D. Tungkol sa Kung Paano Sumailalim sa Paghatol at Pagkastigo, at mga Pagsubok at Pagpipino
366. Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon na lamang at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang-hanggang awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa kanila sa isang bagong kaharian. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3
367. Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang hinahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. Bilang halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, naghinaing sila, hindi na hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling maka-satanas na disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging yaong kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging malapit sa Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Mag-alsa laban sa matandang Satanas! Mag-alsa laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y ang Diyos ay gawin tayong ganap!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa, ang tiwaling disposisyon ng mga tao ay nabunyag. Magkagayon, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang paninindigan. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang gayong epekto. Sa gayon lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong iyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4
368. Ngayo’y hinahatulan kayo ng Diyos, kinakastigo kayo, at pinarurusahan kayo, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagpaparusa sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagpaparusa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at masuwayin, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na gawing malinaw ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para magtamo ng karanasan, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasakop sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na hangarin ang buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad sa buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang samahan ng pagmamahal, ng habag, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig sa kanila gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nila ang kanilang puso sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya sa kanila. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban sila ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasakop ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang pag-ibig at habag, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi pag-ibig o habag, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagtuturo, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-pusong pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibinubukod man ngayon ang bawat isa ayon sa uri o inilalantad ang mga kategorya ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao
369. Nahaharap sa kalagayan ng tao at saloobin ng tao sa Diyos, gumawa ang Diyos ng bagong gawain, na pinahihintulutan ang tao na taglayin pareho ang kaalaman ukol sa Kanya at pagkamasunurin sa Kanya, at kapwa pag-ibig at patotoo. Kaya, kailangang maranasan ng tao ang pagpipino ng Diyos sa kanya, gayundin ang Kanyang paghatol, pakikitungo at pagtatabas sa kanya, kung wala ito hindi kailanman makikilala ng tao ang Diyos, at hindi kailanman makakaya na tunay na umibig at magpatotoo sa Kanya. Ang pagpipino ng Diyos sa tao ay hindi lamang para sa kapakanan ng isang may-kinikilingang epekto, nguni’t para sa kapakanan ng isang maraming-mukhang epekto. Sa ganitong paraan lamang ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpipino sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan, upang ang kapasiyahan at pag-ibig nila ay magawang perpekto ng Diyos. Sa kanilang mga nakahandang hanapin ang katotohanan at nananabik para sa Diyos, walang anuman ang mas makahulugan, o lubhang makatutulong, kaysa sa pagpipino na kagaya nito. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi kaagad nakikilala o nauunawaan ng tao, sapagka’t ang Diyos, sa bandang huli, ay Diyos. Sa huli, imposible para sa Diyos na magkaroon ng kaparehong disposisyon kagaya ng sa tao, at kaya hindi madali para sa tao na malaman ang Kanyang disposisyon. Ang katotohanan ay hindi likas na taglay ng tao, at hindi madaling nauunawaan ng mga ginawang tiwali ni Satanas; ang tao ay walang katotohanan, at walang kapasiyahan na isagawa ang katotohanan, at kung hindi siya nagdurusa at hindi pinipino o hinahatulan, ang kanyang kapasiyahan ay hindi magagawang perpekto kailanman. Para sa lahat ng mga tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang payak ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming pagtatabas at pakikitungo; sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, binibigyan Niya ang tao ng higit na kaalaman sa sarili niya at sa katotohanan, at binibigyan ang tao ng higit na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa gayon ay pinahihintulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pag-ibig sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, ni hindi Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, at ni nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagbabago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, pagbabago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, pagbabago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at pagbabago sa kanyang buong buhay. Ang pagpipino ay isang totoong pagsubok sa tao, at isang anyo ng totoong pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
370. Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pakikitungo, pagdidisiplina, at pagtatabas ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging masunurin at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pakikitungo ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
371. Habang lalong tumitindi ang pagpipino ng Diyos, lalong mas nagagawa ng mga puso ng mga tao na ibigin ang Diyos. Ang pagdurusa sa kanilang mga puso ay kapaki-pakinabang sa kanilang mga buhay, lalo nilang nagagawang maging panatag sa harap ng Diyos, ang kanilang relasyon sa Diyos ay mas malapit, at mas mahusay nilang nagagawang makita ang kataas-taasang pag-ibig ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang pagliligtas. Si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses, at si Job ay sumailalim sa maraming pagsubok. Kung nais ninyong magawang perpekto ng Diyos, dapat din kayong sumailalim sa pagpipino nang daan-daang beses; magagawa lamang ninyo na mapalugod ang kalooban ng Diyos at magawang perpekto ng Diyos kung pagdadaanan ninyo ang prosesong ito at umasa sa hakbang na ito. Ang pagpipino ang pinakamahusay na paraan kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; ang pagpipino at mapapait na pagsubok lamang ang makapagpapalabas ng tunay na pag-ibig para sa Diyos sa mga puso ng mga tao. Kung walang paghihirap, walang tunay na pag-ibig ang mga tao sa Diyos; kung hindi sila susubukin sa loob, kung hindi sila tunay na isasailalim sa pagpipino, ang kanilang mga puso ay palaging lumulutang-lutang sa labas. Sa pagkapino hanggang sa isang partikular na punto, makikita mo ang iyong sariling mga kahinaan at mga paghihirap, makikita mo kung gaano karami ang kulang sa iyo at na hindi mo kayang mapagtagumpayan ang maraming mga suliranin na iyong kinakaharap, at makikita mo kung gaano katindi ang iyong pagkamasuwayin. Sa panahon lamang ng mga pagsubok nagagawa ng mga tao na tunay na makilala ang kanilang totoong mga kalagayan; ginagawa ng mga pagsubok na mas magagawang perpekto ang mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
372. Kapag nagdurusa kayo ng kaunting paghihigpit o paghihirap, makakabuti iyon sa inyo; kung pinadali iyon para sa inyo, mapapahamak kayo, at kung gayon ay paano kayo mapoprotektahan? Ngayon, kinastigo, hinatulan, at isinumpa kayo kaya binigyan kayo ng proteksyon. Nagdusa na kayo nang husto kaya pinoprotektahan kayo. Kung hindi, matagal na sana kayong nahulog sa kabulukan. Hindi sinasadyang gawing mahirap ang mga bagay para sa inyo—ang likas na pagkatao ng tao ay mahirap baguhin, at kailangan itong magkaganito para magbago ang kanilang mga disposisyon. Ngayon, ni wala kayong konsiyensya o katinuang tinaglay ni Pablo, ni hindi pa ninyo taglay ang kanyang kamalayan sa sarili. Lagi kayong kailangang pilitin, at kailangan kayong palaging makastigo at mahatulan para pukawin ang inyong espiritu. Pagkastigo at paghatol ang pinakamabuti para sa inyong buhay. At kapag kinakailangan, kailangan ay mayroon ding pagkastigo ng mga katotohanang dumarating sa inyo; saka lamang kayo lubos na magpapasakop. Kapag ang inyong likas na pagkatao ay walang pagkastigo at pagsumpa, ayaw ninyong magyuko ng ulo, ayaw ninyong magpasakop. Kung hindi ninyo nakikita ang mga totoong pangyayari, walang magiging epekto. Masyadong aba at walang halaga ang inyong pagkatao! Kung wala ang pagkastigo at paghatol, magiging mahirap kayong malupig, at mahirap daigin ang inyong kawalan ng katuwiran at pagsuway. Ang inyong dating likas na pagkatao ay nakaugat nang napakalalim. Kung iniluklok kayo sa trono, wala kayong ideya sa taas ng langit at lalim ng lupa, lalong wala kayong ideya kung saan kayo patungo. Ni hindi ninyo alam kung saan kayo nagmula, kaya paano ninyo makikilala ang Panginoon ng paglikha? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at mga sumpa sa ngayon, matagal na sanang dumating ang inyong huling araw. Huwag nang banggitin pa ang inyong kapalaran—hindi ba mas nalalapit iyon sa panganib? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at paghatol na ito, sino ang nakakaalam kung gaano kayabang kayo sa inyong paglaki, o gaano kayo magiging masama. Nadala na kayo ng pagkastigo at paghatol na ito sa kasalukuyan, at naingatan ng mga ito ang inyong buhay. Kung “tinuruan” pa rin kayo gamit ang kaparehong mga pamamaraan tulad ng sa inyong “ama,” sino ang nakakaalam kung anong mundo ang inyong papasukin! Wala kayo talagang kakayahang kontrolin at pagbulay-bulayin ang inyong sarili. Para sa mga taong kagaya ninyo, kung susunod at tatalima lamang kayo nang hindi nagsasanhi ng anumang panghihimasok o mga gambala, makakamtan ang Aking mga layunin. Hindi ba lalo kayong dapat magsumikap sa pagtanggap ng pagkastigo at paghatol sa ngayon? Ano ang iba pa ninyong mga pagpipilian?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 6
373. Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, may isang paraan na dapat makipagtulungan ang mga tao. Pinipino ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pagtitiwala sa gitna ng mga pagpipino. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pagtitiwala na gawing perpekto ng Diyos at maging handang tanggapin ang Kanyang mga pagpipino at ang pakikitungo at pagtatabas ng Diyos. Gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa mga tao upang bigyan sila ng kaliwanagan at pagpapalinaw, at upang makipagtulungan sila sa Kanya at magsagawa. Ang Diyos ay hindi nagsasalita sa mga oras ng pagpipino. Hindi Niya ipinaparinig ang Kanyang tinig, ngunit mayroon pa ring gawaing dapat gawin ang mga tao. Dapat mong panindigan ang natamo mo na, dapat mo pa ring magawang manalangin sa Diyos, maging malapit sa Diyos, at tumayong saksi sa harap ng Diyos; sa ganitong paraan magagampanan mo ang iyong tungkulin. Dapat makita ninyong lahat nang malinaw mula sa gawain ng Diyos na kinakailangan sa Kanyang mga pagsubok sa tiwala at pagmamahal ng mga tao na lalo pa silang manalangin sa Diyos, at na mas madalas nilang lasapin ang mga salita ng Diyos sa Kanyang harapan. Kung nililiwanagan ka ng Diyos at ipinauunawa sa iyo ang Kanyang kalooban, subalit hindi mo isinasagawa ang anuman dito, wala kang mapapala. Kapag isinasagawa mo ang mga salita ng Diyos, dapat ay magawa mo pa ring manalangin sa Kanya, at kapag nilalasap mo ang Kanyang mga salita dapat kang humarap sa Kanya at maghangad at maging buo ang iyong tiwala sa Kanya, nang walang bahid ng pananamlay o panlalamig. Yaong mga hindi nagsasagawa ng mga salita ng Diyos ay masiglang-masigla sa mga oras ng pagtitipon, ngunit nagdidilim ang mundo pagkauwi nila. Mayroong ilan na ni ayaw magtipun-tipon. Kaya, kailangan mong makita nang malinaw kung anong tungkulin ang dapat tuparin ng mga tao. Maaaring hindi mo alam kung ano talaga ang kalooban ng Diyos, ngunit maaari mong gampanan ang iyong tungkulin, maaari kang manalangin kung kailan nararapat, maaari mong isagawa ang katotohanan kung kailan nararapat, at maaari mong gawin ang nararapat gawin ng mga tao. Maaari mong panindigan ang iyong orihinal na pananaw. Sa ganitong paraan, mas magagawa mong tanggapin ang susunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Kapag tago ang paraan ng paggawa ng Diyos, problema iyan kung hindi ka maghahanap. Kapag Siya ay nagsasalita at nangangaral sa oras ng mga pagpupulong, masigasig kang nakikinig, ngunit kapag hindi Siya nagsasalita, wala kang sigla at umuurong ka. Anong klaseng tao ang kumikilos nang ganito? Ito ay isang taong sumusunod lamang sa karamihan. Wala silang paninindigan, walang patotoo, at walang pananaw! Ganito ang karamihan sa mga tao. Kung magpapatuloy ka sa gayong paraan, balang araw kapag nagkaroon ka ng matinding pagsubok, babagsak ka sa kaparusahan. Ang pagkakaroon ng paninindigan ay napakahalaga sa proseso ng pagperpekto ng Diyos sa mga tao. Kung wala kang duda sa anumang hakbang ng gawain ng Diyos, kung ginagampanan mo ang tungkulin ng tao, kung tapat mong pinaninindigan ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos, ibig sabihin, natatandaan mo ang mga payo ng Diyos, at anuman ang Kanyang gawin sa kasalukuyan ay hindi mo kinalilimutan ang Kanyang mga payo, kung wala kang duda tungkol sa Kanyang gawain, nananatili kang naninindigan, pinaninindigan mo ang iyong patotoo, at tagumpay ka sa lahat ng pagkakataon, sa bandang huli ay gagawin kang perpekto ng Diyos at gagawin kang isang mananagumpay. Kung nagagawa mong manindigan sa bawat hakbang ng mga pagsubok ng Diyos, at kung kaya mo pa ring manindigan hanggang sa pinakahuli, ikaw ay isang mananagumpay, isa kang taong nagawa nang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo kayang manindigan sa kasalukuyan mong mga pagsubok, mas mahihirapan ka sa hinaharap. Kung sasailalim ka lamang sa kakaunting pagdurusa at hindi mo hahangaring matamo ang katotohanan, wala kang mapapala sa huli. Maiiwan kang walang-wala. May ilang tao na isinusuko ang kanilang paghahangad kapag nakikita nila na hindi nagsasalita ang Diyos, at nawiwindang ang kanilang puso. Hindi ba hangal ang gayong tao? Ang ganitong klaseng mga tao ay walang realidad. Kapag nagsasalita ang Diyos, hindi sila mapakali, mukhang abala at masigla sa tingin, ngunit ngayong hindi Siya nagsasalita, tumitigil silang maghanap. Ang ganitong klaseng tao ay walang kinabukasan. Sa mga oras ng pagpipino, kailangang pumasok ka mula sa isang positibong pananaw at matuto ng mga aral na dapat mong matutuhan; kapag nagdarasal ka sa Diyos at nagbabasa ng Kanyang salita, dapat mong ihambing ang sarili mong kalagayan dito, tuklasin ang iyong mga pagkukulang, at makita na marami ka pang aral na dapat matutuhan. Habang lalong nagiging taimtim ang iyong paghahanap kapag sumasailalim ka sa pagpipino, lalo mong masusumpungan na may pagkukulang ka. Kapag dumaranas ka ng mga pagpipino, marami kang nakakaharap na problema; hindi mo nakikita nang malinaw ang mga ito, nagrereklamo ka, ibinubunyag mo ang iyong sariling laman—sa pamamagitan lamang nito mo matutuklasan na napakarami mong tiwaling disposisyon sa iyong kalooban.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos
374. Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang kalooban ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay sa buhay ng tao ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa lahat ng ito. Paano man siya sinubok, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihiling ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananampalataya, pagmamahal, at mga hangarin ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at tumayong saksi. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung wala kang pananampalataya, hindi Niya ito magagawa. Ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang anumang inaasam mong makamtan. Kung wala kang pananampalataya, hindi ka magagawang perpekto at hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos, lalo na ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat. Kapag nananampalataya kang makikita mo ang Kanyang mga kilos sa iyong praktikal na karanasan, magpapakita sa iyo ang Diyos, at liliwanagan at gagabayan ka Niya sa iyong kalooban. Kung wala ang pananampalatayang iyon, hindi iyan magagawa ng Diyos. Kung nawala na ang pag-asa mo sa Diyos, paano mo mararanasan ang Kanyang gawain? Kung gayon, kapag lamang mayroon kang pananampalataya at hindi ka nagkikimkim ng mga pagdududa sa Diyos, kapag lamang mayroon kang tunay na pananampalataya sa Kanya anuman ang gawin Niya, saka ka Niya liliwanagan at tatanglawan sa iyong mga karanasan, at saka mo pa lamang makikita ang Kanyang mga kilos. Nakakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Nakakamtan lamang ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagpipino, at kapag walang pagpipino, hindi magkakaroon ng pananampalataya. Ano ang tinutukoy ng salitang “pananampalataya”? Ang pananampalataya ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananampalatayang binabanggit Ko. Kailangang manampalataya ang mga tao sa mga panahon ng paghihirap at pagpipino, at ang pananampalataya ay isang bagay na sinusundan ng pagpipino; hindi mapaghihiwalay ang pagpipino at pananampalataya. Paano man gumawa ang Diyos, at anuman ang iyong sitwasyon, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, at hangaring makaalam tungkol sa gawain ng Diyos, at magkaroon ng pag-unawa sa Kanyang mga kilos, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan. Ang paggawa nito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya, at ang paggawa nito ay nagpapakita na hindi ka nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Magkakaroon ka lamang ng tunay na pananampalataya sa Diyos kung nagagawa mong piliting hangarin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpipino, kung nagagawa mong tunay na mahalin ang Diyos at hindi ka nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, kung isinasagawa mo pa rin ang katotohanan anuman ang gawin Niya upang mapalugod Siya, at kung nagagawa mong hangarin nang taos-puso ang Kanyang kalooban at isaalang-alang ang Kanyang kalooban. Noong araw, nang sinabi ng Diyos na mamumuno ka bilang isang hari, minahal mo Siya, at nang hayagan Siyang magpakita sa iyo, sinundan mo Siya. Ngunit ngayon nakatago ang Diyos, hindi mo Siya nakikita, at nagkaroon ka ng mga problema—nawawalan ka na ba ng pag-asa sa Diyos? Kaya nga, kailangan mong hangarin ang buhay at hangaring mapalugod ang kalooban ng Diyos sa lahat ng oras. Ang tawag dito ay tunay na pananampalataya, at ito ang pinakatunay at pinakamagandang uri ng pagmamahal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
375. Ang layunin ng gawaing pagpipino una sa lahat ay upang gawing perpekto ang pananampalataya ng mga tao. Sa huli, ang nakamtan ay na nais mong umalis ngunit, kasabay nito, hindi mo magawa; nagagawa pa ring manampalataya ng ilang tao kahit wala sila ni katiting na pag-asa; at ni hindi na umaasa man lang ang mga tao hinggil sa kanilang sariling mga inaasam sa hinaharap. Sa panahong ito lamang matatapos ang pagpipino ng Diyos. Hindi pa rin nakakarating ang tao sa yugtong mabitin sa pagitan ng buhay at kamatayan, at hindi pa nila natitikman ang kamatayan, kaya hindi pa tapos ang proseso ng pagpipino. Maging yaong mga nasa hakbang ng mga tagasilbi ay hindi pa lubos na napipino. Matindi ang pagpipinong pinagdaanan ni Job, at wala siyang nasandigan. Kailangang sumailalim sa mga pagpipino ang mga tao hanggang sa puntong wala na silang pag-asa at wala nang masandigan—ito lamang ang tunay na pagpipino. Sa panahon ng mga tagasilbi, kung palaging tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at anuman ang Kanyang ginawa at anuman ang Kanyang kalooban noon para sa iyo, sinunod mo palagi ang Kanyang mga plano, sa dulo ng landas ay mauunawaan mo ang lahat ng nagawa ng Diyos. Sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Job, at kasabay nito ay sumasailalim ka sa mga pagsubok kay Pedro. Noong sinubok si Job, tumayo siyang saksi, at sa huli, ipinakita sa Kanya si Jehova. Pagkatapos niyang tumayong saksi, saka lamang siya naging karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos. Bakit sinabing: “Nagtatago Ako mula sa lupain ng karumihan ngunit ipinakikita Ko ang Aking Sarili sa banal na kaharian”? Ibig sabihin niyan ay kapag ikaw ay banal at tumatayong saksi, saka ka lamang magkakaroon ng dangal na makita ang mukha ng Diyos. Kung hindi ka makatayong saksi para sa Kanya, wala kang dangal para makita ang Kanyang mukha. Kung aatras ka o magrereklamo laban sa Diyos sa harap ng mga pagpipino, sa gayon ay bigo kang tumayong saksi para sa Kanya at pinagtatawanan ka ni Satanas, hindi mo makakamtan ang pagpapakita ng Diyos. Kung katulad ka ni Job, na sa gitna ng mga pagsubok ay isinumpa ang kanyang sariling laman at hindi nagreklamo laban sa Diyos, at nagawang kamuhian ang kanyang sariling laman nang hindi nagrereklamo o nagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga salita, tatayo kang saksi. Kapag sumasailalim ka sa mga pagpipino kahit paano at kaya mo pa ring maging katulad ni Job, na lubos na masunurin sa harap ng Diyos at walang ibang mga kinakailangan sa Kanya o sarili mong mga kuru-kuro, magpapakita sa iyo ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
376. Ang maraming karanasan mo sa kabiguan, kahinaan, mga panahon ng iyong pagiging negatibo, ay masasabi na pawang mga pagsubok ng Diyos. Ito ay dahil ang lahat ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng bagay at pangyayari ay nasa Kanyang mga kamay. Mabigo ka man o manghina at magkamali, nakasalalay ang lahat sa Diyos at abot-kamay Niya. Mula sa pananaw ng Diyos, isang pagsubok ito sa iyo, at kung hindi mo mapapansin iyon, magiging tukso iyon. May dalawang klase ng kalagayang dapat mapansin ng mga tao: Ang isa ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at ang malamang na pinagmumulan ng isa pa ay si Satanas. Ang isa ay isang kalagayan kung saan tinatanglawan ka ng Banal na Espiritu at tinutulutan kang makilala ang iyong sarili, mamuhi at magsisi tungkol sa iyong sarili at magkaroon ng tunay na pagmamahal para sa Diyos, na italaga ang iyong puso sa pagpapalugod sa Kanya. Ang isa pa ay isang kalagayan kung saan kilala mo ang iyong sarili, ngunit negatibo ka at mahina. Maaaring sabihin na ang kalagayang ito ay ang pagpipino ng Diyos, at na panunukso rin ito ni Satanas. Kung napapansin mo na ito ang pagliligtas sa iyo ng Diyos at kung nadarama mo na malaki na ang iyong pagkakautang sa Kanya, at kung magmula ngayon ay susubukan mong suklian Siya at hindi ka na mahulog sa gayong kasamaan, kung ibubuhos mo ang iyong pagsisikap sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita, at kung palagi mong ituturing ang iyong sarili na may kakulangan, at may isang pusong nananabik, pagsubok nga ito ng Diyos. Kapag nagwakas na ang pagdurusa at sumusulong ka nang muli, aakayin, tatanglawan, liliwanagan, at pangangalagaan ka pa rin ng Diyos. Ngunit kung hindi mo ito napapansin at negatibo ka, na basta na lamang hinahayaang mawalan ka ng pag-asa, kung nag-iisip ka sa ganitong paraan, sumapit na sa iyo ang panunukso ni Satanas. Nang sumailalim si Job sa mga pagsubok, nagpustahan ang Diyos at si Satanas, at pinayagan ng Diyos si Satanas na pahirapan si Job. Kahit na ang Diyos ang sumusubok kay Job, si Satanas talaga ang lumukob sa kanya. Para kay Satanas, panunukso iyon kay Job, ngunit nasa panig ng Diyos si Job. Kung hindi nagkagayon, natukso na sana si Job. Sa sandaling matukso ang mga tao, nahuhulog sila sa panganib. Ang pagdaan sa pagpipino ay masasabing isang pagsubok mula sa Diyos, ngunit kung hindi mabuti ang kalagayan mo, masasabing panunukso ito mula kay Satanas. Kung hindi malinaw sa iyo ang pangitain, pagbibintangan ka ni Satanas at ikukubli ka sa aspeto ng pangitain. Bago mo pa malaman, matutukso ka na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
377. Sa gitna ng mga pagsubok, kahit kapag hindi mo alam kung ano ang nais gawin ng Diyos at kung anong gawain ang nais Niyang isakatuparan, dapat mong malaman na ang mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan ay palaging mabuti. Kung hahanapin mo Siya nang may isang tapat na puso, hindi ka Niya iiwan kailanman, at sa huli ay tiyak na gagawin ka Niyang perpekto, at dadalhin Niya ang mga tao sa isang angkop na hantungan. Paano man kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao, darating ang araw na maglalaan Siya sa mga tao ng isang angkop na kahihinatnan at bibigyan sila ng angkop na ganti batay sa kanilang nagawa. Hindi aakayin ng Diyos ang mga tao sa isang partikular na punto at pagkatapos ay iwawaksi lang sila at babalewalain. Ito ay dahil ang Diyos ay mapagkakatiwalaan. Sa yugtong ito, ginagawa ng Banal na Espiritu ang gawain ng pagpipino. Pinipino Niya ang bawat tao. Sa mga hakbang ng gawain na itinatag ng pagsubok na kamatayan at ng pagsubok na pagkastigo, ang pagpipino ay isinagawa sa pamamagitan ng mga salita. Para maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, kailangan muna nilang maunawaan ang Kanyang kasalukuyang gawain at kung paano dapat makipagtulungan ang sangkatauhan. Tunay ngang ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng lahat. Anuman ang gawin ng Diyos, pagpipino man iyon o kahit hindi Siya nagsasalita, wala ni isang hakbang ng gawain ng Diyos ang nakaayon sa mga pagkaintindi ng sangkatauhan. Bawat hakbang ng Kanyang gawain ay sumisira at tumatagos sa mga pagkaintindi ng mga tao. Ito ay Kanyang gawain. Ngunit kailangan mong maniwala na, dahil nakaabot na ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na yugto, hindi Niya papatayin ang buong sangkatauhan anuman ang mangyari. Nagbibigay Siya kapwa ng mga pangako at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat niyaong sumusunod sa Kanya ay makakamtan ang Kanyang mga pagpapala, ngunit yaong mga hindi ay iwawaksi ng Diyos. Nakasalalay ito sa iyong paghahangad. Ano’t anuman ang mangyari, kailangan mong maniwala na kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos, bawat tao ay magkakaroon ng isang angkop na hantungan. Ang Diyos ay naglaan sa sangkatauhan ng magagandang pangarap, ngunit kung walang paghahangad ay hindi makakamit ang mga ito. Dapat mo nang magawang makita ito ngayon—ang pagpipino at pagkastigo ng Diyos sa mga tao ay Kanyang gawain, ngunit para sa mga tao, kailangan nilang hangaring baguhin ang kanilang disposisyon sa lahat ng oras.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos
378. Ang tao ay lubusang gagawing ganap sa Kapanahunan ng Kaharian. Pagkatapos ng gawain ng panlulupig, ang tao ay isasailalim sa pagpipino at kapighatian. Yaong mga makakapagtagumpay at makakatayong saksi sa panahon nitong kapighatian ay yaong mga gagawing ganap sa kahuli-hulihan; sila ang mga mananagumpay. Sa panahon nitong kapighatian, kinakailangan sa tao na tanggapin ang pagpipinong ito, at ang pagpipinong ito ang huling pagkakataon sa gawain ng Diyos. Ito ang huling panahon na pipinuhin ang tao bago ang pagtatapos ng lahat ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay kailangang tanggapin itong huling pagsubok, kailangan nilang tanggapin itong huling pagpipino. Yaong mga lugmok sa kapighatian ay walang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos, ngunit yaong mga tunay na nalupig na at tunay na naghahangad sa Diyos ay makakatayong matatag sa kahuli-hulihan; sila yaong mga may angking pagkatao, at siyang mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Kahit na ano ang ginagawa ng Diyos, ang mga matagumpay na ito ay hindi mawawalan ng mga pangitain at patuloy pa ring magsasagawa ng katotohanan nang hindi nabibigo sa kanilang patotoo. Sila yaong mga makalalampas sa matinding kapighatian sa wakas. Bagaman yaong mga naglalagay ng kanilang mga sarili sa mapanganib na sitwasyon para mabuhay ay maaari pa ring magpatuloy ngayon, walang makatatakas sa pangwakas na kapighatian, at walang makatatakas mula sa pangwakas na pagsubok. Para sa mga nagtatagumpay, ang ganoong kapighatian ay isang matinding pagpipino; ngunit para sa mga nangingisda sa maligalig na tubig, ito ang gawain ng ganap na pag-aalis. Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang uring ito ng mga hamak na tao ay patatalsikin lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila karapat-dapat sa kahit na anong awa. Yaong mga walang pagkatao ay walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay tiwasay at ligtas, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang ninanais ay nalagay sa alanganin o hindi nila nakuha, ay agad silang naghihimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at “mabait” na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao, biglang itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagpala kahapon nang walang pagkatugma o kadahilanan. Kung ang mga demonyong ito ay hindi napalayas, ang mga demonyong ito na papatay nang walang kurap, hindi ba sila magiging isang tagong panganib? Ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi nakakamit pagkatapos ng kaganapan ng gawaing panlulupig. Kahit natapos na ang gawain ng panlulupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; ang gayong gawain ay matatapos lamang sa sandaling ang tao ay lubusang nagawa nang dalisay, sa sandaling yaong mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling yaong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay naalis na. Yaong mga hindi nakalulugod sa Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang aalisin, at yaong mga naaalis ay pag-aari ng diyablo. Dahil hindi nila kayang paluguran ang Diyos, sila ay suwail sa Diyos, at kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas. Sa mga salitang “yaong mga sumunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tatanggap ng kaligtasan,” ang kahulugan ng “sumunod” ay tumayo nang matatag sa kabila ng kapighatian. Ngayon, marami ang naniniwala na madali ang sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Hindi dahil kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos lupigin, ito ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Yaong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, kaya’t hindi makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa katapus-katapusan. Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok ng kanilang gawain, samantalang yaong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Hindi magtatagal, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay na naghahanap sa Diyos o hindi ay nalalaman sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, iyon ay, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa pagpapasya ng tao mismo. Hindi tinatanggihan ng Diyos ang sinumang tao kung kailan Niya gusto; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakahikayat sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makahihikayat sa tao. Kung ang paniniwala ng tao ay tunay o hindi, ay napapatotohanan ng mga katunayan at hindi mapagpapasyahan ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi pagmamalabisan ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
379. Noong siya ay kinakastigo ng Diyos, nanalangin si Pedro, “O Diyos! Ang aking laman ay masuwayin, at kinakastigo Mo ako at hinahatulan ako. Ako ay nagagalak sa Iyong pagkastigo at paghatol, at kahit hindi Mo ako nais, sa Iyong paghatol ay nakikita ko ang Iyong banal at matuwid na disposisyon. Kapag hinahatulan Mo ako, upang makita ng iba ang Iyong matuwid na disposisyon sa Iyong paghatol, ako ay nasisiyahan. Kung maipapahayag nito ang Iyong disposisyon at mapahihintulutan ang Iyong matuwid na disposisyon na makita ng lahat ng nilalang, at kung gagawin nitong mas dalisay ang aking pagmamahal sa Iyo, upang maging kawangis ko ang isang matuwid, ang paghatol Mo ay mabuti, sapagkat gayon ang Iyong mapagpalang kalooban. Batid ko na puno pa rin ako ng panghihimagsik, at na ako ay hindi pa rin nararapat na lumapit sa harap Mo. Nais kong ako ay mas hatulan Mo pa, sa pamamagitan man ng isang malupit na kapaligiran o matitinding kapighatian. Anuman ang ginagawa Mo, para sa akin ito ay napakahalaga. Ang Iyong pag-ibig ay napakalalim, at handa akong ilagay ang aking sarili sa Iyong pagsasaayos nang walang munti mang pagdaing.” Ito ang kaalaman ni Pedro pagkatapos niyang maranasan ang gawain ng Diyos, at ito rin ay isang patotoo sa kanyang pag-ibig sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
380. Ang tao ay nabubuhay sa gitna ng laman, na nangangahulugang nabubuhay siya sa isang pantaong impiyerno, at kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang tao ay kasingdumi ni Satanas. Paano magiging banal ang tao? Naniwala si Pedro na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang pinakamabuting proteksiyon at pinakadakilang biyaya sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol ng Diyos magigising ang tao at kapopootan ang laman, kamumuhian si Satanas. Ang mahigpit na pagdisiplina ng Diyos ay nagpapalaya sa tao mula sa impluwensya ni Satanas, nagpapalaya sa kanya mula sa kanyang sariling maliit na mundo, at nagtutulot sa kanyang mamuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos. Wala nang higit na mabuting pagliligtas kaysa sa pagkastigo at paghatol! Nanalangin si Pedro, “O Diyos! Hangga’t kinakastigo Mo at hinahatulan ako, malalaman ko na hindi Mo ako iniwan. Kahit na hindi Mo ako binibigyan ng kagalakan o kapayapaan, at ginagawa akong mamuhay nang may pagdurusa, at pinagpapasan ako ng hindi-mabilang na mga pagtutuwid, hangga’t hindi Mo ako iniiwan, ang puso ko ay magiging panatag. Ngayon, ang Iyong pagkastigo at paghatol ay naging pinakamabuting proteksiyon ko at pinakadakilang pagpapala. Ang ibinibigay Mong biyaya sa akin ay nag-iingat sa akin. Ang biyaya na Iyong ipinagkakaloob sa akin ngayon ay pagpapahayag ng Iyong matuwid na disposisyon, at pagkastigo at paghatol; bukod diyan, ito ay isang pagsubok, at, higit pa riyan, ito ay isang buhay ng pagdurusa.” Nakayang isantabi ni Pedro ang mga kasiyahan ng laman at hanapin ang isang mas malalim na pag-ibig at higit na pag-iingat, dahil marami siyang nakamtang biyaya mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
381. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at umiiral sa laman; kung hindi siya nalilinis at hindi nakatatanggap ng pag-iingat ng Diyos, kung gayon ang tao ay lalo kailanmang magiging higit na masama. Kung nais niyang ibigin ang Diyos, kung gayon dapat siyang malinis at maligtas. Nanalangin si Pedro, “Diyos ko, kapag pinakikitunguhan Mo ako nang may-kabaitan ako ay nalulugod, at nagiginhawahan; kapag kinakastigo Mo ako, nakadarama ako ng higit pang kaginhawahan at kagalakan. Bagaman ako ay mahina, at nagbabata ng di-mabigkas na pagdurusa, bagaman mayroong mga luha at kalungkutan, batid Mo na ang kalungkutang ito ay dahil sa aking pagkamasuwayin, at dahil sa aking kahinaan. Tumatangis ako dahil hindi ko natutugunan ang Iyong mga ninanasa, nalulungkot ako at nanghihinayang dahil hindi ako sapat para sa Iyong mga kailangan, ngunit handa akong abutin ang kinasasaklawang ito, handa akong gawin ang lahat ng kaya ko upang Ikaw ay aking mapasaya. Ang Iyong pagkastigo ay nagdulot sa akin ng pag-iingat, at nakapagbigay sa akin ng pinakamabuting kaligtasan; ang Iyong paghatol ay nagkukubli ng Iyong pagpaparaya at pagtitiis. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, hindi ko matatamasa ang Iyong awa at kagandahang-loob. Ngayon, lalo kong nakikita na ang Iyong pag-ibig ay nakalampas sa mga kalangitan at hinigitan ang lahat ng iba pang bagay. Ang Iyong pag-ibig ay hindi lamang awa at kagandahang-loob; higit pa riyan, ito ay pagkastigo at paghatol. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay nagbigay ng napakarami sa akin. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, walang isa mang taong malilinis, at walang isa mang taong makararanas ng pag-ibig ng Lumikha. Bagaman nakapagtiis ako ng daan-daang mga pagsubok at kapighatian, at nakaranas pang mabingit sa kamatayan, natulutan ako ng mga ito na tunay Kang makilala at magtamo ng pinakamataas na kaligtasan. Kung ang Iyong pagkastigo, paghatol at pagdisiplina ay lilisan mula sa akin, kung gayon ay mabubuhay ako sa kadiliman, sa ilalim ng sakop ni Satanas. Ano nga ba ang mga pakinabang ng laman ng tao? Kung ang Iyong pagkastigo at paghatol ay aalis sa akin, ito ay waring ang Iyong Espiritu ay nagtakwil sa akin, na waring Ikaw ay hindi ko na kasama. Kung magkagayon nga, paano ako magpapatuloy na mabuhay? Kung binibigyan Mo ako ng karamdaman, at kukunin ang aking kalayaan, maaari pa rin akong patuloy na mabuhay, ngunit kung sakaling lilisanin ako ng Iyong pagkastigo at paghatol, mawawalan na ako ng daan upang patuloy na mabuhay. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol sa akin, mawawala na sa akin ang Iyong pag-ibig, isang pag-ibig na lubhang malalim upang aking masabi. Kung wala ang Iyong pag-ibig, ako ay mabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at hindi na makikita ang Iyong maluwalhating mukha. Paano ako makakapagpatuloy na mabuhay? Ang gayong kadiliman, ang gayong buhay, ay hindi ko kayang mabata. Ang makasama Kita ay tulad ng namamasdan Kita, kaya paano Kita maiiwan? Nagmamakaawa ako sa Iyo, nakikiusap ako sa Iyo na huwag kunin ang aking pinakadakilang kaaliwan mula sa akin, kahit na ito ay ilang salita lamang na nagbibigay-katiyakan. Natamasa ko ang Iyong pag-ibig, at ngayon ay hindi ko kayang malayo sa Iyo; paano na hindi Kita maiibig? Marami akong itinangis na mga luha ng kalungkutan dahil sa Iyong pag-ibig, subali’t lagi kong nararamdaman na ang isang buhay na gaya nito ay higit na makahulugan, higit akong napagyayaman, higit akong nababago, at higit akong tinutulutang makamit ang katotohanang taglay dapat ng mga nilalang.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
382. Kung ikaw ay isang taong naghahangad na magawang perpekto, kung gayon magpapatotoo ka, at sasabihin mo: “Sa hakbang-hakbang na gawaing ito ng Diyos, natanggap ko ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at bagaman nakapagtiis ako ng matinding pagdurusa, nalaman ko kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao, nakamit ko ang gawaing ginagawa ng Diyos, nagkaroon ako ng kaalaman sa pagkamatuwid ng Diyos, at ang Kanyang pagkastigo ay nagligtas sa akin. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay dumating sa akin, at nagdala sa akin ng mga pagpapala at biyaya; ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang nag-ingat at dumalisay sa akin. Kung hindi ako nakastigo at nahatulan ng Diyos, at kung ang Kanyang masasakit na salita ay hindi dumating sa akin, hindi ko sana makikilala ang Diyos, at ni hindi ako maliligtas. Nakikita ko ngayon: Bilang isang nilalang, hindi lamang tinatamasa ng isang tao ang lahat ng bagay na nilikha ng Lumikha, ngunit, mas mahalaga, na lahat ng nilalang ay dapat magtamasa ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang matuwid na paghatol, sapagkat ang disposisyon ng Diyos ay karapat-dapat sa pagtatamasa ng tao. Bilang isang nilalang na nagawang tiwali ni Satanas, dapat na tamasahin ng isa ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa Kanyang matuwid na disposisyon ay mayroong pagkastigo at paghatol, at, higit pa rito, mayroong dakilang pag-ibig. Bagaman hindi ko kayang lubos na matamo ang pag-ibig ng Diyos sa ngayon, nagkaroon naman ako ng mabuting kapalaran na makita ito, at dahil dito ako ay pinagpala.” Ito ang landas na nilakaran niyaong mga nakakaranas na magawang perpekto at ito ang kaalaman na sinasabi nila. Ang gayong mga tao ay pareho ni Pedro; mayroon silang parehong mga karanasan ni Pedro. Ang gayong mga tao ay yaon ding nakatamo ng buhay, at nagtataglay ng katotohanan. Kapag nararanasan nila hanggang sa katapus-tapusan, sa panahon ng paghatol ng Diyos tiyak na ganap nilang iwawaksi sa kanilang sarili ang impluwensya ni Satanas, at matatamo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
383. Pagkaraan ng ilang taon, nabugbog ng panahon ang tao, nakaranas na ng hirap ng pagpipino at pagkastigo. Bagama’t nawala sa tao ang “kaluwalhatian” at “pagmamahalan” ng mga panahong nakaraan, hindi niya namalayan na nauunawaan na niya ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, at nagkaroon na siya ng pagpapahalaga sa ilang taon ng debosyon ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Unti-unting nagsimulang kasuklaman ng tao ang sarili niyang kabangisan. Nagsisimula siyang kamuhian kung gaano siya kabangis, lahat ng maling pagkaunawa niya sa Diyos, at ang di-makatwirang mga kahilingang nagawa niya sa Kanya. Hindi maibabalik ang mga kamay ng orasan. Ang nakaraang mga kaganapan ay nagiging malulungkot na alaala ng tao, at ang mga salita at pagmamahal ng Diyos ang nagtutulak sa tao na magbagumbuhay. Ang mga sugat ng tao ay naghihilom araw-araw, nagbabalik ang kanyang lakas, at tumatayo siya at tumitingin sa mukha ng Makapangyarihan sa lahat … para lamang matuklasan na palagi Siyang nasa aking tabi, at na ang Kanyang ngiti at Kanyang magandang mukha ay lubha pa ring nagpapasigla. May malasakit pa rin Siya sa Kanyang puso para sa sangkatauhan na Kanyang nilikha, at mainit at makapangyarihan pa rin ang Kanyang mga kamay tulad noong simula. Para bang ang tao ay nagbalik sa Halamanan ng Eden, subalit sa pagkakataong ito ay hindi na nakikinig ang tao sa mga panunukso ng ahas at hindi na tumatalikod palayo sa mukha ni Jehova. Lumuluhod ang tao sa harap ng Diyos, tumitingala sa nakangiting mukha ng Diyos, at nag-aalok ng kanyang pinakamahalagang sakripisyo—O! Panginoon ko, Diyos ko!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos