Paano Hangarin ang Katotohanan (31)

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa pagbibitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, na nakapaloob sa paksa ng “Paano Hangarin ang Katotohanan,” hindi ba? (Oo.) Sa usaping ito, nagbahaginan tayo tungkol sa paksa ng “hindi paghahalintulad sa nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan,” at sa loob ng paksang ito ay nagbahaginan tayo tungkol sa kung paano tinitingnan ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagdurusa, na may kinalaman sa ilang kaisipan, pananaw, at opinyon tungkol sa pagdurusa. Ang pagbabahaginan tungkol sa kung paano dapat tingnan ng isang tao ang pagdurusa ay nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng mga tamang kaisipan at pananaw tungkol sa pagdurusa, nagbibigay-kakayahan sa kanila na arukin nang tama ang pagdurusa at harapin nang tama ang pagdurusa. Ibig sabihin, dapat mong batahin ang pagdurusa na dapat mong batahin; kung nagbabata ka ng pagdurusa na hindi mo dapat batahin, o walang saysay, hindi ito tatandaan ng Diyos. Kung ito ang pagdurusang dapat mong batahin, at ang pagbabata dito ay isang bagay na dapat mong gawin, dapat mo itong harapin nang tama, tanggapin ito mula sa Diyos, at magkaroon ng mentalidad ng pagpapasakop; hindi ka dapat magreklamo, at hindi mo ito dapat tanggihan o iwasan, kundi sa halip ay arukin ito nang tama. Ang pag-arok dito nang tama ay nangangahulugan ng pagtingin nang tama sa kabuluhan ng pagdurusa, sa halaga ng pagdurusa, gayundin sa kung ano ang dapat matamo ng isang tao at kung ano ang dapat makamit ng isang tao pagkatapos magbata ng pagdurusa. Sa madaling salita, ang pagdurusa ay isang bagay na dapat danasin ng lahat; lahat ng taong namumuhay sa laman ay dapat magdusa. Naghahangad ka man ng magandang buhay, naghahangad ng mga adhikain, o naghahangad ng katotohanan para magtamo ng kaligtasan sa pananampalataya mo sa Diyos, ang pagdurusa ay isang bagay na dapat danasin ng mga tao at isang bagay na dapat harapin nang tama ng mga tao. Dapat tingnan nang tama at arukin nang tama ng mga tao ang isyu ng pagdurusa. Kung isa itong pagdurusa na dapat batahin ng isang tao, dapat siyang tumanggap at magpasakop dito, at hindi siya dapat magreklamo, hindi niya ito dapat tanggihan, at hindi niya ito dapat iwasan. Kasabay nito, dapat niyang hanapin ang katotohanan at hanapin ang mga layunin ng Diyos sa gitna ng pagdurusa. Siyempre, mas mabuti pa kung, sa proseso ng pagdurusa, makikilala mo ang sarili mong katiwalian at paghihimagsik, at malalaman ang sarili mong mga kapintasan at kakulangan, at malalaman kung anong mga katotohanan at prinsipyo ng sariling asal ang tinutulutan ng Diyos na danasin, maunawaan, at makamit mo sa kapaligiran o sandaling ito ng paghihirap. Sa madaling salita, ang pagdurusa ay isang bagay na dapat danasin at dapat tanggapin ng lahat. Siyempre, napagbahaginan din natin na, kung ang pagdurusang binabata ng isang tao ay kinakailangan at mahalaga, sinasang-ayunan ng Diyos, at isang pagdurusa na dapat batahin ng mga tao, kung gayon, ito ay pagdurusang may kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung ang pagdurusang binabata ng isang tao ay walang kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan, kung ito ay pagdurusang gawa ng tao o pagdurusang hinahangad dahil sa kalooban ng tao, kung gayon, hindi ito ang pagdurusang isinusulong natin. Ang paggawa ng ilang paghihirap at problema, ang paggawa ng ilang suliranin, at pagkatapos ay ang sadyang pagdanas sa mga ito—ang lahat ng ito ay hindi kinakailangan, at isa itong kalabisan. Higit pa rito, ang pagdurusang binabata ng mga tao para palugdan ang sarili nilang mga ambisyon at mga pagnanais, para palugdan ang paghahangad nila sa katayuan, o para palugdan ang makasarili nilang mga pagnanais ay hindi rin kinakailangan. Ang kalikasan ng pagbabata sa ganitong uri ng pagdurusa ay naiiba sa kalikasan ng tunay na pagdurusa, pagdurusang binabata para makamit ang katotohanan at magkaroon ng tunay na mga pakinabang. Napagbahaginan natin ang aspektong ito, hindi ba? (Oo.) Paano ninyo tinitingnan ang isyu ng pagdurusa ngayon? (Dati, marami akong baluktot na pananaw at pagkaunawa tungkol sa pagdurusa sa puso ko, naniniwalang pagdating sa paggampan ng tungkulin ko, paano man ako magdusa at anong uri man ng pagdurusa ang batahin ko, tatanggapin ito ng Diyos at sasang-ayunan Niya ito. Pagkatapos magbahagi ng Diyos tungkol sa kung anong uri ng pagdurusa ang sinasang-ayunan ng Diyos at kung anong uri ng pagdurusa ang alang-alang sa pagsasagawa ng katotohanan, saka ko lang nasimulang kilatisin ang sarili kong mga walang-katotohanang pananaw sa mga bagay-bagay. At noon ko lang nasimulang pagnilayan kung paano ko hinaharap ang pagdurusa, at kung aling pagdurusa na binabata ko ngayon ang gawa-gawa at kalabisang pagdurusa, aling pagdurusa ang binabata ko para sa makasarili kong mga pagnanais, personal na kasikatan, pakinabang, at katayuan, o mga ambisyon at mga pagnanais, at aling pagdurusa ang dapat kong batahin at hindi ko dapat tanggihan. Halimbawa, ang pagdurusang binabata para maunawaan ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, ang pagdurusang binabata para magpatotoo sa Diyos, ang pagdurusang binabata para magampanan nang maayos ang tungkulin ko at mapalugod ang Diyos, at ang pagdurusang binabata para sa pagbabago ng disposisyon—ang ganitong uri ng pagdurusa ay dapat batahin, at ang nakakamit pagkatapos batahin ang pagdurusang ito ay ang katotohanan. Pagkatapos magbahagi ng Diyos tungkol dito, saka ko lang nalaman na dapat kong arukin nang tama ang isyu ng pagdurusa, at na hindi ako dapat makaramdam ng paglaban sa pagdurusang dapat kong batahin, kundi sa halip ay tanggapin ito at magpasakop, nagsusumikap na sumulong nang unti-unti. Umaasa ako na balang araw ay aabot ako sa punto ng pagdarasal sa Diyos tulad ng ginawa ni Pedro, humihiling na hindi ako iwan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, at nagagawang tanggapin ang pagdurusa ng paghatol at pagkastigo, at mga pagsubok at pagpipino, para magkaroon ako ng tunay na buhay pagpasok.) Dapat ninyong harapin nang tama ang usapin ng pagdurusa, at dapat kayong magkaroon ng dalisay na pag-arok dito. Sa madaling salita, pagdating sa pagdurusang hindi mo dapat batahin, huwag kang gumawa ng mga paghihirap o gumawa ng iba't ibang uri ng mga hadlang para pahirapan ang sarili mo. Ang pagpapahirap sa sarili mo ay hindi makatao, at wala rin ito sa katwiran. Ang pinakamahalaga, paano mo man pahirapan ang sarili mo—ito man ay pagdaig sa ilan sa sarili mong mga problema o paggawa ng ilang suliranin para pahirapan ang sarili mo—ang pinakamataas na makakamit mo sa huli ay ang pagpapalugod sa mga personal mong ambisyon at mga pagnanais, o sa sarili mong emosyonal na kasiyahan, pero hindi mo tunay na makakamit ang katotohanang realidad. Kung ang pagdurusang binabata mo ay para pangalagaan ang pag-iral ng mga positibong bagay, para pangalagaan ang pag-iral ng katarungan, at para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at isa itong pagdurusa na binabata mo para maging deboto, para tuparin nang maayos ang mga responsabilidad mo, at para umabot sa punto ng pagpapasakop sa Diyos at pagpapalugod sa Diyos, kung gayon, ang pagbabata sa gayong pagdurusa ay mahalaga at makabuluhan; ito ang pagdurusa na dapat batahin ng isang tao. Kung ang pagdurusang binabata mo ay para pangalagaan ang sarili mong pride, katayuan, at reputasyon, para palugdan ang makasarili mong mga pagnanais at palugdan ang sarili mong mga ambisyon, at para magtamo ng katayuan at magtamo ng malaking prestihiyo sa gitna ng mga tao, subalit sa pagbabata rito ay nabibigo kang pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at nabibigong pangalagaan ang mga positibong bagay, at hindi ito binabata para tuparin nang maayos ang mga responsabilidad mo, lalong hindi para umabot sa punto ng pagkakaroon ng debosyon at umabot sa punto ng pagpapalugod sa Diyos, kung gayon, ang lahat ng gayong pagdurusa ay hindi kinakailangang pagdurusa at hindi nararapat na pagdurusa. Kahit pa batahin mo ito, walang saysay ang paggawa mo nito. Dapat mong iwasan ang gayong pagdurusa hangga't maaari. Paano mo magagawang iwasan ito? Madali ba itong gawin? (Dapat muna nating tanggapin ang mga tamang pananaw tungkol sa pagdurusa na nagmumula sa Diyos, at pagkatapos ay unti-unting ihambing ang ating sarili sa mga ito sa ating mga karanasan. Kapag napagtanto natin na ang gayong pagdurusa ay walang halaga, hindi na natin babatahin ang gayong walang-saysay na pagdurusa.)

Ang ilang iglesia ay nasa mga lugar kung saan mahirap ang mga kondisyon sa pamumuhay. Hindi maganda ang mga kapaligiran sa pagkain at panunuluyan, at kahit ang pagkuha ng isang malinis na baso ng tubig ay mahirap, pero hinihingi sa iyo na gampanan ang tungkulin mo roon—ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon? Ipagpalagay na iniisip mo, “Ang pagdurusang kaakibat ng mga panlabas na kondisyong ito ay hindi ang dapat kong batahin. Ipinanganak ako para gumawa ng gawain ng iglesia; isa akong lider, at ang pagtratong tinatamasa ko ay dapat na mas maganda kaysa sa natatanggap ng mga ordinaryong tao. Masyadong mahirap ang mga kondisyon sa pamumuhay rito, na nakakaapekto sa lagay ng loob ko at pumipigil sa akin na magawa nang maayos ang gawain ko. Hindi ito maaari. Ang mahirap na kapaligirang ito ay hindi angkop para sa paggampan ko ng tungkulin ko. Kailangan kong lumipat sa isang lugar na may magandang tanawin at kaaya-ayang kapaligiran para gampanan ang tungkulin ko. Kailangan ko rin ng isang magandang tahanang matutuluyan, kung saan masarap ang pagkain at makakatulog ako nang komportable, kung saan may air conditioning sa loob at magagandang tanawin at mga lugar na mapapasyalan sa labas. Iyon ang uri ng lugar na angkop para magampanan ko ang tungkulin ko.” At dahil dito, pinipili mong lisanin ang mahirap na lugar at maghanap ng lugar na may magandang kapaligiran para gampanan ang tungkulin mo. Kumusta ang pagsasagawa nang ganito? (Hindi ito mabuti.) Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t sinabi Mo na huwag gumawa ng mga suliranin para sa ating sarili? Ang pagpunta sa salat at mahirap na kapaligirang ito kung saan masama ang pagkain at bahay-tuluyan—hindi ba’t ito ay pagdadala ng suliranin sa sarili ko, at pagdadala ng pagdurusa sa sarili ko? Dahil ito ay paghahanap ng pagdurusa at paghahanap ng suliranin, at paggawa ng mga hadlang para sa gawain, kung gayon ay dapat akong maghanap ng lugar na walang mga suliranin.” Katanggap-tanggap bang kumilos nang ganito? (Hindi.) Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang sinuman na umaarok sa mga bagay-bagay sa ganitong paraan? (Mayroon.) Tama bang arukin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? (Hindi, ang ganitong uri ng pag-arok ay medyo baluktot.) Kaya, kapag nakaharap ka ng isang kapaligiran ng paghihirap na tulad nito, kung saan hindi maganda ang kapaligiran sa pagkain at bahay-tuluyan, hindi malinis ang pagkain at inumin, palaging may mga langaw, lamok, at lahat ng uri ng mga insekto na nagliliparan, natutulog ka sa isang matigas na higaang kahoy, basa at marumi ang kumot, hindi ka makatulog nang maayos sa gabi, walang tahimik na lugar para magdaos ng mga pagtitipon, hindi ligtas ang kapaligiran, at higit pa rito, nagsasagawa ang rehimen ni Satanas ng pag-uusig at pagtugis doon—kung gayon, hindi ba’t sasabihin ninyo na tiyak na magtitiis kayo ng matinding pagdurusa sa gayong kapaligiran? (Oo.) Pero mayroong iglesia sa lugar na ito, at mayroong gawain na kailangang gawin, kaya ano ang dapat mong gawin? Babatahin mo ba ang pagdurusang ito o hindi? (Dapat namin itong batahin.) Sa usapin ng doktrina, matatanggap ito ng mga tao at alam nila na dapat nilang batahin ang pagdurusang ito, pero bakit dapat nila itong batahin? (Dahil hinihingi ito ng gawain ng iglesia, gayundin ng tungkulin namin, dapat batahin ang pagdurusang ito.) Ito ang gawaing dapat mong gawin, at ito ang responsabilidad na dapat mong tuparin nang maayos. Kapag ganito ang sitwasyon, may kinalaman dito ang isyu ng kung deboto ka ba sa paggampan ng tungkulin mo. Hindi mo maaaring isaalang-alang kung komportable ba ang kapaligiran, ni hindi ka maaaring kumilos batay sa kung komportable ba o nasasaktan ang laman mo; hindi ka puwedeng bumatay sa mga damdaming ito. Dapat mong subukan ang lahat ng posibleng paraan para mapangibabawan ang iba't ibang paghihirap upang matupad ang mga responsabilidad at tungkulin mo. Sinasabi ng ilang tao, “Ako mismo ay hindi pupunta. Maghahanap ako ng taong angkop na pumunta at gumawa ng gawaing ito at magbata ng pagdurusang ito. Titipirin ko ang lakas ko para gumawa ng iba pang mahalagang gawain, at hindi ko kakailanganing batahin ang walang saysay na pagdurusang iyon.” Tama ba ang pag-arok dito sa ganitong paraan? (Hindi. Kung tiyak na dito ako dapat pumunta, at na mayroong gawain na dapat kong gawin, pero nagsasaayos ako ng ibang tao para gumawa nito dahil sa takot sa pagdurusa, ito ay pagiging tuso at pagpapakatamad.) Kung tiyak na ito ang lugar na dapat mong puntahan, at na mayroong gawain na dapat mong gawin, isang tungkulin na dapat mong gawin, at mga problema na dapat mong pangasiwaan doon, subalit hindi ka pumupunta at sa halip ay nag-iisip ka ng lahat ng uri ng mga palusot at dahilan para ibang tao ang papuntahin, ito ay hindi pagiging deboto, at ito ay pag-iwas at pagtanggi sa paghihirap. Ang pinakapangunahing dahilan kung bakit ibang tao ang papupuntahin mo ay hindi dahil magiging abala para sa iyo ang pagpunta, ni hindi dahil opsyonal para sa iyo ang pagpunta, kundi dahil masama ang kapaligiran at mahirap ang mga kondisyon sa pamumuhay roon, at natatakot kang magbata ng pagdurusa—iyon ang dahilan kung bakit ayaw mong pumunta. Kung mayroon kang ganitong mentalidad at ganitong uri ng intensiyon, ito ay pagiging walang debosyon, at ito ay pag-iwas sa pagdurusa at pagtanggi na magbata ng pagdurusa. Dapat mong tanggapin ang pagdurusa na dapat mong batahin—gaano man karami ang mga paghihirap, hindi mo ito maaaring iwasan; gaano man karami ang panganib, dapat mo itong harapin; at kahit pa may nangyayaring isang uri ng sakuna roon, dapat kang pumunta, hindi mo ito maaaring iwasan, at dapat mong harapin ang mga paghihirap nang buong tapang. Ito ay tinatawag na pagiging deboto. Ipagpalagay na, bagama't alam mo na ang pagpunta roon ay magpapahirap sa laman mo at na mayroong panganib, hindi mo ito tinatanggihan o iniiwasan, at kaya mo pang harapin ang panganib at daigin ang mga paghihirap para manguna, alang-alang sa gawain ng iglesia at alang-alang sa paggampan nang maayos sa tungkulin mo. Ito ay tinatawag na pagiging deboto, ito ay tinatawag na pagtupad nang maayos sa mga responsabilidad mo, at ito ay tinatawag na pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Ang magawang manindigan sa sariling patotoo sa isang kapaligiran ng paghihirap ay ang dapat makamit ng mga tao, at ito rin ang pagsasagawa na dapat taglayin ng mga tao, hindi ba? (Oo.) Kapag nahaharap sa ganitong uri ng sitwasyon, dapat mo itong arukin sa ganitong paraan at isagawa sa ganitong paraan.

Kung pupunta ka sa isang lugar para gumampan ng tungkulin mo, at maganda ang mga kondisyon ng pamumuhay roon, maganda ang kapaligiran, napakasarap ng pagkain—halos makakakain ka ng karne sa bawat kainan—at napakakomportable rin ng matutuluyan mo, may pampainit sa taglamig at air conditioning sa tag-init, at napakaganda ng lahat ng kondisyon, paano mo dapat harapin ang ganitong uri ng kapaligiran sa paggawa kapag nakakaharap mo ito? Sinasabi ng ilang tao, “Talagang kaaya-aya ang paggawa sa isang kapaligirang tulad nito. Kung gagawin ko ang gawain ko sa lugar na ito, nagpapasasa ba ako sa kaginhawahan? Hindi ba ako nagiging deboto sa tungkulin ko? Hindi ba't mali ito?” Kung makakaharap ka ng isang kapaligiran na may magagandang kondisyon sa pamumuhay na tulad nito, paano mo ito aarukin? (Una, kailangan kong tukuyin kung kinakailangan ito para sa gawain ng iglesia. Kung hinihingi ng gawain na gampanan ko ang tungkulin ko sa lugar na ito, dapat kong harapin nang tama ang kapaligirang ito, hindi magpasasa sa kaginhawahan, at hindi magtuon sa pagkain ng masarap o pananamit nang maganda, kundi sa halip ay magtuon sa paggampan nang maayos sa tungkulin ko; ito lang ang pagiging isang tao na may konsensiya at katwiran. Pero kung hindi hinihingi ng gawain na gampanan ko ang tungkulin ko roon, at sadyang pumipili ako ng isang lugar na may magagandang kondisyon sa pamumuhay alang-alang sa mas malaking kasiyahan ng laman, kung gayon, iyon ay pagpapasasa sa kaginhawahan.) Kahit pa nasa isang kapaligiran ka na may magagandang kondisyon sa pamumuhay, hindi mo dapat hayaang pigilan ka nito sa paggampan nang maayos sa tungkulin mo. Hindi ka dapat magpasasa sa gayong kapaligiran sa pamumuhay; gawin mo lang kung ano ang dapat mong gawin, at gampanan ang tungkulin mo kung paano man ito dapat gampanan. Kung binibigyan ka ng espesyal na pangangalaga ng pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay dahil isa kang lider o isang manggagawa, binibigyan ka ng masasarap na pagkain na makakain at magagandang bagay na magagamit, at binibigyan ka ng ilang espesyal na pangangalaga at espesyal na pagtrato, at iniisip mo, “Dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos. Ito ay ang Diyos na nagiging mabiyaya sa akin, at ito ang dapat kong tamasahin, kaya tatamasahin ko na lang ito. Hindi ako maaaring tumanggi,” kung gayon, mali na mag-isip ka nang ganito. Sa katunayan, ang paraan ng pagtrato at pag-aasikaso sa iyo ng pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay ay higit na mas maganda kaysa sa kung paano sila kumilos kapag nagho-host sila ng mga ordinaryong kapatid; labis na nitong nahigitan ang mga pamantayan at prinsipyo ng pagho-host. Kaya, paano mo dapat harapin ang sitwasyong ito? (Dapat akong matutong tumanggi.) Paano ka dapat tumanggi? (Una, dapat akong makipagbahaginan nang malinaw sa pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay tungkol sa mga prinsipyo ng pagho-host, sabihin sa kanila na hindi nila dapat bigyan ang mga lider at manggagawa ng espesyal na pangangalaga dahil lang sa mayroong katayuan ang mga ito, dahil ginagawa nitong madali para sa mga lider at manggagawa na magpasasa sa kaginhawahan. Gayundin, ako mismo ay dapat matutong tumanggi sa kanila, huwag tamasahin ang espesyal na pagtratong ito. Dapat kong ipakita ang pagtanggi ko sa pamamagitan ng aktuwal na pag-uugali ko at sa pamamagitan ng mga kilos ko.) Kailangan mo ba itong tanggapin mula sa Diyos, kung gayon? (Hindi.) Dapat mo mismong malaman kung paano kilatisin ang mga sitwasyon, at malaman kung paano tratuhin ang mga ito nang naaayon. Sinasabi ng ilang tao, “Ganito lang talaga mamuhay ang pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay. Kung tatanggi ako, hindi ba't pagtanggi iyon sa biyaya ng Diyos? Hindi ba't paghahanap iyon ng suliranin? Dapat magtamasa ang mga lider at manggagawa ng magagandang kondisyon ng pagho-host kapag ginagawa nila ang gawain nila.” Tama ba ang pag-arok na ito? (Hindi.) Tiyak na mali ang pag-arok na ito. Kung darating ka sa isang lugar kung saan napakaganda ng mga kondisyon sa pamumuhay sa lugar na iyon, at ang inilalaan para sa iyo ng pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay ay bahagi rin ng mga normal na gastusin at pangangailangan sa pang-araw-araw nilang buhay, at ito lang ang karaniwan sa buhay nila, kung gayon, dapat mong igalang ang mga gawi nila sa pamumuhay. Ganoon lang talaga ang mga lokal na kondisyon sa pamumuhay. Kung tatanggi ka, magmumukha itong medyo pilit; dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos at harapin ito nang tama, dapat kang magpasalamat sa Diyos sa pagiging mabiyaya sa iyo, at hindi mo dapat subukang gumawa ng pagdurusa para sa sarili mo. Pero kung ang pagtratong inilalaan para sa iyo ng pamilyang nagpapatuloy sa kanilang bahay ay humihigit sa mga pamantayan nila sa pang-araw-araw na pamumuhay, ibig sabihin ay inaalagaan ka nila sa ilang espesyal na paraan, kung gayon, hindi ito alinsunod sa mga prinsipyo. Dapat kang tumanggi, at dapat kang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga prinsipyo; hindi ka dapat makaabala sa kanila. Hindi ba't ganito ka dapat magsagawa? (Oo.) Kung magdadahilan ka, sasabihin mo, “Ito talaga ang normal nilang pamantayan ng pamumuhay; kumakain sila nang marangya araw-araw at palaging may nakahandang lahat ng uri ng sariwang prutas, kaya dapat ko ring tamasahin ang mga bagay na ito,” tama ba na gumawa ka ng gayong mga pagdadahilan? (Hindi.) Ito ay pagpapasasa sa kaginhawahan. Sa sandaling dumating ang ilang tao sa isang lugar na may magagandang kondisyon sa pamumuhay, ayaw na nilang umalis, at nananatili sila sa gayong lugar sa loob ng napakatagal na panahon. Natatakot sila na magtitiis sila ng pagdurusa kung pupunta sila sa ibang lugar, kaya nag-iisip sila ng lahat ng uri ng mga palusot para hindi pumunta. Kahit pa mayroong gawain sa ibang lugar, na may mga problema na kailangan nilang pangasiwaan, pumupunta lang sila para tapusin ang mga gampanin sa loob ng ilang araw at pagkatapos ay nagmamadaling bumalik sa magandang lugar na ito. Hindi ba't ito ay pagkatakot na magbata ng pagdurusa? (Oo.) Ito ay pagkatakot na magbata ng pagdurusa, at ito ay pagpapasasa sa kaginhawahan. Binibigyang-layaw nila ang laman nila hanggang sa tumaba sila at pumuti, at nakakaisip pa rin sila ng mga dahilan at palusot, sinasabi nila, “Kung hindi ako kakain ng masarap o mananatili sa isang magandang lugar, at magkakasakit ako, hindi ba't makakaapekto ito sa paggampan ko sa tungkulin ko bilang isang lider? Para magawa nang maayos ang gawain, dapat kong bigyang-layaw ang laman ko, panatilihing malusog ang laman ko, at maging puno ng lakas; saka lang ako magiging mahusay sa paggampan ng tungkulin ko.” Hindi ba't mga palusot ang mga ito? (Oo.) Ito ay paggawa ng mga palusot para magpasasa sa kaginhawahan. Sa madaling salita, ito man ay isang kapaligiran ng paghihirap o isang kapaligiran ng kaginhawahan, dapat mong magawang iwasan na maimpluwensiyahan o malimitahan nito. Kung walang paghihirap, huwag kang gumawa nito para sa sarili mo; kung mayroong paghihirap, huwag mo itong tanggihan. Kung ang kapaligirang nakakaharap mo ay nangangailangan ng pagdurusa, dapat mo itong batahin; gaano man katindi ang paghihirap, dapat mo itong pangibabawan. Ang layunin ng pangingibabaw rito ay para mas magampanan mo nang mas maayos ang tungkulin mo, hindi para sadyang pahirapan ang sarili mong laman. Gaano man katindi ang mga paghihirap, hindi mo dapat tanggihan o iwasan ang mga ito; sa halip, dapat kang mag-isip ng lahat ng uri ng mga paraan para magawa nang maayos ang gawain, magawa nang maayos ang tungkulin na dapat mong gawin, at sabihin kung ano ang dapat sabihin at pangasiwaan at lutasin ang mga problema, at pagkatapos ay maaari ka nang umalis. Magiging angkop iyon. Kapag pumupunta ka sa isang lugar na may magagandang kondisyon sa pamumuhay, dapat mo ring magawang gampanan nang normal ang tungkulin at gawain mo, nang hindi nahuhumaling sa kaginhawahan at kasiyahan ng laman, kundi sa halip ay tumutuon ka sa puso mo sa paggampan nang maayos sa gawain. Siyempre, sa gayong kapaligiran, hindi mo kailangang gumawa ng mga karagdagang paghihirap para pahirapan ang sarili mo o para mag-alay ng katapatan o magpahayag ng determinasyon mo sa Diyos. Sa halip, hindi ka dapat maimpluwensiyahan ng kapaligirang ito, hindi ka dapat magpasasa sa kaginhawahan ng laman, at hindi ka dapat maging tiwali. Hindi mo dapat hayaang maapektuhan ng magagandang kondisyon sa pamumuhay at komportableng kapaligiran ang pag-usad ng gawain, o maapektuhan ang determinasyon mong magdusa at ang debosyon mo sa tungkulin mo. Sa isang kapaligiran ng kaginhawahan, dapat mo pa ring tuparin nang maayos ang mga responsabilidad mo at gampanan nang maayos ang tungkulin mo. Kung mayroong gawain sa ibang lugar at dapat kang pumunta, dapat kang pumunta. Hindi ka maaaring masyadong malulong sa kasiyahan mo na nakakalimutan mo na ang mga tungkulin mo at ayaw mo nang pumunta sa ibang lugar dahil lang komportable at maginhawa ang laman mo at nakakalugod ang buhay mo rito. Mali ito. Ito ay pagtanggi na magbata ng pagdurusa, ito ay pagpapasasa sa kaginhawahan, at ito ay hindi pagiging deboto sa tungkulin mo. Hindi ba't ganito iyon? (Oo.)

Mayroon mang paghihirap o wala sa kapaligiran kung saan mo ginagampanan ang tungkulin mo, sa kapaligiran ng gawain mo, o sa kapaligiran ng pamumuhay mo, sa madaling salita, dapat mong arukin nang tama ang isyu ng pagdurusa, at dapat mo rin itong harapin nang makatwiran, nang may tamang saloobin. Kung ang pagdurusang tinitiis mo ay para magampanan nang maayos ang tungkulin mo, para makapagsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, para maialay ang debosyon mo, at para makapagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, kung gayon, dapat mo itong tanggapin. Gaano man katindi ang mga paghihirap, dapat mong pangibabawan ang mga ito, at dapat mong batahin ang mga ito; hindi mo dapat tanggihan o iwasan ang mga ito. Gayumpaman, kung walang paghihirap, at wala ring suliranin, kumakain ka nang masarap at namumuhay nang komportable, at sa loob ng mahabang panahon ay hindi ka nahaharap sa anumang hindi kanais-nais na mga kondisyon—kung maganda ang lahat ng bagay sa lahat ng aspekto—hindi ka dapat mabagabag sa loob mo. Sa gayong kapaligiran ng kaginhawahan, lalo mo pang dapat patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos, gawin nang maayos ang mga espirituwal na debosyon mo, sangkapan ang sarili mo ng katotohanan, at payamanin ang pagkaunawa mo. Dapat mong pagnilayan kung ano ang naging mga pagkukulang mo sa panahong ito, o kung aling mga tiwaling disposisyon ang naibunyag mo at kailangan mong makilala at kailangan mong lutasin sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan. Pagkatapos ay tingnan mo kung anong mga problema ang mayroon ka pa rin, aling mga problema ang hindi mo alam kung paano lutasin, anong mga aspekto ng katotohanan ang kulang pa sa iyo, at anong mga aspekto ang kailangan mong pasukin at kailangan mong pagbutihin. Ito ang paraan ng pagsasagawa para harapin nang tama ang isyu ng pagdurusa, at para harapin nang tama ang mga kapaligirang inihahanda ng Diyos para sa iyo. Kung ganito ka magsagawa, halos hindi ka na kailanman maiimpluwensiyahan ng panlabas na kapaligiran. Gaano man katindi ang paghihirap sa panlabas na kapaligiran, hangga't may tamang layon at tamang direksyon ng paghahangad ang isang tao sa puso niya, kayang manatiling tahimik sa harap ng Diyos, kayang isipin kung ano ang mga katotohanang prinsipyo at kung paano magsagawa kapag nahaharap siya sa mga usapin, at pagkatapos ay gumawa ng mga tamang pagpapasya at magsagawa nang tama, sa pamamagitan ng pagtingin sa pagdurusa sa ganitong paraan, sa huli ay makakamit niya ang ilan sa mga positibong bagay na dapat niyang makamit. Halimbawa, minsan ay maaari kang makaharap ng malalaking problema na kailangang agarang pangasiwaan habang ginagampanan mo ang tungkulin mo, kaya kailangan mong gumising nang maaga at matulog nang gabing-gabi na, o lumiban ng pagkain, o maglakbay nang malayo at tumawid sa mga bundok at burol. Sa partikular, ang ilang liblib na lugar ay hindi mararating ng sasakyan at wala man lang daanan para sa bisikleta, kaya makakapunta ka lang doon sa pamamagitan ng paglalakad. Kaya, paano ka dapat kumilos kapag nahaharap ka sa isang kapaligiran ng paghihirap na tulad nito? Ang mga ito ay ilang partikular na uri ng paghihirap. Kapag nakakaharap mo ang mga kapaligirang ito, hindi mo maaaring tanggihan o iwasan ang mga ito. Ito ang pagdurusa na dapat mong batahin; para magampanan nang maayos ang tungkulin mo, dapat mong batahin ang gayong pagdurusa. Gayumpaman, kailangang tratuhin nang magkakaiba ang ilang espesyal na sitwasyon. Halimbawa, sa ilang lugar kung saan may mga iglesia, lubhang hindi kanais-nais ang mga kondisyon, kung saan walang habas na nagsasagawa ng mga pag-aresto ang CCP. Naaresto na ang ilang lider at manggagawa, at ang ilang kapatid ay nasa ilalim ng mahigpit na pagmamanman ng CCP. Matinding naapektuhan ang gawain ng iglesia at kailangan itong pangasiwaan. Kung pupunta ka roon, manganganib kang maaresto, at maaari pa ngang malagay sa panganib ang buhay mo. Sa gayong mga sitwasyon, dapat kang gumamit ng kaunting karunungan. Maaari kang makipag-ugnayan sa pamamagitan ng liham, o kaya ay tipunin mo ang mga lokal na superbisor sa ibang lugar para makipagbahaginan, at tulungan silang asikasuhin ang mga susunod na gawain upang ang gawain ng iglesia ay mapunta sa tamang landas sa lalong madaling panahon. Sa madaling salita, sa gayong mapanganib na mga kapaligiran, dapat kang maging partikular na maingat at hindi ka maaaring makipagsapalaran. Sa ilang sitwasyon, maaari mong subukang makipagsapalaran, pero sa ibang sitwasyon, hindi angkop na gawin ito. Ano't anuman, sa sandaling maarok mo nang tama ang isyu ng pagdurusa, dapat mong pagnilayan ang sarili mo batay sa mga tamang kaisipan at pananaw na ito. Tingnan mo ang pagdurusang kinakaharap mo sa buhay mo at sa proseso ng paggampan sa tungkulin mo. Tingnan mo kung anong uri ng pagdurusa ang pagdurusang dapat mong batahin, at kung anong uri ng pagdurusa ang pagdurusang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo—ito ang uri ng pagdurusa na dapat mong batahin; dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos. Tingnan mo kung anong uri ng pagdurusa ang hindi kinakailangan, at isang suliranin lang na ginawa mo para sa sarili mo—gaano man karami ang batahin mo sa ganitong uri ng pagdurusa, hindi ito tatandaan ng Diyos. Kung ang ibang tao ay gumagawa ng suliranin na nakakaapekto sa gawain ng iglesia, at dapat mong ayusin ang gulong ito, at dapat mong tuparin nang maayos ang mga responsabilidad mo, kung gayon, hindi ka maaaring magreklamo; dapat mong asikasuhin ang anuman na dapat mong pangasiwaan. Halimbawa, sinisira ng ilang tao ang mga kagamitan, device, at iba pang gamit ng iglesia, o walang pakundangang gumagawa ng mga maling gawa na nagdudulot ng isang hindi kanais-nais na sitwasyon, o pumapalpak ang mga taong magulo ang isip o mga taong may mahinang kakayahan sa isang bagay—kailangan mo itong harapin. Sa gayong mga pagkakataon, hindi mo maaaring sabihin, “Sila ang may kagagawan nito—ngayon ay kailangan nila itong pagdusahan. Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ito pagdurusa na dapat kong batahin; tumatanggi akong tanggapin ang tungkuling ito!” Tama bang magsalita nang ganito? (Hindi, ito ay hindi pagiging deboto at kawalan ng pakiramdam ng responsabilidad.) Muli, may kinalaman dito ang debosyon ng isang tao. Kung isa itong bagay na nakaatang sa iyong gawin, kung gayon, dapat mo itong asikasuhin at pangasiwaan. Kahit na ang pangangasiwa rito ay nangangahulugan ng pag-aayos sa isang kapalpakan, dapat ka pa ring pumunta. Hindi ka dapat makipagtalo, at hindi ka dapat magreklamo, sinasabing, “Ang mga taong ito na magulo ang isip, ang mga hangal na taong ito na may mahinang kakayahan ang nag-iwan ng gulong ito, kaya bakit ako ang dapat mag-ayos nito? Hindi ba't magtitiis ako ng pagdurusang higit sa kinakailangan? Ang sitwasyong ito ay kagagawan ng mga tao; hindi ito nagmula sa Diyos.” Maling magsalita ka nang ganito. Maaaring ang pag-aayos ng gulo at pag-aayos sa mga naiwang problema ay hindi mo tungkulin at hindi saklaw ng sarili mong gawain, pero ang usaping ito ay may kinalaman sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaya paano mo ito dapat harapin? Kung hindi ka pupunta para ayusin ang gulong ito, maaantala ang gawain ng iglesia, at magdurusa ng mga kawalan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pero para maayos ang gulong ito, kailangan mong magsabi ng maraming salita para magbahagi tungkol sa katotohanan at lumutas ng mga problema. Sa sitwasyong ito, kaya mo bang magtiyaga sa paglutas sa lahat ng problema at lubusang magawa nang maayos ang gawain? Nabigo ang ibang tao na lutasin ang mga problema at hindi nila ginawa nang maayos ang gawain, kaya kailangan mong maglaan ng higit na pagsisikap para lutasin ang mga problema at lubusang magawa nang maayos ang gawain; ito lang ang nagdudulot na maging angkop ka sa paggamit ng Diyos. Kapag hinihingi sa iyo na magdusa, dapat mo itong batahin; gaano man karami ang mga problema, dapat mong lutasin ang mga ito. Kapag lumilitaw ang mga paghihirap na ito sa gawain, gagawin mo pa rin ba ang gawain o hindi? (Kailangan pa rin namin itong gawin.) Maganda man o masama ang kapaligiran ng pamumuhay mo, at anuman ang lagay ng loob mo, dapat mong gawin nang maayos ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at dapat mong gawin nang maayos ang tungkuling ito. Kung ayaw mong tanggapin ang tungkuling ito, maaari mo itong talikuran; hindi ka pipilitin ng sambahayan ng Diyos. Pero dahil tinanggap mo ito, dapat mong gawin nang maayos ang tungkuling ito. Lalo na kapag may kinalaman ito sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, may responsabilidad ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kahit pa makaranas ka ng mga paghihirap o kailangan mong magbata ng matinding pagdurusa, dapat kang magtiyaga sa paggawa nito. Bakit Ko sinasabi ito? (Dahil may kinalaman ito sa tungkulin namin, at dapat pangalagaan ng mga tao ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.) Ang mga usaping may kinalaman sa tungkulin ay hindi simpleng bagay. Sa isang banda, may kinalaman sa mga ito ang buhay pagpasok ng mga tao, at kasabay nito, may kinalaman sa mga ito ang pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos. Samakatwid, sa pagharap sa mga problemang ito, dapat hanapin ng mga tao ang katotohanan para lutasin ang mga ito, at dapat nilang tuparin ang tungkulin nila para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ay isang responsabilidad na hindi maiiwasan! Ang pagkakaroon ng isang responsabilidad na hindi maiiwasan ay nangangahulugan ng pagiging deboto at pagtupad nang maayos sa mga responsabilidad mo. Anuman ang mga problema o paghihirap na kakaharapin mo, huwag kang magreklamo, at kapag galit ka, huwag mo itong ibuntong sa gawain ng iglesia. Gawin ang gawain nang mismong ayon sa nararapat; magdaos ng mga pagtitipon at magbahagi tungkol sa mga prinsipyo sa mga tao, at pagkatapos ay ayusin ang gulong ito, upang ang gawain ng iglesia ay mapunta sa tamang landas at ang gawaing naantala ay bumalik sa normal. Halimbawa, noon, ang ilang taong magulo ang isip at masasamang tao ay humawak ng kapangyarihan at naglingkod bilang mga lider. Pinabagal nila ang pagiging episyente ng gawain ng iglesia o pinaralisa ito, na naging sanhi upang magdulot ng mga kawalan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ngayon ay dapat kang magmadali na remedyuhan ito, gumawa ng mga angkop na pagsasaayos sa mga tauhan, gumawa ng mga angkop na pagsasaayos sa mga plano at pamamaraan ng gawain, at mag-isip ng lahat ng uri ng paraan para pabilisin ang mga bagay-bagay. Dati, maaaring nagtrabaho ka nang walong oras sa isang araw; ngayon, nagtatrabaho ka ng karagdagang dalawang oras araw-araw para pabilisin muli ang gawain at makabawi sa mga nakaraang kawalan sa gawain. Ito ay tinatawag na pagiging deboto. Dapat batahin ang pagdurusang ito. Ang pagbabata sa pagdurusang ito ay makabuluhan at mahalaga; isa itong mabuting gawa, at tatandaan ito ng Diyos. Sa paggawa nito, isinasagawa mo ang katotohanan. Ano ang tinutukoy rito ng pagsasagawa sa katotohanan? Nangangahulugan ito ng pag-aalay ng debosyon mo, pangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pagbawi sa mga pinsalang dinanas sa gawain. Ito ay pagsasagawa sa katotohanan, at ito ay tinatawag na paggawa ng isang mabuting gawa. Maaaring sa panahong ginagawa mo ang gawaing ito, masyado kang abala; nakakapagpahinga ka lang pagkalipas ng alas-dose ng gabi, at gumigising ka bago magbukang-liwayway. Nagmamadali kang kumain at pagkatapos ay nagmamadaling bumalik para magpakaabala sa gawain. Ito ay dahil ang gawain ay nasa harapan mo mismo—napakaraming pagsasaayos sa mga tauhan ang kailangang gawin, at napakaraming usapin ang kailangang pangasiwaan. Hindi uubra ang matulog nang maaga, dahil hindi pa natatapos ang ilang gawain. Hindi rin uubra ang gumising nang tanghali, dahil naghihintay ang lahat na isaayos mo ang gawain; dapat mong planuhin ang gawaing gagawin ngayon bago gumising ang lahat, at pagkatapos ay isaayos at iatas ito. Medyo nagdurusa ka sa loob ng buwang ito. Medyo pagod at medyo hapong-hapo ang laman mo, mas kaunti ang oras mo para magpahinga kaysa noon, at medyo pumayat ka, pero pagkatapos maging abala sa loob ng isang buwan, nagiging normal ang pag-usad ng gawain ng iglesia sa lahat ng aspekto, at sa wakas ay naayos na ang lahat. Ano ang ibig sabihin ng naayos na ang lahat? Nangangahulugan ito na ang mga taong itinalaga sa bawat posisyon ay pawang angkop; walang sinuman ang nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo o nagdudulot ng problema, walang sinuman ang sumisigaw ng mga islogan o naglilitanya ng matatayog na ideya, at walang sinuman ang palaging negatibo. Nagagawa ng lahat na gampanan nang normal ang tungkulin nila, at mahusay sa gawain nila ang mga tao sa bawat posisyon. Walang mga batugan at walang mga palamunin. Ang lahat ng aytem ng gawain ay normal na tumatakbo ayon sa mga hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, nagbubunga ng mga resulta, at napunta na sa tamang landas. Saka ka lang nagiging isang tao na namumuhay sa harap ng Diyos. Kung kaya mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang anumang mga paghihirap na kinakaharap mo, at ginagawa mo nang maayos kung ano ang nasa saklaw ng sarili mong gawain, kung gayon, sulit ba ang lahat ng pagdurusang ito na tinitiis mo? (Oo.) Sulit na sulit ang lahat ng ito! Nagtitiis ng kaunting pagdurusa ang ilang tao para matupad nang maayos ang mga tungkulin nila, at pagsapit nila sa edad na apatnapu o limampu, nagkakaroon sila ng ilang maliliit na karamdaman. Ang ilan ay may pag-ugong sa ulo o tinnitus, habang ang iba naman ay may cervical spondylosis, o pananakit sa ibabang bahagi ng kanilang likod at mga binti. Bagama't nagtiis sila ng ilang pagdurusa, natupad nila nang maayos ang kanilang mga responsabilidad at napangalagaan ang gawain ng iglesia. Kapalit ng mga karamdaman at pananakit na ito, nagkamit sila ng debosyon sa Diyos, at nagkamit sila ng pagtanggap at pagsang-ayon ng Diyos, at ng pag-alala ng Diyos. Sasabihin ba ninyo na sulit iyon? (Oo.) Ang bawat karanasan ng pagdurusa, bawat karanasan ng pangangalaga sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at bawat karanasan ng pag-aalay ng debosyon mo ay isang magandang alaala para sa iyo; ang mga ito ay pawang mga pinakamagandang alaala na nabuo habang ginagawa ang tungkulin ng isang nilikha. Minsan, kapag nararamdaman mo ang mga pananakit at kirot na ito sa katawan mo, at pagkatapos ay pinagninilayan ang pagdurusang tiniis mo sa paglipas ng mga taon sa proseso ng paggampan sa tungkulin mo, pati na rin ang mga resulta sa usapin ng buhay at mga resulta sa usapin ng gawaing nakamit mo, mararamdaman mong sulit ito, wala kang magiging mga pagsisisi, at magkakaroon ka ng pakiramdam ng kapanatagan sa puso mo. Sabihin mo sa Akin, sulit ba ang pagbabata sa pagdurusang ito? (Oo.) Sulit na sulit ito! Paano lumilitaw ang ganitong kapanatagan sa puso mo? (Sa pamamagitan ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga para pangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos.) Nagkakamit ka ng kapanatagan mula sa pagdurusa dahil ang mga bagay na ito na ginagawa mo at ang gawaing ito na ginagampanan mo ay pawang mga positibong bagay, pawang nangangalaga sa pag-iral ng layunin ng katarungan, pawang nangangalaga sa mga interes ng Diyos at nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pawang nagsasagawa ng katotohanan at sumusunod sa daan ng Diyos. Hindi ka inuusig ng konsensiya mo, kaya nagkakamit ka ng kapanatagan sa puso mo. Ang lahat ng pagdurusang ito na tinitiis mo ay para pangalagaan ang pag-iral ng mga positibong bagay. Anong mga positibong bagay? (Halimbawa, ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, ang normal na pag-usad ng gawain ng ebanghelyo, ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at iba pa—ang mga ito ay pawang mga positibong bagay.) Tama iyan. Pinangangalagaan mo ang pag-iral ng mga positibong bagay, tinitiyak na ang bawat aytem ng gawain ng iglesia ay umuusad nang normal at episyente, na ang lahat ay gumagawa ng tungkuling angkop sa kanila, at na ang lahat ay makakapagpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Walang sinuman ang nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at walang sinuman ang nagpapabaya sa mga wastong gampanin at palamunin. Ang mga pagsasaayos sa mga tauhan at mga gawain ay pawang angkop at pawang wasto. Kung may sinumang nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, maaari mo silang agarang matuklasan at mapigilan, at maaari kang magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang problemang ito. Kung kaya ng taong nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo na tumanggap ng katotohanan, at pagkatapos mong paulit-ulit na makipagbahaginan sa kanya at matulungan siya at mabigyan siya ng pagkakataong magsisi, sa huli ay nagbago siya, kung gayon, ito ay ang resulta ng gawain mo, at isa itong positibong bagay. Kung hindi niya tinatanggap ang katotohanan, at pagkatapos ng maraming serye ng pagbabahaginan, pagtulong, at pagpupungos, nananatili pa rin siyang hindi na magbabago, patuloy na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, at palaging nagbubulalas ng pagkanegatibo, dapat siyang agarang paalisin at pangasiwaan. Hindi ba't ang lahat ng ito ay pangangalaga sa pag-iral ng mga positibong bagay? (Oo.) Higit pa rito, kung matutuklasan mo kung saang mga bahagi ng gawain lumitaw ang mga pagkakamali, o lumitaw ang mga butas, na nagdudulot na magdusa ng mga kawalan ang gawain, at pagkatapos ay agarang mapigilan, mapangasiwaan, at malutas ang mga ito, hindi ba't ito ay pangangalaga sa gawain ng iglesia? Hindi ba't ito ay pangangalaga sa mga positibong bagay? (Oo.) Ang lahat ng ito ay bumubuo sa pangangalaga sa pag-iral ng mga positibong bagay. Kung ang pagdurusang tinitiis mo ay pawang para pangalagaan ang pag-iral ng mga partikular na positibong bagay na ito, kung gayon, kapag inalala mo kalaunan ang mga bagay na ito na ginawa mo, hindi ba’t makakaramdam ka ng kaunting pakiramdam ng kapanatagan sa puso mo? Tiyak na makakaramdam ka ng lubos na kapanatagan sa loob mo. Gayumpaman, ipagpalagay na inaalala mo ang mga bagay-bagay nang unti-unti at natuklasan mo na sa likod ng bawat sandali ng pagdurusa mo ay ang pagnanais na palugdan ang kasiyahan ng iyong laman, o na nagdusa ka para protektahan ang sarili mong pride, para panatilihin ang sarili mong katayuan at patatagin ang sarili mong kapangyarihan, o para magsikap para sa isang uri ng personal na pakinabang—mga materyal na pakinabang, pinansyal na pakinabang, o sikolohikal na pakinabang—at wala kang nagawang kahit isang positibong bagay. At bagama't nagtiis ka ng matinding pagdurusa, ang bawat salitang sinabi mo, bawat kilos na ginawa mo, at bawat aytem ng gawain na ginawa mo, maging sa publiko o sa pribado, ay ganap na para sa iyong sarili, para sa sarili mong pride at katayuan, at para sa sarili mong reputasyon, at ang mga pinangalagaan mo ay pawang mga negatibong bagay. Kung gayon, kapag inihambing mo ang sarili mo batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ano ang mararamdaman mo sa loob mo? Magiging maganda ba ang pakiramdam mo? (Hindi.) Ngayon ay isaalang-alang mo ang mga resulta ng gawain mo: Hindi mo agarang pinangasiwaan, lalong hindi mo nilutas, ang mga problemang lumilitaw sa anumang bahagi ng gawain. Sinuman ang magdulot ng mga paggambala at panggugulo, hangga't wala itong kinalaman sa katayuan at mga interes mo, kung gayon, gaano man napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi mo sila pinipigilan o nililimitahan, kundi sa halip ay pinalalampas mo ang mga bagay-bagay, nagbubulag-bulagan ka, nananatiling walang pakialam, at hindi binibigyang-pansin ang mga ito. Pagkatapos, kapag nagsiyasat ang Itaas at hiningi na pangasiwaan ang mga responsableng partido at pagbayarin para sa mga kawalan, ipinapatupad at isinasagawa mo lang ito, gumagawa nang pabasta-basta at hinahayaan na lang ito. Hindi mo kailanman maagap na nilutas ang mga problemang lumilitaw sa sarili mong gawain; ganap kang pasibo. Ano ang gawaing handa kang gawin, at nagkukusa kang gawin? Ito ay ang lahat ng bagay na ginagawa mo para pangalagaan ang sarili mong kasikatan, pakinabang, at katayuan, at para pangalagaan ang sarili mong mga interes; ang mga pinangangalagaan mo ay pawang mga negatibong bagay. Ginagawa mo ang mga bagay na ito nang may walang kapaguran na kasiglahan, subalit hindi ka kailanman nagkusa na gumawa ng mga bagay tulad ng pangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos o pangangalaga sa mga positibong bagay. Kapag isang araw ay inalala mo ito at sinuri ang sarili mong mga kilos at gawa, hindi ba’t makakaramdam ka ng pagkakonsensiya sa loob mo? Kapag ikinukumpara mo ang sarili mo sa mga salita ng Diyos, mapupuno ka ng pagkakonsensiya sa loob mo! Kung nakakaramdam ka ng pagkakonsensiya, magkakaroon ka ba ng kapayapaan sa puso mo? Magkakaroon ka ba ng kapanatagan? Hindi ka magkakaroon ng kapanatagan at hindi ka magkakaroon ng kapayapaan. Hindi ka makakaramdam ng anumang pakiramdam ng kapanatagan mula sa pagbabata sa pagdurusang ito—hindi ba't walang kabuluhan ang pagbabata rito, kung gayon? (Oo.) Nagtiis ka ng napakatinding pagdurusa, subalit hindi mo alam kung ang ginawa mo ay talaga bang isang mabuting gawa, kung naialay mo ba ang debosyon mo, kung ang ginawa mo ba ay tinatanggap ng Diyos, o kung tunay ka bang isang tao na nagtatamo ng kaligtasan, sa paningin ng Diyos. Wala kang ideya tungkol sa anuman sa mga ito, at labis kang natatakot sa loob mo—makakaramdam ka pa rin ba ng pakiramdam ng kapanatagan? (Hindi.) Ang pagkakaroon ng kapanatagan sa puso mo pagkatapos manampalataya sa Diyos hanggang sa kadulu-duluhan ay isang bagay na makakamit mo lang sa pamamagitan ng pagtahak sa tamang landas, pagiging isang tao na gusto ng Diyos, at paghahanda ng maraming mabuting gawa sa proseso ng paggampan sa tungkulin mo; hindi ito isang bagay na nakakamit mo sa pamamagitan ng pagbabata ng isang partikular na dami ng pagdurusa. Kung ang kalikasan ng pagdurusa mo ay para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at para pangalagaan ang mga positibong bagay, sa huli ay magkakamit ka ng kapanatagan mula rito. Gayumpaman, kung ang kalikasan ng pagdurusa mo ay para pangalagaan ang mga personal mong interes at para pangalagaan ang mga negatibong bagay, sa huli, hindi ka lang mabibigong magkamit ng pakiramdam ng kapanatagan mula rito, kundi makakaramdam ka rin ng pakiramdam ng pag-aakusa sa sarili at pagkabagabag sa puso mo. Ang mga nakakaramdam ng pagkabagabag sa puso nila ay palaging nagninilay-nilay, “Ano ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos? Tingnan mo kung gaano karaming handog ang ninakaw ng mga anticristo, at kung gaano karaming magagandang damit, magagandang kagamitan, at iba pang magagandang bagay ang kinuha nila para sa sarili nila. Tingnan mo kung ano ang natatamasa nila, at tingnan mo kung ano ang natatamasa ko! Ano ang nakamit ko mula sa pagbabata ng napakatinding pagdurusa?” Nakikita mo, may kakayahan silang magsabi ng gayong mga bagay. Ang katunayan na kaya nilang itanong, “Ano ang nakamit ko mula sa pananampalataya sa Diyos?” ay nagpapatunay na wala silang pakiramdam ng kapanatagan sa puso nila; hindi sila nakakaramdam ng kaganapan sa loob nila, kundi hungkag sila. Ang mga walang pakiramdam ng kapanatagan ay nakakaramdam ng pagkabalisa sa loob nila. Para sa mga mayroon ngang kapanatagan, bakit nila nararamdaman ito? Hindi lang ito dahil nagtitiis sila ng pagdurusa, kundi pangunahin ay dahil naunawaan nila ang ilang katotohanan at nagkaroon sila ng mga positibong pakinabang sa proseso ng pagdurusa. Samantala, ang mga hindi umaani ng anuman mula sa proseso ng pagdurusa ay nag-iisip na wala silang nakamit sa huli, na hindi makatarungan ang pagdurusa nila at na hindi ito sulit, at pakiramdam nila ay nalugi sila. Sa sitwasyong ito, pakiramdam nila ay hindi matuwid ang Diyos at na hindi patas ang Diyos sa kanila, na ang ibang tao ay iniangat ng sambahayan ng Diyos para maging mga lider at manggagawa at magkaroon ng mas mataas na katayuan kaysa sa kanila, habang sila ngayon ay mas mababa at walang natamasang anuman. Pagkatapos magdusa at gugulin ang sarili nila sa loob ng napakaraming taon, wala silang napala sa huli, kaya nakakaramdam sila ng pagtutol sa loob nila. Kung nakakaramdam sila ng pagtutol at pagkaagrabyado rin, sabihin ninyo sa Akin, nakamit ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Tiyak na hindi nila nakamit ang katotohanan. Kung ang nakakamit ng mga tao ay ang katotohanan, pagdating sa kung paano nila tinatrato ang lahat ng uri ng materyal na bagay, kung paano nila tinatrato ang katayuan at reputasyon, kung paano nila tinatrato ang pagdurusa, kung paano nila tinatrato ang mga tungkulin nila, at iba pang gayong mga bagay, magkakaroon sila ng tamang pag-arok at mga tamang kaisipan at pananaw. Magbabago ang pananaw nila sa buhay at ang landas sa buhay na pinipili nila; ibig sabihin, magbabago ang buhay sa loob nila, at magbabago rin ang iba't ibang perspektiba sa likod ng paghahangad nila. Kapag nararanasan ng mga tao ang mga pagbabagong ito, at kapag nakakamit nila ang mga bagay na ito, nakakaramdam sila ng kaganapan. Pakiramdam nila, “Sa mga taon na ito ng pagsunod sa Diyos, naunawaan ko ang maraming katotohanan at marami akong nakamit. Sagana ang mga pakinabang ko, at umaapaw ang saro ko.” Bagama't medyo pagod ang laman nila, nakakaramdam sila ng labis na kapayapaan, kaginhawahan, kaligayahan, at kapanatagan sa puso nila. Sa kabaligtaran, ang mga nagdurusa para hangarin ang katayuan at reputasyon ay hindi lang nabibigong makakuha ng masasaganang pakinabang sa huli—nahahayag at natitiwalag din sila. Dahil nakikitang wala silang pag-asang magkamit ng mga pagpapala, pakiramdam nila ay nalugi sila, lalo pa silang nasusuya sa katotohanan sa puso nila, at nawawalan sila ng pananalig sa Diyos—nawawalan pa nga ng interes ang ilan sa pananampalataya sa Diyos. Katulad lang ito ng ilang relihiyosong tao na nanampalataya sa Panginoon sa buong buhay nila; kapag pakiramdam nila sa huli ay wala silang nakamit na anuman, ano ang sinasabi nila? Sinasabi nila, “Ang Panginoong Jesus ay parang isang pader na humaharang sa daan ko, pumipigil sa akin na sumulong at idinudulot na hindi ako makakita ng anumang liwanag.” Ito ang nakakamit sa huli ng mga mananampalataya na nananampalataya sa buong buhay nila. Ang magsabi sila ng gayong sukdulang mapaghimagsik na bagay—hindi ba’t iniisip mo na kakila-kilabot na makarinig ng ganitong bagay? (Oo.)

Ang mga taong nananampalataya sa Diyos pero hindi tumatanggap ng katotohanan ay palaging nagpapakana para sa sariling interes ng kanilang laman, at handa silang lahat na magdusa para sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan; hangga't natatamasa nila ang mga pakinabang ng katayuan, nakakaramdam sila ng pagkakontento sa puso nila. Ang bawat kilos at gawa nila ay para sa sariling interes ng kanilang laman; hindi nila kailanman tinatanggap ang katotohanan, hindi nila pinangangalagaan ang gawain ng iglesia, at hindi nila pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang gawaing ginagawa nila ay hindi para pangalagaan ang pag-iral ng adhikain ng katarungan, kundi para pangalagaan ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at para pangalagaan ang sarili nilang mga interes. Ano ang makakamit nila sa pamamagitan ng pagdurusa para lang sa sarili nilang mga interes? Wala silang nakakamit; isa lang itong nasayang na pagsisikap at ganap na walang saysay. Namumuhay nang napakapait ang ilang tao, tulad ng mga asetiko, hindi kumakain ng masarap ni nagtatamasa ng anumang magandang bagay, nakatuon lang sa mas madalas na pagparoo’t pagparito at higit na paggugol sa sarili nila. Nagtatakda sila ng maraming panuntunan at regulasyon para sa sarili nila, idinudulot na magdusa nang husto ang sarili nila. Ang ilan ay nagtatrabaho pa nga hanggang sa magkasakit sila. Subalit sa huli, hindi nila nakakamit ang katotohanan o hindi sila nakapaghahanda ng maraming mabuting gawa. Isa itong kalunos-lunos na bagay. Ano ang dahilan kaya ito naging kalunos-lunos? Nasaan ang ugat ng problema? Nagdurusa lang sila para sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hinahangad lang nila ang mga personal nilang interes. Binibigyan nila ng pinakamataas na priyoridad ang “pakinabang”, at inuuna ang sarili nilang mga interes nang higit sa anuman. Hindi nila kailanman minamahal ang katotohanan sa puso nila. Samakatwid, nagpapakaabala at nagdurusa lang sila para sa sariling interes ng kanilang laman, hindi kailanman nagdurusa kahit katiting para pangalagaan ang pag-iral ng mga positibong bagay. Nasaan sila kapag nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo ang masasamang tao sa gawain ng iglesia? Nasaan sila kapag inaaresto ng malaking pulang dragon ang hinirang na mga tao ng Diyos, o kapag ipinagkakanulo ng isang Hudas ang iglesia? Nakikita nila ang mga bagay na ito pero nagkukunwari silang hindi nakikita ang mga ito. Alam nila ang tungkol sa mga ito pero nagkukunwari silang hindi nila alam ang tungkol sa mga ito. Pagkatapos mapangasiwaan ang usapin, saka lang sila nagpapakita, sinasabi nila, “Hindi ko alam ang tungkol dito. Kung nalaman ko ito, pinangasiwaan ko na sana ito. Hindi ko natupad ang responsabilidad ko; dapat akong magsisi sa Diyos, at dapat akong humingi ng paumanhin sa mga kapatid.” Sa sandaling mapangasiwaan na ang usapin, susulpot sila na parang isang payaso. Subalit sa sandaling lumitaw ang isang problema, nagtatago sila sa isang butas na parang daga at naglalaho nang walang bakas. Kapag tunay silang kinakailangan na humakbang pasulong para pangalagaan ang katarungan, para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at para pangalagaan ang mga positibong bagay, hindi sila kailanman humahakbang pasulong. Wala silang ginagalit na sinuman—pinipili lang nilang maging mga mapagpalugod ng mga tao, nagkukunwaring bingi at pipi, at nagkukunwaring walang nakikita o naririnig na anuman. Kapag nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo ang masasamang tao sa gawain ng iglesia, alam na alam nila kung sino ang nagdudulot ng mga panggugulo, pero sadyang hindi nila ilalantad ang mga ito, tumatangging sabihin kung sino ba talaga ang gumawa nito. Pinapayuhan sila ng isang tao, sinasabi nito, “Huwag kang maging mapagpalugod ng mga tao. Kung ilalantad mo ang masasamang tao at aalisin sila sa iglesia, kahit pa makagalit ka ng mga tao at makatanggap ng malalamig na tingin, sa huli ay mapapangalagaan mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at maiaalay mo ang debosyon mo.” Nakakaisip pa rin sila ng mga palusot at kumikilos nang paiwas, sinasabi nila, “Hindi ko alam ang mga detalye; kailangan ko itong siyasatin,” at pagkatapos ay mabilis silang tumatakas. Pero kung may sinuman na may mga puna o may mga negatibong opinyon tungkol sa kanila, o kung lumitaw ang mga problema sa gawain nila na nakakaapekto sa katayuan at prestihiyo nila sa puso ng mga tao, itinuturing nila ito bilang isang sakuna. Hindi sila makakain ni makatulog; sa ala-una ng madaling-araw, pinagbubulayan pa rin nila kung paano isasalba ang imahe nila. Sa umaga, nang hindi man lang nag-aalmusal, sinisimulan nilang tawagin ang lahat para magtipon upang bigyang-katwiran at ipagtanggol ang sarili nila, ipinapaliwanag kung bakit sila kumilos nang ganoon at kung saan nagkakamali sa paggawa nito. Humihingi rin sila ng paumanhin sa lahat, umaasang walang sinuman ang magkakamali ng pagkaunawa sa kanila; sinasabi nila na hindi sa ayaw nilang gawin nang maayos ang gawain, kundi sa halip ay abala sila sa ibang mga bagay at walang oras para asikasuhin ito—bukod pa sa hindi pag-unawa sa aktuwal na sitwasyon—na siyang dahilan kung bakit nangyari ang pagkakamali sa gawain. Sa sandaling makuha nila ang pabor ng lahat at malinlang ang lahat na bigyan sila ng simpatiya at pagkilala, nakakaramdam sila ng kapanatagan sa loob nila: “Ayan, nagawa na nang maayos ang gawain. Ngayon ay maaari na akong magkaroon ng payapa at komportableng tulog at makakakain na ako nang masarap. Sa panahon ngayon, palaging may mga isyu sa mga pagsasaayos sa mga tauhan, palaging may walang-katapusang mga gampanin na dapat gawin, at palaging may walang-katapusang mga problema na dapat lutasin sa gawain—tingnan mo kung gaano ako kahapo!” Kapag lumilitaw ang mga problema sa gawain ng iglesia, at tinatanong sila ng mga kapatid kung paano pangasiwaan ang mga ito, sinasabi nila, “Hindi kailangang magmadali. Ayos lang hangga't may gumagawa ng gawaing iyon, hangga't may tao sa bawat posisyon at abala ang lahat. Hindi matatapos ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa loob ng isa o dalawang araw. Para magawa ang gawain, kailangan mo itong harapin nang may pangmatagalang mentalidad, gumagawa pagkasikat ng araw at nagpapahinga pagkalubog ng araw, nang hindi nagmamadali o nakakaramdam ng anumang pag-aapura. Ang paggawa nang mas kaunti ay hindi magpapalala nang husto sa mga bagay-bagay, at ang paggawa nang mas marami ay hindi magpapabuti nang husto sa mga bagay-bagay; hindi natin kailangang labis na pagurin ang sarili natin. Kung magkakasakit tayo dahil sa pagkahapo, sino ang gagawa ng gawain ng sambahayan ng Diyos sa hinaharap? Hindi ba't tayo pa rin? Kung babagsak tayo dahil sa pagkahapo, hindi ba't kakailanganin pa ring magbayad ang sambahayan ng Diyos para sa pagpapagamot natin? Hindi natin maaaring labis na pagurin ang sarili natin; kailangan nating magpigil nang kaunti.” Ano ang tingin ninyo sa pananaw nila? (Mali ito.) Kapag lumilitaw ang mga problema sa gawain ng iglesia at may isang taong nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, hinihingi nito na humakbang ka pasulong para lutasin ang mga problema at pangasiwaan iyong mga nagpapasan ng responsabilidad. Ang ilan sa mga taong ito ay kailangang tanggalin, at ang ilan ay kailangang ipadala sa mga ordinaryong iglesia o maging sa mga grupong B. Magiging imposible para sa iyo na maiwasang makagalit ng mga tao, at kamumuhian ka ng iba, aawayin ng iba, at huhusgahan at itatakwil ng iba, at pagpaplanuhan pa nga ng masama ng mga hamak na tao. Pero pinagbubulayan ng mga taong iyon sa puso nila, “Gusto mong pangasiwaan ko ang masasamang tao? Nangangahulugan iyon ng pagpapagalit sa iba. Hindi ako ganoon kahangal! Sadyang hindi ko sila papangasiwaan! Magulo man ang gawain ng sambahayan ng Diyos o mapinsala man ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ano naman ang kinalaman niyon sa akin? Kahit pa may ilang indibidwal na gumagawa ng gulo at nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, hindi nito naaapektuhan ang pangkalahatang sitwasyon, at nagagawa pa rin ang gawain, kaya bakit sila dapat pangasiwaan? Bukod pa rito, kung papangasiwaan ko sila, hindi ba't kamumuhian nila ako? Kahit pa magawa nang maayos ang gawaing ito, walang sinuman ang magsasabi ng anumang mabuti tungkol sa akin, at hindi rin ito malalaman ng ang Itaas. Magagalit ko ang mga tao at pagkatapos ay kailangan kong batahin ang pagbubukod nila at batahin ang malalamig nilang tingin. Hinding-hindi ko babatahin ang pagdurusang iyon!” Kapag nahaharap sa isyu pagdudulot ng masasamang tao ng mga paggambala at panggugulo, hindi sila kailanman humahakbang pasulong, hindi nila kailanman pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi nila ginagawa ang gawain ng pangangalaga sa katarungan. Hindi man lang sila nagsasabi ng kahit isang salita para ilantad o pigilan ang mga ito, labis na natatakot na makagalit ng mga tao at mahusgahan o magantihan. Para maiwasan na magkamali ng pagkaunawa ang mga tao sa kanila, at para pangalagaan ang katayuan at imahe nila sa gitna ng mga tao, patuloy silang nagdaraos ng mga pagtitipon, buong-tiyagang binibigyang-katwiran at ipinagtatanggol ang sarili nila, at walang-katapusang nagsasalita nang nagsasalita. Subalit pagdating sa mga usapin ng pangangalaga sa gawain ng iglesia, wala silang anumang masabi at hindi sila naglalaan ng kahit katiting na pagsisikap. Mayroon bang anumang mabuting gawa ang gayong mga tao? Nasaan ang mabubuting gawa nila? Sa huli, kapag natagpuan nila ang sarili nila sa presensya ng Diyos, makasasagot ba sila sa Kanya? (Hindi.) Pakiramdam pa rin nila ay nagtiis sila ng maraming pagdurusa sa paggawa ng gawain ng iglesia, pero para saan ba talaga sila nagdurusa? Nagdurusa ba sila para sa adhikain ng katarungan at para sa gawain ng sambahayan ng Diyos? (Hindi, nagdurusa sila para sa sarili nilang mga interes.) Kaya nilang batahin ang anumang pagdurusa para pangalagaan ang sarili nilang mga interes, pero hindi nila babatahin ang kahit katiting na pagdurusa para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Masyadong makasarili ang gayong mga tao, at hindi nila tinatahak ang tamang landas, hindi ba? (Oo.) Wala silang ginagawang anuman na kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, pero ginagawa nila ang lahat ng bagay na kapaki-pakinabang sa sarili nilang prestihiyo at katayuan, hindi pinapalampas ang kahit isang bagay; ang pinapahalagahan lang nila ay ang pangangalaga sa sarili nilang mga interes. Sobrang kahiya-hiya ang mga taong tulad nito! Nagdurusa lang sila para pangalagaan ang sarili nilang mga interes, subalit kumukuha pa rin sila ng papuri mula sa Diyos at humihingi sila ng mga gantimpala mula sa Kanya. Hindi ba't kasuklam-suklam ito? (Oo.) Masyadong makasarili at kasuklam-suklam ang gayong mga tao; wala silang konsensiya at wala silang katwiran—sa madaling salita, wala silang pagkatao. Ang ganitong uri ng tao ay hindi tumatahak sa tamang landas. Kung may isang taong hindi nasisiyahan sa kanila at kinikilatis sila nang patalikod, o inuulat pa nga sila sa mga nakatataas at inilalantad na hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain kundi sa halip ay gumawa ng ilang bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, kung gayon, pagkatapos marinig ito, nagkikimkim sila ng pagkamuhi sa taong naglantad sa kanila at tinutugis nila siya. Hindi nila sinusuri ang sarili nila, ni hindi nila tinatrato nang tama ang mga tao. Sa halip, kinakalaban nila ang mga tao nang mata sa mata, sinasamantala ang mga bagay na magagamit nila laban sa mga ito at hinahanapan ng mali ang mga ito. Ginagamit pa nga nila ang mga salita ng Diyos para atakihin ang mga tao. Hindi ba't ito ay paglapastangan sa mga salita ng Diyos at paglapastangan sa katotohanan? Ito ay paggamit sa katotohanan para umatake at gumanti sa iba upang pangalagaan ang sariling katayuan. Sa pribado, hinuhusgahan ng ilang masamang tao ang Diyos at nilalapastangan ang Diyos, hinuhusgahan ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at nagpapahayag ng hindi pagkakontento sa isang partikular na aspekto ng mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos o hindi pagkakontento sa mga lider at manggagawa sa isang partikular na antas ng sambahayan ng Diyos. Pagkatapos marinig ito, binabalewala lang ito ng mga taong ito at umaasal na parang hindi nila ito narinig; hindi sila kailanman humahakbang pasulong para pangalagaan ang pangalan ng Diyos o para pangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ni hindi nila inilalantad ang masasamang tao. Kung gusto mong maging mapagpalugod ng mga tao at hindi ka nangangahas na maglantad ng masasamang tao, maaari mo pa rin silang iulat sa mga nasa itaas; maituturing itong pagtupad sa ilan sa mga responsabilidad mo. Gayumpaman, ang mga taong tulad nito ay hindi man lang kayang tuparin ang katiting na responsabilidad na ito. Para pangalagaan ang interes ng kanilang laman at ang prestihiyo at katayuan nila, magbabayad sila ng anumang halaga, susuungin ang anumang panganib, at babatahin ang anumang uri ng pagdurusa. Subalit hindi sila kailanman nagbabayad ng anumang halaga o nagtitiis ng anumang pagdurusa para pangalagaan ang pag-iral ng mga positibong bagay o para tiyakin na makakausad ang katotohanan nang walang hadlang. Sa tuwing lumilitaw ang mga usaping ito na gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia at humihingi na humakbang pasulong ang isang tao para pangalagaan ang pag-iral ng mga positibong bagay, hindi mo kailanman nakikita ang mga taong ito kahit saan, o naririnig ang anuman sa mga opinyon o pananaw nila. Wala silang mga pananaw; nakatayo lang sila roon at nagkukunwaring bingi at pipi, hindi nagsasalita o nagpapahayag ng posisyon nila, walang ginagalit na sinuman. Labis silang natatakot na makagalit ng mga tao, pero hindi natatakot na magkasala sa Diyos. Ganito nila hinaharap ang katotohanan, hinaharap ang atas na ibinigay sa kanila ng Diyos, hinaharap ang tungkulin nila, at hinaharap ang mga positibong bagay. Para sa ganitong uri ng tao, ang pangangalaga sa pag-iral ng mga positibong bagay at pangangalaga sa pag-iral ng adhikain ng katarungan ay walang kinalaman sa kanila—sinuman ang gumawa nito ay isang hangal, at ano't anuman, hindi nila ito gagawin. Hindi sila kailanman nagsasabi ng kahit isang salita para pangalagaan ang mga positibong bagay, ni hindi sila gumagawa ng kahit isang bagay para pangalagaan ang gawain ng Diyos. Sa sandaling lumitaw ang mga problema, nagtatago sila sa mga talukab nila na parang mga pagong, subalit sa huli, humihingi pa rin sila ng mga gantimpala mula sa Diyos. Sinasabi ng Diyos, “Hindi ka nagdusa para sa katotohanan kahit kaunti.” Nagrereklamo pa nga sila, sinasabi nila, “Nagtiis ako ng napakatinding pagdurusa, napakarami kong ginawang pagparoo’t pagparito, at labis kong tinalikuran at iginugol ang sarili ko. Ano ang natamasa ko? Ano ang nakamit ko?” Ang isang pahayag na ito ay naglalantad sa mga intensiyon nila sa pananampalataya sa Diyos, at nagpapatunay na nagtiis lang sila ng pagdurusa at naggugugol ng sarili nila para magtamo ng mga pagpapala, hindi para magkamit ng katotohanan. Hindi nila tinanggap ang katotohanan at hindi sila tumahak sa tamang landas, kaya sa huli, wala silang nakakamit na anumang katotohanan. Hindi ito maiiwasan; aanihin mo kung ano ang itinanim mo. Samakatwid, sa pagtingin sa isyu ng pagdurusa, sa isang banda, dapat kang magkaroon ng mga tamang kaisipan at pananaw; sa kabilang banda, at ang pinakamahalaga, dapat mong suriin kung ano ang kalikasan ng pagdurusa mo, kung may halaga ba ang pagdurusang tinitiis mo at kung may kabuluhan ba ito, at kung ang pagdurusang ito ba ay pagdurusa na dapat mong batahin. Kung ito ay pagdurusa na dapat mong batahin, pagdurusang tinitiis para pangalagaan ang mga positibong bagay, at pagdurusang tinitiis para magpatotoo sa Diyos, kung gayon, obligado kang batahin ang pagdurusang ito; dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos at hindi mo ito dapat iwasan.

Palaging sinasabi ng ilang tao, “Nagdusa ako ng pag-uusig at mga kapighatian bilang isang mananampalataya sa Diyos, at ano ang nakamit ko?” Tama bang sabihin ito? (Hindi.) Paano naging mali ito? (Ang katunayan na nasasabi nila ito ay nagpapatunay na wala silang nakamit na anumang katotohanan, at na hindi nila tinatahak ang landas ng paghahangad ng katotohanan.) Maraming pagdursa ang dapat batahin ng mga tao, kaya dapat bang may makamit sila mula sa pagdurusa? May kinalaman ito sa pagkaunawa at mga pananaw ng mga tao tungkol sa pagdurusa. Kung ang pagdurusang ito ay ang dapat mong batahin, ang kailangan mong batahin, at ang paunang inorden ng Diyos, kung gayon, ano mismo ang makakamit mo sa pagbabata sa pagdurusang ito? Halimbawa, hindi tiyak na may anumang makakamit ang mga tao mula sa pagbabata sa pagdurusa ng pagpapalaki ng mga anak o sa pagdurusa ng pag-uusig dahil sa pananampalataya sa Diyos. Kaya, babatahin mo ba ang pagdurusang ito o hindi? Nakasalalay ito sa kung tama ba ang landas na tinatahak ng isang tao at kung isa ba siyang tao na naghahangad ng katotohanan. Kung hinahanap ng isang tao ang katotohanan sa lahat ng bagay habang dinaranas ang gawain ng Diyos, at mayroon siyang tunay na pagpapasakop sa Diyos, may makakamit siya mula sa pagbabata sa pagdurusang ito. Hinihingi nito sa mga tao na magkaroon ng determinasyong magpasakop, at magpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos; hindi nila maaaring harapin ang pagdurusa nang may transaksyonal na mentalidad. Sinasabi ng ilang tao, “Kung magsusumikap ako, dapat may makuha akong kapalit; kung magbabata ako ng kaunting pagdurusa, dapat akong umani ng kaunting tamis. Saka lang magiging sulit ang pagdurusang ito, at dito lang nakasalalay ang halaga ng pagdurusa ko.” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Kung gayon, pagdating sa usapin ng pagdurusa, anong uri ng pagkaunawa at anong uri ng pag-arok ang tama? (Kung ang pagdurusang binabata natin ay paunang inorden ng Diyos at ang dapat nating batahin, kung gayon ay obligado tayong tanggapin ito. Kahit pa wala tayong makamit sa huli, hindi tayo dapat magreklamo. Dapat tayong magkaroon ng saloobin ng pagpapasakop, magpasakop sa mga pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Lumikha. Kasabay nito, habang binabata natin ang pagdurusa, dapat tayong tumuon sa paghahanap sa katotohanan at pagtatamo ng katotohanan. Sa ganitong paraan, ang pagdurusang binabata natin ay mahalaga at makabuluhan.) Kadalasan, ang positibong layunin ng pagdurusa ay para pangalagaan ang pag-iral ng mga positibong bagay, at para sa huli ay may makamit, at magawang matamo ang katotohanan at makilala ang katotohanan. Isa itong napakagandang layon. Gayumpaman, sa katunayan, ang pagdurusa ay madalas na dinaranas at binabata sa kurso ng isang ordinaryong proseso. Kapag sinuri mo ito sa loob ng maikling panahon, matutuklasan mo na wala kang nakamit na anuman, na hapong-hapo ang katawan mo, na maaari ka pa ngang magbata ng ilang karamdaman, at na wala kang nagawang pag-usad sa katotohanan, walang mas malalim na pagpasok pagdating sa buhay, at hindi ka nagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Kung gayon, walang saysay ba ang pagbabata sa pagdurusang ito? Iniisip ng ilang tao, “Sa sitwasyong ito, maaari ba akong magdasal sa Diyos na alisin ako sa gayong kapaligiran ng paghihirap? Mayroon ba akong batayan para iwasan at tanggihan ang gayong kapaligiran ng paghihirap?” Tama ba ang mag-isip nang ganito? (Hindi.) Kailangan mong unawain ang usapin sa ganitong paraan: Ang magawang magkamit ng ilang positibo at mabuting bagay mula sa pagdurusa ay ang labis na aasamin ng isang tao, at ito ang pinakamagandang resulta na sa huli ay maidudulot ng pagdurusa. Gayumpaman, kung ang pagdurusang binabata mo sa pang-araw-araw mong buhay ay isinaayos ng Diyos at paunang inorden ng Diyos, at ito ang dapat mong danasin para magtamo ka ng kaligtasan, kung gayon ay dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos at harapin ito nang tama. Paano mo ito haharapin nang tama? Dapat kang magkaroon ng tamang kaisipan at pananaw, iyon at na dapat mong maunawaan na ang pagdurusa ay bahagi ng buhay ng tao, at isang yugto na dapat danasin ng mga tao habang nabubuhay sila, na hindi matatakasan ng sinuman. Siyempre, isa rin itong yugto na dapat danasin ng lahat para magtamo ng kaligtasan. Maaaring wala kang makamit na anumang pakiramdam ng kaginhawahan sa huli, pero handa ka sa tuwing nagbabata ka ng pagdurusa, kaya mo itong tanggapin mula sa Diyos at mayroon kang saloobin ng pagpapasakop, at hindi mo kailanman sinusubukang makipagtawaran sa Diyos. Ang pagtahak sa gayong landas at paggawa ng pagpiling ito ay ang responsabilidad na dapat tuparin ng isang nilikha, at ito ang saloobin na dapat mong taglayin sa paglalakbay sa buhay na isinaayos ng Lumikha; ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao sa mga paghihirap sa buhay. Ang pagtanggap sa mga paghihirap at ang magawang magbata ng pagdurusa ay bahagi ng pagtupad sa mga responsabilidad mo, kaya hindi mo dapat iwasan ang mga ito, ni hindi ka dapat pumili kung babatahin mo ba ang mga ito o hindi. Dapat magbata ang lahat ng pagdurusa sa buhay at sa proseso ng pananampalataya sa Diyos para magtamo ng kaligtasan. Siyempre, ang pagdurusang pinag-uusapan natin ay hindi ang uri na binabata ng mga tao para hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, o para hangarin ang sariling mga interes ng kanilang laman, kundi ang pagdurusa na dapat batahin ng lahat sa proseso ng pagtahak sa tamang landas sa buhay ng tao at paghahangad ng kaligtasan. Ang ganitong uri ng pagdurusa ay bahagi ng buhay, bahagi ng proseso ng pag-iral, at higit pa rito, isang yugto na dapat danasin ng mga tao para sa huli ay magtamo ng kaligtasan. Dapat mo itong harapin nang tama. Ito ang saloobin na dapat mong taglayin sa mga kapaligiran ng paghihirap, at isa rin itong responsabilidad na dapat mong tuparin. Ibig sabihin, ang pagdurusa ay bahagi rin ng paggampan ng tungkulin mo at pagtupad sa mga responsabilidad mo bilang isang nilikha; hindi ito isang karagdagang bagay. Isa itong bagay na isinasaayos ng Lumikha para sa bawat nilikha. Ang antas, panahon, at tagal ng pagdurusa ay magkakaiba para sa lahat, pero dapat itong danasin ng lahat; dapat lagpasan ng lahat ang balakid na ito. Isa itong responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao. Kung gusto mong gumanap nang maayos bilang isang nilikha, dapat mong harapin nang tama ang pagdurusa; dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos, hindi mo ito dapat tanggihan, at hindi ka dapat makaramdam ng paglaban dito. Siyempre, higit pa rito, hindi mo dapat gamitin ang pagdurusa para umangkin ng papuri o sumubok na makipagtawaran sa Diyos, kundi sa halip ay tanggapin ang pagdurusa bilang isang responsabilidad na dapat mong tuparin. Sasabihin ba ninyo na dalisay ang pag-arok dito sa ganitong paraan? Naaayon ba ito sa katotohanan? (Oo.) Sa pag-arok dito sa ganitong paraan, hindi ba't magkakaroon ka ng mas malalim at mas praktikal na pagkaunawa sa pagdurusa, pati na rin ng tamang mentalidad? (Oo, sa ganitong paraan ay hindi ako makakaramdam ng paglaban sa pagdurusa, at magiging madaling magpasakop kapag nasumpungan ko ang sarili ko sa mga partikular na kapaligiran.) Ang magawang magpasakop at hindi makaramdam ng paglaban—ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang nilikha sa pagdurusa. Kahit pa magbata ka ng maraming pagdurusa at magbayad ng maraming halaga sa proseso ng paghahangad ng katotohanan at pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha, at kahit pa magdusa ka ng pag-uusig at mga kapighatian dahil sa pananampalataya mo sa Diyos, sa sandaling magkaroon ka ng tamang pag-arok sa pagbabata sa pagdurusang ito at pagbabayad ng halagang ito, hindi mo mararamdaman na ang pagbabata sa pagdurusang ito ay isang uri ng kapital para sa sarili mo. Hindi mo titingnan ang sarili mo bilang isang taong may merito dahil sa pagdurusa mo, ni hindi mo ipagmamalaki kung gaano karaming pagdurusa ang binata mo para magpatotoo sa sarili mong pagsusumikap at mga kontribusyon upang hangaan ka ng iba. Hindi mo ipagmamalaki ang senyoridad mo, hindi ka makokontento sa mga nakamit mo na, o susubok na makipagtawaran sa Diyos, lalong hindi ka hihingi ng espesyal na pagtrato sa sambahayan ng Diyos o aako ng papuri mula sa sinuman dahil nagbata ka ng maraming pagdurusa. Kung naniniwala ka na ang pagdurusa ay isang responsabilidad na dapat mong isagawa at dapat mong tuparin bilang isang nilikha sa harap ng Lumikha, kung gayon, hindi mo dapat gamitin ang pagdurusa bilang kapital para humingi ng mga gantimpala mula sa Diyos o para iligtas ka ng Diyos, hindi ba? (Tama.) Kung kikilos ka sa ganitong paraan, mapupukaw ba nito ang determinasyon mong hangarin ang katotohanan? (Hindi.) Ang pagkilos sa ganitong paraan ay malinaw na pagsubok na makipagtransaksiyon sa Diyos, na isang bagay na kinasusuklaman Niya.

Noon, maraming lider at manggagawa ang nagbata ng pagdurusa, at siyempre ang mga araw na iyon ay medyo mahirap lagpasan. Dahil sa mga pag-aresto at pag-uusig na isinagawa ng malaking pulang dragon, lubhang mapanganib ang kapaligiran. Nanganganib ang lahat ng lider at manggagawa na maaresto at makulong dahil sa paggawa ng gawain ng iglesia; tinutugis ang ilang tao at maaari lang silang tumakas at mamuhay sa pagkatapon, hindi makauwi, at—dahil nakakaramdam ng pangungulila at kawalan ng magagawa nang nag-iisa—madalas silang umiiyak nang mapait at nagdarasal sa harap ng Diyos. Maging sa usapin ng mga kondisyon nila sa pamumuhay o sa usapin ng pagiging nasa isang kapaligiran kung saan sila ay tinutugis, nagbata sila ng ilang pagdurusa. Pagkatapos, palaging mararamdaman ng mga taong ito na nakagawa sila ng napakalalaking kontribusyon sa sambahayan ng Diyos at sa gawain ng sambahayan ng Diyos, na nakapagbigay sila ng kapuri-puring paglilingkod sa sambahayan ng Diyos, at na kapag nagkamit ang Diyos ng malaking kaluwalhatian, dapat silang magkaroon ng bahagi sa Kanyang kaluwalhatian. Taglay ang ganitong uri ng opinyon at saloobin, madalas silang nagpapatotoo sa iba't ibang pagkakataon tungkol sa kung gaano sila nagdusa, kung aling taon at buwan ang pinakamasakit para sa kanila, at kung paano sila labis na nahirapan noon kaya hindi sila makakain sa araw at madalas silang magising dahil sa mga bangungot sa gabi, at labis na nahirapan kaya nanilaw ang mga mukha nila at pumayat sila nang husto. Ang lahat ng nakarinig sa kanila ay nakaramdam ng paghanga at pagkainggit; siyempre, nakaramdam din ng paninibugho ang ilang indibidwal. Mayroon ding ilan na napaluha sa mga karanasan ng paghihirap na isinalaysay ng mga taong iyon, sinasabi, “Talagang kahanga-hanga na nagdusa ka nang husto! Naantig mo kami hanggang sa napaluha kami nang ganito—tiyak na labis ding naantig ang Diyos. Sulit na sulit ang pagdurusa mo. Napakahusay mo!” Hindi sila magpapatotoo tungkol sa sarili nilang pagdurusa nang isang beses lang; sa halip, sa maraming iba't ibang pagkakataon, madalas silang magpapatotoo tungkol sa kung gaano sila nagdusa, at kung gaano karami ang naisakatuparan nila at naiambag nila sa sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagdurusang ito. Subalit sadyang hindi nila tinatalakay kung gaano karaming katotohanan ang naunawaan nila, anong mga tiwaling disposisyon ang naiwaksi nila, gaano sila lumago sa buhay, anong mga patotoo ang ibinigay nila para sa Diyos, anong mga resulta ang nakamit nila sa paggawa ng gawain ng iglesia, o anong mga makatarungang adhikain ang ipinagtanggol nila, sa pamamagitan ng pagdurusa nila. Wala silang naibibigay na gayong patotoo. Ang tanging tinatalakay nila ay kung paano sila nagdusa at kung gaano sila nagdusa. Ang pinakalayon nila ay ipaalam sa mga tao na nagsumikap sila at nakagawa ng malalaking kontribusyon, na ang mga kontribusyong ito ay hindi mabubura, na sila ay mga haligi at mga pangunahing tagasuporta sa sambahayan ng Diyos, at na dapat silang magtamasa ng espesyal na pagtrato, at dapat magtamasa ng paggalang ng mga tao—hindi lang sila dapat kainggitan at hangaan ng mga tao, kundi dapat din silang itaas ng mga ito at patotohanan ang pagdurusa nila. Tingnan ninyo kung gaano “kahusay” at kung gaano “kasulit” ang pagdurusa nila! Natanggap nila ang papuri ng lahat, ang mga tinig ng papuri ay sunod-sunod na umaalingawngaw at patuloy na naririnig ng mga tainga nila. Sabihin ninyo sa Akin, naging sulit ba ang pagdurusa nila? Napakahusay ba ng mga taong ito? Maaari ba silang makibahagi sa kaluwalhatian ng Diyos kasama Niya? (Hindi.) Kung gayon, ano ang pakay nila sa pagpapatotoo tungkol sa sarili nila sa ganitong paraan? (Para maipakita sa mga tao na nagdusa sila nang matindi, upang tingalain sila ng mga tao at labis silang igalang.) Gusto nilang magtamo ng kaluwalhatian, hindi ba? (Oo.) Sinubukan nilang ipagpalit ang pagdurusa nila sa kaluwalhatian; hindi maaaring ginagawa nila ito nang buo para ipagpalit sa mga korona at gantimpala. Ang pinakamahalaga, gusto nilang magtamo ng kaluwalhatian sa gitna ng mga tao, gusto nilang sambahin sila ng mga tao, at gusto nilang tingalain at alalahanin sila ng mga tao. Marami ba silang hinihingi? Malalaki ba ang mga ambisyon nila? (Oo, malalaki ang mga ito.) Kahit Ako ay hindi kailanman nangahas na magsalita tungkol sa pagtatamo ng kaluwalhatian sa gitna ninyo. Ano ba ang palagi Kong sinasabi? Ang pagdadala sa inyo sa harap ng Diyos, ang pagdadala sa inyo sa katotohanang realidad, ang pagtulong sa inyo na maunawaan ang katotohanan, magkaroon ng landas na susundin, at malaman kung paano magsagawa nang alinsunod sa mga prinsipyo, at pagdadala sa inyo sa landas ng kaligtasan, upang maligtas kayong lahat—pero hindi Ako kailanman nagsasalita tungkol sa pagtatamo ng kaluwalhatian. Gayumpaman, partikular na nagpapatotoo ang gayong uri ng mga tao tungkol sa kung paano sila nagdurusa at kung paano sila nagbabayad ng halaga, at tinatalakay nila kung paano sila inaresto at inusig ng gobyerno at siniraang-puri at hinusgahan ng mga makamundong tao, kung gaano katinding pagtataboy ang pinagdusahan nila, kung gaano karaming sama ng loob ang pinagdusahan nila, kung gaano katinding pisikal na sakit ang binata nila, at kung paano nila ito pinangibabawan, alang-alang sa pananampalataya sa Diyos at paggampan ng tungkulin nila. Hindi lang nila gustong magpatotoo tungkol sa pagdurusa nila, kundi gusto rin nilang magpatotoo tungkol sa kung gaano sila kahusay, kung gaano kataas ang antas nila, at kung gaano sila katangi-tangi, habang binabata ang pagdurusa nila, pati na rin kung paano sila nangibabaw sa laman sa prosesong ito. Gusto nilang magtamo ng kaluwalhatian, hindi ba? (Oo.) Kung palaging nagpapatotoo ang isang tao tungkol sa kung paano siya nagdusa, sa tingin ba ninyo ay nilalayon niyang palaganapin ang isang tamang paraan ng pagtingin sa pagdurusa, o patotohanan at ikalat ang kuwento ng sarili niyang pagdurusa? (Gusto niyang patotohanan at ikalat ang kuwento ng sarili niyang pagdurusa.) Isinusulong niya ang paggamit sa pagdurusa para makipagtawaran sa Diyos at makibahagi sa kaluwalhatian ng Diyos kasama ng Diyos—ito ang isinusulong nila. Saanman sila magpunta, nagpapatotoo sila tungkol sa kung ilang beses silang binugbog, minura, pinalayas, at inusig ng mga relihiyosong tao, at kung gaano sila nagdusa, habang nangangaral ng ebanghelyo; kung gaano sila nagdusa mula sa pagtatakwil, paninirang-puri, at pang-aabusong pasalita ng mga kamag-anak, kaibigan, at mga makamundong tao; at kung gaano sila nagdusa mula sa pagtugis ng gobyerno, kinakailangang magtago kahit saan, walang mauwiang tahanan, at wala man lang mapagpahingahan ng kanilang mga ulo tulad ng Anak ng tao. Mayroon ding ilang tao na nagpapatotoo tungkol sa kung gaano karaming paghihirap ang pinangibabawan nila at kung gaano sila nagdusa habang pinapangibabawan nila ang karamdaman ng laman habang ginagampanan ang tungkulin nila. Madalas nilang ipinapahayag ang mga bagay na ito sa harap ng iba, pero hindi sila kailanman nagbabahagi ng anuman tungkol sa mga buhay karanasan nila; ipinapangaral at pinatototohanan lang nila ang kuwento ng sarili nilang pagdurusa. Ang layon lang nila ay para lubos silang igalang ng mga tao. Sabihin ninyo sa Akin, gusto nilang lubos silang igalang ng mga tao—pero ano ang gusto nila mula sa Diyos? Gusto lang ba nilang lubos din silang igalang ng Diyos? Hindi lang iyon ang gusto nila, hindi ba? Kung gayon, ang pananaw nila ay pareho sa pananaw ni Pablo: “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, napanatili ko ang pananalig: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Humahantong pa nga sila sa pakikipagtawaran sa Diyos, sinasabi nila, “Nagkamit ng kaluwalhatian ang Diyos, kaya dapat din akong magkamit ng kaluwalhatian kasama Niya! Dahil nagdusa ako kasama ng Diyos, may bahagi rin ako sa kaluwalhatian ng Diyos! Nagsuot ng gintong korona ang Diyos—dapat din Niya akong bigyan ng isang hiyas. Hindi ba't dapat kong tamasahin ang pagsamba at paggalang ng sangkatauhan tulad ng ginagawa ng Diyos?” Hindi ba't ito ang pinupunto nila? (Oo.) Kung gayon, mabuti ba para sa kanila na magpatotoo tungkol sa pagdurusa nila sa ganitong paraan? (Hindi.) Bakit hindi ito mabuti? (Gusto nilang ipantay ang sarili nila sa Diyos, na isang bagay na kinasusuklaman Niya. Nakikipag-agawan din sila sa Diyos para sa mga tao.) Isantabi muna natin kung ano ang mga personal na pananaw at motibo nila—batay lang sa pinagbabahaginan nila, ilang tao na hindi nakakaunawa sa katotohanan ang ililihis nila? Kulang na nga ang mga tao ng dalisay na pag-arok sa pagdurusa at hindi nila nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Bukod pa rito, batay sa diwa ng makalamang tiwaling disposisyon ng mga tao, gustong-gusto ng lahat na tumanggap ng mga pagpapala at tumanggap ng mga gantimpala. Subalit palaging nagpapatotoo ang mga taong tulad nito tungkol sa sarili nilang pagdurusa; ang mga intensiyon nila, at ang mismong mga pahayag at kilos nila, ay nagpapalayaw sa mga pagnanais at hinihingi ng tiwaling sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pagsasalita sa ganitong paraan at pagkilos sa ganitong paraan, pinapasidhi nila ang mga ambisyon at pagnanais ng mga tao, pinapasidhi nila ang pagnanais ng mga tao para ipagpalit ang pagdurusa sa mga pagpapala, at pinapasidhi rin nila ang mismong ideya at pagsasagawa ng pagpapalit sa pagdurusa para sa mga gantimpala mula sa Diyos at pakikipagtawaran sa Kanya. Bilang resulta nito, ang mga tao ba ay mayroong higit na pagpapasakop sa Diyos o mas kaunting pagpapasakop? (Mas kaunting pagpapasakop.) Bakit mas kaunti ang pagpapasakop nila? (Ito ay dahil mayroon nang mga tiwaling disposisyon ang mga tao—kapag nagbabata sila ng kaunting pagdurusa, nahihilig silang ituring ito bilang kapital na magagamit nila para makipagtransaksiyon sa Diyos, at kapag nailihis sila ng mga pahayag at pagsasagawa ng gayong mga tao, mas nararamdaman nila na makatwiran ang ipagpalit ang pagdurusa para sa mga pagpapala, at mas lalong hindi nila makilala ang sarili nilang kasuklam-suklam na intensiyon na makipagtransaksiyon sa Diyos. At kaya, mas lalong hindi sila makapagpasakop sa Diyos.) Pakiramdam nila ay mayroon silang batayan sa paggawa nito, at pakiramdam nila ay mayroon silang suporta. At kapag nagsasama-sama sila, pakiramdam nila ay mas makapangyarihan sila: “May lakas sa dami. Ang batas ay hindi maipatutupad kapag lahat ay lumalabag. Ganito mag-isip ang lahat, ganito umarok, at ganito maghangad. Kung makikipagtawaran tayong lahat sa Diyos at pipilitin natin Siya, wala Siyang magagawa sa atin.” Malinaw na nagtitipon-tipon sila para magdulot ng gulo, at nagsasama-sama para gumamit ng mga erehiya at maling kaisipan para labanan ang Diyos. Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatotoo tungkol sa sarili nilang pagdurusa, hindi ba't inililihis ng mga taong iyon ang iba? Hindi ba't lalo pa nilang ginagawang tiwali ang mga tao? (Oo.) Samakatwid, ang patuloy nilang pagpapatotoo tungkol sa sarili nilang pagdurusa ay hindi lang nabibigong makapagpatibay sa mga tao o magbunga ng mga positibong resulta—sa kabaligtaran, talagang inililihis at ginagawa nitong tiwali ang mga tao. Kung gayon, anong papel ang ginagampanan ng gayong mga tao? (Ang papel ni Satanas.) Ginagampanan nila ang papel ni Satanas. Kaparehong-kapareho ito ng panlilihis ni Satanas sa mga tao. Sinasabi ni Satanas, “Ang tao ay hindi nilikha ng Diyos. Wala talagang Diyos sa mundo. Nag-evolve ang tao mula sa mga unggoy. Hakbang-hakbang, nagsimulang maglakad nang tuwid ang mga unggoy at unti-unting nag-evolve bilang mga modernong tao!” Pagkarinig dito, tinatanggap ito ng mga tao: “Ang tao ay hindi nilikha ng Diyos. Walang Diyos sa mundo. Hindi natin makita kung nasaan ang Diyos, pero nakikita natin na ang mga unggoy ay medyo katulad ng tao, kaya nakakatiyak tayo na nag-evolve ang tao mula sa mga unggoy.” Kapag tinatanggap ng mga tao ang mga erehiya at maling kaisipan ni Satanas, isa ba itong simpleng pagtanggap? Hindi ito tulad ng pagkain ng isang bagay na napupunta sa tiyan mo nang hindi nagdudulot ng anumang reaksiyon—sa halip, ang nangyayari ay pumapasok ang isang partikular na kaisipan at pananaw ni Satanas sa puso ng mga tao, tumatagos sa kanilang dugo at buto. Kasunod nito ay nagbabago ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao, at pagkatapos ay nabubuo ang sataniko nilang kalikasan. Pagkatapos nito, nagkakaroon ng mga pagdududa ang mga tao at nakakaramdam sila ng paglaban sa mga salitang sinasabi ng Diyos, at tumatanggi silang tanggapin ang mga ito. Itinatanggi nila na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at na may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa lahat ng bagay, iniisip nila, “Nag-evolve ang tao mula sa mga unggoy. Hindi siya nilikha ng Diyos.” Tungkol sa pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at pamamatnugot sa lahat ng bagay, at sa pagiging nasa mga kamay ng Diyos ng kapalaran ng tao, hindi na pinaniniwalaan ng mga tao ang mga katunayang ito. Pagkatapos, lalo ka pang ginagawang tiwali ni Satanas, sinasabi sa iyo, “Mapagtatagumpayan ng tao ang kalikasan,” at “Ang makipagbuno sa Langit ay napakasaya! Ang makipagbuno sa Lupa ay napakasaya! Ang makipagbuno sa mga tao ay napakasaya!” Pagkarinig nito, tinatanggap mo ang mga pahayag ni Satanas at sumasalungat ka sa mga batas ng kalikasan para gawin ito at gawin iyon. Ang mga kaisipan at pananaw na ito ni Satanas ay hindi namamalayang nakakaimpluwensiya sa iyo, unti-unti kang iniaayon sa mga ito. Kapag muli mong narinig ang mga salitang “May kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay at may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa kapalaran mo,” pakiramdam mo, “Hindi ko makita kung paano nagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay. Walang Diyos!” Ano ngayon? Hindi ba't ganap nang nabihag ni Satanas ang mga tao? (Oo.) Ang mabihag ni Satanas ay nagsisimula sa pagtanggap sa isang walang-katotohanang kaisipan at pananaw.

Palaging nagpapatotoo ang ilang tao tungkol sa sarili nilang pagdurusa at nagpapakalat ng mga walang-katotohanang pananaw tungkol sa pagdurusa. Sa sandaling tanggapin ng mga tao ang mga kaisipan at pananaw na ito—kasama ng katunayan na mayroon silang mga ambisyon at pagnanais, at may mga tiwali silang disposisyon—nakakatiyak sila na maipagpapalit nila ang pagdurusa nila sa mga pagpapala at magagamit nila ang pagdurusa nila bilang isang paraan para makibahagi sa kaluwalhatian ng Diyos kasama Niya. Pagkatapos, lahat sila ay humahayo at nagdurusa, at lahat sila ay tumutuon sa pagbabata ng pagdurusa. Wala sa kanila ang nagsasagawa ng katotohanan, wala sa kanila ang nagtutuon sa pakikinig sa mga salita ng Diyos, at wala sa kanila ang naglalaan ng pagsisikap sa katotohanan. Sa halip, nagpapaligsahan sila para makita kung sino ang mas makakapagtiis ng pagdurusa, nagpapaligsahan sila para makita kung sino ang nagbabata ng mas maraming pagdurusa, nagpapaligsahan sila para makita kung sino ang kumakain ng mas masahol na pagkain at nagsusuot ng mas sira-sirang damit, at nagpapaligsahan sila para makita kung sino ang mas maagang gumigising at mas huling natutulog—ito ang pinagpapaligsahan nila. Hindi kumakain ang ilang tao kapag oras na ng pagkain. Sinasabi nilang masyado silang abala sa paggampan ng tungkulin nila para kumain, kaya nagpapaliban sila ng pagkain. Pagkarinig dito, sinasabi ng iba pang tao, “Ano ba ang problema sa paminsan-minsang pagpapalipas ng gutom? Mayroon akong sakit sa sikmura, pero hindi nito naantala ang paggampan ko sa tungkulin ko.” At pagkatapos ay idinadagdag ng isa pa, “Mayroon kang sakit sa sikmura—buweno, mayroon akong ulcer sa sikmura.” Pakinggan ninyo ang sinasabi ng mga taong ito—taglay ba nila ang katotohanang realidad? Nagpapaligsahan lang sila kung sino ang mas nagdurusa at kung kaninong karamdaman ang mas malubha, naniniwala sila na ang Diyos ay pinakanalulugod sa taong pinakanagdurusa. Taglay ba nila ang anumang katwiran kapag sinasabi nila ang gayong mga bagay? Hindi ba't nasisiraan sila ng bait? Saan nagmumula ang mga pagpapamalas na ito ng pagkasira ng bait? Ang mga ito ay dulot ng pagtanggap ng mga tao sa lahat ng uri ng erehiya at maling kaisipan. Hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Sa loob ng mga salita ng Diyos, malinaw na napagbahaginan ang lahat ng aspekto ng katotohanan, subalit hindi sila kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ni naghahanap ng katotohanan. Kapag may mga nangyayari sa kanila, kumikilos sila batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon nila, at kumikilos batay sa iba't ibang walang-katotohanang kaisipan at pananaw na itinanim sa kanila ni Satanas. Palayo sila nang palayo sa Diyos, at sa huli ay nagiging hindi normal ang pag-iisip nila. Kaya, ang patuloy na pagpapatotoo tungkol sa sariling pagdurusa, sa paningin Ko, ay hindi naaangkop. Ano ang tingin ninyo? (Hindi ito naaangkop. Ang kalikasan nito ay partikular na malubha.) Malubha ang kalikasan nito, at nagdudulot ito ng malulubhang kahihinatnan. Kung naniniwala ka na maipagpapalit ang pagdurusa para sa mga gantimpala at pagpapala, dapat mong hanapin ang katotohanan tungkol sa usaping ito. Kung patuloy mong sinusubukang makipagtalo sa Diyos at magdasal, sinasabi, “Diyos ko, tingnan Mo kung paano, sa mga taon ng pananampalataya ko sa Iyo, tinalikuran ko ang pamilya at karera ko para gampanan ang tungkulin ko. Nagdusa rin ako ng pag-uusig ng CCP at nagbata ng napakatinding pagdurusa. Nagkasakit ako dahil sa pagkahapo, at ngayon ay nasa katanghaliang-gulang na ako at mahina ang kalusugan. Alang-alang sa lahat ng pagdurusang binata ko, maaari Mo ba akong bigyan ng ilang gantimpala o isang korona sa huli? Makokontento na rin ako sa pagiging isang senturyon sa kaharian sa hinaharap,” kung gayon, tingnan mo kung ano ang nararamdaman mo sa loob-loob mo pagkatapos magdasal nang ganito. Kung hindi mo kayang mapagtanto na ang dasal mo ay naglalaman ng mga karumihan at naglalaman ng mga motibo, kung gayon ay magdudulot iyon ng problema para sa iyo; sa kasamaang-palad, hindi malulutas ang mga tiwali mong disposisyon. Samakatwid, kung nagtataglay ka ng katwiran, dapat mong iharap ang mga pananaw mo at ang mga motibo mo sa Diyos sa panalangin, humingi ka ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at hayaan mong suriin ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa iyo. Bago ka magkaroon ng katiyakan kung tama ba o hindi ang mga pananaw mo, hinding-hindi mo dapat ikalat o patotohanan ang mga kaisipan at pananaw mo sa gitna ng mga kapatid, lalong hindi ka dapat magpatotoo tungkol sa kung paano ka nagdusa at kung paano ka nagbayad ng halaga. Kung gagawin mo ito, hindi ka nagtataglay ng anumang katwiran. Kapareho ito ng paghahangad ni Pablo. Sa isang banda, ang pagpapakalat at pagpapatotoo tungkol sa sarili mong pagdurusa nang ganito ay makakaapekto sa ibang tao. Bukod pa rito, sa sandaling mailihis mo ang mga tao, at sambahin ka at sundin ka ng lahat, nagiging malubha ang kalikasan nito. Hindi lang mawawalan ng saysay ang pagdurusang binata mo, kundi parurusahan ka rin ng Diyos. Kaya, ano ang kalikasan ng pagpapatotoo tungkol sa kung paano ka nagdurusa at nagbabayad ng halaga? Ang pagpapatotoo tungkol sa sarili mong pagdurusa sa ganitong paraan ay panlilihis sa mga tao; ito ang paraan ng pagkilos ni Pablo. Nagpapakalat ka ng mga erehiya at maling kaisipan para magpatotoo sa sarili mo. Gaano ka man magdusa, hindi mo kailangang ipagmalaki ito. Kung handa kang magdusa, magpatuloy ka lang. Kung pakiramdam mo ay sapat na ang pinagdusahan mo at kalipikado ka nang makipagtawaran sa Diyos, lumapit ka sa harapan ng Diyos at magdasal sa Kanya. Kung hindi ka sasang-ayunan ng Diyos, dapat mong pagnilayan kung uubra ba ang pamamaraang ito ng pagsubok na ipagpalit ang pagdurusa sa mga gantimpala. Kung hindi, dapat mong piliin ang tamang landas para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ipagpalagay na nagmamatigas kang kumapit sa sarili mong landas, at iniisip mo, “Positibo ang pagdurusa ko. Makatwiran lang na tumanggap ako ng gantimpala dahil sa labis na pagdurusa. Dapat akong magbata ng pagdurusa na hindi binabata ng iba, at magbata ng mga paghihirap na hindi kayang batahin ng iba, dahil gaya ng kasabihan, ‘Kailangang batahin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.’ Hindi ba't napakaganda ng pananaw na ito? Napakadakila nito, at napakatama! Dapat akong sumunod dito, at hindi ko ito dapat isuko kailanman. Isa itong lihim na sandata para sa pagkakamit ng mga gantimpala at pagkakamit ng mga pagpapala!” Isa ba itong lihim na sandata? Hindi ba't ito ay pagsubok na makipagtransaksiyon sa Diyos? Marahil ang Diyos, nang makitang nagdusa ka sa loob ng maraming taon, nagsumikap, at nakagawa ng malalaking kontribusyon, ay magkakaloob ng biyaya sa iyo, gagawin kang malakas at pagagalingin ang bawat karamdaman mo; o maaaring bigyan ka Niya ng katalinuhan at karunungan, para hindi ka na maging ganoon kahangal. Ang mga ito ay pawang mga bagay na madaling magagawa. Hindi ba't ito ang habol mo? Napakadali para sa Diyos na ipagkaloob ang mga bagay na ito sa mga tao. Pero mayroon bang anumang halaga ang pagpapalit sa pagdurusa mo para sa mga bagay na ito? (Wala.)

Ano ang inaasahan ninyong makamit mula sa pananampalataya sa Diyos? Mayroon ba kayong mga layon? (Mayroon.) Malinaw na ba ngayon ang mga layon ninyo sa pananampalataya sa Diyos? (Malinaw na ang mga ito ngayon.) Sa pananampalataya sa Diyos, kung ano ang dapat at hindi ninyo dapat gawin; anong landas ang dapat ninyong tahakin at anong landas ang dapat ninyong tanggihan; paano ninyo dapat arukin at unawain ang ilang isyu at ilang aspekto ng mga bagay-bagay; aling mga kaisipan at pananaw ang tama, positibo, at dapat taglayin ng mga tao, at aling mga kaisipan at pananaw ang baluktot, lumilihis mula sa tamang landas, mga negatibong bagay, at dapat kilatisin at tanggihan ng mga tao—alam ba ninyo ang mga bagay na ito? (Kaunti lang.) Anumang uri ng pagdurusa ang kayang batahin ng isang tao ay pinamamahalaan ng mga kaisipan at pananaw ng taong iyon. Siyempre, sa mas malalim na antas, dahil may kinalaman ito sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, may kinalaman ito sa mga pagpili nila. Sa mas tumpak na pananalita, dahil may kinalaman ito sa mga pagpili ng mga tao, may kinalaman ito sa landas na tinatahak nila. At dahil may kinalaman ito sa landas na tinatahak ng mga tao, may kinalaman ito sa kaligtasan nila. Samakatwid, bagama't tila isang karaniwang isyu ang pagdurusa, kung nagkikimkim ka ng mga maling kaisipan at pananaw tungkol dito, at mga maling paghahangad dito, malamang na maging sanhi ito na tumungo ka sa kabaligtaran ng direksyon ng landas na itinuro ng Diyos sa iyo. Ang panghuling resulta ay na, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, hindi ka lang mabibigong tumanggap ng mga gantimpala, at hindi ka lang mabibigong maligtas, kundi ititiwalag ka pa nga—isa itong napakakakila-kilabot na bagay. Para mapigilan ang kakila-kilabot na kahihinatnang ito na mangyari sa huli, dapat kang magkaroon ng mga tamang kaisipan at pananaw, at isang tamang pag-arok, tungkol sa isyu ng pagdurusa, at pagkatapos ay tukuyin ang mga tamang prinsipyo ng pagsasagawa. Kung aakayin ka ng mga kaisipan, pananaw, at prinsipyo mo ng pagsasagawa sa landas ng kaligtasan, kung gayon, ang mga kaisipan at pananaw na taglay mo at ang landas ng pagsasagawa na pinili mo ay tama, positibo, at kaayon ng katotohanan. Kung ang mga kaisipan at pananaw na taglay mo, at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na pinili mo, ay hindi aakay sa iyo sa landas ng kaligtasan at hindi magbibigay-kakayahan sa iyo na magtamo ng kaligtasan, kung gayon, ang mga kaisipan at pananaw na taglay mo, at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na pinili mo, ay mali. Tiyak ito. Ibig sabihin, kung ang mga kaisipan at pananaw na pinili mo, at ang landas ng pagsasagawa na tinukoy mo, ay maglilihis sa iyo, at sasalungat sa landas ng kaligtasan na itinuro sa iyo ng Diyos, kung gayon, ang landas na pinili mo ay mali. Dapat mo itong tanggihan; dapat mong baguhin ang mga kaisipan at pananaw mo, at baguhin ang mga prinsipyo mo ng pagsasagawa at mga pamamaraan ng pagsasagawa. Magiging kapaki-pakinabang ito para sa pagtatamo mo ng kaligtasan. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Wala sa mga usaping may kinalaman sa pagtatamo ng kaligtasan ang hindi mahalaga. Kahit sa mga isyu na tila hindi kapansin-pansin at madaling makaligtaan, dapat mong harapin ang mga ito nang may pag-iingat at seryosong pagbulay-bulayan ang mga ito, at pagkatapos ay magtatag ng mga tamang kaisipan, pananaw, at landas ng pagsasagawa—ito lang ang pagsasagawa na dapat taglayin ng mga tao para magtamo ng kaligtasan. Hindi ka dapat maguluhan tungkol dito.

Tinalakay sa pagbabahaginan natin ngayon lang ang ilang maling pananaw at baluktot na pagpapamalas ng mga tao tungkol sa pagdurusa, gayundin ang mga tamang kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng mga tao at ang mga prinsipyong dapat nilang isagawa. Dahil pinag-uusapan natin kung paano tinitingnan ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagdurusa, ang napagbahaginan natin ngayon lang, sa isang banda, ay kumakatawan sa ilan sa Aking mga opinyon at pagsusuri tungkol sa pagdurusa, at sa kabilang banda, kumakatawan sa ilan sa Aking mga kaisipan, mga pananaw, at mga prinsipyo ng pagsasagawa tungkol sa pagdurusa. Ito man ay mga kaisipan at pananaw o mga prinsipyo ng pagsasagawa, ang napagbahaginan natin ngayon lang ay nauukol sa inyong mga pagbubunyag at pagpapamalas sa inyong pang-araw-araw na buhay o sa proseso ng paggampan ng inyong mga tungkulin. Kaya, tingnan natin kung paano hinaharap ng Diyos na nagkatawang-tao ang isyu ng pagdurusa. Nakipagbahaginan Ako sa inyo ngayon lang tungkol sa kung paano harapin ang usapin ng pagdurusa. Ang pagdurusa ay bahagi ng buhay at pananatiling buhay ng tao. Kung titingnan ito mula sa perspektiba ng normal na pagkatao, ang pagdurusa ay isang bagay na tiyak na mangyayari. Sa pamumuhay sa mundong ito ng tao, sa pamumuhay sa materyal na mundong ito, dapat magbata ang lahat ng matinding pagdurusa mula sa oras na ipanganak sila hanggang sa oras na mamatay sila, kabilang ang makalamang kawalan ng ginhawa, pagiging hindi kaaya-aya, at kalungkutan. Gayundin, naramdaman Ko rin ang gayong pagdurusa sa pamumuhay sa kapaligiran ng tunay na mundo. Nakaranas at nagtiis Ako ng matinding pasakit, at nakakaranas din Ako ng ilang pagdurusa ngayon. Isa itong hindi maiiwasang proseso, kaya, mula sa perspektiba ng normal na pagkatao, natural Kong tinatanggap ang gayong pagdurusa, o natural Ko itong dinaranas. Nararamdaman ng Aking laman ang pagdurusa, pero walang paglaban at walang pagtanggi sa Aking puso. Itinuturing Ko na ang pag-iral ng pagdurusang ito ay kasingnatural ng hanging nilalanghap ng mga tao o ng sikat ng araw na nararamdaman nila. Hindi Ko nararamdaman na isa itong karagdagang bagay, at hindi Ko nararamdaman na isa itong kalabisan, lalong hindi Ko nararamdaman na isa itong bagay na idinulot Ko sa Aking sarili. Ganito ang nararamdaman Ko. Ibig sabihin, anuman ang nagdulot ng pagdurusa, o sa anong yugto Ko man pinagdadaanan ang pagdurusa, o kung isa man itong uri ng pagdurusa na nakakaharap Ko sa Aking pang-araw-araw na buhay o isang uri na dapat Kong batahin sa paggawa ng Aking gawain, ang tanging nararamdaman Ko ay may isang pangyayaring nagaganap. Dapat gumamit ang isang tao ng isang partikular na prinsipyo at mag-isip ng paraan para pangasiwaan at lutasin ang pangyayaring ito. Ang pangangasiwa at paglutas sa mga bagay na ito ay nangangailangan minsan ng pagbabata ng ilang pagdurusa, pero magbata man Ako ng matinding pagdurusa o magbata lang ng kaunting magaang pagdurusa, ang lahat ng ito ay parang isang proseso lang para sa Akin. Hindi ito parang isang karagdagang pasanin; isa itong pakiramdam na kasingsimple nito. Pagdating sa pagdurusa, bukod sa simpleng pakiramdam na ito, hindi Ko kailanman ipinroklama kung anong pagdurusa ang binata Ko. Halimbawa, kapag pumupunta Ako sa ilang lugar kung saan medyo mahirap ang mga kondisyon para makisalamuha sa mga tao at makipagbahaginan sa mga tao, hindi Ko nararamdaman na nagbabata Ako ng ganoon katinding pagdurusa, at hindi Ko kailanman naramdaman na ang Aking pagdurusa ay isang uri ng kontribusyon na ginagawa Ko para sa mga tao. Sa halip, pakiramdam Ko ay napakanormal nito at hindi karapat-dapat na banggitin. Hindi Ko kailanman itinuring ang pagdurusa bilang isang malaking pangyayari na dapat ipagmalaki, isapubliko, o malakihin para tingalain Ako ng mga tao; hindi Ko kailanman ginawa ang gayong mga bagay. Kayo ang mga nagpoproklama kung anong pagdurusa ang binata Ko—madalas ninyo itong ginagawa, pero hindi Ko ito ginawa kailanman.

Minsan, pumunta Ako sa isang lugar para makipagkuwentuhan at makipag-usap sa mga tao roon, at para makipagbahaginan sa kanila tungkol sa ilang bagay. Pagkatapos Kong makipagbahaginan, lumipas na ang oras ng pagkain, at umalis Ako nang hindi kumakain. Kalaunan, ikinalat ng ilang tao ang balita: “Nakipagbahaginan ang Diyos sa amin buong umaga. Hindi man lang Siya uminom ng kahit isang sipsip ng tubig, at umalis Siya nang hindi kumakain.” Pagkatapos itong sabihin ng isang tao, kumalat ang balita mula sa isa patungo sa sampu, at mula sa sampu patungo sa isang daan, at nalaman ito ng maraming tao. Ano ang naging resulta nang malaman nila ito? Itinuring ng mga taong ito ang maliit na usaping ito bilang isang paksa para sa pormal na pagbabahaginan sa mga pagtitipon, at nagbahagi sila tungkol dito na para bang ito ang katotohanan. Nagtaka Ako: Ano ba ang dapat pag-usapan tungkol sa usaping ito? Ano ang halaga ng pag-uusap tungkol dito? Ano ang silbi ng pagbabahaginan tungkol sa usaping ito? Minsan ay nakikipagkuwentuhan Ako sa inyo, tinatalakay ang mga bagay sa pang-araw-araw na buhay o mga usapin sa gawain. Isa itong napakanormal na bagay, kasingnormal lang ng mga usapan ninyo. Hindi ito dapat ipagmalaki at hindi dapat isapubliko. Bakit nila ito isinapubliko nang lingid sa Aking kaalaman? Labis Akong nagtaka. Kalaunan, habang labis nilang ikinakalat ang balita tungkol dito, napagtanto Ko ito: Naniwala silang nagpapatotoo ito sa mga karanasan sa pagdurusa ng Diyos na nagkatawang-tao, at na ipinapalaganap nila ang katotohanan, hindi lang ipinapalaganap ang balita tungkol sa isang pangyayari. Sinasabi Ko na kung gusto mong magpatotoo sa mga karanasan ng pagdurusa ng Diyos na nagkatawang-tao, ganap na hindi iyon kinakailangan. Ang pakikipagkita, pakikipagkuwentuhan, at pakikipag-usap sa inyo ay isang bagay na kusang-loob Kong ginagawa. Hindi Ko ito ginagawa para makita ng sinuman, hindi Ko ito ginagawa para makuha ang loob ninyo, at hindi Ako nagpapanggap. Tungkol naman sa hindi Ko pagkain o pag-inom ng anuman kapag nakikipagbahaginan Ako nang matagal, hindi iyon sinasadya—ito ay dahil hindi Ako nauuhaw, at hindi masyadong nagugutom. Kung hindi Ko na matiis ang gutom, sasabihin Ko sa iyo na ikuha mo Ako ng pagkain o ipagluto mo Ako ng isang simpleng pagkain. Talagang hindi Ko titiisin ang gutom; hindi Ako mag-aatubiling magsabi sa iyo. Ang pag-alis ba nang hindi kumakain kapag oras na ng pagkain ay maituturing na pagdurusa? Batay sa isinapubliko ninyo, tila nagpapakitang-tao lang Ako. Bakit labis Akong hindi komportable na marinig ito? Para bang ginagawa Ko ito para makita ninyo kung gaano Ako nagdurusa, kung gaano ang kaya Kong batahin, kung gaano kalaki ang pagmamahal Ko para sa inyo, at kung gaano kalaki ang naiambag Ko sa inyo, para pagkatapos Kong umalis, ibobrodkas ninyo ito para sa Akin, isasapubliko kung gaano Ako nagdusa at kung gaano karaming bagay ang ginawa Ko para sa inyo, na para bang ginagamit Ko ang pamamaraang ito para makuha ang loob ninyo. Ito ba ang layon Ko? (Hindi.) Hindi ito ang layon Ko. Binibisita Ko kayo para makipagkuwentuhan at makipag-usap sa inyo, at minsan ay bumabalik Ako nang hindi kumakain kapag oras na ng pagkain. Napakanormal nito. Pero itinuturing ninyo ito bilang isang malaking pangyayari, iniisip na nagdusa Ako, na may katotohanang dapat hanapin dito, na dapat ninyo itong tularan at dapat ninyong gayahin, at ipinapakalat pa nga ninyo ang usaping ito na para bang ito ang katotohanan. Ang pagpapakalat sa usaping ito ay katumbas ng pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento. Hindi Ko gusto na nagpapakalat kayo ng walang-kuwentang kuwento. Nakakaramdam Ako ng pagkasuklam at pandidiri kapag naririnig Ko ang tungkol dito. Nasusuklam Ako sa sinumang nagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento. Kung makikipagbahaginan Ako sa inyo tungkol sa ilang nilalaman na may kinalaman sa katotohanan o may kinalaman sa gawain ng iglesia, ang nilalamang ito ang kailangan ninyo—maaari ninyo itong isulat at ibahagi at magbahagi tungkol dito kasama ng lahat. Pero kapag ipinapakalat ninyo ang balita tungkol sa kung paano Ako nagdusa mula sa gutom o mula sa lamig sa isang lugar—kapag ipinapakalat ninyo ang mga bagay na ito, nakakaramdam Ako ng pagkasuklam. Lubos Akong nasusuklam sa pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento. Bakit napakaaktibo ninyo sa paggawa ng ganitong uri ng bagay? Sa tingin ba ninyo ay nagpapasaya ito sa Akin? Hindi Ako katulad ninyo; hindi ito nagpapasaya sa Akin kahit kaunti. At tiniis Ko ito sa loob ng napakaraming taon. Kung alam Ko kung sino ang unang nagpakalat ng mga salitang ito, tatanungin Ko siya, “Bakit mo ipinakalat ang mga salitang ito? Ano ang layon mo? Ano ang intensiyon mo? Nagkikimkim ka ng masasamang intensiyon! Katumbas ito ng pagdudulot ng panggugulo! Alam mo ba na naapektuhan mo ang lagay ng loob Ko? Ang pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento na tulad nito ay isang nagbabalatkayong paraan ng paglilimita sa kalayaan Ko; iyon ang kalikasan nito.” Nasusuklam Ako sa mga taong nagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento, lalo na sa ilan na hindi kailanman nagbabahagi tungkol sa katotohanan at hindi kailanman nagbabahagi tungkol sa anumang bagay na may kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan o may kinalaman sa gawain ng iglesia, kundi pinag-uusapan lang ang ganitong uri ng walang-kabuluhang bagay at ipinapakalat ang ganitong uri ng walang-kuwentang kuwento, ipinapakalat pa nga ito nang napakadetalyado. Halimbawa, nakikipagkuwentuhan Ako sa inyo at umubo Ako nang ilang beses, at ipinapakalat ito ng ilang tao nang lingid sa Aking kaalaman. Ito ba ang dapat mong ipinapakalat? Ito ba ang tungkulin mo? Nasusuklam na Ako sa pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento sa loob ng napakaraming taon. Ganito mismo magpakalat ng walang-kuwentang kuwento ang ilang tao. Habang naipapasa ang kuwento, marami-raming tao ang nakakarinig tungkol dito, at ginagaya pa nga ng ilang tao na magulo ang isip ang pag-ubo Ko. Ano ang silbi ng paggaya rito? Kung gagayahin mo kung paano Ako nagbabahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema, magkakaroon iyon ng kaunting pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung gagayahin mo kung paano Ko pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at kung paano Ako nag-iisip ng lahat ng posibleng paraan para magdala sa inyo ng pakinabang, at gagayahin kung paanong, kapag nagbabahagi tungkol sa katotohanan, walang-pagod Akong nakapagbibigay ng mga halimbawa at nakapagsasaad ng mga katunayan para lahat kayo ay may makamit at lahat ay magkaroon ng pag-usad—kung gagawin mo ang mga positibong bagay na ito, magiging masaya Akong makita ito. Bakit hindi mo ginagaya ang mga positibong bagay na ito? Bakit kailangan mong gayahin ang mga walang-kabuluhang bagay na iyon? Pinapatunayan nito na may problema sa mentalidad mo. Kung talagang wala kang magawa na mas mabuti, dapat kang maghanap ng ilang wastong gawain na gagawin; magiging kapaki-pakinabang ito sa lahat. Bakit hindi ka gumawa ng ilang wastong gawain? Pinapabayaan ng gayong mga tao ang mga gampaning marapat nilang gawin; labis silang kasuklam-suklam!

Nagbahagi Ako tungkol sa katotohanan sa loob ng napakaraming taon, pero hindi Ko pa kayo nakitang maglaan ng malaking pagsisikap sa katotohanan, ni hindi Ko kayo nakitang maglaan ng pagsisikap sa katotohanan na kasinglaki ng pagsisikap ninyo sa pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento. Bakit gustong-gusto ng mga taong ito ang pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento? Ano ang silbi ng pagpapakalat ng mga bagay na iyon? Ang mga taong ito na walang espirituwal na pang-unawa ay tunay na nagpapabaya sa kanilang mga wastong gampanin! Kung tunay kang makakapagbahagi nang malinaw tungkol sa isang aspekto ng katotohanan, at nagdudulot ito ng kaunting pakinabang at pagpapatibay sa mga kapatid, isa itong mabuting bagay, at dapat pa nga Akong magpasalamat sa iyo. Pero palagi mong ipinapakalat ang balita tungkol sa ginawa Ko sa isang partikular na araw, kung gaano katagal Ako nanatili sa isang lugar, kung gaano kalayo ang nilakad Ko, at kung gaano Ako kagabi bumalik; kapag palagi ninyong ipinapakalat ang gayong mga bagay, nakakaramdam Ako ng partikular na pagkasuklam. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit Ka nasusuklam? Mabuti ang intensiyon namin. Hindi ba't nagpapatotoo kami sa pagdurusa ng Diyos na nagkatawang-tao?” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Paano ito naging mali? (Nagsalita ang Diyos ng napakaraming salita at nagpahayag ng napakaraming katotohanan, subalit hindi sila nagbabahagi tungkol sa mga ito. Hindi rin nila pinag-uusapan kung anong mga karanasan ang mayroon sila sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nagpapatotoo sa Diyos, hindi nila pinag-uusapan ang mga bagay na ito, kundi sa halip ay pinalalaki nila ang ilang bagay sa buhay ni Cristo. Pakiramdam ko ay hindi tama ang mga puso nila.) Pakiramdam ninyo ay nagdusa Ako sa paggawa ng mga bagay na ito, pero nauunawaan ba ninyo ang pagdurusang tunay Kong binabata? Alam ba ninyo ito? (Hindi.) Hindi ninyo alam, ni hindi ninyo ito naaarok o nauunawaan. Pinalalaki lang ninyo ang di-mahahalagang usaping ito sa Aking pang-araw-araw na buhay at ibinobrodkas ang mga ito kahit saan. Halimbawa, isang beses, may nakasalubong Ako na isang tao at kaswal Kong binanggit, “Medyo sumasakit ang braso Ko ngayon.” Wala Akong ibang ibig sabihin doon, pero binigyan iyon ng kahulugan ng taong iyon. Pagkatapos marinig ito, inisip niyang sumasakit ang braso Ko dahil masyado Akong nagsusulat. Pagkalipas ng tatlong araw, kumalat ang kuwento, at sinasabi ng mga tao na nagbabata Ako ng pagdurusa. Ang pagsakit ba nang kaunti ng braso Ko ay maituturing na pagdurusa? Ito ba ang itinuturing na pagdurusa sa inyong paningin? Sinabi Ko ba ito sa harap ninyo para ipagmalaki na nagdurusa Ako? Hindi ito ang nasa isip Ko kahit kaunti. Bukod pa rito, ano ang kinalaman ng pagdurusa Ko sa iyo? Hiniling Ko ba sa iyo na ipagkalat ito? Kung mayroon Akong gustong ipagawa sa iyo, direkta Kong sasabihin sa iyo. Tinagubilinan Ko kayo sa lahat ng Aking sermon at pagbabahaginan kung anong gawain ang dapat mong gawin at kung anong mga salita ang dapat mong sabihin—nilinaw Ko na ang lahat ng ito sa inyo. Nagbahagi Ako nang malinaw tungkol sa mga katotohanang prinsipyo at mga landas ng pagsasagawa. Ang mga ito ang mga bagay na dapat ninyong pagtuunan at dapat ninyong gawin. Hindi ka tumutuon sa sinasabi Ko sa iyo, subalit partikular kang nagbibigay-pansin sa mga hindi Ko sinabi sa iyo, at marami ka nang nagawa sa mga bagay na iyon. Nakakaramdam Ako ng pagkasuklam kapag nakikita Ko ito. Talagang hindi kita pupurihin at sasabihing ginawa mo ito nang maayos, at bibigyan ka ng papuri para dito. Hindi Ko kailanman ginagawa ang gayong mga bagay, at hindi Ko kailanman sinabi ang gayong mga salita. Anuman ang hingin Ko sa inyo na gawin, sasabihin Ko ito sa inyo nang malinaw. Hindi Ko hiningi sa inyo na gawin ito, subalit ginawa ninyo ito. Nakakaramdam Ako ng matinding pagkasuklam at matinding pandidiri sa loob-loob Ko, at hindi lang kaunting pagkasuklam. Subalit nasisiyahan kayo sa inyong sarili, iniisip ninyong mayroon kayong matinding simpatiya at matinding pagmamahal para sa Akin, na partikular kayong maunawain, mapagsaalang-alang, at mapagkalinga. Sinasabi Ko na masyado kang nagkukulang. Kahit pa gawin mo ang ilang bagay nang naaangkop, mayroon pa ring distansya sa pagitan natin; higit pa rito, ang pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento ay hindi naaangkop, at hindi Ko ito gusto. Ang katunayan na hindi Ko kailanman binanggit ito sa inyo noon ay hindi nangangahulugan na sinang-ayunan Ko ito nang hindi tahasan. Ngayon ay sinasabi Ko sa inyo ang eksaktong mga salita: Partikular Akong nasusuklam sa mga taong nagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento. Sa partikular, nakikita ng ilang tao na nagbabata Ako ng kaunting pagdurusa at pagkatapos ay sadya silang nagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento gamit ang pagdadahilan na nagpapatotoo sila sa pagdurusa ng Diyos na nagkatawang-tao—sa inyo, tahasan Kong sinasabi: Tinututulan Ko ang ganitong uri ng bagay, nakakaramdam Ako ng partikular na pagkasuklam dito sa Aking puso, at hindi Ko ito gusto kahit kaunti. Hindi ito pagpapatotoo sa Diyos; ito ay pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento. Kaya, naaangkop ba na gawin ninyo ito? (Hindi.) Dahil hindi ito naaangkop, ano ang dapat ninyong gawin? (Hindi kami dapat magpakalat ng walang-kuwentang kuwento. Hindi namin dapat gawin ang ganitong uri ng bagay.)

Mayroon bang anumang hindi pagkakasundo sa pagitan natin pagdating sa kung paano natin hinaharap ang usapin ng pagdurusa? Magkaiba ba ang ating mga pananaw? (Oo.) Kung gayon, saan nagmumula ang inyong mga pananaw tungkol sa pagdurusa? (Ang aming mga pananaw tungkol sa pagdurusa ay nagmumula sa aming mga tiwaling disposisyon pagkatapos kaming gawing tiwali ni Satanas.) Sa isang banda, ang mga pananaw ng mga tao tungkol sa lahat ng uri ng bagay ay nagmumula kay Satanas, gayundin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Sa kabilang banda, sa mas praktikal na pananalita, naiimpluwensiyahan ang mga ito ng mga kalakaran sa lipunan at ng klima ng lipunan. Ang pinakadirektang epekto ng pagtanggap ng mga tao sa mga maling kaisipang ito ay nagkakaroon sila ng ilang walang katotohanang kaisipan at pananaw. Kapag dumarating ang mga tao sa sambahayan ng Diyos taglay ang mga kaisipan at pananaw na ito, nagkakaroon sila ng lahat ng uri ng mga maling pamamaraan. Samakatwid, ang ilan sa mga pamamaraan ng mga tao sa kung paano nila tinuturing ang pagdurusa ng Diyos na nagkatawang-tao ay resulta rin ng pag-uudyok mula sa ilang walang-katotohanang kaisipan at pananaw. Sa mundong walang pananampalataya, kapag ang mga tao na may katayuan at may prestihiyo ay lumilitaw sa publiko, madalas silang gumagawa ng mga bagay alang-alang sa panlabas na anyo, na simpleng tinutukoy bilang pagpapakitang-tao. Pagkatapos magpakitang-tao, ginagamit nila ang midya para isapubliko ito, upang makamit ang layon na mapanatili ang kanilang imahe at mapatatag ang kanilang katayuan sa gitna ng mga tao, para magkaroon sila ng mas magandang imahe sa paningin ng publiko, makapukaw ng mas matinding pagsamba mula sa mga tao, at mas mariin na maitatag ang kanilang sarili sa mga puso ng mga tao. At ang pamamaraang ginagamit ng mga tao na pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa pagdurusa ng Diyos na nagkatawang-tao ay, sa malaking antas, naiimpluwensiyahan ng kalakarang ito ng mundong walang pananampalataya. Ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao tungkol sa mga pangunahing pangangailangan ng Diyos na nagkatawang-tao, o sa Kanyang mga pang-araw-araw na kilos at galaw, ay ganito rin. Bagama't hindi direktang sinasabi ng mga tao kung ano ang layon ng Diyos na nagkatawang-tao sa paggawa sa partikular na bagay na ito, ang pamamaraan ng pagpapakalat nito ay nagdudulot ng mga sumusunod na kahihinatnan: Nagiging sanhi ito para hindi tumuon ang mga tao sa paghahangad ng katotohanan, kundi tumutuon lang sa mga pagsasagawa ng mga panlabas na pormalidad; nagiging sanhi ito para hindi sila tumuon sa pagpasok sa katotohanan, kundi tumuon lang sa pagdurusa, nagsasabi lang ng mga magandang pakinggan na doktrina at iyon na iyon. Iniisip ng mga tao na ang paggawa nito ay pagpapatotoo sa Diyos, at ang paggawa nito ay pagsasagawa ng katotohanan at pagtataguyod din sa imahe ng Diyos. Sa katunayan, kailangan ba ng imahe ng Diyos na itaguyod mo ito? Sa paghingi ng Diyos na magpatotoo ka sa Kanya, layon ba ng Diyos na magpatotoo ka tungkol sa mga bagay na ito? (Hindi.) Hindi kailangan ng imahe ng Diyos na nagkatawang-tao na itaguyod mo ito, lalong hindi nito kailangan na itaguyod mo ito sa ganoong paraan. Maaaring mayroon kang mabubuting intensiyon, pero nagdulot ng hindi magagandang kahihinatnan ang mga kilos mo, at sa malulubhang kaso, bumubuo pa nga ang mga ito ng mga paggambala at panggugulo. Palaging naniniwala ang mga tao na ang paggawa nito ay naaangkop at makatwiran, na isa itong mabuting gawa, at na ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Sinasabi Ko, “Mali! Hindi ito ang dapat mong gawin. Hindi mo ito dapat gawin.” Dahil isa kang nilikha, dapat mong akuin ang iyong wastong lugar bilang isang nilikha at gampanan nang maayos ang tungkulin mo; hindi ka dapat kumilos sa papel ng midya ng lipunan sa loob ng sambahayan ng Diyos at gawin ang mga bagay na ginagawa ng midya. Kung anong mga salita ang sinasabi Ko, kung anong pagdurusa ang binabata Ko, kung saan Ako pumupunta, kung ano ang Aking pang-araw-araw na iskedyul—hindi Ko kailangan na isapubliko mo ang mga bagay na ito, hindi Ko gusto na isinasapubliko mo ang mga ito, at nakakaramdam Ako ng pagkasuklam sa pagsasapubliko mo sa mga ito. Kaya, mangyaring itigil ang ganitong uri ng pagsasapubliko, dahil ang ganitong uri ng pagsasapubliko ay pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento, at hindi ito naaayon sa katotohanan. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Pinakamabuti na huwag mong isapubliko ang mga bagay na ito; walang silbi ang pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwentong ito. Kung tunay mong gustong magpatotoo sa Diyos, dapat mas ipalaganap mo ang mga salita ng Diyos, at ibahagi ang iyong pagkaunawang batay sa karanasan sa katotohanan at ang karanasan mo sa katotohanan. Kung tunay na mayroon kang mabubuting intensiyon at gusto mong gumawa ng ilang mabuting bagay at maghanda ng ilang mabuting gawa, tingnan mo kung aling larangan o aling bahagi ng gawain ng sambahayan ng Diyos ang nangangailangan ng pagpapabuti, at maglaan ka ng kaunting pagsisikap at magbayad ng halaga para magawa ito nang maayos, at sa gayon ay mapabuti ang pagiging episyente ng gawain, mapabilis ang pag-usad ng gawain, at makatipid din sa lakas-tao at mga pinansyal na mapagkukunan. Kung gagawa ka ng ganitong uri ng gawain, isa itong mabuting gawa, at ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Tungkol naman sa kung ano ang kinakain o isinusuot Ko, o kung anong pagdurusa ang binabata Ko, hindi mo na kailangang ipagkalat ang balita tungkol diyan. Matagal Ko nang sinabi sa iyo kung anong saloobin ang dapat mong taglayin tungkol sa Akin, na binubuo lang ng tatlong prinsipyo: pagiging bukas at matapat, magalang, at masunurin. Ganoon lang iyon kasimple; hindi Ko kailangan na gumawa ka ng anumang labis. Kung gagawa ka ng anumang labis sa isang naaangkop na paraan, tatratuhin kita bilang isang kapatid, at tatandaan Ko ang pabor na ito na ginawa mo. Pero pagdating sa ugnayan nating dalawa, matagal Ko nang sinabi sa iyo ang mga prinsipyo kung paano mo Ako dapat tratuhin. Ano ang tatlong prinsipyong iyon? (Pagiging bukas at matapat, magalang, at masunurin.) Ang mismong tatlong prinsipyong ito. Kung tutugunan mo ang tatlong prinsipyong ito, naaangkop ito, at matatag mong mapanghahawakan ang nararapat na lugar na dapat panghawakan ng isang nilikha, at matutupad mo nang maayos ang iyong responsabilidad. Ang pagpapakalat mo ng walang-kuwentang kuwento ay walang anumang halaga, at sa huli ay makakaramdam Ako ng pagkasuklam sa iyo. Pero kung tatagubilinan kita tungkol sa isang prinsipyo, aatasan kita ng isang aytem ng gawain, o magbabahagi Ako tungkol sa isang aspekto ng katotohanan, at gagawin at isasagawa mo ang sinasabi Ko sa iyo, higit na mas mabuti iyon kaysa sa pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento. Tanging ang pagsasagawa ng katotohanan ang may halaga at tinatandaan. Nagpapakalat ka ng walang-kuwentang kuwento tungkol sa Akin, sinasabi mong labis Akong napagod sa paglalakad para dumalo sa isang pagtitipon sa isang lugar. Sa pagpapakalat ng walang-kuwentang kuwentong ito, kinukuha mo ang simpatiya at awa ng mga tao para sa Akin. Hindi Ako masaya rito kahit kaunti, at hindi Ko gusto na ginagawa mo ito. Kailangan kitang tanungin, “Ano ang silbi ng pagpapakalat ng usaping ito? Bakit mo ipinakalat ang mga salitang ito? Nauunawaan mo ba talaga kung ano ang ibig sabihin ng pagpapatotoo sa Diyos?” Kung hindi ka makapagbibigay ng dahilan na naaayon sa katotohanan, at ang pinagbabatayang layon ng sinasabi at ginagawa mo ay hindi naaayon sa katotohanan kahit kaunti, kundi para lang palugdan ang mga personal mong ambisyon at pagnanais at para subukang makuha ang pabor Ko, kung gayon, sinasabi Ko sa iyo na hindi Ko gusto na ginagawa mo ito. Talagang hindi mo ito dapat gawin. Hayaan mong ito na ang una at huling pagkakataon; huwag mo na itong gagawin ulit! Sa mga pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan mo sa Akin, dapat mong paulit-ulit na pagbulay-bulayan ang mga prinsipyong sinasabi Ko sa iyo. Dapat mahigpit mong panghawakan ang posisyon na dapat mong panghawakan, tuparin nang maayos ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin, at sumunod sa mga prinsipyo na dapat mong sundin—ang mga ito ang mga bagay na dapat mong makamit. Huwag mong palaging subukang isipin kung paano makuha ang pabor Ko o purihin Ako; huwag mong palaging naising makisimpatya sa Akin o maawa sa Akin, o naising pasayahin Ako. Huwag mong gawin ang mga bagay na ito. Kahit pa gawin mo ang mga ito, magiging walang saysay ito. Hindi Ko gusto na ginagawa mo ang mga bagay na ito, at nakakaramdam Ako ng pagkasuklam sa paggawa mo sa mga ito. Kung hindi mo gagawin ang mga bagay na ito, pakikitunguhan kita nang ayon sa mga panuntunan, at magagawa Kong makipag-ugnayan sa iyo nang normal. Kung gagawin mo ang mga bagay na ito, at palagi mong iniisip na pagandahin ang mga ginawa Ko at pinalalaki ang mga bagay na ito nang lingid sa Aking kaalaman upang makuha ang pabor Ko at mapabuti ang tingin Ko sa iyo, sinasabi Ko na mali ka. Ang paggawa nito ay magdudulot lang na makaramdam Ako ng pagkasuklam sa iyo. Anuman ang gawin mo, tatratuhin at susuriin kita batay sa mga katotohanang prinsipyo; ganito kita titingnan. Kung makikisalamuha at makikipag-ugnayan ka sa Akin nang patas at naaangkop, maaari tayong mag-ugnayan nang normal. Kung palagi kang nagpapakalat ng walang-kuwentang kuwento nang lingid sa Aking kaalaman, sa Aking paningin ay hindi mabuti ang iyong pagkatao. Sa pinakamababa, sasabihin Kong wala kang integridad o dignidad, at na masyado kang mababa. Sinasabi ng ilang tao, “Nagsasabi ako ng mabuting bagay para sa Iyo—hindi ba ayos lang iyon?” Sinasabi Ko, “Hindi iyon kinakailangan.” Nakikita at nakikilala ng mga tao kung anong uri Akong tao sa pamamagitan ng mga salitang ibinabahagi Ko at sa pamamagitan ng mga katotohanang itinuturo Ko sa kanila; hindi nila ito nakikita at nakikilala sa pamamagitan ng walang-kuwentang kuwento na ipinapakalat mo. Samakatwid, ang pagpapakalat mo ng walang-kuwentang kuwento ay ganap na hindi kinakailangan at isang kalabisan. Marahil ay walang ibang nakakaramdam ng pagkasuklam dito, o marahil ay gusto ito ng lahat ng iba pa, pero kahit papaano, hindi Ko ito gusto, at nakakaramdam Ako ng pagkasuklam dito. Kapag nagpapakalat ka ng walang-kuwentang kuwento tungkol sa Akin, kahit na talagang pasok ito sa panlasa ng lahat at talagang naaayon sa mga pananaw ng lahat, na nagpapaganda sa pakiramdam ng lahat, dapat mo man lang Akong tanungin. Ako ang taong kasangkot; dapat mong itanong kung sumasang-ayon Ako rito at kung gusto Ko ito. Pinahintulutan ba kita na ipakalat ang gayong mga bagay? Kung hindi kita pinahintulutan, subalit nagpapakalat ka ng walang-kuwentang kuwento tungkol sa Akin, nagsasalita nang napakaarbitraryo at ipinapakalat pa nga ito na para bang ito ang katotohanan, hindi ba't nangangahulugan iyon na mayroon kang mga nakatagong motibo? Kung gayon, paano kita ilalarawan? Sasabihin Kong nagdudulot ka ng mga paggambala at panggugulo. Saanman Ako pumunta, anumang mga salita ang sabihin Ko, o anumang mga bagay ang gawin Ko, partikular na tumutuon ang ilang tao sa pagpapakalat ng mga bagay na ito, na para bang pagkatapos gawin ito ay titingalain Ako ng lahat at papupurihan Ako nang lubos ng lahat. Ito ba ay pagdakila sa Diyos at pagpapatotoo sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon, sa tuwing pumupunta Ako sa isang lugar para gumawa ng ilang bagay, maging ito man ay mga bagay sa Aking pang-araw-araw na buhay o mga bagay na may kaugnayan sa gawain—lalo na ang mga bagay na tila pagdurusa sa paningin ng mga tao—nagpapakitang-tao ba Ako sa paggawa ng mga bagay na ito? (Hindi.) Dahil alam mong hindi Ako nagpapakitang-tao, huwag mong ikalat ang mga bagay na ito. Huwag kang kumilos bilang isang loudspeaker, at huwag kang kumilos bilang midya; walang gayong institusyon ang sambahayan ng Diyos. Huwag kang magtayo ng sarili mong media outlet at kumilos bilang isang loudspeaker para ikalat ang mga bagay na ito, dahil lubos Akong nasusuklam sa pagpapakalat mo sa mga ito; mayroon itong negatibong epekto. Kaya, talagang hindi ka dapat magpakalat ng walang-kuwentang kuwento at hindi ka dapat magpakalat ng balita tungkol sa mga ganitong uri ng bagay. Ito ay isa sa mga hinihingi Ko sa inyo.

Ang pagkakatawang-tao ng Diyos para gawin ang Kanyang gawain ay isang hakbang sa plano ng pamamahala ng Diyos, isa itong aytem sa loob nito, at medyo espesyal ito sa usapin ng anyo—hinihingi nito sa Diyos na pumarito sa gitna ng mga tao para magsalita at gumawa. Ibig sabihin, kinukuha ng Diyos ang wangis ng isang katawang laman, nagiging isang ordinaryong tao, at pumaparito para gumawa ng gawain sa gitna ng mga tao. Bukod sa Kanyang trabaho na magsalita, ang pinakamahalagang bagay ay ang pagdurusang tinitiis ng Kanyang laman. Isa rin itong aytem ng gawain, at isa itong bagay na dapat Niyang danasin at dapat Niyang pasanin. Sa panahon ng pagsasalita at pagsasagawa ng Diyos sa Kanyang gawain, bukod sa pagsasalita at paggawa, dapat ding magbata ang Kanyang laman ng ilang pagdurusa. Hindi maiiwasan na magdusa ang Diyos kapag namumuhay sa gitna ng mga tao. Pumaparito ang Diyos sa laman at namumuhay sa gitna ng mga tao, para iligtas ang mga tao, para magtustos sa mga tao ng katotohanan, para ituro ang landas sa mga tao, at para ipagkaloob ang buhay sa mga tao. Pero ang kinakaharap Niya ay isang sangkatauhan na malalim nang nagawang tiwali ni Satanas. Kaya, ano ang dapat pasanin ng Diyos? Dapat Niyang pasanin ang paghusga, paglapastangan, paghihimagsik, at pagkakanulo ng mga tao, gayundin ang mga maling pagkaunawa, pagiging mapagbantay, at mga reklamo ng mga tao, at pati na rin ang iba't ibang paraan ng pabasta-basta nilang pagkilos sa Diyos. Kailangan Niyang pasanin ang mga bagay na ito. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi namin nakitang pinasan Mo ang mga bagay na ito.” Kapag pumaparito ang Diyos sa laman, hindi Siya namumuhay sa gitna ng mga walang pananampalataya; sa halip ay namumuhay Siya sa gitna ng hinirang na mga tao ng Diyos at namumuhay sa gitna ng mga tao na nilalayon Niyang iligtas. Kapag namumuhay kasama ng mga taong ito, hindi maiiwasang makasalamuha, makasama, at makausap ng Kanyang laman ang mga taong ito, makipag-ugnayan sa kanila, at hindi maiiwasang mangasiwa ng maraming usapin. Kapag pinangangasiwaan Niya ang mga usaping ito, napakanatural na magbubunyag ang mga tao ng mga satanikong tiwaling disposisyon. Sa tingin mo ba ay nakakaramdam ng lugod o kawalan ng ginhawa ang Diyos na nagkatawang-tao kapag nakikita Niyang nagbubunyag ang mga tao ng mga tiwaling disposisyon? (Kawalan ng ginhawa.) Ang pagkaramdam ba ng kawalan ng ginhawa ay maituturing na pagdurusa? (Oo.) Kung gayon, tumitigil ba Siya sa pagliligtas sa mga tao dahil nakakaramdam Siya ng kawalan ng ginhawa? Sumusuko ba Siya sa paggawa ng Kanyang gawain dahil nakakaramdam Siya ng kawalan ng ginhawa? O direkta na lang Niyang nililipol ang mga tao? Hindi Niya magagawa iyon. Ang mga inililigtas Niya ay mismong ang mga taong malalim na ginawang tiwali. Ang Kanyang kawalan ng ginhawa ay isang tunay na isyu. Pagdating sa Diyos na nagkatawang-tao, dapat Niyang harapin ang lahat ng ito at batahin ang lahat ng ito upang mailigtas ang sangkatauhan. Habang hinaharap ang lahat ng ito at binabata ang lahat ng ito, dapat din Niyang patuloy na gawin ang Kanyang gawain, patuloy na magpahayag ng mga salita para magtustos ng katotohanan, matiyaga at masigasig na magsalita sa mga tao, at gumawa sa gitna ng mga tao. Hindi Siya maaaring sumuko sa pagliligtas sa mga tao dahil lang sa nakikita Niyang masyadong malalim nang nagawang tiwali ang mga tao, masyadong matindi ang kanilang paghihimagsik, o ang mga bagay na ginagawa nila ay baligho at kasuklam-suklam, dahil ito ang Kanyang gawain, at kaya ang pagbabata at pagpapasensya ay bahagi ng Kanyang gawain, at bahagi rin ito ng paggampan ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kanyang ministeryo at pagtupad nang maayos sa Kanyang mga responsabilidad. Ibig sabihin, pagdating sa sangkatauhan, may mga responsabilidad ang Diyos, mayroon Siyang mga inaalala, mayroon Siyang gawain, at mayroon din Siyang mga inaasahan. Gusto ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan, gawing ganap ang isang grupo ng mga tao para makapasok sila sa susunod na kapanahunan, at gawing ganap ang isang grupo ng mga tao para magtamo sila ng kaligtasan at maging isang bagong sangkatauhan, dinadala ang dakilang gawain ng Diyos sa kaganapan, at nagkakamit ng isang bahagi ng mga tao. Ito ay gawain ng Diyos, at pumarito ang Diyos na nagkatawang-tao para mismo gampanan ang ministeryong ito. At kaya, bago nagkatawang-tao ang Diyos para gawin ang Kanyang gawain, hindi sa hindi Niya alam na haharapin Niya ang isang grupo ng mga tao na malalim na tiwali; sa halip, alam na alam Niya na ililigtas Niya ang isang grupo ng mga tao na malalim nang nagawang tiwali ni Satanas. Samakatwid, para sa disposisyong diwa ng Diyos, ang lahat ng Kanyang haharapin at daranasin ay magiging mga paghihirap. Kabilang sa mga paghihirap na ito ang ilang paghihirap na dulot ng panlabas na kapaligiran, pero walang anuman ang mga paghihirap na idinulot ng mga sitwasyon. Ano ang mga tunay na paghihirap? Tinanong Ko kayo ngayon lang, at sinabi ninyong hindi ninyo alam, kaya dapat Kong sabihin sa inyo, at pagkatapos ay malalaman ninyo. Sa sandaling malaman ninyo, magagawa ninyong maunawaan.

Pagkatapos magkatawang-tao ng Diyos, nananatiling hindi nagbabago ang Kanyang disposisyon at diwa. Mayroon Siyang dibinong buhay, at mayroon din Siya ng sariling disposisyon ng Diyos, kaya pagdating sa Kanyang diwa at buhay, hindi kaya ng tiwaling sangkatauhan na maging kaayon Niya. Ang kawalan ng kakayahang ito na maging kaayon ng Diyos ay hindi nangangahulugang hindi magkasundo ang mga tao at ang Diyos pagdating sa mga gawi ng pamumuhay o personalidad; sa halip, nangangahulugan ito na hindi kayang maging kaayon ng Diyos ang mga tao pagdating sa iba't ibang kaisipan at pananaw, gayundin sa mga prinsipyo at pamamaraan ng pagtrato sa iba't ibang tao, pangyayari, at bagay. Hindi ba't isa itong katunayan? (Oo.) Ang dahilan ng kawalan ng kakayahang ito na maging kaayon ng Diyos ay na ang tiwaling sangkatauhan ay malalim na naimpluwensiyahan at naturuan ni Satanas, tumanggap sa mga pang-aakit ni Satanas, at gumagawa ng lahat ng bagay batay sa mga kaisipan at pananaw ni Satanas. Ang mga kaisipan at pananaw na ito ni Satanas ay pawang walang-katotohanan, at pawang mga negatibong bagay ang mga ito—kaya tinitingnan ng lahat ang gawain ng Diyos at tinitingnan ang Diyos Mismo gamit ang mga walang-katotohanang pananaw at pamamaraang ito. Pagdating sa sangkatauhan, ang diwa ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at maging ang masisidhing layunin ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi kayang maunawaan ng sinumang tao, at hindi kayang mapahalagahan ng sinumang tao. Siyempre, wala ring sinuman na kayang humarap at tumanggap sa mga ito nang tama, lalong wala ni sinuman na kayang tunay na magsaalang-alang sa Kanya. Gayumpaman, dapat pa ring kompletuhin ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawaing ito ng pagliligtas sa sangkatauhan, at dapat Niyang ipagkaloob ang katotohanan, ang daan, at ang buhay sa tao. Sa proseso ng pagkakaloob ng katotohanan, ng daan, at ng buhay sa tao, kailangan din Niyang batahin ang mga maling pagkaunawa, reklamo, at paghusga ng tao, at maging ang pagtanggi at pag-iwas nito—ibig sabihin, dapat Niyang harapin ang iba't ibang anyo ng paghihimagsik ng tao. Gaano man katiyaga at kataimtim na nagbabahagi ang Diyos tungkol sa katotohanan, o gaano man Niya inililigtas ang sangkatauhan nang may masisidhing layunin, upang dalhin ang tao sa tamang landas at dalhin ang tao sa landas ng kaligtasan, napakahirap para sa tao na lubos Siyang maunawaan. Kaugnay nito, dapat na palaging magpasensiya at palaging magparaya ang Diyos na nagkatawang-tao, hindi kailanman magsawa sa pagsasalita at paggawa, at—sa pamamagitan ng iba't ibang pamamaraan, at mula sa iba't ibang anggulo—mahikayat ang mga tao na isuko ang kanilang mga walang-katotohanang pananaw, upang maging interesado sila sa mga positibong bagay at mga katotohanang prinsipyo na itinuturo ng Diyos sa mga tao, at tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang pagbabata rito ay labis na masakit. Gaano man karaming katotohanan ang ibahagi ng Diyos na nagkatawang-tao, kailangan pa rin Niyang harapin ang mga maling pagkaunawa, reklamo, at maging ang mga pangangatwiran at pagtatanggol ng mga tao. Gaano man kasidhi ang pagsasaalang-alang Niya para sa mga tao at gaano man Niya walang pag-iimbot na ialay ang Kanyang sarili, kailangan pa rin Niyang batahin ang paghihimagsik ng mga tao at ang malalamig nilang titig, at dapat pa nga Niyang harapin ang pangingikil ng ilang indibidwal. Gayumpaman, sa buong prosesong ito, hindi kailanman tumigil ang gawain ng Diyos, at hindi rin kailanman bumagal ang pag-usad ng Kanyang gawain, ni hindi rin bumagal ang bilis ng pag-akay Niya pasulong sa sangkatauhan. Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay umuusad gaya ng karaniwan, at ang Kanyang mga pagbigkas at salita ay ipinapahayag gaya ng karaniwan. Sa prosesong ito, sa isang banda, dahil Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, nagtataglay Siya ng konsensiya ng tao at ng kamalayan sa mga damdamin. Ibig sabihin, mula sa perspektiba ng pagkatao, mayroon din Siyang pagkasensitibo; mayroon Siyang mga emosyon, mayroon Siyang mga damdamin, at mayroon Siyang kamalayan—hindi Siya walang kamalayan. Sa usapin ng pagkatao, ang Kanyang pagkatao ay hindi nakahihigit sa mga damdamin ng laman o nakahihigit sa konsensiya ng laman, tulad ng sa Espiritu ng Diyos. At kaya para sa Diyos na nagkatawang-tao, sa pagtitiis sa paghihimagsik ng sangkatauhan, nagbabata Siya ng mas matinding pagdurusa, at dapat magpasan ng mas matinding pasakit. Ito ay isa sa mga pinakamatinding uri ng pagdurusang binabata ng Diyos. Bukod sa pangmatagalang pagbabata at pagtitiis sa iba't ibang anyo ng paghihimagsik ng mga tao, mayroon pang isang uri ng pagdurusa na kailangang batahin ng Diyos na nagkatawang-tao sa paggawa ng Kanyang gawain at paggampan ng Kanyang ministeryo—iyon ay, namumuhay Siya sa gitna ng sangkatauhan habang hindi Siya bahagi nito. Ano ang mga implikasyon nito? Nagtataglay ang Diyos ng isang buhay diwa na naiiba sa taglay ng sangkatauhan, at may mga kaisipan at pananaw sa pagtrato sa lahat ng bagay at pangyayari na naiiba sa mga kaisipan at pananaw ng sangkatauhan. Siyempre, dahil sa dalawang pagkakaibang ito, bago makamit ng gawain ng Diyos ang isang grupo ng mga tao na nagtatamo ng kaligtasan, ano ang obhetibong katunayan na kinakaharap ng Diyos na nagkatawang-tao habang namumuhay sa gitna ng mga tao? Ito ay na walang sinuman ang tunay na nagtataglay ng buhay ng katotohanan na taglay Niya, ni wala ring sinuman ang tunay na nagtataglay ng pagkaunawa sa plano ng pamamahala ng Diyos na taglay Niya. Samakatwid, habang hinaharap ang mga tiwaling tao o namumuhay sa gitna nila, ang Diyos na nagkatawang-tao Mismo ay nangungulila, kahit pa marami-raming tao sa iglesia ang sumusunod sa Diyos. Hindi ba't isa itong katunayan? (Oo.) Hindi Ko masasabi na ang lahat ng katotohanang ito na ibinahagi Ko ay hindi kayang unawain ng lahat, pero kahit papaano ay, hanggang ngayon, wala ni isang tao ang ganap na nakaunawa sa lahat ng aspekto ng katotohanan. Marahil pagkatapos ng sampu o dalawampung taon pa ng pagdanas ng mga bagay-bagay, at sampu o dalawampung taon pa ng paggampan ng tungkulin ninyo, magkakaroon kayo ng pagkaunawa at magkakaroon ng karanasan sa ilang katotohanang prinsipyo, at magkakamit kayo ng ilang bagay. Malalaman ninyo kung paano gawin ang gawain, at malalaman ninyo ang mga tamang kaisipan at pananaw na dapat ninyong taglayin sa pagharap sa iba't ibang usaping nakakaharap ninyo. Ngunit ang katotohanang nauunawaan ninyo, sa katunayan, ay magiging napakalimitado pa rin. Samakatwid, kapag nangangasiwa ng ilang isyu o kapag humaharap sa iba't ibang bagay, hindi tayo kailanman aabot sa ganap na pagkakasundo sa mga pananaw natin. Ang ugat na sanhi nito ay ang magkakaibang antas ng pagkaunawa sa katotohanan. Sa isang banda, kailangan batahin ng Diyos na nagkatawang-tao ang iba't ibang uri ng hindi patas na pagtrato ng sangkatauhan, at kailangan din Niyang batahin ang iba't iba nilang kuru-kuro, imahinasyon, at hindi makatwirang kahilingan na hindi umaayon sa katotohanan. Sa kabilang banda, kailangan ding batahin ng Diyos na nagkatawang-tao ang pinakamasakit na bagay, na isa ring uri ng pagdurusa na hindi Niya maiiwasang batahin: Dahil may pagkakaiba sa pagitan ng diwa ng tao at ng diwa ng Diyos na nagkatawang-tao, kahit ilang taon pang gumawa ang Diyos na nagkatawang-tao sa gitna ng mga tao, nananatili Siyang nangungulila. Sabihin ninyo sa Akin, ang pagkaramdam ba ng pangungulila ay isang anyo ng pagdurusa? (Oo.) Ang pakiramdam ng pangungulila ay isang anyo ng pagdurusa. Gaano man kalinaw at gaano man kasinsin maibahagi ang katotohanan, nananatiling mabagal ang pagpasok ng sangkatauhan. Ang parehong mga pagkakamali at ang parehong katiwalian ay patuloy na nangyayari at patuloy na muling lumilitaw. Nang may pagpapasensiya at kataimtiman, patuloy na nagbabahagi ng katotohanan ang Diyos na nagkatawang-tao para magtustos sa mga tao, at patuloy na nagpapakita ng pagpapasensiya at pagpaparaya sa kanila—sa araw na magtatapos ang gawain ng Diyos, saka lang Niya hindi na kakailanganing batahin ang pagdurusang ito. Ito ay ganap na dahil sa gawain. Dagdag pa rito, Ako, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay mayroong maraming aspekto sa Aking personal na pang-araw-araw na buhay na sa katunayan ay napakawasto, pero nasasailalim din ang mga ito sa pagpuna at paghusga ng mga tao, at nasasailalim sa mga maling pagkaunawa ng mga tao, at gumagawa pa nga ng gulo ang ilang partikular indibidwal tungkol sa mga ito. Walang kakayahan ang tao na maging kaayon ng Diyos. Sa isang banda, ito ay dahil taglay ng tao ang diwa ng mga tiwaling disposisyon. Sa kabilang banda, pagdating sa tayog ng tao, pagdating sa kung gaano niya kamahal ang katotohanan, at pagdating sa saloobin niya sa mga positibong bagay, sa kasalukuyan niyang antas, imposibleng maging kaayon ng tao ang Diyos. Kahit pa kayang hangarin ng tao ang katotohanan sa pinakamataas na antas, o kaya Kong maging mapagparaya sa inyo sa pinakamataas na antas, magiging imposible pa rin para sa tao at sa Diyos na maging magkaayon. Sa loob ng kontekstong ito, kung ang mga hinihingi Ko sa inyo ay masyadong mahigpit o masyadong mataas ang hinihingi pagdating sa bilis, hindi kayo magiging pasok sa pamantayan o hindi ninyo makakamit ang mga ito, at ang ilang taong may maliit na tayog ay madaling magiging negatibo at mahina. Dahil dito, sa loob ng kontekstong ito, maaari lang Akong maging mapagbigay, at maaari lang Akong magpasensiya at maghintay. Ano ang ibig sabihin ng paghihintay Ko? Nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng magagandang inaasahan, at pagtingin sa inyo nang may pag-asa at nang may magagandang hiling—pagtingin sa inyo sa ganitong paraan at nang may ganitong uri ng mentalidad. Umaasa Ako na balang araw ang isang bahagi sa inyo ay makatatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, o na may isang bahagi sa inyo, tulad ni Pedro, tulad ni Job, at tulad ni Abraham, ay maging mga tao na nagpapasakop sa Diyos at sumasamba sa Diyos. Inaasam Ko ang araw na ito. Sa paglipas ng mga taon, sa pagsasalita at pangangaral sa inyo, sa pakikipagbahaginan sa inyo tungkol sa gawain, at sa pakikipag-uusap tungkol sa mga pang-araw-araw na usapin, palagi Kong taglay ang ganitong uri ng mentalidad. Nag-iisa man Ako o namumuhay sa gitna ninyo, ang kalagayang ito ng isipan na kinalalagyan Ko ay hindi nagbago, at ang mentalidad Kong ito ay hindi nagbago; ang damdaming ito ay palaging nananatili. Kaya, sinasabi Ko na kumpara sa pagdurusang binabata ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagsasakatuparan ng Kanyang ministeryo, sa pagdurusang binabata Niya sa Kanyang kapaligiran, at sa pagdurusang binabata Niya sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, bilang resulta ng Kanyang gawain, ay hindi malaking bagay, at hindi karapat-dapat na banggitin—ang tunay na pagdurusang binabata Ko ay isang bagay na hindi ninyo maaaring makita at hindi ninyo maaaring maunawaan. Ganito Ko nalampasan ang lahat ng taon na ito. Walang may pakialam sa mga bagay na ito, at ang pagdurusang binabata Ko sa Aking puso ay hindi maipararating sa mga tao. Hindi rin ito makikita ng mga tao mula sa panlabas. Ang lagay ng Aking loob ay hindi nagbabago, ang Aking personalidad ay hindi nagbabago, ang Aking mga pang-araw-araw na ginagawa ay hindi naaapektuhan, at ang gawain ay hindi naaapektuhan, pero sa kaibuturan ng Aking puso, kailangan Kong batahin ang pangungulila, at ang pangungulilang ito ay isang bagay na nananatili. Sabihin ninyo sa Akin, matindi ba ang pagdurusang ito? Ito ba ay tunay na pagdurusa? (Oo.) Kaya sinasabi Ko sa inyo na huwag ikalat ang mga walang silbing bagay na iyon; hindi ninyo alam at hindi ninyo kayang pahalagahan ang tunay na pagdurusang binabata Ko. Bakit hindi Ako kailanman nakikipag-usap sa inyo tungkol sa pagdurusang ito na binabata Ko? Hindi ninyo mauunawaan, at kahit pa makipag-usap Ako sa inyo tungkol dito, anong pakinabang ang maidudulot nito? Hindi ito maaaring pumalit sa paggawa ng gawain, hindi ito maaaring pumalit sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at hindi ito maaaring pumalit sa pagkastigo at paghatol ng mga salita ng Diyos.

Bukod sa dalawang uri ng pagdurusa na katatalakay lang natin—ang pagbabata sa iba't ibang anyo ng katiwalian at paghihimagsik ng sangkatauhan, at ang pagbabata sa pangungulila—mayroon pang isang uri ng pagdurusa na binabata ng Diyos na nagkatawang-tao. Maaaring hindi ninyo kailanman maunawaan ang ganitong uri ng pagdurusa, pero dahil pinag-uusapan natin ang paksa ng pagdurusa, magbahaginan tayo tungkol dito. Anim na libong taon nang ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan; simula noong magplano ang Diyos na kamtin ang isang grupo ng mga tao, sa pamamagitan man ng pagsasalita o sa pamamagitan ng paggamit ng iba pang anyo, sinimulan ng Diyos na isagawa ang gawaing ito. Kaya, ano ang ibig sabihin para sa Diyos ng pagsasagawa ng gawaing ito? Ano ang ibig sabihin nito para sa sangkatauhan? Nangangahulugan ito na malapit nang kamtin ng Diyos ang isang grupo ng mga tao; ang mga layunin at plano ng Diyos ay naitakda na, at gusto Niyang kamtin ang isang grupo ng mga tao, at sa huli ang grupong ito ng mga tao ang magiging bunga ng gawain ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos. Dahil pinlano at inorden ito ng Diyos, may mga inaasahan ang Diyos para sa resultang ito. Ang mga inaasahang ito ay palaging kaakibat ng Kanyang gawain. Mula sa Kapanahunan ng Kautusan hanggang sa Kapanahunan ng Biyaya, palaging may mga inaasahan ang Diyos para sa resultang ito, at ang mga inaasahang ito ay nagpatuloy nang walang patid sa Diyos na nagkatawang-tao sa ikatlong yugto ng gawain. Dahil muling nagkatawang-tao ang Diyos, anuman ang kasarian Niya, anuman ang mga kondisyon Niya, o anumang uri ng panlipunang kapaligiran ang ginagalawan Niya, ang mga inaasahang ito ay palaging kaakibat ng Kanyang gawain. Samakatwid, pagdating sa Diyos na nagkatawang-taong ito, kailangan din Niyang pasanin ang mga inaasahang ito. Maaari ding sabihin na tinatanggap Niya ang isang responsabilidad at isang pasanin mula sa Diyos, at ginagawa ang Kanyang gawain taglay ang mga inaasahang ito. Bagama't parehong may magkatulad na mga inaasahan, ang Diyos na nagkatawang-taong ito ay gumagawa sa loob ng mas mahabang panahon kaysa sa unang Diyos na nagkatawang-tao. Dahil dapat Niyang tustusan ang mga tao ng lahat ng katotohanang dapat nilang maunawaan, hinihingi ng kalikasan ng gawaing ito na mamuhay Siya sa gitna ng mga tao sa loob ng mahabang panahon. Hindi sa tinatapos lang Niya ang gawain at nagbibigay ng ulat, at sa gayon ay natutupad na ang Kanyang ministeryo—sa halip, sa panahon kung kailan Niya ginagawa ang gawaing ito, nagtataglay Siya ng mga inaasahan, gustong makita ang resulta. Ang resultang ito ay hindi dumarating sa loob ng magdamag, ni sa loob ng isa o dalawang taon. Sa halip, ang resultang ito ay dapat bantayan, alagaan, at hintayin sa loob ng mahabang panahon. Dahil dito, dapat Siyang gumugol ng napakahabang panahon sa pagbabantay at paghihintay sa resultang ito, at sa pananabik na makita ang gayong resulta. Ang pagbabantay at paghihintay na ito ay isang responsabilidad, isang pasanin, at siyempre, isang uri ng pasakit para sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang lahat ng ito ay mga usaping saklaw ng mga responsabilidad ng Kanyang ministeryo, kabilang ang mga ito sa saklaw ng yugtong ito ng gawain, at bahagi ang mga ito ng yugtong ito ng gawain. Una, dapat Siyang magpasensiya, at dapat din Niyang batahin ang pangungulila, at pagkatapos ay dapat Siyang magbantay at maghintay. Wala sa mga aspektong ito ang maaaring isantabi. Ang tatlong aspektong ito ay pawang labis na masakit para sa Diyos na nagkatawang-tao; hindi Niya maaaring alisin sa Kanyang sarili ang alinman sa mga ito, walang sinuman ang maaaring makaranas ng pasakit para sa Kanya, at walang magandang pamamaraan para lutasin ang mga ito o makawala mula sa mga ito. Ito ang pinakamasakit na bagay para sa Diyos. Samakatwid, anumang pagdurusa ang batahin ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kanyang pang-araw-araw na buhay, gaano man Niya iginugugol ang Kanyang sarili, at gaano man kalaking halaga ang Kanyang ibinabayad ay hindi malaking bagay, dahil gaano man karami sa panlabas na pagdurusang ito ang Kanyang batahin, hindi nito malulutas ang pasakit na nararamdaman ng Diyos na nagkatawang-tao mula sa pagbabata sa iba't ibang anyo ng katiwalian at paghihimagsik ng sangkatauhan, at hindi rin nito mapapalaya ang nagkatawang-taong laman mula sa pangungulila, siyempre lalong hindi ito maaaring pumalit sa resultang inaasahan ng Diyos na nagkatawang-tao o ng Diyos Mismo. Ang tatlong bagay na ito ay bahagi ng mga responsabilidad na tinutupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagparito sa gitna ng mga tao para gawin ang huling yugto ng gawain, at ang mga ito ay isang obhetibong katunayan na dapat Niyang harapin. Mula noong opisyal Kong simulan ang paggampan sa Aking ministeryo hanggang ngayon, sa loob ng mahigit tatlumpung taon, palagi Akong namumuhay sa gayong kalagayan. Maaaring kung sinabi Ko sa inyo sampung taon na ang nakalipas na ito ay bahagi ng pagdurusang binabata ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ninyo ito mauunawaan, at wala kayong mararamdaman, sasabihin ninyo, “Paano iyon maituturing na pagdurusa? Mayroon Kang napakataas na katayuan; tiyak na kumakain Ka nang masarap, nagtatamasa ng magagandang bagay, at walang kulang sa Iyo. Gayundin, napakaraming taong sumusunod sa Iyo, at nagsusumikap para sa Iyo. Anong pagdurusa ang binabata Mo? Maituturing ba iyon na pagdurusa?” Pero ngayon ay baka maunawaan na ninyo nang kaunti. Kung noon ay sinabi Ko na, sa panahon kung kailan Ako gumawa, wala Akong tahanang mauuwian at walang lugar na mapagpapahingahan ng Aking ulo, hindi Ako kumain nang masarap, nanamit nang hindi maayos, at namuhay sa mga kapaligirang may mahihirap na kondisyon, at nanatili pa nga sa mga kuweba para umiwas sa mga pagtugis ng CCP—kung sinabi Ko ang mga bagay na ito, magiging handa kayong makinig at mauunawaan ninyo ang mga ito. Pero hindi Ko kailanman sinabi ang mga bagay na iyon; hindi maituturing ang mga iyon na anumang uri ng pagdurusa para sa Akin. Ang tunay na pagdurusa ay ang pagdurusa sa Aking puso. Ang sinabi Ko sa inyo ngayon ay ang tunay na pagdurusang binabata ng Diyos na nagkatawang-tao. Sinasabi Ko ang mga bagay na ito sa pag-asang malalaman ninyo ang isang katunayan: Ang pagparito ng Diyos na nagkatawang-tao sa gitna ng mga tao para gumawa ng gawain ay humihingi rin sa Kanya na magbayad ng halaga, humihingi rin sa Kanya na magpasensiya, at humihingi rin sa Kanya na aktuwal na danasin ang lahat ng pasakit na ito. Dahil kailangan Niyang gampanan ang Kanyang ministeryo, dapat Niyang harapin ang pagdurusang dapat Niya Mismong batahin at pasanin ito nang Siya Mismo. Ang pagdurusang ito ay ang personal Niyang dapat pasanin upang magampanan ang gawain, makompleto ang plano ng pamamahala ng Diyos, at makompleto ang atas ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi Ako kailanman nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at hindi Ko kailangan na magpatotoo kayo sa mga ito, lalong hindi Ko kailangan na ikalat ninyo ang mga ito, at, siyempre, lalo nang hindi Ako humihingi ng papuri mula sa inyo at hindi Ko kailangan na lubos kayong magpasalamat sa Akin, ay dahil ang pagparito ng Diyos na nagkatawang-tao sa gitna ng mga tao para gumawa ay isa nang napakahirap na gawain. Ito ang Kanyang gawain, at ito rin ang Kanyang responsabilidad; dapat Siyang magtiis, at dapat magbantay at maghintay. Sinasabi Ko ang mga bagay na ito sa inyo para lang ipaalam sa inyo ang saloobin ng Diyos na nagkatawang-tao sa kung paano Niya tinatrato ang mga paghihirap na ito, at para sabihin sa inyo ang mga tamang kaisipan at pananaw para malaman ninyo kung paano tratuhin ang pagdurusa; hindi ito para mas malalim ninyong maunawaan kung ano ang pagdurusa at kung anong pagdurusa ang tiniis ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi Ako nakakaramdam ng pagkaagrabyado sa pagbabata ng pagdurusa, at hindi Ko rin nararamdaman na ang pagbabata sa pagdurusang ito ay nangangahulugang nagpakapagod Ako nang husto at nakagawa ng napakalalaking kontribusyon. Hindi Ko sinusubukang bigyang-katwiran ang Aking sarili sa inyo, lalong hindi Ko sinusubukang makakuha ng isang bagay mula sa inyo na magagamit Ko bilang kapital. Binabata Ko ang pagdurusa na dapat Kong batahin, dahil mayroon Akong responsabilidad sa inyo. Siyempre, pagdating sa ministeryong ginagampanan Ko, dapat Akong managot sa Diyos. Hindi Ko kailangang humingi ng papuri o magandang impresyon mula sa inyo. Kaya, sa madaling salita, hindi ninyo maaaring kunin ang Aking lugar sa pagbabata sa tunay na pagdurusang ito, ni walang sinuman sa inyo ang makakapagpalaya sa Akin mula rito. Ang tanging bagay na magagawa ninyo, ang tanging paraan para magawa ninyong makipagtulungan, at ang tanging bagay na medyo makakapagpagaan sa pagdurusang binabata Ko, ay ang magkamit kayo ng pagpasok sa katotohanan, matutong maging masunurin, magkaroon ng patotoo na tulad ng patotoo ni Job, at magkaroon ng mga karanasan na tulad ng mga karanasan ni Pedro; ang magkaroon kayo ng mabubuting gawa, maging deboto sa paggampan ng inyong mga tungkulin, magpasakop sa Diyos, at magmahal at maghangad ng katotohanan; at para ang bawat artikulo ng patotoong batay sa karanasan na isinusulat ninyo ay maglaman ng ilang tunay na karanasan at pagkaunawa sa katotohanan, at magkamit ng ilang resulta pagdating sa pagpapasakop sa Diyos. Ang mga nakamit ninyong ito ay ang pinakadakilang sukli at ang pinakadakilang kaaliwan sa Akin nang personal; wala Akong iba pang karagdagang hinihingi sa inyo.

Hindi isang aksidente na binabata ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagdurusang ito. Sa praktikal na pananalita, ang inililigtas ng Diyos ay ang tiwaling sangkatauhan, at ang katiwalian ng tiwaling sangkatauhan ay isang uri ng pasakit para sa Diyos. Sa pamumuhay nang magkakasama, pakikitungo, at pakikisalamuha sa mga tiwaling tao habang inililigtas din ang mga tiwaling tao at nagtataglay ng mga inaasahan sa kanila, hindi maiiwasan na magdusa Siya, at hindi maiiwasan na magbayad Siya ng halaga. Ang halagang ito ay hindi kasingsimple ng pagsasabi ng ilan pang salita. Ano ang iginugugol ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan? Ito ay ang Kanyang lakas, ang dugo ng Kanyang puso, at ang Kanyang buhay. Iginugugol ng Espiritu ng Diyos ang dugo ng Kanyang puso para gawin ang gawain; gayundin, iginugugol ng Diyos na nagkatawang-tao ang dugo ng Kanyang puso at ang Kanyang lakas kapalit ng kaligtasan ng tao—gayundin ang kaso para sa Kanya. Simula noong likhain ng Diyos ang sangkatauhan at umiral ang mga tao, nakikipag-ugnayan na ang Diyos sa kanila at nakikisama sa kanila, at gumagawa sa tao. Sa buong panahong ito, sa katunayan ay gumugol ang Diyos ng hindi mabilang na dami ng dugo ng Kanyang puso sa tao, at gumawa ng hindi mabilang na dami ng gawain sa tao. Pero hindi kailanman binanggit ng Diyos sa sangkatauhan kung gaano katindi ang Kanyang pagdurusa o kung gaano kalaking halaga ang Kanyang ibinayad. Sinasabi lang Niya sa pangkalahatang pananalita na iginugol Niya ang dugo ng Kanyang puso, ibinayad ang Kanyang buhay bilang halaga para tustusan ang tao, at ipinagkaloob ang katotohanan sa tao para magsilbing buhay nito. Pero hindi kailanman sinabi ng Diyos kung anong pagdurusa ang Kanyang tiniis, anong paninirang-puri at mga pang-iinsulto ang Kanyang dinanas, gaano katinding pagkapagod ang Kanyang tiniis, gaano kalaking halaga ang Kanyang ibinayad, o gaano katinding pagpapakapagod ang Kanyang iginugol—hindi Niya kailanman binanggit ang mga bagay na ito. Mayroong dahilan sa likod ng hindi Niya pagbanggit sa mga bagay na ito. Kung hindi Ko sasabihin sa inyo, hindi ninyo ito kailanman malalaman. Ang dahilan ay na, sa paggawa ng gawain sa tao, hindi kailanman nagplano ang Diyos na makakuha ng anuman mula sa kanya; kusang-loob lang Siyang nagtutustos sa tao nang walang pag-iimbot, at iniaalay ang Kanyang sarili sa tao nang walang pag-iimbot. Kung gagamit tayo ng wika ng tao para sabihin kung ano ang hinahanap Niyang makamit sa pagkilos nang ganito, ang hinahanap Niya ay ang tahakin ng mga tao ang tamang landas, at ang makapamuhay nang maayos ang mga tao—ang makapamuhay nang wasto at maisabuhay ang isang wangis ng tao, at ang makapamuhay ayon sa daan na itinuturo ng Diyos sa tao; ang hindi na mapinsala, magawang tiwali, at mailihis ni Satanas; at ang tunay na makapagpasakop sa Diyos. Magbibigay ito sa Diyos ng kapanatagan ng isip. Kung mayroong anumang hinahanap ang Diyos, ito ay kapanatagan ng isip—ito ay para makapamuhay nang wasto ang tao at umasal nang maayos sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, para hindi mawalan ng saysay ang halagang ibinayad ng Diyos at ang gawaing ginawa Niya, at para makakita ng mga resulta sa tao. Gaano man katindi ang naging pagdurusa ng Diyos, gaano man kalaking halaga ang Kanyang ibinayad, ilang taon man Siyang naghintay, at ilang taon man Siyang nagpakita ng pagpapasensiya sa tao—ganap na handa ang Diyos na gawin ang lahat ng ito. Para matamo ang kapanatagan ng isip na ito, handa ang Diyos na magbayad ng gayong halaga para sa tao. Hindi kailanman pinagsisihan ng Diyos Mismo gaano man katindi ang Kanyang pagdurusa; kung gagamit ng wika ng tao, hindi Siya kailanman nagdalawang-isip tungkol dito. Sa pinakasimpleng pananalita, ang mga salitang pinakamauunawaan ninyo, ginagawa ito ng Diyos para wakasan ang Kanyang pag-aalalang ito; isa itong hiling na mayroon ang Diyos. Nilikha ng Diyos ang tao, at may hiling ang Diyos na kamtin ang isang nilikhang sangkatauhan na kayang mamuhay, manatiling buhay, at mapamahalaan ang lahat ng bagay ayon sa daan na itinuturo Niya sa kanila, hindi na napapasailalim sa katiwalian ni Satanas at hindi na pinipinsala ang kanilang sarili. Isang grupo ng mga tao na ganito ang gustong makamit ng Diyos. Kaya pinasimulan at sinimulang gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, at ipinagpatuloy ito hanggang sa kasalukuyan; ang pag-aalalang ito na mayroon Siya para sa mga tao ay hindi nagbago, at ang layong ito ay hindi nagbago. Gaano man katindi ang Kanyang pagdurusa o gaano man kalaking halaga ang Kanyang ibinayad, palagi nang gumagawa ang Diyos nang ganito. Habang gumagawa nang ganito, sa katunayan ay labis na nagdusa ang Diyos at nagbayad ng maraming halaga, pero hindi Niya kailanman sinubukang bigyang-katwiran ang Kanyang sarili sa mga tao, hindi kailanman ipinaliwanag ang mga bagay na ito sa sangkatauhan, at hindi kailanman binanggit ang mga bagay na ito; direkta itong nauugnay sa diwa ng Diyos. Gaano man kadakila ang mga bagay na ginagawa ng Diyos, gaano man karaming gawain ang Kanyang ginagawa sa sangkatauhan, gaano man kalaking halaga ang Kanyang ibinabayad, o gaano man ang Kanyang itinutustos sa mga tao—ibig sabihin, gaano man karami ang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao o gaano man karami ang ipinagkakaloob ng Diyos sa kanila—hindi Niya kailanman naramdaman na ito ay isang uri ng merito, ni hindi rin Niya kailangan na makaramdam ng lubos na pasasalamat ang sangkatauhan sa Kanya. Samantala, kung ibabatay sa mga kaisipan at pananaw ng mga taong namumuhay sa anumang kapanahunan, gaano man kalaking halaga ang ibinabayad ng isang tao at anuman ang ginagawa niya, palagi siyang naghahanap na makakuha ng isang bagay mula rito, at palagi silang may iniisip para sa kanyang sarili. Pero hindi kailanman nagkaroon ang Diyos ng gayong mga kaisipan; tanging ang Diyos ang tunay na walang pag-iimbot. Ano ang ibig sabihin ng pagiging walang pag-iimbot? Ang pinakasimpleng paliwanag ay nangangahulugan ito ng hindi kailanman pag-iisip para sa sarili. Isipin kung paano nagpapalaki ng mga anak ang mga tao at inaalagaan sila hanggang sa kanilang paglaki—gumagastos ng napakaraming pera ang mga magulang para sa kanilang mga anak at nagbabayad ng napakaraming halaga para sa kanila, na may layuning bigyang-kakayahan ang kanilang mga anak na magkamit ng malaking tagumpay at magbigay ng karangalan sa pamilya, na magpapahintulot sa mga magulang na magtamasa sa kaluwalhatian ng kanilang mga anak sa hinaharap. Hindi nag-iisip ang Diyos ng gayong mga ideya. Ang Kanyang bawat galaw at kilos, ang Kanyang bawat kaisipan at ideya, ang halagang ibinabayad Niya para sa mga tao, at ang lahat ng ipinagkakaloob Niya sa kanila ay hindi lang ang pinakamahahalaga, kundi ganap ding walang anumang mga pakana sa mga ito. Isa lang itong walang pag-iimbot na pag-aalay at walang pag-iimbot na pagtutustos, a patuloy na nagtutustos sa ganitong paraan. Ito ang tunay na pagiging walang pag-iimbot. Ang lahat ng ito ay ginagawa ng Diyos. Hindi kailanman humihingi ang Diyos ng anumang papuri mula sa mga tao. Sa gitna ng sangkatauhan, gaano man karaming maling pagkaunawa at pagrereklamo mula sa mga tao ang Kanyang dinaranas, o gaano man karaming hinaing ang Kanyang binabata, hindi Niya kailanman sinusubukang bigyang-katwiran o ipagtanggol ang Kanyang sarili. Ganap Siyang handa sa lahat ng ginagawa Niya para sa sangkatauhan, hindi nagrereklamo tungkol dito ni nakakaramdam ng anumang pagsisisi, at hindi Niya kailanman naramdaman na ito ay isang karagdagang bagay. Ibig sabihin, ang pagiging walang pag-iimbot ng Diyos ay hindi naglalaman ng anuman sa mga transaksyonal na pananaw na iyon na mayroon ang mga tao, at wala sa pagnanais ng tao na makipagtawaran. Kung kaya mong isagawa ang katotohanan, sa huli ay magagawa mong manatiling buhay. Ang pagbibigay sa iyo ng Diyos ng kaunting biyaya nang libre ay walang anuman para sa Kanya. Hinahayaan ka Niyang manatiling buhay, patuloy na mabuhay, at mamuhay sa kaligayahan, at mamuhay sa gitna ng lahat ng bagay, na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Gaano man karaming pagpapala ang iyong tinatamasa, hindi naiinggit ang Diyos, at hindi Niya sinusubukang makipagkompetensiya sa iyo para sa mga ito. Hangga't kaya mong malaman ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Lumikha, kaya mong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Lumikha, at mamuhay sa paraang hinihingi ng Lumikha, sapat na ito. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na palaging lubos na magpasalamat sa Kanya, at hindi Niya kailangan ang iyong pagpipitagan. Hindi kailanman humingi ang Diyos sa sinuman na magtayo ng dambana para sa Kanya at magsunog ng tatlong patpat ng insenso araw-araw. Hindi nasisiyahan ang Diyos sa mga bagay na ito. Tingnan mo, nang makita ni Job ang likod ng Diyos, mayroon bang anumang mga hinihingi ang Diyos sa kanya? (Wala.) Ibinigay lang ng Diyos sa kanya ang pinakadakilang gantimpala—ang pahintulutan siyang makita ang likod ng Diyos—na nagpalakas sa pananalig niya sa Diyos. Ito ang gantimpala ng Diyos sa kanya. Pagkatapos ay umalis ang Diyos, umaasang makakapamuhay siya sa kaligayahan, makakapamuhay sa gitna ng lahat ng bagay na nilikha ng Lumikha, at makakapamuhay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Para sa Diyos, ito ang pinakadakilang ganti. Ang magawang matakot ni Job sa Diyos at umiwas sa kasamaan ay tunay na pagsamba sa Lumikha, at ito rin ang pinakadakilang pagsukli. Tingnan mo, ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan ay nagsisilbi rin para makinabang ang mga tao. Sa katunayan, sa huli, ang mga tao ang nakakakuha ng pinakamalaking kasiyahan at ang nakakapamuhay sa kaligayahan. Mayroon bang mabibigat na hinihingi ang Diyos sa mga tao? Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Pero kung titingnan ang Kanyang mga hinihingi, makikita natin na ang Diyos ay tunay na walang pag-iimbot; patuloy Niyang iniaalay ang Kanyang sarili, at ginagawa ito nang libre. Gaano man kalaking halaga ang Kanyang ibinabayad o gaano man Siya nagdurusa, pinapasan itong lahat ng Diyos nang mag-isa at hindi Niya sinusubukang bigyang-katwiran ang Kanyang sarili sa tiwaling sangkatauhan. Sabihin ninyo sa Akin, taglay ba ni Satanas ang mga katangiang ito? (Hindi.) Wala ni isang bagay si Satanas na taglay ng Diyos—kahit ang pinakamaliit na aspekto ng mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ang itinuturing ng mga tao bilang pinakahindi karapat-dapat na pansinin—at hindi rin taglay ng mga tao ang anuman sa mga bagay na ito. Ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay pawang positibo, pawang maganda, at pawang matayog; ito ang pinakadalisay at ang pinakabanal. Ang diwa ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay matatawag na walang-kapintasan at walang dungis. Dahil walang dungis ang mga ito, tinatawag ang mga ito na banal, hindi ba? (Oo.) Ang iba't ibang prinsipyong pinagbabatayan ng Diyos sa pagtrato sa lahat ng bagay, kabilang ang pagtrato Niya sa sangkatauhan, ay ganap na nakabatay sa katotohanan; ito ang pinakamatuwid sa lahat. Tingnan mo, sa anumang aspekto mo ito tingnan, ang disposisyong diwa ng Diyos ay karapat-dapat sa papuri ng sangkatauhan. Pero kahit na labis na nagdusa ang Diyos, hindi Siya humingi ng anuman mula sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman hiningi ang sumusunod sa mga tao: “Dapat kayong kumanta at sumayaw nang may kagalakan bilang papuri sa Akin araw-araw. Purihin ang Aking pangalan araw-araw. Sa tuwing nagtitipon kayo o gumagawa ng mga programa, dapat ninyong purihin ang Aking pangalan nang magkakasama.” Hiningi ba ng Diyos sa mga tao na gawin ito? (Hindi kailanman.) Gaano man nagdurusa ang Diyos, gaano man karaming gawain ang Kanyang ginagawa, o gaano man karami ang Kanyang ipinagkakaloob sa sangkatauhan, hindi Niya kailanman hiningi sa mga tao na lubos na magpasalamat sa Kanya, o na pagpitaganan Siya sa paraang ginagawa ng mga walang pananampalataya sa mga idolo. Hindi kailanman ginawa ng Diyos ang gayong mga bagay. Hindi Siya kailanman nagsabi ng kahit isang salita o gumawa ng kahit isang bagay alang-alang sa Kanyang katayuan at Kanyang prestihiyo sa puso ng sangkatauhan. Hindi Niya kailanman ginawa ang mga bagay na ito. Hindi ginagawa ng Espiritu ng Diyos ang gayong mga bagay. Hindi Niya kailanman binigkas ang gayong mga bagay o iniwan ang gayong mga mensahe para sa sangkatauhan. Kaya, ginawa ba kailanman ng Diyos na nagkatawang-tao ang gayong mga bagay o sinabi ang gayong mga salita? (Hindi.) Sa lahat ng taon na ito ng paggawa at pagdurusa sa gitna ng mga tao, patuloy Siyang nagtutustos sa mga tao ng katotohanan at buhay, at sumusuporta at gumagabay sa mga tao na tumahak sa tamang landas. Umaasa lang Siya na mahahangad ng mga tao ang katotohanan at mananatiling buhay. Bukod dito, mayroon ba Siyang anumang karagdagang hinihingi sa inyo? (Wala.) Wala Siyang karagdagang hinihingi sa inyo.

Pagdating sa kalikasan nito, ang pagdurusang binabata ng Diyos na nagkatawang-tao, sa katunayan, ay naiiba sa uri ng pagdurusa na pinag-uusapan ng mga tao. Sa positibong aspekto, binabata ng mga tao ang kanilang pagdurusa nang ganap na alang-alang sa pagwawaksi ng mga tiwali nilang disposisyon para magtamo ng kaligtasan. Sa negatibong aspekto, binabata nila ito ganap na dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon, at dahil hinahatulan at kinakastigo sila sa paggawa ng kasamaan at paglaban sa Diyos. Sa ganitong pananaw, ang pagdurusa ng mga tao ay kinakailangan, at hindi ito maiiwasan. Gayumpaman, binabata ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang pagdurusa alang-alang sa paggawa ng Kanyang gawain, alang-alang sa pagtutustos sa mga tao ng katotohanan, at upang makawala sila mula sa katiwalian at pagpapahirap ni Satanas at makatahak sa landas ng kaligtasan. Kailangang batahin ng Diyos ang mga paghihirap na ito sa loob ng mahabang panahon—ito rin ay bahagi ng Kanyang gawain. Ang mga paghihirap na ito ay mga bagay na dapat Niyang pasanin nang mag-isa at dapat akuin nang mag-isa. Dahil ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain at ginagampanan ang Kanyang ministeryo, at ang pagdurusa ay bahagi ng gawaing ito, hindi kailangan ng Diyos na lubos na magpasalamat ang mga tao sa Kanya para sa pagbabata sa pagdurusang ito, ni hindi Niya kailangan na ikalat ng mga tao ang impormasyon tungkol sa Kanyang pagdurusa, lalong hindi Niya kailangan na malaman ito ng mga tao. Kung gusto mong makilala ang Diyos, dapat mo Siyang makilala sa pamamagitan ng pagkilala sa diwa ng Diyos, sa pamamagitan ng pagkilala sa mga kaisipan at pananaw ng Diyos sa Kanyang pagtrato sa lahat ng bagay at pangyayari, at sa pamamagitan ng pagkilala sa mga prinsipyo ng Diyos para sa pangangasiwa sa iba't ibang tao, pangyayari, at bagay. Ang pagkakilala sa Kanya sa ganitong paraan ay ang pinakamabuti at pinakaangkop na pamamaraan. Pagdating sa pag-alam sa pagdurusa ng Diyos, maaari mo iyong lagpasan; hindi mo kailangang malaman ang aspektong ito. Kahit pa nalaman mo ito, hindi mo magagawang makisimpatiya sa Diyos, hindi mo Siya maisasaalang-alang, at hindi mo Siya mapapalitan sa pagbabata nito. Kaya hindi na kailangang magbahaginan tungkol dito. Kung alam ninyo na ang pagbabata ng pagdurusa ay bahagi ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at isa itong proseso na hindi Niya maiiwasang danasin sa pagparito sa gitna ng mga tao, sapat na ang maunawaan ito. Hindi na kailangang gumawa ng malaking isyu tungkol dito, at hindi rin ninyo kailangang magsukli ng anuman. Kung hahangarin ninyo ang katotohanan, baka makaunawa kayo balang araw, pero kung hindi ka isang tao na naghahangad sa katotohanan, maaari kang umabot sa pinakadulo at hindi mo pa rin ito maunawaan.

Halos tapos na tayong magbahaginan tungkol sa paksa ng pagdurusa. Kung nauunawaan ninyo ang saloobin ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagdurusa, o kung nauunawaan ninyo kung anong pagdurusa ang Kanyang binabata, ano ang gugustuhin ninyong gawin? Ang pinakamabuting bagay ay ang magawa ninyong isagawa ang katotohanan, maging deboto, maging isang nilikha na pasok sa pamantayan, at tulutang matugunan ang hiling ng Diyos. Ito ang pinakadakilang pagsukli sa Diyos. Kung gagawin mo ito, tatandaan ito ng Diyos. Ang pinakadakilang pagsukli sa Diyos ay ang magawa ninyong hangarin ang pagsasagawa sa katotohanan, at sa huli ay magawang magtamo ng kaligtasan, hindi hinahayaang mabigo ang plano ng Diyos, hindi hinahayaang mawalan ng saysay ang mga salita ng Diyos, hinahayaang maisakatuparan ang mga salita ng Diyos sa inyo, at hinahayaang maging buhay ninyo ang mga salita ng Diyos. Balang araw, kapag nakaligtas na kayo at naging mga miyembro ng bagong sangkatauhan, nagawang maging mga tagapamahala ng lahat ng bagay at makapamuhay sa kaligayahan, at napalugod ang inisyal na pagnanais ng Diyos sa paglikha sa sangkatauhan, iyon ang magiging pinakadakilang pagsukli sa Diyos. Sa araw na magtamo kayo ng kaligtasan at maging mga nakaligtas, maisasakatuparan ninyo ang hiling ng Diyos na lumikha ng isang bagong sangkatauhan. Makakamit ng Diyos ang isang grupo ng mga tao sa lupa na kayang sumamba sa Diyos at kayang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan—matutupad ang hiling na ito ng Diyos. Kapag natupad na ang hiling ng Diyos, marahil sa araw na iyon ay sasabihin ng Diyos na tinulungan mo Siyang tuparin ang Kanyang hiling, at tinulungan mo Siyang wakasan ang Kanyang panahon ng pagdurusa. Ito ang pinakadakilang pagsukli sa Diyos. Kapag natupad na ang hiling ng Diyos, hindi na gugugol ng anuman ang Diyos para sa sangkatauhan; maisasakatuparan na ang Kanyang mga inaasahan. Hindi na kakailanganin ng Diyos na gumawa ng gawain. Makikita na Niya ang mga resulta at makukuha ang mga resulta, magtatapos na ang Kanyang gawain, makakapagpahinga na Siya, at hindi na Siya magkakaroon ng anumang mga alalahanin tungkol sa sangkatauhan. Nangangahulugan ito na ikaw—sa pamamagitan ng pagtatamo mo ng kaligtasan sa paghahangad sa katotohanan—ay nakatulong sa Diyos na makawala mula sa pakiramdam ng paghihirap na nararamdaman Niya, at mula sa Kanyang anim-na-libong-taong proseso ng paghihirap. Magpapasalamat ang Diyos sa iyo. Ito ay dahil naging napakahaba ng paghihintay, pero sa kabutihang-palad, makikita rin sa wakas ng Diyos ang mga resulta, matutupad ang Kanyang hiling, at makakamit Niya ang isang bagong sangkatauhan—dapat kang magalak para sa Diyos. Kung tunay na mayroon kang puso na mapagsaalang-alang sa Diyos, kung tunay mong gustong maunawaan at isaalang-alang ang puso ng Diyos, at gusto mong magsukli sa Diyos, kung gayon, dapat kang maging masunurin at mapagpasakop, tumahak sa landas ng kaligtasan, tumahak sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at maging isang tao na kayang sumamba sa Diyos. Ito ang pinakadakilang pagsukli sa Diyos. Siyempre, ito rin ang tanging paraan para hayaang maaliw ang Diyos at para matupad ang hiling ng Diyos, nagtutulot sa Kanya na bitawan ang anumang mga pag-aalala at inaasahan na mayroon Siya tungkol sa mga tao. Siyempre, ito rin ang pinakamabuting paraan para tulungan ang Diyos na makawala mula sa proseso ng paghihirap na dulot ng Kanyang anim-na-libong-taong paghihintay. Sa paningin ng Diyos, ito ang pinakadakilang pagsukli sa Kanya; ito ang pinakamagandang regalo na maiaalay mo sa Diyos. Ang regalong ito ay tinatanggap at kinalulugdan ng Diyos, at mas mahalaga ito kaysa sa gaano man karaming mga ikapu na maaari mong ialay.

Ayos lang ba kung tatapusin natin dito ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito? (Oo.) Kung gayon ay tapusin na natin ang ating pagbabahaginan dito para sa araw na ito. Paalam!

Nobyembre 23, 2024

Sinundan: Paano Hangarin ang Katotohanan (30)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito