Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4
Yamang maraming taon na kayong nananalig sa Diyos, naramdaman na ba ninyo ang patuloy na pagbabago ng mga tao at bagay sa paligid ninyo, at ng sitwasyon sa mundo sa labas? Partikular na sa mga nakaraang taon, nakakita ba kayo ng malalaking pagbabago? (Oo.) Nakita ninyo ito. At nagkaroon ba kayo ng anumang kongklusyon tungkol dito? (Ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos.) Tama iyan, ang gawain ng Diyos ay malapit na ngang matapos, at ang mga tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran sa paligid ninyo ay palaging nagbabago. Halimbawa, may sampung tao sa grupong ito dati, ngayon ay may walong tao na lang. Ano ang nangyari sa dalawang nawala? Iyong isa ay pinaalis, at iyong isa naman ay pinalitan sa kanyang tungkulin. Ang lahat ng uri ng tao sa iglesia ay patuloy na sumasailalim sa pagbabago at patuloy na nailalantad. Sa simula, tila sobrang masigla ang iba, ngunit pagkatapos ng ilang panahon, bigla silang nanghihina at nagiging sobrang negatibo at hindi na sila makapagpatuloy. Ang kanilang sigla, ang nag-aapoy nilang enerhiya, at ang diumano’y katapatan na mayroon sila noong una ay nawala nang lahat, ang kanilang determinasyon na tiisin ang hirap ay nawala na, wala na talaga silang interes sa pananalig sa Diyos, at bigla na lang silang nagmimistulang ganap na ibang tao, at walang nakakaalam kung bakit. Ang mga kapaligiran ay patuloy rin na nagbabago. Anu-ano ang mga pagbabago na nangyayari sa kapaligiran ng mga tao? Sa ilang lugar, ang kapaligiran ay malupit at ang pang-uusig ay malubha, kaya ang mga tao ay hindi na makapagtipon-tipon o hindi na nila magawang makipag-ugnayan sa kanilang mga kapatid; sa ilang lugar, ang kapaligiran ay medyo mas maayos at mas ligtas; sa ibang lugar, ang kapaligiran para sa pagganap ng tungkulin at ang mga kondisyon ng pamumuhay ay medyo mas paborable, payapa, at maayos kaysa dati, at ang mga tao roon ay mas mabuti kaysa sa mga dating naroon; silang lahat ay tapat na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos, mas maraming tao ang handang magtiis ng hirap at magbayad ng halaga, umuusad nang mas maayos ang lahat ng proyekto sa gawain, mas mabilis ang pag-usad ng trabaho, at ang mga nakikitang resulta at epekto ay mas optimistiko at kasiya-siya. Bukod pa rito, patuloy na pinapabuti ang mga plano, mga anyo, at mga gawi at pamamaraan sa pagsasagawa ng mga proyekto sa gawain. Sa madaling salita, kahit nakakakita ang mga tao ng lahat ng uri ng mali at negatibong tao, pangyayari, at bagay na patuloy na lumilitaw, siyempre ay mayroon din namang lahat ng uri ng mabuti, tama, at positibong tao, pangyayari, at bagay na patuloy na lumilitaw. Kapag ang mga tao ay namumuhay sa gayong panlipunang kapaligiran, na may iba’t ibang positibo at negatibong bagay na patuloy na nagsasalitan at nagbabago sa paligid nila, ang totoo, ang mga nakikinabang sa huli ay iyong mga matinding nag-aasam sa Diyos, naghahangad sa katotohanan, at nananabik sa katotohanan. Sila ang mga nananabik sa liwanag at katarungan, habang ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, ang mga nagpapakalulong sa bisyo at tutol sa katotohanan ay inilalantad, itinitiwalag, at tinatalikdan kaugnay ng iba’t ibang tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran. Sa paglalantad ng lahat ng iba’t ibang kapaligiran, tao, at pangyayaring ito, at sa patuloy na paglitaw ng mga bagong kapaligiran, tao, at pangyayari, ano ang layunin ng Diyos? Yamang maraming taon na kayong nananalig sa Diyos, mayroon ba kayong pagkaunawa rito? Kahit papaano, nararamdaman ba ninyo na ang Diyos ang nangangasiwa sa lahat ng ito, at na ang Diyos ang palaging gumagabay sa mga bagay na ito? (Oo.) Ang layunin at kahulugan ng Diyos sa paggawa ng lahat ng ito ay upang mabigyang-kakayahan ang mga sumusunod sa Kanya na matuto ng mga aral, lumago sa kabatiran at karanasan, at nang sa gayon ay unti-unti na silang pumasok sa katotohanang realidad. Natamo na ba ninyo ito? Gaano man kaabala ang mga tao sa kanilang gawain, o gaano man kapaborable o kalupit ang kanilang kapaligiran, ang layunin nila sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang hangarin ang katotohanan nang walang pagbabago. Hindi dapat makalimutan ng mga tao na hangarin ang katotohanan dahil abala sila sa kanilang gawain, abala sa mga bagay-bagay, o dahil nais nilang iwasan ang kanilang malupit na kapaligiran, o hindi nila dapat makalimutan na ang lahat ng sitwasyong ito ay isinaayos ng Diyos, o makalimutan na ang layunin ng Diyos ay na matuto sila ng mga aral sa iba’t ibang sitwasyong ito, na malaman nila kung paano makilatis ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, na maunawaan nila ang katotohanan, na lumago sila sa kabatiran, at na makilala nila ang Diyos. Dapat lahat kayo ay gumawa ng taimtim na pagbubuod kung natamo na ba ninyo ang mga bagay na ito.
Naging lubhang abala ang gawain sa iglesia sa mga nagdaang taon, kaya ang paglilipat at pagbabago ng tungkulin, pati na rin ang pagbubunyag, pagtitiwalag, at pagpapaalis ng mga miyembro sa bawat grupo ay medyo naging madalas. Sa proseso ng pagpapatupad sa gawaing ito, ang paglilipat ng mga miyembro ng grupo ay partikular na naging madalas at malawak. Gayunpaman, gaano man karami ang nagiging paglilipat o gaano man nagbabago ang mga bagay-bagay, ang determinasyon ng mga tunay na nananalig at nag-aasam sa Diyos na hangarin ang katotohanan ay hindi nagbabago, ang kanilang pagnanais na makamtan ang kaligtasan ay hindi nagbabago, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay hindi kumukupas, at palaging nasa mabuting direksyon ang kanilang pag-unlad at patuloy silang nagpupursige sa pagganap ng kanilang mga tungkulin hanggang ngayon. Mayroong mga taong mas higit pang mahusay kaysa rito, na sa pamamagitan ng palaging pagkakalipat sa tungkulin, natatagpuan nila ang tamang lugar para sa kanila, at natututunan nila kung paano hanapin ang mga prinsipyo at gampanan ang kanilang tungkulin. Gayunpaman, ang mga hindi naghahangad sa katotohanan, ang mga walang pagmamahal sa mga positibong bagay at tutol sa katotohanan, ay hindi gumaganap nang mahusay. May ilang taong kasalukuyang pinipilit ang kanilang sarili na ipagpatuloy ang pagganap sa kanilang mga tungkulin, samantalang ang totoo, ang kalagayan ng kanilang kalooban ay magulong-magulo na, at sila ay lugmok na sa depresyon at pagkanegatibo. Gayunpaman, hindi pa rin sila umaalis sa iglesia, at tila ba nananalig sila sa Diyos at patuloy pa rin nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, ngunit ang totoo, nagbago na ang kanilang mga puso, at iniwan at tinalikdan na nila ang Diyos. Ang ilan ay nagpapakasal at bumabalik sa kanilang tahanan upang mamuhay ng kanilang buhay, sinasabing, “Hindi ko pwedeng sayangin ang aking kabataan. Minsan lang tayo maging bata, at hinding-hindi ko pwedeng sayangin ang aking kabataan! Naniniwala ako sa puso ko na may Diyos, ngunit hindi ako pwedeng maging kasing-inosente ninyo, na isinasakripisyo ang inyong kabataan para sa paghahangad sa katotohanan. Dapat akong mag-asawa at mamuhay ng aking buhay. Maiksi lang ang buhay, at ilang taon lang tayo nagiging bata. Sa isang kisapmata lang ay nagtatapos na ang buhay. Sadyang hindi ko pwedeng sayangin ang aking kabataan dito. Bago pa mawala ang aking kabataan, pwede akong maging malaya at magpakasaya sa buhay sa loob ng ilang taon.” Ang ilang tao ay patuloy na hinahangad ang kanilang pangarap na yumaman; ang ilan ay patuloy na hinahangad ang isang opisyal na propesyon at ang makamtan ang kanilang pangarap na maging opisyal o burukrata; ang ilan ay hinahangad ang kasaganaan ng pagkakaroon ng mga anak, kaya nag-aasawa sila ng babaeng makapagbibigay sa kanila ng mga anak na lalaki; ang ilang tao ay tinutugis dahil sa kanilang pananalig sa Diyos, inuusig sila ng ilang taon hanggang sa manghina sila at magkasakit, at pagkatapos ay tinatalikdan nila ang kanilang mga tungkulin at bumabalik sila sa kanilang tahanan upang doon ipamuhay ang kanilang natitirang oras sa mundo. Magkakaiba ang sitwasyon ng bawat isa. May mga kusang umaalis at pinapatanggal sa listahan ang kanilang pangalan, may mga hindi mananampalataya na pinapaalis, at may mga gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan at sila ay pinapatalsik. Ano ang nasa kaibuturan ng lahat ng tao na ito? Ano ang kanilang diwa? Malinaw na ba ninyong nakita ito? Lubos ka bang naaantig tuwing naririnig mo ang mga kwento ng mga taong ito? Maaaring isipin mo, “Paano sila nagkaganito? Paano sila bumagsak nang ganito? Hindi sila ganito dati, kahanga-hanga sila noon, kaya paano sila nagbago nang ganoon kabilis?” Ang mga bagay na ito ay hindi kayang maunawaan kahit gaano karaming beses mo itong pag-isipan. Pag-iisipan mo ito nang ilang panahon at iisipin mong, “Ang taong ito ay hindi nagmamahal sa mga positibong bagay; siya ay isang hindi mananampalataya.” Makalipas ang ilang panahon, ang mga bagay na ginagawa ng mga taong ito, ang kanilang pagganap, ugali, ang ilang mga salita at pahayag nila, at ang kanilang mga hinahangad ay naglalaho sa isip mo o sa kamalayan ng mga tao, at pagkatapos ay nakakalimutan mo na ang mga bagay na ito, at unti-unti ay nawawala na ang iyong mga damdamin sa kanila. Kapag ang gayong mga tao, pangyayari, o bagay ay muling lumitaw, iisipin mong muli, “Grabe naman ito! Paano nila ito nagawa? Hindi naman sila ganito dati. Hindi ko talaga ito maunawaan.” Nararamdaman mong muli ang mga bagay na gaya ng dati at ganoon pa rin ang pagkaunawa mo. Sabihin mo sa Akin, nakakapanghinayang ba kapag ang mga taong ito ay inilalantad at itinitiwalag? (Hindi.) Hindi ba kayo nangungulila sa mga taong ito? (Hindi.) Hindi mo ba ipinagtatanggol ang mga taong ito? (Hindi.) Kung gayon ay malamang na napakalupit ninyo. Bakit labis kayong walang simpatiya? Umalis na sila sa iglesia; bakit hindi mo sila ipinagtatanggol, at bakit wala kang simpatiya o habag para sa kanila? Bakit hindi kayo naaawa sa kanila? Sadya bang wala kayong simpatiya? Malupit ka ba kayo? (Hindi.) Sabihin ninyo sa Akin, naaangkop ba itong paraan ng pakikitungo ng sambahayan ng Diyos sa gayong mga tao? (Oo.) Bakit ito naaangkop? Sabihin ninyo sa Akin. (Ang mga taong ito ay maraming taon nang nananalig sa Diyos at narinig na nila ang napakaraming katotohanan, kaya ang gayong asal nila ngayon at ang pagkakanulo at pag-iwan nila sa Diyos ay nagpapakita na sila ay hindi mananampalataya, na hindi sila karapat-dapat sa aming awa at hindi karapat-dapat sa aming pangungulila.) Kaya, nang magsimula silang manalig sa Diyos, puno sila ng sigla, iniwan nila ang kanilang tahanan, trabaho, at madalas silang nag-aalay at umaako ng mga peligrosong trabaho para sa sambahayan ng Diyos. Paano mo man sila tingnan, silang lahat ay tapat na iginugol ang kanilang sarili para sa Diyos. Kaya bakit nagbago na sila ngayon? Dahil ba ayaw sa kanila ng Diyos at ginamit sila ng Diyos sa simula pa lang? (Hindi.) Patas at pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat at binibigyan Niya ng oportunidad ang lahat. Silang lahat ay namuhay ng buhay iglesia, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at namuhay nang tinutustusan, dinidiligan, at pinapastol ng Diyos, kaya bakit sila lubhang nagbago? Batay sa kanilang ugali noong una silang magsimulang manalig sa Diyos at sa kanilang ugali noong kanilang iniwan ang iglesia, para bang sila ay dalawang magkaibang tao. Idinulot ba ng Diyos na mawalan sila ng pag-asa? Idinulot ba ng sambahayan ng Diyos o ng mga gawa ng Diyos na labis silang madismaya? Nasaktan ba ng Diyos, ng mga salitang ipinapahayag ng Diyos, o ng gawaing ginagawa ng Diyos ang kanilang dignidad? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang dahilan? Sino ang makapagpapaliwanag nito? (Sa tingin ko, ang mga taong ito ay nanalig sa Diyos dahil sila ay pinangingibabawan ng kanilang pag-aasam para sa mga pagpapala. Nanalig lamang sila sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala. Sa sandaling nakita nilang wala silang pag-asa na makatanggap ng mga pagpapala, iniwan na nila ang Diyos.) Hindi ba’t mayroon nang pagpapala sa mismong harapan nila? Hindi pa panahon para tumigil sila sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, kaya bakit ba sila nagmamadali? Bakit hindi man lang nila maunawaan ito? (Diyos ko, sa tingin ko, nang unang manalig ang mga taong ito sa Diyos, umasa sila sa kanilang kasiglahan at mabuting layunin, at nagawa nilang gawin ang ilang bagay, ngunit ngayon ay mas lalong seryosong tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang lahat ng gawain nito. Hinihingi nito sa mga tao na gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ngunit hindi tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan, kumikilos sila nang walang ingat at ginagawa nila ang anumang naisin nila kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, at madalas silang pinupungusan. Kaya lalo nilang nadarama na hindi nila pwedeng iraos lang ang mga bagay-bagay nang ganoon, hanggang sa wakas ay umalis na sila sa sambahayan ng Diyos. Sa tingin ko ay isang dahilan ito.) Hindi sila pwedeng magpatuloy nang iniraraos lang ang mga bagay-bagay—totoo ba ang pahayag na ito? (Oo.) Hindi sila pwedeng magpatuloy nang iniraraos lang ang mga bagay-bagay—ito ay sinasabi para sa mga taong iniraraos lang ang mga bagay-bagay. May mga taong nagsisimulang manalig sa Diyos na hindi lang iniraraos ang mga bagay-bagay, na lubos na taimtim, na labis na sineseryoso ang usaping ito, kaya bakit hindi sila nagpapatuloy? (Dahil, sa kanilang likas na katangian, ang mga taong ito ay hindi nagmamahal sa katotohanan. Nanalig sila sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala. Nakikita nila na ang sambahayan ng Diyos ay palaging nagsasalita tungkol sa katotohanan, at tutol at mapanlaban sila sa katotohanan, at lalo silang umaayaw na dumalo sa mga pagtitipon at makinig sa mga sermon, at dito sila nalalantad.) Ito ay isang uri ng sitwasyon, at maraming tao ang ganito. Mayroon ding mga taong palaging walang ingat sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, na hindi kailanman nagtatrabaho nang maayos o hindi kailanman inaako ang responsabilidad sa anumang tungkulin na kanilang ginagawa. Hindi dahil sa wala silang kakayahan o hindi sila sapat na mahusay para sa gawain, kundi dahil sa hindi sila masunurin at hindi nila ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa kung ano ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos. Palagi nilang ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa kung paano nila ito gustong gawin, hanggang sa wakas ay nagsasanhi sila ng pagkagambala at kaguluhan dahil sa kanilang kawalan ng ingat at paggawa ng anumang naisin nila. Hindi sila nagsisisi paano man sila pinupungusan, kaya sa huli ay ipinapadala sila palayo. Ang mga taong ito na ipinapadala sa malayo ay may kasuklam-suklam na disposisyon at may mapagmataas na pagkatao. Saan man sila magpunta, gusto nilang sila ang may huling salita, hinahamak nila ang lahat, at kumikilos sila na parang malulupit na pinuno, hanggang sa wakas ay tinatanggal sila. Pagkatapos mapalitan at maitiwalag ang ilang tao, nararamdaman nilang wala nang maayos na nangyayari sa kanila saanman sila magpunta, at wala nang nagpapahalaga o pumapansin sa kanila. Wala nang tumitingala sa kanila, hindi na pwedeng sila ang may huling salita, hindi na nila nakukuha ang gusto nila, at wala na silang pag-asa na magkaroon ng anumang katayuan, at lalong wala na silang pag-asang makapagkamit ng mga pagpapala. Nararamdaman nilang wala na silang pag-asang patuloy na iraos lang ang mga bagay-bagay sa iglesia, wala na silang interes dito, kaya pinipili na lang nilang umalis—maraming tao ang ganito.
Mayroon ding ilang tao na ang dahilan ng kanilang pag-alis ay katulad ng sa karamihan ng mga itinitiwalag. Kahit gaano katagal nang nananalig ang mga taong ito sa Diyos, ang kanilang personal na nararanasan at nakikita sa sambahayan ng Diyos ay na ang pagtitipon sa sambahayan ng Diyos ay tungkol sa palaging pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagbabahaginan tungkol sa katotohanan; pag-uusap tungkol sa pagkilala sa sarili, pagsasagawa sa katotohanan, pagtanggap sa paghatol at pagkastigo, pagtanggap sa pagpupungos, at pagganap ng tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo; pag-uusap tungkol sa pagbabago ng disposisyon at pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Ang nilalaman ng gawaing ginagawa ng Diyos—ito man ay pinagbabahaginan sa buhay iglesia o ito man ay isang paksang tinatalakay sa mga sermon at pagbabahaginang ibinibigay ng nasa Itaas—ay pawang katotohanan, pawang mga salita ng Diyos, at pawang positibo. Gayunpaman, hindi man lang tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan. Nagsimula silang manalig sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala at upang makinabang. Kung titingnan ang kanilang kalikasang diwa, bukod sa hindi nila minamahal ang mga positibong bagay o ang katotohanan, ang mas malubha pa, labis silang nasusuklam at mapanlaban sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Kaya habang mas nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan, habang mas tinatalakay nito ang pagsasagawa sa katotohanan, habang mas tinatalakay nito ang paghahangad sa katotohanan at paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, mas lalong hindi mapakali at lalong nasusuklam ang kalooban ng mga taong ito, at mas lalong ayaw nilang makinig. Sabihin ninyo sa Akin, ano ba ang gustong marinig ng mga taong ito? Alam ba ninyo? (Gusto nilang marinig ang mga paksa tungkol sa mga hantungan at pagtanggap ng mga pagpapala, at na umaabot na sa panibagong antas ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo.) Ito ang ilang bagay na gusto nilang marinig. Gusto rin nilang sumigaw ng mga sawikain, mangaral ng doktrina, at pag-usapan ang teolohiya, teorya, at mga misteryo. Paminsan-minsan ay tinatalakay nila kung kailan matatapos ang gawain ng Diyos, kung kailan sasapit ang malalaking sakuna, kung ano ang kahahantungan ng sangkatauhan sa hinaharap, kung paano unti-unting malilipol ang masasamang puwersa pagdating ng mga sakuna, kung paano gagawin ng Diyos ang ilang tanda at kababalaghan, at kung paano patuloy na lalawak at lalago ang puwersa at saklaw ng sambahayan ng Diyos, at kung paano rin sila magyayabang at magpapakitang-gilas. Dagdag pa rito, ang pinakamahalaga sa kanila ay ang palaging maitaas ang ranggo nila at magamit sila sa sambahayan ng Diyos. Sa ganitong paraan, magagawa nilang iraos ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos sa loob ng ilang panahon, ngunit habang iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay, wala sa anumang gawain ng Diyos o ng sambahayan ng Diyos ang ayon sa nais nila, at lahat ng kanilang naririnig at nakikita ay mga usapin na may kinalaman sa katotohanan. Kaya naman, sa kanilang puso, lubos silang tutol sa buhay iglesia; wala na silang interes dito, hindi na sila mapakali, hindi makapirmi, at nahihirapan ang loob nila dahil dito. May mga taong nakakahanap ng palusot, ng katwiran, at ng dahilan at nakakahanap sila ng paraan para umalis sa iglesia, sinasabing, “Gagawa ako ng masamang gawain, magbubulalas ng pagkanegatibo, at gagawa ng hindi maganda. Pagkatapos ay paaalisin ako ng iglesia at ititiwalag ako, kaya magiging ganap na makatwiran ang pag-alis ko sa iglesia.” Pagkatapos ay mayroong mga nagbabalik ng kanilang mga aklat ng mga salita ng Diyos at nag-iimpake ng kanilang mga gamit kapag nag-aayos ng kanilang mga permit para makapasok sa ibang bansa, nang hindi man lang namamaalam. Ang mga taong ito ay parang mga maton o mga babaeng mababa ang lipad, at hindi nila ginagawa ang mga bagay-bagay sa paraang ginagawa ng normal na tao. Ang iniisip at sinasabi ng mararangal na babae at mga normal na tao kapag kasama ang ibang tao ay ang mga seryosong usapin tungkol sa kung paano mamuhay. Kung paano mamuhay nang maayos, kung paanong ang buong pamilya ay mapapakain nang maayos, mapagsusuot ng disenteng damit, at magkakaroon ng magandang lugar na matitirhan, kung paano palalakihin ang kanilang mga anak, at kung paano mapapasunod ang kanilang mga anak sa tamang landas—ito ang mga bagay na iniisip nila. Gayunpaman, iyong mga maton at mga babaeng mababa ang lipad ay hindi kailanman iniisip ang mga bagay na ito. Kung tatalakayin mo ang mga wastong bagay na ito sa kanila, sila ay maiinis, mamumuhi, at lalayo sa iyo. Kaya, ano ba ang iniisip nila? Palagi ba nilang iniisip ang pagkain, pag-inom, at pagsasaya? (Oo.) Palagi nilang iniisip ang pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at ang malalaswang bagay. Kapag nakikipag-usap sila sa mga normal na tao tungkol sa mga bagay na ito, hindi tumutugon ang mga normal na tao; ang mga normal na tao ay hindi tulad nila, hindi pareho ang wika nila sa mga ito, at hindi pareho ang pag-iisip nila sa mga ito. Ang mga bagay na tinatalakay ng mga normal na tao ay wala sa kanilang puso, hindi nila ito matiis, at ayaw nila itong pakinggan. Iniisip nila na ang mamuhay sa ganoong paraan ay isang malaking pang-aagrabyado sa kanilang sarili at pamumuhay nang nakagapos at walang kalayaan. Iniisip nila na ang palaging pananamit nang maganda upang mabighani ang kabilang kasarian ay isang pamumuhay na nakasasabik at walang alalahanin—para sa kanila, ito ang perpektong buhay! Ang mga taong ito na umaalis sa iglesia ay naiinggit sa pamumuhay ng mga walang pananampalataya, naiinggit sa mga kasiyahan ng kasalanan, at iniisip nila na ang paggugol ng kanilang mga araw at ang pamumuhay sa paraan na gaya ng sa mga walang pananampalataya ay ang tanging paraan para mamuhay nang nakasasabik at masaya, at ang tanging paraan ng pamumuhay na hindi nila mabibigo ang kanilang sarili. Ang mga hindi mananampalatayang ito, tulad ng mga maton at mga babaeng mababa ang lipad, ay walang normal na pagkatao at hindi sila normal na tao. Kung hihilingin mo sa kanila na gumawa ng isang bagay na positibo, tututol sila nang labis, dahil sa kanilang kaibuturan at sa kanilang kalikasang diwa, hindi nila minamahal ang mga positibong bagay at tutol sila sa katotohanan. Ano ang mga bagay na kanilang ginagawa? Ano ang kanilang ginagawa sa iglesia, kasama ang mga kapatid, at sa panahon ng pagganap ng kanilang mga tungkulin? Ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang walang ingat, binabanggit nila ang mga teorya na kahanga-hangang pakinggan, palagi silang sumisigaw ng mga sawikain ngunit wala naman talagang ginagawa—ito ang kanilang normal na pag-uugali. Hindi nila ibinibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa pagganap ng kanilang tungkulin, palagi silang walang ingat at pabasta-basta sa paggawa, ginagawa ang mga bagay-bagay para lang makita ito ng iba, habang nakikipagkompetensya rin para sa prestihiyo at pakinabang mula sa ibang tao. Ang masasamang taong ito ay nagdudulot din ng pagdurusa at pagsupil sa ibang tao, at kung saan naroroon ang masasamang tao, walang kapayapaan at pahinga—mayroon lamang kaguluhan. Kapag masasamang tao ang namumuno, maliban sa mabagal ang pag-usad ng gawain, napaparalisa rin ito; kapag masasamang tao ang namumuno sa isang iglesia, naaapi ang mabubuting tao, nagiging sobrang magulo ang iglesia, ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos ay nagiging malamlam, at sila ay nagiging negatibo at mahina. Kung saan naroroon ang masasamang tao, sila ay gumaganap ng nakagugulo at nakapipinsalang papel. Ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng masasamang tao ay ang kanilang pag-ayaw na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Kahit pa gampanan nila ang kanilang mga tungkulin, ginagawa nila ito nang walang ingat at hindi nila ito sineseryoso kailanman, at ginugulo din nila ang pagganap ng ibang tao sa kanilang tungkulin. May isa pang punto na dapat banggitin, at ito ay na ang masasamang tao ay hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos kailanman, hindi nananalangin kailanman, hindi kailanman nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan kasama ang iba, at ni hindi pa nga nila binuksan kailanman ang kanilang mga aklat ng mga salita ng Diyos. May ilang taong nagbibigay ng magaganda ngunit mapanlinlang na argumento para sa masasamang tao, sinasabing, “Kahit hindi pa nila binasa ang mga salita ng Diyos, nakikinig pa rin naman sila sa mga sermon.” Pero nauunawaan ba nila ang mga ito? Hindi talaga sila nakikinig nang taimtim, hindi sila nanonood ng mga video at pelikula na ginawa ng sambahayan ng Diyos, hindi sila nakikinig sa mga himno, hindi sila nakikinig sa mga patotoong batay sa karanasan, at hindi sila nakikinig sa mga recording ng mga sermon. Sa mga pagtitipon, inaantok sila, at may ilan pang inaaliw ang kanilang sarili gamit ang kanilang telepono at nanonood ng mga programang panlibangan at mayroon ding ilan na nanonood ng malalaswang palabas. Wala sa kanilang ginagawa sa buong araw ang may kinalaman sa pananalig sa Diyos o paghahangad sa katotohanan. Habang nagiging mas detalyado ang pagbabahaginan ng sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan, ang kanilang pagkasuklam sa katotohanan at sa mga positibong bagay ay lalong nahahalata. Hindi sila mapakali, at sa loob ng limitadong oras na kaya nilang tiisin, hindi nila nakikita ang magandang hantungan, magandang wakas, at sa malalaking sakuna na matagal na nilang hinihintay, at naghihintay sila sa mga ito nang walang saysay. At walang saysay silang naghihintay sa mga bagay na ito, kaya hindi ba’t magulo ang kanilang puso? (Oo.) Anong klase ng kaguluhan? Hindi ba’t palagi silang nagkakalkula sa kanilang puso? Hindi sila kailanman handang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at ibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa pagganap ng kanilang mga tungkulin anumang oras at saanmang lugar. Ano ang kanilang mentalidad? Handa sila, anumang oras at saanmang lugar, na iempake ang kanilang mga gamit at umalis. Matagal na silang handang umalis anumang oras, na magpaalam sa iglesia at sa mga kapatid, na ganap na lumisan at putulin ang lahat ng ugnayan. Sa oras ng kanilang pag-alis, narating na ang dulo ng limitadong oras na kaya nilang tiisin. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.)
Pagkatapos silang mapalitan o maitiwalag, may ilang tao, na anuman ang dahilan, ay kaya pa ring magpatuloy sa pagganap ng kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya. May ilan na hindi talaga naghahanap sa katotohanan, kaya nagpapasya silang hindi na gampanan ang kanilang tungkulin. Habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, nagpapakita na sila ng pagkasuklam at kawalan ng pasensya rito, palaging nais na makatakas sa buhay iglesia at hindi na gampanan ang kanilang tungkulin. Dahil hindi interesado ang mga taong ito sa katotohanan, hindi sila nasisiyahan sa buhay iglesia, at ayaw nilang gampanan ang kanilang tungkulin. Inaasam lamang nila ang pagdating ng araw ng Diyos, upang makatanggap sila ng mga pagpapala; hindi nila magawang ituloy na iraos lang ang mga bagay-bagay gaya ng ginagawa nila sa kasalukuyan, nakikita nilang palaki na nang palaki ang mga sakuna, at iniisip nila na kung hindi sila maghahangad ng mga kasiyahan ng laman ngayon, mawawalan na sila ng pagkakataong gawin ito. Kaya nililisan nila ang iglesia nang hindi man lang ito nililingon, nang walang anumang pag-aatubili. Mula sa puntong iyon, sila ay nawawala sa malawak na karagatan ng mga tao at wala nang sinuman sa iglesia ang nakakabalita tungkol sa kanila—ganito inilalantad at itinitiwalag ang mga hindi mananampalataya. Habang ang sambahayan ng Diyos ay mas nagbabahagi tungkol sa katotohanan at hinihingi sa mga taong isagawa ang katotohanan at pumasok sa realidad, mas lalo silang nakakaramdam ng pagkasuklam, at ayaw na ayaw nila itong marinig. Maliban sa hindi nila tinatanggap ang mga bagay na ito, tinututulan pa nila ang mga ito. Lubos nilang naiintindihan ang sitwasyon: Alam nilang ang mga taong tulad nila ay walang lugar sa sambahayan ng Diyos, na hindi sila tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos sa kanilang pananampalataya, na hindi nila ibinibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa pagganap ng kanilang tungkulin, na palagi silang walang ingat sa kanilang tungkulin, at na nakakaramdam sila ng matinding pagkasuklam at poot sa katotohanan; alam din nila na, sa malao’t madali, sila ay ititiwalag, na ito ang tiyak na kalalabasan. Matagal na nilang inihanda ang kanilang mga plano, iniisip na, “Anuman ang mangyari, siguradong hindi tatanggap ng mga pagpapala ang taong tulad ko, kaya pinakamainam na umalis na ako ngayon, tamasahin ang buhay sa mundo sa loob ng ilang taon, mamuhay nang maganda sa loob ng ilang taon at huwag biguin ang aking sarili.” Hindi ba’t nagpaplano sila nang ganito? (Oo.) Nang may gayong mga layunin at plano, magagampanan ba nang mabuti ng mga tao ang kanilang tungkulin? Hindi nila magagawa ito. Kaya naman, kahit gaano katagal nang nananalig ang mga taong ito sa Diyos, wala silang nararamdamang pag-aalinlangan na lisanin ang Diyos, ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, ang mga kapatid, o ang buhay iglesia. Isang araw ay sinasabi nilang aalis sila, at kinabukasan ay nakadamit na sila gaya ng isang walang pananampalataya, nakasuot nang magarbo at may makapal na kolorete sa mukha, agad-agad na nagdadamit, nagsasalita, at kumikilos tulad ng isang walang pananampalataya; kakaiba ang kanilang kasuotan, at kakaiba sila sa iyong paningin, ngunit wala silang kamalayan sa hitsura nila sa paningin mo. Paano sila nagbago nang ganoon kabilis? (Dahil matagal na nilang inihanda ang kanilang mga plano, at ito ang likas na katangian nila.) Tama iyan. Matagal na nilang inihanda ang kanilang mga plano; hindi lang nila biglaang naisip ang mga plano na ito sa loob lamang ng ilang araw bago sila umalis, sa halip, matagal na nilang napagpasyang gawin ito. Matagal na silang nagpapakana at nagpaplano kung paano sila kakain, iinom, at magsasaya, kung paano sila aasal, at kung paano sila mamumuhay. Hindi nila gusto ang buhay iglesia, o ang pagganap ng kanilang tungkulin, o ang pagbabahaginan sa katotohanan, at mas lalong ayaw nila ang pakikinig sa mga sermon at pagdalo sa mga pagtitipon araw-araw. Yamot na yamot na sila sa ganitong buhay iglesia, at kung hindi lang para sa pagtanggap ng mga pagpapala at pagkakaroon ng magandang hantungan at pagtakas sa malalaking sakuna, hindi nila kakayaning magpatuloy nang kahit isang araw—ito ang kanilang tunay na mukha. Kaya paano ninyo dapat pangasiwaan ang gayong mga tao kapag nakasalamuha ninyo silang muli? Makikiusap ba kayo sa kanila gamit ang malumanay na mga salita, o aalukin ba ninyo sila ng higit pang suporta at pagtulong? O malulungkot ba kayo sa kanilang pag-alis at gagamitin ba ninyo ang inyong pagmamahal upang subukan silang baguhin? Paano kayo dapat lumapit sa kanila? (Dapat namin silang paalisin kaagad at papuntahin sa mundo ng mga walang pananampalataya.) Tama, sabihan silang bumalik na sa mundo at huwag nang mag-abala pa sa kanila. Sasabihin mo sa kanila, “Pag-isipan mo ito nang mabuti, upang hindi mo pagsisihan ang iyong desisyon kalaunan.” Sasabihin nila, “Pinag-isipan ko na ito nang mabuti, at anuman ang paghihirap na kaharapin ko sa hinaharap, hindi ako babalik at hindi ako magsisisi.” Sasabihin mo, “Sige, umalis ka na kung gayon. Walang pumipigil sa iyo. Hiling naming lahat na mapabuti ka at umaasa kaming maisasakatuparan mo ang iyong mga mithiin at matutupad mo ang mga pangarap na ninanais mo. Umaasa rin kami na sa araw na makikita mong naililigtas ang ibang tao ay wala kang mararamdamang inggit o pagsisisi. Paalam na.” Hindi ba’t napakaangkop na sabihin ito sa kanila? (Oo, napakaangkop nga nito.) Kaya, pagdating sa mga ganitong tao, ang isang aspekto ay na dapat mong malinaw na makita ang kanilang kalikasang diwa, habang ang isa pang aspekto ay na dapat mo silang lapitan sa angkop na paraan. Kung sila ay mga hindi mananampalataya, walang pananampalataya, ngunit handa silang magtrabaho at kaya nilang maging masunurin at magpasakop, kahit hindi nila hinahangad ang katotohanan, huwag mo silang abalahin at huwag mo silang paalisin. Sa halip, pahintulutan mo silang magpatuloy sa pagtatrabaho, at kung matutulungan mo sila, tulungan mo sila. Kung kahit magtrabaho ay ayaw nila, at magsimula silang maging walang ingat at gumawa ng masasamang bagay, nagawa na natin ang lahat ng nararapat. Kung gusto nilang umalis, hayaan mo silang umalis, at huwag kang mangulila sa kanila kapag wala na sila. Nasa punto na silang dapat na silang umalis, at ang gayong mga tao ay hindi karapat-dapat sa iyong awa, sapagkat sila ay mga hindi mananampalataya. Ang pinakakaawa-awa ay na may ilang tao na sobrang hangal, na palaging may personal na damdamin para sa mga pinapaalis, na laging nangungulila sa mga ito, nagsasalita para sa mga ito, nagtatanggol sa mga ito, at umiiyak at nagdarasal at nagmamakaawa pa nga para sa kanila. Ano ang opinyon ninyo sa ginagawa ng mga taong ito? (Napakahangal ng kanilang ginagawa.) Bakit ito kahangalan? (Ang mga umaalis ay mga walang pananalig, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at hindi talaga karapat-dapat na ipagdasal sila o na mangulila sa kanila. Ang mga nararapat lamang iyakan at ipanalangin ng iba ay ang mga binibigyan ng Diyos ng mga oportunidad at ang may pag-asa na mailigtas. Kung ang isang tao ay ipinagdarasal ang isang walang pananalig o ang isang diyablo, napakahangal at napakaignorante niya.) Ang isang aspekto ay na hindi sila tunay na nananalig na may Diyos—sila ay mga walang pananalig; ang isa pang aspekto ay na ang kalikasang diwa ng mga taong ito ay sa mga hindi nananalig. Ano ang ipinahihiwatig dito? Ito ay na hindi sila tunay na tao, sa halip, ang kanilang kalikasang diwa ay sa isang diyablo, kay Satanas, at na ang mga taong ito ay laban sa Diyos. Ito ang kalagayan ng kanilang kalikasang diwa. Ngunit may isa pang aspekto, at iyon ay na pumipili ang Diyos ng mga tao, hindi ng mga diyablo. Kaya, sabihin mo sa Akin, ang mga diyablong ito ba ang mga hinirang ng Diyos, at sila ba ay pinili ng Diyos? (Hindi.) Hindi sila ang mga hinirang ng Diyos, kaya kung palagi kang may emosyonal na ugnayan sa mga taong ito at malungkot ka kapag sila ay umaalis, hindi ba’t nagiging hangal ka kung gayon? Hindi ba’t nilalabanan mo ang Diyos kung gayon? Kung wala kang malalim na damdamin para sa tunay na mga kapatid subalit may malalim kang damdamin para sa mga diyablong ito, ano ka kung gayon? Sa pinakamababa, ikaw ay naguguluhan, hindi mo tinitingnan ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ka pa umaasal ayon sa tamang pananaw, at hindi mo pinapangasiwaan ang mga usapin nang may prinsipyo. Ikaw ay isang taong naguguluhan. Kung mayroon kang damdamin para sa isa sa mga diyablong ito, iisipin mo, “Pero napakabuti niyang tao at maganda ang samahan namin! Magkasundo kami at labis niya akong tinutulungan! Kapag mahina ako, pinapanatag niya ang kalooban ko, at kapag nagkakamali ako, mapagparaya at mapagpasensya siya sa akin. Labis siyang mapagmahal!” Sa iyo lang siya ganito, kaya ano ka? Hindi ba’t ikaw ay isang karaniwang tiwaling tao lamang? At paano itinuturing ng taong iyon ang katotohanan, ang Diyos, at ang tungkuling ipinagkakatiwala sa kanya ng sambahayan ng Diyos? Bakit hindi mo tinitingnan ang mga bagay mula sa mga perspektibang ito? Tumpak bang tingnan ang mga bagay mula sa perspektiba ng iyong mga personal na interes, gamit ang iyong mga mata at damdamin? (Hindi.) Maliwanag na hindi ito tama! At dahil ito ay hindi isang tumpak na paraan ng pagtingin sa mga bagay-bagay, dapat mo itong bitiwan at baguhin mo ang iyong perspektiba at pananaw sa pagtingin sa taong iyon. Dapat mong subukang harapin at pangasiwaan ang taong iyon nang batay sa mga salita ng Diyos—ito ang pananaw na dapat gamitin ng mga hinirang ng Diyos at ang saloobing dapat nilang taglayin. Huwag maging hangal! Iniisip mo bang mabait ka dahil naaawa ka sa iba? Napakahangal mo, wala kang anumang prinsipyo. Hindi mo tinatrato ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos; pumapanig ka kay Satanas at nakikisimpatya kay Satanas at sa mga diyablo. Ang iyong simpatya ay hindi para sa mga hinirang ng Diyos o sa mga nais iligtas ng Diyos, at hindi ito para sa tunay na mga kapatid.
Ang mga taong ito na hindi mananampalataya ay hindi kailanman handang gampanan ang kanilang tungkulin at palagi nila itong ginagampanan sa anumang nais nilang paraan. Paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila ito tinatanggap, at kahit pa nauunawaan nila ang kaunting katotohanan, hindi nila ito isinasagawa. May isa pa silang ipinapakitang pangunahing pagpapamalas—ano iyon? Ito ay na palagi silang walang ingat sa pagganap ng kanilang tungkulin, palagi silang walang ingat, at matigas ang kanilang pagtanggi na magsisi. Sila ay napakamaingat, masigasig, at mahigpit sa kanilang sariling mga usapin, at hindi man lang sila nangangahas na pabayaan ang mga ito. Maingat nilang pinag-isipan ang kanilang pagkain at pananamit, ang kanilang katayuan, reputasyon, respeto sa sarili, kasiyahan ng laman, ang kanilang mga sakit, ang kanilang kinabukasan, mga inaasam, pagreretiro, at kahit ang mga usaping may kinalaman sa kanilang sariling kamatayan—naihanda na nila ang lahat. Ngunit pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa pagganap ng kanilang tungkulin, sila ay lubos na hindi maingat, lalo nang hindi nila hinahangad ang katotohanan. May ilang tao na inaantok at nakakatulog tuwing dumadalo sa isang pagtitipon, at nakakaramdam pa nga sila ng pagkasuklam kapag naririnig nila ang Aking tinig. Labis silang hindi mapalagay, hindi sila mapakali, nag-iinat sila ng katawan at humihikab, kinakamot ang kanilang tainga at hinihimas ang kanilang pisngi. Umaasal sila na parang mga hayop. May ilang taong nagsasabi, “Matagal ang mga sermon sa mga pagtitipon, at may mga taong hindi mapakali kapag ganoon na katagal.” Ang totoo, kung minsan ay kasisimula pa lang ng pagtitipon ay hindi na sila mapakali, at nakararamdam sila ng pagkasuklam habang nakikinig. Kaya hindi sila kailanman nakikinig sa mga sermon o nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa sandaling may marinig silang nagbabahagi tungkol sa katotohanan, nakakaramdam sila ng pagkasuklam, at sawa na silang makakita ng mga taong nakikinig nang buong-buo ang atensiyon. Ano ang kalikasang diwa ng gayong mga tao? Balat ng tao ang suot nila; sa panlabas ay tao sila, ngunit kung babalatan mo sila, sila ay mga diyablo, hindi tao. Nais ng Diyos na marami ang maligtas, na maligtas ang mga may pagkatao; ayaw Niyang maligtas ang mga diyablo. Hindi inililigtas ng Diyos ang mga diyablo! Dapat lagi mong tandaan ito at huwag mo itong kalimutan! Hindi ka dapat makipag-ugnayan sa sinumang nagsusuot ng balat ng tao ngunit ang kalikasan at diwa ay sa isang diyablo. Kung hindi mo pa napuputol ang lahat ng ugnayan mo sa gayong tao, at sinusubukan mong paligayahin at purihin sila, magiging katatawanan ka ni Satanas, at kasusuklaman ka ng Diyos at sasabihin Niyang, “Isa kang bulag na hangal, hindi mo maunawaan ang sinuman!” Hindi inililigtas ng Diyos ang mga diyablo, nauunawaan mo ba? (Oo.) Hindi inililigtas ng Diyos ang mga diyablo, hindi rin Niya pinipili ang mga diyablo. Ang mga diyablo ay hindi kailanman kayang mahalin ang katotohanan, o hangarin ang katotohanan, lalong hindi nila kayang magpasakop sa Diyos—hindi sila kailanman makapagpapasakop sa Diyos. Nananalig sila sa Diyos hindi dahil minamahal nila ang Kanyang pagiging matuwid at patas, at hindi upang hangarin nila ang pagkamit sa kaligtasan. Nagpapahayag sila ng pagkasuklam at pagkamuhi sa takot ni Job sa Diyos at sa kanyang pagtalikod sa kasamaan, at sa kanilang puso ay nakakaramdam sila ng matinding pagkasuklam at paglaban sa usapin ng paghahangad sa katotohanan. Kung hindi kayo naniniwala sa Akin, tingnan na lang ninyo ang mga nasa paligid ninyo na pinaalis at inilantad, at tingnan kung ano ang nananalaytay sa kanilang dugo, kung ano ang kanilang pinag-uusapan kapag walang nakikinig, kung ano ang pinahahalagahan nila, kung ano ang kanilang saloobin sa sarili nilang buhay, kaligtasan, at sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay sa kanilang paligid, pati na rin kung ano ang kanilang sinasabi at ang mga opinyon na kanilang ipinapahayag. Mula sa lahat ng pagpapahayag at pagpapakita ng damdamin na ito, malinaw mong makikita kung ano talaga sila, kung bakit nila nagawang lumisan, at kung bakit sila gustong paalisin ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ito ay isang aral na karapat-dapat matutunan? (Oo, karapat-dapat nga ito.) At ano ang aral na natutunan mo? Ano ang iyong naintindihan? (Natutunan namin kung paano maging mapanuri at naintindihan namin na, sa kaibuturan ng mga taong ito, hindi nila minamahal ang katotohanan at tutol sila sa katotohanan. Iniraraos lamang nila ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos, at sa malao’t madali ay palalayasin sila.) Kung ganito mo nakikita ang mga bagay-bagay, ipinapakita nito na natutunan mo na ang aral.
Nakikita mo ba kung paanong tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan ang mga diyablo at si Satanas sa espirituwal na mundo? Nakikita mo ba kung paano nilalabanan at nilalapastangan ng mga diyablo at ni Satanas ang Diyos? Nakikita mo ba kung anong mga salita, kasabihan at pamamaraan ang ginagamit ng mga diyablo at ni Satanas para atakihin ang Diyos? Nakikita mo ba kung ano ang hinahayaan ng Diyos na gawin ng mga diyablo at ni Satanas, kung paano nila ito ginagawa, at kung ano ang kanilang saloobin? (Hindi.) Hindi mo nakikita ang mga bagay na ito. Kaya, ang anumang sinasabi ng Diyos ay isang imahinasyon o larawan lamang sa iyong puso; hindi ito katunayan. Dahil hindi mo pa mismo nakikita ito, ang magagawa mo lamang ay ang umasa sa iyong imahinasyon at isipin ang ganoong eksena o isipin ang isang klase ng gawa. Ngunit, kapag nakatagpo mo itong mga buhay na diyablo at mga Satanas na may suot na balat ng tao, para ka na ring nalantad sa pananalita at mga kilos ng mga diyablo at mga Satanas, pati na rin sa mga katunayan at ebidensya ng kanilang panghuhusga, pag-atake, paglaban, at paglalapastangan sa Diyos—makikita mo nang napakalinaw ang kanilang disposisyon na tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Itong mga diyablo at mga Satanas na may suot na balat ng tao ay inaatake ang Diyos sa paraang katulad ng pag-atake sa Diyos ng mga diyablo at mga Satanas sa espirituwal na mundo; ganap na magkatulad ang mga ito, ang tanging pagkakaiba lang ay ang mga diyablo at mga Satanas na may suot na balat ng tao ay gumagamit ng iba’t ibang anyo upang atakihin ang Diyos—ngunit nananatiling magkatulad ang diwa ng mga ito. Nagsusuot sila ng balat ng tao at nagiging tao, ngunit hinuhusgahan, inaatake, nilalabanan, at nilalapastangan pa rin nila ang Diyos. Ang paraan ng mga diyablo at mga Satanas na ito na nasa laman at ng mga hindi mananampalataya sa paghusga, pag-atake, at paglaban sa Diyos, at kung paano nila pinababagsak ang Kanyang gawain at ginugulo ang gawain ng iglesia ay katulad na katulad sa paraan ng kung paano ginagawa ng mga diyablo at mga Satanas sa espirituwal na mundo ang lahat ng bagay na ito. Kaya, kapag nakikita mo kung paano lumalaban sa Diyos ang mga diyablo at mga Satanas sa mundo, nakikita mo kung paano lumalaban sa Diyos ang mga diyablo at mga Satanas sa espirituwal na mundo—walang-walang pagkakaiba ang mga ito. Pareho ang pinagmulan ng mga ito at nagtataglay ang mga ito ng parehong kalikasang diwa, at kaya gumagawa sila ng parehong mga bagay. Anuman ang kanilang maging anyo, pare-pareho ang ginagawa nilang lahat. Samakatuwid, ang mga diyablo at ang mga Satanas na ito na may suot na balat ng tao ay lumalaban sa Diyos at umaatake sa Diyos, at nagpapakita ng matinding pagkasuklam at paglaban sa katotohanan, dahil sa kanilang kalikasan, at dahil hindi nila ito mapigilan. Bakit Ko sinasabing hindi nila ito mapigilan? Mukha silang tao, namumuhay kasama ang ibang tao, kumakain nang tatlong beses sa isang araw, nag-aaral ng edukasyon at kaalaman ng tao, may parehong mga kasanayan sa buhay at paraan ng pamumuhay na mayroon ang ibang tao; ngunit ang espiritu sa loob nila ay hindi katulad ng nasa ibang tao, gayundin ang kanilang diwa. Kaya, ang diwa, ugat, at pinagmulan ng mga pananaw na kanilang pinanghahawakan at ng mga bagay na kaya nilang gawin ang nagtatakda sa kung ano ang mga taong ito. Kung inaatake at nilalapastangan nila ang Diyos, sila ay mga diyablo, at hindi sila mga tao. Kapag suot ang balat ng tao, kahit gaano pa kaganda sa pandinig o kahit tama ang mga sinasabi nila, ang kanilang kalikasang diwa ay sa mga diyablo. Ang mga diyablo ay maaaring magsabi ng mga bagay na magandang pakinggan upang ilihis ang mga tao, ngunit hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan, lalong hindi nila ito isinasagawa—lubos itong totoo. Tingnan mo ang masasamang tao at ang mga anticristo at ang mga lumalaban at nagtataksil sa Diyos—hindi ba’t ganito silang uri ng tao? Lahat sila ay kayang magsabi ng mga bagay na magandang pakinggan, ngunit hindi nila kayang gumawa ng anumang praktikal na bagay. Maaari silang magpakita ng kaunting respeto at magsabi ng mga bagay na magandang pakinggan sa mga taong may katayuan at kapangyarihan, lalo na sa kanilang mga nakatataas, ngunit kapag humaharap sila sa Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng kahit na kaunting paggalang sa Diyos na nagkatawang tao. Kung hihilingin mo sa kanilang asikasuhin ang isang bagay para sa Diyos, ayaw na ayaw nilang gawin ito, at kahit pa gawin nila ito, gagawin nila ito nang walang pag-iingat. Bakit nila nagagawang tratuhin ang Diyos sa ganitong paraan? Ang katotohanan ba ang bumigo sa kanila? Binigo ba sila ng Diyos? Nakipag-ugnayan na ba sa kanila ang Diyos dati? Ang sagot sa mga tanong na ito ay hindi, at ni hindi pa nga sila nakakatagpo ng Diyos. Kaya paanong nangyaring ang mga taong ito ay nagkikimkim ng ganitong saloobin sa Diyos at sa katotohanan? May isang dahilan lamang, at ito ay na ang kanilang kalikasang diwa ay likas na salungat sa Diyos. Kaya hindi nila mapigilang hamakin at lapastanganin ang Diyos, at kasuklaman, husgahan, at atakihin ang Diyos sa kanilang puso, nagagawa pa nga nila ito nang walang anumang pagsasaalang-alang sa moralidad—ito ay itinatakda ng kanilang kalikasang diwa. Ginagawa nila ang mga bagay na ito nang halos walang kahirap-hirap, ang mga salita ay kusang lumalabas sa kanilang bibig, nang walang pagsasaalang-alang, nang hindi na pinag-iisipan, ang mga bagay na ito ay natural na lang na lumalabas. Kaya nilang magpakita ng respeto sa ibang tao, sa mga taong may katayuan at sa mga karaniwang tao, ngunit lubos silang nasusuklam sa Diyos at sa katotohanan. Ano sila? (Mga diyablo.) Tama iyan, mga diyablo sila, hindi mga tao, anuman ang kanilang edad. Sinasabi ng ilan, “Baka lang bata pa sila at hindi pa nila naiintindihan ang mga bagay-bagay.” Iniisip mong bata pa sila at hindi pa nila naiintindihan ang mga bagay-bagay, pero kapag lumalabas sila sa mundo at sa lipunan at nakakakita sila ng mas matanda sa kanila, palaging may respeto ang pagtawag nila sa mga ito. Tanging kapag nakikita nila ang Diyos na hindi nila tinatawag ang Diyos nang may respeto, sa halip ay sinasabi nilang, “Hoy,” o “Uy, Ikaw,” o “Ikaw” lang. Hindi nila tinatawag nang may respeto ang Diyos. Alam nilang igalang ang matatanda at alagaan ang mga bata sa lipunan, at sila ay sibilisado at magalang. Subalit, kapag humaharap sila sa Diyos, hindi nila nagagawa ang mga bagay na ito at hindi nila naiintindihan kung paano Siya igagalang. Kaya, ano sila? (Mga diyablo.) Mga diyablo sila, tipikal na mga diyablo! Nagagawa nilang magpakita ng respeto at maging magalang sa mga prestihiyosong tao sa lipunan, sa mga taong may katayuan, sa mga hinahangaan nila, at maging sa mga taong mapapakinabangan nila; pero kapag humaharap sila sa Diyos, wala man lang silang ipinapakitang respeto o paggalang, sa halip ay agad nilang nilalabanan ang Diyos, kinasusuklaman Siya nang hayagan, at pinapakitunguhan Siya nang may mapanghamak na saloobin. Ano sila? Mga diyablo sila, tipikal na mga diyablo! Ang mga hindi mananampalatayang ito, itong mga taong pinapasok ang sambahayan ng Diyos at pagkatapos ay pinapaalis at itinitiwalag, lahat sila ay ganitong uri ng tao, isang daang porsiyento ang katiyakan nito. Nilalabanan at hinahamak nila ang Diyos sa ganitong paraan, at pagdating sa tungkulin na hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao, mas lalong hindi nila ito binibigyang-pansin. Anuman ang kanilang katayuan sa lipunan, gaano man sila kaedukado, o anuman ang kanilang edad o kasarian, ganoon pa rin ang kanilang kalikasang diwa. Kapag nasa mundo sila at nakatagpo sila ng isang opisyal na hinihingi sa kanilang gawin ang isang bagay, agad-agad silang yumuyukod at sumusunod. Masaya at handa silang maging alipin ng opisyal at susubukan nilang purihin ito sa pinakamahusay na paraang maiisip nila. Kung makamayan sila o mayakap ng isang kilalang personalidad o ng isang pangulo, nakakaramdam sila ng karangalan, at marahil ay buong buhay na nilang hindi huhugasan ang kanilang kamay o hindi papalitan ang kanilang damit. Pakiramdam nila ay mas mataas at mas dakila kaysa sa Diyos ang mga kilalang personalidad at mga dakilang taong ito, at kaya sa kanilang puso ay nagagawa nilang masuklam sa Diyos. Anuman ang sabihin ng Diyos o anumang gawain ang gawin Niya, hindi iniisip ng mga taong ito na karapat-dapat itong banggitin. Maliban sa hindi nila ito itinuturing na karapat-dapat banggitin, palagi rin nilang nais na ibahin at baguhin ang mga salita ng Diyos at baguhin ang kahulugan ng mga ito, idagdag ang kanilang pansariling pakahulugan sa mga ito, gawing ganap na naaayon sa kanilang iniisip ang mga ito—lahat sila ay mga taong may problema sa kanilang kalikasang diwa. Sabihin mo sa Akin, tama bang hayaan ang mga taong ito na mula sa mga diyablo, o ang mga taong ito na may kalikasang diwa ng mga diyablo, na manatili sa sambahayan ng Diyos? (Hindi ito tama.) Hindi ito tama. Hindi sila katulad ng mga hinirang ng Diyos: ang mga hinirang ng Diyos ay nabibilang sa Diyos, samantalang ang mga taong ito ay nabibilang sa mga diyablo at kay Satanas.
Anong uri ng mga tao ang dapat magtipon-tipon para matawag silang isang iglesia? Anong klaseng mga tao ang hinahanap sa sambahayan ng Diyos, at sa anong uri ng mga tao nabibilang ang sambahayan ng Diyos? Sabihin mo sa Akin. (Sa mga taong tunay na nananalig sa Diyos at naghahangad sa katotohanan.) Medyo mahigpit masyado ito. Para sa Akin, ang pinakamababang limitasyon at pamantayan ay sila ay dapat na mga taong handang magtrabaho. Maaaring wala silang pagmamahal sa katotohanan ngunit hindi iyon nangangahulugan na tutol sila sa katotohanan, ginagawa nila ang pinapagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos nang walang tanong-tanong, at sila ay masunurin at kayang magpasakop. Pagdating sa mga kondisyon para sa paghahangad sa katotohanan, maaaring isipin ng ilang tao na kulang sila sa kakayahan, na hindi sila nasisiyahan sa paggawa nito at hindi sila gaanong interesado. Maaari nilang isipin na katanggap-tanggap na makinig sa sermon paminsan-minsan, at kung minsan ay nakakatulog sila habang nakikinig ng sermon, at paggising nila ay napapaisip sila, “Ano nga ba iyong pinakikinggan ko kanina? Nakalimutan ko na. Mas mabuti pang magtrabaho na ako. Sapat nang gawin ko lang ang aking trabaho.” Hindi sila magulo o nanggagambala, at masipag nilang ginagawa ang anumang gawaing isinaayos para sa kanila. Sila ay tila tunay na matapat at para silang matatandang kabayong pangtrabaho—sabihin lang sa kanila ng kanilang amo na magtrabaho, at kung ito man ay pagpapatakbo ng gilingan, paghila ng araro, pagtatrabaho sa sakahan, o paghila ng kariton, palagi silang tila tunay na matapat at kaya nilang tapusin ang mga gawain nang walang anumang idinudulot na problema. Ano ba ang iniisip nila? “Sinabi sa akin na ako ay isang trabahador, kaya magtatrabaho ako. Wala akong halaga, isa lamang akong mababang tao. Sa pamamagitan ng pagtatrabaho para sa Diyos, itinataas Niya ako, at hindi ako nakakaramdam ng anumang pang-aagrabyado.” Makikita mo na ito ang kanilang saloobin. Kaya ang ganitong mga tao ay dapat na manatili sa sambahayan ng Diyos. Kahit pa mayroon silang ilang kapintasan, pagkukulang, at masasamang gawi, o maaari mang sila ay kulang sa kakayahan o sila ay hangal, kaya Kong tiisin at tanggapin ang lahat ng taong ito; hindi ito problema, at binibigyan Ko ng mga oportunidad ang mga taong ito. Anong mga oportunidad? Binibigyan Ko ba sila ng oportunidad na magtrabaho o magkamit ng kaligtasan? Pareho, siyempre. Bilang mga nilalang, handa silang magtrabaho para sa Diyos, magtrabaho sa sambahayan ng Diyos, at karapatan nilang gawin ito. Dagdag pa rito, dahil ito ang kanilang nais, dapat silang mabigyan ng pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Ngunit mayroong mga nagsasabi, “Pero hindi nila hinahangad na makamit ang kaligtasan!” Kung hindi nila hinahangad na makamit ang kaligtasan, personal na nilang usapin iyon, pero kahit papaano man lang, ang mga taong ito ay maaaring mabigyan ng espesyal na pabor at oportunidad na makamit ang kaligtasan, at may tsansa silang mailigtas. Ano ang ibig Kong sabihin sa “may tsansa sila”? Ang ibig Kong sabihin, kulang ang kanilang kakayahan, medyo hangal sila, at hindi nila kayang umako ng napakalaki o napakahalagang gawain sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, sa halip ay pangkaraniwang gawain lamang ang nagagawa nila, ang papel nila sa sambahayan ng Diyos ay hindi napakahalaga, hindi sila umaako ng anumang mahalagang trabaho habang pinapalawak ng Diyos ang Kanyang gawain, at wala silang malaking ambag; gayunpaman, dahil sa kanilang pagnanais na maging handang magtrabaho para sa Diyos, binibigyan sila ng espesyal na pabor at binibigyan ng pagkakataon na maligtas—ito ang espesyal na pabor na ibinibigay sa kanila. Nagbibigay ang Diyos ng maraming oportunidad sa bawat tao. Patas ba ang pagtrato ng Diyos sa mga tao? (Oo.) Sapagkat gaano man sila kahina, gaano man kaliit ang kanilang kakayahan, gaano man sila kahangal, sila ay mga miyembro ng ordinaryo at tiwaling sangkatauhan; hindi lang nila aktibong hinahangad ang katotohanan, ngunit bilang tao ay tama pa rin naman sila. Sa huli, nakakamit man nila o hindi ang katotohanan o ang kaligtasan, pinapakitaan pa rin sila ng Diyos ng kabutihan at binibigyan ng espesyal na pabor, sapagkat sila ay ganap na naiiba sa mga hindi mananampalataya at sa mga diyablo na sumasalungat sa Diyos, at iba ang kanilang diwa. Ang mga taong iyon ay mga diyablo at mga kaaway ng Diyos, samantalang sila, bagamat hinahangad lamang nilang magtrabaho at kontento na sila sa pagtatrabaho, ay hindi lumalaban sa Diyos sa kanilang puso. Hindi nila kailanman aktibong aatakihin ang Diyos, huhusgahan ang Diyos, o lalapastanganin ang Diyos, at nagtataglay sila ng positibo at tamang saloobin sa Diyos, ibig sabihin, handa silang magtrabaho para sa Diyos, makakamit man nila ang kaligtasan o hindi. Mayroon ding ilan na medyo mas mainam kaysa rito, at sa panahon ng pagtatrabaho nila, nagagawa nilang isagawa ang ilang katotohanan sa abot ng kanilang makakaya, aktibo at positibo nilang hinahangad ang ilang katotohanang prinsipyo, at nagsusumikap sila na hindi masalungat ang mga prinsipyo. Ito ang taglay nilang pagnanais at saloobin, at kaya nagiging mabuti sa kanila ang Diyos. Hindi sila tinatrato ng Diyos nang hindi makatarungan, hindi lang Niya sila sinusukuan, at lagi Niya silang binibigyan ng mga oportunidad. Sa oras na ang gawain ng Diyos ay magwakas, kung nakamit nila ang pagpapasakop sa Diyos at makakaalpas sila sa impluwensya ni Satanas, aakayin sila ng Diyos papunta sa kaharian—ito ang hantungan na dapat marating nila. Nais ng Diyos na iligtas ang mga taong ito at hindi Niya sila susukuan; hinggil naman sa kung paano ito gagawin ng Diyos at kung paano Niya tutuparin ang mga salitang ito, isang araw ay malalaman mo. Ano ang saloobin ng Diyos sa mga diyablo at sa mga Satanas? (Tutol Siya sa mga ito.) Ang Kanyang saloobin ay na tutol Siya sa mga ito. Malinaw na tutol Siya sa mga ito. Ginagamit ng Diyos ang mga diyablo at mga Satanas para magserbisyo sa tamang oras at lugar, sa tamang sitwasyon, at sa tamang mga bagay, at kapag nakapagserbisyo na ang mga ito, itinataboy nang walang anumang pagsasaalang-alang ang mga ito. Ang kalikasang diwa ng mga ito na hindi naghahangad sa katotohanan at na tutol sa katotohanan ay laging inilalantad sa lahat ng uri ng sitwasyon. Ang Diyos ay hindi nagiging mabuti sa mga ito, sapagkat lubos na namumuhi ang Diyos sa mga ito at labis na nasusuklam sa mga ito. Ngunit ang mga hangal na taong ito na may mahinang kakayahan, na ang ilan pa nga ay maaaring naguguluhan, ay handang magtrabaho para sa Diyos, at mayroon silang saloobin at determinasyon ng “pagnanais na makapagtrabaho para sa Diyos at hindi ito kailanman pinagsisisihan.” Kaya naman, sa pang-araw-araw na buhay, palaging patatawarin ng Diyos ang kanilang kahangalan at titiisin ang kanilang kahinaan, poprotektahan at babantayan din sila ng Diyos. Ano ang ibig Kong sabihin kapag sinabi Kong poprotektahan at babantayan sila ng Diyos? Ang ibig Kong sabihin ay bibigyang-liwanag sila ng Diyos tungkol sa mga literal na kahulugan ng ilang katotohanang naiintindihan nila at tutulutan silang maunawaan ang mga katotohanang naiintindihan nila; kasama nila ang Diyos, naggagawad ng kapayapaan at kasiyahan sa kanila, at kapag nakatagpo sila ng tukso, magsasaayos ang Diyos ng angkop na mga kapaligiran para sa kanila upang maprotektahan sila mula sa tukso. Ano ang mga pangunahing tukso? Maraming tukso: Pag-aasawa, hindi tamang relasyon sa pagitan ng mga lalaki at mga babae, pera, katayuan, kasikatan at pakinabang, reputasyon, pati na rin ang magandang trabaho at magandang kita, at iba pa—lahat ng ito ay tukso. At sa ano pang ibang paraan pinoprotektahan ng Diyos ang mga tao? Ginagamot Niya ang iyong karamdaman upang hindi ka magdusa, pinoprotektahan ka Niya mula sa mga bitag at pag-atake ng masasamang tao, at iba pa. Dagdag pa rito, kapag nahaharap ka sa ilang paghihirap o sa mga bagay na tila mapaminsala, magsasaayos ang Diyos ng ilang tao, pangyayari, at bagay upang protektahan ka mula sa mga kalamidad at paghihirap na ito, na nagbibigay-daan sa iyo na makapagtrabaho nang maayos para sa Diyos sa Kanyang sambahayan gaya ng iyong ninanais hanggang sa wakas—hindi ba’t isa itong magandang bagay? (Oo, maganda nga ito.) Kaya, para maging maayos ang takbo ng lahat ng bagay at para ang lahat ng bagay ay mangyari ayon sa iyong nais, saan ito dapat manggaling? (Sa proteksyon ng Diyos.) Tama, ito ay nagmumula sa proteksyon ng Diyos, sa pagbabantay ng Diyos sa iyo, at mula sa kabutihan ng Diyos. Ngunit ang mga taong sa mga diyablo ay hindi mapigilang gumawa ng mga bagay na mala-diyablo. Gumagawa sila ng mga pagkakamali sa lahat ng kanilang ginagawa, at lahat sila ay mayroong masasamang layunin. Normal sa kanila na madalas na mahulog sa tukso; ito ang mismong kailangan nila, parang isang malaking bato na biglang bumagsak mula sa langit, tumama sa kanilang ulo, dumurog sa kanila, at pagkatapos ay namatay na sila. Ang mga taong handang magtrabaho para sa Diyos ay mahaharap din sa mga bagay na ito, ngunit dahil sa milagrosong proteksyon ng Diyos, hindi sasapit sa kanila ang sakunang ito, dadaanan lang sila nito, at sa kanilang puso ay sasabihin nila, “Pinoprotektahan ako ng Diyos, hindi ko pa oras na mamatay!” Pinapanatili kang buhay ng Diyos dahil kapaki-pakinabang ka pa sa Kanya. Ibinigay sa iyo ng Diyos ang iyong buhay, at dahil handa kang magtrabaho para sa Kanya at ialay ang iyong sarili sa Kanya, bakit ka hindi poprotektahan ng Diyos? Tiyak na poprotektahan ka ng Diyos. Marami bang hinihingi ang Diyos sa mga tao? (Hindi.) Ang mga taong ito na handang magtrabaho para sa Diyos ay wala namang masyadong talento at hindi naman ganoon kahusay ang kanilang kakayahan; limitado ang kanilang pagkaarok sa katotohanan, hanggang sa puntong maaari lang nilang maunawaan ang ilang salita at doktrina at matutong magsalita nang katulad sa ibang tao. Gayunpaman, sadyang hindi lang talaga nila maarok ang mga katotohanang prinsipyo, ni maabot ang paghahangad sa katotohanan o pagkamit sa kaligtasan. Ang kanilang pagpapasakop sa Diyos ay kinasasangkutan lamang ng pagtupad sa ipinag-uutos sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at imposibleng magpasakop sila sa katotohanan, iyon na iyon. Kaya naman, dahil sila ay mga ordinaryong tiwaling tao lamang, at dahil handa silang magtrabaho para sa Diyos, hindi sila itinataboy ng Diyos. Samakatuwid, ang mga taong pinapaalis ay tiyak na hindi mabuti. Kung talagang mabuti kayong tao, kung talagang kayo ay mga taong pinili ng Diyos, kung talagang mayroon kang saloobing nagpapasakop sa Diyos, mayroong pagnanais at saloobing maging handang magtrabaho para sa Diyos at hindi ito pagsisihan kailanman, tiyak na hinding-hindi ka itataboy ng Diyos, sa halip, papakitaan ka Niya ng kabutihan. Ito ay magiging isang pagpapala para sa iyo, at nais ng Diyos ng ganitong mga tao. Nais ng Diyos ng ganitong mga tao—hindi nila hinahangad ang katotohanan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan dahil kapos ang kanilang kakayahan, ngunit handa silang magtrabaho para sa Diyos. Ang iba pang uri ng tao na nais ng Diyos ay ang mga nagnanais na hangarin ang katotohanan, ang mga nagmamahal sa katotohanan, ang mga nagmamahal sa pagiging patas at pagiging matuwid at sa mga positibong bagay, ang mga nagnanais magpasakop sa katotohanan, at ang mga taong, sa sandaling maintindihan at maunawaan nila ang katotohanan, sa sandaling matutunan at maarok nila ang katotohanan, ay nagagawa nang sumunod, magpasakop, at magsagawa nang ayon sa katotohanan. Dagdag pa rito, ang mga taong ito ay may determinasyong hangarin ang katotohanan at kamtin ang kaligtasan, at hindi nila kailanman pinagdudahan ang Diyos. Ang mga taong ito, siyempre, ang mga minamahal ng Diyos at nais Niyang iligtas. Ngunit maaabot mo ba ang pamantayang ito? At ano ang gagawin mo kung hindi mo ito maabot? Kahit papaano man lang, ang iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan ay hindi dapat sa mga diyablo at kay Satanas, kahit papaano man lang ay dapat na malapit ka sa pamantayan ng pagsang-ayon ng Diyos at handa kang magtrabaho para sa Diyos. Kung palagi kang sumasalungat sa Diyos, kumikilos nang hindi katugma ng Diyos, at kung palagi mong inaatake at nilalapastangan ang Diyos sa iyong puso, malalagay ka sa isang magulo at mapanganib na sitwasyon. Dapat maging malinaw sa iyong puso kung anong saloobin ang iyong pinanghahawakan patungkol sa Diyos, at dapat mong iklasipika ang iyong sarili batay sa iba’t ibang uri ng tao na Aking tinatalakay rito.
Ang paghahangad sa katotohanan ay napakahalaga, pero hindi iyon nangangahulugan na kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan ay hindi nila mararating ang kanilang hantungan; iyon ay hindi tiyak. Ang lahat ng tao ay mga nilikha, at hangga’t sila ay hindi mga diyablo o mga Satanas, hindi nila aktibong aatakihin ang Diyos, o aktibong aatakihin at lalapastangin ang Diyos nang may malinaw na kamalayan. Samakatuwid, ang Diyos ay makatarungan at makatwiran sa ordinaryong tiwaling sangkatauhan, at binibigyan Niya silang lahat ng oportunidad na makamit ang kaligtasan. Habang nararanasan ng tao ang pagkakamit ng kaligtasan, mabuti ang Diyos sa kanila, pinoprotektahan Niya sila, at binabantayan sila. Kaya, ano ang saloobin ng Diyos sa mga taong diyablo at mga Satanas? Nakikita nila ang Diyos bilang ang kanilang kaaway at patuloy nilang hinuhusgahan, inaatake, at nilalapastangan ang Diyos, sinisira ang Kanyang gawain, at kahit kailan ay hinding-hindi sila marunong magsisi. Kung makikipag-ugnayan sila sa ibang tao, may ilan silang makakasundo, ngunit kapag humaharap sila sa Diyos, hindi talaga nila nakakasundo ang Diyos, kahit sa loob man lang ng isang minuto o ng isang segundo; hindi nila kayang makipagtulungan sa Diyos o makasama ang Diyos o makasundo ang Diyos sa anumang bagay, at ito ay nagpapakita na sila ay tipikal na mga diyablo at mga Satanas. Hinding-hindi pinahihintulutan ng Diyos ang gayong mga tao, at hinding-hindi pinapanatili ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Kapag may isang natuklasan, siya ay pinapaalis; kapag may dalawang natuklasan, sila ay pinapaalis; gaano man karami ang mabunyag, ganoon din karami ang tinatanggal—ang araw na sila ay mabunyag ay ang araw ng kanilang katapusan. Kapag ang mabubuting tao ay itinaas ang ranggo at binigyan ng mahalagang papel, iyon ang oras na sila ay pineperpekto, pinagpapala, at inaani nila ang pinakamalaking ani; kapag ang masasamang tao at mga diyablo ay itinaas ang ranggo at binigyan ng mahalagang papel, natural silang nailalantad at itinitiwalag, at dumating na ang kanilang huling araw. Isipin ninyo ang mga nasa paligid ninyo na kamakailan lamang o maaga pa lang ay inilantad, itiniwalag, o pinaalis na, at iyong mga tinanggal na sa listahan ang mga pangalan. Nang marating na nila ang rurok ng kanilang “propesyon” sa sambahayan ng Diyos ay saka sila itiniwalag, ang kanilang huling araw ay dumating na, at tinuldukan na nang malaki ang kanilang buhay ng pananampalataya sa Diyos. Ang mga hindi mananampalataya ay pumapasok at lumalabas sa iglesia at hindi sila makahanap ng angkop na lugar para sa kanilang sarili, hindi rin sila makaganap ng kahit anong tungkulin. Sa sandaling gumawa sila ng masama, sila ay nailalantad, at dumating na ang kanilang huling araw. Ang mga diyablo ay mahilig gumawa ng mga bagay-bagay na nakakaagaw ng pansin at nais nilang maging tanyag, at ang araw na sila ay pinakanagsasaya sa kanilang karangalan ay ang kanilang huling araw. Bakit Ko sinasabi ito? Alam mo ba? Ganito ang mga bagay-bagay. Pinakakampante sila kapag sila ay pinakanagsasaya sa kanilang karangalan, at hindi ba’t kapag sila ay pinakakampante ay saka sila pinakamadaling makalimot sa kanilang sarili? (Oo.) Kapag wala silang tagumpay at karangalan, ang mga diyablong ito ay ayaw mapansin. Pero kahit na sinasabi Kong ayaw nilang mapansin, hindi ibig sabihin na naisasagawa nila ang katotohanan, ang ibig Ko lang sabihin ay ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang sobrang maingat at mapagbantay, palaging may pusong mapagbantay at hindi isang pusong may takot sa Diyos. Sa sandaling makakita sila ng oportunidad, o magkaroon sila ng kapangyarihan at katayuan, at nakokontrol na nila ang kanilang kapaligiran, nagiging kampante sila at nakakalimot sa kanilang sarili, iniisip na, “Dumating na ang oras ko. Oras na para ilabas ko ang aking mga abilidad at kalakasan at gamitin ang aking mga kakayahan!” At agad silang kumikilos. Ano ang motibasyon sa likod ng kanilang mga kilos at ano ang pinagmulan ng kanilang mga kilos? Saan nanggagaling ang kanilang motibasyon at ang pinagmulan ng kanilang mga kilos? Nanggaling ang mga ito sa mga diyablo, kay Satanas, at sa kanilang matitinding ambisyon at pagnanasa. Sa gayong mga sitwasyon, ang mga bagay ba na kanilang ginagawa ay makatutugma sa mga prinsipyo ng katotohanan? Maaari ba silang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos habang ginagawa nila ang mga bagay-bagay? Mapapangasiwaan ba nila ang mga usapin ayon sa kung ano ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos? Ang sagot sa lahat ng tanong na ito ay hindi, hindi nila ito magagawa. At ano ang mga kahihinatnan? (Nagdudulot sila ng mga pagkagambala at kaguluhan.) Tama iyan, ang mga kahihinatnan ay na nagdudulot sila ng malulubhang pagkagambala at kaguluhan, at maaari pa nga silang magdulot ng malulubhang kaguluhan at kawalan sa sambahayan ng Diyos at sa gawain ng iglesia. Kaya naman, alinsunod sa mga prinsipyo ng kung paano pangasiwaan ang mga tao sa sambahayan ng Diyos, paano dapat pangasiwaan ang mga taong nagdudulot ng gayong mga kahihinatnan sa gawain ng iglesia? Kung ito ay isang maliit na usapin, dapat silang palitan, at kung ito ay isang seryosong usapin, dapat silang paalisin. Kapag ang isang tao ay itinaas ang ranggo at binigyan ng mahalagang papel, o isinaayos na gumawa siya ng ilang gawain, palaging malinaw na makikipagbahaginan sa kanya ang sambahayan ng Diyos tungkol sa mga prinsipyo ng paggawa. Maraming prinsipyo at detalye ang sinasabi sa taong iyon, at kapag naintindihan at naunawaan na niya, at naisulat na niya ang lahat, ay saka lamang itinuturing na kumpleto na ang pagpapasa ng gawain. Ngunit kapag nararapat siyang gumawa at gumanap ng kanyang tungkulin, ginagawa niya ito nang nakalantad ang mahahaba niyang kuko ng diyablo at nagsisimulang lumitaw ang totoong siya na isang diyablo. Hinding-hindi niya ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng sambahayan ng Diyos, sa halip ay ginagawa niya ang mga bagay-bagay ayon sa kanyang sariling kagustuhan, ginagawa ang mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto niya, sa anumang paraang nais niya. Walang makakakontrol sa kanya, at wala siyang pinakikinggan, iniisip niya na, “Ang sambahayan ng Diyos, ang Diyos, at ang katotohanan ay lahat maaaring tumabi muna! Dito, ako ang nasusunod!” Ganito ginagawa ng mga diyablo ang mga bagay-bagay, at ito ang saloobin ng mga diyablo sa tungkulin at sa katotohanan. Kung mayroon kang ganitong saloobin sa katotohanan, ikaw ay malalantad. Kung itinuturing mo ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang iyong tungkulin bilang mga bagay na walang halaga at hindi mo ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo na ipinapasunod sa iyo ng sambahayan ng Diyos, hindi ka tatratuhin nang may paggalang. May mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa ng mga tao; ang mga dapat na tanggalin sa kanilang posisyon ay tinatanggal, at ang mga dapat na paalisin ay pinapaalis, at iyon na ang lahat ng masasabi tungkol dito. Hindi ba’t totoo ito? Hindi ba’t ito ang ginagawa ng sambahayan ng Diyos? At hindi ba’t ganito inilalantad ang mga diyablo? At hindi ba’t ito ang kanilang motibasyon sa paggawa ng mga bagay-bagay, ang pinagmumulan ng kanilang mga kilos, at ang paraan ng kanilang paggawa sa mga bagay-bagay? (Oo.) Sa pamamagitan ng pangangasiwa sa kanila sa ganitong paraan, tinatrato ba sila ng sambahayan ng Diyos nang hindi makatarungan? (Hindi.) Ito ba ay isang angkop na paraan ng pagtrato sa kanila? (Oo.) Talagang angkop na angkop ito! Ang isang normal na tao ay tinatanggap ang kanyang tungkulin, tumatanggap ng pagtataas ng ranggo, at binibigyan ng mahalagang papel. Tinutupad niya ang kanyang gawain ayon sa sarili niyang mga abilidad at kakayahan, at sa malaki o maliit na antas, nang ayon sa mga prinsipyo ng gawain na kanyang nauunawaan, o sa mga prinsipyong ipinapasunod sa kanya ng sambahayan ng Diyos. Bagamat madalas siyang naghahayag ng mga tiwaling disposisyon, hindi ito nakakaapekto sa normal na pagganap ng kanyang tungkulin. Anuman ang mga pagsubok na kanyang kaharapin, anuman ang maling kalagayan na kanyang mapasukan, o anuman ang pagkagambala na kanyang tiisin, sa huli ay makakamit niya ang ilang positibong resulta sa pagganap ng kanyang tungkulin, at ang mga resultang ito ay katanggap-tanggap sa lahat. Gayunpaman, gaano katagal man nang ginagampanan ng mga hindi mananampalatayang iyon ang kanilang tungkulin, hindi sila kailanman nagkakamit ng anumang positibong resulta. Palagi silang gumagawa ng masasamang bagay at sinusubukan nilang sirain ang mga bagay, at hindi lamang ito nakakaapekto sa gawain ng iglesia, pinipinsala rin nito ang mga interes ng iglesia, lumilikha ng masamang atmospera sa kanilang gawain at ginugulo ito. Kung ginagambala at sinisira ng isang diyablo ang ilang gawain, malamang na maraming tao sa likod ng eksena ang umuulit sa gawain mula sa simula, sinasayang ang pagsisikap ng mga tao at ang pondo ng sambahayan ng Diyos, at ginagalit ang maraming hinirang ng Diyos. Kapag tinanggal na ang diyablo, ang gawain ng iglesia ay agad na nagiging mas maganda, at ang mga resulta ng gawain ay nagiging iba. Ang diyablong nagdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan ay hindi na pinahihintulutan sa iglesia, ang mga tao ay nagkakaroon na ng malayang kaisipan, mas bumibilis ang paggawa, at ang lahat ay gumaganap ng kanilang mga tungkulin nang normal. Kung gayon, ang mga taong ito na mula sa mga diyablo at kay Satanas ay tila mga tao mula sa labas, at anuman ang kanilang edad o gaano man sila kaedukado, hangga’t sila ay masama, maaari silang gumawa ng masasamang bagay, at ginagampanan nila ang papel ng mga diyablo at ni Satanas na nagtitiwali at nanggugulo sa mga tao. Halimbawa, nagluluto ka ng sinabawang manok na pinananabikang kainin ng lahat, nang biglang may langaw na dumapo sa sabaw. Sabihin mo sa Akin, maaari pa bang kainin itong sinabawang manok? Wala ka nang magagawa kundi itapon ito, at nasayang ang dalawa o tatlong oras mong paggawa. Pagkatapos ay kakailanganin mong hugasan ang pinaglutuan nang ilang beses, at kahit pagkatapos mong mahugasan ito, tila hindi pa rin ito malinis para sa iyo, at nakakaramdam ka pa rin ng pandidiri. Ano ang gumulo sa iyo? (Ang langaw.) Bagamat napakaliit niyong langaw, labis na nakakadiri ang maruming diwa nito. Ang mga taong ito na mula sa mga diyablo ay parang mga langaw. Pumapasok sila sa iglesia at nagdudulot ng malubhang pagkagambala sa normal na ayos ng buhay-iglesia, at ginugulo nila ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Kaya, ngayon ba ay may malinaw na kayong pagkaunawa sa mga taong ito na mula sa mga diyablo? Ang himukin silang magserbisyo nang kaunti at gampanan ang kanilang tungkulin nang maayos ay mas mahirap pa kaysa sa himukin ang isang baka na umakyat sa puno; para itong paghimok sa isang pato na dumapo sa dapuan. Ang pinakamahirap ay ang himukin ang mga diyablo at mga Satanas na isagawa ang katotohanan, gayundin ang himukin ang mga hindi mananampalataya na tapat na gampanan ang kanilang tungkulin. Sadyang ganito ang mga bagay-bagay. Kung makakatagpo kayo ng mga taong kay Satanas at mga hindi mananampalataya, at kailangan ninyong pansamantalang magpatulong sa kanila, ayos lang iyon. Pero kung isasaayos mo na gumanap sila ng isang tungkulin o gumawa ng isang gawain, nagiging bulag ka at ikaw ay naloloko. Lalo na kung hihilingin mong gumawa sila ng ilang mahahalagang gawain, mas lalo kang nagiging hangal. Kung talagang wala kang mahanap na angkop na makakatulong sa iyo na gumawa ng isang bagay kaya nagpatulong ka sa kanila, ayos lang na hingan sila ng tulong, pero dapat mo silang bantayan at huwag balewalain ang bagay na iyon. Ang mga taong tulad nila ay hinding-hindi maaasahan; dahil hindi sila tao, kundi mga diyablo, hindi talaga sila maaasahan. Kaya ngayon, tingnan mo ang mga taong namumuno sa mga grupo o ang mga lider ng grupo, at ang mga gumaganap ng mga susing tungkulin at mahahalagang gawain, at tingnan mo kung katulad ba sila ng mga diyablong ito. Kung maaari mo silang palitan, palitan mo sila sa lalong madaling panahon; kung hindi mo sila mapalitan dahil walang ibang angkop na pumalit sa kanilang puwesto, bantayan mo sila nang mabuti, subaybayan mo sila nang maigi. Hindi mo dapat bigyan ng pagkakataon ang mga diyablo at mga Satanas na magdulot ng kaguluhan. Ang isang diyablo ay palaging magiging isang diyablo, wala itong pagkatao, at wala itong konsensiya at katwiran—dapat mo itong tandaan palagi! Ang mga hindi mananampalataya ay pawang sa mga diyablo at kay Satanas, at hindi mo sila dapat paniwalaan! Dito na natin tapusin ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito.
Noong magbahaginan tayo dati sa kung paano hangarin ang katotohanan, tinalakay natin ang dalawang bagay. Ano iyong una? (Pagbitiw.) Ang isa sa mga ito ay ang pagbitiw. Ano naman iyong isa pa? (Pag-alay.) Pag-alay. Tatlong beses nating tinalakay iyong una, ang “pagbitiw.” Ano ang huli nating pinagbahaginan? (Noong huli, sinuri ng Diyos ang mga dahilan kung bakit lumilitaw sa mga tao ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, mula sa perspektiba ng mga paghihirap na kanilang kinakaharap, at ng kanilang saloobin sa gawain ng Diyos at sa katotohanan.) Maraming dahilan kung bakit maaaring lumitaw ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, ngunit sa pangkalahatan, ito ay dulot ng obhetibong dahilan na hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Ito ang isa sa mga dahilan. May isa pang dahilan, at iyon ay ang pangunahing dahilan na hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan. Kapag hindi naiintindihan o hinahangad ng mga tao ang katotohanan, at wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, hindi sila tunay na nagpapasakop, kaya natural na umuusbong sa kanila ang lahat ng uri ng negatibong emosyon. Sa pang-araw-araw na buhay, dahil sa mga praktikal na suliraning nararanasan ng mga tao sa kanilang buhay at dahil sa iba’t ibang problema na kanilang nakakaharap sa kanilang pag-iisip, nararamdaman nila ang lahat ng uri ng negatibong emosyon sa kanilang obhetibong kapaligiran. Sa partikular, ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala na pinag-usapan natin noong huli, ay umuusbong lahat dahil kinakaharap ng mga tao ang iba’t ibang uri ng paghihirap at problemang may kaugnayan sa buhay ng kanilang laman. Sapagkat kapag kinakaharap ng mga tao ang mga problemang ito ay hindi nila hinahangad ang katotohanan at hindi sila nananalig sa sinasabi ng Diyos, lalong hindi nila hinahanap sa mga salita ng Diyos ang katotohanang dapat nilang maunawaan at maisagawa, na magbibigay sa kanila ng kakayahan na bitiwan ang kanilang mga maling pananaw, ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw tungkol sa mga usaping ito, pati na rin na bitiwan ang kanilang mga maling paraan ng pangangasiwa at pagharap sa mga bagay na ito, ang mga araw ay lumilipas, ang oras ay tumatakbo, at ang iba’t ibang paghihirap na kinakaharap ng mga tao sa pang-araw-araw na buhay ay nagsasanhi ng lahat ng uri ng mga kaisipang gumugulo at pumipigil sa kanila sa kaibuturan ng kanilang puso. Lingid sa kanilang kaalaman, ang mga kaisipang ito ang nagsasanhing lumitaw ang mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa buhay ng kanilang laman at sa iba’t ibang isyu na kanilang kinakaharap. Sa katunayan, kapag ang mga tao ay hindi pa lumalapit sa Diyos o kapag wala silang pagkaunawa sa katotohanan, ang mga isyung ito ay magsasanhi na lumitaw ang mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala sa bawat tao sa iba’t ibang antas—hindi ito maiiwasan. Para sa mga nananahan sa laman, ang anumang mangyari sa kanila ay magsasanhi ng tiyak na kaguluhan at epekto sa kanilang buhay at sa kanilang mga kaisipan. Kapag ang kaguluhan at epektong ito ay lumampas na sa kanilang kayang tiisin at pasanin, o kapag ang kanilang mga likas na gawi, abilidad, at katayuan sa lipunan ay hindi sapat upang suportahan sila o lutasin o pawiin ang mga paghihirap na ito, ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay natural na uusbong at maiipon sa kaibuturan ng kanilang puso, at ang mga damdaming ito ang kanilang magiging normal na kalagayan. Ang pag-aalala sa iba’t ibang bagay tulad ng mga oportunidad sa hinaharap, pagkain, inumin, at pag-aasawa ng isang tao, ang pag-aalala sa kanyang kaligtasan o kalusugan sa hinaharap, sa kanyang pagtanda, at sa kanyang katayuan at reputasyon sa lipunan ay isang kalagayang nararanasan ng buong sangkatauhan batay sa kawalan ng tao ng pagkaunawa sa katotohanan at sa kanyang hindi pananalig sa Diyos. Ngunit kapag nagsimula nang manalig ang mga tao sa Diyos, kapag nakaunawa na sila ng kaunting katotohanan, ang kanilang kapasyahang hangarin ang katotohanan ay titindi nang titindi. Sa ganitong paraan, ang mga praktikal na paghihirap at problema na kanilang kinakaharap ay unti-unti nang mababawasan, at ang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay unti-unti nang hihina at mapapawi—ito ay labis na natural. Ito ay dahil, pagkatapos mabasa ng mga tao ang maraming salita ng Diyos at maunawaan ang ilang katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos, palagi nilang titimbangin at haharapin ang diwa, simula, at pinagmulan ng mga isyu na kanilang kinakaharap sa buong buhay nila nang alinsunod sa mga salita ng Diyos. Sa panghuling pagsusuri, sa wakas ay mauunawaan nila na ang kanilang kapalaran at ang lahat ng bagay na ito na kanilang nararanasan sa kanilang buhay ay nasa kamay ng Diyos, kaya mauunawaan nila mula sa isang pangkalahatang perspektiba na ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala sa mga ito ang nakasalalay sa kanila. Kaya naman, ang pinakasimpleng dapat gawin ng mga tao ay ang magpasakop—magpasakop sa mga pagsasaayos at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Langit. Hindi sila dapat makipaglaban sa kanilang kapalaran, sa halip, kapag kinakaharap nila ang anumang bagay, dapat na palagi nilang positibo at aktibong hanapin ang mga layunin ng Diyos at mula roon ay hanapin ang pinakaangkop na paraan para lutasin ang isyu—ito ang pinakasimpleng bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Ibig sabihin, pagkatapos manalig ng mga tao sa Diyos, dahil sa mga katotohanang kanilang nauunawaan at dahil sa pangkalahatan ay nagpapasakop sila sa Diyos, unti-unti nang mapapawi ang kanilang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ibig sabihin, ang mga emosyong ito ay hindi na labis na gugulo sa kanila, o magpaparamdam sa kanila ng pagkalito, o pagkatuliro, o na ang kanilang hinaharap ay madilim at hindi tiyak, kung kaya’t madalas silang makaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa mga bagay na ito. Sa kabaligtaran, dahil nagsimula na silang manalig sa Diyos at makaunawa sa ilang katotohanan, at magkaroon ng kaunting pagkilatis at pagkaunawa sa iba’t ibang usapin sa buhay, o magkaroon ng mas angkop na paraan para pangasiwaan ang mga bagay na ito, unti-unti nang mapapawi ang kanilang mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Gayunpaman, bagamat maraming taon ka nang nananalig sa Diyos at nakapakinig ka na ng maraming sermon, ang iyong mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay hindi pa rin natatanggal o humihina—ibig sabihin, ang iyong saloobin sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay at kung paano ka umasal at kumilos, at ang iyong mga kaisipan at pananaw, at ang paraan kung paano mo hinarap ang mga bagay-bagay bago ka manalig sa Diyos ay hindi pa nagbabago—ibig sabihin, pagkatapos mong manalig sa Diyos, hindi mo tinanggap ang katotohanan o nakamit ang katotohanan o ginamit ang katotohanan upang malutas ang mga isyung ito matapos mong basahin ang mga salita ng Diyos at makinig sa mga sermon, nang sa gayon ay malutas mo ang mga negatibong emosyong ito ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Kung hindi mo kailanman hinahanap ang katotohanan upang malutas ang mga negatibong emosyong ito, hindi ba’t ipinapakita nitong may problema ka? (Oo.) Anong problema ang ipinapakita nito? Maraming taon ka nang nananalig sa Diyos ngunit sa tingin mo ay ganap na malungkot at madilim pa rin ang iyong hinaharap. Madalas ay nararamdaman mo pa rin sa iyong puso ang kahungkagan at kawalan ng pag-asa, at madalas mo pa ring maramdaman na hindi mo alam ang gagawin mo at kung paano ka uusad. Hindi mo alam kung saan patungo ang iyong buhay, at pakiramdam mo ay nangangapa ka pa rin sa dilim, walang landas, walang direksyon upang makausad. Ano ang ibig sabihin nito? Sa pinakamababa, ang ibig sabihin nito ay hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, hindi ba? At kung hindi mo pa nakakamit ang katotohanan, ano ba ang iyong ginagawa sa loob ng mahabang panahong ito? Hinahangad mo ba ang katotohanan? (Hindi.) Kung, habang binibitiwan mo ang mga bagay-bagay, iginugugol ang sarili mo, at ginagampanan ang iyong mga tungkulin, ay hindi mo hinahangad ang katotohanan at hindi mo ginagamit ang katotohanan upang malutas ang mga praktikal na problema, ano ba ang ginagawa mo sa buong panahong ito? (Nag-aaksaya ng oras at iniraraos lang ang mga bagay-bagay.) Maraming tao ang gumaganap ng kanilang tungkulin nang padaskul-daskol, at ang totoo, ang mga taong ito ay nagtatrabaho. Ang mga trabahador ay kontento na sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, pagbabayad ng kaunting halaga, at paghihirap nang kaunti, ngunit hindi nila hinahangad ang katotohanan. Kaya’t pagkatapos manampalataya sa Diyos nang maraming taon, hindi man lang sila nagbabago. Ang totoo, ang mga taong ito ay mga trabahador, at kung sasabihin natin ang dating sinasabi, pwede nating sabihing sila ay lumalahok sa mga aktibidad na panrelihiyon. Tingnan mo ang mga aktibidad na panrelihiyon sa mundo ng relihiyon—tuwing Linggo, sumasamba at nagtitipon-tipon ang mga tao, at karaniwan ay nagdarasal sila sa umaga, nagdarasal bago kumain, nagpapasalamat para sa lahat ng bagay, pinagpapala ang mga tao sa kanilang mga dasal, at kapag nakakakita sila ng ibang tao ay sinasabi nilang, “Pagpalain ka nawa ng Diyos, protektahan ka nawa ng Diyos.” Kapag nakakakita sila ng isang taong mukhang interesado, ipinapangaral nila rito ang ebanghelyo at binabasahan nila ito ng isang sipi mula sa Bibliya. Ang mas mabubuti ay naglilinis ng iglesia, at kapag may dumarating na mangangaral, buong-sigla nila itong pinapatuloy sa kanilang tahanan; kapag nakakakita sila ng matatanda na nahihirapan sa buhay, tinutulungan nila ang mga ito, at nasisiyahan silang tulungan ang mga ito. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay mga aktibidad na panrelihiyon? Ang pagkain ng Easter Egg tuwing Easter, ang pagdiriwang ng pasko at ang pag-awit ng mga himnong pangpasko—ito ang mga aktibidad na kanilang nilalahukan. Ang inyong mga aktibidad ngayon ay medyo mas madalas na ginagawa kaysa sa mga aktibidad ng mga relihiyosong tao. Marami sa inyo ang nililisan ang inyong mga tahanan at ginagampanan ang inyong mga tungkulin nang full-time. Ginagampanan ninyo ang inyong mga espirituwal na debosyon sa umaga, ang ilang gawain sa iglesia sa araw, nagpupunta kayo sa mga regular na pagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at bago kayo matulog sa gabi, nagdarasal kayo sa Diyos at hinihiling ninyo sa Kanya na protektahan Niya kayo, na makatulog kayo nang mahimbing at hindi magkaroon ng masasamang panaginip, at pagkatapos ay gagawin ninyo ulit ang lahat ng ito kinabukasan. Ang inyong pang-araw-araw na buhay ay sobrang regular, ngunit sobrang nakakabagot at nakakainip din ang mga ito. Wala kayong nakakamit at nauunawaan sa loob ng mahabang panahon, at hindi ninyo kailanman pinagninilayan o kinikilala itong mga pinakabatayang negatibong emosyon, ni kailanman tinutuklas o nilulutas ang mga ito. Sa iyong bakanteng oras, o kapag mayroong hindi kanais-nais na nangyayari sa iyong tungkulin, o kapag nakatanggap ka ng mensahe mula sa iyong pamilya na nagsasabing hindi maganda ang kalagayan ng iyong mga magulang, o kapag may masamang nangyari sa iyong pamilya, wala ka nang ganang gampanan ang iyong tungkulin at nagiging mahina ka sa loob ng ilang araw. Habang ikaw ay nanghihina, ang mga negatibong emosyong iyon na matagal mo nang iniipon sa loob mo ay muling sumasabog. Iniisip-isip mo ang mga ito araw-gabi, at sinusundan ka ng mga ito na parang mga anino. Mayroon pa ngang ilan na bigla na lamang sumasabog muli ang mga kaisipan at pananaw na taglay nila bago sila nanampalataya sa Diyos kapag sila ay nanghihina at nagiging negatibo, at iniisip nila, “Marahil mas naging mabuti sana kung nagkolehiyo ako, kung nag-aral ako ng isang kurso, at nakahanap ng isang magandang trabaho—baka nga may asawa na ako ngayon. Ang dating kaklase ko na si ganito at ganyan ay tila hindi naman espesyal noong magkasama pa kami sa paaralan, ngunit pagkatapos niyon ay nagkolehiyo siya. Tumaas ang ranggo niya pagkatapos niyang makakuha ng trabaho, at ngayon ay ganap nang masaya ang buhay pamilya niya. May sasakyan at bahay siya, at maganda ang kanyang buhay.” Kapag naiisip nila ang mga bagay na ito at nalulugmok sila sa mga negatibong kalagayan, sa isang iglap ay nagsisilabasan ang lahat ng uri ng negatibong emosyon. Iniisip nila ang kanilang pamilya, ang kanilang ina, at nangungulila sila sa mga panahong nagdaan, at ang magagandang bagay, masasamang bagay, masasakit na bagay, masasayang bagay, at hindi malilimutang mga bagay ay bumabalik lahat sa kanilang isipan, at habang iniisip nila ang lahat ng ito, sila ay nalulungkot, at tumutulo ang luha mula sa kanilang mga mata. Ano ang ipinapakita ng lahat ng ito? Ipinapakita nito na ang dati mong paraan ng pamumuhay at ang dati mong paraan ng pag-asal ay maaaring sumagi sa isipan mo paminsan-minsan at makagulo sa iyong kasalukuyang buhay at sa kalagayan ng iyong buhay ngayon. Ang mga bagay na ito ay maaari pa ngang pangibabawan ang paraan ng iyong pamumuhay ngayon at ang iyong saloobin sa buhay, pati na rin ang iyong mga pananaw sa mga bagay-bagay. Palaging ginugulo at pinangingibabawan ng mga ito ang iyong buhay. Hindi mo ito sinasadya, kundi ito ay isang sitwasyon kung saan ikaw ay natural na nalulugmok sa mga negatibong emosyong ito. Maaaring isipin mo ngayon na wala ka ng ganitong mga emosyon, ngunit ito ay dahil lang hindi pa dumarating ang tamang oras at kapaligiran. Sa sandaling dumating na ang tamang oras at kapaligiran, anumang oras at saanmang lugar ay maaari kang humantong sa ganitong mga emosyon. Ngayon, kapag ikaw ay humantong sa mga emosyong ito, nasa panganib ka, nasa panganib kang bumalik sa iyong orihinal na paraan ng pamumuhay anumang oras at saanmang lugar at masakop ng iyong orihinal na mga iniisip at pananaw—ito ay napakamapanganib. Ang panganib na ito ay maaaring ipagkait sa iyo ang pagkakataon at pag-asa na makamtan ang kaligtasan sa anumang oras at saanmang lugar, at anumang oras at saanmang lugar ay maaari ka nitong dalhin palayo sa landas ng pananampalataya sa Diyos. Kaya kahit gaano pa katindi ang iyong determinasyon at pagnanais na gampanan ang iyong tungkulin ngayon, o kahit gaano pa kalalim at kataas sa iyong isipan ang mga katotohanang naiintindihan mo, o kahit gaano pa kataas ang iyong tayog, hangga’t ang iyong mga kaisipan ay hindi nagbabago, hangga’t ang iyong pananaw sa buhay ay hindi nagbabago, hangga’t ang paraan ng iyong pamumuhay ay hindi nagbabago, at hangga’t ang iyong pagnanasa para sa iyong ninanais sa buhay ay hindi nagbabago—na pawang nasa ilalim ng pangangasiwa ng mga emosyong ito—kung gayon, ikaw ay manganganib sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar; kapag maaari kang lamunin, mapangibabawan, at madala ng mga kaisipan at pananaw na ito sa anumang oras at saanmang lugar, ikaw ay nasa panganib. Kaya’t huwag mong balewalain ang mga negatibong emosyong ito. Sa anumang oras at saanmang lugar, maaari kang tanggalan ng mga ito ng pagkakataong makamtan ang kaligtasan at maaaring sirain ng mga ito ang iyong pagkakataon na maligtas, at ito ay hindi maliit na usapin.
Ang sanhi ng lahat ng negatibong emosyon ng tao ay ang kanilang iba’t ibang maling kaisipan, maling pananaw, maling pamumuhay, at mali at satanikong pilosopiya sa buhay. May ilang bagay rin na nangyayari sa iyong tunay na buhay, lalo na sa mga pagkakataon na hindi mo kayang malinaw na maunawaan ang diwa ng mga bagay na ito, maaari kang napakadaling matakot at matigilan sa hitsura ng mga bagay na ito, at maaari kang napakadaling malito, kaya babalik ka sa mga dati mong paraan ng pamumuhay; hindi mo mamamalayang poprotektahan moang iyong sarili, tatalikdan ang Diyos, tatalikdan ang katotohanan, at gagamitin ang iyong sariling mga pamamaraan at gawi na pinaniniwalaan mong pinakatradisyonal at pinakamaaasahan upang ikaw ay makalabas, makahanap ng paraan kung paano mamuhay, at makahanap ng pag-asa para patuloy na mabuhay. Bagamat, sa panlabas, ang mga negatibong emosyong ito ay tila mga emosyon lamang, at kung ilalarawan natin ang mga emosyong ito gamit ang mga salita ay tila mababaw lang at hindi gaanong seryoso ang mga ito kung literal na iintindihin, may ilang tao na mahigpit na kumakapit sa mga negatibong emosyong ito at ayaw bitiwan ang mga ito, animo’y kumakapit sa patalim upang manatiling buhay, at sila ay mahigpit na nagagapos at napipigilan ng mga bagay na ito. Sa katunayan, ang pagkakagapos sa kanila ng mga negatibong emosyong ito ay talagang dulot ng iba’t ibang paraang inaasahan ng tao para manatiling buhay, pati na rin ng iba’t ibang kaisipan at pananaw na nangingibabaw sa kanila, at ng kanilang iba’t ibang saloobin sa pamumuhay at pag-iral. Kaya, bagamat pawang negatibo ang mga emosyon ng pagkalugmok sa depresyon, pagkabagabag, pagkabalisa, pag-aalala, pagiging mas mababa, poot, galit, at iba pa, iniisip pa rin ng mga tao na maaari silang umasa sa mga ito, at napapanatag lang sila, at nararamdaman lang nilang natagpuan na nila ang kanilang sarili at na sila ay umiiral, kapag nalulugmok na sila sa mga emosyong ito. Ang totoo, ang pagkakalugmok ng mga tao sa mga emosyong ito ay salungat at malayo sa katotohanan, pati na rin sa mga tamang paraan ng pag-iisip, sa mga tamang kaisipan at pananaw, at sa tamang saloobin at mga pananaw sa mga bagay na sinasabi sa kanila ng Diyos na dapat nilang taglayin. Anumang negatibong emosyon ang nararanasan mo, habang mas nalulugmok ka rito, mas lalo kang magagapos nito; habang mas lalo kang nagagapos nito, mas mararamdaman mo ang pangangailangang protektahan ang iyong sarili; habang mas nararamdaman mo ang pangangailangang protektahan ang iyong sarili, mas aasamin mong ikaw ay lumakas at mas humusay at gumaling upang ikaw ay magkaroon ng mga pagkakataon na mabuhay at makahanap ng iba’t ibang paraan ng pamumuhay upang malagpasan mo ang mga pagsubok ng mundo, mapagtagumpayan ang lahat ng paghihirap na iyong hinaharap sa mundo, at mapagtagumpayan ang lahat ng suliranin at hirap ng buhay. Habang mas nalulugmok ka sa mga emosyong ito, mas lalo mong ginugustong kontrolin o lutasin ang lahat ng paghihirap na iyong nakakaharap sa buhay. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo, ganoon nga.) Kaya, paano lumilitaw ang mga kaisipang ito ng tao? Gawin nating halimbawa ang pag-aasawa. Nakadarama ka ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa pag-aasawa, ngunit ano ba ang mismong isyu sa likod ng lahat ng ito? Ano ang inaalala mo? Saan nagmumula ang pag-aalalang ito? Ito ay nagmumula sa kawalan mo ng kaalaman na ang pag-aasawang ito ay isinasaayos at pinamumunuan ng tadhana, at na ito ay isinasaayos at pinamumunuan ng Langit. Dahil hindi mo ito alam, gusto mo palaging ikaw ang magdesisyon para sa sarili mo, ang magplano, magmungkahi, at magpakana, paulit-ulit na iniisip ang mga bagay na tulad ng: “Anong klase ng asawa ang dapat kong hanapin? Gaano siya dapat katangkad? Ano dapat ang hitsura niya? Anong klase ng personalidad ang dapat mayroon siya? Gaano siya dapat kaedukado? Anong klase ng pamilya ang dapat niyang panggalingan?” Habang mas detalyado ang iyong mga plano, mas lalo kang nag-aalala, hindi ba? Habang mas mataas at mas marami ang iyong mga hinihingi, mas lalo kang nag-aalala, hindi ba? At lalong nagiging mas mahirap na makahanap ng mapapangasawa, tama ba? (Oo.) Kapag hindi mo alam kung ang isang tao ay angkop sa iyo o hindi, mas tumitindi ang iyong mga paghihirap, at habang mas tumitindi ang iyong mga paghihirap, mas tumitindi ang iyong pagkabagabag at pagkabalisa, tama ba? Habang mas tumitindi ang iyong pagkabagabag at pagkabalisa, mas lalo kang nagugulo ng mga emosyong ito. Kaya, paano mo malulutas ang problemang ito? Sabihin nang nauunawaan mo ang diwa ng pag-aasawa, at na nauunawaan mo ang tamang paraan ng pagsulong at ang tamang direksyong dapat na tahakin—ano, kung gayon, ang tamang pagharap sa pag-aasawa? Sinasabi mo, “Ang pag-aasawa ay isang malaking kaganapan sa buhay, at anuman ang piliin ng mga tao, ito ay pawang itinakda na noon pa man. Noon pa man ay inorden at isinaayos na ng Diyos kung sino ang magiging asawa mo at kung anong klase siya ng tao. Hindi dapat maging masyadong padalos-dalos ang mga tao o umasa sa kanilang mga imahinasyon, lalo na sa kanilang mga kagustuhan. Ang pag-asa ng isang tao sa kanyang mga imahinasyon at kagustuhan at ang pagiging padalos-dalos ay pawang pagpapamalas ng kamangmangan at hindi umaayon sa realidad. Hindi dapat hayaan ng mga tao na mamayani ang kanilang mga kagustuhan, at ang lahat ng imahinasyon ay salungat sa realidad. Ang pinakapraktikal na gawin ay ang hayaang maganap ang mga bagay-bagay nang natural at hintayin ang taong isinaayos ng Diyos para sa iyo.” Kaya, gamit ang teoryang ito at ang praktikal na pagkaunawang ito bilang iyong pundasyon, paano ka dapat magsagawa tungkol sa bagay na ito? Dapat kang magkaroon ng pananampalataya, dapat mong hintayin ang oras ng Diyos, at hintayin ang pagsasaayos ng Diyos. Kung isinaayos ng Diyos ang isang angkop na asawa para sa iyo sa buhay na ito, darating ito sa tamang oras, sa tamang lugar, at sa tamang kapaligiran. Mangyayari ito kapag angkop na ang mga kondisyon, at ang kailangan mo na lang gawin ay ang makipagtulungan sa usaping ito pagdating ng gayong oras, at sa gayong lugar at kapaligiran. Ang tanging magagawa mo ay ang maghintay—hintayin ang oras na ito, hintayin ang lugar na ito, hintayin ang kapaligirang ito, hintaying magpakita ang taong ito, hintaying maganap ang lahat ng ito, nang hindi ka nagiging aktibo o pasibo, kundi naghihintay lang na mangyari at dumating ang lahat ng ito. Ano ang ibig Kong sabihin sa “maghintay”? Ang ibig Kong sabihin ay ang magkaroon ng mapagpasakop na saloobin, hindi aktibo o pasibo; ang saloobing ito ay isang naghahanap at mapagpasakop na saloobin, nang walang anumang pagpipilit. Kapag ganito na ang iyong saloobin, makadarama ka pa rin ba ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa pag-aasawa? (Hindi na.) Ang iyong mga indibidwal na plano, imahinasyon, pagnanais, hilig, at ang lahat ng iyong hangal na kaisipang hindi tugma sa mga katunayan ay mawawala. Ang iyong puso ay magiging kalmado, at hindi ka na makakaramdam ng mga negatibong emosyon tungkol sa usapin ng pag-aasawa. Ikaw ay magiging panatag, malaya, at maginhawa tungkol sa usaping ito, at hahayaan mong maganap ang mga bagay-bagay nang natural. Kapag tama na ang iyong saloobin, ang lahat ng iyong mga gagawin at ang lahat ng iyong mga ipapahayag ay magiging makatwiran at naaangkop. Ang mga emosyong naipapamalas sa loob ng iyong normal na pagkatao ay natural na hindi dapat pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, sa halip ang mga ito ay dapat na payapa at matatag. Ang mga emosyon ay hindi nakakalungkot o radikal—maghintay ka lang. Ang iyong tanging paraan ng pagsasagawa at saloobin sa usaping ito sa iyong puso ay ang maghintay at magpasakop: “Nais kong magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos para sa akin. Wala akong personal na mga hinihingi o plano.” Hindi ba’t nabitiwan mo na ang mga negatibong emosyong ito kapag nagkagayon? At hindi ba’t hindi na lilitaw ang mga emosyong ito? Kahit pa naramdaman mo ang mga ito, hindi ba’t unti-unti mo ring bibitiwan ang mga ito? Kaya, anong uri ng proseso ang pagbitiw sa mga negatibong emosyong ito? Ito ba ay pagpapamalas ng paghahangad sa katotohanan? Ipinapakita nito na kapwa mo hinahangad at isinasagawa ang katotohanan. Ang huling resultang nakakamit sa paghahangad sa katotohanan ay ang pagsasagawa sa katotohanan—ito ay ipinapatupad sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan. Kapag naabot mo na ang antas ng pagsasagawa sa katotohanan, ang iyong pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay hindi na susunod sa iyo na para bang mga anino; lubusan nang naalis ang mga ito sa kaibuturan ng iyong puso. Ang proseso ba ng pag-aalis ng mga emosyong ito ang proseso ng pagbitiw? (Oo.) Ang pagsasagawa sa katotohanan ay ganito lang kasimple. Madali ba ito? Ang pagsasagawa sa katotohanan ay isang pagbabago ng mga kaisipan at pananaw at, higit sa lahat, ito ay pagbabago ng saloobin ng isang tao sa mga bagay. Upang mabitiwan ang isang simpleng negatibong emosyon, kailangan isagawa at isakatuparan ng isang tao ang mga prosesong ito. Una, ang isang tao ay dapat na sumailalim sa pagbabago ng kanyang mga kaisipan at pananaw, pagkatapos ay sa pagbabago ng kanyang saloobin na magsagawa, at pagkatapos ay sumailalim sa pagbabago ng paraan ng kanyang pagsasagawa, ng kanyang mga prinsipyo sa pagsasagawa, at ng kanyang landas ng pagsasagawa. Hindi ba’t nabitiwan mo na ang negatibong emosyong iyon kapag nagkagayon? Ganito lang ito kasimple. Ang pinakahuling resulta na nakakamit mo sa “pagbitiw” ay ang hindi ka na magugulo, malilito, at makokontrol ng negatibong emosyong ito, at kasabay nito, hindi ka na mumultuhin ng lahat ng uri ng mga negatibong kaisipan at pananaw na idinudulot ng negatibong emosyong ito. Sa ganitong paraan, ikaw ay mamumuhay nang panatag, maginhawa, at malaya. Siyempre, ang pagiging panatag, maginhawa, at malaya ay mga damdamin lamang ng tao—ang tunay na pakinabang na nakakamit ng mga tao ay ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Ang batayan ng pag-iral ng tao ay ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos. Kung ang mga tao ay umaasa sa kanilang mga imahinasyon para mabuhay sila sa iba’t ibang negatibong emosyon para maprotektahan nila ang kanilang sarili, kung umaasa sila sa kanilang sarili at sa kanilang sariling kakayahan, gawi, at mga pamamaraan para pangalagaan ang kanilang sarili, at tumatahak sila sa sarili nilang landas, napalayo na sila sa katotohanan at sa Diyos, at natural na mabubuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kaya, kapag ikaw ay nahaharap sa mga kaparehong paghihirap at sitwasyon, dapat mayroon kang pagkaunawa sa iyong puso, at likas mong maiisip, “Hindi ko kailangang mag-alala sa mga bagay na ito. Walang silbi ang pag-aalala. Ang mga taong matatalino at marurunong ay aasa sa Diyos at ipagkakatiwala ang lahat ng bagay na ito sa Diyos, magpapasakop sila sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, hihintayin nila ang lahat ng bagay na isinasaayos ng Diyos, at hihintayin nila ang oras, lugar, tao, o bagay na isinasaayos ng Diyos. Ang dapat at maaari lang gawin ng tao ay ang makipagtulungan at magpasakop—ito ang pinakamakatwirang desisyon.” Siyempre, kung hindi mo ito gagawin at hindi ka magsasagawa sa ganitong paraan, ang lahat ng isinasaayos ng Diyos ay mangyayari pa rin sa huli—walang tao, walang pangyayari, at walang sitwasyon ang mababago ng kalooban ng tao. Ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ng tao ay isang sakripisyo lamang na wala namang kabuluhan, at ang mga ito ay mga hangal na kaisipan at mangmang na pagpapamalas lamang ng tao. Gaano man kalalim o katindi ang iyong pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, o gaano mo man lubos na pag-isipan ang isang usapin, ang lahat ng iyon ay walang silbi sa huli at dapat na iwaksi. Ang pangwakas na mga katunayan at resulta ay hindi mababago ng kalooban ng tao. Sa huli, ang tao ay dapat mamuhay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; walang makababago sa mga bagay na ito, at walang makakawala sa lahat ng ito. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.)
Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa pagkakasakit. Pagdating sa matandang laman na ito ng tao, hindi mahalaga kung ano ang magiging sakit ng mga tao, kung maaari ba silang gumaling, o kung gaano sila magdurusa, hindi sila ang magpapasya sa mga bagay na ito—lahat ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Kapag ikaw ay nagkasakit, kung magpapasakop ka sa mga pamamatnugot ng Diyos, at magiging handa kang tiisin at tanggapin ang katunayang ito, mananatili ka pa ring may ganitong sakit; kung hindi mo naman tatanggapin ang katunayang ito, hindi mo pa rin maiwawaksi ang sakit na ito—ito ay isang katunayan. Pwede mong harapin nang positibo ang iyong sakit sa loob ng isang araw, o harapin ito nang negatibo sa loob ng isang araw. Ibig sabihin, anuman ang iyong saloobin, hindi mo mababago ang katunayang may sakit ka. Ano ang pinipili ng matatalinong tao? At ano ang pinipili ng mga hangal? Pipiliin ng mga hangal na tao na mamuhay sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Malulugmok pa nga sila sa mga damdaming ito at hindi na nila nanaisin pang umahon. Hindi sila nakikinig sa kahit anong payo na ibinibigay sa kanila, at nagtatanong sila, “Paano ko ba nakuha ang sakit na ito? Ito ba ay dulot ng kapaguran? Ito ba ay dulot ng pag-aalala? O ito ba ay dulot ng pagpipigil?” Araw-araw nilang iniisip kung paano sila nagkasakit at kung kailan ito nagsimula, iniisip nila, “Bakit hindi ko napansin ito? Paano ako naging ganito kahangal at nagawa ko pang tapat na gampanan ang aking tungkulin? Ang ibang tao ay nagpapa-physical checkup taun-taon, at kahit papaano ay nagpapatsek sila ng presyon ng dugo at nagpapa-X-ray. Paanong hindi ko napagtanto na kailangan kong magpa-checkup ng katawan? Ang ibang tao ay namumuhay nang napakaingat. Bakit wala akong kaingat-ingat na mamuhay? Nagkasakit ako nang ganito at hindi ko man lang ito nalaman. Ah, kailangan kong ipagamot ang sakit na ito! Ano ang maaari kong ipanggamot?” Pagkatapos, nagsasaliksik sila sa internet para malaman kung paano nila nakuha ang sakit na ito, kung ano ang nagsanhi nito, kung paano ito gamutin gamit ang Chinese medicine, kung paano ito gamutin gamit ang Western medicine, at kung ano ang mga tradisyonal na gamot para dito—sinasaliksik nila ang lahat ng ito. Pagkatapos, umiinom sila ng Chinese medicine at ng Western medicine sa bahay, palaging seryoso, nababalisa, at hindi mapalagay sa kanilang pagkakasakit, at sa paglipas ng panahon, tumitigil sila sa pagganap ng kanilang tungkulin, itinatapon nila ang kanilang pananampalataya sa Diyos, tumitigil sila sa pananalig, at iniisip na lamang nila kung paano gagamutin ang kanilang sakit; ang kanilang tungkulin na ngayon ay ang gamutin ang kanilang sakit. Nilalamon sila ng kanilang sakit, araw-araw silang nababagabag sa kanilang pagkakasakit, at kapag nakikita nila ang sinuman, sinasabi nila, “Ah, nagkasakit ako nang ganito dahil sa ganitong bagay. Gawin mong aral itong nangyari sa akin, at kapag nagkasakit ka, dapat kang magpa-checkup at magpagamot. Ang pangangalaga sa iyong kalusugan ang pinakamahalaga. Dapat kang maging matalino, at hindi ka dapat mamuhay nang masyadong walang-ingat.” Sinasabi nila ang mga ito sa lahat ng nakakasalamuha nila. Sa pagkakasakit nila, nagkakaroon sila ng ganitong karanasan at natututunan nila ang leksyong ito. Sa sandaling magkasakit sila, nag-iingat na sila sa pagkain at paglalakad, at natututunan nila kung paano alagaan ang kanilang sariling kalusugan. Sa huli, nakakabuo sila ng kongklusyon: “Ang mga tao ay dapat umasa sa kanilang sarili upang alagaan ang kanilang sariling kalusugan. Hindi ko masyadong binigyang-pansin ang pangangalaga sa aking kalusugan nitong mga huling taon, at sa sandaling hindi ko ito pinagtuunan ng pansin ay nagkasakit ako. Buti na lang, natuklasan ko ito nang maaga. Kung huli na nang matuklasan ko ito, katapusan ko na sana. Masyadong malas ang magkasakit at mamatay nang maaga. Hindi ko pa natatamasa ang buhay, napakarami pang masasarap na pagkain na hindi ko pa natitikman, at napakarami pang masasayang lugar na hindi ko pa napupuntahan!” Nagkakasakit sila at ito ang kanilang nagiging kongklusyon. Sila ay nagkakasakit ngunit hindi namamatay, at inaakala nilang matalino sila at na naagapan nila ang sakit. Hindi nila kailanman sinasabi na lahat ito ay nakasalalay sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at pauna nang itinakda ng Diyos, at na kung ang isang tao ay hindi pa dapat mamatay, kahit gaano pa kalubha ang sakit na tumama sa kanya, hindi pa rin siya mamamatay, at na kung ang isang tao ay dapat nang mamatay, mamamatay siya kahit pa hindi siya magkasakit—hindi nila ito nauunawaan. Iniisip nila na naging matalino sila dahil sa kanilang sakit, ngunit sa totoo lang, masyado silang nagpapadala sa kanilang “katalinuhan” at sila ay labis na hangal. Kapag ang mga taong naghahangad sa katotohanan ay nahaharap sa sakit, malulugmok ba sila sa mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala? (Hindi.) Paano nila haharapin ang pagkakasakit? (Una, nagagawa nilang magpasakop, at habang sila ay may sakit, hinahangad nilang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at pagnilayan kung anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila.) Maaari bang malutas ng iilang salitang ito ang problema? Kung ang ginagawa lang nila ay ang magnilay, hindi ba’t kakailanganin pa rin nilang gamutin ang kanilang sakit? (Maghahanap din sila ng lunas.) Oo, kung ito ay isang sakit na dapat gamutin, isang malubhang karamdaman, o isang sakit na maaaring lumubha kung hindi mo ito ipapagamot, kinakailangan itong gamutin—ito ang ginagawa ng matatalinong tao. Kapag ang mga hangal na tao ay walang sakit, palagi silang nag-aalala, “Ah, may sakit kaya ako? At kung may sakit nga ako, lalala ba ito? Tatamaan ba ako ng ganoong sakit? At kung tatamaan nga ako ng ganoong sakit, mamamatay ba ako nang maaga? Magiging napakasakit ba kapag namatay ako? Magiging masaya ba ang aking buhay? Kung magkakasakit ako nang ganoon, dapat na ba akong magsaayos ng mga bagay-bagay para sa aking kamatayan at magsaya sa buhay ko hangga’t maaari?” Ang mga hangal na tao ay madalas na mababagabag, mababalisa, at mag-aalala tungkol sa mga ganitong bagay. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan o hinahanap ang mga katotohanang dapat nilang maunawaan sa usaping ito. Sa kabilang banda, ang matatalinong tao ay may kaunting pagkaunawa at kabatiran dito kapag ibang tao ang nagkakasakit o kapag sila mismo ay wala pang sakit. Kaya, anong pagkaunawa at kabatiran ang dapat mayroon sila? Una sa lahat, lalagpasan ba ng sakit ang isang tao dahil siya ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala? (Hindi.) Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t nakatadhana na ang pagkakasakit ng isang tao, kung ano ang magiging lagay ng kalusugan niya sa isang partikular na edad, at kung siya ba ay dadapuan ng malubha o seryosong karamdaman? Sinasabi Ko sa iyo, nakatadhana na nga iyon, at tiyak na iyon. Hindi natin pag-uusapan ngayon kung paanong pauna nang itinatakda ng Diyos ang mga bagay para sa iyo; malinaw na alam ng lahat ang hitsura, ang mga katangian ng mukha, ang hugis ng katawan at ang petsa ng kapanganakan ng mga tao. Ang mga walang pananampalatayang manghuhula, astrologo, at nakakabasa ng mga bituin at palad ng mga tao, ay nalalaman batay sa mga palad, mukha, at petsa ng kapanganakan ng mga tao kung kailan sasapit sa mga ito ang sakuna, at kung kailan mahaharap ang mga ito sa pagkasawi—ang mga bagay na ito ay nakatakda na. Kaya, kapag may nagkakasakit, ito ay tila dulot ng pagkapagod, ng pagkagalit, o dahil sa mahirap nilang pamumuhay at kakulangan sa nutrisyon—maaaring tila ganito ito sa panlabas. Ganito ang sitwasyon ng lahat ng tao, kaya bakit may ilang taong nagkakaroon ng sakit na ito at ang iba naman ay hindi, samantalang halos magkakaedad lang naman sila? Nakatadhana bang mangyari ito? (Oo.) Sa madaling salita, nakatadhana na ito. Paano natin ito sasabihin sa mga salitang naaayon sa katotohanan? Ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kaya naman, anuman ang iyong pagkain, inumin, tirahan, at kapaligirang pinamumuhayan, walang kinalaman ang mga ito sa kung kailan ka magkakasakit o kung ano ang sakit na dadapo sa iyo. Ang mga taong hindi nananalig sa Diyos ay palaging naghahanap ng mga dahilan mula sa isang obhetibong pananaw at palaging binibigyang-diin ang mga sanhi ng sakit, sinasabing, “Kailangan mong higit na mag-ehersisyo, at kumain ka ng mas maraming gulay at bawasan mo ang karne.” Totoo ba ito? Kahit ang mga taong hindi kumakain ng karne ay maaari pa ring magkaroon ng altapresyon at diyabetes, at ang mga vegetarian ay maaari pa ring magkaroon ng mataas na kolesterol. Ang siyensiya ng medisina ay hindi pa nagbibigay ng tumpak o makatwirang paliwanag tungkol sa mga bagay na ito. Sinasabi Ko sa iyo, ang lahat ng iba’t ibang pagkain na nilikha ng Diyos para sa tao ay mga pagkain na nararapat na kainin ng tao; huwag lamang maging malabis sa pagkain nito, at sa halip ay maghinay-hinay lang sa pagkain. Kailangan mong matutunan kung paano alagaan ang iyong kalusugan, ngunit ang palaging pagnanais na pag-aralan kung paano maiiwasan ang sakit ay mali. Gaya ng sinabi natin kanina, kung ano ang magiging kalagayan ng kalusugan ng isang tao sa isang partikular na edad at kung siya ba ay magkakaroon ng malubhang sakit ay pawang isinasaayos ng Diyos. Ang mga walang pananampalataya ay hindi naniniwala sa Diyos at naghahanap sila ng tao na kayang alamin ang mga bagay na ito batay sa mga palad, petsa ng kapanganakan, at mukha, at pinaniniwalaan nila ang mga bagay na ito. Nananalig ka sa Diyos at madalas kang makinig sa mga sermon at makipagbahaginan tungkol sa katotohanan, kaya kung hindi ka naniniwala rito, ikaw ay walang iba kundi isang taong hindi nananampalataya. Kung tunay kang nananalig na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, dapat mong paniwalaan na ang mga bagay na ito—ang malulubhang sakit, malalalang sakit, mga simpleng sakit, at ang kalusugan—ay lahat nasasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang paglitaw ng isang malubhang sakit at kung ano ba ang magiging kalagayan ng kalusugan ng isang tao sa isang partikular na edad ay hindi mga bagay na nangyayari nang nagkataon lang, at ang maunawaan ito ay ang magkaroon ng positibo at tumpak na pag-unawa. Ito ba ay naaayon sa katotohanan? (Oo.) Ito ay naaayon sa katotohanan, ito ang katotohanan, dapat mong tanggapin ito, at ang iyong saloobin at mga pananaw sa bagay na ito ay dapat na magbago. At ano ang nalulutas sa sandaling magbago ang mga bagay na ito? Hindi ba’t nalulutas na ang iyong mga damdamin ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala? Kahit papaano man lang, ang iyong mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa pagkakasakit ay nalulutas sa teorya. Dahil binago na ng iyong pagkaunawa ang iyong mga kaisipan at pananaw, nalulutas na nito ang iyong mga negatibong emosyon. Isang aspekto ito: Hindi mababago ng kalooban ng tao kung magkakasakit ba ang isang tao o hindi, kung anong malubhang sakit ang dadapo sa kanya, at kung ano ang magiging kalagayan ng kalusugan niya sa bawat yugto ng kanyang buhay, kundi ito ay pawang pauna nang itinakda ng Diyos. May ilang nagsasabi, “Kung gayon, ayos lang ba kung ayaw kong magkasakit? Ayos lang ba kung hihilingin ko sa Diyos na alisin ang aking sakit? Ayos lang ba kung nais kong hilingin sa Diyos na ilayo ako sa sakuna at kasawiang ito?” Ano sa tingin ninyo? Ayos lang ba ang mga bagay na ito? (Hindi.) Sinasabi ninyo ito nang may kumpiyansa, ngunit walang malinaw na nakakaunawa sa mga bagay na ito. Marahil may isang taong tapat na gumaganap sa kanyang tungkulin at may determinasyong hangarin ang katotohanan, at siya ay napakahalaga sa ilang gawain ng sambahayan ng Diyos, at marahil ay inaalis sa kanya ng Diyos ang malubhang sakit na ito na nakakaapekto sa kanyang tungkulin, gawain, pisikal na enerhiya at lakas, dahil pinananagutan ng Diyos ang Kanyang gawain. Pero mayroon bang taong ganito? Sino ang ganito? Hindi mo alam, hindi ba? Marahil ay may mga taong ganito. Kung talagang may mga taong ganito, hindi ba’t magagawa ng Diyos na alisin ang kanilang sakit o kasawian sa isang salita lamang? Hindi ba’t magagawa ito ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pag-iisip? Iisipin ng Diyos: “Ang taong ito ay makakaranas ng sakit sa isang partikular na buwan sa ganitong edad. Ngayon ay sobrang abala siya sa kanyang trabaho, kaya hindi siya dadapuan ng sakit na ito. Hindi niya kailangang maranasan ang sakit na ito. Hayaan nang lagpasan siya nito.” Walang dahilan para hindi ito mangyari, at kakailanganin lamang nito ng isang salita mula sa Diyos, tama ba? Pero sino ang makakatanggap ng gayong pagpapala? Iyong tunay na may gayong determinasyon at katapatan at iyong tunay na makagaganap ng ganitong papel sa gawain ng Diyos, siya ang maaaring tumanggap ng gayong pagpapala. Hindi ito ang paksang kailangan nating pag-usapan, kaya hindi natin ito pag-uusapan ngayon. Ang ating pinag-uusapan ay ang pagkakasakit; ito ay isang bagay na mararanasan ng karamihan ng tao sa kanilang buhay. Kaya naman, kung anong uri ng sakit ang dadapo sa katawan ng mga tao sa kung anong oras o edad at kung ano ang magiging kalagayan ng kanilang kalusugan ay pawang mga bagay na isinasaayos ng Diyos at hindi maaaring ang mga tao ang magpasya ng mga bagay na ito; tulad ng kung kailan ipinanganak ang isang tao, hindi sila ang maaaring magpasya nito. Kaya hindi ba’t kahangalan na mabagabag, mabalisa, at mag-alala sa mga bagay na hindi naman ikaw ang makapagpapasya? (Oo.) Dapat ay lutasin ng mga tao ang mga bagay na kaya nilang lutasin, at para naman sa mga bagay na hindi nila kayang gawin, dapat nilang hintayin ang Diyos; dapat magpasakop nang tahimik ang mga tao at humingi sa Diyos ng proteksyon—ito ang kaisipang dapat taglayin ng mga tao. Kapag talagang dumating na ang sakit at malapit na ang kamatayan, ang mga tao ay dapat magpasakop at hindi magreklamo o magrebelde laban sa Diyos o magsabi ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos o ng mga bagay na umaatake sa Kanya. Sa halip, ang mga tao ay dapat na tumindig bilang mga nilikha at danasin at pahalagahan ang lahat ng nagmumula sa Diyos—hindi nila dapat subukan na pumili ng mga bagay para sa kanilang sarili. Ito ay dapat maging isang espesyal na karanasan na nagpapasagana sa iyong buhay, at hindi naman ito masamang bagay, hindi ba? Kaya naman, pagdating sa pagkakasakit, dapat munang lutasin ng mga tao ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw ukol sa sanhi ng sakit, at pagkatapos ay hindi na sila mag-aalala tungkol dito; bukod dito, ang mga tao ay walang karapatan na kontrolin ang mga bagay na nalalaman o hindi nalalaman, at wala rin silang kakayahang kontrolin ang mga ito, sapagkat lahat ng bagay na ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang saloobin at prinsipyo ng pagsasagawa na dapat mayroon ang mga tao ay ang maghintay at magpasakop. Mula sa pagkaunawa hanggang sa pagsasagawa, ang lahat ay dapat gawin ayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang paghahangad sa katotohanan.
Ang ilang tao ay laging nag-aalala sa kanilang sakit, sinasabing, “Kakayanin ko ba kung lulubha ang sakit ko? Kung lalala ang kondisyon ko, ikamamatay ko ba ito? Kakailanganin ko bang magpaopera? At kung magpapaopera ako, mamamatay ba ako habang inooperahan? Nagpasakop na ako. Babawiin ba ng Diyos ang buhay ko dahil sa sakit na ito?” Ano ang silbi ng pag-iisip ng mga bagay na ito? Kung hindi mo maiwasang isipin ang mga bagay na ito, dapat kang manalangin sa Diyos. Walang saysay na umasa sa iyong sarili, tiyak na hindi mo ito kakayanin. Walang gustong magtiis ng karamdaman, at walang taong napapangiti, nagagalak nang husto, at nagdiriwang kapag siya ay nagkakasakit. Walang taong ganito dahil hindi ito normal na pagkatao. Kapag nagkakasakit ang mga normal na tao, palagi silang nagdurusa at nalulungkot, at may limitasyon ang kaya nilang tiisin. Subalit may isang bagay na dapat tandaan: Kung palagi na lang iniisip ng mga tao na umasa sa kanilang sariling lakas kapag may sakit sila para mawala ang kanilang sakit at maalpasan nila ito, ano ang magiging resulta sa huli? Bukod sa kanilang pagkakasakit, hindi ba’t mas lalo pa silang magdurusa at malulungkot? Kaya habang mas nababalot ng sakit ang mga tao, mas dapat nilang hanapin ang katotohanan, at mas dapat nilang hanapin ang paraan ng pagsasagawa upang maging ayon sa mga layunin ng Diyos. Habang mas nababalot ng sakit ang mga tao, mas dapat silang lumapit sa Diyos at kilalanin ang kanilang sariling katiwalian at ang mga hinihingi nila sa Diyos na hindi makatwiran. Habang mas nababalot ka ng sakit, mas nasusubok ang iyong tunay na pagpapasakop. Kaya naman, kapag ikaw ay may sakit, ang iyong abilidad na patuloy na magpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos at maghimagsik laban sa iyong mga reklamo at hindi makatwirang mga hinihingi ay nagpapakita na ikaw ay tunay na naghahangad sa katotohanan at tunay na nagpapasakop sa Diyos, na ikaw ay nagpapatotoo, na ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos ay totoo at makapapasa sa pagsubok, at na ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos ay hindi lamang mga islogan at doktrina. Ito ang dapat isagawa ng mga tao kapag sila ay nagkakasakit. Kapag ikaw ay may sakit, ito ay upang ilantad ang lahat ng iyong hindi makatwirang mga hinihingi at iyong hindi makatotohanang mga imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Diyos, at ito rin ay upang subukin ang iyong pananampalataya sa Diyos at pagpapasakop sa Kanya. Kung papasa ka sa pagsubok na may ganitong mga bagay, mayroon kang tunay na patotoo at tunay na ebidensya sa iyong pananampalataya sa Diyos, katapatan sa Kanya, at pagpapasakop sa Kanya. Ito ang nais ng Diyos, at ito ang dapat taglayin at ipamuhay ng isang nilikha. Hindi ba’t pawang positibo ang mga bagay na ito? (Oo.) Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat hangarin ng mga tao. Bukod dito, kung tinutulutan ka ng Diyos na magkasakit, hindi ba’t maaari din Niyang bawiin ang iyong sakit anumang oras at saanmang lugar? (Oo.) Kayang bawiin ng Diyos ang iyong sakit anumang oras at saanmang lugar, kaya hindi ba’t kaya rin Niyang panatilihin ang sakit sa iyong katawan at hindi ito kailanman mawala? (Oo.) At kung idudulot ng Diyos na hindi mawala ang mismong sakit na ito sa iyo kailanman, magagampanan mo pa ba ang iyong tungkulin? Kaya mo bang panatilihin ang iyong pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ito ay isang pagsubok? (Oo.) Kung ikaw ay magkakasakit at gagaling pagkatapos ng ilang buwan, hindi nasusubok ang iyong pananampalataya sa Diyos at ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Kanya, at ikaw ay walang patotoo. Madaling magtiis ng sakit sa loob ng ilang buwan, ngunit kung ang iyong sakit ay magtatagal nang dalawa o tatlong taon, at ang iyong pananampalataya at ang iyong pagnanais na maging mapagpasakop at tapat sa Diyos ay hindi magbabago, bagkus ay lalo pa ngang magiging totoo, hindi ba’t ito ay nagpapakita na ikaw ay lumago na sa buhay? Hindi ba’t ikaw ang aani nito? (Oo.) Kaya, habang ang isang taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay may sakit, siya ay sumasailalim at personal na dumaranas ng maraming pakinabang na dulot ng kanyang pagkakasakit. Hindi siya balisang nagsisikap na maalpasan ang kanyang karamdaman o nag-aalala kung ano ba ang magiging resulta kung magtatagal ang kanyang karamdaman, kung anong mga problema ang idudulot nito, kung lalala ba ito, o kung mamamatay ba siya—hindi siya nag-aalala sa mga bagay na ito. Bukod sa hindi siya nag-aalala sa mga bagay na ito, nagagawa niyang makapasok nang positibo, at magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at maging tunay na mapagpasakop at tapat sa Kanya. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, siya ay nagkakaroon ng patotoo, at ito rin ay lubos na nakakatulong sa kanyang buhay pagpasok at pagbabago ng disposisyon, at nagtatatag ng matibay na pundasyon para sa kanyang pagkakamit ng kaligtasan. Napakaganda niyon! Bukod dito, maaaring malubha o simple lamang ang sakit, ngunit ito man ay malubha o simple ay palagi nitong pinipino ang mga tao. Pagkatapos dumanas ng karamdaman, hindi nawawala ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos, sila ay mapagpasakop at hindi nagrereklamo, ang kanilang ugali ay katanggap-tanggap sa pangkalahatan, at may naaani sila pagkatapos nilang gumaling at lubos silang nasisiyahan—ito ang nangyayari kapag ang mga tao ay nakakaranas ng karaniwang sakit. Hindi sila nagkakasakit nang matagal at nakakaya nilang tiisin ito, at ang sakit ay nasa saklaw ng kanilang kayang tiisin. Gayunpaman, mayroong ilang sakit na bumabalik at lumalala kahit bumuti na ito pagkatapos gamutin nang ilang panahon. Ito ay nangyayari nang paulit-ulit, hanggang sa ang sakit ay umabot na sa antas na hindi na ito magagamot pa, at ang lahat ng paraang mayroon ang modernong medisina ay wala na ring bisa. Ano ang antas na nararating ng karamdaman? Nararating nito ang antas kung saan ang taong may karamdaman ay maaaring mamatay saanmang lugar at anumang oras. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nitong limitado na ang buhay ng taong iyon. Hindi ito ang panahon na siya ay walang sakit at ang kamatayan ay malayo pa at hindi nararamdaman, sa halip, nararamdaman ng taong iyon na malapit na ang araw ng kanyang kamatayan, at nahaharap na siya sa kamatayan. Ang pagharap sa kamatayan ay ang pagdating ng pinakamahirap at pinakakritikal na oras sa buhay ng isang tao. Kaya ano ang gagawin mo? Ang mga taong nababagabag, nababalisa, at nag-aalala ay palaging mababalisa, mababagabag, at mag-aalala tungkol sa kanilang kamatayan, hanggang sa wakas ay dumating na ang pinakamahirap na sandali sa kanilang buhay at ang bagay na kanilang ikinababalisa, ikinababagabag, at ipinag-aalala ay nangyari na sa wakas. Habang mas natatakot sila sa kamatayan, mas napapalapit sila sa kamatayan at mas ayaw nilang harapin ito kaagad, gayunpaman, binibigla sila ng kamatayan. Ano ang kanilang dapat gagawin? Susubukan ba nilang takasan ang kamatayan, tanggihan ang kamatayan, labanan ang kamatayan, magreklamo tungkol dito, o susubukan ba nilang makipagtawaran sa Diyos? Alin sa mga paraang ito ang gagana? Walang gagana sa mga ito, at ang kanilang pagkabagabag at pagkabalisa ay walang silbi. Ano ang pinakamalungkot na bagay kapag narating na nila ang oras ng kanilang kamatayan? Dati ay nasisiyahan sila sa pagkain ng adobong baboy, ngunit sa mga nagdaang taon ay hindi na nila ito masyadong nakakain, at labis na silang nagdusa at nasa dulo na sila ng kanilang buhay. Naiisip nila ang adobong baboy at nais na makakain nitong muli, ngunit hindi na kaya ng kanilang kalusugan, at hindi na nila ito pwedeng kainin, masyado itong mamantika. Dati ay mahilig silang magpaganda at magbihis. Ngayon ay malapit na silang mamatay, at ang nagagawa na lang nila ay ang tingnan ang kanilang aparador na puno ng magagandang damit, hindi nila maisuot ang alinman sa mga ito. Sobrang nakakalungkot ang kamatayan! Ang kamatayan ang pinakamasakit sa lahat, at kapag naiisip nila ito, parang pinipihit ang isang kutsilyong nakatarak sa kanilang puso at ang lahat ng buto sa kanilang buong katawan ay nanlalambot. Kapag naiisip nila ang kamatayan, nagdadalamhati sila at gusto nilang umiyak, gusto nilang humagulgol, at naiiyak nga sila, humahagulgol nga sila, at nasasaktan sila na malapit na nilang harapin ang kamatayan. Iniisip nila, “Bakit ba ayaw kong mamatay? Bakit ba labis akong natatakot sa kamatayan? Noon, noong hindi pa malubha ang karamdaman ko, hindi ko naiisip na nakakatakot ang kamatayan. Sino bang hindi mahaharap sa kamatayan? Sino bang hindi mamamatay? Sige, hayaan ninyo akong mamatay! Kung iisipin ito ngayon, hindi pala iyon ganoon kadaling sabihin, at kapag dumating na nga ang kamatayan, hindi ito ganoon kadaling lutasin. Bakit ba ako labis na nalulungkot?” Nalulungkot ba kayo kapag naiisip ninyo ang kamatayan? Tuwing naiisip niyo ang kamatayan, nalulungkot kayo at nasasaktan, at ang bagay na ito na nagdudulot sa inyo ng labis na pagkabalisa at pag-aalala ay dumating na sa wakas. Kaya habang mas nag-iisip kayo nang ganito, mas lalo kayong natatakot, pakiramdam ninyo ay mas lalo kayong walang magawa, at mas lalo kayong nagdurusa. Ang inyong puso ay walang kapanatagan, at ayaw ninyong mamatay. Sino ang makakalutas sa isyu na ito ng kamatayan? Wala, at tiyak na hindi ninyo ito malulutas. Ayaw ninyong mamatay, kaya ano ang magagawa ninyo? Kailangan pa rin ninyong mamatay, at walang makakatakas sa kamatayan. Sinusukol ng kamatayan ang mga tao; sa kanilang puso, ayaw nilang mamatay, ngunit ang tanging naiisip nila ay ang kamatayan, at hindi ba’t ito ay isang halimbawa ng pagkamatay na bago pa man sila tunay na mamatay? Talaga bang mamamatay sila? Sino ang nangangahas na sabihin nang tiyak kung kailan sila mamamatay o anong taon sila mamamatay? Sino ang makakaalam sa mga bagay na ito? May ilan na nagsasabi, “Nagpahula ako ng aking kapalaran at alam ko ang taon, buwan, at araw ng aking kamatayan, at kung paano ako mamamatay.” Nangangahas ka bang sabihin ito nang nakatitiyak? (Hindi.) Hindi mo ito matitiyak. Hindi mo alam kung kailan ka mamamatay—hindi ito ang pangunahing bagay. Ang kritikal na bagay ay kung ano ang magiging saloobin mo kapag ang iyong sakit ay talagang inilalapit ka na sa kamatayan. Ito ay isang katanungang dapat mong pagnilay-nilayan at pag-isipan. Haharapin mo ba ang kamatayan nang may saloobin ng pagpapasakop, o haharapin mo ba ang kamatayan nang may saloobin ng pagtutol, pagtanggi, o pag-ayaw? Anong saloobin ang dapat mayroon ka? (Isang saloobin ng pagpapasakop.) Ang pagpapasakop na ito ay hindi makakamtan at maisasagawa sa pamamagitan lamang ng pagsasabi nito. Paano mo makakamit ang pagpapasakop na ito? Anong pag-unawa ang kailangang mayroon ka bago ka maging handang magpasakop? Hindi ito simple, hindi ba? (Hindi nga.) Kaya sabihin ninyo kung ano ang nasa inyong puso. (Kung ako ay magkakasakit nang malubha, iisipin ko na mamatay man ako, lahat ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at lahat ito ay isinaayos Niya. Ang tao ay lubos na nagawang tiwali kaya kung mamamatay ako, ito ay dahil sa pagiging matuwid ng Diyos. Hindi naman sa dapat talaga akong mabuhay; hindi kwalipikado ang tao na humingi ng gayon sa Diyos. Bukod dito, iniisip ko na ngayong nananalig na ako sa Diyos, kahit anong mangyari, nakita ko na ang tamang landas sa buhay at naunawaan ko na ang napakaraming katotohanan, kaya kahit pa mamatay ako nang maaga, sulit na sulit pa rin ang lahat ng ito.) Ito ba ang tamang paraan ng pag-iisip? Ito ba ay nagtataglay ng isang partikular na teoryang sumusuporta rito? (Oo.) Sino pa ang magsasalita? (Diyos ko, kung isang araw ay magkasakit nga ako at maaaring mamatay ako, imposible naman nang maiwasan pa ang kamatayan. Ito ang pauna nang pagtatakda at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at kahit gaano pa ako maaligaga o mag-alala, wala nang silbi ito. Dapat kong gugulin ang kakaunti kong natitirang oras sa pagtuon kung paano ko magagampanan nang maayos ang aking tungkulin. Kahit pa mamatay nga ako, wala akong pagsisisihan. Ang makapagpasakop sa Diyos at sa mga pagsasaayos ng Diyos hanggang sa huli ay labis na mas mainam kaysa sa mabuhay sa takot at pangamba.) Ano ang tingin mo sa ganitong pagkaunawa? Hindi ba’t mas mainam ito nang kaunti? (Oo.) Tama, ganito mo dapat tingnan ang usapin ng kamatayan. Ang lahat ay haharap sa kamatayan sa buhay na ito, ibig sabihin, ang kamatayan ang kakaharapin ng lahat sa dulo ng kanilang paglalakbay. Ngunit, maraming iba’t ibang aspekto ang kamatayan. Isa rito ay, sa oras na pauna nang itinakda ng Diyos, nakumpleto mo na ang iyong misyon at tinutuldukan na ng Diyos ang iyong pisikal na buhay, at nagwawakas na ang iyong pisikal na buhay, bagamat hindi ito nangangahulugang tapos na ang iyong buhay. Kapag ang isang tao ay wala nang laman, tapos na ang kanyang buhay—totoo ba ito? (Hindi.) Ang anyo ng pag-iral ng iyong buhay pagkatapos ng kamatayan ay nakasalalay sa kung paano mo tinrato ang gawain at mga salita ng Diyos habang ikaw ay nabubuhay pa—ito ay napakahalaga. Ang anyo ng iyong pag-iral pagkatapos ng kamatayan, o kung ikaw ba ay iiral o hindi, ay nakasalalay sa iyong saloobin sa Diyos at sa katotohanan habang ikaw ay nabubuhay pa. Kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag nahaharap ka sa kamatayan at sa lahat ng uri ng karamdaman, ang iyong saloobin sa katotohanan ay isang saloobin ng pagrerebelde, pagtutol, at pagtutol sa katotohanan, at pagdating ng oras ng katapusan ng iyong pisikal na buhay, sa paanong paraan ka iiral pagkatapos ng kamatayan? Tiyak na iiral ka sa ibang anyo, at tiyak na hindi magpapatuloy ang iyong buhay. Sa kabaligtaran, kung habang ikaw ay nabubuhay pa, kapag may kamalayan ka sa laman, ang iyong saloobin sa katotohanan at sa Diyos ay isang saloobin ng pagpapasakop at katapatan at mayroon kang tunay na pananampalataya, kahit na matapos ang iyong pisikal na buhay, ang iyong buhay ay patuloy na iiral sa ibang anyo sa ibang mundo. Ito ay isang paliwanag ng kamatayan. Mayroon pang isang bagay na dapat tandaan, at iyon ay na ang usapin ng kamatayan ay may kalikasang katulad ng sa iba pang mga bagay. Hindi ang mga tao ang magdedesisyon para sa sarili nila, at lalong hindi ito mababago ng kalooban ng tao. Ang kamatayan ay katulad ng anumang mahalagang pangyayari sa buhay: Ito ay lubos na nasa ilalim ng paunang pagtatakda at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kung may magmamakaawa na siya ay mamatay na, maaaring hindi siya mamatay; kung magmamakaawa siyang mabuhay pa, maaaring hindi siya mabuhay. Lahat ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos, at ito ay binabago at pinagpapasyahan ng awtoridad ng Diyos, ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kaya nga, kung sakaling ikaw ay magkasakit nang malubha, ng nakamamatay na sakit, hindi tiyak na ikaw ay mamamatay—sino ang nagdedesisyon kung mamamatay ka ba o hindi? (Ang Diyos.) Ang Diyos ang nagdedesisyon. At dahil ang Diyos ang nagdedesisyon at hindi kayang pagdesisyunan ng tao ang gayong bagay, ano ang ikinababalisa at ikinababagabag ng mga tao? Parang kung sino lang ang mga magulang mo, at kung kailan at saan ka ipinanganak—hindi mo rin mapipili ang mga bagay na ito. Ang pinakamatalinong gawin sa mga bagay na ito ay ang hayaan itong tumakbo nang natural, ang magpasakop, at huwag pumili, huwag gumugol ng anumang kaisipan o lakas sa bagay na ito, at huwag mabagabag, mabalisa, o mag-alala tungkol dito. Dahil hindi kayang pumili ng mga tao para sa kanilang sarili, ang paggugol ng maraming lakas at kaisipan sa bagay na ito ay kahangalan at kawalan ng karunungan. Ang dapat gawin ng mga tao kapag nahaharap sa napakahalagang usapin ng kamatayan ay ang hindi mabagabag, o maligalig, o mangamba dahil dito, kundi ano? Ang mga tao ay dapat maghintay, tama ba? (Oo.) Tama? Ang paghihintay ba ay nangangahulugan ng paghihintay sa kamatayan? Paghihintay na mamatay habang nahaharap sa kamatayan? Tama ba iyon? (Hindi, dapat positibo itong harapin ng mga tao at sila ay magpasakop.) Tama, hindi ito nangangahulugan ng paghihintay sa kamatayan. Huwag kang matakot sa kamatayan, at huwag mong gamitin ang iyong buong lakas sa pag-iisip ng kamatayan. Huwag mong isipin buong araw, “Mamamatay ba ako? Kailan ako mamamatay? Ano ang gagawin ko pagkatapos kong mamatay?” Huwag mo na itong isipin pa. May ilang nagsasabi, “Bakit hindi ko ito pag-iisipan? Bakit hindi ko ito pag-iisipan kapag malapit na akong mamatay?” Dahil hindi alam kung mamamatay ka ba o hindi, at hindi alam kung pahihintulutan ka ba ng Diyos na mamatay—ang mga bagay na ito ay hindi batid. Partikular na hindi alam kung kailan ka mamamatay, saan ka mamamatay, anong oras ka mamamatay, o kung ano ang mararamdaman ng iyong katawan kapag ikaw ay namatay. Sa pagpiga sa iyong utak sa pag-iisip at pagninilay-nilay tungkol sa mga bagay na hindi mo alam at pagkabalisa at pag-aalala tungkol sa mga ito, hindi ba’t nagiging hangal ka? Dahil nagiging hangal ka, hindi mo dapat pigain ang iyong utak tungkol sa mga bagay na ito.
Anuman ang usaping kinakaharap ng mga tao, dapat lagi nila itong harapin nang may aktibo at positibong saloobin, at lalo nang mas totoo ito pagdating sa usapin ng kamatayan. Ang pagkakaroon ng aktibo at positibong saloobin ay hindi nangangahulugan ng pagsang-ayon sa kamatayan, paghihintay sa kamatayan, o positibo at aktibong paghahangad sa kamatayan. Kung hindi ito nangangahulugan ng paghahangad sa kamatayan, pagsang-ayon sa kamatayan, o paghihintay sa kamatayan, ano ang ibig sabihin nito? (Pagpapasakop.) Ang pagpapasakop ay isang uri ng saloobin sa usapin ng kamatayan, at ang pagbitiw sa kamatayan at ang hindi pag-iisip dito ang pinakamainam na paraan ng pagharap dito. May ilang nagsasabi, “Bakit hindi ito iisipin? Kung hindi ko ito pag-iisipan, mapagtatagumpayan ko ba ito? Kung hindi ko ito pag-iisipan, mabibitiwan ko ba ito?” Oo, magagawa mo iyon. At bakit ganoon? Sabihin mo sa Akin, noong ipanganak ka ng iyong mga magulang, ikaw ba ang may ideya na ikaw ay maisilang? Ang iyong hitsura, ang iyong edad, ang industriyang pinagtatrabahuhan mo, ang katunayan na nandito ka ngayon at nakaupo, at ang iyong nararamdaman ngayon—ikaw ba ang nakaisip na maging ganito ang lahat? Hindi ikaw ang nakaisip na maging ganito ang lahat, ito ay nangyari sa paglipas ng mga araw at buwan at sa pamamagitan ng iyong normal na pang-araw-araw na pamumuhay, kada isang araw, hanggang sa narating mo ang kinaroroonan mo ngayon, at ito ay napakanatural. Ganoon din ang kamatayan. Nang hindi mo namamalayan, nagkakaedad ka hanggang sa nasa hustong gulang ka na, hanggang sa may edad ka na, hanggang sa matanda ka na, hanggang sa marating mo na ang mga huling taon ng iyong buhay, at pagkatapos ay darating na ang kamatayan—huwag mo na itong isipin. Hindi mo maiiwasan ang mga bagay na hindi mo iniisip sa pamamagitan ng hindi pag-iisip tungkol sa mga ito, at hindi rin darating nang maaga ang mga ito kung iisipin mo ang mga ito; ang mga ito ay hindi mababago ng kalooban ng tao, tama ba? Huwag nang isipin ang mga ito. Ano ang ibig Kong sabihin sa, “Huwag nang isipin ang mga ito”? Dahil kung ang bagay na ito ay talagang mangyayari sa nalalapit na hinaharap, mararamdaman mong nagigipit ka kung palagi mo itong iniisip. Dahil sa kagipitang ito, matatakot ka sa buhay at pamumuhay, mawawalan ka ng aktibo at positibong saloobin, at sa halip ay mas lalo kang malulugmok sa depresyon. Dahil ang isang taong nahaharap sa kamatayan ay walang interes o positibong saloobin sa kahit anong bagay, nararamdaman lamang niya ang depresyon. Mamamatay siya, tapos na ang lahat, wala nang kabuluhan ang paghahangad ng anuman o paggawa ng anuman, wala na siyang inaasam o motibasyon, at ang lahat ng kanyang ginagawa ay para sa paghahanda sa kamatayan at pagtungo sa kamatayan, kaya ano ang kabuluhan ng anumang ginagawa niya? Kaya naman, ang lahat ng kanyang ginagawa ay mayroong mga elemento at kalikasan ng pagkanegatibo at ng kamatayan. Kaya, magagawa mo bang hindi isipin ang kamatayan? Madali bang magawa ito? Kung ang usaping ito ay resulta lamang ng iyong sariling pag-iisip at imahinasyon, inaalarma mo lamang ang sarili mo, tinatakot mo ang iyong sarili, at sadyang hindi ito mangyayari sa nalalapit na hinaharap, kaya bakit mo pa ito iniisip? Dahil dito ay mas lalong hindi na kinakailangan pang isipin ang kamatayan. Ang dapat na mangyari ay palaging mangyayari; ang hindi dapat mangyari ay hindi mangyayari paano mo man ito isipin. Walang silbi ang katakutan ito, gayundin ang alalahanin ito. Hindi maiiwasan ang kamatayan sa pamamagitan ng pag-aalala dito, at hindi ka nito lalagpasan dahil lang sa natatakot ka rito. Kaya naman, ang isang aspekto ay na dapat mong bitiwan ang usapin ng kamatayan mula sa iyong puso at huwag mo na itong ituring na mahalaga; dapat mo itong ipagkatiwala sa Diyos, na para bang walang kinalaman sa iyo ang kamatayan. Ito ay isang bagay na isinasaayos ng Diyos, kaya hayaan mo ang Diyos na isaayos ito—hindi ba’t nagiging simple ito kung gayon? Ang isa pang aspekto ay na dapat mayroon kang aktibo at positibong saloobin tungkol sa kamatayan. Sabihin mo sa Akin, sino sa bilyon-bilyong tao sa mundo ang labis na pinagpala na makarinig ng napakaraming salita ng Diyos, na makaunawa ng napakaraming katotohanan ng buhay, at makaunawa ng napakaraming misteryo? Sino sa kanila ang personal na nakakatanggap ng patnubay ng Diyos, ng panustos ng Diyos, ng Kanyang pag-aalaga at proteksyon? Sino ang lubos na pinagpala? Iilan-ilan lamang. Kaya naman, kayong kakaunti na nakakapamuhay sa sambahayan ng Diyos ngayon, nakakatanggap ng Kanyang kaligtasan, at nakakatanggap ng Kanyang panustos, dahil sa mga ito ay nagiging sulit ang lahat kahit pa mamatay kayo ngayon din. Kayo ay labis na pinagpala, hindi ba? (Oo.) Kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, hindi dapat matakot nang sobra ang mga tao sa usapin ng kamatayan, at hindi rin sila dapat malimitahan nito. Kahit na hindi mo pa natatamasa ang anuman sa kaluwalhatian at kayamanan ng mundo, natanggap mo naman ang habag ng Lumikha at narinig ang napakaraming salita ng Diyos—hindi ba’t kasiya-siya ito? (Oo.) Ilang taon ka mang mabuhay sa buhay na ito, lahat ito ay sulit at wala kang pagsisisihan, dahil palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin sa gawain ng Diyos, naunawaan mo ang katotohanan, naunawaan mo ang mga misteryo ng buhay, at naunawaan mo ang landas at mga layunin na dapat mong hangarin sa buhay—napakarami mo nang natamo! Namuhay ka nang makabuluhan! Kahit pa hindi mo ito maipaliwanag nang napakalinaw, nakapagsasagawa ka ng ilang katotohanan at nagtataglay ka ng kaunting realidad, at iyon ay nagpapatunay na mayroon ka nang natamong ilang panustos sa buhay at naunawaang ilang katotohanan mula sa gawain ng Diyos. Napakarami mo nang natamo—napakasagana nito—at iyon ay isang napakalaking pagpapala! Sa buong kasaysayan ng tao, walang sinuman sa lahat ng kapanahunan ang nakatamasa ng pagpapalang ito, ngunit natatamasa ninyo ito. Handa na ba kayong mamatay ngayon? Kung may gayong kahandaan, ang inyong saloobin sa kamatayan ay magiging tunay na mapagpasakop, tama ba? (Oo.) Ang isang aspekto ay na dapat mayroong tunay na pagkaunawa ang mga tao, dapat silang makipagtulungan nang positibo at aktibo, at tunay na magpasakop, at dapat silang magkaroon ng tamang saloobin sa kamatayan. Sa ganitong paraan, hindi ba’t mababawasan nang malaki ang nararamdamang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ng mga tao tungkol sa kamatayan? (Oo.) Mababawasan nang malaki ang mga ito. May ilang taong nagsasabi, “Kakatapos ko lang pakinggan ang pagbabahaging ito, ngunit parang hindi masyadong nabawasan ang aking pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Siguro ay hindi ito agad-agad. Partikular na naiisip palagi ng matatanda at ng mga taong may karamdaman ang tungkol sa kamatayan.” Alam ng mga tao ang sarili nilang mga suliranin. Kapag ang ilang tao ay matagal nang may sakit, ibinubuod nila ito at iniisip nilang, “Maraming taon na akong nananalig sa Diyos at ang mga taong may sakit na katulad ng sa akin ay matagal nang namatay. Kung sila ay muling isinilang, maaaring nasa edad bente o trenta na sila ngayon. Maraming taon na akong nabubuhay dahil sa biyaya ng Diyos, lahat ng ito ay ibinigay sa akin nang libre. Kung hindi ako nanalig sa Diyos, matagal na sana akong patay. Nang pumunta ako sa ospital para magpatingin, nagulat ang mga doktor. Napakalaki ng aking kalamangan at pagpapala! Kung namatay ako 20 taon na ang nakakaraan, hindi ko maririnig ang mga katotohanan at sermong ito at hindi ko mauunawaan ang mga ito; kung namatay ako nang ganoon, wala akong matatamo. Kahit pa nabuhay ako nang matagal, lahat ito ay magiging walang kabuluhan at isang buhay na nasayang. Ngayon, nabuhay ako nang mas maraming taon at labis akong pinagpala. Hindi ko naisip ang kamatayan sa lahat ng mga taon na ito, at hindi ko ito kinatatakutan.” Kung ang mga tao ay laging takot sa kamatayan, palagi nilang iisipin ang lahat ng tanong tungkol sa kamatayan. Kung ang mga tao ay hindi natatakot mamatay at hindi nangangamba sa kamatayan, ipinapakita nito na sila ay sobra-sobra nang nagdusa at hindi na takot sa kamatayan. May ilang taong nagsasabi, “Kung ang isang tao ay hindi natatakot sa kamatayan, ibig sabihin ba nito ay hinahanap niya ang kamatayan?” Hindi, hindi tama iyan. Ang paghahanap sa kamatayan ay isang uri ng negatibong saloobin, isang uri ng saloobing mahilig umiwas, samantalang ang sinabi Ko kanina tungkol sa hindi pag-iisip sa kamatayan ay isang obhetibo at positibong saloobin; ito ay pagwawalang-bahala sa kamatayan, hindi pagturing na napakahalaga nito, hindi pag-iisip na ito ay isang malungkot at nakakabalisang pangyayari; hindi na pag-aalala rito, hindi na pagkabahala rito, pagiging hindi na nagagapos ng kamatayan, at lubos nang pag-abandona rito—ang mga taong kayang gawin ito ay may kaunting personal na kaalaman at karanasan tungkol sa kamatayan. Kung ang isang tao ay palaging nagagapos at nalilimitahan ng karamdaman at kamatayan, palaging nalulugmok sa mga negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, hindi normal na nagagampanan ang kanyang tungkulin o normal na nakakapamuhay, dapat higit pa siyang makinig sa patotoong batay sa karanasan tungkol sa kamatayan, dapat niyang tingnan kung paano ito dinaranas ng mga taong nagagawang hindi mabahala sa kamatayan at kung paano nila inuunawa ang kamatayan sa kanilang karanasan, at sa gayon ay makapagtatamo siya ng isang mahalagang bagay.
Ang kamatayan ay isang problemang hindi madaling lutasin, at ito ang pinakamalaking suliranin ng tao. Kapag may nagsabi sa iyo, “Ang iyong mga tiwaling disposisyon ay napakalalim at ang iyong pagkatao ay hindi rin maganda. Kung hindi mo taimtim na hahangarin ang katotohanan at gagawa ka ng maraming masasamang bagay sa hinaharap, mapupunta ka sa impiyerno at maparurusahan!” maaaring sumama ang loob mo nang ilang panahon pagkatapos niyon. Maaaring pag-isipan mo ito, at gumaan ang iyong pakiramdam pagkatapos mong makatulog nang mahimbing, at pagkatapos ay hindi na masyadong masama ang loob mo. Gayunpaman, kung ikaw ay magkakaroon ng nakamamatay na sakit, at hindi ka na magtatagal, iyon ay isang bagay na hindi malulutas ng mahimbing na tulog, at hindi ito mabibitiwan nang basta-basta. Kailangan mong kayanin ang usaping ito sa loob ng ilang panahon. Ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan ay maaaring kalimutan ang usaping ito, hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, at gamitin ang katotohanan upang malutas ito—walang problema na hindi nila malulutas. Ngunit kung gagamitin ng mga tao ang mga pamamaraan ng tao, sa huli ay palagi silang makakaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala tungkol sa kamatayan. Kapag ang mga bagay ay hindi kayang lutasin, gumagamit sila ng mga sukdulang pamamaraan upang subukang lutasin ang mga ito. Ang ilang tao ay hinaharap ito nang may depresyon at pagkanegatibo, sinasabing, “Mamamatay na lang ako kung gayon. Sino ba ang natatakot sa kamatayan? Pagkatapos mamatay, muli na lang akong isisilang at mabubuhay!” Mapapatunayan mo ba ito? Naghahanap ka lang ng mga salitang makapagpapanatag sa iyo, at hindi niyan malulutas ang problema. Ang lahat ng bagay at ang bawat bagay, nakikita man o hindi nakikita, materyal man o hindi materyal, ay kontrolado at pinamumunuan ng mga kamay ng Lumikha. Walang makakakontrol sa kanyang sariling kapalaran at ang tanging saloobing dapat taglayin ng tao, sa sakit man o sa kamatayan, ay ang pag-unawa, pagtanggap, at pagpapasakop; hindi dapat umasa ang mga tao sa kanilang mga imahinasyon o kuru-kuro, hindi sila dapat humanap ng paraan upang maalpasan ang mga bagay na ito, at mas lalong hindi nila dapat tanggihan o labanan ang mga ito. Kung pikit-mata mong susubukang lutasin ang mga isyu ng sakit at kamatayan gamit ang iyong sariling mga pamamaraan, habang humahaba ang iyong buhay ay mas magdurusa ka, mas lalo kang malulugmok sa depresyon, at mas lalo mong mararamdamang nakakulong ka. Sa huli, kakailanganin mo pa ring tahakin ang landas ng kamatayan, at ang iyong wakas ay talagang magiging katulad ng iyong kamatayan—ikaw ay tunay na mamamatay. Kung magagawa mong aktibong hanapin ang katotohanan at, ito man ay may kinalaman sa pag-unawa sa sakit na isinaayos ng Diyos para sa iyo o sa pagharap sa kamatayan, kung magagawa mong positibo at aktibong hanapin ang katotohanan, hanapin ang mga pamamatnugot, ang kataas-taasang kapangyarihan at ang mga pagsasaayos ng Lumikha hinggil sa ganitong uri ng malaking pangyayari, at makamit ang tunay na pagpapasakop, naaayon ito sa mga layunin ng Diyos. Kung aasa ka sa lakas at mga pamamaraan ng tao upang harapin ang lahat ng bagay na ito, at sisikapin mong malutas ang mga ito o matakasan ang mga ito, kahit hindi ka mamatay at pansamantala mong maiwasan ang suliranin ng kamatayan, dahil wala kang tunay na pag-unawa, pagtanggap, at pagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan, kaya hindi ka makapagbigay ng patotoo sa usaping ito, ang pangwakas na resulta ay na kapag ikaw ay muling naharap sa parehong isyu, magiging malaking pagsubok pa rin ito para sa iyo. Posible pa ring ipagkanulo mo ang Diyos at ikaw ay bumagsak, at walang duda na ito ay magiging isang mapanganib na bagay para sa iyo. Kaya naman, kung talagang nahaharap ka ngayon sa sakit o kamatayan, hayaan mong sabihin Ko sa iyo na mas mainam na samantalahin mo ang praktikal na sitwasyon na ito ngayon upang hanapin ang katotohanan at lutasin ang pinakaugat ng usaping ito, sa halip na hintayin mong tunay na dumating ang kamatayan pero pagkatapos ay mabibigla ka lang din naman, hindi mo malalaman ang dapat gawin, malilito ka, at mararamdaman mong wala kang magagawa, kaya makagagawa ka ng mga bagay na pagsisisihan mo habang buhay. Kung may gagawin kang pagsisisihan o panghihinayangan mo, maaaring ikaw ay mapuksa dahil dito. Kaya nga, anuman ang isyu, dapat lagi mong simulan ang iyong pagpasok nang may pag-unawang dapat mayroon ka tungkol sa usapin at nang may mga katotohanang dapat mong maunawaan. Kung palagi kang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa mga bagay tulad ng karamdaman at ikaw ay namumuhay nang nababalot ng mga ganitong uri ng negatibong emosyon, kailangan mo nang magsimula ngayon na hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga problemang ito sa lalong madaling panahon.
Ang mga negatibong emosyon tulad ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay may kalikasan na katulad ng sa iba’t iba pang uri ng mga negatibong emosyon. Ang lahat ng ito ay mga uri ng negatibong emosyon na lumilitaw sa mga tao dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan at namumuhay silang nagagapos ng kanilang maraming sataniko at tiwaling disposisyon, o sila ay namumuhay nang naliligalig at naaapektuhan ng iba’t ibang uri ng satanikong kaisipan. Ang mga negatibong emosyong ito ay nagsasanhi na palaging mamuhay ang mga tao nang may iba’t ibang maling kaisipan at pananaw at palaging makontrol ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, na nakakaapekto at nakakahadlang sa kanilang paghahangad sa katotohanan. Siyempre, ang mga ganitong negatibong emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay nakakagambala sa buhay ng mga tao, nagdidikta ng kanilang buhay, nakakaapekto sa kanilang paghahangad sa katotohanan, at pinipigilan silang mahangad ang katotohanan. Kaya nga, bagamat ang mga negatibong emosyong ito ay mga simpleng emosyon lang kung tutuusin, hindi dapat balewalain ang kanilang papel; ang epekto ng mga ito sa mga tao at ang mga idinudulot ng mga ito sa paghahangad ng mga tao at sa landas na tinatahak nila ay mapanganib. Ano’t anuman, kapag ang isang tao ay madalas na ginugulo ng iba’t ibang uri ng negatibong emosyon, dapat agad niyang tuklasin at suriin kung bakit madalas lumitaw ang mga negatibong emosyong ito, at kung bakit siya madalas na ginagambala ng mga negatibong emosyong ito. Gayundin, sa isang partikular na espesyal na kapaligiran, ang mga negatibong emosyong ito ay palaging manggagambala sa taong iyon at labis na gugulo sa kanyang paghahangad sa katotohanan—ito ay mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kapag naunawaan na nila ang mga bagay na ito, ang susunod nilang dapat gawin ay pag-isipan kung paano hanapin at maunawaan ang katotohanan sa usaping ito, sikaping huwag nang magambala at maapektuhan ng mga maling kaisipan at pananaw na iyon, at palitan ang mga iyon ng mga katotohanang prinsipyong itinuturo sa kanila ng Diyos. Kapag naunawaan na nila ang mga katotohanang prinsipyo, ang susunod nilang hakbang ay ang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyong itinuro sa kanila ng Diyos. Habang ginagawa nila ito, ang lahat ng kanilang negatibong emosyon ay unti-unting lilitaw upang guluhin sila, pero paunti-unti ay isa-isang malulutas at makakapaghimagsik laban sa mga ito, hanggang sa hindi nila mamamalayang naiwawaksi na nila ang lahat ng negatibong emosyong ito. Kaya, saan nakasalalay ang pagkalutas ng iba’t ibang negatibong emosyon? Nakasalalay ito sa pagsusuri at pag-unawa ng mga tao sa mga ito. Nakasalalay ito sa pagtanggap ng mga tao sa katotohanan, at higit pa rito, nakasalalay ito sa paghahangad at pagsasagawa ng mga tao sa katotohanan. Hindi ba’t gayon nga? (Oo.) Habang unti-unting hinahangad at isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, unti-unting nalulutas at nabibitiwan ang lahat ng kanilang iba’t ibang negatibong emosyon. Kaya, kung titingnan ito ngayon, alin sa tingin ninyo ang mas madaling bitiwan at lutasin, ang iba’t ibang negatibong emosyong ito o ang mga tiwaling disposisyon? (Mas madaling lutasin ang mga negatibong emosyon.) Sa palagay ninyo ay mas madaling lutasin ang mga negatibong emosyon? Magkakaiba ito sa bawat tao. Maaaring mas mahirap o mas madali ito kaysa sa iba, depende ito sa tao. Ano’t anuman, simula sa pagbabahaginan tungkol sa pagbitiw sa mga negatibong emosyon, nagdagdag tayo ng ilang nilalaman sa paghahangad ng mga tao ng pagbabago sa disposisyon, at iyon ay ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon. Ang pagbitiw sa mga negatibong emosyon ay pangunahing ginagawa upang malutas ang ilang maling kaisipan at pananaw, samantalang ang paglutas ng mga tiwaling disposisyon ng isang tao ay nangangailangan ng pag-unawa sa diwa ng mga tiwaling disposisyon. Sabihin mo sa Akin, alin ang mas madali, ang paglutas sa mga negatibong emosyon o ang paglutas sa mga tiwaling disposisyon? Sa totoo lang, kapwa hindi madaling lutasin ang mga problemang ito. Kung talagang determinado ka at kaya mong hanapin ang katotohanan, alinmang problema ang subukan mong lutasin ay ni hindi magiging problema. Ngunit kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at hindi mo nararamdaman kung gaano kalubha ang dalawang problemang ito, hindi magiging madali alinmang problema ang subukan mong lutasin. Pagdating sa mga negatibo at masasamang bagay na ito, kailangan mong tanggapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa katotohanan upang malutas ang mga ito, at mapalitan ang mga ito ng mga positibong bagay. Ito palagi ang proseso, at palagi nitong hinihingi na maghimagsik ang mga tao laban sa mga negatibong bagay, at tanggapin ang mga positibo at aktibong bagay, at ang mga bagay na naaayon sa katotohanan. Ang isang aspekto ay ang ayusin ang iyong mga kaisipan at pananaw, at ang isa pa ay ang ayusin ang iyong mga disposisyon; ang isa ay ang lutasin ang iyong mga kaisipan at pananaw, at ang isa pa ay ang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Siyempre, minsan ay lumilitaw ang dalawang bagay na ito nang sabay at sinasangkot ang isa’t isa. Ano’t anuman, ang pagbitiw sa mga negatibong emosyon ay isang bagay na dapat isagawa ng mga tao kapag hinahangad nila ang katotohanan. Tama, tapusin na natin dito ang pagbabahaginan ngayong araw.
Oktubre 29, 2022