Paano Hangarin ang Katotohanan (28)

Marami na tayong napagbahaginan noon tungkol sa aspektong ito, sa mga katotohanan tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Ilang beses na tayong nagbahaginan tungkol sa ilang partikular na nilalaman na may kinalaman sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao. Mas nauunawaan na ba ninyo ang paksang ito ngayon? (Oo.) Nagkaroon ba kayo ng mas malalim na pagkaunawa sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao—si Cristo—at sa diwa ni Cristo? (Oo.) Kung gayon, nabitiwan na ba ninyo ang ilan sa inyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao? (Oo.) Kung inaalam mo lang ang tungkol sa isang tao, inaalam mo man ang tungkol sa disposisyon niya o inaalam ng kanyang pag-asal, higit-kumulang ay inaalam mo lang ang tungkol sa iba’t ibang aspekto ng pagiging ordinaryong tao niya—ang kanyang personalidad at ugali, o ang mga paraan at metodo ng kanyang pag-asal, ang kanyang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, ang kanyang mga paghahangad, ang ilan sa kanyang mga hilig at libangan, o ang ilan sa kanyang mga likas na problema. Sa pinakamataas, pag-alam lang iyon tungkol sa pagkatao ng taong ito at wala itong kinalaman sa katotohanan kahit kaunti. Ito ay patungkol sa pag-alam tungkol sa isang ordinaryong tao. Samakatwid, aling tao man o anong uri man ng tao sa sangkatauhan ang alamin mo, gaano man karami ang malaman mo tungkol sa kanya, gaano mo man siya kalalim na maunawaan, o komprehensibo man o hindi ang pag-arok mo sa kanya, wala sa mga ito ang may kinalaman sa katotohanan. Gayumpaman, ang pag-alam tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ay naiiba; ang mga paksa na kinapapalooban ng pag-alam tungkol sa iba’t ibang aspekto ng Diyos na nagkatawang-tao ay pawang may kinalaman sa katotohanan. Ang pagkakatawang-tao ay isang espesyal na anyo na ginamit ng Diyos ayon sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain, at direktang nauugnay sa iba’t ibang aspektong may kinalaman sa Diyos, tulad ng pagkakakilanlan ng Diyos, diwa ng Diyos, at disposisyon ng Diyos; ang pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay bahagi rin ng pagkilala sa Diyos, at nauukol sa pagkilala sa Diyos, at sa mga katotohanan tungkol sa pagkilala sa Diyos na dapat maunawaan ng mga tao. Samakatwid, ang pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang aspekto ng katotohanan na dapat maunawaan at makilala ng mga tao habang sumusunod sila sa Diyos upang makamit nila ang pagkakilala sa Diyos at pagpapasakop sa Diyos. Dahil ang pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao at ang pagkilala sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan na ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao ay pawang may kinalaman sa katotohanang realidad na dapat maunawaan at pasukin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ang pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring itumbas sa pagkilala sa isang ordinaryong tao, isang tiwaling tao. Ang dahilan kung bakit hindi maaaring itumbas ang mga ito ay dahil may kinalaman sa pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao ang katotohanan ng pagkilala sa Diyos, na isang bahagi ng pagkilala sa Lumikha. Anuman ang nakapaloob sa nilalamang ito, sa madaling salita, may kinalaman ito sa pagkilala sa Lumikha, may kinalaman ito sa pagkilala sa Diyos Mismo, at siyempre, may kinalaman din ito sa kung paano bibitiwan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao tungkol sa Diyos. Masasabi na sa sandaling maunawaan mo ang Diyos na nagkatawang-tao at maunawaan ang mga katotohanan tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, sa malaking antas ay nakilala mo na ang isang bahagi ng diwa ng Diyos at disposisyon ng Diyos. Siyempre, kaugnay nito, sa malaking bahagi ay mabibitiwan mo ang marami sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos—ibig sabihin, ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos sa langit at sa Lumikha. Ang pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay, kahit papaano, makatutulong sa iyo na magkaroon ng mas tumpak na pag-unawa at mas eksaktong tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya anong papel ang ginagampanan ng pagkakilala at pag-unawang ito? Napakalaki ng papel na ginagampanan ng mga ito. Marahil kapag hindi mo kilala ang Diyos, pakiramdam mo ay ang Diyos ang Siyang pamilyar sa mga tao sa kanilang mga isipan at kaisipan, o sa kanilang mga tradisyonal na kuru-kuro, at ang Siyang hindi nakikita at hindi nahahawakan. Pero kapag inalam at nakilala mo ang pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao, pati na rin ang Kanyang disposisyon at diwa, magkakaroon ka ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang tunay na pagkakilalang ito ay magbibigay-kakayahan sa iyo na tumpak at tunay na magpasakop sa Diyos, sa halip na magkaroon ng huwad na pagpapasakop na umiiral lang sa mga kuru-kuro at imahinasyon. Alin ang mas tunay at mas tumpak—ang pananalig at pagpapasakop na mula sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, o ang pananalig at pagpapasakop sa Diyos na nagmumula sa pagkakaroon ng tunay na pagkakilala sa Kanya? Masasabi ba ninyo? Ang pananalig na umuusbong mula sa pagkakaroon ng pagkakilala sa Diyos ay hindi pananalig na batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao; sa halip, ang pananalig na ito ay nabuo sa pundasyon ng isang tunay at tumpak na pagkakilala sa Diyos. Samakatwid, para sa iyo, ang pananalig na ito ay magtutulot sa iyo na mas tumpak na maarok at maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa tunay na buhay, at mas tumpak na malaman, sa bawat tunay na kapaligiran o sa gitna ng mga tunay na tao, pangyayari, at bagay, kung paano kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos, kung paano kumilos sa paraang tumpak, na tunay na pagpapasakop sa Diyos, at sumasalamin sa tunay na pananalig at pagbaling sa Diyos. Kung titingnan mula sa anumang anggulo, ang pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi kasingsimple ng pag-alam at pagkilala sa isang ordinaryong tao, dahil maraming aspekto ng katotohanan ang nasasangkot, tulad ng diwa ng Diyos at diwa ng tao, mga nilikha at ang Lumikha. Noong nakaraan, nagbigay Ako ng ilang halimbawa at nagsalita tungkol sa ilang katotohanan patungkol sa pagkilala sa Diyos; hindi dapat ituring ng mga tao ang mga paksang ito bilang mga ordinaryong paksa, kundi dapat subukan nilang kilalanin ang mga ito bilang isang aspekto ng katotohanan. Ito ay dahil ang Diyos na nagkatawang-tao, kung tutuusin, ay laman kung saan ang Espiritu ng Diyos ay tunay at aktuwal na naisakatuparan, at isang tao na may dibinong diwa; Siya ang kinatawan ng Diyos sa lupa at gayundin ang pagpapahayag ng gawain ng Diyos sa lupa. Pagdating sa paggawa ng gawain at pagdating sa Kanyang diwa, ganap na may kakayahan Siyang katawanin ang Diyos sa langit. Bagama’t may mga limitasyon pagdating sa Kanyang anyo, at sa panlabas ay tila hindi Siya sapat para katawanin ang Diyos sa langit, pagdating sa Kanyang diwa at sa disposisyong taglay Niya, ganap na may kakayahan Siyang katawanin ang Diyos sa langit. Samakatwid, kaugnay nito, dapat seryosong tratuhin ng mga tao ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan na may kinalaman sa Diyos na nagkatawang-tao at maingat na alamin ang tungkol sa mga ito. Tanging kapag seryoso mong tinatrato ang mga ito at isinasapuso ang pag-alam tungkol sa mga ito mo lang tunay na mauunawaan ang Diyos. Tanging kapag tunay mo nang naunawaan ang Diyos sa lupa saka mo lang, sa napakalaking antas, mauunawaan ang Diyos sa langit at mauunawaan ang Lumikha. Sadyang hindi makikita kung paano nagsasalita ang Lumikha—ang Diyos—sa langit at sa buong sansinukob at sa lahat ng bagay, kung sa anong paraan Niya tinatrato ang mga tao, kung gamit ang anong saloobin Niya tinatrato ang mga tao, kung paano Siya gumagawa ng mga bagay, kung ano ang Kanyang mga kaisipan, at iba pang gayong mga isyu na may kinalaman sa disposisyon at diwa ng Diyos. Pero kapag ang Diyos ay nagkatawang-tao at pumarito sa lupa upang maging isang ordinaryong tao, upang maging isang tao na may anyo at wangis, at may laman at dugo, ang Kanyang disposisyon at diwa ay mauunawaan ng mga tao sa panahon kung kailan Siya ay gumagawa at nakikisalamuha at nakikisama sa mga tao. Sa pamamagitan ng Kanyang iba’t ibang salita at gawa, at sa buong saklaw ng mga emosyon na Kanyang ipinapahayag, mauunawaan kung ano talaga ang Diyos, kung ano ang mga anyo ng Kanyang iba’t ibang emosyon, at kung ano ang Kanyang mga paraan at prinsipyo sa paggawa ng mga bagay, pati na rin ang mga saloobin Niya sa pagkilos. Mas partikular mo Siyang mauunawaan at mas kongkreto Siyang mahahawakan, makikita, at maririnig. Ang lahat ng ito naman ay mas kapaki-pakinabang para sa iyo upang maunawaan mo ang Diyos sa langit. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay makikita at mahahawakan; ang mga salitang sinasabi Niya ay maririnig ng mga tainga, at ang mga prinsipyo at pamamaraan ng Kanyang pangangasiwa sa mga bagay ay masasaksihan mo ng iyong mga mata. Katumbas ito ng pagkakaroon mo ng personal na karanasan sa pagsasalita at paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao at pagkakaroon ng pagkakilala sa nagkatawang-taong Diyos; sa ganitong paraan, nagkakaroon ka rin ng partikular na pag-unawa at pagkakilala sa Diyos sa langit. Kung nauunawaan mo ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao, makikilala mo ang disposisyon ng Diyos—kung gayon, ang nakikilala mo ay ang mismong aspektong ito ng diwa ng Diyos sa langit. Samakatwid, kung paano gumagawa at nagsasalita ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa, anong mga disposisyon ang Kanyang ibinubunyag, at anong uri ng diwa mayroon Siya—sa malaking antas, tinulutan ka na ng mga ito, sa ilalim ng limitadong kondisyong ito, na tumpak na masaksihan, marinig ng sarili mong mga tainga, o maunawaan at makilala ang mga salita at gawa ng Diyos, ang mga paraan ng pagsasalita at paggawa ng Diyos, at maging ang disposisyon at diwa ng Diyos. Nakapagsalita na Ako ng kaunti tungkol sa mga katotohanang ito patungkol sa Diyos na nagkatawang-tao noon, pero hindi ito kailanman naging napakapartikular; sa pagkakataong ito, marami Akong nasabi tungkol sa mga ito sa mga partikular na termino. Umaasa Ako na pagkatapos marinig ito, hindi ninyo ituturing ang aspektong ito ng katotohanan bilang isang ordinaryong katotohanan patungkol sa pagsasagawa o isang ordinaryong katotohanan patungkol sa pagkilala sa iba’t ibang uri ng mga tao, kundi sa halip ay ituring ito bilang isang katotohanan patungkol sa pagkilala sa Diyos. Ito ay dahil, sa teorya man o sa realidad, ang nagkatawang-taong Diyos at ang Diyos sa langit ay iisa; ang nagkatawang-taong Diyos ay ang pagpapahayag at pagpapamalas ng Diyos sa lupa at Siya rin ang pinagkatiwalaan ng gawain ng Diyos sa lupa. Paano man ito sabihin, pagdating sa diwa at disposisyon, ang nagkatawang-taong Anak ng tao na ito, una sa lahat, ay kaisa at kaayon ng Diyos sa langit, ang Lumikha. Dahil Sila ay iisa, ang pagkilala sa nagkatawang-taong Diyos ay isang landas tungo sa pagkilala sa Diyos sa langit. Siyempre, ang pagkilala sa nagkatawang-taong Diyos ay isa rin sa mga pinakamagandang oportunidad para makilala ang Diyos sa langit, at nagpapakita ng pinakapaborableng kondisyon para gawin ito. Hindi ba’t ganito iyon? (Oo.) Masasabi ba ninyo na nagmamalabis Ako? (Hindi.) Umaayon ba sa mga katunayan ang sinasabi Ko? (Oo.)

Sinasabi ng ilang tao, “Kaya ng Diyos sa langit na likhain ang lahat ng bagay, magtaglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at magtaglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya ba itong gawin ng nagkatawang-taong Diyos? Dahil ang Diyos na nagkatawang-tao at ang Diyos sa langit ay iisa, at dahil kayang katawanin ng Diyos na nagkatawang-tao ang Diyos sa langit, kaya ba Niyang likhain ang lahat ng bagay? Kaya ba Niyang magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay?” Kapag may nagbahagi ng ganitong pananaw, paano ninyo ito ipinapaliwanag? Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawain ng paglikha sa lahat ng bagay at pagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Oo.) Ano ang batayan mo sa pagsasabi ng “oo”? Sabihin mo sa Akin ang iyong pananaw. Ano ang iniisip mo? (Dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo rin, kaya Niyang gawin ang gawain ng paglikha sa lahat ng bagay at pagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Iyon nga lang, may gawaing dapat gawin ang Diyos na nagkatawang-tao; hindi Niya ginagawa ang iba pang gawaing iyon.) Isa itong paraan ng pagsasabi nito. Sa usapin ng teorya, tama ba ang pahayag na ito? Baluktot o mali ba ito sa anumang paraan? (Hindi.) Ang ibig sabihin ng pahayag na ito ay tiyak na kayang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawain ng paglikha sa lahat ng bagay at pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; nakadepende lang ito sa kung gagawin Niya ito o hindi. Kung hindi Niya ito gagawin, hindi mo ito makikitang mangyari, pero kung gagawin Niya ito, talagang kaya Niya. Tama ang teoryang ito, pero hindi ba’t may puwang sa pagitan ng teoryang ito at ng pinagbabahaginan natin patungkol sa pagkilala sa diwa at sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao? (Oo.) Kung gayon ay pag-isipan pa ninyo ito. Paano ito dapat pagbahaginan upang malutas ang isyung ito? (Diyos ko, may gusto akong idagdag. Ang diwa ng Diyos ay ang katotohanan, at kayang ipahayag ng Espiritu ng Diyos ang katotohanan; pangunahin ding ipinapahayag ng nagkatawang-taong Diyos ang katotohanan. Ang awtoridad ng katotohanan mismo ay maaaring magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at kumontrol sa lahat ng bagay. Pakiramdam ko ay maipapakita nito na ang nagkatawang-taong Diyos at ang Diyos sa langit ay iisa at na kaya rin ng nagkatawang-taong Diyos na magtaglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay.) Tama ba ang pahayag na ito? Tama ang pahayag na ito, pero hindi pa nito natutumbok ang ugat ng isyu, at hindi pa nito nalulutas ang praktikal na isyu. Pinatutunayan nito na ang pahayag na ito ay isa lamang teorya. Pagdating sa anyo ng Diyos na nagkatawang-tao, nililimitahan Siya ng mga likas na kondisyon at ng mga instinto ng laman—sa panlabas, tila hindi Niya kayang gumawa ng mga bagay tulad ng ginagawa ng Espiritu ng Diyos. Ang totoo, hindi sa hindi Niya kayang gawin ang mga ito, kundi, dahil nagkatawang-tao na Siya, pumarito Siya upang gawin ang gawain na dapat gampanan ng Diyos na nagkatawang-tao, at hindi Siya gumagawa ng gawain na walang kaugnayan sa gawaing nararapat sa Kanya. Dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ay may aspekto na normal at praktikal, sa panlabas, tila dahil nalilimitahan ng likas na kondisyon ng pagiging nasa laman at ng iba’t ibang obhetibong salik, hindi Siya maaaring ikumpara sa Diyos sa langit. Gayumpaman, pagdating sa diwa ng Diyos na nagkatawang-tao, kaya Niyang likhain ang lahat ng bagay at kaya rin Niyang kontrolin ang lahat ng bagay. Dahil ang Kanyang diwa ay diwa ng Diyos at ang Kanyang buhay ay buhay ng Diyos, kaya Niyang gawin ang mga bagay na ito. Ang sinabi ninyo ngayon lang ay hindi tumumbok sa ugat ng isyung ito, ni hindi nito natugunan ang pinakapunto ng isyung ito. Kaya, ano ang pinakapunto ng isyung ito? Na kayang likhain ng nagkatawang-taong Diyos ang lahat ng bagay at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay isang katunayan; hindi ito isang teorya, ni hindi ito isang simpleng pahayag, lalong hindi ito isang kuru-kuro ng tao. Kaya, nasaan ang mga pagpapamalas na nagpapakita na kayang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawain ng paglikha sa lahat ng bagay at pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ay may diwa ng Diyos at buhay ng Diyos, kaya Niyang ipahayag ang mga salita ng Diyos. Tungkol naman sa mga salita ng Diyos, ang mga ito mismo ay may taglay na awtoridad at kapangyarihan; kayang isakatuparan ng mga ito ang lahat ng bagay, kaya likhain ng mga ito ang lahat ng bagay, at, siyempre, kaya rin magkaroon ng mga ito ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi ba’t isa itong katunayan? (Oo.) Isinasakatuparan Niya ang mga salitang Siya Mismo ang nagpapahayag, at walang puwersa ang makahahadlang dito. Nakikita mo, ang mga salitang sinasabi ng Diyos na nagkatawang-tao, ng ordinaryong taong ito, ay pawang may taglay na awtoridad at kapangyarihan, anumang uri ng mga salita ang mga ito o tungkol saan man ang mga ito. Isang bagay ito. Dagdag pa rito, gaano man karaming taon ang abutin, ang mga salitang sinasabi Niya ay isinasakatuparan at tinutupad nang isa-isa, nang walang mintis, tulad ng sinasabi ng Diyos sa Kanyang sariling mga salita, “Ang Diyos ay totoo sa Kanyang salita, at ang Kanyang salita ay matutupad, at ang Kanyang ginagawa ay mananatili magpakailanman.” Ang pahayag na ito ang pinakatunay at pinakapartikular na paliwanag patungkol sa paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay at pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Mula sa pinakaunang salitang sinabi Niya hanggang sa ngayon, ang bawat isang salita ay unti-unting tinutupad at isinasakatuparan sa iba’t ibang antas, sa iba’t ibang sulok ng mundo, at sa iba’t ibang panahon. Mula sa perspektibang ito, kaya bang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawain ng pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Oo.) Nakikita ba ninyo ang mga katunayan sa aspektong ito? (Oo.) Ito ay isang aspekto ng mga katunayan. Ang isa pang aspekto ay na, ang mga salitang ito na ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao—kung tatanggapin mo ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, kung lalapit ka sa Diyos, at magagawa mong tanggapin ang mga salitang ito—ay maaaring maging iyong buhay, magbago ng iyong pananaw sa buhay, at magbago ng direksyon ng iyong sariling asal. Ang mga tumatanggap sa mga salitang ito ay hinahatulan, kinakastigo, inilalantad, kinokondena, o isinusumpa pa nga ng mga ito, pero sa huli ay nalulupig silang lahat ng mga salitang ito. Pagkatapos malupig ng mga salitang ito, sa huli ay nakakamit ang mga ito ng mga taong naghahangad ng katotohanan; hindi nagtatagal, ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay nagiging buhay nila, at kapag nangyari ito, ang mga taong ito ay nagiging isang bagong sangkatauhan. Ang pagsilang ng isang bagong sangkatauhan—sabihin ninyo sa Akin, ito ba ay resultang nakamit ng mga salita ng Diyos? (Oo.) Bagama’t ang bagong sangkatauhang ito at ang sangkatauhan mula sa panahon nina Adan at Eba ay parehong nilikha ng Diyos, ang anyo at pamamaraan ng paglikha sa kanila ay magkaiba. Ang pagsilang ng bagong sangkatauhang ito ay nangangahulugan na gumamit ang Diyos ng mga salita upang muling lumikha ng isang sangkatauhan. Kaya, dahil gumagamit ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga salita upang lumikha ng sangkatauhan, sa tingin mo ba ay masasabi rin na kayang likhain ng Diyos na nagkatawang-tao ang lahat ng bagay? (Oo.) Ang mga tao na tumatanggap ngayon sa yugtong ito ng gawain, tumatanggap sa mga salita ng Diyos, at tumatanggap sa pagkastigo at paghatol ng Diyos at dinadalisay, ay ganap na magkaibang uri ng mga tao mula sa mga tao noong panahon nina Adan at Eba o sa mga tiwaling tao—sila ay dalawang uri ng mga tao na may magkaibang buhay. Ang mga tumatanggap sa mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay ay mga miyembro ng isang bagong sangkatauhan; naiwaksi na nila ang lumang kalikasan ng tiwaling sangkatauhan, taglay nila ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, at naging isa na silang bagong sangkatauhan, malapit nang pumasok sa isang bagong kapanahunan, sa isang bagong yugto ng panahon. Batay sa puntong ito, masasabi ba na ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay muling lumikha ng isang bagong sangkatauhan? Gumamit Siya ng mga salita upang lumikha ng isang bagong sangkatauhan na may taglay na mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Isang aspekto ito. Ito ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao. Batay sa mga epekto ng Kanyang gawain at sa panghuling resulta, kaya Niyang gawin ang gawain ng paglikha sa lahat ng bagay at pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang dahilan kung bakit kaya Niyang gawin ang gawaing ito ay dahil nananahan ang Espiritu ng Diyos sa loob ng lamang ito, at mayroon itong dibinong diwa, kapangyarihan ng Diyos, at awtoridad ng Diyos, at siyempre, higit pa rito ay taglay nito ang katotohanang taglay ng Diyos. Ang Diyos sa langit—ang Lumikha—ay gumamit ng mga salita upang likhain ang lahat ng bagay; nagsalita Siya, at ito ay nangyari; nag-utos Siya, at ito ay naitatag. At ang huling yugtong ito ng gawain na ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay eksaktong kapareho ng gawain ng Diyos sa langit na gumagamit ng mga salita upang isakatuparan ang lahat ng bagay at gumagamit ng mga salita upang likhain ang lahat ng bagay; magkapareho ang kalikasan ng mga ito. Bagama’t ang laman na naging anyo ng Diyos upang gawin ang yugtong ito ng gawain ay mukhang isang ordinaryo at normal na tao, na hindi nagkaroon ng anumang nakayayanig na mga tagumpay o nakagawa ng anumang nakayayanig na mga gawa, ang mga salitang sinabi Niya at ang mga katotohanang ipinahayag Niya sa loob ng maraming taong ito ay nagdulot nang makamit Niya ang isang grupo ng mga tao at unti-unti nang naikintal ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa mga tao. Hindi magtatagal, isang bagong sangkatauhan na may taglay na mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay ang isisilang; ito ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao. Anong gawain ito? Ito ay ang paggamit ng mga salita upang isakatuparan ang huling yugto ng gawain ng Diyos, ang pagkikintal ng mga salita sa mga tao, at gayundin ang paggamit ng mga salita upang muling lumikha ng isang bagong sangkatauhan. Isang aspekto ito. Ang isa pang aspekto ay na simula noong nagkatawang-tao ang Diyos sa ikalawang pagkakataon upang gumawa ng gawain, ang ikalawang yugto ng gawain ng Diyos—ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya—ay idineklarang tapos na at winakasan na. Sa sandaling natapos ang Kapanahunan ng Biyaya, ang gawain ng Banal na Espiritu sa Kapanahunan ng Biyaya at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya ay idineklarang tapos na. Ang buong relihiyosong mundo, sa usapin ng relihiyosong anyo nito at sa pagbibigay-kahulugan ng Diyos dito, ay naging isang bagay na bahagi na ng nakaraan. Ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga simbahan at grupo sa Kapanahunan ng Biyaya ay binawi nang magsimulang gawin ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Ibig sabihin, mula sa sandaling nagpakita at gumawa ang Diyos na nagkatawang-tao, at nagbigkas ng mga salita at nagsalita, ang buong relihiyosong mundo ay inilarawan ng Diyos bilang mga relihiyosong lugar at relihiyosong grupo; ang mga ito ay hindi na mga lugar kung saan gumagawa ang Diyos, ni ang mga ito ay hindi na mga layon ng pangangalaga ng Diyos. Nilisan na sila ng Diyos, na ang ibig sabihin, hindi na gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanila. Maging ito man ay Kristiyanismo, Katolisismo, Judaismo, o iba pa, lahat ng ito ay inilarawan bilang mga relihiyon. Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa gitna nila. Ang gawain ng Diyos ay ganap nang pumasok sa isang bagong kapanahunan, isang bagong yugto ng panahon. Ibig sabihin, mula noong nagkatawang-tao ang Diyos sa ikalawang pagkakataon at pormal na nagsimulang gumawa ng gawain at magpahayag ng Kanyang mga salita, ganap nang natapos ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang lahat ng gawain at aktibidad ng relihiyosong mundo ay idineklara ring tapos na dahil nagsimulang magpahayag ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga salita at ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan ng yugtong ito ng gawain. Ang deklarasyong ito ng pagtatapos ng mga ito ay nangangahulugan na para sa buong sangkatauhan, mayroong isang bagong pagbabalangkas patungkol sa pananampalataya, relihiyosong anyo, at paglalarawan sa mga relihiyosong pangalan. Lumipas na ang kapanahunang iyon, na ang ibig sabihin, ganap nang natapos ang Kapanahunan ng Biyaya. Ngayong mayroon na tayo ng bagong pagbabalangkas na ito, maitatakda na ang Kristiyanismo o Katolisismo ay hindi na iginagalang sa gitna ng sangkatauhan bilang isang nangungunang relihiyon na gumagabay sa mga kalakaran sa pananampalataya ng sangkatauhan, kundi naging isang bagay na bahagi na ng nakaraan. Ito ay dahil nagsimula na ang Diyos na nagkatawang-tao sa pag-akay sa sangkatauhan, na malapit nang pumasok sa susunod na bagong kapanahunan at malapit nang humakbang sa isang bagong kapanahunan. Mula noong nagsimulang humakbang ang Diyos na nagkatawang-tao sa susunod na kapanahunan, ang Kristiyanismo ay naging isang bagay na bahagi na ng nakaraan sa gitna ng buong sangkatauhan; naging isa itong lumang relihiyon. Siyempre, mula noong nagsimulang gumawa ng gawain at magpahayag ng mga salita ang Diyos na nagkatawang-tao, ang buong sangkatauhan ay, nang hindi nila namamalayan, nadala sa isang bagong kapanahunan, isang bagong yugto ng panahon. Sa buong sangkatauhan, maging mga paksa man o mga sikat na salita na kinasasangkutan ng relihiyon, o ilang tagapagpahiwatig ng kalakaran sa iba’t ibang larangan, lahat ng ito ay umuunlad din sa isang bagong direksyon at dinadala sa isang bagong yugto ng panahon. Siyempre, ang mga salitang ipinahayag at ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao, pati na rin ang iba’t ibang espirituwal na termino at kasabihan na sikat sa iglesia, o ilang kaisipan at pananaw na may kinalaman sa pananampalataya, sa panahong darating, ay makaiimpluwensiya sa sangkatauhang ito sa loob ng isang panahon, tulad ng pag-impluwensiya ng Kristiyanismo sa buong sangkatauhan sa loob ng dalawang libong taon sa iba’t ibang larangan. Habang lumalaganap ang gawain ng Diyos, at lumalaganap ang ebanghelyo, ang mga salitang sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao, o ilang kasabihan at ilang kaisipan at pananaw sa loob ng saklaw ng yugtong ito ng gawain ng Diyos sa iglesia, ay unti-unting gagabay at aakay sa sangkatauhan sa susunod na kapanahunan, at gigiya sa paraan ng kanilang pamumuhay; ito ang kalakaran. Siyempre, nang simulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang yugtong ito ng gawain, dahil sa paglipat ng gawain ng Banal na Espiritu, naiwala ng relihiyosong mundo ang gawain ng Banal na Espiritu at nasadlak ito sa isang kalagayan ng pagkatiwangwang. Sa praktikal na pananalita, masasabi na ang relihiyosong mundo ay tiniwalag at binuwag ng yugtong ito ng gawain. Ibig sabihin, ang pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao at ang simula ng yugtong ito ng gawain ng Diyos ay hindi lang isang hamon sa buong mundo, sa sangkatauhan, at sa kanilang pananampalataya, kundi isa ring pagkokondena, at—siyempre—isang uri ng pagbabago, hindi ba? (Oo.) Simula noong nagsimula ang Diyos na na nagkatawang-tao na magpahayag ng mga salita at gumawa ng yugtong ito ng gawain, ang direksyon ng pananampalataya ng buong sangkatauhan ay ganap nang nabago, at ang relihiyosong mundo ay ganap na ring nabago; lahat ng ito ay mga katunayan. Ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao at ang iba’t ibang paksang ito na may kinalaman sa katotohanan ay unti-unting lalaganap sa lahat ng bansa at lugar sa mundo sa hinaharap, lalaganap sa iba’t ibang larangan at relihiyosong grupo. Ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na tinatalakay ng mga salitang ito ay malapit nang makaimpluwensiya sa relihiyosong mundo at sa sangkatauhang ito, at, siyempre, malapit nang baguhin ng mga ito ang sangkatauhang ito at ang relihiyosong mundo, binabago ang kasalukuyang sitwasyon ng sangkatauhan at ng relihiyosong mundo. Katumbas ito ng pagsasabi na ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay muling gumagamit ng Kanyang mga salita at ng mga pananaw na Kanyang ipinapahayag sa iba’t ibang bagay upang impluwensiyahan ang buong sangkatauhan at ang relihiyosong mundo. Tungkol naman sa mga salitang ito mismo, mayroon sapat na awtoridad at kapangyarihan ang mga ito upang baguhin ang sangkatauhan, ang mundong ito, at ang relihiyosong mundo, upang ibukod-bukod ang mga tao ayon sa kanilang uri at klasipikahin sila, at upang ideklara ang kanilang mga kalalabasan at hantungan. Siyempre, habang ipinapahayag ng Diyos ang lahat ng salitang ito, ang Espiritu ng Diyos ay walang-tigil ding nagbabago ng iba’t ibang sitwasyon at nagpapatupad ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Saanman lumaganap ang mga salitang ito na sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao, tanggapin man o labanan ang mga ito ng mga nakaririnig at nakababasa sa mga ito, inaantig sila ng mga salitang ito, at ang lahat ng nakakasalamuha ng mga ito ay unti-unting nabubunyag at nakaklasipika. Ibig sabihin, sa presensya ng mga salitang ito, ang mga tao ng bawat uri—iyong mga nagmamahal sa katotohanan at iyong mga tutol sa katotohanan; mga tiwaling tao, mga diyablo, mga hayop, at mga naglalakad na bangkay; iyong mga may iba’t ibang uri ng paghahangad at iyong mga may iba’t ibang uri ng kaisipan at pananaw; pati na rin iyong mga nananampalataya sa Diyos na may iba’t ibang kuru-kuro, ambisyon, at pagnanais—ay nabubunyag ang mga tunay na kulay. Sa ganitong paraan, ang mga tao ay pawang ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri: Ang mga tupa ng Diyos na nagmamahal sa katotohanan ay bumabalik sa sambahayan ng Diyos; samantala, iyong mga hindi nagmamahal o tumatanggap sa katotohanan ay hindi mga tupa ng Diyos—pinagsasarhan sila ng pinto at kinokondena at itinitiwalag. Ang ganitong uri ng mga tao, na kinokondena at itinitiwalag, ay malapit nang maghintay sa paghatol ng dakilang araw na sinabi sa mga salita ng Diyos—iyon ang kaparusahan ng masasamang tao na sinabi sa mga salita ng Diyos. Ang epekto ng paggawa ng Diyos sa yugtong ito ng gawain at pagsasabi ng mga salitang ito sa sangkatauhan, kapwa ngayon at sa hinaharap, ay ganap na ang resultang nakamit ng mga salita ng Diyos, at pawang nakamit ng lakas ng mga salita ng Diyos. Ang mga salitang ito ay pawang ang gawaing ginawa at ang mga salitang sinabi ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagkakatawang-tao. Kung gayon ay sabihin ninyo sa Akin, batay sa epektong ito, o mula sa iba’t ibang resulta na nakamit na at nakikita ng mga tao, kaya ba ng Diyos na nagkatawang-tao—pagdating sa Kanyang diwa at Kanyang pagkakakilanlan—na gawin ang gawain ng paglikha sa lahat ng bagay at pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Oo, kaya Niya.) Ang pagsasabing “kaya Niya” ay hindi isang doktrina o isang simpleng pahayag, tama? (Tama.) Bagama’t ang Diyos na nagkatawang-tao, sa usapin ng anyo, ay hindi kasinghiwaga at kasingdi-maarok o kasingmakapangyarihan ng Diyos sa langit o ng Espiritu ng Diyos, sa usapin ng Kanyang diwa at Kanyang buhay, at sa usapin ng mga salitang Kanyang ipinapahayag, ganap na may kakayahan Siyang lumikha ng isang bagong sangkatauhan, na baguhin ang mundong ito at baguhin ang sangkatauhan, at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa sangkatauhan. Ito ay dahil ang paggamit ng Diyos na nagkatawang-tao ng mga salita upang isakatuparan ang lahat ng ito ay ganap na kaayon at ganap na tugma sa paggamit ng Diyos sa langit ng mga salita upang isakatuparan ang lahat ng bagay. Pagdating sa panlabas na anyo na siyang pagkakatawang-tao ng Diyos, at sa Kanyang panlabas na hitsura, tila hindi Niya kayang gawin ang gawaing ginagawa ng Diyos sa langit at hindi Niya taglay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos sa langit. Gayumpaman, pagdating sa Kanyang diwa at buhay, kaya Niyang gawin ang gawain ng paggamit ng mga salita upang isakatuparan ang lahat ng bagay, likhain ang lahat ng bagay, at baguhin ang lahat ng bagay, tama? (Oo.) Tingnan ninyo kung paano ang mga bagay-bagay ngayon: Maging ito man ay ang relihiyosong mundo o ang mundong ito mismo, kung ano ang mga anyo ng mga ito at kung nasa anong kalagayan ang mga ito ay pawang nauugnay sa mga salita ng Diyos. Sa isang banda, tinutupad ng lahat ng ito ang mga salitang sinabi ng Diyos; sa kabilang banda, itinitiwalag ang mga ito dahil sa pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang mga bagong salita at sa Kanyang pagpapahayag ng katotohanan. Paano mo man ito tingnan, sa alinmang kalagayan sila naroroon sa kasalukuyan, ang mga kalagayang ito ay pawang binago ng mga salita ng Diyos, nangyari bilang resulta ng mga salita ng Diyos, at nauugnay sa mga salitang ipinapahayag ng Diyos at sa lahat ng aspekto ng sinasabi ng Diyos. Habang lumalaganap ang ebanghelyo at mas malawakang naipapakalat ang mga salita ng Diyos, mas maraming tao—mga tao mula sa lahat ng bansa sa mundo, mga tao ng lahat ng lahi at mula sa lahat ng larangan—ang lalapit at tatanggap sa bagong yugtong ito ng gawain ng Diyos. Sa ganitong paraan, mas maraming tao ang tatanggap sa mga salita ng Diyos, mas maraming tao ang babaguhin ng mga salita ng Diyos, at mas maraming tao ang magkakamit ng mga salita ng Diyos at magiging isang bagong sangkatauhan. Siyempre, habang lumalaganap ang ebanghelyo at mas malawakang naipapakalat ang mga salita ng Diyos, sa malapit na hinaharap—ang malapit na hinaharap na ito ay tiyak na magiging mas maikli kaysa sa dalawang libong taon ng Kapanahunan ng Biyaya—ang pananampalataya ng sangkatauhan, at ang kanilang mga kaisipan at pananaw sa lahat ng uri ng usapin, ay babaguhin ng mga salita ng Diyos. Iyong mga hindi naniniwala o kumikilala sa mga salita ng Diyos, at iyong mga hindi kumikilala sa Diyos, ay maiimpluwensiyahan din ng mga salitang ito sa iba’t ibang antas. Batay sa mga resultang ito, sa huli ay mauuwi ito sa katunayan ng katotohanan na ang mga salitang sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao ay kayang magsakatuparan ng lahat ng bagay at magbago ng lahat ng bagay, tama? (Oo.)

Batay sa mga aspektong ito ng nilalaman na napagbahaginan natin, mayroon bang anumang puwang sa pagitan ng gawaing ginawa at mga salitang sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao, at ng gawain at mga salita ng Diyos sa langit? (Wala.) Walang kontradiksyon sa pagitan ng katunayan na kayang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawain ng paglikha sa lahat ng bagay at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at ng katunayan na nilikha ng Diyos sa langit ang lahat ng bagay at mayroon Siyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; walang distansya o puwang sa pagitan ng dalawang katunayang ito. Ang puntong ito ay dapat na walang pag-aalinlangan. Ang katiyakang ito ay hindi isang teorya, ni hindi ito isang kuru-kuro o isang imahinasyon, lalong hindi ito isang magandang kasabihan lang; sa halip, ito ay isang bagay na sinasabi natin batay sa mga katunayan. Ang isa pang mahalagang punto ay na anuman ang sabihin ng Diyos na nagkatawang-tao o anong uri ng gawain ang nilalayon Niyang gawin, sa isang banda, ang Kanyang mga salita mismo ay nagtataglay ng awtoridad at kapangyarihan, at kayang magkamit ng resulta ng pagsasakatuparan sa lahat ng bagay. Sa kabilang banda, habang inilalabas ang Kanyang mga salita, ang Espiritu ng Diyos ay gumagawa rin nang kaalinsabay ng mga ito upang isakatuparan ang lahat ng ito. Ito ay isang bagay na walang sinumang tao ang makapagkakamit sa pamamagitan ng kanyang mga salita o kilos. Anuman ang gawin ng sinumang ordinaryong tao, tulad ng isang propeta, isang kilalang tao, o isang eksperto—subukan man nilang maghinuha o humula ng isang bagay, magsalita tungkol sa ilang penomenon, o maglabas ng ilang ulat—hindi nila malinaw na maipapaliwanag kung paano partikular na uunlad ang mga bagay-bagay o kung ano ang mangyayari, at hindi sila nangangahas na sabihin nang may isandaang porsiyentong katiyakan, “Ang mga salitang ito ay tiyak na isasakatuparan at tiyak na magiging katunayan.” Ito ay isang bagay na hindi kayang maarok ng mga tao. Pero sa Diyos, dahil ang bawat salitang sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang pagpapahayag ng disposisyon at diwa ng Diyos, at nagmumula sa Diyos, anuman ang sinasabi Niya, tiyak na maisasakatuparan at matutupad ito. Sa isang banda, ito ang lakas at awtoridad ng mga salita ng Diyos. Sa kabilang banda, dapat mong mapagtanto na ito ay ang paggawa ng Espiritu ng Diyos. Masasabi rin ba na habang gumagawa ng gawain ang Diyos na nagkatawang-tao, gumagawa rin ang Espiritu ng Diyos, at na ang laman at ang Espiritu ay hindi mapaghihiwalay at iisa? (Oo.) Kung gayon ay sabihin ninyo sa Akin, kapag nagsasalita ang Diyos na nagkatawang-tao, ang laman ba na ito ang nagsasalita o ang Espiritu ng Diyos ang nagsasalita? Maipapaliwanag ba ninyo ito nang malinaw? Ang Diyos ang nagpapahayag ng mga salita, tama? Tiyak na dahil ang Diyos ang nagpapahayag ng mga salita, ang Kanyang mga salita ay pawang maisasakatuparan, at pawang tinutupad. Napakarami na nating napagbahaginan tungkol dito—nalutas na ba ang isyung kababanggit lang natin? (Oo.) Isinasakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, at gumagamit ang Diyos ng mga salita upang likhain ang lahat ng bagay—sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t ito ang katotohanan? Hindi ba’t isa itong katunayan? (Oo.) Ito ang katotohanan, at isa rin itong katunayan. Samakatwid, ang mga resultang nakamit ng gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi isang bagay na makakamit ng isang ordinaryong tao, at ang kalikasan at diwa ng Kanyang gawain at mga salita ay hindi ang kalikasan at diwa ng mga salita ng isang ordinaryong tao. Kung may magtatanong, “Kaya ba ng mga tao na likhain ang lahat ng bagay, magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at magsakatuparan ng lahat ng bagay?” tiyak na masasagot natin, “Hindi!” Kung may magtatanong, “Kung gayon, kaya ba ng Diyos na nagkatawang-tao na likhain ang lahat ng bagay, magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at magsakatuparan ng lahat ng bagay?” hindi tayo dapat mag-atubili kahit kaunti, at tiyak na sumagot ng, “Oo!” Ang mga salitang ito ay hindi doktrina, kundi mga katotohanan at katunayan.

Dati, noong ang unang volume pa lamang ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ang naipapahayag at maraming tao ang lumabas para ipangaral ang ebanghelyo, medyo maraming relihiyosong tao ang nakabasa sa mga salita ng Diyos at tumanggap sa yugtong ito ng gawain ng Diyos; ganap na gumuho ang relihiyosong mundo. Ngayon, ang ikalawa, ikatlo, ikaapat, ikalima, ikaanim, at ikapitong volume ay pawang naipahayag na, at kalaunan ay lumaganap sa bawat sulok at relihiyosong lugar ng bawat lahi at bansa. Kapag isinapubliko ang mga salitang ito sa buong sangkatauhan, sabihin ninyo sa Akin, ano ang magiging epekto niyan? Magiging anong uri ng eksena ito? Magiging iba ang sangkatauhan, tama? (Oo.) Sa isang taon kung kailan malawakang ipinalaganap ang ebanghelyo sa buong Tsina, sinuong ng ilang tao ang panganib para ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng dako, sa mga lugar tulad ng mga kalye, pabrika, at nayon. Noong panahong iyon, talagang napakaraming tao ang tumanggap sa ebanghelyo. Noong ang unang volume pa lamang ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ang naipapahayag, marami nang tao ang naniwala at kumilala na ito ang tunay na daan. Kinilala ng ilang tao na ito ang tunay na daan pero hindi sila nangahas na tanggapin ito dahil sa baliw na paniniil, pag-aresto, at pag-usig ng malaking pulang dragon, gayunman ay lumaganap pa rin ang mga salita ng Diyos sa buong Tsina. Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay naitatag sa bawat probinsya, lungsod, at bayan. Dahil dito ay nanginig sa takot ang malaking pulang dragon; ginawa nito ang lahat ng makakaya nito para magsagawa ng paniniil at pag-aresto, at nagbanta pa nga na “Uurong lamang ang puwersa kapag natapos na ang pagpuksa.” Pero hindi inasahan ng sinuman na pagkalipas ng sampung taon, lalaganap ang mga salita ng Diyos sa lahat ng bansa at lugar sa mundo. Sa partikular, nasaksihan natin ang patuloy na malawakang paglaganap ng gawain ng ebanghelyo sa Pilipinas sa Asya, sa Hilagang Amerika at Timog Amerika, at sa Europa at Aprika. Kapag nangangaral ng ebanghelyo sa Tsina, mayroong isang termino na tinatawag na “panggrupong pag-eebanghelyo,” na tumutukoy sa pangangaral ng ebanghelyo sa ilan o dose-dosenang tao nang sabay-sabay, na nagbunga ng partikular na magagandang resulta. Kalaunan, dahil sa baliw na paniniil at pag-aresto ng malaking pulang dragon, nahinto ang pamamaraang ito, pero naging tanyag itong muli sa iba pang bansa. Sa ilang bansa sa Asya, hindi nila ito tinatawag na “panggrupong pag-eebanghelyo,” kundi “pagpapalaganap ng ebanghelyo sa buong mga nayon, paaralan, at pabrika,” at ipinapalaganap pa nga nila ang ebanghelyo sa mga ahensya ng gobyerno, mga istasyon ng pulisya, at mga yunit ng militar. Isang katulad na eksena ang lumitaw: Maraming tao ang tumanggap sa ebanghelyo. Ang buong sangkatauhan, anuman ang industriyang kinabibilangan nila, anuman ang grupong kinabibilangan nila, o mula sa anumang etnikong grupo sila, ay namumuhay sa kadiliman, kawalan ng magagawa, at pagkalito. Hindi nila alam kung paano mamuhay, at hindi nila alam kung paano umasal; kailangan ng sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos. Ang kaligtasang ito ay hindi isang pormalidad, ni hindi ito isang ritwal. Sa halip, ang pagliligtas sa mga tao ay nangangailangan ng mga salita ng Diyos, ng pag-akay ng mga salita ng Diyos, ng gabay at kaliwanagan ng mga salita ng Diyos, at ng paggamit ng Diyos ng malinaw na wika para ituro ang direksyon at landas para sa mga tao, at para turuan din ang mga tao kung paano umasal, kung anong uri ng mga tao sila dapat maging, kung anong uri ng landas ang dapat tahakin, at kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin sa bawat usaping kinakaharap nila. Kailangang-kailangan ng sangkatauhang ito ang mga katotohanang ito. Samakatwid, kapag ipinapalaganap ito ng mga taong nangangaral ng ebanghelyo sa mga buong nayon, bayan, paaralan, pabrika, yunit ng militar, at istasyon ng pulisya, binabasa nila nang malakas ang ilang nauugnay na salita ng Diyos at pinatototohanan din ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Karamihan sa mga tumanggap ng ebanghelyo ay handang makinig at tumanggap, at gusto rin nilang makibahagi sa buhay iglesia—iyon nga lang, hindi ito pinahintulutan ng mga kondisyon nila noong panahong iyon; nasasailalim sila sa ilang paghihigpit. Pero batay sa mga penomenong ito na naganap sa panahon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, ang sangkatauhang ito ay namumuhay ng partikular na malungkot at kaawa-awang buhay, at kailangan nila ang gabay ng mga salita ng Diyos. Tanging ang mga salita ng Diyos ang makapagbibigay sa kanila ng direksyon at mga layon, makapagbibigay-kakayahan sa kanila na mamuhay nang mas mabuti, at makapagbibigay-kakayahan sa kanila na patuloy na mabuhay, hindi na nagdurusa sa pagpapahirap ni Satanas o ng masasamang kalakaran. Kung tatanggapin ng buong sangkatauhan ang mga salitang ito ng Diyos, at tatanggapin ang pagtustos ng Diyos at ang patnubay ng mga salita ng Diyos mula sa Kanya, sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t mamumuhay sila nang napakasaya? (Oo.) Isang bagay ang tiyak: Kung tatanggapin ng sangkatauhang ito ang pagtustos at gabay ng mga salita ng Diyos, mamumuhay sila sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos at hindi na magdurusa sa pagpapahirap ni Satanas, at magiging iba ang kalalabasan nila kaysa sa kasalukuyang tiwaling sangkatauhang ito. Hindi ba’t ganito iyon? (Oo.) May narinig ba kayong ilang bagay tungkol sa mga sitwasyong ito patungkol sa pangangaral ng ebanghelyo? (Mayroon.) Para sa mga taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, pagkatapos nilang mabasa ang mga salitang ito ng Diyos nang mahabang panahon, nararamdaman lang nila sa kanilang puso, “Mga salita ito ng Diyos, mabuti ang mga salitang ito, at ang mga ito ang katotohanan,” nang hindi nakakaramdam ng labis na pananabik. Pero para sa mga kakarinig pa lang sa mga salitang ito, nakakaramdam sila ng patustos sa kaibuturan ng kanilang puso, tulad ng mga isdang nakahanap ng daan pabalik sa batis. Mayroong kasabihan, “kasingginhawa ng ulan pagkatapos ng mahabang tagtuyot”—ganitong-ganito ang nararamdaman nila. Samakatwid, maraming tao ang naging handang tumanggap sa mga salita ng Diyos pagkatapos marinig ang mga ito. Ang mga estudyante sa mga paaralan, mga pulis at mga hepe ng pulisya sa mga istasyon ng pulisya, at mga opisyal ng gobyerno ay pawang naging handang tanggapin ang mga ito. Mayroon pa ngang mga pastor sa relihiyosong mundo na nanguna sa pagtanggap sa mga ito, nagdadala sa ilang kapwa miyembro ng kaparian at mga mananampalataya sa loob ng iglesia. Paano man ito tingnan, ang mga salitang sinabi at ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi lang makapagtutustos sa mga pangangailangan ng sangkatauhan, kundi makapagpapabago rin sa kanilang tadhana. Samakatwid, ang mga katotohanang may kinalaman sa pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay napakahalaga, at ang pagkilala sa Kanya ay bahagi ng pagkilala sa Diyos; walang duda rito. Nakilala na ba ninyo ang mga bagay na ito? (Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan ng Diyos nang ganito, medyo nakilala na namin ang mga ito. Noon, ang kaalaman namin sa Diyos na nagkatawang-tao ay pawang doktrina; alam namin na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, pero hindi namin nakita ang mga katunayan. Pagkatapos ng pagbabahagi ng Diyos, naging mas malinaw na ito sa amin.) Ngayong mas malinaw na ito sa inyo, mas higit na ba ang inyong pananalig? (Oo.) Kung isang araw sa lokal mong iglesia ay magkaroon ng mga pagdududa ang karamihan sa mga tao tungkol sa Diyos, hindi na sila naglalakas-loob na manampalataya, at nawawalan sila ng pananalig dahil sa pag-uusig ng gobyerno at pagtatakwil ng mundo, iniiwan kang nag-iisa na lang, at bukod pa roon, maraming tao ang humuhusga at kumokondena sa iyo, sinasabing, “Ang sinasampalatayanan ninyo ay isang tao; nailihis ka,” ano ang gagawin mo? (Babalewalain ko sila at patuloy akong mananampalataya.) Maaapektuhan ka ba? Makakaramdam ka ba ng pangungulila? Magkakaroon ka rin ba ng mga pagdududa, iniisip mo, “Napakaraming tao sa mundong ito ang hindi nananampalataya; tama ba talaga ang pananampalataya ko? Ano ang makakamit ko sa patuloy na pananampalataya nang ganito? Magkakaroon ba ako ng magandang kalalabasan at hantungan?” Mag-iisip ba kayo nang ganito? (Ngayong nakikita namin na marami sa mga salita ng Diyos ang naisakatuparan at natupad na, hindi kami magkakaroon ng mga kaisipang ito, pero minsan ay magkakaroon pa rin kami ng ilang kahinaan.) Ang kahinaan ay hindi dapat katakutan. Mayroong isang punto na, kung makakatiyak ka rito, ay pipigil sa iyo na matisod dahil sa kahinaang ito. Dapat mong tandaan ang puntong ito: Gaano man kanormal at kapraktikal ang Diyos na nagkatawang-tao, kahit pa makita mo ang itinuturing mong mga kapintasan at pagkukulang sa Kanya, o kahit pa makarinig ka ng ilang walang batayang tsismis, o malaman mo na ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagkasakit at nagkaroon ng mga pagpapamalas ng pasakit at kahinaan, hindi problema ang mga ito. Gaano man kanormal at kapraktikal ang Diyos na nagkatawang-tao, gaano man Siya kaordinaryo, at anuman ang panlabas Niyang anyo, panghawakan mo lang nang mahigpit ang isang bagay—Siya ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ito ang dahilan mo sa pagsunod sa Kanya, at ito rin ang batayan ng pananampalataya mo sa Diyos. Kung makakatiyak ka sa puntong ito, sapat na iyon, at hindi ka kailanman magkakaroon ng anumang pagsisisi. Sinusunod mo Siya hindi dahil sa anumang dahilan kundi dahil Siya ay ang katotohanan, ang daan, at ang buhay; kaya ka Niyang dalhin sa harap ng Diyos, kaya Niyang katawanin ang Diyos, at Siya ang pagpapamalas ng Diyos, ang pagpapahayag ng Diyos, at ang Siyang pinagkatiwalaan ng gawain ng Diyos sa lupa. Tama na sumunod ka sa Kanya. Sa pagsunod sa Kanya, hindi ka sumusunod sa isang tao, kundi sa halip ay sumusunod ka sa Diyos. Isa kang tagasunod ng Diyos, isa sa mga tupa ng Diyos; hindi ka tumahak sa maling landas. Sa pagsunod sa Kanya, hinding-hindi ka tatahak sa maling landas at hinding-hindi ka maliligaw ng direksyon. Sa pagsunod sa Kanya, isa kang nilikha ng Diyos; hinding-hindi ka magkakamali sa pagsunod sa Kanya. Sa sandaling makatiyak ka rito, nailatag na ang pundasyon ng pananampalataya mo sa Diyos. Gaano man kanormal at kapraktikal ang Diyos na nagkatawang-tao sa paningin mo, anuman ang mga walang batayang tsismis o maling paniniwala ang marinig mo, o anumang mga kuru-kuro ang mayroon ka pa rin na hindi pa nalulutas, hindi mahalaga ang lahat ng iyon. Kahit pa mayroon kang kahinaan at pasakit, hindi rin iyon mahalaga. Hangga’t mayroon kang tunay na pananalig, hangga’t kaya mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang anumang mga problemang kinakaharap mo, at hindi mo kailanman iniiwan ang Diyos sa anumang oras, sa huli ay tiyak na magiging isang tao ka na nakamit ng Diyos, isang miyembro ng bagong sangkatauhan na pumapasok sa susunod na kapanahunan, at magiging isa kang tao na pinagpapala. Samakatwid, sa lahat ng oras, hindi ka dapat maimpluwensiyahan ng panlabas na kapaligiran, ng anumang mga pahayag, ng sinuman na itinuturing mong isang dakilang tao o sikat na tao, o ng sinuman na sinasamba mo. Ang tanging kailangan mong gawin ay matatag na maniwala na ang Siyang katotohanan, ang daan, at ang buhay ay ang Diyos Mismo—sapat na iyon.

Ang napagbahaginan natin ngayon lang ay ang kahalagahan ng mga katotohanang may kinalaman sa pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao. Dahil ang Diyos na nagkatawang-tao ay ganap na may kakayahang katawanin ang Diyos Mismo sa paggawa ng sariling gawain ng Diyos, kung gayon ay natural lang na ang impluwensiya ng mga salitang sinasabi Niya at ng gawaing ginagawa Niya sa buong sangkatauhan ay unti-unti ring mangyayari at makikita mo. Anuman ang mangyari, ang gawaing ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo, at ang mga salitang ipinapahayag Niya ay ang mga salitang ipinapahayag ng Diyos Mismo. Ibig sabihin, anuman ang wangis o panlabas na anyo ng Diyos na nagkatawang-tao, ganap Siyang may kakayahang katawanin ang Diyos Mismo. Samakatwid, ang pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay bahagi rin ng pagkilala sa Diyos, at hindi mo dapat kaligtaan ang mga katotohanan sa usaping ito. Kung gusto mong makilala ang Diyos at makilala ang Diyos sa langit, at kung gusto mong bitiwan ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos sa langit, dapat mo munang makilala ang Diyos sa lupa, makilala ang Diyos na nagkatawang-tao, at bitiwan ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang paggawa nito ay lalo pang makatutulong sa pagpapalago ng pananalig mo sa Diyos at sa pagpapatibay ng pundasyon mo bilang isang tagasunod ng Diyos. Hangga’t nakakatiyak ka na ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo, at na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, hindi mo Siya ituturing bilang isang tao. Habang mas sinusunod mo Siya at dinaranas ang Kanyang mga salita at gawain, mas mararamdaman mo na, “Ang ordinaryong taong ito ay hindi ordinaryo. Hindi Siya isang ordinaryong tao sa tunay na kahulugan ng salita; sa halip, Siya ay isang ordinaryong tao na may diwa ng Diyos.” Sa sandaling mapagtanto mo ito, hindi mo Siya ituturing bilang isang miyembro ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan, kundi tatratuhin mo Siya bilang isang tao na may pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Magiging iba ito sa kung paano mo tratuhin ang isang miyembro ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan, ginagamit ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga paraan ng paghawak sa mga bagay-bagay na umiiral sa mga tao; sa halip, tatratuhin mo ang Diyos na nagkatawang-tao sa paraan ng pagtrato mo sa Diyos. Sa pagtrato sa nagkatawang-taong Anak ng taong ito nang ganito, makikilala mo Siya. Kapag tinatrato mo Siya sa paraang hinihingi ng Diyos, hindi mo kailangang matakot at mag-alala, ni hindi mo kailangang maging labis na maingat, lalong hindi mo kailangang maging mapagbantay. Sa halip, dapat mo Siyang tratuhin gamit ang pamamaraan at saloobin na pinakatama para sa pagtrato sa Diyos. Ang paraang ito ng pagtrato sa Kanya ay, siyempre, ang paraan din ng pagtraro ng isang nilikha sa Diyos. Ano ang mga paraan ng pagtrato sa Diyos na nabanggit natin noon? Natatandaan pa ba ninyo? (Ang una ay ang pagiging bukas at matapat, ang ikalawa ay ang pagpapakita ng paggalang, at ang ikatlo ay ang pagsunod sa Kanyang mga salita.) Ang pagiging bukas at matapat, pagpapakita ng paggalang, at pagsunod sa Kanyang mga salita—ang mga ito ang tatlong paraan. Nakikita mo, ang tatlong paraang ito ay iilang salita lang sa kabuuan. Sa panlabas, tila napakadaling makamit ng mga ito, pero kung mali ang posisyong inaako mo, at mali ang saloobin mo, napakahirap makamit ng mga ito. Nakikita mo, madaling unawain ang mga ito nang literal, pero hindi madaling makamit. Sabihin ninyo sa Akin, kung hindi makakamit ng mga tao ang pagiging bukas at matapat, pagpapakita ng paggalang, at pagsunod sa mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao, makakamit ba nila ito sa Diyos sa langit? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil kung walang tunay na pagkakilala ang mga tao sa Diyos, tatratuhin nila ang Diyos batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon.) Itinatakda ito ng diwa at mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Wala itong kinalaman sa kung paano mo pinipigilan ang sarili mo sa loob-loob mo o kung anong uri ng mga hiling ang mayroon ka; kung hindi malulutas ang mga tiwali mong disposisyon, magiging napakahirap na tratuhin ang Diyos sa tatlong paraang ito. Kung malulutas mo ang ilan sa mga tiwali mong disposisyon, at mayroon ka ring pangunahing pagkaunawa at pagkakilala sa Diyos, makakamit mo ang ilan dito, at maaako mo ang tamang posisyon mo bilang isang nilikha, at matatrato mo Siya mula sa posisyong ito. Para makamit ang tatlong puntong ito, sa isang banda, dapat mong lutasin ang ilang tiwaling disposisyon at medyo maipanumbalik ang pagkamakatwiran mo; at sa kabilang banda, dapat mayroon kang kaunting pagkakilala sa Diyos. Hindi uubra na hindi makilala ang Diyos, tama? (Oo.) Ganito ang kaso sa iyong pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao, at siyempre, ganito rin ang kaso sa iyong pagtrato sa Diyos sa langit. Kung hindi mo makakamit ang tatlong puntong ito sa iyong pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao, hindi na kailangang sabihin pa na hindi mo makakamit ang mga ito sa iyong pagtrato sa Diyos sa langit. Hindi mo makikita, maririnig, o maaarok ang gawain at mga salita ng Diyos sa langit; kung sasabihin mong kaya mong magpasakop sa Diyos, hungkag na pananalita lang iyan. Tingnan mo ang naunang sangkatauhan: Sinabihan sila ng Diyos na mag-alay ng mga sakripisyo, na maghandog ng ikasampung bahagi ng taunang ani ng mga pananim. Nauunawaan ng mga tao sa kanilang puso na dapat nilang ibigay kung ano ang hinihingi ng Diyos, pero nang dumating ang oras para ihandog ito sa Diyos, ayaw nila itong ibigay sa Kanya. Gusto pa nga nila itong bawiin pagkatapos itong ihandog, iniisip nila, “Hindi Ikaw ang nagtanim ng mga pananim, at hindi Ka gumawa ng anumang paggawa, kaya bakit namin ito ibibigay sa Iyo?” Nang ihandog nila ito, hindi sila handa, nakaramdam sila ng hindi maganda sa loob-loob nila, at nagalit sila. Pagpapakita ba ito ng paggalang? Hindi nila ito makamit, tama? Samakatwid, hindi ganoon kasimple na igalang ang Diyos at sundin ang Kanyang mga salita; kung hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, hindi nila ito makakamit. Anuman ang mangyari, para mabitawan ang mga kuru-kuro at imahinasyon mo tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, dapat ka munang magkaroon ng pagkakilala at pagkaunawa sa diwa ng Diyos na nagkatawang-tao at sa iba’t ibang katotohanan na may kinalaman sa Diyos na nagkatawang-tao, at lutasin ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon. Saka mo lang tunay na matatanggap ang mga aspektong ito ng katotohanan tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at tunay na makikilala ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos; at pagkatapos lang niyon mo makakamit ang pagpapasakop at pagkatakot sa Diyos.

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa pagbitiw sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang unang prinsipyo ay ang huwag ikumpara ang Diyos na nagkatawang-tao sa Diyos sa langit, at ang ikalawang prinsipyo ay ang huwag ipantay ang Diyos na nagkatawang-tao sa tiwaling sangkatauhan. Nang magbahaginan tungkol sa ikalawang prinsipyo, nabanggit na ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi nanlilinlang, nakikipagtalo, nakikipag-away, nagpapakana, umaatake, o naghihiganti. Napagbahaginan na natin ang lahat ng ito noon. Ngayon, magbabahaginan tayo tungkol sa susunod na paksa—hindi pang-aakit. Ang mga paraan ng pag-asal ng Diyos na nagkatawang-tao, ang mga paraan ng pakikipag-ugnayan Niya sa mga tao, o ang ilan sa mga paraan ng paggawa Niya, gaya ng ibinubunyag ng Kanyang disposisyong diwa, ay kinabibilangan ng puntong ito: hindi pang-aakit. Paano ito dapat unawain? Ang literal na pagkaunawa ba ng mga tao sa “hindi pang-aakit” ay naaayon sa katunayan na ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi nang-aakit ng mga tao, gaya ng ipinapamalas sa paraan ng Kanyang pagsasalita at pagkilos? Kung sumasalungat ang pagkaunawa nila sa mga pagpapamalas ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba’t ang nauunawaan ng mga tao ay mga kuru-kuro lang ng tao? Malamang na malamang na mga kuru-kuro at imahinasyon lang ito ng tao. Kung gayon ay magbahaginan tayo tungkol sa paksang ito, ang “hindi pang-aakit” na ibinubunyag ng pagkatao at diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Ano ang pangunahing pagkaunawa ninyo sa paksang ito? Alam ba ninyo kung ano ang palagiang paraan ng pagsasalita ng Diyos? Napag-isipan ba ninyo kung anong mga paraan ang ginagamit ng Diyos para magsalita sa mga tao, at kung anong mga paraan ang ginagamit Niya para ipahayag ang Kanyang mga salita? (Nagsasalita ang Diyos sa medyo direktang paraan. Ang mga paraan ng pagsasalita ng Diyos ay kinabibilangan ng pagtulong, paggabay, at pangunguna, kasama ng matiyagang paggabay; hindi Siya gumagawa ng anumang pang-aakit.) Tiyak na hindi Siya nang-aakit, pero hindi pa rin lubos na detalyadong nauunawaan ng mga tao kung ano ba talaga ang tinutukoy ng “hindi pang-aakit” na ito. Batay sa mga anyo ng lingguwistikong pagpapahayag at sa estilo ng wika na karaniwang ginagamit ng Diyos kapag nagsasalita, nagsasalita ang Diyos sa napakapayak at napakadirektang paraan, nagsusumikap na ipaunawa at ipaarok sa mga tao kung ano ang sinasabi Niya. Hindi Niya nilalaro ang mga salita, ni hindi Siya nagsasalita ng mga bagay na hindi totoo, magarbo, at hungkag, lalong hindi pormalistiko ang Kanyang mga salita. Sa halip, tinatalakay Niya ang mismong usapin, ginagawa ang lahat ng posibleng paraan para magsalita sa mga tao gamit ang wika ng tao at mga paraan ng pagsasalita na angkop sa sangkatauhan. Ang Kanyang mga salita ay may kalikasan ng pagbibigay ng payo, kaaliwan, at panghihikayat, at minsan ay babala; siyempre, mas madalas na ang mga ito ay may kalikasan ng pag-aalok ng pagtustos, tulong, suporta, at paglalantad—inilalantad ng mga ito ang tiwaling kalikasan ng mga tao at ang diwa ng mga problema, tama? Ang paglalantad, pagtustos, paggabay, pagsuporta, at pagtulong ang mga pamamaraang pinakamadalas Niyang gamitin. Kabilang sa mga paraang ito, ang ilan ay may kinalaman sa pagbibigay ng mga partikular na halimbawa, at ang ilan ay may kinalaman sa malilinaw na metapora na gumagamit ng isang buhay na nilalang, isang hayop, isang penomenon, o mga bagay na nangyayari sa paligid ng mga tao sa kanilang buhay. Sa isang banda, ginagawa nitong mas malinaw sa kanila ang mga katotohanan—o ang mga realidad—sa loob ng mga salita ng Diyos na dapat maunawaan ng mga tao. Sa kabilang banda, ang mga halimbawang ibinibigay ng Diyos ay mga insidenteng nangyari sa ilang espesyal na indibidwal—ang paggamit sa mga insidenteng ito bilang mga aral o halimbawa ay nakatutulong sa inyo na makita kung ano ang mga problema ng mga taong ito, kung ano ang diwa ng mga problema, kung anong katiwalian ang ibinunyag nila, at kung anong mga katotohanan ang nasangkot. Sa ganitong paraan, ipinapaalam ng Diyos ang ilang aspekto ng katotohanan sa mga tao, upang sa batayan ng pag-unawa sa aspektong ito ng katotohanan, malaman nila kung paano magsagawa alinsunod sa mga layunin ng Diyos at alinsunod sa mga prinsipyo. Ang layon ng Diyos sa paggamit ng mga pinakadirekta at pinakapayak na anyo ng wika ay para tustusan ang mga tao ng katotohanan. Tinutustusan Niya ang mga tao ng katotohanan upang, kapag nakakaharap sila ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, malaman nila, mula sa negatibong panig, ang mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw ng mga tao, ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mga pagpapamalas at diwa ng mga tao na lumalaban sa Diyos. Kasabay nito, ginagawa Niya ito para gabayan ang mga tao sa positibong aspekto na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, upang magkaroon sila ng landas ng pagsasagawa at makapasok sa katotohanang realidad. Ang pinakalayon ng Diyos sa pagtustos sa mga tao upang maunawaan nila ang katotohanan, magkaroon sila ng kaalaman sa katotohanan, at malaman nila ang mga katotohanang prinsipyo ay para bigyang-kakayahan ang mga tao na lumapit sa harap ng Diyos at makamit ang pagpapasakop sa Kanya, pagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, pagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, pagpapasakop sa Kanyang pamamatnugot, at pagpapasakop sa pagkastigo, paghatol, pagpipino, at mga pagsubok na nagmumula sa Kanya, nagiging mga tao na may takot at sumasamba sa Diyos, nagiging mga tunay na nilikha—mga nilikha na pasok sa pamantayan. Ang mga ito ang mga partikular na prinsipyo sa likod ng mga salita at kilos ng Diyos, kabilang ang lahat ng ginagawa Niya. Ang mga partikular na salitang sinasabi ng Diyos at ang mga partikular na kilos na ginagawa Niya ay walang pang-aakit; ang lahat ng ito ay pampubliko, ibinunyag, bukas at hayag, at nasa liwanag. Ang mga ito ay hindi kinapapalooban ng anumang kahina-hinalang pakana at plano, lalong hindi ng anumang mga balak o hindi masabing mga intensiyon at pakay patungkol sa sangkatauhan. Maging ito man ay sa layunin at kabuluhan sa likod ng mga salita ng Diyos, o sa gawaing ginagawa ng Diyos, wala Siyang anumang mga di-wastong layon patungkol sa mga tao kailanman. Sa kabaligtaran, ang Kanyang mga layon ay pawang positibo; ang lahat ng ginagawa Niya ay para makinabang ang mga tao, matulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at makamit ang katotohanan, at matulungan ang mga tao na tumahak sa tamang landas sa buhay. Samakatwid, batay sa layunin at kabuluhan ng gawain ng Diyos, at sa pagsasalita at paggawa ng Diyos, walang pang-aakit sa diwa ng Diyos o sa panimulang punto ng gawain ng Diyos.

Ang salitang “mang-akit” ay lumilitaw nang napakaaga sa Bibliya; alam ba ninyong lahat ito? (Oo.) Bago tinanggap ng tao ang pang-aakit ni Satanas sa unang pagkakataon, may sinabi ang Diyos. Ano ang sinabi ng Diyos? (“Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan: Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka” (Genesis 2:16–17).) Ilang aytem ang kabilang sa pahayag na ito ng Diyos? Ang bunga ng bawat puno sa halamanan ay maaaring kainin—ipinapaalam nito sa mga tao ang saklaw ng kung ano ang maaaring kainin. Ito ang pinakapositibong pagtustos para sa mga tao—ipinapaalam nito sa mga tao kung ano ang maaari nilang kainin. Hindi ba’t napakasimple at direkta ng mga salitang ito? (Oo, nauunawaan ng mga tao ang mga ito.) Tama. Hindi na kailangang suriin o pag-aralan ang mga ito; nauunawaan ng mga tao ang mga ito sa sandaling marinig nila ang mga ito. Ang susunod na pangungusap ay, “Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain.” Ang pangungusap na ito ay nagbabanggit ng isang eksepsiyon. Anong eksepsiyon? Ipinapaalam nito sa mga tao na mayroong isang puno ng pagkakilala ng mabuti at masama sa halamanan, at hindi nila dapat kainin ang bungang tumutubo rito. Hindi ba’t napakasimple at napakadirekta ng mga salitang ito? (Oo.) Gaano kasimple at kadirekta ang mga ito? (Sa antas na nauunawaan ng mga tao ang mga ito pagkatapos na pagkatapos nilang marinig ang mga ito.) Hindi na kailangang suriin o pag-aralan ang mga ito; alam ng sinumang may mga tainga at utak kung ano ang ibig sabihin ng pangungusap na ito pagkatapos itong marinig. Sinabi ng Diyos sa mga tao kung ano ang maaari at hindi nila maaaring kainin. Ano ang hindi maaaring kainin? Ang bunga ng puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Pero pagkatapos marinig ito, nagkaroon ba ng mga pagdududa ang mga tao tungkol sa mga salita ng Diyos sa kanilang puso? (Oo.) Susunod, magtatanong ang mga tao, “Bakit hindi namin maaaring kainin ang bunga ng punong iyon?” Nang hindi na hinihintay na magtanong ang mga tao, sinabi ng Diyos, “Sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” Simple ba ang mga salitang ito? (Oo.) Napakasimple ng mga ito—kung kakainin mo ito, tiyak na mamamatay ka. Ang kamatayan ay isang malaking usapin, kaya tiniyak ng Diyos na ibigay ang tagubiling ito. Mayroon bang anumang mali sa tagubiling ito? (Wala.) Walang kahit isang salita sa tagubilin ng Diyos ang mali, ni walang kahit isang salita ng pang-aakit dito. Malinaw at tiyak nitong ipinaparating kung ano ang maaaring kainin at kung ano ang hindi maaaring kainin, at sinabi rin ng Diyos sa mga tao kung ano ang kahihinatnan kung kakainin nila ang hindi nila dapat kainin. Pagkatapos marinig ang tatlong simpleng pangungusap na ito, nauunawaan mo ang maraming bagay. Sa mga normal na sitwasyon, pagkatapos marinig ng mga nilikha ang mga salitang sinabi ng Lumikha, magkaroon ng kalinawan tungkol sa mga ito, maunawaan ang mga ito, at isapuso ang mga ito, alam nila kung ano ang dapat nilang gawin. Dapat silang maging masunurin at gawin kung ano ang sinabi sa kanila, kinakain lang ang mga bagay na sinabi ng Diyos na maaari nilang kainin, at hindi kinakain kung ano ang sinabi ng Diyos na hindi nila maaaring kainin. Hindi nila dapat subukin ang Diyos, ni hindi nila dapat suwayin ang utos ng Diyos. Hindi na natin tatalakayin ang mga kahihinatnan ng hindi pakikinig sa mga salita ng Diyos. Pagdating naman sa mga salitang ito na sinabi ng Diyos, batay sa anyo ng pananalita ng Diyos at sa lingguwistikong estilo, nagsasalita ang Diyos sa isang paraan na partikular na madaling maunawaan ng mga tao. Ang Kanyang mga salita ay hindi malalim, at hindi Niya pinapahula ang mga tao, lalong wala Siyang anumang mga nakatagong intensiyon. Bagama’t simple ang iilang pangungusap na ito na sinabi ng Diyos, sapat na ang mga ito para makita ng mga tao na ang pananalita ng Diyos ay malinaw, simple, at madaling maunawaan. Kaya, ano ang kalikasan ng puso ng Diyos? Ang puso ng Diyos ay puno ng pagmamahal, pagkamatapat, at katapatan. Saan makikita ang pagmamahal na ito? Makikita ito sa iilang tagubiling ito mula sa Diyos. Ang mga tagubilin ng Diyos ay partikular na tiyak at masusi. Batay sa iilang tagubiling ito, ang Diyos ay may pakiramdam ng responsabilidad at pagmamalasakit sa mga tao. Ginagamit Niya ang pinakasimpleng wika para matulungan ang mga tao na makaunawa, at pagkatapos nilang makaunawa, lumilisan ang Diyos nang may payapang isipan. Nakikita mo, mayroon bang anumang mga balak ang Diyos sa mga tao? (Wala talaga.) Sa loob ng pagmamahal at pagmamalasakit ng Diyos, umaasa Siyang makakamit ng mga tao ang isang bagay: ang maging masunurin, hindi maghimagsik laban sa Diyos, hindi maghinala sa Diyos, at hindi magduda sa Diyos. Ito ang layunin at ang inaasahan sa likod ng tatlong tagubiling ito mula sa Diyos. Maging masunurin. Huwag magduda sa Diyos. Bawat salitang sinasabi ng Diyos ay totoo; ang Diyos ay tapat. Tinutupad ng Diyos ang responsabilidad na ito nang may pagmamahal at pagmamalasakit, at ibinibigay sa sangkatauhan ang tatlong tagubiling ito nang may pagmamahal at pagmamalasakit. Mula rito, sa isang banda, nakikita natin ang diwa ng Diyos, at sa kabilang banda, nakikita rin natin ang paraan ng pagsasalita ng Diyos sa sangkatauhan at ang panimulang punto ng Kanyang pananalita. Ang layon ng Diyos sa pagsasalita nang ganito ay para idulot na kapag naririnig ng mga tao ang Kanyang mga salita, mauunawaan nila ang mga ito at maisasapuso ang mga ito. Paano man ito ituring ng mga tao, ganoon pa rin ang panimulang punto ng Diyos. Kinakatawan Niya ang Diyos Mismo; wala Siyang anumang mga mapanlinlang o madilim na intensiyon o pakay. Bukod pa rito, batay sa ilang tagubiling ito mula sa Diyos, nagsasalita ang Diyos nang direkta sa punto. Ang Kanyang layon sa pagsasalita ay para tulutan kang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at malaman kung ano ang gagawin. Hindi kailanman nagsasalita ang Diyos sa mga tao nang patalinghaga; palagi Siyang prangka at diretsahan. Nakikipag-usap Siya sa mga tao gamit ang pang-araw-araw na wika na pinakamadaling maunawaan ng mga tao, upang maunawaan at matandaan ng mga tao kung ano ang sinasabi Niya, at upang hindi Siya magsalita nang walang saysay. Nagsasalita ba ang Diyos mula sa isang lugar ng katayuan? Sinesermunan ba Niya ang mga tao? (Hindi.) Kapag nakikipag-usap ang Diyos sa sangkatauhan at nagbibigay ng tagubilin sa mga tao, kahit pa tinatagubilinan Niya sila mula sa perspektiba ng Diyos, o mula sa isang perspektiba na katulad ng sa isang taong magulang o nakatatanda, nakikipag-usap pa rin Siya sa mga tao gamit ang pinakadirekta at pinakasimpleng wika. Ang totoo, sa paningin ng mga tiwaling tao, batay sa gramatikal na anyo na ginagamit ng Diyos, at mula sa perspektiba ng kaalaman at wika ng tao, ang mga salitang ito ay payak na pananalita lang; ang mga ito ay mga bagay na maaari mong sabihin sa isang bata. Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga salitang ito ay hindi malalim, ang mga ito ay hindi matayog o dakila, at hindi rin maringal pakinggan ang mga ito. Ang mga ito ay hindi rin gumagamit ng anumang sopistikadong bokabularyo o mabulaklak na retorika.” Tama iyan—ito ang paraan ng pagsasalita ng Diyos sa mga tao. Ang Diyos ay makapangyarihan-sa-lahat, ang lahat ay sagana sa Kanya, at ang Diyos ay nangingibabaw sa lahat ng bagay, pero nakikipag-usap ang Diyos sa mga tao gamit ang pinakasimple at pinakadirektang wika. Dahil ang mga tao ay parang mga bata sa paningin ng Diyos, tinatagubilinan Niya sila gamit ang mga salita na maaapuhap at mauunawaan ng mga bata—kung ano ang maaari nilang kainin, kung ano ang hindi nila maaaring kainin, at kung ano ang mangyayari pagkatapos nilang kainin ito. Gumagamit Siya ng gayon kasimpleng mga salita para tagubilinan ang mga tao, upang makaunawa sila. Ano ang tawag dito sa paningin ng mga tiwaling tao? Ito ay tinatawag na pagbaba ng Kanyang katayuan. Pero ano ang tingin dito ng Diyos? Ito ay isang natural na pagbubunyag Niya. Hindi kailangang magbalatkayo ng Diyos, ni hindi Niya kailangang maghanda nang maaga o magbulay-bulay kapag ginagawa ito; ito ay isang natural na pagbubunyag Niya. Nakikita mo, dahil ang mga salitang ito ay hindi malalim o misteryoso at di-maarok, madalas na hindi sineseryoso ng mga tao ang mga ito. Hindi nila kayang tratuhin ang mga salita ng Diyos sa isang seryosong paraan, at hindi nila magawang maging masunurin at mapagpasakop. Ito ang katiwalian ng tiwaling sangkatauhan, at ito rin ang kamangmangan ng pinakaunang sangkatauhan. Sa sandaling makarinig ang mga tao ng mga pahayag na naiiba sa kung ano ang sinabi ng Diyos, naging mapagbantay sila laban sa Diyos, nagsimula silang magduda at itanggi ang mga salita ng Diyos, at naging mapaghinala sa mga intensiyon sa likod ng pananalita ng Diyos. Sa ganitong paraan, lumayo ang mga tao sa Diyos. Pagkatapos tanggapin ng mga tao ang pang-aakit ni Satanas at magsimulang magkaroon ng mga paghihinala at pagdududa tungkol sa Diyos, hindi na nila magawang makinig sa mga salita ng Diyos o makapagpasakop sa mga salita ng Diyos, at napalayo sila nang napalayo sa Diyos. Ano ang mga kinahinatnan ng paglisan ng mga tao sa liwanag ng mukha ng Diyos, hindi pakikinig sa mga salita ng Diyos, at hindi paniniwala sa mga salita ng Diyos? Ginawa silang tiwali ni Satanas, at nananatili silang tiwali hanggang sa araw na ito.

Ang kakasabi Ko lang ay isang kuwento mula noong unang lumitaw ang salitang “mang-akit” sa Bibliya. Mula sa kuwentong ito, dapat magkaroon ang mga tao ng pangunahing pagkaunawa sa paraan ng pagsasalita ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, at sa saloobin ng Diyos sa sangkatauhan. Ang aspektong ito ng Diyos—na ang Kanyang diwa ay walang pang-aakit—ay taglay rin ng Diyos na nagkatawang-tao; dapat ay napakadaling makilala nito. Walang gaanong nakatala sa Bibliya tungkol sa sinabi o ginawa ng Diyos, kaya mahirap para sa mga tao na magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol dito. Sa yugtong ito ng gawain sa mga huling araw, ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagsabi ng maraming salita at gumawa ng maraming bagay. Sa loob ng maraming taon na ito ng Aking pagsasalita at pakikipagbahaginan sa inyo, at maging sa pakikipag-ugnayan sa inyo sa pang-araw-araw na buhay, ang Aking mga salita at gawa ay pangunahing sumasalamin sa parehong saloobin na mayroon ang Diyos sa mga tao sa kuwento sa Bibliya na kakabanggit lang. Nagsusumikap Akong magsalita sa paraang mauunawaan at maaaarok ninyo, kaya minsan ay nagsasalita Ako nang napakapartikular at napakadetalyado, paulit-ulit pa ngang tinatalakay ang mga bagay-bagay, na hindi maiiwasang maging medyo mahaba. Mayroon lang isang dahilan para dito: Sa anumang paraan magpakita at gumawa ang Lumikha—ang Diyos—palagi Siyang may nananatili, mahirap baguhin, at nakagawiang saloobin at nakagawiang pananaw pagdating sa sangkatauhan. Ang “nakagawian” at “nananatili” ay maaaring hindi masyadong angkop, pero masyadong limitado ang wika ng tao, kaya ganito Ko lang muna ito masasabi sa ngayon. Kaya, ano ang tinutukoy ng pananaw na ito? Tumutukoy ito sa kung paanong, mula sa perspektiba ng Diyos, ang sangkatauhan ay palaging magiging ang parehong mangmang at walang-muwang na sangkatauhan mula sa pinakasimula na nilikha ng mga kamay ng Diyos—sangkatauhan na sa panlabas ay mukhang nasa hustong gulang na pero ang panloob na diwa ay tulad ng sa isang tatlong-taong-gulang na bata. Samakatwid, ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan ay palaging naiiba sa perspektiba at saloobin ng pagtingin ng mga tao sa sangkatauhan. Tiyak na dahil sa pagkakaibang ito, maraming beses kapag nagsasalita ang Diyos sa sangkatauhan o tinatagubilinan sila, ang paraan ng pagsasalita ng Diyos o ang Kanyang panimulang punto sa paggawa nito ay mas tungkol sa pagnanais na gamitin ang wika ng tao upang mas malinaw na malaman ng mga tao kung ano ang sinasabi Niya. Ang layon ng Diyos sa Kanyang pagtrato sa mga tao at sa pagsasalita sa kanila ay para mas malinaw nilang malaman kung ano ang Kanyang mga layunin, kung ano ang Kanyang mga hinihinging pamantayan, kung ano ang mga prinsipyo para sa lahat ng bagay na hinihingi Niyang gawin ng mga tao, at kung anong mga pananaw ang dapat taglayin ng mga tao sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay. Kapag sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito sa sangkatauhan mula sa perspektiba ng Lumikha, hindi Siya nagbibigay ng talumpati, ni hindi Siya nagpapalabas ng isang panawagan, at siyempre, hindi rin Siya nananawagan sa kanila; sa halip, nag-aalok Siya sa kanila ng pagtustos. Ano ang pag-aalok ng pagtustos? Sabihin ninyo sa Akin kung ano sa tingin ninyo ito. (Ito ay ang pagpupuno sa kung ano ang kailangan ng mga tao at kung ano ang wala sa mga tao; ito ay tinatawag na pag-aalok ng pagtustos.) Ang pag-aalok ng pagtustos ay kinabibilangan ng suporta at tulong, at minsan ay panghihikayat, pag-uudyok, pagpapalakas ng loob, at iba pa. Kaya, ano ang pag-aalok ng pagtustos? Nangangahulugan ito na gaano man katanda ang mga tao, gaano man karaming kasanayan sa kaligtasan ang dalubhasa sila o gaano man kataas ang antas ng kanilang kaalaman, pagdating sa katotohanan, ang mga tao ay palaging blangko. Ang kaalamang nauunawaan ng mga tao ay hindi kaayon ng katotohanan. Napakaraming katotohanan ang dapat maunawaan ng mga tao, at ang pagtustos na pinakakailangan ng mga tao ay ang pagtustos ng katotohanan at buhay. Samakatwid, ang pakikipagbahaginan lang tungkol sa katotohanan ang pinakamabuting pagtustos para sa mga tao. Ibig sabihin, ang mga pananaw, pagkaunawa, at saloobin mo sa harap ng lahat ng tao, pangyayari, at bagay ay walang kinalaman sa katotohanan. Gaano man karaming kaalaman ang taglay mo, gaano man kasopistikado ang mga taktika mo para sa mga makamundong pakikitungo, at gaano man karaming karanasan sa buhay ang mayroon ka, pagdating sa katotohanan, blangko ka; wala sa iyo ang katotohanan. Kahit pa maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ang ilang tao at nauunawaan nila ang ilang doktrina, hindi nila tunay na nauunawaan ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng hindi maunawaan ang katotohanan? Sa isang banda, batay sa mga obhetibong katunayan, nangangahulugan ito na hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, hindi mo alam kung paano magsagawa, at hindi mo alam ang gagawin kapag nahaharap ka sa mga espesyal na sitwasyon. Sa kabilang banda, mayroon ding subhetibong dahilan sa likod nito, na ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon. Hinahadlangan at ginagapos ka ng mga tiwaling disposisyon para hindi mo maisagawa ang katotohanan. Hindi mo man lang maisagawa ang kaunting katotohanan na nauunawaan mo; para sa iyo, mahirap ang pagsasagawa ng katotohanan, at may mga hadlang sa paggawa nito. Samakatwid, sa paningin ng Diyos, ang sangkatauhan ay palaging magiging isang sanggol. Sinasabi ng ilang tao, “Palagi bang magiging isang sanggol ang tao sa paningin ng Diyos? Nakadepende ba ito sa kung nasa anong yugto ang isang tao?” Hindi. Bakit Ko sinasabing hindi ito nakadepende sa kung nasaang yugto ang isang tao? Batay sa diwa ng tao, ang sangkatauhan ay palaging sangkatauhan, at ang tao ay palaging magiging isang sanggol sa harap ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Kung gayon, mga sanggol ba sina Abraham at Job?” Oo. Bakit mga sanggol pa rin sina Abraham at Job kahit na nagpatotoo sila? Iyon ay kung ikukumpara sa diwa ng Diyos at sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Gaano man karami sa katotohanang itinustos ng Diyos ang nauunawaan ng mga tao, at gaano man sila nakakapagpasakop sa Diyos, limitado ang kaalaman ng mga tao sa disposisyong diwa ng Diyos at ang pagkaunawa nila sa katotohanan. Ano ang tinutukoy ng “limitado” na ito? Nangangahulugan ito na ang mga bagay na ito ay nalilimitahan sa saklaw ng kanilang buhay at kaligtasan. Kahit pa nauunawaan mo ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan at nagagawa kang perpekto ng Diyos, sa huli, ang Diyos pa rin ang nagtutustos sa iyo. Ang Diyos ang palaging magiging pinagmumulan ng iyong buhay at pamumuhay, at palagi kang magiging tagatanggap ng pagtustos at pagdidilig ng mga salita ng Diyos at buhay ng Diyos. Mula sa pananaw na ito, ang sangkatauhan ay palaging magiging isang sanggol sa paningin ng Diyos. Sa partikular, kung ikaw man ay isang sanggol na nakabalot sa lampin, isang pasusuhin, o nasa iba pang yugto, iyon ay kinaklasipika ayon sa mga katotohanang nauunawaan mo. Pero anuman ang yugto, dahil ang mga tao, ang mga nilikhang buhay na nilalang na ito, ay mga nilikha, palagi silang magiging mga sanggol sa paningin ng Lumikha. Kaya, kung titingnan batay sa pagkakakilanlan at diwa ng isang sanggol, ang pangunahing layon at kalikasan ng pagsasalita ng Diyos sa sangkatauhan ay pagtustos. Siyempre, mayroong malawak na saklaw ang pagtustos na iniaalok ng Diyos: Ang ilan dito ay pagbubunyag, ang ilan dito ay pagsaway, at ang ilan dito ay pagdidisiplina, habang minsan ito ay paglalantad, minsan ito ay pagpupungos, minsan ito ay direktang pagsasabi sa mga tao ng mga bagay-bagay, minsan ito ay tahasang pagsasabi sa kanila ng mga bagay-bagay, at minsan ito ay pagbibigay lang ng isang halimbawa para sabihin sa mga tao ang isang prinsipyo, para pagnilayan at danasin nila mismo. Sa anumang paraan man Siya magsalita, pagdating sa kalikasan ng pagsasalita ng Lumikha sa mga tao na Kanyang nilikha, palagi itong isang anyo ng pagtustos. Kaya, pagdating sa pag-aalok ng Diyos ng pagtustos sa mga tao, nakikita ba ninyo na wala itong pang-aakit? (Oo.) Para sa mga tao, ang nakakamit ng sangkatauhan mula sa Diyos ay palaging ang katotohanan, ang daan, at ang buhay; ang nakakamit nila ay pakinabang, at ang inaani nila ay buhay. Kahit pa magawa kang perpekto sa huli, kailangan mo pa ring tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kailangan mo pa ring tanggapin ang pagtustos ng Diyos, kailangan mo pa ring tanggapin ang pangunguna ng Diyos, at isa ka pa ring nilikha; hinding-hindi magbabago ang pagkakakilanlan mo. Iyon nga lang, ang buhay at tayog na mayroon ka sa loob ng pagkakakilanlang iyon sa panahong iyon ay maiiba sa buhay at tayog na mayroon ka sa loob ng kasalukuyan mong pagkakakilanlan. Sa panahong iyon, magiging mas lehitimo ang pagkakakilanlan mo; magkakaroon ka ng buhay na nabibilang sa bagong sangkatauhan. Ang diwa ng buhay na ito ay nagmumula sa mga salita ng Diyos. Ang bagong sangkatauhang ito ay makakapagpasakop sa Diyos at makakasamba sa Diyos; hindi na sila sumasamba kay Satanas, itinakwil na nila si Satanas, hindi na sila naaakit ni Satanas, at hindi nila taglay ang marka ng hayop.

Sa lahat ng salitang ito na sinabi ng Diyos na nagkatawang-tao, mula sa unang araw na binasa ninyo ang mga ito hanggang ngayon—o kapag binasa ninyo ang mga ito sa hinaharap—sa bawat salitang binabasa ninyo at sa bawat salitang naririnig at tinatanggap ninyo, sa bawat pagkakataong nagsasalita ang Diyos, walang kahit isang salita na naglalaman ng elemento ng pang-aakit. Kahit kapag tinatanong Ko kayo, ginagawa Ko ito nang diretsahan, hinihingi ang inyong mga pananaw at tinatanong kung paano ninyo nauunawaan at tinitingnan ang isang bagay. O maaari Akong magbato ng isang tanong para pagnilayan ninyo, at kung nakikita Kong hindi ninyo ito matukoy o hindi kayo nagkamit ng kalinawan pagkatapos itong talakayin, direkta Ko na lang itong tatalakayin. Sa sandaling matapos Akong magsalita at maunawaan at maarok ninyo ang isyu, hindi Ko na ito tatalakayin pa. Minsan kapag nagsasalita Ako, nagbibigay Ako ng mga halimbawa. Naririnig ng ilang tao ang mga ito at nararamdaman nila, “Nagtuturo ba Siya sa mga paslit?” Sinasabi Ko, karamihan sa mga taong nananampalataya sa Diyos ay mga nasa hustong gulang na higit sa dalawampu o tatlumpung taong gulang; talagang hindi sila mga paslit. Gayumpaman, ang kinakain at iniinom ng mga mananampalataya sa Diyos ay ang mga salita ng Diyos, kaya gaano man katanda ang isang tao, sa harap ng mga salita ng Diyos at sa harap ng Diyos, isa siyang paslit, at palaging magiging paslit. Nakikita mo, ang mga tao sa sambahayan ng Diyos ay nagmumula sa lahat ng antas ng pamumuhay: mga trabahador, mga magsasaka, mga technician, mga opisyal ng gobyerno, pati na rin mga estudyante sa kolehiyo, at maging mga estudyante sa graduate school, mga estudyante ng PhD, mga propesor, at iba pa. Pero sa gitna ng lahat ng taong ito, ilan ang nakakaarok sa katotohanan? Kapag nangangaral Ako ng mga sermon nang ganito, ilang tao ang lubos na nakakaunawa sa mga ito? Kung hindi Ako magsasasalita nang detalyado at partikular, mauunawaan ba ng mga tao ang sinasabi Ko? Nauunawaan lang nila ang kaunting literal na kahulugan, at kapag oras na para sila ay magsagawa at dumanas, wala silang landas. Kaya dapat Akong magsalita nang detalyado at partikular, at kailangan Ko ring magbigay ng mga halimbawa; hindi uubra na kaligtaan Ko ang alinman sa mga paraang ito ng pagsasalita. Kung iniisip ng isang tao na pagtuturo ito sa mga paslit, tama siya. Kapag sinasabi Ko ang mga salitang ito, talagang nakikipag-usap Ako sa mga paslit. Kung gayon ay sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t lahat kayo ay mga paslit sa harap ng Diyos? Ilan sa inyo ang nakakaarok sa mga salita ng Diyos at nakakaunawa sa mga salita ng Diyos? Kung talagang tinatrato ninyo ang inyong sarili bilang mga paslit, tunay kayong nagtataglay ng katwiran. Dapat ninyong tratuhin ang inyong sarili bilang mga paslit kapag nakikinig kayo sa mga salita ng Diyos; tama ang kaisipang ito. Nakikita ninyo, kapag sinasabi Ko ang mga salitang ito na inilaan para sa mga paslit, tingin ba ninyo ay nakakawili ang mga ito at tumutugon ba kayo ng Amen sa mga ito? Nalulutas ba ng Aking pagsasalita sa ganitong paraan ang inyong mga paghihirap? Nalulutas ba nito ang inyong mga problema? Kung tunay na nalulutas ang inyong mga problema, ang mga salitang ito ang kailangan ng mga tao, at ang Aking pagsasalita nang ganito ay talagang akmang-akma. Talagang kailangan ng mga tiwaling tao na magsalita Ako nang ganito—nagbibigay ng mga halimbawa, gumagamit ng mga metapora, at nagsasalita nang walang kapaguran at paulit-ulit mula sa iba’t ibang perspektiba at gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan. Bukod pa rito, gumagamit Ako ng mga salitang katulad ng maaaring gamitin mo sa isang bata; ito ang mga ito ay ang mga pinakasimple at pinakadirektang salita. Sa pamamagitan lang ng pagsasalita nang ganito makakaunawa ang mga tao. Pero paano man Ako magsalita, sa gitna ng lahat ng salitang ito, walang kahit isa na kasinungalingan o naglalayong ilihis kayo. Sinasabi ng lahat ng ito sa inyo na paniwalaan ang lahat ng sinasabi ng Diyos; hinding-hindi ninyo dapat pagdudahan ang mga salita ng Diyos. Ang sinumang nagdududa sa mga salita ng Diyos ay nahuhulog sa panlalansi ni Satanas at nasusumpungan ang kanilang sarili na nahuli sa bitag nito. Halimbawa, sinabi ng Diyos, “Datapuwat sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka” (Genesis 2:17). At paano inilihis ni Satanas ang mga tao? Sinabi ni Satanas, “Tiyak na hindi kayo mamamatay…” (Genesis 3:4). Inilihis nito ang mga tao. Mayroon bang anumang mga salitang katulad ng kay Satanas sa mga sinabi Ko, o na nagresulta sa pagkalihis ng mga tao gaya ng paglihis sa kanila ni Satanas? May nasabi ba Ako kahit isang bagay kailanman na may ganitong kalikasan? (Wala.) Sa isang banda, ang mga salitang sinabi Ko ay tumutulong sa inyo na malaman ang mga tiwaling disposisyon ni Satanas at ang iba’t ibang walang-katotohanang kaisipan at pananaw na ikinikintal nito sa mga tao, tinutulutan kayo na makilala at mahimay ang mga ito at pagkatapos ay iwaksi ang mga ito. Sa kabilang banda, sinasabi ng mga ito sa inyo kung paano sumunod sa daan ng Diyos, kung ano ang kalikasan ng daan ng Diyos, kung ano ang mga hinihinging prinsipyo ng Diyos para sa mga tao, at kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin ng mga tao sa iba’t ibang usapin. Ang lahat ng sinabi Ko ay para tulungan kang lumayo kay Satanas at sa masasamang kalakaran, itakwil si Satanas, ihiwalay ang inyong sarili mula sa masasamang kalakaran, lumapit sa harap ng Diyos, hanapin ang mga layunin ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, at magpasakop sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng sinabi Ko ay para tulungan kayong iwaksi ang inyong mga tiwaling disposisyon at pagkatapos ay maging mga tao na may takot sa Diyos at sumasamba sa Diyos. Wala Akong sinabing anuman na nagsasabi sa inyo na sundin ang mga makamundong kalakaran o sumang-ayon sa iba’t ibang kaisipan at pananaw ng mundo. Wala Akong sinabing kahit isang bagay para talikuran ninyo ang tunay na daan o para talikuran ninyo ang Diyos, ni hindi Ko kailanman sinabi sa inyo na husgahan ninyo ang Diyos o huwag kayong makontento sa Diyos. Siyempre, lalong hindi kailanman maling kinatawan ng Aking mga salita ang Diyos mula sa perspektiba ng Diyos na nagkatawang-tao, o naglabas ng maling impormasyon para magkamali kayo ng pagkaunawa sa Diyos o maging mapagbantay kayo laban sa Kanya. Sa halip, ginagawa Ko ang Aking buong makakaya para lutasin ang inyong mga maling kaisipan at pananaw tungkol sa Diyos at ang inyong iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, dinadala kayo sa harap Niya—itinutulak pa nga kayo patungo sa Kanya—tinutulungan kayong lumayo sa masasamang kalakaran at bitiwan ang iba’t ibang walang-katotohanang kaisipan at pananaw. Nakikita mo, ang lahat ng salitang ito na humihimay sa iba’t ibang walang-katotohanang kaisipan at pananaw—kabilang ang Aking pagbabahagi tungkol sa pag-aasawa, pamilya, trabaho, politika, mga adhikain, kinabukasan, pera, katayuan, kasikatan at pakinabang, mga ugnayan sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan, pati na rin sa mga landas na tinahak ng iba’t ibang tao sa mundong ito, kung paano dapat kilatisin ng mga tao ang iba’t ibang emosyon, kung paano tratuhin ang mga damdamin, at iba pa—ay pawang nagtutustos sa inyo ng mga tama at positibong kaisipan at pananaw, at ng katotohanan. Ang mga salitang ito ay pawang ang katotohanan. Sa pamamagitan lang ng pagtanggap sa katotohanan magagamit ng tao ang iba’t ibang perspektiba para kilatisin ang iba’t ibang walang-katotohanang kaisipan at pananaw, kilatisin ang kadiliman at kasamaan ng mundong ito, magawang makita nang malinaw ang mundong ito, at itakwil si Satanas; sa pamamagitan lang ng pagtanggap sa katotohanan siya magtataglay ng mga tamang kaisipan at pananaw na umaayon sa katotohanan gaya ng hinihingi ng Diyos sa kanya, makatatahak sa maliwanag at tamang landas, at makalalapit sa harap ng Diyos para magpasakop at sumamba sa Kanya. Bukod pa rito, kung mayroong layunin sa likod ng Aking pagsasabi ng mga salitang ito, mayroon lamang iisa, at ito ay ang gawin ang lahat ng posibleng paraan para tulungan kayong maunawaan ang katotohanan, maging may kakayahang bitiwan ang sarili ninyong makalamang kinabukasan at mga interes, at iba’t iba pang bagay ng laman, at pagkatapos ay hangarin ang katotohanan. Ito rin ay para gumamit ng lahat ng uri ng iba’t ibang pamamaraan para sabihin sa mga tao ang tungkol sa iba’t ibang paksang may kinalaman sa katotohanan, upang maging interesado kayo sa katotohanan. Sa partikular, gumagamit Ako ng ilang medyo nakakatawa at mautak na pamamaraan para maging interesado kayo at matulungan kayong maging handang makinig, upang maintindihan ninyo ito, at pagkatapos ay maunawaan ninyo ang katotohanang sinasabi sa loob nito. Maaari Akong gumamit ng isang nakakatawa o kawili-wiling kuwento para akitin kayo at matulungan kayong maging handang makinig. Sa ganitong paraan, pagkatapos ninyo itong pakinggan, bukod sa maaalala ninyo ang kuwento, matatandaan din ninyo ito kapag nakaharap kayo ng katulad na usapin sa tunay na buhay, at magagawa ninyong hanapin ang mga katotohanang may kinalaman sa isyung ito. Habang naghahanap kayo, makakamit mo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at malalaman mo kung ano ang mga katotohanang prinsipyo sa loob nito, kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung anong mga katotohanan ang dapat isagawa ng mga tao. Ibig sabihin, nagsusumikap Ako para hindi ka na malito, para hindi ka na hindi makakilos, at para hindi ka na maguluhan o masaktan kapag nakakaharap ka ng iba’t ibang usapin, kundi para magkaroon ka ng isang posibleng landas, at, ang mas mahalaga, para hindi ka na makontrol ng mga kaisipan at tiwaling disposisyon ni Satanas tulad ng dati, para hindi mo na ituring ang mga tiwaling disposisyon ni Satanas bilang buhay mo, at para hindi mo na gamitin ang mga kaisipan at pananaw na ikinintal sa iyo ni Satanas para pangasiwaan ang iba’t ibang usapin, sa halip ay pinapalitan ang mga ito ng mga salita ng Diyos at ng mga katotohanang prinsipyo. Nakikita mo, anuman ang pamamaraang gamitin Ko sa lahat ng sinasabi Ko, ito man ay isang pamamaraang makakapukaw sa interes mo o isang pamamaraang may kakayahang umakit sa iyo, nagsusumikap Akong tulungan kang maunawaan ang katotohanan—iyon ang pinakalayon Ko. Kahit pa minsan ay nagbibiro Ako o nagbabahagi ng isang anekdota, ito ay para tulungang patahimikin ang inyong puso at para tulungan kayong maging panatag; sa ganitong paraan ay gugustuhin ninyong makinig sa katotohanan, at magkakaroon kayo ng pagkakataong tanggapin ang katotohanan. Pagdating sa mga layon, ito lang ang tanging layon. Sa partikular, sa ilang kabataan na sandali pa lang nananampalataya sa Diyos at mababaw pa ang karanasan—ang grupong ito ng mga tao na puno pa ng mga inaasahan at kuryosidad tungkol sa mundong ito—para matulungan ang mga bagong mananampalatayang ito na maglatag ng pundasyon sa tunay na daan, nagsabi Ako ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain. Sa mga tagasunod mula sa lahat ng pangkat ng edad, mga tagasunod mula sa lahat ng uri ng sitwasyon, at mga tagasunod mula sa lahat ng lahi, ang tanging layon at layunin sa likod ng Aking pananalita ay ang tulungan silang makamit ang katotohanan habang sumusunod sa Diyos, maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at ang mga layunin ng Diyos, magawang sumunod sa Diyos at tumahak sa tamang landas, hindi na sumunod sa mga makamundong kalakaran, hindi na makontrol ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas, at hindi na patuloy na tanggapin ang katiwalian ni Satanas, kundi sa halip ay sumamba sa tunay na Diyos, sumamba sa Lumikha, at bumalik sa orihinal nilang posisyon bilang mga nilikha para sumamba sa Lumikha—ito ang tanging layon na mayroon Ako. Patungkol sa tanging layong ito, kahit pa minsan ay gumagamit Ako ng mga espesyal na pamamaraan at nagtatalakay ng mga espesyal na paksa kapag nagsasalita, at kahit pa nagsasabi Ako ng ilang salita na medyo malalim at hindi masyadong madaling maunawaan, anuman ang sitwasyon, ang layon Ko ay hindi kailanman ang mang-akit. Mayroon lang Akong isang layunin, at ito ay ang alukin kayo ng pagtustos at gabay, at ang pagtustos at gabay na ito ay isang uri ng matiyagang tagubilin. Kung gagamit ng isang hindi perpektong analohiya, ang pag-aalok sa inyo ng pagtustos at gabay ay tulad ng pag-aalaga ng mga bulaklak sa isang greenhouse. Hindi Ako mangangahas na maging pabaya kahit kaunti. Hindi ito maaaring maging masyadong mainit o masyadong malamig. Kapag maganda ang panahon, kailangan Kong hayaang maarawan ang mga bulaklak, at kailangan Kong bantayan ang temperatura sa lahat ng oras. Kung masyadong mainit, matutuyo at mamamatay ang mga bulaklak; kung biglang bumaba ang temperatura at masyadong malamig, mamamatay sa lamig ang maliliit na bulaklak. Ganito karupok ang sarili ninyong mga tayog. Ano ang ibig sabihin ng marupok? Nangangahulugan ito na masyado pa kayong hilaw at wala kayong tayog. Ano ang aktuwal na pagpapamalas ng kawalan ng tayog? Ito ay na halos walang buhay pagpasok ang karamihan sa mga tao kapag nakakaharap sila ng mga bagay sa tunay na buhay. Paano magkakaroon ng tayog ang isang tao kung wala siyang anumang buhay pagpasok? Ang tayog ay naiipon at natitipon sa paglipas ng panahon sa batayan ng unti-unting pagbuo ng buhay pagpasok. Samakatwid, kapag nakikipag-usap Ako sa inyo, dapat walang-kapaguran Akong mag-alok sa inyo ng pagtustos at gabay sa iba’t ibang paksa mula sa iba’t ibang anggulo, mula sa iba’t ibang pananaw, gamit ang iba’t ibang pamamaraan at halimbawa—ito ay tinatawag na pagbibigay ng matiyagang tagubilin. Ang tagubiling ito ay hindi pang-aakit—ito ay pag-aalok ng gabay at pagtustos; ito ay isang uri ng pangunguna. Ang ganitong uri ng pangunguna ay walang anumang negatibong epekto, ni hindi ito inuudyukan ng anumang mga di-wastong layunin. Suriin ang mga salitang sinasabi Ko: Maging ito man ay sa usapin ng layunin, o sa usapin ng paraan ng Aking pagsasalita, sa mga paksang tinatalakay Ko, o sa anyo ng Aking pananalita—at nakikinig man kayo sa mga audio recording ng mga sermon o nagbabasa ng teksto—gumagamit ba Ako ng anuman sa mga pamamaraang ginagamit ni Satanas para mang-akit ng mga tao? (Hindi.) Tingnang mabuti ang lahat ng sinabi Ko. Sa bawat sipi, anuman ang haba, ang pinagbabahaginan ay isang aspekto ng katotohanan; ang lahat ng ito ay may kinalaman sa katotohanan. Dahil ang lahat ng ito ay may kinalaman sa katotohanan, kung gayon, ang lahat ng ito ay pagtustos para sa inyo, ito ang kailangan ninyo, may kinalaman ito sa buhay na makakamit ninyo, at may kinalaman ito sa inyong kinabukasan at hantungan. Samakatwid, sa Aking bahagi, tiyak na hindi Ako pabaya kahit kaunti. Kung hindi ninyo kailanman sineseryoso ang mga salita ng Diyos, masasabi lang na mga hangal kayo. Bakit Ko sinasabing mga hangal kayo? Dahil ang inyong tayog ay hilaw na hilaw pa kaya hindi ninyo maabot ang katotohanan, at ang inyong pagkaunawa ay may mga paglihis at katulad na katulad ng pagkaunawa ng isang bata. Kaya, hindi talaga kalabisan na tratuhin kayo na parang mga tatlong-taong-gulang na bata. Hindi ito kawalan ng paggalang sa inyo o pangmamaliit sa inyo; sa halip, ito ay dahil ang aktuwal ninyong tayog ay napakababa, at wala kayong anumang pagkilatis. Tumpak ba ang mga salitang ito? (Oo.)

Mas nauunawaan na ba ninyo nang kaunti ang paksang kakabahagi lang natin—kung paanong ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi nang-aakit ng mga tao? (Oo.) Ang mga bagay na ibinahagi Ko ay pangunahing tinalakay batay sa kung paano magsalita at gumawa ang Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, tinalakay batay sa mga katunayan ng kung paano magsalita at gumawa ang Diyos, at batay sa masisidhing layunin ng Diyos. Tinutulutan nito ang mga tao na makita na sa loob ng pananalita ng Diyos, gawain ng Diyos, at diwa ng Diyos, walang elemento ng pang-aakit ng mga tao na matatagpuan sa loob ng tiwaling mga tao o sa loob ni Satanas at ng mga diyablo, ni anumang gayong intensiyon. Kung gayon, gaano karami ang nalalaman ninyo tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, sa taong ito na may ordinaryong panlabas na anyo? At anong mga katunayan ang mayroon na makapagpapatunay na ang pagkatao at ang banal na diwa ng Diyos na nagkatawang-tao ay iisa, na hindi sumasalungat o bumabangga ang mga ito sa isa’t isa, na magkaayon ang mga ito, at na ang Diyos na nagkatawang-tao ay hindi rin nagpapakita ng mga pagpapamalas ng pang-aakit ng mga tao na tulad ng mga pagpapamalas na matatagpuan kay Satanas o sa tiwaling sangkatauhan? Gaano karami ang nalalaman ninyo tungkol sa aspektong ito? O, anong mga pagpapamalas at pagbubunyag ng Diyos na nagkatawang-tao ang nagbigay-daan sa inyo para makilala ito? Maaaring isa itong bagay na hindi pa nauunawaan ng karamihan sa mga tao, hindi ba? Kung gayon, kailangan Ko itong ipresenta sa inyo nang detalyado; nakakayamot para sa Akin na palaging magpresenta ng mga bagay nang ganito. Ang totoo, sa pakikisalamuha at pakikisama sa inyo, sa internet man o sa tunay na buhay, kung magbibigay-pansin kayo at maingat ninyong uunawain ang mga pagpapamalas at pagbubunyag ng Diyos na nagkatawang-tao sa bagay na ito, matutuklasan ninyo ang mga ito. Pero hindi kayo mapagmasid, at bukod pa rito, pakiramdam ninyo ay hindi ito isang mahalagang isyu. Walang sinuman sa inyo ang nagbibigay-pansin sa usaping ito, kaya hindi ninyo matuklasan ang mga ito. Nagbigay-pansin man kayo o hindi, dahil may kinalaman ang aspektong ito sa katotohanan tungkol sa pagkakilala sa Diyos, dapat natin itong pagbahaginan. Kapag nagbabahaginan tungkol sa aspekto ng hindi pang-aakit, kung titingnan ito mula sa paraan ng pakikisalamuha ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga tao, ang unang bagay na dapat mong maunawaan ay na hindi Ko sinusubukang kumuha ng impormasyon mula sa inyo kapag nagsasalita Ako o nangangasiwa ng mga usapin kasama ninyo. Ang pakikipagkuwentuhan ay pakikipagkuwentuhan lang; direkta Ako sa punto, prangka Ako, at sinasabi Ko kung anuman ang iniisip Ko sa loob-loob Ko. Kahit pa minsan, dahil sa pagsasaalang-alang sa iyong kahinaan o para isaalang-alang ang iyong ego dahil sa iyong mababang tayog, gumagamit Ako ng ilang matalinong pamamaraan para kausapin ka, hindi Ko pa rin sinusubukang kumuha ng impormasyon mula sa iyo, ni hindi kita aakitin na magsabi ng isang bagay. Kung handa kang magsalita, magsalita ka; kung hindi ka handang magsalita tungkol sa isang bagay, hindi Ko susubukang tanungin ka tungkol dito. Hindi Ko susubukang kumuha ng impormasyon mula sa iyo. Kung gusto Kong maunawaan kung ano ang nangyayari sa ilang tao, direkta Akong magtatanong tungkol sa kanila: “Kumusta ang lider ng inyong iglesia? Ilang taon na bang nananampalataya sa Diyos ang sister na nakikipagtulungan sa iyo? Mayroon ba siyang pundasyon sa kanyang pananampalataya sa Diyos? Sa tingin mo ba ay isa siyang tao na naghahangad ng katotohanan? Nakaranas ba kayo ng anumang mga problema sa pakikipagtulungan ninyo sa isa’t isa?” Pakinggan ninyo ang mga tanong na ito—mayroon ba itong kalikasan ng pagkuha ng impormasyon mula sa mga tao? (Wala.) Kung ayaw mong sabihin ang isang bagay, hindi kita pipilitin. Hindi Ako gagamit ng anumang mga taktika o pakana para akitin ka, ni hindi Ko gagawin ang lahat ng posibleng paraan para palabasin ang nilalaman ng iyong puso. Wala Akong gayong hilig, hindi Ako interesadong kumilos nang ganito, at hinding-hindi Ko iyon gagawin. Kung handa kang magsalita, nang walang itinatagong anuman—kahit pa ang sinasabi mo ay medyo obhetibo o naglalaman ng personal na pagkiling, maaari mo itong sabihin sa anumang paraang gusto mo—pagkatapos kitang pakinggan, gagawa Ako ng isang partikular na pagsusuri. Pero mula sa Aking perspektiba, kinakausap kita nang lubhang deretsahan. Ang literal na kahulugan ng anumang sinasabi Ko ay mismong ang sinusubukan Kong iparating. Kung may gusto Akong malaman tungkol sa isang bagay, direkta Akong nagtatanong tungkol dito. Kung palagi kang nagpapaligoy-ligoy at hindi ka direktang nagsasalita, sinusubukang makipaglaro sa Akin ng mga laro sa salita o mga laro sa isip, sadyang hindi na Ako makikipag-usap sa iyo. Ayaw Kong naglalaro ng mga laro sa salita, at hindi rin Ako gumagamit ng mga panlalansi; hinding-hindi Ko gagawin ang lahat ng posibleng paraan para mag-usisa ng impormasyon. Ipagpalagay nang gusto Kong malaman ang tungkol sa sitwasyon ng isang tao, tulad ng kung ilang taon na siyang nananampalataya sa Diyos, kung tunay ba siyang nananampalataya sa Diyos, kung ano ang kalikasan ng kanyang pagkaarok sa katotohanan, kung ginagampanan ba niya ang kanyang tungkulin nang full-time, o kung sulit ba na subukang linangin siya—kung kailangan Kong malaman ang mga bagay na ito alang-alang sa gawain, direkta lang Akong magtatanong. Pero pagdating sa mga detalye ng mga pribado nilang usapin o kung ano ang ginagawa nila nang palihim sa pribado nilang buhay, hindi Ako nagtatanong tungkol sa gayong mga bagay. Ang gusto Kong malaman ay ang iyong paghahangad, ang iyong saloobin sa katotohanan at sa iyong tungkulin, at, kung mapipili ka bilang isang lider, kung ano ang iyong determinasyon, pasanin, at pagkatao, gayundin kung gaano kalakas ang iyong pananalig—ang mga ito ang mga bagay na gusto Kong malaman. Pagdating naman sa mga pribado mong usapin, tulad ng kung magkano ang kinikita mong pera sa isang buwan, anong mga hindi magagandang bagay ang nagawa mo, sinong mga miyembro ng kabilang kasarian ang nilandi mo, o kung sino ang nilinlang o dinaya mo, talagang ayaw Kong malaman ang mga bagay na ito, at hindi Ako kailanman nagtatanong tungkol sa mga ito. Sinasabi sa Akin ng ilang tao na nakagawa na sila noon ng mga pagsalangsang na may kinalaman sa kabilang kasarian. Sinasabi Ko, “Huwag mong sabihin sa Akin ang tungkol sa gayong mga bagay. Magdasal ka sa Diyos nang pribado. Kung patatawarin ka ng Diyos, maaantig ang iyong puso. Kung hindi ka patatawarin ng Diyos, magpatuloy ka sa pagdarasal. Huwag mong sabihin sa Akin; ayaw Kong marinig ang mga bagay na ito.” Kapag nakikipagkita Ako sa inyo, pangunahin Kong tinatalakay ang mga usapin tungkol sa pananampalataya sa Diyos, gawain ng iglesia, buhay pagpasok, o ang mga isyu tungkol sa personal mong kalagayan na itinatanong mo. Kadalasan ay ang mga bagay na ito, at paminsan-minsan ay tinatalakay Ko rin nang kaunti ang tungkol sa mga isyu sa buong mundo. Anuman ang paksang talakayin natin, ipinapahayag Ko lang ang Aking mga personal na pananaw at opinyon sa kasalukuyang paksa; malaya kang isipin at sabihin kung anuman ang gusto mo. Maaari mong sabihin kung anuman ang gusto mong sabihin, at maaari kang magsalita hangga’t gusto mo. Kung pakiramdam mo ay hindi na kailangang maging mapagbantay laban sa Akin, maaari mong sabihin kung anuman ang gusto mong sabihin. Kung mapagbantay ka at naghihinala ka sa Akin sa iyong puso, natatakot na malalaman Ko ang tungkol sa iyong nakaraan o ibubunyag Ko ang iyong mga lihim, at ayaw mong magsalita nang masyadong marami, hindi kita pipilitin; binibigyan kita ng kalayaan. Ito ang Aking prinsipyo sa pakikisalamuha sa mga tao. Hinding-hindi Ko gagawin ang lahat ng posibleng paraan para humanap ng isang tao na palihim na mag-aalam ng mga bagay tungkol sa iyo dahil lang sa sinasarili mo ang mga bagay-bagay, ni hindi Ako gagamit ng iba’t ibang pamamaraan sa harapan mo para kumuha ng impormasyon mula sa iyo, pinapasabi sa iyo mismo ang mga iyon. Hindi Ko ginagawa ang gayong mga bagay. Hindi Ko kailanman hinihingi sa sinuman na maagap na magtapat ng mga bagay sa Akin. Hindi mo kailangang magtapat ng anuman sa Akin; wala Akong gayong hinihingi sa iyo. Kahit pa magtapat ka ng mga bagay sa Akin, nang walang itinatagong anumang detalye, mayroon pa ring isang bagay na hindi mo maiiwasan: Dapat mong hangarin ang katotohanan. Hindi ibig sabihin na sa pagtatapat mo sa Akin ay nagiging isa ka nang matapat na tao, hindi mo na kailangang hangarin ang katotohanan, at makakaiwas ka na sa pagkastigo at paghatol. Sa halip, anuman ang gawin mo, tatratuhin kita kung paano ka man dapat tratuhin, sa sarili Kong paraan. Pero kung magkakaroon tayo ng pag-uusap o anumang uri ng talastasan, at gusto mong magtago ng mga bagay mula sa Akin, makipaglaro sa Akin ng mga laro sa isip, maglaro ng mga laro sa salita, o makipaglaro sa Akin ng taguan, hinding-hindi Ako gagamit ng anumang mga metodo o paraan para kumuha ng impormasyon mula sa iyo, para akitin kang magsabi ng isang bagay, o para idulot na magsiwalat ka ng anuman. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)

Tungkol sa aspektong ito ng hindi pagkuha ng Diyos ng impormasyon mula sa mga tao, mayroong isang bagay na dapat maging malinaw sa inyo. Ang pagkaunawa ng Diyos sa sangkatauhan ay hindi nakabatay sa ilang partikular na pagbubunyag, sa isinasabuhay nila, o sa mga paraan nila ng pamumuhay sa tunay na buhay, ni hindi ito nakabatay sa paggawa ng mga tao ng ilang partikular na bagay. Kung gayon, saan nakabatay ang pagkaunawa ng Diyos sa sangkatauhan, at ang saloobing taglay Niya sa kanila pagkatapos silang maunawaan? Nakabatay ang mga ito sa pagkaunawa ng Diyos sa kalikasang diwa ni Satanas. Samakatwid, ang pagkaunawa ng Diyos sa sangkatauhan ay na nauunawaan Niyang mayroon silang mga tiwaling disposisyon, nauunawaan Niya kanilang tiwaling diwa, at nauunawaan Niya kung paano sila ginagawang tiwali at hangal ni Satanas, gayundin kung anong mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw ang ikinikintal ni Satanas sa kanila, at sapat na ang pagkaunawang ito. Sapat na ito para hatulan at kastiguhin ka, at sapat na batayan para tustusan ka ng katotohanan at buhay para iligtas ka. Samakatwid, huwag mong isipin na kapag nakikisalamuha o nakikipag-usap ka sa Akin, dapat kang magsiwalat ng mga bagay sa Akin. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t sinabi Mo na sa pakikisalamuha sa Iyo, dapat muna kaming maging bukas at matapat?” Ang pagiging bukas at matapat ay isang saloobin; hindi ito katumbas ng pagsisiwalat ng mga bagay-bagay. Hindi ibig sabihin nito na, dahil isa kang tiwaling tao at isang makasalanan, dapat mong ipagtapat ang lahat sa Akin at ipaliwanag nang malinaw ang lahat sa Akin. Hindi ito kinakailangan; wala Akong gayong pangangailangan, at hindi ganito ang Aking saloobin sa iyo. Kung iniisip mo na ang pagiging bukas at matapat sa Akin ay nangangahulugang dapat mong isiwalat ang lahat sa Akin, mali ito; isa itong maling pagkaunawa sa iyong bahagi. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Samakatwid, kahit pa maraming bagay at maraming salita na mahirap sabihin sa harapan Ko o na ayaw mong sabihin, hindi ibig sabihin nito na hindi ka nagiging bukas at matapat; nakadepende lang ito sa kung ano ang iyong mentalidad. Kung may mga bagay na hindi ka komportableng sabihin, o ayaw mong sabihin ang mga iyon kapag maraming tao sa paligid, hindi mo kailangang gawin iyon. Hinding-hindi mo dapat ipalagay na gusto Ko talagang malaman ang iyong pinagmulan o gusto Ko talagang malaman ang iyong mga lihim. Hinding-hindi ka dapat magkaroon ng maling pagkaunawa—ayaw Kong malaman ang mga bagay na ito kahit kaunti. Ayaw Kong malaman kung paano ka noon, ni ayaw Kong malaman kung paano ka sa hinaharap; ang tanging mahalaga sa Akin ay kung paano ka ngayon. Kung ikaw ba ngayon ay isang tao na naghahangad ng katotohanan, kung gaano karami sa katotohanan ang nauunawaan mo ngayon, kung mayroon ka bang buhay pagpasok araw-araw, kung nakapasok ka ba sa mga katotohanang kailangang pasukin sa tunay na buhay—tulad ng pagiging isang matapat na tao, paggampan sa iyong tungkulin nang deboto, pagpapasakop sa Diyos, at paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay—ang mga ito lang ang mga bagay na mahalaga sa Akin. Samakatwid, hinding-hindi kayo dapat magkaroon ng anumang mga pag-aalinlangan tungkol sa Akin sa inyong puso, ni hindi ninyo kailangang mag-alala, sinasabing, “Para maging isang matapat na tao, kailangan ko bang ipaliwanag nang malinaw ang lahat sa Iyo at ipaalam sa Iyo ang lahat? Kung may hindi ako sasabihin, gagawin Mo ba ang lahat ng posibleng paraan para kumuha ng impormasyon mula sa akin at akitin akong magsalita?” Ang tugon Ko riyan ay hindi. Kapag tayo ay nagkukuwentuhan, nag-uusap, nangangasiwa ng mga usapin, at nag-uugnayan, sapat na para sa atin na pakitunguhan ang isa’t isa nang may bukas at matapat na saloobin at mentalidad, hindi sinusubukang kumuha ng anuman mula sa sinuman. Ang pagkuha ng impormasyon mula sa mga tao ay isang karaniwang panlalansi na ginagamit sa mga pakikisalamuha sa pagitan ng mga tiwaling tao, at isa itong paraan ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay na nakagawian na nilang gawin. Ang ilang tao ay may malaking interes sa mga pribadong usapin ng iba o sa mga bagay na ginagawa ng iba nang palihim, lalo na pagdating sa kung paano sila tinitingnan at sinusuri ng iba, kung iniisip ba ng iba na sila ay matayog o hamak, marangal o mababa, at iba pa. Samakatwid, madalas nilang ginagamit ang pamamaraan ng pagkuha ng impormasyon mula sa iba para malaman ang tungkol sa mga bagay na ito. Para sabihin sa inyo ang totoo, wala Akong interes sa mga bagay na ito kahit kaunti. Huwag ninyong isipin na Ako ay tulad ng sinumang ordinaryong tao na nakikisalamuha ninyo. Hindi Ko kailanman inalala kung mayroon Akong katayuan sa inyong puso—itinuturing man ninyo Akong marangal o mababa, matayog o hamak, wala Akong pakialam sa mga bagay na ito. Samakatwid, kapag nakikipag-usap at nakikisalamuha kayo sa Akin, huwag magkaroon ng gayong mga pag-aalinlangan. Kapag nakikisalamuha ang mga tiwaling tao sa sinuman, palagi nilang iniisip, “Ano ba talaga ang katayuan ko sa puso ng iba? Mabuti ba talaga o masama ang impresyon nila sa akin?” Palagi ring nagbubulay-bulay ang ilang tao, “Anong pakinabang ang makukuha ko mula sa pakikisalamuha sa kanila? Anong kalamangan ang makakamit ko? Anong posisyon ang maaari kong maokupa sa grupong ito? Magiging mataas ba ang tingin sa akin ng ibang tao?” Palaging iniisip ng mga tao ang mga bagay na ito at inaalala ang mga ito. Hindi Ko kailanman itinatanong ang mga tanong na ito, at hindi Ko sinusubukang alamin ang mga usapin ng ibang tao. Palaging gustong mag-usisa ng mga tao tungkol sa mga bagay na ito. Isa itong natural na pagbubunyag ng mga satanikong tiwaling disposisyon, at isa rin itong karaniwang katangian ng mga tiwaling tao. Sa isang banda, gustong-gusto ng mga tao na mag-usisa sa mga pribadong usapin ng iba at partikular silang interesado sa mga ito; sa kabilang banda, gustong-gusto nilang malaman kung ano ang kanilang posisyon at halaga sa puso ng iba. Sa partikular, ang ilang lider at manggagawa, o mga tao na may ilang kaloob at talento at kaunting prestihiyo sa iglesia, ay labis na nagbibigay-pansin sa kanilang katayuan sa puso ng iba at sa kanilang ranggo sa loob ng grupo; labis itong pinapahalagahan ng karamihan sa mga tao. Minsan ay nagtatanong sila sa iba ng mga partikular na tanong—ang kanilang intensiyon at pakay ay hindi para lumutas ng mga problema, kundi para alamin kung mataas ang tingin sa kanila ng iba at kung sinasamba sila ng mga ito. Ipinapakita nito na labis nilang pinapahalagahan kung anong posisyon ang hawak nila sa puso ng ibang tao. Ano ang silbi ng pag-alam sa mga bagay na ito? Ano naman kung mataas ang tingin sa iyo ng ibang tao? Mapapalitan ba niyon ang iyong paghahangad ng katotohanan? Kung mababa ang tingin sa iyo ng iba, magiging negatibo ka ba at hihinto sa pananampalataya sa Diyos? Ano ang maaaring maging epekto sa iyo ng mataas na pagtingin ng iba? Mauudyukan ka ba nito o mapapalakas ang loob mo? Wala itong epekto kahit kaunti. Mayroon ding ilang masamang tao na palaging naghuhukay ng impormasyon tungkol sa iba, nag-uusisa tungkol sa sinasabi ng iba tungkol sa kanila kapag nakatalikod sila at kung anong mga pananaw mayroon ang mga ito sa kanila, para malaman kung sino ang pinakatutol sa kanila at kaaway nila, at gumagamit pa nga sila ng iba’t ibang pamamaraan para kumuha ng katunayan mula sa iba. Hindi matagalan ng ilang tao ang pang-aakit ng mga ito at sa huli ay ibinubunyag nila ang jatunayan, kaya nahuhulog sila sa mga pakana ng mga ito bilang resulta. Pagkatapos ay ginagawa ng masasamang tao ang lahat ng posibleng paraan para tuligsain at gantihan sila, inaapi at ibinubukod sila sa lahat ng uri ng sitwasyon, sinusupil sila nang labis na nagiging nakakasakal ito para sa kanila, inilalagay sila sa matinding pagdurusa na hinihiling nilang mamatay na sila, na para bang isang malaking sakuna ang sumapit sa kanila. Kahit kapag nagdarasal sila sa Diyos, hindi nila maramdaman ang gabay ng Diyos; wala silang sinuman na tutulong sa kanila at itinutulak sila sa kawalan ng pag-asa ng masasamang tao. Sa huli, nawawalan sila ng kanilang pananalig. Iniisip nila na kahit bilang isang mananampalataya sa Diyos ay maaari pa rin silang makatagpo ng masasamang tao at mausig at mapahirapan ng mga ito; pakiramdam nila ay masyadong mahirap ang manampalataya sa Diyos, at ayaw na nilang manampalataya. Hindi madaling takasan ang masasamang taong ito. Ang mapasama ang loob ng isang masamang tao ay tulad ng kapag nakagat ka ng isang alakdan; hindi mo sila matatakasan o malalayuan, at wala kang pananalig para labanan sila nang mag-isa, kaya sa huli ay pinapahirapan ka nila. Ang tiwaling sangkatauhang ito—mga diyablo man na kay Satanas o mga tao na may mga tiwaling disposisyon—ay kapwa may ganitong tendensiya at ganitong diwa. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, ang lahat ay may ganitong problema sa iba’t ibang antas; sinusubukan nilang lahat na kumuha ng impormasyon mula sa ibang tao alang-alang sa sarili nilang reputasyon, katayuan, at mga interes, at maaari pa nga nilang hanapan ng butas ang mga tao para pahirapan ang mga ito. Nakikita mo, noong mga unang araw ng pagtatatag ng People’s Republic of China, noong gustong pahirapan ng Partido Komunista ang mga rightist, sinabi nila sa mga tao, “Kailangan ng pambansang pag-unlad ng mga taong may talento. Kung mayroon kayong anumang mga opinyon tungkol sa Partido o anumang magagandang ideya tungkol sa pambansang pag-unlad, dapat kayong magsalita. Ang nagsasalita ay hindi sisisihin, kundi ang kanyang mga salita ay pakikinggan bilang isang babala. Dapat mag-alok kayong lahat ng inyong payo!” Bilang resulta, narinig ito ng ilang tao at sinabi, “Naku, wasak ang bansa at naghihintay na muling itayo; kailangan nito ng mga taong may talento na tulad natin. Dahil labis na pinapahalagahan ng bansa ang mga taong may talento, dapat nating sabihin ang totoo.” Sinabi ng lahat ng intelektuwal at mataas na opisyal na iyon ang totoo, iniisip na walang masamang mangyayari. Nakikita mo, gumagamit si Satanas ng mga salitang magandang pakinggan para akitin ang mga tao na sabihin ang katotohanan. Kapag nakababa na ang lahat ng depensa ng mga tao, ibinubuhos nila ang lahat ng nasa kanilang puso, at bilang resulta, nahuhulog sila mismo sa pakana ni Satanas. Sinasabi ni Satanas, “Mabuti! Ngayon ay nahanapan ko na kayo ng butas, at mayroon na akong ebidensya para parusahan kayo!” Agad-agad, inilunsad ng Partido Komunista ang Anti-Rightist Campaign at binansagan ang lahat ng nagsabi ng totoo bilang mga rightist, at pinahirapan ang mga intelektuwal at matataas na opisyal na iyon. Kalaunan, nagsimula ang Rebolusyong Kultural—ang lahat ng kilalang tao at may kakayahang tao ay itinapon sa mga “kulungan ng baka” at pinasuot ng mga karatula na nagbabansag sa kanila bilang mga “capitalist roader” at “kontrarebolusyonaryo.” Bilang resulta, maraming tao ang pinahirapan nang labis. Nakikita mo, hindi nauunawaan ni Satanas ang diwa ng tao. Hindi ito mismo lumalakad sa tamang landas, at hindi nito alam kung ano ang iniisip ng mga tao sa kanilang puso. Inaakit lang nito ang mga tao na sabihin ang katotohanan at pagkatapos ay hinahanapan sila ng butas at kinokondena sila, malupit silang pinapahirapan hanggang sa mamatay. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan. Sumailalim ang sangkatauhan sa katiwalian ni Satanas, nagiging mas malalim na tiwali sa bawat hakbang. Nakita ng Diyos ang lahat ng ito sa ilalim ng Kanyang mapagmasid na mga mata; nauunawaan Niya itong mabuti, kaya pinipili Niya ang angkop na panahon para pumarito at iligtas ang mga tao. Hindi nakikipagtalakayan ang Diyos sa mga tao, ni hindi Siya kumokonsulta sa kanila. Kapag dumating na ang panahon ng Diyos, nagkakatawang-tao Siya at pumaparito sa gitna ng mga tao para ipahayag ang katotohanan, ilantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ilantad ang lahat ng iba’t ibang problemang mayroon sila. Sa pamamagitan ng paglalantad sa mga problema ng mga tao, pinapahintulutan Niya silang marinig ang tinig ng Diyos, lumapit sa Diyos, at makilala ang kanilang sarili. Pagkatapos, tinutustusan ng Diyos ang mga tao ng katotohanan para makalakad sila sa tamang landas. Sa pamamagitan ng metodong ito at ng pamamaraang ito, inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan. Gayumpaman, palaging ginagawa ni Satanas ang lahat ng posibleng paraan para iligaw at gawing tiwali ang sangkatauhan. Wala itong pakialam kung ano ang iniisip ng mga tao, kung ano ang inaasahan nila, o kung ano ang wala sa kanila; gusto lang nitong akitin ang mga tao na magkasala, at akitin silang iwanan ang Diyos at ipagkanulo ang Diyos. Hinahadlangan nito ang mga tao na basahin ang mga salita ng Diyos at hinahadlangan sila na lumapit sa Diyos. Palaging gustong tuksuhin at akitin ni Satanas ang mga tao; inaakit nito silang gumawa ng masama, at inaakit silang ibaba ang lahat ng kanilang depensa, para kapag ganap na silang hindi mapagbantay laban dito, maniniwala silang sinsero at seryoso ito, at pagkatapos ay babaling dito at aasa rito. Susunod, matapos isuko ang lahat ng kanilang pagiging mapagbantay, hinahayaan nila ang kanilang sarili na maloko at magawang tiwali nito, at ganap silang nilalamon nito, tama? (Oo.) Alam ng Diyos ang diwa ng sangkatauhan; alam Niya ang mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan; at alam Niya ang ugat ng paghihimagsik at paglaban ng sangkatauhan sa Diyos. Dahil dito, nang hindi na kailangang maunawaan kung anong mga partikular na bagay ang inisip o ginawa mo nang palihim, o kung anong mga pribadong usapin ang hindi mo isiniwalat, ganap na Siyang may kakayahang ilantad ang iyong kalikasang diwa, inilalantad ang iyong mga tiwaling disposisyon at kalikasang diwa at ganap na isinisiwalat ang mga ito, at sa batayang ito, ginagawa kang ganap na handang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Ang layon ng Diyos sa pagpapaalam sa iyo ng iyong diwa ay para bigyang-kakayahan kang tunay na magsisi, magpasakop sa Diyos, at bumaling sa Diyos—hinding-hindi ito para pahirapan ka at gawin kang negatibo at tiwali. Dapat mong maunawaan ang masisidhing layunin ng Diyos. May pakiramdam ng responsabilidad ang Diyos sa iyo at nagmamalasakit Siya para sa iyo, kaya ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito nang may dakilang karunungan at sa isang napakasistematikong paraan, ganap kang isinasaalang-alang. Ang bawat hakbang na ginagawa Niya ay dahil sa pagsasaalang-alang sa iyo; ang bawat hakbang ay metikulosong isinasaayos at pinaplano. Bagama’t hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, sa huli ay mararamdaman ng mga tao ang masisidhing layunin ng Diyos.

Hindi nagpapabaya ang Diyos kahit kaunti tungkol sa usapin ng kaligtasan ng mga tao; sa halip, mayroon Siyang masisidhing layunin at ibinubuhos Niya ang lahat ng dugo ng Kanyang puso sa usaping ito. Sa batayan ng paglalantad sa tiwaling diwa ng mga tao, sa pamamagitan ng pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang problema, binibigyang-kakayahan Niya ang mga tao na mas maunawaan ang sarili nilang mga problema at ang sarili nilang kalikasang diwa. Pagkatapos, tinutustusan ka Niya sa isang positibong paraan, binibigyang-kakayahan kang maunawaan kung ano ang katotohanan at kung ano ang maling kaisipan, kung ano ang tama at kung ano ang mali, kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, at pagkatapos ay unti-unting tumahak sa tamang landas. Nakikita mo, ang lahat ng ginagawa ng Diyos para sa iyo ay alang-alang sa pagliligtas sa iyo. Kung titingnan mula Batay sa lahat ng gawaing ito na ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao, ang Kanyang panimulang punto, tingnan man mula sa perspektiba ng Kanyang pagkatao o mula sa perspektiba ng Kanyang pagka-Diyos, ay naaayon sa panimulang punto ng Lumikha. Samakatwid, kapag nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sa inyo ang nagkatawang-taong Anak ng taong ito, taglay rin Niya ang saloobing ito, at ang Kanyang layon ay dalhin kayo sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos at suportahan kayo sa pagtahak sa landas ng kaligtasan. Kaya, kapag nakikipag-usap at nakikisalamuha Ako sa inyo, hindi kailanman nagkakaroon ng isyu na sinusubukan Kong kumuha ng impormasyon mula sa inyo. Kung tatanungin Ko kayo ng ilang tanong, simpleng pagtatanong lang ito; hindi Ko kailanman ginagamit ang pamamaraan ng pagkuha ng impormasyon mula sa inyo para akitin kayong gumawa ng mga bagay na ayaw ninyong gawin. Hinding-hindi iyon nangyayari. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? (Oo.) Sa kabilang banda, hindi Ko kailanman inaalala kung anong mga pananaw ninyo sa Akin nang palihim, ni hindi Ko kailanman iisipin, “Kapag nakita ninyo na medyo maliit Ako, na ordinaryo ang Aking panlabas na anyo, at na ganito Ako magsalita at ganito ang tono ng boses Ko, magiging dahilan ba iyon para magkaroon kayo ng mga kuru-kuro? Anong klaseng posisyon ang hawak Ko sa inyong puso?” Hindi Ko kailanman inuusisa ang mga bagay na ito, at kapag nakikisalamuha Ako sa inyo, hindi Ako kailanman gumagamit ng anumang mga pamamaraan para hindi direktang magtanong tungkol sa kung paano ninyo Ako tinitingnan; wala Akong pakialam sa mga bagay na ito. Bakit wala Akong pakialam? Dahil hindi Ko pinapahalagahan ang mga ito. Ang pagiging marangal, dakila, pagkakaroon ng katayuan, pagkakaroon ng mataas na halaga, pagiging natatangi, mahusay, at mataas—wala Akong pakialam sa mga bagay na ito. Ano ba ang halaga kung mataas ang isang tao o hindi? Ano ang mapapalitan niyon? Kahit pa wala kayong anumang mga kuru-kuro tungkol sa Akin at kaya ninyong maging ganap na masunurin sa Akin, ano naman ngayon? Mangangahulugan ba iyon na maaari Akong magsalita o gumawa nang mas kaunti kaysa sa ginagawa Ko ngayon? Wala sa mga ito ang makakapagpalit sa anuman. Siyempre, sekundarya lang ito; ang pangunahing bagay ay na personal Akong walang pakialam sa mga bagay na ito. Hindi Ko alam kung bakit wala Akong pakialam; sadyang ayaw Kong alalahanin pa ang mga bagay na ito. Kapag gumagawa Ako ng mga bagay para sa inyo, mga usapin man ang mga ito sa inyong buhay, mga usapin tungkol sa inyong buhay pagpasok, o mga usapin tungkol sa inyong hantungan at kinabukasan, at may kinalaman man ito sa pagsasalita ng ilang salita o paggawa ng ilang partikular na bagay, hindi Ko kailanman iniisip, “Mayroon bang sinuman na lubos na mapagpasalamat sa Akin kapag nakatalikod Ako? Mayroon bang sinuman na lumuluha dahil sa pasasalamat? Mayroon bang sinumang nakakaalala sa Aking kabaitan sa paggawa ng mga bagay na ito?” Talagang hindi Ko inaalala pa ang gayong mga bagay, at hindi Ko sinusubukang alamin ang tungkol sa mga ito. Sa isang banda, kapag nakikipagtipon at nakikipagbahaginan Ako sa inyo, hindi Ako kailanman nagtatanong tungkol sa mga bagay na ito; sa kabilang banda, kapag nakikipagbahaginan Ako sa inyo tungkol sa gawain, hindi rin Ako nagtatanong tungkol sa mga ito. Sa alinmang pangkat Ako pumunta, nagtatanong lang Ako, “Kumusta kayo kamakailan? Mayroon bang anumang mga problema na hindi ninyo malutas? Kaya ba ninyong arukin ang mga prinsipyo kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin?” Tinatalakay Ko lang ang mga bagay na ito. Wala Akong pakialam kung gaano kalaki ang impluwensiya ng mga salitang sinasabi Ko at ng mga bagay na ginagawa Ko sa gitna ninyo, kung gaano karaming tao ang mapagpasalamat sa Akin, kung gaano karami ang hindi mapagpasalamat, o kung paano Ko dapat pagbutihin ang gawaing ito para mas maraming tao ang maging mapagpasalamat; hindi Ko ginagawa ang mga bagay na ito. Inaalam Ko kung ano ang kalagayan ng inyong tungkulin, at tinutukoy Ko ang inyong mga problema at paglihis at ipinapatama Ko ang mga ito sa inyo, para magawa ninyo nang maayos ang gawain. Kung ang ilang tao ay hindi nagpapahalaga o hindi naniniwala rito, wala Akong magagawa; hanggang doon lang ang kaya Kong gawin. Sa inyong pang-araw-araw na buhay, ginawa Ko ang Aking pinakamakakaya para isaayos ang mga bagay-bagay para sa inyo at tulungan kayo. Kung hindi nasisiyahan ang ilang indibidwal, wala Akong magagawa; iyon ay dahil masyadong marami ang kanilang mga personal na hinihingi. Paulit-ulit Ko lang na binibigyang-diin kung anong mga prinsipyo ang sinusunod ng sambahayan ng Diyos sa paggawa nito at kung ano ang layunin nito sa paggawa nito, at sapat na iyon. Kapag pumupunta Ako sa ilang lugar at nakikita Ko ang ilang tao na nagbabahaginan, pinag-uusapan kung ano ang sinasabi at ginagawa ng Diyos, umaalis Ako kaagad. Hindi Ako nakikinig nang palihim. Hindi Ako nag-uusisa, at hindi Ko iniisip, “Ano ang sinasabi ninyo tungkol sa Akin? May sinasabi ba kayong masama tungkol sa Akin? May sinasabi ba kayong mga bagay tungkol sa Akin na nakabatay sa mga kuru-kuro? Kung gayon, gagawin Ko ang lahat ng posibleng paraan para pahirapan ka at ibaba ang iyong pagmamataas.” Hindi Ko ginagawa ang mga bagay na ito; maaari ninyong sabihin kung anuman ang gusto ninyo. Ang aral ng pagkakilala sa Diyos ay nangangailangan ng mahabang panahon para matutunan; hindi ito nangyayari sa loob lang ng magdamag. Ang inyo mang pagbabahaginan tungkol sa pagkakilala sa Diyos ay may halong mga kuru-kuro o ito man ay ang inyong tunay na pagkaunawa, wala itong kinalaman sa tama o mali; may kinalaman lang ito sa kung naaayon ba ito sa katotohanan. Samakatwid, kung ang inyong pagbabahaginan tungkol sa isang paksa ay naglalaman ng mga pagkabaluktot, maaari Ko itong itama para sa inyo. Kung may mga kuru-kuro at imahinasyon, maaari nating pagbahaginan ang tungkol sa mga ito. Kung ang lahat ng ibinabahagi ninyo ay tama at umaayon sa katotohanan, pero medyo mababaw lang, unti-unti lang kayong magtamo ng kaalaman.

Nauunawaan na ba ninyo ngayon ang aspektong ito, na hindi kumukuha ang Diyos ng impormasyon mula sa mga tao? (Oo.) Ang hindi pagkuha ng impormasyon mula sa mga tao ay nangangahulugan na kapag nagsasalita at nakikipag-usap Ako sa inyo, ginagawa Ko iyon mula sa posisyon ng isang ordinaryong tao. Hindi Ako dominante o mapagmataas, at hindi kita sinusupil. Ang Aking prinsipyo sa pakikisalamuha sa iyo ay ang kausapin ka nang matapat at taos-puso, nang walang pang-aakit at nang hindi kumukuha ng anuman mula sa iyo. Ibig sabihin, hindi Ako naglalagay ng mga patibong para sa iyo, at hindi Ako nagsasabi ng mga bagay na tila totoo pero hindi naman. Iyon nga lang, kung ang ilang bagay ay hindi ang pangunahing paksa, maaari Akong magsabi ng isang pangkalahatang pahayag na nagbubuod at magpatuloy na, hindi nagsasalita nang masyadong partikular, pero hindi rin ito magiging tila totoo pero hindi naman. Ibig sabihin, ang mga salitang sinasabi Ko ay hindi nang-aakit sa iyo na mag-isip sa isang maling direksyon, na magkasala, na maging tiwali, na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, o na magkaroon ng mga maling pagkaunawa at maging mapagbantay laban sa Diyos, lalong hindi nito idinudulot na magkaroon ka ng saloobin ng pagdududa sa isang aspekto ng katotohanan. Sa mga sinasabi Ko, walang mga salitang tulad ng sinabi ni Satanas: “Hindi tiyak na mamamatay kayo”—ang “hindi tiyak” na ito ay may mapang-akit na kalikasan. Kapag nagsasalita Ako sa inyo, hindi Ako gumagamit ng anumang mapang-akit na salita tulad ng “hindi tiyak.” Maaari ninyong tingnan at suriin kung mayroon bang anumang gayong mga salita sa lahat ng nilalamang ibinahagi Ko. May ilang partikular na salita na malamang ay hindi kayo nakakatiyak o hindi ninyo lubos na nauunawaan, partikular na ang mga salitang tulad ng “marahil” at “baka.” Maaaring hindi ninyo napagtatanto ang Aking mga prinsipyo o dahilan sa paggamit ng gayong mga salita. Mayroon Akong dahilan sa paggamit ng gayong mga salita. Ito ay dahil ang iba’t ibang aspekto ng katotohanang pinagbabahaginan natin ay hindi nakatuon sa isang uri ng tao, ni hindi nakatuon ang mga ito sa isang partikular na indibidwal, kundi nakatuon ang mga ito sa lahat ng taong sumusunod sa Diyos at tumatanggap sa mga salita ng Diyos. Sa sandaling mabanggit ang “lahat,” kasama rito ang mga kalagayan ng lahat ng uri ng iba’t ibang tao. Ibig sabihin, sinasaklaw ng parehong problema ang mga kalagayan ng maraming uri ng tao sa ilalim ng iba’t ibang kondisyon at sa iba’t ibang kapaligiran, kaya maipapahayag lang ito gamit ang “marahil” at “baka.” Ano ang ibig sabihin ng “marahil” at “baka”? Ang ibig sabihin ng mga ito ay, marahil ay nasa ganitong kalagayan ka, marahil ay nasa ganoong kalagayan ka, marahil ay nasa ganitong kapaligiran ka, o marahil ay nasa ganoong uri ng kapaligiran ka. Pero ang “marahil” na ito ay hindi naglalayong magparating ng kawalan ng katiyakan; sa halip, nangangahulugan ito na ang sinasabi ay naaangkop lang sa ilang tao. Ang mga salitang ito na “marahil” at “baka” ay walang nang-aakit na kahulugan ng “hindi tiyak na mamamatay” ni Satanas; ginagamit Ko ang mga salitang ito para magbigay ng angkop na pagbabahaginan, tinutulungan kang matukoy kung anong kalagayan ang mayroon ka at kung sa aling kapaligiran ka naroroon. Dahil mismo nahaharap Ako sa napakaraming grupo ng mga tao, at napakakomplikado ng iba’t ibang kalagayang mayroon ng mga tao, maipapahayag Ko lang ang mga bagay-bagay gamit ang “marahil” at “baka,” at pagkatapos ay hahayaan Ko kayong makita kung saan kayo nabibilang. Nauunawaan ba ninyo ang isyung ito? (Oo.) Ngayong nauunawaan na ninyo ang isyung ito, magpatuloy tayo sa susunod na paksa.

May isa pang paksa sa loob ng usapin ng hindi pang-aakit ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga tao, iyon ay na hindi Siya nanunulsol ng mga tao—hinding-hindi ka Niya susulsulan na gumawa ng isang bagay. Ang nasa likod ng panunulsol na tinutukoy rito ay mga hindi makatarungan, mali, o walang-katotohanang bagay, o masasamang gawa na nagiging dahilan para ikaw ay maging tiwali, lumaban sa Diyos, o tumalikod mula sa tamang landas. Kapag nakikipag-usap sa inyo ang Diyos na nagkatawang-tao, nakikisalamuha at nakikisama sa inyo, at nag-aakay sa inyo, ang mga salitang sinasabi Niya at ang gawaing ginagawa Niya ay pawang nakatuon sa pagdadala sa inyo sa harapan ng Diyos at sa tamang landas. Ang bawat salitang sinasabi Niya ay para mas maunawaan ninyo ang katotohanan ng mga katunayan, makilala ang mga tao, pangyayari, at bagay mula sa tamang pananaw at paninindigan, at mas tumpak na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang mga hinihinging pamantayan ng Diyos. Wala ni isang salita na sinasabi ng Diyos ang naglalayong manulsol sa inyo na labanan ang Diyos, o na humayo at makipaglaban kay Satanas, gumagawa ng mga walang-kabuluhang sakripisyo. Pagdating sa kung paano dapat tratuhin ng mga tao ang Diyos, ang layunin ng Diyos ay para magawang magpasakop ng mga tao sa Kanya at tratuhin Siya mula sa perspektiba ng isang nilikha. Anuman ang mga bagay na makatagpo ng isang tao, bago ang lahat, ang saloobing dapat niyang taglayin ay ang tanggapin ang mga ito mula sa Diyos at magpasakop sa Diyos mula sa perspektiba ng isang nilikha. Ito ay sa usapin ng pangkalahatang sitwasyon; siyempre, ito rin ang layunin sa likod ng lahat ng salitang sinasabi Ko at ang prinsipyong hinihingi Ko sa inyo. Tungkol naman sa kung paano ninyo tinatrato si Satanas, ang mundo, ang mga mapanlabang puwersa na umuusig sa inyo, at ang sinumang iba pa na umuusig sa inyo, ang prinsipyong hinihingi Ko sa inyo ay ang gumamit ng karunungan sa kung paano ninyo tinatrato ang mga ito. Tulad lang ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati” (Mateo 10:16). Dapat kang magpasakop sa Diyos tulad ng mga kalapati, at magkaroon ng karunungan ng mga ahas sa kung paano mo tinatrato ang mundong ito, iyong mga mapanlaban sa iyo, masasamang tao, mga makapangyarihan na mapanlabang puwersa, at mga makapangyarihang rehimen na mapanlaban sa Diyos. Sa mas praktikal na pananalita, pagdating sa pagharap sa masasamang tao at mga anticristo sa iglesia, o pagdating sa pagharap sa mga panlabas na mapanlabang puwersa, nakapagbahaginan na tayo tungkol sa ilang mas partikular na karunungan at paraan ng pagtrato sa kanila. Ang mga paraang ito ng pagtrato sa kanila at mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa, sa isang banda, ay tumutulong sa iyo na mas tumpak na malaman kung paano kumilos at kung anong mga prinsipyo ang dapat itaguyod para umayon sa mga layunin ng Diyos, na mahalaga. Sa kabilang banda, nilalayon ng mga ito na protektahan kayo—na tiyakin ang inyong personal na kaligtasan, at na protektahan kayo mula sa pagkahulog sa tukso, sa pang-aakit ni Satanas, sa paghahanap ng butas ni Satanas, at sa pagtangay ni Satanas, gayundin mula sa pagkasadlak sa mahihirap na sitwasyon, pagkasadlak sa pagkanegatibo at kahinaan, at sa kawalan ng pananalig na sumunod sa Diyos bilang resulta ng panliligalig at pagkontrol ng mga mapanlabang puwersa—sa madaling salita, para protektahan kayo sa lahat ng posibleng paraan. Ang Aking layunin sa pagtuturo sa inyo na maging matalino at sa pagtuturo sa inyo ng landas na dapat ninyong tahakin ay para bigyang-kakayahan kayong matatag na manindigan sa inyong tamang lugar, matagumpay na makompleto ang tungkuling ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos sa paraang pasok sa pamantayan, at tahakin nang maayos ang landas na ito. Kung masasadlak ka sa tukso, sa iba’t ibang suliranin, o sa patibong o pagkubkob ni Satanas, o makakaharap ka ng mahihirap na sitwasyon o panganib na nagbabanta sa iyong buhay, hindi magiging madali para sa iyo na makompleto ang tungkuling ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos at hangarin ang katotohanan para matamo ang kaligtasan. Kung matatamo mo ba ang kaligtasan ay magiging isang hindi alam na bagay, isang malaking tandang pananong—magiging isang problema ito para sa iyo. Kaya, sinasabi Ko sa inyo na maging matimtimang gaya ng mga kalapati at matalinong gaya ng mga ahas. Ang pagiging matalinong gaya ng mga ahas ay napakahalaga; binibigyang-kakayahan ka nitong tratuhin ang iba’t ibang masamang tao, mga anticristo, iba’t ibang maling kaisipan at erehiya, at iba’t ibang puwersa na umuusig at sumusupil sa iyo nang may karunungan at mga prinsipyo, para ligtas at matagumpay kang makarating sa dulo ng landas at magkaroon ng pag-asang matamo ang kaligtasan. Kaya, sa pangkalahatan, kapag nakakaharap ang sambahayan ng Diyos ng mga usaping may kinalaman sa pakikitungo sa panlabas na mundo, hahanap ito ng ilang kapatid na may karunungan at karanasan sa tunay na mundo para pangasiwaan ang mga ito. Para naman sa mga bata at may mababang tayog, o sa mga hangal at walang karanasan sa tunay na mundo, o maging sa ilang tao na magulo ang isip, hindi natin sila hinihikayat na humayo at pangasiwaan ang gayong mga bagay, at hindi rin magsasaayos ang sambahayan ng Diyos na gawin nila iyon. Ang ilang tao ay tila medyo matapang at may kakayahan sa panlabas, pero ang totoo ay wala silang karunungan. Ano ang tawag kapag ang isang tao ay walang karunungan pero medyo matapang? Ito ay tinatawag na pagkilos nang walang pakundangan; sa kolokyal na pananalita, ito ay pagiging mainitin ang ulo. Kung ang isang taong tulad nito ay hahayo para pangasiwaan ang mga usaping may kinalaman sa pakikitungo sa panlabas na mundo, tiyak na lilitaw ang mga problema. Kaya, kapag nakakaharap ang mga usaping ito na may kinalaman sa pakikitungo sa panlabas na mundo, kung kinakailangan na gawin ng iglesia ang gawaing ito, hinahanap natin ang mga angkop na tao para gawin ito. Napakabuti ng pamamaraang ito. Maging ang taong ginagamit ng Banal na Espiritu man o Ako, hindi kami kailanman nagsasaayos na pumunta kayo sa mga lansangan para magdemonstrasyon at magprotesta, lalong hindi namin kailanman hinihingi sa inyo na makibahagi sa adbokasiya ng mga karapatang pampulitika o mangaral ng ebanghelyo sa ilang partikular na uri ng mga sikat na tao; hindi kailanman ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ito. May alam ka bang pagkakataon na gumawa ang sambahayan ng Diyos ng ganitong mga uri ng pagsasaayos ng gawain? (Wala.) Kahit sa pangangaral ng ebanghelyo, ipinapangaral ito sa mga nasa relihiyon na nauuhaw sa katotohanan; hindi na kailangang bigyang-pansin ang mga Pariseong iyon at iyong mga nakikinabang hangga’t nais. Hindi kayo kailanman sinusulsulan ng sambahayan ng Diyos na makipagsapalaran o hinahayaang mahulog sa tukso o sa patibong ni Satanas; ibig sabihin, hindi kayo nito itinutulak sa isang nag-aapoy na hukay, kundi ginagawa nito ang lahat ng posibleng paraan para protektahan kayo gamit ang mga kapabilidad at mapagkukunang kasalukuyang mayroon ang sambahayan ng Diyos. Tingnan ninyo, hindi ba’t ganito gumawa ng mga bagay-bagay ang sambahayan ng Diyos? (Oo.) Halimbawa, kung may nasusunog na lugar, dapat kang tumawag sa bombero para apulahin ang apoy, at dapat na mabilis na lumikas ang mga kapatid; mas ligtas na hayaan ang mga propesyonal na gumawa ng gawaing pag-apula ng apoy. Ito ay para protektahan kayo mula sa pakikipagsapalaran, pagkahulog sa tukso, at pagkahulog sa patibong ni Satanas. Gayundin, tungkol sa iba’t ibang negatibong karakter na lumilitaw sa iglesia, tulad ng mga anticristo, masasamang tao, at mga hindi mananampalataya, pinapahintulutan ng Diyos na lumitaw sila. Nakikipagbahaginan Ako sa inyo para tulungan kayong matutong kilatisin sila, pagkatapos ay tinuturuan Ko kayo kung anong mga pamamaraan ang gagamitin sa pagtrato sa kanila, at sa huli, nagtatatag ang sambahayan ng Diyos ng mga atas administratibo sa pangangasiwa ng mga taong ito, ikinaklasipika sila ayon sa kanilang uri at, pagkatapos na malinaw na makilatis ang mga anticristo, masasamang tao, mga hindi mananampalataya, at iyong mga nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo, inaalis sila, para magampanan ninyo ang inyong tungkulin nang may payapang isipan. Sabihin ninyo sa Akin, paano ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang aytem na ito ng gawain? (Ginagawa nito ito nang maayos.) Pagkatapos na magawa nang maayos ang gawaing ito, wala nang mga tao na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo sa mga iglesia ng iba’t ibang bansa, at nagiging mapayapa ang buhay iglesia. Sa sandaling mapaalis ang masasamang tao, agad na nagiging mapayapa ang iglesia. Napapanatag ang puso ng karamihan sa mga tao, nakakapagtipon sila nang normal, nagiging normal ang kaayusan ng buhay iglesia, at maaari ding maisagawa nang normal ang iba’t ibang uri ng gawain. Kung gayon, kung titingnan ito mula sa anggulong ito, ang katotohanan ba ang may hawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos? (Oo.) Ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang gawaing ito para tulutan ang karamihan sa mga tao na handang maghangad ng katotohanan, na kayang tumanggap sa katotohanan, at na may kaunting sinseridad sa kanilang tungkulin na gampanan ang kanilang tungkulin, makinig sa mga sermon, at hangarin ang katotohanan nang may payapang isip—ito ay sa usapin ng gawain ng iglesia. Bilang karagdagan, para naman sa Akin, kapag nakikisalamuha Ako sa inyo at nangangasiwa ng mga usapin, hindi ba’t ang lahat ng isinasaalang-alang Ko para sa inyo ay ginagawa para protektahan kayo nang lubos? (Oo.) Sinusulsulan Ko ba kayo na gawin ang mga bagay na ginagawa ng masasamang tao o tahakin ang landas na tinatahak ng masasamang tao? (Hindi.) Sa isang banda, tinutustusan Ko kayo ng katotohanan para maunawaan ninyo ang mga katotohanang prinsipyo, matalos ang mga bagay-bagay, makilatis ang iba’t ibang uri ng mga tao, matrato ang iba’t ibang masamang tao nang may karunungan, at lumayo sa kanila. At sa kabilang banda, kapag nakakaharap kayo ng mga mapanganib na usapin, tinuturuan Ko kayo kung paano pangasiwaan ang mga ito. Tinuturuan Ko kayo kung paano—sa pundasyon ng pagpapasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos—umiwas na mahulog sa tukso at patibong ni Satanas, at sinasabihan Ko kayo na huwag maging hangal, at na lumayo at umiwas kayo kapag nakakakita kayo ng isang bagay na hahantong sa kapahamakan. Hindi Ko kayo kailanman inuudyukan, sinusulsulan, o hinihikayat na pumunta sa mga mapanganib na lugar; sa halip, sinasabi Ko sa inyo na kung mapanganib ang kasalukuyan ninyong lungsod at uusigin kayo roon, dapat kayong tumakas patungo sa ibang lungsod. Nakikita mo, hindi ba’t mayroon kang landas na isasagawa sa ganitong paraan? (Oo.) Hindi Ko kailanman sinabi, “Sinisupil at pinapahirapan tayo nang labis ng CCP, at ang sangkatauhang ito ay napakabuktot na hindi nila tayo kayang tiisin, kaya dapat natin silang labanan! Pumunta sa mga lansangan na may mga islogan at banner para magdemonstrasyon, at ilantad ang kadiliman at kasamaan ng mundong ito!” Hindi Ko kailanman sinabi ang gayong mga bagay, ni hindi Ko kailanman hiningi sa inyo na gawin ang mga bagay na ito. Nagsalita Ako nang napakarami para lang sa layuning tulungan kayong tanggapin at hangarin ang katotohanan, at madalas Ko ring sinasabi sa inyo na saanman kayo manirahan, dapat kayong umasal sa paraang sumusunod sa panuntunan, gawin ninyo ang mga bagay-bagay nang masunurin, sumunod sa batas, at huwag hayaang mahanapan kayo ng butas o bigyan kayo ng problema ng mga walang pananampalataya. Hindi tayo nakikibahagi sa pulitika ng mga walang pananampalataya, ni hindi natin kinakalaban ang anumang gobyerno. Ginagawa lang natin ang ating tungkulin—ginagawa ito nang maayos at tinatapos ang gawaing dapat nating gawin nang hindi kumukuha ng atensyon, nagbibigay ng mabuting patotoo para sa Diyos. Ito ang pinakakinakailangang bagay; hindi na kailangang alalahanin ang anumang iba pa. Hindi ba’t ito ang sinabi Ko sa inyo? (Oo.) Hinahangad nating makilala ang mundong ito, makilala ang masasamang kalakaran, at makilala ang tiwaling diwa ng tiwaling sangkatauhan hindi para makasalungat tayo sa agos o makalaban sa anumang bansa o gobyerno, kundi para mas maunawaan natin ang katotohanan at mas makumpirma na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Ang layon ng pag-alam sa mga bagay na ito ay para magawang magpasakop sa Diyos, tumahak sa tamang landas, at tumanggap sa pagliligtas ng Diyos. Ang kadiliman ng mundo ay walang kinalaman sa atin—nagpaalam na tayo rito, hindi ba? Malinaw ba sa inyo ang aspektong ito, na hindi sinusulsulan ng Diyos ang mga tao? (Oo.) Nakikipagbahaginan Ako sa inyo tungkol sa aspektong ito—na hindi sinusulsulan ng Diyos ang mga tao—pangunahin na para sabihin sa inyo na, sa lahat ng ginagawa ninyo, dapat ninyong malinaw na malaman kung ano ang mga prinsipyo ng inyong mga kilos. Sa lahat ng ginagawa ninyo, huwag umasa sa pagiging mainitin ang ulo o sa panandaliang tapang para makipag-away sa mga tao o humingi ng paliwanag; sa halip, dapat kayong magkaroon ng mga prinsipyo sa lahat ng ginagawa ninyo, at magsikap na sumunod sa daan ng Diyos, magsikap na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo at mga layunin ng Diyos, at kumilos nang ayon sa mga layunin ng Diyos. Malinaw ba sa inyo ang aspektong ito? (Oo.) Ang mga gawa at pagbubunyag ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi nagsisilbi para manulsol sa inyo; isa rin itong aspekto na dapat ninyong malaman. Siyempre, pagkatapos ninyong magkamit ng kaalaman tungkol dito, dapat mas makatiyak kayo kung anong landas ang dapat ninyong tahakin at kung anong daan ang dapat ninyong sundin, sa halip na magkaroon lang ng doktrinal na kaalaman tungkol dito at iwanan na lang ito roon.

Sa loob ng usapin ng hindi pang-aakit ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga tao, may isa pang partikular na pagpapamalas, iyon ay na hindi Siya nang-uudyok ng mga tao. May mga pagkakatulad sa pagitan ng hindi pang-uudyok ng mga tao at hindi panunulsol ng mga tao. Hindi Ko na tatalakayin ang mga pagkakatulad na ito, pero magsasalita Ako nang maikli tungkol sa mga pagkakaiba. Kapag kinikilatis ang iba’t ibang uri ng mga tao sa iglesia—na may kinalaman sa pagkilatis ng mga anticristo, masasamang tao, at iba’t ibang tao na gumagambala at gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos—sa isang banda, dapat mayroon kang pagkilatis sa katangian ng mga taong ito at dapat mong tanggihan ang mga taong ito. Dagdag pa rito, may mga kaukulang paraan ang sambahayan ng Diyos sa pangangasiwa sa mga taong ito. Ang pinakadapat ninyong gawin ay alamin ang mga tiwaling disposisyon at tiwaling diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao, at magawang makilala ang diwa ng mga tao. Pagkatapos mong malaman ang mga bagay na ito, hindi ka dapat maging ganoong uri ng tao, hindi mo dapat gawin ang mga ganoong uri ng bagay, at dapat mo ring kilalanin at bitiwan ang mga kalagayan at pagpapamalas na mayroon ka—gayundin ang mga partikular na layunin, motibo, at pananaw sa likod ng iyong mga kilos—na kapareho ng sa kanila. Ang layunin ng pagkilatis sa gayong mga tao ay hindi para udyukan ang isang grupo ng mga tao na atakehin ang isa pang grupo ng mga tao, ni hindi ito para makibahagi sa mga paksyonal na pakikibaka; malinaw ba ang puntong ito? (Oo.) Nakikita mo, kapag nagbabahaginan tayo tungkol sa ilan sa mga pag-uugali at pagpapamalas ng mga anticristo at masasamang tao sa mga pormal na pagtitipon, hindi natin kailanman binabanggit ang mga pangalan ng mga tao; binabanggit lang natin ang mga pagpapamalas ng gayong mga tao, at pagkatapos ay inilalantad at hinihimay ang diwa ng ilan sa kanilang mga pag-uugali at ang mga pananaw na pinanghahawakan nila, at sa huli ay tinutukoy kung ano ang kanilang diwa. Para naman sa layon at layunin ng pagbabahaginan, ito ay para tulungan kayong malaman at makita nang malinaw ang tunay na kulay ni Satanas at ang diwa ni Satanas, at para tulungan kayong mas malinaw na mapagtanto kung anong uri ng mga tao ang minamahal ng Diyos at kung anong uri ang kinamumuhian Niya. Dagdag pa rito, para sa inyo nang personal, ito ay para tulungan kayong mapagtanto kung anong uri ng landas ang tamang tahakin. Dapat kayong maging mapagbantay laban sa uri ng mga tao na hindi gusto ng Diyos, dapat ninyong tanggihan ang mga mali nilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at dapat din ninyong bitiwan ang kanilang mga walang-katotohanang kaisipan at pananaw. Ang layon ng ating pagbabahaginan tungkol sa mga isyung ito sa simula pa lang ay hindi para udyukan kayo na atakehin ang gayong mga tao. Kahit pa, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, magkaroon ang mga tao ng pagkilatis sa kanila, masuya sa kanila sa kanilang puso, at magawa silang tanggihan at hindi makisalamuha sa kanila, ang pagbabahaginan sa ganitong paraan ay hindi pang-uudyok sa mga tao na gumawa ng anuman. Ibig sabihin, ang pagbabahaginan tungkol sa mga isyu at paksang ito ay walang kinalaman sa mga kampanya para pahirapan ang mga tao o sa mga partisan at paksyonal na pakikibaka na maaari mong makita sa mundong walang pananampalataya. Nakikibahagi ang mga tao sa mga paksyonal na pakikibaka alang-alang sa kapangyarihan, pagnanais, at mga personal na interes. Tayo naman, sa kabilang banda, ay nagbabahaginan, naglalantad, at kumikilatis sa ilang tao sa ganitong paraan para mas maunawaan ninyo ang katotohanan. Ang layon ng gayong pagbabahaginan ay para dalhin ka sa harapan ng Diyos, at para tahakin mo ang tamang landas, kilatisin kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, at pagbutihin ang iyong kakayahang makilatis ang tama sa mali sa pamamagitan ng usaping ito. Para naman sa taong nalalantad sa pamamagitan ng gayong pagbabahaginan, kung makakaramdam siya ng pagsisisi at magkakaroon ng pusong nagsisisi, kung gayon, tanggapin man siya ng mga tao o hindi, tinatanggap siya ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng pagtanggap ng Diyos sa kanya? Nangangahulugan ito na tinatanggap ng Diyos ang kanyang pagsisisi; kung magsisisi siya, hindi siya kokondenahin ng Diyos. Pero napakabihirang magsisi ng mga tao, hindi ba? (Oo.) Kung nakagawa sila ng masama at may mga pagsalangsang sila, dapat din natin silang tulungan. Hindi natin maaaring ganap na balewalain ang gayong tao, pagpasyahan na wala na siyang pag-asa at hindi na maaaring bigyan ng anumang pagkakataon pa, at paalisin siya sa iglesia; hindi tayo kailanman gumamit ng gayong pamamaraan. Nagtatag ang sambahayan ng Diyos ng mga iglesiang may tungkuling full-time, mga iglesiang may tungkuling part-time, mga ordinaryong iglesia, at mga grupong B; maliban na lang kung umabot ang mga tao sa punto kung saan ganap na silang wala nang pag-asa, bibigyan sila ng mga pagkakataon na magsisi. Kahit na ang mga pagpapamalas ng maraming tao ay kapareho ng sa mga anticristo at sa malaking pulang dragon—na nangangahulugang pareho ang uri ng mga pagpapamalas na ito—hindi rin natin direktang pinaalis ang mga taong iyon. Ang tanging eksepsiyon ay ang mga anticristo na ang mga sitwasyon ay partikular na malubha, na nanlihis ng maraming kapatid, at na nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia na masyadong malubha para masukat ng pera—ang gayong mga tao ay direktang tinutukoy bilang mga anticristo at pinapatalsik. Maliban sa pinakamalubhang sitwasyong ito, binibigyan natin ang lahat ng iba pa ng mga pagkakataon para sa pagsisisi, at hindi natin sila direktang inilalarawan bilang mamamatay. Ang dahilan kung bakit natin sila binibigyan ng mga pagkakataon ay na ang lahat ay tumatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw sa unang pagkakataon—hindi sa nakaranas na sila ng gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, nakinig na sa napakaraming sermon, at nakagawa na ng maraming pagsalangsang at binibigyan pa rin ng mga pagkakataon. Sa halip, ano ito? Ito ay na maraming tao ang unang beses pa lang na nakagawa ng kasamaan, o ginagawa nila ito nang hindi sinasadya, o may iba pang dahilan sa likod ng kanilang ginagawa. Gaano man karami ang mga dahilan, sa katunayan, ayon sa aktuwal na sitwasyon, hindi dapat sila gumawa ng masama. Gayumpaman, nagbibigay pa rin ang sambahayan ng Diyos sa mga tao ng kaluwagan at nagbibigay sa kanila ng mga pagkakataon para sa pagsisisi, at paulit-ulit na inoobserbahan ang kanilang mga pagpapamalas. Ang ilang tao ay hindi nagsisisi pagkatapos gumawa ng kasamaan, kaya ipinapadala sila mula sa mga iglesiang may tungkuling full-time o part-time sa mga ordinaryong iglesia o mga grupong B. Kung hindi pa rin sila magsisisi sa grupong B, patuloy na gumagawa ng masama at nagdudulot ng mga panggugulo, sa huli ay pinapaalis sila sa iglesia. Ang sinumang pinapaalis ay pinapaalis dahil nakagawa sila ng lahat ng uri ng masasamang gawa at hindi nagpakita ng anumang pagsisisi sa loob ng maraming taon. Masisisi lang nila ang kanilang sarili sa hindi pagtanggap sa katotohanan, dahil binigyan sila ng sambahayan ng Diyos ng ilang pagkakataon para magsisi at hindi nila pinahalagahan ang mga ito, hinahayaan ang mga itong lumipas; wala silang ibang masisisi. Sa madaling salita, ano ang Aking layon sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na ito? Sinuman ang ating kilatisin o pangasiwaan, ang layon ng paggawa nito ay hindi para mang-udyok ng mga tao na kumilos at pahirapan sila, ni hindi ito para mang-udyok sa kanila na makibahagi sa mga paksyonal o panggrupong pakikibaka. Sa halip, ito ay para tulungan ang mga tao na matutong kumilatis, matalos ang diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao, at pagkatapos ay igawad ang nararapat na parusa at ganti laban sa masasamang tao, para iyong mga napinsala ay matuto ng aral pagkatapos masaksihan ang masasamang gawa ng mga taong ito, malaman kung paano kumilatis ng mga tao, at maunawaan ang isang aspekto ng katotohanan. Samakatwid, kapag nakikipagbahaginan Ako sa inyo tungkol sa mga partikular na pagpapamalas ng ilang tao na gumagawa ng masama, hindi ito para mang-udyok sa inyo na kamuhian sila, at pagkatapos ay kunin ang loob ninyo para maniwala sa Akin at magtiwala sa Akin nang higit pa; hindi ito ang Aking layon. Bukod pa rito, ang ibinabahagi Ko sa inyo ay ang mga paraan lang nila ng paggawa ng mga bagay-bagay na ipinapakita nila sa panlabas; hindi Ko sinabi sa inyo ang tungkol sa marami sa kanilang mga partikular na pagpapamalas na nangyayari nang palihim. Bagama’t minsan, kapag nakikipagkuwentuhan Ako sa ilan sa inyo at nababanggit ang paksang ito, nagsasalita Ako nang kaunti pa. Ang Aking layon sa panahong iyon ay hindi rin para udyukan ka, o para udyukan kang kumilos at tuligsain sila, kundi para tulungan kang matutong kumilatis ng mga tao ayon sa katotohanan, at malaman kung ano ba talaga ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pangangasiwa ng mga tao. Ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pangangasiwa ng mga tao ay patas at makatarungan; ang mga ito ay hindi tungkol sa pagpapahirap sa mga tao—ang Aking layon ay tulungan kang maunawaan ito sa iyong puso. Sa ganitong paraan, kahit pa magbanggit Ako ng mas maraming partikular na detalye, hindi ito para udyukan ka; kung tunay na mayroon kang pagkilatis sa taong inilalantad, sapat na iyon para sa iyo. Ang ilang tao na napakamainitin ang ulo ay palaging gustong makipag-away. Sinasabi Kong hindi iyon angkop—pangasiwaan ang mga usapin nang walang kinikilingan, at tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo; hindi na kailangang makipag-away. Kung nagsisi ang isang tao, patatawarin natin siya at tatratuhin siya bilang isang kapatid. Pero kung patuloy pa rin siya sa kanyang orihinal na mga maling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay nang walang katiting na pagsisisi, at sinusubukan pa ring bigyang-katwiran at ipagtanggol ang kanyang sarili, nakikipagtalo sa bawat pagkakataon, at humuhusga pa nga at nagpapakalat ng mga bagay-bagay kapag nakatalikod ang mga tao, tatratuhin natin siya bilang kaaway, hindi kailanman makikisalamuha sa kanya, at hindi kailanman siya papayagang pumasok sa iglesia. Angkop bang gawin ito? (Oo.) Mula simula hanggang wakas, sa lahat ng paraang ito ng paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ba’t nakikita ninyo na ang bawat hakbang ay sumusunod sa mga katotohanang prinsipyo, at na ang mga tao ay tinatrato ayon sa mga tamang prinsipyo? Mayroon ba sa mga diskarteng ito ang nahubog ng kalooban ng tao? Umaasa ba ang mga ito sa pagiging mainitin ng ulo? (Wala.) May anumang papel ba rito ang mga emosyon o damdamin? (Wala.) Ginagamit ba kailanman ang pamamaraan ng pagpapahirap sa mga tao? Ang punto ba kailanman ay para pangalagaan ang katayuan ng isang tao, ang reputasyon ng iglesia, ang dignidad ng isang tao, o ang Aking sariling dignidad at imahe? (Hindi.) Hindi kailanman ganito ang kaso.

Anuman ang uri ng tao o sinumang indibidwal ang pinangangasiwaan, ang ating paraan ng pangangasiwa sa kanya ay ang ipaubaya ang usapin sa iglesia, na mangangasiwa sa kanya ayon sa mga prinsipyo. Sa karamihan ng mga kaso, ang mga kapatid ng mga grupo ng mga tagapagpasya ang nakikibahagi sa mga usaping ito. Kung mas maraming kapatid ang kailangang makibahagi, ipinapadala ang kaso sa mas marami pang lider ng iglesia o mga kapatid sa iba’t ibang iglesia para makakuha sila ng malinaw na pagkaunawa rito, at pagkatapos ay bumoto at magpahayag ng kanilang mga pananaw. Sa huli, ang mga kapatid ang nagpapasya kung paano pangangasiwaan ang taong ito. Ang awtoridad na ito ay ipinapaubaya sa iglesia at sa mga kapatid; paano man ito pangasiwaan ng iglesia, gagawin ito ayon sa inyong pasya. Kaya, ano ang mga prinsipyo ng pangangasiwa ng mga kapatid sa iba’t ibang uri ng mga tao? Sinusukat ang mga tao ayon sa mga prinsipyong pinagbabahaginan Ko at ng taong ginagamit ng Banal na Espiritu sa lahat ng taon na ito. Pagkatapos itong mapangasiwaan, iuulat ninyo kung ano ang nangyari sa ang Itaas. Titingnan Ko ito, at titingnan din ito ng taong ginagamit ng Banal na Espiritu; pareho namin itong susuriin. Minsan, nakikita Ko na pinangasiwaan ninyo ang sitwasyon nang medyo angkop, at minsan ang resulta ng pangangasiwa ay hindi masyadong tumutugma sa kung ano ang nilayon Ko. Para sa ilang partikular na indibidwal, ang resulta ng pangangasiwa ay mas malubha kaysa sa nasa isip Ko, at para sa ilang iba pa, siyempre, ang resulta ay mas magaan kaysa sa nasa isip Ko. Gayumpaman, hindi Ako kailanman nagbibigay ng anumang mga mungkahi; iginagalang Ko ang inyong mga pasya at ipinapaubaya Ko ang awtoridad na ito sa inyo at sa iglesia. Ano ang dahilan kung bakit ipinapaubaya Ko ito sa inyo? Nakinig na kayo sa mga sermon at pagbabahaginan sa loob ng napakaraming taon—naniniwala Ako na karamihan sa inyo ay may pamantayan para sa pagsukat sa masasamang tao at sa masasamang gawa ng mga pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sa mga interes ng mga kapatid. Tungkol sa kung paano pangangasiwaan ang mga taong ito, higit sa walumpung porsyento ng mga tao ang dapat na may timbangan sa kanilang puso at alam kung paano sila susukatin at pangangasiwaan nang angkop. Kahit pa may mga bahagyang paglihis sa pangangasiwa ng ilang lider at manggagawa ng iglesia, ang pangkalahatang direksyon ay hindi magiging mali; tiyak ito. Saan ito nakabatay? Nakabatay ito sa katunayan na naunawaan ninyo ang mga salitang sinabi Ko sa inyo at ang mga pananaw na itinuro at ibinigay Ko sa inyo sa lahat ng taon na ito; alam ninyo kung ano ang gagawin, at naniniwala Ako sa inyo. Samakatwid, batay sa mga sitwasyong ito, anuman ang uri ng mga pagpapamalas ng tao na pinagbabahaginan at inilalantad ng sambahayan ng Diyos, o anuman ang uri ng tao na pinangangasiwaan nito, talagang wala itong kinalaman sa uri ng pang-uudyok na tinutukoy sa mundong walang pananampalataya. Anuman ang uri ng tao o sinumang indibidwal ang pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos, ang gayong pangangasiwa ay hindi kailanman isang kampanya; sa halip, ang masasamang tao na gumagawa ng masama, lumalaban sa Diyos, at sumasalungat sa Diyos ay tiyak na mabubunyag. Isa itong tiyak na resulta. Dagdag pa rito, mula sa perspektiba ng Diyos, ang Diyos ang naghahanda ng mga aral at kapaligiran—nang paulit-ulit—para sa bawat tao na naghahangad ng katotohanan at sa bawat tao na sumusunod sa Diyos. Isa itong pagkakataon para sa iyo na makilala ang gawain ng Diyos at makilatis ang masasamang tao, at ito rin ang iyong paulit-ulit na pagsasagawa ng mga katotohanang naarok at naunawaan mo. Ang pagtanggap ng mga bagay mula sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkatuto ng mga aral; ganoon lang ito kasimple. Ang mga sitwasyong ito ay mahuhusay na pagkakataon para matuto ka ng mga aral at makilatis mo ang masasamang tao. Kung hindi inilagay ng Diyos ang masasamang tao at mga anticristong ito sa harapan mo, at hindi ka Niya hinayaang makita ng sarili mong mga mata kung paano gumagawa ng masama at lumalaban sa Diyos ang masasamang taong ito, kung gayon, ang mga salitang ito na ibinahagi Ko sa paglipas ng mga taon tungkol sa pagkilatis sa masasamang tao at mga anticristo ay maaaring maging isang uri lang ng doktrina para sa iyo. Mararamdaman mo na walang mga tao na ganoon kasama sa iglesia, at sa iyong puso, ang mga salitang ito ay palaging susundan ng isang tandang pananong. Bagama’t hindi mo itatanggi ang mga salitang ito, palagi mong tatratuhin ang mga ito bilang isang uri ng doktrina. Pero kung may lilitaw na ilang masamang tao at anticristo, at may mangyayaring mga aktuwal na halimbawa, tunay mong mapagtatanto: “Kaya ganito pala tratuhin ni Satanas ang Diyos. Kaya si Satanas at mga anticristo pala ay ganito kanasusuya sa katotohanan at ganito kanamumuhi sa katotohanan. Kaya si Satanas at mga diyablo pala ay ganito kabuktot, kamapanlinlang, at kasakim, at lumalaban ang mga ito sa Diyos nang ganito. Sinasabi ng Diyos na hindi kailanman tinatanggap ni Satanas ang katotohanan, at na si Satanas ay nasusuya sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan; ngayon ay nakita ko na ito. Ang masasamang tao at mga anticristong ito ay palaging nagsisinungaling. Kahit na nasa harapan na nila ang mga katunayan, sinusubukan pa rin nilang makipagtalo; talagang mga buhay na Satanas sila! Talagang hindi kailanman binabago ng mga Satanas ang kanilang kalikasan!” Inihahanda ng Diyos ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito para lang tulungan kang matuto ng mga aral. Malinaw ba ang puntong ito? (Oo.) Samakatwid, sinuman ang mga taong inaalis at pinangangasiwaan ng sambahayan ng Diyos, at sinuman ang mga taong inilalantad at kinikilatis nito, ang kalikasan nito ay iba sa kalikasan ng mga panloob na pakikibaka o kampanya ng anumang grupo o puwersa sa mundo. Kahit papaano man lang, ang mga bagay na ito na nangyayari sa sambahayan ng Diyos ay pawang pinamamatnugutan ng Diyos. Pagsapit ng panahon, inihahanda ng Diyos ang mga kapaligirang ito para hayaan ang masasamang tao na lumabas at gumanap, at pagkatapos ay hinahayaan silang mabunyag at malantad, para matuto ng mga aral ang mga tao ng Diyos. Kapag nakikita ng mga tao ng Diyos na nangyayari ang mga bagay na ito, nagbabahaginan sila tungkol sa mga ito. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, nagkakamit ang lahat ng paparaming kaalaman at pagkilatis, at lalong nararamdaman na hindi minamahal ng masasamang tao ang katotohanan, at nasusuya pa nga sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan, at na sila ay mga buhay na Satanas. Ngayon ay malinaw na nilang nakikita ang kalikasang diwa ng masasamang tao, dahil may mga aktuwal na halimbawa. Ang lahat ng ginagawa ng sambahayan ng Diyos sa usaping ito ay ang dapat maranasan ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa proseso ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao. Kung titingnan sa kabuuan, pinamatnugutan ng Diyos ang lahat ng ito, kaya hindi ito isang kampanya. Kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ang mga salitang sinasabi Ko sa inyo ay kapareho ng anumang iba pang sermon o pagbabahaginan para sa inyo—ang mga ito ay isang uri ng pagtustos. Ibig sabihin, inihahanda ng Diyos ang gayong usapin sa loob ng mas malaking kapaligiran—at anong papel ang ginagampanan Ko rito? Tinutulungan Ko lang kayo. Kapag wala kayong malinaw na pananaw o kaalaman tungkol sa usaping ito, ibinabahagi Ko ang katotohanan para tulungan kayo, payuhan kayo, at bigyan kayo ng mga paalala. Anong mga paalala ang ibinibigay Ko? Iyong mga nagbibigay-kakayahan sa inyo na malinaw na makilala ang pinakapunto ng kasalukuyang usapin at ang diwa ng problemang ito. Sa pamamagitan ng ilang simpleng paalala at panuto, agad kayong nagkakamit ng kalinawan at nalalaman ninyo kung ano ang nangyayari. Sa pamamagitan lang ng kaunting tulong na ito, madali ninyong naipapasa ang pagsubok na dulot ng usaping ito, tulad ng inyong ninais, at nakakapagbigay kayo ng kasiya-siyang sagot sa Diyos. Mayroon kayong pagkilatis sa masamang tao, hindi na ninyo siya sinasamba, hindi na kayo naililihis nito, at hindi na ninyo pinaniniwalaan ang mga maladiyablong salita na sinasabi niya. Mayroon kayong malinaw na kaalaman tungkol sa kanya: Palagi siyang nagsisinungaling, hindi niya kailanman tinatanggap ang katotohanan, at isa siyang diyablo. Pinal na ang puntong ito. Dati, labis ninyo siyang sinasamba at pakiramdam ninyo ay isa siyang tao na sinserong nagnanais sa Diyos. Ngayon ay mayroon na kayong pagkilatis sa kanya, at natukoy ninyo na ang ganitong uri ng tao ay hindi makapagtatamo ng kaligtasan, at na ang ganitong uri ng tao ay kaaway ng Diyos. Anuman ang mangyari sa iglesia o anong uri ng mga bagay ang mangyari sa inyong gawain, sa lahat ng gawaing ginagawa Ko at sa lahat ng salitang sinasabi Ko, patuloy Ko lang kayong hinihila at kinakaladkad, ginagawa ang Aking pinakamakakaya para dalhin kayo sa harapan ng Diyos at sa tamang landas, at tulungan kayong maunawaan at matamo ang katotohanan, para hindi na kayo maging hangal o bulag, at hindi na umasa sa pagiging mainitin ng ulo o kumapit sa inyong mga lumang kuru-kuro sa kung paano ninyo hinaharap ang sinumang tao, pangyayari, o bagay. Anuman ang mga resultang idulot sa inyo sa huli ng layunin at layon ng Aking pagsasalita, sa madaling salita, mayroon lang Akong isang layunin at direksyon, at iyon ay ang dalhin kayo sa harapan ng Diyos at bigyang-kakayahan kayong manindigan sa inyong tamang lugar bilang isang nilikha. Kaya, hindi ito pang-uudyok. Ang pang-uudyok ay kinapapalooban ng mga pakana at layon ng kalooban ng tao, na nagtutulak sa iba na makipagsapalaran para makamit ang sariling mga layunin nang palihim. Kaya, ang ginagawa Ko ba ay pang-uudyok sa inyo? (Hindi.) Kapag nakamit na ninyo ang katotohanan at natuto kayo ng ilang aral, nasisiyahan na Ako; wala Akong iba pang mga layunin. Ginagawa Ko ba ito alang-alang sa sarili Kong mga makasariling interes? (Hindi.) Sa kabaligtaran, kailangan Kong magbayad ng halaga, mag-isip nang mabuti, at magsalita nang mahaba para makipagbahaginan sa inyo nang walang pagod, ginagawa ang lahat ng posibleng paraan para ipaliwanag nang malinaw ang bawat mahalagang punto sa inyo. Halimbawa, kung ang isang partikular na usapin ay kinasasangkutan ng sampung mahalagang punto, at hindi Ko isasama ang tatlo o lima sa mga ito, marami kayong mapapalampas. Kung saglit Ko lang na pagbabahaginan ang sampung mahalagang puntong ito, mas kaunti pa ang makakamit ng mga taong may mahinang kakayahan; para may makamit ang mga taong may mahusay na kakayahan, dapat ding malinaw na mapagbahaginan ang mga puntong ito, at ang mga taong may mahinang kakayahan ay kailangang mapagbahaginan ng mga ito nang maraming beses para makaunawa sila. Kaya, kailangan Kong ipaliwanag nang malinaw ang lahat ng sampung mahalagang punto, para kapag ang lahat ay nagbabahagi at nakikipag-usap sa isa’t isa sa mga pagtitipon, unti-unti nilang matatamo ang lahat ng ito. Ang sambahayan ng Diyos ay isang malaking pamilya. Walang sinumang tao ang lubusang makakakain at makakaiinom ng lahat ng katotohanan. Kailangang magbahagi ng lahat sa isa’t isa; dapat kayong palaging magdasal-magbasa, magbahagi, at magbahaginan nang magkakasama. Sa ganitong paraan lang ninyo mauunawaan ang mas maraming bagay at mauunawaan ang mga ito nang mas komprehensibo. Kaya, ang buhay iglesia ay napakahalaga, at hindi rin ninyo kakayaning walang pagbabahaginan at pagbabahagi sa isa’t isa. Maaaring nakamit mo ang tatlo o lima sa sampung mahalagang puntong iyon na sinabi Ko noong panahong iyon, at kalaunan, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng lahat sa isa’t isa, maaari kang magkamit ng pito o walo. Pagkalipas ng ilang taon pa, magbabahagi rin ang iba, at marahil, habang unti-unting naiipon ang iyong mga nakakamit araw-araw at buwan-buwan, makakamit mo ang lahat ng sampung mahalagang punto. Sa ganitong paraan, hindi nasabi nang walang saysay ang Aking mga salita, tama? (Tama.) Kaya, nakakamit ninyo ang katotohanan at lumalago ang tayog ninyo—ano ang mapapala Ko mula rito? Umaasa ba Ako na ipagluluto mo Ako ng masarap na pagkain? O bibilhan mo Ako ng magagandang damit? O marahil ay isang malaking bahay? Hindi Ko pinapahalagahan ang mga bagay na ito. Tulad lang ito ng kung paanong ginustong magtayo ni David ng templo para sa Diyos noon—sasabihin mo ba na ang templo ang habol ng Diyos? Noong panahong iyon, talagang hindi nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos; talagang napakahangal nila. Bagama’t hindi ito hiningi ng Diyos, nang makita na may gayong pagnanais si David, tinanggap ito ng Diyos at tahimik Siyang pumayag dito. Sa konteksto ng kapanahunang iyon, ganoon lang ang tayog ng mga tao; hindi matataas ang hinihingi ng Diyos sa mga tao noon. Kung mangyayari ito ngayon, ang gawin ito ng mga tao ay magiging napakahangal at hindi aayon sa mga katotohanang prinsipyo kahit kaunti.

Hindi Ako kailanman nagsasalita ng mga salita ng pang-uudyok o gumagawa ng mga bagay na nang-uudyok sa mga tao. Bagama’t kinamumuhian Ko ang masasamang tao at mga anticristo, hindi Ko inuudyukan ang lahat na tumindig para kamuhian at tanggihan sila. Ang maraming salitang sinasabi Ko ay pawang para bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at malinaw na makita ang katotohanan ng mga katunayan, kaya hindi ito matatawag na pang-uudyok. Anumang aspekto ng katotohanan ang ibahagi Ko, dapat ninyo itong tratuhin nang tama at magawang maunawaan ito nang tama. Ganito lang ginagawa ang gawain ng iglesia. Walang-kapaguran lang Akong nakikipagbahaginan at nagtutustos ng katotohanan, at walang-kapaguran na nagbabahagi ng Aking kaalaman at mga kabatiran sa katotohanan, ng Aking mga pananaw sa iba’t ibang bagay, ng Aking kaalaman tungkol sa iba’t ibang uri ng mga tao, at ng Aking mga pananaw at saloobin sa kanila. Ang Aking pinakalayon sa walang-kapaguran na pakikipagbahaginan nang ganito ay para bigyang-kakayahan kayong maunawaan ang katotohanan at pumasok sa mga katotohanang realidad. Kaya, sa usapin ng resultang ito, nakamit Ko ba ito? Nakamit ba ng gawain ng Diyos ang resultang ito? (Oo.) May isang bahagi ng mga tao na palaging natatakot na manampalataya nang mali; pinaniniwalaan nila ang mga walang batayang tsismis ni Satanas, iniisip na nailihis sila, at na ang Siyang sinasampalatayanan nila ay hindi ang Diyos kundi isang tao. Sinasabi mong nailihis ka, pero hindi ba’t mga salita ng Diyos ang mga salitang binabasa mo? Hindi ba’t ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan? Hindi ba’t ang katotohanan ang pinagbabahaginan sa mga pagtitipon ng sambahayan ng Diyos? Makakamit mo ba ang katotohanan sa pamamagitan ng pananampalataya sa isang tao? Anong gawain na ginagawa ng sambahayan ng Diyos ang nanlilihis sa iyo? Sa anong batayan mo tinutukoy kung nailihis ka? Nailihis ka lang kung ang pinaniniwalaan mo ay hindi ang katotohanan. Kung ang pinaniniwalaan mo ay ang katotohanan, hindi mo masasabing nailihis ka. Kahit pa hindi mo nakamit ang katotohanan, hindi masasabing nailihis ka; masasabi lang na hindi mo hinahangad ang katotohanan, na hindi ka isang tamang tao, at na pininsala mo ang iyong sarili. Nanampalataya ka sa Panginoon sa loob ng maraming taon nang hindi nakakamit ang katotohanan—ano ang naging problema noon? Tiyak na sumasamba ka sa mga pastor at sumusunod sa mga tao; ito ang tunay na ibig sabihin ng mailihis. Tinatrato ng sambahayan ng Diyos ang lahat nang patas. Kung handa kang gampanan ang iyong tungkulin, binibigyan ka ng sambahayan ng Diyos ng isang tungkulin, at sinasagot din nito ang iyong mga gastusin sa pamumuhay nang hindi nakikipagtalo sa iyo. Hindi ba’t ito ay pagtataas ng Diyos? Hindi ba’t nakakatanggap ka ng espesyal na pabor? (Oo.) Kung gayon, ano ang layon ng pagbibigay sa iyo ng isang tungkulin? Ito ay para ikaw, bilang isang nilikha, ay makapagtatag ng isang nakapirmi at matatag na ugnayan sa Lumikha habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Sa pundasyong ito, tinutustusan ka ng Diyos ng katotohanan, at naghahanda rin Siya ng iba’t ibang kapaligiran para matuto ka ng mga aral. Palagi ring ibinabahagi sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan at ang mga prinsipyo ng paggampan sa iba’t ibang tungkulin. Nag-iisip ba nang mabuti ang Diyos alang-alang sa pagtulong sa mga tao na makamit ang katotohanan? Gumagawa ba ng maraming gawain ang sambahayan ng Diyos para sa layuning ito? (Oo.) Ang mga tao ang pinakanakikinabang sa lahat ng ito. Hindi mo hinahangad ang katotohanan, kundi hinahangad mo lang ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, gayumpaman ay sinasabi mong nakaranas ka ng kawalan. Hindi ba’t pinagbabaligtad mo ang tama at mali sa pagsasabi nito? Mayroon ka bang anumang konsensiya sa pagsasalita nang ganito? Sinasabi ng ilang tao, “Napakapahirap gampanan ang isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos; walang katapusan ang gawaing kailangan mong gawin!” Napakahina ng iyong pagiging episyente sa paggampan ng iyong tungkulin, kaya dapat kang kumilos nang mas mabilis. Palagi mong gustong kumain nang libre nang hindi gumagawa ng anumang gawain; hindi ito umaayon sa mga prinsipyo. Palaging gustong kumain nang libre ng ilang tao at hindi gumawa ng anumang gawain; ano ang problema rito? Hindi ba’t matatakaw ang mga taong ito? Tiyak na namatay sila sa gutom sa kanilang nakaraang buhay! Pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos na ang tanging gusto ay kumain nang libre. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay hindi handang gawin ito. Kung hahayaan sila ng sambahayan ng Diyos na kumain hanggang mabusog sila, kaya nilang suklian ang biyaya at pagmamahal ng Diyos, at kaya nilang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin nang hindi umiiwas sa paghihirap o pagkapagod. Palaging gustong kumain nang libre ng mga taong walang konsensiya at katwiran. Takot na takot sila na ang paggawa ng kaunting gawain ay maaaring mangahulugan na makakaranas sila ng kawalan, kaya kumakain sila nang mas marami para samantalahin ang sambahayan ng Diyos. Magagampanan ba nang maayos ng gayong mga tao ang kanilang tungkulin? Sa tingin Ko, sa malao’t madali, ay aalisin sila. Sinasabi rin ng ilang tao, “Nakakapagod ang magtrabaho sa sambahayan ng Diyos!” Buweno, wala kang anumang mga kalakasan. Kung hindi ka magtatrabaho at hindi mo gagampanan ang iyong tungkulin, kakailanganin mong bumalik sa mundo para maghanapbuhay—hindi ba’t magiging nakakapagod ang trabahong gagawin mo roon? Gusto mo bang kumain nang libre sa sambahayan ng Diyos? Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang nursing home, ni hindi ito kawanggawa. Kung palagi mong gustong kumain nang libre, hindi ba’t wala kang konsensiya? Huwag na nating pag-usapan kung magkano ang ginastos ng sambahayan ng Diyos para tustusan ang inyong pagkain, damit, at pang-araw-araw na gastusin—sa usapin lang ng katotohanang nakamit ninyo, ano ba ang maaari ninyong gamitin para bilhin ito? Mabibili ba ninyo ito gamit ang ginto o mga diyamante? Hindi ninyo ito mabibili gamit ang anuman; ang katotohanan ay walang katumbas na halaga. Sa pagtutustos sa inyo ng katotohanan, siningil Ko ba kayo ng kahit isang sentimo? (Hindi.) Gaano karaming dugo ng Aking puso ang kailangan Kong igugol sa pangangaral ng mga sermon sa inyo? Alin sa Aking mga pagbabahaginan tungkol sa katotohanan ang hindi nagbigay-daan na makakuha kayo ng pakinabang? Aling pagtitipon ang naging pag-aaksaya ng inyong oras at lakas? (Wala.) Higit pa sa sapat ang ginawa Ko para sa inyo. Sa tuwing nangangaral Ako ng isang sermon, tinutulutan Ko kayo na magkamit ng isang bagay. Kapag nakikipagkuwentuhan at nakikipag-usap Ako sa inyo, kahit pa magbiro Ako, ang lahat ng ito ay para tulungan kayong maunawaan ang katotohanan. Samakatwid, patuloy Akong nagsasalita nang walang tigil para magawa ninyong maunawaan ang katotohanan. Kahit na ganoon, sinasabi pa rin ng ilang tao na naililihis sila sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos. Naililihis ba sila? (Hindi.) Isang bagay ang tiyak tungkol sa mga nagsasabing naililihis sila: Hindi sila mga tupa ng Diyos. Dahil hindi sila mga tupa ng Diyos, hindi nila matamasa ang pagpapala ng pagkaunawa sa katotohanan. Dapat nilang pagdusahan ang pagpapahirap ng kasalanan at mamuhay sila sa pasakit, habang pinapahirapan sila ni Satanas ayon sa gusto nito at patuloy silang ginagawang tiwali, at pagkatapos ay mamatay kasama ni Satanas; ito ang nararapat na hantungan para sa kanila. Dahil hindi sila mga tupa ng Diyos, hindi nila matamasa ang pagpapalang iyon. Sa sandaling basahin nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila ito matagalan o makayanan sa kanilang puso, tulad lang ng ilang tao na may masamang kapalaran at hindi makayanan ang mga pagpapala; kung magtatamasa sila ng masyadong magandang buhay, mamamatay sila nang maaga. Sabihin ninyo sa Akin, nakipagtipon at nakipagbahaginan Ako sa inyo sa loob ng napakaraming taon—kahit kailan ba ay siningil Ko kayo ng kahit isang sentimo? (Hindi.) Sinubukan ng ilang tao na bigyan Ako ng ilang daang yuan nang harapan, hinihiling sa Akin na bumili Ako ng ilang suplemento para mapabuti ang Aking kalusugan. Sinabi Ko, “Hindi Ko ito kailangan, mayroon Akong sapat na pera. Itago mo ang pera, o tingnan mo kung ano ang kailangan ng iglesia at ibili mo ito ng isang bagay, o tingnan mo kung sinong mga kapatid ang nangangailangan ng pera para sa mga gastusin sa pamumuhay o pamasahe, at ibigay mo ito sa kanila. Hindi na kailangang ibigay ito sa Akin.” Mayroon ding mga tao na nagbibigay sa Akin ng ilang magandang bagay nang harapan, at tinatanggihan Ko ang lahat ng ito nang walang eksepsiyon. Mula sa simula hanggang ngayon, hindi Ako kailanman kumuha ng kahit isang sentimo o isang bagay mula sa sinumang indibidwal. Nag-aalok ang ilang tao ng ilang gamit sa Akin, at kadalasan ay tinatanggihan Ko ang mga ito. Kung ito ay tunay na isang bagay na kailangan Ko, tatanggap Ako ng kaunti, at pagkatapos ay kailangan Ko ring ipahayag ang Aking pasasalamat. Hindi Ako kailanman humingi ng anumang mga personal na gamit mula sa sinuman. Hindi Ko hihilingin sa iyo na bigyan o padalhan mo Ako ng isang bagay dahil lang sa nakikita Kong nakasuot ka ng magagandang damit o kumakain ka nang masarap; hindi Ako kailanman humingi ng anuman sa mga bagay na ito. Sa loob ng napakaraming taon, ang Aking pakikipagtipon at pakikipagbahaginan sa inyo ay walang bayad. Hindi Ako humingi sa inyo ng isang sentimo, ni hindi Ko hiningi sa inyo na magbigay ng kahit isang sentimo. Bukod pa rito, hindi tayo kailanman nag-uusap tungkol sa paghahandog sa ating mga pagtitipon at pagbabahaginan. Kaya hindi Ko alam kung bakit ang ilang tao na tumanggap sa yugtong ito ng gawain at nanampalataya sa loob ng napakaraming taon ay masasabi pa ring nailihis sila. Paano ka nailihis? Kinuhaan ka ba ng pera nang may panlalansi o nalinlang ka ba para makipagtalik? Hindi. Kung gayon, paano ninyo inilalarawan ang isang tao na nakakapagsabi ng mga ganitong uri ng bagay? (Siya ay isang hindi mananampalataya.) Siya ay hindi mananampalataya. Hindi siya tupa ng Diyos; siya ay isang diyablo, kaya nakakapagsalita siya ng nakalalasong kalapastangan.

Palagi nating pinagbabahaginan ang katotohanan kapag nagtitipon tayo, at pagkatapos magbahaginan sa loob ng napakaraming taon, natutunan na rin ninyo sa wakas ang mga pangunahing kaalaman. Nakikita Ko na sa napakaraming patotoong batay sa karanasan ngayon, may ilang karanasan at kaalaman ang mga tao tungkol sa iba’t ibang bagay na nakakaharap nila sa buhay, lalo na sa paggampan ng kanilang tungkulin. Lahat sila ay may nakamit nang pakinabang sa katotohanan at ilang paglago sa buhay. Ipinapakita nito na, sa pamamagitan ng madalas na pakikinig sa Akin na magsalita at mangaral ng mga sermon, nakabuo kayo ng mga tamang kaisipan at pananaw at nakapagbahagi kayo ng tunay na kaalamang batay sa karanasan; ito ang pinakagusto Kong makita. Hinihikayat Ko kayong magsulat ng mas marami pang artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Kahit na mababaw ang iyong pagkaunawa, isulat mo ito hangga’t mayroon itong kahit kaunting kaugnayan; habang mas marami kang isinusulat, mas magiging malalim ang iyong pagkaunawa. Ganito lang nakikilala ng mga tao ang katotohanan, nauunawaan ang katotohanan, at nararanasan ang katotohanan. Habang mas seryoso mo itong hinaharap at habang mas pinapahalagahan mo ito sa iyong puso, mas magiging tiyak ang mga kaisipan at pananaw na mayroon ka sa iyong pagkaunawa sa katotohanan. Habang mas tiyak ang iyong mga kaisipan at pananaw, mas magkakaroon ng laman ang isinusulat mo kapag nagsimula ka nang magsulat, at mas magagawa mo itong ipahayag sa pagsusulat. Pero kung palagi mo lang pinag-iisipan ang mga bagay-bagay sa likod ng iyong isipan o pinag-iisipan lang ang mga ito nang simple, hindi ka makakabuo ng anumang tiyak na kaisipan o pananaw. Kapag nagsimula ka nang magsulat, mararamdaman mo, “Mayroon akong pagkaunawa—bakit hindi ko ito maipahayag sa pamamagitan ng pagsusulat?” Hindi mo ito mailabas dahil wala kang mga kaisipan o pananaw, at hindi mo alam kung paano magsulat. Kung walang mga kaisipan at pananaw, ang artikulong isusulat mo ay mawawalan ng kaluluwa, ng direksyon, at ng layon, at hindi mo matutukoy ang pangunahing punto ng artikulo. Kung hindi mo alam at hindi mo matukoy kung ano ang layon ng pagsusulat ng artikulo, kung anong mga resulta ang inaasahan mong makamit sa pamamagitan nito, kung anong mga katotohanang prinsipyo ang nasasangkot na naunawaan mo, at kung anong katotohanan ang nasasangkot na naunawaan mo, hindi ka makakapagsimulang magsulat. Kung kaya mong tukuyin ang mga bagay na ito, kung alam mo kung ano ba talaga ang katotohanan, kung nasaan ang iyong pagiging walang-katotohanan at mga pagkabaluktot, kung anong mga bagay ang nabago mo at kung ano ang nakamit mo sa pamamagitan ng pag-unawa ngayon sa katotohanan—kung malinaw sa iyo ang lahat ng bagay na ito, makakapagsimula ka nang magsulat. Maraming tao ang nagkaroon na ng ilang nakamit sa aspektong ito, na makikita mula sa mga artikulong ito ng patotoong batay sa karanasan na in-upload ng sambahayan ng Diyos. Ang isang bahagi ng mga tao ay nagsimula nang magkaroon ng tiyak na buhay pagpasok, at siyempre, ang isang bahagi ng mga tao ay nagkaroon din ng mga tiyak na nakamit sa katotohanan. Tiyak na masasabi na para sa bahaging ito ng mga tao na nagkaroon ng mga nakamit sa katotohanan, ang ilang katotohanang prinsipyo ay naging buhay na nila sa loob nila. Isa itong napakagandang simula, at isa rin itong napakagandang penomenon. Masasabi na ang pagkakaroon ng mga natamo na ito ay ang epektong nakamit dahil ang ating pagbabahaginan tungkol sa iba’t ibang aspekto ng katotohanan ay naging lalong detalyado at partikular sa paglipas ng lahat ng taon na ito. Ano ang punto ng pagbibigay ng halimbawang ito? Ito ay para sabihin sa inyo na, matapos makinig sa Aking mga sermon at pagbabahaginan sa loob ng napakaraming taon, batay sa mga katotohanang kaya ninyong maunawaan, maging sa antas man ng doktrina o sa isang praktikal na antas, hindi na ninyo dapat isipin na ang sambahayan ng Diyos ay isang tinatawag na “grupo ng tao.” Anumang aspekto ng katotohanan ang pinagbabahaginan, anong partikular na usapin ang sinusubukan mong malaman, o anong mga espesyal na pag-uugali at insidente ng masasamang tao ang pinagbabahaginan, hindi mo na dapat sukatin ang mga ito gamit ang mga kaisipan at pananaw ng mga walang pananampalataya. Sa halip, dapat mong tanggapin ang mga ito mula sa Diyos, magsikap na matuto ng mga aral, seryosohin ang mga ito, at pagkatapos ay maingat na pag-isipan at matutunan ang mga katotohanang dapat maunawaan sa loob ng mga bagay na ito. Dapat mong tandaan ang puntong ito: Maging ito man ay Aking pagbabahaginan, ang pagbabahaginan ng taong ginagamit ng Banal na Espiritu, o ang pagbabahaginan ng mga kapatid sa ibaba, kung tunay na may kinalaman ito sa isang uri ng masamang tao na dapat kilatisin ng mga tao o isang uri ng aral na dapat matutunan, hangga’t may kinalaman ito sa katotohanan, at hangga’t isa itong aspekto ng katotohanan na dapat mong maunawaan at maarok, dapat mo itong tratuhin nang tama at seryosohin. Kahit pa ang mga kilos ng ilang indibidwal ay medyo radikal at matigas ang ulo, hangga’t hindi ka kumikilos nang ganoon, ayos lang ito. Tumuon sa katotohanan, pagsumikapan ang katotohanan, alamin ang diwa ng mga katunayan ng kasalukuyang usapin, kilalanin at kilatisin ang mga negatibong karakter, tanggapin ang mga positibong bagay, at magsagawa ayon sa positibong landas—sa paggawa nito, makakamit mo ang inaasahang epekto at magagawa mong umani. Hindi mo dapat harapin ito gamit ang mga pananaw ng mga walang pananampalataya, palaging iniisip, “Ang pagbabahaginan, paglalantad, at pag-aalis ng sambahayan ng Diyos sa masasamang tao ay paglulunsad ng isang kampanya; inuudyukan at inaakit tayo nito na gumawa ng ilang partikular na bagay. Natatakot ako na baka mapahamak ako at magdulot ng problema sa aking sarili kung ilalantad ko ang masasamang tao.” Hindi na kailangang mag-alala tungkol dito; sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang ganap na may hawak ng kapangyarihan. Kung naniniwala ka na ang Diyos ang may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan, na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at na ang Diyos ay matuwid, kung gayon ay dapat kang magkaroon ng tamang pag-arok at saloobin sa usaping ito, at magsikap na umani sa katotohanan kapag nakakaharap ang bawat usapin at ang mga espesyal na insidenteng ito, sa halip na gawin ang iyong pinakamakakaya para protektahan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagkilos bilang isang tagamasid o isang hindi mananampalataya. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Nakikita mo, nakakatulong ba sa inyo ang mga salitang ito na sinasabi Ko? (Oo.) Kung gusto mong maging isang tagamasid at mamuhay nang may takot, kung gayon, ang iyong pananalig sa Diyos ay masyadong maliit; hindi ka naniniwala sa mga katunayan ng pagiging matuwid at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, o sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kahit pa hindi masasabi na isa kang hindi mananampalataya, kahit papaano man lang ay mayroon kang mapagdudang saloobin; hindi mo ibinigay ang iyong puso sa Diyos, at wala kang tunay na puso para sa Diyos. Isa itong uri ng tao: Napakaduwag nila, at kapag gumagawa ang iglesia ng gawain ng pag-aalis at kailangang ilantad ang mga anticristo at masasamang tao, sila ay umaatras, umiiwas, at nakikipagkompromiso. Mayroon ding isa pang uri ng hindi mananampalataya, kapag nakakaharap ang gayong mga usapin, na nag-iisip, “Naglulunsad na naman ng kampanya ang sambahayan ng Diyos. Hindi ako makikibahagi rito. Wala akong sasabihin. Paano kung may masabi akong mali at mapatalsik ako? Wala akong ilalantad na sinuman, at hindi ko gagawing kaaway ang sinuman. Ang kailangan ko lang gawin ay protektahan ang aking sarili; kailangan kong pangalagaan ang aking sarili. Hindi ko nakikita ang masasamang gawa ng sinuman, hindi ko naririnig ang mga walang katuturang salita ng sinuman, at hindi ko alam at hindi ko nakikita na gumagawa ang sinuman ng mga bagay na nagdudulot ng mga paggambala at panggugulo o pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng ito ay walang kinalaman sa akin.” Ito ang pananaw ng isang hindi mananampalataya. Hindi ka lang nabibigong pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kundi pinagtatawanan mo rin ang sambahayan ng Diyos, habang kasabay nito ay ginagawa mo ang iyong pinakamakakaya para protektahan ang iyong sarili, ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa paningin ng Diyos, anong uri ng tao ang ganitong tao? Gusto ba ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi, sa paningin ng Diyos, ang gayong tao ay isang walang pananampalataya.) Kung ganito ka, tinatrato ka ng Diyos bilang isang walang pananampalataya. Maaaring ginagampanan mo ang iyong tungkulin, pero hindi ka tinatanggap ng Diyos, ni kinikilala bilang isang nilikha Niya—isa itong problema para sa iyo. Kahit pa pinoprotektahan mo nang napakabuti ang iyong sarili, wala itong silbi; dapat mong hayaan ang Diyos na protektahan ka. Kung poprotektahan ka ng Diyos, kung gayon ay magiging ganap kang ligtas; kung poprotektahan ka ng Diyos, magagawa mong makamit ang katotohanan at ang pagtanggap ng Diyos. Dapat kang magdasal para sa proteksyon ng Diyos, at tuparin nang maayos ang tungkulin at responsabilidad na dapat tuparin nang maayos ng isang tao; huwag mong subukang protektahan ang iyong sarili nang mag-isa. Gaano ba kalaki ang iyong kakayahan, na kaya mong protektahan ang sarili mong buhay? Gaano ba kalaki ang iyong kakayahan, na kaya mong tiyakin ang sarili mong hantungan? Hindi ganito kalaki ang iyong kakayahan; hindi mo kontrolado ang iyong sarili. Kung matalino ka, dapat mong isuko ang iyong sarili, gampanan ang iyong tamang posisyon bilang isang nilikha kapag nakakaharap ang anumang usapin, tuparin nang maayos ang iyong mga responsabilidad at ang iyong tungkulin, at gawin ang iyong pinakamakakaya para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung magagampanan mo ang iyong tungkulin nang deboto at nang maayos, at mapapangalagaan mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, tingnan mo kung ibibigay ka ng Diyos kay Satanas, kung mamamatay ka, at kung papatalsikin ka ng iglesia. Kung hindi ka man lang makatiyak dito, kung gayon ay isa kang ganap na hindi mananampalataya; isa kang walang pananampalataya. Hindi inililigtas o ginagawang perpekto ng Diyos ang mga walang pananampalataya; hindi Niya gusto ang gayong mga tao. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Sa sandaling magkaroon ka ng gayong mga kaisipan at pananaw, sa susunod na makaharap ka ng anumang usapin, huwag kang umiwas dito. Dapat mong ituring ang iyong sarili bilang isang miyembro ng malaking pamilyang ito na ang sambahayan ng Diyos. Ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ay may kinalaman sa mga interes ng bawat kapatid, at may kinalaman din ang mga ito sa iyong mga interes. Kapag nakakaranas ng kawalan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, dapat mong mapagtanto na nakakaranas din ng kawalan ang sarili mong mga interes. Dapat kang tumindig para patigilin ito at kilatisin ito, at pagkatapos ay makipagbahaginan sa mga kapatid para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ang dapat gawin ng mga tao sa sambahayan ng Diyos at ang pag-uugali na dapat nilang ipakita; ito ang dapat gawin ng mga tao ng Diyos at ng mabubuting sundalo ng kaharian. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.)

Sige, tatapusin natin dito ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam!

Oktubre 19, 2024

Sinundan: Paano Hangarin ang Katotohanan (27)

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito