na ang lahat ay pinangangasiwaan ng kamay ng Diyos, hindi mo dapat sukatin ang lahat ng bagay na ito nang batay sa pananaw at pag-iisip na ikaw ay suwerte o malas, lalong hindi mo dapat tanggihan ang masasamang bagay na nangyayari. Siyempre, hindi mo rin dapat harapin ang mga bagay na ito nang may emosyon ng depresyon. Sa halip, dapat kang magkaroon ng saloobin na maging maagap at ng positibong lagay ng loob upang harapin at pangasiwaan ang mga bagay na ito, at alamin kung anong mga aral ang dapat mong matutunan at anong pagkaunawa ang dapat mong makuha mula sa mga ito—ito ang dapat mong gawin. Hindi ba’t magiging tama ang iyong mga kaisipan at pananaw kung magkagayon? (Magiging tama nga.) At kapag muli kang naharap sa ilang masama o hindi kanais-nais na pangyayari, mahaharap mo ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos, magkakaroon ka ng tamang mga kaisipan at pananaw, at sa ganitong paraan, ang iyong pagkatao at katwiran ay magiging normal. Kapag tiningnan mo ito nang ganito, hindi ba’t napakahalaga na magkaroon ng tamang pananaw? Hindi ba’t napakahalaga na malinaw na maunawaan ang usapin ng kapalaran ayon sa mga salita ng Diyos? (Napakahalaga nga.) Ngayong malapit na tayong matapos sa pagbabahaginan tungkol sa kasabihan na may suwerte at kamalasan, nauunawaan na ba ninyo ngayon? (Oo.) Kung malinaw ninyong nauunawaan ang diwa ng ganitong uri ng problema, magkakaroon kayo ng tamang pananaw sa usapin ng kapalaran.
May isa pang sanhi kung bakit nalulugmok ang mga tao sa emosyon ng depresyon, at ito ay na may ilang partikular na bagay na nangyayari sa mga tao kapag wala pa sila sa hustong gulang o pagkatapos nilang tumuntong sa hustong gulang, ibig sabihin, gumagawa sila ng mga paglabag o ng mga bagay na walang kabuluhan, mga bagay na pawang kahangalan, at mga bagay na pawang kamangmangan. Nalulugmok sila sa depresyon dahil sa mga paglabag na ito, dahil sa mga bagay na kanilang ginawa na pawang walang kabuluhan at mangmang. Ang ganitong uri ng depresyon ay isang pagkondena sa sarili, at ito rin ay isang uri ng pagtukoy sa kung anong uri sila ng tao. Ang ganitong uri ng paglabag ay tiyak na hindi lamang pagmumura sa isang tao o paninira nang kaunti sa isang tao nang hindi nalalaman ng taong iyon, o kaya ay isang maliit na bagay na gaya niyon, sa halip, ito ay isang bagay na may kinalaman sa kahihiyan, sa personalidad at dangal ng isang tao, at maging sa batas. Habang patuloy nilang iniisip ang pangyayari, ang emosyon ng depresyon ay unti-unting nabubuo sa kaibuturan ng kanilang puso, hanggang sa kasalukuyan. Ano nga ba ang mga paglabag na ito? Gaya ng kasasabi Ko lang, ang mga bagay na ito ay pawang mangmang, walang kabuluhan, at hangal, na ginawa ng mga tao noong sila ay bata pa o nang sila ay matanda na. Alam ba ninyo kung ano ang kasama sa mga bagay na ito? Ang walang kabuluhan, hangal, at mangmang—kasama rito ang mga bagay na nakakasama sa iba ngunit nakakabuti sa iyo, mga bagay na mahirap pag-usapan, at mga bagay na ikinahihiya mo. Maaaring ito ay isang bagay na marumi, kasuklam-suklam, bastos, o hindi disente, na nagiging dahilan upang malugmok ka sa emosyon na ito ng depresyon. Ang depresyon na ito ay hindi lamang isang simpleng uri ng paninisi sa sarili kundi isang pagkondena sa sarili. May naiisip ba kayo na maaaring kasama sa saklaw na itinakda Ko? Magbigay kayo ng halimbawa. (Kalandian.) Kasama rito ang kalandian, oo. Halimbawa, may mga tao na nagtaksil sa kanilang asawa sa isip o sa gawa; may mga taong nakiapid at nakipagtalik sa iba, ngunit hindi pa rin nila ito itinitigil at palagi nilang iniisip kung sino ang nais nilang makaapid; may mga taong nanloko ng iba para sa pera, marahil ay malalaking halaga pa nga ng pera; may mga taong nagnakaw ng mga bagay na pag-aari ng iba; at may mga taong idiniin o pinaghigantihan ang iba. Ang ilan sa mga bagay na ito ay malapit na sa paglabag sa batas, habang ang iba ay talagang paglabag na sa batas; ang ilan ay maaaring malapit na sa mga hangganan ng moralidad, habang ang iba ay talagang laban sa etika ng normal na pagkatao. Ang mga bagay na ito ay malalim na nakabaon sa mga alaala sa kaibuturan ng puso ng mga tao, at paminsan-minsan nilang naiisip ang mga ito. Kapag ikaw ay mag-isa, kapag hindi ka makatulog sa kalaliman ng gabi, hindi mo maiwasang isipin ang mga bagay na ito. Napapanood mo ang kada eksena ng mga ito sa iyong isipan nang tulad sa isang pelikula, at hindi mo ito mabura o maalis. Sa tuwing naiisip mo ang mga bagay na ito, nalulugmok ka sa depresyon, nag-iinit ang iyong mukha, kumakabog ang iyong dibdib, nahihiya ka, at ang iyong espiritu ay napupuno ng pagkabagabag. Bagamat nananalig ka sa Diyos, pakiramdam mo ay kahapon lang nangyari ang mga bagay na ginawa mo. Hindi mo matakbuhan ang mga ito, hindi mo matakasan ang mga ito, at hindi mo alam kung paano tatalikdan ang mga ito. Kahit na iilan lang ang nakakaalam ng ginawa mo, o marahil ay wala ngang nakakaalam, nakakaramdam ka pa rin ng kaunting pagkabagabag sa iyong puso. Mula sa pagkabagabag na ito ay nabubuo ang depresyon, at ipinararamdam sa iyo ng depresyon na ito na ikaw ay may sala habang sumusunod ka sa Diyos at ginagampanan ang iyong tungkulin. Hindi mo tiyak na masabi kung ang damdamin na ito ng pagkakasala ay nagmumula man sa iyong sariling konsensiya, sa batas, o sa iyong pang-unawa sa moralidad at etika. Anu’t anuman, ang mga taong gumawa ng mga bagay na ito ay madalas na nababagabag nang hindi sinasadya, kapag may partikular na bagay na nangyayari, o sa ilang partikular na kapaligiran at konteksto. Dahil sa pagkabagabag na ito, hindi nila namamalayan na nalulugmok na sila nang husto sa depresyon, at sila ay naigagapos at napipigilan na ng kanilang depresyon. Tuwing sila ay nakikinig sa isang sermon o sa isang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, unti-unting pumapasok ang depresyon na ito sa kanilang isipan at sa kaibuturan ng kanilang puso, at nag-iisip sila nang husto, tinatanong ang kanilang sarili, “Kaya ko bang gawin ito? Kaya ko bang hangarin ang katotohanan? Kaya ko bang makamit ang kaligtasan? Anong uri ako ng tao? Nagawa ko ang bagay na iyon dati, dati akong ganoong uri ng tao. Wala na ba akong pag-asang mailigtas? Ililigtas pa ba ako ng Diyos?” Ang ilang tao ay nagagawa minsan na bitiwan at talikdan ang kanilang emosyon na depresyon. Ibinubuhos nila ang kanilang sinseridad at ang lahat ng kanilang enerhiya at ginagamit ang mga ito sa pagganap ng kanilang tungkulin, mga obligasyon, at responsabilidad, at nagagawa pa nga nilang buong puso at isip na hangarin ang katotohanan at pagbulay-bulayan ang mga salita ng Diyos, at pinagsusumikapan nila nang husto ang mga salita ng Diyos. Gayunpaman, sa sandaling may maganap na espesyal na sitwasyon o pangyayari, muli silang nalulugmok sa depresyon, at nararamdaman nilang muli sa kaibuturan ng kanilang puso na sila ay may sala. Iniisip nila, “Ginawa mo ang bagay na iyon dati, at ganoon kang uri ng tao noon. Makapagkakamit ka ba ng kaligtasan? May saysay pa ba ang pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang tingin ng Diyos sa nagawa mo? Patatawarin ka ba ng Diyos sa nagawa mo? Mapapatawad ba ang paglabag na iyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga sa ganitong paraan?” Madalas nilang pinupuna ang kanilang sarili at sa loob-loob nila ay nadarama nila na may sala sila, at palagi silang nagdududa, palaging ginigisa sa pagtatanong ang kanilang sarili. Hindi nila kailanman matalikdan o maiwaksi ang emosyong ito ng depresyon at palagi silang nababagabag sa nakakahiyang bagay na kanilang nagawa. Kaya, bagamat maraming taon na silang nananalig sa Diyos, tila ba hindi nila napakinggan o naunawaan ang anumang sinabi ng Diyos. Para bang hindi nila alam kung ang pagkakamit ng kaligtasan ay may kinalaman sa kanila, kung maaari ba silang mapatawad at matubos, o kung sila ba ay kwalipikado na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang Kanyang pagliligtas. Wala silang kaalam-alam tungkol sa lahat ng bagay na ito. Dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang mga kasagutan, at dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang tumpak na hatol, sa kaibuturan nila ay palagi silang nalulugmok sa depresyon. Sa kaibuturan ng kanilang puso, paulit-ulit nilang naaalala ang kanilang ginawa, paulit-ulit nila itong iniisip, inaalala nila kung paano ito nagsimula at kung paano ito nagwakas, inaalala nila ang lahat mula simula hanggang wakas. Paano man nila ito maalala, palagi nilang nadarama na makasalanan sila, kaya palagi silang nalulugmok sa depresyon tungkol sa bagay na ito sa loob ng maraming taon. Kahit na kapag sila ay gumaganap sa kanilang tungkulin, kahit na kapag sila ay namumuno sa isang partikular na gawain, pakiramdam pa rin nila na wala silang pag-asa na mailigtas. Samakatuwid, hindi nila kailanman direktang hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan at itinuturing ito bilang isang bagay na pinakatama at pinakamahalaga. Naniniwala sila na ang kanilang mga pagkakamali o ang mga bagay na kanilang nagawa sa nakaraan ay hindi maganda sa paningin ng karamihan, o na maaaring sila ay makondena at kasuklaman ng mga tao, o na makondena pa nga ng Diyos. Nasa anong yugto man ang gawain ng Diyos o gaano man karami ang Kanyang sinabi, hindi nila kailanman hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan sa tamang paraan. Bakit ganito? Wala silang lakas ng loob na talikdan ang kanilang depresyon. Ito ang panghuling konklusyon ng ganitong uri ng tao mula sa kanyang karanasan sa ganitong uri ng bagay, at dahil hindi tama ang kanyang konklusyon, hindi niya kayang talikdan ang kanyang depresyon.
Hindi maiiwasan na maraming tao ang makagawa ng kung anong paglabag, maliit man o malaki, ngunit malamang na iilan-ilan lamang ang nakagawa ng malulubhang paglabag, ang uri ng paglabag na imoral. Hindi natin pag-uusapan dito ang mga nakagawa ng iba’t ibang uri ng mga iba pang paglabag, pag-uusapan lang natin kung ano ang dapat gawin ng mga taong nakagawa ng malulubhang paglabag, at ng mga taong nakagawa ng uri ng paglabag na imoral at hindi etikal. Tungkol naman sa mga taong gumawa ng malulubhang paglabag—at dito ay tinutukoy Ko ang mga paglabag na imoral—hindi kabilang dito ang paglabag sa disposisyon ng Diyos at paglabag sa Kanyang mga atas administratibo. Nauunawaan ba ninyo? Hindi Ko tinutukoy ang mga paglabag sa disposisyon ng Diyos, sa Kanyang diwa, o sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan, at hindi Ko rin tinutukoy ang mga paglabag na lumalapastangan sa Diyos. Ang Aking tinutukoy ay ang mga imoral na paglabag. Kailangan ding matalakay kung paano malulutas ng mga taong nakagawa ng mga ganitong paglabag ang kanilang emosyon ng depresyon. Ang gayong mga tao ay may dalawang landas na maaaring tahakin, at ito ay isang simpleng bagay. Una, kung sa iyong puso ay nadarama mong kaya mong kalimutan ang bagay na iyong ginawa, o kung may pagkakataon kang humingi ng tawad at bumawi sa taong nagawan mo ng kasalanan, maaari kang bumawi sa kanya at humingi ng tawad, at ang pagkaramdam ng kapayapaan at kaginhawahan ay babalik sa iyong espiritu; kung wala kang pagkakataon na gawin ito, kung hindi ito posible, kung tunay mong nauunawaan ang iyong sariling problema sa kaibuturan ng iyong puso, kung napagtatanto mo kung gaano kalubha ang bagay na iyong ginawa, at tunay kang nagsisisi, kailangan mong lumapit sa Diyos upang magtapat at magsisi. Tuwing iyong naiisip ang bagay na iyong nagawa at nadarama mong ikaw ay nagkasala, ito mismo ang panahong kailangan mong lumapit sa Diyos upang magtapat at magsisi, at dapat mong ialay ang iyong sinseridad at tunay na mga damdamin upang matanggap mo ang pagpapawalang-sala at kapatawaran ng Diyos. At paano ka mapapawalang-sala at mapapatawad ng Diyos? Ito ay nakasalalay sa iyong puso. Kung tunay kang magtatapat, kung tunay mong kikilalanin ang iyong pagkakamali at problema, at kung ikaw man ay nakagawa ng isang paglabag o ng isang pagkakasala ay magkakaroon ka ng saloobin na tunay na magtapat, tunay kang makakaramdam ng pagkapoot sa iyong nagawa, at tunay kang magbabago, upang hindi mo na ulit magawa ang maling bagay na iyon, kung magkakagayon ay isang araw, matatanggap mo ang pagpapatawad ng Diyos, ibig sabihin, ang iyong magiging wakas ay hindi na ibabatay ng Diyos sa mga mangmang, hangal, at maruruming bagay na iyong nagawa noon. Kapag nasa ganitong antas ka na, ganap na kalilimutan ng Diyos ang bagay na iyon; ikaw ay magiging katulad na lang ng ibang normal na tao, nang walang anumang pagkakaiba. Gayunpaman, bago ito mangyari ay kailangan mo munang maging sinsero at magkaroon ng tunay na saloobin ng pagsisisi, gaya ni David. Gaano karaming luha ang itinangis ni David para sa nagawa niyang paglabag? Hindi mabibilang ang kanyang iniluha. Ilang beses siyang umiyak? Nakaparaming beses. Maaaring ilarawan ang mga iniluha niya gamit ang mga salitang ito: “Gabi-gabing lumulubog sa aking mga luha ang higaan ko.” Hindi Ko alam kung gaano kalubha ang iyong paglabag. Kung ito ay labis na malubha, maaaring kailangan mong umiyak hanggang ang higaan mo ay lumutang sa iyong mga luha—maaaring kailangan mong magtapat at magsisi sa ganoong antas bago mo matanggap ang pagpapatawad ng Diyos. Kung hindi mo ito gagawin, nangangamba Ako na ang iyong paglabag ay magiging isang kasalanan sa mga mata ng Diyos, at hindi ka mapapawalang-sala rito. Pagkatapos ay magkakaproblema ka at mawawalan na ng saysay na talakayin pa ito. Kaya naman, ang unang hakbang para matanggap ang pagpapawalang-sala at pagpapatawad ng Diyos ay dapat kang maging sinsero at kumilos nang praktikal upang tunay na magtapat at magsisi. May mga taong nagtatanong: “Kailangan ko bang ipagsabi ito sa lahat?” Hindi na ito kinakailangan; magdasal ka na lamang sa Diyos nang mag-isa. Sa tuwing nababalisa ka at nararamdaman mong may pagkakasala ka sa iyong puso, dapat kaagad kang lumapit sa Diyos upang magdasal at tumanggap ng Kanyang pagpapatawad. May mga nagtatanong din: “Gaano karaming dasal ang kailangan kong gawin bago ko malaman na pinatawad na ako ng Diyos?” Kapag hindi mo na nararamdaman na may kasalanan ka sa bagay na ito, kapag hindi ka na nalulugmok sa depresyon dahil dito, iyon na ang panahon na nakapagkamit ka na ng mga resulta, at ipapakita nito na pinawalang-sala ka na ng Diyos. Kapag walang sinuman, walang kapangyarihan, at walang panlabas na puwersa ang makakaistorbo sa iyo, at kapag hindi ka napipigilan ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay, iyon na ang panahon na nakapagkamit ka na ng mga resulta. Ito ang unang hakbang na kailangan mong tahakin. Ang pangalawang hakbang ay ang habang palagi kang lumalapit sa Diyos para sa pagpapawalang-sala, dapat ay aktibo mong hinahanap ang mga prinsipyo na dapat mong sundin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin—ito lamang ang magpapahintulot sa iyo na mabuti mong magampanan ang iyong tungkulin. Siyempre, ito rin ay isang praktikal na pagkilos, isang praktikal na pagpapahayag at saloobin na nagiging pambawi sa iyong kasalanan, at na nagpapatunay na ikaw ay nagsisisi at nagbago na; ito ay isang bagay na dapat mong gawin. Gaano kaayos mo nga bang ginagampanan ang iyong tungkulin, ang gawain na ibinibigay sa iyo ng Diyos? Hinaharap mo ba ito nang may saloobin na lugmok sa depresyon, o gamit ang mga prinsipyong hinihingi sa iyo ng Diyos na sundin? Iniaalay mo ba ang iyong katapatan? Ano ang dapat maging batayan ng Diyos para pawalang-sala ka? Nagpakita ka ba ng anumang pagsisisi? Ano ang ipinapakita mo sa Diyos? Kung nais mong matanggap ang pagpapawalang-sala ng Diyos, kailangan mo munang maging tapat: Dapat kang magkaroon ng saloobin na taimtim na magtapat, at kailangan mo ring ialay ang iyong sinseridad at maayos na gampanan ang iyong tungkulin, kung hindi ay wala nang dapat pag-usapan pa. Kung magagawa mo ang dalawang bagay na ito, kung maaantig mo ang Diyos sa iyong sinseridad at tapat na pananampalataya, at mapapawalang-sala ka ng Diyos sa iyong mga kasalanan, magiging kagaya ka ng ibang tao. Titingnan ka ng Diyos sa paraang katulad ng pagtingin niya sa ibang tao, pakikitunguhan ka Niya sa paraang katulad ng pakikitungo Niya sa ibang tao, at hahatulan at kakastiguhin, susubukin at pipinuhin ka Niya sa paraang katulad ng ginagawa Niya sa ibang tao—hindi magiging iba ang magiging pagturing sa iyo. Sa ganitong paraan, hindi ka lamang magkakaroon ng determinasyon at pagnanais na hangarin ang katotohanan, kundi ikaw ay bibigyang-liwanag, gagabayan, at tutustusan din ng Diyos sa parehong paraan sa iyong paghahangad sa katotohanan. Siyempre, dahil ngayon ay mayroon ka nang sinsero at tunay na hangarin at isang taimtim na saloobin, hindi magiging iba ang pagtrato sa iyo ng Diyos sa kung paano Niya tinatrato ang iba at, tulad ng ibang tao, magkakaroon ka ng pagkakataon na mailigtas. Nauunawaan mo ito, tama? (Oo.) Ang paggawa ng malubhang paglabag ay isang espesyal na kaso. Hindi natin maaaring sabihing hindi ito nakakatakot; ito ay isang napakalubhang problema. Hindi ito katulad ng ordinaryong tiwaling disposisyon o ng isang tao na may mga maling kaisipan at pananaw. Ito ay isang bagay na aktuwal na nangyari, na naging totoo, at na nagdudulot ng malulubhang kahihinatnan. Ito ang dahilan kung bakit ito ay dapat harapin sa espesyal na paraan. Gayunpaman, ito man ay haharapin sa isang espesyal na paraan o sa isang normal na paraan, palaging may daan pasulong at isang paraan para malutas ito, at ito ay nakadepende sa kung makapagsasagawa ka nang alinsunod sa mga gawi at pamamaraan na sinasabi at itinuturo Ko sa iyo. Kung talagang magsasagawa ka sa ganitong paraan, ang iyong pag-asa na makamtan ang kaligtasan sa huli ay magiging kagaya ng sa ibang tao. Siyempre, ang paglutas sa lahat ng ito ay hindi lamang para makaalis na sa kanilang emosyon ng depresyon ang mga tao. Sa pamamagitan ng paglutas sa kanilang emosyon ng depresyon, ang pinakalayunin ay ang mapangasiwaan nila nang tama ang lahat ng bagay na ito na nasa saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao kapag sila ay nakakasalamuha ng mga tao, pangyayari, at bagay. Hindi sila dapat umabot sa sukdulan, at hindi dapat maging matigas ang kanilang ulo; dapat ay mas hanapin nila ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan, tuparin ang mga responsabilidad at tungkulin na dapat tuparin ng isang nilikha, hanggang sa huli ay kaya na nilang tingnan ang mga tao at bagay at umasal at kumilos nang ganap na alinsunod sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang kanilang pamantayan. Kapag ang mga tao ay nakapasok na sa ganitong realidad, unti-unti na nilang mapapasok ang landas ng kaligtasan, at sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng pag-asa na makamtan ang kaligtasan. Malinaw na ba sa iyo ngayon ang landas kung paano malulutas ang depresyon na nagmumula sa malulubhang paglabag? (Oo, malinaw na ito.)
Mahirap bang problema ang paglutas ng depresyon? Sa tingin Ko ay napakahirap nito, dahil kabilang dito ang mahahalagang usapin sa buhay, kabilang dito ang landas na tinatahak ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos, kung makakamtan ba nila ang kaligtasan sa hinaharap o kung mawawalan ba ng saysay ang kanilang pananampalataya—ito ay isang malaking isyu. Sa panlabas, ang makikita ay ang isang emosyon, ngunit ang totoo ay may mga dahilan sa paglitaw ng emosyong ito. Malinaw Akong nakipagbahaginan tungkol sa mga dahilan na ito ngayong araw, naglatag Ako ngayon ng isang daan pasulong upang malutas ang suliranin ng mga sanhi nito, kaya, hindi ba’t agad nang malulutas ngayon ang emosyon na depresyon? (Oo, maaari na itong malutas.) Sa teorya, naresolba na ito. Sa pamamagitan ng pagkaunawa sa doktrina, at pagkukumpara ng doktrinang ito sa mga nagawa mo noon, paggamit ng doktrinang ito bilang batayan upang unti-unting malutas ang iyong mga suliranin sa buhay, ang mga suliranin sa iyong pag-iisip, at patuloy na pagsunod sa landas na ito, maaari ka nang unti-unting tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ano ang iyong opinyon sa paraang ito ng paglutas sa suliranin? (Maganda ito.) Ganito dapat lutasin ng mga tao ang suliranin. Kung hindi nila ito gagawin, ang mga komplikadong suliraning nasa kanilang kalooban—ang mga suliranin sa kanilang pag-iisip, ang mga suliranin sa kanilang puso, ang mga isyu sa kanilang mentalidad, pati na ang kanilang mga tiwaling disposisyon—mahigpit silang maigagapos ng mga bagay na ito. Ganito sila nagagapos at nabibitag, palagi silang nagdurusa at pagod na pagod, hindi nila alam kung dapat ba silang tumawa o umiyak, at hindi sila kailanman makahanap ng paraan upang makaalpas. Kapag tapos ka nang makinig sa pagbabahaginan ngayong araw, maaari mo itong maingat na pag-isipan at maaari kang magkaroon ng doktrinal na pagkaunawa rito. Pagkatapos, sa pamamagitan ng iyong mga praktikal na karanasan at personal na karanasan sa iyong pang-araw-araw na buhay, maaari ka nang unti-unting makaalpas sa mga negatibong emosyon na ito at sa iba’t ibang kalagayan ng iyong mga tiwaling disposisyon. Kapag nakaalpas ka na sa mga ito, maliban sa tunay kang magiging libre at malaya, at maliban sa nakapasok ka na sa katotohanang realidad, ang pinakamahalaga, nauunawaan mo na ang katotohanan, nakamit mo na ang katotohanan, at maisasabuhay mo na ang katotohanang realidad. Sa gayon, magiging labis kang kapaki-pakinabang, at ikaw ay mamumuhay nang makabuluhan. Gusto niyo bang mamuhay nang ganoon? (Oo.) Karamihan sa mga tao ay nais na maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad, at ayaw nilang gugulin ang buong buhay nila sa mga negatibong emosyon ng laman, mahahalay na pagnanasa ng laman, mga makamundong kalakaran, at mga tiwaling disposisyon—ang ganoong buhay ay masyadong mahirap at nakakapagod. Magkakaroon ba ng magandang resulta ang iyong buhay kung ikaw ay mabubuhay sa mga tiwaling disposisyon at negatibong emosyon na ito? Ang mabuhay sa mga negatibong emosyon na ito ay ang mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Para itong pamumuhay sa isang gilingan ng karne—sa malao’t madali ay mawawasak ka, at mahihirapan kang makalabas. Gayunpaman, kung matatanggap mo ang katotohanan, mayroon kang pag-asa na matalikdan ang kalituhan at pasakit, at magagawa mong takasan ang pasakit na nagmumula sa pagkatali at pagkalito sa mga negatibong emosyon.
Ang una Ko sanang plano ay ang makipagbahaginan tungkol sa higit sa isang paksa ngayong araw, ngunit tumagal ang Aking pakikipagbahaginan tungkol sa depresyon. Maraming kailangang talakayin sa anumang usapin; walang malinaw na maipapaliwanag sa pamamagitan ng ilang salita lamang. Anuman ang Aking tatalakayin, hindi pwedeng ipapaliwanag Ko lang ang doktrina ng isang usapin at titigil na Ako roon. Ang anumang usapin ay naglalaman ng maraming aspekto ng katotohanan at realidad; kabilang dito ang mga iniisip at opinyon ng mga tao, ang mga gawi at pamamaraan ng kanilang pag-asal, ang landas na kanilang tinatahak, at ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa inyong pagkakamit ng kaligtasan. Hindi Ako maaaring maging pabaya kapag Ako ay nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan o sa isang paksa, at dahil dito, sinusubukan Ko ang lahat ng paraan na kaya Ko, tulad ng isang makulit na lola, para paulit-ulit na sabihin sa inyo ang mga bagay na ito. Huwag kayong magreklamo na ito ay nakakaabala, at huwag din kayong magreklamo na ito ay napakahaba. Maaaring natalakay Ko na ang isang paksa noon, kaya bakit Ko pa ito tatalakayin ulit? Kung muli Ko itong tatalakayin, mapapakinggan ninyo itong muli at maaari ninyo itong ituring na isang pagbabalik-aral. Okey lang iyon, hindi ba? (Oo.) Sa madaling salita, dapat ninyong maingat na harapin ang mga usaping may kaugnayan sa katotohanan at sa landas na tinatahak ng mga tao, at hindi dapat kayo maging pabaya. Habang nagiging mas detalyado at partikular ang Aking pagtatalakay, mas nagiging detalyado at malinaw ang inyong pagkaunawa sa ugnayan ng iba’t ibang katotohanan sa isa’t isa, pati na rin sa mga pagkakaiba at koneksyon ng mga detalye sa pagitan ng mga ito, maliban pa sa ibang mga aspekto. Kung tatalakayin Ko lamang ang pangkalahatan at kabuuan ng ilang bagay, mahihirapan kayong maunawaan at mapasok ang mga ito, at magiging nakakapagod para sa inyo na subukang pagnilay-nilayan at unawain ang mga bagay na ito nang kayo-kayo lang, hindi ba? (Oo.) Halimbawa, ang ating paksa ngayong araw—ang mga negatibong emosyon na nagmumula sa kapalaran, suwerte, at mga partikular na pagsalangsang ng mga tao sa nakaraan—hindi ninyo maiisip ang mga bagay na ito nang kayo lang, at kahit pa maisip ninyo ang mga ito, hindi mo malulutas ang mga ito. Dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan sa loob ng mga bagay na ito, hindi mo kailanman matatagpuan ang tamang sagot sa usapin ng mga nagawa mong paglabag sa nakaraan, at ito ay palagi na lamang mananatiling isang misteryo sa iyo, habang-buhay kang mababagabag at matatali nito, at pagkakaitan nito ang kaibuturan ng iyong puso ng kapayapaan, kasiyahan, kalayaan, at kaginhawahan. O maaaring dahil hindi mo pinangasiwaan nang tama ang usapin at hindi mo sinunod ang tamang landas, nakaapekto ito sa iyong pagkamit ng kaligtasan. Sa huli, ang ilang tao ay tinalikdan at itiniwalag. Bakit nangyari ito? Ito ay dahil may ginawa silang mga kahindik-hindik na bagay noon at hindi nila maayos na napangasiwaan ang mga ito at hindi sila napawalang-sala para sa mga ito. Ang kanilang puso ay palaging natatali sa mga bagay na ito; wala silang ganang hangarin ang katotohanan, pabaya sila sa pagganap sa kanilang tungkulin, hindi sila nakapasok sa katotohanang realidad, at nadama nilang tila ba wala silang pag-asa na mahangad ang katotohanan. Dinala nila ang negatibong pananaw na ito hanggang sa pinakawakas, hindi nila kailanman tinalakay ang kanilang mga patotoo batay sa karanasan, at hindi nila natamo ang katotohanan. Doon lamang nila naramdaman ang pagsisisi, ngunit huli na. Kung gayon, may kinalaman ba ang lahat ng usaping ito sa katotohanan at sa pagkamit ng kaligtasan? (Mayroon.) Huwag mong isipin na hindi umiiral ang mga ito dahil lang sa hindi pa nangyari ang mga bagay na ito sa iyo, o hindi pa ito nangyari sa iba, o hindi pa ito nangyari sa mga tao sa paligid mo. Pakinggan mo Ako, maaaring may nagawa ka nang mga hindi magandang bagay noon na hindi pa nagdudulot ng anumang nakatatakot na kahihinatnan, o marahil noon o ngayon ay nababalot ka ng ganitong negatibong emosyon, subalit hindi mo ito napansin at namalayan, at isang araw ay may totoong nangyari at ang emosyong ito ay malalim na nakaapekto sa iyo at nagdulot ng malalalang kahihinatnan. Kapag malalim mong inimbestigahan ang iyong sarili ay saka mo lang matutuklasan na nababalot ka na pala sa ganitong negatibong emosyon sa loob ng maraming taon o mas matagal pa, nang hindi mo namamalayan. Iyon ang dahilan kaya kinakailangan ng mga tao na patuloy na pag-isipan, pagnilay-nilayan, unawain, pahalagahan, at maranasan ang mga bagay na ito upang unti-unti nilang matuklasan ang mga ito. Siyempre, ang matuklasan ang mga bagay na ito sa wakas ay isang napakagandang balita para sa iyo at isang malaking oportunidad para makamit ang kaligtasan. Kapag natuklasan mo nga ang mga ito, ito na ang pagkakataon o pag-asa mo na matalikdan ang mga ito, at ang mga sinabi Ko ngayon ay hindi mawawalan ng saysay. Walang katotohanan, walang paksa, at walang mga salita ang maaaring lubusang maunawaan at maranasan sa loob lang ng isa o dalawang araw. Dahil ito ay may kinalaman sa katotohanan, may kinalaman ito sa sangkatauhan, sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa landas na tinatahak ng mga tao, at sa pagkamit ng kaligtasan ng mga tao. Kaya naman, hindi mo pwedeng balewalain ang alinmang katotohanan, bagkus ay dapat mong pangasiwaan nang maingat ang lahat ng ito. Kahit hindi mo pa lubusang nauunawaan ang mga katotohanang ito at hindi ninyo alam kung paano suriin ang inyong sarili upang makita ang mga problema ninyo ayon sa mga katotohanang ito, marahil pagkatapos mong maranasan ang mga ito nang ilang taon ay ililigtas ka ng mga katotohanang ito mula sa pagpipigil ng iyong mga tiwaling disposisyon, at ang mga ito ay magiging ang mahahalagang katotohanang magliligtas sa iyo. Kapag nangyari iyon, aakayin ka ng mga katotohanang ito patungo sa tamang landas sa buhay, at marahil sa loob ng sampung taon o higit pa ay lubos nang nabago ng mga salitang ito at ng mga katotohanang ito ang iyong mga kaisipan at pananaw at lubos nang nabago ng mga ito ang iyong mga layunin at direksyon sa buhay.
Diyan na nagtatapos ang pagbabahaginan natin ngayong araw. Paalam!
Oktubre 1, 2022