G. Tungkol sa Paano Isakatuparan nang Sapat ang Tungkulin ng Isang Tao

404. Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng tagubilin ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi para sa tagubilin ng Diyos at hindi para sa matuwid na kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa’y makakaramdam ng pagiging hindi karapat-dapat sa mga taong naging martir para sa tagubilin ng Diyos, at mas hindi karapat-dapat sa Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

405. Isang napakaseryosong bagay ang kung paano mo pinapahalagahan ang mga tagubilin ng Diyos! Kung hindi mo kayang kumpletuhin kung ano ang ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensya at dapat kang parusahan. Ito ay may basbas ng Langit at kinikilala ng lupa na dapat kumpletuhin ng mga tao ang anumang komisyon na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila; ito ang kanilang pinakamataas na responsibilidad, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga tagubilin ng Diyos, nagtataksil ka sa Kanya sa pinakamalalang paraan; sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Judas, at dapat na sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano titingnan ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila at, kahit papaano, dapat maunawaan na ang mga tagubiling ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan ay mga pagpupuri at natatanging pabor mula sa Diyos; ang mga ito ay mga pinakamaluwalhating bagay. Ang iba pang mga bagay ay maaari nang iwanan; kahit na kailangang isakripisyo ng isang tao ang kanyang sariling buhay, dapat pa rin niyang tuparin ang tagubilin ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

406. Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kundisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya niyang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail. Sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas nagagawa mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan kang matatanggap, at magiging mas totoo ang iyong pagpapahayag. Yaong mga gumagawa para matapos na lamang ang kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay aalisin sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi ginagawa ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Sila yaong mga nananatiling hindi nagbabago at isusumpa. Hindi lamang marumi ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

407. Dapat na gampanan ng mga nilikha ng Diyos ang kanilang tungkulin; namumuhay ka sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, tinatanggap mo ang lahat ng ipinagkakaloob ng Diyos, lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat mong tuparin ang iyong mga responsibilidad at obligasyon—ito ang iyong tungkulin. Sa ganito makikita na ang pagganap ng sangkatauhan sa tungkulin ng isang nilikha ng Diyos ay mas matuwid, maganda, at marangal kaysa anupamang nagawa habang namumuhay sa daigdig ng tao; walang anuman sa sangkatauhan ang mas makahulugan o karapat-dapat, at walang nagbibigay ng mas dakilang kahulugan at kahalagahan sa buhay ng isang nilikha ng Diyos kaysa sa pagganap sa tungkulin ng isang nilikha ng Diyos. Ang magampanan ang tungkulin ng isang nilikha ng Diyos—ang mabigyang-kaluguran ang Lumikha—ang pinakakamangha-manghang bagay sa sangkatauhan, at isang bagay na dapat na ipagdiwang ng sangkatauhan. Dapat na walang pasubaling tanggapin ng mga nilikha ng Diyos ang anumang ipinagkatiwala ng Lumikha sa kanila; para sa sangkatauhan, ito ay isang pinagpala at dakilang bagay, at para sa lahat ng sangkatauhang gumaganap sa tungkulin ng isang nilikha ng Diyos, wala nang mas kamangha-mangha o karapat-dapat na ipagbunyi—ito ay isang positibong bagay. At tungkol naman sa kung paano pinakikitunguhan ng Lumikha ang mga gumaganap sa tungkulin ng isang nilikha ng Diyos, at kung ano ang ipinapangako Niya sa kanila, ito ay paksang para sa Lumikha, at hindi mapakikialaman ng nilikhang sangkatauhan. Kung sasabihin ito nang deretsahan, nakasalalay ito sa Diyos; makukuha mo kung anuman ang ibibigay sa iyo ng Diyos, at kung wala Siyang ibinibigay sa iyo, wala kang dapat sabihin tungkol dito. Hindi transaksyon o kalakalan kapag ang isang nilikha ng Diyos ay tumatanggap ng tagubilin ng Diyos at nakikipagtulungan sa Lumikha upang magampanan ang kanyang tungkulin at magawa ang makakaya nila; hindi dapat magtangkang gumamit ng anumang pag-uugali o bagay ang mga nilikha ng Diyos upang gawing pamalit sa mga pagpapala o mga pangako mula sa Diyos. Bilang mga nilikha ng Diyos, tama at nararapat na tanggapin ninyo ang tungkulin at tagubilin kapag ipinagkakatiwala ang gawaing ito sa inyo ng Lumikha; walang kasangkot na transaksyon dito. Sa panig ng Lumikha, handa Siyang ipagkatiwala ang tagubiling ito sa bawat isa sa inyo; at sa panig ng nilikhang sangkatauhan, dapat na malugod na tanggapin ng mga tao ang tungkuling ito, tratuhin ito bilang obligasyon ng kanilang buhay, at bilang halagang dapat nilang isabuhay sa buhay na ito. Walang transaksyon dito, hindi ito pakikipagtumbasan, at lalong hindi kinasasangkutan ng anumang gantimpala o anumang uri ng interpretasyon. Hindi ito kalakalan, hindi pakikipagpalitan para sa halagang ibinabayad ng tao o paggawang inaambag nila kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin. Hindi iyon kailanman sinabi ng Diyos, at hindi dapat ganito ang pagkaunawa ng tao rito.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikaanim na Bahagi)

408. Kapag ang isang tao ay tumanggap ng mga ipinagkakatiwala sa kanila ng Diyos, may pamantayan ang Diyos sa paghusga kung ang mga pagkilos ng isang tao ay mabuti o masama at kung ang taong iyan ay sumunod, at kung ang taong iyan ay nakatupad sa kalooban ng Diyos at kung ang kanyang ginagawa ay nakaabot sa pamantayan. Ang mahalaga sa Diyos ay ang puso ng tao, hindi ang panlabas nilang mga ginagawa. Hindi ito isang kaso na dapat pagpalain ng Diyos ang isang tao basta gumagawa siya ng isang bagay, sa paanong paraan man nila ito ginawa. Ito ay isang maling pagkaunawa ng tao sa Diyos. Hindi lamang tumitingin ang Diyos sa huling resulta ng mga bagay, ngunit mas nagbibigay-diin sa kalagayan ng puso ng tao at sa saloobin ng tao habang nagaganap ang mga bagay, at tinitingnan Niya kung mayroong pagsunod, pagsasaalang-alang, at kagustuhang magbigay-saya sa Diyos sa kanilang puso.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

409. Anumang tungkulin ang iyong tinutupad, dapat mong palaging hangaring arukin ang kalooban ng Diyos at unawain kung ano ang Kanyang mga ipinagagawa sa iyong tungkulin; saka mo lamang maisasagawa ang mga bagay-bagay sa isang maprinsipyong paraan. Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka talaga maaaring sumunod sa iyong personal na mga kagustuhan, sa paggawa lamang ng anumang gusto mong gawin, anumang magpapasaya sa iyo at komportable kang gawin, o anumang makakaganda sa iyo. Kapag puwersahan mong iginiit ang iyong mga kagustuhan sa Diyos o isinasagawa ang iyong mga kagustuhan na parang ang mga ito ang katotohanan, sinusunod ang mga ito na parang mga katotohanang prinsipyo, kung gayon hindi iyan pagtupad sa iyong tungkulin at ang pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi maaalala ng Diyos. Hindi nauunawaan ng ibang tao ang katotohanan, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Sa tingin nila dahil ibinigay na nila ang kanilang buong puso at buong pagsisikap para rito, tinalikdan ang kanilang laman at nagdusa, dapat ay abot na sa pamantayan ang pagtupad nila ng kanilang mga tungkulin—ngunit bakit, kung gayon, palaging hindi nasisiyahan ang Diyos? Saan nagkamali ang mga taong ito? Ang pagkakamali nila ay na hindi nila hinahanap ang mga hinihingi ng Diyos, at sa halip ay kumikilos sila ayon sa mga sarili nilang ideya; itinuring nilang katotohanan ang mga sarili nilang hangarin, kagustuhan, at mga makasariling motibo, at itinuring nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang gustung-gusto ng Diyos, na para bang ang mga ito ang Kanyang mga pamantayan at hinihingi. Itinuring nilang katotohanan ang pinaniwalaan nilang tama, mabuti, at maganda; mali ito. Ang totoo, kahit maaaring iniisip minsan ng mga tao na tama ang isang bagay at na umaayon ito sa katotohanan, hindi ito agad nangangahulugan na umaayon ito sa kalooban ng Diyos. Habang mas iniisip ng mga tao na tama ang isang bagay, lalo dapat silang maging maingat at lalo nilang dapat hanapin ang katotohanan upang makita kung natutugunan ng iniisip nila ang mga hinihingi ng Diyos. Kung sumasalungat ito sa Kanyang mga hinihingi at sa Kanyang mga salita, mali ka na isiping tama ito, isa lamang itong kaisipan ng tao, at maaaring hindi umaayon sa katotohanan gaano mo man naiisip na tama ito. Ang pagtukoy mo ng tama at mali ay kailangang nakabatay sa mga salita ng Diyos lamang, at gaano mo man naiisip na tama ang isang bagay, kung hindi ito nakabatay sa mga salita ng Diyos, kailangan mo itong iwaksi. Ano ang tungkulin? Ito ay isang tagubiling ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao. Kaya paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin? Sa pagkilos alinsunod sa mga hinihiling at pamantayan ng Diyos, at sa pagbatay ng iyong pag-uugali sa mga katotohanang prinsipyo sa halip na sa mga pansariling hangarin ng tao. Sa ganitong paraan, aayon sa pamantayan ang pagtupad mo sa iyong mga tungkulin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Magagampanan nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin

410. Para sa ilang tao, anuman ang isyung maaari nilang kaharapin sa pagganap sa kanilang tungkulin, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at palagi silang kumikilos ayon sa kanilang sariling mga saloobin, kuru-kuro, imahinasyon, at hangarin. Palagi nilang binibigyang-kasiyahan ang sarili nilang mga makasariling hangarin, at palaging kontrolado ng kanilang mga tiwaling disposisyon ang kanilang mga kilos. Bagama’t maaari nilang tapusin ang mga tungkuling nakatalaga sa kanila, wala silang nakakamit na anumang katotohanan. Kaya, saan umaasa ang mga taong ito kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin? Hindi sila umaasa sa katotohanan ni sa Diyos. Ang kapirasong katotohanang iyon na nauunawaan nila ay hindi pa nangingibabaw sa kanilang puso; umaasa sila sa sarili nilang mga kaloob at kakayahan, sa anumang kaalamang natamo nila, at sa kanilang mga talento, gayundin sa kanilang sariling pagpupursigi o mabubuting layon, para makumpleto ang mga tungkuling ito. Maayos ba itong pagganap ng kanilang tungkulin? Kasiya-siya ba itong pagganap ng kanilang tungkulin? Bagama’t kung minsan ay maaari kang umasa sa iyong pagiging natural, imahinasyon, mga kuru-kuro, kaalaman, at natutuhan sa pagtupad sa iyong tungkulin, walang lumilitaw na mga isyu tungkol sa prinsipyo sa ilan sa mga bagay na ginagawa mo. Sa unang tingin, mukhang hindi ka pa tumatahak sa maling landas, ngunit may isang bagay na hindi maaaring palampasin: Sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, kung hindi nagbabago ang iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, at personal na hangarin kailanman at hindi napapalitan ng katotohanan kailanman, at kung ang iyong mga kilos at gawa ay hindi isinasakatuparan alinsunod sa katotohanang prinsipyo, ano ang huling kalalabasan nito? Magiging tagasilbi ka. Ito mismo ang nakasulat sa Biblia: “Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, Kailanma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:22–23). Bakit tinatawag ng Diyos ang mga taong ito na nagsusumikap at naglilingkod na, “kayong manggagawa ng katampalasanan”? May isang punto tayong matitiyak, at iyon ay na anumang mga tungkulin o gawain ang ginagawa ng mga taong ito, ang kanilang mga motibo, pampasigla, layon, at saloobin ay nagmumulang lahat sa kanilang makasariling mga hangarin, na lubos na nakabatay sa sarili nilang mga ideya at personal na interes, at ang kanilang mga konsiderasyon at plano ay ganap na nakabatay sa kanilang reputasyon, katayuan, kapalaluan, at mga inaasam sa hinaharap. Sa kanilang kaibuturan, wala silang taglay na katotohanan, ni hindi sila kumikilos alinsunod sa katotohanang prinsipyo. Sa gayon, ano ang mahalagang hanapin ninyo ngayon? (Dapat nating hanapin ang katotohanan, at gampanan ang ating mga tungkulin alinsunod sa kalooban at mga hinihiling ng Diyos.) Ano ang partikular na dapat mong gawin kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin alinsunod sa mga hinihiling ng Diyos? Pagdating sa iyong mga layon at ideya kapag gumagawa ng isang bagay, kailangan mong matutuhan kung paano mahiwatigan kung umaayon ang mga ito sa katotohanan o hindi, gayundin kung ang iyong mga layon at ideya ay nakatuon sa pagtupad mo sa iyong makasariling mga hangarin o sa mga interes ng tahanan ng Diyos. Kung umaayon ang iyong mga layon at ideya sa katotohanan, magagawa mo ang iyong tungkulin ayon sa iyong iniisip; gayunman, kung hindi umaayon ang mga ito sa katotohanan, kailangan mong pumihit kaagad at iwanan ang landas na iyon. Hindi tama ang landas na iyon, at hindi ka maaaring magsagawa sa gayong paraan; kung patuloy mong tatahakin ang landas na iyon, makakagawa ka ng kasamaan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

411. Kapag tinutupad ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang pagganap mo sa iyong tungkulin ay abot sa pamantayan, kung ginagawa mo lamang ang mga iyon nang paimbabaw o hindi, kung nasubukan mo nang iwasan ang iyong mga responsibilidad, at kung may anumang mga problema sa iyong pag-uugali at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagmuni-muni ka na at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo sa iyong tungkulin. Anuman ang maranasan mo habang ginagawa mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang pakiramdam matapos kang mapakitunguhan—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang kalooban ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas sa pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa pagtupad sa iyong tungkulin, kailangan ay huwag kang paapekto sa iyong pakiramdam. Gaano man ka-negatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan sa lahat ng iyong ginagawa, nang may ganap na kahigpitan, at pagsunod sa mga prinsipyo. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable at bumabalikat ng pasanin; magiging isa kang tunay na mabuting tao na talagang tumutupad sa iyong mga tungkulin nang abot sa pamantayan at lubos na isinasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag tumutupad sa kanilang mga tungkulin, at masasabing matapat sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magtiyaga sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring makatupad ng kanilang mga tungkulin na abot sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay tumutupad na maigi sa kanilang mga tungkulin kapag maganda ang pakiramdam nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang paimbabaw, hindi sila arogante at hindi nagpapasikat nang may kayabangan para gumanda ang reputasyon nila sa iba. Gayunpaman, kapag masama ang pakiramdam nila, tinatapos nila ang kanilang pang-araw-araw na mga gawain nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumagambala sa kanila habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang manahimik sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t tinutulutan ako ng Diyos na patuloy na mabuhay, determinado akong gawin ang lahat para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawa’t araw na tinutulutan akong mabuhay ay isang araw na magtatrabaho ako nang husto sa pagganap sa aking tungkulin nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagka’t ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi kontrolado ng anumang pakiramdam o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong matapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang pagpasok sa buhay at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakapraktikal at tunay na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin

412. Anuman ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kailangan mo lamang pagsikapan ito nang buo mong lakas, at umaasa ako na makakapunta ka sa harapan ng Diyos at makapagbibigay sa Kanya ng iyong pinakamasidhing debosyon sa katapusan. Kung makikita mo ang nasisiyahang ngiti ng Diyos sa Kanyang trono, kung ito man ay ang oras ng iyong kamatayan, dapat mong makayang tumawa at ngumiti habang ipinipikit ang iyong mga mata. Dapat mong gawin ang iyong huling tungkulin sa Diyos sa iyong panahon sa lupa. Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa katapusan, at ubusin ang lahat ng iyong lakas para sa Kanya. Ano ang maaaring gawin ng isang nilalang para sa Diyos? Dapat mong ibigay samakatuwid ang iyong sarili sa Diyos, nang mas maaga sa halip na mas huli, para maiwaksi ka Niya sa paraang nais Niya. Hangga’t napapasaya at nabibigyang-kaluguran nito ang Diyos, kung gayon ay hayaan Siyang gawin kung ano ang ninanais Niyang gawin sa iyo. Ano ang karapatan ng tao na bumigkas ng mga salita ng pagdaing?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 41

413. Ngayon, kung ano ang kinakailangan sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gampanan man lamang ang inyong tungkulin, o magawa ito nang mainam, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t sinusuyo ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at mga posibilidad? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na nagawa ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging pursigido sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang katapatan, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang katapatan sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng kapahamakan? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, hindi pa rin magampanan ng tao nang masigasig ang kanyang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga kinakailangan Niya ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

414. Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa totoo lang, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa kalooban ng tao, na ibig sabihin ay, yaong posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Ang mga depekto ng tao sa kanyang paglilingkod ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapailalim niya sa paghatol; hindi ito nakapipigil o nakakaapekto sa tungkulin ng tao. Yaong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga sagabal sa kanilang paglilingkod ang pinakamatinding karuwagan sa lahat. Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay nagbibiru-biruan at gumagawa lamang para matapos na, naiwala na nila ang tungkuling dapat taglayin ng isang nilalang. Ang gayong mga tao ay kilala bilang “mga walang-kabuluhan”; sila ay mga walang-silbing yagit. Paano matatawag nang wasto na mga nilalang ang gayong mga tao? Hindi ba mga tiwali silang nilalang na maningning sa labas ngunit bulok sa loob? Kung tinatawag ng isang tao ang kanyang sarili na Diyos subalit hindi niya magawang ipahayag ang katauhan ng pagka-Diyos, gawin ang gawain ng Diyos Mismo, o katawanin ang Diyos, walang-dudang hindi siya Diyos, sapagkat wala siyang diwa ng Diyos, at yaong likas na nakakamit ng Diyos ay hindi umiiral sa kanyang kalooban. Kung mawala sa tao ang likas na makakamit niya, hindi na siya maituturing na tao, at hindi siya karapat-dapat na tumayo bilang isang nilalang o humarap sa Diyos at paglingkuran Siya. Bukod pa riyan, hindi siya karapat-dapat na tumanggap ng biyaya ng Diyos o mabantayan, maprotektahan, at magawang perpekto ng Diyos. Maraming hindi na pinagtiwalaan ng Diyos ang tuluyan nang nawalan ng biyaya ng Diyos. Hindi lamang nila hindi kinasusuklaman ang kanilang mga pagkakamali, kundi tahasan nilang ipinalalaganap ang ideya na ang daan ng Diyos ay mali, at yaong mga suwail ay ikinakaila pa ang pag-iral ng Diyos. Paano magkakaroon ng karapatan ang gayong mga tao, na nagtataglay ng gayong pagkasuwail, na matamasa ang biyaya ng Diyos? Yaong mga hindi gumagawa ng kanilang tungkulin ay napakasuwail sa Diyos, at malaki ang pagkakautang sa Kanya, subalit tumatalikod sila at ipinangangalandakan na mali ang Diyos. Paano magiging karapat-dapat ang gayong uri ng tao na magawang perpekto? Hindi ba sa kanila magsisimula ang pag-aalis at pagpaparusa? Ang mga taong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin sa harap ng Diyos ay nagkasala na ng pinaka-kahindik-hindik na krimen, kung saan kahit kamatayan ay hindi sapat na kaparusahan, subalit may gana pa silang makipagtalo sa Diyos at makipagtagisan sa Kanya. Ano ang halaga ng gawing perpekto ang gayong mga tao? Kung nabibigo ang mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin, dapat silang surutin ng kanilang budhi at makadama ng pagkakautang; dapat nilang kasuklaman ang kanilang kahinaan at kawalang-silbi, ang kanilang pagkasuwail at pagkatiwali, at bukod pa riyan, dapat nilang ibigay ang kanilang buhay sa Diyos. Saka lamang sila magiging mga nilalang na tunay na nagmamahal sa Diyos, at ang gayong mga tao lamang ang karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, at magawa Niyang perpekto. At paano naman ang nakararami sa inyo? Paano ninyo tinatrato ang Diyos na namumuhay sa piling ninyo? Paano ninyo nagampanan ang inyong tungkulin sa Kanyang harapan? Nagawa ba ninyo ang lahat ng ipinagawa sa inyo, kahit na ang kapalit nito ay ang sarili ninyong buhay? Ano ang inyong naisakripisyo? Hindi ba marami kayong natanggap mula sa Akin? Nakakahiwatig ba kayo? Gaano kayo katapat sa Akin? Paano ninyo Ako napaglingkuran? At paano na ang lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo at nagawa para sa inyo? Nasuri na ba ninyo ang lahat ng ito? Nahusgahan na ba ninyong lahat at naikumpara ito sa kakatiting na konsensya sa inyong kalooban? Sino ang magiging karapat-dapat sa inyong mga salita at pagkilos? Karapat-dapat kaya ang napakaliit na sakripisyo ninyo sa lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo? Wala Akong ibang magagawa at buong-puso na Akong naging tapat sa inyo, subalit nagkikimkim kayo ng masasamang layon at wala kayong interes sa Akin. Iyan ang lawak ng inyong tungkulin, ng inyong tanging tungkulin. Hindi ba ganito? Hindi ba ninyo alam na lubos kayong bigong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang? Paano kayo maituturing bilang isang nilalang? Hindi ba malinaw sa inyo ang inyong ipinapahayag at isinasabuhay? Nabigo kayong tuparin ang inyong tungkulin, ngunit hinahangad ninyong matamo ang pagpaparaya at saganang biyaya ng Diyos. Ang gayong biyaya ay hindi naihanda para sa mga walang-silbi at hamak na katulad ninyo, kundi para sa mga yaong walang hinihinging kapalit at malugod na nagsasakripisyo. Ang mga taong katulad ninyo, na mga walang kabuluhan, ay lubos na hindi karapat-dapat na matamasa ang biyaya ng langit. Hirap at walang-katapusang kaparusahan lamang ang makakasama ninyo sa araw-araw! Kung hindi ninyo kayang maging tapat sa Akin, ang inyong kapalaran ay magiging isang pagdurusa. Kung hindi ninyo kayang managot sa Aking mga salita at Aking gawain, ang kahihinatnan ninyo ay isang kaparusahan. Lahat ng biyaya, pagpapala, at kamangha-manghang buhay sa kaharian ay hindi magkakaroon ng kinalaman sa inyo. Ito ang katapusang nararapat na mapasainyo at ang bunga ng inyong sariling kagagawan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Sinundan: F. Tungkol sa Kung Paano Isagawa ang Pagsunod sa Diyos

Sumunod: H. Tungkol sa Kung Paano Maabot ang Pagkatakot sa Diyos at Paglayo sa Kasamaan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito