Mga Salita sa Kung Paano Danasin ang mga Pagkabigo, Pagbagsak, Pagsubok, at Pagpipino
Sipi 59
Sa kanilang pananalig sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang mithiin sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong hangarin at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang mga aspeto na hindi ka nadalisay at nagpakita ka ng katiwalian, ito ang mga aspeto kung saan dapat kang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay para maisuko ang iyong mga pakana at mga ninanasa at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatuwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang pagpipigil ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspeto, ang mga tao ay napipigilan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspeto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanasa at hinihingi, ito ang mga aspeto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng masasakit na pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Magiging imposible iyan!
Sipi 60
Nakaranas ang ilang tao ng ilang kabiguan noon, gaya ng pagkatanggal dahil sa hindi paggawa ng anumang totoong gawain bilang isang lider o dahil sa pag-iimbot sa mga benepisyo ng katayuan. Pagkatapos matanggal nang ilang ulit, ang ilan sa kanila ay sumailalim nga sa bahagyang tunay na pagbabago, kaya ang pagkatanggal ba ay isang mabuting bagay o isang masamang bagay para sa mga tao? (Ito ay isang mabuting bagay.) Noong una silang matanggal, ang pakiramdam ng mga tao ay pinagsasakluban sila ng langit at lupa. Para bang basta na lang nadurog ang kanilang puso. Hindi na nila masuportahan ang kanilang sarili at hindi nila alam kung aling direksyon ang tutunguhin. Ngunit pagkatapos ng karanasang ito, iniisip nila, “Hindi naman iyon gayon kalaking isyu. Bakit napakaliit ng tayog ko dati? Bakit para akong isang musmos?” Ito ay nagpapatunay na nagkaroon sila ng pag-usad sa buhay, at na naunawaan nila nang bahagya ang mga layunin ng Diyos, ang katotohanan, at ang layunin ng pagliligtas ng Diyos sa tao. Ito ang proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos. Dapat mong aminin at tanggapin ang mga pamamaraang ito na ginagamit ng Diyos sa Kanyang gawain, ibig sabihin, ang palaging pagpupungos sa iyo, o ang paghatol sa iyo, na sinasabing wala kang pag-asa, sinasabing hindi ka isang taong maliligtas, at kinokondena at isinusumpa ka pa. Maaaring maging negatibo ang maging pakiramdam mo, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan at sa pagninilay-nilay sa iyong sarili at pagkilala sa iyong sarili, hindi magtatagal ay magagawa mong makaahon, at sumunod sa Diyos at gampanan ang mga tungkulin mo nang normal. Ito ang ibig sabihin ng lumago sa buhay. Kaya, ang pagdanas ba ng mas maraming pagkatanggal ay mabuti o masama? Tama ba ang pamamaraang ito na ginagamit ng Diyos sa Kanyang gawain? (Tama ito.) Gayunman, minsan ay hindi ito kinikilala ng mga tao, at hindi nila ito matanggap. Partikular na noong una nilang maranasang matanggal, pakiramdam nila ay hindi patas ang pagtrato sa kanila, palagi silang nangangatwiran sa Diyos at nagrereklamo laban sa Diyos, hindi nila magawang mapagtagumpayan ang balakid na ito. Bakit hindi nila ito mapagtagumpayan? Ito ba ay dahil naghahanap sila ng sigalot laban sa Diyos at sa katotohanan? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi nila alam kung paano pagninilay-nilayan ang kanilang sarili, at hindi nila hinahanap ang mga problema sa kanilang sarili. Palagi silang tumatanggi na sumunod sa kanilang puso, at kapag sila ay tinanggal, nagsisimula silang hamunin ang Diyos. Hindi nila matanggap ang katunayan ng pagkatanggal sa kanila at sila ay napupuno ng sama ng loob. Sa oras na ito, ang mga tiwaling disposisyon nila ay napakalala, ngunit kapag binalikan nila ang bagay na ito kinalaunan, makikita nilang tama lang sa kanila ang matanggal—lumabas na ito ay isang mabuting bagay, na nagbigay sa kanila ng kakayahang makausad sa buhay. Kapag sila ay naharap sa pagkatanggal muli sa hinaharap, hahamunin pa rin ba nila itong muli sa ganitong paraan? (Paunti nang paunti sa bawat pagkakataon.) Normal na ito ay bumuti nang paunti-unti. Kung walang nagbabago, ito ay nagpapatunay na hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at na sila ay mga hindi mananampalataya. Pagkatapos sila ay lubos na nabubunyag at itinitiwalag, at walang paraan upang magtamo ng kaligtasan.
Ang mga kabiguan, pagkadapa, at pagkatanggal ay mga bagay na dapat maranasan ng lahat ng tao sa proseso ng pagtatamo ng kaligtasan at ng pagpeperpekto, kaya huwag mong gawing isang malaking usapin ang mga ito. Kapag nakakakita ka ng mga taong tinanggal na nagdurusa at nagiging negatibo, huwag mo silang gawing katatawanan, dahil balang araw ay maaaring matanggal ka, at maging mas masahol pa kaysa sa kanila. Kung isang araw ay maharap ka sa pagkatanggal, magiging negatibo ka ba at buong pait na luluha? Magrereklamo ka ba? Gugustuhin mo bang isuko ang iyong pananampalataya? Nakadepende ito sa kung tinanggap mo ba ang katotohanan sa panahong nanalig ka sa Diyos, kung gaano karaming katotohanan ang talagang naunawaan mo, at kung ang mga katotohanang iniisip mong nauunawaan mo ay ang iyong realidad. Kung ang mga katotohanang ito ay naging realidad mo, kung gayon ay magkakaroon ka ng tayog upang mapagtagumpayan mo ang pagsubok at pagpipinong ito; kung hindi mo tinataglay ang katotohanang realidad, ang pagkakatanggal na ito ay magiging isang sakuna para sa iyo, at kung ito ay magwawakas nang hindi maganda, ikaw ay malulugmok at hindi mo magagawang bumangon. Ang ilang tao ay mayroong kaunting konsensiya at sinasabi nila, “Natamasa ko nang labis ang biyaya ng Diyos, napakaraming taon ko nang nakikinig sa mga sermon, at binigyan ako ng Diyos ng labis na pagmamahal. Hindi ko ito makakalimutan. Kahit papaano ay dapat kong suklian ang pagmamahal ng Diyos.” Pagkatapos ay ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang negatibo at pasibo, hindi nagsisikap tungo sa katotohanan, nang walang anumang buhay pagpasok. Kung mapanghahawakan mo ang tungkulin mo, maituturing kang mayroong kaunting konsensiya; ito ang pinakamaliit na dapat mong maisakatuparan. Ngunit kung palagi kang pabasta-basta sa tungkulin mo, hindi sumusunod sa mga prinsipyo, at wala kang buhay pagpasok, at hindi nakakakuha ng anumang resulta sa tungkulin mo, kung gayon, ito ba ay paggampan sa tungkulin mo? Kung palagi mong ginagampanan ang tungkulin mo sa pabasta-bastang pamamaraan, magagawa mo bang makapanindigan sa mga sakuna? Matitiyak mo bang hindi mo pagtataksilan ang Diyos? Kung magkagayon, upang magampanan mo ang tungkulin mo, dapat na kahit paano ay mayroon kang konsensiya at katwiran; matatamo lamang ang mga tunay na resulta sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin nang tunay na nakaalinsunod sa konsensiya at katwiran ng isang tao. Ito ang pinakamababang pamantayan. Kung hindi mo man lang maabot ang pamantayang ito, ikaw ay nagiging pabasta-basta kung gayon, nagagawa mong linlangin at pagtaksilan ang Diyos, at ni hindi sapat ang pagtatrabaho mo. Kahit na hindi mo iniiwan ang sambahayan ng Diyos, matagal ka nang itiniwalag ng Diyos. Ang gayong tao ay hindi maililigtas. Ito ay dulot ng kawalan ng konsensiya at katwiran at mula sa paulit-ulit na pagganap sa tungkulin ng isang tao sa pabasta-bastang pamamaraan. Ang mga paltos sa paa mo ay dulot ng landas na nilakaran mo at hindi mo ito maisisisi sa iba. Kung, sa huli, ikaw ay hindi naligtas at sa halip ay isinumpa, at natulad ka kay Pablo, kung gayon ay hindi mo maaaring sisihin ang sino pa man. Iyan ay ang sarili mong landas at iyan ang pinili mo. Samakatuwid, ang susi sa kung maaari bang maligtas ang mga tao o hindi ay pangunahing nakadepende sa kung may konsensiya at katwiran ba sila. Kung napanghahawakan ng mga tao ang diwang ito, mayroon silang konsensiya at katwiran. Ang gayong mga tao ay may pag-asang maligtas. Kung wala sila nito, ititiwalag sila. Ano ang limitasyon ng kung anong katanggap-tanggap sa inyo? Sabi mo, “Kahit bugbugin at pagalitan ako ng Diyos, at itakwil ako, at hindi ako ililigtas, hindi ako magrereklamo. Magiging tulad ako ng isang baka o kabayo: patuloy akong magtatrabaho hanggang sa huli, susuklian ko ang pagmamahal ng Diyos.” Parang magandang pakinggan ang lahat ng iyan, ngunit talaga bang kaya mong makamtan ito? Kung talagang taglay mo ang gayong karakter at pagpapasya, malinaw Kong sinasabi sa iyo: May pag-asa kang maligtas. Kung wala ka ng ganitong karakter, kung wala kang ganitong konsensiya at katwiran, kahit na gusto mong magtrabaho, hindi ka makapaninindigan hanggang sa pinakahuli. Alam mo ba kung paano ka pakikitunguhan ng Diyos? Hindi mo alam. Alam mo ba kung paano ka susubukin ng Diyos? Hindi mo rin ito alam. Kung wala kang pamantayan ng konsensiya at katwiran sa iyong pag-asal, kung hindi mo taglay ang tamang pamamaraan ng paghahangad, at ang iyong mga pananaw sa buhay at mga pinapahalagahan ay hindi nakaayon sa katotohanan, kapag nakaranas ka ng mga dagok at kabiguan, o mga pagsubok at mga pagpipino, hindi mo magagawang manindigan—kaya manganganib ka. Ano ang papel na ginagampanan ng konsensiya at katwiran? Kung sasabihin mong, “Narinig ko na ang napakaraming sermon, at nauunawaan ko talaga ang ilang katotohanan. Ngunit hindi ko pa ito naisasagawa, hindi ko pa napalugod ang Diyos, hindi ako ineendorso ng Diyos—at kung pababayaan ako ng Diyos sa huli, at ayaw na sa akin, ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Kahit parusahan at sumpain ako ng Diyos, hindi ko tatalikuran ang Diyos. Saanman ako magtungo, ako ay isang nilikha ng Diyos, mananalig ako sa Diyos magpakailanman, at kahit kailanganin kong magtrabaho na parang baka o kabayo, hindi ako kailanman titigil sa pagsunod sa Diyos, at wala akong pakialam kung ano ang aking kalalabasan”—kung talagang mayroon kang ganitong kapasyahan at ganitong konsensiya at katwiran, kung gayon ay magagawa mong manindigan. Kung wala kayong ganitong pasya, at hindi pa ninyo napag-isipan kailanman ang mga bagay na ito, walang duda na may problema sa karakter ninyo, sa inyong konsensiya at katwiran. Iyon ay dahil, sa puso ninyo, hindi ninyo ginusto kailanman na tumupad ng tungkulin sa Diyos. Ang tanging ginagawa ninyo ay humingi ng mga pagpapala mula sa Diyos. Palagi ninyong kinakalkula, sa inyong isipan, kung anong mga pagpapala ang matatanggap ninyo sa pagsisikap o pagdanas ng paghihirap sa sambahayan ng Diyos. Kung ang tanging ginagawa mo ay kalkulahin ang mga bagay na ito, mahihirapan ka nang husto na manindigan. Maliligtas ka man o hindi ay depende lang sa kung mayroon ka bang konsensiya at katwiran o wala. Kung wala kang konsensiya at katwiran, hindi ka nararapat na iligtas, sapagkat hindi inililigtas ng Diyos ang mga demonyo at hayop. Kung pinipili mong tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at tumatahak sa landas ni Pedro, bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu at gagabayan ka sa pag-unawa sa katotohanan, at lilikha ng mga sitwasyon para sa iyo na magiging dahilan para makaranas ka ng maraming pagsubok at mga pagpipino upang maging perpekto. Kung hindi mo pipiliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kundi tumatahak ka sa landas ni Pablo na anticristo, ikinalulungkot Ko—susubukin at susuriin ka pa rin ng Diyos. Ngunit hindi maitatanggi na hindi mo matatagalan ang pagsusuri ng Diyos; kapag may nangyari sa iyo, magrereklamo ka tungkol sa Diyos, at kapag naharap ka sa mga pagsubok, tatalikdan mo ang Diyos. Sa sandaling iyon ay mawawalan ng silbi ang iyong konsensiya at katwiran, at ititiwalag ka. Hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong walang konsensiya at katwiran; ito ang pinakamababang pamantayan.
Dapat mong maabot kahit paano ang pamantayan ng konsensiya at katwiran. Ibig sabihin, kung ayaw na ng Diyos sa iyo, paano mo Siya dapat na ituring? Dapat mong sabihin, “Ibinigay ng Diyos sa akin ang hiningang ito. Pinili ako ng Diyos. Ngayon ay nakilala ko ang Lumikha at naunawaan ang napakaraming katotohanan, ngunit hindi ko naisasagawa ang mga ito. Nasa aking kalikasan ang ayawan ang katotohanan, at wala akong konsensiya. Ngunit kung maisasagawa ko man o hindi ang katotohanan sa hinaharap o kung ako ay maliligtas, palagi kong kikilalanin ang Diyos at na ang Lumikha ay matuwid. Hindi mababago ang katotohanang ito. Hindi dapat huminto ang isang tao sa pagkilala sa Diyos at sa Lumikha dahil lamang wala na siyang pag-asang maligtas o na wala na siyang kahihinatnan o patutunguhan. Ito ay isang mapanghimagsik na kaisipan. Kung mag-iisip ako sa ganitong paraan, dapat akong sumpain. Anuman ang ginagawa ng Diyos, dapat magpasakop ang isang tao; ito ang ibig sabihin ng magkaroon ng katwiran. Ang tayog ko ay napakaliit upang magpasakop, at dapat akong parusahan kung maghihimagsik ako laban sa Diyos o pagtataksilan ko ang Diyos. Gayunman, kahit paano pa ako tratuhin ng Diyos, ang determinasyon kong sumunod sa Diyos ay hindi magbabago. Ako ay palaging magiging isang nilikha ng Diyos. Tanggapin man ako ng Diyos o hindi, handa akong maging isang kasangkapan, isang tagapagserbisyo, at mapaghahambingan sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Dapat taglayin ko ang determinasyong ito.” Hindi mahalaga kung taglay mo man ang kaisipang ito ngayon, kung nag-isip ka man sa ganitong paraan kailanman, o kung may ganito ka mang determinasyon, ano’t anuman ay dapat mong taglayin ang katwirang ito. Kung hindi mo taglay ang katwirang ito o ang ganitong uri ng pagkatao, kung gayon, ang kaligtasan para sa iyo ay isa lamang salitang walang laman. Hindi ba’t totoo ito? Totoo nga ito. Nasabi na sa iyo ang pinakamababang pamantayan. Kapag nahaharap ka sa mga problema, dapat mong higit na pag-isipan ang tungkol sa aspetong ito. Ito ay mabuti para sa iyo at isang paraan upang protektahan ang sarili mo. Kung hindi mo talaga taglay ang aspetong ito ng pagkatao, kung gayon, ikaw ay nasa malaking panganib. Dapat kang manalangin, “Diyos ko, hindi Kita itinuring kailanman bilang Diyos. Itinuring lang Kita na parang hangin, na parang isang bagay na malabo at hindi nakikita. Sa aking pagharap sa isyung ito ngayon, pakiramdam ko ay itiniwalag ako at wala akong mabuting destinasyon. Paano Mo man itakda ang aking kahihinatnan, handa akong magpasakop sa Iyo. Dapat akong sumunod sa Iyo at hindi Kita maaaring iwan. Ang mga nang-iiwan sa Iyo at namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay hindi tao. Sila ay mga diyablo. Ayaw kong maging isang diyablo. Nais kong maging tao. Nais kong sumunod sa Diyos, hindi kay Satanas.” Kung kaya mong manalangin para sa bagay na ito araw-araw at higit na umusad, ang puso mo ay liliwanag nang liliwanag, at magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Kapag nahaharap sa mga paghihirap, kung ang isang tao ay mayroong mapanghimagsik na disposisyon, kung gayon, ang puso niya ay nagiging mapagmatigas, at hindi siya handang magsikap tungo sa katotohanan. Kahit makagawa siya ng isang pagkakamali, wala siyang pakialam. Ginagawa niya anuman ang gusto niya. Nagsisimula siyang maging sutil at walang pakundangan at ayaw na niyang manalangin. Anong dapat gawin sa puntong ito? Mayroong isang pinakabatayang prinsipyo na makakapagprotekta sa iyo. Kapag ikaw ay napakanegatibo at mahina, kung may mga salita sa puso mo na nagrerebelde sa Diyos, lumalaban sa Diyos, lumalapastangan sa Diyos, o humuhusga sa Diyos, huwag mong ibulalas ang mga ito, ni huwag kang gagawa ng anumang bagay na mag-uudyok sa iba na labanan ang Diyos. Sa ganoong paraan, kapag nananalangin ka sa Diyos at hinihingi ang Kanyang proteksyon, mapapagtagumpayan mo ang mga paghihirap. Ito ang pinakamahalaga. Kapag mayroon kang normal na katwiran, kapag lumabas ka mula sa mga negatibo, masama, mapagpalayaw, o palabang kalagayan, maaaring isipin mo, “Buti na lang, hindi ko ginawa iyon sa umpisa. Kung ginawa ko iyon, ako sana ay magiging isang makasalanang kokondenahin sa mahabang panahon at makakagawa ng kasamaang walang kapatawaran.” Kumusta ang landas na ito? (Ito ay mabuti.) Ano ang mabuti rito? (Mapipigilan nito ang mga tao na malabag ang disposisyon ng Diyos.) Huwag labagin ang disposisyon ng Diyos. Sa oras na ibulalas mo ang isang bagay na lumalabag sa disposisyon ng Diyos, mababawi mo pa ba ito? Kapag nasabi na ang isang salita, ito ay nagiging isang katunayan na. Ito ay kokondenahin ng Diyos. Sa oras na kondenahin ka ng Diyos, ikaw ay nasa isang delikadong kalagayan. Kapag ang isang tao ay nananalig sa Diyos, kahit gaanong paghihirap ang tinitiis niya, kahit paano niya ginugugol ang sarili niya, o paano niya pinipiling manalig, ang layunin ay upang hindi sumpain o kondenahin ng Diyos, kundi upang marinig na sabihin ng Lumikha, “Ikaw ay sinasang-ayunan ng Diyos. Makakaya mong mabuhay at ikaw ang paksa ng pagliligtas ng Diyos.” Mahirap itong mangyari. Hindi ito madali, kaya dapat makipagtulungan ang mga tao. Huwag kailanman magsabi ng anumang bagay na nakakasama sa sarili mong kaligtasan. Dapat mong pigilan ang sarili mo sa mga kritikal na oras at huwag gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng sigalot. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, sa oras na magdulot ka ng sigalot at kondenahin ka ng Diyos, kung lalabagin mo ang disposisyon ng Diyos, hindi mo na ito mababawi kailanman. Huwag kang gumawa o magsabi ng anumang bagay nang walang patumangga. Dapat mong pigilan ang sarili mo at huwag magpakasasa. Kapag napigilan mo ang sarili mo, pinatutunayan nito na mayroon kang kontrol sa sarili. Kapag pinipigilan mo ang sarili mo, tinatanggap ang pag-iral ng Diyos, nananalig sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at mayroon kang pusong may takot sa Diyos hanggang sa pinakahuli, makikita ito ng Diyos. Wala kang sinabing anuman na lumabag sa Diyos, ni may ginawang anuman na makasalanan. Masisiyasat ng Diyos ang mga kaisipan sa kaibuturan ng puso mo. Dahil mayroon kang medyo may-takot-sa-Diyos na puso, kahit na mayroon kang mga hindi makatwirang kaisipan, hindi mo ibinulalas ang mga ito, ni gumawa ng anuman upang labanan ang Diyos. Makikita ng Diyos na katanggap-tanggap ang pag-uugali mong ito. Paano ka tatratuhin ng Diyos? Patuloy kang gagabayan ng Diyos palabas sa ganoong mga gusot. Kaya, hindi ba’t mayroon ka pa ring pag-asang maligtas? Ito ay isang bagay na bihirang taglayin. Ano ang dapat gawin kapag nahaharap sa mga problema? Pigilan mo ang sarili mo at huwag magpakasasa kailanman. Kapag nagpapakasasa ka, ito ay resulta ng mga mapusok na emosyon. Ang mapagmataas mong kalikasan ay nasa bingit ng pagsabog at pakiramdam mo ay punong-puno ka ng mga hinaing at pangangatwiran. Labis kang nagdaramdam at pakiramdam mo ay kailangan mong magsalita. Sa sandaling ito, imposibleng mapigilan mo ang sarili mo. Bilang resulta, ang pangit na bahagi ng iyong satanikong disposisyon ay nalalantad, at malamang na nalabag ang disposisyon ng Diyos sa oras na ito. Ano ang layunin ng pagpipigil? Ang pagiging maingat sa mga pananalita, gawa, at hakbang upang protektahan ang sarili, upang hindi malabag ang disposisyon ng Diyos, at upang mag-iwan sa sarili ng huling sinag ng pag-asa para sa kaligtasan. Kaya, kinakailangan na pigilan ang sarili mo. Kahit gaano pa katindi ang pakiramdam mo na ikaw ay naagrabyado, kahit gaano pa katindi ang sakit at kalungkutan na nararamdaman mo sa puso mo, dapat mong pigilan ang sarili mo. Ito ay isang kapaki-pakinabang na pagsusumikap! Pagkatapos pigilan ang sarili mo, hinding-hindi mo ito pagsisisihan. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa mga tao sa pangkalahatan, ginawa man ito bilang pamamaraan upang manalig sa Diyos o bilang isang sikretong diskarte upang protektahan ang sarili. Minsan, ang mga taong mayroong tiwaling disposisyon ay nagpapakita ng isang antas ng kawalan ng katinuan, na walang katwiran at walang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos. Ni hindi mo alam kung kailan sisiklab ang tiwaling disposisyon mo. Kapag nagbulalas ka at nagsabi ng isang bagay na nagtatatwa at kumokondena sa Diyos, magiging huli na at wala nang magagawa ang pagsisihan pa ito. Ang mga bunga nito ay hindi makakayang arukin ng isip. Maaari kang itiwalag at ang Banal na Espiritu ay hindi na gagawa sa iyo. Hindi ba’t ang ibig sabihin niyon ay katapusan na ng lahat? Ganap na wala ka nang anumang pag-asa na maligtas.
Sipi 61
Nakagawa na ng mga paglabag, malaki man o maliit, ang bawat tao. Kapag hindi mo alam na ang isang bagay ay paglabag, titingnan mo ito nang may malabong estado ng pag-iisip, at marahil ay panghahawakan mo pa rin ang iyong mga sariling opinyon, nakasanayan, at paraan ng pag-unawa rito—ngunit, balang araw, sa pamamagitan man ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid, o pagbubunyag ng Diyos, matututunan mo na ang bagay na ito ay isang paglabag, at isang pagkakasala sa Diyos. Ano na ang magiging saloobin mo kung magkagayon? Tunay ka bang magsisisi, o mangangatwiran ka ba at makikipagtalo, kakapit sa sarili mong mga ideya, maniniwala na bagamat ang iyong ginawa ay hindi umaayon sa katotohanan, hindi rin naman iyon ganoon kalaking problema? May kaugnayan ito sa iyong saloobin sa Diyos. Ano ang naging saloobin ni David sa kanyang paglabag? (Pagsisisi.) Pagsisisi—na ang ibig sabihin ay kinamuhian niya ang kanyang sarili sa kanyang puso, at hindi na niya gagawin kailanman ang paglabag na iyon. Kaya, ano ang ginawa niya? Nanalangin siya, hiniling sa Diyos na parusahan siya, at sinabi niyang: “Kung gagawin ko ulit ang pagkakamaling ito, parusahan nawa ako ng Diyos at ikamatay ko!” Iyon ang kanyang paninindigan; iyon ang totoong pagsisisi. Maaari kaya itong makamit ng mga karaniwang tao? Para sa mga karaniwang tao, kung hindi nila susubukang mangatwiran o kung kaya nilang palihim na umamin ng pagkakamali, napakabuti na niyon. Tunay na pagsisisi ba ang hindi pagnanais na pag-usapang muli ang paksa dahil sa takot na mapahiya? Iyon ay pagiging balisa at masama ang loob dahil sa pagkapahiya, hindi pagsisisi. Ang tunay na pagsisisi ay ang kamuhian ang sarili dahil sa paggawa ng masama, ang makaramdam ng pighati at paghihirap dahil sa pagkakaroon ng kakayahan na gumawa ng masama, ang sisihin ang sarili, at ang isumpa pa nga ang sarili. Iyon ay pagkakaroon ng kakayahan na mangako pagkatapos na hindi na kailanman gagawing muli ang gayong kasamaan at pagiging handa na tanggapin ang parusa ng Diyos at magdusa ng kahabag-habag na kamatayan kung siya man ay muling gagawa ng masama. Ito ang tunay na pagsisisi. Kung laging nadarama ng isang tao sa kanyang puso na wala siyang ginawang masama, at na ang kanyang mga ikinilos ay hindi lang umayon sa mga prinsipyo o dahil lang sa kakulangan ng karunungan, at naniniwala siya na kung kikilos siya nang palihim ay walang mangyayaring mali, maaari ba siyang makaramdam ng tunay na pagsisisi sa ganitong pag-iisip? Tiyak na hindi, dahil hindi niya alam ang diwa ng sarili niyang masamang gawain. Kahit pa kasuklaman niya nang kaunti ang kanyang sarili, kamumuhian lamang niya ang kanyang sarili dahil sa hindi pagiging marunong, at dahil sa hindi niya maayos na hinarap ang sitwasyon. Hindi niya tunay na napagtatanto na kaya siya nakagagawa ng masama ay dahil sa isang problema sa kanyang kalikasang diwa, na ito ay dahil sa wala siyang pagkatao, masama ang kanyang disposisyon, at siya ay imoral. Ang mga ganitong tao ay hindi kailanman magkakaroon ng tunay na pagsisisi. Bakit kailangan ng mga tao na magnilay-nilay sa kanilang sarili sa harap ng Diyos kapag mayroon silang ginawang mali o ginawang mga paglabag? Ito ay dahil hindi madaling malaman ng isang tao ang kanyang sariling kalikasang diwa. Madaling aminin ng isang tao na nagkamali siya at madaling alamin kung nasaan ang pagkakamali. Gayunpaman, hindi madaling malaman ang pinagmulan ng mga pagkakamali ng isang tao at kung ano ba mismong disposisyon ang nahayag. Kaya nga, kapag ang karamihan ng mga tao ay may ginawang mali, inaamin lamang nila na sila ay nagkamali, ngunit hindi sila nakadarama ng pagsisisi sa kanilang puso, ni kinamumuhian nila ang kanilang sarili. Sa ganitong paraan, hindi nila naaabot ang tunay na pagsisisi. Upang makamtan ang tunay na pagsisisi, kailangan na talikuran ng isang tao ang kasamaang kanyang ginawa at makapagbigay siya ng katiyakan na hindi niya ito gagawing muli. Saka lamang makakamtan ang tunay na pagsisisi. Kung palagi mong hinaharap ang mga bagay-bagay batay sa sarili mong mga haka-haka at imahinasyon, nang hindi mo kailanman pinagninilayan o kinikilala ang iyong sarili, at gumagawa ka lamang nang pabasta-basta, hindi ka pa tunay na nagsisi at hindi ka pa tunay na nagbago sa anumang paraan. Kung nais ng Diyos na ibunyag ka, paano mo ito dapat harapin? Ano ang iyong magiging saloobin? (Tatanggapin ko ang parusa ng Diyos.) Ang tanggapin ang parusa ng Diyos—ito ang uri ng saloobin na kailangang mayroon ka. Kasabay nito, kailangan mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Mas mabuti ang ganitong paraan, upang tunay mong makilala ang iyong sarili at tunay kang makapagsisi. Kung hindi tunay na nagsisisi ang isang tao, magiging imposible para sa kanya na huminto sa paggawa ng masama. Sa anumang oras at lugar, magagawa niyang bumalik sa dati niyang mga gawi, mamuhay nang ayon sa kanyang satanikong disposisyon, at maging paulit-ulit na gawin ang parehong mga pagkakamali. Kaya, hindi siya isang tao na tunay nang nagsisi. Sa ganitong paraan, siya ay lubusang nahahayag. Kaya, ano ang magagawa ng mga tao upang ganap nilang mapalaya ang kanilang sarili mula sa mga paglabag? Kailangan nilang hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema at kailangan din nilang maisagawa ang katotohanan. Ito ang tamang saloobin sa katotohanan na dapat magkaroon ang mga tao. Kung gayon, paano dapat isagawa ng mga tao ang katotohanan? Kahit ano pang mga tukso at pagsubok ang kaharapin mo, kailangan mong tunay na manalangin sa Diyos sa iyong puso at magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ang ilang pagsubok ay mga tukso rin—bakit hinahayaan ng Diyos na maharap ka sa gayong mga bagay? Hindi aksidente ni nagkataon lang na hinahayaan ng Diyos ang mga gayong bagay na mangyari sa iyo. Ito ay pagsubok at pagsusuri ng Diyos sa iyo. Kung hindi mo tatanggapin ang pagsusuring ito, kung hindi mo bibigyan ng pansin ang bagay na ito, hindi ba’t nabubunyag sa oras na ito ang iyong saloobin sa Diyos? Ano ang iyong saloobin sa Diyos? Kung may saloobin kang walang pakialam at humahamak sa mga kapaligiran na ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo at sa mga pagsubok sa ibinibigay ng Diyos sa iyo, at hindi ka nananalangin ni naghahanap, ni nakatatagpo ng isang landas ng pagsasagawa sa pamamagitan nito, inihahayag nito na wala kang saloobing nagpapasakop sa Diyos. Paano maililigtas ng Diyos ang gayong tao? Posible ba na maperpekto siya ng Diyos? Tiyak na hindi. Ito ay dahil wala kang saloobing nagpapasakop sa Diyos, at kahit pa magsaayos ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, hindi mo ito mararanasan, at hindi ka makikipagtulungan dito. Ipinakikita nito ang paghamak mo sa Diyos, na hindi mo sineseryoso ang gawain ng Diyos, at na kaya mo pa ngang isantabi ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanan, na nangangahulugan na hindi mo nararanasan ang gawain ng Diyos. Kung gayon, paano mo makakamit ang kaligtasan? Yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi mararanasan ang gawain ng Diyos. Walang paraan na makamit ang kaligtasan habang nananalig sa Diyos sa ganitong paraan. Ibig sabihin nito, ang saloobin ng isang tao sa Diyos at sa katotohanan ay napakahalaga at may tuwiran itong kaugnayan sa kung ang isang tao ay maaaring maligtas. Ang mga taong hindi nagbibigay-pansin dito ay mga hangal at walang nalalaman.
Sipi 62
Nasabi na “ang sumusunod hanggang wakas ay maliligtas,” ngunit madali ba itong isagawa? Hindi, at marami sa tinutugis at inuusig ng malaking pulang dragon ang lubhang nakikimi at natatakot na sumunod sa Diyos. Bakit sila nabigo? Dahil wala silang tunay na pananampalataya. Ang ilang tao ay kayang tanggapin ang katotohanan, manalangin sa Diyos, umasa sa Diyos, at manindigan sa mga pagsubok at kapighatian, habang ang iba ay hindi makasunod hanggang wakas. Balang araw sa panahon ng mga pagsubok at kapighatian, mabibigo sila, mawawala ang kanilang patotoo, at hindi sila makakabangon at makakapagpatuloy. Lahat ng bagay na dumarating sa bawat araw, malaki man o maliit, na kayang yumanig sa iyong pagpapasya, sakupin ang iyong puso, o pigilan ang iyong kakayahang gawin ang iyong tungkulin at ang iyong pasulong na pag-unlad ay nangangailangan ng masigasig na pakikitungo; dapat mong siyasating mabuti ang mga ito at hanapin ang katotohanan. Lahat ng ito ay mga problemang dapat malutas habang nararanasan mo. Ang ilang tao ay nagiging negatibo, nagrereklamo, at nagbibitiw sa kanilang mga tungkulin kapag nahaharap sila sa mga suliranin, at hindi nila nagagawang tumayong muli matapos ang bawat dagok. Lahat ng taong ito ay mga hangal na hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi nila ito makakamtan kahit pa buong buhay silang manampalataya. Paano makasusunod hanggang katapusan ang mga hangal na ito? Kung sampung beses nangyari sa iyo ang isang bagay, ngunit wala kang nakamtan mula rito, isa kang mababang uri at walang silbing tao. Ang matatalinong tao at ang mga may totoong kakayahan na mayroong espirituwal na pang-unawa ay mga naghahanap ng katotohanan; kung may mangyari man sa kanila nang sampung beses, marahil sa walo sa mga kasong iyon, magagawa nilang magkamit ng kaunting kaliwanagan, matuto ng kaunting aral, makaunawa ng kaunting katotohanan, at makagawa ng kaunting pagsulong. Kapag ang mga bagay ay sampung beses na nangyayari sa isang hangal—isang tao na walang espirituwal na pang-unawa—ni isang beses ay hindi makikinabang ang buhay niya, ni isang beses ay hindi siya babaguhin nito, at ni isang beses ay hindi ito magiging sanhi na malaman niya ang kanyang pangit na mukha, sa gayon ay katapusan na para sa kanya. Sa tuwing may nangyayari sa kanila, natutumba sila, at sa tuwing natutumba sila, kailangan nila ang iba upang alalayan sila at himukin; kung walang pag-alalay at paghimok, hindi sila makatatayo, at, sa tuwing may nangyayari, nanganganib silang matumba at mapasama. Hindi ba’t ito ang katapusan para sa kanila? May iba pa bang katwiran upang maligtas ang mga ganoong tao na walang silbi? Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay pagliligtas sa mga nagmamahal sa katotohanan, pagliligtas sa bahagi nila na may kalooban at kapasyahan, at sa bahagi nila na nananabik sa katotohanan at katarungan sa kanilang puso. Ang kapasyahan ng isang tao ay ang bahagi nila sa kanilang puso na nananabik sa katarungan, kabutihan, at katotohanan, at nagtataglay ng konsensiya. Inililigtas ng Diyos ang bahaging ito ng mga tao, at sa pamamagitan nito, binabago Niya ang kanilang tiwaling disposisyon, upang maunawaan at makamit nila ang katotohanan, upang malinis ang kanilang katiwalian, at mabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kung wala sa loob mo ang mga bagay na ito, hindi ka maliligtas. Kung sa loob mo ay walang pagmamahal sa katotohanan o pagnanais para sa katarungan at liwanag; kung sa tuwing makakatagpo ka ng masasamang bagay ay wala kang hangaring itakwil ang mga ito ni kapasyahang dumanas ng paghihirap; kung, bukod dito, manhid ang iyong konsensiya; kung ang iyong kakayahang tumanggap sa katotohanan ay namanhid din, at hindi ka mapang-unawa sa katotohanan o sa mga pangyayaring dumarating; at kung sa lahat ng bagay ay hindi ka nakakakilatis, at sa harap ng anumang dumarating sa iyo, hindi mo nagagawang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema at palagi kang negatibo, walang paraan upang maligtas ka. Ang ganitong tao ay walang anumang mairerekomenda sa kanila, walang anuman na karapat-dapat sa paggawa ng Diyos. Ang kanilang konsensiya ay manhid, ang kanilang isip ay magulo, at hindi nila minamahal ang katotohanan, ni nananabik para sa katarungan sa kaibuturan ng kanilang puso, at gaano man kaliwanag o kalinaw ang paghahayag ng Diyos ng katotohanan, wala sila ni katiting na reaksyon; na para bang patay na ang kanilang puso. Hindi pa ba huli ang lahat para sa kanila? Ang isang taong may natitira pang hininga ay maaari pang mailigtas sa pamamagitan ng artipisyal na paghinga, ngunit, kung siya ay pumanaw na at lumisan na ang kanyang kaluluwa, walang magagawa ang artipisyal na paghinga. Kung, kapag naharap sa mga problema at paghihirap, umuurong ang isang tao at umiiwas sa mga ito, hindi niya talaga hinahanap ang katotohanan, at pinipili niyang maging negatibo at pabaya sa kanyang gawain, pagkatapos ay nabubunyag kung sino talaga siya. Ang gayong mga tao ay wala talagang patotoong batay sa karanasan. Mga mapagsamantala lang sila, pabigat, walang silbi sa sambahayan ng Diyos, at tiyak na mapapahamak. Ang mga naghahanap lang sa katotohanan para lutasin ang mga problema ang mga taong may tayog, at sila lang ang may kakayahang manindigan sa patotoo. Kapag nahaharap ka sa mga problema at paghihirap, dapat mong harapin ang mga iyon nang kalmado, at tumugon sa mga iyon sa tamang paraan, at dapat kang pumili. Dapat mong matutunang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Malalim man o mababaw ang mga katotohanang karaniwan mong nauunawaan, dapat mong gamitin ang mga iyon. Ang mga katotohanan ay hindi lang mga salitang lumalabas sa bibig mo kapag may nangyayari sa iyo, ni hindi ginagamit ang mga ito para lang lutasin ang mga problema ng iba; sa halip, dapat gamitin ang mga ito para lutasin ang mga problema at suliraning mayroon ka. Iyon ang pinakamahalaga. At kapag nalutas mo ang sarili mong mga problema, saka mo lang malulutas ang sa iba. Bakit sinasabing si Pedro ay isang bunga? Sapagkat may mahahalagang bagay na nasa kanya, mga bagay na sulit gawing perpekto. Hinanap niya ang katotohanan sa lahat ng bagay, may paninindigan, at matatag ang kalooban; siya ay may katwiran, nakahandang dumanas ng paghihirap, at minahal ang katotohanan sa kanyang puso; hindi niya kinalimutan ang nakalipas, at natuto siya ng mga aral mula sa lahat ng bagay. Lahat ng ito ay magagandang katangian. Kung wala ka ng ganitong magagandang katangian, problema iyan. Hindi magiging madali para sa iyo na matamo ang katotohanan at maligtas. Kung hindi mo alam kung paano makaranas o wala kang karanasan, hindi mo malulutas ang mga paghihirap ng ibang mga tao. Dahil hindi mo kayang isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, wala kang ideya kung ano ang gagawin kapag may nangyayari sa iyo, nagagalit ka at napapaluha kapag nahaharap ka sa mga problema, nagiging negatibo ka at tumatakbo kapag dumaranas ka ng kaunting dagok, at hindi mo kayang tumugon sa tamang paraan. Dahil dito, imposible para sa iyo na magkamit ng buhay pagpasok. Paano mo matutustusan ang iba kung wala kang buhay pagpasok? Para matustusan ang buhay ng mga tao, dapat mong ibahagi nang malinaw ang katotohanan at maibahagi nang malinaw ang mga prinsipyo ng pagsasagawa upang malutas ang mga problema. Para sa isang taong may puso at espiritu, kailangan mo lang magsalita nang kaunti, at maiintindihan na niya iyon. Pero hindi sapat ang pag-unawa lang sa kaunting katotohanan. Dapat din silang magkaroon ng landas at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Ito lang ang makakatulong sa kanila na isagawa ang katotohanan. Kahit na ang mga tao ay mayroong espirituwal na pang-unawa, at ilang salita lang ang kailangan para maunawaan nila ang mga iyon, kung hindi nila isinasagawa ang katotohanan, walang buhay pagpasok. Kung hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, katapusan na ng lahat sa kanila, at hindi sila makakapasok kailanman sa mga katotohanang realidad. Maaari mong hawakan ang kamay ng ilang tao habang tinuturuan mo sila, at tila makakaunawa sila sa oras na iyon, pero kapag bumitaw ka na, nalilito silang muli. Hindi ito isang taong mayroong espirituwal na pang-unawa. Kung, anumang mga problema ang nakakaharap mo, negatibo ka at mahina, wala ka talagang patotoo, at hindi ka nakikipagtulungan sa kung anong dapat mong gawin at sa kung anong dapat mong ipakipagtulungan, nagpapatunay ito na wala ang Diyos sa puso mo, at hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan. Huwag nang isipin kung paano inaantig ng gawain ng Banal na Espiritu ang mga tao, sa pagdanas lang ng gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, pakikinig sa napakaraming katotohanan, pagkakaroon ng kaunting konsensiya, at pag-asa sa pagpipigil sa sarili, dapat ay matugunan man lang ng mga tao ang pinakamabababang pamantayan at hindi sila usigin ng kanilang konsensiya. Hindi dapat maging manhid at mahina ang mga tao na tulad ngayon, at mahirap talagang isipin na nasa ganitong kalagayan sila. Marahil ay namuhay kayo nitong huling ilang taon nang wala sa huwisyo, nang hindi hinahangad ni paano man ang katotohanan o hindi talaga umuunlad. Kung hindi ganito ang sitwasyon, paanong manhid ka pa rin at matamlay? Kapag ganito ka, ito ay dahil lang sa sarili mong kahangalan at kamangmangan, at hindi mo masisisi ang sinumang iba pa. Hindi itinatangi ng katotohanan ang ilang tao kaysa sa iba. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema, paano ka magbabago? Pakiramdam ng ilang tao ay napakababa ng kanilang kakayahan at wala silang kakayahang makaunawa, kaya nililimitahan nila ang kanilang sarili, at nadarama nila na gaano man nila hangarin ang katotohanan, hindi nila matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Iniisip nila na gaano man sila magsumikap, walang saysay iyon, at iyon lang iyon, kaya lagi silang negatibo, at dahil dito, kahit pagkaraan ng maraming taong paniniwala sa Diyos, wala pa silang natatamong anumang katotohanan. Kung sinasabi mo, nang hindi ka nagsusumikap na hangarin ang katotohanan, na napakahina ng iyong kakayahan, sinusukuan ang sarili mo, at lagi kang namumuhay sa negatibong kalagayan, at dahil dito, hindi mo nauunawaan ang katotohanang dapat mong maunawaan o isinasagawa ang katotohanan nang ayon sa iyong kakayahan—hindi ba’t ikaw ang humahadlang sa sarili mo? Kung lagi mong sinasabi na hindi sapat ang iyong kakayahan, hindi ba’t pag-iwas at pagpapabaya ito sa responsabilidad? Kung kaya mong magdusa, magbayad ng halaga, at matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, tiyak na mauunawaan mo ang ilang katotohanan at makakapasok ka sa ilang realidad. Kung hindi ka humihingi ng tulong o umaasa sa Diyos, at sinusukuan mo ang sarili mo nang hindi ka nagsisikap kahit paano o nagbabayad ng halaga, at sumusuko ka na lang, ikaw ay isang walang silbi, at wala ka ni katiting na konsensiya at katwiran. Mahina man o mahusay ang iyong kakayahan, kung mayroon ka mang kaunting konsensiya at katwiran, dapat mong tapusin nang wasto ang dapat mong gawin at ang iyong misyon; ang pagtakas ay isang mahirap na bagay at isang pagtataksil sa Diyos. Hindi na ito maitatama pa. Ang paghahangad sa katotohanan ay nangangailangan ng matatag na kalooban, at ang mga taong masyadong negatibo o mahina ay walang magagawa. Hindi nila magagawang manalig sa Diyos hanggang wakas, at, kung nais nilang matamo ang katotohanan at magkamit ng pagbabago ng disposisyon, mas maliit pa rin ang pag-asa nila. Yaon lamang mga may matibay na pagpapasya at naghahangad sa katotohanan ang magtatamo nito at magagawang perpekto ng Diyos.
Sipi 63
May ilang tao na madalas magkasakit, ngunit gaano man sila manalangin sa Diyos, hindi pa rin sila gumagaling. Gaano man nila kagustong mawala ang karamdaman nila, hindi nila kaya. Minsan, maaari pa nga silang maharap sa mga agaw-buhay na sitwasyon at napipilitan sila na diretsong harapin ang mga ito. Sa katunayan, kung ang isang tao ay talagang may pananampalataya sa Diyos sa kanyang puso, una sa lahat, dapat ay alam niyang nasa mga kamay ng Diyos ang haba ng buhay ng isang tao. Ang panahon ng kapanganakan at kamatayan ng isang tao ay itinakda ng Diyos. Kapag nagbibigay ng karamdaman ang Diyos sa mga tao, may dahilan sa likod nito—may kahulugan ito. Parang isa itong karamdaman sa kanila, ngunit, ang totoo, ang naipagkaloob sa kanila ay biyaya, hindi karamdaman. Una sa lahat, kailangang kilalanin at tiyakin ng mga tao ang katotohanang ito, at seryosohin ito. Kapag nagkakasakit ang mga tao, maaari silang lumapit nang madalas sa Diyos, at tiyakin na gawin nila ang nararapat, nang may kahinahunan at pag-iingat, at tratuhin ang kanilang tungkulin nang may higit na pag-iingat at kasipagan kaysa sa iba. Pagdating sa mga tao, ito ay isang proteksyon, hindi mga kadena. Ito ang negatibong paraan ng pamamahala sa mga bagay-bagay. Dagdag pa riyan, ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay natukoy na ng Diyos noon pa man. Maaaring lumitaw na nakamamatay ang isang karamdaman mula sa pananaw ng isang doktor, ngunit sa pananaw ng Diyos, kung kailangan pa ring magpatuloy ang buhay mo at hindi mo pa oras, hindi ka maaaring mamatay kahit gusto mo. Kung nabigyan ka ng Diyos ng isang atas, at hindi pa tapos ang iyong misyon, hindi mo ikamamatay ang isang karamdaman na dapat ay nakamamatay—hindi ka pa kukuhain ng Diyos. Kahit hindi ka nagdarasal at naghahanap ng katotohanan, o hindi mo inaasikaso ang pagpapagamot sa iyong karamdaman, o kahit ipagpaliban mo ang iyong pagpapagamot, hindi ka mamamatay. Totoo ito lalo na sa mga taong nakatanggap ng atas mula sa Diyos: Kapag hindi pa tapos ang kanilang misyon, anumang karamdaman ang dumapo sa kanila, hindi sila dapat mamatay kaagad; dapat silang mabuhay hanggang sa huling sandali ng pagtatapos ng misyon. May ganito ka bang pananampalataya? Kung wala, mabababaw na panalangin lang ang iaalay mo sa Diyos at sasabihing, “Diyos ko! Kailangan kong matapos ang atas na ibinigay Mo sa akin. Nais kong gugulin ang mga huling araw ko nang tapat sa Iyo, nang sa gayon ay wala akong pagsisisihan. Dapat Mo akong protektahan!” Bagama’t ganito ka magdasal, kung wala kang inisyatibang hanapin ang katotohanan, hindi ka magkakaroon ng determinasyon at lakas na ipamuhay ang katapatan. Dahil hindi ka handang ibigay ang totoong kabayaran, madalas mong ginagamit ang ganitong uri ng palusot at ganitong paraan upang manalangin sa Diyos at makipagnegosasyon sa Kanya—ito ba ang taong naghahangad ng katotohanan? Kung pagagalingin ang iyong karamdaman, magagawa mo ba talaga nang maayos ang iyong tungkulin? Posibleng hindi. Ang katotohanan ay, kung nakikipagnegosasyon ka man upang mapagaling ang iyong karamdaman at hindi ka mamatay, o kung may iba ka pang intensyon o layunin dito, sa pananaw ng Diyos, kung kaya mong gawin ang iyong tungkulin at magagamit ka pa, kung nagpasya ang Diyos na gamitin ka, hindi ka mamamatay. Hindi mo magagawang mamatay kahit na gustuhin mo. Ngunit kung gagawa ka ng gulo, at gagawin mo ang lahat ng uri ng masamang gawa, at gagalitin ang disposisyon ng Diyos, mabilis kang mamamatay; iikli ang iyong buhay. Ang haba ng buhay ng lahat ng tao ay natukoy na ng Diyos bago pa man ang paglikha sa mundo. Kung magagawa nilang sundin ang mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, kung may karamdaman man sila o wala, at kung nasa mabuti man o masamang lagay ang kanilang kalusugan, mabubuhay sila nang ayon sa bilang ng taon na itinakda ng Diyos. May ganito ka bang pananampalataya? Kung kinikilala mo lamang ito batay sa doktrina, wala kang tunay na pananampalataya, at walang kabuluhan ang pagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan; kung kukumpirmahin mo mula sa kaibuturan ng iyong puso na gagawin ito ng Diyos, kusang magbabago ang iyong pagtingin at paraan ng pagsasagawa. Siyempre, ang mga tao ay dapat magkaroon ng praktikal na pag-iisip tungkol sa pangangalaga sa kanilang kalusugan habang nabubuhay sila, magkaroon man sila ng sakit o hindi. Ito ang likas na kaisipang ibinigay ng Diyos sa tao. Ito ang katwiran at praktikal na pag-iisip na dapat taglay ng isang tao sa malayang pagpapasya na ibinigay sa kanya ng Diyos. Kapag may sakit ka, dapat mong maunawaan ang ilang praktikal na kaisipan patungkol sa pangangalaga sa kalusugan at pagpapagamot para harapin ang karamdamang ito—ito ang dapat mong gawin. Gayunman, ang paggamot ng iyong karamdaman sa ganitong paraan ay hindi nangangahulugan ng paghamon sa haba ng buhay na itinakda ng Diyos para sa iyo, ni hindi ito isang garantiya na mabubuhay ka ayon sa haba ng buhay na naitakda Niya para sa iyo. Ano ang ibig sabihin nito? Maaari itong sabihin nang ganito: Sa pasibong pagtingin, kung hindi mo sineseryoso ang iyong karamdaman, kung ginagawa mo ang iyong tungkulin kung paano mo dapat gawin iyon, at nagpapahinga nang kaunti pa kaysa sa iba, kung hindi mo pa ipinagpapaliban ang iyong tungkulin, hindi lulubha ang iyong karamdaman, at hindi mo ikamamatay ito. Ang lahat ay nakadepende sa ginagawa ng Diyos. Sa madaling salita, sa pananaw ng Diyos, kung ang nakatakdang haba ng buhay mo ay hindi pa natatapos, kahit magkasakit ka, hindi ka Niya tutulutang mamatay. Kung may lunas ang iyong karamdaman, ngunit dumating na ang iyong takdang oras, kukunin ka ng Diyos kailan man Niya naisin. Hindi ba ito ganap na nakadepende sa awa ng pag-iisip ng Diyos? Nasa awa ito ng Kanyang pagtatakda! Ganito mo dapat tingnan ang bagay na ito. Maaari mong gawin ang iyong bahagi at magpunta ka sa doktor, uminom ng gamot, pangalagaan ang iyong kalusugan, at mag-ehersisyo, ngunit kailangan mong maunawaan sa iyong kaibuturan na ang buhay ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang haba ng buhay ng isang tao ay itinatakda ng Diyos at walang sinumang maaaring mangibabaw sa itinakda na ng Diyos. Kung wala kang taglay kahit kaunti ng pag-unawang ito, talagang wala kang pananampalataya, at hindi ka talaga naniniwala sa Diyos.
May ibang tao na ginagawa ang lahat ng puwedeng gawin, gumagamit ng samu’t saring paraan upang magamot ang kanilang mga karamdaman, ngunit anumang paggamot ang gawin, hindi sila gumagaling. Habang lalo silang ginagamot, lalong lumalala ang karamdaman. Sa halip na manalangin sa Diyos upang malaman kung ano mismo ang nangyayari sa sakit, at hanapin ang pinag-uugatan nito, inilalagay nila ang mga bagay sa sarili nilang mga kamay. Nauuwi sila sa paggamit ng napakaraming paraan at paggastos nang malaki, ngunit hindi pa rin gumagaling ang kanilang sakit. Pagkatapos, kapag sinukuan na nila ang gamutan, kusang gumagaling ang karamdaman nang hindi inaasahan paglipas ng ilang panahon, at hindi nila alam kung paano ito nangyari. May ilang taong nagkakaroon ng hindi kapansin-pansing sakit at hindi talaga nila ito inaalala, ngunit isang araw lumala ang kondisyon nila at bigla na lang silang namatay. Anong nangyayari doon? Hindi iyon maarok ng mga tao; sa katunayan, mula sa pananaw ng Diyos, ito ay dahil tapos na ang misyon ng taong iyon sa mundong ito, kaya kinuha na Niya ito. Madalas sinasabi ng mga tao, “Hindi mamamatay ang mga tao kung wala silang sakit.” Totoo ba talaga iyon? May mga tao na, pagkatapos masuri sa ospital, ay napag-alamang walang sakit. Talagang malusog sila ngunit namatay rin sila makalipas ang ilang araw. Ang tawag dito ay pagkamatay nang walang sakit. Maraming ganoong tao. Ibig sabihin nito, umabot na ang isang tao sa dulo ng kanyang buhay, at bumalik na siya sa espirituwal na mundo. May ilang taong nakaligtas sa kanser at tuberkulosis at umabot pa hanggang pitumpu o walumpung taong gulang. May ilang ganoong tao. Ang lahat ng ito ay nakadepende sa mga ordinasyon ng Diyos. Ang pagkakaroon ng ganitong pagkaunawa ay tunay na pananampalataya sa Diyos. Kung may pisikal kang karamdaman at kailangan mong uminom ng gamot upang mapamahalaan ang iyong kondisyon, dapat kang uminom ng gamot o regular na mag-ehersisyo, nagpapahinga at kalmado itong pinangangasiwaan. Anong uri ng saloobin ito? Ang saloobing ito ay tunay na pananampalataya sa Diyos. Sabihin nating hindi mo iniinom ang gamot mo, hindi ka nagpapaturok, hindi ka nag-eehersisyo, hindi mo inaalagaan ang iyong kalusugan, at pagkatapos ay alalang-alala ka pa rin, nananalangin sa lahat ng oras: “O, Diyos ko, kailangan kong magampanan nang wasto ang aking mga tungkulin, hindi pa natatapos ang aking misyon, hindi pa ako handang mamatay. Nais kong maisakatuparan ang aking mga tungkulin at matapos ang Iyong ibinigay na gawain. Kung mamamatay ako, hindi ko matatapos ang ibinigay Mong gawain. Ayokong may pagsisihan. Diyos ko, pakiusap, pakinggan Mo ang aking mga panalangin; hayaan Mo akong mabuhay nang sa gayon ay maisakatuparan ko ang aking mga tungkulin at matapos ang ibinigay Mong gawain. Nais kong papurihan Ka magpakailanpaman at makita ang araw ng Iyong kaluwalhatian sa lalong madaling panahon.” Ang nakikita sa panlabas ay hindi ka umiinom ng gamot o nagpapaturok, at mukhang napakalakas mo at puno ka ng pananampalataya sa Diyos. Ang totoo ay mas maliit pa sa binhi ng mustasa ang iyong pananampalataya. Takot na takot ka, at wala kang pananampalataya sa Diyos. Bakit wala kang pananampalataya? Paano ito nangyari? Talagang hindi nauunawaan ng mga tao ang saloobin, mga prinsipyo, at mga paraan ng pakikitungo ng Lumikha sa Kanyang mga nilikha, kaya ginagamit nila ang kanilang sariling limitadong pananaw, kuru-kuro, at imahinasyon upang hulaan kung ano ang gagawin ng Diyos. Gusto nilang makipagpustahan sa Diyos upang makita kung pagagalingin ba sila ng Diyos at hahayaan silang mabuhay nang matagal. Hindi ba’t kahangalan ito? Kung papayagan ka ng Diyos na mabuhay, hindi ka mamamatay kahit na gaano pa kalala ang maging sakit mo. Kung hindi ka papayagan ng Diyos na mabuhay, kahit na wala kang sakit, mamamatay ka pa rin kung iyon ang nakatakda. Ang haba ng iyong buhay ay itinakda na ng Diyos. Tunay na kaalaman at tunay na pananampalataya ang malaman ito. Kaya, hinahayaan lang ba ng Diyos na magkasakit ang mga tao? Hindi iyon nagkataon; isang paraan iyon upang dalisayin ang kanilang pananampalataya. Paghihirap iyon na dapat na tiisin ng mga tao. Kung hahayaan Niyang magkasakit ka, huwag mong subukang takasan iyon; kung hindi naman, huwag mong hilingin iyon. Lahat ay nasa mga kamay ng Lumikha, at kailangang matutunan ng mga tao na hayaang dumaloy nang normal ang kalikasan. Ano ang kalikasan? Walang anumang bagay sa kalikasan ang nagkataon lamang; lahat ng iyon ay nagmumula sa Diyos. Ito ang totoo. Sa mga magkakapareho ang karamdaman, ang ilan ay namamatay at ang iba naman ay nabubuhay; lahat ng ito ay itinakda na ng Diyos. Kung mabubuhay ka, nagpapatunay iyon na hindi mo pa natatapos ang misyong ibinigay sa iyo ng Diyos. Dapat mong pagsumikapang tapusin iyon, at pahalagahan ang pagkakataong iyon; huwag mong sayangin iyon. Ganito iyon. Kung maysakit ka, huwag mong subukang takasan iyon, at, kung wala ka namang sakit, huwag mong hilingin iyon. Sa anumang bagay, hindi mo makukuha ang gusto mo sa paghiling lamang nito, ni hindi mo matatakasan ang anuman dahil lamang sa gusto mo. Walang sinumang maaaring magpabago sa anumang naipasiyang gawin ng Diyos.
Bago ipinako sa krus, nag-alay ng panalangin ang Panginoong Jesus. Paano ito sinambit mismo? (“Ama, kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito: gayon man hindi ayon sa pagnanais Ko, kundi ang ayon sa pagnanais Mo” (Mateo 26:39).) Bilang mga miyembro ng nilikhang sangkatauhan, dapat sumailalim ang lahat ng tao sa gayong proseso ng paghahanap, dahil hindi nila nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Ito ay isang normal na proseso. Gayunman, gaano ka man maghanap, at gaano man katagal, kabigat, o kahirap ang proseso ng paghahanap, walang anumang ipinasiyang gawin ang Diyos sa simula pa noong umpisa ni hindi Siya nagpasiya kailanman na baguhin iyon. Maaaring maghanap at maghintay ang mga tao, at pinapayagan sila ng Diyos ng isang proseso upang magkaroon ng pagkaunawa, kaalaman, at kaliwanagan kung ano talaga ang totoo, ngunit hindi Niya babaguhin kailanman ang isa mang desisyon. Samakatwid, hindi mo dapat madama na nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay nang hindi sinasadya, o na iyon, kapag natakasan kahit paano ang sakuna at tiyak na kamatayan, ay suwerte at pagkakataon lamang. Hindi. Ang Diyos ay may naitakda nang plano at partikular na mga pagsasaayos para sa bawat nilalang, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba, mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit, mula sa mayorya—mga planeta at kosmo—hanggang sa nilikhang sangkatauhan, at maging mga kaliit-liitang organismo. Ito ang pagiging makapangyarihan ng Diyos. Sinasabi ng ilang taong nagkakasakit na ang kanilang karamdaman ay nagmula sa kapaguran sa isang aktibidad o sa pagkain ng maling bagay nang hindi sinasadya. Huwag kang maghanap ng gayong mga dahilan; lahat ng iyon ay mga saloobing negatibo at palaban. Dapat mong harapin nang may positibong pananaw ang mga sitwasyon, tao, pangyayari, at bagay na isinaayos na ng Diyos para sa iyo. Huwag maghanap ng mga kadahilanang walang kaugnayan sa iyo; sa halip, dapat mong hanapin at maunawaan mismo kung ano ang layunin ng Diyos at ang pag-uugaling nagpapakita sa iyo sa sitwasyong ito, at anong pag-uugali ang dapat mong taglayin bilang isang nilalang kapag nakakaharap mo ito; ito ang landas na dapat mong hangarin. Kapag nakaligtas ang isang tao, hindi iyon nagkataon lamang, ni hindi iyon maiiwasan; palaging naroon ang mga pagsasaayos, pagnanais, at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Walang hungkag. Iniisip mo ba na ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang mga layunin, at ang katotohanan ay pawang hungkag? Hindi! Kapag hindi pa naiintindihan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, madali silang maniwala sa ilang haka-haka at imahinasyon, at pakiramdam nila ay medyo tama ang mga haka-haka at imahinasyong iyon, at na malamang ay naaayon ang mga ito sa mga pagnanais ng Diyos. Hindi alam ng mga tao kung ano ang mga pagnanais ng Diyos, kaya pakiramdam nila, “Tama ang pag-iisip ko nang ganito. Mayroon akong tunay na pananampalataya. May takot at nagpapasakop ako sa Diyos, isa akong taong nagmamahal sa Diyos.” Sa katunayan, lubos na kinasusuklaman ng Diyos ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon. Bagama’t iniisip mo kung gaano ka kawasto, ang totoo ay hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo ito nakamit. Kapag isang araw ay malinaw mong nakita ang lahat ng bagay na ito at napagtanto sa huli na ang lahat ng bagay na ito ay pinamamahalaan, isinasaayos, at inoordena ng Lumikha, matututunan mo ang iyong mga leksyon mula sa lahat ng tao, pangyayari, at bagay na kinaharap mo, at matatamo mo ang mga resultang nararapat sa iyo. Saka mo lang tunay na mauunawaan ang mga layunin ng Diyos at mapagtatanto na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay upang iligtas ang mga tao, at nakapaloob dito ang mabubuting kalooban at matitinding pagsusumikap ng Diyos. Kapag may ganito kang pag-unawa, dapat mong pasalamatan at papurihan ang Diyos, at hindi kailanman makaramdam na para bang: “Inordena ako ng Diyos upang gampanan ang tungkuling ito, kaya sa puso ng Diyos, napakaimportante ko siguro. Hindi ako kayang abandonahin ng Diyos at hindi Niya ako hahayaang mamatay.” Mali ito. May pamamaraan ang Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ano ang ibig sabihin niyon? Inoordena ng Diyos kung kailan isisilang, kailan mamamatay, at ilan ang magiging misyon ng isang tao sa buhay na ito. Inordena na ng Diyos kung gaano kahaba ang buhay mo. Hindi Niya tatapusin agad ang iyong buhay dahil hindi naging maayos ang pagganap mo sa buhay na ito, ni pahahabain ang buhay mo nang ilang taon dahil sa mahusay mong pagganap sa buhay na ito. Ito ang tinatawag na pagkakaroon ng pamamaraan. Patungkol sa masasamang taong gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa sa mundo, nagdulot ng matinding pinsala sa mundo, nagsagawa ng maraming mapaminsalang gawa na nagpahamak sa iba sa isang partikular na yugto, may ilang taong nagsasabi: “Bulag ang Diyos. Bakit hindi Niya wasakin ang mga ganoong tao?” Alam mo ba ang dahilan nito? Ano ang pinag-uugatan nito? Ito ang pinag-uugatang dahilan: Ang mga positibong karakter ay gumaganap ng positibong papel, at ang mga negatibong karakter ay gumaganap ng negatibong papel. Ang lahat ay may misyon, ang lahat ay may papel, ang buhay at kamatayan ng lahat ay itinakda na noon pa man; hindi ito kailanman sisirain ng Diyos. Noong isinilang ka, dumating ka sa mundong ito sa tamang oras, hindi maaga o huli nang isang minuto o isang segundo kaysa sa nakatakda; kapag namatay ka at lumisan na ang iyong kaluluwa, hindi rin ito magiging maaga o huli nang isang minuto o isang segundo kaysa sa nakatakda. Hindi babaguhin ng Diyos ang haba ng buhay na orihinal na nakatadhana para sa isang tao dahil sa malaki niyang kontribusyon sa sangkatauhan, at hahayaang madagdagan ang kanyang buhay nang dalawampu o tatlumpung taon. Hindi ito kailanman ginawa ng Diyos at hindi Niya ito gagawin sa hinaharap. Hindi Niya rin sasadyaing mamatay ang isang tao nang mas maaga kaysa sa nakatakda dahil lang sa siya ay bukod-tanging mapaminsala sa sangkatauhan. Hindi iyon kailanman gagawin ng Diyos. Ito ang panuntunan at batas ng kalangitan, at hindi ito kailanman lalabagin ng Diyos. Ano ang nakita ninyo sa usaping ito? (Walang sinumang makapagbabago sa mga bagay na inordena ng Diyos.) Hindi kailanman sisirain ni babaguhin Mismo ng Diyos ang mga bagay na inordena o pinlano na Niya. Isa itong katotohanan; higit pa rito, mula sa usaping ito, makikita natin ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Lubos nang naiplano ng Diyos ang simula, pagdating, haba ng buhay, ang katapusan ng lahat ng nilikha, gayundin ang kanilang misyon sa buhay at ang tungkuling ginagampanan nila sa buong sangkatauhan. Walang sinumang maaaring bumago sa mga bagay na ito; ito ang awtoridad ng Lumikha. Ang pagdating ng bawat nilikha, ang kanilang misyon sa buhay, kung kailan matatapos ang kanilang buhay—lahat ng batas na ito ay matagal na panahon nang inorden ng Diyos, tulad nang iorden ng Diyos ang orbit ng bawat bagay na selestiyal; aling orbit ang sinusundan ng mga bagay na ito, ilang taon, paano nag-oorbit ang mga ito, anong mga batas ang sinusunod ng mga ito—lahat ng ito ay inorden ng Diyos noong unang panahon, hindi nagbago sa loob ng libu-libo, sampu-sampung libo, at daan-daang libong taon. Ito ay inorden ng Diyos, at ito ang Kanyang awtoridad. Kung gayon, paano naman ang tao, ang munting nilalang na nilikha? Isantabi natin ang tao at pag-usapan muna ang mga aso. Inordena ng Diyos na mabuhay sila nang humigit-kumulang sampung taon, at pagdating ng ganoong edad ay dapat na silang mamatay. Puwede bang baguhin ang itinakdang panahong ito? (Hindi.) Hindi natin tatalakayin ang mga espesyal na kaso. Ang haba ng buhay ng isang maliit na hayop, na hindi man lang kayang baguhin ng mga tao, ay itinakda na ng Diyos—paano pa ang sa tao? Dahil dito, ano pa man ang hilingin ng mga tao, ang hindi nila dapat hilingin ay ang pahabain pa ang kanilang buhay. Ang mga biyaya at kasawiang-palad sa buhay ng isang tao, at kung kailan mamamatay ang isang tao—ang mga bagay na ito ay itinakda na ng Diyos. Walang makapagbabago ng mga ito, at walang magiging anumang epekto kahit na ilang beses pa itong hilingin. Puwede mong hilingin sa Diyos na ipaunawa sa iyo ang tungkol sa ilang bagay, gaya ng nararanasan, nakikilala, at maaari mong makuha sa isang kapaligiran. Ibig sabihin, magagawa mong hanapin ang katotohanan at manalangin sa Diyos para sa pagpasok sa buhay at pagbabago ng disposisyon mo sa buhay. Kung maaantig ng katapatan mo ang Diyos, makakamit mo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ito ang gustong gawin ng Diyos. Ngunit dapat ay makatwiran ka. Hindi ka puwedeng humiling sa Diyos ng mahabang buhay o imortalidad, dahil inordena ng Diyos ang haba ng iyong buhay. Hindi ito mababago ng mga tao, at walang magiging pagkakaiba kahit na ilang beses pa itong hilingin. Basta’t inordena ito ng Diyos, hindi Niya ito babaguhin. Kung kikilalanin mo na ang Diyos ang Lumikha, na ang Diyos ang iyong Kataas-taasang Kapangyarihan, ang iyong Diyos at iyong Panginoon, hindi mo dapat kailanman hingin ang mga bagay na ito. Ano ang sinasabi ng Diyos na hingin ng mga tao? Ano ang sinasabi sa Panalangin ng Panginoon? “Dumating nawa ang kaharian Mo. Gawin nawa ang Iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa” (Mateo 6:10). Ano pa ang dapat ninyong hilingin? Alam ba ninyo? Dapat ninyong gampanan ang inyong mga tungkulin bilang mga nilikha sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Dapat ninyong tapusin ang mga atas na ibinigay sa inyo ng Diyos, isakatuparan nang maayos ang inyong misyon, iwasang mabigo sa inyong misyon, maging karapat-dapat sa buhay at pag-iral na ibinigay sa inyo ng Diyos, at huwag hayaang masayang o mawalan ng kabuluhan ang buhay na ito. Sa buhay na ito, dapat ninyong makilala ang Lumikha, isabuhay ang pagkakatulad na akma sa isang nilikha, at tuparin ang mga kahilingan ng Lumikha—ito ang mga bagay na dapat ninyong hilingin. Kung ano ang dapat hilingin at hindi dapat hilingin, aling mga hihilinging bagay ang naaayon sa mga layunin ng Diyos at aling mga bagay ang hindi, kung mapagbibigyan man ang gusto mong hilingin—ang mga bagay na ito ay dapat malinaw muna sa iyong puso. Huwag kang kumilos nang hindi nag-iisip. Kung naordena na ng Diyos ang hinihiling mo, walang saysay ang mga panalangin mo. Kung gayon, hindi ba’t kahangalan na ipanalangin mo ito? Hindi ba’t pagsalungat ito sa Diyos? Pinahihintulutan ka ng Diyos na mabuhay hanggang walumpung taong gulang, ngunit ang hinihingi mo ay mabuhay hanggang isang daang taong gulang; pinahihintulutan ka ng Diyos na mabuhay hanggang tatlumpung taong gulang, ngunit hinihingi mong umabot nang animnapu. Hindi ba’t paghihimagsik ito? Hindi ba’t paglaban ito sa Diyos? Dapat ay makatwiran ang mga tao at hindi gumagawa ng mga bagay na hangal.