Paano Hangarin ang Katotohanan (32)
Noong nakaraan, sa ating pagbabahaginan tungkol sa “Paano Hangarin ang Katotohanan,” tinalakay natin ang isang aspekto ng pagsasagawa ng “pagbitiw,” iyon ay ang aspektong may kinalaman sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao na may kinalaman sa pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao tungkol sa Diyos. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Sa ating pagbabahaginan tungkol sa pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, tinalakay natin ang dalawang pangunahing punto. Naaalala ba ninyo kung ano ang mga ito? (Ang una ay ang huwag ikumpara ang Diyos na nagkatawang-tao sa Diyos sa langit, at ang ikalawa ay ang huwag itumbas ang Diyos na nagkatawang-tao sa tiwaling sangkatauhan.) Naisaulo na ninyo ang dalawang pangunahing puntong ito, hindi ba? (Oo, naisaulo na namin.) Ang huwag ikumpara ang Diyos na nagkatawang-tao sa Diyos sa langit, at ang huwag itumbas ang Diyos na nagkatawang-tao sa tiwaling sangkatauhan—ang dalawang puntong ito ang bumubuo sa mga pangkalahatang prinsipyo kung paano tratuhin nang tama ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Nagbahagi rin tayo tungkol sa ilang detalye. Sa pamamagitan ng ating pagbabahagi tungkol sa dalawang pangunahing puntong ito, hindi ba’t dapat ay nagkamit na kayo ng pagkaunawa at pag-arok sa ilang prinsipyo para sa kung paano tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao? Kapag sinusukat mo ang Diyos na nagkatawang-tao ayon sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, kung ikukumpara mo ang iyong sarili sa mga prinsipyong ito, hindi ba’t magagawa mong kilatisin at himayin kung tama ang mga prinsipyo ng pagtrato mo sa Diyos na nagkatawang-tao? (Oo.) Pagkatapos nating magbahagi tungkol sa mga bagay na ito, ang ilan sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, sa teorya, ay dapat na nalutas na. Sa pangkalahatan, kung hihilingin sa iyo na positibong magpatotoo tungkol sa kung ano ang katangian ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, at kung paano Siya dapat kilalanin at kung paano Siya dapat tratuhin, marahil ay wala kang gaanong positibong kaalaman, ni hindi ito magiging partikular. Gayumpaman, kapag nagkakaroon ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao at nasa isang negatibong kalagayan ka, dapat ay magamit mo ang ilang katotohanang prinsipyo para lutasin ang mga ito. Kahit papaano man lang, pagdating sa pagtrato mo sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, at sa mga usaping may kinalaman sa Kanyang normal na pagkatao at panlabas na anyo, kaya mong maunawaan nang tama ang mga bagay na ito at tratuhin ang mga ito nang tama, hindi ba? (Oo.) Kahit pa wala kang gaanong kaalaman sa diwa at disposisyon ng Diyos na nagkatawang-tao, o sa mga tinataglay Niya at sa Kanyang pagiging Diyos, sa pamamagitan ng mga pagbabahaging ito ay makikilatis mo kahit papaano ang ilan sa mga kuru-kuro at imahinasyon o mga walang-katotohanang pagkaunawa na pinanghahawakan mo tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at matatrato mo rin nang tama ang Kanyang pagiging normal, pagiging praktikal, at normal na pagkatao. Sa puntong ito, kung magkakaroon ka muli ng ilang kuru-kuro at imahinasyon o mga walang-katotohanang pagkaunawa, magagamit mo ang mga naibahagi na noon para lutasin ang mga ito. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, gayundin sa kung ano ang Kanyang mga kaisipan at pananaw sa lahat ng uri ng mga bagay at sa ilang napakahalagang usapin. Nagkaroon na ang mga tao ng pangunahing pagkaunawa sa personang ito, sa Diyos na nagkatawang-tao, at alam na alam na nila kung ano ang normal na pagkatao, pagiging normal, at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa mga usaping ito, nagkaroon ang mga tao ng pinakapangunahing tamang konsepto at tamang pakahulugan sa nagkatawang-taong laman ng Diyos. Sa sandaling magkaroon ang mga tao ng pinakapangunahing tamang konsepto at pakahulugang ito, kapag nagkaroon sila muli ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, magagawa ba nila, sa isang subhetibong antas, na magkusang bumitiw sa sarili nilang mga kuru-kuro? (Oo.) Sa isang partikular na antas, binabawasan nito ang paglaban, pagiging mapagbantay, mga pagdududa, paghusga, o pagkondena na kinikimkim ng mga tao tungo sa Diyos na nagkatawang-tao. Siyempre, pinabubuti rin nito ang ugnayan ng mga tao sa Diyos sa isang partikular na antas, at kasabay nito, binibigyang-kakayahan din sila nito na bumuo ng isang mas tama at mas praktikal na ugnayan sa Kanya. Ang ugnayang ito ay mas umaayon sa mga katotohanang prinsipyo kaysa sa ugnayang binubuo ng mga tao sa Diyos sa gitna ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, at medyo mas malapit din ang mga tao sa Diyos, hindi ba? (Oo.)
Tungkol sa pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, nagbahaginan tayo noong nakaraan tungkol sa dalawang pangunahing puntong ito: “ang huwag ikumpara ang Diyos na nagkatawang-tao sa Diyos sa langit, at ang huwag itumbas ang Diyos na nagkatawang-tao sa tiwaling sangkatauhan.” Kapag nagkakaroon kayo ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, umaasa Akong magagamit ninyo ang dalawang pangunahing puntong ito na Aking naibahagi at nabuo para lutasin ang mga ito. Marahil ay hindi ganap na malulutas ng dalawang pangunahing puntong ito ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, pero kahit papaano man lang ay mabibigyang-kakayahan ka ng mga ito na akuin ang tamang posisyon mo bilang isang nilikha, at tratuhin ang nagkatawang-taong laman ng Diyos nang may pinakapangunahing saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha. Sa ganitong paraan, pagdating sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, sa lohikal na pananalita, kahit papaano ay maituturing ito na patas at makatwiran; para sa inyo, nagbibigay ito ng malaking proteksyon. Sa panahon ng ikatlong yugto ng gawain, sa espesyal na panahong ito, gumagawa ang Diyos sa isang espesyal na paraan. Kabilang sa espesyal na paraang ito ang aspektong ito—ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Samakatwid, sa panahong ito, dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan tungkol sa kung paano tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao, at dapat din nilang harapin ang mga isyu sa usaping ito. Dahil dapat harapin ng mga tao ang mga isyung ito, hindi nila maiiwasang makisalamuha, makipag-usap, at makipag-ugnayan sa Diyos na nagkatawang-tao—ito ay isang aspekto; ang isa pa ay ang mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa Diyos ay isa ring hindi maiiwasang paksa. Dahil sa dalawang dahilang ito, kung nais ng isang tao na lutasin ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, ang pinakamainam na pamamaraan ay ang sundin ang dalawang prinsipyong sinabi Ko sa inyo: ang huwag ikumpara ang Diyos na nagkatawang-tao sa Diyos sa langit, at ang huwag itumbas ang Diyos na nagkatawang-tao sa tiwaling sangkatauhan. Ang pagtupad sa dalawang prinsipyong ito ay hindi naman tiyak na mahirap, subalit hindi rin talaga ito matatawag na madali—nagdudulot nga ito ng isang partikular na antas ng paghihirap. Nakadepende ito sa paninindigan at perspektiba na ginagamit mo, at sa posisyong inaako mo, kapag nilulutas mo ang mga isyu sa usaping ito at isinasagawa ang mga kasangkot na prinsipyo. Kung gagamitin mo ang perspektiba ng isang nilikha, at gagamitin ang paninindigan ng paghahanap sa katotohanan at pagmamahal sa mga positibong bagay, kung gayon, ang mga isyu sa usaping ito ay dapat na madaling lutasin pagdating sa normal na pagkatao. Kahit papaano man lang, kapag ginagamit mo ang paninindigan at perspektiba ng isang nilikha, gagamitin mo ang konsensiya at pagkamakatwiran ng normal na pagkatao para tasahin ang gawaing ginawa at ang mga salitang sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao. Kapag tinasa mo ang mga ito mula sa paninindigan at perspektibang ito, kahit pa hindi mo masyadong nauunawaan ang katotohanan o hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan, kahit papaano man lang ay tatratuhin mo ang ordinaryong taong ito—ang Diyos na nagkatawang-tao—nang makatwiran, alinsunod sa iyong konsensiya. Kapag tinatrato mo ang ordinaryong taong ito nang makatwiran, makakamit mo kahit papaano ang isang bagay, iyon ay na hindi ka magiging mapanlaban sa Kanya. Kung hindi mo titingnan ang taong ito mula sa perspektiba at paninindigan ng isang nilikha, at lalo nang hindi ka makikisalamuha at makikipag-ugnayan sa Kanya mula sa perspektiba ng konsensiya at pagkamakatwiran ng pagkatao, natural na gagamitin mo ang perspektiba at paninindigan ng tiwaling sangkatauhan, at makikisalamuha at makikipag-ugnayan ka sa Diyos na nagkatawang-tao tulad lang ng pakikipag-ugnayan mo sa isang tiwaling tao. Kung gayon, magiging napakahirap para sa iyo na huwag ikumpara ang Diyos na nagkatawang-tao sa Diyos sa langit at na huwag itumbas ang Diyos na nagkatawang-tao sa tiwaling sangkatauhan, at magiging napakahirap para sa iyo na tratuhin ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ayon sa dalawang prinsipyong ito. Natural, sasalungat ka sa Diyos na nagkatawang-tao at sisiyasatin at susuriin mo Siya, magiging mapagbantay ka laban sa Kanya at pagdududahan mo Siya, at mas malamang pa na husgahan mo Siya at tratuhin Siya ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao o sa mga tiwaling kaisipan at pananaw ng tao. Sa ganitong paraan, natural na sasalungat ka sa Kanya at pakikitunguhan Siya nang may mapanlabang tingin. Kapag pinakitunguhan mo Siya nang may mapanlabang tingin, natural na bubuo ka ng lahat ng uri ng mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw o mga walang-katotohanang ideya. Pagkatapos, maaaring ilagay mo ang iyong sarili sa pantay na katayuan sa Kanya; maaaring mainggit ka sa Kanya; maaaring magkaroon ka ng maling pagkaunawa sa Kanya, maging mapagbantay laban sa Kanya, at husgahan mo Siya; maaari pa ngang makipag-away ka sa Kanya sa iyong puso o hayagang makipag-away sa Kanya. Kung gayon, hinding-hindi ka makakabitiw sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, at wala ka ring magiging paraan para lutasin ang mga ito. Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na hindi mo kayang buuin kasama ng ordinaryong taong ito—ang Diyos na nagkatawang-tao—ang ugnayan sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha, na nangangahulugan din na walang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng kawalan ng ugnayan? Iniisip mo na ikaw ay isang tao na nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Diyos, pero mula sa perspektiba ng Diyos, hindi Niya nakitang aktuwal kang kumilos sa usaping ito, at hindi ka Niya kinikilala bilang Kanyang tagasunod o bilang Kanyang tupa. Hindi ka tagasunod ng Diyos at hindi ka tupa ng Diyos—ano, kung gayon, ang ibig sabihin niyon? Makapagtatamo ka pa ba ng kaligtasan? Mayroon ka pa bang anumang pag-asa na magtamo ng kaligtasan? (Wala.) Napakaliit ng pag-asa mong magtamo ng kaligtasan. Samakatwid, sa huling pagsusuri, direkta bang nauugnay sa kung paano tinatrato ng tao ang Diyos kung makapagtatamo siya o hindi ng kaligtasan sa huli? (Oo.) Dahil isa itong direktang ugnayan, hindi ito isang ordinaryong ugnayan. Samakatwid, ang pagbuo ng isang normal na ugnayan sa Diyos ay hindi isang maliit na usapin, at dapat itong harapin ng tao nang may pag-iingat. Huwag mong isipin, “Mayroon lang akong ilang kuru-kuro tungkol sa Diyos. Mayroon lang akong ilang imahinasyon tungkol sa Kanya na hindi masyadong naaayon sa realidad at hindi masyadong naaayon sa mga aktuwal na sitwasyon. Hindi ito dapat maging isang malaking isyu, at hindi nito maaapektuhan ang paghahangad ko sa katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan.” Huwad na sabihing wala itong epekto; hindi iyon naaayon sa mga katunayan. Kung napakalayo ng ugnayan mo sa Diyos at maraming bagay ang nakaharang sa pagitan mo at ng Diyos, hindi lang mga kuru-kuro at imahinasyon, nangangahulugan iyon na, sa pagitan mo at ng Diyos, maraming alitan at hadlang, at maraming problema. Ang ugat na sanhi ng mga problemang ito ay tiyak na wala sa Diyos, kundi nasa tao. Maraming problema ang umiiral sa pagitan mo at ng Diyos, at isa sa mga ito ay ang problemang umiiral sa pagitan mo at ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinakakritikal at pinakamahalagang problema sa pagitan mo at ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang pagiging puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong laman ng Diyos ay nangangahulugan na puno ka ng pagkamapanlaban at puno ng poot sa Kanya. Habang puno ng pagkamapanlaban at poot na ito, sa katunayan, sa diwa ay tinatanggihan mo ang ordinaryong taong ito na Siyang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ito ay dahil ang diyos sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon ay hindi ganito; ang diyos sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon ay naiiba sa nagkatawang-taong laman ng Diyos sa bawat aspekto. Kung mayroon kang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, kung gayon, ang sinusunod mo at ang pinaniniwalaan mo ay ang diyos sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at wala itong kinalaman sa nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ano ang ibig sabihin nito? Ang sinusunod mo ay hindi ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ni ang Diyos Mismo. Ang sinusunod mo man ay isang idolo sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon o isang dakila o higit-sa-taong personalidad, sa madaling salita, siya ang diyos sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon; wala siyang kinalaman sa Diyos Mismo, at hindi kinikilala ng Diyos na nananampalataya ka sa Kanya. Samakatwid, kung gusto mong maging tagasunod ng Diyos, gusto mong bumuo ng ugnayan sa Diyos, at gusto mong kilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod at kilalanin ka bilang isang tupa na nilalayon Niyang iligtas, dapat mo munang tanggapin ang Diyos na nagkatawang-tao at tanggapin ang lahat tungkol sa Kanya. Kapag ginawa mo ito, sa mga mata ng Espiritu ng Diyos, ganap mo nang tinanggap ang Diyos na nagkatawang-tao: Binitiwan mo na ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon at tinanggap mo na ang lahat tungkol sa Kanya. Ano ang kabilang sa lahat? Kabilang dito ang Kanyang pagiging normal at pagiging praktikal, ang Kanyang pagkatao, ang Kanyang buhay, gayundin ang bawat salitang sinasabi Niya sa iyo, ang lahat ng Kanyang hinihingi sa iyo, at ang Kanyang saloobin sa iyo—nagagawa mong tanggapin ang lahat ng ito. Itinuturing mo ang Diyos na nagkatawang-tao at tinatrato Siya bilang ang Lumikha at bilang Diyos; tinatrato mo ang Diyos sa lupa nang kapareho ng pagtrato mo sa Diyos sa langit. Kapag nagsasalita ang Diyos sa lupa, para bang ang Diyos sa langit ang personal na nakikipag-usap sa iyo; nakikinig ka sa Kanyang mga salita at tinatanggap mo ang Kanyang mga salita. Ang pagpapasakop mo sa Kanya, at ang alinman sa iyong mga saloobin, kaisipan, at pananaw tungkol sa Kanya ay kapareho ng mga mayroon ka sa hindi nakikitang Diyos sa langit at sa Diyos sa iyong isipan. Mayroon kang taimtim at sinserong saloobin, at isang mapagpasakop na pag-iisip, nang walang panloob na paglaban, nang walang poot, at nang walang panghahamak. Gaano man kanormal at kapraktikal ang taong ito—ang Diyos na nagkatawang-tao—at sa kabila ng katunayang ang taong ito ay itinuturing pa ngang ganap na hindi kapansin-pansin sa paningin ng mga makamundong tao—sa iyong puso ay mariin ka pa ring naniniwala na Siya ang pagpapahayag ng Diyos sa langit, at ang pagsasakatawan ng Diyos sa langit. Ang mga kuru-kuro na pinanghahawakan mo tungkol sa taong ito at ang iyong saloobin sa Kanya ay hindi dapat maging kapareho ng sa mga walang pananampalataya. Dapat mong tratuhin ang taong ito na Siyang Diyos na nagkatawang-tao nang may pag-iisip at saloobin ng isang nilikha. Ipagpalagay na, anuman ang gawin Niya, anuman ang sabihin Niya o anuman ang hingin Niya sa iyo, kaya mo Siyang tratuhin nang may pag-iisip at saloobin ng isang nilikha at, higit pa rito, kaya mong magpasakop sa Kanya. Kahit pa magbunyag ka ng katiwalian, magkimkim ng mga kuru-kuro at imahinasyon, o makaramdam ng paglaban sa Diyos na nagkatawang-tao, kaya mong tasahin at lutasin ang mga bagay na ito sa paraang itinuro sa iyo ng Diyos—sa pamamagitan ng paggamit sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya mong suriin ang iyong sarili at pungusan ang iyong sarili, at pagkatapos ay kaya mong magsisi. Kung mayroon kang gayong saloobin sa Diyos na nagkatawang-tao, tatanggapin ka ng Diyos at kikilalanin ng Diyos ang iyong pananampalataya. Kung mayroon kang gayong saloobin sa Diyos na nagkatawang-tao at mayroon kang tunay na pagpapasakop, at kahit kapag may mga bagay tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao na itinuturing ng mga tao na hindi kapansin-pansin o kinukutya nila, kaya mo pa ring tratuhin ang mga ito nang tama, at kaya mo pa ring magkaroon ng pagpapasakop sa Kanya at magkaroon ng pagmamahal sa Kanya, kung gayon, ang Diyos, na sumisiyasat sa pinakakaibuturan ng puso ng tao, ay tatanggap sa iyong puso at kikilalala sa iyong saloobin. Ano ang nagkukumpirma na kinikilala ng Diyos ang iyong saloobin at tinatanggap ang iyong puso? Ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu sa iyo: Ginagabayan ka Niya, inaakay ka Niya, at binibigyang-liwanag ka Niya sa lahat ng oras, sa lahat ng usapin, at sa lahat ng aspekto, binibigyan ka ng kaliwanagan at liwanag sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ang hindi makamit o maunawaan ng iba ay partikular na malinaw sa iyo. Anuman ang gawin mo, mayroon kang landas na susundin, at ang daan sa hinaharap ay ganap na maliwanag sa halip na malabo o hindi malinaw. Mayroon kang gabay ng Diyos sa lahat ng oras at sa lahat ng usapin, at pakiramdam mo ay partikular na madali ang pagpapasakop sa Diyos—na hindi ito isang mahirap na bagay, at hindi nakakapagod. Hindi ba’t ito ay kumpirmasyon na kinikilala ka ng Diyos at tinatanggap ka Niya? (Oo.) Dagdag pa rito, sa maraming malaking usapin—sa ilang kritikal na usapin ng buhay at kamatayan, mga usaping nagtatakda ng iyong tadhana at nagtatakda ng iyong hantungan—pagpapalain ka ng Diyos, gagabayan ka Niya, at magiging lubos na mabiyaya Siya sa iyo. Lalo na sa ilang sitwasyon ng pag-uusig, magiging partikular na mabiyaya sa iyo ang Diyos at poprotektahan ka Niya. Ano ang ibig sabihin na Siya ay mabiyaya sa iyo at pinoprotektahan ka Niya? Halimbawa, kapag nakaranas ka ng mga pambihirang sitwasyon at naharap sa isang kritikal na sandali ng buhay at kamatayan na tila partikular na mapanganib, maaaring kumilos ang Diyos upang makatakas ka mula sa mismong harapan ng masasamang tao o ng rehimen ng masasamang demonyo. Para bang hindi ka nila nakikita, para kang transparent, at nagagawa mong makatakas sa bingit ng panganib, naiiwasang mahulog sa lambat ni Satanas at naiiwasang mahulog sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Pinoprotektahan ka ng Diyos upang maipagpatuloy mo ang pagdanas sa gawain ng Diyos sa isang angkop na kapaligiran. Hindi ba’t isa itong mabuting bagay? Hindi ba’t ito ay espesyal na mabiyayang pagtrato at espesyal na proteksyon ng Diyos? (Oo.) Nakikita mo, ang ilang tao ay nahahayag at natitiwalag kapag nakakaranas sila ng mga espesyal na sitwasyon; ito ay ang paggamit ng Diyos sa mga sitwasyong iyon para alisin ang mga taong ito. Siyempre, pagdating sa pag-aalis sa mga tao, mayroong maraming paraan. Halimbawa, ang ilang tao ay inaaresto, ibinibilanggo, at pagkatapos ay itinatatwa nila ang Diyos. Ang ilan, pagkatapos isailalim sa malupit na pagpapahirap, ay lumalagda sa “Tatlong mga Pahayag” at ipinagkakanulo ang Diyos. Ang ilan ay natatakot na maaresto at mabugbog hanggang mamatay, kaya hindi na sila nangangahas na manampalataya at labis silang natatakot. Ang mga ito ay pawang mga kritikal na usapin ng buhay at kamatayan, at sa mga espesyal na kalagayan at espesyal na sitwasyong ito, ang mga taong ito ay nahahayag at natitiwalag. Kapag nahaharap sa parehong mga kritikal na usapin ng buhay at kamatayan, ang ilang tao ay may proteksyon ng Diyos, habang ang iba ay wala. Bagama’t lahat sila ay dumaranas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang pamamatnugot, tinutulutan ng Diyos ang ilan na makatakas sa bingit ng panganib, patuloy na manatiling buhay, patuloy na gampanan ang kanilang mga tungkulin, at patuloy na danasin ang gawain ng Diyos, habang ang iba ay hindi matamasa ang pagpapala at mabiyayang pagtratong ito ng pagtakas sa bingit ng panganib. Nakikita mo, hindi ba’t magkaiba ang mga ito? (Oo.) Kaya, ano ba talaga sa huli ang ugat na sanhi ng pagkakaibang ito? Nauuwi ito sa isang bagay: Magkakaiba ang mga saloobin ng mga tao sa Diyos. Napakahalaga ng saloobing ito. Hindi ba? (Oo.) Kung ang iyong saloobin sa Diyos ay tinatanggap ng Diyos at kinikilala ng Diyos, kung gayon ay kakailanganin ka ng Diyos at gagamitin ka ng Diyos. Kung gusto kang gamitin ng Diyos, sabihin mo sa Akin, paano Siya gagamit ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay na may kinalaman sa iyo? Aalisin ka ba ng Diyos? Ititiwalag ka ba Niya? (Hindi.) Mag-aatubili ang Diyos, dahil hindi marami ang mga ganitong tao, kaya hindi ka ititiwalag ng Diyos. Samakatwid, ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay napakakritikal at napakahalaga. Kung may tamang saloobin ang isang tao sa Diyos, may mapagpasakop na saloobin, at may saloobing tinatanggap ng Diyos, pagpapalain sila ng Diyos at magiging mabiyaya Siya sa kanila. Sa kabaligtaran, ipagpalagay na ang puso ng isang tao ay puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon at puno ng poot sa Diyos. Sinisiyasat nila ang Diyos at nagiging mapagbantay sila laban sa Diyos araw-araw, sinusubukang makipagtransaksiyon sa Diyos at makipagtawaran sa Diyos araw-araw, at lumalaban, naghihinanakit, at hindi nasisiyahan sa Diyos sa kanilang puso araw-araw, nang walang kahit katiting na intensiyong hanapin ang katotohanan. Kahit alam nilang mali ang saloobin nila sa Diyos, hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi, hindi sila nagbabalik-loob, at patuloy silang nagmamatigas sa mali nilang saloobin. Sa iyong pananampalataya sa Diyos, gusto mong makamit ang katotohanan at makamit ang pagliligtas ng Diyos mula sa Kanya—posible ba iyon sa ilalim ng mga sitwasyong ito? Sabihin mo sa Akin, handa ba ang Diyos na iligtas ka? Kahit pa ang mga inililigtas ng Diyos ay mga tiwaling tao—mga tao na nagkikimkim ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos at puno ng poot sa Diyos—kapag nauunawaan mo kung paano gawin ang dapat gawin ng isang nilikha pagdating sa Lumikha pero hindi mo ito ginagawa, kung gayon ay sabihin mo sa Akin, ano ang saloobin ng Diyos sa iyo? Anuman ang gawin ng Diyos sa iyo, ito ay patas at makatwiran; sarili mo lang ang dapat mong sisihin, at ikaw ang may gawa nito sa sarili mo. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Halimbawa, kung may ibang usaping nasasangkot, kung hindi mo magawang makipagtulungan nang may pagkakasundo sa iba, o palagi kayong mapagmataas at palalo, at kumikilos ayon sa sariling kagustuhan, at hindi maagap na nalulutas ang mga tiwaling disposisyong ito at wala kang buhay pagpasok, hindi pa rin ito ang pinakakritikal na problema. Ang pinakakritikal na problema ay ito: Puno ka ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, puno ka ng pagkasuya at pagkamuhi sa katotohanan, at sinisiyasat mo ang Diyos araw-araw; kahit pa ginagawa mo ang ilang tungkulin, sinusubukan mo pa ring makipagtawaran sa Diyos, palaging sinusubukang makipagkatwiranan sa Diyos sa iyong puso, at naghahanap ng iba’t ibang dahilan at palusot para magreklamo na nagkamali ang Diyos sa paggawa ng ilang bagay, at na hindi Niya tinugunan ang iyong mga pagnanais o hindi ka Niya pinagpala sa ibang mga usapin—araw-araw ay hindi ka nasisiyahan, lumalaban ka, at naghihinanakit ka sa Diyos sa iyong puso, nang walang kahit katiting na pagpapasakop sa Diyos na dapat taglayin ng isang nilikha. Sabihin mo sa Akin, paano ka tatratuhin ng Diyos? Masisiyahan ba ang Diyos sa iyo? (Hindi.) Kung gayon ay pagpapalain ka ba ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi nasisiyahan ang Diyos sa iyo, gagamitin ka pa ba Niya? (Hindi.) Hindi ka gagamitin ng Diyos, at hindi Siya nasisiyahan sa iyo. Kung gayon ay gugustuhin ba ng Diyos na iligtas ka? Kung ililigtas ka Niya, malulugod ba Siya? (Hindi.) Kung hindi nalulugod ang Diyos at palagi Siyang hindi nasisiyahan sa iyo, sabihin mo sa Akin, nasa anong uri ka ng kalagayan? Gumagawa ba ang Banal na Espiritu sa iyo? Mayroon ka bang kaliwanagan at gabay ng Diyos? Mayroon ka bang pag-akay ng Diyos? Mayroon ka bang pagpapala ng Diyos? (Wala sa mga ito.) Kung gayon, ano ang dapat gawin ng isang tao para baligtarin ang sitwasyong ito? (Dapat mabilis na magpasakop ang isang tao sa Diyos at magkaroon ng tunay na pagsisisi. Dapat silang tumigil sa pagkapit sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, tumigil sa pagsisiyasat sa Diyos araw-araw, at tumigil sa paglaban at paghihinanakit sa Diyos; sa halip, dapat magawa nilang maghimagsik nang may kamalayan laban sa kanilang sarili at isagawa ang katotohanan. Sa ganitong paraan lang sila magkakaroon ng pagpapala ng Diyos at magkakamit ng gawain at pag-akay ng Banal na Espiritu.) Dapat makaramdam ng pagsisisi ang isang tao, bitiwan ang kasamaan sa kanilang mga kamay, at magbalik-loob sa Diyos; dapat nilang baguhin ang kalagayang ito. Dapat mong baguhin ang iyong maling saloobin sa Diyos at bitiwan ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos; saka ka lang kikilalanin ng Diyos bilang isang nilikha. Palagi mong sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, ang puso mo ay puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, at palagi kang hindi nasisiyahan, lumalaban, at naghihinanakit sa Diyos—ito ba ang dapat gawin ng isang nilikha? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng tao ito? (Isang diyablo at isang Satanas.) Maililigtas pa ba ng Diyos ang mga diyablo at mga Satanas? (Hindi.) Dapat mong baligtarin ang iyong paninindigan. Dapat kang maging isang nilikha; hindi ka dapat maging isang diyablo o isang Satanas. Inililigtas ng Diyos ang mga nilikha; hindi Niya inililigtas ang mga diyablo at mga Satanas. Kung kikilos ka bilang isang diyablo at isang Satanas, tatahak sa landas na tinatahak ng mga diyablo at mga Satanas, at tatratuhin ang Diyos nang may saloobin na ginagamit ng mga diyablo at mga Satanas sa pagtrato sa Diyos, kung gayon ay imposibleng iligtas ka ng Diyos. Samakatwid, anuman ang gawin mo, hindi ito magiging maayos at palagi kang mabibigo; anuman ang gawin mo, hindi ka magkakaroon ng gabay ng Diyos ni ng Kanyang kaliwanagan; at anuman ang gawin mo, mawawalan ka ng landas, at ang lahat sa harap ng iyong mga mata ay palaging magiging napakadilim—palaging magiging para bang nangangapa ka sa dilim, at kahit pagkatapos mangapa nang matagal, hindi mo pa rin magagawang makita ang landas. Habang mas hindi mo nakikita ang landas, mas lalo mong pagdududahan ang Diyos; habang mas pinagdududahan mo ang Diyos, mas lalong didilim ang iyong puso at mas lalo itong lulubog. Dapat kang magbalik-loob sa Diyos. Napakahalaga ng pagbabalik-loob. Dapat kang magbalik-loob hanggang sa naisin mong maging isang nilikha, magkaroon ng mapagpasakop na saloobin sa Diyos, hindi na maging mapanlaban sa Diyos at hindi na maging antagonistiko sa Diyos, at magtaglay ng mapagpasakop na pag-iisip—saka ka tatanggapin ng Diyos. Kung babaguhin mo ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, tingnan mo kung ano ang gagawin ng Diyos at tingnan mo kung magbabago ang iyong panloob na kalagayan. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.)
Ang layunin ng pagbabahagi tungkol sa tamang saloobin sa Diyos na nagkatawang-tao ay upang bigyang-kakayahan ang tao na magkaroon ng tumpak na pakahulugan sa Kanya at magkaroon ng tumpak na pagkakilala sa Kanya na umaayon sa katotohanan, at pagkatapos ay tratuhin Siya nang may tamang saloobin. Bagama’t sa panlabas ay isa Siyang ordinaryong tao, ang Kanyang pagkakakilanlan ay hindi pagkakakilanlan ng isang ordinaryong tao. Hinding-hindi mo ito dapat kalimutan. Batay sa pundasyong ito, ang iyong saloobin sa Diyos ay dapat na walang kondisyong pagpapasakop at pagsunod, at hindi ka dapat magbigay ng anumang palusot. Marami na tayong napag-usapan tungkol sa mga katotohanang may kinalaman sa Diyos na nagkatawang-tao. Upang magtapos gamit ang isang pagbubuod: Paano ba dapat kilalanin ng tao ang Diyos na nagkatawang-tao? Sasabihin Ko sa inyo ang pinakamahahalagang salita sa lahat—tandaan ninyo ang mga ito! Taglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang buhay ng Diyos pero hindi ang wangis ng Diyos—ito ay isang aspekto. Ang isa pang aspekto ay ang Diyos na nagkatawang-tao ay may panlabas na anyo ng tao pero hindi Siya miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Ito ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Dapat ninyong tandaan ang dalawang pangungusap na ito at pagnilayan ang mga ito sa tuwing mayroon kayong oras. Kapag nahaharap ka sa ganitong uri ng problema, pag-isipan mong mabuti ang dalawang pangungusap na ito, at tingnan mo kung paano mo dapat harapin ang problemang nakaharap mo. Natandaan na ba ninyo ang dalawang pangungusap na ito? (Oo, natandaan na namin ang mga ito.) Sabihin ninyo sa Akin kung ano ang mga ito. (Taglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang buhay ng Diyos pero hindi ang wangis ng Diyos; ang Diyos na nagkatawang-tao ay may panlabas na anyo ng tao pero hindi Siya miyembro ng tiwaling sangkatauhan.) Basahin ninyo ulit ang mga ito. (Taglay ng Diyos na nagkatawang-tao ang buhay ng Diyos pero hindi ang wangis ng Diyos; ang Diyos na nagkatawang-tao ay may panlabas na anyo ng tao pero hindi Siya miyembro ng tiwaling sangkatauhan.) Hindi ba’t binubuod nito ang nagkatawang-taong laman ng Diyos? (Oo.) Dapat ninyong tandaan ang mga salitang ito at pagnilayan ang mga ito sa paglipas ng panahon. Sa sandaling maunawaan ninyo ang dalawang aspektong ito, magkakaroon kayo ng kaunting pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao.
Ngayong nagbahagi na tayo tungkol sa kung paano kilalanin ang Diyos na nagkatawang-tao, magbahaginan pa tayo at ibuod natin ito. Paano ninyo dapat tratuhin nang tama ang Diyos na nagkatawang-tao? Paano ninyo dapat lutasin ang sarili ninyong mga kuru-kuro? Paano ninyo dapat lutasin ang inyong iba’t ibang maling saloobin, kaisipan, at pananaw tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao? Suriin ninyo ito. Anuman ang mga uri ng problemang nakakaharap ninyo, paano ninyo dapat lutasin ang mga ito? Paano ninyo dapat tratuhin nang tama ang Diyos na nagkatawang-tao? Pangunahin na may kinalaman ito sa paglutas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao. Sa sandaling malutas ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao, ang problema mismo ay halos nalutas na rin—ang natitira pagkatapos niyon ay ang paglutas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Kung gayon ay magbahaginan tayo tungkol sa isyung ito. Kapag mayroon kang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, paano mo hinaharap ang mga ito at paano mo nilulutas ang mga ito? Anong mga landas at anong mga pamamaraan at paraan ang mayroon para lutasin ang mga ito? (Kapag mayroon akong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, pinagninilayan ko ang aking sarili para makita kung bakit ako nakabuo ng mga kuru-kuro at imahinasyong ito, at kung ano ang ugat ng problema. Habang nagninilay, natutuklasan kong mayroon akong maraming tiwaling disposisyon, tulad ng panlilinlang at kabuktutan. Dahil sa mga tiwaling disposisyong ito, nakakabuo ako ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos at sa gayon ay nagiging mapaghinala ako sa mga kilos at salita ng Diyos. Dagdag pa rito, dahil napakakaunti ng nauunawaan at alam ko tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, tinitingnan ko ang mga tinataglay Niya at ang Kanyang pagiging Diyos sa pamamagitan ng sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon. Kaya, sa isang banda, nakikilala ko ang mga tiwaling disposisyon at mga maling kaisipan at pananaw sa loob ko, at sa kabilang banda, sinusubukan kong kilalanin ang Diyos mula sa Kanyang mga salita at mula sa Kanyang gawain. Naunawaan ko ito pagkatapos ng mga pagbabahaginan ng Diyos kamakailan.) Mabuti. Una, tingnan natin kung sino ang kinakatawan ng taong ito, ang Diyos na nagkatawang-tao, kapag pumaparito Siya sa gitna ng mga tao, at kung anong gawain ang ginagawa Niya. Ang pakahulugan at pananaw na mayroon ang mga tao sa Diyos na nagkatawang-tao sa loob ng kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon ay kumakatawan sa kung ano ang katangian ng diyos sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang wangis ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay nauuwi sa dalawang uri: Ang isa ay ang wangis ng isang higit-sa-tao, at ang isa pa ay ang wangis ng isang dakilang personalidad. Ang isang higit-sa-tao ay isang pambihirang tao na lumalampas sa saklaw ng normal na pagkatao at hindi isang ordinaryong mortal. Dagdag pa rito, kahit na mayroon siyang normal na pagkatao, hindi niya taglay ang mga katangian, pagpapamalas, o mga paraan ng pag-iisip ng mga karaniwang tao; nilalampasan niya ang mga ordinaryong tao, tulad lang ng isang dakilang personalidad sa paningin ng tao. Ang diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay nauuwi lang sa dalawang uring ito: alinman sa isang higit-sa-tao o isang dakilang personalidad. Kaya, kung huhusgahan batay sa diwa ng Diyos at sa buhay ng Diyos, sa tingin ba ninyo, kapag nagkakatawang-tao ang Diyos at nagiging isang tao, pipiliin Niyang maging isang dakilang personalidad o isang higit-sa-tao? (Hindi.) Ano ang nagpapalinaw nito sa inyo? Paano ka nakakatiyak na hindi ito gagawin ng Diyos? (Batay sa disposisyon at diwa ng Diyos, ayaw ng Diyos na magpakita ng isang mataas at dakilang wangis, kaya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay ordinaryo, hindi kapansin-pansin, mapagpakumbaba, at nakatago.) Walang pagmamataas sa diwa ng Diyos, na nagtatakda na ang pinipili ng Diyos kapag nagkakatawang-tao Siya ay ang maging isang ordinaryo at hindi kapansin-pansing tao. Sa panlabas, wala Siyang matayog na wangis, at sa panloob, hindi Siya nagtataglay ng isang pambihirang pagkatao. Mula sa loob palabas, paano mo man Siya tingnan, Siya ay ordinaryo at normal. Sa paningin ng tao, ang pagkilos ng Diyos nang ganito ay ang Kanyang pagiging mapagpakumbaba at nakatago, at isa itong pagpapamalas mula sa diwa ng Diyos at sa mga tinataglay Niya at sa Kanyang pagiging Diyos. Sa katunayan, hindi sinasadya ng Diyos na kumilos nang ganito para makita ng tao; ang pagpili ng Diyos at ang pagkilos ng Diyos nang ganito ay ang natural na pagpapamalas ng Kanyang buhay. Hindi ito gawa-gawa, ni hindi ito isang pagpapanggap. Ibig sabihin, gaano man katayog at gaano man kataas ang Diyos sa mga imahinasyon ng tao, ang natural na pagpapamalas ng buhay ng Diyos ay ang maging mapagpakumbaba, nakatago, at hindi nagpapasikat, at kapag nagkakatawang-tao ang Diyos, nagiging isa Siyang ordinaryo at karaniwang laman—ibig sabihin, ang Kanyang pagkatao at panlabas na anyo, ang Kanyang pananalita, mga kilos at pag-uugali, at bawat iba pang aspekto ay normal. Ang pagiging normal na ito ay hindi magaspang o mababa ang uri; sa halip, ang Kanyang pagkatao at pagkamakatwiran ay nasa saklaw ng normal na pagkatao, at ang Kanyang konsensiya at katwiran ay normal. Ito ay isang aspekto ng usapin. Dagdag pa rito, sa ilalim ng pamamahala ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, ang Kanyang mga kaisipan at pananaw, ang Kanyang mga metodo at paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at maging ang Kanyang mga prinsipyo ng sariling asal ay pawang umaayon sa katotohanan. Bagama’t maaaring magmukhang hindi kapansin-pansin ang mga ito sa tao, at bagama’t maaaring magmukhang napakakaraniwan at napakaordinaryo ng mga ito sa tao, ang ipinapamalas sa pamamagitan ng mga ito ay ang natural na pagpapamalas din ng buhay ng Diyos. Maging sa Kanyang pagkatao man o sa pagpapamalas ng Kanyang dibinong buhay, pawang umaayon ang mga ito sa diwa ng Diyos at umaayon din sa mga tinataglay ng Diyos at sa Kanyang pagiging Diyos; hindi lang ito kinikilala ng tao. Ang puso ng tao ay puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi nauunawaan ng tao na ang mga pagpapamalas ng pagkatao ng Diyos at ng Kanyang pagka-Diyos ay kapwa positibo, at hindi niya nauunawaan na ang mga ito ang mga realidad ng mga positibong bagay. Ginawang tiwali ni Satanas ang tao, at hindi niya nauunawaan kung ano ang mga positibong bagay, ni hindi niya nauunawaan kung ano ang mga negatibong bagay, at sadyang wala siyang kakayahang kumilatis ng tama at mali, kaya, ang mga bagay na nagmumula sa Diyos—na positibo, kaayon ng pagkatao, at kaayon ng katotohanan—ay pawang madalas na kinokondena ng tao. Ang dahilan kung bakit kinokondena ang mga ito ay dahil tinitingnan ng mga tao ang lahat ng nagmumula sa Diyos mula sa paninindigan na batay sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na ginawang tiwali ni Satanas. Pero kapag tiningnan mo ang lahat ng ito mula sa perspektiba at paninindigan na batay sa mga kaisipan at pananaw na itinuturo sa iyo ng Diyos, hindi mo mararamdaman na ang ipinapamalas mula sa nagkatawang-taong laman ng Diyos—sa usapin man ng Kanyang pagkatao o ng Kanyang dibinong buhay—ay walang halaga o hindi kapansin-pansin. Kapag alam mo at nakakatiyak ka tungkol sa kung ano ang mga positibong bagay, mamahalin mo ang mga pagpapahayag at pagpapamalas na ito ng Diyos na nagkatawang-tao na karaniwan, ordinaryo, at itinuturing na hindi kapansin-pansin ng tao. Hindi mo lang hindi kokondenahin ang mga ito, kundi magagawa mo ring mahalin ang mga ito, at higit pa sa pagmamahal sa mga ito, magkakaroon ka ng taos-pusong pagnanais na tularan Siya, sa halip na hamakin Siya at maging mapanlaban sa Kanya. Kung titingnan ang nagkatawang-taong laman ng Diyos mula sa isang praktikal na perspektiba, ang taglay Niya ay normal na pagkatao at ang buhay ng Diyos. Sa usapin man ng buhay ng Diyos o ng Kanyang normal na pagkatao, na hindi kapansin-pansin at ordinaryo, hindi Siya mukhang pambihira ni dakila sa paningin ng tao. Ito ay pagpili ng Diyos. Katulad ito ng kung paano nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay—ang bawat isang bagay ay napakatotoo, at bagama’t ang bawat bagay ay mukhang lubhang hindi kapansin-pansin at ordinaryo sa paningin ng tao, ang mga ito ay pawang ginawa at nilikha ng buhay at awtoridad ng Diyos. Tingnan mo ang mga puno, damo, at bulaklak, ang mga isda sa dagat, ang iba’t ibang buhay na nilalang sa lupa, ang mga ibon sa langit—sa paningin ng tao, ang buhay ng bawat isa sa mga bagay na ito ay lubhang hindi kapansin-pansin at partikular na ordinaryo. Hindi mukhang pambihira ang mga ito kahit kaunti, lalong hindi dakila, pero ang buhay ng mga ito ay nagmumula sa mga kamay ng Lumikha, mula sa paglikha ng Lumikha. Ganoon lang ito kapraktikal. Tingnan mo ang mga langgam sa lupa. Nilikha ba ng Diyos ang gayon kaliliit na bagay? (Oo.) Nilikha rin ng Diyos ang mga ito. Sa paningin ng mga tao, ang gayon kaliliit na bagay ay tila hindi karapat-dapat sa paglikha ng Diyos; kung lilikha ang Diyos, lilikha Siya ng mariringal na bagay, tulad ng sansinukob, ng mabituing kalangitan, at ng Milky Way at ng lahat ng kalawakan, samantalang ang maliliit na bagay tulad ng mga langgam at insekto ay hindi dapat magmula sa mga kamay ng Diyos. Pero ang buhay ng mga ito ay talagang nagmumula sa Diyos. Sa paningin ng mga tao, ang isang dakilang personalidad o higit-sa-tao ay hindi gagawa ng mga bagay na ito na minamaliit nila. Pero para sa Diyos, walang pagkakaiba sa pagitan ng dakila at maliit sa Kanyang paglikha sa lahat ng bagay. Ang lahat ng bagay, mula sa makroskopiko hanggang sa mikroskopiko, ay nagmumula sa paglikha ng Lumikha. Para sa Diyos, nang likhain Niya ang lahat ng bagay, walang pagpili, ni walang mga personal na kagustuhan gaya ng nauunawaan ng mga tao. Anuman ang kailangan ng sangkatauhang ito ay nilikha ng Diyos at itinutustos ng Diyos. Kahit na maraming bagay na, sa paningin ng tao, ay napakawalang-halaga kaya hindi karapat-dapat banggitin, nagmumula pa rin ang mga ito sa paglikha ng Diyos; at kahit pa sa kabila ng katunayang maraming bagay ang gumaganap ng napakaliit na papel sa pag-iral ng sangkatauhan, nagmumula rin ang mga ito sa paglikha ng Diyos. Nakikita mo, kaibig-ibig ba ang diwa ng buhay ng Diyos? (Oo, kaibig-ibig ito.) May hindi kapansin-pansing aspekto ang Diyos at may ordinaryong aspekto Siya, at siyempre, mayroon din Siyang pambihirang aspekto. Sa mas tumpak na pananalita, ang pagiging pambihirang ito ay nagmumula sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at sa awtoridad ng Diyos. Pero para sa Diyos, hindi Niya nararamdaman na Siya ay pambihira o dakila, gaya ng mararamdaman ng mga tiwaling tao. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay normal, natural din itong nangyayari, at siyempre, ito rin ang natural na pagpapamalas ng Kanyang buhay at awtoridad.
Kung anong uri ng wangis at anong uri ng panlabas na anyo ang pinipili ng Diyos na nagkatawang-tao, kung anong uri ng pagkatao at anong uri ng personalidad mayroon Siya, kung anong uri ng pamumuhay at paraan ng pag-iral ang pinipili Niya, at kung anong mga prinsipyo ng sariling asal mayroon Siya—ang lahat ng ito ay mga bagay na nakikita ng mga tao. Nakikita mo, pareho ba ang mga pagpili ng Diyos sa mga pagpili ng mga tiwaling tao, o sa mga pagpili ni Satanas at ng mga diyablo? (Hindi.) Paanong nagkakaiba ang mga ito? (Ang pinipili ng Diyos ay hindi kapansin-pansin, ordinaryo, at normal, samantalang ang pinipili ng mga tiwaling tao at ni Satanas ay pawang mga bagay na mukhang medyo pambihira, dakila, at sobrenatural sa panlabas.) Mula sa pagpiling ito ng Diyos, aling mga aspekto ng mga tinataglay ng Diyos at ng Kanyang pagiging Diyos ang makikita ng tao? May kinalaman ito sa pagkakilala ng tao sa Diyos. Ang disposisyon ng Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, at walang pagmamataas; makikita ito mula sa katunayan na ang Diyos na nagkatawang-tao ay normal at ordinaryo, hindi pambihira, at partikular na praktikal. Mayroong matayog na wangis ang Diyos, ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat, at may awtoridad ang Diyos, pero kapag nagkakatawang-tao ang Diyos, pinipili Niyang maging gayong ordinaryong tao at magkaroon ng isang ordinaryong panlabas na anyo, at kaya pa rin Niyang pasanin ang gawain. Kaya, kung huhusgahan mula sa orihinal na layunin ng Diyos, hindi ba’t totoo na hindi gustong magpasikat ng Diyos, ayaw Niyang magpasikat, at hindi Siya nagpapasikat? (Oo.) Kung gayon mula sa mga “hindi” na ito, makakatiyak ba tayo na walang mapagmataas na disposisyon ang Diyos? (Oo.) Kung huhusgahan mula sa panlabas na anyo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos at kung titingnan ang bawat aspekto ng Diyos na nagkatawang-tao, ayaw Niyang makita Siya ng tao bilang napakataas, bilang napakapambihira, bilang napakakakaiba, bilang lubhang naiiba sa lahat ng iba pa, o bilang lubhang katangi-tangi. Ang katunayang ayaw ng Diyos sa mga bagay na ito ay nangangahulugang hindi Siya kailanman nag-iisip nang ganito. Ang Kanyang natural na pagpapamalas ay ang piliing maging isang ordinaryong tao—hamak, mapagpakumbaba, disente, at sinsero—at maging isang ordinaryong tao sa isang praktikal at maayos na paraan, nananatili sa loob ng mga wastong hangganan, at maayos lang na gawin ang gawaing dapat Niyang gawin at isakatuparan ito. Nakikita mo, ito ang nasa isip ng Diyos; ang mga ito ang naging mga kaisipan at ideya ng Diyos na nagkatawang-tao mula pa sa simula. Kaya sabihin ninyo sa Akin, bakit hindi sinasabi ng Diyos, “Ako ang Lumikha, Ako ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay. Kung nagkatawang-tao Ako at ipinanganak sa isang ordinaryong pamilya, talagang hindi iyon uubra, at lalo nang hindi maaari ang isang sabsaban. Dapat Akong ipanganak sa isang palasyo ng hari. Ang Diyos na nagkatawang-tao—si Cristo—ay dapat na may maharlikang pagkakakilanlan. Anuman ang dinastiya, dapat ipanganak Siya sa pinakakilalang pamilya sa gitna ng sangkatauhan”? Sabihin ninyo sa Akin, mag-iisip ba ang Diyos sa ganitong paraan? Gumagawa ba ang Diyos ng gayong mga pagpili, at mayroon bang gayong mga pangangailangan ang Diyos? (Hindi.) Hindi gumagawa ang Diyos ng gayong mga pagpili—ito ba ay pagpipigil Niya sa Kanyang sarili, pagpapakita ng isang pagpapanggap, o pag-arte para makita ng tao? (Hindi alinman sa mga ito.) Kung gayon ay ano ito? (Isa itong pagpapamalas mula sa buhay diwa ng Diyos.) Isa itong pagpapamalas mula sa diwa ng Diyos. Tulad lang nito, natural na pinipili ng Diyos na ipanganak sa isang ordinaryong pamilya, at maging isang ordinaryong tao. Napakasimple rin ng Kanyang paglaki; hindi Siya nagmula sa isang kilalang pamilya, napakasimple rin ng Kanyang panlipunang pinagmulan, at hindi Siya nakatanggap ng mataas na edukasyon. Nakikita mo, ang pag-iisip, mga ideya, at mga pananaw ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay ay naiiba sa mga kaisipan at pananaw ng mga tiwaling tao at ni Satanas. Paano pipili ang mga tiwaling tao? Ang ipanganak sa isang kilalang pamilya, mamuhay ng isang marangyang buhay, magkaroon ng isang di-pangkaraniwang pamilya at panlipunang pinagmulan, magkaroon ng katayuan at magkaroon ng kapangyarihan, makatanggap ng mataas na edukasyon, maging marunong, may talento, at biniyayaan ng kakayahan, magkaroon ng isang eleganteng panlabas na anyo, maging kagalang-galang sa pananalita—sa madaling salita, ang maging naiiba sa mga ordinaryong tao sa bawat aspekto. Nakikita mo, ito ang pipiliin ng tao. Kung paparito si Satanas sa gitna ng mga tao para gumawa ng mga bagay-bagay, ano ang pipiliin nito? Kung hihilingin dito na ipanganak sa isang ordinaryong pamilya, na ipanganak sa pinakailalim ng lipunan, papayag ba ito? (Hindi.) Paano ito pipili kung gayon? (Pipiliin nitong ipanganak sa isang kilalang pamilya o isang palasyo ng hari, ibig sabihin, sa isang pamilya na may medyo mataas na katayuan.) Pipiliin nitong ipanganak sa isang pamilya na may medyo mataas na katayuan sa lipunan, kung saan sa loob ng ilang henerasyon ay puno ng mga opisyal ng korte ang angkan, kabilang ang mga punong ministro, premier, kalihim ng estado, heneral, at marsiyal—isang kilalang pamilya. Pipiliin nito ang ganitong uri ng pamilya. Dagdag pa rito, si Satanas mismo ay magiging lubos na may talento sa lahat ng larangan at mamumukod-tangi sa gitna ng mga tao, hindi ba? (Oo.) Bakit gumagawa ng gayong mga pagpili si Satanas at ang mga tiwaling tao? Ano ang intensiyon sa likod ng paggawa ng gayong mga pagpili? (Para idolohin at tingalain sila ng mga tao.) Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng disposisyon ang palaging pagnanais na idolohin ng iba, pagnanais na tingalain ng iba, at pagnanais na hangaan ng iba? Mula sa anong diwa ito ipinapamalas? (Pagmamataas.) Bakit ninyo sinasabing ito ay pagmamataas? Kung may kakayahan ang isang tao at nahihimok niya ang mga tao na idolohin siya, ano ang masama roon? Sumusunod din ang mga tao sa Diyos at sumasamba sa Diyos, kaya iniidolo rin ba ng mga tao ang Diyos? Ano ang pagkakaiba rito? Kung ang isang tao ay mataas at may kakayahan, at iniidolo siya ng iba, problema iyon ng ibang tao—ano ang kinalaman nito sa taong iniidolo? Kaya bakit ninyo sinasabing ang taong iniidolo ay may mapagmataas na disposisyon? (Ang mga tao ay ginawang tiwali ni Satanas at puno ng iba’t ibang tiwaling disposisyon ni Satanas; walang anuman sa kanila ang karapat-dapat ipagmalaki o ipagpasikat. Subalit palaging gustong magpasikat ng mga tao para tingalain at idolohin sila ng iba. Isa itong mapagmataas na disposisyon, at ito ay kahiya-hiya.) Ang sinasabi ninyo ay tama sa teorya, pero hindi pa naipapaliwanag nang malinaw ang ugat ng problema. May kinalaman din ito sa isang aspekto ng katotohanan, na dapat ninyong maunawaan. Hindi taglay ni Satanas ang katotohanan, ni wala ito ng awtoridad ng Diyos o ng pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, lalong wala ito ng diwa ng Diyos. Walang anumang kaibig-ibig kay Satanas. Hindi nito kayang tustusan ang tao ng katotohanan, ni hindi nito kayang gumamit ng kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng tao; ang tadhana nito ay hawak pa rin ng mga kamay ng Diyos, at kinokontrol ng Diyos ang tadhana nito. Hindi ito ang Diyos ng sangkatauhan, ni hindi ito ang Panginoon ng sangkatauhan, lalong hindi ito ang Lumikha ng lahat ng bagay. Ano ito? Kung huhusgahan batay sa disposisyon at diwa nito, puno ito ng katiwalian, kabuktutan, at kalupitan. Salungat ito sa lahat ng positibong bagay, at ito ang sukdulan ng lahat ng negatibong bagay. Hindi nito maihahatid ang katotohanan, maihahatid ang daan, o maihahatid ang karapatang manatiling buhay, sa anumang buhay na nilalang o sa sangkatauhan, ni hindi nito kayang iligtas ang sangkatauhan. Ang tanging ginagawa nito sa tao ay sirain, gawing tiwali, ilihis, at akitin siya, ginagawa siyang masama, ginagawa siyang salungat sa Diyos, at ginagawa siyang mapanlaban sa mga positibong bagay. Samakatwid, hindi karapat-dapat si Satanas sa pagsamba ng sangkatauhan. Hindi ito karapat-dapat sa pagsamba ng sangkatauhan, pero gusto pa rin nitong tumayo sa posisyon ng Diyos at pasambahin ang sangkatauhan dito—hindi ba’t ito ay walang kahihiyan? (Oo.) Walang-kahihiyan ang kalikasan nito; pagdating sa disposisyon, anong uri ng disposisyon ang nagdudulot nito? (Pagmamataas at kapalaluan.) Dulot ito ng pagmamataas at kapalaluan. Ang pagpapamalas ng pagiging mapagmataas at palalo ay ang kawalan ng katwiran. Ang mga taong walang katwiran ay maaaring maging mapagmataas at palalo. Ang disposisyon ng isang taong hindi nagtataglay ng katwiran ng normal na pagkatao ay mapagmataas at palalo, at ganap pang walang sinusunod na batas. Ang gayong tao ay isang Satanas. Ang sangkatauhan ay ginawang tiwali ni Satanas, kaya taglay ba nila ang ganitong uri ng disposisyon? (Oo.) Dahil sa disposisyong ito ng pagmamataas at kapalaluan, ang tao ay nawawalan ng katwiran, ang kanyang katwiran ay nagiging walang batayan, at samakatwid ay hindi niya kayang sumamba sa Diyos. Hindi kayang sambahin ng tao ang Diyos, at hindi niya minamahal ang mga positibong bagay, pero palagi siyang nagnanais na idolohin siya ng iba. Ginagawa siya nitong tulad lang ni Satanas. Tingnan mo kung ano ang pipiliin ni Satanas. Kung magiging isang tao ito, pipiliin nitong maging isang dakilang personalidad o isang higit-sa-tao; hindi nito pipiliing maging isang ordinaryong tao o isang karaniwang tao, na maging isang ordinaryo at hindi kapansin-pansing nilikha na kayang sumamba sa Diyos. Hindi nito pipiliin ang landas na ito. Pipiliin nitong maging isang higit-sa-tao, maging isang dakilang personalidad, maging isang taong namumukod-tangi sa gitna ng mga tao, maging isang tao na kayang mamuno sa sangkatauhan at kayang kumontrol sa sangkatauhan, at maging isang tao na kayang mapatingala ang iba sa kanya, mapaidolo ang iba sa kanya, at mapasunod ang iba sa kanya. Pagkatapos ay lalo pa nitong ililihis at gagawing tiwali ang tao, idinudulot na maging masama siya sa ilalim ng katiwalian nito, mapalayo sa Diyos, malihis mula sa tunay na daan, at maging salungat sa Diyos. Nakikita mo, ganito pipili si Satanas. Kaya, kung huhusgahan batay sa mga pagpili nito, ano ang buhay diwa ni Satanas? Mayroon bang kagandahan at kabutihan dito? (Wala.) Mayroon bang pagkadisente rito? (Wala.) Positibo ba ito? (Hindi, ganap itong negatibo.) Sa kabaligtaran, ano ang buhay ng Diyos, at ano ang diwa ng Diyos? (Partikular na maganda at mabuti.) Ang buhay diwa ng Diyos ay maganda at mabuti, at karapat-dapat sa pagmamahal ng tao; karapat-dapat ang Diyos sa pagsunod ng tao at karapat-dapat Siya sa pagsamba ng tao. Kung sasambahin ng tao si Satanas, na nagtataglay ng isang mapagmataas na disposisyon, ano ang mangyayari sa kanya? Magiging lalo lang siyang masama, lalong magiging mapagmataas, lalong hindi makakakilatis ng tama at mali, at lalong mamumuhi sa mga positibong bagay at mapapalayo sa Diyos. Pero paano kung sasambahin ng tao ang Diyos at susunod sa Diyos? Magiging iba ang resulta kung gayon. Ang konsensiya at katwiran ng tao ay lalong magiging normal, lalo niyang mamahalin ang mga positibong bagay, at ang ipinapamalas niya sa kanyang buhay ay lalong mapapalapit sa mga positibong bagay, at lalong mapapalapit sa pagiging praktikal, pagiging ordinaryo, pagiging normal, at pagiging hindi kapansin-pansin na ipinapamalas mula sa Diyos. Kapag naiwaksi mo na ang tiwaling disposisyon ng pagmamataas, natural ka ring magpapamalas ng isang pagkatao na ordinaryo, normal, at praktikal, at kasabay nito, magugustuhan mo rin ang gayong mga positibong bagay tulad ng mga ordinaryo, normal, at hindi kapansin-pansing nilikha. Kapag taglay mo ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay, magiging iba ang mga bagay na minamahal mo, magiging iba ang landas na pinipili mo, at magiging iba rin ang iyong mga pananaw at pagpili tungkol sa anumang bagay. Tama ba? (Oo.)
Ang panlabas na anyo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos at ang Kanyang mga kalagayan sa lahat ng aspekto, gayundin ang makikita at maririnig mo sa lahat ng Kanyang tinataglay—ang lahat ng ito ay nagmumula sa Diyos. Ang mga ito ang pinili ng Diyos bago magkatawang-tao, at ang mga ito ay sariling gawa rin ng Diyos. Kung titingnan ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kung gayon, sa pagparito sa gitna ng mga tao, hindi ginagampanan ng Diyos ang papel ng isang higit-sa-taong personalidad o isang dakilang personalidad—kumikilos lang Siya bilang ang ordinaryo at normal na Diyos na nagkatawang-tao Mismo, at wala Siyang anumang kinalaman sa mga higit-sa-taong personalidad o dakilang personalidad na itinuturing na ganoon ng tiwaling sangkatauhan o na gusto ng tiwaling sangkatauhan. Samakatwid, kung gusto mong tanggapin ang Diyos na nagkatawang-tao, dapat mo munang bitiwan ang hinihingi na ang Diyos na nagkatawang-tao ay maging isang higit-sa-tao o isang dakilang personalidad; dapat mong bitiwan ang hinihinging ito, bitiwan ang pagnanais na ito, at bitiwan ang maling kaisipan at pananaw na ito. Ang pagtanggap sa pagiging ordinaryo, pagiging hindi kapansin-pansin, pagiging normal, at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang pagbitiw sa iyong hinihingi na maging dakila at pambihira ang Diyos na nagkatawang-tao: ito ang pinakapangunahing saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha sa Diyos na nagkatawang-tao, at isa rin itong bagay na dapat mong taglayin sa loob ng iyong pagkamakatwiran. Bukod sa pagbitiw sa hinihingi na maging dakila at pambihira ang Diyos na nagkatawang-tao, sa ilang partikular na usapin ay dapat mong malaman na sa pagparito sa lupa para gawin ang Kanyang gawain, ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi nagsasagawa ng proyekto ng tao. Una, hindi Siya gumagawa ng siyentipikong pananaliksik. Ikalawa, hindi Siya pumarito para magpalaganap ng kaalaman, ni para magturo ng mga prinsipyo, magturo ng mga kasanayan, o maglinaw ng mga kalituhan. Kaya, ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi pumarito para gampanan ang papel ng isang iskolar; hindi Siya isang propesor, hindi Siya isang iskolar, ni hindi Siya anumang uri ng intelektuwal. Sa iyong pananaw, dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi isang hindi kapansin-pansing tao at hindi gumagampan ng isang ordinaryong papel, dapat ay nakatanggap Siya ng mas mataas na edukasyon, dapat lubos Siyang edukado at sopistikado, may pambihirang kaalaman at mga teorya, o mahusay sa iba’t ibang disiplina at teknikal na kasanayan—mali na mag-isip ka nang ganito. Hindi nagsasagawa ang Diyos ng proyekto ng tao; hindi Siya gumagawa ng alinman sa mga paghahangad ng sangkatauhan sa mga teknikal na kasanayan, sa mga propesyonal na kasanayan, o sa makamundong kaalaman. Ano ang ipinarito Niya para gawin? Pumarito Siya para isakatuparan ang sariling pamamahala ng Diyos. Ano ang sariling pamamahala ng Diyos? Ito ay ang paggamit sa katotohanan at paggamit sa Kanyang mga salita para gumawa at para iligtas ang tao—ito ang pamamahala ng Diyos. Bagama’t Siya ay isang ordinaryong tao, at bagama’t mayroon Siyang panlabas na anyo ng isang tao, ang ginagawa Niya ay hindi gawain ng tao kundi gawain ng Diyos. Ang ginagawa Niya ay isang aytem ng gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, at sa mga mata ng Diyos, ang gawaing ito ay pamamahala ng Diyos. Isinasakatuparan Niya ang pamamahala ng Diyos, pinamamahalaan ang iglesia ng Diyos, pinamamahalaan ang gawain ng Diyos, pinamamahalaan ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan, pinamamahalaan ang hindi pa natatapos na gawain ng Diyos, at pinamamahalaan ang isang aytem ng gawain na kinapapalooban ng paggamit sa mga salita ng Diyos, at paggamit sa katotohanan, at paggawa ng mga ito sa tao upang maging buhay ng tao ang mga ito. Samakatwid, kung naniniwala ka sa iyong puso o sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon na ang Diyos na nagkatawang-tao ay dapat may mataas na pinag-aralan, dapat na magsalita nang may mahigpit na pagsunod sa gramatika, at dapat na magsalita tungkol sa matatayog na teorya, kung gayon ay mali ka. Sa pagparito sa gitna ng mga tao, hindi kailanman nilayon ng Diyos na nagkatawang-tao na tumanggap ng anumang anyo ng edukasyon ng tao, hindi Niya kailanman nilayon na matuto ng anumang teknikal o propesyonal na kasanayan o kaalaman ng tao, at hindi Niya kailanman nilayon na maghangad ng isang karera ng tao sa pamamagitan ng pagtatamo ng kaalaman ng tao, sa gayon ay makamit ang layon na mamuhay at manatiling buhay sa gitna ng sangkatauhan. Kapag mayroon kang mga kuru-kuro at imahinasyong ito tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito, at dapat mong tratuhin nang tama ang Diyos na nagkatawang-tao. Ibig sabihin, dapat mong tingnan ang Diyos na nagkatawang-tao nang may saloobin ng isang nilikha, sa halip na tingnan ang ordinaryong taong ito sa pamamagitan ng pananaw ng isang tiwaling tao. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa gitna ng mga tao, ipinapahayag ang mga salita ng Diyos, ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos, tinutustusan ang sangkatauhan ng katotohanan ng Diyos, at ipinagkakaloob ang daan at buhay sa sangkatauhan. Ang ordinaryong taong ito, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ay kailangan lang magtaglay ng isang bagay para magawang pasanin ang gawaing ito. Ano ang isang bagay na ito? Kailangan lang Niyang taglayin ang buhay ng Diyos—sapat na iyon. Pagdating naman sa kung gaano Siya kaedukado, kung nagtataglay ba Siya ng malalim na kaalaman, kung nakatanggap ba Siya ng mas mataas na edukasyon, kung mayroon ba Siyang karanasan sa lipunan at kung mayroon ba Siyang kabatiran, kung anong mga bagay ang naranasan Niya, kung sinaliksik ba Niya ang kultura ng isang partikular na bansa o ng mga tao mula sa isang partikular na lahi, kung nauunawaan ba Niya ang pinakadiwa ng isang partikular na aspekto ng kultura ng tao, kung lubos ba Niyang naarok ang kaalaman at sentido komun ng sangkatauhan sa isang partikular na larangan, kung anong mga kaloob at abilidad ang taglay Niya, at iba pa—ang lahat ng ito ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay ang buhay na taglay Niya, ang buhay na ipinamamalas Niya, ay sapat para pasanin Niya ang sariling gawain ng Diyos, ay sapat para gamitin Niya ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos, at ipahayag ang mga ito, at pagkatapos ay gawin ang mga ito sa tao, inaalis sa tiwaling sangkatauhan ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at dinadala ang tao sa harap ng Diyos upang magtamo siya ng kaligtasan. Sapat ito para pasanin Niya ang gawain ng Diyos. Samakatwid, kung hinihingi mo na ang Diyos na nagkatawang-tao ay magmula sa isang magandang pinagmulan at kilalang pamilya, na Siya ay makatanggap ng mas mataas na edukasyon, na Siya ay mahusay magsalita at magaling sa mga salita, na magawa Niyang magsulat ng mga artikulo, magawang lumikha ng musika, at magawang sumayaw, at gayundin na Siya ay maging mahusay sa maraming teknikal na kasanayan at larangan ng kaalaman, kung gayon ay sinasabi Ko na mali ka—mali ang iyong hinahanap. Kung ikaw ay nasa isang unibersidad, sa mga sirkulo ng pulitika, o sa iba’t ibang industriya at larangan, ang paggawa ng gayong mga hinihingi sa isang propesor, isang lider, o isang CEO ay maaaring maging patas at makatwiran, pero kung hinihingi mo na taglayin ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga bagay na ito, sinasabi Ko na lubha kang nagkakamali; isa itong labis na mapaghimagsik na kaisipan para taglayin mo. Hinding-hindi ka dapat gumawa ng ganitong mga kahingian sa Diyos na nagkatawang-tao. Bakit hindi mo maaaring gawin ang mga kahingiang ito? Kakasabi lang natin na ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi nagsasagawa ng proyekto ng tao, ni hindi Siya gumagawa ng gawain sa labas ng pamamahala ng Diyos. Samakatwid, kung mayroon kang mga kuru-kuro at imahinasyong ito o mayroon kang mga hinihinging ito tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, sa isang banda, hindi ito makatwiran, at sa kabilang banda, ang perspektibang ginagamit mo ay mali. Kung malulutas ang dalawang problemang ito, magiging madali na lutasin ang marami sa iyong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba? (Oo.) Kung mali ang perspektibang ginagamit mo, dapat mo itong itama. Pagdating sa Diyos na nagkatawang-tao, dapat mo Siyang sukatin ayon sa mga pamantayan at prinsipyo na naaangkop sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, hindi ba? Kaya ba Niyang ipahayag ang katotohanan, at taglay ba Niya ang buhay ng Diyos? Ang ipinamamalas ba Niya ay ang disposisyon ng Diyos at ito ba ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos? Para sa sangkatauhan, ang mga bagay ba na ipinapahayag Niya at ipinamamalas mula sa Kanya ay ang katotohanan, ang mga ito ba ang kailangan ng sangkatauhan, at sapat ba ang mga ito para bigyang-kakayahan ang tao na iwaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon at magtamo ng kaligtasan? Maging ito man ay ang mga katotohanang ipinapahayag Niya, ang gawaing ginagawa Niya, o ang Kanyang mga pamamaraan sa paggawa, binibigyang-kakayahan ka ba ng mga ito na tahakin ang daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, binibigyang-kakayahan ka ba ng mga ito na sumamba sa Diyos, at sa huli ba ay kaya ka nitong bigyang-kakayahan na magpasakop sa Diyos at matakot sa Kanya? Kung gayon, ito lamang ay sapat na para makatiyak ka na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit pa, sa maraming aspeto, hindi Niya natugunan ang mga hinihingi ng sangkatauhan at hindi Niya natugunan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng sangkatauhan, nangangahulugan lang iyon na ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon ay hindi makatwiran, hindi naaayon sa mga katunayan, at hindi mga positibong bagay, o na ang iyong mga hinihingi ay masyadong mahigpit at hindi makatwiran, at na ang iyong mga hinihingi ay hindi talaga mga positibong bagay, kundi kumakatawan kay Satanas. Ang mga hindi makatwirang hinihinging ito na inilalagay mo sa Diyos na nagkatawang-tao ay tulad lang ng paghingi ni Satanas na sambahin siya ng Panginoong Jesus. Dinala ni Satanas ang Panginoong Jesus sa isang napakataas na bundok, ipinakita sa Kanya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito, at sinabi sa Kanya, “Kung luluhod at sasamba ka sa akin, mapapasaiyo ang lahat ng kaluwalhatian at kayamanang ito.” Ano ang sinabi ng Panginoong Jesus? (Sinabi ng Panginoong Jesus: “Humayo ka, Satanas: sapagkat nasusulat, ‘Sa Panginoon mong Diyos ay dapat sumamba ka, at Siya lamang ang iyong dapat paglingkuran’” (Mateo 4:10).) Sumang-ayon ba rito ang Panginoong Jesus? (Hindi.) Hindi sumang-ayon dito ang Panginoong Jesus; natalos Niya ang panlilinlang nito. Nakikita mo, ito ang saloobin ni Satanas sa Diyos. Kung mayroon kang ganitong uri ng saloobin sa Diyos na nagkatawang-tao, at kung, sa sitwasyon at konteksto na narinig mo na ang Kanyang mga salita at natanggap ang Kanyang gawain, at nakakatiyak na taglay Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos, taglay ang diwa ng Diyos, at taglay ang buhay ng Diyos, ay mayroon ka pa ring mga hindi makatwirang hinihinging ito sa Kanya o nagkikimkim ng mga kuru-kuro at imahinasyong ito tungkol sa Kanya, kung gayon ay tulad lang iyon ng paghingi ni Satanas na sambahin siya ng Panginoong Jesus. Pareho ang kalikasan ng dalawang bagay na ito. Nauunawaan mo ba? (Oo.)
Ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay nagtataglay ng buhay ng Diyos at nagtataglay ng diwa ng Diyos, at kayang ipahayag ang disposisyon ng Diyos. Ang ipinamamalas mula sa Kanya ay naglalaman ng mga tinataglay ng Diyos at ng Kanyang pagiging Diyos. Bagama’t hindi ito ang ganap na pagpapahayag ng Diyos, ang ipinamamalas mula sa Kanya at ang ipinapahayag Niya ay pawang mga pagpapamalas ng buhay diwa ng Diyos. Sa sandaling makatiyak ka rito, dapat kang makatiyak na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos—walang duda rito. Sa sandaling makatiyak ka rito, dapat mong bitiwan ang iyong mga kuru-kuro at bitiwan ang iyong mga hindi makatwirang hinihingi. Sinasabi ng ilang tao na hindi madali ang pagbitiw sa mga bagay na ito. Sa totoo lang, hindi ito mahirap; nakadepende lang ito sa kung kaya mong tanggapin ang katotohanan. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan, madaling bitiwan ang mga bagay na ito. Kung kusa at malugod mong tinatanggap ang taong ito—tinatanggap ang Kanyang pagkakakilanlan, tinatanggap ang Kanyang diwa, at tinatanggap ang Kanyang sinasabi at ginagawa, gayundin ang Kanyang mga hinihingi sa iyo—kung gayon ay dapat mong tanggapin ang Kanyang pagiging normal at pagiging praktikal. Kapag tinanggap mo ang Kanyang pagiging normal at pagiging praktikal at kusa kang nagpasakop sa Kanya, basahin mo muli nang taimtim ang Kanyang mga salita, at tingnan mo kung anong uri ng mga pagbabago ang mangyayari sa loob mo. Tingnan mo rin ang mga kaisipan at pananaw na sinabi Ko sa inyo sa lahat ng salitang ito kung paano tratuhin ang lahat ng uri ng bagay, gayundin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagtrato sa gayong mga usapin at ang mga landas para lutasin ang mga ito, at tingnan mo kung ang mga ito ba ang tamang daan at kung ang mga ito ba ang katotohanan; tingnan mo kung umaayon ba ang mga ito sa mga batas kung paano nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, at kung umaayon ba ang mga ito sa diwa sa likod ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Kung patatahimikin mo ang iyong puso para magdasal-magbasa sa mga salitang ito at tatanggapin ang mga ito bilang iyong buhay, unti-unting magaganap ang mga pagbabago sa loob mo. Ang iyong pagmamahal sa mga positibong bagay ay unti-unting hihigit sa iyong pagmamahal sa mga negatibong bagay, at ang antas ng iyong pagmamahal sa mga positibong bagay ay hihigit sa antas ng iyong pagmamahal sa mga negatibong bagay. Pagkatapos anihin ang aning ito, ang isa pang resulta ay unti-unti kang makakaramdam ng pagkasuklam sa mga negatibong bagay na kay Satanas. Maging ito man ay mga buktot na bagay, iba’t ibang walang-katotohanang kaisipan at pananaw, o mga buktot na disposisyon, nang hindi mo namamalayan, magsisimula kang masuklam sa mga bagay na ito, at maghihimagsik, lalayo, at tatanggi ka sa mga negatibong bagay na ito. Isa itong napakagandang bagay para sa iyo. Nangangahulugan ito na hindi ka na kokontrolin ni Satanas, at hindi ka na patuloy na gagawing tiwali nito. Nangangahulugan ito na tumahak ka na sa landas ng kaligtasan, na mayroon kang pag-asa na magtamo ng kaligtasan, at na malapit ka nang magtamo ng kaligtasan. Kaya, tingnan mo ang mga salitang ito na ipinahayag ng Diyos: Mula sa isang bagay na kasingliit ng mga indibidwal na pangungusap, hanggang sa isang bagay na kasinglaki ng bawat kaisipan at pananaw na nakapaloob doon, at hanggang sa mga prinsipyo, direksyon, at layon para sa paggawa ng bawat uri ng bagay—hindi ba’t ang mga salitang ito ang kailangan ng sangkatauhan? Hindi ba’t ang mga ito ang panustos ng buhay? (Oo.) Habang paulit-ulit mong dinarasal-binabasa, pinagbubulay-bulayan at dinaranas ang mga ito, kung nararamdaman mo na ang mga salitang ito ang pinagmumulan ng buhay, na nagmumula ang mga ito sa Diyos, at na ang mga ito ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, kung gayon ay unti-unti mong bibitiwan ang iyong iba’t ibang kuru-kuro, imahinasyon, at hindi makatwirang hinihingi tungkol sa nagkatawang-taong laman ng Diyos. Dagdag pa rito, unti-unti kang magkakaroon ng tamang pag-arok sa pagiging ordinaryo, pagiging normal, at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kasabay ng tamang pag-arok sa mga ito, tatanggapin mo rin ang mga ito, at pagkatapos ay kusa kang magpapasakop, nararamdaman na ang pagiging normal, pagiging praktikal, at pagiging ordinaryo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay sadyang napakaganda! Kapag naramdaman mo na ang pagiging ordinaryo, pagiging normal, at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay mga positibong bagay, aasamin mong maging isang ordinaryo, normal, at praktikal na tao, tulad lang ng nagkatawang-taong laman ng Diyos; ang Kanyang paraan ng pag-asal at ang Kanyang mga prinsipyo ng pagkilos ay pawang magiging mga bagay na tutularan mo. Bukod pa rito, mararamdaman mo na mayroon kang mga tiwaling disposisyon, at na ang pagiging isang ordinaryo, normal, at praktikal na tao ay masyadong mahirap, pero magkakaroon ng isang uri ng paghanga ang iyong puso sa halip na panghahamak sa Diyos na nagkatawang-tao. Nakikita mo, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay nagtataglay ng buhay ng Diyos. Sa panlabas ay mukha Siyang isang ordinaryo at normal na tao, pero habang Siya ay namumuhay at umiiral sa gitna ng mga tao, at habang Siya ay umaasal at kumikilos, hindi Siya kailanman nakokontrol o naiimpluwensiyahan ng mga tiwaling disposisyon ng tiwaling sangkatauhan. Aasamin mo ang ganitong uri ng buhay, at sa puntong ito, mararamdaman mo na ang pagkakaroon ng mga tiwaling disposisyong ito ay isang kahihiyan, at makakaramdam ka ng pagkabagabag. Pagkatapos mong bitiwan ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, at bitiwan ang iyong mga hindi makatwirang hinihingi tungkol sa Kanya, tatanggapin mo ang Kanyang mga salita, at sa huli ay aasamin mo ang mga pagpapamalas, ang pagsasabuhay, at ang pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, na nagtataglay ng buhay ng Diyos. Ang magawang tanggapin ang gawain ng Diyos at magpasakop dito ay nakasalalay sa pundasyong ito: Dapat mo munang tanggapin ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, at pagkatapos ay bitiwan ang iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, at hindi makatwirang hinihingi tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Siyempre, ang pagbitiw ay hindi ang pinakahuling landas ng pagsasagawa. Ang pinakahuling layon ng pagbitiw sa iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, at hindi makatwirang hinihingi tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ay para magawa mong tanggapin ang lahat ng Kanyang turo para sa iyo, tanggapin ang Kanyang panustos ng mga salita sa iyo, tanggapin ang mga hinihingi Niya sa iyo, at umabot sa punto kung saan kaya mong magpasakop sa mga hinihingi Niya sa iyo. Sa ganitong paraan ka lang magkakaroon ng pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Samakatwid, ang pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, gayundin ang iba’t ibang problemang dulot ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ay isang malaking hadlang para sa tao. Sa sandaling harapin mo ang malaking hadlang na ito at lutasin ito at alisin ito, at magawa mong tanggapin ang mga salitang nagmumula sa Kanya, magawang magpasakop sa mga katotohanang ipinapahayag Niya at magpasakop sa mga salitang ipinapahayag Niya, ganap mong magagawang magtamo ng kaligtasan.
Madali ba ang pagbitiw sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao? (Kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, madaling bitiwan ang mga ito.) Tama iyan. Masasabi mong madali ito, pero masasabi mo ring medyo mahirap ito. Kung matigas ang ulo mong sasalungat sa Kanya at palagi kang mapanlaban sa taong ito, kung gayon ay hindi magiging madali para sa iyo na bitiwan ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Kung palagi mong gagamitin ang perspektiba ni Satanas, taglay ang paninindigan at ang mga pananaw na kapareho ng kay Satanas, at palagi kang mapanlaban sa Diyos na nagkatawang-tao, kung gayon ay hinding-hindi mo magagawang tanggapin ang Kanyang pagiging normal at pagiging praktikal, at palagi mo Siyang hahamakin. Pero kung gagamitin mo ang perspektiba ng isang nilikha, at tatratuhin ang nagkatawang-taong laman ng Diyos gamit ang mga kaisipan, pananaw, at paninindigan na ginagamit mo sa pagtrato sa Diyos at sa Lumikha, at kaya mong tanggapin ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos na nagkatawang-tao, kung gayon, ang iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, at hindi makatwirang hinihingi tungkol sa Kanya ay magiging madaling bitiwan, at magkakaroon ng landas para lutasin ang mga ito. Gayumpaman, kung ang iyong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ay masyadong malubha at hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti; kung sa iyong puso ay hinahamak mo ang Diyos na nagkatawang-tao at palagi kang may mga hindi makatwirang hinihingi sa Kanya; kung mapanlaban ka pa nga sa Kanya at iginigiit mong salungatin Siya hanggang sa kadulu-duluhan, kung gayon ay hindi ka na matutubos. Hindi ba’t naghahanap ka ng kamatayan sa pamamagitan ng sadyang pagturing sa Diyos na nagkatawang-tao bilang isang kaaway? Bakit Ko sinasabing paghahanap ito ng kamatayan? Ang taong ito ay walang kinikimkim na poot o hinanakit sa iyo, subalit napakamapanlaban mo sa Kanya. Hindi ba’t may problema sa iyong kalikasang diwa? (Mayroon.) Hindi kita kailanman nasaktan o napinsala, ni hindi Ako nagkaroon ng anumang personal na ugnayan sa iyo. Kaya, bakit ayaw mo Akong tantanan, palaging mayroong ganitong mapanlabang saloobin? Tinutustusan pa nga kita ng katotohanan at itinuturo ang landas ng kaligtasan para sa iyo, subalit napakamapanlaban mo sa Akin. Kung gayon, malinaw na ang problema ay wala sa Akin, kundi nasa iyo. Dahil nasa iyo ang problema, dapat mong lutasin ang iyong problema. Tinukoy Ko sa iyo ang diwa ng iyong problema, ang ugat na sanhi nito, at ang landas para lutasin ito. Bukod sa hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang iyong problema, napakamapanlaban mo rin sa Akin. Ang iyong problema, kung gayon, ay hindi isang ordinaryong problema; sa halip, mayroong malubhang problema sa iyong kalikasang diwa. Kung palagi kang mapanlaban sa Diyos na nagkatawang-tao, naghahanap ka ng kamatayan; hinahanap mo ang sarili mong kapahamakan at nagdudulot ng sarili mong pagkawasak. Hindi ba’t karapat-dapat iyon sa kamatayan? (Oo.) Gaano man kanormal at kapraktikal ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kahit pa ang ilang aspekto ng Kanyang paraan ng pamumuhay, mga gawi sa buhay, o pang-araw-araw na gawain—o ilang aspekto ng Kanyang pagkatao—ay tila mga kapintasan para sa iyo, ang mga kapintasan bang ito ay isang uri ng kasalanan, at ang mga ito ba ay isang uri ng katiwalian? (Hindi.) Kung hindi katiwalian ang mga ito, subalit palagi mong kinokondena ang mga ito, hindi ba’t problema mo ito? (Oo.) Bakit hindi mo hinihimay at kinokondena ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon? Bakit hindi mo kinokondena si Satanas? Gumawa si Satanas at ang mga diyablo ng napakaraming kasamaan, nagpakalat ng napakaraming erehiya at maling kaisipan, at nagsalita ng napakaraming salita na naninira at lumalapastangan sa Diyos—bakit wala kang kamalayan tungkol dito? Bakit hindi mo kinamumuhian si Satanas at ang mga diyablo? Hindi ba’t isa itong problema? (Oo.) Palagi kang nakatuon sa kung ano ang nakikita ng mga tao bilang mga pagkukulang o kakulangan sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, o sa mga pagpapamalas na hindi itinuturing ng mga tao na dakila o pambihira, at tumatanggi kang bitiwan ang mga bagay na ito, itinuturing pa nga ang mga ito bilang mga pagkakamali, bilang katiwalian, bilang kasalanan. Anong klaseng problema ito? Ito ay tinatawag na pagiging mapanlaban. Ano ang ibig sabihin ng pagiging mapanlaban? (Ang pagiging salungat at puno ng poot.) Iyon ang literal na kahulugan. Ang pagiging mapanlaban sa nagkatawang-taong laman ng Diyos ay pagiging mapanlaban sa mga positibong bagay at hindi pagmamahal sa mga positibong bagay. Nangangahulugan ito ng pag-iisip na: “Ikaw ay napakakaraniwan, napakanormal, at napakapraktikal; kahit ipinapahayag mo ang katotohanan, wala akong pakialam. Ayaw ko lang sa isang ordinaryo at normal na tao na nagpapahayag ng katotohanan. Ayaw ko sa positibong bagay na ito.” Dagdag pa rito, tumatanggap at sumusunod sa ilang tao ang Diyos na nagkatawang-tao, tumatanggap sa Kanyang gawain, nakikinig sa Kanyang mga sermon, at gumagampan din ng kanilang mga tungkulin, pero palagi nilang sinisiyasat ang ordinaryong taong ito, ang Diyos na nagkatawang-tao: “Anong mga kakulangan ang mayroon ka, at anong mga problema ang mayroon ka? Mayroon bang anumang bagay tungkol sa iyo na magagamit ko laban sa iyo? Dapat kong tukuyin ang iyong mga problema, at hanapin ang mga kapintasan sa iyong pagkatao.” Sa sandaling makatuklas sila ng isang bagay na itinuturing nilang isang problema, nagiging isang malaking isyu ito para sa kanila. Nagsisimula silang magkaroon ng mga kuru-kuro, pero hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito, ni hindi sila naghahanap ng sinuman na makakabahaginan; sa halip, pinalalaki nila ang problemang ito nang walang limitasyon sa kanilang puso. Tinatrato nila ang nagkatawang-taong laman ng Diyos tulad lang ng pagtrato ng isang hukom sa isang kriminal, nagpapasya sa kanilang puso: “Anuman ang gawin mo, mali ito. Kahit pa kaya mong ipahayag ang katotohanan at kaya mong magtustos ng buhay sa tao, ikaw pa rin ang puntirya ng aking pagkamapanlaban. Sino ang nagsabi sa iyo na maging isang ordinaryong tao? Ang pagiging isang ordinaryong tao ay nangangahulugang hindi ka makakalusot sa akin.” Bagama’t natanggap na nila ang yugtong ito ng gawain at binibigyan ito ng magandang pakinggan na paglalarawan sa pagsasabing sumunod sila sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, tinanggap ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos, at tinanggap ang pagliligtas ng Diyos sa ilalim ng pangalang ito ng Diyos, hindi nila nahanap ang sarili nilang tamang posisyon, ni hindi nila inako ang kanilang tamang posisyon. Anong posisyon ang inaako nila? Inaako nila ang posisyon ni Satanas; tinatrato nila ang Diyos mula sa posisyon ng mga walang pananampalataya at mga hindi mananampalataya. Ito ay isang posisyon ng paghahanap ng kamatayan, at isa rin itong landas ng paghahanap ng kamatayan. Para naman sa mga hindi mananampalataya, mga walang pananampalataya, at mga diyablo at mga Satanas na iyon, kapag sinabi mo sa kanila na ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at itinutustos ng Diyos ang katotohanan, na ang mga salita ng Diyos ay pawang katotohanan, at na kaya ng mga itong tulutan ang tao na magtamo ng kaligtasan, pasalita nila itong kinikilala, pero kalaunan, pagkatapos makarinig ng ilang negatibong propaganda at walang batayang mga tsismis na nakadirekta sa Diyos na nagkatawang-tao, itinatanggi nila ang Diyos at hindi na Siya tinatanggap. Paano naman ang mga tao sa iglesia? Ang ilang tao ay nakinig din sa mga sermon, gumampan din sa kanilang mga tungkulin, at sumunod din sa Diyos hanggang ngayon, pero sa kanilang pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao, tulad lang ng mga hindi mananampalataya at mga diyablo at mga Satanas na iyon, palagi rin nila Siyang sinisiyasat, nagkikimkim ng paglaban sa Kanya sa kanilang puso, nagkakaroon ng mga kuru-kuro at hindi kailanman bumibitiw o lumulutas sa mga ito. Malinaw na ito ay pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao bilang isang kriminal, habang umaasal sila na parang mga hukom na gustong magtaguyod ng katarungan. Mayroon bang katarungan ang mga tao? Wala man lang taglay na pagiging patas o pagkamakatwiran ang mga tao. Sa pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao sa ganitong paraan, inaako ng mga tao ang maling posisyon. Kung tunay mong kinikilala na ikaw ay isang tagasunod ng Diyos at isang nilikha, kung gayon ay dapat mong tingnan ang Diyos na nagkatawang-tao mula sa perspektiba ng isang nilikha. Kung tunay kang handang maging isa sa mga nilikha ng Diyos, kung gayon ay huwag mong gamitin sa iyong pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao ang uri ng tingin at saloobin na ginagamit ng isang hukom sa isang kriminal. Hindi Siya isang tao para husgahan mo, ni hindi Siya isang makasalanan sa iyong paningin. Gaano man kanormal at kapraktikal ang Kanyang pagkatao at ang Kanyang panlabas na anyo—kahit pa, sabihin na nating, may mga bahagi ng mga pagbubunyag ng Kanyang pagkatao na itinuturing mong hindi kapansin-pansin, o na nararamdaman mo pa ngang mga kapintasan—hindi Siya isang makasalanan. Kahit pa mayroon Siyang mga kapintasan, hindi iyon katiwalian; hindi nito naaapektuhan ang Kanyang pagpapahayag ng katotohanan, hindi nito naaapektuhan ang Kanyang pagliligtas sa iyo, at hindi nito naaapektuhan ang Kanyang paggawa sa sariling gawain ng Diyos. Siya pa rin ang pagsasakatawan ng Diyos sa lupa; Siya ang kinatawan ng Diyos sa lupa, at hindi magbabago ang Kanyang pagkakakilanlan. Kung igigiit mo na tingnan Siya ayon sa sarili mong mga hinihingi at pananaw, at hindi mo tatratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao mula sa perspektiba ng isang nilikha, kung gayon ay nasa malaking panganib ka at malamang na tumahak ka sa landas ng isang anticristo. Sa madaling salita, wala ka man lang anumang pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Hindi ba’t ito ang mangyayari? (Oo.) Samakatwid, pagdating sa kung paano mo tinatrato ang Diyos na nagkatawang-tao, gaano man kamakatwiran ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon sa tingin mo, at gaano man kalubha ang negatibong propaganda at walang batayang mga tsismis na naririnig mo, dapat kang mag-isip nang mabuti at gumamit ng pagkilatis, at dapat mong panghawakan ang mga pananaw at paninindigan na dapat taglayin ng isang nilikha. Tulad lang ito noong unang nagkatawang-tao ang Diyos—maraming ideya at kuru-kuro ang mga tao tungkol kay Jesus. Hindi Siya kilala ng mga tao, at hindi nila batid na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Siyempre, noong panahong iyon, ganap na walang alam ang mga tao sa katotohanan tungkol sa pagkakatawang-tao; wala silang ideya tungkol dito kahit kaunti. Itinuring ng mga tao si Jesus bilang isang panginoon, bilang isang guro, bilang isang espirituwal na personalidad, o bilang isang propeta. Paano man Siya itinuring ng mga tao, hindi ito isinumbat ng Diyos sa kanila, dahil noong panahong iyon ay hindi pa nagpapahayag ng maraming katotohanan ang Diyos, at lalo nang hindi pa Niya ipinapahayag ang katotohanan tungkol sa pagkakatawang-tao. Sa kontekstong iyon, hindi kinondena ng Diyos ang mga tao sa pagkakaroon ng mga kuru-kuro, ideya, at pananaw na ito tungkol sa Kanya. Ituring mo man ang Diyos bilang isang propeta o bilang isang espirituwal na personalidad, hinding-hindi mo dapat ituring ang Diyos bilang iyong kaaway o siyasatin Siya at tratuhin Siya nang may pagkamapanlaban na para bang isa Siyang makasalanan. Hindi ka kinokondena ng Diyos dahil hindi mo Siya kilala, ni hindi Niya ito isinusumbat sa iyo, pero kung nakakatiyak ka na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos at mapanlaban ka pa rin sa Kanya, malubha ang kalikasan nito. Gaano man kanormal at kapraktikal ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, at gaano man Siya hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi umaayon sa mga hinihingi ng tao, dapat kang makatiyak na ang mga bagay na ito ay hindi katiwalian, at na hindi negatibong bagay. Kung hindi mo kayang tanggapin ang mga bagay na ito, ayos lang iyon; hindi kita pipiliting gawin iyon. Pero huwag kang maging mapanlaban sa Kanya, huwag kang maging salungat sa Kanya, at huwag mo Siyang siyasatin. Dapat kang magkaroon ng puso na naghahanap sa katotohanan, magkaroon ng pag-iisip na tumatanggap sa mga positibong bagay, at magkaroon ng pag-iisip na nagpapasakop sa Diyos. Kahit papaano, huwag mo Siyang siyasatin, huwag mo Siyang hamakin, at huwag kang maging mapanlaban sa Kanya. Pagkatapos, unti-unti mong hanapin ang katotohanan, lutasin ang iyong mga problema nang paunti-unti, hanapin ang iyong wastong posisyon, at akuin ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha para lutasin ang iyong mga problema sa bagay na ito. Dapat mo itong tandaan sa iyong puso: Ang sinusunod mo ngayon ay si Cristo, ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang pagsasakatawan ng Diyos sa lupa, at ang pagpapahayag ng Diyos sa lupa; ang hahangarin mo ay ang katotohanan, at ang tatamuhin mo ay kaligtasan; ang sinusunod mo ay hindi isang dakila o sikat na tao, hindi isang pulitiko, ni isang higit-sa-taong personalidad, at lalo nang hindi isang propeta o apostol; at anumang kuru-kuro o imahinasyon na mayroon ka tungkol sa Kanya, gayundin ang anumang hinihingi na nauugnay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon na hindi umaayon sa katotohanan, ay mali, at dapat mong lutasin ang mga pagkakamaling ito, at dapat mong bitiwan ang mga ito. Ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi isang propeta, isang apostol, o isang espirituwal na personalidad. Kung gayon, Siya ba ang inyong lider? (Hindi.) Bakit ninyo nasabi iyon? (Ang Diyos ay Diyos; ang Diyos ay ang Lumikha. Ginagawa ng mga lider ang tungkulin ng tao.) Ginagawa ng mga lider ang tungkulin ng pamumuno sa iglesia—ginagawa ba ng Diyos na nagkatawang-tao ang tungkuling ito? (Hindi, ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at itinutustos Niya ang katotohanan; ginagampanan Niya ang Kanyang ministeryo.) Ginagawa ng mga lider at manggagawa ang tungkulin ng pamumuno sa iglesia, habang ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang sariling gawain ng pamamahala ng Diyos. Nauunawaan ninyo ang puntong ito, hindi ba? (Oo.) Ibinabahagi Ko ang lahat ng ito para sabihin sa iyo na dapat mong itama ang iyong ugnayan sa Diyos na nagkatawang-tao. Hindi mo Siya nakatataas, hindi mo Siya superbisor, hindi mo Siya amo; hindi mo Siya doktor, at lalong hindi mo Siya guro o propesor; at, siyempre, hindi mo Siya lider. Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ang ginagawa Niya ay sariling gawain ng Diyos, at kinakatawan Niya ang Diyos Mismo. Samakatwid, ang gawaing ginagawa Niya ay hindi gawain ng isang nakatataas o amo. Hindi Siya gumagawa ng anumang propesyonal o teknikal na gawain, hindi Siya nagpapatakbo ng mga pabrika o nagtatayo ng mga institusyon, ni hindi Siya nagtitipon ng anumang uri ng grupo sa gitna ng mga tao. Ang ginagawa Niya ay sariling gawain ng pamamahala ng Diyos—ang pagpapahayag ng katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Ibig sabihin, ang mga katotohanang ipinapahayag Niya at ang gawaing ginagawa Niya ay ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at may kinalaman ang mga ito sa pamamahala ng Diyos. Hindi Siya isang espirituwal na personalidad, propeta, o apostol na ibinangon ng Diyos sa isang partikular na panahon ng isang partikular na kapanahunan, kundi sa halip ay ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Siya ang nagbubukas ng kapanahunan, na umaakay sa tao patungo sa susunod na kapanahunan, at kinakatawan Niya ang disposisyon at diwa ng Diyos sa kapanahunang ito. Matapos maibahagi ito, marami-rami sa inyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa nagkatawang-taong laman ng Diyos ang nalutas na, hindi ba? (Oo.) Ginagawa ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ang gawain ng isang kapanahunan, hindi ang gawain ng isang partikular na panahon; samakatwid, hindi Siya ang lider ng sangkatauhan, ni ang lider ng isang partikular na panahon, isang partikular na etnisidad, o isang partikular na rehiyonal na iglesia. Ginagawa Niya ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang gawaing ginagawa Niya ay may kinalaman sa pamamahala ng Diyos; wala itong kinalaman sa mga pangkalahatang usapin, administrasyon, tauhan, gawain, o buhay iglesia ng anumang partikular na iglesia. Samakatwid, hindi Siya isang lider ng tao, hindi ba? (Oo.)
Kung paano tratuhin ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, at kung paano lutasin ang mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, ay isang napakahalagang katotohanan na dapat maunawaan ng tao. Pangunahin tayong nagbabahaginan tungkol sa katotohanan at nilulutas ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon na mayroon ang tao sa pagtrato niya sa Diyos na nagkatawang-tao, gayundin sa iba’t ibang tiwaling disposisyon na ibinubunyag niya. Anong mga aspekto ang pangunahin na nating naibahagi? Ibuod ninyo ang mga ito. (Ang unang aspekto ay dapat tanggapin ng tao ang pagiging karaniwan, pagiging normal, at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, at bitiwan ang kanyang hinihingi na maging dakila at pambihira ang Diyos na nagkatawang-tao. Ang ikalawang aspekto ay dapat mapagtanto ng tao na kapag nagkakatawang-tao ang Diyos at pumaparito sa lupa, hindi Siya nakikibahagi sa mga proyekto ng tao, hindi Siya naghahangad ng isang propesyon sa gitna ng sangkatauhan o nagpapasimula ng isang uri ng kilusan, at hindi Siya kumikilos bilang isang politiko. Sa halip, isinasakatuparan Niya ang sariling pamamahala ng Diyos, pinamamahalaan ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan. Ang ikatlong aspekto ay dapat ilagay ng tao ang kanyang sarili sa tamang posisyon niya at tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao mula sa posisyon at perspektiba ng isang nilikha. Hindi dapat palaging maging mapagbantay, maghinala, magsiyasat, o maging mapanlaban ang tao laban sa Diyos, hinuhusgahan ang Diyos na nagkatawang-tao na para bang isa Siyang makasalanan; isa itong landas ng paghahanap ng kamatayan.) Kung hindi tayo nagbahaginan tungkol sa mga aspektong ito, mauunawaan ba ninyo ang mga ito sa pamamagitan lang ng pagbubulay-bulay at pagdanas sa mga ito nang kayo lang? (Mauunawaan lang namin ang ilang mababaw na doktrina, at ang mararanasan namin ay magiging lubhang limitado.) Kailangang masabi nang mas malinaw at mas payak ang mga salitang ito; hindi uubra ang anumang iba pang pamamaraan, dahil hindi ninyo magagawang maranasan o maunawaan ang mga ito nang kayo lang. Ilang aytem sa kabuuan ang naibuod? (Tatlo.) Mayroon pang isang aytem. Ipagpatuloy natin ang ating pagbabahaginan.
Paano kung, pagkatapos Kong magbahagi tungkol sa nilalamang ito, hindi mo pa rin kayang bitiwan ang iyong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao? Ito ba ay isang bagay na nangyayari? (Oo.) Dahil nangyayari ito, dapat tayong magbahaginan tungkol dito. Nakapakinig na ang ilang tao sa maraming sermon, at nakapakinig na rin sa mga katotohanan tungkol sa pagkakatawang-tao, pero hindi pa rin nila kayang bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Mayroong landas para lutasin ito. Kung nagkikimkim ka pa rin ng maraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at mayroon ka pa ring maraming di-makatwirang hinihingi sa Kanya—mga hinihingi na marahil pakiramdam mo ay napakawasto at napakamakatwiran—at kung palagi kang kumakapit sa iyong mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw at hindi mo kayang bitiwan ang mga ito, ni hindi ka handang bitiwan ang mga ito, kung gayon ay ano ang dapat mong gawin? Napakasimple ng solusyon: Dapat tumuon ka lamang sa pakikinig sa mga katotohanang ipinapahayag Niya, at huwag masyadong mag-isip tungkol sa ordinaryong taong ito o siyasatin Siya. Halimbawa, kung ano ang hitsura Niya, ilang taon na Siya, kung ano ang Kanyang personalidad, kung ano ang Kanyang pagkatao, kung ano ang Kanyang pang-araw-araw na gawain, at iba pa—isantabi muna ang lahat ng iba’t ibang aspektong ito tungkol sa Kanya, tungkol sa taong ito, at magkaroon ng maingat na saloobin, at tanggapin muna na Siya ang praktikal na Diyos na nagkatawang-tao. Bagama’t maaaring marami kang kuru-kuro, balewalain muna ang mga ito. Ang pagbabalewala sa mga ito ay isang pasibong saloobin. Ano, kung gayon, ang isang aktibong pamamaraan ng pagsasagawa? Ito ay ang paghugot sa lahat ng iyong lakas at paglalaan nito sa lahat ng sermon at pagbabahaginan, at paglalaan nito sa mga salita ng Diyos, at paghahanap sa katotohanan mula sa mga bagay na ito para makamit ang isang pagkaunawa sa katotohanan. Pagdating sa taong ito, sa Diyos na nagkatawang-tao, huwag mo Siyang siyasatin. Kahit pa siyasatin mo Siya hanggang sa kadulu-duluhan, wala kang makakamit mula rito. Kung hindi mo kayang tanggapin ang taong ito, ang Diyos na nagkatawang-tao, kung gayon ay masusing suriin at taimtim na basahin ang mga salitang ito na ipinapahayag Niya, at tingnan kung nakakatulong ang mga salitang sinasabi Niya at kung kapaki-pakinabang ang mga ito sa iyo; kung kaya ka nitong dalisayin at iligtas; at kung inilalantad ng mga ito ang iyong mga relihiyosong kuru-kuro, ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, ang iyong paghihimagsik laban sa Diyos, at ang iba’t iba mong tiwaling disposisyon. Kung inilalantad nga ng mga salitang ito ang gayong mga bagay, kung gayon ay isaalang-alang: Maiuugnay mo ba ang mga ito sa iyong sarili? Ang mga problema mo ba ang inilalantad? Batay ba sa katunayan ang paglalantad? Kapag natuklasan mo na talagang batay sa katunayan ang paglalantad, at tinatanggap mo ang mga salitang ito, at kinikilala mo na mayroon kang katiwalian, at kinikilala mo na—ito man ay isang kalagayan o isang partikular na uri ng disposisyon na inilalantad ng mga salitang ito—tama ang mga salitang ito at tumutukoy sa isang problemang mayroon ka, kung gayon ay huwag kang sumuko, kundi patuloy kang magbasa. Sa sandaling matapos ka sa pagbabasa at mapagtanto mo na mayroon kang mga tiwaling disposisyon at nagkikimkim ka ng pagkamapanlaban at paghihimagsik sa Diyos, kung gayon ay tingnan mo kung mayroong landas para lutasin ang mga bagay na ito, at alamin mo kung paano mo dapat lutasin ang mga ito. Una, hanapin ang mga positibong kaisipan at pananaw sa loob ng mga salitang ito na sinabi ng Diyos para lutasin ang iyong mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw at ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kung hindi mo mahanap ang mga ito nang ikaw lang, maaari kang humingi ng tulong sa mga kapatid sa paligid mo. Halimbawa, ipagpalagay na natuklasan mo na mayroon kang mapanlinlang na disposisyon. Kung gayon, tingnan mo kung mayroong landas para lutasin ang isang mapanlinlang na disposisyon sa loob ng mga salita ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Sabihin mo sa Akin, ano ang pinakasimple at pinakamadaling paraan para lutasin ang isang mapanlinlang na disposisyon? (Ang pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao.) Tama iyan, ang pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao—ito ang landas para lutasin ang isang mapanlinlang na disposisyon. Pagkatapos mahanap ang landas, dapat kang magsagawa. Kapag nagsasagawa ka, matutuklasan mo na ang pagiging isang matapat na tao—ang pagsasalita nang matapat at pagkakaroon ng matapat na saloobin—ay hindi madali. Kung babalikan mo ang mga salitang iyon ng Diyos na naglalantad sa mapanlinlang na disposisyon ng tao, matutuklasan mo na ang paglalantad ay napakatumpak, napakaangkop, napakapartikular, at napakalalim, at maiuugnay mo ang lahat ng ito sa sarili mong kalagayan. Kaya, ano ang dapat mong gawin sa sandaling maiugnay mo ito sa sarili mong kalagayan? Hindi ka dapat maging negatibo, kundi dapat mo itong harapin nang tama, at hanapin kung paano maging isang matapat na tao. Kung gayon, mayroon bang landas para maging isang matapat na tao? Malawakan itong binabanggit ng mga salita ng Diyos, sinasabi sa iyo kung paano maging isang matapat na tao at kung paano magsalita nang matapat. Naglalaman ang mga salita ng Diyos ng landas para sa kung paano ka dapat maging isang matapat na tao sa bawat uri ng sitwasyon, tulad ng habang gumagampan ng iyong tungkulin, nakikisalamuha at nakikisama sa ibang mga tao, o nakikipagtulungan sa iba. Kung magsasagawa ka ayon sa mga landas at prinsipyong sinabi sa iyo sa mga salita ng Diyos, nagsasanay sa pagsasalita nang matapat at paggawa ng matatapat na bagay, unti-unting magbabago ang iyong mapanlinlang na disposisyon. Kung hahanapin mo ang katotohanan at kikilalanin ang iyong sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at magsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, unti-unti at dahan-dahang magbabago ang mga tiwaling disposisyon sa loob mo. Magbabago rin ang iyong kalagayan, magbabago ang iba’t iba mong kuru-kuro at imahinasyon at mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw, at ang perspektiba, mga paraan, at mga pamamaraan ng pagtinging mo sa lahat ng uri ng mga bagay ay magiging iba kaysa noon. Dagdag pa rito, ang perspektiba at batayan sa pagkilatis at pagtukoy mo sa mga positibong bagay at mga negatibong bagay ay magiging iba rin kaysa noon. Dati mong itinuturing ang maraming bagay bilang mga positibong bagay, pero ngayon ay malinaw mong makikita na ang mga ito ay pawang mga negatibong bagay—ang iyong mga pananaw ay magiging ganap na iba kaysa noon. Dumanas ka lamang sa ganitong paraan, at unti-unti kang sasailalim sa mga pagbabago. Mayroon ding ilang partikular na usapin, tulad ng kung paano makipagtulungan nang may pagkakasundo sa iba, kung paano tingnan ang mga tao, kung paano tratuhin ang mga tao, at kung ano ang mga prinsipyo para sa pagtrato sa mga tao—ang lahat ng ito ay sinasabi sa mga salita ng Diyos. Inilalantad ng mga ito ang mga bagay-bagay mula sa isang negatibong perspektiba, habang nagbibigay rin ng gabay mula sa isang positibong perspektiba. Inilalantad ng mga ito ang mismong diwa ng problema at inilalarawan ang kalikasan nito, habang tinatalakay rin ang mga kahihinatnan ng paggamit ng isang partikular na pamamaraan, at sinasabi rin ng mga ito sa iyo ang mga katotohanang prinsipyo at mga landas ng pagsasagawa para sa paglutas sa ganitong uri ng problema. Siyempre, naglalaman din ang mga salitang ito ng ilang detalye, kabilang ang iba’t ibang kalagayan ng mga tao sa pagsasagawa ng katotohanan, at iba pa. Pagkatapos basahin ang mga salitang ito, tingnan mo kung nakakatanggap ka ng sustansiya at panustos sa loob mo. Kung, sa halip na siyasatin ang taong ito, ang Diyos na nagkatawang-tao, tutuon ka lang sa pagbabasa ng Kanyang mga salita at, sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, sa pag-unawa sa katotohanan at pagninilay sa iyong sarili, kung gayon ay tingnan mo kung magbabago ang iyong panloob na kalagayan, at tingnan mo kung naglalaman ng katotohanan ang mga salitang ito at kung pawang mga positibong bagay ang mga ito. Tingnan mo kung naglalaman ang mga salitang ito ng landas para sa buhay ng tao, kung kaya ng mga itong baguhin ang iyong buhay, kung kaya ng mga itong baguhin ang layon at direksyon ng iyong buhay, kung binibigyan ka ng mga ito ng tamang layon at direksyon sa buhay, at kung kaya kang bigyang-kakayahan ng mga ito na iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon at magtamo ng kaligtasan. Sa sandaling maranasan at maunawaan mo ang mga salitang ito, at sa huli ay may makamit ka, kung gayon, kapag muli mong isasaalang-alang ang taong ito—ang Diyos na nagkatawang-tao—magkakaroon ka ng ibang pananaw. Mararamdaman mo, “Paanong napakahangal ko noon? Bakit ako nagkaroon ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao? Dahil nakita kong hindi kapansin-pansin ang panlabas na anyo ng taong ito, at hindi pambihira kundi napakaordinaryo ng Kanyang pananalita, minaliit ko Siya, at sa aking puso ay binalewala at hinamak ko Siya, at naging mapanlaban pa nga ako sa Kanya. Ngayon, pagkatapos makamit ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang mga salita at pagdanas ng Kanyang gawain, kapag isinasaalang-alang ko muli ang taong ito, mas maganda na ang tingin ko sa Kanya. Wala na akong mga kuru-kuro na kasingdami ng dati, at sa pangkalahatan ay kaya ko na Siyang tratuhin nang tama. Bagama’t paminsan-minsan ay nakakabuo pa rin ako ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya sa aking puso, hindi na nito naaapektuhan kung paano ako sumusunod sa Kanya at nagpapasakop sa Kanya, at bumuti na ang saloobin ko sa Kanya.” Dati mong minamaliit ang taong ito sa iyong puso, iniisip mo, “Siya kaya ang Diyos? Ang mga salitang iyon ay sinabi ng Diyos; ano ang kinalaman ng mga ito sa taong ito?” Ngayon mo lang nakikita kung gaano kaisip-bata, kabaligho, at kakatawa-tawa ang ganoong uri ng pag-iisip, at dulot ito ng kahangalan at kamangmangan ng tao, at ng katiwalian ng tao. Gaya ng nakikita mo, nagbago na ang iyong pananaw sa taong ito, ang Diyos na nagkatawang-tao. Saan ito nakabatay? Batay ito sa katunayan na ang batayan mo sa pagtingin sa maraming bagay ay ganap nang nagbago; ang batayan ng pagkilatis at pagsukat mo sasa tama at mali at ang pagiging positibo at pagiging negatibo ng mga bagay-bagay ay iba na kaysa noon. Tama na ngayon ang iyong batayan, at kaya mo nang sukatin ang ilang bagay sa tunay na buhay na malapit na nauugnay sa iyo, at sa Diyos na nagkatawang-tao, ayon sa mga salita ng Diyos, taglay ang katotohanan bilang iyong pamantayan. Kapag muli mong isasaalang-alang ngayon ang taong ito, pakiramdam mo ay hindi na Siya gayon kawalang-halaga, hindi na gayon hindi karapat-dapat sa iyong pansin, at nakikita mo na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, na ang normal na pagkataong taglay Niya ay walang mga tiwaling disposisyon, at ang isinasabuhay Niya ay pawang ang katotohanang realidad—ito mismo ang wangis ng tao na dapat nating tularan at dapat nating isabuhay. Sa sandaling sumailalim ka sa pagbabagong ito, hindi ka na magiging mapanlaban sa Kanya o tatanggi sa Kanya sa iyong puso. Hindi ba’t isa itong magandang pagbabago? (Oo.) Isa itong magandang pagbabago. Kaya, saan nagsisimula ang magandang pagbabagong ito? (Sa pagdanas at pagsasagawa ng mga tao sa mga salita ng Diyos, para pagkatapos ay unti-unting pagkilala na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, na maaaring magdulot ng pagkakataon para bumuti ang kanilang mga buhay at ng pagbabago sa kung paano nila tinitingnan ang mga bagay-bagay. Isa itong pagbabago na nagmumula sa pagkakaroon ng ganitong uri ng pagkaunawa.) Sa sandaling sumailalim ka sa pagbabagong ito, samantalang dati ay maaaring nakita mo ang isang tao na palaging nagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao at inisip mo na masyado siyang taong totoo at masyadong kaawa-awa—na hindi siya tanggap sa lipunan—at hindi ka sana handang makisama sa gayong tao, paano mo tinitingnan ang mga bagay-bagay ngayon? Ngayon ay nakikita mo na ang taong ito ay matapat, may konsensiya, may mabuting puso, at naghahangad ng mga positibong bagay. Nakikita mo siya bilang isang positibong personalidad at isang mabuting tao, at handa kang makisama sa mga taong tulad niya. Natutunan mo nang mahalin ang mga positibong bagay, at napagtanto mo na ang orihinal mong minahal at itinuring na mga positibong bagay ay mga negatibong bagay, at na baluktot ang iyong mga pananaw sa mga bagay-bagay. Gayundin, nagbago na rin ang iyong pananaw sa Diyos na nagkatawang-tao. Noong una, inisip mo na ang ordinaryo at normal na taong ito ay hindi karapat-dapat banggitin. Kinilala mo kung gaano kadakila ang mga salita ng Diyos at kung gaano kadakila ang katotohanan, pero hinamak mo ang taong ito. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salitang ito, iba na ngayon ang iyong pananaw, at ang mga paraan, mga metodo, at batayan mo sa pagtingin sa mga bagay-bagay ay pawang iba na. Kapag muli mong isasaalang-alang ngayon ang taong ito, iisipin mo, “Bagama’t Siya ay ordinaryo at normal, kaya Niyang ipahayag ang katotohanan. Nakagawa Siya ng gayon kadakilang gawain nang hindi umaangkin ng papuri, ni hindi Siya nagmamataas o nagtataglay ng marangyang kilos ng mga dakilang personalidad at mga sikat na tao na may katayuan sa mundong walang pananampalataya. Napakapambihira nito! Sadyang naiiba ang Diyos na nagkatawang-tao sa tiwaling sangkatauhan! Kung sumusunod ako sa isang dakilang personalidad, isang sikat na tao, o isang higit-sa-taong personalidad sa mundo, makakatanggap ba ako ng ganitong uri ng pagtrato? Magagawa ko bang mapalapit sa kanila? Bibigyan ba nila ako ng anumang pansin?” Nakikita mo, iba na ngayon ang iyong saloobin, hindi ba? Natanggap mo na ang pagiging karaniwan, pagiging normal, at pagiging praktikal ng nagkatawang-taong laman ng Diyos sa antas ng doktrina, at nasimulan mo nang kilalanin ang Diyos. Sa antas ng doktrina, nasimulan mo nang maramdaman na isa itong positibong bagay, hindi isang negatibong bagay, at hindi ito dapat kondenahin o hamakin ng sangkatauhan, kundi sa halip ay isa itong bagay na dapat tularan at pahalagahan ng tao. Isa ba itong malaking pagbabago? (Oo.) Kung aasa ka sa lakas ng tao para magtamo ng kaalaman at mag-aral ng teolohiya, at sisiyasatin mo ang ordinaryong taong ito, ang Diyos na nagkatawang-tao—kung palagi mo Siyang sisiyasatin, magiging mapanlaban sa Kanya, at tatanggihan Siya, pero sadyang hindi mo babasahin ang Kanyang mga salita o tatanggapin ang mga katotohanang ipinapahayag Niya at ang Kanyang mga kaisipan at pananaw sa iba’t ibang bagay, malulutas ba ang mga problema mong ito? Sasailalim ka ba sa ganoong uri ng pagbabago? (Hindi.) Tiyak na hindi ka magbabago sa ganoong paraan. Nakikita mo, kung kukunin ang mismong parehong tao, kapag tinatanggap nila ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas, at ang buhay nila ay puno ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas at mga satanikong tiwaling disposisyon, ang saloobin nila sa mga positibong bagay ay saloobin ng paghamak sa mga ito at pagiging mapanlaban sa mga ito. Bakit ganito? Mayroon silang mapagmataas na disposisyon at buktot na disposisyon; mayroon silang disposisyon na nasusuya sa katotohanan, at isang disposisyon na matigas ang kalooban. Kapag taglay nila ang mga disposisyong ito ni Satanas, hinahamak nila ang mga positibong bagay at mapanlaban sila sa mga ito, at itinataboy at kinokondena pa nga ang mga ito. Gayumpaman, kapag tinatanggap mo ang katotohanan at tinatanggap ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na nagmumula sa Diyos, maaaring magsimulang magbago ang iyong pananaw sa mga positibong bagay at maging iba kaysa noon kahit bago ka pa magtamo ng kaligtasan. Pagkatapos, kapag nagsimula nang mag-ugat at sumibol ang mga salita ng Diyos sa loob mo at malapit nang maging buhay mo, ang iyong saloobin sa mga positibong bagay ay hindi na ang saloob ng pagtanggi sa mga ito, kundi sa halip ay saloobin ng pagkakaroon ng kaunting pag-aasam at pagmamahal sa mga ito. Pagkatapos, kung patuloy mong hahangarin ang katotohanan, at patuloy mong hahanapin ang katotohanan, isasagawa ang katotohanan, at daranasin ang mga salita ng Diyos, hindi ba’t magagawa mong maunawaan ang katotohanan at isagawa ang katotohanan? Hindi ba’t mas malamang na hindi ka na maiimpluwensiyahan at makokontrol ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas o ng mga tiwaling disposisyon? (Oo.) Magkakaroon ka ng higit pang pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao. Noong una, nakita mo ang taong ito bilang hindi kapansin-pansin. Kapag may sinabi Siyang isang bagay na hindi naaayon sa iyong mga kuru-kuro o kapag nakaramdam ka ng pagtutol tungkol sa pagpapatnubay Niya sa iyong gawain, hahamakin mo Siya. Iisipin mo na nauunawaan lang Niya ang katotohanan at kaya Niyang ipahayag ang katotohanan, pero hindi Siya lubos na edukado o bihasa, at kaya hindi mo tatanggapin ang Kanyang mga payo at tulong. Ngayon, matapos maunawaan ang mga katotohanang ito sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong saloobin? (Hindi.) Maaaring naghihimagsik ka pa rin laban sa Kanya, tumatangging magpasakop sa Kanya, o nakakaramdam ng paglaban sa Kanya, o maaari mong balewalain ang Kanyang mga salita, o maaari kang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa isang partikular na hinihingi Niya at makaramdam ng pagtutol. Gayumpaman, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng iyong subhetibong kahandaan at kamalayan, ang iyong saloobin sa Kanya ay nakakiling na sa pagiging handang magpasakop. Mula sa iyong puso, kinikilala mo na ang Kanyang mga salita ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Pakiramdam mo ay hindi ka nagkamali sa iyong pananampalataya, at ang Siyang sinusunod mo ay ang mismong praktikal na Diyos na nagkatawang-tao, hindi isang tao lamang. Sa ganitong paraan, hindi ba’t nag-ugat na ang pundasyon ng iyong pananampalataya sa Diyos? (Oo.) Ito ang ibig sabihin ng tunay na pagsunod sa Diyos. Mula sa pagsunod sa Diyos pagdating sa doktrina, anyo, at mga pasalitang pahayag, hanggang sa pagiging handang aktibong magpasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, magpasakop sa bawat salita ng Diyos, at magpasakop sa bawat partikular na hinihingi ng Diyos sa kalagayan ng isip at kamalayan—ano ang pinakamahalagang bahagi ng prosesong ito? (Ang pagdanas at pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos.) Dapat maranasan ng tao ang mga salitang ipinapahayag ng Diyos na nagkatawang-tao. Dapat mo munang tanggapin ang Kanyang mga salita, at pagkatapos ay magpasakop, dumanas, at magpahalaga sa mga salitang ito. Kapag naranasan at napahalagahan mo na ang mga salitang ito, at nakakatiyak ka na ang mga salitang ito ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, ang iyong pagkamapanlaban, panghahamak, pagtutol, at paghihinanakit sa Diyos na nagkatawang-tao ay unti-unting malulutas. Habang mas kinakain at iniinom mo ang Kanyang mga salita at habang mas nararanasan mo ang Kanyang mga salita, mas mauunawaan mo ang katotohanan at makikilala ang iyong sarili, at mas magiging madali na malutas ang iyong mga tiwaling disposisyon; at ang mga kuru-kuro at imahinasyon at mga di-makatwirang hinihingi na orihinal mong taglay sa Kanya ay mababawasan at maglalaho nang naaayon. Kapag pakaunti nang pakaunti ang iyong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at parami nang parami ang iyong tunay na kaalaman, at mayroon kang tunay na pagpapasakop sa praktikal na Diyos, nangangahulugan ito na mayroon kang tunay na pagpapasakop sa Diyos sa langit. Hindi ba’t ganito nga? (Oo.) Kung gayon, hindi ba’t malulutas ang isyu ng iyong pagpapasakop sa Diyos? (Oo.)
Sabihin ninyo sa Akin, mahalaga ba ang papel na ginagampanan ng Diyos na nagkatawang-tao? (Oo.) Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isang tulay para sa mga nilikhang tao upang makabuo sila ng isang normal na ugnayan sa Lumikha. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isang kailangang-kailangang koneksyon, at gumagampan Siya ng isang kailangang-kailangang papel. Bagama’t hindi nag-uulat ang Diyos na nagkatawang-tao sa Diyos sa langit, na sinasabi, “Si ganito-at-ganyan ay sinsero sa pagsunod sa Iyo, at si ganito-at-ganyan ay palaging mapaghimagsik at mapanlaban sa Iyo, at may masamang saloobin sa Iyo”—bagama’t hindi Siya gumagawa ng gayong mga ulat o nagpaparating ng impormasyong ito sa Diyos sa langit, sa Lumikha, bakit Ko sinasabi na kapag may kahandaan ang isang tao na magpasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, at may saloobin ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, ipinapakita nito na mayroon siyang pagpapasakop at may tamang saloobin sa Diyos sa langit? Ano ang koneksyon dito? Maipapaliwanag ba ninyo ito nang malinaw? Ano ang pangunahing punto rito? Kaya bang ganap na katawanin ng Diyos na nagkatawang-tao ang Diyos sa langit? Sa teorya, hindi Niya kaya, dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ay nalilimitahan ng Kanyang pagkatao at nalilimitahan ng iba’t ibang papel ng laman. Sa panlabas, hindi Niya taglay ang awtoridad at kapangyarihan, at lalo na ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, ng Diyos sa langit. Gayumpaman, mayroon Siyang isang bagay na kapareho sa Diyos sa langit. Alam ba ninyo kung ano ito? (Ang disposisyon, diwa, at buhay ng Diyos na nagkatawang-tao at ng Diyos sa langit ay pareho.) Teoretikal iyan—sa partikular, ano ang pagkakapareho Nila? (Kapwa taglay ng Diyos na nagkatawang-tao at ng Diyos sa langit ang katotohanan.) Tama iyan. Ang maaaring makita ng tao ay ang katunayan na ang lahat ng sinasabi at ginagawa kapwa ng Diyos sa langit at ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa ay ang katotohanan; Sila ay ganap na magkapareho sa usaping ito. Bakit ang ipinapahayag Nilang dalawa ay ang katotohanan? Ito ay dahil mayroon Silang iisang buhay diwa, at ang Diyos sa lupa—ang Diyos na nagkatawang-tao—ay nagtataglay ng buhay ng Diyos sa langit, at sa gayon, kaya Niyang ipahayag ang mga katotohanan ng Diyos sa langit. Kung gayon, bakit Ko sinasabi na kapag may kahandaan ang isang tao na magpasakop sa Diyos na nagkatawang-tao at may saloobin ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, kaya niyang magpasakop sa Diyos sa langit? Pag-isipan ninyo ito: Ano ang koneksyon dito? Ang pangunahing punto rito ay nakasalalay sa katotohanan. (Ang magawang tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan, sa katunayan, ay pagpapasakop sa Diyos sa langit.) Tama iyan. Kapag nagpapasakop ka sa Diyos, hindi ka nagpapasakop sa titulo ng Diyos, hindi nagpapasakop sa Kanyang pangalan, hindi nagpapasakop sa Kanyang katayuan; sa halip, nagpapasakop ka sa katotohanan. Ang Diyos ang pagsasakatawan ng katotohanan. Kung kaya mong magpasakop sa katotohanan, kung gayon ay kaya mong magpasakop sa lahat ng ginagawa ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, sa diwa ng Diyos, sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sa mga pagsasaayos ng Diyos, sa mga pag-oorden ng Diyos, sa mga pamamatnugot ng Diyos, at maging sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, at sa pagkondena at pagsumpa ng Diyos sa iyo. Ang Diyos at ang katotohanan ay iisa. Kung gayon, ano ang ipinapahayag ng Diyos na nagkatawang-tao? (Ang ipinapahayag ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang katotohanan.) Ang ipinapahayag Niya ay ganap na ang katotohanan. Dahil taglay Niya ang buhay ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang diwa ng Diyos, ang lahat ng ginagawa Niya sa tao at ang lahat ng ipinapahayag Niya ay ang katotohanan. Mismong dahil kaya Niyang katawanin ang Diyos sa langit at Siya ang pagsasakatawan ng Diyos sa langit, ang ipinapahayag Niya ay ganap na ang katotohanan; walang anumang pagdududa na tiyak ito. Kung kaya mong magpasakop sa katotohanan, kung gayon ay sabihin mo sa Akin, kaya mo bang magpasakop sa Diyos na nagkatawang-tao? (Oo.) Ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang katotohanan. Kung kaya mong magpasakop sa katotohanan, kung gayon ay sabihin mo sa Akin, kaya mo bang magpasakop sa Diyos sa langit? (Oo, kaya namin.) Ang sinasabi ng Diyos sa langit at ang ipinapahayag ng Diyos sa lupa ay magkatugma. Gaano man magkaiba ang Kanilang anyo, ang pagpapamalas ng Kanilang buhay ay ganap na magkapareho. Siyempre, ito ay pagsasalita sa malawak na pananalita. Paano natin ito dapat sabihin sa mga partikular na pananalita? Dapat nating sabihin na ang Kanilang mga opinyon at pananaw sa kung paano tratuhin ang lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay ay ganap na magkapareho, at pawang ang katotohanan, at partikular na ang mga pananaw, mga metodo, at mga pamamaraan ng paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa bawat bagay, ay ganap na kapareho ng sa Diyos sa langit. Ito ay isang bagay na dapat mong makita nang malinaw. Mayroon bang anumang mga kontradiksyon sa pagitan ng sinasabi at ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao at sa sinasabi at ginagawa ng Diyos sa langit? Halimbawa, may isang pananaw ang Diyos sa langit sa isang partikular na usapin, pero ang Diyos na nagkatawang-tao ay bumubuo ng isang bagong landas at nakakaisip ng isang bagong pananaw na may ilang pagkakaiba sa pananaw ng Diyos sa langit—maaari ba itong mangyari? (Hindi.) Tiyak ba na hinding-hindi ito mangyayari? (Oo.) Ito ay absoluto. Hinding-hindi mangyayari ang gayong mga pagkakamali; hinding-hindi mangyayari ang gayong mga kontradiksyon. Halimbawa, minamahal ng Diyos sa langit ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha, at pinahahalagahan at pinagmamalasakitan Niya ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha. Kapag pumaparito ang Diyos sa laman, kung gayon, wala ba Siya ng mga damdaming ito, at wala ba Siya ng ganoong mataas na perspektiba at kalagayan, hindi pinahahalagahan ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, hindi pinakaiingatan ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos, at lalo nang hindi nagmamalasakit sa sangkatauhang nilikha ng Diyos? Posible bang mangyari ang problemang ito? (Hindi.) Ang buhay ng Diyos na nagkatawang-tao ay buhay ng Diyos, na nangangahulugang taglay Niya ang diwa ng Diyos. Bawat tao ay may buhay. Ang lahat ng kanyang mga kilos at gawa, at ang lahat ng kaisipan, pananaw, at prinsipyo ng paggawa ng mga bagay na binubuo niya, ay pinamamahalaan at ginagabayan ng kanyang buhay. Ang uri ng buhay na mayroon siya ang nagpapasya sa mga kaisipan at pananaw na ipinapakita niya. Ang taglay ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang buhay ng Diyos. Kaya, hindi ba’t ang mga kaisipan at pananaw na ipinapakita Niya ay pawang nauugnay sa katotohanan, at hindi ba’t ang mga ito ay pawang ang katotohanan? (Oo.) Kung gayon ay lalo itong totoo para sa Diyos sa langit. Partikular ba ang pagbabahaginan sa ganitong paraan? (Oo.)
Kakabanggit lang natin na ang pagpapasakop sa katotohanan ay pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao. Kung ganoon, kapag may kahandaan ang isang tao na magpasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, at may saloobin ng pagpapasakop sa Kanya, hindi siya malayo sa pagpapasakop sa Diyos o sa pagtatamo ng kaligtasan, hindi ba? (Hindi.) Marahil ay sabihin ng ilang tao, “Bakit Mo sinasabi na ang Iyong sarili ay gayon kataas?” Hindi sa Ako ay mataas, kundi ang katotohanan ang mataas. Hindi Ko hinihingi sa iyo na magpasakop sa Aking persona, ni hindi Ko hinihingi sa iyo na magpasakop sa Aking personalidad, sa Aking paraan ng pamumuhay, o sa Aking mga personal na interes at kagustuhan. Hinihingi Ko sa iyo na magpasakop sa katotohanan. Hangga’t nagpapasakop ka sa katotohanan, at sa katotohanan ay mayroon kang saloobin ng pagpapasakop at mentalidad ng pagpapasakop, kung gayon ay magagawa mong makamit ang pagpapasakop sa Diyos sa langit. Sa sandaling makamit mo ang pagpapasakop sa Diyos sa langit, magkakaroon ka ng pag-asa na magtamo ng kaligtasan. Higit pa rito, ang pagpapasakop na ito ay hindi ang pagpapasakop ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at hindi ito isang artipisyal na pagpapasakop, ni hindi ito pagsunod sa isang uri ng awtoridad; sa halip, ito ay pagpapasakop sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, sa sambahayan ng Diyos, si Cristo ang may hawak ng kapangyarihan.” Sinasabi Ko na kalahati lang ang nakuha mong tama. Ang pagsasabi lang na “si Cristo ang may hawak ng kapangyarihan” ay nagpapamukha na ang Aking persona ang Siyang may huling pasya. Hindi Ako ang inyong lider, ni hindi Ko pinangangasiwaan ang lahat ng aspekto ng gawain ng iglesia sa pangkalahatan—paanong mangyayari na Ako lang ang may huling pasya? Ang pahayag na “si Cristo ang may hawak ng kapangyarihan” ay teoretikal na tama, pero hindi ito sapat na mahigpit; sa tumpak na pananalita, ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan. Ano ang ibig sabihin na ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan? Nangangahulugan ito na ang mga prinsipyo, pamantayan, direksyon, at layon na ating pinagbabatayan sa pagsukat sa bawat tao at sa lahat ng usapin, at pinagbabatayan natin sa paggawa ng lahat ng bagay, ay ganap na nakabatay sa katotohanan. Ang pagsasabing nakabatay ito sa katotohanan ay isang medyo malawak na paraan ng pagsasabi nito. Sa partikular, nangangahulugan ito na ang mga bagay na ito ay ganap na nakabatay sa iba’t ibang katotohanan at iba’t ibang salita na ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao. Naglalaman ang mga salitang ito ng isang detalyadong paghihimay at paglalantad sa bawat usapin, gayundin ng mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa paggawa ng lahat ng bagay. Siyempre, kung titingnan ang paghihimay at paglalantad sa bawat usapin, gayundin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, bawat kabanata ng mga salita ng Diyos ay nagbabahagi ng isang aspekto ng katotohanan. Samakatwid, anuman ang mga problemang lumitaw sa iglesia o anumang mga ng tiwaling disposisyon ang ibinubunyag ng mga indibidwal, ang lahat ng ito ay maaaring malutas ayon sa mga salita ng Diyos. Ang mga prinsipyo para sa pangangasiwa sa lahat ng uri ng mga bagay at paggawa ng lahat ng uri ng mga bagay ay ganap na nakabatay sa mga salita ng Diyos. Sa malawak na pananalita, nakabatay ang mga ito sa katotohanan; sa mas partikular at tumpak na pananalita, nakabatay ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Kaya, sino ang may hawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia? (Ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan.) Ang iglesia ay wala sa ilalim ng pasya ng sinumang iisang tao, ni hindi ito kinokontrol ng sinumang iisang tao, lalo nang hindi ito itinatag ng sinumang iisang tao. Sa halip, itinatag ito ng Diyos; isa itong iglesia na itinayo ng Diyos, at gawa ito ng Diyos. Sa huli ay pinangangasiwaan ng iglesia ang lahat ng uri ng mga bagay batay sa mga salita ng Diyos at batay sa katotohanan—ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan. Dahil ang katotohanan ang may hawak ng kapangyarihan, masasabi ba na ang Diyos ang may hawak ng kapangyarihan, at ang Banal na Espiritu ang may hawak ng kapangyarihan? Ang mga pahayag na ito ay pawang tama, hindi ba? (Oo.) Ang paghawak ng katotohanan sa kapangyarihan ay maaari ding mangahulugan na ang mga salita ng Diyos ang may hawak ng kapangyarihan, at na ang awtoridad ng Diyos ang gumagawa. Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay kung saan gumagawa ang awtoridad at karunungan ng Diyos. Nakikita mo, sa detalyadong pagpapaliwanag nito sa ganitong paraan, mauunawaan ninyo ang lahat ng ito.
Sa sandaling maayos mong maarok at ganap na maunawaan kung paano ipoposisyon ang taong ito—ang Diyos na nagkatawang-tao—kaugnay ng katotohanan at ng Diyos sa langit, unti-unti mong mabibitiwan ang iyong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, ang mga ito man ay mga karaniwang kuru-kuro o mga espesyal na kuru-kuro. Ang mahalagang punto rito ay dapat mong hangarin ang katotohanan. Kung patuloy kang magsisikap sa pagsisiyasat sa taong ito at pagsubok na unawain Siya, ano ang tanging kongklusyon na maaari mong maabot? Iisipin mo na Siya ay isa lamang ordinaryong tao. Kung aabot ka sa gayong kongklusyon, hindi mahirap isipin kung ano ang magiging panghuling kalalabasan mo—wala itong magandang patutunguhan. Kung magkakaroon ka ng maraming kuru-kuro tungkol sa taong ito, sa Diyos na nagkatawang-tao, pero hindi ka sumusuko sa paghahangad sa katotohanan, at nagsisikap kang hanapin ang katotohanan sa Kanyang mga salita at sa mismong katotohanan, lulutasin ng katotohanan ang lahat ng iyong kuru-kuro. Kayang lutasin ng katotohanan ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao at ang iba’t iba niyang problema. Ang mga ito man ay mga problemang dulot ng mga tiwaling disposisyon o mga problemang dulot ng mga kuru-kuro ng tao—anuman ang problemang ito—hangga’t hinahangad mo ang katotohanan, malulutas ang lahat ng ito. Nakadepende lang ito sa kung kaya mong magsagawa sa ganitong paraan. Kung hindi ka magsasagawa, at hindi mo hahanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong mga problema, kahit pa manampalataya ka sa Diyos sa loob ng isandaang taon, mapupuno ka pa rin ng mga kuru-kuro, na mahihirapan kang bitiwan. Gaano ka man katagal sumunod sa Diyos, kahit pa hindi ka matiwalag o mapatalsik, at ginagampanan mo pa rin ang iyong tungkulin sa iglesia, hindi ka magiging isang tagasunod ng Diyos. Sa pinakamataas, magiging isa kang relihiyosong mananampalataya, isang kaibigan lang ng iglesia. Bagama’t hindi ka gumawa ng kasamaan, o nagdulot ng mga paggambala, o nagdulot ng mga panggugulo, at naging medyo tuso ka sa kung paano mo ginagawa ang mga bagay-bagay, nang walang sinumang nakakahuli sa iyo o nakakakuha ng alas laban sa iyo, at nang hindi ka rin napapaalis—mayroon pa ring dapat ipag-alala: Pagkatapos sumunod nang napakatagal, paanong wala kang kahit katiting na pagkakilala sa Diyos? Hindi mo pa natutukoy kung ang taong ito ay ang Diyos na nagkatawang-tao—hindi ba’t nakakaawa ito? Hindi mo pa natutukoy kung ang taong ito ay ang Diyos na nagkatawang-tao, at puno ka pa rin ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Ano ang ibig sabihin nito? Isa ba itong mabuting palatandaan o masamang palatandaan para sa iyo? (Isang masamang palatandaan.) Gaano kasama? Anong mga kahihinatnan ang idudulot nito? (Hindi namin makakamit ang katotohanan at buhay, at mawawalan kami ng pag-asang magtamo ng kaligtasan. Ang kalalabasan namin ay ang masawi.) Sinusunod mo ang Diyos na nagkatawang-tao, at nakatagpo mo ang dakilang pagkakataong ito ng paggawa ng Diyos para iligtas ang tao, subalit hindi mo nakamit ang katotohanan at buhay, at hindi ka nagtamo ng kaligtasan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t hangal ka? Nabigo kang sunggaban ang gayon kagandang pagkakataon—at hinayaan mo itong makawala; sa huli ikaw, isang nilikha, ay mauuwi sa wala. Hindi ba’t kaawa-awakaawa-awa ito? (Oo.) Dahil kaawa-awa ang pagtahak sa landas na ito, ano ang dapat gawin ng mga tao? Ang panahon kung kailan ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain ay isang espesyal na panahon, at para sa sangkatauhan ay isa rin itong napakagandang panahon; isa itong napakagandang panahon kung kailan magagawang makilala ng sangkatauhan ang Diyos, makilala ang Lumikha, at sa huli ay makapagtamo ng kaligtasan. Gayumpaman, kung ang tao, sa panahong ito, na nakagawa na ang Diyos ng napakaraming gawain at nakapagsalita ng napakaraming salita, ay hindi pa rin nakakamit ang katotohanan, kung gayon ay hindi masisisi ang Diyos. Hindi sa hindi ka inililigtas ng Diyos; kundi, ikaw mismo ay hindi nagpapahalaga sa pagkakataong ito, at hindi mo hinahangad ang katotohanan at hindi ka bumabalik sa kapamahalaan ng Lumikha sa panahong ito, at sa huli ay masasawi ka. Ibig sabihin, sa panahong ito ay hindi ka pa rin tumatahak sa landas ng kaligtasan, at humahantong sa ganap na pagsira sa pag-asa mong magtamo ng kaligtasan, kaya walang silbi ang pagsisisi pagsapit ng panahong iyon. Kung nagkikimkim ka pa rin ng maraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa taong ito, sa Diyos na nagkatawang-tao, at mayroon ka pa ring maraming di-makatwirang hinihingi sa Kanya, sa Aking paningin, sa katunayan ay hindi ito isang problema. Anuman ang uri ng mga kuru-kuro na mayroon ka, hangga’t hinahangad mo ang katotohanan, malulutas ang lahat ng ito. Ang ugat na sanhi ng pagkakaroon ng tao ng mga kuru-kuro at imahinasyon ay ang hindi niya pagkakilala sa Diyos at hindi pagkaunawa sa katotohanan, o ang kawalan niya ng anumang mga pagkakataon para makilala ang Diyos. Bukod pa roon, dahil sa paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan sa loob ng libo-libong taon, maraming kuru-kuro ang naitanim nang malalim sa puso ng tao, nagdudulot na ilayo niya ang kanyang sarili mula sa Diyos, at nagreresulta rin sa paulit-ulit niyang pagkamapanlaban sa Diyos. Sa mas partikular na pananalita, humantong ito sa pagkakaroon ng tao ng maraming kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, at sa pagkakaroon ng maraming di-makatwirang hinihingi sa Kanya. Sa katunayan ay napakalinaw na nakikita ng Diyos ang pag-iral ng lahat ng obhetibong katunayang ito, at pamilyar na pamilyar ang Diyos sa mga ito. Gayumpaman, hindi sinusukuan ng Diyos tao dahil mapanlaban ang saloobin niya sa Diyos at wala siyang saloobin ng pagpapasakop. Sa kabaligtaran, personal na nagkakatawang-tao ang Diyos at gumagawa sa isang grupo ng mga tao na tulad nito, ipinapahayag ang katotohanan para iligtas ang tao nang hindi inaalintana ang abalang nasasangkot, at ibinabahagi ang katotohanan nang may taimtim at di-natitinag na pasensiya para tulungan siyang maunawaan ang katotohanan at maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Ang panghuling layon ng taimtim at di-natitinag na pasensiya at masisidhing layunin ng Diyos ay hindi kasingsimple ng pagbibigay-kakayahan lang sa tao na sumamba sa Diyos; kundi, ito ay para bigyan siya ng pag-asa na sa huli ay mabuhay, at ng isang pagkakataon na gawin ito. Para makamit ng isang tao ang pagkakataong ito, ang kondisyon ay dapat niyang tanggapin ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang katotohanan bilang kanyang buhay, at maging isang bagong tao. Saka lang siya magiging kalipikado na mabuhay; saka lang siya magiging kalipikado na patuloy na mabuhay sa gitna ng lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Ito ang tanging hinihingi ng Diyos sa tao, at ito rin ang tanging kondisyon na itinakda Niya para sa tao. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, maging ito man ay ang Kanyang mga pormal na sermon o ang mga salitang ibinabahagi Niya at ang gawaing ginagawa Niya kasama ang mga indibidwal o mga partikular na pangkat sa mga ordinaryong panahon, sa katunayan ay mayroon lamang isang layunin para sa Diyos, iyon ay ang tulutan ang tao na makamit ang pagpapahalaga, pagtanggap, at pagkilala ng Diyos—ang Kanyang pagkilala na ikaw ay isang nilikha ng Diyos. Para sa Diyos, ang layunin ay para bigyang-kakayahan ang tao na makilala ang Lumikha at bumalik sa harap ng Lumikha. Ito mismo ang gawaing ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang nakamit na resulta ay ang pagbibigay-kakayahan nito sa tao na makilala ang Lumikha, at kinikilala rin ng Diyos ang tao; ito mismo ang gawaing ito. Dahil ang gawaing ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay napakahalaga at napakakapaki-pakinabang sa tao, nagdudulot sa kanya ng di-mabilang na pakinabang nang walang kahit katiting na pinsala, bakit kailangan mo palaging sumalungat sa Kanya? Bakit mo Siya palaging sinisiyasat at tinatrato nang may pagkamapanlaban? Nasa tao ang problema. Palagi mong sinisiyasat ang Kanyang buhay, sinisiyasat ang Kanyang personalidad, sinisiyasat ang Kanyang mga hilig at libangan, at bumubuo ng lahat ng uri ng mga kuru-kuro at imahinasyon, mga di-makatwirang hinihingi, at maging ng mga pagkondena tungkol sa bawat aspekto Niya. Para sa isang nilikha, ito ay isang bagay na hinding-hindi dapat mangyari kailanman. Hindi mataas ang mga hinihingi sa inyo ng Diyos na nagkatawang-tao. Dagdag pa rito, Ako ay isang tao na talagang lumulugar sa tama at talagang maayos ang pag-uugali. Hindi Ako kailanman nagkaroon ng anumang mga ambisyon na may kinalaman sa inyo. Hindi Ko hinihingi sa inyo na magpatirapa sa Akin, hindi Ko hinihingi sa inyo na dambanahin Ako, at hindi Ko hinihingi sa inyo na yumukod sa harap Ko, at lalo nang hindi Ko hinihingi na sundin ninyo ang bawat salita Ko. Ibinabahagi Ko lang ang katotohanan, dinidiligan at tinutustusan kayo ng katotohanan, ginagabayan at sinusuportahan kayo, inaakay kayo sa tamang landas, dinadala kayo sa harap ng Diyos, binibigyang-kakayahan kayong makaunawa sa katotohanan, at binibigyang-kakayahan kayong tanggapin ang katotohanan at magpasakop sa katotohanan, sa huli ay ginagawa kayong mga tao na ang katotohanan ang kanilang buhay, sa puntong iyon ay lubusan Ko nang magagawa ang Aking gawain at makokompleto ang Aking gampanin. Hindi ba’t nagdudulot ito sa inyo ng di-mabilang na pakinabang nang hindi nagsasanhi ng anumang pinsala? (Oo.) Kung hindi ka nakikinig sa mga katotohanang ipinapahayag Ko, kundi sa halip ay sinisiyasat mo Ako, at kinukutya, hinuhusgahan, at kinokondena pa nga Ako, kung gayon, hindi ba’t may problema sa iyong pagkatao? (Mayroon.) Isa ka bang tao na nagmamahal sa katotohanan? (Hindi.) Hindi Ako labis labis ang mga hinihingi Ko sa inyo, ni hindi rin Ako humihini ng anuman na wala sa lugar. Hindi Ko kailanman hinihingi sa inyo na yumukod sa pagsamba sa Akin, ni hindi Ko hinihingi na dambanahin ninyo Ako. Tinutustusan Ko kayo nang hindi humihingi ng anumang kapalit, at itinuturo Ko sa inyo ang landas ng buhay ng tao at ang landas ng kaligtasan. Kung palagi pa rin ninyo Akong sinisiyasat, kung gayon ay lubhang hindi iyon naaangkop. Mali na siyasatin mo ang anumang bagay tungkol sa Akin—iyon ay magiging pagpapamalas ng kawalan ng katwiran o pagkatao. Ang isang tunay na nilikha ay hindi sumisiyasat sa Diyos, ni hindi siya sumisiyasat sa katotohanan; sa halip, siya ay nagpapasakop at tumatanggap nang walang kondisyon. Sa prangkang pananalita: Palagi mo Akong sinisiyasat kapag nakatalikod Ako; subalit, hindi Ako namumuhay kasama mo, hindi Ako gumugugol ng araw at gabi kasama mo, at hindi Ko pinapahirap ang mga bagay-bagay para sa iyo—ano ba talaga ang makakamit mo sa paglalaan ng gayong pagsisikap sa pagsisiyasat sa Akin? Hindi kita pininsala, ni hindi kita kailanman kinontrol. Binibigyan kita ng sapat na kalayaan. Higit pa rito, ang idinidilig at itinutustos Ko sa iyo ay ganap na ang katotohanan, ganap na mga positibong bagay, at ganap na kapaki-pakinabang sa iyo. Kaya, bakit mo Ako palaging sinisiyasat? Ito ay isang bagay na dapat mong lutasin, at ang landas para lutasin ito, gaya ng kakasabi lang natin, ay kinapapalooban ng paggamit sa katotohanan. Nakikita mo, ang landas na ibinigay Ko sa inyo ay napakalinaw, hindi ba? Hindi ba’t naging sapat na ang pagiging tapat at sapat na ang pagiging mapagtimpi Ko sa inyo? (Oo, naging ganoon Ka.) Hindi kita kinokondena, at hindi Ko tinutukoy kung ano ang mangyayari sa iyo o kung ano ang magiging kinabukasan mo bilang resulta ng paggawa mo nito. Hinihingi Ko lang na hangarin mo ang katotohanan, at gamitin mo ang katotohanan para lutasin ang iyong mga problema. Anumang problema, anumang negatibong bagay, maging ito man ay isang negatibong kalagayan, isang pananaw o pamamaraan na hindi naaayon sa katotohanan, o maging ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos o ang iyong pagkamapanlaban sa Diyos—ang mga ito at marami pang iba ay pawang malulutas gamit ang katotohanan. Nakadepende lang ito sa kung kaya mong tanggapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan. Kung ikaw ay isang tao na may kaunting konsensiya at nagpapanatili pa rin ng isang partikular na antas ng pagkamakatwiran, dapat mong hangarin ang katotohanan. Hindi mo dapat isuko ang pagkakataong ito. Dapat mong ituon ang iyong pansin sa paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan, sa halip na sa pagsisiyasat sa taong ito, sa Diyos na nagkatawang-tao. Maaari mo Siyang siyasatin hanggang sa kadulu-duluhan at hindi mo pa rin makakamit ang katotohanan; ang aanihin mo sa huli ay hindi ang katotohanan. Sa kabaligtaran, habang mas sinisiyasat mo Siya, mas lalo kang napapalayo sa Diyos. Habang mas sinisiyasat mo Siya, mas lalong tumitindi ang iyong pagkamapanlaban sa Diyos. Hindi gusto ng Diyos kapag mapanlaban ang tao sa Kanya. Kung mayroon kang anumang mga problema, kahit pa napakalubha ng iyong mga tiwaling disposisyon, napakalubha ng iyong mga problema, at napakalubha ng iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, pero napakabuti ng iyong saloobin at mayroon kang kahandaang magpasakop sa Diyos, at sinasabi mo, “Gusto kong magpasakop sa Diyos. Hinahanap ko ang katotohanan nang may layuning lutasin ang aking mga kuru-kuro at imahinasyon, at lutasin ang aking mapanlabang saloobin sa Diyos. Nawa’y bigyang-liwanag ako ng Diyos”—kung mayroon kang ganitong uri ng saloobin, matatakot ka pa ba na hindi malulutas ang iyong mga problema? Napakadaling lutasin ng iyong mga problema. Kung ayaw mong lutasin ang mga ito, ibang usapan na iyon; magiging iba ang iyong sitwasyon, at hindi ka maaaring tratuhin bilang isang nilikha—ikaw ay magiging isang hiwalay na kategorya. Kaya anong iba pang kategorya iyon? Tumutukoy ito sa uri ng mga tao na susunod nating pag-uusapan: ang uri ng mga tao na ayaw lumutas ng kanilang mga kuru-kuro at ayaw bumitaw sa kanilang mga kuru-kuro.
Nahimay na natin kung anong kalikasan ito kapag ang isang tao ay palaging may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at naibahagi na rin natin ang landas sa pagbitiw sa mga kuru-kuro. Kung gayon, anong uri ng problema ang hindi pagnanais na bitiwan ang mga kuru-kuro ng isang tao? May mga taong ganito, hindi ba? (Oo.) Ang ilang tao ay desperadong kumakapit sa kanilang mga kuru-kuro at hindi nila bibitiwan ang mga ito. Iniisip nila, “Ang diyos na nagkatawang-tao ay isa lamang ordinaryong tao. Bagama’t kaya niyang magpahayag ng maraming katotohanan, tiyak na hindi niya alam kung ano ang ginagawa ko kapag nakatalikod siya. Kahit pa gumawa ako ng masasamang bagay, kaya kong itago ang mga ito sa kanya, at hindi ko kailangang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga bagay-bagay. Nakakatiyak ako na isa lamang siyang ordinaryong tao; hindi niya kaya, tulad ng Espiritu ng Diyos, na siyasatin ang lahat ng bagay o siyasatin ang kaibuturan ng puso ng tao. Wala siyang awtoridad ng Diyos, at lalong hindi niya taglay ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Bukod sa pagsasalita at pagpapahayag ng katotohanan at paggawa ng ilang gawain ng iglesia, wala na siyang iba pang kayang gawin, kaya hindi ako natatakot sa kanya, sasalungatin ko lang siya, gagawin ko lang kung ano ang gusto ko, at kahit pa hangarin ko ang kasikatan, pakinabang, at katayuan sa aking puso, hindi pa rin niya malalaman. Isa lamang siyang ordinaryong tao. Imposibleng siya ay Diyos. Kahit pa mayroon akong mga kuru-kuro tungkol sa kanya, wala siyang magagawa sa akin. Hindi ko siya maaaring ituring bilang Diyos sa aking puso.” Katulad lang ito ni Pablo noon. Sadyang hindi tinanggap ni Pablo ang Panginoong Jesus. Hindi niya tinanggap na ang Panginoong Jesus ay ang Anak ng buhay na Diyos, ni hindi niya tinanggap na ang Panginoong Jesus ay si Cristo. Hindi niya tinanggap ang mga katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus, ni hindi niya tinanggap ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus bilang Diyos. Tinrato lang niya ang Panginoong Jesus bilang isang ordinaryong tao, hindi man lang bilang isang apostol o isang propeta. Hindi niya tinanggap ang Panginoong Jesus, subalit gusto pa rin niyang magkamit ng mga pagpapala mula sa Kanya—hindi ba’t walang kahihiyan iyon? Ang ilang tao ay atubiling sumusunod sa iglesia upang matugunan ang kanilang pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, at upang matugunan ang kanilang pagnanais na magkamit ng katayuan, pero anuman ang mga kuru-kuro na mayroon sila, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Wala silang anumang kahandaan na tanggapin ang Diyos na nagkatawang-tao, at siyempre ay lalo silang walang kahandaang magpasakop, at lalong wala silang saloobin ng pagpapasakop. Ang gayong mga tao ay mga kaaway ng Diyos. Hindi lang sila sumasalungat sa Diyos na nagkatawang-tao, kundi higit pa roon, sumasalungat sila sa katotohanan. Ang katunayan ng pagkakatawang-tao ay mismong isang aspekto ng katotohanan, subalit sa kanilang puso ay itinatanggi nila ang katunayang ito. Sa kanilang puso, sadyang hindi nila kinikilala o tinatanggap ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, at hindi nila kinikilala na ang Diyos na nagkatawang-tao ay may buhay ng Diyos. Iniisip nila, “Ikaw ay isa lamang tagapagsalita, sinasabi ang anumang ipinapasabi sa iyo ng Diyos. Sa pinakamataas, ikaw ay tulad ng isang propeta. Kung hindi gagawin ng Diyos ang gawain, wala kang silbi!” Nagsasabi pa nga ang ilang tao ng mas masasamang bagay. Samakatwid, sa paningin ng mga taong tulad nito, ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi man lang isang apostol, isang propeta, o isang espirituwal na personalidad, kundi isa lamang ordinaryong tao na minamaliit ng iba. Hindi tinatanggap ng gayong mga tao ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ni hindi nila tinatanggap ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, at lalong hindi nila tinatanggap ang pagtustos ng buhay ng Diyos na nagkatawang-tao. Siyempre, lalong totoo na hindi nila tinatanggap ang lahat ng katotohanang ipinapahayag Niya. Kung gayon ay bakit nananatili pa rin sila sa sambahayan ng Diyos? Ito ay dahil mayroon silang mga ambisyon at mayroon silang pagnanais na magkamit ng mga pagpapala. Ang ilang tao ay may iba pang mga motibo sa iglesia, marahil ay para magpayaman sa ilalim ng proteksyon ng iglesia at magtamo ng mga pakinabang sa anumang paraan. Sa madaling salita, tiyak na may mga personal na ambisyon at motibo ang gayong mga tao. Hindi natin kailangang himukin ang gayong mga tao na tumanggap sa katotohanan, at walang anumang paraan para ibahagi ang katotohanan sa kanila upang lutasin ang kanilang mga problema. Ito ay dahil hindi nila minamahal ang katotohanan at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at dahil sa kanilang puso ay itinatanggi nila ang Diyos na nagkatawang-tao, at hindi nila kinikilala na si Cristo ay ang Diyos Mismo. Hindi kinikilala ng gayong mga tao si Cristo, kundi itinatanggi Siya; sila ay mga anticristo. Ang kanilang kalikasang diwa ay kalikasang diwa ng sa isang anticristo, at sila ay kauri ni Satanas. Hindi kailanman naniniwala ang gayong mga tao sa mga positibong bagay o kumikilala sa mga positibong bagay. Naniniwala lang sila sa katayuan, naniniwala lang sa pagkakaroon ng kakayahang magkakamit ng mga pagpapala mula sa Diyos, at naniniwala na ang Diyos sa langit ang makapagbibigay sa tao ng mga pagpapala at makapagbibigay sa tao ng isang magandang hantungan. Sa kanilang pananaw, kung gagawa ang Espiritu ng Diyos sa loob nila, magiging Cristo rin sila, magiging Diyos Mismo rin sila, maaari din nilang katawanin ang Diyos, at maaari din silang magkaroon ng buhay ng Diyos, tulad lang ng sinabi ni Pablo, “Sapagkat sa akin ang mabuhay ay si cristo” (Filipos 1:21). Ang diwa ng gayong mga tao ay kapareho ng diwa ni Pablo. Silang lahat ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at hindi sila yumuyukod kaninuman. Mayroon silang partikular na malalaking ambisyon at pagnanais, at hindi nila kailanman sineseryoso si Cristo. Gusto nilang maging kapantay ni Cristo, at gusto rin nilang taglayin ang pagkakakilanlan ni Cristo. Sa kanilang pananaw, hangga’t gagawa ang Diyos sa kanila, at hangga’t kaya nilang kontrolin ang iglesia at magkaroon ng katayuan, maaari silang maging Cristo; hangga’t sapat ang laki ng kanilang kapangyarihan, at hangga’t sapat ang lawak ng saklaw ng kanilang hurisdiksyon at mayroon silang sapat na mga tagasunod, maaari silang maging kapantay ni Cristo at maaaring magkaroon ng pagkakakilanlan na kapareho ng pagkakakilanlan ni Cristo. Sabihin ninyo sa Akin, para sa mga taong tulad nito, mayroon pa bang anumang pangangailangan na himukin silang tumanggap sa katotohanan at tumanggap sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Ganoon din ang palagay Ko, at ayaw Kong himukin ang gayong mga tao. Bakit hindi sila himukin? (Ang mga taong tulad nito ay may diwa na katulad ng diwa ng mga anticristo. Imposible para sa kanila na tanggapin ang katotohanan at tanggapin ang mga positibong bagay. Kaya hindi kailangangang himukin sila.) Sa panlabas ay antagonistiko sila kay Cristo, pero sa katunayan, kay Cristo lang ba sila antagonistiko? (Antagonistiko sila sa katotohanan.) Antagonistiko sila sa katotohanan, sa mga positibong bagay, at sa Diyos, hindi ba? (Oo.) Nagpahayag na ang Diyos ng napakaraming salita at ang lahat ng ito ay ang katotohanan—kinikilala ba ito ng mga taong ito? (Hindi.) Batay sa kanilang diwa, hindi nila ito kinikilala. Hindi nila kinikilala na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, ni hindi nila kinikilala na kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang tao, maaaring maging buhay ng tao, at maaaring tulutan ang tao na mabuhay. Hindi nila kinikilala na ang mga salitang ito na ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang katotohanan. Kaya, kinikilala ba nila na ang Diyos na nagkatawang-tao ay may buhay at diwa ng Diyos? (Hindi.) Dahil hindi nila kinikilala na ang Diyos na nagkatawang-tao ay may buhay at diwa ng Diyos, kinikilala ba nila ang buhay at diwa ng Diyos sa langit? (Hindi.) Dahil hindi nila kinikilala ang buhay at diwa ng Diyos sa langit, kinikilala ba nila ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos? (Hindi rin nila kinikilala iyon.) Dahil hindi nila kinikilala ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, kinikilala ba nila na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Hindi.) Dahil hindi nila kinikilala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, kaya ba nilang magpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos? (Hindi.) Dahil hindi nila kayang magpasakop, ano ang gagawin nila? Magpapakita sila ng pagtutol, at itatanggi nila ang Diyos at hahangaring palitan ang Diyos. Ang mga ito ang kanilang mga ambisyon at pagnanais, at ang lahat ng ginagawa nila ay naglalayong makamit ang layong ito at makamit ang resultang ito. Gusto lang ng gayong mga tao na humawak ng kapangyarihan sa iglesia, gustong palitan ang Diyos, at gustong kontrolin ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ang layunin nila sa pagtanggi sa Diyos ay para pigilan ang mga tao sa pagsunod sa Diyos; ang layunin nila sa pagtanggi sa lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos ay para ilayo ng mga tao ang kanilang sarili mula sa Diyos at sa halip ay sumunod sa kanila. Sila ay delusyonal na nagtatangkang palitan ang Diyos at sinusubukan nilang kunin ang lugar ng Diyos para sambahin sila ng mga tao, upang makamit ang kanilang layon na lalo pang ilihis at gawing tiwali ang sangkatauhan at kontrolin ang sangkatauhan. Ito ang kalikasang diwa ng mga tao na ganito ang uri—mga anticristo—at ito rin ang tunay na larawan na nakatago sa likod ng lahat ng kanilang mga kilos at gawa. Dahil mayroon silang disposisyon ng isang anticristo at mayroon silang satanikong kalikasang diwa, tiyak na magsasabi sila ng maraming bagay at gagawa ng maraming bagay para ilihis ang mga tao, bitagin ang mga tao, at kontrolin ang mga tao. Sa sandaling makapagtipon sila ng malaking bilang ng mga tagasunod sa ilalim nila at magkaroon sila ng sapat na mga puwersa, magsisimula silang gumawa ng gulo, nagpapakalat ng mga maling kaisipan at erehiya sa lahat ng dako, sinasabi nila, “Dahil ang nagkatawang-taong diyos na ito ay hindi gumagawa ng mga tanda at kababalaghan, at walang kakayahang magsiyasat ng lahat ng bagay, normal lang para sa amin na magkaroon ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa iyo. Marahil ay darating ang araw na titigil ka sa pagbigkas at pagsasabi ng mga salita, wala ka nang mga katotohanang ipapahayag, at makokompleto na ang iyong misyon, at pagkatapos ay wala ka nang magiging silbi. Kung gayon, kukunin namin ang mga salitang ito at magtatayo kami ng sarili naming hiwalay na kampo, bubuo ng sarili naming paksyon, at magtatatag ng hiwalay na base ng kapangyarihan. Kinikilala lang namin ang diyos sa langit, naniniwala lang kami sa diyos sa langit, sumusunod lang kami sa diyos sa langit, at sumasamba lang kami sa diyos sa langit. Nagtatapos dito ang misyon ng nagkatawang-taong diyos, kaya ang lahat ng ginawa niya ay nauuwi sa wala.” Kinukuha nila ang mga salita ng Diyos at nagtatayo sila ng sarili nilang hiwalay na kampo at bumubuo ng sarili nilang paksyon, lumilikha ng isang bagong denominasyon. Ang pangalan ng iglesia ay maaaring hindi Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos; maaari itong tawaging Ang Iglesia ng Pagkaalam sa Lahat o Ang Iglesiang Nagsasakatuparan ng Lahat. Kinukuha nila ang mga salitang ito ng Diyos at inaangkin ang mga ito bilang kanila. Papasa ba ito sa inyo? Sasang-ayon ba kayo rito? (Hindi.) Bakit hindi? Magkakaroon ba kayo ng karapatan na magkomento rito? Magkakaroon ba kayo ng karapatang gumawa ng mga pasya tungkol dito? (Maaari namin silang tanggihan at pagkatapos ay ilantad sila.) Paano ninyo sila ilalantad? Ano ang magiging partikular na landas ng pagsasagawa? (Ilalarawan namin sila ayon sa katotohanan. Batay sa diwa nito, ang kanilang pag-uugali ay katumbas ng pagtatatag ng isang nagsasariling kaharian at pagtatatag ng isang hiwalay na paksyon, delusyonal na nagtatangkang palitan ang Diyos—ibig sabihin, gusto nilang gamitin ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos para makuha ang puso ng mga tao. Ito ang diwa ng isang anticristo. Ititiwalag at masasawi kapwa ang mga sumusunod sa kanila at sila mismo.) Mayroong ilang partikular na landas ng pagsasagawa tungkol dito. Pagbahaginan natin ang mga ito.
Kapag kinukuha ng isang tao ang mga salita ng Diyos at inaangkin ang mga ito bilang kanya, nagsasagawa ng sarili niyang proyekto, paano dapat tingnan ang usaping ito, at paano ito dapat pangasiwaan? Pag-usapan muna natin kung paano titingnan at pangangasiwaan ang usaping ito mula sa perspektiba ng tao. Mula sa perspektiba ng tao, ang Unang Tomo hanggang Ikapitong Tomo ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay ipinahayag ng taong ito, ng Diyos na nagkatawang-tao. Kung gayon, ang mga ito ay Kanyang pribadong pag-aari. Ibig sabihin, Ako Mismo ang nagmamay-ari ng mga eksklusibong karapatan sa mga ito. Hindi pag-aari ng iglesia ang mga ito, ni hindi pag-aari ng anumang isang grupo ang mga ito, lalong hindi pag-aari ng mga tao ng anumang isang lahi ang mga ito. Pagdating sa pagmamay-ari, ang mga tomong ito ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay Aking pribadong pag-aari, at walang sinuman ang may karapatang bumili, magbenta, o mamahala sa mga ito. Pagdating sa kung sino ang may karapatang magpasya, Ako lang ang may karapatang maglaan sa mga ito; Ako lang ang may karapatang magpasya kung sino ang makakabasa sa mga aklat na ito at kung sino ang hindi, at kung libre ba ang mga ito o may bayad. Kung palihim mong kukunin ang mga aklat na ito, ano ang turing doon? (Pagnanakaw.) Itinuturing itong pagnanakaw, pang-uumit. Kung palihim mong kukunin, bibilhin, o ibebenta ang mga aklat na ito ng mga salita ng Diyos nang walang Aking pahintulot, o gagamitin mo ang mga ito para kunin ang loob ng mga tao at magpalawak ng sarili mong kapangyarihan, katumbas ito ng pagnanakaw. Ang pagnanakaw ay isang ilegal na gawain, at isa itong krimen sa ilalim ng batas. Maaari kitang kasuhan, o maaari Kong bigyang awtoridad ang Iglesia na kasuhan ka; maaari natin itong lutasin sa pamamagitan ng mga legal na pamamaraan. Ito ay dahil kumuha ka ng mga pribadong gamit na pag-aari Ko nang walang Aking pagsang-ayon o awtorisasyon, at ginamit mo ang mga ito para magsagawa ng iyong mga personal na usapin, na itinuturing na pagnanakaw at ilegal sa ilalim ng batas. Ganyan titingnan at pangangasiwaan ang usaping ito mula sa perspektiba ng tao. Kung gayon, paano titingnan ang usaping ito mula sa perspektiba ng katotohanan? Ang katotohanan ay buhay, at ito ang daan; hindi ito isang bagay na makakamit mo sa pamamagitan lang ng pagkuha sa teksto ng mga aklat na ito. Ang katotohanan ay hindi isang islogan ni isang artikulo; hindi ito isang teorya ni isang piraso ng kaalaman. Ang katotohanan ay naglalayong maging buhay ng tao, ito ay para gabayan ang kanyang landas, at ito ay para bigyang-kakayahan siyang magtamo ng kaligtasan. Ang pagkuha sa mga aklat na ito at pag-angkin sa mga ito bilang iyo, sa isang banda, ay ilegal. Sa kabilang banda, ang pagkuha sa mga salita ng Diyos para magtayo ng sarili mong hiwalay na kampo, at paggamit sa mga ito para magsagawa ng sarili mong proyekto, ipagtanggol ang sarili mong katayuan, o makuha ang mga bagay na gusto mo—dapat mong malaman kung paano ito tinitingnan ng Diyos at kung paano Niya ito inilalarawan. Ang katotohanan ay buhay ng Diyos, hindi isang kalakal, at hindi pinapahintulutan ng Diyos ang mga tao na bilhin o ibenta ito. Ang katotohanan ay ang tubig ng buhay. Sa sandaling mauwi ito sa isang kalakalan, mauwi sa isang kalakal, hindi lang sa hindi gagawa ang Diyos, kundi hindi rin makakamit ng tao ang katotohanan, at higit pa rito ay hinding-hindi basta-basta palalampasin ng Diyos ang mga gumagawa ng gayong mga bagay. Kapag kinukuha ng isang tao ang mga salita ng Diyos at inaangkin ang mga ito bilang kanya, nagsasagawa ng sarili niyang proyekto, sa kalikasan, ano ang katumbas nito? Kapareho ito sa kalikasan ng pagsasabi ng Diyos na, “Ang Diyos ang Lumikha; nilikha ng Diyos ang sangkatauhan” at sa halip ay sinasabi ng sangkatauhan na, “Ang sangkatauhan ay hindi nilikha ng Diyos, kundi nag-evolve mula sa mga unggoy.” Kapag itinatanggi mo ang paglikha ng Diyos at itinatanggi ang awtoridad ng Diyos, hindi ka na isang ordinaryong tiwaling tao, kundi isang masamang diyablo na mapanlaban sa Diyos. Inilagay mo ang iyong sarili sa posisyong sumasalungat sa Diyos at hindi ka na mapagkakasundo sa Kanya. Sa paningin ng Diyos, ikaw ay si Satanas, ikaw ay isang diyablo. Hindi lang sa hindi ka Niya ililigtas, kundi ang parusa para sa mga taong tulad mo ay magiging kapareho ng kung paano pinangasiwaan si Pablo—walang hanggang pagkapahamak! Ang walang hanggang pagkapahamak ay ang pinakamalubhang parusa na mayroon sa espirituwal na mundo. Nangangahulugan ito ng pagpapasailalim sa walang hanggang parusa sa espirituwal na mundo, ang patuloy na maparusahan—mangangahulugan ito ng katapusan ng lahat para sa iyo. Kinuha at inagaw mo ang mga pag-aari ng Diyos, ginawa itong isang kalakal na bibilhin at ibebenta, na isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Dapat pagbayaran ng gayong mga tao ang halaga para sa kanilang mga kilos; parehong tatratuhin nang magkapareho ang mga pangunahing salarin at mga kasabwat—hinding-hindi sila basta-basta palalampasin! Ito ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao, at hinding-hindi ito magbabago kailanman. Ang parusa para sa gayong mga tao ay walang hanggang pagkapahamak. Maaaring hindi maunawaan ng mga taong namumuhay sa materyal na mundo ganitong anyo ng parusa. Ang ganitong anyo ng parusa ay ang pinakamalubhang parusa sa espirituwal na mundo. Ang walang hanggang pagkapahamak ay mas malubha kaysa sa maihagis sa lawa ng apoy at asupre o maipadala sa ikalabing-walong antas ng impiyerno. Para sa gayong tao, ang mailarawan ng Diyos sa ganitong paraan ay isang kalamidad; ang parusang matatanggap niya sa hinaharap ay magiging libo-libong kalamidad. Sa ngayon ay hindi tayo nababahala sa kung anong uri ng parusa ang matatanggap nila; sa madaling salita, sa sandaling gawin ng isang tao ang gayong bagay, ang mga kahihinatnan ay masyadong kakila-kilabot para isipin. Maging pangunahing salarin man o kasabwat, kumikilos man nang kusa o dahil sa pamumwersa, sa sandaling gawin ng isang tao ang gayong bagay at magkaroon siya ng bahagi rito, kakailanganin niyang magbayad ng isang kakila-kilabot na halaga. Hinding-hindi basta-basta palalampasin ng Diyos ang mga gumagawa ng gayong mga bagay! Kung mayroon ka lang simple at ordinaryong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, hindi ka kokondenahin ng Diyos. Tatratuhin ka ng Diyos bilang isang nilikha, bilang isang taong ililigtas, at tutustusan ka Niya ng katotohanan. Pero sa sandaling ilayon mong talikuran ang Diyos, humiwalay sa Diyos, tumangging kumilala sa katotohanan ng Diyos, tumangging kumilala sa mga positibong bagay, at ilayong putulin ang ugnayan sa Diyos, kung gayon ay hindi magiging maluwag sa iyo ang Diyos. Hindi na Siya magkakaloob ng saganang awa, at wala nang awa na maaasahan—ito ay isang nakakatakot na kahihinatnan. Siyempre, kung matutuklasan ng iglesia ang gayong mga tao, maaari sila nitong pangasiwaan ayon sa mga prinsipyo sa isang angkop na panahon at sa ilalim ng mga angkop na sitwasyon. Talagang walang pagiging maluwag na ipapakita sa gayong mga tao, dahil batay sa kung ano ang ibinubunyag nila at sa kanilang mga pagpapamalas, ang kanilang kalikasang diwa ay hindi katulad ng kalikasang diwa ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan, wala silang anumang pagpapasakop sa Diyos, at ang papel na ginagampanan nila ay katulad ng papel ng diyablong si Satanas—gusto lang nilang maging antagonistiko sa Diyos hanggang sa kadulu-duluhan. Tulad ng diyablong si Satanas at ng malaking pulang dragon, gusto ng gayong mga tao na maging antagonistiko sa Diyos hanggang sa kadulu-duluhan. Kapag nagtapos ang gawain ng Diyos, kung gayon, sa huli ay magkakaroon lang ng isang kalalabasan para sa gayong mga tao, iyon ay ang dumanas ng parusa. Ang ilan ay lilipulin, at ang ilan ay haharap sa walang hanggang pagkapahamak, dumaranas ng walang katapusang parusa. Ang pagtrato sa gayong mga tao ay mahigpit at seryoso. Samakatwid, anuman ang panahon, anuman ang kapanahunan, para sa sinumang gustong humiwalay sa Diyos at magtayo ng sarili niyang hiwalay na kampo, at antagonistiko sa daloy ng Banal na Espiritu o antagonistiko sa gawain ng Diyos—anuman ang impluwensiya mo, maaaring isa kang espirituwal na personalidad, maaaring isa kang apostol, maaaring isa kang propeta—hangga’t antagonistiko ka sa Diyos at antagonistiko sa katotohanan, kung gayon sa paningin ng Diyos, ikaw ay kay Satanas at sa mga diyablo, bahagi ka ng sumasalungat na puwersa, at isa kang taong kauri ni Pablo—hinding-hindi ka ililigtas ng Diyos! Ang mga inililigtas ng Diyos ay mga taong maaaring maligtas, pero para sa mga hindi na maililigtas, mayroon ding mga paraan at metodo ng pagtrato ang Diyos sa kanila, may mga plano para sa pangangasiwa sa kanila, at may mga paraan ng pagharap sa kanila. Kung lilitaw ang gayong mga tao sa iglesia, mga tao na palaging gustong magnakaw sa mga salita ng Diyos, ginagamit ang mga ito para sa sarili nilang mga usapin, o palaging nagnanais na magtayo ng sarili nilang hiwalay na kampo—palaging may masasamang balak sa mga salitang ito, dapat silang agarang pangasiwaan ng iglesia. Nauunawaan ba? (Nauunawaan.)
Ilan sa mga disipulo na sumunod sa Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ang nakakilala sa Kanya? Sino sa kanila ang kumilala na ang Panginoong Jesus ang Panginoon, na Siya si Cristo? (Si Pedro lang ang kumilala na ang Panginoong Jesus ay si Cristo.) Paano nakilala ni Pedro na ang Panginoong Jesus ang Panginoon, na Siya si Cristo? (Mula ito sa kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu.) Tama, ang Diyos ang nagbigay-liwanag sa kanya, at ang Banal na Espiritu ang umantig sa kanya na sabihin ito. Gayumpaman, para kay Pedro mismo—sa subhetibong pananalita—wala siyang pagkakilala sa pagkakakilanlan ng Diyos o sa buhay diwa ng Diyos. Ibig sabihin, sa kanyang paningin, wala siyang nakitang anumang kumpirmasyon ng buhay, pagkakakilanlan, at diwa ng Diyos sa taong ito—sa Diyos na nagkatawang-tao. Hindi niya ito makita. Hindi sa nakatanggap muna siya ng paghahayag at pagkatapos ay nagkaroon ng pagkakilala tungkol sa Panginoong Jesus. Bagama’t nakita niya ang mga salita, mga kilos, buhay, at mga pagpapakita ng disposisyon ng Panginoong Jesus, hindi niya alam na ang mga ito ay mga pagpapakita ng buhay disposisyon ng Diyos. Ibig sabihin, wala siyang alam sa mga tinataglay ng Diyos at sa pagiging Diyos ng Diyos; naramdaman lang niya na ang Panginoong Jesus ay isang mabuting tao, at mabuti ang ipinangaral ng Panginoong Jesus, at handa lang siyang sumunod sa Panginoong Jesus. Hindi na kailangang sabihin pa, para sa iba pang mga disipulo, hindi man lang nila taglay ang katiting na pagkakilalang ito na mayroon si Pedro. Batid ba ito ng Panginoong Jesus? (Oo.) Alam na alam ng Panginoong Jesus ang mga kalagayan at tayog ng mga tao. Kung gayon, nagbigay ba ang Panginoong Jesus ng anumang tiyak na hatol tungkol sa mga bagay na ito? Pinagalitan ba Niya sila? (Hindi.) Hindi nagbigay ang Panginoong Jesus ng anumang tiyak na hatol tungkol sa mga bagay na ito, at hindi Niya sila kailanman pinagalitan. Paminsan-minsan lang Niyang sinabi na sila ay may maliit na pananalig, at pagkatapos ay matiyaga Siyang nagtustos at gumabay sa kanila, nagbibigay ng mga halimbawa at gumagawa ng mga analohiya para maunawaan ng mga tao ang daan o ang isang partikular na aspekto ng katotohanan na nais ng Diyos na maunawaan ng mga tao. Sa buong prosesong ito, mula simula hanggang wakas, hindi alam ng mga tao na ang Panginoong Jesus ay Diyos at nagtataglay ng buhay ng Diyos—pero ano ang saloobin ng Diyos dito? Napakanormal na hindi alam ng mga tao, at hindi kailanman tinandaan ng Diyos ang usaping ito o pinanagot ang mga tao rito; hindi ito isang problema, at hindi ito kasalanan ng mga tao. Nagtustos lang ang Diyos sa mga tao at gumabay sa mga tao nang may walang-maliw na pasensiya, tinutustusan sila ng Kanyang buhay sa loob ng Kanyang pagkakakilanlan bilang Diyos. Hindi mahalaga na hindi Siya kilala ng mga tao; hangga’t sumusunod ang mga tao sa Kanya, sa malao’t madali ay makikilala nila Siya, napagtatanto nilang Siya ay Diyos at nagtataglay Siya ng buhay ng Diyos, at tatanggapin nila Siya. Ang nagkatawang-taong laman ng Diyos noong panahong iyon ay nagsilbi lang bilang isang handog para sa kasalanan ng tao. Dahil sa mga limitasyon sa panahon, gayundin sa mga hakbang ng gawain ng Diyos at iba pang mga salik, hindi inisa-isang sabihin ng Diyos ang lahat ng aspekto ng katotohanan sa mga tao sa kapanahunang iyon, ni hindi Siya nagbahagi tungkol sa mga ito nang malinaw sa gayon kapartikular at kasistematikong paraan. Samakatwid, hindi pinanagot ng Diyos ang mga tao sa pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Nang muling magpakita ang Panginoong Jesus sa mga tao pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli at pag-akyat sa langit, ang Panginoong Jesus na nakita ng mga tao ay talagang eksaktong kapareho sa wangis at panlabas na anyo tulad ng dati; ang mga orihinal na tungkulin lang ng Kanyang laman ang naiba. Gayumpaman, wala pa ring anumang pagkakilala ang mga tao tungkol sa Diyos. Wala pa rin silang pagkakilala sa buhay ng Diyos, sa diwa ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, o sa iba’t ibang hinihingi ng Diyos sa tao. Pagkatapos mabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesus, tiyak na nagkaroon Siya ng maraming pagkakataon o mga kondisyon para ipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay sa mga tao, pero hindi iyon ginawa ng Diyos, dahil masyadong mababa ang tayog ng mga tao at hindi nila kayang maarok ang mga bagay na ito. Ang mga aral ng pagtanggap sa katotohanan at ang mga aral ng pagkakilala sa Diyos—lalo na ang pagkakilala sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at iba pang mga aspekto—ay ang pinakamalalalim na bagay, at ang mga ito ay mga pangmatagalang gawain. Dapat makisalamuha at makipag-ugnayan ang mga tao sa Diyos nang malapitan, habang ginagabayan at tinutustusan sila ng Diyos nang harapan, nang taos-puso, at nang magkahawak-kamay. Kapag aktuwal nang nakipag-ugnayan ang mga tao sa Diyos, narinig ang mga salita ng Diyos, naranasan ang mga salita ng Diyos, personal na naranasan ang maraming bagay sa tunay na buhay, nagkaroon ng mas maraming karanasan at direktang pagkaunawa, at naipon ang lahat ng bagay na ito, saka lang sila magkakaroon ng kahit kaunting pagkakilala tungkol sa Diyos—marahil ay isa sa sampung libo. Habang unti-unting naiipon ang isa sa sampung libong pagkakilalang ito, unti-unting pangkalahatang makukumpirma ng mga tao na ang Diyos ay ang Lumikha, pangkalahatang matitiyak na ang Diyos ay banal, at pangkalahatang makikilala na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan. Sa sandaling mag-ugat ang konseptong ito sa puso ng mga tao, sa paningin ng Diyos, sa pangkalahatan ay nagtataglay sila ng pagkakilala tungkol sa Kanya, at tunay ang kanilang pananampalataya sa Kanya. Sa sandaling magkaroon ang mga tao ng tunay na pananalig sa Diyos at makumpirma na ang Diyos ay ang Lumikha, sa paningin ng Diyos, sila ay pasok sa pamantayan bilang mga nilikha; ibig sabihin, nakabalik na sila sa harap ng Lumikha. Nakikita mo, ang pagkakaroon lang ng kaunting pagkakilalang ito tungkol sa Diyos, sa paningin ng Diyos, ay nangangahulugang nakumpirma mo na Siya ang Lumikha, at natukoy mo na Siya ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at Siya ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan, na ang lahat ng Kanyang sinasabi at ginagawa ay ang katotohanan, na ang lahat ng Kanyang ipinapahayag ay ang katotohanan, at ang ipinapakita Niya at ang Kanyang mga hinihingi sa sangkatauhan ay pawang mga kailangan ng sangkatauhan, at pawang mga positibong bagay. Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng positibong bagay, nakatitiyak ka rito, pero maaaring ganap ka pa ring walang alam at malabo ang isip mo tungkol sa maraming detalye, maaaring wala kang batayan sa katunayan, at maaaring hindi ka makakuha ng kumpirmasyon. Gayumpaman, sa pangkalahatan, natukoy mo na, tulad ni Job o ni Pedro, na ang Diyos ang Lumikha at ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan, at ikaw ay isang hamak na tao lang, isang hamak na nilikha, na nasa ilalim ng awtoridad ng Diyos at nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Likas mong ginamit ang perspektiba ng isang nilikha para magpasakop sa Lumikha, sumamba sa Lumikha, magpasakop sa katotohanang Kanyang ipinapahayag, at tumanggap sa lahat ng Kanyang hinihingi sa iyo. Kapag nagtataglay ka ng gayong kahandaan, nagtataglay ng gayong kamalayan, at nagtataglay ng gayong instinto, sa paningin ng Diyos ay isa kang nilikhang pasok sa pamantayan. Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, hindi ba? (Hindi, hindi mataas ang mga ito.) Mayroong isang pinakapangunahing kondisyon para matugunan ang mga hinihinging ito: Kahit papaano man lang, dapat malutas ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, ang iyong mga di-makatwirang hinihingi sa Diyos, at ang iyong pagkamapanlaban sa Diyos. Hindi hinihingi ng Diyos na magkaroon ka ng gayon kalalim na pagkakilala sa Kanya, pero kailangan Niya na baguhin mo ang iyong pagkamapanlaban at tutol na paninindigan sa Kanya at gawin itong pagpapasakop sa Kanya at isang kahandaang magpasakop sa Kanya. Ngunit hindi man lang matugunan ng mga tao ang maliit na hinihinging ito. Maraming tao ang hindi handang tumanggap at magpasakop kapag ipinagkatiwala mo sa kanila ang paggawa ng kahit kaunting gawain ng iglesia, at hindi nila kayang pasanin kahit ang ganito kaunti. Paano kung hilingin sa kanilang itayo ang arka? Makakatanggap at makapagpapasakop ba sila kung gayon? Magagawa ba nilang pasanin ang gampaning ito? Halimbawa, ipagpalagay na isang araw ay sinabi ng Diyos na may darating na baha, at hiniling sa iyo na magtayo ng isang arka. Kung puno ka ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, iisipin mo, “Ang pagtatayo ng isang arka ay nagdudulot ng napakalaking paghihirap. Aabutin ito ng napakaraming taon. Wala na akong ibang magagawa sa buong buhay ko. Ang trabahong ito ay higit pa sa kaya kong pasanin.” Iisipin mo rin, “Sino ka ba? Bakit ako makikinig sa iyo?” Sasabihin ng Diyos, “Ako ang Diyos, Ako ang iyong Lumikha.” Pagkatapos ay pagbubulay-bulayan mo, “Puwede bang magsalita nang ganito ang Lumikha? Puwede bang gumawa ng gayong mga hinihingi sa mga tao ang Lumikha? Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, kaya bakit hindi Siya mismo ang magtayo ng arka? Bakit sa akin Niya ito ipapagawa? Ilang taon ang aabutin para itayo ito? Anong mga pakinabang ang makukuha ko pagkatapos itong itayo?” at iba pa. Ibabato mo ang buong seryeng ito ng mga tanong at paghihirap, at susubukan mong makipagtawaran sa Diyos. Hindi mo makikilala na Siya ang Lumikha, ni hindi mo makikilala ang Kanyang tinig, at hindi ka magkakaroon ng kahit katiting na kahandaan o saloobin ng pagpapasakop pagdating sa Kanyang mga hinihingi. Kung ito ang iyong saloobin sa Diyos, magpapatunay ito na hindi mo kilala ang Lumikha. Kung gayon, paano ka titingnan ng Diyos? Hindi ka kikilalanin ng Diyos bilang isang nilikha. Kapag humingi ang Diyos sa iyo, gagamit ka ng gayong saloobin sa Kanya. Pagkakita sa iyong kalagayan, sasabihin ng Diyos sa Kanyang puso, “Dapat kang itiwalag,” at ikaw, bilang isang nilikha, ay permanenteng maglalaho mula sa paningin ng Diyos, at ang iyong pagkakakilanlan bilang isang nilikha ay permanenteng babawiin ng Diyos. Sa sandaling permanenteng mabawi ito, marahil ay wala nang magiging pakialam ang Diyos kung saan ka man pumunta, o marahil ay bibigyan ka Niya ng isang lugar na angkop sa iyong pagkakakilanlan at ipadadala ka kung saan ka man dapat mapunta. Hindi ka na pahahalagahan o aalalahanin ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung sasabihin sa iyo ng Diyos ang Kanyang mga layunin, sinasabing gagamit Siya ng baha para wasakin ang mundo, at hihilingin sa iyo na magtayo ng isang arka, maririnig mo ito at iisipin mo, “Ito ang Lumikha, hindi ba? Ito ang tinig ng Lumikha. Dumating sa akin ang atas ng Lumikha—hinihiling Niya sa akin na magtayo ng isang arka.” Hindi ka mangangahas na maging pabaya; magpapatirapa ka at tatanggapin mo kaagad ang atas ng Diyos, nang walang intensiyong magpakita ng pagsuway, nagtataglay lang ng isang saloobin ng pagpapasakop. Ang mga detalyeng sinabi sa iyo ng Diyos—kung anong uri ng kahoy ang gagamitin, kung gaano karaming oras ang gugugulin sa pagtatayo ng arka, at iba pa—isa-isa mo ring itatala ang mga ito, itatala mo ang mga ito nang mabuti, at isusulat mo ang mga ito sa papel at isasapuso mo ang mga ito. Seseryosohin mo ang bawat hakbang na itinagubilin sa iyo ng Diyos. Kahit na ang iyong pagkaunawa sa Diyos ay hindi ganoon kalawak, at kahit na ang iyong pagkakilala tungkol sa Diyos ay hindi ganoon kalalim o ganoon kapartikular—dahil hindi mo nakita ang Diyos o hindi mo Siya nakasama at nakaugnayan nang malapitan—makikilala mo pa rin ang tinig ng Diyos, makikilala mo ang mga paraan ng pagbibigay ng Diyos ng mga hinihingi sa sangkatauhan at ang Kanyang paraan ng pagsasalita, mauunawaan mo ang mga ito at magiging pamilyar ka sa mga ito. Kaya, kapag humingi ang Diyos ng gayon sa iyo, hindi mo magagawang iwasan ang responsabilidad, at buong-puso mo itong tatanggapin—ito ang atas ng Diyos, at ito ang misyong ibinigay ng Diyos sa iyo; magiging handa kang tapusin ito, at gugustuhin mong tapusin ito nang maayos. Kapag nagtataglay ka ng gayong kahandaan at nagtataglay ng gayong saloobin, sa paningin ng Diyos, ang taong inatasan Niya ay isang tamang tao. Sa isang banda, kinikilala mo ang Lumikha, at sa kabilang banda, handa kang magpasakop sa Diyos. Handa kang tanggapin ang isang partikular na mahirap na gampaning ibinigay sa iyo ng Diyos, at gaano man katindi ang mga paghihirap, hindi mo ito iniiwasan, hindi ka tumatanggi, hindi ka nagpapakita ng pagsuway, at hindi ka nagiging mapanlaban. Sa halip, ibinibigay mo ang lahat ng iyong makakaya sa pagtanggap sa atas ng Diyos, at iniaalay mo ang iyong debosyon sa Diyos para tapusin ang iyong misyon. Sa ganitong paraan, kapag sinisiyasat ng Diyos ang pinakakaibuturan ng iyong puso, kikilalanin ka Niya bilang isa sa Kanyang mga nilikha. At ano ang nakakamit mo, ng nilikhang ito, mula sa Diyos? Nakakamit mo ang “identity card” na nagpapatunay sa debosyon o pagpapasakop ng isang nilikha sa Diyos. Sa paningin ng Diyos, pinagtitibay ka Niya; kinukumpirma Niya na ikaw ay isang nilikhang pasok sa pamantayan, at sa ganitong paraan ay nagkakamit ka ng katiyakan. Hindi mo lang nakamit ang pag-aalala at pagpapahalaga ng Diyos, kundi nakamit mo rin ang pinakamabuting pagpapalang ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan; nakamit mo kung ano ang ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan. Isa itong malaking usapin! Sa sandaling maayos ang malaking isyung ito, ikaw, bilang isang nilikha, ay panatag na, at hindi na kailangang kabahan o mag-alala, at tatanungin mo ang iyong sarili, “Tutuksuhin o aatakehin kaya ako ni Satanas? Mabibihag kaya ako ni Satanas? Pahihirapan kaya ako ng mga anticristo? Mapapatalsik kaya ako sa iglesia?” Hindi mo na kailangang mag-alala pang muli tungkol sa mga bagay na iyon. Sa panahong iyon, matatamasa mo ang lahat ng tinamasa ni Job. Siyempre, may isang bagay na taglay ni Job na hindi makakamit ng sangkatauhan ngayon: Si Job ay isang huwaran para sa sangkatauhan. Hindi ninyo kailangang subukang maging isang huwaran, pero kahit papaano man lang, matatamasa ninyo ang pagtrato na pareho sa pagtrato kay Job, at matatamasa ninyo ang ipinangako ng Diyos. Ito ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa buong kasaysayan; ito ang pinakakongkretong pangakong natanggap ng sangkatauhan mula sa Lumikha. Matapos makamit ang mga bagay na ito, ano pa ba ang hihilingin mo? Sa lahat ng bagay, ikaw ang pinakapinagpalang nilalang, ang pinakapinagpalang nilikha, kaya sabihin mo sa Akin, ano pa ang mahihiling mo? Ang “pagpapalang” ito ay personal na ipinagkaloob at personal na iginawad sa iyo ng Lumikha. Sabihin mo sa Akin, gaano kaya kadakila ang pagpapalang ito? Kaya, ang paglutas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay hindi nangangailangan na magkaroon sila ng gayon kalalim na pagkakilala, gayon kalawak na pagkakilala, o gayon katumpak na pagkakilala sa Diyos; sa halip, dapat mong lutasin ang iyong mga pinakapangunahing kuru-kuro at imahinasyon, ang mga kuru-kuro at imahinasyong taglay ng tiwaling sangkatauhan, at ang mga kuru-kuro at imahinasyong antagonistiko sa Diyos. Dapat mo ring bitiwan ang lahat ng kuru-kuro at imahinasyon, at mga di-makatwirang hinihingi sa Diyos, na nakakaapekto sa iyong pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao at nakakaapekto sa iyong pagpapasakop sa katotohanan. Bitiwan muna ang mga ito, at pagkatapos ay unti-unting lutasin ang mga ito. Kapag dumating ang araw na ang mga problemang ito ay nalutas mo na gamit ang katotohanan, at nakalapit ka na sa harap ng Diyos, magiging panatag ka na at hindi ka na mabibihag ni Satanas. Ang mga kuru-kuro at imahinasyong iyon, at ang mga di-makatwirang hinihinging iyon sa Diyos—nakatuon man sa Diyos na nagkatawang-tao, nakatuon sa Espiritu ng Diyos, o nakatuon sa Diyos sa langit—ay, ano’t anuman, isang bangin na nakaharang sa pagitan mo at ng Diyos, gayundin ang pinakamalaking hadlang na nakaharang sa iyong pagkakilala sa Diyos. Siyempre, lalo nang totoo na ang mga ito ang pinakamalaking paghihirap na nakaharang sa iyong pagpapasakop sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos at sa gayon ay pagtatamo ng kaligtasan. Sa sandaling malutas ang paghihirap na ito, at pagkatapos ay pumasok ka sa katotohanan nang hakbang-hakbang at unti-unti, nilulutas ang bawat aspekto ng iyong mga tiwaling disposisyon, ang mga paghihirap na kinakaharap mo bilang isang nilikha ay malulutas lahat. Sa huli, ano ang pinakakritikal na isyu? Dapat akuin ng isang nilikha ang tamang posisyon niya bilang isang nilikha. Bakit tinatawag na nilikha ang isang nilikha? Dahil ito ay isang nilalang na ginawa ng Lumikha. Dahil ikaw ay isang nilalang na ginawa ng Lumikha, dapat kang walang kondisyong magpasakop sa Lumikha at magpasakop sa katotohanan; saka mo lang makakamit ang pagkilala ng Lumikha. Ano ang unang hadlang sa pagkamit ng pagkilala ng Lumikha? Ito ay ang pag-ako sa iyong tamang posisyon bilang isang nilikha at pagtatag ng isang ugnayan sa Lumikha. Ikaw ay isang tao na sumusunod sa Diyos; hindi ka isang tagamasid. Ikaw ay nilikha ng Diyos; hindi ikaw si Satanas, hindi ikaw ang alinmang iba pang nilalang. Ang iyong responsabilidad ay magpasakop sa mga salita ng Lumikha at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Ito ang iyong responsabilidad at obligasyon, at ito rin ang dapat mong hangarin. Kung magtatamo ka ng kaligtasan, at kung nais mong makilala ang Lumikha at makuha ang pagkilala ng Lumikha, dapat ka munang magtatag ng isang ugnayan sa Diyos, hindi ba? (Oo.)
Anong mga problema ang kailangang malutas para makapagtatag ka ng isang ugnayan sa Diyos? (Kailangan nating akuin ang ating tamang posisyon bilang mga nilikha.) Paano mo maaako ang iyong tamang posisyon bilang mga nilikha? (Sa pamamagitan ng pagkilala na tayo ay mga nilikha at pagbitiw sa ating mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos.) Sa pamamagitan ng pagbitiw sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, at sa pamamagitan ng may kamalayan at maagap na pagpapasakop sa Diyos at pagpapasakop sa katotohanan; sa pamamagitan ng kamalayang ito ay maitatama ang iyong saloobin at pag-iisip, unti-unting magiging normal ang iyong ugnayan sa Diyos, at matatatag ang isang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos. Madali itong sabihin, pero hindi ganoon kadaling gawin. Ngayon, gaano man karami ang mga paghihirap, hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito nang isa-isa. Nang hindi mo namamalayan, unti-unting mababawasan ang iyong mga problema at paghihirap, liliit ang iyong mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at pakaunti nang pakaunti ang mga alitan at problema sa pagitan mo at ng Diyos. Pag-abot sa puntong ito, masasabi mo bang nagiging mas malapit, o mas malayo ang iyong ugnayan sa Diyos? (Mas malapit.) Kung gayon, anong mabubuting resulta ang idudulot ng isang mas malapit na ugnayan sa Diyos? (Kapayapaan at isang pakiramdam ng kapanatagan sa aming puso.) Ito ang maaaring maramdaman mo. Sa partikular, mas malinaw mong makikita nang kaunti ang mga bagay na kinakaharap mo sa iyong pang-araw-araw na buhay. Magiging lalong mas malinaw sa iyong puso kung aling mga bagay ang nagmumula sa Diyos at kung aling mga bagay ang nagmumula sa kalooban ng tao, kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo sa mga bagay na kinakaharap mo, kung ano ang dapat mong gawin, at kung ano ang direksyon, mga layon, at mga prinsipyo para sa paggawa ng mga bagay na ito. Ito ang mabuting resulta na sinasalamin ng madalas na paglapit sa Diyos at pagkakaroon ng isang normal na ugnayan sa Kanya. Kung malayo ang iyong ugnayan sa Diyos, at hindi ka nagdarasal sa Diyos o naghahanap ng katotohanan kapag nakakaharap ng mga isyu, magiging malabo sa iyo ang mga bagay na nangyayari sa iyong pang-araw-araw na buhay at hindi mo makikita ang mga ito nang malinaw. Hindi mo malalaman kung aling mga bagay ang nagmumula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang positibo, ni hindi mo malalaman kung aling mga bagay ang nagmumula kay Satanas at mga panunukso at panggugulo ni Satanas; hindi mo makikilatis ang mga bagay na ito nang malinaw. Ito ay isang aspekto ng usapin. Dagdag pa rito, kapag nahaharap sa mga hinihingi ng Diyos, mga pagsubok ng Diyos, o mga kapaligirang inihahanda Niya, hindi ka magkakaroon ng landas kung paano tratuhin ang mga ito; ang lahat sa harap mo ay magiging napakadilim. Pero kung mayroon kang malapit na ugnayan sa Diyos, at handa kang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at handang magsikap na maghanap sa loob ng mga ito, pahihintulutan ka ng Diyos na magtamo ng kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Kanyang mga salita. Magiging malinaw ang landas sa harap mo; kapag nakakaharap ng mga isyu, hindi ka maguguluhan, at magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Maaaring hindi mo maunawaan ang ilang bagay sa loob ng isa o dalawang araw, pero pagkatapos ng tatlo hanggang limang araw, unti-unting magiging maliwanag at malinaw sa iyo ang mga prinsipyo, at malalaman mo kung paano magsagawa. Hindi ba’t sa tingin mo ay tila napakabuti ng ganitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay? (Oo.) Para sa iyo, ang pagkakaroon ng malinaw na landas ay isang mabuting bagay. Habang mas malinaw ang iyong landas, mas maraming bagay ang nararanasan mo, at habang mas naaarok mo ang mga katotohanang prinsipyo, mas marami kang makakamit, hindi ba? Habang mas marami kang nakakamit, hindi ba’t mas lalakas ang iyong abilidad na kilatisin ang mga positibong bagay at mga negatibong bagay? (Oo.) Kapag mas lumalakas ang iyong abilidad na kilatisin ang mga positibo at negatibong bagay, magiging malinaw ang mga prinsipyo para sa kung ano ang gagawin kapag nakakaharap ka ng mga isyu. Sa sandaling malinaw na ang mga prinsipyo, hindi ka lilihis o madaling magdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at mabilis kang uusad. Hindi ba’t sa gayon ay mas mapapalapit ka nang mapapalapit sa pagtatamo ng kaligtasan? (Oo.) Ipagpalagay na hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, at palagi siyang may malayong ugnayan sa Diyos; madalas siyang nasa kadiliman sa kanyang puso, at hindi niya alam kung saang direksyon tutungo. Kapag nakakaharap siya ng mga isyu, hindi niya alam kung nagmumula ba ang mga ito sa Diyos o sa tao, kung ang mga ito ba ay pinamatnugutan ng Diyos o mga panggugulong dulot ng mga tao; hindi niya alam kung aling mga prinsipyo ang dapat niyang gamitin sa pagharap sa mga isyung ito, o kung paano siya dapat magsagawa. Nalilito siya kapag lumilitaw ang mga isyu. Minsan ay hindi niya namamalayang ginagampanan niya ang papel ni Satanas at gumagawa siya ng mga bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at kapag pinungusan siya pagkatapos, huli na para magsisi. Nakikita mo, tinahak mo ang maling landas, hindi ba? Gumawa ka ng isang maling bagay, lumabag sa mga prinsipyo, gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia, at pinungusan ka. Kapag pinagninilayan mo ang iyong sarili pagkatapos, wala kang anumang kaliwanagan o pagtanglaw, at hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa iyo; sa iyong isipan at sa iyong puso ay isa itong magulong gusot. Bakit isa itong magulong gusot? Si Satanas ang nagpapasya sa loob mo at hindi na gumagawa ang Diyos sa iyo, kaya mukha kang partikular na kaawa-awa at wala kang landas na susundin. Anuman ang makaharap mo, hindi mo alam kung paano ito harapin. Mali ang sumulong, gayundin ang umatras; mali ang kumaliwa, gayundin ang kumanan. Hindi mo man lang alam kung paano kumilos nang tama. Natatakot kang magkakamali ka kung kikilos ka sa isang paraan, at natatakot kang magkakamali ka kung kikilos ka sa ibang paraan, kaya wala ka na lang ginagawa. Magdudulot ba sa huli ng anumang mga resulta ang hindi paggawa ng anuman? Tutulutan ka ba nitong may makamit na anumang bagay? Kapag napakaraming bagay ang nangyayari sa iyo at hindi mo alam kung ano ang gagawin, sabihin mo sa Akin, may makakamit ka pa ba? Magkakaroon ka pa ba ng mga karanasan? Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkakaroon ng mga karanasan? Nangangahulugan ito na hindi ka namumuhay sa ilalim ng pag-akay ng mga salita ng Diyos, hindi mo nakamit ang katotohanan, at hindi mo nakuha ang mga katotohanang prinsipyo tungkol sa anumang bagay. Kailan magiging buhay mo ang katotohanan, kung gayon? Kung hindi kailanman magiging buhay mo ang katotohanan, hindi madadala sa tunay na buhay para isagawa at danasin mo, at hindi mo kailanman personal na makakatagpo ang katotohanan, kailan mo magagawang magtamo ng kaligtasan? Magkakaroon ka pa ba ng anumang pag-asa na magtamo ng kaligtasan? (Hindi.)
Pagkatapos makapagbahagi nang ganito karami tungkol dito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung paano kayo dapat magsagawa sa huli para makapagtatag ng ugnayan sa Diyos? (Dapat nating akuin ang tamang posisyon natin bilang mga nilikha, bitiwan ang ating mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, magkaroon ng kahandaang magpasakop sa Diyos, at sa huli ay magawang magpasakop sa Diyos nang walang kondisyon. Dapat tayong maagap na magsikap tungo sa mga layong ito.) Dapat mong taglayin ang ganitong uri ng mentalidad. Maaaring medyo mahirap ito kapag nagsisimula ka pa lang magsagawa. Maaaring hindi ito maging masyadong maayos, at maaaring gawin mo ang mga bagay-bagay nang medyo asiwa at may paghihirap. Kapag nakaharap mo ang mga paghihirap na ito, huwag kang manghina, huwag kang maging negatibo, at huwag kang masiraan ng loob. Patuloy na magsagawa. Hangga’t tama ang landas mo at hangga’t mayroon kang kahandaang magpasakop, sa malao’t madali ay matutuklasan mo na personal kang ginagabayan ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng mentalidad na magpasakop sa Diyos at ng mentalidad na hangarin ang katotohanan, dapat kang magkaroon ng kahandaang maagap na magpasakop sa Diyos, at hindi mo Siya dapat labanan. Kahit pa pinagpapala ng Diyos ang ibang tao pero hindi ka Niya pinagpapala, o malinaw Niyang binibigyang-liwanag at inaakay ang ibang tao pero hindi ka Niya binibigyang-liwanag at inaakay, o iniaangat Niya ang ibang tao pero hindi ka Niya iniaangat, hindi ka dapat magalit o mainggit. Bakit hindi? Dahil may layunin ang Diyos sa pagkilos nang ganito, at may kabuluhan ito. May kalayaan ang Diyos na kumilos paano man Niya naisin. Hinding-hindi mo dapat kalimutan na isa kang nilikha. Hindi ka maaaring humingi nang hindi makatwiran sa Diyos. Kung ginagamit ng Diyos ang ibang tao at hindi ka Niya ginagamit, at hindi ka Niya pinaglilingkod bilang isang lider, maging isa ka na lang ordinaryong tagasunod; ang kailangan mo lang gawin ay magpasakop sa Diyos. Maaaring hindi mo kayang pasanin ang gawain ng iglesia dahil nagkukulang ang kakayahan mo, o maaaring sadyang hindi mo taglay ang hinihinging tayog. Sa sandaling hilingin sa iyo na akuin ang gawain, kung bibigyan ka ng Diyos ng mas maraming kaliwanagan kaysa sa ibang tao, madali nitong mapapalala ang mapagmataas mong disposisyon. Kaya, ang katunayan na hindi ka binibigyang-liwanag ng Diyos o hindi ka Niya pinaglilingkod bilang isang lider ay isang proteksyon para sa iyo; kailangan mong maunawaan ang masisidhing layunin ng Diyos dito. Talagang hindi nagkikimkim ang Diyos ng mga nakatagong motibo sa iyo; sa halip, mayroon Siyang masisidhing layunin. Dapat kang magkaroon ng pagpapasakop sa Diyos; kahit pa hindi mo nauunawaan, dapat kang magpasakop, at dapat kang magpasakop hanggang sa kadulu-duluhan. Maaaring sabihin ng ilang tao na ang pagpapasakop nang ganito ay napakahangal at napakapurol, at aalisan ka nito ng anumang dignidad o mga karapatang pantao, na dapat mong sagutin ng, “Magpapasakop pa rin ako!” Katulad lang ito ng kung paanong ang ilang mananampalataya ay pinagbabantaan ng masasamang tao: “Kung mananampalataya ka sa Diyos, iuulat kita sa gobyerno at ipapaaresto kita!” na sinasagot ng mga mananampalataya ng, “Mananampalataya pa rin ako!” Ang pagpapasakop mo sa Diyos ay dapat magtaglay ng ganitong uri ng determinasyon. Bakit ka dapat magpasakop sa ganitong paraan? Kapag isinasagawa mo ang pagpapasakop sa ganitong paraan, saka lamang magiging realidad at kilos ng pagpapasakop sa Diyos ang kahandaan mong magpasakop sa Diyos. Kahit pa maraming katotohanan ang hindi mo nauunawaan, kahit pa maraming usapin na hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa at hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at wala kang gaanong kaalaman tungkol sa Diyos, kung kaya mong isagawa ang pagpapasakop sa tunay na buhay at habang ginagampanan ang iyong tungkulin, ang iyong kahandaan ay unti-unting magiging realidad mo, ang iyong isinasabuhay, at ang iyong ipinapakita. Kapag binitiwan mo ang iyong mga ambisyon, pagnanais, at pagiging mapagkompetensiya, naghimagsik ka laban sa mga bagay na tulad ng mapagmataas mong disposisyon, at sa mga personal mong hilig at libangan, at nagpasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, kung gayon, sa paningin ng Diyos, hindi ka lang mayroong kahandaang magpasakop sa Diyos at saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, kundi mayroon kang realidad ng pagpapasakop sa Diyos. Marahil isang araw, kapag nakita ng Diyos na sapat na ang tayog mo, at kaya mong tanggapin ang Kanyang mabiyayang pagtrato at espesyal na proteksyon, o ang Kanyang espesyal na kaliwanagan at gabay, gagawa Siya ng ilang espesyal na gawain sa iyo. Para sa ilang tao na ginagawan ng Diyos ng espesyal na gawain, maaaring sa paningin ng Diyos ay taglay nila ang pagkataong pasok sa pamantayan na hinihingi Niya, o maaaring taglay nila ang kakayahang hinihingi Niya, o maaaring itinuturing Niya na angkop ang paghahangad nila, o maaaring mayroong isang bagay tungkol sa kanila na magagamit Niya, at gumagawa Siya ng ilang gawain sa mga taong ito—iyon ay pagpili ng Diyos. May kalayaan ang Diyos sa kung paano Siya kumilos, pero ang ilang tao ay walang anumang katwiran at palaging may mga hinihingi sa Diyos. Sinasabi nila, “Hindi matuwid ang Diyos. Bakit Niya hinahayaang mamukod-tangi at mapansin ang taong iyon? Bakit Niya ginagamit ang taong iyon at hindi ako?” Kung ginamit ka, magagawa mo ba nang maayos ang gawain? Palagi mong gustong mamukod-tangi at mapansin, at magpasikat; kung ginamit ka, papalalain lang nito ang mga tiwali mong disposisyon. Sinuman ang gamitin o hindi gamitin ng sambahayan ng Diyos ay batay sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag nasumpungan mo ang iyong sarili sa ganitong sitwasyon, dapat kang magpasakop at dapat mong hanapin ang katotohanan. Kung, sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, pagninilay sa iyong sarili, at paghihimay sa iyong sarili, ay nakikita mo na mayroon ka pa ring matinding pagnanais at ambisyon para sa katayuan at prestihiyo, dapat mong mapagtanto na ganap na makatwiran para sa Diyos na gamitin ang ibang tao at hindi ka Niya gamitin, at na isa itong proteksyon para sa iyo. Naaayon man ito o hindi sa iyong mga kuru-kuro, at kaya mo man itong tanggapin o hindi, ano’t anuman, dapat mong akuin ang perspektiba at posisyon ng isang nilikha at taglayin ang saloobin ng pagpapasakop, o kahit papaano ay magkaroon ng kahandaang magpasakop. Ano ang tinutukoy ng kahandaang magpasakop? Ito ang tinutukoy nito: “Anuman ang nangyari o hindi nangyari sa akin, dapat ko munang ihanda ang aking puso. Dapat magawa kong tanggapin at harapin ang lahat ng bagay nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Ito ang katwiran na dapat kong taglayin, ang pagsasagawa na dapat kong gawin, at ito rin ang saloobin na dapat kong taglayin sa Lumikha bilang isang nilikha.” Ito ang kahandaang magpasakop. Sa sandaling magkaroon ka ng kahandaang ito, hindi magiging ganoon kahirap na magpasakop sa Diyos kapag may mga nangyari sa iyo. Hindi ba’t isa itong proteksyon para sa iyo? (Oo.) Taglay ang proteksyong ito, mas mababawasan ang mga pagkakamaling magagawa mo at mas mababawasan ang mga maling landas na tatahakin mo. Pipigilan ka nitong magdulot ng mga paggambala at panggugulo, pipigilan ka nitong ipagpilitan ang iyong sarili sa unahan, at kasabay nito ay pipigilan ka nitong umako ng posisyon ng pagiging nakatataas at kumilos nang walang pakundangan at ayon sa sariling kagustuhan. Dahil dito ay mapipigilan ka sa paggawa ng maraming pagsalangsang, at mapipigilan ka sa paggawa ng maraming masamang gawa na kinokondena ng Diyos. Sa ganitong paraan, kapag isang araw ay naunawaan mo ang katotohanan, tunay mong nakilala ang iyong sarili, nagawa mong gampanan nang normal ang iyong tungkulin, at nagtaglay ka ng maraming mabuting gawa, unti-unting lalago ang iyong tayog, at mas maiiwasan mong tumahak sa mga maling landas o magkamali. Ibig sabihin, kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, mas maiiwasan mong magdulot ng mga paggambala at panggugulo, kumilos nang arbitraryo at ayon sa sariling kagustuhan, o walang ingat na gumawa ng mga maling gawa, at mas maiiwasan mong gumawa ng masasamang bagay at gumawa ng kasamaan. Hindi ba’t mas maiiwasan mo na maparusahan sa hinaharap? Hindi ba’t isa itong mabuting bagay? (Oo.) Samakatwid, anuman ang maging landas sa hinaharap, at anumang mga kapaligiran ang ihanda ng Diyos para sa iyo, dapat ka munang maghanda ng kahandaang magpasakop, at bitiwan ang iyong mga di-makatwirang hinihingi sa Diyos at ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Dapat mo munang itanggi ang iyong sarili, bitiwan ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, at magkaroon ng kahandaang magpasakop. Ang mga ito ang mga kaisipan at pananaw na dapat mong taglayin bilang isang nilikha, at ito rin ang saloobin sa Lumikha na dapat taglayin ng isang nilikha. Sa sandaling magtaglay ka ng saloobin ng pagpapasakop, sa paningin ng Diyos ay may pag-asa pa para sa iyo bilang isang nilikha, at nagtataglay ka ng isang pangunahing kondisyon para maperpekto. Sa ganitong paraan lang unti-unting gagawin ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa iyo, binibigyang-liwanag ka at tinatanglawan ka, o itinutuwid at dinidisiplina ka, sinusubok ka, o binibigyan ka ng mabibigat na pasanin na babalikatin; sa ganitong paraan lang unti-unting maisasakatuparan ang gawain ng pagpeperpekto na ito.
Ngayon ay magbuod tayo: Ano ang pinakapangunahing pagsasagawa para sa pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao? (Ang pagkakaroon ng kahandaang magpasakop sa Diyos.) Una, dapat kang magkaroon ng kahandaang magpasakop sa Diyos. Napakahalaga ng pagpapasakop sa Diyos, at hindi madaling isagawa ito sa simula. Dapat mo munang taglayin ang kahandaang magpasakop, at sa iyong kamalayan o sa iyong kalooban at kalagayan ng isipan, dapat kang magkaroon ng determinasyong magpasakop sa Diyos. Sa sandaling magkaroon ka ng determinasyong ito, dapat mo itong unti-unting isagawa. Sa ganitong paraan, unti-unti kang lumalapit sa posisyon ng isang nilikha. Noong una, nanampalataya ka sa Diyos mula sa perspektiba at posisyon ng isang tiwaling tao, ng kauri ni Satanas, ng inapo ni Satanas, ng isang puwersang mapanlaban sa Diyos, at ng kaaway ng Diyos. Antagonistiko ka sa Diyos, at palagi mong sinisiyasat ang Diyos. Malinaw na hindi ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha. Kaya mula ngayon, dapat mong akuin ang perspektiba at paninindigan ng pagiging handang magpasakop sa Diyos, at dapat kang magkaroon ng ganitong uri ng saloobin: “Anuman ang sabihin ng Diyos, makikinig ako. Anuman ang gawin ng Diyos, tatanggapin ko ito at magpapasakop ako. Kung hindi ko nauunawaan ang isang bagay, hahanapin ko ang katotohanan o maghahanap ako ng taong makakabahaginan, nagsusumikap na magawang magpasakop sa Diyos.” Kapag inihahanda mo ang ganitong uri ng kahandaan at kamalayan, at tinataglay ang ganitong uri ng saloobin sa Lumikha, inilalagay mo na ang iyong sarili sa posisyon ng isang nilikha. Mula sa oras na iyon, hindi ka na magiging antagonistiko sa Diyos, magagawa mong akuin ang tamang posisyon mo bilang isang nilikha nang may mabuting asal, at tataglayin mo ang saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha sa Lumikha. Sinasabi ng ilang tao, “Napakahirap na mag-ugat ang saloobing ito sa aking kamalayan. Ano ang dapat kong gawin?” Kung gayon, dapat madalas kang magdasal, sabihin mo sa Diyos, “Diyos ko, napakalalim ng aking katiwalian. Bakit hindi ako kailanman nagkakaroon ng pagpapasakop sa Iyo? Bakit walang lugar para sa Iyo sa aking puso? Ayaw kong mamuhay nang ganito, ayaw kong tumindig laban sa Iyo, ni ayaw kong maging mapanlaban sa Iyo; handa akong magpasakop sa Iyo. Hinihiling ko na gumawa Ka sa akin, akayin at gabayan Mo ako, bigyang-liwanag Mo ako tungkol sa Iyong mga salita, at disiplinahin Mo ako kapag ako ay mapaghimagsik. Hinihiling ko sa Iyo na umupo sa trono at humawak ng kapangyarihan bilang Hari sa aking puso, idinudulot na magkaroon ako ng lugar para sa Iyo sa aking puso. Handa akong magpasakop sa Iyo. Hinihiling ko sa Iyo na gabayan ako sa lahat ng oras at sa lahat ng usapin.” Dapat kang magdasal sa ganitong paraan, ipinapahayag ang iyong saloobin sa Diyos at ipinapaalam sa Diyos ang pinakakaibuturan ng iyong puso. Dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos: tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa pinakakaibuturan ng iyong puso, at tanggapin din ang pagsisiyasat ng Diyos sa iba’t iba mong pag-uugali at pagsasagawa; dapat kang magdasal at hayaan ang Diyos na gumawa. Kapag taglay mo ang saloobing ito, ano ang ibig sabihin niyon sa panlabas? Ibig sabihin nito ay gusto mong kumalas kay Satanas; hindi ka na tumitindig laban sa Diyos at hindi mo na nilalabanan ang Diyos; subhetibo kang handang tanggapin ang Lumikha bilang iyong Panginoon at bilang iyong Diyos, at hayaan Siyang humawak ng kataas-taasang kapangyarihan at magsaayos sa iyong tadhana; at hindi mo na ginagamit ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas para tumindig laban sa Lumikha, at hindi mo na tinutulutan si Satanas na pahirapan ka o kontrolin ka. Ibig sabihin nito ay naglabas ka ng isang deklarasyon kay Satanas, at ibig sabihin nito ay determinado kang kumalas kay Satanas. Kapag nakita ng Diyos ang iyong determinasyon at nakita ang iyong paninindigan, sisiyasatin ka Niya, at susubukin ka Niya. Kung makakayanan ng iyong determinasyon at paninindigan ang pagsisiyasat at pagsubok ng Diyos, kung gayon ay tingnan mo kung magbabago ang iyong panloob na kalagayan, at kung lalago ang iyong pananalig sa Diyos. Kung makikita ng Diyos na naabot mo ang pamantayan at nakapasa ka pagdating sa Kanyang pagsisiyasat at pagsubok, kung gayon ay tingnan mo kung gagawa ang Diyos sa iyo, at tingnan mo kung nasa anong uri ka ng kalagayan sa panahong iyon. Kung makikita ng Diyos na nakapasa ka, kung gayon, ikaw, isang hamak na nilikha, ay magsisimulang magtamo ng pagkilala at pagtanggap ng Lumikha. Ano ang kikilalanin ng Diyos tungkol sa iyo? Kikilalanin Niya na ikaw ay Kanyang tagasunod at ikaw ay isang taong nilalayon Niyang iligtas. Ang marka ni Satanas na taglay mo—buburahin at aalisin iyon ng Diyos, at personal ka Niyang aakayin, gagawa Siya sa iyo para iligtas ka, at magiging bahagi ka ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Nakikita mo, dapat kang magdasal, magsumamo, at tumawag sa Diyos; dapat kang lumapit sa harapan ng Diyos sa lahat ng oras. Gustong makita ng Diyos ang iyong tunay na puso. Noong sinubok ng Diyos si Abraham, sinabi Niya kay Abraham, “Kunin mo ang iyong anak na si Isaac, na ipinagkaloob Ko sa iyo, at ialay mo siya bilang isang handog.” Sumang-ayon si Abraham, pero hindi binawi ng Diyos ang kahingiang ito pagkatapos sumang-ayon ni Abraham; sa halip, pinagmasdan Niya si Abraham. Pagsapit ng araw na itinakda ng Diyos, inihanda niya ang panggatong at inilagay ang kanyang anak sa ibabaw nito. Ang lahat ng kilos na ito ay nalantad sa paningin ng Diyos at ganap Niyang nakita; malinaw na nakita ng Diyos ang lahat. Gayumpaman, habang nangyayari ito, hindi nakipag-usap ang Diyos kay Abraham, ni hindi Niya pinigilan si Abraham at sinabihang tumigil. Palaging pinagmamasdan at sinisiyasat ng Diyos ang puso ni Abraham. Napakahalaga ng prosesong ito; dapat makayanan ng lahat ng ginagawa mo ang pagsisiyasat at pagsubok ng Diyos. Sa pinakahuling sandali lang magpapasya ang Diyos kung ikaw ay isang taong kinikilala Niya. Katulad lang ito ng nangyari kay Abraham—kinuha niya ang apoy, sinindihan ang panggatong, iginapos ang kanyang anak, at itinaas ang kutsilyo, at saka lang siya inutusan ng Diyos na tumigil. Sa kritikal na sandaling ito na, sa paningin ng Diyos, ang puso ni Abraham sa paghahandog kay Isaac ay tunay, at saka lang kinilala at tinandaan ng Diyos ang mga kilos ni Abraham. Kaya, hindi maaaring lokohin ng isang tao ang Diyos; dapat mong ipakita sa Kanya ang iyong tunay na puso. Hindi ka pinapayagan ng Diyos na maging pabasta-basta. Hindi dapat magkaroon ng kahit katiting na bakas ng kasinungalingan o halo sa tunay na puso ng isang tao sa Diyos. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Para sa sinumang tao, ito ang pamamaraan ng pagsisiyasat at pagsubok ng Diyos sa kanila; pareho ito para sa lahat. Sinasabi mong mayroon kang tunay na puso sa Diyos, tapat ka sa Diyos, at handa kang magpasakop sa Diyos, pero walang silbi kung ikaw lang ang nagsasabi nito. Sisiyasatin ka ng Diyos, at susubukin ka rin Niya; dapat mong makayanan ang Kanyang pagsisiyasat at pagsubok. Kapag naihandog mo na ang iyong buong katawan at isipan, at ang iyong tunay na puso, makikita ng Diyos sa sandaling iyon na ang iyong puso ay tunay, at wala kang anumang halo at wala kang pagkukunwari; makikita ng Diyos sa sandaling iyon na pasok ka sa pamantayan. Dagdag pa rito, kapag mayroon kang ganap na tunay na puso sa Diyos—isang daang porsiyentong nakatuon at hindi na nagdadalawang-isip—saka ka lang makikita ni Satanas bilang isang taong hindi matitinag; ibig sabihin, imposibleng makuha ka muli ni Satanas, imposibleng magawa ka muling tiwali ni Satanas. Hindi magkakaroon si Satanas ng anumang pagkakataon na gawin kang tiwali, ilihis ka, o samantalahin ka. Saka ka lang kikilalanin ng Diyos. Ito ang pinakamababang pamantayan ng Diyos, at ito ang prinsipyo ng pagkilos ng Diyos sa usaping ito. Samakatwid, walang anumang ginagawa ang Diyos na kalabisan o walang halaga. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay patas at makatwiran sa tao, sa Diyos Mismo, at kay Satanas. Kaya Niyang panagutan ang Kanyang ginagawa sa bawat panig, at ang lahat ng ito ay naaayon sa katotohanan at naaayon sa mga prinsipyo. Walang anumang personal na pagkiling ang Diyos. Hindi Niya sasabihin, “Pinili kita, kaya mayroon Akong pagmamahal sa iyo, at ikaw ang pinahahalagahan Ko. Dahil nagustuhan kita, kahit isang mabuting katangian mo lang ay makakabawi na sa lahat ng iyong kapintasan, at wala kang katiwalian.” Hindi ito uubra; gagawa ng mga akusasyon si Satanas. Kumikilos ang Diyos nang may mga prinsipyo at dapat Niyang lubos na makumbinsi si Satanas. Nakikita mo, ganito kahigpit ang Lumikha sa Kanyang pagkilos. Hinding-hindi sasabihin ng Diyos, “Hindi makagagawa ng mali ang mga pinili Ko.” Hindi kikilos nang ganito ang Diyos. Kumikilos ang Diyos nang walang emosyon o bahid ng damdamin ng tao. Siya ay walang pag-iimbot, at Siya ay matuwid, kaya sinasabing Siya ang katotohanan. Batay sa iisang katunayang ito—na ang Diyos ang katotohanan—dapat sumamba ang lahat ng bagay at nilalang sa Diyos; ang katotohanan ay isang bagay na hindi taglay ni Satanas. Samakatwid, para sa isang nilikha, hindi kailanman lumuwag ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo. Ang mga hinihingi ng Diyos sa sinuman ay batay sa mga prinsipyo; sa mga salita ng tao, Siya ay lubos na may prinsipyo. Sa anong mga paraan nakikita ang pagiging lubos na may prinsipyo ng Diyos? Sa wika ng pagkakilala sa Diyos, makikita ito sa katunayang ang Diyos ay matuwid, wala Siyang personal na pagkiling o mga halo, na ang gawaing ginagawa ng Diyos sa sinuman ay walang bahid ng mga damdamin, at walang mga emosyong nagmula sa kalooban ng tao. Hindi totoo na tinatrato ng Diyos nang mabuti ang ilang tao at nang masama ang iba, o na malapit Siya sa ilan at malayo sa iba; sa panig ng Diyos, mayroon Siyang mga prinsipyo sa kung paano Niya tinatrato ang lahat ng tao. Kung hindi ka magpapasakop sa katotohanan, kung hindi mo matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos, at kung hindi mo aakuin ang posisyon ng isang nilikha para sumamba sa Lumikha at magpasakop sa Lumikha, kahit pa ikaw ay paunang itinadhana at hinirang ng Diyos, ititiwalag ka pa rin nang ganoon din, at tatanggapin mo pa rin ang paghatol sa dakilang araw ng Diyos at ang Kanyang matuwid na kaparusahan, tulad lang ng mga walang pananampalataya. Walang mga damdamin ng laman ang Diyos; Siya ay walang pag-iimbot at matuwid. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Nakikita mo kung paano tinrato ng Diyos ang Kanyang mga lingkod sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya? Paano tinrato ng Diyos sina Noe, Abraham, Job, at mga apostol na tulad ni Pedro sa Kapanahunan ng Biyaya? Sa Diyos, sa paraan ng pagtrato Niya sa sinumang nilikha, ginagawa Niya ito nang mahigpit na ayon sa mga panuntunan at ayon sa mga prinsipyo; hindi Siya nagpapakita ng paboritismo sa sinuman. Sa sandaling makatiyak ka rito, masasabi mo bang nalulugi ka sa pagsamba sa Lumikha at pagpapasakop sa Lumikha? (Hindi.) Kung sumusunod ka sa isang tao, at natatakot ka na sumusunod ka sa maling tao at naloloko at nalilinlang ka, palagi mong kailangang maglaan ng daan palabas para sa iyong sarili at palaging kailangang may itabi. Pero sumusunod ka sa Lumikha, kailangan mo pa bang maglaan ng daan palabas para sa iyong sarili? (Hindi.) Kung ipapakita mo ang iyong tunay na puso at ihahandog mo ito sa Diyos, at mayroon kang tunay na pagpapasakop sa Diyos, ang makakamit mo sa huli ay ang pangako at pagpapala ng Diyos, at sa gayon ay magkakamit ka ng malaking pakinabang—hindi ka malulugi. Kung sinsero ka sa mga tao, maaari kang maloko at malinlang kung makakatagpo ka ng isang masamang tao. May tsansang maloko at malinlang ka kung susunod ka sa isang tao, pero talagang walang posibilidad na maloko kung susunod ka sa Diyos at tatahak sa landas ng pagpapasakop sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Magpasakop sa Diyos, magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at mga pagsasaayos, at magpasakop sa lahat ng sinasabi ng Diyos na nagkatawang-tao, at pagkatapos ay tingnan mo kung makakamit mo sa huli ang pagpapala at pangako ng Diyos. Ang tanging alalahanin ay baka hindi mo maipakita ang iyong tunay na puso, at baka hindi makayanan ng iyong tunay na puso ang pagsisiyasat at pagsubok ng Diyos. Ano ang dapat mong gawin kung hindi nito makayanan ang mga ito? Dapat mong patuloy na ipakita ang iyong tunay na puso—huwag mong subukang linlangin ang Diyos. Kung susubukan mong linlangin ang Diyos, sabihin mo sa Akin, malalaman ba ito ng Diyos? (Oo.) Kung sinasabi mong handa kang magpasakop sa Diyos, pero kapag may mga nangyayari ay isinasaalang-alang mo ang sarili mong mga interes at kinabukasan, isinasaalang-alang ang sarili mong pride at katayuan, at isinasaalang-alang ang sarili mong pagkain, pananamit, at kasiyahan, habang hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, ikaw ay isasantabi ng Diyos. Sasabihin Niya, “Hindi ka karapat-dapat sa Aking pagpapala at pangako!” Wala kang ginagawa kundi magsinungaling, wala kang ginagawa kundi subukang linlangin ang Diyos, kaya nakakaramdam ang Diyos ng pagkasuya sa iyo at binabalewala ka Niya. Ang puso ng Diyos ay dinurog mo, at ngayon ay binabalewala ka Niya—isa ba itong mabuting bagay? (Hindi.) Ano ang ipinapahiwatig nito? Makapagtatamo ka pa ba ng kaligtasan? Binabalewala ka ng Diyos—hindi mo na kailangang ihandog ang iyong tunay na puso, at hindi mo kailangang magbayad ng anumang uri ng halaga, ni hindi mo kailangang magtiis ng anumang paghihirap, at hindi magkakaroon ng disiplina, walang pagtutuwid, at walang mga pagsubok, tinutulutan kang mamuhay nang napakakomportable at napakadali. Isa ba itong mabuting bagay o isang masamang bagay? (Isang masamang bagay.) Sa tingin Ko, mas mabuti pang mamatay na lang ang isang taong tulad nito. Kapag kahit ang Diyos ay ayaw sa iyo, ano pa ang silbi ng mabuhay? Kahit ang paghinga ay magiging kalabisan.
Sige, iyon na ang lahat para sa pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!
Disyembre 14, 2024