Paano Hangarin ang Katotohanan (29)
Nakapagbahaginan na tayo ng ilang katotohanan tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Nararamdaman ba ninyo na ang pagbabahaginan tungkol sa aspektong ito ng katotohanan ay nakatutulong sa pagkakilala sa Diyos? (Oo.) Mabuti kung ganoon. Nakapagbahaginan na tayo nang kaunti tungkol sa paksang ito noon, pero hindi natin ito pinagbahaginan nang detalyado, nang iniisa-isa ang bawat aytem; sa halip, pinagbahaginan natin ito nang pira-piraso. Ang pinagbabahaginan natin sa pagkakataong ito ay ang mga katotohanan sa loob ng paksa ng Diyos na nagkatawang-tao na may kinalaman sa mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Diyos, pati na rin sa mga saloobin niya sa Diyos at sa pagkakilala niya sa Diyos. Sa isang banda, ang pagbabahaginan tungkol sa mga katotohanang ito ay para maunawaan at makilala ng tao ang Diyos, at maunawaan ang mga katotohanang may kinalaman sa mga saloobin at pananaw niya sa Diyos na dapat niyang malaman. Sa kabilang banda, ito ay dahil napakahalaga ng mga paksang ito. Bakit mahalaga ang mga ito? Buweno, hindi makita o mahawakan ng tao ang Diyos sa langit at halos hindi man lang niya maramdaman ang Diyos; ang Diyos sa langit ay napakalayo sa tao. Kung susubukan ng isang tao na bumuo ng ugnayan sa Diyos, magiging napakahungkag at kathang-isip nito para sa kanya. Ang kahungkagan at pagiging kathang-isip na ito, sa isang banda, ay dahil ang tao ay puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Sa kabilang banda, ito ay dahil walang anumang pagkaunawa ang tao sa pagiging totoo at pagiging praktikal ng Diyos, o sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at ganap na namumuhay sa gitna ng mga kuru-kuro at imahinasyon na umuusbong mula sa sarili niyang mapangaraping pag-iisip. Kaya, pagkatapos magsimulang sumunod ang tao sa Diyos, ang ugnayang binubuo niya sa Diyos ay pangunahing nakabatay sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon, sa pundasyon ng kanyang mapangaraping pag-iisip, at gayundin sa iba’t iba niyang hinihingi at pagnanais sa Diyos. Ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos na nakabatay sa ganitong uri ng pundasyon ay lubhang hindi matatag, lubhang walang katiyakan, at, siyempre, lubhang hindi maaasahan. Sa kaunting kaluskos ng hangin, o sa paglitaw ng ilang hindi pangkaraniwang sitwasyon, madaling masira ang ganitong uri ng ugnayan, at madali itong maputol. Halimbawa, kapag nakakaharap ang tao ng mga bagay na hindi naaayon sa gusto niya, kapag nakakaranas siya ng pagdurusa, mga kabiguan, at mga pagbagsak, o kapag nakakaharap siya ng lahat ng uri ng bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro o hindi nagsisilbi sa mga makalaman niyang interes—kapag nahaharap ang tao sa alinman sa mga sitwasyong ito na pinaniniwalaan niyang hindi dapat mangyari ayon sa kanyang mga kuru-kuro—likas siyang magdududa sa Diyos. Magdududa siya sa pag-iral ng Diyos, magdududa siya kung tama ba ang mga paraan ng paggamit ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa tao—at ang mga paraan ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ng mga bagay-bagay para sa kanya—at siyempre, magdududa siya kung tama ba para sa Diyos na kumilos nang ganito, pati na rin kung mayroon o wala bang mga nakatagong motibo o masasamang layunin ang Diyos sa tao, at iba pa. Sa madaling salita, ang ganitong uri ng ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos ay lubhang hindi matatag at walang katiyakan; sa pananalita ng tao, puno ito ng kawalang-katiyakan. Dahil ang ganitong uri ng ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos ay nakabatay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at sa pundasyon ng iba’t ibang hinihingi ng tao sa Diyos mula sa mapangaraping pag-iisip, gaano man kalaki, sa palagay ng tao, ang kanyang pananalig sa Diyos, o gaano man kalaki, sa palagay niya, ang kanyang determinasyong sumunod sa Diyos, mula sa perspektiba ng Diyos, hindi kinikilala ng Diyos ang ganitong uri ng ugnayan. Siyempre, batay sa mga obhetibong katunayan, hindi ito matatag; maaari itong masira o maputol anumang oras at saanman, dahil sa mga pagbabago sa lahat ng uri ng kapaligiran at sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, pati na rin sa paglitaw ng iba’t ibang espesyal na sitwasyon. Kahit na nakakaunawa ang isang tao ng ilang katotohanan, magdududa pa rin siya sa Diyos kapag hindi niya nauunawaan o nakikilala ang Diyos. Kahit na hindi siya nagdududa sa pag-iral ng Diyos, magdududa pa rin siya kung ano ang layon ng Diyos sa pagkilos nang ganito sa kanya, at kung tama ba para sa Kanya na kumilos nang ganito. Samakatwid, masasabing ang ugnayang ito na binubuo ng tao sa Diyos kapag hindi niya nauunawaan o nakikilala ang Diyos ay hindi makakayanan ang anumang pagsubok, at halos hindi nito makakayanan ang pagpapanday ng anumang espesyal na kapaligiran. Ang sanhi nito ay hindi dahil may mga pagkakamali o hindi pagiging tumpak sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, o dahil hindi mapagsaalang-alang ang Diyos, nabibigong isaalang-alang ang mga kahinaan ng tao o ang iba’t iba niyang pangangailangan; sa halip, ito ay dahil ang mga tiwaling tao ay likas na puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Sa simula pa lang, dahil may mga tiwaling disposisyon ang tao, ang ugnayang niya sa Diyos ay hindi nakabatay sa pundasyon ng isang normal na ugnayan sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha. Kaya, nagkakaroon ang tao ng maling paninindigan at mga pananaw at binubuo niya ang kanyang ugnayan sa Diyos gamit ang mga maling opinyon, at gumagamit din siya ng mga maling kaisipan at pananaw, pati na rin ng mga maling pamamaraan, para mapanatili ang ugnayang ito. Sa ganitong paraan, nagiging hindi normal ang ugnayang ito sa pagitan ng tao at ng Diyos. Bukod sa nabibigo itong tulungan ang tao na mas magpasakop sa Diyos, sa Kanyang mga pamamatnugot, at sa Kanyang mga pagsasaayos upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos sa kanya, nagiging dahilan din ito upang kamuhian at kasuklaman siya ng Diyos, at nagiging sanhi pa nga para mawala sa tao ang pagkakataon niyang magtamo ng kaligtasan. Habang mas matagal na sumusunod ang tao sa Diyos, habang paparami nang paparami ang nauunawaan niyang katotohanan, at habang nakakaipon siya ng kaunting puhunan at nakakakuha siya ng ilang karanasan at aral sa proseso ng paggampan ng kanyang tungkulin, mas lalo niyang nararamdaman na tama at tiyak ang ugnayan niya sa Diyos. Gayumpaman, pagdating sa pagkakilala ng tao sa Diyos, ang ganitong uri ng ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos ay hindi pa rin normal sa paningin ng Diyos. Kailangan pa rin itong itama at subukin, at kailangan pa ring maunawaan ng tao ang mas marami pang katotohanan at magkaroon ng mas malaking pagkaunawa at pagkakilala sa Diyos. Sa ganitong paraan lang tunay na magiging pasok sa pamantayan sa paningin ng Diyos ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at siyempre, sa gayon lang mas tumpak at mas makatwirang maaako ng tao ang posisyon ng isang nilikha sa kung paano niya tinatrato ang Lumikha, sa kung paano niya tinatrato ang Diyos. Samakatwid, ang katotohanan tungkol sa pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao—pagkakilala sa Diyos sa lupa—ay hindi isang uri ng akademikong kaalaman o isang uri ng sentido komun, lalong hindi ito isang uri ng teorya o islogan. Sa halip, isa itong aspekto ng katotohanan na dapat maunawaan ng tao upang makabuo ng isang normal na ugnayan sa Diyos, upang mabuo ang ugnayan sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha. Isa itong aspekto ng katotohanan na may kinalaman sa pagkakilala sa diwa ng Diyos, pagkakilala sa mga paraan ng paggawa at pagsasalita ng Diyos, at pagkakilala sa mga prinsipyo ng paggawa ng Diyos ng lahat ng uri ng bagay. Sa sandaling maunawaan ng tao ang aspektong ito ng katotohanan, makilala ang Diyos na nagkatawang-tao, at magkaroon ng pangunahing pagkaunawa sa Diyos, makakabuo siya ng isang ugnayan sa Diyos na pinakawasto at pinakaangkop—ang ugnayan sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha. Tanging sa pundasyon ng ganitong uri ng ugnayan uunlad sa isang positibong direksyon ang paghahangad ng tao na isagawa ang katotohanan para palugdan ang Diyos, at ang paghahangad niyang magpasakop sa Diyos at sambahin ang Diyos; sa gayon lang lalong iiwas sa kasamaan ang tao, at tatahak sa landas ng kaligtasan.
Pagbulayan ito: Kung walang anumang pagkakilala sa Diyos ang isang tao—ibig sabihin, bagama’t nananampalataya siya sa Diyos, puno siya ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa mga prinsipyo at paraan ng paggawa ng Diyos ng mga bagay-bagay, at sa Kanyang layon sa paggawa ng mga ito, at puno siya ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa mga partikular na detalye ng paggawa ng Diyos sa lahat ng uri ng bagay—kung gayon, kapag nakakaharap siya ng iba’t ibang bagay, paano niya haharapin ang mga ito? Paano niya hahanapin ang katotohanan? Ano ang magiging batayan niya? Ano ang magiging mga prinsipyo niya? Ano ang magiging mga layon niya? Hindi simpleng mga tanong ang mga ito. Kung puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos ang isang tao, at wala siyang kahit katiting na pagkaunawa sa mga prinsipyo at paraan ng paggawa ng Diyos sa mga bagay-bagay, at hindi niya nauunawaan kahit kaunti kung ano ang layon ng Diyos sa paggawa ng lahat ng uri ng bagay, at tinatrato niya ang Diyos nang ganap na nakabatay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, tradisyonal na kultura, at pangangatwirang nakabatay sa kaalaman, makakakilala at makakapagpasakop ba siya sa Diyos? (Hindi.) Kung ang paghahangad ng isang tao na makilala ang Diyos, sa pangkalahatan, ay nakabatay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kaalaman at pilosopiya, at tradisyonal na kultura, at ang paghahangad niya ay nakabatay sa pundasyong ito at nalilimitahan ng mga bagay na ito, hindi ba’t ang paghahangad na ito ay magiging napakalayo sa pagtugon sa mga hinihingi ng Diyos? Hindi ba’t sasalungat ito sa kung ano ang hinihingi ng Diyos? (Oo.) Sa sandaling maunawaan ninyo ang mga aspektong ito—ang pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao; ang mga prinsipyo at paraan ng Kanyang pagsasalita at pagkilos; at ang layunin, mga motibo, at mga layon sa likod ng Kanyang pagsasalita at pagkilos—sa pamamagitan ng pagbabahaginan, magkakaroon kayo ng pangunahing pagkaunawa sa mga prinsipyo at paraan ng paggawa at pagsasalita ng Diyos, pati na rin sa Kanyang layon sa paggawa nito. Ang pagkaunawang ito ay hindi nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa Diyos, ni hindi ito isang bagay na nahihinuha ng tao batay sa kanyang kaalaman, lalong hindi ito isang bagay na nalilikha sa imahinasyon ng tao batay sa tradisyonal na kultura; sa halip, binubuo ito ng mga lubhang praktikal na pagpapamalas ng Diyos sa lupa na nakikita, nakakasalamuha, at nararanasan ng tao. Ang mga prinsipyo at paraan ng pagsasalita at pagkilos ng Diyos na nagkatawang-tao—pati na rin ang Kanyang layon sa paggawa nito—na ipinapakita Niya sa ganap na praktikal na mga paraan, ay higit pa sa sapat upang maunawaan at makilala mo ang diwa at disposisyon ng Diyos, pati na rin ang mga partikular na prinsipyo at paraan ng pagkilos, paggawa, at pagsasalita ng Diyos, kasama ang Kanyang layon sa paggawa nito. Samakatwid, ang pag-unawa sa iba’t ibang aspekto ng Diyos na nagkatawang-tao ay isang landas tungo sa pag-unawa sa Diyos—ang Lumikha. Bagama’t ang pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring humantong sa isang ganap at komprehensibong pagkakilala sa Lumikha, kahit papaano man lang, ang pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang landas tungo sa pagkakilala sa Diyos sa langit at pagkakilala sa Lumikha. Ano ang Aking layon sa pagsasabi sa iyo ng mga bagay na ito? Bagama’t ang pag-unawa at pagkakilala sa Diyos ay mga bagay na dapat gugulin ng tao ang buong buhay niya sa pagsubok na matutunan, at bagama’t hindi makikilala ng tao ang Diyos nang ganap at lubusan kahit pa ilaan niya ang isang buong buhay ng pagsisikap, sa pamamagitan ng pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao, mauunawaan mo ang Diyos sa langit at ang Lumikha sa isang mas praktikal na paraan, nang may higit na katumpakan at pagiging obhetibo—sapat na ito. Ibig sabihin, sapat na para sa iyo na maunawaan at makilala ang Diyos sa pamamagitan ng pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao; sapat na iyon para matugunan ang mga kondisyon para makilala mo ang Diyos at makabuo ng isang normal na ugnayan sa Kanya. Ang pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay sapat na upang makilala mo ang Diyos sa langit at ang Lumikha.
Kung gusto ng isang tao na ganap na makilala ang Diyos sa langit, umaasang magtamo ng isang buo at komprehensibong pagkakilala sa Diyos, magiging posible ba iyon? (Hindi.) Hindi niya kailanman magagawang isakatuparan iyon. Dahil imposible ito, bakit hinihingi pa rin sa tao na kilalanin ang Diyos? Dahil, kung makikilala mo ang Diyos nang tumpak at praktikal, kapaki-pakinabang at nakatutulong ito sa iyo sa pagsunod sa Diyos, paghahangad ng katotohanan, at pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Dagdag pa rito, ang pagkakilala sa Diyos ay lubhang kritikal at mahalaga upang maisagawa mo ang katotohanan at magtamo ka ng kaligtasan. Kaya, ano ang dapat mong gawin? (Dapat nating pahalagahan ang mga katotohanan tungkol sa pagkakilala sa Diyos. Hindi natin dapat subukang unawain ang aspektong ito ng katotohanan na para bang isa lang itong ordinaryong katotohanan.) Sa isang banda, dapat mong tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao nang may tamang saloobin. Dagdag pa rito, dapat mong suriin kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon ka tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao at tungkol sa Diyos, at alamin kung paano bitiwan ang mga ito. Sa mga pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan mo sa Diyos, sa pang-araw-araw na buhay man, sa proseso ng paggampan ng iyong tungkulin, o habang dinaranas mo ang iyong buhay, dapat mong suriin kung anong mga kuru-kuro at imahinasyon ang mayroon ka tungkol sa Diyos, at kung ang saloobin mo sa Diyos ay mayroong dalawang problemang ito: Ang isa ay ang paghahambing sa nagkatawang-taong Diyos sa Diyos sa langit, at ang isa pa ay ang pagtutumbas sa nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan. Ang pagsusuri sa dalawang problemang ito ay maaaring magbigay-daan sa iyo na makilala ang ilan sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, o matuklasan kung anong mga problema ang mayroon sa pagitan mo at ng Diyos; o, maaari din itong magbigay-daan upang matuklasan mo ang ilan sa iyong mga maling kaisipan at pananaw at mga maling saloobin sa Diyos. Ang punto ng pagsusuri sa iyong sarili nang ganito ay upang tulungan kang malinaw na makilala ang iba’t iba mong maling kaisipan, pananaw, at saloobin tungkol sa Diyos, upang mabitiwan mo ang mga ito, at matrato ang mga salita ng Diyos, ang gawain ng Diyos, at ang Diyos Mismo nang may mga tamang kaisipan at pananaw, nang may tamang saloobin, at sa mga tamang paraan. Tanging sa pagsasagawa sa ganitong paraan unti-unting magiging normal at makakapagpalugod sa Diyos ang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos—tama ba? (Oo.) Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, unti-unting uunlad ang ugnayan mo sa Diyos batay sa ugnayan sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha, at sa pundasyon ng pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao. Tanging kapag natugunan na ang pamantayang ito, saka magiging lalong normal ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos. Ano ang tinutukoy ng “normal” dito? Alam ba ninyo? (Nangangahulugan ito na mas maaako ng tao ang posisyon ng isang nilikha sa kung paano niya tinatrato ang Lumikha. Wala na siyang anumang pag-iingat at paghihinala laban sa Diyos, kundi nagagawa niyang tratuhin ang Diyos nang may pagiging bukas at pagiging matapat.) Mayroon pa bang ibang gustong magdagdag? (Pagkatapos maging normal ang ugnayan ng isang tao sa Diyos, bukod sa hindi na siya nag-iingat o naghihinala laban sa Diyos, hindi na rin siya humihingi sa Diyos, wala siyang mga labis na pagnanais, at tunay siyang nakakapagpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.) Tumpak ang sinabi mo. Ang sukdulang pagpapamalas na nakikita sa mga taong nagtatamo ng kaligtasan ay ang kakayahan nilang tumayo sa wastong posisyon ng isang nilikha at magpasakop sa Lumikha. Kapag nagpapasakop ang tao sa Diyos, tunay niyang sinasamba ang Diyos; tanging sa pamamagitan ng tunay na pagsamba sa Diyos siya magkakaroon ng takot sa Diyos, at tunay na matatakot sa Diyos at iiwas sa kasamaan. Samakatwid, pagdating sa uri ng ugnayan na mayroon ang tao sa Diyos, o sa uri ng ugnayan na binubuo niya sa Diyos, saan ito nakasalalay? Nakasalalay ito sa paghahangad ng tao at sa kanyang saloobin sa Diyos, at sa kung gaano niya nakikilala ang Diyos. Kung wala kang pagkakilala sa Diyos, at puno ka ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Kanya, at mga labis na pagnanais para sa Kanya, kahit pa kaya mong isagawa ang ilang katotohanan at gampanan ang ilang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha, pagdating sa ugnayan mo sa Diyos, ang mga tungkuling ginagampanan mo o ang mga katotohanang isinasagawa mo ay lubhang limitado. Halimbawa, sa paggampan ng iyong tungkulin, nagagawa mong talikuran ang mga bagay-bagay at igugol ang iyong sarili, at magdusa at magbayad ng halaga, o kaya mong gumawa ng ilang gawain na pasok sa iyong mga kakayahan sa iglesia. Pero kapag may ginagawa ang Diyos sa iyo na hindi umaayon sa iyong mga kuru-kuro, o kapag pinagkakaitan ka Niya, o tinutuwid at dinidisiplina ka Niya, nagagawa mo bang magpasakop? Kung mayroon kang tunay na pagkaunawa at pagkakilala sa Diyos, napakanatural mong maaako ang posisyon ng isang nilikha at magkakaroon ka ng saloobin ng pagpapasakop. Pero kung wala kang tunay na pagkaunawa at pagkakilala sa Diyos, kapag nahaharap ka sa mga bagay na hindi naaayon sa gusto mo, o kapag nahaharap ka sa mga bagay na may kinalaman sa iyong mga personal na interes, napakanatural na magkakaroon ka ng lahat ng uri ng ideya at lahat ng uri ng kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Sa ganitong paraan, magiging napakahirap para sa iyo, bilang isang nilikha, na magtamo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Kahit pa mayroon kang kaunting paimbabaw na pagpapasakop o kahandaang magpasakop, kung hindi ito umaayon sa mga hinihingi ng Diyos, ang pagpapasakop mong ito ay hindi ang gusto ng Diyos. Kung ang pagpapasakop mong ito ay ganap na nagmumula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, sumasalungat sa iyong pagkakilala sa Diyos at sa gawain ng Diyos, at lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, isa itong may-halong pagpapasakop; hindi ito tunay na pagpapasakop, at hindi ito ang pagpapasakop na gusto ng Diyos. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang gayong pagpapasakop. Sa Kanyang paningin, ganap kang walang pagpapasakop. Kung hindi ka tunay na nakakapagpasakop sa Diyos, ang ibig sabihin niyon ay ang tinatawag mong “paghahangad” at tinatawag na “pagsasagawa ng katotohanan” ay lubos na nabigong tulungan kang makabuo ng isang ugnayan sa Diyos, na siyang ugnayan sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha. Sa karamihan ng ginagawa mo, namumuhay ka sa gitna ng iyong mga personal na kagustuhan, kuru-kuro, at imahinasyon, na hindi makakakuha ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang hindi pagkakamit sa pagsang-ayon ng Diyos ay humahantong sa isang bagay sa huli: Ang ginagawa mo at ang isinasagawa mo ay lubhang malayo sa hinihingi ng Diyos, at namumuhay ka sa gitna ng sarili mong mapangaraping pag-iisip, o sa gitna ng iyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa huli, ang ginagawa at isinasagawa mo, at ang landas na tinatahak mo, ay hindi magagawang akayin ka na tumahak sa landas ng kaligtasan at magtamo ng kaligtasan. Kung gayon, hindi ba’t nawalan ng saysay ang iyong mga kilos? (Oo.) Sa ganitong mga sitwasyon, mawawalan ng saysay ang iyong mga kilos. Kung gayon, hindi ba’t wala ka talagang nakamit mula sa iyong pananampalataya sa Diyos sa lahat ng taon na ito? (Oo.) Ano ang dahilan ng kawalan ng nakamit? (Tinatahak ng mga tao ang landas ng pananampalataya sa Diyos habang palaging namumuhay sa gitna ng kanilang mga personal na kagustuhan, kuru-kuro, at imahinasyon.) Ang katunayan na wala kang nakamit pagkatapos manampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon ay hindi dahil hindi ka nagbayad ng halaga, hindi ka naging handang magtiis ng paghihirap, o hindi ka naging handang igugol ang iyong sarili, lalong hindi dahil hindi mo ginampanan ang iyong tungkulin. Sa halip, ano ang dahilan? Ito ay dahil, sa proseso ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga, pagtalikod sa mga bagay-bagay at paggugol sa iyong sarili, at paggampan ng iyong tungkulin, karamihan sa ginagawa mo ay ginagawa lang bilang resulta ng iyong mapangaraping pag-iisip, at ginagawa mo ito habang namumuhay ka sa gitna ng iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, sa halip na kumilos ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ngunit palagi kang naniniwala na kumikilos ka ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Dahil ang paniniwala mong ito ay puno ng mga kuru-kuro, sa huli ay nabibigo kang makamit ang katotohanan at matamo ang resulta ng pagtatamo ng kaligtasan. Kung gayon, ang lahat ng iyong kilos ay nawalan ng saysay. Kung sa huli ay aabot ang isang tao sa puntong ito, hindi ba’t sasabihin ninyo na lubos itong nakakalungkot? (Oo.) Sa panlabas, tila ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, ipinapangaral ang mga salita ng Diyos, at nagdurusa at nagbabayad ng halaga, pero sa katunayan, sumusunod at naglilingkod sila sa Diyos habang maraming kuru-kuro at imahinasyon, at maraming maling kaisipan, pananaw, at saloobin. Kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin nang may mga karumihang ito, sa huli, kapag sinusubok ka ng Diyos, hindi mo malalaman kung bakit kumikilos ang Diyos nang ganito, o kung ano ang inaasahan ng Diyos sa iyo at kung anong resulta ang layon Niyang makamit sa iyo sa pamamagitan ng pagsubok sa iyo nang ganito. Sa huli, kapag sinusubok ka ng Diyos, ang mga salitang sinasabi mo sa Diyos at ang iyong mga dasal ay mapupuno ng mga reklamo, hindi pagkaarok, at pagdududa, at mapupuno pa nga ng kalungkutan at pasakit, at mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Kung gayon, hindi ba’t ang paghahangad mo sa buong panahong ito ay nagresulta sa kabiguan, at hindi ba’t ang pagdurusang tiniis mo at ang halagang ibinayad mo ay nawalan ng saysay? (Oo.) Halimbawa, sabihin nating nanampalataya ka sa Diyos sa loob ng maraming taon at palagi kang nagtitiis ng paghihirap at nagbabayad ng halaga; sa panlabas ay ginawa mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Diyos na gawin at pinanghawakan mo nang mahigpit ang mga salitang ito. Pero isang araw, isang pagsubok na tulad ng kay Job ang sumapit sa iyo, at bigla kang nagduda: “Mali kaya ang pananampalataya ko? Mali kaya ang landas na tinatahak ko? Bakit maghahanda ang Diyos ng ganitong kapaligiran para sa akin? Bakit gagawin ng Diyos ang ganitong uri ng gawain sa akin? Bakit Niya hahayaang mangyari ang ganitong bagay sa akin?” Hindi mo nauunawaan, at hindi mo alam kung ano ang nangyayari. Sa isang banda, sa subhetibong pananaw, marami kang hindi nauunawaan. Dagdag pa rito, ano ang pinakamalaking problema ng mga tao? Kapag nakakaharap sila ng lahat ng uri ng bagay, ang tanging alam nilang gawin ay magdasal at maghanap na makaalis mula sa mga sitwasyong ito. Iyong mga medyo mas mabuti ay susubukan na kilalanin ang kanilang sarili para alamin kung nagkasala ba sila sa Diyos, kung dinidisiplina ba sila ng Diyos, kung mayroon bang anumang bagay tungkol sa kanilang sarili na hindi umaayon sa mga layunin ng Diyos, o kung ang kanilang mga kilos at gawa ay nagdulot ng pagkasuklam ng Diyos sa kanila. Gayumpaman, kapag nakakaharap ng karamihan sa mga tao ang gayong mga bagay, hindi nila alam—sa positibong paraan—kung paano maagap na gawin ang kanilang bahagi para sa gawain ng Diyos at makipagtulungan sa Diyos, kung paano magsagawa ayon sa mga prinsipyong dapat sundin ng isang nilikha o ayon sa mga tagubilin ng Lumikha, o kung paano maagap na maghanap ng landas ng pagsasagawa at ng mga katotohanang prinsipyo para lutasin ang kasalukuyang problema. Hindi ito kaya ng karamihan sa mga tao. Hindi ba’t ganito nga? (Oo.) Nakikita mo, kapag nakakaharap ng mga tao ang mga bagay-bagay, sinusubukan nilang humanap ng mga sanhi sa iba’t ibang lugar—maaari silang tumingin sa kanilang sarili, maaari silang sumubok na humanap ng mga obhetibong sanhi, maaari silang sumubok na mag-isip ng ilang palusot na magagamit nila para makipagtalo at bigyang-katwiran ang kanilang sarili, o maaari nilang paghinalaan ang ibang tao at hanapin sa kanila ang mga sanhi. Pero napakadalang na may lumapit sa Diyos para maagap na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo at maagap na lutasin ang problema. Sa huli, kapag inalis ng Diyos ang sitwasyon o ang kapaligirang kinakaharap ng mga tao, gaano karami ang makakamit ng mga tao? Alam lang ng karamihan sa mga tao na dapat silang mag-ingat sa susunod na makaharap sila ng gayong mga bagay, at alam lang nila kung paano iwasan o pigilan ang mga bagay na ito kapag may mga palatandaan na maaaring lumitaw muli ang mga ito. Pero napakakaunting tao ang nagbubulay-bulay kung paano sila dapat maagap na makipagtulungan kapag nakakaharap nila ang gayong mga bagay, kung paano magsagawa ayon sa mga prinsipyong sinasabi ng Diyos sa mga tao, at kung paano lutasin ang problema ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ito madaling gawin para sa karamihan sa mga tao, tama? (Oo.)
May kinalaman ba sa pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ang pagbabahaginan tungkol sa paksa ng pagbibitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao? (Mayroon.) Ano ang kaugnayan? (Kung hindi natin kilala ang Diyos na nagkatawang-tao, at nananampalataya lang tayo sa Diyos batay sa sarili nating mga kuru-kuro at imahinasyon, sa huli ay malamang na malamang na maiiwan tayong hungkag at mawawalan ng saysay ang lahat ng ating pagsisikap, at wala tayong anumang makakamit. Kaya, kung gusto nating tumahak sa tamang landas sa ating pananampalataya sa Diyos, dapat nating makilala ang Diyos na nagkatawang-tao. Napakahalaga ng katotohanang ito.) Ito ang dapat ninyong maunawaan pagdating sa teorya—kung gayon, paano kayo dapat magsagawa? Isa itong mahalagang tanong. Pagkatapos mong magkamit ng pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao, dapat mong pangasiwaan at lutasin ang lahat ng uri ng bagay sa tunay na buhay batay sa pagkakilalang ito, at gamitin ito para alamin kung ano dapat ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa lahat ng uri ng bagay. Anuman ang uri ng pagkakilala na mayroon ka, ang layunin ng pagkakilalang ito ay para lutasin ang mga problema, hindi para maging bihasa ka sa isang teorya. Alam mo, nakapagbahaginan na tayo tungkol sa napakaraming paksa na may kinalaman sa Diyos na nagkatawang-tao, pero anuman ang paksang ito, may kinalaman ito sa mga aktuwal na problema sa tunay na buhay. Kapag nahaharap ka sa mga aktuwal na problemang ito, dapat mong pag-isipan ang mga ito. Ano ang palagay mo sa mga ito? Ano ang saloobin mo sa mga ito? Paano mo planong lutasin ang mga ito? Hahayaan mo lang ba ang mga ito na lumipas, o hahanapin mo ba ang katotohanan para lutasin ang mga ito? Kung, pagkatapos makinig sa Aking pagbabahaginan tungkol sa mga paksang ito, ang natatandaan mo lang ay ilang teorya, pero hindi mo mailapat ang Aking mga salita sa tunay na buhay para lutasin ang iyong mga paghihirap at problema, ang nakamit mo lang ay doktrina, na hindi nakakatulong sa iyo. Pero kung, pagkatapos makinig sa Aking pagbabahaginan tungkol sa mga paksang ito, inilalapat mo ang Aking mga salita sa tunay na buhay, itinatama ang iyong mga maling pananaw at maling saloobin tungkol sa Diyos, inaalis ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, at pinabubuti ang iyong ugnayan sa Diyos, ang nakamit mo ay ang katotohanan. Kung gagamitin mo ang mga salita at nilalaman na ibinahagi Ko sa iyo para lutasin ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, ang iyong mga maling kaisipan at pananaw, at ang iyong mga maling saloobin tungkol sa Diyos, makakabuo ka ng isang normal na ugnayan sa Diyos. Pero kung tinatrato mo nang may pagwawalang-bahala ang mga problemang mayroon ka at wala kang pakialam sa mga ito, hindi ka kailanman nagninilay upang tingnan kung paano ka natutugma sa mga salita ng Diyos, at malinaw mong alam na may mga problema sa iyong saloobin sa Diyos ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang aktuwal na problemang ito, nawalan ng saysay ang Aking mga salita sa iyo, at nakinig ka sa mga ito nang walang saysay, tama? (Oo.) Ano ang inyong sitwasyon? (Bagama’t alam naming hindi namin dapat tratuhin ang mga salita ng Diyos bilang mga doktrina, at na dapat namin itong isagawa sa tunay na buhay, medyo mababaw pa rin ang aming pagpasok sa ngayon.) Ang pagiging mababaw ng inyong buhay pagpasok ay hindi dapat ikabahala—hangga’t patuloy ninyong hinahanap ang katotohanan, unti-unti ninyong makakamit ang mas malalim na pagpasok. Sa pundasyong ito, unti-unting pagnilayan ang mga bagay-bagay at suriin ang iyong sarili, at ikumpara ang iyong sarili sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay itama ang iyong mga maling kaisipan at pananaw—at ang iyong mga maling saloobin tungkol sa Diyos—at tratuhin at kilalanin ang Diyos nang may mga tamang kaisipan, pananaw, at tamang saloobin. Sa ganitong paraan, hakbang-hakbang na magiging lalong normal ang iyong ugnayan sa Diyos.
Ang napag-usapan natin tungkol sa paksa ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi abstrakto o hungkag. Napakapartikular nito, may kinalaman ito sa tunay na buhay, at hindi ito hiwalay sa tunay na buhay kahit kaunti, kaya naman sinasabi Kong hindi ito hungkag o abstrakto. Kung makikinig at magninilay ka gamit ang iyong puso, magiging lalong malinaw sa iyo ang aspektong ito ng katotohanan. Sa madaling salita, kung gusto ng isang tao na magtamo ng tunay na pagkakilala sa Diyos, at gustong bumuo ng normal na ugnayan sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha, ang aral na ito ng pagkakilala sa Diyos ay isang bagay na dapat niyang matutunan, at ang proseso ng pagkakilala sa Diyos ay isang bagay na dapat niyang maranasan. Ang aral na ito ng pagkakilala sa Diyos ay dapat magsimula sa dalawang bagay: pagkakilala sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, at pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Masasabi rin na ang aral na ito ay dapat magsimula sa mga pinakapangunahing aspekto na mayroon. Sa sandaling makabuo ka sa Diyos na nagkatawang-tao ng normal na ugnayan sa pagitan ng isang nilikha at ng Lumikha, at makabuo ng isang normal na ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, gagamit ka ng isang pananaw ng tao at tatratuhin mo ang Diyos na nagkatawang-tao, ang Kanyang mga salita at gawain, at anumang saloobin na mayroon Siya sa iyo nang may mga tamang kaisipan at pananaw, at nang may isang tamang saloobin. Sa sandaling makabuo ka ng normal na ugnayan sa Diyos na nagkatawang-tao—ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos—hindi dapat maging masyadong mahirap para sa iyo na maging bukas at matapat sa Diyos, magalang sa Kanya, at mapagpasakop sa Kanya, tama? (Oo.) Ito ay isang layon na dapat hangarin ng tao, at isa rin itong prinsipyo na dapat isagawa ng tao. Ang pagbuo ng isang normal na ugnayan sa Diyos na nagkatawang-tao ay dapat magsimula sa pakikisalamuha, pakikisama, pakikipag-usap, at pakikipag-ugnayan sa Kanya. Sa pundasyong ito, dapat mong pahusayin ang iyong pagkaunawa sa Diyos na nagkatawang-tao, madalas na nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa Kanya, at sa gayon ay magtamo ng tunay na pagkaunawa at pagkakilala sa Diyos. Kung ang pakikipag-usap, pakikipag-ugnayan, at pakikisalamuha sa Diyos sa langit ay isang bagay na napakalayo at hindi pa nga maabot ng tao, at hindi rin makatotohanan at hindi obhetibo, paano magagawang makisalamuha, makipag-usap, at makipag-ugnayan ng tao sa Diyos sa pundasyon ng pagbuo ng isang normal na ugnayan sa Kanya? Sa panahong ito kung kailan nagsasalita at gumagawa ang Diyos na nagkatawang-tao, umiiral ang mga kondisyon para makamit ng tao ang mga bagay na ito; sa buhay man o sa paggawa ng gawain, umiiral ang mga kondisyong ito. Dahil umiiral ang mga kondisyong ito, hindi dapat palampasin ng tao ang pagkakataon. Isa itong magandang pagkakataon para magsanay ang tao sa pagtrato nang tama sa Lumikha. Kung sasamantalahin ng tao ang pagkakataong ito at gagamitin ito nang mabuti, magkakaroon siya ng pagkakataon at mga paraan para maunawaan at makilala ang Diyos sa langit sa isang mas praktikal na paraan. Para sa tao, ang pag-unawa at pagkakilala sa Diyos sa langit ay nagiging isang bagay na hindi na kathang-isip at hungkag, at siyempre, hindi na ito isang bagay na maiisip lang niya pero hindi niya makakamit. Sa proseso ng pakikisalamuha at pakikipag-ugnayan ng mga tao sa Diyos na nagkatawang-tao, sa isang banda, unti-unti nilang nakikilala ang kanilang sarili at nakikilala nila ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon na mayroon sila tungkol sa Diyos. Dagdag pa rito, unti-unti rin nilang nalalaman ang tungkol sa kagalakan, galit, kalungkutan, at kaligayahan ng Diyos, ang iba’t ibang saloobin ng Diyos sa tao, at ang mga prinsipyo at paraan ng pagsasalita at paggawa ng Diyos, pati na rin ang Kanyang layon sa paggawa nito. Ang mahalaga rito ay ang pagbibigay-daan upang mas praktikal at tumpak na maunawaan ng tao, sa pamamagitan ng nakikita ng kanyang mga mata, naririnig ng kanyang mga tainga, at nararanasan ng kanyang puso, ang iba’t ibang aspekto ng mga salita at kilos ng Diyos. Sa ganitong mga sitwasyon, hindi na mamumuhay ang tao sa gitna ng kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw, kahit pa nananampalataya pa rin ang tao sa Panginoong Jesus ng Kapanahunan ng Biyaya, at nananampalataya siya sa loob ng maraming taon, ang kanyang pag-unawa at pagkakilala sa Diyos ay halos wala; hindi siya magkakaroon ng kahit katiting na tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya, walang sinuman sa relihiyosong mundo ang tunay na nakakakilala sa Diyos. Ang pagkakilala sa Diyos na nakamit ng mga tumatanggap sa Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw ay naiiba; iyong mga nagtataglay nito ay mas nakakakilala sa Diyos kaysa sa mga naniwala sa Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya. Dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga huling araw ay matagal nang gumagawa, nagpapahayag ng maraming katotohanan, gumagawa ng napakaraming gawain, matagal nang nakikipag-ugnayan, nakikisama, at namumuhay kasama ng tao, at nakikisalamuha sa iba’t ibang uri ng mga tao, ang mga kondisyon para maunawaan at makilala ng tao ang Diyos ay nagiging mas paborable. Ibig sabihin, ang pagkakatawang-taong ito ay nagbigay sa tao ng mas paborableng mga kondisyon at pagkakataon para makisalamuha sa Diyos, nagbibigay-daan upang marinig niya ang tinig ng Diyos gamit ang sarili niyang mga tainga, at masaksihan ng sarili niyang mga mata ang bawat kilos ng Diyos, ang kagalakan, galit, kalungkutan, at kaligayahan ng Diyos, pati na rin ang maraming detalye ng iba’t ibang aspekto ng pang-araw-araw na buhay ng Diyos. Bukod sa panlabas na anyo ng pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao na makakasalamuha ng tao, ang mga detalyeng kinasasangkutan ng buhay ng Diyos at ng Kanyang diwa ay pawang dapat sapat upang magbigay-daan para magkaroon ang tao ng mas malalim at mas tumpak na pag-unawa sa Diyos. Siyempre, ang mas malalim at mas tumpak na pag-unawang ito ay dapat magbigay-kakayahan upang makabuo ang tao ng isang mas mabuti at mas malusog na ugnayan sa Diyos at makawala mula sa iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon, iwinawaksi ang lahat ng kuru-kuro at imahinasyon na mayroon siya tungkol sa Diyos. Tama? (Oo.) Samakatwid, tungkol saanman Ako magbahagi, ang layunin ng pagbabahaginan ay para tulungan ang tao na mas maunawaan at makilala ang Diyos. Siyempre, hindi Ako kailanman nagsalita tungkol sa pamilya ng Diyos na nagkatawang-tao bilang isang tao, sa edukasyong natanggap Niya, o sa kapaligiran kung saan Siya lumaki, lalong hindi Ako kailanman nagsalita tungkol sa kasaysayan ng Kanyang pamilya, sa mga kaugalian ng Kanyang pamilya, sa kapaligiran ng Kanyang tahanan, o sa partikular na paraan ng pamumuhay at mga pamamaraan sa edukasyon na ginamit ng Kanyang pamilya. Siyempre, hindi Ko rin kailanman sinabi sa inyo kung anong uri ng personalidad ang mayroon Ako o kung ano ang Aking mga gawi sa pamumuhay, ni hindi Ako kailanman nagsalita tungkol sa di-mahahalagang detalye ng Aking buhay pagdating sa mga pangunahing pangangailangan. Sa halip, tungkol saan ang Aking tinalakay? (Ang ilan sa mga prinsipyo ng pag-asal at paggawa ng mga bagay-bagay ng Diyos na nagkatawang-tao.) Kahit pa nagbibigay Ako ng mga halimbawa, nagsasalita tungkol sa mga katunayan sa ilang aspekto, o nagsasalita tungkol sa ilang aspekto ng katotohanan, ang lahat ng Aking tinalakay ay may kinalaman sa gawain ng Diyos, sa diwa ng Diyos, at sa pagkakakilanlan ng Diyos; lahat ng ito ay nauukol sa pagkakilala ng tao sa Diyos. Kahit pa magbigay Ako ng ilang halimbawa na may kinalaman sa mga pangunahing pangangailangan, ang Aking layunin ay hindi para pagtuunan ninyo ang Aking kinakain, kung ano ang Aking isinusuot, o kung ano ang Aking mga gawi sa pamumuhay, kundi para tulungan kayong malaman kung ano ang mga prinsipyo ng Diyos sa pag-asal at paggawa ng mga bagay-bagay kapag dumarating Siya sa katawang-tao at namumuhay kasama ng mga tao. Kahit pa ang Aking sinasabi ay may kinalaman sa ilan sa mga paraan ng pamumuhay ng Diyos na nagkatawang-tao, ito ay para tulungan kayong maunawaan ang Kanyang mga pananaw at prinsipyo tungkol sa mga bagay na ito, maunawaan at maarok ang mga prinsipyo sa isang aspekto, at, sa pundasyong ito, mas maunawaan ang pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos, pati na rin ang Kanyang mga prinsipyo sa pag-asal at paggawa ng mga bagay-bagay. Ang pag-unawa sa mga partikular na detalye ng mga prinsipyong ito ay mismong para bigyang-kakayahan kayo na maunawaan kung anong uri ng buhay mayroon ang Diyos na nagkatawang-tao, ang ordinaryong taong ito, at kung paano nauugnay ang Kanyang buhay sa Diyos. Nakikipagbahaginan Ako ayon sa prinsipyong ito. Ang Aking layunin ay hindi para gayahin ninyo ang Aking mga pagpili pagdating sa mga pangunahing pangangailangan, ang Aking partikular na paraan ng pamumuhay, o kung anong mga kulay ang gusto Ko. Hindi iyon ang Aking layunin. Sinasabi Ko lang sa inyo ang Aking mga prinsipyo. Halimbawa, kapag sinasabi Ko sa iyo kung ano ang Aking kinakain o kung ano ang Aking mga pang-araw-araw na gawi, hindi ito para magaya mo Ako o makasunod ka sa isang partikular na panuntunan, kundi para ipaalam sa iyo kung ano ang nakapaloob sa pagiging ordinaryo at pagiging normal ng Diyos na nagkatawang-tao kapag pumaparito Siya sa lupa, at kung ano ang Kanyang mga prinsipyo sa pag-asal at paggawa ng mga bagay-bagay. Sa pamamagitan ng mga halimbawang ibinibigay Ko at sa pamamagitan ng ilang katunayan, sapat nang maunawaan mo ang mga prinsipyo, ang aspektong ito ng katotohanan, at ang buhay at disposisyon ng Diyos na dapat mong malaman. Kaya, hindi Ko kailanman sinasabi sa iyo kung gusto Ko ang mahabang buhok o maikling buhok; sinasabi Ko lang sa iyo kung ano ang mga dahilan at prinsipyo sa pagpapahaba ng buhok o pagpapanatiling maikli nito, para maunawaan mo ang mga prinsipyo. Ang pagbabahaginan tungkol sa mga katotohanang ito tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ay may kinalaman sa pagkakilala ng tao sa diwa ng Diyos at sa pagkakakilanlan ng Diyos, at may kinalaman ito sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos. Kung naniniwala ang isang tao na ang Diyos sa lupa ay nauukol lang sa gawain at mga salita ng Diyos, at ang Diyos sa langit lang ang nauukol sa mga gawa ng Diyos, tama ba ang pag-arok na ito? (Hindi.) Kung gayon, nagmumula ba sa Diyos sa langit ang mga salitang sinasabi at ang gawaing ginagawa ng Diyos sa lupa? (Oo.) Mabuti kung kaya mo itong maarok sa ganitong paraan. Hindi Ko kailanman sinabi sa inyo kung saan Ako ipinanganak, kung paano Ako lumaki, o kung anong uri ng edukasyon ang Aking natanggap, ni hindi Ko kailanman kinuwento ang tungkol sa kapaligiran kung saan Ako lumaki, sa kapaligirang pang-edukasyon na kinagisnan Ko, o sa kasaysayan ng Aking pamilya, hindi ba? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Hindi prominente ang Iyong pamilya. Lumaki Ka lang na tulad ng isang ordinaryong tao. Hindi ito karapat-dapat na pag-usapan, kaya hindi Mo ito binabanggit.” Ito ba ang dahilan kung bakit hindi Ako nagsasalita tungkol sa mga bagay na ito? (Hindi.) Kung gayon, bakit hindi Ako nagsasalita tungkol sa mga ito? (Ang pagsasalita tungkol sa mga bagay na iyon ay hindi makakatulong sa amin sa pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao.) Walang kinalaman ang mga ito sa pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao, kaya hindi Ako nagsasalita tungkol sa mga ito. Kung magsasalita Ako tungkol sa mga bagay na iyon, maaari kayong umalis at hindi makinig. Pero kung sasabihin Ko sa inyo ang tungkol sa gawain, mga salita, disposisyon, at diwa ng Diyos na nagkatawang-tao, pati na rin ang iba’t ibang pagpapamalas at paghahayag ng Kanyang buhay, dapat kayong makinig nang mabuti at taimtim. Dapat kayong makinig sa bagay na may kinalaman sa katotohanan; ang pakikinig sa nilalamang ito ay nakakatulong para makilala ninyo ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ano ang kinalaman ng pagkakilala sa Diyos sa paghahangad ko sa katotohanan?” Sabihin ninyo sa Akin, mayroon bang kaugnayan? (Mayroon.) Maaari bang palitan ng pagkakilala sa Diyos ang paghahangad sa katotohanan? Ano ang kaugnayan sa pagitan ng pagkakilala sa Diyos at paghahangad sa katotohanan? Sa palagay ba ninyo ay may kinalaman sa katotohanan ang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay at pagsasalita na ipinapamalas sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, na ibinabahagi Ko ngayon sa inyo? (Mayroon.) Kung gayon, ano ang kinalaman ng pagkakilala sa Diyos sa paghahangad sa katotohanan? (Sa tingin ko, ang pagkakilala sa Diyos ay mismong paghahangad sa katotohanan. Ito ay dahil ang pagkakilala sa Diyos ay nagbibigay-daan upang malaman natin ang iba’t ibang prinsipyo ng paggawa ng Diyos ng mga bagay-bagay at ang iba’t ibang disposisyon na inihahayag ng Diyos, at nakakatulong ito sa atin na pagnilayan ang sarili nating mga kilos at gawa at ang mga tiwaling disposisyon na inihahayag natin. Nagbibigay rin ito sa atin ng direksyon para sa ating pagsasagawa. Ito ay isang punto. Ang isa pang punto ay na ang pagkakilala sa Diyos ay maaaring mag-udyok sa tao na hangarin ang katotohanan. Kapag may kaunting pagkakilala ang isang tao sa diwa at disposisyon ng Diyos, isang positibong pagnanais at determinasyon ang uusbong sa kanyang puso—gugustuhin niyang mas makilala ang Diyos, at gugustuhin niyang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan—at unti-unti niyang iwawaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon at isasabuhay ang wangis na hinihingi ng Diyos. Samakatwid, sa tingin ko, ang pagkakilala sa Diyos ay mismong paghahangad sa katotohanan, at maaari nitong udyukan ang tao na hangarin ang katotohanan.) Kapag hinahangad ng isang tao ang pagkakilala sa Diyos, sa katunayan ay hinahangad din niya ang katotohanan; sineseryoso niya ang katotohanan, at tinitingnan kung paano mismo kumikilos ang Diyos at kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang aspekto. Sa sandaling maunawaan ng tao ang mga bagay na ito nang detalyado, magkakaroon siya ng mas malinaw na layon at mas tumpak na direksyon sa kanyang pagsasagawa. Ang paghahangad sa pagkakilala sa Diyos ay mismong paghahangad sa katotohanan—hindi mali ang pahayag na ito, at hindi nagkakasalungat ang dalawang bagay na ito. Kaya, maaari bang magbigay-daan ang paghahangad sa katotohanan upang makilala mo ang Diyos? (Oo.) Habang hinahangad mo ang katotohanan, unti-unti mo ring nakikilala ang Diyos. Ang proseso ng paghahangad sa katotohanan ay ang proseso ng pagsasagawa sa katotohanan. Habang isinasagawa mo ang katotohanan, unti-unti mong nauunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo, at nauunawaan mo rin kung ano ang mga hinihinging pamantayan, pagnanais, at layunin ng Diyos sa mga partikular na usapin. Sa sandaling maunawaan mo ang mga bagay na ito, unti-unti mong nakikilala ang Diyos. Ang prosesong ito ng pag-unawa ay ang mismong proseso ng pagkakilala sa Diyos. Kinokompleto ng dalawang bagay na ito ang isa’t isa; hindi umiiral ang alinman sa mga ito nang mag-isa. Sa alinmang aspekto ng katotohanan ka mayroong tunay na karanasan, pagkakilala, at pagpapahalaga, sa alinmang aspekto ng katotohanan ka mayroong mga pakinabang na ito, ang nakakamit mo ay kabibilangan din ng pagkakilala sa Diyos. Kapag mayroon kang karanasan at pagkakilala sa katotohanan, kasabay niyon ay mayroon ka ring pagkakilala at pag-unawa sa Diyos. Sa sandaling magkaroon ka ng pagkakilala sa Diyos, mas makakatiyak ka sa mga layunin ng Diyos at sa mga hinihinging pamantayan ng Diyos. Pagkatapos, kapag isinasagawa mo ang katotohanan, magiging mas tumpak ka, at hindi ka kakapit sa mga kuru-kuro at imahinasyon; malinaw mong malalaman kung ano ang mga layunin ng Diyos at kung ano ang ipapagawa sa iyo ng Diyos. Ang pagkakilala sa Diyos at paghahangad sa katotohanan ay hindi hiwalay sa isa’t isa, at hindi magkasalungat ang mga ito; sa halip, kinokompleto ng mga ito ang isa’t isa. Samakatwid, ang pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay nakakatulong at kapaki-pakinabang sa iyong paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan. Maaari itong magsilbi bilang isang nag-uudyok na puwersa sa aspektong ito. Bago ito, inisip ng maraming tao, “Ngayong nasa akin na ang mga salitang ito na ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao, nakamit ko na ang Diyos. Kapag nakakaharap ko ang mga bagay-bagay, kailangan ko lang magsagawa ayon sa mga salitang ito. Kahit pa wala akong pag-unawa o pagkakilala sa Diyos, ayos lang; hindi nito maaapektuhan ang pagsasagawa ko sa katotohanan.” Pero nang subukan nilang isagawa ang katotohanan sa tunay na buhay, naramdaman nilang lahat na, bagama’t naging napakapartikular ng Diyos sa Kanyang mga salita, at mula sa Kanyang mga salita ay mauunawaan nila kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa at ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos para sa maraming partikular na usapin, pagdating sa marami sa mga bagay na nangyari sa kanila sa kanilang pang-araw-araw na buhay, wala pa rin silang katiyakan. Hindi sila isandaang porsiyentong nakakatiyak na tama ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan, o kung ang paggawa ng mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Pero kapag nauunawaan mo ang mga tumpak na prinsipyo ng pag-asal at pagkilos ng Diyos na nagkatawang-tao, magiging ganap na panatag ang iyong kalooban. Kapag nakaharap ka muli ng mga katulad na bagay, hindi mo pangangasiwaan ang mga ito tulad ng ginawa mo noon, kumikilos batay sa panghuhula, na para bang sumusugal ka, at hindi alam pagkatapos kung tama o mali ang ginawa mo. Sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga prinsipyo ng pagsasalita at pagkilos ng Diyos na nagkatawang-tao, ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao tungkol sa Diyos ay mababawasan at liliit nang hindi man lang niya namamalayan, at unti-unting malulutas ang mga ito. Ibig sabihin, kapag kilala mo ang Diyos na nagkatawang-tao, at lalo na kapag alam mo ang mga prinsipyo at paraan ng Kanyang pag-asal at pagkilos, magkakaroon ka ng mas tumpak na layon at direksyon para sa pagsasagawa sa katotohanan at pangangasiwa sa lahat ng uri ng bagay sa buhay. Noong hindi pa nagkakatawang-tao ang Diyos at ang Diyos sa langit o ang Banal na Espiritu ang gumagawa sa tao, hindi kailanman makakakuha ng mga sagot ang tao sa mga bagay na ito, ni hindi siya kailanman makakatanggap ng anumang pakinabang mula sa Diyos sa langit sa pamamagitan ng pag-unawa sa iba’t ibang partikular na isyu ng buhay ng tao na dapat maunawaan ng tao. Kahit pa kayang sumunod ng tao sa ilang batas at utos, pagdating sa mga katotohanang prinsipyo at sa landas na tinatahak niya, kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos para gumawa at magsalita, hindi kailanman magagawang malaman o maunawaan ng sangkatauhan ang mga ito. Hindi makakamit ng tao ang mga ito mula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ni hindi niya makakamit ang mga ito mula sa Diyos sa langit. Ang tanging landas ay ang makamit mula sa Diyos na nagkatawang-tao ang mga katotohanang prinsipyong ito na dapat maunawaan ng tao upang mabuhay at manatiling buhay. Sa madaling salita, ang pagkakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang landas tungo sa pagkakilala sa Diyos, isang landas tungo sa pag-unawa sa Diyos, at higit pa rito, isang kinakailangang landas para makabuo o mapanatili ng tao ang isang ugnayan sa Diyos.
Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa “hindi pang-aakit ng Diyos sa tao,” isang paksang nakapaloob sa mas malawak na paksa ng hindi pagtutumbas sa nagkatawang-taong Diyos sa tiwaling sangkatauhan. Saan tayo huminto? (Nagbahagi ang Diyos tungkol sa tatlong partikular na pagpapamalas ng hindi pang-aakit ng Diyos sa tao: ang hindi panlilinlang upang makakuha ng impormasyon mula sa tao, hindi panunulsol sa tao, at hindi pang-uudyok sa tao. Natapos natin ang pagbabahaginan tungkol sa hindi pang-uudyok sa tao.) Ang tatlong paksang ito—ang hindi panlilinlang upang makakuha ng impormasyon mula sa tao, hindi panunulsol sa tao, at hindi pang-uudyok sa tao—ay pawang may kinalaman sa mga partikular na pagpapamalas ng hindi pang-aakit ng Diyos sa tao. Mayroon ba kayong mga napag-isip-isip pagkatapos ng huli nating pagbabahaginan? Tingnan ninyo ang mga bagay na sinabi Ko sa inyo sa paglipas ng mga taon—sinasalamin ba ng mga ito ang prinsipyo ng hindi pang-aakit ng Diyos sa tao? (Oo. Hindi kailanman sinubukan ng Diyos na manlinlang upang makakuha ng impormasyon mula sa amin kapag kinakausap Niya kami. Palagi Kang diretsahan. Tinatagubilinan Mo kami nang may pagtitiyaga at nang paunti-unti, palagi kaming ginagabayan at tinutustusan, at sinusuportahan at tinutulungan kami.) Isa sa Aking mga prinsipyo kapag kinakausap kayo ay ang hindi kayo akitin, ang mga partikular na pagpapamalas nito ay ang hindi panlilinlang upang makakuha ng impormasyon mula sa inyo, hindi panunulsol sa inyo, at hindi pang-uudyok sa inyo. Minsan ay maaari Ko kayong tanungin tungkol sa ilang bagay, pero walang anumang pang-aakit dito. Kaya, kapag nagkakaroon ka ng maling pagkaunawa sa Diyos, dapat mong pagnilayan, “Walang pang-aakit o panlilinlang upang makakuha ng impormasyon sa anuman sa mga salita ng Diyos. Hindi ako dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ay mismong ang ibig Niyang sabihin. Anuman ang itanong sa akin ng Diyos, sasagutin ko ito nang totoo at sasabihin sa Kanya nang bukas at matapat. Sasabihin ko kung gaano man karami ang alam ko, at kung may hindi ako alam, sasabihin ko rin iyon, at sasabihin ko sa Diyos na kailangan ko muna itong alamin bago ako sumagot.” Ito ang tinatawag na pagiging bukas at matapat. Sa pakikipag-usap at pag-aasikaso ng mga usapin kasama ninyo, kung nakikita Kong nahaharap kayo sa mga paghihirap o nakakatuklas Ako ng anumang mga problema sa inyo—maging mga problema man ang mga ito na mayroon kayo sa paggampan ng inyong tungkulin o mga problema sa inyong pagkatao—hahanap Ako ng pagkakataon para makipag-usap sa inyo. Ang layon Ko sa paggawa nito ay ang tulungan kayong malinaw na makita kung ano ang diwa ng inyong mga problema, upang malutas ninyo ang mga ito pagkatapos ninyong makilala ang mga ito. Ang layon Ko sa pagtulong sa iyo na malutas ang iyong mga problema, sa isang banda, ay upang maitama ang mga kapintasan o problema sa iyong pagkatao, at upang hindi ka mamuhay ayon sa mga tiwaling disposisyon at upang maisabuhay mo ang wangis ng tao. Sa kabilang banda, ito ay upang magampanan mo nang mas mabuti ang iyong tungkulin. Ang layon Ko ay hindi ang gamitin ka para magpakapagod ka para sa sambahayan ng Diyos, kundi ang tulungan ka na mas maayos na magampanan ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan, na hindi magdulot ng mga paggambala at panggugulo, gawin mo ang mga bagay na dapat mong gawin sa abot ng iyong makakaya, gampanan ang iyong papel, at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mayroon kang mga problema sa iyong pagkatao, kakausapin kita nang sandali tungkol sa mga ito. Kung matatanggap mo ito, natural na iyon ang pinakamabuti; kung hindi mo ito matatanggap sa panahong iyon, gagamitin Ko ang sarili Kong paraan para ipaalam sa iyo, upang malaman mo kung ano ang iyong mga problema. Sa madaling salita, ang layon Ko ay palaging suportahan at tulungan ka. Hindi Ko kailanman layon na akitin ka na tahakin ang isang landas na mali o masama, idinudulot na maging tiwali ka o gumawa ng kasamaan. Ang layon Ko lang ay tulungan ka; mabuti ang layunin Ko, at ang layon sa likod nito ay tama at positibo. Siyempre, kapag sinasabi Ko ang mga salitang ito at ginagawa ang mga bagay na ito, walang kasamang pamimilit. Ibig sabihin, pagkatapos mong marinig ang mga salitang ito, hindi ka dapat magpalimita sa Akin. Kahit pa tiyak Akong magsalita tungkol sa mga problema sa iyong pagkatao o himayin Ko ang mga problema sa paggampan mo ng iyong tungkulin, maaari mo pa ring sabihing, “Hindi ko pa makilala ang mga problemang ito na inilantad Mo sa akin; kailangan kong pagnilayan ang mga ito.” Sinasabi Ko na dapat kang magnilay sa ganitong paraan, o magbahagi tungkol sa problemang ito kasama ng lahat. Hindi Ko pilit na hinihingi na gumawa ka ng anumang bagay ayon sa Aking mga personal na kagustuhan; sa halip, binibigyan kita ng sapat na kalayaan. Kapag inilalantad Ko ang iyong mga problema, binibigyan kita ng paalala. Ang pamamaraang ito ng pagpapaalala sa iyo ay hindi kinabibilangan ng malabong pagsasalita, kundi pagbabahaginan tungkol sa ilang katunayan—sa pamamagitan ng paglalantad sa mga salita o pag-uugaling inihahayag at ipinapakita mo—upang ipaalam sa iyo na talagang mayroon ka ng mga problemang ito. Sasabihin Ko ito sa iyo nang malinaw at prangka. Hinding-hindi Ako gagamit ng malalabong salita para bigyan ka ng maling impresyon, na nagdudulot na masadlak ka sa pagkanegatibo, kahinaan, at pagkalito, o ipinaparamdam sa iyo na ang Aking mga salita ay napakalalim, mahirap unawain, at di-maarok, upang maging mataas ang tingin mo sa Akin. Hindi Ko iyon gagawin. Sasabihin Ko sa iyo nang diretsahan at malinaw; hindi Ako magpapaligoy-ligoy at hahayaan kang manghula. Halimbawa, ang ilang tao ay masyadong sentimental at may tendensiyang magsalita nang may karumihan. Diretsahan Kong sinasabi sa kanila, “Maraming karumihan ang mga salita mo, nagsasalita ka nang ganap na batay sa iyong mga damdamin, at hindi mo pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Isa ka lang mapagpalugod ng mga tao.” Ganito lang Ako kaprangka. Kapag hindi alam ng ilang tao kung paano magsagawa kapag nahaharap sa isang sitwasyon, direkta Kong sinasabi sa kanila, “Sa usaping ito, dapat kang kumilos sa ganitong paraan; para sa usaping iyon, magsagawa ka nang ganito.” Ganyan Ako kalinaw kapag sinasabi Ko sa kanila. Pagkarinig dito, malinaw na nakakaunawa ang mga taong nagsasapuso ng mga bagay-bagay at ang mga taong makatwiran; hindi magulo ang isip nila o hindi sila nalilito, at tunay nilang alam sa kanilang puso kung ano ang gagawin. Siyempre, ang ilang tao na magulo ang isip na may baluktot na pag-arok ay nalilito pagkatapos Akong marinig na magsalita nang ganito. Paano man nila subukang makinig, hindi nila ito maintindihan o hindi nila maunawaan ang mga prinsipyo; kailangan pa rin nilang magbigay Ako ng mga halimbawa at magpaliwanag ng mga bagay-bagay nang detalyado. Pero kahit pa magbigay Ako ng halimbawa at turuan Ko silang muli, hindi pa rin sila makaunawa at hindi nila alam kung paano magsagawa. Hindi ito dahil sa hindi Ko ipinaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay, kundi dahil masyadong mahina ang kakayahan nila at sila mismo ay masyadong magulo ang isip. Sa madaling salita, ang prinsipyo Ko sa pagsasalita ay ang gawin ito sa paraan, pagkatapos ninyong makinig sa Akin na magsalita, na hindi kayo nalilito, at mayroon kayong malinaw na landas ng pagsasagawa sa isipan, at alam ninyo kung paano magsagawa nang tumpak. Ito ang layon Ko sa pagsasalita sa inyo.
Sa loob ng prinsipyong ito ng hindi pang-aakit sa tao, bukod sa tatlong pagpapamalas na ito—ang hindi panlilinlang upang makakuha ng impormasyon mula sa tao, hindi panunulsol sa tao, at hindi pang-uudyok sa tao—mayroon pang isang pagpapamalas: ang pagiging hindi malabo. Ano ang ibig sabihin ng pagiging malabo? Ang ibig sabihin nito ay ang pagsasabi ng mga bagay na tila totoo pero hindi naman, ang hindi pagsasalita gamit ang malilinaw at tiyak na mga salita, ang pagpapamukhang malabo sa mga bagay-bagay, at ang pagbigkas ng mga salitang tila tama, pero hindi maisasagawa o maipapatupad, at pawang mga hungkag na salita lang. Ito ay tinatawag na pagiging malabo at hindi malinaw. Kung gayon, ang pagiging hindi malabo ay nangangahulugang ang mga salita ng isang tao ay walang ganitong mga katangian at walang ganitong diwa; sa halip, ang mga ito ay malinaw at payak, tumpak ang kahulugan, at nagbibigay ang mga ito sa tao ng landas na susundin. Nakikita mo, kapag nagbabahagi Ako tungkol sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, sa tuwing nagpapakilala Ako ng bagong paksa, sinusubukan Ko munang bigyan ka ng depinisyon para sa aspektong ito ng katotohanan. Ano ang layon Ko sa pagbibigay sa iyo ng depinisyon? Ito ay upang linawin ang konsepto sa iyo, at bigyang-kakayahan kang malaman ang tumpak na depinisyon depinisyon ng katotohanang sinasabi Ko. Sa sandaling malinaw na sa iyo ang tumpak na depinisyong ito at kaya mo na itong tukuyin, magkakaroon ka ng layon at direksyon. Sa pagkamit ng resultang ito sa tao sa pamamagitan ng mga depinisyong ibinibigay Ko sa kanya, mas malinaw niyang nalalaman sa kanyang puso kung ano ang dapat niyang isagawa at sundin. Pagkatapos, nagbibigay Ako ng ilang partikular na halimbawa. Ang layon Ko sa pagbibigay ng mga halimbawa ay ang tulungan ang tao na magkaroon ng higit na kalinawan sa aspektong ito ng katotohanan, tulungan siyang magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol dito, at tulungan siyang malaman kung paano ito isagawa. Kung gayon, makakamit ng Aking pagsasalita ang epekto nito at ang layunin nito. Ano ang pinakamabuting paraan para makamit ang layuning ito? Ito ay ang ipaalam sa iyo, sa pamamagitan ng mga depinisyon at halimbawa, kung anong mga katotohanang prinsipyo ang dapat mong sundin. Kahit na maraming tao ang walang espirituwal na pang-unawa at hindi makaarok sa mga katotohanang prinsipyo sa loob ng tinatalakay, ang alam lang ay kung paano sumunod sa ilang partikular na regulasyon, pero kahit papaano man lang, malinaw ang mga regulasyong sinusunod nila. Halimbawa, kapag nagbabahagi Ako tungkol sa isang partikular na aspekto ng mga katotohanang prinsipyo, maaari Akong magbigay ng ilang halimbawa, sinasabing hindi malusog para sa tao na kainin ang ilang partikular na bagay, at na mali ang ilang partikular na pagpiling ginagawa ng tao at ang ilang partikular na bagay na ginagawa niya. Malalaman kung gayon ng mga taong may espirituwal na pang-unawa at abilidad na makaarok, “Kung gayon, ito ang tumpak na pagkaunawa sa ganitong uri ng bagay. Alam ko na ngayon ang mga prinsipyo, at alam ko na kung paano magsagawa, kung paano pumili, at kung ano ang tatanggapin o tatanggihan.” Gayumpaman, kapag naririnig ito ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa, sinasabi nila, “Naiintindihan ko. Hindi tayo pinapayagan ng Diyos na kainin ito, at hindi Niya tayo pinapayagang gamitin iyan.” Inilalarawan din ng mga pagpapamalas ng mga taong ito na walang espirituwal na pang-unawa ang isang bagay: Ipinapakita ng mga ito na ang mga halimbawang ibinibigay Ko ay napakapartikular at mga bagay na maaaring makaharap ng tao sa kanyang tunay na buhay. Ang mga ito ay hindi hungkag kahit kaunti, at ang mga ito ay hindi mga teorya, islogan, o malalalim na kaalaman.
Ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi nagsasalita nang malabo o hindi malinaw; totoo ito hindi lang kapag nagbabahagi Ako sa mga pagtitipon, kundi pati na rin kapag kinakausap Ko kayo nang karaniwan. Minsan ay nagsasalita Ako tungkol sa inyong mga tungkulin, minsan ay nagsasalita Ako tungkol sa gawain ng iglesia, at minsan ay nagsasalita Ako tungkol sa mga tiwaling kalagayan ng tao at sa mga paglihis na mayroon siya sa kanyang pagsasagawa. Anumang isyu ang ibahagi Ko, palagi Kong ibinabatay ang Aking pagbabahagi sa inyong mga kalagayan, sa inyong tayog, at sa inyong mga kasalukuyang problema. Kapag nagbabahagi Ako sa inyo, hindi Ako kailanman sumisigaw ng mga islogan; sa halip, nagbibigay Ako ng mga partikular na paliwanag at nililinaw Ko ang mga bagay-bagay nang detalyado, at pagkatapos ay itinuturo ang isang landas para sa inyo. Minsan ay napakarami Kong sinasabi na kahit Ako ay nakakaramdam na nagiging maligoy Ako, pero sa huli, naiintindihan pa rin ninyo ito. Isa itong napakagandang resulta. Ano ang ibig Kong sabihin sa pagsasabi nito? Ang ibig Kong sabihin ay na, kapag nagbabahagi Ako tungkol sa isang bagay sa inyo sa pang-araw-araw na buhay, kahit na ang pagbabahagi ay binubuo lang ng pag-aatas ng isang simpleng gampanin sa inyo, tinitiyak Kong malinaw sa inyo ang sinasabi Ko at na nauunawaan ninyo ito, nang walang anumang kalabuan. Ano ang ibig sabihin na walang anumang kalabuan sa Aking mga salita? Ang ibig sabihin nito ay hindi Ako naglilitanya ng mga ideyang matayog pakinggan, hindi Ako nagsasalita na parang isang burukrata, at hindi Ako nagsasabi ng mga salita at doktrina, o ng mga hungkag at mayabang na salita. Ang kahulugan ng sinasabi Ko ay tiyak at malinaw, nang walang anumang kalabuan. Hindi lang Ako nagsasalita nang malinaw at payak, kundi ipinapaalam Ko rin sa inyo kung paano magsagawa. Halimbawa, kapag naninirahan sa ibayong-dagat, kung kailangan nating magtayo ng ilang istruktura para sa pang-araw-araw na paggamit sa bakuran, sasabihin Ko sa taong nangangasiwa rito na kumonsulta sa gobyerno tungkol sa kung anong mga hinihingi at kondisyon ang mayroon para sa pagtatayo ng gayong mga istruktura. Pagkatapos nilang maunawaan nang malinaw ang lahat, itatayo nila ang mga istruktura nang mahigpit na ayon sa mga kondisyon at detalyeng hinihingi ng gobyerno. Kung hindi natin matutugunan ang mga kondisyong hinihingi ng gobyerno, maaari na lang nating piliing huwag itayo ang mga ito. Kapag pinangangasiwaan ang usaping ito, sinasabi Ko sa tao ang ilang bagay na dapat bigyang-pansin, at tinatagubilinan din siya kung paano haharapin ang ilang espesyal na sitwasyon na maaaring hindi niya naisip. Sinasabi Ko ang lahat nang malinaw, at alam nila kung paano pangasiwaan ang usapin pagkatapos nila Akong marinig na magsalita. Kapag nag-aatas ng mga gampanin sa iba ang ilang tao, nagsasalita sila nang malabo at hindi malinaw; wala silang ginagawa kundi ang magsalita na parang isang burukrata at maglitanya ng mga doktrina at hungkag na salita. Halimbawa, kapag nagsasaayos sila na may pumunta sa isang kagawaran ng gobyerno para pangasiwaan ang isang bagay, sinasabi lang nila, “Pumunta ka sa gobyerno at magtanong-tanong ka para malaman kung anong mga regulasyon ang mayroon.” Pagkarinig dito, hindi alam ng taong nangangasiwa sa usapin kung ano ang gagawin o kung paano siya dapat mag-usisa tungkol sa usaping ito; nagtatanong-tanong lang siya at iyon na iyon, at sa huli ay hindi siya nagkakamit ng anumang resulta. Hindi ba’t ang pag-aatas ng mga gampanin sa mga tao nang ganito ay pagkilos na parang isang burukrata? (Oo.) Kapag gumagawa Ako ng partikular na gawain, magbabahagi Ako tungkol sa mga problemang umiiral sa gawain, gayundin sa mga nakikitang problema at sa mga problemang binabanggit ninyo, at lulutasin Ko ang mga ito nang isa-isa. Kapag nagbabahagi tungkol sa bawat problema, sa isang banda, nilalayon Kong lutasin ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo; at dagdag pa rito, kapag may kinalaman ang ilang espesyal na sitwasyon, pangangasiwaan Ko ang mga ito at magbabahagi Ako tungkol sa mga ito nang naaayon. Ang mga prinsipyong inilalatag Ko at ang nilalamang ibinabahagi Ko ay hindi kailanman malabo. Kahit papaano man lang, ang motibo Ko ay ang magsikap para sa kalinawan, binibigyan ka ng isang malawak na prinsipyo upang kapag nakaharap ka ng gayong mga bagay, maaari mong ilapat ang prinsipyong ito at kumilos ayon dito. Tinitiyak nito na mayroon kang landas na susundin, at na hindi ka nalilito kapag nakakaharap ng mga bagay sa pang-araw-araw na buhay, kundi alam mo kung paano pangasiwaan ang mga problema at gawin ang gawain. Hindi Ako nagbibigay ng mga talumpating maganda lang pakinggan tungkol sa mga doktrina at teoryang tila totoo pero hindi naman para ilihis o supilin ka, o nagtuturo sa iyo ng mga kaalaman o teoryang tila totoo pero hindi naman para tumanggap at magpasakop ka sa mga ito; hindi Ko ito ginagawa. Hindi Ko kailanman pinaupo ang mga tao sa harap Ko para makinig sa Akin na magsalita nang mayabang tungkol sa mga teorya, para lang iwan silang lahat na ganap na nalilito pagkatapos Kong magsalita, pakiramdam na para bang nakaunawa at nakapagkamit sila ng isang bagay, pero pakiramdam din na para bang walang problemang nalutas kahit kaunti, nagbibigay sa kanila ng pakiramdam na ang ilang oras na ito ng pagbabahaginan ay pag-aaksaya ng oras. Hindi Ko ito ginagawa. Kung mayroon kayong mga problema, nilulutas Ko ang mga ito; kung wala kayong anumang problema, sinusubukan Ko ang Aking pinakamakakaya na huwag kayong abalahin. Ang sinasabi Ko sa inyo ay pawang napakapartikular. Halimbawa, kapag may mga problema sa gawain sa himno, nagbabahagi Ako sa inyo tungkol sa mga isyu patungkol sa mga himno. Bagama’t hindi Ko pinag-aralan ang mga nauugnay na propesyonal na kaalaman sa larangang ito, kaya Kong magbahagi tungkol sa mga prinsipyo. Kapag may mga problema sa gawain sa pagsasalin, bagama’t hindi Ako mahusay sa Ingles, magbabahagi Ako sa inyo tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasalin, at tutulungan Ko kayong lutasin ang mga problema sa prinsipyo na hindi ninyo kayang pangasiwaan, at magsisikap na tiyakin na sa pamamagitan ng Aking pagbabahagi ay mauunawaan ninyo ang ilang prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan. Marahil, pagkatapos ninyo Akong pakinggan, hindi ninyo nauunawaan ang anumang malalalim na katotohanan o hiwaga, pero nalalaman ninyo ang isang aspekto ng mga prinsipyo ng pagsasagawa o isang landas para sa paglutas ng mga problema sa gawaing ginagawa ninyo—ito ang resulta na nilalayon Kong makamit sa inyo kapag nakikipag-ugnayan, nakikisalamuha Ako sa inyo, at nangangasiwa Ako ng mga usapin kasama ninyo.
May isa pang aytem na nakapaloob sa paksa ng pagiging hindi malabo: Pagdating sa pagkilatis sa isang partikular na uri ng tao o isang partikular na uri ng bagay, ang mga prinsipyong ibinabahagi Ko sa iyo ay naglalayong tulungan kang malinaw na makilala ang diwa ng ganoong uri ng tao at ang kalikasan ng ganoong uri ng bagay, at para tulungan kang magkaroon ng kalinawan sa iyong puso tungkol sa kung ano ang diwa ng ganoong uri ng tao, kung ano ang kalikasan ng ganoong uri ng bagay, kung paano mo dapat tratuhin ang mga ito, at kung anong mga tamang pananaw at saloobin ang dapat na mayroon ka patungkol sa mga ito. Ang layon Ko sa pagbabahagi tungkol sa mga isyung ito ay ang tulungan kang magkaroon ng mga tamang pananaw, saloobin, at paninindigan sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, sa gayon ay tinitiyak na kapag itinataguyod mo ang mga prinsipyo, itinataguyod mo ang mga tamang prinsipyo, hindi ang mga maling prinsipyo. Ang layon Ko ay ang bigyang-kakayahan kang kilatisin ang mga tao, pangyayari, at bagay, upang malaman mo kung ano mismo ang diwa at tunay na kulay ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay; upang malaman mo ang mga positibong bagay at—kasabay nito—ang mga negatibong bagay; at upang tulungan kang magkaroon ng sarili mong tamang paninindigan anuman ang uri ng mga tao, pangyayari, at bagay ang makaharap mo sa iyong pang-araw-araw na buhay. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tamang paninindigan? Ang ibig sabihin nito ay kaya mong panghawakan ang tamang paninindigan upang itaguyod ang mga prinsipyo, hindi nyutral sa mga usapin, at hindi nagiging isang taong nalilito, isang taong magulo ang isip, o isang mapagpalugod ng mga tao. Nakikita mo, sa simula, nang akitin ng ahas sina Adan at Eba, sinabi nito sa kanila, “Hindi kayo pinapayagan ng Diyos na kainin ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama. Sinabi ng Diyos na pagkatapos itong kainin ay tiyak na mamamatay kayo, pero sa totoo lang, hindi kayo tiyak na mamamatay.” Bagama’t napakalabo ng pahayag na ito mula sa ahas, nagkaroon ito ng mapang-akit na epekto kina Adan at Eba, na nagdulot ng isang nakapipinsalang kinahinatnan. Ano ang kinahinatnang ito? Hindi na nakinig sina Adan at Eba sa mga salita ng Diyos, hindi na naniwala sa mga salita ng Diyos, wala na silang tamang paninindigan, at hindi na nila pinanindigan ang orihinal nilang paninindigan at orihinal na mga prinsipyo. Sa halip, batay sa pagdududa nila sa Diyos, hindi sila naniwala sa mga tagubilin ng Diyos, at hindi sila naniwala na mamamatay sila kung kakainin nila ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama. Pagkatapos ay nagsimula silang magkaroon ng mga ideya, at habang nangyayari ito ay inabot at pinitas nila ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama. Isa itong proseso ng pang-aakit, at ito rin ang naging resulta ng pagkaakit nina Adan at Eba. Ang prosesong ito ng pang-aakit ay binubuo ng pakikinig at paniniwala nila sa mga salita ni Satanas, pagkakaroon ng mga ideya, pagsisimulang magduda sa Diyos, at hindi na paniniwala sa mga salita ng Diyos. Ang resulta ng pagkaakit nina Adan at Eba ay na sumalungat sila sa mga salita ng Diyos at kinain nila ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama. Bagama’t hindi sinabi ng ahas, “Tiyak na hindi kayo mamamatay kung kakainin ninyo ito; mali ang sinabi ng Diyos, at nililinlang kayo ng Diyos,” sa pahayag ng ahas na “hindi kayo tiyak na mamamatay kung kakainin ninyo ito,” ang “hindi tiyak” na ito ay malabong pananalita. Likas na mapang-akit ang malabong pananalitang ito; naging sanhi ito para magduda ang tao sa Diyos at hindi maniwala sa mga salita ng Diyos. Naging sanhi rin ang malabong pananalitang ito para mawala sa tao ang kanyang tamang paninindigan, pati na rin ang kanyang motibasyon at pananalig na itaguyod ang mga prinsipyo. Ano ang nangyari sa huli? Tumahak ang tao sa landas ng pagkaakit sa ahas, pagkakanulo sa Diyos, at pamumuhay sa kasalanan. Kung titingnan sa ganitong liwanag, ang pariralang “hindi tiyak” na sinabi ng ahas nang akitin nito ang tao ay nagkaroon ng napakalaking negatibong epekto. Hindi nito direktang itinanggi ang mga salita ng Diyos o direktang sinabihan ang tao na huwag makinig sa mga salita ng Diyos, at hindi nito direktang sinabihan ang tao na maghinala at magduda sa Diyos, lalong hindi nito sinabihan ang tao nang walang pag-aalinlangan na “hindi ka mamamatay pagkatapos itong kainin.” Subalit ang isang malabong parirala na tulad ng “hindi tiyak” ay sapat na para mapagana ang isipan ng tao, para linlangin siya, at para akitin siyang kainin ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama. Ang mga ito ang mga kahihinatnang idinulot sa tao ng malabong pananalita. Saan nanggaling ang malabong pariralang ito na “hindi tiyak”? Sa pinakasimula, nanggaling ang pariralang ito sa mga salitang sinabi ng ahas nang tinutukso nito si Eba. Bago ito, wala kang mahahanap na kahit isang malabong salita, ni wala kang mahahanap na kahit katiting na pahiwatig ng kalabuan, sa iilang tagubilin na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eba. Ibig sabihin, ang mga salitang sinasabi ng Diyos ay pawang sinsero, totoo, at tumpak. Ang bawat pangungusap na sinasabi Niya ay kumakatawan sa isang tamang paninindigan, at isang tama at tumpak na pananaw, na pawang dapat itaguyod ng tao, at dapat na magpasakop ang tao sa mga ito magpakailanman, nang hindi kailanman pinagdududahan ang mga ito. Wala sa mga salita ng Diyos ang malabo, kaya wala sa mga salita ng Diyos ang nang-aakit sa tao. Mula sa negatibong pananaw, ang mga salita ng Diyos ay hindi naglalaman ng kahit katiting na pang-aakit o panlilinlang sa tao; sa positibong pananaw, masasabing ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay nagsisilbing proteksyon at pangangalaga sa tao, at may kakayahang panatilihin ang buhay ng tao at panatilihin ang pinakamalapit na ugnayang ito sa pagitan niya at ng Diyos. Gayumpaman, ang malabong pariralang ito ng ahas—“hindi tiyak”—ay ganap na sumira sa ugnayang ito, at ganap na inilayo ang tao mula sa Diyos, nagdulot na magduda siya sa Diyos at ilayo ang kanyang sarili mula sa Diyos, at nagdulot na makaramdam siya ng labis na kahihiyan na makita siya ng Diyos. Sa pundasyong ito, lalo pang tinukso, ginawang tiwali, at winasak ng ahas ang tao. Batay sa sipi na naglalaman ng mga tagubilin ng Diyos kina Adan at Eba, ang diwa ng mga salita ng Diyos at ang Kanyang layon sa pagsasalita ay lubhang kapaki-pakinabang sa tao—ang pakikinig sa mga salita ng Diyos at pagpapasakop sa Diyos ang paninindigang dapat taglayin ng tao, at isa rin itong katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng tao magpakailanman. Minamahal, inaalagaan, pinoprotektahan, at pinahahalagahan ng Diyos ang tao magpakailanman, samantalang ang layon ni Satanas sa pagsasalita at pagkilos ay ang akitin at gawing tiwali ang tao, ang akitin ang tao na magduda at lumayo sa Diyos, at pagkatapos ay akitin ang tao na sambahin ito at magawang tiwali nito. Dahil ang nagkatawang-taong Diyos ay mayroong buhay ng Diyos at diwa ng Diyos, nagtataglay rin Siya ng partikular na pagpapamalas at prinsipyong ito ng pagiging hindi malabo sa Kanyang mga salita at kilos. Sa pamamagitan ng lahat ng Aking sermon, at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos sa inyong pang-araw-araw na buhay, tiyak na unti-unti ninyong matutuklasan na sa lahat ng katotohanang ibinibigay ng Diyos sa tao, walang anumang malabong bokabularyo na tulad ng makikita ninyo sa mga salita ni Satanas, at walang anumang malalabong pagpapahayag na tulad ng mga ginagamit ni Satanas, tama ba? (Oo.) Ang pagiging hindi malabo ay isang pagpapamalas ng pagiging totoo at katapatan ng Diyos kapag Siya ay nagsasalita at gumagawa, at isa rin itong pagpapamalas ng diwa ng Diyos. Ibig sabihin, sa Diyos, walang diwa na kauri ng kay Satanas kapag nagsasalita ito para akitin ang tao; ang diwa ng Diyos ay wala nito. Samakatwid, kahit na ang mga salita ng nagkatawang-taong Diyos ay hindi masyadong detalyado o malinaw pagdating sa ilang maliit na bagay, hinding-hindi Siya gagamit ng anumang malabong salita na katulad ng mga ginagamit ni Satanas para akitin ang tao, at hinding-hindi Siya gagamit ng isang uri ng wika, isang paraan ng pagsasalita, o isang paraan ng paggawa na nagpapalito sa iyo o nagdudulot na magkimkim ka ng mga paghihinala tungkol sa Diyos at ilayo ang iyong sarili mula sa Diyos. Sa halip, paano man magsalita ang Diyos at anuman ang sabihin Niya, ang pinakalayon na nais Niyang makamit ay ang mas mapalapit ka nang mapalapit sa Diyos, ang maunawaan mo ang mga layunin ng Diyos mula sa Kanyang mga salita, ang magkaroon ka ng mga tamang kaisipan at pananaw at isang tamang paninindigan, at ang maging mas malakas ang motibasyon mo na panindigan ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang isang aspekto ng usapin. Sa kabilang banda, layunin ng Diyos na makakuha ka ng isang layon, isang tamang direksyon sa buhay, at isang direksyon para sa pag-usad, mula sa malilinaw at tiyak na mga salitang ito. Siyempre, ang isang mas mahalaga pang punto ay na kapag mayroon kang mga tamang pananaw at paninindigan sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at itinataguyod mo ang mga katotohanang prinsipyo, makakamit mo ang proteksyon at pangangalaga ng Diyos, at kasunod nito ay ang pagkilala at pagtanggap ng Diyos. Kung gayon, hindi ba’t kayo ang mga nakikinabang? (Oo.) Ang katunayan lang na ang mga salita at kilos ng Diyos ay hindi malabo ay nagdulot na sa inyo ng gayon kalalaking pakinabang. Napagtanto na ba ninyo ito nang kaunti sa ngayon? (Oo.) Kung hindi Ko sinabi ang lahat ng ito, maaaring hindi ninyo ito matanto sa buong buhay ninyo. Mararamdaman lang ninyo, “Ang Iyong mga salita ay ang katotohanan. Ang Iyong mga salita ay medyo tumpak at obhetibo, at ang Iyong pagkaunawa sa amin ay medyo malalim,” pero malamang na hindi ninyo makikilala na ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi malabo kapag nagsasalita Siya, tama ba? (Oo.)
Ang pagiging hindi malabo ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kanyang mga salita ay may isa pang pagpapamalas, iyon ay na, sa iba’t ibang paksang ibinabahagi Ko sa inyo, kasangkot man ang mga ito sa propesyonal na gawain o buhay pagpasok, ang Aking pagbabahagi ay hindi naglalaman ng anumang kaalaman, pilosopiya, o teolohiya—ito ay ganap na walang anumang bahid ng mga bagay na ito. Kahit na may kinalaman ito sa isang aytem ng propesyonal na gawain, sa karamihan ng mga bagay na ibinabahagi Ko, ang pinakapunto ng sinasabi Ko ay pangunahing nagsasabi sa inyo kung paano aarukin ang mga nauugnay na katotohanang prinsipyo, at kung paano tamang ilalapat ang propesyonal na kaalaman at mga kasanayan sa larangang ito, upang mas mapatotohanan ninyo ang Diyos at magampanan ang inyong tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Hindi Ako nagkikintal ng kaalaman sa inyo. Minsan ay nagbabahagi Ako ng kaunting sentido komun sa inyo, tulad ng sentido komun para makaiwas sa sipon: Tiyaking manatiling mainit ang katawan sa taglamig. Huwag ginawin. Kapag bukas ang bintana, huwag umupo malapit dito, upang maiwasang maupo sa daanan ng hangin. Ang lahat ng ito ay sentido komun. Ano ang tinutukoy ng sentido komun? (Ilang karanasan sa buhay na dapat malaman ng isang tao sa kanyang pang-araw-araw na buhay.) Ito ay karanasan sa buhay at kabatiran tungkol sa kung paano mapapanatili ang kalusugan ng isang tao, tama ba? (Oo.) Hindi Ako nagkikintal ng panlipunang kaalaman o teolohikong kaalaman sa inyo. Bakit hindi Ko ikinikintal ang mga bagay na ito sa inyo? (Ang mga bagay na ito ay walang pakinabang sa amin.) Sinasagot lang niyan ang isang bahagi nito. Ano pa? (Ang panlipunang kaalaman ay kay Satanas; hindi ikikintal ng Diyos ang mga bagay na ito sa amin para ilihis kami.) Sabihin ninyo sa Akin, nagtataglay ba Ako ng anumang bagay na kay Satanas? (Wala.) Ano ba ang tinatalakay Ko kapag nagbabahagi at nakikipag-usap Ako sa inyo? (Pawang mga positibong bagay ito, at pawang ang katotohanan ito.) Ang kaalaman, pilosopiya, lohika, pangangatwiran, at teolohiya ni Satanas—hindi Ko kailanman sinusubukang matutunan ang mga bagay na ito, at hindi ninyo mahahanap ang mga ito sa Akin. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit hindi Mo subukang matuto nang kaunti?” Talagang hindi Ko iyon libangan. Hindi Ko gusto ang mga bagay na iyon. Nakakaramdam Ako ng pagkasuklam at pagkasuya kapag naririnig Ko ang mga tao na nag-uusap tungkol sa teolohiya. Ang teolohiya ay pawang mga doktrina at teoryang tila totoo pero hindi naman; hindi ito praktikal, tama ba? Kabisadong-kabisado ng ilang tao ang Bibliya, at palagi nilang pinag-aaralan ang mga aklat ng mga propeta, at mga aklat ng propesiya—kung ano ang ipinopropesiya sa isang partikular na kabanata at talata, kung paano ito matutupad, at kung ano ang mga misteryo sa loob nito. Hindi Ko kailanman pinag-aaralan ang mga bagay na ito, at hindi Ko kailangang maglaan ng pagsisikap sa pag-aaral ng mga ito. Likas Kong hindi gusto ang mga bagay na ito. Kapag nakakaharap Ako ng mga bagay sa pang-araw-araw na buhay, pinagbubulayan Ko lang kung paano kikilos nang naaangkop, kung paano kikilos upang malutas ang mga isyung ito, at kung ano ang pinakamabuting paraan para lutasin ang mga ito. Kapag nakakaharap ng mga bagay ang maraming tao, nagrereklamo sila, nakakaramdam ng pagsisisi, o nalilito, o naglilitanya sila ng matatayog na doktrina at sumisigaw ng mga islogan. Kapag nakakaharap Ako ng mga bagay, mahinahon Kong pinagbubulayan ang naaangkop na paraan para lutasin ang mga ito; ang pinagbubulayan Ko ay mga solusyon. Samakatwid, kapag nagsasalita at nagbabahagi Ako sa inyo, gusto Kong magsalita tungkol sa mga tunay na bagay, tungkol sa mga bagay na lumilitaw kapag ginagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin, at maging tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay, tulad ng ilang partikular na tao, pangyayari, at bagay, mga pangunahing pangangailangan, at iba pa. Nagsasalita lang Ako tungkol sa mga tunay na bagay. Hindi Ako nagbibigay ng mga talumpating maganda lang pakinggan na puno ng hungkag na salita. Kapag nakagugol na kayo ng mahabang panahon nang kasama Ako, makikita ninyo na Ako ay lubhang seryoso at taimtim tungkol sa mga tunay na bagay at mga tunay na problema sa buhay. Ganyan lang Akong klaseng tao. Hindi Ako malabo tungkol sa anumang bagay—sa partikular, kapag may kinalaman ito sa paggampan ninyo ng tungkulin o ang inyong buhay pagpasok, lalo pang ganito ang kaso, tama ba? (Oo.) Sinasaklaw niyan ang isang aspekto ng pagiging hindi malabo.
Ang pagiging hindi malabo ng Diyos na nagkatawang-tao ay nauukol din sa paksa ng hindi panunukso ng Diyos sa tao. Ang pagiging hindi malabo ng Diyos ay nangangahulugang napakalinaw ng paraan ng Aking pagsasalita at paggawa. Tinatawag Ko ang isang bagay kung ano talaga ito; hindi Ako gumagamit ng anumang mga salitang tila totoo pero hindi naman, o wala Akong anumang mga paraan ng paggawa ng mga bagay na tila totoo pero hindi naman. Kahit na may ilang bagay na hindi maaaring madaliin ang kongklusyon sa panahong iyon, sasabihin Ko sa inyo, “Pagmasdan muna natin ang taong ito nang ilang panahon. Maghintay muna tayo nang kaunti sa usaping ito. Sa ngayon, ang tanging magagawa natin ay kung ano ang posibleng magawa ng tao. Para sa susunod na hakbang, tingnan natin kung saang direksyon tutungo ang mga bagay-bagay. Maaari tayong unti-unting bumuo ng mga plano at magtakda ng mga layon batay sa direksyon kung saan patungo ang mga bagay-bagay.” Gaya ng nakikita ninyo, ipapaliwanag Ko nang malinaw ang mga bagay-bagay sa inyo, at malinaw Kong sasabihin ang mga kasalukuyang prinsipyo at kung paano ninyo dapat iayon ang inyong mga kilos. Hinding-hindi Ako gagamit ng mga salitang tila totoo pero hindi naman para iparamdam sa inyo na hindi ninyo alam kung ano ang gagawin o hindi ninyo alam kung paano pangasiwaan ang ilang partikular na bagay. Kahit kapag inilalarawan ang ilang tao, nagbabahagi Ako batay sa ilang espesyal na bagay na ginawa nila at batay sa iba’t iba nilang pagpapamalas, upang tulungan kayong malinaw na makilala ang diwa ng ganitong uri ng tao, at malaman ninyo kung paano sila tratuhin. Tama ba? (Oo.) Ibig sabihin, hindi Ko kailanman inihahalo ang mga personal na damdamin o mga pribadong hinaing sa paraan ng Aking pangangasiwa sa mga usapin. Kahit kapag pinangangasiwaan ang ilang tao, kung hindi malinaw sa inyo ang diwa ng ganitong uri ng tao, partikular Akong magbabahagi tungkol dito, malinaw Kong ipapaliwanag sa inyo ang mga problemang mayroon sila, at pagkatapos ay gagamitin Ko ang katotohanan para tukuyin kung saan sila nabibilang at himayin ang kanilang diwa, tinutulungan kayong magkaroon ng kalinawan kung bakit ganito sila pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos, kung bakit ganito ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagtrato sa ganitong uri ng tao, at kung bakit ganoon ang resulta ng pangangasiwa sa kanila. Kahit na hindi aminin ng ilang tao ang kanilang mga kasalanan o hindi sila magsisi pagkatapos pangasiwaan, at hindi nila alam kung bakit sila tinanggal o pinatalsik, o kung bakit sila pinaalis, ito ay dahil lamang sa hindi nila pagkakilala sa kanilang sarili at kawalan nila ng pagsisisi. Gayumpaman, tungkol sa kung bakit sila pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos at kung bakit ganoon ang resulta ng pangangasiwa sa kanila, kailangan nating ilatag ang mga isyu nang hayagan upang malaman ninyo ang mga detalye ng mga isyung ito, kung anong mga problema mayroon ang mga taong ito, kung ano ang mga dahilan ng sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa sa kanila, at kung ano ang batayan para sa pangangasiwa sa kanila. Sa madaling salita, sa lahat ng salitang ibinahagi Ko sa inyo mula sa simula hanggang ngayon, bukod sa bahaging sinabi sa wika ng pagka-Diyos, kung saan hindi alam ng mga tao kung ano ang sinasabi, hindi sila makatalos, at mangmang sila tungkol sa katotohanan sa loob nito, pagdating sa anumang isyung may kinalaman sa inyong buhay pagpasok—maging ito man ay paglalantad sa disposisyon ng anticristo ng tao o paglalantad sa iba’t ibang pagpapamalas at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng tao—palagi Kong tinutukoy at ipinapaliwanag ang mga bagay na ito nang partikular na malinaw at tumpak, tinutulungan kayong malaman kung anong mga bagay ang positibo, kung anong mga bagay ang negatibo, kung ano ang dapat ninyong itaguyod, at kung ano ang dapat ninyong itama, paghimagsikan, at tanggihan. Sa madaling salita, ang Aking palagiang prinsipyo para sa pagsasalita ay ang malinaw na ibahagi ang katotohanan, ang mga layunin ng Diyos, ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos sa tao, at ang iba’t ibang aspekto ng mga prinsipyo ng pagsasagawa na dapat sundin ng tao, upang mabigyan kayo ng isang tumpak na layon, tumpak na direksyon, at mga tumpak na prinsipyo ng pagsasagawa at landas ng pagsasagawa. Bukod pa rito, habang kinakausap kayo, malinaw Ko ring ibinabahagi ang panghuling kalalabasan at katapusan para sa mga taong hindi sumusunod sa iba’t ibang prinsipyo; sa partikular, tahasan Kong sinasabi sa inyo kung paano tinutukoy ang katangian ng iba’t ibang problemang makikita sa lahat. Halimbawa, ang ilang tao ay pabasta-basta sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, hindi naghahangad ng katotohanan, at hindi kailanman nagkakaroon ng buhay pagpasok, sa kanila ay sinasabi Ko, “Inilarawan na ang katangian ng paggampan mo ng tungkulin: Nagtatrabaho ka. Kung ipagpapatuloy mo ang pananampalataya sa ganitong paraan hanggang sa kadulu-duluhan, magiging imposible para sa iyo na magtamo ng kaligtasan. Dapat kang maghangad ng katotohanan, magkaroon ng buhay pagpasok, magwaksi ng kalagayang ito ng pagiging isang trabahador, at magsikap na tumahak sa landas ng kaligtasan. Ang layunin ng paggampan ng iyong tungkulin ay ang magtamo ng kaligtasan, hindi ang magsikap o magtrabaho.” Nakikita mo, hindi ba’t napakalinaw nito? (Oo.) Malinaw nitong ipinapaalam sa iyo kung ano ang mga kahihinatnan ng hindi pagsasagawa ng katotohanan at hindi pagkakaroon ng buhay pagpasok. Dagdag pa rito, anumang aspekto ng katotohanan ang ibahagi Ko, hindi Ko ito ibinabahagi mula sa iisang anggulo o iisang perspektiba lang, kundi mula sa maraming anggulo at perspektiba, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at nagbibigay ng maraming halimbawa. Nagsisikap Akong bigyang-kakayahan kayong maunawaan ang mga kasalukuyang katotohanang prinsipyo, sa halip na ipaunawa lang sa inyo ang ilang aspekto ng doktrina o mga regulasyon, o ituro sa inyo ang ilang aspekto ng kaalaman sa isang simpleng paraan. Mula nang unang makipag-ugnayan ang Diyos sa sangkatauhan at ibigay ang Kanyang unang tagubilin sa tao hanggang ngayon, nanatiling hindi nagbabago ang prinsipyo ng Diyos para sa pagsasalita. Nagsasalita at gumagawa man ang Diyos bilang ang Espiritu o nagsasalita at gumagawa sa katawang-tao, palagi Niyang sinusunod ang prinsipyong ito: ang magsalita nang malinaw at mahigpit. Mula sa perspektiba ng tao, ang mga sinasabi at ibinibigay Niya sa tao ay pawang mga tagubilin, at siyempre, mga panustos din ang mga ito. Ibig sabihin, bilang mga nilikhang tao, dapat na mahigpit na isaisip ng mga tao ang bawat salitang sinasabi ng Diyos, at mahigpit na sundin ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay, lalo na pagdating sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, sa halip na tratuhin ang mga salita ng Diyos bilang isang pangkat ng mga teolohikong teorya. Ang bawat salitang sinasabi ng Diyos at ang bawat aspekto ng katotohanang ibinibigay ng Diyos sa tao ay naglalayong mag-akay sa tao sa tamang landas, at bigyan ang tao ng isang malinaw na layon at direksyon. Kung susundin ng tao ang mga ito, magiging isa siyang nilikhang tao na pasok sa pamantayan at kinikilala ng Diyos.
Mayroon pa bang anumang iba pang isyu patungkol sa aspektong ito ng pagiging hindi malabo? Ano pa ang naiisip ninyo? Dati, sa mainland China, bago opisyal na nagsimula ang yugtong ito ng gawain, kapag natuklasan ng ilang tinatawag na lider na may nakibahagi sa seksuwal na imoralidad, pag-iinitan nila ito nang matindi. Paluluhurin nila sa sahig ang taong nasasangkot at pagtatapatin ng kanyang mga kasalanan, at pakikinggan ng mga lider na iyon ang lahat ng sinasabi niya. Aakto silang parang Diyos, nakikinig sa ordinaryong mananampalatayang ito na nagtatapat ng kanyang mga kasalanan, at kapag nakarinig sila ng mga bahaging hindi naipaliwanag nang sapat na malinaw, manghihingi pa sila ng mga detalye. Sa totoo lang, hindi kinakailangang gawin iyon—hangga’t nagtatapat ang indibidwal ng kanyang mga kasalanan, nagsisisi, at hindi na muling gagawa ng mga ito, dapat ay sapat na iyon. Nagtatapat ang mga tao ng kanilang mga kasalanan sa Diyos, hindi sa tao. Hindi dapat kumilos ang mga tao bilang mga hukom, lalong hindi nila dapat subukang katawanin ang Diyos. Pero partikular na hihingin ng mga tinatawag na lider na ito ang mga detalye ng mga kasalanan ng tao, nagdudulot sa iba na makaramdam ng pagkasuklam at pagkailang sa pakikinig lang dito. Hindi sila titigil hangga’t hindi nila nainteroga ang tao hanggang sa punto ng matinding kahihiyan. Ano ang nararamdaman ninyo pagkarinig nito? (Nakakaramdam kami ng matinding pagkasuklam.) Ang gayong mga lider ay mga huwad na lider, at taglay nila ang diwa ng masasamang tao. Gusto pa nga nilang kumilos bilang mga hukom at duminig ng mga kaso; talagang wala silang anumang kahihiyan! Kapag gumawa ng mga kasalanan ang mga ordinaryong mananampalataya, lalo na ang kasalanan ng seksuwal na imoralidad, nagiging partikular na interesado ang mga lider na ito, nagtatanong ng mga detalyadong tanong at nanghihingi ng mga detalye. Hindi nila kailanman pinangasiwaan ang gawain ng iglesia sa ganitong paraan, pero kapag nakatuklas sila ng mga isyu ng seksuwal na imoralidad, nagiging pambihira ang pagkahumaling nila at nagiging labis silang seryoso, iniinteroga ang taong nagkasala nang labis-labis na hinihiling na lang nitong lamunin na siya ng lupa. Pakiramdam pa nga nila ay sineseryoso nila ang mga bagay-bagay at hindi sila nagiging malabo, at pakiramdam nila ay may kakayahan silang gumawa ng tunay na gawain. Hindi ba’t masyado itong baligho? Iniisip ng ilang tao na dahil mayroon silang katayuan, maaari nilang katawanin ang Diyos, kaya sinasamantala nila ang kanilang katayuan para gumawa ng ilang partikular na bagay. Dahil walang gaanong pagkilatis ang mga ordinaryong mananampalataya, hindi alam ang tama sa mali, at hindi alam kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, susundin nila ang anumang ipagawa sa kanila ng mga tinatawag na lider na iyon, iniisip na ang hindi pagsunod sa mga lider ay magiging paghihimagsik laban sa Diyos. Kahit kapag iniinteroga hanggang sa punto ng matinding kahihiyan, hindi sila nagreklamo, naniniwala pa nga na nagpapasakop sila sa Diyos at nagiging matapat at prangka sa Diyos. Naisip ng mga tinatawag na lider na iyon, “Nangyari ang isang napakalaking bagay—hindi tayo maaaring maging malabo sa pagtrato rito. Nakibahagi ka sa seksuwal na imoralidad; dapat malantad ang lahat ng detalye. Dapat mong ipagtapat ang iyong mga kasalanan sa lahat!” Sa huli, matindi nilang iinterogahin ang tao hanggang sa siya ay labis na mapahiya at masaktan, hanggang sa punto na ayaw na nga niyang mabuhay pa. Ano ang tingin ninyo sa gawaing ginawa nila? (Hindi ito ginawa nang maayos.) Nakita ba ninyo Akong gumagawa ng gayong mga bagay kailanman? Kapag nakikisalamuha Ako sa inyo, sinubukan Ko na bang alamin ang tungkol sa inyong mga pribadong usapin? (Hindi kailanman.) Sabihin ninyo sa Akin, gusto Ko bang malaman ang tungkol sa inyong mga pribadong usapin o kung anong masasamang gawa ang ginawa ninyo nang palihim? Ayaw Kong malaman ang tungkol sa mga bagay na ito. Kapag sinasabi Kong ayaw Kong malaman ang tungkol sa mga ito, nagkukunwari ba Ako, o wala Akong anumang mga pagkakataon para malaman ang tungkol sa mga bagay na ito? (Wala sa dalawa; ayaw malaman ng Diyos ang tungkol sa mga ito.) Ayaw Kong malaman ang tungkol sa mga ito dahil hindi Ako interesado sa mga ito, at dahil hindi Ko kailangang malaman ang tungkol sa mga ito. Kung mayroon kayong anumang mga problema, kayo mismo ay dapat magdasal sa Diyos o maghanap sa katotohanan para lutasin ang mga ito; ito ang pinakamabuti. Sa sandaling maging mga lider ang ilang tao, gusto nilang samantalahin ang kanilang katayuan para gawin ang mga bagay na gustong gawin ng mga taong may katayuan, sinusubukang alamin ang mga kaisipan at mga pribadong usapin ng mga tao. Hindi nila ginagawa ang anuman sa mga tunay na gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa, gayumpaman ay lubos silang seryoso sa pangingialam sa mga pribadong usapin ng mga tao. Iniisip pa nga nila na nakukuha nila ang loob ng lahat sa paggawa ng gawain sa ganitong paraan; nakakaramdam sila ng labis na karangalan. Mayroon bang anumang katwiran ang gayong mga tao? Ganap silang walang katwiran, at wala silang anumang pagkatao.
Mula sa mga salita at gawain ng Diyos, matatanto ng lahat ang katunayan na ang Diyos ay hindi malabo. Kung taimtim mong pinapahalagahan ang bawat pangungusap na sinasabi ng Diyos at ang bawat pagkakataon ng Kanyang pagsasalita, at taimtim mong pinapahalagahan at dinaranas ang gawain ng Diyos sa iyo, mas maniniwala ka na ang Diyos ay tapat, at na ang Kanyang gawain at mga salita ay naglalaman ng Kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa tao. Ang pagtustos ng Diyos ng buhay sa tao ay hindi kailanman naglihis sa tao. Ibig sabihin, hindi kailanman nagbigay ang Diyos sa tao ng maling gabay o maling mga pagpapakita, ni hindi Siya kailanman gumawa ng mga maling pahayag, lalong hindi ng mga pahayag na tila totoo pero hindi naman na nagpapalito sa tao. Sa halip, anuman ang nilalaman o anumang aspekto ng katotohanan ang may kinalaman dito, walang-sawa Niyang tinutustusan ang tao ng mga positibo at tamang pahayag. Kahit kapag may kinalaman ito sa nilalaman patungkol sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, magbabahagi Ako ng kaunting sentido komun tungkol sa buhay, humuhugot mula sa Aking personal na karanasan. Sa partikular, kapag ginagabayan Ko ang ilang kabataan, sasabihin Ko sa kanila ang kaunting sentido komun para sa pamumuhay upang maiwasan nilang tahakin ang mga hindi kinakailangang paglihis, at hindi sila gumamit ng mga maling paraan ng pamumuhay o bumuo ng mga maling gawi sa pamumuhay. Samakatwid, pagdating man sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan o sa pang-araw-araw na buhay, ang Diyos na nagkatawang-tao ay ganap na naglilingkod para tustusan kayo, suportahan kayo, at tulungan kayo. Pagdating sa paggawa ng gawain at pagbabahagi tungkol sa katotohanan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang gawaing ginagawa Niya at ang mga salitang sinasabi Niya ay karapat-dapat na sundin ninyo, at na sumunod at magpasakop kayo sa mga ito nang ganap at walang pag-aalinlangan. Ito ay dahil ang mga salitang ito ay nagmumula sa buhay ng Diyos at sa diwa ng Diyos—ginagabayan kayo ng mga ito patungo sa landas ng kaligtasan, at ang mga ito ay mga salitang gumagabay sa inyo na bumaling sa Diyos. Hindi mo kailangang isapuso ang ilan sa mga salitang sinasabi Ko sa pang-araw-araw na buhay, pero para sa Akin mismo, ang motibo Ko ay ganap na hindi ang manakit ng sinuman. Kahit na hindi Ko masyadong gusto ang iyong personalidad, ang iyong disposisyon, ang iyong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, o ang ilang aspekto mo, hinding-hindi kita sasaktan, ni hindi Ako kailanman gagawa ng anumang bagay para tuksuhin ka tulad ng ginawa ng ahas. Hindi kita tutuksuhin na tumahak sa isang landas na mali o masama, ni hindi kita tutuksuhin na mapariwara, gumawa ng mga kasalanan, o gumawa ng mga bagay na lumalaban sa Diyos; hinding-hindi Ko ito gagawin. Kahit na mayroong isang bagay tungkol sa iyo na hindi Ko masyadong gusto o na hindi masyadong kaayon ng Aking personalidad, at kahit na hindi Ako makikisama o makikisalamuha sa iyo sa pang-araw-araw na buhay, dahil sa Aking pagkakakilanlan, ganap na tatratuhin kita nang tama. Kung naghahanap ka ng isang bagay na may kinalaman sa katotohanan o buhay pagpasok, ganap Kong sasabihin sa iyo ang landas ng pagsasagawa sa isang paraan na malinaw at hindi malabo. Isang bagay ang tiyak: Kahit na hindi kita gusto, hindi kita ililihis. Tatratuhin kita sa tamang paraan. Kung handa kang hangarin ang katotohanan at handa kang tumahak sa landas ng kaligtasan, magbabahagi Ako sa iyo tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa na dapat mong sundin; ito ay tiyak.
Ang paksa ng hindi panunukso ng Diyos sa tao ay may kinalaman din sa pagtrato ng mga tao sa Diyos na nagkatawang-tao, tama ba? (Oo.) Dahil ang mga pagbubunyag na ito ng mga tiwaling disposisyon—ang panunulsol sa mga tao, pang-uudyok sa mga tao, pagsubok na manlinlang upang makakuha ng impormasyon mula sa mga tao, at pagsasalita nang hindi malinaw at malabo—ay napakakaraniwan sa tao, at ang mga ito ay pawang mga pagbubunyag ng tiwaling diwa ng sangkatauhan, tinatrato ng tao ang Diyos na nagkatawang-tao gamit ang parehong mga pamamaraan, perspektiba, at pananaw na ito. Kung gayon, kinakailangan na malaman ng tao ang mga aspektong ito, at kinakailangan ding malinaw na ipaliwanag sa tao ang mga pagpapamalas na ito na ipinapakita ng Diyos na nagkatawang-tao: ang hindi panunulsol sa tao, hindi pang-uudyok sa tao, hindi panlilinlang upang makakuha ng impormasyon mula sa tao, at pagiging hindi malabo. Pagkatapos maunawaan ang mga bagay na ito, makikilala ng tao ang Diyos na nagkatawang-tao nang may bagong pananaw. Sa isang banda, maaari nitong bigyang-kakayahan ang tao na magkaroon ng higit na kaalaman tungkol sa mga aspekto ng Diyos na nagkatawang-tao na may kinalaman sa diwa ng Diyos, tinutulutan siyang mas makilala at maunawaan ang Diyos sa langit. Sa kabilang banda, maaari din nitong pigilan ang mga tao na tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao sa paraan ng pagtrato nila sa ibang mga tiwaling tao. Ang pagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito ay lubos na makatutulong sa tao na tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao sa tamang paraan, at lubos din itong makatutulong sa kanya na itama ang kanyang saloobin sa Diyos, tinutulutan siyang tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao gamit ang mga tamang saloobin at pamamaraan. Sa katulad na paraan, ang pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao sa tamang paraan ay makatutulong din sa tao na tratuhin ang Lumikha sa tamang paraan. Ibig sabihin, kung gusto mong tratuhin ang Lumikha gamit ang tamang saloobin at mga tamang pamamaraan, at kung gusto mong magtatag ng isang normal na ugnayan sa Lumikha bilang isang nilikha, at tratuhin ang Lumikha nang may tamang saloobin ng isang nilikha, dapat mo munang tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao gamit ang tamang saloobin at mga pamamaraan. Sa sandaling tratuhin mo ang Diyos na nagkatawang-tao gamit ang tamang saloobin at mga pamamaraan, magkakaroon ka ng pagkakataon o ng mga pangunahing paraan para tratuhin ang Lumikha sa tamang paraan. Samakatwid, kung paano tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao ay isang balakid na hindi maiiwasan ng tao. Kung gusto mong maayos na malampasan ang balakid na ito ng pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao nang tama, dapat mong malaman ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao, malaman ang pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, at malaman at maunawaan kung ano mismo ang buhay diwa, ang pagsasabuhay ng Kanyang buhay, at ang mga pagpapamalas ng buhay ng Diyos na nagkatawang-tao. Kapag nalaman at naunawaan mo ang mga bagay na ito, saka ka magkakaroon ng pagkakataon at mga paraan para tratuhin ang Diyos na nagkatawang-tao nang tama. Isa itong balakid na dapat malampasan ng tao sa pananampalataya at pagsunod sa Diyos kung gusto niyang magpasakop at sumamba sa Diyos. Kung malalampasan mo ang balakid na ito, magkakaroon ka ng pag-asa na maging isang nilikha na pasok sa pamantayan sa paningin ng Diyos, at pag-asa na maging isang taong tinatanggap ng Diyos.
Bukod sa ilang paksang pinagbahaginan natin ngayon lang, may isa pang paksa na kailangan ninyong maunawaan, at iyon ay kung paano mismo tinatrato ng nagkatawang-taong Diyos ang katayuan. Isa itong napakahalagang paksa para sa sangkatauhan, isang hindi maiiwasang paksa sa karanasan sa buhay. Direkta itong may kinalaman sa aktuwal na mentalidad sa espirituwal na buhay ng tao, na may kinalaman sa lahat ng aspekto ng kanyang buhay. Samakatwid, kinakailangan ding magbahagi sa inyo tungkol sa saloobin at mga prinsipyo ng nagkatawang-taong Diyos patungkol sa isyu ng Kanyang pagtrato sa katayuan. Sa gitna ng sangkatauhan, ang katayuan ay matatawag na isang isyu na hindi maiiwasan ng mga tao sa buong buhay nila, at isa rin itong bagay na hinahangad ng karamihan sa mga tao. Pagdating sa katayuan, sumasakop ito ng isang partikular na lugar at may dala itong partikular na bigat sa puso ng lahat. Para sa lahat, ang pagkakaroon ng katayuan ay isang simbolo ng marangal na posisyon, gayundin ng antas at kapangyarihan sa lipunan. Sa pamamagitan ng katayuan, matatamasa ng tao ang karangalan at nakatataas na pamumuhay na hatid nito, gayundin ang iba’t ibang benepisyo at kapangyarihang ibinibigay nito; samakatwid, ang katayuan ay napakahalaga sa lahat. Pero gaano man pinahahalagahan ng sangkatauhan ang katayuan, o gaano man kahalaga ang katayuan sa sangkatauhan, pareho ba ang pananaw rito ng nagkatawang-taong Diyos? (Hindi.) Tiyak na hindi. Napakahalaga ng katayuan sa sangkatauhan, pero para sa nagkatawang-taong Diyos, sa ordinaryong taong ito—ibig sabihin, para sa Akin nang personal—wala Akong anumang konsepto ng katayuan, ni wala Akong anumang pagnanais na hangarin ito. Siyempre, wala nang kuwestyon sa pagkakaroon Ko ng anumang mga kaisipan o kamalayan tungkol dito—wala sa Akin ang alinman sa mga bagay na ito. Wala Ako ng gayong mga damdamin mula pa noong isilang Ako; ibig sabihin, mula pa noong nasa edad na Ako para makaalala at makaunawa kung paano gumagana ang mga bagay-bagay, wala na Akong ganitong kamalayan. Maging ito man ay katayuan sa pamilya, katayuan sa paaralan, o ang Aking posisyon at halaga sa mga tao, wala sa Aking puso ang mga bagay na ito; sadyang wala Akong ganitong kamalayan. Paano ipinapakita ang kawalang ito ng kamalayan? Hindi Ko kailanman naiisip na makipag-kompetensiya sa iba, at hindi Ko kailanman iniisip ang ideya ng pakikipagkompetensiya para sa katayuan sa sinuman. Kapag may sumusubok na makipagkompetensiya sa Akin, sinasabi Ko, “Para saan ba ang pakikipagkompetensiya mo? Ano ang silbi ng paggawa nito?” Habang unti-unti Akong tumatanda, natutunan Ko kung paano tingnan ang mga tao at mga bagay nang mas malinaw. Sa proseso ng pagdanas at pagharap sa lahat ng uri ng tao at bagay, nalaman Ko na gustong-gusto ng lahat ng tao na makipagkompetensiya sa isa’t isa. Ang pinagkokompetensiyahan ng mga tao ay katayuan, kapangyarihan, prestihiyo, at mga interes; nakikipagkompetensiya ang mga tao para sa mga bagay na ito. Noong bata pa Ako, wala Akong konsepto ng pakikipagkompetensiya para sa mga bagay na ito. Pagkatapos lumaki, nagkaroon lang Ako ng kakayahang kilatisin ang gayong pakikipagkompetensiya, at naunawaan Ko lang kung bakit nakikipagkompetensiya sa Akin ang mga tao, pero wala pa rin Akong pagnanais na makipagkompetensiya sa sinuman. Anong mga pagpapamalas ng hindi pakikipagkompetensiya sa mga tao ang ipinapakita Ko? Kapag sinusubukan ng iba na makipagkompetensiya sa Akin, iniisip Ko, “Kung makukuha mo ang gusto mo mula sa pakikipagkompetensiya sa Akin, nadaig mo Ako; kung hindi mo kaya, nadaig kita, pero hindi Ko nararamdaman na mas dakila Ako kaysa sa iyo. Kahit pa daigin kita, hindi kita aapihin o pahihirapan; wala Akong makukuhang anumang pakinabang dito, ni hindi Ko mararamdaman na mas marangal Ako kaysa sa iyo.” Tingnan mo, ito lang ang uri ng mentalidad, ang uri ng karaniwang kalagayan, na mayroon Ako; ganito ang Aking kamalayan at konsepto ng katayuan. Ganoon din pagkatapos Kong pumunta sa iglesia. Dahil napakamasigasig Ko noong una Akong maging isang ordinaryong mananampalataya, at pinahalagahan Ako ng mga nakatataas na lider, nainggit sa Akin ang ilang tao. Naisip Ko, “Ano ba ang dapat ikainggit? Kung ganoon ka rin kasigasig at nagbabayad ka rin ng halaga, nag-aaral ng mas maraming himno, mas nagdarasal, mas nakikibahagi sa buhay iglesia, at mas tumutulong sa mga kapatid, hindi ba’t pahahalagahan ka rin ng mga nakatataas na lider?” Sa ilalim ng mga sitwasyong iyon, hindi Ko naramdaman na ang mapahalagahan ay anumang uri ng karangalan, isang simbolo ng pagkakaroon ng katayuan, o ng pagtatamo ng isang uri ng mataas na pagkakakilanlan; hindi Ko naramdaman ang anuman sa mga ito. Kalaunan, unti-unti, naging lalong espesyal ang Aking katayuan, at pataas nang pataas ito. Nang magsimula Akong pormal na gumawa, hindi Ko pa rin naramdaman na ganoon kataas ang Aking katayuan, o na mas marangal Ako kaysa sa iba o naiiba sa iba. Sa personal na pananaw, wala sa Akin mismo ang kamalayang ito, pero ang paraan ng pagtingin at pagtrato sa Akin ng ilang tao ay naiiba kaysa noon. Saka Ko lang napagtanto na ganito ang pakiramdam ng mamuhay sa gitna ng mga tao pagkatapos magkamit ng katayuan. Nang magkaroon Ako ng katayuan at magsimulang gumawa, naging iba ang paraan ng pagtingin sa Akin ng mga tao, naging iba ang saloobin nila kapag nakikipag-usap sa Akin, at naging iba ang pagpili nila ng mga salita, tono, at bawat iba pang aspekto. Hindi Ako nagbago bilang isang tao. Ganoon pa rin ang hitsura Ko, at hindi nagbago ang Aking personalidad, ang Aking mga gawi sa pamumuhay, at ang Aking paraan ng pagsasalita. Kaya bakit naiiba ang saloobin ng mga tao sa Akin? Epekto ito ng pagnanais ng tao sa katayuan. Pinahahalagahan ng lahat ng tao ang katayuan; sa sandaling nagkaroon Ako ng katayuan, nagbago ang saloobin ng mga tao sa Akin. Katayuan ang gusto ng mga tao, hindi Ako—dahil hindi Ako nagbago. Ang tanging bagay na nagbago ay ang Aking posisyon. Mula sa pagiging isang ordinaryong mananampalataya na nakikinig sa mga sermon ay naging isang tao Ako na nangangaral mula sa pulpito, at naiba ang saloobin ng mga tao sa Akin. Nang maiba ang saloobin ng mga tao sa Akin, saka Ko lang napagtanto na mayroon Akong katayuan. Mas magalang na nakikipag-usap sa Akin ang mga tao at tinawag nila Ako gamit ang magagalang na titulo. Kapag nakaupo Ako roon at nagsasalita, may magsasalin ng tubig para sa Akin; kapag oras na para kumain, may maghahain sa Akin ng pagkain at kukuha ng mga chopstick para sa Akin. Saka Ko lang napansin na tinatrato Ako ng mga tao nang ganito dahil lang sa mayroon Akong katayuan. Gayumpaman, para sa Akin, hindi Ko pa rin naramdaman na “ang pagkakaroon ng katayuan ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kapangyarihan; ang pagkakaroon ng katayuan ay lumilikha ng distansya sa pagitan ng sarili at ng iba, nagbibigay sa isang tao ng pangingibabaw, at tinutulutan na masunod ang gusto ng isang tao, ginagawa ang anumang gusto niya.” Wala Akong ganitong kamalayan, ni hindi Ko naramdaman ang ganito. Samakatwid, noong isa Akong ordinaryong mananampalataya, kaya Kong makisalamuha nang normal sa mga tao, at nang magkaroon Ako ng katayuan, hindi nagbago ang Aking paraan ng pakikisalamuha sa mga tao; kaya Ko pa ring makisama nang normal sa kanila.
Ang pagkakaroon ng katayuan ay sumisimbolo sa pagkakaroon ng kapangyarihan, pero hindi Ko kailanman ginamit ang kapangyarihan para supilin ang sinuman o ginamit ang Aking katayuan para sermunan ang sinuman. Hindi Ko rin kailanman naramdaman na dahil mayroon Akong katayuan, Ako ang masusunod sa lahat ng bagay, at maaari Kong samantalahin ang Aking katayuan at gamitin ang kapangyarihang hawak Ko para gawin ang mga bagay na gusto Kong gawin. Hindi Ako kailanman nagkaroon ng gayong mga kaisipan, at hindi Ako kailanman kumilos nang ganito. Sumusunod pa rin Ako sa mga atas administratibo ng iglesia, sa mga panuntunan ng iglesia, at sa mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia. Wala Akong kamalayan sa katayuan, ni anumang kamalayan sa paggamit ng kapangyarihan para gumawa ng isang bagay o para maghanap ng ilang pakinabang para sa Aking sarili. Hindi Ko kailanman sinabi ang gayong mga bagay, ni hindi Ko kailanman ginawa ang gayong mga bagay. Ipagpalagay nang may lumapit sa Akin at nagsabing nahihirapan siya sa paggampan ng kanyang tungkulin, at nagtanong kung maaari Ko siyang ilipat sa ibang tungkulin. Ano ang karaniwang sasabihin ng isang taong may kapangyarihan? “Ang kailangangan ko lang gawin ay sabihin ang salita, hindi ba? Ako ang masusunod dito!” Isa itong bukambibig na madalas gamitin ng mga tiwaling tao, pero hindi Ako kailanman nagsabi ng anumang tulad nito. Sinasabi Ko, “Nahihirapan ka sa paggampan ng tungkuling ito, kaya kailangan Kong magtanong tungkol sa partikular na sitwasyon. Karaniwang binabago ng iglesia ang pagkakatalaga ng tungkulin ng mga tao batay sa mga prinsipyo at batay sa mga kondisyon ng indibidwal. Kailangan Kong pumunta sa mga lider at manggagawa para alamin ito at lutasin ito.” Ano ang mga prinsipyo Ko patungkol sa usaping ito? Ano ang mga isinasaalang-alang Ko? Ipinapaalam nila ang usaping ito sa Akin, at narinig Ko lang kung ano ang sinasabi nila, at hindi Ko alam kung ano ang ginawa nila o kung anong mga pagpapamalas ang mayroon sila sa pribado; hindi puwedeng basta Ko na lang paniwalaan ang sinasabi nila. Kahit pa mayroon silang magandang ugnayan sa Akin o hindi sila kailanman nagkakasala sa Akin, hindi Ko maaaring basta-basta isaayos ang tungkulin nila nang Ako lang para ipakitang-gilas ang Aking kapangyarihan. Kailangan Kong tanungin ang mga lider ng iglesia kung paano sila karaniwang umaasal, kung angkop bang isaayos na gawin nila ang tungkuling ito, kung mayroon bang anumang isinaalang-alang ang mga lider, at kung batay ba ito sa mga prinsipyo. Kung batay ito sa mga prinsipyo, hindi maaaring basta-basta baguhin ang tungkulin nila, tama ba? (Oo.) Hinding-hindi Ko sasabihin, “Ang kailangan Ko lang gawin ay sabihin ang salita. May kapangyarihan Akong gawin ito. Sasabihin Ko sa mga lider—panoorin mo kung paano nila gagawin ang sinasabi Ko.” Hindi Ko ito gagawin, ni hindi Ko kailanman sinabi ang gayong mga bagay. Hindi Ko ginawa ang ganitong uri ng bagay noong nasa iglesia Ako sa Aking sariling bayan, at kalaunan, nang ginagawa Ko ang pangkalahatang gawain ng iglesia at nagpupunta Ako sa mga iglesia sa iba’t ibang probinsya, hindi Ko rin ginawa ang gayong mga bagay. Ibig sabihin, hindi Ko kailanman ginamit ang kapangyarihang hawak Ko para magbigay ng mga pabor na walang prinsipyo sa mga indibidwal; hindi Ako kailanman nagtakda ng gayong pamarisan. Ilan man ang mga tao sa ating iglesia ngayon, o sa ilan mang lahi sila nabibilang at sa ilang bansa sila nagmula, sa usapin lang ng Aking pagkakakilanlan, hindi ba’t sasabihin ninyo na lubhang mataas ang Aking katayuan? Hindi ba’t talagang napakalaki ng Aking kapangyarihan? (Oo.) Sa gitna ng tiwaling sangkatauhan, ang katayuang ito ay isang napakalaking bagay, at ang kapangyarihang ito ay napakalaki! Hindi ito kakayanin ng isang karaniwang tao; hindi nila malalaman kung paano gamitin ang kapangyarihang ito, at hindi man lang nila malalaman kung ano ang kakainin o kung ano ang gagawin. Pero tingnan ninyo kung paano Ako magsalita at makisalamuha sa inyo. Nakikisalamuha Ako sa lahat, maging sila man ay mga lider at manggagawa o mga ordinaryong mananampalataya. Nakisalamuha pa nga Ako sa mga nagsisikap at manwal na nagtatrabaho, sa mga pinakahindi kapansin-pansing tao, at sa mga bagong mananampalataya. Kapag nakikita Kong mayroon kayong mga problema, nakikipagbahaginan at nakikipag-usap Ako sa inyo. Minsan, kapag nakikisalamuha sa mga bagong mananampalataya, sinusubukan Ko ang Aking pinakamakakaya na huwag ipaalam sa kanila ang Aking pagkakakilanlan. Pinakamabuting hayaan silang makita Ako bilang isang ordinaryong tao lang. Kung handa silang makinig sa Akin, maaari silang makinig nang kaunti; kung hindi sila handa, hindi Ko sila pinipilit. Binibigyan Ko sila ng kalayaan. Hinding-hindi Ko ilalagay ang Aking sarili sa taas ng iba, ni hindi Ako magmamataas. Hinding-hindi Ako magpapakilala ng sarili para ipaalam sa kanila kung sino Ako, ipaalam sa kanila kung gaano kataas ang Aking katayuan o kung gaano kadakila ang Aking kapangyarihan, at idulot na matakot sila sa Akin. Hindi Ko gustong gawin iyon, at hindi Ko kailanman ginawa iyon. Minsan kapag nakakatagpo Ako ng mga kapatid na hindi Ko kilala at nakikipagkuwentuhan Ako sa kanila, tinitingnan nila Ako mula ulo hanggang paa at iniisip nila, “Sino ka ba sa tingin mo? Bakit ka nagbabahagi sa amin?” Nakikita Kong estranghero ang taong ito, na tinitingnan niya Ako nang may kaunting pagkamapanlaban, at na gusto niya Akong siyasatin at maliitin, pero hindi Ko ito iniinda. Kung minamaliit nila Ako at hindi sila handang makinig sa Aking pagbabahagi, puputulin Ko na lang ang Aking pagbabahagi; kung handa silang makinig sa Akin, makikipagkuwentuhan Ako sa kanila nang kaunti pa. Nasisiyahan ang ilang tao na makinig sa Aking pagbabahagi at nagiging interesado sila, at inaanyayahan pa nga nila Akong manatili para kumain at nagkukusa silang makipagkuwentuhan sa Akin. Pagkatapos, hindi Ako nagtatanong kung saang iglesia sila nagmula, anong tungkulin ang ginagawa nila, o kung ano ang sitwasyon nila; tinatrato Ko lang sila nang normal at nang tama.
Sinuman ang makasalamuha Ko—maging mga tao man ito na naghahangad ng katotohanan o iyong mga hindi, maging mga tao man ito na may katayuan sa lipunan o iyong mga wala nito, maging mga lider at manggagawa man ito o mga ordinaryong mananampalataya—hindi Ko kailanman inilalagay ang Aking sarili bilang nakatataas kapag nagbabahagi Ako sa inyo tungkol sa gawain o nakikisalamuha sa inyo sa pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, kung sasabihin mong nauuhaw ka, ipagsasalin kita ng isang basong tubig. Hindi sa kailangan Kong magmataas at utusan kita na asikasuhin Ako, ni hindi Ko sasabihing, “May pagkakaiba sa katayuan at halaga sa pagitan natin; hinding-hindi Ko gagawin ang ganitong uri ng gawain ng pag-aasikaso sa isang tao.” Wala Akong gayong mga kaisipan. Kung ipagsasalin mo Ako ng tubig, itinuturing Ko itong kilos ng isang kapatid; kung nauuhaw ka at kailangan mong ipagsalin kita ng tubig, maaari din kitang ipagsalin ng isang basong tubig. Kapag nagbabahagi Ako sa mga pagtitipon, nagkikimkim ang ilang tao ng mga kuru-kuro at pagkamapanlaban, o mayroon silang masamang saloobin, o hindi sila interesado at binabalewala nila Ako. Kung gayon, sumusunod Ako sa mga patakaran; nagbabahagi Ako kung kinakailangan ang pagbabahagi, at lumulutas ng mga problema kung kinakailangan ang paglutas ng mga problema. Hindi Ko inilalagay ang Aking sarili bilang nakatataas o hindi Ako nagmamataas. Kahit pa nagkikimkim ka ng pagkamapanlaban sa Akin, ginagawa Ko pa rin ang gawaing dapat Kong gawin at sinasabi Ko ang mga salitang dapat Kong sabihin. Hindi mo Ako naaapektuhan kahit kaunti, at hindi Ko inaantala ang gawain kahit kaunti; hindi rin naaapektuhan kahit kaunti ang dapat mong makamit. Kung bahagi ito ng Aking ministeryo, at may kinalaman ito sa katotohanan, sa mga prinsipyo, at sa gawain ng iglesia, sinuman ang lumapit sa Akin tungkol sa isang problema, hinding-hindi Ko sasabihin, “Sapat ba ang taas ng ranggo mo? Sino ka ba talaga? Isa ka bang lider ng rehiyon o lider ng distrito? O isa ka bang lider ng pangkat o superbisor sa isang partikular na antas?” Hindi Ko itinatanong ang mga bagay na ito. Kung lalapit ka sa Akin tungkol sa isang problema o mag-uulat ka ng isang problema sa isang partikular na lider o sa isang partikular na aspekto ng gawain ng iglesia, magbabahagi Ako sa iyo kung kinakailangan. Hindi Ko ilalagay ang Aking sarili bilang nakatataas, at hindi Ko itatanong ang tungkol sa iyong ranggo. Marahil ay hindi ka pa matagal na nananampalataya sa Diyos, at pakiramdam mo ay hindi mataas ang iyong katayuan sa sambahayan ng Diyos, kaya masyado kang nahihiyang magtanong. Pero hindi ganoon ang pagtingin Ko sa mga bagay-bagay; hindi Ko tinatrato ang tao batay sa kanyang katayuan. Kaya, mga lider at manggagawa man kayo o mga ordinaryong kapatid, kapag nagbabahagi Ako sa inyo tungkol sa buhay pagpasok o ginagabayan Ko ang inyong gawain, hinding-hindi Ako magsasalita na parang isang burukrata o hinding-hindi Ko hahayaan na manghula kayo, ni hindi Ako magtatanong ng lahat ng uri ng tanong para pahirapan kayo. Ibinibigay Ko ang lahat ng Aking makakaya kapag gumagawa at nagsasalita sa inyo. Sinasabi Ko ang totoo, at sinasabi Ko ang lahat ng alam Ko. Hindi Ko inilalagay ang Aking sarili bilang nakatataas, hindi Ko kayo pinagtatawanan, at hindi Ko kayo pinahihirapan. Kapag nakikita Kong nahihirapan kayo sa inyong gawain at hindi ninyo alam kung paano ito gagawin, nagbibigay Ako sa inyo ng gabay at payo. Nagsasabi at gumagawa Ako ng mga bagay para tulungan kayong matuto nang higit pa at makaarok ng ilang prinsipyo sa inyong mga propesyonal na kasanayan, at magkamit din ng kaunti pang pagkaunawa sa katotohanan. Sa publiko man o sa pribado, ganito Ako kumilos. Nakikisalamuha man nang harapan, o nakikipagbahaginan at nakikipagkuwentuhan sa inyo online, hindi Ako kailanman nag-aastang nakatataas. Ano ang ibig sabihin ng mag-astang nakatataas? Ang ibig sabihin nito ay ang palaging pagmamataas at pagkakaroon ng isang nakakatakot na presensya, ipinaparamdam sa inyo na Ako ay pambihira at dominante, at na Ako ay nakatataas sa inyo. Hindi Ako kailanman nag-aastang nakatataas nang ganito. Dagdag pa rito, sa mga pagtitipon, hindi Ako partikular tungkol sa pagkakaroon ng isang mataas na imahe o sa hindi pagkunsinti sa anumang pagkakasala, at hindi Ko ginagampanan ang papel ng Diyos sa langit; hindi Ko ginagawa ang gayong mga bagay. Minsan ay may nagtanong sa Akin kung kailangan bang ipasadya ang isang mesa para gamitin Ko sa mga pagtitipon. Sinabi Ko, “Hindi na kailangan iyon; kahit anong mesa ay puwede na.” Pagkatapos ay nakahanap sila ng isang napakalumang mesa, at pinagtiyagaan Ko na lang iyon. Hindi Ko sinabing, “Anong klaseng mesa itong nahanap mo para sa Akin! Batay sa Aking pagkakakilanlan, bakit hindi mo Ako inihanap ng isang magandang mesa? Ganito mo ba pinangangasiwaan ang mga bagay-bagay!” Wala Akong sinabi, ni hindi Ako humingi na gumamit ng isang mamahalin o tubog-sa-gintong mesa; hindi Ako kailanman naging mapili sa mga bagay na ito. Kalaunan, kapag nagtitipon online, umupo rin Ako sa isang ordinaryong upuan at gumamit ng isang ordinaryong mesa, na may isang desk lamp sa ibabaw nito, at isang kuwaderno para isulat ang paksa at balangkas ng bawat pagbabahagi. Ganoon lang ito kasimple. Kapag nagtitipon sa isang iglesia, nagsusuot Ako ng simpleng propesyonal na kasuotan—karaniwan ay isang suit jacket, dress pants, at sapatos na balat, at sa taglamig ay nagsusuot din Ako ng isang woolen overcoat—na napakaordinaryong kasuotan lang, mukhang medyo mas pormal lang kaysa sa mga pang-araw-araw na damit. Ang mga mamahaling kagamitan na ginagamit sa mga pagtitipon ay ang mikropono, ang amplifier, at ang computer lang; ang mga ito lang ang mga mamahalin at mahahalagang bagay. Kita mo, ganoon lang ito kasimple. Dahil ito sa pagiging nasa ibayong-dagat, kung saan mayroong kalayaan sa pananampalataya at umiiral ang mga kondisyong ito. Sa paggamit ng isang amplifier, malinaw na nakakarinig ang mga kapatid kahit mula sa mga sulok ng silid, at dahil dito ay hindi gaanong nakakapagod para sa Akin ang pagsasalita. Sa mainland China, hindi umiiral ang mga kondisyong ito. Mayroon Akong mahinang pangangatawan at mahinang boses. Kapag maraming tao sa isang pagtitipon, kailangan Kong magsalita nang malakas, at kahit pa ganoon, pakiramdam pa rin ng mga tagapakinig ay mahina ang Aking boses. Para sa isang pagtitipon na tumatagal nang isa o dalawang araw, kailangan Kong patuloy na magsalita nang malakas nang ganito sa buong oras. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t nakakapagod iyon? (Oo.) Noong nagkakaroon kami ng malalaking pagtitipon sa mainland China, labis Akong napapagod. Ngayong nakarating na tayo sa ibayong-dagat at malaya na tayo, sa paggamit ng isang amplifier, hindi Ko na kailangang magsalita nang ganoon kalakas. Nakatitipid Ako ng maraming lakas dahil dito, at napakalinaw ring nakakarinig ng mga tao. Kapag nangangaral Ako ng mga sermon sa inyo sa mga pagtitipon at nagbabahagi tungkol sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan na kailangan ng tao, walang pormalidad, at hindi Ko sinusubukang magpakita ng anumang marangyang pagtatanghal. Nagbabahagi lang Ako sa inyo tungkol sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan na dapat ninyong maunawaan at na kailangan ninyo, upang maunawaan ninyo ang mga ito, makapaglatag kayo ng isang pundasyon sa tunay na daan, unti-unting magkamit ng kalinawan at magkaroon ng interes sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan, at pagkatapos ay malaman kung paano isagawa ang mga ito, magawang ibaling ang inyong puso sa Diyos nang paunti-unti, at magpasakop sa Diyos. Sapat na ito. Kita mo, hindi ba’t ganito Ako kumilos sa paglipas ng mga taon? (Oo.) Ang mga salitang ibinabahagi Ko sa mga pagtitipon ay inililimbag sa mga aklat. Ayon sa mga imahinasyon ng mga tiwaling tao, dahil ang mga salitang ito ay ang katotohanan at mga pagpapahayag ng Diyos, tiyak na ipinahayag ang mga ito nang may isang uri ng pormalidad o nang may isang uri ng marangyang pagtatanghal. Sa katunayan, napakaordinaryo nito. Kapag nangangaral Ako sa mga pagtitipon, walang sinuman sa paligid para pagsilbihan Ako. Kapag natutuyo ang Aking bibig dahil sa pagsasalita, ipinagsasalin Ko ang Aking sarili ng tubig na maiinom. Minsan ay umiinom Ako ng tubig na may pulo para paginhawahin ang Aking lalamunan, at minsan ay umiinom lang Ako ng simpleng tubig. Ang Aking buhay ay napakasimple; mas simple ito kaysa sa maiisip ninyo kailanman. Maaaring isipin ng ilang tao, “Nagpapanggap Ka. Ano ba ang posibleng maging kulang sa Iyo? Batay sa Iyong pagkakakilanlan at katayuan, imposibleng mamuhay Ka nang napakasimple.” Talagang ganito lang kasimple ang Aking buhay. Gagamit Ako ng iisang basong inuman sa loob ng maraming taon, pinapalitan lang ito kapag nabasag o masyado nang luma, at pagkatapos ay gagamitin Ko ang ipinalit sa loob ng ilan pang taon. Ito ang realidad. Mula noong isilang Ako hanggang ngayon, ganito Ko tinatrato ang katayuan. Pareho lang para sa Akin mayroon man Akong katayuan o wala; namumuhay lang Ako sa isang simple at nakagawiang paraan. Iisipin ng mga taong hindi nakakaalam, “Mayroon Ka ng katayuang ito at ng mga pribilehiyong ito; malay ba namin kung gaano Ka nagpapakasasa!” Talagang hindi Ako nagpakasasa sa anumang bagay. Minsan ay nagdadala ng ilang gulay ang mga kapatid, at kinakain Ko anuman ang dalhin nila. Ganoon lang ito kasimple. Hindi Ko ginagawang komplikado ang Aking kinakain. Hindi Ako kumakain ng kung ano-anong karne, ni hindi Ako kumakain ng mga kakatwa at kakaibang pagkain. Kumakain Ako nang napakasimple; pawang mga ordinaryong lutong-bahay lang ang lahat ng ito. Bukod pa rito, pagkatapos gumawa sa loob ng napakaraming taon, hindi Ko kailanman naramdaman, “Napakadaming tao sa ating iglesia; mayroon Akong pakiramdam ng karangalan at pakiramdam ng pangingibabaw.” Hindi Ako nakakaramdam ng anumang pakiramdam ng karangalan, ni hindi Ko nararamdaman na nakapag-ambag Ako sa iglesia, o na may banal Akong awra. Wala Akong ganitong mga damdamin, ni hindi Ako nasisiyahan sa mga bagay na ito. Maaaring isipin ng mga tagalabas, “Bagama’t mukha Kang ordinaryo at normal sa panlabas, dahil sa gawaing ginagawa Mo at sa Iyong mga kasalukuyang kondisyon, nang may napakaraming taong sumusunod sa Iyo, sapat na mataas ang Iyong katayuan at sapat na malaki ang Iyong kapangyarihan—dapat Mong tamasahin ang Iyong katayuan, dapat Kang magkaroon ng priyoridad sa lahat ng ginagawa Mo, at magkaroon ng pakiramdam ng pangingibabaw.” Sinasabi Ko na hindi Ako kailanman nagkaroon ng anumang pakiramdam ng pangingibabaw, ni hindi Ko tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Hindi sa sinasabi Kong naghihimagsik Ako laban sa kamalayang ito o sa mga kaisipan at damdaming ito, kundi sadyang hindi matagpuan sa Akin ang mga kaisipang ito; hindi Ko nararamdaman ang pag-iral ng gayong mga bagay. Samakatwid, minsan kapag nakakaharap Ako ng mga bagay sa buhay na kaya Kong pangasiwaan Mismo, pinupuntahan at pinangangasiwaan Ko na lang ang mga ito, nang hindi pinapagawa ang mga ito sa iba. Maaaring may magsabi, “Nasa posisyon si Brother Ganito o si Sister Ganyan para tulungan Kang pangasiwaan ang usaping ito.” Sinasabi Ko, “Bakit hindi Ko naisip iyon? Bakit hindi Ko ito naisip?” Sa paningin ng mga tao, napakahangal Ko at hindi Ko alam kung paano bigyang-layaw ang Aking sarili. Iniisip nila, “Sa dami ng mga taong sumusunod sa Iyo, at sa pagkakaroon ng gayong mga paborableng kondisyon, personal Mo pa ring pinangangasiwaan ang maliliit na usapin. Hindi Mo ba alam kung paano tamasahin ang Iyong katayuan, hindi Ka ba apektado ng mga makamundong usapin, o nagpapanggap Ka lang? Bakit hindi Mo nauunawaan? Bakit hindi Mo alam na gawin ito?” Ito ay dahil hindi Ako kailanman nagkaroon ng kamalayang ito sa Aking isipan; isa itong katunayan.
Kapag nakakakuha ng kaunting kapangyarihan ang mga walang pananampalataya, nagsisimula silang umasta na para bang napakahalaga nila. Kapag nakakakuha sila ng kaunting katayuan, umaasta sila na para bang walang sinuman ang kapantay nila. Hindi lang sila may mga pribadong sasakyan para sumundo at maghatid sa kanila, at mga espesyal na tauhan para samahan sila, kundi kapag lumalabas sila, mayroon ding mga tao na nagbibitbit ng mga bag nila at naghahawak ng mga damit nila. Mayroon ding mga taong nagpapaligo sa kanila, nagmamasahe sa kanila, at naghahanda ng masusustansyang pagkain para sa kanila. Wala Akong alinman sa mga bagay na ito, at hindi Ko kailanman hiniling sa mga tao na tratuhin Ako nang ganito. Kapag ang mga tiwaling tao ay may kaunting kapabilidad o may nakakamit na kaunting bagay, nagsisimula silang umasta na para bang napakahalaga nila. Pakiramdam nila ay may banal silang awra, umaasta na para bang walang sinuman ang kapantay nila, at nagsisimulang umasta na parang mga dugong bughaw. Kapag nagkakamit ng katayuan ang mga tao, pakiramdam nila ay tumaas ang halaga nila—pero bakit nagiging napakawalang-kakayahan nila? Hindi na nila kayang gawin ang anumang bagay nang sila lang. Ang isang ganap na malusog at malakas na tao ay hindi man lang makapaglakad nang walang umaalalay sa kanya. Sinasabi Ko na tiyak na hindi Ko kailangan na alalayan Ako ng sinuman. Kapag sumasakay sa sasakyan, iniiwasan Ko na may sinumang malapit na magbukas ng pinto para sa Akin hangga’t maaari. Mayroon Akong dalawang kamay at dalawang paa—kaya Kong gawin ang lahat nang Ako lang; hindi Ko kailangan ang tulong mo. Kita mo, pagdating sa pagtrato sa katayuan, ang mga saloobin ng nagkatawang-taong Diyos at ng mga tiwaling tao ay ganap na magkaiba. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas at pagbubunyag ng tiwaling sangkatauhan, nagbibigay sila ng partikular na kahalagahan sa katayuan at labis silang nahuhumaling dito, kaya nagkakaroon ng isang hindi kanais-nais na kapaligiran at kalakaran sa gitna ng mga tao. Masasabing ang katayuan ang nagtatakda sa lahat ng bagay tungkol sa isang tao—nagtatakda ito ng kanilang halaga, kung gaano kabigat ang kanilang mga salita, at ang mga benepisyo at kapangyarihang maaari nilang tamasahin. Iyong mga walang katayuan ay hindi kalipikadong isaalang-alang o tamasahin ang mga bagay na ito, kaya hinahangad ng mga tao ang katayuan sa abot ng kanilang makakaya. Kung gayon, ano ang isinisimbolo ng katayuan sa sambahayan ng Diyos? Paano tinitingnan ng Diyos ang katayuan? Kung bibigyan ka ng Diyos ng katayuan, katumbas ito ng pagbibigay sa iyo ng Diyos ng isang atas at isang responsabilidad. Isa itong simbolo ng responsabilidad, isang simbolo ng pagtupad mo bilang isang nilikha sa iyong mga responsabilidad at obligasyon; wala itong ibang ibig sabihin. Kung mayroon ka ng katayuang ito at ginagawa mo nang maayos ang pagtupad sa iyong mga responsabilidad, hindi ka nabigo na tugunan ang mga inaasahan ng Diyos sa iyo, ni hindi ka nabigo na panindigan ang katayuan at responsabilidad na ito na ibinigay ng Diyos sa iyo. Kung hindi mo inaasikaso nang maayos ang responsabilidad na ito, at nabibigo kang tuparin ito, nabigo kang panindigan ang katayuan at responsabilidad na ito na ibinigay sa iyo ng Diyos. Binibigyan lang ng Diyos ng katayuan ang mga tao upang bigyang-kakayahan silang tuparin nang maayos ang kanilang mga responsabilidad, kompletuhin ang kanilang mga misyon, at mas magamit ang katayuang ito para gawin ang dapat nilang gawin at tuparin ang nararapat nilang mga responsabilidad. Kapag binibigyan ka ng Diyos ng katayuan, hindi ka Niya pinagkakalooban ng ilang espesyal na kapangyarihan, ni hindi Niya ipinagkakaloob sa iyo ang kapangyarihan na tamasahin ang katayuan o tamasahin ang anumang uri ng espesyal na pagtrato. Bukod pa rito, kung kaya mong tuparin ang responsabilidad na ito at gawin nang tama ang iyong misyon, tutugma ang iyong pagkakakilanlan at halaga sa katayuang ito. Pero kung mabibigo kang tuparin ang iyong responsabilidad, kung mabibigo kang panindigan ang misyong ito, at kung hindi mo kokompletuhin nang maayos ang misyon o atas na ito, hindi ka karapat-dapat na magtaglay ng katayuang ito, at wala kang halaga. Kung tutuparin mo nang maayos ang iyong responsabilidad, mayroon kang marangal na halaga sa paningin ng Diyos; kung mabibigo kang tuparin ang iyong responsabilidad, hamak ang iyong halaga sa paningin ng Diyos. Masasabing ang pagiging marangal ng isang tao at ang halaga ng kanyang buhay ay hindi nakasalalay sa kung gaano kataas o kababa ang kanyang katayuan, kundi sa kung natupad ba niya ang atas na ibinigay ng Diyos at kung natupad ba niya ang kanyang mga responsabilidad. Ipinagkakatiwala ng Diyos ang isang atas sa iyo at hinihiling sa iyo na tuparin nang maayos ang responsabilidad na ito, at ibinibigay rin sa iyo ang iba’t ibang kondisyong kinakailangan para matupad nang maayos ang responsabilidad na ito. Kung tutuparin mo ang iyong responsabilidad, makakapasa ka sa iyong misyon, at malulugod ang Diyos; gayumpaman, kung hindi mo tutuparin ang iyong responsabilidad, at sa halip ay igigiit mo ang iyong katayuan at kikilos ka alang-alang sa pagtugon sa sarili mong mga interes, ambisyon, at pagnanais, ito ang bagay na pinakaayaw at pinakakinasusuklaman ng Diyos. Kung gagamitin mo ang kapangyarihang hawak mo para gumawa ng mga bagay na ganap na para sa sarili mong kasikatan, pakinabang, at katayuan, magpapakana para sa personal na pakinabang, susupil sa iba, at magpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan, nabigo kang panindigan ang atas na ito na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, at hindi ka karapat-dapat sa atas na ito. Kung, pagkatapos tanggapin ang atas ng Diyos, tutuparin mo nang maayos ang iyong mga responsabilidad at gagawin nang maayos ang gawain, nang hindi nagpapasasa sa mga pakinabang ng katayuan o ginagamit ang iyong katayuan o ang mga kapangyarihan ng iyong posisyon para maghanap ng personal na pakinabang, kinokompleto mo ang iyong misyon, tinutupad mo nang maayos ang iyong mga responsabilidad, at magagawa mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos.
Gustong-gusto ng lahat ng tiwaling tao ang katayuan; sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, nagpapasasa silang lahat sa mga pakinabang ng katayuan. Kung ang isang tao ay isang lider sa anumang antas, o mayroon lang siyang kaunting prestihiyo sa gitna ng mga tao at may katiting na kapangyarihan, magsisimula siyang umastang nakatataas. Mula sa sandaling magkamit siya ng katayuan, gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan para maghanap ng personal na pakinabang, at gagawa siya ng maraming bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, at maging ng ilang balighong bagay. Kahit pa kaya ng ilang indibidwal na maglitanya ng ilang salita at doktrina, kapag nakikisalamuha at nakikipagbahaginan sila sa mga tao, magpapakita sila ng paboritismo. Kung makakakita sila ng isang taong mayaman at may katayuan, na sumusuporta sa kanila, nakakasundo nila, at nambobola sa kanila, mas kakausapin nila ang taong iyon. Kung makakakita sila ng isang taong mahirap, hindi alam kung paano mambola, na hindi nila gusto, o isang bagong mananampalataya na walang pundasyon, mag-iisip sila ng mga palusot para balewalain ito. Kita mo, mayroon ba silang anumang mga prinsipyo sa kanilang pagkilos? (Wala.) Sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, nagsisimula silang umastang nakatataas, alam nila kung paano magsalita na parang isang burukrata at sumigaw ng mga islogan, at alam kung paano igiit ang kanilang katayuan at magmataas. Hindi ba’t maraming gayong pagpapamalas sa mga tao? (Oo.) Halimbawa, kung may isang problema na hindi nauunawaan ng iba pero nauunawaan nila, at wala silang nakikitang sinuman na nagtatanong sa kanila tungkol dito, iniisip nila: “Wala sa inyo ang nagmamakaawa sa akin o nanunuyo sa akin, at walang nagtataas sa akin o may mataas na pagtingin sa akin. Kung magmamakaawa kayo sa akin, baka sabihin ko sa inyo, pero nakadepende pa rin ito sa timpla ko. Kung walang magmamakaawa sa akin, wala akong sasabihin; sadyang hindi ko ipapaalam sa inyo. Isang pangungusap lang mula sa akin ang kailangan, pero kung hindi ko ito sasabihin, walang sinuman sa inyo ang makakaunawa!” Mabait ba ang ganitong mga tao? (Hindi.) Dagdag pa rito, sa sandaling magkaroon ng katayuan ang mga tao, gagawin nila ang anumang gusto nila. Kung makakakita sila ng isang taong hindi nagpapasakop sa kanila o may mga reklamo tungkol sa kanila, pag-iisipan nila kung paano pahihirapan at aatakihin ang taong iyon, at susupilin ito. Nakikita mo, mayroon Akong katayuan at kapangyarihan, pero mayroon ba Ako ng mga pagpapamalas na iyon sa Aking pagtrato sa mga tao, kabilang ang mga walang pananampalataya? (Wala.) Mag-iisip ang masasamang tao ng mga paraan para maliitin at pahirapan ang mga hindi nila gusto, at yuyurakan pa nga nila ang mga ito. Hindi Ko kailanman ginawa ang mga bagay na ito sa mga taong hindi Ko gusto, at bihira Akong humiling sa iba na asikasuhin ang mga bagay-bagay para sa Akin. Nakita Ko na kapag namamahagi sa Akin ang ilang tao ng mga pang-araw-araw na gulay at pagkain, partikular nilang pinipili ang mga sira at mababang-uri para sa Akin. Kapag pumipili ang iba ng ilang magandang gulay at pagkain, ipinagpapalit pa nga nila ang mga ito sa mga sira. Kapag may nagpapadala sa Akin ng ilang pagkain, iniiwan lang ito ng taong nangangasiwa sa imbakan at hinahayaan itong mapanis at mabulok. Sa kanilang puso, iniisip ng mga taong ito, “Isa ka lang ordinaryong tao, pero gusto mong asikasuhin ko ang mga bagay-bagay para sa iyo. Mabuti na nga na ginagawa ko ito sa ganitong paraan. Magtatrabaho lang ako nang kaunti para sa iyo kung mayroon kang mga pambihirang abilidad, o kung ikaw ang dakilang mahistrado ng bayan.” Napagtanto Ko ito: Ayaw nilang gumawa ng mga bagay-bagay para sa Akin. Inakala Ko na dahil mga kapatid sila sa iglesia, magkakaroon man lang sila ng kaunting paggalang sa Akin. Hindi Ko inasahan na hindi sila magiging handa, na mamaliitin nila Ako at itatrato Ako na parang basura. Gumagawa sila ng mga bagay-bagay para sa kanilang mga magulang, para sa kanilang mga amo, para sa mga opisyal ng gobyerno, at para sa mga taong may katayuan. Pero wala Akong halaga sa kanila, kaya hindi sila gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin. Naisip Ko: “Ganito ka palang uri ng tao. Kung gayon ay hindi Ko hihilingin sa iyo na gumawa ng mga bagay-bagay para sa Akin. Kung ayaw mong gawin ito, hindi kita pipilitin, at hindi Ko gagamitin ang Aking katayuan para supilin ka. Isa lang Akong ordinaryong tao, at tinatrato kita bilang kapatid, pero tumatalikod ka at tinatrato mo Ako nang ganito. Kung gayon ay maghahanap na lang Ako ng ibang gagawa nito; hindi na kita gagamitin.” Marami-raming ganitong tao sa iglesia; lahat sila ay mga hindi mananampalataya. Kahit ilang sermon ang marinig nila, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at wala silang may-takot-sa-Diyos na puso kahit kaunti. Sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng sitwasyon, nahahayag sila. Nakarinig na ng napakaraming sermon ang gayong mga tao, kaya bakit tinatrato pa rin nila Ako nang ganito? Bakit mas masama ang pagtrato nila sa Akin kaysa sa pagtrato nila sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan? Hindi ba’t masyadong mersenaryo ang gayong mga tao? (Oo.) May mga ganitong tao sa mga iglesia sa lahat ng dako. Hindi nila minamahal ang katotohanan, kaya paano sila magkakaroon ng kahit katiting na tunay na pagpapasakop sa Diyos? Hindi lang sila walang pagpapasakop, kundi nagkikimkim pa sila ng pagkamuhi. Kaya nilang bigyan ang ibang tao ng magagandang gulay at pagkain, kaya bakit partikular nilang ibinibigay sa Akin ang mga pinakamababang-uri? Sino ba talaga ang nagbayad para sa mga gulay at pagkaing ito? Sino ang nagbayad para itayo ang sakahang ito? Walang sinuman ang nagsasaalang-alang sa mga bagay na ito. Kalaunan, nang himayin ang mga usaping ito, sa wakas ay namulat ang ilang tao, pero noong panahong iyon, walang sinuman ang nagkusa na ilantad at harapin ang mga taong ito.
Sa mundo ng tao, ang pinakamataas na pinuno ng isang bansa ay ang taong may pinakamataas na katayuan sa mga tao. Ano ang kinakain at tinatamasa ng mga may pinakamataas na katayuan? Sa pangkalahatan, kinakain nila ang laman ng mga tao at iniinom ang dugo ng mga ito. Bakit Ko sinasabi ito? Tingnan ninyo kung paano ginawa ang mga dragon robe na isinusuot ng mga emperador ng Tsina noon. Ang mga ito ay pawang ipinasadya; ang isang dragon robe ay metikulosong binurdahan gamit ang iba’t ibang tela at paraan ng paghahabi sa loob ng higit sa tatlong taon, subalit ang ilan sa mga kasuotang ito ay maaaring isang beses o dalawang beses lang isusuot sa buong buhay nila. Kung walang ganoong katayuan ang mga emperador, matatamasa ba nila ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ang pagkakaroon ng katayuan ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kapangyarihan, at ang pagkakaroon ng kapangyarihan ay nangangahulugang magagawa ng isang tao ang anumang gusto niya at matatamasa niya ang lahat ng yaman at katanyagan, nang walang sinumang nangangahas na magsabi ng isang salita laban sa kanila. Pakiramdam pa nga ng mga tao, “Dapat tamasahin ng emperador ng ating bansa ang mga bagay na ito; tama lang na tamasahin niya ito! Kung hindi siya magtatamasa ng magandang buhay, hindi ito maganda para sa ating mga karaniwang tao. Karangalan natin na ang emperador ay nakadamit nang napakagara!” Napakahamak ng mga taong ito! Hindi ba’t nakondisyon na sila ng kanilang mga pinuno? (Oo.) Kung ang nagkatawang-taong Diyos, na pumarito sa lupa, ay nagtatamasa ng bahagyang mas magandang buhay, ano ang iisipin ng mga tao? “Hindi iyan maaari. Ikaw ang Diyos—dapat Kang magdusa. Kung hindi Ka magdurusa, karapat-dapat Ka ba na sundin namin? Hindi Ka dapat kumain nang masarap o manamit nang maganda; dapat Kang magdusa nang matindi—saka Ka lang magiging Diyos!” Mayroon bang anumang pagkatao ang gayong mga tao? (Wala.) Mayroon bang anumang mabuting intensiyon sa Diyos ang sangkatauhang? Hindi ba’t napakabulok ng kanilang puso? Sinasamantala, kinokontrol, at lubhang pinipinsala ng mga pinuno ang mga tao, subalit kusang hinahayaan ng mga tao ang kanilang sarili na makontrol at lubhang mapinsala ng mga ito. Ang Diyos, sa kabilang banda, ay gumagawa para iligtas ang tao; Siya ay nagmamalasakit sa tao, nagmamahal at naaawa sa tao, at ipinagkakaloob Niya ang lahat sa tao. Subalit ano ang saloobin ng tao sa Diyos? Pakiramdam ng tao, “Tama lang na magdusa ang Diyos. Habang mas nagdurusa Siya, mas masaya ako; hindi mabigat ang loob ko kahit kaunti. Dahil pumarito ang Diyos, dapat Siyang magdusa nang ganito.” Hindi ba’t ito ang mentalidad ng mga tao? Pero sa katunayan, alinmang pagkakatawang-tao ito, ang Diyos ay mayroong katayuan at kapangyarihang ito, subalit hindi Siya kailanman nagpasasa sa mga ito, ni hindi Niya pinag-imbutan ang mga makamundong kasiyahan o ang mga handog ng tao. Alam mo, sinuman sa mundo ng tao na may kaunting katayuan ay gustong magtamasa ng espesyal na pagtrato; ang pagkaing kinakain nila at ang tubig na iniinom nila ay espesyal na inilalaan para sa kanila. Mayroon bang anumang bagay na espesyal na inilalaan para sa Diyos? (Wala.) Kinakain Ko kung anumang gulay ang tumutubo sa sakahan; pawang mga ordinaryong lutong-bahay lang ang lahat ng ito. Maaaring pumili ang ilang may mabuting puso ng ilang magandang gulay para sa Akin ayon sa panahon, pero bukod doon, walang pagkakaiba—sa pangkalahatan ay kinakain Ko kung anuman ang kinakain ninyo. Kahit kapag palihim kayong kumakain ng ilang masarap na bagay at hindi ninyo Ako binibigyan, ginawa Ko ba itong isyu sa inyo kailanman? (Hindi.) Ang ilang tao ay hindi kailanman nagnais na bigyan Ako ng magagandang gulay; pinipili lang nila para sa Akin ang mga tira-tira na ayaw nilang kainin. Hindi sila komportable na makita Akong kumakain ng ilang magandang gulay. Anuman ang kainin Ko, kinakain Ko ang sarili Kong pagkain; hindi Ko kinakain ang sa iyo, kaya bakit hindi ka masaya? Hindi Ako kailanman nagtamasa ng anumang bagay na espesyal na inilaan para sa Akin, at hindi Ko kailanman hinati-hati ang mga handog, nagtatabi ng isang bahagi para sa pagpapanatili ng Aking kalusugan, isang bahagi para sa Aking pang-araw-araw na pananamit at pag-aayos, at isang bahagi para sa Aking paglalakbay at libangan—hindi Ko kailanman ginawa ito. Simple lang ang Aking buhay. Karamihan sa mga handog ay ginagamit para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at para asikasuhin ang inyong buhay at ang inyong mga pangunahing pangangailangan; wala Akong itinabi para sa Aking sarili. Tama ba? (Oo.) Tingnan ninyo, ano ang tinatamasa ng mga ordinaryong opisyal ng gobyerno? Ang mga tagapagsalita ng midya na iyon ay gumagastos ng sampu-sampung libong yuan sa isang taon para lang sa mga kosmetiko, at mayroon silang mga espesyal na pondo para sa bawat gastusin sa trabaho. Tingnan ninyo kung ano ang isinusuot Ko, kung ano ang ginagamit Ko, at kung ano ang tinatamasa Ko—kumpara sa kanila, nasa kalingkingan man lang ba nila ito? Hindi man lang ito ganoon. Hayaan ninyong magbigay Ako ng isa pang halimbawa. Gamitin nating halimbawa ang mayayamang tao na may kakayahang pinansyal sa gitna ng mga kapatid sa ating iglesia—ano ang tinatamasa nila? Ano ang isinusuot at ginagamit nila? (Mga sikat na tatak.) Nagsusuot sila ng mga damit at aksesorya na sikat ang tatak, tinatamasa ang pamumuhay ng mga mayayaman at ng mga nasa mataas na antas ng lipunan. Sa Tsina, lubos na sinasamba ng ilang tao ang mga imported na produkto; partikular silang bumibili ng mga dayuhang produkto para isuot at gamitin. Bukod sa hanging nilalanghap nila na lokal, ang lahat ng kinakain, isinusuot, at ginagamit nila ay isang internasyonal na sikat na tatak. Ang ilan sa mga tinatamasa nila ay mga bagay na hindi pa natin nakikita kailanman. Ano ang binibili ng mayayaman kapag mayroon silang katayuan? Mararangyang mansyon, sasakyan, at cruise ship, pati na rin ang mga pribadong jet, pribadong golf course, pribadong club, at iba pa. Hindi ba’t maluho ang tinatamasa nila? (Oo.) Nakikita mo bang tinatamasa Ko ang mga bagay na ito? (Hindi.) Isusuot Ko ang parehong pares ng sapatos sa loob ng ilang taon, at kung hindi pa pudpod ang mga ito, patuloy Kong isusuot ang mga ito. Talagang hindi sa wala Akong pera para bumili ng bagong pares ng sapatos; isa lang ito sa mga gawi Ko sa pamumuhay. Ganito Ko tinatrato ang katayuan at kapangyarihan. Wala Akong matatayog at malalaking pagnanais; ang Aking buhay ay ordinaryo, simple, at lubhang regular. Sa paningin ng ilang tao, ang Aking buhay ay lubhang monotono. Kakikitaan lang ito ng isang regular na nakagawian, pagiging matipid, at pagiging medyo tahimik at maayos—walang anumang maluho, mamahalin, o lubhang maganda tungkol dito. Pero sa sandaling maging mga lider ng isang partikular na antas ang ilang tao sa iglesia, anong uri ng mga pagpapamalas ang mayroon sila? (Gusto nilang tamasahin ang pinakamaganda sa lahat ng bagay.) Sa sandaling maging mga lider sila, nagsisimula silang umastang nakatataas at pakiramdam nila ay mayroon silang katayuan. Saanman sila magpunta, dapat may mag-alok sa kanila ng upuan; kung walang gagawa nito, nagagalit sila. Kapag nagsasalita sila, dapat palaging hayaan ng iba na masunod ang gusto nila. Saanman sila magpunta, palaging may mga taong sumusunod sa kanila, may nagbibitbit ng kanilang bag, at may mga kasama. Kung matagal silang nasa labas at mauuhaw o magugutom sila, may magdadala ng pagkain at inumin sa kanila mismo; kung mapapagod sila, may magmamasahe sa kanila. Sinasabi Ko, pambihira ito; sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, nagiging espesyal sila, at hindi na sila mga tao, tama ba? (Oo.) Kaya, bakit wala Akong nararamdaman tungkol sa pagkakaroon ng katayuan? Kung walang katayuan, nakakapamuhay Ako nang lubhang komportable. Kapag mayroon Akong katayuan, palagi Akong tinatrato ng iba bilang isang espesyal na tao, at nakakaramdam Ako ng pagkailang at pagiging labis na hindi komportable. Napakaganda ng kawalan ng walang katayuan, kaya umaasta na lang Ako na para bang wala Akong katayuan kahit kaunti, at nakikisalamuha Ako sa mga tao bilang isang ordinaryong tao, nakakaramdam ng matinding kalayaan. Nakakaramdam kayo ng kalayaan, at nakakaramdam din Ako ng kalayaan; ang pakikisama sa mga tao nang ganito ay napakabuti. Sa pangkalahatan, pagkatapos magkamit ng katayuan ang mga tiwaling tao, kailangan nila palagi na may ilang tao sa paligid na mag-aasikaso sa kanila. Kapag gusto nila ng tubig, dapat may magsalin nito para sa kanila; kapag gusto nilang kumain, dapat may mag-abot sa kanila ng kanilang mga chopstick; kapag lumalabas sila, dapat may nakasunod sa kanila. Kailangan din nilang bumili ng mga damit na sikat ang tatak, kumukuha ng bagong koleksyon ng damit mula ulo hanggang paa para bumagay sa kanilang katayuan. Sinasabi Ko, “Ang paglilingkod bilang isang lider ay isang atas at isang responsabilidad na ibinibigay sa iyo ng Diyos—pagkakaroon ba iyon ng katayuan? Anong tunay na gawain ang kaya mong gawin kaya ngayon ay nagmamataas ka na? Kung tunay na kaya mong gawin ang gawain, paglalaanan ka ng sambahayan ng Diyos ng mga damit at kagamitan sa trabaho, pati na rin ng isang magandang cell phone at computer. Pero hindi mo kayang gumawa ng anumang tunay na gawain, subalit bulag ka pa ring nagpapasikat. Nananampalataya ka ba sa Diyos para lang hangarin ang mga bagay na ito—katayuan, kasikatan, at pakinabang? Bakit napakababaw mo?” Gumawa na Ako sa loob ng napakaraming taon, at napakalaki ng saklaw ng Aking gawain, pero hindi Ko nararamdaman na mayroon Akong katayuan. Wala Akong anumang nakagawiang mga benepisyo, ni wala Akong mga espesyal na tauhan para asikasuhin at alagaan Ako. Hindi Ako mapili sa mga bagay na ito kahit kaunti. Sasabihin mo ba na hindi Ko alam kung paano maging pihikan sa mga bagay-bagay? (Hindi, sadyang walang pakialam ang Diyos sa mga bagay na ito.) Kung gusto Kong maging partikular, kaya Ko, at malalaman Ko rin kung paano pumili ng magagandang bagay. Pero ano ang isang paraan ng pagkakaiba Ko sa inyo? Tinatrato Ko nang tama ang mga bagay na ito. Hindi Ko gagamitin ang Aking pananamit at pag-aayos para ibagay sa Aking katayuan dahil lang sa mayroon Ako nito, ni hindi Ko ito gagamitin para patunayan ang Aking katayuan at halaga. Anuman ang bilhin o taglayin Ko, ito ay dahil lang sa gusto Ko ito o kailangan Ko ito, at nakikita Kong angkop ito para sa Aking paggamit. Hindi Ako bibili o magtataglay ng isang bagay dahil mayroon Akong katayuan at kapangyarihan, o dahil sa Aking halaga.
Nakikipag-usap Ako sa inyo tungkol sa paksa ng pagtrato ng nagkatawang-taong Diyos sa katayuan, upang maunawaan ninyo Ako nang kaunti at malaman ninyo kung ano mismo ang Aking pananaw sa katayuan at kung paano Ko ito tinatrato. Siyempre, ano ba ang pinakagusto Kong sabihin sa inyo rito? Sa isang banda, kinakailangan na malaman ninyo ang pagkakaiba sa pagitan ng nagkatawang-taong Diyos Mismo at ng mga tiwaling tao sa kung paano nila tinatrato ang katayuan. Sa isa pang banda, ito ay upang bigyang-kakayahan ang tao na tumpak na maunawaan kung ano ba talaga ang katayuan, at kung paano siya dapat manatili sa kanyang tamang lugar at tumupad sa kanyang mga responsabilidad at sa kanyang tungkulin. Ang mga ito ang mga tamang kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng lahat. Sa pagkakaroon ng gayong mga tamang kaisipan at pananaw, pagdating sa iyong tungkulin, sa iyong mga responsabilidad, at maging sa katayuang ibinigay sa iyo ng sambahayan ng Diyos, tatratuhin mo ang mga bagay na ito nang alinsunod sa katotohanan at sa mga prinsipyo. Lubhang marami na Akong naibahagi sa inyo tungkol sa paksa ng pagtrato ng nagkatawang-taong Diyos sa katayuan. Ang ilan sa mga bagay na ito ay nakita na ninyo at maitutugma ninyo sa realidad. Para naman sa iba, narinig lang ninyo Akong magsalita tungkol sa mga ito pero hindi pa ninyo Ako nakakasalamuha, kaya wala kayong paraan para itugma ang mga ito sa realidad. Nakita man ninyo ang mga ito o narinig lang ang mga katunayang sinabi Ko, sapat na ito hangga’t kaya ninyong maunawaan ang mga ito nang tama at paniwalaan ang mga ito. Kung mayroon ka pa ring mga pagdududa, obserbahan mo ang mga bagay-bagay sa iyong pang-araw-araw na buhay sa paglipas ng panahon para makita kung batay ba sa katunayan at tumpak ang mga sinabi Ko. Kapag nakakuha ka ng kumpirmasyon, malalaman mo kung ano ba talaga ang kahulugan ng katayuan sa Diyos, kung paano tinatrato ng Diyos ang katayuan, kung paano ito naiiba sa pagtrato ng mga ordinaryong tiwaling tao, at kung ano ang katotohanan na dapat maunawaan o maisagawa ng tao sa usaping ito. Ang pagkakaroon ng pangunahing pagkaunawa sa nilalamang ito ay magbibigay-kakayahan sa inyo na mas maunawaan ang Diyos at mas tumpak na makilala ang Diyos. Bukod dito, tutulungan din kayo nitong tratuhin nang tama ang isyu ng katayuan, habang binibigyan kayo ng isang tamang pananaw at isang tamang paraan para pangasiwaan ito, tama ba? (Oo.)
Sige, tapusin na natin ang ating pagbabahaginan dito para sa araw na ito. Paalam!
Oktubre 26, 2024