F. Tungkol sa Kung Paano Isagawa ang Pagsunod sa Diyos
391. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, inilagay Niya sila sa lupa at inakay sila magmula noon, kalaunan, sila ay iniligtas Niya at nagsilbi bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang orihinal na wangis. Ito ang gawaing isinasagawa Niya mula sa simula hanggang sa huli—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa orihinal nitong imahe at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipapanumbalik ang orihinal na wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng nilikha. Nawala sa sangkatauhan ang may-takot-sa-Diyos nilang puso gayundin ang papel na nararapat na mayroon ang mga nilikha matapos gawing tiwali ni Satanas, kaya’t naging isang kaaway na mapaghimagsik laban sa Diyos. Namuhay pagkaraan ang sangkatauhan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at sumailalim sa pagmamanipula ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi Niya makamit ang takot ng mga ito. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit totoong tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng katayuan sa kanilang puso, na ang ibig sabihin ay nawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang orihinal nilang wangis at tanggalin sa sangkatauhan ang kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niya silang iligtas mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipapanumbalik ang orhinal nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapapanumbalik ang kaharian Niya. Ang ganap na pagkawasak ng yaong mga anak ng paghihimagsik sa huli ay para din sa kapakanan ng pagtutulot sa mga tao na sambahin nang mas mabuti ang Diyos at mamuhay sa lupa nang higit na maayos. Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang anumang halo. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang paglaban mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sumasamba sa Kanya, yaong ganap na nagpapasakop sa Kanya na nagtataglay ng kaluwalhatian Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na mapaghimagsik laban sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap. Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
392. Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang magpasakop sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Iniisip nilang sila ang pinakamataas sa iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng masasamang demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga kalahating mapagpasakop lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagpapasakop sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon sila, kaunting bahagi lamang nito ang makakamit ng mga tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanila na maperpekto. Ano, kung gayon, ang para sa mga anak ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Wala ba silang mas maliit na pag-asang makamit ng Diyos? Ang layunin Ko sa paggawa ng gawain ng paglupig ay hindi lamang ang manlupig alang-alang sa paglupig, kundi manlupig upang ibunyag ang pagiging matuwid at kalikuan, upang kumuha ng patunay para sa kaparusahan ng tao, upang kondenahin ang kasamaan, at, higit pa rito, upang manlupig para sa kapakanan ng pagpeperpekto ng mga handang magpasakop. Sa huli, ibubukod-bukod ang lahat ayon sa kanilang uri, at ang mga naging perpekto ay ang mga may mga saloobin at mga ideya na puno ng pagpapasakop. Ito ang gawaing magagawa sa huli. Samantala, ang mga mapanghimagsik ang bawat kilos ay parurusahan at ipadadala upang sunugin sa mga apoy, at maging mga layon ng walang-hanggang sumpa. Kapag dumating ang oras na iyon, ang mga “dakila at hindi malulupig na mga bayani” ng mga kapanahunang nakalipas ay magiging pinakamababa at pinakanilalayuang “mahina at inutil na mga duwag.” Tanging ito lamang ang makapagbubunyag sa bawat aspekto ng pagiging matuwid ng Diyos, at ng disposisyon Niya na hindi malalabag ng tao, at tanging ito lamang ang makapagpapalubag ng pagkamuhi sa puso Ko. Hindi ba kayo sumasang-ayon na lubusang makatuwiran ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
393. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay nag-iiba sa bawat kapanahunan. Kung magpapasakop ka nang maayos sa gawain ng Diyos sa isang yugto, ngunit sa susunod na yugto ang pagpapasakop mo sa gawain Niya ay salat, o wala kang kakayahang magpasakop, kung gayon ay lilisanin ka ng Diyos. Nakakasabay ka sa Diyos habang ginagawa Niya ang hakbang na ito, at dapat kang magpatuloy na sumabay kapag sumulong Siya sa susunod; saka ka lamang magiging isang taong mapagpasakop sa Banal na Espiritu. Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat na manatili kang hindi nagbabago sa pagpapasakop mo. Hindi maaaring magpapasakop ka lamang kapag gusto mo at hindi magpapasakop kapag ayaw mo. Ang ganitong uri ng pagpapasakop ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi ka makasasabay sa bagong gawaing ibinabahagi Ko, at patuloy na nakahawak sa mga dating kasabihan, paano magkakaroon ng pag-unlad sa buhay mo? Ang gawain ng Diyos ay ang tustusan ka sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Kapag nagpapasakop at tinatanggap mo ang mga salita Niya, tiyak na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Gumagawa ang Banal na Espiritu nang eksakto sa sinasabi Ko; gawin ang sinabi Ko, at ang Banal na Espiritu ay kaagad na gagawa sa iyo. Naglalabas Ako ng bagong ilaw upang mapagmasdan ninyo, na dadalhin kayo sa liwanag ng kasalukuyan, at kapag lumakad ka sa loob ng ilaw na ito, ang Banal na Espiritu ay kaagad na gagawa sa iyo. Mayroong ilang maaaring matigas ang ulo, sinasabing, “Basta hindi ko isasagawa ang sinasabi Mo.” Kung gayon, sinasabi Ko sa iyo na nakarating ka na ngayon sa katapusan; ikaw ay natuyo at wala nang buhay. Samakatwid, sa pagdanas ng pagbabago ng disposisyon mo, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa ang pagsabay sa kasalukuyang ilaw. Ang Banal na Espiritu ay hindi lamang gumagawa sa ilang taong ginagamit ng Diyos, kundi, higit pa rito, sa iglesia. Maaaring gumagawa Siya sa sinuman. Maaaring gumagawa Siya sa iyo sa kasalukuyang oras, at mararanasan mo ang gawaing ito. Sa susunod na yugto, maaari Siyang gumawa sa ibang tao, kung gayon dapat kang magmadaling makasunod; kapag mas malapit mong sinusundan ang kasalukuyang ilaw, higit na lalago ang buhay mo. Kahit na ano pang uri ang isang tao, kung gumagawa sa kanya ang Banal na Espiritu, dapat kang sumunod. Gamitin mo ang mga karanasan niya sa sarili mo sa isang praktikal na paraan, at tatanggap ka ng mas higit pang mga bagay. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng pagsasagawa, mas mabilis kang uunlad. Ito ang landas ng pagkaperpekto para sa tao at isang paraan kung saan lalago ang buhay. Ang landas ng pagiging perpekto ay naaabot sa pamamagitan ng pagpapasakop mo sa gawain ng Banal na Espiritu. Hindi mo alam kung sa pamamagitan ng anong uri ng tao gagawa ang Diyos upang gawin kang perpekto, o sa pamamagitan ng anong tao, pangyayari, o bagay ka Niya hahayaang makamit o makita ang mga bagay. Kung makatatapak ka sa tamang landas na ito, ipinakikita nito na mayroong malaking pag-asang magawa kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo magagawa, ipinakikita nitong malungkot at walang liwanag ang kinabukasan mo. Kapag nagsimula ka sa tamang landas, makakamit mo ang pahayag sa lahat ng bagay. Kahit na ano pa man ang ibinubunyag ng Banal na Espiritu sa iba, kung magpapatuloy ka batay sa kaalaman nila para maranasan ang mga bagay sa sarili mo, kung gayon ay magiging bahagi ito ng buhay mo, at magagawa mong tustusan ang iba mula sa karanasang ito. Ang mga nagtutustos sa iba sa pamamagitan ng paggaya sa mga salita ay mga taong hindi pa nagkakaroon ng anumang mga karanasan; dapat mong matutunang humanap, sa pamamagitan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng iba, isang paraan ng pagsasagawa bago ka magsimulang magsalita tungkol sa sarili mong aktuwal na karanasan at kaalaman. Ito ay may higit na pakinabang sa sarili mong buhay. Dapat mong maranasan ang ganito, na nagpapasakop sa lahat ng nagmumula sa Diyos. Dapat mong hangarin ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng mga bagay at matutunan ang mga aral sa lahat ng bagay, nang lumago ang buhay mo. Ang ganitong pagsasagawa ay nagbibigay ng pinakamabilis na pag-unlad.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
394. Dapat na tunay at aktuwal ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos, at dapat itong isabuhay. Ang paimbabaw na pagpapasakop lamang ay hindi makatatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos, at ang pagpapasakop lamang sa paimbabaw na mga aspekto ng salita ng Diyos, nang hindi hinahangad ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao, ay hindi naaayon sa mga layunin Diyos. Iisa at pareho ang pagpapasakop sa Diyos at pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ang mga nagpapasakop lamang sa Diyos ngunit hindi sa gawain Niya ay hindi maituturing na mapagpasakop, lalong hindi ang mga hindi tunay na nagpapasakop kundi ay mga mambobola sa panlabas. Ang lahat ng mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagkakamit mula sa gawain at nagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at gawain ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang tunay na nagpapasakop sa Diyos. Nagkakamit ng bagong kaalaman ang ganitong mga tao, at sumasailalim sa mga bagong pagbabago mula sa bagong gawain. Tanging ang mga taong ito lamang ang sinasang-ayunan ng Diyos; tanging ang mga taong ito lamang ang naging perpekto, at tanging ang mga ito lamang ang nagbago ang disposisyon. Ang mga sinasang-ayunan ng Diyos ay ang mga nagagalak na magpasakop sa Diyos, at sa salita at gawain Niya. Ang ganitong mga tao lamang ang mga tamang tao, ang ganitong mga tao lamang ang taos-pusong nagnanais sa Diyos, at taos-pusong naghahangad sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
395. Sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi kasama sa pagpapasakop na hinihingi Niya sa mga tao ang pagpipigil na manghusga o lumaban, na tulad ng iniisip nila; sa halip, hinihingi Niya sa mga tao na gamitin ang Kanyang mga salita bilang kanilang prinsipyong susundin sa buhay at bilang pundasyon ng kanilang pananatiling buhay, na walang pasubaling isagawa nila ang diwa ng Kanyang mga salita, at lubos nilang matugunan ang Kanyang mga layunin. Ang isang aspekto ng hinihingi sa mga tao na magpasakop sa Diyos na nagkatawang-tao ay tumutukoy sa pagsasagawa ng Kanyang mga salita, samantalang ang isa pang aspekto ay tumutukoy sa kakayahang magpasakop sa Kanyang pagiging normal at praktikal. Ang mga ito ay kailangang kapwa absoluto. Yaong mga makakatamo sa dalawang aspektong ito ay lahat ng yaong may tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso. Silang lahat ay mga taong nakamit na ng Diyos, at mahal nilang lahat ang Diyos tulad ng pagmamahal nila sa kanilang sariling buhay. …
Ang grupo ng mga taong nais maangkin ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay yaong mga umaayon sa Kanyang mga layunin. Kailangan lamang nilang magpasakop sa Kanyang gawain, at tumigil sa patuloy na pag-aalala sa mga hiling tungkol sa Diyos sa langit, pamumuhay sa kalabuan, o pagpapahirap ng mga bagay-bagay para sa Diyos na nasa katawang-tao. Yaong mga nagagawang magpasakop sa Kanya ay yaong mga talagang nakikinig sa Kanyang mga salita at sumusunod sa Kanyang mga plano. Ni hindi man lamang pinapansin ng gayong mga tao kung ano talaga ang maaaring hitsura ng Diyos sa langit o kung anong klaseng gawain ang maaaring kasalukuyang ginagawa ng Diyos sa langit sa tao; ibinibigay nila nang lubusan ang kanilang puso sa Diyos sa lupa at inilalagak ang kanilang buong pagkatao sa Kanyang harapan. Hindi nila isinasaalang-alang kailanman ang kanilang sariling kaligtasan, ni hindi sila nag-aalala kailanman sa pagiging normal at praktikal ng Diyos na nasa katawang-tao. Yaong mga nagpapasakop sa Diyos na nasa katawang-tao ay maaari Niyang gawing perpekto. Yaong mga naniniwala sa Diyos sa langit ay walang mapapala. Ito ay dahil hindi ang Diyos sa langit, kundi ang Diyos sa lupa, ang nagkakaloob ng mga pangako at pagpapala sa mga tao. Hindi dapat palaging dakilain ng mga tao ang Diyos sa langit samantalang itinuturing na karaniwang tao lamang ang Diyos sa lupa; hindi ito makatarungan. Ang Diyos sa langit ay dakila at kamangha-mangha na may kagila-gilalas na karunungan, subalit ni hindi man lamang umiiral ang Diyos sa langit; ang Diyos sa lupa ay masyadong karaniwan at hamak, at napaka-normal din. Wala Siyang di-pangkaraniwang isipan o hindi Siya nagsasagawa ng mga kilos na nakakagulat; gumagawa lamang Siya at nagsasalita sa isang napaka-normal at praktikal na paraan. Kahit hindi Siya nagsasalita sa pamamagitan ng kulog o nagpapatawag ng hangin at ulan, Siya talaga ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa langit, at Siya talaga ang Diyos na namumuhay sa piling ng mga tao. Hindi dapat ituring ng mga tao ang isang taong nagagawa nilang unawain at tumutugma sa kanilang sariling mga imahinasyon bilang Diyos, o dakilain ang isang tao, samantalang nakikita ang isang taong hindi nila matanggap at tiyak na hindi nila maisip na aba. Lahat ng ito ay nagmumula sa pagkasuwail ng mga tao; ito ang lahat ng pinagmumulan ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal
396. Ang susi sa pagpapasakop sa Diyos ay ang pagtanggap sa bagong liwanag, at ang magawang tanggapin ito at isagawa ito. Ito ang nag-iisang tunay na pagpapasakop. Yaong mga salat sa kaloobang manabik sa Diyos ay walang kakayahang sadyang magpasakop sa Kanya, at maaari lamang sumalungat sa Diyos bilang kinalabasan ng kasiyahan nila sa kasalukuyang kalagayan. Hindi kayang magpasakop ng tao sa Diyos dahil sinapian siya ng dumating na dati. Ang mga bagay na dumating na dati ay nagluwal ng kung ano-anong uri ng mga kuru-kuro at iba’t ibang imahinasyon tungkol sa Diyos sa mga tao, at ang mga ito ang naging wangis ng Diyos sa mga isip nila. Sa gayon, ang pinaniniwalaan nila ay ang sarili nilang mga kuru-kuro, at ang mga pamantayan ng sarili nilang guni-guni. Kung ikukumpara mo ang Diyos na gumagawa ng praktikal na gawain ngayon sa Diyos ng sarili mong guni-guni, nagmumula kay Satanas ang pananalig mo, at nadungisan ng mga sarili mong kagustuhan—hindi nais ng Diyos ang ganitong uri ng pananalig. Gaano man katayog ang mga kredensyal nila, at gaano man kalaki ang kanilang dedikasyon—kahit na naglaan na sila ng habambuhay na pagsisikap sa gawain Niya, at ginawang martir ang mga sarili nila—hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang sinumang may ganitong pananalig. Pinagkakaloob lamang Niya sa kanila ang maliit na biyaya at hinahayaan silang tamasahin ito nang maikling panahon. Ang ganitong mga tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan. Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob nila, at isa-isang ititiwalag ng Diyos ang bawat isa sa kanila. Bata man o matanda, yaong mga hindi nagpapasakop sa Diyos sa pananalig nila at mayroong mga maling intensiyon ay yaong mga sumasalungat at gumagambala, at walang alinlangang ititiwalag ng Diyos ang ganitong mga tao. Yaong mga taong wala ni katiting na pagpapasakop sa Diyos, na kinikilala lamang ang pangalan Niya, at mayroong kaunting muwang sa kabutihan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, subalit hindi sumasabay sa mga hakbang ng Banal na Espiritu, at hindi nagpapasakop sa kasalukuyang gawain at mga salita ng Banal na Espiritu—namumuhay ang ganitong mga tao sa gitna ng biyaya ng Diyos, at hindi Niya kakamtin o gagawing perpekto. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapasakop nila, sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagtamasa nila sa mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino sa mga buhay nila. Tanging sa pamamagitan ng ganitong pananalig maaaring magbago ang mga disposisyon ng mga tao, at saka lamang nila maaaring taglayin ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagiging hindi nalulugod sa pamumuhay sa gitna ng biyaya ng Diyos, ang aktibong pananabik at paghahanap sa katotohanan, at paghahangad na makamit ng Diyos—ito ang kahulugan ng sadyang pagpapasakop sa Diyos at ito ang mismong uri ng pananalig na nais Niya. Ang mga taong walang ibang ginagawa kundi tamasahin ang biyaya ng Diyos ay hindi maaaring gawing perpekto o mabago, at paimbabaw lahat ang pagpapasakop, pagkamaka-Diyos, pagmamahal, at pagtitiis nila. Hindi magagawang tunay na makilala ang Diyos ng yaong mga nagtatamasa lamang ng biyaya ng Diyos, at kahit makilala nila ang Diyos, paimbabaw lamang ang kaalaman nila, at sinasabi nila ang mga bagay na tulad ng “mahal ng Diyos ang tao,” o “mahabagin ang Diyos sa tao.” Hindi nito kinakatawan ang buhay ng tao, at hindi ipinapakitang tunay na nakikilala ng mga tao ang Diyos. Kung kapag pinipino sila ng mga salita ng Diyos, o dumarating sa kanila ang mga pagsubok Niya, ay hindi nagagawang magpasakop ng mga tao sa Diyos—kung, sa halip, ay nagiging mapagduda sila, at bumabagsak—hindi sila mapagpasakop ni katiting. Sa loob nila, maraming patakaran at paghihigpit tungkol sa pananalig sa Diyos, mga lumang karanasang bunga ng maraming taon ng pananalig, o ng iba’t ibang patakarang nakabatay sa Bibliya. Kaya bang magpasakop sa Diyos ng ganitong mga tao? Puspos ang mga taong ito ng mga pantaong bagay—paano sila makapagpapasakop sa Diyos? Ang “pagpapasakop” nila ay ayon sa pansarili nilang kagustuhan—nanaisin ba ng Diyos ang pagpapasakop na tulad nito? Hindi ito pagpapasakop sa Diyos, kundi pagkapit sa mga patakaran; ito ay pagpapalugod at pagpapahinahon sa kanilang mga sarili. Kung sinasabi mong pagpapasakop ito sa Diyos, hindi ka ba lumalapastangan laban sa Kanya?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Magpasakop sa Diyos
397. Lahat yaong mga hindi naghahangad ng pagpapasakop sa Diyos sa pananalig nila ay mga taong sumasalungat sa Diyos. Hinihiling ng Diyos na hanapin ng mga tao ang katotohanan, na mauhaw sila sa mga salita Niya, kainin at inumin ang mga salita Niya, at isagawa ang mga ito, lahat ito ay upang makamit nila ang pagpapasakop sa Diyos. Kung iyon ang tunay mong intensiyon, tiyak na itataas ka ng Diyos, at tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo. Ito ay hindi mapagdududahan at hindi mababago. Kung ang intensiyon mo ay hindi magpasakop sa Diyos, at mayroon kang ibang mga pakay, lahat ng sinasabi at ginagawa mo—maging ang mga panalangin mo sa harap ng Diyos, at higit pa nga rito, ang bawat kilos mo—ay magiging pagsalungat sa Kanya. Kahit na ang mga salita mo ay malumanay at ikaw ay banayad, kahit na ang bawat kilos at pagpapahayag mo ay tila wasto para sa iba, na para bang isa kang mapagpasakop na tao, pagdating sa mga intensiyon mo at sa mga pananaw mo tungkol sa pananalig sa Diyos, ang bawat kilos mo ay tutol sa Diyos, ito ay paggawa ng kasamaan. Ang mga taong lumilitaw bilang masusunurin tulad ng mga tupa, ngunit nagkikimkim ang mga puso ng masasamang intensiyon, ay mga lobong nakadamit ng pang-tupa. Tuwiran silang sumasalungat sa Diyos, at hindi ititira ng Diyos ang kahit isa sa kanila. Ibubunyag ng Banal na Espiritu ang bawat isa sa kanila at ipapakita sa lahat na yaong mga mapagkunwari ay tiyak na itataboy ng Banal na Espiritu. Huwag mag-alala: Hahatulan at lilipulin ng Diyos ang bawat isa sa kanila nang sunud-sunod.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Magpasakop sa Diyos
398. Sa pagsukat kung makakapagpasakop ba ang mga tao sa Diyos o hindi, ang susi ay kung mayroon sila o walang anumang labis-labis na pagnanais o lihim na motibo sa Kanya. Kung laging humihiling ang mga tao sa Diyos, pinatutunayan nito na hindi sila mapagpasakop sa Kanya. Anuman ang mangyari sa iyo, kung hindi mo ito tinatanggap mula sa Diyos, at hindi mo hinahanap ang katotohanan, at palagi kang nakikipagtalo para sa iyong sarili at palagi mong nadarama na ikaw lamang ang tama, at kung may kakayahan ka pa ngang pagdudahan na ang Diyos ang katotohanan at ang pagiging matuwid Niya, magkakaproblema ka. Ang mga gayong tao ang pinakamayabang at pinakamapaghimagsik sa Diyos. Ang mga taong palaging humihingi sa Diyos ay hindi tunay na nagpapasakop sa Kanya. Kung humihiling ka sa Diyos, pinatutunayan nito na sinusubukan mong makipagtawaran sa Diyos, na pinipili mo ang sarili mong kalooban, at kumikilos ka ayon dito. Dito, ipinagkakanulo mo ang Diyos, at wala kang pagpapasakop. Walang katwiran ang mismong paghingi sa Diyos; kung totoong naniniwala ka na Siya ang Diyos, hindi ka mangangahas na humiling sa Kanya, ni hindi mo mararamdamang kalipikado kang humingi sa Kanya, makatwiran man ang mga ito o hindi sa iyong palagay. Kung may totoo kang pananampalataya sa Diyos, at naniniwala na Siya ang Diyos, Siya lang ang sasambahin at sa Kanya ka lang magpapasakop, wala nang ibang pagpipilian pa. Hindi lamang gumagawa ng sarili nilang mga pagpili ang mga tao ngayon, hinihingi pa nilang kumilos ang Diyos alinsunod sa sarili nilang kagustuhan. Hindi lamang nila hindi pinipiling magpasakop sa Diyos, hinihingi pa nilang magpasakop sa kanila ang Diyos. Hindi ba’t napakawalang katwiran nito? Samakatwid, kung walang totoong pananalig sa loob-loob ng isang tao, at walang matibay na pananampalataya, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kapag nagagawa na ng mga taong bawasan ang mga hinihingi nila sa Diyos, mayroon na silang mas totoong pananalig at pagpapasakop, at normal na kung ihahambing ang kanilang katwiran. Madalas mangyari na kapag mas mahilig makipagtalo ang mga tao, at kapag mas marami silang pangangatwiran, mas mahirap silang pakitunguhan. Hindi lamang sila maraming hinihingi, kundi kung pagbibigyan mo sila, lalo pa silang hihingi. Kapag nasiyahan sila sa isang aspekto, hihingi pa sila sa isa pa. Kailangan silang masiyahan sa lahat ng aspekto, at kung hindi, magsisimula silang magreklamo, at itinuturing ang mga bagay-bagay na walang pag-asa at kumikilos sila nang padalos-dalos. Pagkatapos, nakadarama sila ng pagkakautang at pagsisisi, at nananangis sila ng mapapait na luha, at ibig nang mamatay. Ano ang silbi niyon? Hindi ba’t sila ay nagiging hindi makatwiran at walang patumanggang nakayayamot? Ang magkakasunod na problemang ito ay kailangang malutas mula sa ugat. Kung ikaw ay mayroong tiwaling disposisyon at hindi mo ito nilulutas, kung naghihintay ka hanggang sa malagay ka sa gusot o magdulot ka ng sakuna bago ito lutasin, paano mo mapupunan ang kawalan na ito? Hindi ba’t magiging para itong pagkandado sa pinto ng kuwadra matapos makatakas na ang kabayo? Samakatwid, upang lubusang malutas ang problema ng iyong tiwaling disposisyon, dapat mong hanapin ang katotohanan para malutas ito sa unang pagkakataong lumitaw ito. Dapat mong lutasin ang tiwaling disposisyon sa pag-usbong pa lamang nito, nang sa gayon ay matiyak na hindi ka makagagawa ng anumang mali at maiiwasan ang mga gusot sa hinaharap. Kung ang tiwaling disposisyon ay nag-uugat at nagiging kaisipan o pananaw ng isang tao, magagawa nitong diktahan ang tao na gumawa ng kasamaan. Samakatwid, ang pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili ay pangunahing tungkol sa pagtuklas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao, at mabilis na paghahanap sa katotohanan para malutas ang mga ito. Dapat mong malaman kung anong mga bagay ang nasa kalikasan mo, kung ano ang gusto mo, ano ang hinahangad mo, at ano ang gusto mong makamit. Dapat mong himayin ang mga bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos para makita kung ang mga ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, at sa paanong paraan walang-katotohanan ang mga ito. Kapag naunawaan mo na ang mga bagay na ito, dapat mong lutasin ang problema ng iyong hindi normal na katwiran, ibig sabihin, ang problema ng iyong hindi makatwiran at walang patumanggang panggugulo. Hindi lamang ito problema ng iyong tiwaling disposisyon, nauugnay rin ito sa iyong kawalan ng katwiran. Lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, ang mga taong nadadala ng pansariling interes ay hindi nagtataglay ng normal na katwiran. Isa itong sikolohikal na problema, at ito rin ang matinding kahinaan ng mga tao. Pakiramdam ng ilang tao ay mayroon silang partikular na kakayahan at ilang kaloob, at palagi nilang gustong maging mga lider at mamukod-tangi, kaya hinihiling nila sa Diyos na gamitin sila. Kung hindi sila ginagamit ng Diyos, sinasabi nila, “Paanong hindi ako tinitingnan ng Diyos nang may pabor? Diyos ko, kung gagamitin Mo po ako para makagawa ng isang mahalagang bagay, nangangako akong gugugol para sa Iyo!” Tama ba ang ganitong uri ng intensyon? Mabuting bagay ang gumugol para sa Diyos, ngunit mayroong mga motibasyon sa likod ng kagustuhan nilang gumugol para sa Diyos. Ang tunay na gustong-gusto nila ay katayuan, at ito ang pinagtutuunan nila. Kapag ang mga tao ay may kakayahang tunay na magpasakop, na sumusunod sa Diyos nang buong puso, ginagamit man sila o hindi ng Diyos, at gumugugol para sa Diyos mayroon man silang katayuan o wala, saka lang sila maituturing na nagtataglay ng katwiran at na mapagpasakop sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao Mula sa Diyos
399. Kapag nahaharap sa mga problema sa tunay na buhay, paano mo dapat alamin at unawain ang awtoridad ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? Kapag naharap ka sa ganitong mga problema at hindi mo alam kung paano unawain, harapin, at danasin ang mga ito, anong saloobin ang dapat mong taglayin upang ipakita na mayroon kang intensyon at pagnanais na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at ang realidad ng pagpapasakop na ito? Una, dapat mong matutunan ang maghintay; sunod, dapat mong matutunang maghanap; kasunod, dapat mong matutunang magpasakop. Ang “paghihintay” ay nangangahulugan na paghihintay sa panahon ng Diyos, paghihintay sa mga tao, pangyayari, at bagay na Kanyang isinaayos para sa iyo, paghihintay sa Kanyang mga layunin na unti-unting maibunyag sa iyo. Ang ibig sabihin ng “paghahanap” ay pagsusuri at pag-unawa sa masisidhing layunin ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na pinamatnugutan Niya, pag-unawa sa mga katotohanang nauugnay sa mga ito, pag-unawa sa dapat maisagawa ng tao at mga paraang dapat nilang sundin, pag-unawa sa mga resulta na nais na makamtan ng Diyos sa mga tao at sa mga katuparan na nais Niyang matamo sa kanila. Ang “pagpapasakop,” mangyari pa, ay tumutukoy sa pagtanggap sa mga tao, pangyayari, at bagay na pinamatnugutan ng Diyos, pagtanggap sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at, sa pamamagitan nito, ay maranasan kung paano may kataas-taasang kapangyarihan ang Lumikha sa kapalaran ng tao, kung paano Niya tinutustusan ang tao ng Kanyang buhay, kung paano Niya gawaan ng katotohanan ang tao. Lahat ng bagay sa ilalim ng mga pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay sumusunod sa natural na mga batas, at kung pagpasyahan mo na hayaan ang Diyos na magsaayos at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay para sa iyo, dapat mong matutuhan ang maghintay, dapat mong matutuhan ang maghanap, at dapat mong matutuhan ang magpasakop. Ito ang saloobin na dapat magkaroon ang bawat tao na nagnanais magpasakop sa awtoridad ng Diyos, at ito rin ang pinakapangunahing katangian na dapat taglayin ng bawat tao na nagnanais tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Upang magkaroon ng ganoong saloobin at para magkaroon ng ganoong katangian, dapat ay lalo kang magsikap. Saka ka lang makakapasok sa tunay na realidad.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
400. Noong gumawa si Noe ayon sa tagubilin ng Diyos, hindi niya alam kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi niya alam kung ano ang gustong maisakatuparan ng Diyos. Binigyan lang siya ng Diyos ng utos at binilinan siyang gumawa ng isang bagay, at nang walang gaanong paliwanag, nagpatuloy si Noe at ginawa ito. Hindi niya sinubukang alamin ang mga pagnanais ng Diyos nang palihim, ni hindi siya lumaban sa Diyos o nagpakita nang kawalang-katapatan. Humayo lamang siya at ginawa ito nang may malinis at simpleng puso. Anuman ang ipinagawa ng Diyos, ginawa niya, at ang pagpapasakop at pakikinig sa salita ng Diyos ang pananampalatayang naging pundasyon ng kanyang mga pagkilos. Ganito katapat at kasimple ang pagharap niya sa ipinagkatiwala ng Diyos. Ang kanyang diwa—ang diwa ng kanyang mga pagkilos ay pagpapasakop, hindi pagdadalawang-isip, hindi paglaban, at higit pa rito, hindi pag-iisip ng mga pansarili niyang kapakanan o pakinabang at kawalan. At higit pa, noong sinabi ng Diyos na gugunawin Niya ang mundo sa pamamagitan ng isang baha, hindi tinanong ni Noe kung kailan o kung anong mangyayari sa mga bagay-bagay, at tiyak na hindi tinanong ang Diyos kung paano Niya gugunawin ang mundo. Gumawa lang si Noe ayon sa tagubilin ng Diyos. Sa paano mang paraan nais ng Diyos na gawin ito at kung sa ano gawa ito, ginawa niya mismo ang hiningi ng Diyos at kaagad na sinimulan ang paggawa. Kumilos siya alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos nang may saloobing nagnanais na magbigay-kasiyahan sa Diyos. Ginagawa ba niya ito upang matulungan ang sarili niya na makaiwas sa sakuna? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos kung gaano pa katagal bago gunawin ang mundo? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos o alam ba niya kung gaano katagal gawin ang arka? Hindi rin niya alam iyon. Nagpasakop lamang siya, nakinig, at ginawa ang ipinag-uutos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
401. Sa kanyang pananampalataya sa Diyos, hinangad ni Pedro na bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hinangad na magpasakop sa lahat ng nagmula sa Diyos. Nagawa niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol, gayundin ang pagpipino, kapighatian, at pagkasalat sa kanyang buhay, habang hindi bumibigkas ng kahit isang reklamo. Wala sa mga ito ang maaaring magpabago sa kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Hindi ba ito ang sukdulang pagmamahal sa Diyos? Hindi ba ito ang katuparan ng tungkulin ng isang nilikha? Ito man ay sa pagkastigo, paghatol, o kapighatian, may kakayahan kang maging mapagpasakop hanggang kamatayan, at ito ang dapat makamit ng isang nilikha, ito ang kadalisayan ng pagmamahal sa Diyos. Kung makakamtan ng tao ang ganito, siya ay isang nilikhang pasok sa pamantayan, at wala nang ibang mas nagbibigay-kasiyahan sa mga layunin ng Lumikha. Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka nagpapasakop sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi natupad ang tungkulin ng isang nilikha, kundi ikokondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang magpasakop sa Diyos, at naghihimagsik sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang tungkol sa paggawa para sa Diyos, at hindi ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili; hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, hindi ka nagpapasakop o nagmamahal sa Lumikha, at ikaw ay isang taong likas na mapaghimagsik laban sa Diyos. Dahil sa mga dahilan na ito kaya ang gayong mga tao ay hindi nagugustuhan ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
402. Ang matunog na magpatotoo para sa Diyos, sa pangunahin, ay may kaugnayan sa kung mayroon o wala kang pagkaunawa sa praktikal na Diyos, at kung nagagawa mong magpasakop o hindi sa harap ng taong ito na hindi lamang karaniwan, kundi normal, at magpasakop kahit hanggang kamatayan. Kung ikaw, sa pamamagitan ng pagpapasakop na ito, ay tunay na nagpapatotoo para sa Diyos, ibig sabihin niyan ay naangkin ka ng Diyos. Kung makakapagpasakop ka hanggang kamatayan, at sa Kanyang harapan, hindi magrereklamo, hindi manghuhusga, hindi maninirang-puri, wala kang anumang mga kuru-kuro, at wala kang anumang mga lihim na motibo, sa ganitong paraan ay magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pagpapasakop sa harap ng isang karaniwang tao na hinahamak ng tao, at nagagawang magpasakop hanggang kamatayan nang walang anumang mga kuru-kuro—ito ay tunay na patotoo. Ang realidad na hinihingi ng Diyos na pasukin ng mga tao ay na nagagawa mong magpasakop sa Kanyang mga salita, isagawa ang mga ito, yumuko sa harap ng praktikal na Diyos at makilala ang sarili mong katiwalian, buksan ang iyong puso sa Kanyang harapan, at, sa bandang huli, makamit Niya sa pamamagitan ng mga salita Niyang ito. Nagtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos kapag nilulupig ka ng mga pagbigkas na ito at idinudulot na lubos kang magpasakop sa Kanya; sa pamamagitan nito, hinihiya Niya si Satanas at kinukumpleto ang Kanyang gawain. Kapag wala kang anumang mga kuru-kuro tungkol sa pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, kapag nakapanindigan ka sa pagsubok na ito—mahusay kang nagpatotoo rito. Kung dumating ang araw na magkaroon ka ng lubos na pagkilala sa praktikal na Diyos at kaya mong magpasakop hanggang kamatayan kagaya ni Pedro, makakamit ka ng Diyos at magagawa ka Niyang perpekto. Anumang ginagawa ng Diyos na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ay isang pagsubok para sa iyo. Kung ang gawain ng Diyos ay nakaayon sa iyong mga kuru-kuro, hindi ka na kailangang magdusa o mapino. Ito ay dahil sa ang Kanyang gawain ay napaka-praktikal at hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro kaya kailangan mong pakawalan ang mga kuru-kurong iyon. Kaya nga ito ay isang pagsubok para sa iyo. Dahil sa pagiging praktikal ng Diyos kaya lahat ng tao ay nasa gitna ng mga pagsubok; ang Kanyang gawain ay praktikal, hindi higit sa karaniwan. Sa pamamagitan ng lubos na pag-unawa sa Kanyang praktikal na mga salita at Kanyang praktikal na mga pagbigkas nang walang anumang mga kuru-kuro, at sa tunay na pagmamahal sa Kanya habang lalo pang nagiging praktikal ang Kanyang gawain, makakamit ka Niya. Ang grupo ng mga tao na makakamit ng Diyos ay yaong mga nakakikilala sa Diyos; ibig sabihin, yaong mga nakakaunawa sa Kanyang pagiging praktikal. Bukod pa riyan, sila yaong mga nagagawang magpasakop sa praktikal na gawain ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal
403. Bago pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, matutukoy kung parurusahan ba o gagantimpalaan ang bawat uri ng tao ayon sa kung hinangad ba nila ang katotohanan, kung kilala ba nila ang Diyos, at kung maaari ba silang magpasakop sa nakikitang Diyos. Hindi nagtataglay ng katotohanan yaong mga nagtatrabaho para sa nakikitang Diyos, subalit hindi Siya nakikilala o nagpapasakop sa Kanya. Mga taong gumagawa ng masama ang gayong mga tao, at walang alinlangang magiging mga pakay ng kaparusahan ang mga taong gumagawa ng masama; higit pa rito, parurusahan sila ayon sa kanilang masasamang gawa. Ang Diyos ay para sa mga tao na paniwalaan, at karapat-dapat din Siya sa kanilang pagpapasakop. Ang mga may pananalig lang sa malabo at di-nakikitang Diyos ay mga taong hindi nananampalataya sa Diyos at hindi magawang magpasakop sa Diyos. Kung hindi pa rin magagawang maniwala ng mga taong ito sa nakikitang Diyos sa oras na natapos ang gawain Niya ng panlulupig, at magpapatuloy sa paghihimagsik at paglaban sa nakikitang Diyos na nasa katawang-tao, walang alinlangan na itong “mga tagasunod ng malabong Diyos” na ito, sa huli, ay magiging mga pakay ng pagwasak. Katulad din ito ng ilan sa inyo—ang lahat ng kumikilala sa salita sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi maisagawa ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, ay ititiwalag at wawasakin sa huli. Bukod dito, lahat ng pasalitang kumikilala sa nakikitang Diyos at kumakain at umiinom ng katotohanang ipinapahayag Niya, pero naghahangad sa malabo at di-nakikitang Diyos, ay lalong magiging mga puntirya ng pagkawasak. Wala sa mga taong ito ang magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga na darating makaraang natapos na ang gawain ng Diyos, o makakaya ng isang tao na katulad ng gayong mga tao na manatili hanggang sa oras na iyon ng pamamahinga. Ang mga tao na sa mga demonyo ay hindi isinasagawa ang katotohanan; paglaban at paghihimagsik sa Diyos ang diwa nila, at wala silang bahagya mang layon na magpasakop sa Kanya. Wawasakin ang lahat ng gayong tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama