Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1
Ano ang paksang pinagbahaginan natin sa huli nating pagtitipon? (Bakit dapat hangarin ng tao ang tao ang katotohanan.) Pagkatapos nating magbahaginan, binigyan Ko kayo ng paksa para sa takdang-aralin—ano ba iyon? (Paano sikaping matamo ang katotohanan.) Napagnilayan ba ninyo ang paksang ito? (O Diyos, napagnilayan ko ito nang kaunti. Pagdating sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan, ito ay tungkol sa pagsusuri sa ating mga pagpapakita ng katiwalian at ng mga tiwaling disposisyon sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na nakahaharap natin sa bawat araw, at pagkatapos ay paghahanap sa katotohanan upang malutas ang mga isyung ito. Kasabay nito, ang pagganap sa isang tungkulin ay may kinalaman sa ilang partikular na prinsipyo, kaya dapat tayong maghanap ng mga nauugnay na katotohanan upang maunawaan kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyong ito kapag humaharap tayo sa iba’t ibang tungkulin—iyon ay isa pang paraan ng pagsasagawa sa paghahangad sa katotohanan.) Kaya, sa isang banda, ang paghahanap sa katotohanan sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao, at sa isa pang banda, ang paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa ang tungkulin ng isang tao. May iba pa bang aspekto sa paghahangad na ito? Hindi dapat maging mahirap ang paksang ito, hindi ba? Pinagnilayan ba ninyo ang “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan”? Paano ninyo ito pinagnilayan? Ang pagninilay-nilay sa paksang ito ay dapat may kasamang paggugol ng partikular na haba ng oras sa pag-iisip tungkol dito, at pagtatala ng mga nakamit na kaalaman sa pamamagitan ng pagninilay-nilay na iyon. Kung titingnan mo lang ito nang mabilisan at pag-iisipan nang kaunti, ngunit hindi ka gugugol ng oras at lakas dito, o hindi mo ito pag-iisipan nang mabuti, hindi iyan pagninilay-nilay. Ang pagninilay-nilay ay nangangahulugan na seryoso mong pinag-iisipan ang usapin, talagang pinagsusumikapan mo ang pag-iisip dito, nagkakamit ka ng ilang kongkretong kaalaman, at nakatatanggap ka ng kaliwanagan at pagtanglaw, at umaani ka ng ilang gantimpala—ito ang mga resultang nakakamit sa pamamagitan ng pagninilay-nilay. Ngayon, pinagnilayan ba talaga ninyo ang paksang ito? Wala sa inyo ang talagang nagnilay-nilay rito, tama ba? Nitong huli, binigyan Ko kayo ng takdang-aralin, isang paksa para makapaghanda kayo, pero wala sa inyo ang nagnilay-nilay tungkol sa paksa at hindi ninyo ito sineryoso. Umaasa ba kayo na ituturo Ko na lang sa inyo ang lahat? O inisip ba ninyo na, “Napakadali lang ng paksang ito, wala itong lalim. Naunawaan na namin ito, kaya hindi na namin kailangang magnilay—naiintindihan na namin ito”? O dahil ba hindi kayo interesado sa mga katanungan at usaping may kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan? Ano ang problema? Hindi naman siguro dahil masyado kayong abala sa gawain, hindi ba? Ano ba talaga ang dahilan? (Pagkatapos makinig sa mga tanong ng Diyos at magnilay-nilay sa aking sarili, sa tingin ko, ang pangunahing dahilan ay na hindi ko mahal ang katotohanan. Hindi ko sineryoso ang mga salita ng Diyos, at hindi ko taimtim na pinagnilayan ang katotohanan. Umasa rin ako na ituturo na lang sa akin ang sagot. Umasa ako na sa sandaling matapos ang Diyos sa pagbabahagi tungkol sa paksa, mauunawaan ko na ito. Iyon ang saloobin na mayroon ako.) Ganito ba ang karamihan sa mga tao? Mukhang sanay na kayo na itinuturo na lang sa inyo ang mga bagay-bagay. Pagdating sa katotohanan, hindi kayo gaanong metikuloso at hindi kayo nagsisikap masyado. Sadyang mahilig kayong gumawa ng mga bagay-bagay at kumilos nang hindi nag-iisip nang mabuti. Ang ginagawa lamang ninyo ay aksayahin ang inyong oras; naguguluhan kayo kapag nahaharap sa katotohanan, at hindi ninyo ito sineseryoso. Iyon ang tunay ninyong kalagayan.
Kung paano sikaping matamo ang katotohanan ay isa sa mga paksang pinakakaraniwang pinagbabahaginan sa sambahayan ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay nakauunawa ng ilang doktrina tungkol sa kung paano sisikaping matamo ang katotohanan, at may alam silang ilang pamamaraan para isagawa ito. May ilang tao na matagal nang nananalig sa Diyos na may ilan nang tunay na karanasan, at nakaranas na rin sila ng ilang pagkabigo at pagkalugmok, at nagkaroon na rin sila ng pagkanegatibo at kahinaan. Sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, nakaranas na rin sila ng maraming tagumpay at kabiguan, at sa paghahangad sa katotohanan, natuto na sila mula sa kanilang mga karanasan at nakapagtamo ng ilang gantimpala. Natural na naharap na rin sila sa maraming paghihirap at balakid, gayundin sa iba’t ibang aktuwal na problema sa kanilang buhay o mga kapaligiran. Sa madaling salita, karamihan sa mga tao ay may kaunting pagkaunawa tungkol sa paghahangad sa katotohanan, ito man ay sa anyo lamang o sa pamamagitan ng ilang praktikal na problema, at mayroon din silang kaalamang pangdoktrina tungkol dito. Sa sandaling magsimulang maniwala ang mga tao sa Diyos o tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, nakapagbayad man talaga sila ng halaga sa landas na iyon o hindi, o kung kaunting pagsisikap lang ang nagawa nila sa kanilang paghahangad sa katotohanan, halos lahat sa kanila, kahit papaano, ay magkakaroon ng pagkaunawa rito. Para sa mga nagmamahal sa katotohanan, ang pagkaunawang ito ay kumakatawan sa mga totoo at mahalagang gantimpala, pero iyong mga hindi naghahangad sa katotohanan ay walang karanasan, walang natututunan mula sa kanilang karanasan, o walang gantimpala. Sa kabuuan, karamihan sa mga tao ay atubiling sumusulong at nagkikimkim ng saloobin na “maghintay muna bago kumilos” habang hinahangad ang katotohanan, at kasabay nito ay nararanasan nila nang kaunti kung ano ang pakiramdam ng paghahangad dito. Sa mga kaisipan, mga pananaw, at kamalayan ng karamihan sa mga tao, ang paghahangad sa katotohanan ay isang positibong bagay at ito ang pinakamahalaga. Itinuturing nila ito bilang isang layon sa buhay na dapat hangarin ng mga tao, at higit pa roon, bilang ang tamang daan na dapat nilang sundin sa buhay. Sa teoretikal na antas man o batay sa kanilang tunay na mga karanasan at kaalaman, lahat ng tao ay itinuturing na mabuti at pinakapositibong bagay ang paghahangad sa katotohanan. Walang paghahangad o landas na tinatahak ng tao ang maikukumpara sa paghahangad sa katotohanan o sa landas ng paghahangad nito. Ang paghahangad sa katotohanan ang tanging tamang landas na dapat sundin ng mga tao. Bilang kasapi ng sangkatauhan, ang paghahangad sa katotohanan ang dapat na maging layon sa buhay ng bawat tao, at dapat nila itong ituring bilang ang tamang landas na dapat sundin ng mga tao. Ngayon, paano dapat sikaping matamo ng isang tao ang katotohanan? Kababanggit lang ninyo ng ilang simple, teoretikal na ideya, na malamang ay sasang-ayunan ng karamihan sa mga tao. Iniisip ng lahat na ang mga ganitong uri ng paghahangad at pagsasagawa ay may kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan. Naniniwala sila na ang mga bagay na partikular na nauugnay sa paghahangad sa katotohanan ay tanging mga: pagkilala sa sarili, pag-amin at pagsisisi, at pagkatapos ay paghahanap ng mga katotohanang prinsipyo na isasagawa mula sa mga salita ng Diyos, at sa huli, pagsasabuhay sa Kanyang mga salita sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao at pagpasok sa katotohanang realidad. Ito ang karaniwang pagkaunawa at pagkaintindi ng karamihan sa mga tao tungkol sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Maliban sa mga pamamaraang nakikilala at nauunawaan ninyo, ibinuod Ko ang dagdag pang mga partikular na landas at pamamaraan ng pagsasagawa para sa paghahangad sa katotohanan. Ngayong araw, magbabahaginan tayo nang mas detalyado sa kung paano sikaping matamo ang katotohanan.
Maliban sa ilang pamamaraang inilista ninyo, mas idinetalye at ibinuod Ko ang dalawang paraan ng kung paano sikaping matamo ang katotohanan. Ang isang paraan ay ang “pagbitiw.” Simple lang ba ito? (Simple lang ito.) Hindi ito mahirap unawain, ni komplikado. Madali rin itong tandaan at madaling maunawaan. Siyempre, ang pagsasagawa nito ay maaaring may kasamang kaunting paghihirap. Nakikita mo, ang paraang ito ay higit na mas simple kaysa sa mga paraan na binanggit ninyo. Ang sinabi ninyo ay pawang mga teorya lamang. Tila importante at malalim ang mga sinabi ninyo, at siyempre, may katiyakan sa mga ito, ngunit mas komplikado ang mga ito kaysa sa sinabi Ko sa inyo. Ang unang paraan ay “ang pagbitiw,” at ang pangalawa ay ang “ang pag-aalay.” Dalawang pamamaraan lamang ito, apat na salita sa kabuuan. Nauunawaan ng mga tao ang mga ito sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa mga ito, at alam ng mga tao kung paano isagawa ang mga ito nang hindi nagbabahagi tungkol sa mga ito—madali ring matandaan ang mga ito. Ano ang unang paraan? (Ang pagbitiw.) Ano naman ang pangalawa? (Ang pag-aalay.) Nakikita mo ba? Hindi ba’t simple lang ang mga ito? (Simple lang ang mga ito.) Higit na mas maikli ang mga ito kaysa sa mga sinabi niyo. Ano ang tawag dito? Ang tawag dito ay pagiging matalas. Ang paggamit ng mas kaunting salita ay nangangahulugan ba talaga na ang isang bagay ay matalas? (Hindi.) Hindi mahalaga kung matalas man o hindi ang isang bagay. Ang mahalagang-mahalaga ay kung naipaparating ba ang pangunahing punto at kung gumagana ba ito kapag isinasagawa ng mga tao. Dagdag pa rito, mahalagang tingnan kung anong mga resulta ang nakakamit sa pagsasagawa nito; kung nakalulutas man ito ng mga praktikal na problema ng mga tao; kung natutulungan man nito ang mga tao na sumunod sa landas ng paghahangad sa katotohanan; kung tinutulutan man nito ang mga tao na lutasin ang pinagmulan ng kanilang mga tiwaling disposisyon; at kung ang pagsasagawa man nito ay nakakatulong sa mga tao na lumapit sa Diyos, at tanggapin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, nang sa gayon ay makamit ang mga resulta at layon na dapat matamo ng paghahangad sa katotohanan. Tama ba ito? (Oo.) Narinig na ninyo ngayon itong dalawang paraan ng “ang pagbitiw” at “ang pag-aalay,” at alam ninyo ang mga ito. Ano ang kaugnayan ng dalawang paraang ito at ng paghahangad sa katotohanan? Nauugnay ba ang mga ito sa mga paraang iyon na binanggit ninyo, o salungat ang mga ito sa mga iyon? Hindi pa rin ito masyadong malinaw, hindi ba? (Hindi pa rin ito masyadong malinaw.) Sa pangkalahatan, ang partikular na mga pamamaraan ng pagsasagawa sa paghahangad sa katotohanan ay ang dalawang bagay na tinalakay Ko. Sa dalawang pamamaraang ito, ano ang partikular na nilalaman niyong una: ang pagbitiw? Ano ang pinakasimple at pinakadirektang bagay na naiisip ninyo kapag naririnig ninyo ang mga salitang “ang pagbitiw”? Paano isinasagawa ng isang tao ang pamamaraang ito? Ano ang mga partikular na bahagi at nilalaman nito? (Ang pagbitiw sa tiwaling disposisyon ng isang tao.) Ano pa, maliban sa tiwaling disposisyon ng isang tao? (Ang mga kuru-kuro at imahinasyon.) Ang mga kuru-kuro at imahinasyon, mga damdamin, ang kalooban at kagustuhan ng isang tao. Ano pa? (Ang mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, mga maling prinsipyo at pananaw sa buhay.) (Ang mga intensyon at ninanais ng isang tao.) Sa madaling salita, kapag sinusubukan ng mga tao na isipin ang mga bagay na dapat nilang bitiwan, maliban sa iba’t ibang ugali na may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon, iniisip din nila ang mga bagay na bumubuo sa mga iniisip at pananaw ng mga tao. Kaya, mayroong dalawang pangunahing bahagi: Ang isa ay may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon at ang isa pa ay may kinalaman sa mga iniisip at pananaw ng mga tao. Maliban sa dalawang ito, ano pa ang naiisip ninyo? Naguguluhan kayo, hindi ba? Ano ang dahilan nito? Ang dahilan nito ay na ang mga bagay na sumasagi sa isip ninyo kaagad ay ang mga paksa na, sa pang-araw-araw ninyong buhay simula nang manalig kayo sa Diyos, ay madalas ninyong nakakaharap at madalas na napag-uusapan ng mga tao. Pero pagdating sa mga problemang walang nagbabanggit, na umiiral pa rin naman sa mga tao—hindi ninyo alam ang mga ito, wala kayong kamalayan sa mga ito, hindi ninyo naiisip ang mga ito, at hindi rin ninyo kailanman itinuring ang mga ito bilang mga problemang dapat pagnilayan. Ito ang dahilan kaya kayo naguguluhan. Tinatalakay Ko ito sa inyo dahil gusto Kong pag-isipan ninyo at maingat na ikonsidera ang isyu na pagbabahaginan natin sa susunod, at para tumatak ito nang husto sa inyo.
Ngayon ay magbabahaginan tayo sa dalawang pangunahing bagay na may kaugnayan sa kung paano sikapin ng isang tao na matamo ang katotohanan: una, ang pagbitiw, at pangalawa, ang pag-aalay. Magsimula tayo sa pagbabahaginan sa unang usapin—ang pagbitiw. Hindi lang ito simpleng pagbitiw sa sentimyento, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, sariling kagustuhan, pagnanais para sa mga pagpapala, at iba pang pangkalahatang interpretasyon. Ang pagsasagawa ng “pagbitiw” na siyang ibabahagi Ko ngayon ay mayroong mas partikular na pokus at hinihingi nito sa mga tao na suriin at isagawa ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ano ang unang dapat banggitin tungkol sa pagbitiw? Ang unang bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa kanilang paghahangad sa katotohanan ay ang iba’t ibang emosyon ng tao. Ano ang naiisip ninyo kapag binabanggit Ko ang iba’t ibang emosyon na ito? Ano-ano ang nabibilang sa mga emosyong ito? (Pagiging mainitin ng ulo, pagiging matigas ng ulo, at pagiging pasibo.) Ang pagkamainitin ba ng ulo ay isang emosyon? (Ang pagkaunawa ko, ang kahulugan ng mga emosyon ay kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang nadarama habang ginagampanan ang kanilang tungkulin. Iba’t iba ang nagiging saloobin nila depende sa kung maganda o hindi ang pakiramdam nila.) Ito ba ang mga emosyon na tinatalakay Ko? Ganito ba dapat ipinaliliwanag ang mga emosyon? (Diyos ko, ang pagkakaunawa ko sa mga emosyon ay na madalas may kasama itong pagka-iritable, pagkayamot, gayundin ang kasiyahan, galit, lungkot at kagalakan.) Ito ay naaangkop na pangkalahatang pahayag. Kaya ang kababanggit lang ngayon na tungkol sa paggawa ng mga tao ng mga bagay-bagay ayon sa kanilang nadarama, isa ba iyong emosyon? (Isa lamang iyong pagpapamalas.) Isa iyong uri ng pagpapamalas ng emosyon. Ang pagkalungkot, pagka-iritable, at pagkalumbay—lahat ng ito ay pagpapamalas ng emosyon, pero hindi talaga ang mga ito ang kahulugan ng emosyon. Kaya, paano dapat maunawaan ng mga tao ang unang bagay na kailangan nilang bitiwan sa paghahangad sa katotohanan—ang iba’t ibang emosyon? Ano ang binibitiwan ng mga tao kapag binibitiwan nila ang iba’t ibang emosyon? Ito ay ang pagbitiw sa mga lagay ng loob, kaisipan, at emosyon na lumilitaw sa iba’t ibang sitwasyon at konteksto, gayundin sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Ang ilan sa mga emosyong ito ay nagiging pansariling kagustuhan na rin ng isang tao. At bagamat ang ilan ay hindi nagiging pansariling kagustuhan ng isang tao, madalas pa ring nakakaapekto ang mga ito sa saloobin ng isang tao sa kanyang mga kilos. Kaya, ano ang kabilang sa mga emosyong ito? Halimbawa, kabilang dito, ang pagkalumbay, poot, galit, pagka-iritable, pagkabahala, gayundin ang pagpipigil, pagiging mas mababa, at pagluha dahil sa kagalakan—lahat ng ito ay maituturing na emosyon. Ang mga ito ba ang kongkretong pagpapamalas ng emosyon? (Oo.) Ngayong nasabi Ko na ito, alam na ba ninyo kung ano ang emosyon? May kinalaman ba ito sa pagkapasibo at pagkamainitin ng ulo na binanggit ninyo? (Wala.) Walang kaugnayan ang mga ito. Kaya, ano iyong mga bagay na binanggit ninyo? (Mga tiwaling disposisyon.) Ang mga ito ay isang uri ng pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon. May kinalaman ba sa mga tiwaling disposisyon ang mga emosyong inilista Ko ngayon lang, tulad ng pagpipigil, pagkalumbay, pagiging mas mababa, at iba pa? (Ang mga emosyong katatalakay lang ng Diyos ay walang kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon, hindi ang mga ito ang bumubuo sa mga tiwaling disposisyon, o kaya naman ay hindi pa umabot ang mga ito sa antas ng isang tiwaling disposisyon.) Kaya, ano ang mga ito? Ang mga ito ang kasiyahan, galit, pighati, at kagalakan ng normal na pagkatao, at ang mga ito ang mga lumilitaw na emosyon at mga nabubunyag na pagpapamalas kapag nakakaharap ang mga tao sa mga partikular na sitwasyon. Marahil ang ilan ay idinulot ng isang tiwaling disposisyon, samantalang ang iba ay hindi pa umabot sa antas na iyon at walang masyadong kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon, subalit umiiral talaga ang mga bagay na ito sa kaisipan ng mga tao. Sa gayong mga sirkumstansya, anuman ang sitwasyon na kinakaharap ng mga tao o anuman ang konteksto, sa isang banda ay natural at madalas na maiimpluwensyahan ng mga emosyong ito ang kanilang paghusga at mga pananaw, at maiimpluwensyahan ng mga ito ang dapat na maging tindig ng mga tao at ang landas na dapat nilang tahakin. Negatibo ang karamihan sa iba’t ibang emosyon na pinag-usapan natin ngayon lang. Mayroon bang anuman na niyutral lang, iyong hindi gaanong negatibo ni positibo? Wala, wala sa mga ito ang medyo positibo. Ang pagkalugmok sa depresyon, pagkalumbay, poot, galit, pagiging mas mababa, pagka-iritable, pagkabahala, at pagpipigil—lahat ng ito ay pawang negatibong emosyon. Magagawa ba ng alinman sa mga emosyong ito na mabigyang-kakayahan ang mga tao na positibong harapin ang buhay, ang pag-iral ng tao at ang mga sitwasyong nakakaharap nila sa kanilang buhay? Wala ba sa mga ito ang positibo? (Wala.) Lahat ng ito ay medyo negatibong emosyon. Kaya aling mga emosyon ang medyo mas mainam? Mas mainam ba ang pananabik at pangungulila? (Medyo niyutral ang mga ito.) Oo, maaaring nyutral nga ang mga ito. Ano pa? Ang pagnanais na makabalik sa nakaraan, pag-asam at pagpapahalaga. Ano ang tinutukoy ng mga emosyong ito na ating pinag-uusapan? Ang mga ito ay mga bagay na madalas na nakakubli sa kaibuturan ng puso at kaluluwa ng tao; madalas ay kaya nitong sakupin ang puso at isipan ng mga tao at madalas na nakakaapekto sa mga lagay ng loob, pananaw, at saloobin ng mga tao sa paggawa ng mga bagay-bagay. Samakatuwid, matatagpuan man o hindi ang mga emosyong ito sa tunay na buhay ng mga tao, o sa kanilang pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, kahit paano ay may epekto o makakaimpluwensya ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao at makakaapekto sa kanilang mga saloobin sa kanilang mga tungkulin. Siyempre, makakaapekto rin ang mga ito sa paghusga at posisyong inaako ng mga tao kapag hinahangad nila ang katotohanan, at sa partikular, magkakaroon ng malaking epekto sa mga tao ang mga pasibo at negatibong damdamin na ito. Kapag nagkakaroon ng mga alaala ang mga tao at nagsisimulang maramdaman ang kanilang sariling iba’t ibang emosyon, o nagkakaroon na sila ng kamalayan na nakakikilala sa mga pangyayari at bagay-bagay, kapaligiran, at ibang tao, unti-unting lumilitaw at lumilinaw ang kanilang iba’t ibang emosyon. Sa sandaling maging maliwanag ang mga ito, kung gayon, habang tumatanda ang mga tao at mas marami silang nararanasan na mga makamundong bagay, unti-unting lumalalim ang mga emosyong ito sa loob nila, sa kaibuturan ng kanilang puso, at nagiging nangingibabaw na katangian ng kanilang indibidwal na pagkatao. Unti-unting kinokontrol ng mga ito ang kanilang indibidwal na personalidad, kanilang kasiyahan, galit, lungkot at kagalakan, kanilang mga ninanais, gayundin ang kanilang paghahangad sa mga layon at direksyon sa buhay, at iba pa. Iyon ang dahilan kung bakit kailangang-kailangan ang mga emosyong ito sa bawat tao. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil sa sandaling magkaroon ng pansariling kamalayan ang mga tao sa kapaligirang nakapalibot sa kanila, unti-unting maiimpluwensyahan ng mga emosyong ito ang kanilang kasiyahan, galit, lungkot at kagalakan, maiimpluwensyahan ng mga ito ang kanilang paghusga at pagkakilala sa mga tao, pangyayari, at bagay, at maiimpluwensyahan ng mga ito ang kanilang personalidad. Siyempre, maiimpluwensyahan din ng mga ito ang mga saloobin at pananaw ng mga tao tungkol sa kung paano nila hinaharap at pinangangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay sa kanilang paligid. Ang mas mahalaga pa, naiimpluwensyahan ng mga negatibong emosyong ito ang mga gawi at prinsipyong nagdidikta sa kung paano dapat umasal ang mga tao, gayudin ang mga layon na hinahangad nila at ang batayan nila para sa pag-asal ng tao. Maaaring maramdaman ninyo na hindi ganoon kadaling maintindihan ang mga sinabi Ko, na medyo malabo ito. Magbibigay Ako sa inyo ng halimbawa at maaaring mas maunawaan ninyo nang kaunti ang mga bagay-bagay pagkatapos. Halimbawa, may ilang tao na noong bata pa, ordinaryo ang kanilang hitsura, hindi mahusay magsalita, at hindi masyadong mabilis mag-isip, kaya hindi naging kanais-nais ang mga komento sa kanila ng ilang miyembro ng kanilang pamilya at ng ibang tao sa lipunan, sinasabi ng mga ito na: “Mahina ang utak ng batang ito, matagal makaintindi, at hindi maayos magsalita. Tingnan ninyo ang mga anak ng iba, sa husay nilang magsalita ay madali nilang nakukumbinsi ang mga tao. Samantalang ang batang ito ay nakasimangot lang buong araw. Hindi niya alam ang sasabihin kapag nakakasalamuha ng mga tao, hindi alam kung paano ipapaliwanag o pangangatwiran ang sarili niya kapag may nagawa siyang mali, at hindi natutuwa sa kanya ang mga tao. Mahina ang utak ng batang ito.” Ganito ang sinasabi ng mga magulang, kamag-anak at kaibigan at ng mga guro niya. Ang ganitong kapaligiran ay nagdudulot ng partikular at hindi nakikitang panggigipit sa gayong mga indibidwal. Sa pagdanas sa ganitong mga kapaligiran, hindi namamalayang nagkakaroon siya ng partikular na uri ng mentalidad. Anong uri ng mentalidad? Iniisip niya na hindi kaaya-aya ang kanyang hitsura, hindi gaanong kanais-nais, at na kahit kailan ay hindi natutuwa ang mga tao na makita siya. Naniniwala siya na hindi siya mahusay sa pag-aaral, na mahina ang utak niya, at palagi siyang nahihiya na buksan ang kanyang bibig at magsalita sa harap ng ibang tao. Sa sobrang hiya niya ay hindi siya nakapagpapasalamat kapag may ibinibigay sa kanya ang mga tao, iniisip niya, “Bakit ba laging umuurong ang dila ko? Bakit ang galing magsalita ng ibang tao? Hangal lang talaga ako!” Hindi namamalayan, iniisip niya na wala siyang halaga pero hindi pa rin niya matanggap na ganoon siya ka-walang kwenta, na ganoon siya kahangal. Sa puso niya, palagi niyang tinatanong ang kanyang sarili, “Ganoon ba talaga ako kahangal? Ganoon ba talaga ako ka-hindi kanais-nais?” Hindi siya gusto ng kanyang mga magulang, pati na rin ng kanyang mga kapatid, kanyang mga guro o mga kaklase. At paminsan-minsan, sinasabi ng kanyang mga kapamilya, kamag-anak, at kaibigan na “Pandak siya, maliit ang mga mata at ilong niya, at kung ganyan ang hitsura niya, hindi siya magtatagumpay paglaki niya.” Kaya kapag tumitingin siya sa salamin, nakikita niyang maliit nga ang mga mata niya. Sa ganitong sitwasyon, ang paglaban, at kawalan ng kasiyahan at kagustuhan, at pagtanggap sa kaibuturan ng kanyang puso ay unti-unting nagiging pagtanggap at pagkilala sa kanyang sariling mga kapintasan, pagkukulang, at isyu. Bagamat natatanggap niya ang realidad na ito, isang palagiang emosyon ang lumilitaw sa kaibuturan ng kanyang puso. Ano ang tawag sa emosyong ito? Ang tawag dito ay pagiging mas mababa. Ang mga taong nakararamdam na mas mababa sila ay hindi alam kung ano ang kanilang mga kalakasan. Iniisip lang nila na hindi sila kanais-nais, palagi nilang nararamdaman na hangal sila, at hindi nila alam kung paano harapin ang mga bagay-bagay. Sa madaling salita, pakiramdam nila ay wala silang kayang gawin, na hindi sila kaakit-akit, hindi matalino, at mabagal silang makatugon. Ordinaryo lang sila kung ikukumpara sa iba at hindi matataas ang grado nila sa kanilang pag-aaral. Pagkatapos lumaki sa gayong kapaligiran, unti-unting nangingibabaw ang mentalidad na ito ng pagiging mas mababa. Nagiging palagiang emosyon ito na gumugulo sa puso mo at pumupuno sa iyong isipan. Ikaw man ay malaki na, marami nang karanasan sa mundo, may asawa na at matatag na sa iyong propesyon, at anuman ang iyong katayuan sa lipunan, itong pakiramdam ng pagiging mas mababa na itinanim sa iyong kapaligiran habang lumalaki ka ay imposibleng maiwaksi. Kahit matapos mong manampalataya sa Diyos at sumapi sa iglesia, iniisip mo pa rin na pangkaraniwan ang hitsura mo, mahina ang intelektuwal mong kakayahan, hindi ka maayos magsalita, at walang kayang gawin. Iniisip mo, “Gagawin ko na lang kung ano ang kaya ko. Hindi ko kailangang mag-asam na maging lider, hindi ko kailangang maghangad ng malalalim na katotohanan, magiging kontento na lang ako sa pagiging ang taong pinaka-hindi mahalaga, at hahayaan ko ang iba na tratuhin ako sa anumang paraang naisin nila.” Kapag nagpakita ang mga anticristo at huwad na mga lider, pakiramdam mo ay hindi mo magawang kilatisin o ilantad ang mga ito, na hindi mo kayang gawin iyon. Pakiramdam mo na hangga’t ikaw mismo ay hindi isang huwad na lider o anticritso, sapat na iyon, na hangga’t hindi ka nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, ayos na iyon, at sapat na iyon basta’t nagagawa mo ang sarili mong tungkulin. Sa kaibuturan ng iyong puso, pakiramdam mo ay hindi ka sapat at hindi kasinghusay ng ibang tao, na marahil ang ibang tao ay maliligtas, pero ikaw ay hanggang tagapagserbisyo lang, kaya pakiramdam mo ay hindi mo kaya ang gawain ng paghahangad sa katotohanan. Ilang katotohanan man ang kaya mong maunawaan, pakiramdam mo pa rin na, dahil nakikita mong paunang itinadhana ng Diyos na magkaroon ka ng ganyang kakayahan at hitsura, kung gayon ay malamang na itinadhana ka Niya na maging isa lamang na tagapagserbisyo, at na wala kang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, pagiging lider, pagkakaroon ng responsableng posisyon, o sa pagkakaligtas; sa halip, handa kang maging ang pinaka-hindi mahalagang tao. Marahil ay hindi ka ipinaganak nang may pakiramdam ng pagiging mas mababa, pero sa ibang antas, dahil sa kapaligiran ng iyong pamilya at sa kapaligirang kinalakihan mo, sumailalim ka sa mga bahagyang dagok at hindi wastong mga paghuhusga, at dahil dito ay umusbong sa iyo ang pakiramdam ng pagiging mas mababa. Naaapektuhan ng emosyong ito ang tamang direksyon ng iyong mga paghahangad, naiimpluwensyahan nito ang wastong pag-aasam para sa iyong mga paghahangad, at pinipigilan din nito ang iyong mga wastong paghahangad. Sa sandaling mapigilan ang iyong wastong paghahangad at tamang determinasyon na dapat mong taglayin sa iyong pagkatao, masusupil ang iyong motibasyon na hangarin ang mga positibong bagay at hangarin ang katotohanan. Ang panunupil na ito ay hindi idinudulot ng kapaligirang nakapalibot sa iyo o ng sinumang tao, at siyempre, hindi itinakda ng Diyos na dapat mong pagdusahan ito, sa halip, ito ay idinudulot ng isang matinding negatibong emosyon sa kaibuturan ng iyong puso. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo ito.)
Sa panlabas, ang pagiging mas mababa ay isang emosyon na naipapamalas sa mga tao; pero sa katunayan, ang ugat nito ay itong lipunan, sangkatauhan at ang kapaligirang ginagalawan ng mga tao. Idinulot din ito ng sariling mga obhetibong dahilan ng mga tao. Hindi na kailangang ipaliwanag pa na ang lipunan at sangkatauhan ay nagmumula kay Satanas, dahil ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama, lubos na ginawang tiwali ni Satanas at walang posibleng makapagtuturo sa susunod na henerasyon nang alinsunod sa katotohanan o gamit ang mga turo ng Diyos, sa halip ang maituturo sa kanila ay alinsunod sa mga bagay na nagmumula kay Satanas. Kaya naman, maliban sa ginagawa nitong tiwali ang mga disposisyon at diwa ng mga tao, ang kahihinatnan ng pagtuturo sa susunod na henerasyon at sangkatauhan ng mga bagay na kay Satanas ay ang pag-usbong ng mga negatibong emosyon sa mga tao. Kung pansamantala lamang ang mga umuusbong na negatibong emosyon, hindi ito magkakaroon ng malaking epekto sa buhay ng isang tao. Gayunpaman, kung malalim nang nakaugat ang isang negatibong emosyon sa kaibuturan ng puso at kaluluwa ng isang tao at hindi ito maalis-alis sa pagkabaon doon, kung ganap na hindi niya ito makalimutan o maiwaksi, kung gayon ay tiyak na makakaapekto ito sa bawat desisyon ng taong iyon, sa paraan ng pagharap niya sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay, sa kung ano ang pinipili niya kapag nahaharap sa malalaking usapin ng prinsipyo, at sa landas na kanyang tatahakin sa buhay niya—ito ang epekto ng tunay na lipunan ng tao sa bawat indibiduwal. Ang isa pang aspekto ay ang sariling mga obhetibong dahilan ng mga tao. Iyon ang edukasyon at mga turo na natatanggap ng mga tao habang lumalaki sila, lahat ng kaisipan at ideya kasama ang mga paraan ng pag-asal na tinatanggap nila, gayundin ang iba’t ibang kasabihan ng tao, ay lahat nagmumula kay Satanas, hanggang sa puntong wala nang kakayahan ang mga tao na pangasiwaan at iwaksi mula sa tamang perspektiba at pananaw ang mga isyung ito na nakahaharap nila. Samakatuwid, nang hindi nalalaman, sa ilalim ng impluwensya ng malupit na kapaligirang ito, at nang nasisiil at nakokontrol nito, walang magawa ang tao kundi magkaroon ng iba’t ibang negatibong emosyon at gamitin ang mga ito para subukang labanan ang mga problemang wala siyang kakayahan na lutasin, baguhin, o puksain. Gamitin nating halimbawa ang pakiramdam ng pagiging mas mababa. Ang iyong mga magulang, guro, nakatatanda, at ang ibang tao sa paligid mo ay pawang may hindi makatotohanang pagsusuri sa iyong kakayahan, pagkatao, at personalidad, at sa bandang huli, aatakihin, uusigin, susupilin, pipigilan, at igagapos ka nila. Sa huli, kapag wala ka nang lakas na lumaban pa, wala ka nang magawa kundi ang piliin ang buhay kung saan tahimik mong tinatanggap ang mga insulto at pamamahiya, tahimik mong tinatanggap ang ganitong uri ng hindi patas at hindi makatarungang realidad bagamat alam mong hindi dapat. Kapag tinanggap mo ang realidad na ito, ang mga emosyon na uusbong sa iyo sa huli ay hindi mga emosyong nagagalak, nasisiyahan, positibo o progresibo; hindi ka namumuhay nang may higit na motibasyon at direksyon, lalong hindi mo hinahangad ang tumpak at tamang mga layon para sa buhay ng tao, kundi sa halip, lilitaw sa iyo ang matinding pakiramdam ng pagiging mas mababa. Kapag lumitaw ang emosyong ito sa iyo, pakiramdam mo ay wala kang matatakbuhan. Kapag naharap ka sa isang isyu kung saan nangangailangan na magpahayag ka ng pananaw, ilang beses mong pag-iisipan ang gusto mong sabihin at ang pananaw na nais mong ipahayag sa kaibuturan ng iyong puso, pero hindi mo pa rin magawang sabihin ito. Kapag may isang tao na nagpapahayag ng pananaw na pareho ng sa iyo, tinutulutan mo ang iyong sarili na makaramdam sa puso mo na tama ka, isang kumpirmasyon na hindi ka mas mababa kaysa sa ibang tao. Pero kapag nangyayaring muli ang ganoong sitwasyon, sinasabi mo pa rin sa iyong sarili, “Hindi ako pwedeng magsalita nang basta-basta lang, gumawa ng anuman nang pabigla-bigla, o maging katatawanan. Wala akong kwenta, ako ay estupido, hangal, at mangmang. Kailangan kong matuto kung paano magtago at makinig lang, hindi magsalita.” Mula rito ay makikita natin na simula sa punto ng pag-usbong ng pakiramdam ng pagiging mas mababa hanggang sa kapag malalim na itong nakabaon sa kaibuturan ng puso ng isang tao, hindi ba’t napagkakaitan siya ng sarili niyang kalooban at ng mga lehitimong karapatan na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos? (Oo.) Napagkaitan siya ng mga bagay na ito. Sino mismo ang nagkait sa kanya ng mga ito? Hindi mo masabi nang tiyak, hindi ba? Wala sa inyo ang makapagsasabi nang tiyak. Ito ay dahil, sa buong prosesong ito, hindi ka lamang biktima, kundi ikaw rin ang salarin—ikaw ang biktima ng ibang tao, at ikaw rin ang biktima ng iyong sarili. Bakit ganoon? Kasasabi Ko lang na ang isang dahilan ng pag-usbong sa iyo ng pakiramdam ng pagiging mas mababa ay nanggagaling sa sarili mo mismong mga obhetibong dahilan. Sapagkat nagsimula ka nang magkaroon ng kamalayan sa sarili, ang iyong batayan sa paghusga sa mga pangyayari at bagay-bagay ay nagmula sa pagtitiwali ni Satanas, at ang mga pananaw na ito ay ikinintal sa iyo ng lipunan at ng sangkatauhan, at ang mga ito ay hindi itinuro sa iyo ng Diyos. Samakatuwid, kailanman o saan mang konteksto umuusbong ang pakiramdam mo ng pagiging mas mababa, at gaano man kalubha na ang iyong pakiramdam ng pagiging mas mababa, ikaw ay walang magawang nakagapos at kontrolado ng mga damdaming ito, at ginagamit mo ang mga pamamaraang ito na ikinintal sa iyo ni Satanas sa pagharap mo sa mga tao, pangyayari, at bagay sa iyong paligid. Kapag malalim na nakatanim sa iyong puso ang mga damdamin ng pagiging mas mababa, bukod sa may matinding epekto ito sa iyo, pinangingibabawan din ng mga ito ang iyong mga pananaw sa mga tao at bagay-bagay, at ang iyong asal at mga kilos. Kaya paano tinitingnan ng mga taong iyon na pinangingibabawan ng mga damdamin ng pagiging mas mababa ang mga tao at bagay-bagay? Itinuturing nila na mas mahusay ang ibang tao kaysa sa kanila, at iniisip din nilang mas mahusay sa kanila ang mga anticristo. Kahit na may masasamang disposisyon at masamang pagkatao ang mga anticristo, tinatrato pa rin nila ang mga ito bilang mga tao na dapat tularan at mga huwarang mapagkukuhanan ng aral. Sinasabi pa nga nila sa kanilang sarili, “Bagamat mayroon silang masamang disposisyon at pagkatao, matalino sila at mas mahusay sila sa gawain kaysa sa akin. Komportable nilang naipapakita ang kanilang mga kakayahan sa harap ng iba at nakapagsasalita sila sa harap ng napakaraming tao nang hindi namumula o kumakabog ang dibdib. Talagang malakas ang loob nila. Wala akong binatbat sa kanila. Hindi ako ganoon katapang.” Ano ang nagdulot nito? Sa katunayan, dapat sabihin na ang isang dahilan ay na naapektuhan ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa ang iyong paghusga sa mga diwa ng mga tao, pati na ang iyong perspektiba at pananaw pagdating sa pagturing sa ibang tao. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Ganoon nga.) Kaya paano nakakaapekto ang mga pakiramdam ng pagiging mas mababa sa kung paano ka umaasal? Sinasabi mo sa sarili mo: “Ipinanganak akong mangmang, nang walang mga kaloob o kalakasan, at mabagal akong matuto sa lahat ng bagay. Tingnan mo ang taong iyon: Bagamat minsan ay nagdudulot siya ng mga pagkagambala at kaguluhan, at kumikilos nang pabasta-basta at walang ingat, kahit papaano ay mayroon siyang mga kaloob at kalakasan. Saan ka man magpunta, siya ang uri ng tao na nais gamitin ng mga tao, at hindi ako ganoon.” Sa tuwing may anumang nangyayari, ang una mong ginagawa ay hatulan ang iyong sarili at ilayo ang iyong sarili. Anuman ang isyu, umaatras ka at umiiwas na magkusa, at natatakot kang umako ng responsabilidad. Sinasabi mo sa iyong sarili, “Ipinanganak akong hangal. Saan man ako magpunta, walang natutuwa sa akin. Hindi ko pwedeng ilagay ang sarili ko sa alanganing sitwasyon, hindi ko dapat ipakitang-gilas ang aking mga mumunting abilidad. Kung irerekomenda ako ng isang tao, pinatutunayan niyon na maayos naman ako. Pero kung walang magrerekomenda sa akin, hindi tama na magkusa akong sabihing kaya kong akuin ang trabaho at gawin ito nang maayos. Kung wala akong kumpiyansa sa sarili ko tungkol dito, hindi ko pwedeng sabihin na may kumpiyansa ako—paano kung magkamali ako, ano na lang ang gagawin ko? Paano kung mapungusan ako? Talagang mapapahiya ako! Hindi ba’t nakakahiya iyon? Hindi ko maaaring hayaan na mangyari iyon sa akin.” Tingnan mo—hindi ba’t nakaapekto ito sa iyong asal? Ang iyong saloobin at asal ay medyonaiimpluwensyahan at nakokontrol ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa. Maaaring sabihin na ito ang bunga ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa.
Sa ilalim ng impluwensya ng pakiramdam na ito ng pagiging mas mababa, paano ito nakakaapekto sa iyong pananaw sa iba’t ibang uri ng tao, kung sila man ay mga taong may pagkatao, may katamtamang pagkatao, o wala talagang pagkatao o masama ang pagkatao? Wala sa iyong mga pananaw sa mga tao ang naaalinsunod sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos, lalong hindi nakakatugon ang mga ito sa mga hinihingi ng Diyos. Kasabay nito, sa ilalim ng impluwensya nitong pakiramdam ng pagiging mas mababa, pinipili mong maging maingat, mapagbantay at kimi sa iyong pag-asal, at madalas ay pasibo at nalulumbay ka. Wala kang masigasig na determinasyon o motibasyon na kumilos, at kapag nakadarama ka man ng positibo at aktibong kagustuhan at nais mong magtrabaho nang kaunti, iniisip mo, “Hindi ba ako nagiging arogante nito? Hindi ba’t inaangat ko ang sarili ko? Ipinagmamalaki ang sarili ko? Nagpapakitang-gilas? Hindi ba’t naghahangad ako ng katayuan dito?” Hindi mo malaman kung ano ba mismo ang kalikasan ng sarili mong mga kilos. Ang mga lehitimong pangangailangan, inaasam, determinasyon, at mga ninanais ng sangkatauhan, gayundin iyong mga pwede mong pagsumikapan na matamo, na siyang tama at na dapat mong ginagawa, sa puso mo, maraming beses mong babaguhin ang mga ito at pagninilayan ang mga ito. Kapag hindi ka makatulog sa gabi, paulit-ulit kang magninilay-nilay, “Dapat ko bang akuin ang gawaing iyon? Pero hindi ako ganoon kahusay, hindi ako maglalakas-loob na gawin ito. Hangal ako at mahina ang utak ko. Wala akong mga kaloob na mayroon ang taong iyon, ni ang kakayahan niya!” Kapag kumakain ka, iniisip mo, “Tatlong beses silang kumakain sa isang araw at ginagampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin, at may kabuluhan ang kanilang buhay. Kumakain ako nang tatlong beses sa isang araw ngunit hindi ko ginagawa nang maayos ang tungkulin ko, at walang anumang halaga ang buhay ko. Nagkakautang ako sa Diyos, at sa aking mga kapatid! Hindi nararapat sa akin at hindi ko dapat kainin ang kahit isang pinggan ng pagkain.” Kapag masyadong duwag ang isang tao, wala siyang kwenta, at wala siyang naisasakatuparang anumang bagay. Anuman ang mangyari sa kanila, kapag nahaharap sa kaunting paghihirap ang mga duwag na tao, umaatras sila. Bakit nila ito ginagawa? Ang isang dahilan ay na idinulot ito ng kanilang pakiramdam ng pagiging mas mababa. Dahil pakiramdam nila ay mas mababa sila, hindi sila naglalakas-loob na humarap sa mga tao, ni hindi nila maako ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat nilang akuin, hindi rin nila maako ang mga bagay na kaya naman talaga nilang maisakatuparan sa saklaw ng sarili nilang abilidad at kakayahan, at sa saklaw ng karanasan ng sarili nilang pagkatao. Ang pakiramdam na ito ng pagiging mas mababa ay nakakaapekto sa bawat aspekto ng kanilang pagkatao, naaapektuhan nito ang kanilang personalidad, at siyempre, naaapektuhan din nito ang kanilang katangian. Kapag may ibang tao sa paligid, madalang nilang ipinapahayag ang sarili nilang mga pananaw, at halos hindi mo sila naririnig na nililinaw ang sarili nilang pananaw o opinyon. Kapag nahaharap sila sa isang isyu, hindi sila naglalakas-loob na magsalita, sa halip, palagi silang umiiwas at umaatras. Kapag kaunti ang tao roon, nakakaya nilang maging matapang na umupo kasama ang mga ito, pero kapag marami ang tao, naghahanap sila ng isang sulok at doon pumupunta kung saan malamlam ang ilaw, hindi naglalakas-loob na lumapit sa ibang tao. Sa tuwing nararamdaman nila na nais nilang positibo at aktibong magsabi ng isang bagay at magpahayag ng sarili nilang mga pananaw at opinyon para ipakita na tama ang kanilang iniisip, ni wala man lang silang lakas ng loob na gawin iyon. Sa tuwing sila ay may gayong mga ideya, sabay-sabay na lumalabas ang kanilang pakiramdam ng pagiging mas mababa, at kinokontrol, sinasakal sila nito, sinasabi sa kanila na, “Huwag kang magsabi ng kahit na ano, wala kang silbi. Huwag mong ipahayag ang mga pananaw mo, sarilinin mo na lang ang mga ideya mo. Kung mayroong anumang bagay sa puso mo na nais mo talagang sabihin, itala mo na lang ito sa computer at pag-isipan mo ito nang mag-isa. Hindi mo dapat hayaang malaman ito ng sinuman. Paano kung may masabi kang mali? Sobrang nakakahiya iyon!” Sinasabi palagi ng tinig na ito sa iyo na huwag mong gawin ito, huwag mong gawin iyon, huwag mong sabihin ito, huwag mong sabihin iyon, kaya’t nilulunok mo na lang ang bawat salitang nais mong sabihin. Kapag may bagay na nais mong sabihin na matagal mo nang pinagmuni-munihan sa iyong puso, umuurong ka at hindi naglalakas-loob na sabihin ito, o kaya ay nahihiya kang sabihin ito, naniniwala na hindi mo ito dapat sabihin, at na kapag ginawa mo ito, pakiramdam mo ay parang may nilabag kang tuntunin o batas. At kapag isang araw ay tahasan mong ipinahayag ang iyong pananaw, sa kaibuturan mo ay mararamdaman mo na masyado kang nababagabag at nababahala. Bagamat unti-unting naglalaho ang pakiramdam na ito ng sobrang pagkabahala, unti-unting sinusugpo ng pakiramdam mo ng pagiging mas mababa ang mga ideya, intensyon, at plano na mayroon ka kaya nais mong magsalita, magpahayag ng sarili mong mga pananaw, maging normal na tao, at maging katulad lang ng lahat. Iyong mga hindi nakakaintindi sa iyo ay naniniwala na hindi ka palasalita, na tahimik ka, mahiyain, at isang taong ayaw mamukod-tangi. Kapag nagsasalita ka sa harap ng maraming tao, nahihiya ka at namumula ang mukha mo; medyo hindi ka palakibo, at ikaw lang talaga ang nakakaalam na pakiramdam mo ay mas mababa ka. Puno ang puso mo ng ganitong pakiramdam ng pagiging mas mababa at matagal mo nang nararamdaman ito, hindi ito isang pansamantalang pakiramdam. Sa halip, mahigpit nitong kinokontrol ang iyong mga kaisipan mula sa kaibuturan ng iyong kaluluwa, mahigpit nitong tinatakpan ang bibig mo, kaya gaano man katama ang pagkaunawa mo sa mga bagay-bagay, o anuman ang mga pananaw at opinyon mo sa mga tao, pangyayari at bagay, naglalakas-loob ka lang na pag-isipan ang iba’t ibang anggulo nito sa puso mo, hindi ka kailanman naglalakas-loob na magsalita nang malakas para marinig ng iba. Asang-ayunan man ng iba ang sinasabi mo, o itatama, o pupunahin ka, hindi ka maglalakas-loob na harapin o makita ang gayong kalalabasan. Bakit ganito? Ito ay dahil ang pakiramdam mo ng pagiging mas mababa ay nasa loob mo, nagsasabi sa iyo na, “Huwag mong gawin iyan, hindi mo iyan kaya. Wala kang ganyang kakayahan, wala kang ganyang realidad, hindi mo dapat gawin iyan, sadyang hindi ka ganyan. Huwag kang gumawa o mag-isip ng kahit ano ngayon. Magiging totoo ka lang sa sarili mo kung mamumuhay ka sa pagiging mas mababa. Hindi ka kuwalipikadong hangarin ang katotohanan o buksan ang puso mo at sabihin ang nais mo at makipag-ugnayan sa iba gaya ng ginagawa ng ibang tao. At iyon ay dahil hindi ka mahusay, hindi ka kasinghusay nila.” Ang ganitong pakiramdam ng pagiging mas mababa ang umaakay sa pag-iisip ng mga tao; pinipigilan sila nitong isakatuparan ang mga obligasyon na dapat gampanan ng isang normal na tao at ipamuhay ang buhay ng normal na pagkatao na dapat nilang ipinamumuhay, samantalang itinuturo rin nito ang mga pamamaraan, direksyon at mga layon ng kung paano nila itinuturing ang mga tao at bagay-bagay, paano sila umaasal at kumikilos. Kahit na naniniwala sila na dapat silang maging matapat na tao at natutuwa silang maging matapat na tao, ngunit kailanman ay hindi sila naglalakas-loob na ipahayag sa mga salita o gawa ang kanilang hangarin na maging isang matapat na tao upang makapasok sa buhay ng pagiging isang matapat na tao. Dahil sa pakiramdam nila ng pagiging mas mababa, hindi man lang sila naglalakas-loob na maging isang matapat na tao—ganap na wala silang matibay na loob. Kapag may sinasabi man silang matapat, dali-dali nilang tinitingnan ang mga tao sa paligid nila, at iniisip na, “Hinuhusgahan na ba nila ako? Iisipin ba nila na, ‘Sinusubukan mo bang maging isang matapat na tao? Hindi kaya gusto mo lang maging matapat na tao para maligtas ka? Hindi ba’t paghahangad lang ito na mapagpala?’ Naku, hindi ako mangangahas na magsabi ng kahit ano. Lahat sila ay maaaring magsalita nang matapat, ako lang ang hindi. Hindi ako kasingkuwalipikado gaya nila, ako ang pinakamababa.” Nakikita natin mula sa mga partikular na pagpapamalas at pagbubunyag na ito na sa sandaling ang isang negatibong emosyon na ito—ang pakiramdam ng pagiging mas mababa—ay magsimulang umepekto at mag-ugat sa kaibuturan ng puso ng mga tao, kung gayon, maliban sa kung hahangarin nila ang katotohanan, magiging napakahirap para sa kanila na pawiin ito at makawala sa pagpipigil nito, at mapipigilan sila nito sa lahat ng kanilang gagawin. Bagamat hindi nasisiguro na isang tiwaling disposisyon ang pakiramdam na ito, nagdulot na ito ng malubhang negatibong epekto; malubha nitong pinipinsala ang kanilang pagkatao at may malaking negatibong epekto ito sa iba’t ibang emosyon at sa pananalita at mga kilos ng kanilang normal na pagkatao, kasama ang mga napakalulubhang kahihinatnan. Ang maliit na impluwensya nito ay makakaapekto sa kanilang katangian, mga kagustuhan at inaasam; ang malaking impluwensya nito ay makakaapekto sa kanilang mga layon at direksyon sa buhay. Sa mga sanhi ng pakiramdam na ito ng pagiging mas mababa, sa proseso nito at sa mga kahihinatnan na idinudulot nito sa isang tao, sa alinmang aspekto mo ito titingnan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat bitiwan ng mga tao? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Tingin ko ay hindi ako mas mababa at wala ako sa ilalim ng anumang uri ng pagpipigil. Wala pang sinuman ang pumukaw ng galit ko o nangmaliit sa akin, wala ring sinuman ang nakapigil na sa akin. Malayang-malaya akong namumuhay, kaya hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala ako nitong pakiramdam ng pagiging mas mababa?” Tama ba iyon? (Hindi, minsan ay may ganoon pa rin kaming pakiramdam ng pagiging mas mababa.) Maaaring sa isang antas ay nasa iyo pa rin ito. Maaaring hindi nito pinangingibabawan ang kaibuturan ng iyong puso, pero sa ilang senaryo ay maaari itong lumitaw anumang oras. Halimbawa, nakasalubong mo ang isang taong iniidolo mo, isang taong higit na mas may talento kaysa sa iyo, isang taong mas maraming natatanging kasanayan at kaloob kaysa sa iyo, isang taong mas dominante kaysa sa iyo, isang taong mas mapanupil kaysa sa iyo, isang taong mas masama kaysa sa iyo, isang taong mas matangkad at mas kaakit-akit kaysa sa iyo, isang taong may katayuan sa lipunan, isang taong mayaman, isang taong mas mataas ang pinag-aralan at katayuan kaysa sa iyo, isang taong mas matanda at mas matagal nang nananalig sa Diyos, isang taong may higit na karanasan at realidad sa kanyang pananalig sa Diyos, at pagkatapos ay hindi mo mapigilan ang paglitaw ng pakiramdam mo ng pagiging mas mababa. Kapag lumilitaw ang pakiramdam na ito, ang iyong “pamumuhay nang napakalaya” ay naglalaho, nagiging kimi ka at pinanghihinaan ka ng loob, pinag-iisipan mong mabuti kung ano ang sasabihin, nagiging hindi natural ang ekspresyon ng mukha mo, nararamdaman mong napipigilan ka sa iyong mga salita at kilos, at nagsisimula kang magpanggap. Ang mga ito at ang iba pang pagpapamalas ay nangyayari dahil sa paglitaw ng iyong pakiramdam ng pagiging mas mababa. Siyempre, panandalian lang ang ganitong pakiramdam ng pagiging mas mababa, at kapag lumitaw ang pakiramdam na ito, kailangan mo na lang suriin ang iyong sarili, matutong kumilatis, at hindi mapigilan nito.
Ang iba’t ibang emosyon na kinakailangang bitiwan na tinatalakay natin ngayong araw ay mga bagay na malalim nang nakabaon sa kaluluwa ng mga tao. Ang epekto ng mga bagay na ito sa iyo ay hindi pansamantala lamang, sa halip, ang epekto ng mga ito ay malawak at malalim. Kapag nahihirapan kang makatulog sa gabi, kapag ikaw ay mag-isa, unti-unting pumapasok sa isip mo iyong mga tao, pangyayari, at bagay na nagdulot sa iyo ng mga negatibong emosyon at na mga malalim nang nakaugat sa iyong memorya. Isang salita, tunog, maging isang sumpa, pambubugbog, eksena, bagay, grupo ng mga tao, o ang pagkakasunod-sunod ng isang pangyayari mula umpisa hanggang katapusan—naglalaro sa isip mo na parang pelikula ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na ito na mula sa sulok ng iyong memorya na nagdulot sa iyo ng lahat ng uri ng negatibong emosyon. Paulit-ulit itong naglalaro sa isip mo, hanggang sa wakas, hindi mo namamalayang bumabalik ka sa mga negatibong emosyon na nagtatago sa kaibuturan ng iyong kaluluwa, at sa sandaling iyon na nakaapekto sa iyong mga damdamin, sa iyong pagkatao, personalidad, at buhay sa hinaharap. Kapag nag-iisa ka, kapag nahaharap ka sa mga paghihirap, kapag kailangan mong magpasya, at kapag nawawalan ka ng pag-asa, hindi mo mapigilang malugmok at iwasan ang lahat ng tao, binabalikan mo sa iyong kaloob-looban ang sitwasyon, pangyayari, at ang grupo ng mga tao na iyon na nagdulot sa iyo ng pasakit. Bagamat pakiramdam mo ay inatake at sinaktan ka ng mga tao, pangyayari, at bagay na ito, at itinanim ng mga ito sa iyo ang lahat ng uri ng negatibong emosyon, kapag nalulungkot o nalulumbay ka, kapag nahaharap ka sa kabiguan, kahit pa pinupungusanka o tinatanggihan ng iyong mga kapatid, hindi mo mapipigilan na bumalik sa negatibong damdamin na iyon na nakakaapekto sa buhay mo, ito man ay kawalan ng pag-asa, poot, galit, o pagiging mas mababa. Bagamat nagdulot sa iyo ng lahat ng uri ng pasakit ang mga emosyong ito, o dahil sa mga ito ay nabahala ka, naiyak, o naging iritable, hindi mo pa rin mapigilan ang iyong sarili na magpabalik-balik sa negatibong emosyon na iyon na nararamdaman mo sa sandaling iyon. Kapag binabalikan mo ang sandaling iyon, lumalakas muli ang epekto ng negatibong emosyon na iyon sa iyo. Kapag paulit-ulit kang naaapektuhan, pinaaalalahanan at inaalerto ng negatibong emosyon na ito, hindi nakikitang ginagambala nito ang iyong pakikinig sa mga salita ng Diyos at ang iyong pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag muling lumitaw ang mga negatibong emosyong ito sa kaibuturan ng iyong puso, kapag pilit nitong pinangingibabawan ang iyong mga iniisip, mas mababawasan ang iyong interes sa katotohanan, magiging pagkamuhi pa nga ito, o maaaring lumitaw ang mga pakiramdam ng kagustuhang sumuway. Dahil sa pasakit at hindi patas na pagtrato na natanggap mo noon, maaaring lalo kang mapoot sa sangkatauhan at lipunan, at kamumuhian mo ang lahat ng nangyari, pati na rin siyempre ang lahat ng mangyayari sa hinaharap. Palagiang naipapamalas ang mga emosyong ito sa loob ng puso mo, at paulit-ulit na naiimpluwensyahan ng mga ito ang iyong mga damdamin, ang iyong kalagayan at ang iyong kondisyon. Paulit-ulit ding naiimpluwensyahan ng mga ito ang nadarama mo sa pagganap sa iyong tungkulin, gayundin ang iyong saloobin at mga pananaw sa iyong pagganap ng tungkulin, at siyempre, ang iyong motibasyon at kapasyahan sa paghahangad sa katotohanan. Minsan, kasisimula mo pa lang magpasya na hahangarin mo ang katotohanan at hinding-hindi ka na muling malulumbay, na hinding-hindi ka na muling maniniwala na hindi sapat ang husay mo at na hindi ka na muling aatras; gayunpaman, kapag ang iyong puso ay napuno ng isang panandaliang negatibong emosyon, maaaring tuluyang mawala ang motibasyon mo sa paghahangad sa katotohanan, naglalaho nang walang anumang bakas sa isang iglap. Kapag ang iyong motibasyon na hangarin ang katotohanan ay naglaho nang walang naiwang bakas sa ganitong uri ng sitwasyon, mararamdaman mo na hindi interesante ang paghahangad sa katotohanan at na ang pananampalataya sa Diyos at ang mailigtas ay walang kabuluhan para sa iyo. Dahil sa paglitaw ng ganitong uri ng damdamin at kalagayan, ayaw mo na muling lumapit sa Diyos, ayaw mo nang basahin ang mga salita ng Diyos sa panalangin o makinig sa mga salita ng Diyos, at siyempre, mas lalong wala ka nang determinasyon o pagnanais na isagawa ang mga salita ng Diyos, o maging isang tao na naghahangad sa katotohanan. Ito ang napakalaking hadlang at epekto ng iba’t ibang negatibong emosyong ito sa mga taong tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang mas tumpak pa, nagdudulot ang mga ito ng mga pagkagambala at pinsala sa mga tao, at paminsan-minsan, pawawalan ng mga ito ng kabuluhan ang katiting na tiwala sa sarili na kakaipon mo lang at ang iilang prinsipyo ng pag-asal na kakaunawa mo lang. Sa isang iglap, dahil sa mga ito ay hindi mo na madarama sa kaibuturan ng iyong puso ang pag-iral, mga pagpapala, at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang Kanyang mga panustos para sa iyo, at kaagad kang napupuno ng isa sa mga negatibong emosyong ito. Kapag napuno ka ng mga negatibong emosyon na ito, kaagad kang makokontrol ng iyong mga tiwaling disposisyon. Kapag nakontrol ka ng iyong mga tiwaling disposisyon, kaagad kang magiging ibang tao at ibang mukha ang ihaharap mo sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo. Ang pagmamahal na mayroon ka noon ay naglaho na, ang pagtitimpi na mayroon ka noon ay naglaho na, ang sigla na mayroon ka noon para magdusa at magbayad ng halaga, para magtiis ng mga paghihirap at magsikap ay naglaho na, ang dati mong motibasyon na nagtutulak sa iyo na laktawan ang isang pagkain at matulog nang mas maiksing oras upang maayos na magampanan ang tungkulin mo ay naglaho na, at ang pumalit dito ay pagkapoot sa bawat tao. Ano ang pangunahing pinagmumulan ng pagkapoot na nadarama mo para sa lahat ng tao? Nagmumula ito sa iyong tiwaling disposisyon, ngunit mula rin ito sa mga sitwasyon, tao, pangyayari at bagay na naranasan mo noon na nagdulot sa iyo ng mga negatibong emosyon. Sinasabi mo, “Nagpaparaya ako sa iba, pero sino ang nagpaparaya sa akin? Nagpapakita ako ng pang-unawa sa iba, pero sino ang nagpapakita ng pang-unawa sa akin? Maging ang mga magulang at mga kapatid ko ay hindi ako pinapakitaan ng anumang pang-unawa! Lahat ng ibang tao ay nagkakamali, kaya maaari din akong magkamali! Ang ibang tao ay nagbubulalas ng pagkanegatibo kapag pinupungusan, kaya bakit hindi pwedeng ako rin? Ang ibang tao ay pwedeng dumiskarte para magkaroon ng impluwensya at posisyon, kaya bakit hindi pwedeng ako rin? Kung nagagawa mo ito, magagawa ko rin ito! Ang ibang tao ay nandaraya at umiiwas sa mga responsabilidad kapag gumaganap sa kanilang mga tungkulin, kaya gagawin ko rin ito. Ang ibang tao ay hindi naghahangad sa katotohanan, kaya hindi ko rin gagawin iyon. Ang ibang tao ay kumikilos nang walang mga prinsipyo, kaya ganoon din ang gagawin ko. Ang ibang tao ay hindi pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaya hindi ko rin ito poprotektahan. Susundin ko lang ang ginagawa ng lahat. Ano naman ang mali roon?” Anong uri ng pagpapamalas ito? Tingnan man natin ito sa usapin ng iyong mga kaisipan o sa disposisyong ipinapakita mo, sadyang ito ay napakalaking pagbabago, na tila ba naging ibang tao ka na. Ano ang nangyayari dito? Ang pinakaugat ay na nagkaroon ng pagbabago sa loob mo. Maaaring ganoon ka pa rin tingnan sa panlabas at ang iyong pang-araw-araw na nakagawian ay walang pinagbago, ang tono ng pananalita mo ay walang pinagbago, ang hitsura mo ay walang pinagbago, at walang umaakay sa iyo o sumusulsol nang palihim, kaya bakit biglaan ang pag-usbong ng mga emosyon? Ang isang dahilan ay na idinulot ito ng mga negatibong emosyon na itinanim sa kaibuturan ng iyong puso. Kapag maganda ang kalagayan ng isang taong palaging nagkikimkim ng mga negatibong damdamin ng poot at galit sa kanyang kalooban, madalas siyang lalapit sa Diyos para magdasal, magbasa ng mga salita ng Diyos at sisiguruhin niya na magiging normal ang takbo ng lahat ng bagay kapag hinahangad niya ang katotohanan at ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung nahaharap siya sa isang bagay na hindi niya gusto, o nahaharap siya sa isang balakid, pagkabigo, o kahihiyan sa trabaho o sa buhay, o dumaranas siya ng pagkapahiya o pagkapinsala sa kanyang mga interes, nagpupuyos siya sa galit at nagwawala dahil sa poot at galit na idinulot ng mga negatibong emosyon sa loob niya. Marahil ay nakaranas siya dati ng mga pangyayari na hindi pangkaraniwan, gaya ng pagmamaltrato, o ng walang dahilang pambubugbog ng masasamang tao, o ng pagkamkam ng kanyang ari-arian, o pang-aapi at pamamahiya pa nga ng masasamang tao; ang ilang tao ay maaaring nagkaroon ng mga katrabaho o mga superbisor na pinahihirapan sila sa trabaho, at ang ilang tao ay maaaring nakaranas ng diskriminasyon at hindi patas na pagtrato mula sa mga kaklase at guro sa paaralan dahil sa kanilang mabababang grado, mahirap na kalagayan ng pamilya, o dahil ang kanilang mga magulang ay magsasaka at nagmumula sa mababang antas ng lipunan, at iba pa. Kapag dumaranas ang isang tao ng maraming uri ng hindi patas na pagtrato sa lipunan, kapag inalis ang kanyang mga karapatang pantao, kapag binawi ang kanyang mga interes o kinuha ang kanyang mga pag-aari, natural na maitatanim ang mga binhi ng poot sa kaibuturan ng kanyang puso, at tulad ng inaasahan, dadalhin niya ang poot na ito sa paraan niya ng pakikipagharap sa lipunan, sangkatauhan, at maging sa sarili niyang pamilya, at sa kanyang mga kaibigan at kamag-anak. Ang mga pananaw ng mga taong may poot na nakatanim sa kanilang puso ay naiimpluwensyahan ng poot na ito, at natural na maaapektuhan din nito ang kanilang mga emosyon.
Sa sandaling mag-ugat na nang malalim ang poot sa puso ng isang tao, natural itong nagiging isang emosyon, at kapag namumuhay ang isang tao sa emosyong ito ng pagkapoot, hindi na magiging wasto ang kanyang perspektiba sa sangkatauhan at sa anumang usapin. Ang kanyang mga pananaw sa mga tao at mga bagay-bagay ay nagiging baluktot at salungat sa karaniwan niyang mga pananaw dito. Hindi na niya magawang maunawaan nang tama ang anumang normal at wastong tao, pangyayari, o bagay, at huhusgahan at kokondenahin rin niya ang mga ito. Palagi siyang naghahanap ng mga pagkakataon na maibulalas ang kanyang mga hinaing at poot. Umaasa siya na balang araw ay magkakaroon siya ng kapangyarihan at impluwensya, at na magagawa niyang itama ang lahat ng mga hinaing na ito at na makapaghiganti sa mga nang-api at nanakit sa kanya noon. Gayunpaman, sa ngayon, wala pa siyang naaangkop na paraan upang magawa ito, kaya, sa huli, ang ilan sa kanila ay mananalig sa Diyos. Matapos nilang magsimulang manalig sa Diyos, iniisip nila na, “Nananalig na ako ngayon sa Diyos at makapagmamalaki na ako. Hahayaan ko ang Diyos na magpasya para sa akin para makuha ng masasamang taong iyon ang nararapat na parusa para sa kanila. Napakaganda nito!” Kaya, ngayong nananalig na sila sa Diyos, ibinabaon nila ang kanilang poot at galit sa kaloob-looban, ibinibigay nila ang lahat nila para gugulin ang kanilang sarili, bayaran ang halaga, magdusa, magpakaabala at gumawa sa sambahayan ng Diyos, umaasa na balang araw ay susuwertehin sila dahil sa kanilang mga pagsisikap at magbabago ang mga bagay-bagay, at kapag dumating ang araw na mas malakas na sila at hindi na mahina, sisiguruhin nilang maparurusahan ang mga nang-api at namahiya sa kanila nang husto. Ang layon nila sa paggawa ng lahat ng ito ay ang masaksihan ng sarili nilang mga mata ang kaparusahan at paghihiganti na inilapat sa mga taong nagdulot sa kanila ng walang katapusang pasakit at kahihiyan. Dala-dala nila ang emosyong ito sa kanilang pananampalataya sa Diyos, nagbabayad sila ng halaga, at gumugugol ng kanilang sarili. Sa panlabas, tila kailanman ay hindi sila nagrereklamo o nagnanais o nangangailangan ng anuman, na buong puso lang talaga nilang ibinubuhos ang kanilang sarili sa pagganap ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at na walang pagdurusa ang hindi nila kayang tiisin. Gayunpaman, ang totoo ay nananatiling hindi nalulutas at hindi nila nabibitiwan ang mga emosyong iyon ng poot at galit sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa sandaling may isang tao na magbigay ng opinyon at magbunyag sa kanilang tiwaling disposisyon, hindi namamalayang agad silang bumabalik sa mga emosyon nila ng poot at galit upang maharap at malutas ang problemang ito. Iniisip nila, “Minamaliit mo ba ako? Sinusubukan mo bang apihin ako dahil iniisip mong mangmang ako? Napakaraming tao ang nang-aapi sa akin, pero maghintay ka lang at makikita mo ang kahihinatnan nila!” May masabi lang ang isang tao na isang bagay tungkol sa kanila at sinasaktan na nila ang taong ito, kahit na hindi naman iyon sinasadya. Pero kung may nababanggit ang taong iyon na ikinagagalit nila, napupukaw ang kanilang poot at galit, kaya’t hindi namamalayang bumabalik sila sa pagkapoot sa lahat ng bagay. Malinaw na ang pananaw, ang emosyong ito, ay nakaapekto sa kanilang perspektiba at saloobin sa mga tao at bagay-bagay, at sa mga paraan ng kanilang pag-asal at pagkilos. Kahit sino pa ang magbanggit ng mga lehitimong opinyon at mga suhestiyon sa kanila, iniisip nila palagi na, “Minamaliit nila ako at nais nila akong apihin. Tingin ba nila ay madali lang akong alipustahin?” Ginagamit nila ang pananaw na ito at ang pamamaraang ito ng paggawa sa mga bagay-bagay upang harapin ang sitwasyon, samantalang lalong bumabaon sa puso nila ang kanilang mga emosyon ng poot at galit. Sa sandaling ang mga emosyon ng poot at galit ay malalim nang naitanim sa kaibuturan ng kanilang puso, patuloy na uusbong ang mga ito, at patuloy na gagamitin ng taong iyon ang mga ito upang harapin ang lahat ng uri ng tao, pangyayari at bagay, at palagi rin nilang pinapaalalahanan ang kanilang sarili na kailangan nilang kapootan ang lahat ng tao at na walang taong mabait sa kanila. Kahit maniwala sila sa isang saglit na mabait sa kanila ang isang tao, sasabihin nila sa kanilang sarili sa lalong madaling panahon, nang hindi sinasadya at hindi namamalayan, na, “Huwag kang mag-isip ng ganyan. Maliban sa Diyos na tunay na mabuti, walang tao na mabuti. Nasisiyahan ang lahat ng tao sa mga kamalasan mo at walang may nais na mapabuti ka. Iniisip nila na mangmang ka kaya’t inaapi ka nila, at kapag nakikita nilang nagtatagumpay ka sa isang bagay, bobolahin ka lang nila at susubukang sumipsip sa iyo. Kaya huwag maniwala sa sinuman at huwag isipin na mabait ang sinuman. Dapat kang maging mapagbantay at mapaghinala sa ibang tao.” Sa tuwing may sinasabi sa kanila ang isang tao, sinusuri nila ang sinabi nito, iniisip na, “Pinupuntirya ba niya ako? Bakit niya iyon sinabi? Sinusubukan ba niyang atakihin ako at gantihan ako dahil sa isang bagay? Sinusubukan ba niya akong alipustahin?” Ang mga damdamin na ito ng paghihinala, poot at galit ay paulit-ulit na nagpapaalala sa kanila at nag-uudyok sa kanila na hindi mamalayang gamitin ang mga damdaming ito sa kanilang pagharap at pakikitungo sa bawat uri ng tao, pangyayari, at bagay, subalit sila mismo ay hindi alam na ang lahat ng ito ay mga uri ng negatibong emosyon. Ang mga negatibong emosyong ito ay mahigpit na kumokontrol sa kanilang paghusga at mahigpit na iginagapos ang kanilang pag-iisip, at pinipigilan sila ng mga ito na tingnan ang sinumang tao, pangyayari o bagay mula sa tamang perspektiba o pananaw. Kapag nagsimulang mamuhay ang isang tao sa ilalim ng impluwensya ng mga negatibong emosyon na ito, nagiging napakahirap na makatakas sa kontrol ng mga ito. Bago bitiwan ng isang tao ang mga negatibong emosyong ito, hindi niya namamalayang namumuhay siya sa loob ng mga ito, at mula sa mga ito niya tinitingnan ang mga tao, pangyayari at bagay, hinaharap ang mga tao, pangyayari, at bagay gamit ang mga maling pananaw na umusbong mula sa mga negatibong emosyong ito. Una, hindi maiiwasan na humahantong ito sa kalabisan, paghihinala, pagdududa, at maging sa pagkamainitin ng ulo, at tinitingnan din niya ang iba nang may pagkamuhi at inaatake niya ang mga ito. Kinokontrol ng mga negatibong emosyong ito ang mga iniisip at pananaw ng tao sa kanyang puso, at kinokontrol ng mga ito ang kanyang bawat salita at gawa. Kaya naman, kapag narumihan ang taong ito nitong mga negatibong emosyon, kung siya ay isang taong naghahangad sa katotohanan, ang mga negatibong emosyong ito ay magdudulot ng mga balakid at makakaapekto sa kanyang puso at isipan, at kaya mababawasan nang husto ang pagsasagawa niya sa katotohanan. Dahil sa karumihan, paggambala, at pinsalang idinulot ng mga negatibong emosyong ito, mayroong limitasyon sa katotohanang kaya niyang isagawa, at kapag nahaharap siya sa isang sitwasyon, palagi siyang naiimpluwensyahan ng kanyang mga damdamin. Siyempre, ang pinakamalalang epekto ay na napapasailalim siya sa impluwensya ng iba’t ibang negatibong emosyong ito, kaya para sa kanya ay nagiging sobrang nakakapagod ang pagsasagawa sa katotohanan. Hindi niya magawang gamitin ang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, ni hindi niya magamit ang malayang kalooban at likas na gawi na nilikha ng Diyos, pati na rin ang mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa at sundin ng tao sa kanyang pakikitungo sa mga tao at bagay-bagay sa paligid niya, at sa kanyang paghuhusga sa mga tao at bagay-bagay sa paligid niya.
Mula sa mga bagay na ito na tinalakay Ko hanggang sa ngayon, paano mo man ito tingnan, sa magkakaibang antas ay malinaw na sinasakop ng iba’t ibang negatibong emosyon ang isip ng bawat tao. Dahil sinasakop ng mga ito ang isipan ng mga tao, lilitaw ang ilang paghihirap habang isinasagawa nila ang katotohanan. Kaya naman, habang dumaraan sila sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, dapat patuloy na bitiwan ng mga tao ang mga tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot sa kanila ng mga negatibong emosyon. Halimbawa, ang negatibong emosyon ng pagiging mas mababa na tinalakay natin kamakailan. Anuman ang sitwasyong nagdulot sa iyo na makaramdam ng pagiging mas mababa o kung sino o anong pangyayari ang sanhi nito, dapat mong taglayin ang tamang pagkaunawa sa iyong sariling kakayahan, mga kalakasan, talento, at sa kalidad ng sarili mong pagkatao. Hindi tama na makaramdam ng pagiging mas mababa, hindi rin tama na makaramdam ng pagiging mas nakatataas—parehong negatibong emosyon ang mga ito. Maaaring gapusin ng pagiging mas mababa ang iyong mga kilos at kaisipan, at iimpluwensyahan ang iyong mga pananaw at saloobin. Ang pagiging mas mataas ay mayroon ding ganitong negatibong epekto. Kaya, ito man ay pagiging mas mababa o iba pang negatibong emosyon, dapat mong taglayin ang tamang pagkaunawa sa mga interpretasyon na humahantong sa paglitaw ng emosyong ito. Una, dapat mong maunawaan na ang mga interpretasyong iyon ay hindi tama, at ito man ay tungkol sa iyong kakayahan, talento, o sa kalidad ng iyong pagkatao, ang mga pagsusuri at kongklusyon nila sa iyo ay palaging mali. Kaya, paano mo tumpak na masusuri at makikilala ang iyong sarili, at paano ka makalalaya sa pakiramdam ng pagiging mas mababa? Dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan sa pagkilala sa iyong sarili, pag-alam sa kung ano ang iyong pagkatao, kakayahan, at talento, at kung anong mga kalakasan ang mayroon ka. Halimbawa, ipagpalagay na dati kang mahilig at magaling kumanta, pero palagi kang pinupuna at minamaliit ng ilang tao, sinasabing hindi ka makasabay sa tugtog at na wala ka sa tono, kaya ngayon ay nadarama mo na hindi ka magaling kumanta at hindi ka na naglalakas-loob na gawin ito sa harap ng ibang tao. Dahil mali kang sinuri at hinusgahan ng mga taong iyon na makamundo, ng mga taong magulo ang isip at pangkaraniwan, nabawasan ang mga karapatan na nararapat sa iyong pagkatao, at napigilan ang iyong talento. Bilang resulta, ni hindi ka na naglalakas-loob kumanta ng isang awitin, at matapang ka lang na nakakakanta nang malaya at malakas kapag walang tao sa paligid at nag-iisa ka. Dahil karaniwan ay nararamdaman mo na masyado kang napipigilan, kapag hindi ka nag-iisa, hindi ka nangangahas na kumanta ng awitin; nangangahas ka lang na kumanta kapag mag-isa ka, tinatamasa ang oras na nagagawa mong kumanta nang malakas at malinaw, at sobrang kaaya-aya at malaya ang pakiramdam mo sa oras na iyon! Hindi ba’t totoo iyon? Dahil sa pinsalang nagawa sa iyo ng mga tao, hindi mo alam at hindi mo malinaw na nakikita kung ano ba talaga ang kaya mong gawin, kung saan ka magaling, at kung saan ka hindi magaling. Sa ganitong sitwasyon, kailangan mong gumawa ng tamang pagsusuri at sukatin nang tama ang iyong sarili batay sa mga salita ng Diyos. Dapat mong pagtibayin kung ano ang natutunan mo at kung saan nakasalalay ang mga kalakasan mo, at humayo ka at gawin mo ang anumang kaya mo; para naman sa mga bagay na hindi mo kayang gawin, ang iyong mga kakulangan at kapintasan, dapat mong pagnilayan at kilalanin ang mga ito, at dapat din na tumpak mong suriin at alamin kung ano ang kakayahan mo, at kung mahusay o mahina ba ito. Kung hindi mo maunawaan o malinaw na makilala ang sarili mong mga problema, kung gayon, hilingin mo sa mga tao sa paligid mo na may pagkaunawa na kilatasin ka. Tumpak man o hindi ang sasabihin nila, kahit papaano ay mabibigyan ka nito ng pagbabatayan at pag-iisipan at mabibigyan ka nito ng kakayahan na magkaroon ng batayang pagsusuri o paglalarawan sa iyong sarili. Pagkatapos, malulutas mo na ang seryosong problema ng mga negatibong emosyon gaya ng pagiging mas mababa, at unti-unti kang makakaahon mula sa mga ito. Ang gayong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa ay madaling lutasin kung magagawa ng isang tao na kilalanin ito, mamulat tungkol dito, at hanapin ang katotohanan.
Para sa mga nagdusa ng hindi patas na pagtrato, na mga pinagmalupitan at diniskrimina ng lipunan, sa kanilang iba’t ibang propesyon, at sa iba’t ibang kapaligiran, madali bang lutasin ang mga pakiramdam ng poot at galit sa loob nila? (Oo.) Paano nalulutas ang mga ito? (Dapat nilang tingnan ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay alinsunod sa mga salita ng Diyos, bitiwan ang mga negatibong emosyong ito ng poot at galit at bitiwan ang mga tao, pangyayari at bagay na nakasakit sa kanila noon.) “Ang pagbitiw” ay pawang mga salita lamang—paano ka ba makabibitiw? Halimbawa, nakipagtagpo ang isang babae sa isang lalaki, at sa huli, siya ay nalansi na makipagsiping sa lalaking ito at naperahan siya nito, at sa tuwing naiisip niya ang pangyayaring ito, bigla na lang siyang nagpupuyos sa galit, at kapag umuusbong ang galit na ito, ikinukuyom niya ang kanyang mga kamao at napupuno ng poot ang kaibuturan ng kanyang puso. Iniisip niya ang mukha ng lalaking iyon, iniisip niya ang lahat ng sinabi nito, iniisip niya ang lahat ng pananakit na ginawa nito sa kanya, at habang mas iniisip niya ang mga bagay na ito, mas lalo siyang naghihinanakit, mas lalong kumukulo ang dugo niya, mas lalo siyang nagpupuyos sa galit, at mas tumitindi ang kanyang kapootan. Iniisip niya ito nang iniisip at ayaw na niyang gawin ang kanyang tungkulin, at palubha nang palubha ang pakiramdam niya, sinasabi niya sa kanyang sarili na huwag magpahinga at sa halip ay magpatuloy lang sa pagtatrabaho at pakikipag-usap sa ibang tao, at kapag hindi siya makatulog sa gabi, umaasa siya sa mga gamot na pampatulog. Hindi siya nangangahas na mapag-isa o pagpahingahin ang puso niya. Sa sandaling maging mag-isa siya, sa sandaling magpahinga siya, umuusbong ang poot na ito sa kanya at ninanais niyang maghiganti, gusto niyang mamatay ang nanakit sa kanya, at mas mainam para sa kanya kung mas karima-rimarim ang kamatayan nito. Kung isang araw ay talagang mabalitaan niya ang kalunus-lunos na kamatayan ng lalaking iyon, saka lamang niya mabibitiwan ang mga pakiramdam ng poot at galit. Pag-isipan ito: Kung namatay na nga ang lalaki, kung nakuha niya ang nararapat sa kanya at siya ay naparusahan, mabubura mo ba ang pangyayaring iyon na nagdulot sa pag-usbong ng poot at galit at ang alaala na malalim nang nakabaon sa kaibuturan ng iyong puso? Magagawa mo ba talagang bitiwan ang poot sa pangyayaring iyon? Tunay ba itong maglalaho? (Hindi.) Kaya, ang paraan ba upang malutas ang poot at galit ay ang maglaho ang taong iyon na nanakit sa iyo at magdusa siya ng kaparusahan, o magkaroon ng kalunos-lunos na kamatayan, o dumanas ng paghihiganti, o mapahamak sa huli? Ito ba ang paraan para makabitiw sa poot at galit? (Hindi.) Kaya naman, sinasabi ng ilang tao, “Kapag natuklasan mong nagkikimkim ka ng mga emosyong ito ng poot at galit, dapat mong bitiwan ang mga ito.” Ito ba ang landas ng pagsasagawa? (Hindi.) Kaya ano ang ibig sabihin kapag sinasabi ng isang tao na, “Dapat mong bitiwan ang mga ito”? (Ito ay doktrina.) Tama, ito ay doktrina, hindi ang landas ng pagsasagawa. Kasasabi Ko lang sa inyo kung paano lutasin ang pakiramdam ng pagiging mas mababa, at ito ay isang paraan upang mabitawan ang pagiging mas mababa. Ngayon ba ay mayroon na kayong landas ng pagsasagawa? (Oo.) Kaya paano ninyo mabibitiwan ang poot at galit? Landas ba ng pagsasagawa ang hindi isipin ang mga ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na pawiin mo ang mga ito sa iyong memorya—ito ba ang paraan para malutas ang problema? Mangangahulugan ba ito na binitawan ninyo ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ang pag-iling ng inyong ulo, pagpikit ng inyong mga mata at hindi pag-iisip ng anumang bagay, o ang pagpapakaabala ay hindi ang paraan upang malutas ang problemang ito, at hindi ito ang tamang landas ng pagsasagawa para mabitiwan ang mga negatibong emosyong ito. Kaya ano ba ang partikular na landas ng pagsasagawa? Paano ninyo mabibitiwan ang mga bagay na ito? Paano ninyo malulutas ang usaping ito? Mayroon ba kayong mahusay na paraan ng paggawa nito? Upang mabitiwan ang mga bagay na ito, dapat ninyong harapin ang mga ito, hindi ang taguan o takasan ang mga ito. Hindi ka ba natatakot na maging mag-isa? Hindi ka ba natatakot na gunitain ang pangyayaring ito? Hindi ka ba natatakot na may isang taong muling mananakit sa iyo? Kaya harapin mo ito, isipin ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na iyon na nakapanakit sa iyo at nakapagdulot sa iyo na makaramdam ng poot at galit noon, at lahat ng tao na nag-iwan ng malalim na impresyon sa iyo at iyong mga naaalala mo, at pagkatapos ay isulat mo ang lahat ng ito, isa-isang kilatisin ang kanilang pagkatao batay sa mga salita ng Diyos, alamin ang kanilang mga disposisyon, suriin, ilantad at kilalanin ang kanilang diwa, at tingnan kung anong klase ba talaga ng tao ang mga iyon. Ang pinal mong kongklusyon—ang tanging kongklusyong nakukuha mo—ay na masasama ang lahat ng taong iyon, sila ay mga demonyo, at hindi mga tao! Anuman ang pamamaraang ginagamit nila para saktan, lansihin, at pinsalain ka, ang diwa nila ay sa mga demonyo, hindi sa mga tao, at talagang hindi sila mga bagay na pinili ng Diyos. Wala sa mga taong iyon ang may kakayahan na makapasok sa sambahayan ng Diyos, samantalang ikaw ay hinirang ng Diyos. Nagagawa mo nang makinig ngayon sa mga sermon sa sambahayan ng Diyos, gampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at makalapit sa Diyos—ito ang pagtataas sa iyo ng Diyos at pagpapakita Niya sa iyo ng kabutihan. Sa kabilang banda, ang mga taong iyon ay kailanman hindi itinuring na mga tao sa mga mata ng Diyos. Kaya, sa sandaling manalig ka sa Diyos, dapat kang dumistansya sa kanila. Kung nais mo pa ring magkaroon ng ugnayan sa kanila, tiyak na hindi ka mananaig laban sa kanila, at ikaw ay masisiil at maparurusahan nila, madidiskrimina at maiinsulto nila, mapipinsala nila, at maaabuso pa nga nila. Ang lahat ng kanilang ginagawa ay nagpapakita ng kung ano ang ginagawa ng mga demonyo at ni Satanas. Kung nasisiyahan kang makipag-ugnayan at makipaglaban sa kanila, kung gayon, hindi ka rin isang tao. Kagaya ka lang nila, at may kakayahan ka ring gawin ang mga bagay na ginagawa nila. Ito ay dahil hindi lang nilalansi ng mga demonyo ang mga tao, kundi ay pinipinsala din nila ang isa’t isa—ito ang kalikasan ng isang demonyo. Dahil nakikita ng mga demonyo na hinirang ka ng Diyos at nabibilang ka sa sangkatauhang nilikha ng Diyos, paanong hindi ka nila pupuntiryahin? Paanong hindi ka nila sasaktan at lalansihin? Lahat ay pinipinsala nila. Pinipinsala nila ang isa’t isa, kaya lalong hindi nila titigilan o hahayaan ang mga tao! Ipinapakita nito na ang mundo at sangkatauhang ito ay malademonyo at umaapaw sa mga gawa ni Satanas. Napakahirap na maging isang mabuting tao, at napakahirap din na maging isang ordinaryong tao na inaalipusta ng sinuman. Sinusubukan mong iwasan ito, pero hindi mo magawa. Ganito talaga ang mundo. Mula sa sapat na pagkaunawa upang makapagsimula sa pag-aaral, hanggang sa pagpasok sa lipunan at pagsisimula sa trabaho, hanggang sa kamatayan, sino ba ang hindi kailanman naalipusta sa buong buhay nila, o nalinlang o nausig? Tiyak na walang ganitong tao. Gaano man kahusay ang kasanayan o kakayahan mo, palaging may isang taong mas nangingibabaw kaysa sa iyo na aalipustahin ka. Gayunpaman, ang kaibahan ay na ang bawat isa ay may iba’t ibang pilosopiya sa pamumuhay. Ang ilang tao ay nagtitiis ng paghihirap at nagpapasakop dito, pero ang ilan ay naiiba. Pagkatapos malinlang nang maraming beses, at pagkatapos maapi nang husto hanggang sa puntong hindi na nila ito masikmura at pagkatapos magdusa nang malala, ang mga emosyong gaya ng poot at galit ay umuusbong sa loob nila, at kinapopootan nila kapwa ang sangkatauhan at ang lipunan. Sa sandaling malinaw mong makita ang diwa at kalikasan ng mga pumipinsala sa iyo at makita mo na ang kanilang diwa ay sa mga demonyo, ang poot at galit na nararamdaman mo ay hindi na nakatuon sa mga tao, at sa halip ay sa mga demonyo na, kung gayon, hindi ba’t nababawasan ang iyong poot? (Oo.) Medyo nababawasan na ang iyong poot. At ano ang pakinabang ng nabawasan na ito? Kapag naharap kang muli sa ganoong uri ng sitwasyon, hindi ka na magiging emosyonal at hindi mo na haharapin ang sitwasyon nang mainit ang ulo. Sa halip, haharapin mo ito nang tama, kikilatisin at pangangasiwaan mo ito gamit ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, haharapin mo iyong mga muling puminsala sa iyo mula sa pananaw ng konsensiya at katwiran ng pagkatao, at gagamitin mo ang paraang itinuro sa iyo ng Diyos, ang paraan at mga prinsipyo na sinabi sa iyo ng Diyos, sa iyong pagharap sa mga ito. Kung haharapin mo ang mga ito gamit ang paraang sinabi sa iyo ng Diyos, hindi na muling lilitaw ang poot at galit sa iyo, sa halip, makikilala mo ang katiwalian ng sangkatauhan, makikilala ang mukha ng mga demonyo, at makukumpirma at matitiyak mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan sa mas malalim at progresibong paraan. Kapag ginagamit mo ang mga salita ng Diyos at ang paraang sinabi sa iyo ng Diyos, ang paraang itinuro Niya sa iyo, upang tingnan ang isang usapin na gaya nito, kung gayon ay maliban sa hindi ka muling mapipinsala ng ganitong usapin, at maliban sa hindi na nito mapapalalim ang iyong poot at galit, unti-unti nitong mababawasan ang poot at galit sa kaibuturan ng iyong puso, at habang paulit-ulit mong nararanasan ang ganitong uri ng usapin, ang iyong tayog ay lalago, at ang disposisyon mo ay magbabago.
Tungkol sa kung paano mo mismo dapat bitiwan ang dating poot at galit na iyon na ating tinatalakay, ang isang aspekto ay ang makita nang malinaw itong mga diumano’y hindi tao, ang makita nang malinaw na ang kalikasang diwa nila ay sa mga diyablo at kay Satanas, na ang diwa nila ay mapaminsala sa mga tao, na ang diwa nila at ang diwa ng mga diyablo, ni Satanas at ng malaking pulang dragon ay parehong-pareho at iisa ang pinagmumulan, na nilalansi ka ng mga ito, na pinipinsala ka ng mga ito, gaya ng pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Sa sandaling maunawaan mo ang puntong ito, hindi ba’t medyo bibitiwan mo ang iyong mga emosyon ng poot at galit? (Oo.) Sinasabi ng ilang tao, “Hindi sapat na maunawaan lamang ang mga bagay na ito. Minsan ay naiisip ko lang ito ay nalulungkot na ako!” Ano ang dapat mong gawin kapag nalulungkot ka? Maaari bang ganap na wala kang anumang kalungkutan? Ang mga peklat ay laging nag-iiwan ng mga bakas, pero ang pagkakaroon ng mga peklat na ito ay hindi palaging isang masamang bagay. Ang mismong penomena na ito ng pagiging hindi patas ng lipunan, at ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito na nagdudulot sa iyo ng poot at galit, na nagtutulot sa iyo na madama ang pagiging hindi patas ng lipunan, na nagtutulot sa iyo na madama ang paninira, pamiminsala, at kasamaan ng sangkatauhan, at na nagtutulot sa iyo na madama ang pagiging hindi patas at kapanglawan ng mundo, at dahil sa mga ito, ninanais at inaasam mo ang liwanag at pinananabikan mo ang pagliligtas ng Diyos sa iyo mula sa lahat ng pagdurusang ito. Kaya, mayroon bang konteksto sa pagnanais na ito? (Mayroon.) Madali bang nagkakaroon ng ganitong pagnanais? (Hindi.) Kung kahit kailan ay hindi ka pa napahamak sa piling ng sangkatauhan o lipunan, iisipin mo na maraming mabuting tao sa paligid. Kung lumabas ka at madapa at may tumulong sa iyo na makabangon, o mamimili ka ngunit wala kang sapat na pera at tinulungan ka ng taong katabi mo, o maiwala mo ang iyong pitaka at may makahanap nito at magbalik nito sa iyo, iisipin mong maraming mabuting tao sa paligid. Sa ganitong pag-iisip at sa ganitong pagkaunawa mo sa lipunan, gaano kalawak ang magiging pagkaunawa mo sa kahulugan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o sa pangangailangan na gawin ng Diyos ang gawain ng pagliligtas? Gaano katindi ang magiging pagnanais mo na pumarito ang Tagapagligtas at iligtas ka mula sa labis na pagdurusa? Hindi mo ito masyadong nanaisin, tama ba? Ito ay magiging isang kahilingan lang, isang pantasya. Habang mas sumasailalim sa paghihirap at pagdurusa ang isang tao sa mundo, nagdurusa ng lahat ng uri ng hindi patas na pagtrato, o sa madaling salita, habang mas matagal na nabubuhay ang isang tao sa lipunang ito at sa piling ng mga tao, isang tao na may malalim na poot at galit sa sangkatauhan at lipunan, mas lalo niyang hihilingin na wakasan na ng Diyos ang masamang kapanahunan na ito sa lalong madaling panahon, na puksain ang masamang sangkatauhan na ito sa lalong madaling panahon, na iligtas siya mula sa labis na pagdurusa sa lalong madaling panahon, na parusahan ang masasama at protektahan ang mabubuti—hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Kaya ngayon, sa puntong ito, iniisip ninyo, “Naku, kailangan ko talagang pasalamatan ang mga demonyong iyon. Kailangan kong pasalamatan ang kanilang hindi patas na pagtrato at pagdidiskrimina sa akin, ang kanilang pang-iinsulto at pang-aapi sa akin. Ang kanilang masasamang gawa at pinsalang idinulot sa akin ang nagtulak sa akin na lumapit sa Diyos, na huwag nang naisin ang mundo o buhay sa piling ng mga taong ito, na maging handang pumunta sa sambahayan ng Diyos, na humarap sa Diyos, na maging handang gugulin ang aking sarili sa Diyos, na ialay ang buong buhay ko, na mamuhay nang may kabuluhan, at huwag nang makipag-ugnayan pa sa masasamang tao. Kung hindi, matutulad pa rin ako sa kanila, sumusunod sa mga makamundong kalakaran, at naghahangad ng kasikatan at pakinabang, ng magandang buhay, mga kasiyahan ng laman, at ng magandang kinabukasan. Ngayon ay nananalig na ako sa Diyos, kaya hindi ko na kailangan pang tahakin ang baluktot na daang iyon. Hindi ko na sila tinitingnan nang may poot. Nakikita ko na nang malinaw kung sino sila noon pa man. Naroroon sila upang magserbisyo, maging paghahambingan sa gawain ng Diyos. Kung wala sila, hindi ko makikita ang mismong diwa ng mundong ito at ng sangkatauhang ito, at iisipin ko pa rin na lalong nagiging kamangha-mangha ang mundo at sangkatauhang ito. Ngayong sumailalim na ako sa pagdurusang ito, hindi ko na ilalagay pa sa mundong ito o sa kamay ng sinumang dakilang tao ang aking mga hangarin at inaasam. Sa halip, inaasam ko ang pagparito ng kaharian ng Diyos, at ang paghahari ng pagiging patas at pagiging matuwid ng Diyos.” Sa pagninilay-nilay sa ganitong paraan, hindi ba’t unti-unting nababawasan ang mga emosyon mo ng poot at galit? (Oo.) Nababawasan ang mga ito. At hindi ba’t nagbago ang iyong perspektiba at mga pananaw sa mga tao, pangyayari at bagay sa puso mo? Hindi ba’t ipinahihiwatig nito na ang landas na tatahakin mo sa hinaharap, ang iyong mga desisyon, at ang iyong mga layon ay unti-unting sumasailalim sa pagbabago, at na unti-unti kang bumabaling sa paghahangad sa mga tamang layon at direksyon? (Oo.) Iniisip mo ang mga bagay na nangyari sa nakaraan na dumurog sa puso mo at nagsanhi sa iyo na kapootan ang mundo, at sa sandaling malinaw mo nang nakikita ang kahulugan at diwa ng mga ito, napupuno ang puso mo ng pasasalamat sa Diyos. Kapag puno ka ng pasasalamat, hindi ba’t ganap mo itong tatamasahin? Kung magkagayon, hindi ba’t iisipin mo na, “Iyong mga walang pananampalataya na hindi nananalig sa Diyos ay nililihis, pinipinsala, at winawasak pa rin ng mismong hari ng mga diyablo, si Satanas. Sobrang kaawa-awa ang sitwasyong ito! Kung hindi ako nanalig sa Diyos at hindi ako lumapit sa Diyos, matutulad ako sa kanila, hinahangad ang mundo, sinisikap na magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagdurusa nang husto at hindi ko kailanman naiisip na magbago ng landas. Masasadlak ako sa hindi matatakasang kasalanan—nakakalungkot! Ngayong nananalig ako sa Diyos, nauunawaan ko na ang katotohanan at naaarok ko ang usaping ito. Ang landas na dapat sundin ng mga tao ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan—ito ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan. Ngayong pinakikitaan ako ng Diyos ng labis na kabutihan nang sa gayon ay hindi ko na kakailanganing magdusa pa nang ganoon, magiging determinado ako na sundin ang Diyos hanggang sa huli, pakinggan ang Kanyang mga salita, mamuhay nang alinsunod sa Kanyang mga salita, at hindi na mamuhay gaya ng dati, noong hindi pa ako namumuhay na parang tao.” Kita mo, lumitaw na ang mabuting hangaring ito, hindi ba? Hindi ba’t unti-unting nagiging malinaw sa isip at kamalayan ng mga tao ang mga tamang layon at direksyon sa buhay? At hindi ba’t nagagawa na nila ngayong tahakin ang tamang landas sa buhay? (Nagagawa na nila.) Kaya, kapag lumitaw ang mga positibong mga emosyon at hangaring ito, kailangan pa rin bang pag-isipan iyong mga negatibong emosyon? Pagkatapos pag-isipan ang mga ito nang ilang panahon o pag-isipan nang maraming beses hanggang sa maunawaan mo ang mga ito, kapag ang mga usaping ito ay hindi na gumugulo sa isipan o kumokontrol sa landas na tinatahak mo pagkatapos, nang hindi namamalayan, nabibitiwan mo ang mga emosyon ng poot at galit, hindi na sinasakop ng mga ito ang iyong puso, at sa paglipas ng panahon, nalulutas mo ang isyu ng iyong tiwaling disposisyon. May kaugnayan ba sa paghahangad sa katotohanan ang usapin ng paglutas sa iyong tiwaling disposisyon? (Mayroon.) At hindi ba’t nangangahulugan iyon na natahak mo na ang tamang landas sa buhay? Hindi mahirap tumahak sa tamang landas sa buhay; kailangan mo munang bitiwan ang iba’t iba mong pananaw sa mundo, sa pagkatao ng isang tao, at sa sangkatauhan na hindi umaayon sa mga katunayan. Paano mo malinaw na makikita ang mga pananaw na ito na hindi alinsunod sa mga katunayan? Paano mo malulutas ang mga ito? Ang mga pananaw na ito na hindi naaayon sa mga katunayan ay nakatago sa mga emosyon ng puso mo, at kinokontrol ng mga emosyong ito ang panghuhusga at pag-iisip ng iyong pagkatao, gayundin ang iyong katangian, ang iyong pananalita at mga kilos, gayundin siyempre ang iyong konsensiya at katwiran. Ang mas mahalaga pa, kinokontrol at iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong mga layon sa buhay at ang landas na tinatahak mo. Samakatuwid, bitiwan ang lahat ng negatibong emosyon at bitiwan ang lahat ng emosyong kumokontrol sa iyo—ito ang unang hakbang na dapat mong isagawa sa paghahangad sa katotohanan. Lutasin muna ang isyu ng iba’t ibang negatibong emosyon, lutasin ang mga ito sa tuwing natutuklasan mo ang mga ito, at huwag mag-iwan ng problema. Kapag nalutas na ang mga isyung ito, hindi ka na magagapos, nang dinadala ang mga negatibong emosyong ito sa iyong paghahangad sa katotohanan, at magagawa mo nang hanapin ang katotohanan at lutasin ito kapag nagpapakita ka ng isang tiwaling disposisyon. Madali bang maisakatuparan ang bagay na ito? Ang totoo, hindi ito ganoon kadali.
Habang ibinabahagi at sinusuri Ko ang mga negatibong emosyong ito, ginagamit ba ninyo ang mga sinasabi Ko sa inyong sarili? Sinasabi ng ilang tao, “Bata pa ako at wala pa akong masyadong karanasan sa buhay. Hindi pa ako naharap sa anumang balakid o kabiguan o nakaranas ng anumang trauma. Hindi ba’t ibig sabihin niyon ay wala akong anumang negatibong emosyon?” Ang lahat ay mayroong negatibong emosyon; ang lahat ay mahaharap sa maraming paghihirap at malamang na magkakaroon ng mga negatibong emosyon. Halimbawa, dahil sa kasaysayan ng masasamang kalakaran ng lipunan sa kapanahunang ito, maraming bata ang lumalaki nang isa lang ang magulang, ang iba ay lumalaki nang walang pagmamahal ng isang ina, ang ilan ay walang pagmamahal ng isang ama. Kung ang sinuman ay walang pagmamahal ng isang ina o isang ama, makokonsidera na mayroong kulang sa kanya. Anuman ang edad mo noong mawalan ka ng pagmamahal ng iyong ama o ina, sa perspektiba ng normal na pagkatao, paano’t paanuman ay magkakaroon ito ng epekto sa iyo. Ang ilang tao ay ilalayo ang kanilang sarili, ang ilang tao ay makararamdam na mas mababa sila, ang ilan ay magiging iritable, ang ilan ay mababahala at mag-aalinlangan sa sarili, at ang ilan ay mangdidiskrimina at iiwas sa ibang kasarian. Anu’t anuman, iyong mga lumaki sa ganitong partikular na kapaligiran ay magkakaroon ng ilang abnormalidad sa kanilang normal na pagkatao. Sa modernong pananalita, medyo nababaluktot sila. Halimbawa, ang mga babaeng lumaki nang walang pagmamahal ng ama ay hindi gaanong magkakaroon ng karanasan pagdating sa mga lalaki. Mula sa murang edad, kailangan nilang matuto kung paano asikasuhin ang kanilang mga sariling pangunahing pangangailangan, at pasanin pa nga ang mabigat na pinansyal na obligasyon ng pamilya at ang iba’t ibang gawain na kailangang gampanan, gaya lamang ng ginagawa ng kanilang ina, hindi namamalayan na maaga silang natututo na alalahanin at asikasuhin ang mga bagay-bagay, o protektahan ang kanilang sarili, kanilang ina, at kanilang pamilya. Mayroon silang malakas na kamalayan tungkol sa pagpoprotekta sa sarili at magkakaroon din sila ng matinding pakiramdam ng pagiging mas mababa. Kapag lumaki na sila sa ganitong partikular na kapaligiran, hindi nila mamamalayan na madarama nila sa kaibuturan ng kanilang puso na para bang may kulang sa kanila at ito ang nadarama nila, lubos mang naapektuhan ng damdaming ito ang kanilang paghuhusga at mga desisyon noon o hindi. Sa madaling salita, sa sandaling nasa hustong edad na ang isang tao, magkakaroon ng mga negatibong emosyon na kokontrol sa kanyang mga kaisipan na matagal nang naroroon, at palaging magkakaroon ng dahilan kung bakit nandoon ang mga iyon. Halimbawa, kung may ilang lalaki na lumaki sa isang pamilya na iisa lang ang magulang, wala silang ama kundi ina lang, sa murang edad ay natututunan na nila kung paano gumawa ng mga gawaing bahay kasama ng kanilang ina, nagiging kagaya ng sa isang ina ang katangian nila. Nasisiyahan sila sa pag-aalaga sa kababaihan at nakikisimpatiya sila sa mga ito, nadarama nila na hindi sila naiiba sa mga babae at nasisiyahan sila sa pagpoprotekta sa kababaihan, at medyo may pagkiling sila laban sa kalalakihan. Mayroon pa ngang ilan na nakadarama ng bahagyang pagkadisgusto at pagkamuhi sa kalalakihan, dinidiskrimina nila ang mga ito, naniniwala na ang lahat ng lalaki ay walang kwenta at iresponsable, at na hindi ginagawa ng mga ito kung ano ang tama at wasto. Siyempre, may ilan sa mga taong ito na normal naman. Gayunpaman, hindi maiiwasan na may ilan na magkakaroon ng partikular na mga hindi makatotohanan at hindi wastong kaisipan tungkol sa kalalakihan at kababaihan, at lahat sila ay may kakulangan at may mali sa kanilang pagkatao. Kung may isang tao na makatuklas na may ganito kang problema at makatukoy ito sa iyo, o sa pamamagitan ng pagsusuri sa sarili ay matutuklasan at malalaman mo na mayroon ka mismo ng ganitong malubhang negatibong emosyon, at na nakakaapekto na ito sa iyong mga desisyon at pagsasagawa sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay, at kung paano ka umaasal at kumikilos, kung gayon ay dapat mong pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili. Dapat mong kilatisin at lutasin ang negatibong emosyong ito nang ayon sa mga salita ng Diyos, sikapin na iwaksi ang mga gapos, ang kontrol at impluwensya nitong negatibong emosyon, dapat kang lumaban para mapigilan mo ang kasiyahan, galit, kalungkutan, kagalakan, pag-iisip, panghuhusga, konsensiya at katwiran ng iyong pagkatao na maging baluktot, na lumabis o lumagpas sa limitasyon nito. Ano pa ba? Sa sandaling napagsumikapan mo nang pigilan na mangyari ang mga bagay na ito, magagawa mo nang mamuhay nang normal, nang may konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao at nang may likas na gawi at malayang kalooban ng normal na pagkatao na ipinagkaloob ng Diyos sa tao. Sa madaling salita, magsisikap ka na panatilihin sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao na inilatag ng Diyos ang iyong mga kaisipan, likas na gawi, malayang kalooban, kakayahang manghusga, at ang iyong konsensiya at katwiran. Samakatuwid, anuman ang negatibong emosyong kumokontrol sa iyo, mayroon kang problema sa aspektong iyon ng iyong normal na pagkatao. Nauunawaan mo ito, hindi ba? (Oo.)
Ang paghahangad ng mga tao sa katotohanan ay nakakamit sa batayan ng normal na konsensiya, katwiran, likas na gawi, at malayang kalooban ng normal na pagkatao, at ng saklaw ng mga normal na emosyon ng tao. Gaya ng iyong nakikita, sa saklaw ng normal na pagkatao na ibinigay ng Diyos sa tao, walang labis-labis, walang sobra-sobra, walang baluktot, at walang pagkakahati at kasamaan sa personalidad. Paano naipapamalas ang pagiging sobra-sobra? Ang palaging pag-iisip na wala kang kwenta, na wala kang halaga—hindi ba’t kalabisan ito? Hindi ito makatotohanan, hindi ba? (Hindi ito makatotohanan.) Ang bulag na pagtingala sa mga lalaki, paniniwala na mabuti ang mga lalaki, na mas may kakayahan ang mga lalaki kaysa sa babae, na walang kakayahan ang mga babae, na walang kwenta ang mga babae, na hindi sila kasinghusay ng mga lalaki, at na kung titingnan sa kabuuan, hindi sila kasinggaling ng mga lalaki—hindi ba’t kalabisan ito? (Oo.) Paano naipapamalas ang pagiging kalabisan ng mga bagay-bagay? Ito ay ang palaging pagnanais na malagpasan ang likas na kaya mong makamit at palaging pagsasagad sa iyong sarili. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay limang oras kung matulog sa gabi at pagkatapos ay normal na nakapagtatrabaho sa buong araw, kaya sila ay dapat na apat na oras lang na matulog at tingnan kung ilang araw sila makatatagal. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay dalawang beses lang kung kumain sa isang araw at maraming enerhiya ang mga ito, nagagawang magtrabaho buong araw, kaya dapat na kumain sila ng isang beses lamang sa isang araw—hindi ba’t nakasasama ito sa katawan? Ano ang silbi ng palaging pagsusumikap na magmukhang mas magaling kaysa sa talagang kaya mo? Para saan kaya ka nakikipagkumpetensiya sa sarili mong laman? Ang ilang tao na nasa singkwenta na ang edad ay mahuhuna na ang mga ngipin at ni hindi na makanguya ng mga buto o makakagat ng tubó. Sinasabi nila, “Huwag kayong mag-alala, wala namang problema kung mabubungi ako, ngunguya na lang ako nang ngunguya! Kailangan kong malampasan ang paghihirap na ito. Kung hindi ko susubukan na lampasan ito, kung gayon ay mahina ako at walang silbi!” Hindi ba’t pagiging labis-labis na ito? (Oo.) Pakiramdam mo ay kailangan mong matamo iyong hindi mo naman kayang matamo at hindi likas na kayang makamit ng iyong pagkatao. Hindi mo makakamit ang mga ito gamit ang iyong talento, karunungan, o tayog, o gamit ang mga bagay na natutunan mo, o gamit ang iyong edad at kasarian, pero bagamat hindi mo makamit ang mga ito, pakiramdam mo ay kailangan mo pa ring magawa ito. Ang ilang babae ay minamalaki ang kanilang kalakasan, sinasabing, “Kaya naming mga babae na gawin kung ano ang kayang gawin ng mga lalaki. Kung kaya ng mga lalaki na magtayo ng mga gusali, kaya rin namin; kung kaya ng mga lalaki na magpalipad ng mga eroplano, kaya rin namin; kung kaya ng mga lalaki na maging boksingero, kaya rin namin; kung kaya ng mga lalaki na magbuhat ng sako na may lamang dalawang daang libra ang bigat, kaya rin namin.” Pero sa huli, sa sobrang bugbog ng katawan nila sa paggawa nito ay dugo na ang naidudura nila. Sinusubukan pa rin ba nilang magmukhang mas may kakayahan kaysa sa katunayan? Hindi ba’t labis-labis na ito? Hindi ba’t sobra-sobra na ito? Lahat ng pagpapamalas na ito ay labis-labis at sobra-sobra. Ang mga kakatwang tao ay madalas na iniisip ang mga problema at tinitingnan ang mga tao, pangyayari at bagay sa ganitong paraan, at ganito rin nila hinaharap at nilulutas ang mga isyu. Samakatuwid, kung nais ng mga tao na lutasin ang mga sobra-sobrang pagpapamalas na ito, kailangan muna nilang wakasan at bitiwan iyong mga labis-labis na bagay. Ang pinakamalubha sa mga bagay na ito ay ang iba’t ibang labis-labis na emosyon sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa ilalim ng mga gayong sitwasyon, madalas na idinudulot ng mga emosyong ito na magkaroon sila ng mga labis-labis na kaisipan at gumamit ng mga labis-labis na pamamaraan, kaya’t nalilihis sila. Maliban sa pinagmumukhang hangal, mangmang, at estupido ang mga tao ng mga labis-labis na emosyong ito, nalilihis at nawawalan din sila dahil sa mga ito. Nais ng Diyos ng isang normal na tao na naghahangad sa katotohanan, ayaw Niya na maghangad sa katotohanan ang isang taong kakatwa, labis-labis, at sobra-sobra. Bakit ganito? Ang mga taong kakatwa at labis-labis ay walang kakayahan na maunawaan nang tama ang mga bagay-bagay, lalong hindi nila kayang tunay na maunawaan ang katotohanan. Ang mga taong labis-labis at madaling mabaluktot ay gumagamit din ng mga labis-labis na pamamaraan para unawain, harapin, at isagawa ang katotohanan—napakamapanganib at napakalaking problema nito para sa kanila. Magdurusa din sila sa malaking kawalan, at malubha din nitong nabibigyan ng kahihiyan ang Diyos. Hindi kailangan ng Diyos na sagarin mo ang iyong sarili, o gumamit ng mga labis-labis at radikal na pamamaraan upang isagawa ang katotohanan. Sa halip, sa mga sitwasyon na normal ang lahat ng aspekto ng iyong pagkatao, at sa saklaw ng pagkatao ng kung alin iyong mauunawaan at makakamit mo, nais Niya na isagawa mo ang mga salita ng Diyos, isagawa ang katotohanan, at tugunan ang Kanyang mga hinihingi. Ang pinakalayon ay ang magbago ang iyong tiwaling disposisyon, na unti-unting mong itama at baguhin ang iyong mga kaisipan at pananaw, na mas palalimin mo ang iyong pagkaunawa sa mga tiwaling disposisyon ng tao at ang iyong kaalaman sa Diyos, nang sa gayon ay mas lalong maging kongkreto at praktikal ang iyong pagpapasakop sa Diyos—ganito mo makakamit ang kaligtasan.
Makabuluhan ba para sa Akin na magbahagi tungkol sa kung paano bitiwan ang iba’t ibang negatibong emosyon? (Oo.) Ano ang layon Ko sa paggawa nito? Matagal man nang lumitaw ang iba’t ibang negatibong emosyong ito o kung ang mga ito man ay lumilitaw sa kasalukuyan, ito ay upang maging tama ang pagharap mo sa mga ito, para maiwaksi at malutas mo agad ang mga ito sa tamang paraan, para maiwan mo na ang mga mali at negatibong emosyon na ito, at para unti-unti kang umabot sa punto kung saan hindi ka na nababalot ng mga negatibong emosyon na ito, anuman ang mangyari. Kapag muling lumitaw ang iba’t ibang negatibong emosyon, magkakaroon ka na ng kamalayan at pagkilatis, malalaman mo na ang pinsala na idinudulot ng mga ito sa iyo, at siyempre ay unti-unti mo rin dapat na bitiwan ang mga ito. Kapag lumitaw ang mga emosyong ito, magagawa mong pigilan ang sarili at makakagamit ka ng karunungan, at magagawa mong bitiwan ang mga ito o hanapin ang katotohanan upang lutasin o pangasiwaan ang mga ito. Ano’t anuman, hindi dapat maapektuhan ng mga ito ang paggamit mo ng tamang mga paraan, ng tamang saloobin, at ng tamang opinyon sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay-bagay, at ang iyong mga asal at kilos. Sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang mga balakid at harang sa iyong landas ng paghahangad sa katotohanan, magagawa mong hangarin ang katotohanan sa loob ng saklaw ng normal na pagkatao na hinihingi ng Diyos nang walang panggugulo, o nang may mas kaunting panggugulo, at malulutas mo ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita mo sa lahat ng uri ng sitwasyon. Mayroon ka na ba ngayong daang pasulong sa kung paano malulutas ang iba’t ibang negatibong emosyon? Una, suriin mo sa iyong sarili kung ano ang katiwalian na nailalantad mo at tingnan mo kung ang mga negatibong emosyon na ito ay iniimpluwensyahan ang loob mo at kung bitbit-bitbit mo ang mga negatibong emosyon na ito sa kung paano mo tinitingnan ang mga tao at bagay-bagay, at sa kung paano ka umaasal at kumikilos. Dagdag pa rito, suriin mo ang mga usapin na malalim na nakaukit sa iyong memorya sa kaibuturan ng iyong puso at tingnan mo kung nag-iwan ba ng anumang pilat o marka ang mga bagay na ito na nangyari sa iyo, at kung palagian ka bang kinokontrol ng mga ito na gamitin ang mga tamang gawi at pamamaraan sa pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, at sa iyong pag-asal at pagkilos. Sa ganitong paraan, kapag nahukay ang iba’t ibang negatibong emosyong lumitaw noong nasaktan ka, ang susunod mong dapat gawin ay suriin, kilatisin, at lutasin ang mga ito nang isa-isa alinsunod sa katotohanan. Halimbawa, maraming beses nang itinaas ang ranggo ng ilang tao upang maging lider, pero maraming beses na rin silang napalitan o nailipat, at lumilitaw ang isang napakanegatibong emosyon sa kanila. Sa buong proseso na ito ng paulit-ulit na pagtataas ng ranggo at pagkatapos ay papalitan at ililipat, kailanman ay hindi nila napagtatanto kung bakit nga ba ito nangyayari, at kaya hindi nila kailanman nalalaman ang sarili nilang mga kapintasan at kakulangan, ang sarili nilang katiwalian, o kung ano ang ugat ng lahat ng paglabag na nagagawa nila. Kailanman ay hindi nila nalulutas ang mga isyung ito, at isang malalim na impresyon ang naiiwan sa loob nila, at iniisip nila, “Ganito ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Kapag ikaw ay ginagamit, ikaw ay itinataas, at kapag hindi ka ginagamit, ikaw ay pinaaalis.” Ang mga taong may ganitong uri ng pakiramdam ay maaaring may lugar sa lipunan kung saan sila makapagbubulalas, pero sa sambahayan ng Diyos, pakiramdam mo ay walang lugar kung saan maaari kang makapagbubulalas, walang paraan para makapagbubulalas, at walang sitwasyon na makapagbubulalas ka, at kaya ang tanging nagagawa mo lang ay lunukin ito. Ang paglunok na ito ay hindi isang tunay na pagbitiw, bagkus, ito ay pagbabaon ng iyong sama ng loob sa iyong kaloob-looban. May ilang tao na nag-iisip na balang araw ay magagampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin, at na kung makikita ito ng kanilang mga kapatid, pipiliin muli sila ng mga ito na maging lider; mayroon ding ilan na nagnanais na tahimik na magpatuloy sa kanilang tungkulin at ayaw nang maging lider muli, at sinasabi nila, “Hindi ako magiging lider kahit sino pa ang magtaas ng ranggo ko. Hindi ko kakayanin ang mapahiya, at hindi ko matitiis ang pasakit na iyon. Walang kinalaman sa akin kung sino ang magiging lider, o kung sino ang mapapalitan. Hindi na ako muling magiging lider, para hindi ko na kailangang tiisin ang pasakit at ang pakiramdam na inaatake ako kapag ako ay pinapalitan. Gagawin ko na lang nang maayos ang gawain ko at aakuin ang responsabilidad na ito, at para naman sa kung ano ang hantungan at katapusan na naghihintay sa akin, ipinapasa ko na ito sa mga kamay ng Diyos—ang Diyos na ang bahala roon.” Anong klase ng emosyon ito? Hindi lubusang tumpak na sabihing ito ay pagiging mas mababa; sa tingin Ko ay naaangkop na tawagin itong pagkalugmok sa depresyon, pagkalumbay, pag-iwas sa ibang tao, at pagpipigil. Iniisip nila, “Ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar kung saan itinataguyod ang katarungan, subalit madalas na itinataas ang ranggo ko at pagkatapos ay pinapalitan. Pakiramdam ko ay labis akong naagrabyado, pero hindi ako pwedeng makipagtalo tungkol dito, kaya magpapasakop na lang ako! Ito ang sambahayan ng Diyos, saan pa ba ako makakapunta para ipaglaban ang sarili ko? Sanay na akong mamuhay nang ganito. Walang sinuman sa mundo ang nagpapahalaga sa akin, gayundin sa sambahayan ng Diyos. Hindi ko na lang iisipin kung ano ang mangyayari sa hinaharap.” Buong araw silang malungkot, hindi nila magawang maging interesado sa anumang bagay, iniraraos na lang nila ang lahat ng kanilang ginagawa, kakaunti lamang ang ginagawa nila sa mga bagay na kaya nila at wala na silang ginagawang iba pa; hindi sila nag-aaral, hindi sila nagsisikap, at hindi nila malalim na pinag-iisipan ang anumang bagay, at hindi sila handang magbayad ng halaga. Sa huli, mabilis silang nauubusan ng sigla, ang sigasig na mayroon sila noong umpisa ay lumalamig, iniisip nilang walang kinalaman sa kanila ang anumang bagay, at kung sino sila dati ay patay na. Hindi ba’t pagkalumbay? (Oo.) May isang taong magtatanong sa kanila, “Ano ang pakiramdam mo na napalitan ka?” Sasagot sila, “Mahina naman talaga ang kakayahan ko. Ano ba dapat ang maramdaman ko? Hindi ko ito nauunawaan.” At tatanungin sila niyong tao, “Kung muli kang pipiliin na maging lider, nanaisin mo bang gawin ito?” At sasagot sila, “Naku, bakit ko pa ba nanaisin iyon? Hindi iyon praktikal! Mahina ang kakayahan ko at hindi ko matugunan ang mga layunin ng Diyos.” Ang pagsasabi na nawawalan na sila ng pag-asa at sumusuko na ay hindi lubusang makatotohanan. Palagi lang silang malungkot, nalulumbay, umiiwas sa iba, at nawawalan ng pag-asa. Ayaw nilang sabihin sa sinuman kung ano ang nasa puso nila, ayaw nilang maging bukas, at ayaw nilang lutasin ang sarili nilang mga problema, paghihirap, tiwaling kalagayan at tiwaling disposisyon—patuloy lang silang nagtatapang-tapangan. Anong emosyon ito? (Depresyon.) Kumakapit din sila sa isang ideya: “Gagawin ko ang anumang ipinapagawa sa akin ng Diyos at pagsusumikapan ko ang anumang gawain na isinasaayos ng iglesia para sa akin. Kung hindi ko matatapos ang trabaho, huwag ninyo akong sisihin dahil hindi naman ako ang may kasalanan na mahina ang kakayahan ko!” Sa katunayan, ang gayong tao ay tunay na nananalig sa Diyos, at mayroon siyang mga kapasyahan. Hindi niya kailanman iiwanan ang Diyos, hindi niya kailanman aabandonahin ang kanyang tungkulin, at palagi niyang susundin ang Diyos. Sadyang hindi niya lang pinagtutuunan ng pansin ang pagpasok sa buhay, o ang pagninilay-nilay sa sarili, o ang paglutas sa kanyang tiwaling disposisyon. Anong klaseng isyu ito? Makakamit ba niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pananalig sa ganitong paraan? Hindi ba’t mahirap ito para sa kanya? (Mahirap nga.) Hindi posible sa kanya na sabihin na hindi siya nananalig sa Diyos, kahit na patayin siya sa bugbog. Gayunpaman, dahil sa ilang partikular na sitwasyon, dahil naranasan na niya ang ilang partikular na sitwasyon at senaryo, at nakapagsabi ang ilang partikular na tao ng mga partikular na bagay sa kanya, labis na siyang nahapo at nanghina na hindi na siya muling makatayo at makahugot ng lakas. Hindi ba’t ipinapakita nito na mayroon siyang mga negatibong emosyon? (Oo.) Ang pagkakaroon ng mga negatibong emosyon ay nagpapatunay na mayroong problema, at kapag mayroong problema, dapat mo itong lutasin. Palaging may daan at landas para malutas ang mga problemang dapat lutasin—pwedeng-pwedeng malutas ang mga ito. Nakadepende lang ito sa kung kaya mong harapin ang problema at kung nais mo itong lutasin o hindi. Kung nais mo itong malutas, walang problema na napakahirap na hindi ito malulutas. Lumalapit ka sa Diyos at hinahanap mo ang katotohanan sa Kanyang mga salita, at nalulutas mo ang lahat ng suliranin. Gayunpaman, hindi ka lamang hindi matutulungan ng iyong kawalan ng pag-asa, pagkalugmok sa depresyon, pagkalumbay, at pagpipigil na malutas ang iyong mga problema, sa kabaligtaran, maaari pa ngang mas lalong lumubha ang iyong mga problema, at lumala nang lumala. Naniniwala ba kayo rito? (Oo.) Kaya naman, anuman ang mga emosyong kinakapitan mo ngayon o anumang mga emosyon ang kinasasadlakan mo ngayon, umaasa Ako na magagawa mong iwan ang mga maling damdamin na ito. Anuman ang iyong mga katwiran o dahilan, sa sandaling nalugmok ka sa isang hindi normal na emosyon, kung gayon ay nalugmok ka na sa labis-labis na emosyon. Kapag nalugmok ka na sa labis-labis na emosyong ito, tiyak na kokontrolin nito ang iyong paghahangad, at ang iyong mga kapasyahan at hinihiling, gayundin siyempre ang mga mithiin na hinahangad mo sa buhay, at malubha ang mga kahihinatnan nito.
Sa panghuli, may nais Akong sabihin sa inyo: Huwag hayaan na guluhin ka ng isang maliit na damdamin o isang simple, di-mahalagang emosyon sa buong buhay mo na kung saan naaapektuhan na nito ang iyong pagkamit sa kaligtasan at nasisira na nito ang pag-asa mong mailigtas, nauunawaan mo ba? (Oo.) Itong emosyon mo na ito ay hindi lamang negatibo, upang maging mas tumpak, sa katunayan ay salungat ito sa Diyos at sa katotohanan. Maaaring isipin mo na isa itong emosyon sa loob ng normal na pagkatao, pero sa mga mata ng Diyos, hindi lang ito simpleng usapin ng emosyon, sa halip, isa itong pamamaraan ng pagsalungat sa Diyos. Isa itong pamamaraan na may tanda ng mga negatibong emosyon na ginagamit ng mga tao para labanan ang Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang katotohanan. Kaya naman, umaasa Ako na, kung nais mo mang hangarin ang katotohanan, susuriin mo nang lubusan ang iyong sarili para makita kung kumakapit ka man sa mga negatibong emosyong ito at mapagmatigas, parang hangal na lumalaban at nakikipagkumpetensiya sa Diyos. Kung natuklasan mo ang sagot sa pamamagitan ng pagsusuri, kung may napagtanto ka at nagkaroon ka ng malinaw na kamalayan, kung gayon ay hinihiling Ko sa iyo na bitiwan muna ang mga emosyong ito. Huwag mong pahalagahan ang mga ito o huwag kang kumapit sa mga ito, dahil wawasakin ka ng mga ito, wawasakin ng mga ito ang iyong hantungan, at wawasakin ng mga ito ang iyong oportunidad at pag-asa na hangarin ang katotohanan at kamtin ang pagliligtas. Dito Ko na tatapusin ang pagbabahaginang ito para sa araw na ito.
Setyembre 24, 2022