E. Tungkol sa Kung Paano Maging Matapat na Tao
384. Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga matapat. Ang Diyos ay may diwa ng katapatan, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na matapat sa Kanya. Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, hindi pagiging huwad sa Diyos sa anumang bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay na mga pagtatangka lang upang makuha ang pabor ng Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble para sa inyo ang hirap nito. Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo ang maging matatapat na tao. Sapagkat “napakamatalino” ninyong lahat, napakahusay sa pagsukat sa puso ng mga marangal na tao batay sa sarili ninyong masamang pag-iisip, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang ang bawat isa sa inyo ay niyayakap sa dibdib ang mga lihim ninyo, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maaaring wala na kayong magawa kundi maniwala sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Tiyak na hindi na magiging malaki ang ulo ninyo hindi tulad ngayon! At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, at labis na “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang pribadong usapin na mahirap talakayin, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong labis na mahihirapan na matamo ang kaligtasan, at mahihirapan na makaahon mula sa kadiliman. Kung talagang kinalulugdan mo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masigasig kahit hindi napapansin, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at isa ka lamang matapat na tao. Kung handa kang maging prangka, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga inaaruga sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
385. Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga handang tumatanggap ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uring ito ng mga tao, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging mapagbantay at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananalig mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananalig. Sa kakulangan ng tunay na pananalig, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at ginagawan mo Siya ng haka-haka kapag gusto mo, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Naghihinala ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, makitid ang pag-iisip, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagpapahalaga sa katarungan, mahilig sa malulupit na kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroon pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay ang mga nambobola at sumisipsip, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon ang mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng maraming taon? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at paninirang-puri ninyo sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa
386. Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang pagsisiyasat ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong tungkulin. Kapag nagdarasal ka, kung mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at pagsisiyasat ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. …
Ang maging mananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan na lahat ng ginagawa mo ay kailangang dalhin sa Kanyang harapan at sumailalim sa Kanyang pagsisiyasat. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi ka pa nasisiyasat ng Kanyang Espiritu. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa Kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa kaninong pangalan gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay naging kongkreto sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabait ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi makatanggap ng pagsisiyasat ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na isa kang taong gumagawa ng masama. Mapeperpekto ba ang mga taong gumagawa ng masama? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Kahit ang iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—ang iyong mga dalangin, ang iyong pagiging malapit sa Diyos, ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, ang pakikipagbahaginan mo sa iyong mga kapatid, at ang buhay mo sa loob ng iglesia—at ang iyong pagseserbisyo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ay maaaring dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang pagsisiyasat. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas matatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, mas napapadalisay at mas umaayon ka sa mga layunin ng Diyos, kaya hindi ka maaakit sa kahalayan, at mabubuhay ang puso mo sa Kanyang presensya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang pagsisiyasat, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong maghimagsik laban sa laman. Kaya, ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagbahaginan ka sa iyong mga kapatid, maaari mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hangarin ang Kanyang pagsisiyasat at hangaring magpasakop sa Diyos Mismo; gagawin nitong mas tama ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na nabubuhay sa presensya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos ang mga Nakaaayon sa Kanyang mga Layunin
387. Kapag naririnig ng ibang tao na, para maging isang matapat na tao, kailangang magsabi ang isang tao ng totoo at magsalita mula sa puso, at kung magsisinungaling o manlilinlang siya ay kailangan niyang magtapat, ilantad ang sarili niya, at aminin ang mga pagkakamali niya, sinasabi nila: “Mahirap maging isang matapat na tao. Kailangan ko bang sabihin ang lahat ng iniisip ko sa iba? Hindi pa ba sapat na magbahagi ng mga positibong bagay? Hindi ko kailangang sabihin sa iba ang aking madilim o tiwaling bahagi, hindi ba?” Kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili sa iba, at hindi hihimayin ang iyong sarili, sa gayon hindi mo kailanman makikilala ang iyong sarili. Hindi mo kailanman makikilala kung anong uri ka, at hindi magagawa kailanman ng ibang tao na magtiwala sa iyo. Ito ay isang katunayan. Kung gusto mo na magtiwala sa iyo ang iba, dapat munang ikaw ay maging isang matapat na tao. Upang maging isang matapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong tunay na mukha. Kailangan ay hindi mo subukang magpanggap, o pagtakpan ang iyong sarili. Saka lamang magtitiwala ang iba sa iyo at ituturing kang isang matapat na tao. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at isang pang-unang kailangan sa pagiging isang matapat na tao. Kung palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring banal, marangal, dakila, at mataas ang karakter; kung hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kapintasan; kung inihaharap mo ang isang huwad na imahe sa mga tao upang maniwala sila na ikaw ay may integridad, na ikaw ay dakila, mapagsakripisyo sa sarili, makatarungan, at di-makasarili, hindi ba’t panlilinlang at kabulaanan ito? Hindi ba makikilatis ng mga tao ang tunay mong pagkatao, pagtagal-tagal? Kaya, huwag kang magpanggap o magkubli sa iyong sarili. Sa halip, ilantad ang sarili mo at ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, at mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at mga balak—kapwa positibo at negatibo—hindi ba’t pagkamatapat iyon? Kung mailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, makikita ka rin ng Diyos. Sasabihin Niya: “Kung nailantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, tiyak na matapat ka sa harapan Ko.” Ngunit kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos kapag hindi nakikita ng ibang tao, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o di-makasarili kapag kasama sila, ano ang iisipin sa iyo ng Diyos? Ano ang sasabihin Niya? Sasabihin Niya: “Isa kang napakamapanlinlang na tao. Ikaw ay napakamapagpaimbabaw at ubod ng sama, at hindi ka isang matapat na tao.” Sa gayon ay kokondenahin ka ng Diyos. Kung nais mo na maging isang matapat na tao, nasa harapan ka man ng Diyos o ng ibang tao, dapat magawa mong magbigay ng isang dalisay at tapat na salaysay tungkol sa panloob mong kalagayan at mga salita sa puso mo. Madali ba itong makamtan? Nangangailangan ito ng panahon ng pagsasanay, pati na ng madalas na pagdarasal sa Diyos at pag-asa sa Diyos. Kailangan mong sanayin ang iyong sarili na sabihin nang simple at hayagan ang mga salitang nasa iyong puso tungkol sa lahat ng bagay. Sa ganitong uri ng pagsasanay, magagawa mong umunlad. Kung makaranas ka ng matinding paghihirap, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan; kailangan mong makipaglaban sa puso mo at madaig ang laman, hanggang sa maisagawa mo na ang katotohanan. Sa pagsasanay sa sarili mo nang ganito, paunti-unti, magbubukas nang dahan-dahan ang puso mo. Lalo ka pang magiging dalisay, at iba na ang magiging epekto ng mga salita at kilos mo sa dati. Mababawasan nang mababawasan ang iyong mga kasinungalingan at panlalansi, at magagawa mong mamuhay sa harap ng Diyos. Sa gayon, sa diwa, ay magiging matapat na tao ka na.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat
388. Napakahalaga sa inyo ng inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay may malaking importansiya sa inyo. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo ginawa ang mga bagay nang napakaingat, mangangahulugan ito na mawawalan kayo ng hantungan, na winasak ninyo ang sarili ninyong kapalaran. Subalit naisip na ba ninyo kailanman na ang mga taong nagsusumikap para lamang sa kanilang hantungan ay nagpapakapagod nang walang kabuluhan? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga iyon. Kung gayon, ang mga taong gumugugol ng pagsisikap para lamang sa kanilang hantungan ay nasa bungad na ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang kabiguan sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay dulot ng panlilinlang. Nasabi Ko na noon na ayaw Ko na binobola Ako o kapag may sumisipsip sa Akin, o kapag pinapakitunguhan Ako nang may kasiglahan. Gusto Ko na ang matatapat na tao ay humarap sa Aking katotohanan at sa Aking mga inaasahan. Higit pa rito, gusto Ko kapag nagagawa ng mga tao na magpakita ng lubos na pagsasaalang-alang sa Aking puso, at kapag nagagawa pa nga nilang gugulin ang lahat para sa Aking kapakanan. Sa ganitong paraan lamang maaaring mabigyan ng kaginhawahan ang Aking puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan
389. Sa paghahangad ng katotohanan, dapat magtuon ang isang tao sa pagsasagawa ng katotohanan, ngunit saan siya dapat magsimulang magsagawa ng katotohanan? Walang mga regulasyon para dito. Dapat mong isagawa ang alinmang mga aspeto ng katotohanan na nauunawaan mo. Kung nasimulan mo ang isang tungkulin, ang panimulang punto para sa pagsasagawa sa katotohanan ay ang gampanan ang tungkulin mo. Sa paggawa ng iyong tungkulin, maraming aspeto ng katotohanan ang dapat isagawa, at dapat mong isagawa kung aling mga aspeto ng katotohanan ang nauunawaan mo. Halimbawa, maaari kang magsimula sa pagiging isang matapat na tao, sa pagsasalita nang tapat, at pagbubukas ng iyong puso. Kung may isang bagay na hiyang-hiya kang sabihin sa mga kapatid mo, dapat kang lumuhod at sabihin iyon sa Diyos sa panalangin. Ano ang dapat mong sabihin sa Diyos? Sabihin mo sa Diyos kung ano ang nasa puso mo; huwag kang sumambit ng mga walang kabuluhang pakitang-tao o magtangkang linlangin Siya. Magsimula sa pagiging matapat. Kung naging mahina ka, sabihin mong naging mahina ka; kung naging buktot ka, sabihin mong naging buktot ka; kung nanloko ka, sabihin mong nanloko ka; kung nagkaroon ka ng mga mapaminsala at mga lihim na mapanirang kaisipan, sabihin mo iyon sa Diyos. Kung lagi kang nakikipagkompetensya para sa katayuan, sabihin mo rin iyan sa Kanya. Hayaan mong disiplinahin ka ng Diyos; hayaan mong maghanda Siya ng mga kapaligiran para sa iyo. Hayaan mong tulungan ka ng Diyos na malampasan ang lahat ng paghihirap mo at tulungan kang lutasin ang lahat ng problema mo. Dapat mong buksan ang iyong puso sa Diyos; huwag mo itong panatilihing nakasara. Kahit pagsarhan mo pa Siya, nasisiyasat pa rin Niya ang kalooban mo. Ngunit kung bubuksan mo ang iyong puso sa Kanya, matatamo mo ang katotohanan. Aling landas ang dapat mong piliin? Dapat mong buksan ang puso mo at sabihin sa Diyos kung ano ang nasa loob nito. Hindi ka dapat magsalita ng anumang hindi totoo sa anumang paraan o magpanggap. Dapat kang magsimula sa pagiging isang matapat na tao. Maraming taon na tayong nagbabahaginan sa katotohanan tungkol sa pagiging isang matapat na tao, subalit sa kasalukuyan ay marami pa ring tao ang nananatiling walang pakialam, na nagsasalita at kumikilos lamang ayon sa sarili nilang mga intensyon, hangarin, at layunin, at hindi kailanman naisipang magsisi. Hindi ito ang saloobin ng mga taong matapat. Bakit ba hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? Para ba mas padaliin ang pangangasiwa sa mga tao? Siguradong hindi. Hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao dahil minamahal at pinagpapala ng Diyos ang matatapat na tao. Ang ibig sabihin ng pagiging matapat na tao ay pagiging isang taong may konsiyensiya at katwiran. Ang ibig sabihin nito ay pagiging isang taong mapagkakatiwalaan, isang taong mahal ng Diyos, at isang taong kayang magsagawa ng katotohanan at mahalin ang Diyos. Ang pagiging matapat na tao ang pinakapangunahing pagpapamalas ng pagtataglay ng normal na pagkatao at pagsasabuhay ng isang tunay na wangis ng tao. Kung ang isang tao ay hindi naging matapat kailanman, o hindi inisip na maging matapat, hindi niya mauunawaan ang katotohanan, lalong hindi niya makakamit ang katotohanan. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, humayo ka at tingnan mo mismo, o kaya ay humayo ka at ikaw mismo ang makaranas nito. Sa pamamagitan lamang ng pagiging isang matapat na tao maaaring maging bukas ang puso mo sa Diyos, maaari mong matanggap ang katotohanan, maaaring maging iyong buhay sa puso mo ang katotohanan, at maaari mong maunawaan at makamit ang katotohanan. Kung palaging sarado ang puso mo, kung hindi ka nagtatapat o nagsasabi ng kung ano ang nasa puso mo sa sinuman, sa puntong walang nakakaunawa sa iyo, kung gayon, ikaw ay masyadong tuso at hindi maarok, at ikaw ang pinakamapanlinlang sa mga tao. Kung nananampalataya ka sa Diyos ngunit hindi mo kayang tunay na buksan ang sarili mo sa Diyos, kung kaya mong magsinungaling sa Diyos o magpalabis upang linlangin ang Diyos, kung hindi mo kayang buksan ang puso mo sa Diyos, at kaya pa ring magpaliguy-ligoy sa pagsasalita at itago ang iyong mga layunin, mapipinsala mo lamang ang iyong sarili, at hindi ka papansinin ng Diyos at hindi gagawa sa iyo. Hindi mo mauunawaan ang alinman sa katotohanan, at hindi mo makakamit ang alinman sa katotohanan. Ngayon, nakikita na ba ninyo ang kahalagahan ng paghahangad at pagtatamo ng katotohanan? Ano ang unang bagay na dapat mong gawin para hangarin ang katotohanan? Dapat kang maging isang matapat na tao. Kung hahangarin ng mga tao na maging matapat, saka lang nila malalaman kung gaano sila katiwali, kung mayroon ba talaga silang anumang wangis ng tao o wala, at malinaw na masusukat o makakakita ng kanilang mga kakulangan. Kapag nagsasagawa sila ng katapatan, saka lang sila magkakaroon ng kamalayan kung gaano karaming kasinungalingan ang sinasabi nila at kung gaano kalalim nakatago ang panlilinlang at pandaraya nila. Tanging sa pagkakaroon ng karanasan sa pagsasagawa ng pagiging matapat unti-unting malalaman ng mga tao ang katotohanan ng kanilang sariling katiwalian at makikilala ang kanilang sariling kalikasang diwa, at saka lamang tuloy-tuloy na madadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa takbo ng palagiang pagdadalisay ng kanilang mga tiwaling disposisyon magagawang makamit ng mga tao ang katotohanan. Huwag kayong magmadali sa paglasap ng mga salitang ito. Hindi pineperpekto ng Diyos yaong mga mapanlinlang. Kung ang puso mo ay hindi matapat—kung hindi mo susubukang maging isang matapat na tao—kung gayon hindi ka makakamit ng Diyos. Gayundin, hindi mo makakamit ang katotohanan, at hindi rin makakayang makamit ang Diyos. Ano ang ibig sabihin kung hindi mo makakamit ang Diyos? Kung hindi mo makakamit ang Diyos at hindi mo naunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilala ang Diyos, kaya’t mawawalan ng paraan na maaari kang maging kaayon ng Diyos, kung magkagayon ay ikaw ang kaaway ng Diyos. Kung hindi ka kaayon ng Diyos, hindi mo Diyos ang Diyos; at kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, hindi ka maaaring maligtas. Kung hindi mo hinahangad na matamo ang kaligtasan, bakit ka naniniwala sa Diyos? Kung hindi mo matatamo ang kaligtasan, magiging matinding kaaway ka ng Diyos magpakailanman, at itatakda na ang iyong kinalabasan. Kaya, kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat. Sa huli, ang mga nakakamit ng Diyos ay minamarkahan ng isang tanda. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Bibliya: “At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:5). Sino yaong “sila”? Sila yaong mga naligtas, nagawang perpekto at nakamit ng Diyos. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapahayag ng kanilang sariling asal? Wala silang dungis. Hindi sila nagsasabi ng mga kasinungalingan. Marahil ay nauunawaan at naaarok ninyong lahat ang kahulugan ng hindi pagsasabi ng mga kasinungalingan: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. Ano ang tinutukoy ng “walang dungis”? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng kasamaan. At anong pundasyon ang pinagbabatayan ng hindi paggawa ng kasamaan? Walang duda, nakabatay ito sa pundasyon ng pagkatakot sa Diyos. Samakatuwid, ang ibig sabihin ng pagiging walang dungis ay ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Paano binibigyang-depinisyon ng Diyos ang taong walang dungis? Sa mga mata ng Diyos, tanging ang mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ang perpekto; sa gayon, ang mga taong walang dungis ay yaong mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at tanging ang mga perpekto ang walang dungis. Tama talaga ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay
390. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananalig at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung mayroon kang ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung hindi mo taglay ang mga ito, nananatili sa loob mo ang paghihimagsik, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil hindi matapat ang puso mo, hindi ka kailanman ikinalugod ng Diyos at hindi ka kailanman namuhay sa liwanag. Kung ano ang mangyayari sa kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi matapat, isang taong may labis na mapaminsalang puso, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo. Kung inihahayag mong lubha kang tapat, ngunit hindi mo kailanman nagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magsabi ni isang totoong salita, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na lubos Niyang minamahal? Hindi ba kahibangan ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng bagay; paanong tatanggapin sa sambahayan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala