Ang mga Kaibahan sa Pagitan ng Pagbigkas ng mga Salita at Doktrina at ng Katotohanang Realidad

Sipi 64

Karamihan sa mga taong ilang taon nang nananampalataya ay kayang magsalita tungkol sa ilang doktrina, tulad ng “Kailangan nating magkaroon ng mga tamang layunin sa ating pananampalataya,” “Kailangan nating matutunang mahalin ang Diyos at magpasakop sa Kanya,” “Kailangan nating gampanan ang ating mga tungkulin nang tapat; hindi tayo maaaring maghimagsik laban sa Diyos,” o “Dapat nating kilalanin ang ating sarili.” Ang lahat ng doktrinang ito ay tama, ngunit hindi ninyo nauunawaan ang tunay na kahulugan sa mga salita. Mababaw lang ang pagkaunawa ninyo sa mga ito; hindi ninyo nauunawaan ang espirituwal na kahulugan ng mga ito o ang mas malalim na kabuluhan ng mga salita ng Diyos, kaya walang katotohanan sa inyong puso. Anumang karanasan o pagkaunawa ang mayroon kayo, ito ay masyadong mababaw. Maaaring nakakapagsalita kayo ng ilang doktrina at malinaw ninyong nakikita ang ilang simpleng bagay, ngunit hindi kayo kumikilos nang may mga katotohanang prinsipyo; hindi man lang kayo nalalapit sa katotohanan. Maaaring mayroon kayong kaunting kaalaman at edukasyon, ngunit hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan. Huwag ninyong ituring ang pagkaunawa sa mga doktrina o salita bilang pagkaunawa sa katotohanan. Sa mga matagal nang nananalig sa Diyos, may ilang may mahusay na kakayahan at medyo mabuting espirituwal na pang-unawa na may kaunting karanasan sa katotohanan—subalit, hindi pa rin maaaring sabihin na nauunawaan nila ito. Sa sampung pangungusap tungkol sa kaalamang mayroon ka, marahil ay dalawa ang naglalaman ng tunay na kaalaman. Ang iba pa ay mga doktrina. Subalit, pakiramdam mo ay nauunawaan mo na ang katotohanan. Kaya mong patuloy na mangaral nang ilang araw saan ka man magpunta, palagi kang may masasabi. Kapag natapos ka na, gusto mong tipunin ang mga ito at gawing isang libro, isang “talambuhay ng isang tanyag na tao” na ipapamahagi sa lahat, upang sila ay kumain at uminom nito, para sa ikabubuti ng lahat. Ito ay labis na mayabang at hindi makatwiran, hindi ba? Hindi man lang marespeto ng mga tao ang mga bagay na may kinalaman sa katotohanan; sa pinakamahusay, maaaring nauunawaan nila ang ilan sa mga salita ayon sa nakasulat. Sapagkat sila ay matalino at may mabuting memorya, sapagkat madalas silang mangusap tungkol sa katotohanan ng mga aspetong ito gaya ng gawain ng Diyos, ang kabuluhan at hiwaga ng pagkakatawang-tao, at ang mga kaparaanan at mga hakbang ng gawain ng Diyos, kapag nasangkapan na nila ang kanilang sarili hanggang sa isang antas, nararamdaman nila na sila mismo ay nagtataglay ng katotohanan, na sila ay sagana nito. Labis silang walang katwiran dito; pinatutunayan nito na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Ang mga tao ngayon ay nakakaunawa lamang ng kaunting doktrina. Hindi nila kilala ang kanilang sarili, at lalo nang wala silang katwiran. Akala nila ay nasa kanila na ang katotohanan kapag nauunawaan nila ang ilang doktrina, at na hindi na sila mga ordinaryong tao. Pakiramdam nila ay naging napakahusay na nila at iniisip nila, “Napakaraming beses ko nang nabasa ang mga salita ng Diyos. Nakabisa ko na nga ang ilan sa mga ito, at nag-ugat na ang mga ito sa puso ko. Saan man ako magpunta, kaya kong mangaral sa ilang magkakasunod na pagpupulong, at kaya kong sabihin ang mga pangunahing punto ng alinmang kabanata ng mga salita ng Diyos.” Ang totoo, walang sinumang nakakaunawa sa katotohanan. Bakit Ko sinasabi iyon? Sa isang punto, hindi ninyo malutas ang mga problema o mahanap ang ugat ng mga ito, at hindi ninyo mahalata ang diwa ng mga ito. Isa pa, kaya lamang ninyong maintindihan ang bahagi ng anumang problema o isyu, ang inyong pagkaunawa ay malabo; hindi ninyo ito maiugnay sa katotohanan. Gayunpaman, nasisiyahan pa rin kayo sa inyong sarili, at kayo ay mapagmataas at mapagmagaling. Napakahangal at mangmang ninyo.

Paano ninyo ipaliliwanag ang mga salitang “pananalig sa Diyos”? Paano ninyo nauunawaan ang aspetong ito ng katotohanan? Ano ang tamang pananaw na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos? Ano ang mga maling pananaw na umiiral pa rin? Paano ba mismo dapat manalig ang mga tao sa Diyos? Napag-isipan na ba ninyo ang mga katanungang ito? Tila ba na kayong lahat ay “mga dalubhasa” sa katotohanan, na nauunawaan ninyong lahat ang lahat ng ito, kaya itatanong Ko sa inyo ang pinakasimpleng tanong na mayroon: Ano ang pananalig sa Diyos? Napag-isipan na ba ninyo iyan? Ano nga ba ang mismong tinutukoy ng pananalig sa Diyos? Ano ba mismo ang nais mong matamo mula sa pananalig sa Kanya, at anong mga problema ang ibig mong lutasin? Kailangang maging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito. Kailangan ding maging malinaw sa iyo ito: Anong mga pagpapamalas ng pananalig sa Diyos ang kailangang nasa isang tao para siya ay matapat na manalig sa Kanya? Ibig sabihin, paano mo dapat gawin ang iyong tungkulin para maging tapat ang iyong pananampalataya sa Diyos? Anong mga elemento ang hinihingi ng Diyos sa mga taong nananalig sa Kanya upang patunayan na sila ay mga taong tapat ang pananampalataya? Malinaw ba sa inyong isipan ang mga katanungang ito? Sa katunayan, lahat kayo ay nagpapakita ng ilang pag-uugali ng mga hindi mananampalataya sa inyong pang-araw-araw na pamumuhay. Malinaw ba ninyong masasabi ang mga bagay na inyong nagawa na walang kaugnayan sa iyong pananalig sa Diyos o sa katotohanan? Tunay mo bang naiintindihan ang ibig sabihin ng pananalig sa Diyos? Anong uri ng tao ito, na may tapat na pananampalataya at tunay na nananalig sa Diyos? Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng manalig sa Diyos ang isang nilikha? Ito ay tumutukoy sa mga pananaw ng isang tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Sinasabi ng ilan, “Ang pananalig sa Diyos ay ang pagtahak sa tamang landas at paggawa ng mabuti; ito ay isang malaking bagay sa buhay. Ang gampanan ang ilang tungkulin para sa Diyos ay kung paano praktikal na naipamamalas ang pananalig sa Kanya.” Mayroon ding mga taong nagsasabing, “Ang pananalig sa Diyos ay tungkol sa kaligtasan; ito ay tungkol sa pagtupad sa Kanyang mga layunin.” Maaari ninyong sabihin ang lahat ng ito, ngunit tunay ba ninyong nauunawaan ang mga ito? Sa katunayan ay hindi. Ang tunay na paniniwala sa Diyos ay hindi tungkol sa paniniwala sa Kanya para lamang maligtas, at lalong hindi pananalig sa Kanya para lamang maging isang mabuting tao. Hindi rin ito pananalig sa Kanya para lamang magtamo ng wangis ng tao. Sa katunayan, ang pananalig ng mga tao sa Diyos ay hindi dapat tingnan bilang paniniwala lamang na may Diyos, at na Siya ang katotohanan, ang daan, ang buhay, at na iyon na iyon. Hindi rin ito tungkol lamang sa pagkilala sa Diyos, at paniniwalang Siya ang may Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, na Siya ay makapangyarihan sa lahat, na nilikha Niya ang mundo at lahat ng bagay, na Siya ay natatangi, at na Siya ang pinakamataas. Hindi ito nagtatapos sa mapaniwala ka sa katotohanang iyon. Ang layunin ng Diyos ay na ang iyong buong pagkatao at puso ay dapat ibigay sa Kanya at magpasakop sa Kanya. Ibig sabihin, dapat mong sundin ang Diyos, hayaan Siyang gamitin ka, at maging masaya ka na makapagserbisyo man lang sa Kanya—ang anumang ginagawa mo para sa Kanya ay ang dapat gawin. Hindi ito nangangahulugan na iyon lamang mga itinalaga at hinirang ng Diyos ang dapat maniwala sa Kanya. Ang totoo, ang buong sangkatauhan ay dapat sumamba sa Diyos, makinig sa Kanya at magpasakop sa Kanya, dahil ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos. Kung alam mo na ang layunin ng pananalig sa Diyos ay ang makamit ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, ngunit hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti at hindi mo tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, niloloko mo ang iyong sarili, hindi ba? Kung nauunawaan mo lang ang doktrina ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, makakamit mo ba ang katotohanan? Ang pinakamalaking bahagi ng pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa katotohanan. Sa bawat katotohanan, dapat hanapin, pagbulayan, at siyasatin ng mga tao kung ano ang nakatagong kahulugan nito, pati na rin kung paano isagawa at pasukin ang aspetong iyon ng katotohanan. Kailangang maunawaan at taglayin ng mga nananalig ang mga bagay na ito. Pagdating naman sa iba’t ibang aspeto ng katotohanan na dapat taglayin ng isang tao sa pananalig sa Diyos, ang nauunawaan lamang ninyo ngayon ay ang mga salita at doktrina, at mga panlabas na pagsasagawa; hindi ninyo nauunawaan ang diwa ng katotohanan, dahil hindi pa ninyo ito naranasan. Halimbawa: Maraming katotohanan sa larangan ng pagtupad sa tungkulin ng isang tao at sa larangan ng pagmamahal sa Diyos, at kung nais ng mga tao na makilala ang kanilang sarili, marami ring katotohanan na kailangan nilang maunawaan. Marami ring katotohanang kailangang maunawaan sa kabuluhan at hiwaga ng pagkakatawang-tao. Kung paano dapat umasal ang mga tao; kung paano nila dapat sambahin ang Diyos; kung paano sila dapat magpasakop sa Diyos; kung ano ang dapat nilang gawin upang umayon sa mga layunin ng Diyos; kung paano nila dapat paglingkuran ang Diyos—ang lahat ng ganitong detalye ay naglalaman ng maraming katotohanan. Tungkol naman sa lahat ng katotohanang ito sa iba’t ibang dako, paano ninyo tinatrato ang mga ito, at paano ninyo nararanasan ang mga ito? Aling aspeto ng katotohanan ang pinakamahalagang pagdaanan muna? Maraming katotohanan ang kailangang maunawaan at pasukin ng mga tao pagkatapos nilang mailatag ang pundasyon sa tunay na daan. Nariyan ang katotohanan ng pagiging isang tapat na tao, at lalo na, mayroong mga katotohanang may kinalaman sa pagtupad sa isang tungkulin. Ang lahat ng ito ay nangangailangang maranasan at maisagawa ng mga tao. Kung palagi mong sinasabi ang mga salita at doktrinang iyon nang hindi binibigyang pansin kung paano magsagawa at dumanas upang makapasok sa katotohanang realidad, ikaw ay palaging mabubuhay sa mga salitang iyon, at hindi ka magkakaroon ng anumang tunay na pagbabago.

Sipi 65

Hindi nakikita ng ilang lider at manggagawa ang mga problemang umiiral sa iglesia. Habang nasa isang pagpupulong, pakiramdam nila ay para bang wala silang makabuluhang masasabi, kaya’t pinipilit na lamang nila ang kanilang sarili na magsabi ng ilang salita at doktrina. Lubusan nilang batid na ang sinasabi nila ay mga doktrina lamang, pero sinasabi pa rin nila iyon. Sa huli, maging sila ay nararamdaman na ang mga salita nila ay walang kwenta, at hindi rin ito nakapagpapatibay ng kanilang mga kapatid. Kung hindi mo alam ang problemang ito, bagkus ay may katigasan ng ulo ka lang na patuloy na nagsasabi ng mga ganoong bagay, ang Banal na Espiritu ay hindi kumikilos, at walang pakinabang sa mga tao. Kung hindi mo pa nararanasan ang katotohanan, ngunit gusto mo pa ring magsalita tungkol dito, anuman ang sabihin mo, hindi mo magagawang tumagos sa katotohanan; ang anumang sabihin mo pa ay magiging mga salita at doktrina lamang. Maaari mong isipin na medyo may kaliwanagan ang mga ito, ngunit mga doktrina lamang ang mga ito; hindi katotohanang realidad ang mga ito. Gaano man nila subukan, hindi magagawa ng sinumang nakikinig na makaunawa ng anumang totoo mula sa mga iyon. Habang nakikinig, maaaring maramdaman nila na tumpak naman ang sinasabi mo, ngunit pagkatapos, ganap nila itong malilimutan. Kung hindi ka magsasalita tungkol sa mga aktwal mong kalagayan, hindi mo maaantig ang puso ng mga tao, at hindi ito maaalala ng mga tao pagkatapos nila itong marinig. Wala itong maibibigay na kapaki-pakinabang. Kapag nakatagpo ka ng isang sitwasyong tulad nito, dapat ay may kamalayan ka na ang iyong sinasabi ay hindi praktikal; hindi makakabuti kaninuman kung magpapatuloy ka sa pagsasalita nang ganyan, at magiging mas nakakaasiwa pa kung may magtatanong na hindi mo masasagot. Dapat kang huminto kaagad at hayaan ang ibang taong magbahagi—iyon ang magiging matalinong desisyon. Kapag ikaw ay nasa isang pagpupulong at may alam ka tungkol sa isang partikular na isyu, maaari kang magsabi ng ilang praktikal na bagay tungkol dito. Maaaring ito ay medyo mababaw, ngunit maiintindihan ito ng lahat. Kung palagi mong gustong magsalita sa mas malalim na paraan upang mapabilib ang mga tao at tila kailanman ay hindi mo ito maipaabot, dapat mong bitawan na lang ito. Ang lahat ng iyong sasabihin magmula noon ay magiging hungkag na doktrina; dapat kang magpaubaya sa iba bago mo ipagpatuloy ang pagbabahagi. Kung sa pakiramdam mo ay doktrina ang nauunawaan mo at ang pagsasabi nito ay hindi magiging kapaki-pakinabang, ang Banal na Espiritu ay hindi kikilos kapag nagsalita ka sa ganoong pagkakataon. Kung pipilitin mo ang iyong sarili na magsalita, maaari kang humantong sa mga kahangalan at paglihis, at maaari mong mailigaw ang mga tao. Karamihan sa mga tao ay may napakahinang pundasyon at mahinang kakayahan na hindi nila maunawaan ang mas malalalim na bagay sa maikling panahon o madaling maalala ang mga ito. Sa kabilang banda, pagdating sa mga bagay na baluktot, ayon sa regulasyon, at doktrinal, sila ay medyo mabilis makaunawa. Kaysama nila, hindi ba? Kaya, kailangan mong manatiling tapat sa mga prinsipyo kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan at magsalita ka tungkol sa anumang iyong nauunawaan. May kahambugan sa puso ng mga tao, at kung minsan, kapag namamayani ang kanilang kahambugan, nagpupumilit silang magsalita, kahit na alam nila na ang kanilang sinasabi ay doktrina. Iniisip nila, “Baka hindi mahalata ng mga kapatid ko. Babalewalain ko ang lahat ng iyon para sa kapakanan ng aking reputasyon. Ang pag-iingat sa imahe ang mahalaga ngayon.” Hindi ba’t isa itong pagtatangka na linlangin ang mga tao? Ito ay pagiging hindi tapat sa Diyos! Kung ito ay isang tao na may anumang katwiran, siya ay magsisisi at makakaramdam na dapat na siyang huminto sa pagsasalita. Madarama niya na dapat niyang baguhin ang paksa at na dapat siyang magbahagi tungkol sa isang bagay na mayroon siyang karanasan, o marahil tungkol sa kanyang pagkaunawa at kaalaman sa katotohanan. Kung gaano karami ang nauunawaan ng isang tao, ganoon karami ang dapat niyang sabihin. May limitasyon sa mga praktikal na bagay na puwedeng sabihin ng isang tao, gaano man karami ang kanyang sinasabi. Kung walang karanasan, ang iyong mga imahinasyon at iniisip ay teorya lamang, mga bagay lamang mula sa mga kuru-kuro ng tao. Ang mga salitang katotohanan ay nangangailangan ng tunay na karanasan upang maunawaan, at walang sinuman ang ganap na makakaunawa sa diwa ng katotohanan nang walang karanasan, at lalo nang hindi lubos na maipapaliwanag ang kalagayan ng pagdanas ng isang katotohanan. Kailangan mong magkaroon ng ilang karanasan sa katotohanan upang magkaroon ka ng praktikal na sasabihin. Hindi ito nangyayari nang walang karanasan. At kahit pa mayroon kang karanasan, mayroon ka pa rin nito sa limitadong paraan. Mayroong ilang limitadong kalagayan na maaari mong talakayin, ngunit higit sa mga iyon, wala ka nang maiaalok. Ang pagbabahagi sa isang kapulungan ay dapat palaging umiikot sa isa o dalawang paksa. Malaki na ang iyong nakamit kung magagawa mong maging mas malinaw ang mga ito sa pagbabahagi. Huwag kang maipit sa pagsisikap na magsabi ng higit pang mga bagay o ng mas malalaking bagay—walang sinuman ang makakapagpaabot ng anuman sa ganoong paraan, at wala itong pakinabang kanino man. Ang mga pagpupulong ay tungkol sa paghahalinhinan sa pagsasalita, at hangga’t praktikal ang nilalaman, ang mga tao ay makikinabang dito. Itigil na ang pag-iisip na kayang ibahagi nang malinaw ng iisang tao ang lahat ng katotohanan nang mag-isa lamang siya; imposible iyan. Kung minsan, maaari mong ipagpalagay na nakikipag-usap ka sa isang paraang napakapraktikal, ngunit hindi pa rin talaga nauunawaan ng iyong mga kapatid. Ito ay dahil ang iyong kalagayan ay ang iyong kalagayan, at ang mga kalagayan ng iyong mga kapatid ay hindi kinakailangang eksaktong kapareho ng sa iyo. Bilang karagdagan, maaaring mayroon kang kaunting karanasan sa paksang ito, ngunit maaaring wala ang iyong mga kapatid, kaya nararamdaman nilang ang mga sinasabi mo ay hindi natutungkol sa kanila. Ano ang dapat mong gawin kapag naharap ka sa ganitong uri ng sitwasyon? Dapat mo silang tanungin ng ilang katanungan upang maunawaan mo ang kanilang mga kondisyon. Tanungin mo sila kung ano ang gagawin nila kapag napag-usapan ang paksang ito, at kung paano sila dapat magsagawa nang naaayon sa katotohanan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa ganitong paraan nang ilang sandali, isang landas na pasulong ang magbubukas. Sa ganitong paraan, maaakay mo ang mga tao patungo sa nauukol na paksang hinaharap, at kung patuloy ka pang magbabahagi, magkakamit ka ng mga resulta.

Sipi 66

May ilang tao na hindi talaga makakilatis. Sumusunod sila sa sinumang namumuno. Natututo sila ng magandang asal kapag pinamumunuan sila ng mabubuting tao, natututo sila ng masamang asal kapag pinamumunuan sila ng masasamang tao. Natututo sila sa sinumang sinusunod nila. Kapag sumusunod sila sa mga walang pananampalataya, gumagaya sila sa mga demonyo. Kapag sumusunod sila sa mga nananalig sa Diyos, natututuhan nilang magkaroon ng kaunting wangis ng pagkatao. Hindi nila binibigyang-pansin ang pagkaunawa sa katotohanan at ang pagsasagawa ng katotohanan, kundi sumusunod lang sila sa iba at pikit-matang gumagaya sa kanila. Nakikinig sila sa sinumang gusto nila. Mauunawaan ba ng ganitong tao ang katotohanan? Talagang hindi. Ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan ay hindi kailanman magkakaroon ng tunay na pagbabago. Ang kaalaman at doktrina, asal ng tao, paraan ng pananalita—maaaring matutuhan sa mga tao ang mga panlabas na bagay na ito. Subalit, ang katotohanan at buhay ay makakamit lamang mula sa mga salita at gawain ng Diyos, at hinding-hindi sa mga sikat o pambihirang tao. Paano dapat kainin at inumin ng mga mananampalataya ang mga salita ng Diyos? Direkta itong nauugnay sa mahalagang katanungan na kung mauunawaan at makakamit ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Mayroon dapat na tamang landas sa pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos; sa kanilang buhay iglesia at habang tinutupad nila ang kanilang tungkulin, dapat kainin at inumin ng mga mananampalataya ang mga salita ng Diyos na nakatuon sa mga problema sa tunay na buhay, at lumulutas sa mga problemang iyon. Ito lang ang paraan para maunawaan ang katotohanan. Gayunpaman, kung nauunawaan nila ang katotohanan pero hindi nila ito isinasagawa, hindi sila makakapasok sa katotohanang realidad. May mga taong may magandang katangian ngunit hindi iniibig ang katotohanan; kahit na nagagawa nilang maunawaan nang kaunti ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa. Makapapasok ba ang ganoong mga tao sa katotohanang realidad? Ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi kasingsimple ng pag-unawa sa mga doktrina. Para maunawaan ang katotohanan, kailangan mo munang malaman kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos. Gawin nating halimbawa ang pagkain at pag-inom ng isang sipi hinggil sa katotohanan ng pagmamahal para sa Diyos. Sinasabi ng salita ng Diyos: “Ang ‘pagmamahal,’ ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pagmamahal walang mga kundisyon, walang mga balakid, at walang distansya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal walang humihingi ng kapalit at walang karumihan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang). Ganito ipinakakahulugan ng Diyos ang pagmamahal, at ito ang katotohanan. Ngunit sino ang dapat mong mahalin? Dapat mo bang mahalin ang iyong asawang lalaki? Ang iyong asawang babae? Ang iyong mga kapatid sa iglesia? Hindi. Kapag nangungusap ang Diyos ng tungkol sa pagmamahal, nangungusap Siya hindi ng pagmamahal para sa iyong kapwa tao, kundi ng pagmamahal ng tao sa Diyos. Kung tunay nang nakikilala ng isang tao ang Diyos, kung tunay niyang nakikita na ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal, at nakikita niya na ang pagmamahal ng Diyos para sa tao ang pinakatunay at pinakatapat, ang pagmamahal ng taong iyon para sa Diyos ay tunay rin. Paano ba isinasagawa ng isang tao ang pagmamahal sa Diyos? Una sa lahat, dapat niyang ihandog ang kanyang puso sa Diyos; pagkatapos ay maiibig na ng puso niya ang Diyos. Kung tunay na nakikita ng puso ng isang tao kung gaano labis na kaibig-ibig ang Diyos, hindi niya Siya paghihinalaan, walang magiging distansya sa pagitan niya at ng Diyos, at magiging dalisay at walang dungis ang kanyang magpagmahal-sa-Diyos na puso. Ang “walang dungis” ay nangangahulugan na walang maluluhong ninanasa at hindi gumagawa ng mga labis na kahilingan sa Diyos, hindi naglalatag ng mga kondisyon sa Kanya, at hindi nagpapalusot. Nangangahulugan ito na Siya ang una sa puso mo; nangangahulugan ito na ang mga salita Niya lamang ang nasa puso mo. Isa itong damdaming dalisay at walang dungis. Ang “damdaming” ito ay nangangahulugan na may tiyak na lugar ang Diyos sa puso mo, at lagi mo Siyang iniisip at pinananabikan, at isinasaisip mo Siya sa bawat sandali. Ang magmahal ay nangangahulugang ginagamit mo ang iyong puso para magmahal. Ang “ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal” ay kinapapalooban ng pagiging maalalahanin, mapagmalasakit, at nananabik. Para magtagumpay sa pagmamahal sa Diyos gamit ang iyong puso, dapat mo munang hangaring makilala ang Diyos, malaman ang Kanyang disposisyon, at malaman ang Kanyang pagiging kaibig-ibig. Kung hindi mo talaga kilala ang Diyos, hindi mo Siya magagawang mahalin kahit na gusto mo pa. Sa kasalukuyan, handa kayong lahat na pagsikapan ang katotohanan at hinahangad ninyong lahat na makamit ang katotohanan. Kahit na wala kang tunay na pagkakilala sa Diyos, dapat mong gamitin ang iyong puso upang panabikan Siya, lumapit sa Kanya, magpasakop sa Kanya, maging maalalahanin sa Kanya, ibahagi sa Kanya ang laman ng isip mo, at ibuhos sa Kanya ang mga paghihirap na nasa puso mo. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hanapin mo ang Diyos; bumaling ka sa Diyos at sumandig ka sa Kanya kapag hindi mo na kaya ang isang bagay nang ikaw lang. Kapag ganito ka manalangin sa Diyos, bibigyang-liwanag at gagabayan ka ng Banal na Espiritu. Huwag kang mabahala sa pag-iisip na, “Ano ba ang kailangan kong gawin para sa Diyos? Anong malalaking bagay ang dapat kong gawin?” Mga hungkag na salita lang ang mga ito at hindi man lang praktikal. Magiging praktikal lang ito kung ibubuhos mo ang puso mo sa pagmamahal sa Diyos, at pasisiyahin mo Siya sa maliliit na bagay at sa mga tungkuling kaya mong gawin. Bagaman hindi mo sinasabi nang hayagan kung gaano mo tiyak na minamahal ang Diyos, at sa kung anong antas, taglay mo ang Diyos sa puso mo, at handa ang puso mong pasiyahin Siya. Anumang mga paghihirap ang mayroon ka, hangga’t handa ang puso mong pasiyahin ang Diyos, at kaya mong gawin ang ilang bagay para pasiyahin Siya, at kaya mong magtiis ng kaunting paghihirap para mapasiya Siya, totoong minamahal mo Siya. Kung nauunawaan mo ang ilang katotohanan at may prinsipyo ka sa pangangasiwa ng lahat ng bagay, mararamdaman mo ang pagmamahal ng Diyos, mararamdaman mong lahat ng sinasabi ng Diyos ay ang katotohanan, ay realidad, at tumutulong sa mga tao sa lahat ng oras, mararamdaman mong hindi makakahiwalay ang mga tao sa mga salita ng Diyos at hindi kakayanin ng puso nila na walang Diyos, mararamdaman mo na kung wala ang Diyos ay walang buhay, at mararamdaman mo na kung talagang iiwan mo ang Diyos ay talagang hindi ka mabubuhay, na magiging napakasakit niyon. Kapag nadarama mo ang lahat ng ito, mayroon kang pagmamahal, taglay mo ang Diyos sa puso mo. “Ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin.” Maraming nakapaloob dito. Ang tunay na pagmamahal ang hinihingi ng Diyos sa mga tao; sa ibang salita, dapat mo Siyang mahalin at alalahanin gamit ang iyong puso, at dapat mo Siyang laging isaisip. Hindi ibig sabihin nito na magsalita ka lang, at hindi rin ito nangangahulugang sadyain mong ipahayag ang isang bagay sa harap ng iba; sa halip, sa pangunahin, nangangahulugan ito na gawin mo ang mga bagay-bagay nang may puso, at hayaan mo ang puso mo na pangasiwaan ang buhay mo at ang lahat ng iyong mga kilos, nang walang motibasyon, kalituhan, o paghihinala sa iyong puso; ang pusong gaya nito ay higit na mas dalisay. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, madaling magpasakop sa Diyos. Ano ba ang iniisip ng isang taong laging pinaghihinalaan ang Diyos? “Tama bang gawin ito ng Diyos? Bakit ito sinasabi ng Diyos? Kung walang dahilan ang Diyos sa pagsasabi nito, hindi ako magpapasakop dito. Kung hindi matuwid para sa Diyos na gawin ito, hindi ako magpapasakop. Hindi ko muna ito papansinin sa ngayon.” Ang hindi magkimkim ng paghihinala ay nangangahulugang kilalanin na anumang sinasabi at ginagawa ng Diyos ay tama, at sa Diyos ay walang tama o mali, at dapat magpasakop ang tao sa Diyos, maging maalalahanin sa Diyos, pasiyahin ang Diyos, at makibahagi sa Kanyang mga kaisipan at alalahanin. Mukha mang makahulugan sa iyo o hindi ang lahat ng ginagawa ng Diyos, sumasang-ayon man ito o hindi sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at umaayon man ito o hindi sa mga doktrina ng tao, dapat ka pa rin laging magpasakop at harapin ang mga bagay na ito nang may pusong may takot sa Diyos at pusong nagpapasakop sa Diyos. Ang gayong pagsasagawa ay alinsunod sa katotohanan. Pagpapamalas at pagsasagawa ito ng pagmamahal. Kaya, kung nais mong maunawaan ang katotohanan, mahalagang malaman mo kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Kung kakaunti ang binabasa mong mga salita ng Diyos, hindi binabasa nang taimtim ang mga iyon, at hindi pinagninilayan ang mga iyon sa puso mo, hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Ang tangi mong mauunawaan ay kaunting doktrina, kaya mahihirapan ka nang husto na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang mga layon ng Diyos sa Kanyang mga salita. Kung hindi mo nauunawaan ang mga mithiin at resultang hinahangad na makamit ng mga salita ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan ang hinahanap na maisakatuparan at maperpekto ng Kanyang mga salita sa tao, pinatutunayan nito na hindi mo pa naiintindihan ang katotohanan. Bakit sinasabi ng Diyos ang Kanyang sinasabi? Bakit Siya nagsasalita sa ganoong tono? Bakit Siya ay napakamasigasig at taos sa bawat salitang Kanyang sinasambit? Bakit Niya pinipiling gamitin ang ilang salita? Alam mo ba? Kung hindi mo masabi nang may katiyakan, ibig sabihin nito ay hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos o ang Kanyang mga layon. Kung hindi mo nauunawaan ang konteksto sa likod ng Kanyang mga salita, paano mo mauunawaan o maisasagawa ang katotohanan? Upang makamit ang katotohanan, dapat mo munang maunawaan ang ibig sabihin ng Diyos sa bawat salitang Kanyang binibigkas, at pagkatapos mong maunawaan ang mga salitang ito ay isagawa mo ang mga ito, na nagiging dahilan upang maisabuhay sa loob mo ang mga salita ng Diyos, at upang maging realidad mo. Sa paggawa nito ay papasok ka sa katotohanang realidad. Kapag mayroon ka nang lubos na pagkaunawa sa salita ng Diyos, saka mo lamang tunay na mauunawaan ang katotohanan. Matapos maunawaan lamang ang ilang salita at doktrina, iniisip mo na nauunawaan mo ang katotohanan at taglay mo ang realidad. Ito ay panlilinlang sa sarili. Ni hindi mo nauunawaan kung bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na isagawa ang katotohanan. Pinatutunayan nito na hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at na hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Sa katunayan, ipinapagawa ito ng Diyos sa mga tao para dalisayin at iligtas sila, upang maiwaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at maging mga taong nagpapasakop at nakakakilala sa Diyos. Ito ang mithiing nais makamtan ng Diyos sa pag-uutos sa mga tao na isagawa ang katotohanan.

Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, nauuhaw sa katotohanan, at naghahanap sa katotohanan. Para naman sa mga taong ang pagpapahalaga ay nasa mga salita at doktrina at gustong magbigay ng mahahaba at matatayog na mga pananalita, hindi nila matatamo ang katotohanan kailanman; niloloko nila ang kanilang mga sarili. Ang pananaw nila tungkol sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos ay mali, binabaligtad nila ang pagbasa roon sa matuwid—maling-mali ang kanilang pananaw. Mas gusto ng ilang tao na pag-aralan ang mga salita ng Diyos. Lagi nilang pinag-aaralan kung paano tinatalakay ng mga salita ng Diyos ang tungkol sa hantungan o kung paano pagpapalain. Lubha silang interesado sa ganitong mga uri ng mga salita. Kung hindi umaayon ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro at hindi nabibigyang-kasiyahan ang pagnanasa nila para sa mga pagpapala, magiging negatibo sila, hindi na nila hahangarin ang katotohanan, at aayawan nilang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos. Ipinapakita nito na hindi sila interesado sa katotohanan. Dahil dito, hindi sila masigasig sa katotohanan; kaya lang nilang tanggapin ang katotohanan na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro at mga imahinasyon. Bagama’t marubdob ang gayong mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos at sinusubukan ang lahat ng paraang kaya nila upang gumawa ng ilang mabubuting gawa at maipakita na mabuting tao sila, ginagawa lamang nila ito para magkaroon ng magandang hantungan sa hinaharap. Sa kabila ng katunayang sumasali rin sila sa buhay-iglesia, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, hindi nila isasagawa ang katotohanan o kakamtin ito. May ilang tao na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit sumasama lamang sa agos; iniisip nila na natamo na nila ang katotohanan sa pamamagitan lamang ng pagkaunawa sa ilang salita at doktrina. Mga hangal sila! Ang salita ng Diyos ang katotohanan. Gayunpaman, hindi nangangahulugan na mauunawaan at matatamo ng isang tao ang katotohanan matapos niyang mabasa ang mga salita ng Diyos. Kung nabibigo kang matamo ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, ang matatamo mo ay mga salita at doktrina. Kung hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan o kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo, mananatili kang walang katotohanang realidad. Maaaring madalas mong binabasa ang mga salita ng Diyos, ngunit pagkatapos, nabibigo kang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at ang nakukuha mo lamang ay ilang salita at doktrina. Paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos upang maunawaan ang katotohanan? Una sa lahat, dapat mong matanto na ang salita ng Diyos ay hindi madaling maunawaan; ang salita ng Diyos ay napakalalim. Kahit isang pangungusap ng mga salita ng Diyos ay nangangailangan ng isang habambuhay upang maranasan. Kung wala kang ilang taon ng karanasan, paano mo posibleng maunawaan ang salita ng Diyos? Kung, kapag nagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at hindi nauunawaan ang mga layon ng Kanyang mga salita, ang pinagmulan ng mga ito, ang epektong hinahanap na makamit ng mga ito, o kung ano ang hinahanap na maisakatuparan ng mga ito, ibig sabihin ba nito ay nauunawaan mo ang katotohanan? Maaaring maraming beses mo nang nabasa ang mga salita ng Diyos at marahil ay kabisado mo na ang maraming sipi, ngunit hindi mo maisagawa ang katotohanan at hindi ka talaga nagbago, at ang iyong kaugnayan sa Diyos ay malayo at hiwalay pa rin tulad ng dati. Kapag nahaharap sa isang bagay na salungat sa iyong mga kuru-kuro, nagdududa ka pa rin sa Kanya, at hindi mo Siya nauunawaan, kundi nangangatwiran ka pa sa Kanya at nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya at nagkakamali ng pagkaunawa sa Kanya, nilalabanan Siya at nilalapastangan pa Siya. Anong klaseng disposisyon ito? Ang disposisyong ito ay disposisyon ng kayabangan, ng pagiging tutol sa katotohanan. Paano ito matatanggap o maisasagawa ng mga taong napakayabang at tutol na tutol sa katotohanan? Talagang hinding-hindi matatamo ng gayong mga tao ang katotohanan o ang Diyos. Bagaman ang lahat ay may kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at binabasa nila ang mga salita ng Diyos araw-araw, at gumagawa sila ng tala kapag nakikinig sila sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan, ang epekto nito sa bawat tao ay magkakaiba. May ilang tao na pinagtutuunan ang pagsasangkap sa kanilang sarili ng kaalaman at mga doktrina; ang ilan ay laging naghahangad at nag-aalala kung anong magandang asal ang dapat ipakita ng mga tao; ang ilan ay handang magbasa ng malalalim na salita na nagpapakita ng mga hiwaga; ang ilan ay pinakainaalala ang mga salita tungkol sa hantungan sa hinaharap; ang ilan ay gustong pag-aralan ang mga atas administratibo sa Kapanahunan ng Kaharian, at pag-aralan ang disposisyon ng Diyos; ang ilan ay handang magbasa ng mga salita ng Diyos na umaalo at nanghihikayat sa tao; ang ilan ay handang magbasa ng mga propesiya, ng mga salita ng pangako at mga pagpapala ng Diyos; ang ilan ay handang basahin ang mga salitang sinasabi ng Banal na Espiritu sa lahat ng iglesia, at handang maging “Kanyang anak.” Makakamit ba nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos nang ganito? Ito ba ay mga taong hinahangad ang katotohanan? Maliligtas ba sila sa pamamagitan ng ganitong pananalig sa Diyos? Dapat ninyong makita nang malinaw ang mga bagay na ito. May ilang bagong mananampalataya ngayon na nagsasabi, “Kahanga-hanga ang mga salita ng Diyos na umaalo sa tao; sinasabi Niya, ‘Anak Ko, Anak Ko.’ Sino sa mundong ito ang aalo sa iyo nang ganito?” Iniisip nila na mga anak sila ng Diyos, at hindi nila naiintindihan kung kanino sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito. May ilan na hindi pa rin ito naiintindihan kahit na dalawang taon nang nananampalataya sa Diyos; may kakapalan ng mukha nilang sinasabi ang mga ganitong bagay at hindi sila nahihiya tungkol dito. Naiintindihan ba nila ang katotohanan? Hindi nila naiintindihan ang mga layunin ng Diyos, pero nangangahas silang kunin ang posisyon ng Kanyang “anak”! Ano ba ang naiintindihan nila kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos? Lubhang mali ang pagkaunawa nila sa mga iyon! Kapag binasa ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang mga salita ng Diyos ay hindi nila maiintindihan ang mga ito. Kapag nakikipagbahaginan ka sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila binibigyang halaga ang pagtanggap dito. Sa kabaligtaran, ang mga nagmamahal sa katotohanan ay naaantig pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos. Nadarama nila ang awtoridad at kapangyarihan sa mga salita ng Diyos. Kaya nilang suriin ang tunay na daan at tanggapin ang katotohanan. Ang ganitong mga tao ay may pag-asang makabalik sa Diyos at makamit ang katotohanan. Ang mga taong gustong pag-aralan ang mga salita ng Diyos ay laging iniisip ang paraan kung paano binabago ng Diyos ang Kanyang anyo, kung kailan lilisanin ng Diyos ang mundong ito, at ang araw ng Diyos. Hindi nila inaalala ang sarili nilang buhay. Inaalala ng mga tao ang mga bagay na Diyos lang ang may karapatan na pakialaman. Kung lagi kang magtatanong ng gaya nito, nanghihimasok ka sa mga atas administratibo ng Diyos at sa Kanyang plano ng pamamahala. Hindi ito makatwiran at nilalabag nito ang disposisyon ng Diyos. Kung gusto mo talagang magtanong o makaalam, at hindi mo mapigilan ang sarili mo, manalangin ka sa Diyos at sabihin mo, “O Diyos, may kinalaman ang mga bagay na ito sa Iyong plano ng pamamahala at Ikaw lang ang dapat makialam sa mga ito. Hindi ako dapat mag-usisa sa mga bagay na lagpas sa maaabot ko o sa mga bagay na hindi ko dapat malaman. Pakiusap ilayo Mo ako sa paggawa ng mga bagay na hindi makatwiran.” Paano mauunawaan ng tao ang mga usapin na sa Diyos lamang? Kung hindi binanggit o inihayag ng Diyos ang ilang bagay na may kinalaman sa Kanyang mga gawain at plano ng pamamahala, pinatutunayan lamang nito na hindi Niya ninanais na ibunyag ito sa tao. Lahat ng bagay na gusto ng Diyos na malaman ng tao ay nasa Kanyang mga salita, at ang lahat ng katotohanang dapat mong maunawaan ay nasa Kanyang mga salita. Mayroong napakaraming katotohanang dapat mong maunawaan. Kailangan mo lamang tingnan ang mga salita ng Diyos; kung may anumang hindi matatagpuan doon, huwag kang magpumilit magkaroon ng kasagutan. Kung hindi sinabi sa iyo ng Diyos, walang silbi na patuloy kang magtanong at magsiyasat. Sinabi na Niya ang lahat ng dapat mong malaman, at hindi Niya sasabihin o ibubunyag sa iyo ang hindi mo dapat malaman. Sa kasalukuyan, karamihan sa mga mananampalataya ay hindi pa nakapasok sa tamang landas; hindi nila alam kung paano pagbulayan ang mga salita ng Diyos kapag binabasa nila ang mga iyon, lalo na ang isagawa o danasin ang mga iyon. Mayroon pa ngang ilan na hindi ginagawa ang mga tungkulin nila, o na hindi nakikibahagi sa mga wastong gawain. Mas mahirap pa nga para sa mga mananampalatayang gaya nito ang maunawaan ang katotohanan. Kailangan ng isang tao ng mahabang panahon na karanasan para maunawaan ang katotohanan. Kung hindi mo maingat na babasahin ang mga salita ng Diyos, o isasagawa o daranasin ang mga salita Niya, paano mo mauunawaan ang katotohanan o mapapasok ang realidad? Paano ka makakapasok sa tamang landas ng pananampalataya kung hindi ka magpapasakop sa gawain ng Diyos? At kung hindi ka makakapasok sa tamang landas ng pananampalataya, paano ka maliligtas? Dapat na maging malinaw sa mga tunay na mananampalataya ang mga bagay na ito.

Sipi 67

Ano ang katotohanang realidad? Ano ang tinutukoy nito? Ito ay tumutukoy sa pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at naisasagawa ito, magiging realidad nila ang katotohanan, magiging buhay nila ito. Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa katotohanan, taglay nila ang katotohanang realidad. Wala sa mga tao ang katotohanang realidad kung nagbibigkas lang sila ng mga salita at doktrina ngunit hindi nila maisagawa ang katotohanan. Kapag nagpapahayag sila ng mga salita at doktrina, maaaring tila nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit hindi talaga nila ito maisagawa, na nagpapatunay na hindi nila taglay ang katotohanang realidad. Kung gayon, paano makakapasok ang mga tao sa katotohanang realidad? Dapat nilang isagawa ang mga salita ng Diyos sa kanilang totoong buhay, at sa pamamagitan ng proseso ng pagdanas at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, magkakaroon sila ng kaalaman tungkol sa katotohanan—hindi isang bagay na nasa isipan lamang, kundi aktuwal na karanasan at totoong kaalaman—at magagawa nilang kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Nangangahulugan itong nakapasok na sila sa katotohanang realidad. Kung gayon, aling mga katotohanan ang naranasan na ninyo at kinapulutan ng totoong kaalaman? Nagkaroon na ba kayo ng pakiramdam na naging buhay na ninyo ang katotohanan? Kapag kumuha ka ng isang talata sa mga salita ng Diyos, alinmang aspekto ng katotohanan ang tinutugunan ng mga ito, maaari mong ikumpara ang sarili mo sa mga ito at talagang eksakto ang mga ito sa kalagayan mo, at lubos kang naaantig, na para bang nahipo ng mga salita ng Diyos ang kaibuturan ng iyong puso, at naramdaman mong tama talaga ang Kanyang mga salita, at ganap mong tinatanggap ang mga ito, at hindi ka lang nagkakaroon ng kaalaman tungkol sa iyong sariling kalagayan, kundi nalalaman mo rin kung paano magsagawa alinsunod sa Kanyang mga layunin. Sa pamamagitan ng pag-inom at pagkain ng mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, may nakakamit kang mga benepisyo, nagkakaroon ka ng kaliwanagan at natatanglawan ka, nakukuha mo ang mga pangangailangan mo, at nababaligtad ang iyong kalagayan. Iniisip mo na dakila ang mga salita ng Diyos, at napakasaya at kuntento mo, pakiramdam mo ay nagkaroon ka ng kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos, nauunawaan mo ang ibig sabihin ng talatang ito mula sa mga salita ng Diyos, at alam mo kung paano maranasan at isagawa ang mga ito. Madalas ba na ganito ang pakiramdam ninyo? (Oo.) Kaya noong nagkaroon kayo ng ganitong pakiramdam, naramdaman ba ninyo na nakamit ninyo ang katotohanan mula sa talatang ito ng mga salita ng Diyos? (Hindi.) Dahil hindi ninyo ito naramdaman, ibig sabihin nito ay pangkaisipang tugon lamang ang pakiramdam na ito, isang pansamantalang pag-antig sa puso. Ang pagkakaroon ng gantimpala at bahagyang pagpasok ay hindi kumakatawan sa pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad. Isa lamang itong inisyal na karanasan, pagkaunawa lamang sa literal na kahulugan ng katotohanan. Ang pagpasok sa katotohanang realidad mula sa pag-unawa sa katotohanan ay isang komplikadong proseso na inaabot nang matagal na panahon. Mula sa pag-unawa sa mga salita at doktrina patungo sa tunay na pag-unawa sa katotohanan, nangangailangan ito nang hindi lamang isa, dalawa, o kahit pa maraming karanasan upang magdulot ng mga resulta. Maaaring magkaroon ka ng kaunting gantimpala mula sa isang karanasan, ngunit maraming karanasan muna ang aabutin bago mo maani ang tunay na gantimpala, at makamit ang resulta ng pag-unawa sa katotohanan. Para itong pagninilay-nilay tungkol sa isang problema; ang isang beses na pagninilay-nilay ay nagdudulot ng kaunting liwanag, ngunit ang pagninilay-nilay nang maraming beses ay magdudulot ng higit na gantimpala, at magbibigay-daan upang mas malinaw mong makita ang sitwasyon. Kung gugugulin mo ang ilang taon sa pagninilay-nilay sa problema, ganap mo itong mauunawaan. Dahil dito, kung gusto mong magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, hindi ito kasing simple ng pagkakaroon lamang ng ilang karanasan. Kayo ba mismo ay sumailalim na sa mga ganitong klaseng karanasan? Malamang ay ilang beses na itong naranasan ng lahat. Kapag nagsisimula nang maranasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos, may kaunting sinag ng liwanag, ngunit mababaw pa lamang ang kanilang kaalaman. Katulad ito ng pag-unawa sa doktrina, ngunit ang kanilang kaalaman ay tila mas praktikal nang kaunti, at hindi malinaw na maipapaliwanag sa isa o dalawang pangungusap. Dahil sa pagbabahaginan nila, nararamdaman ng iba na ang kanilang kaalaman ay mas praktikal nang kaunti kaysa sa mga salita at doktrina. Kung lalalim ang kanilang mga karanasan at makapagpapahayag sila tungkol sa ilang detalye, ang kaalaman nila ay magmimistulang mas praktikal pa rin. Kung pagkatapos noon ay patuloy na magkakaroon ng mga karanasan ang mga tao sa loob ng ilang panahon at magagawa nilang magsalita nang may tunay na kaalaman sa mga salita ng Diyos, aangat ang kanilang kaalaman mula pangkaisipan tungo sa rasyonal na antas. Ito ang tunay na pag-unawa sa katotohanan. Kapag patuloy na nararanasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos at isinasagawa ang mga ito, magagawa nilang unawain ang mga prinsipyo ng katotohanan, at malalaman nila kung paano maisasagawa ang katotohanan. Ito ang ibig sabihin ng pagpasok sa katotohanang realidad. Sa panahong ito, kapag nagbigay sila ng patotoong batay sa karanasan, mararamdaman ng mga nakikinig na ito ay praktikal, at labis-labis nila itong pupurihin. Kapag naabot ng isang tao ang ganitong antas, magiging buhay realidad na niya ang mga salita ng Diyos, at tanging ang ganitong uri ng tao lang ang masasabing nagkamit ng katotohanan. Ito ang pinasimpleng proseso ng pagdanas sa mga salita ng Diyos at pagkamit ng katotohanan, isang bagay na hindi makakamtan kung wala ang ilang taon man lamang o higit pa sa 10 taon na pagsusumikap. Kapag nagsisimula ang isang tao na maranasan at isagawa ang mga salita ng Diyos, naiisip niyang magiging simple lang ito, ngunit kapag may nangyari sa kanya, hindi niya alam kung paano ito harapin o lulutasin, at lumilitaw ang lahat ng uri ng problema. Ang kanilang kuru-kuro at imahinasyon ay lilikha ng mga balakid, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay lilikha ng mga gulo, at kapag naharap sila sa mga hadlang at kabiguan, hihinto na sila sa pag-alam kung paano makakaranas. Ang mga taong may mga tiwaling disposisyon ay higit na sensitibo at madaling maging negatibo, at kapag sila ay inatake, siniraan at hinusgahan, mabilis silang manlumo at hindi na makabangon. Kung ang mga problemang ito ay malulutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, kung magagawang umasa ng isang tao sa Diyos upang maging matatag, magagawa niyang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung hindi interesado ang isang tao sa katotohanan at hindi niya itinuturing ang katotohanan bilang isang bagay na mahalagang maranasan at makamit, wala siyang lakas sa kanyang pagsasagawa ng katotohanan, at sa unang tanda ng paghihirap, siya ay bibigay at hindi na makakausad. Ang ganitong uri ng tao ay isang duwag, at hindi madali para sa kanila na makamit ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, isang bagong buhay na ipinagkaloob Niya sa mga tao, at ano ang layunin ng pagtanggap sa katotohanan? Ito ay ang makamit ang katotohanan at buhay, ang maranasan ang katotohanan na tila ba ito ay sarili mong buhay. Bago maging buhay ng isang tao ang katotohanan, ang pangunahing layunin ng pagtanggap sa katotohanan ay upang malutas ang mga tiwaling disposisyon. Aling mga tiwaling disposisyon ang malulutas nito? Pangunahin nitong nilulutas ang mga bagay gaya ng pagrerebelde, mga kuru-kuro at imahinasyon, kayabangan, kapalaluan, pagkamakasarili, pagiging kasuklam-suklam, pagiging baliko, pagiging mapanlinlang, pagiging pabasta-basta, at pagka-iresponsable, at kawalan ng konsensiya at katwiran. At ano ang magiging resulta nito sa huli? Ito ay ang maaaring maging matapat ang isang tao na nagpapasakop sa Diyos, dumadakila sa Kanya, sumasamba sa Kanya, tapat at tunay na nagmamahal sa Kanya, at magpapasakop sa Kanya hanggang kamatayan. Ganap na isinasabuhay ng ganitong uri ng tao ang halimbawa ng isang tunay na tao, siya ay naging isang taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Ito ang pinakamataas na dako na maaaring maabot ng isang tao sa paghahangad ng katotohanan.

Kung gayon, paano magagawa ng mga tao na kainin, inumin at danasin ang mga salita ng Diyos para lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon? Hindi ito isang simpleng usapin. Ang mga tiwaling disposisyon ay isang problemang tunay na umiiral, at madalas ay likas na naipapahayag ang mga ito sa totoong buhay ng mga tao. Anuman ang mangyari sa mga tao, at anuman ang gawin nila, laging mabubunyag ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, anuman ang sabihin o gawin ng mga tao, kadalasan ay mayroon silang ilang partikular na layunin at hangarin. Nararamdaman ng mga taong marurunong kumilatis kung totoo o hindi ang pagsasalita at pagkilos ng mga tao, pati na rin ang mga bagay na nakatago sa kanilang mga salita at kilos, at mga patibong na nasa mga ito. Kung gayon, kusa bang nabubunyag ang mga ganitong bagay? Maitatago ba ito ng mga tao? Kahit na walang sabihin o gawin ang mga tao, kapag may nangyari sa kanila, mayroon pa rin silang reaksyon. Unang makikita ang mga bagay na ito sa kanilang ekspresyon, at lalo na sa kanilang mga salita at kilos. Palagi itong mapapansin ng mga taong marurunong kumilatis, at tanging mga hangal at mangmang lang ang hindi makakakilala rito. Maaaring masabi na normal para sa mga tao na ipahayag ang kanilang katiwalian, na totoo itong problema ng lahat ng tao. Ano ang layunin ng Diyos sa pagpapahayag ng napakaraming katotohanan sa Kanyang gawain sa mga huling araw? Ipinapahayag Niya ang mga katotohanang ito upang lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at ang mga pinag-uugatang dahilan ng kanilang mga kasalanan, upang iligtas ang mga tao mula sa katiwalian ni Satanas, upang tulungan ang mga taong makamit ang kaligtasan at makawala sa impluwensiya ni Satanas, at higit sa lahat, upang ipagkaloob sa mga tao ang buhay, ang katotohanan, at ang daan. Kung naniniwala ang mga tao sa Diyos ngunit hindi nila tinatanggap ang katotohanan, hindi sila malilinis mula sa kanilang tiwaling disposisyon, at dahil dito ay hindi nila makakamit ang kaligtasan. Dahil dito, iyong mga tunay na naniniwala sa Diyos ay magpupursigi sa pagsasagawa at pagdanas ng Kanyang mga salita, magninilay-nilay sa kanilang sarili at susubukang kilalanin ang kanilang mga sarili kapag nabunyag ang kanilang tiwaling disposisyon, at hahanapin ang katotohanan ng mga salita ng Diyos upang lutasin ang tiwaling disposisyong ito. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay nakatuon sa pagninilay-nilay sa kanilang sarili at pagtatangkang kilalanin ang kanilang mga sarili sa kanilang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nararamdaman nilang ang Kanyang mga salita ay para lamang isang salamin na nagbubunyag ng sarili nilang katiwalian at kapangitan. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nagagawa nilang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkakastigo, at unti-unti nilang nalulutas ang kanilang tiwaling disposisyon. Kapag nakita nilang mas madalang na ang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon, kapag tunay na silang nagpapasakop sa Diyos, mararamdaman nilang mas madali na ang pagsasagawa ng katotohanan, at wala nang paghihirap. Sa pagkakataong ito, makakakita sila ng tunay na pagbabago sa kanilang mga sarili, at magkakaroon ng tunay na papuri sa Diyos sa kanilang puso: “Iniligtas ako ng Makapangyarihang Diyos mula sa pagkabihag at mga paglimita ng aking tiwaling disposisyon at iniligtas Niya ako mula sa impluwensiya ni Satanas.” Ito ang resultang matatamo mula sa pagdanas ng paghatol at pagkastigo sa mga salita ng Diyos. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo sa mga salita ng Diyos, hindi maaalis sa kanila ang kanilang mga tiwaling disposisyon at hindi sila makakawala sa impluwensiya ni Satanas. Maraming tao ang hindi nagmamahal sa katotohanan, at kahit na nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga sermon, pagkatapos nito ay mga salita at doktrina ang kanilang ipinapahayag, at dahil dito, hindi nila nalulutas ang alinman sa kanilang mga tiwaling disposisyon kahit na maraming taon na silang naniniwala sa Diyos. Ang mga taong ito ay mga Satanas at diyablo pa rin mula noon pa man. Akala nila, basta’t ipinapalaganap nila ang mga salita ng Diyos, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon; basta’t nagbibigkas sila ng ilang salita ng Diyos at nakikipagbahaginan sa iba tungkol sa Kanyang mga salita, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon; basta’t nakakapagpahayag sila ng maraming salita at doktrina, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon; at basta’t nauunawaan nila ang doktrina at natututo ng pagpipigil sa sarili, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Dahil dito, pagkatapos ng paniniwala sa Diyos nang napakaraming taon, wala pa ring kahit katiting na pagbabago sa kanilang mga buhay disposisyon, hindi sila makapagsalita tungkol sa patotoong batay sa karanasan kaya natitigilan sila. Pagkatapos ng maraming taon ng paniniwala sa Diyos, wala silang natutunan at walang nakamit na anumang katotohanan, walang saysay ang kanilang buhay at nag-aksaya lang sila ng maraming taon. Ngayon, maraming huwad na lider at manggagawa na tulad nito, nakatuon lamang sa pagsasagawa ng gawain at pagbibigay ng mga sermon sa halip na magpursigi sa pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos. Kung gayon, nasa landas ba sila ng paghahangad sa katotohanan? Hinding hindi.

Ano ang pinakamahalagang realidad para sa mga taong naniniwala sa Diyos? Ito ay ang pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang pinakamahalagang bahagi ng pagsasagawa ng katotohanan? Hindi ba’t ito ay ang dapat maunawaan muna ng isang tao ang mga prinsipyo? Kung gayon, ano ang mga prinsipyo? Ang mga ito ay ang praktikal na bahagi ng katotohanan, ang pamantayang makapaggagarantiya ng mga resulta. Ganito kasimple ang mga prinsipyo. Kapag literal na inunawa, iisipin mong ang bawat pangungusap sa mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, ngunit hindi mo alam kung paano isagawa ang katotohanan, ito ay dahil hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo ng katotohanan. Iniisip mo na ang mga salita ng Diyos ay ganap na tama, na katotohanan ang mga ito, ngunit hindi mo alam kung ano ang praktikal na bahagi ng katotohanan, o ang mga kalagayang tinutumbok nito, kung ano ang mga prinsipyong naririto, at kung ano ang landas tungo sa pagsasagawa—hindi mo ito maunawaan. Pinatutunayan nitong doktrina lamang ang nauunawaan mo at hindi ang katotohanan. Kung talagang nararamdaman mo na doktrina lamang ang nauunawaan mo, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang katotohanan. Una sa lahat, alamin mo kung ano ang praktikal na aspekto ng katotohanan, tingnan mo kung aling mga aspeto ng realidad ang pinakanamumukod-tangi, at kung paano ka dapat magsagawa upang makapasok sa realidad na ito. Sa pamamagitan ng paghahanap at pagtatanong sa ganitong paraan, mahahanap mo ang landas. Kapag nauunawaan mo na ang mga prinsipyo at naisasabuhay ang realidad na ito, makakamit mo ang katotohanan, na siyang tagumpay na nagmumula sa paghahangad ng katotohanan. Kung mauunawaan mo ang mga prinsipyo ng maraming katotohanan at isasagawa ang ilan sa mga ito, taglay mo ang katotohanang realidad, at nakamit mo ang buhay. Anumang aspekto ng katotohanan ang hinahanap mo, kapag naunawaan mo kung nasaan ang realidad ng katotohanan sa mga salita ng Diyos at kung ano ang Kanyang mga hinihingi, kapag tunay mong naunawaan, at handa kang ibigay ang hinihingi nitong kapalit at isagawa ito, nakamit mo na ang katotohanang ito. Habang nakakamit mo ang katotohanang ito, unti-unting malulutas ang iyong tiwaling disposisyon, at kikilos ang katotohanang ito sa iyong kalooban. Kung maisasagawa mo ang realidad ng katotohanan, at magagampanan ang iyong tungkulin at bawat pagkilos at umasal ayon sa mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanang ito, hindi ba’t ibig sabihin nito ay nagbago ka na? Naging anong klase ng tao ka? Ikaw ay naging isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad. May prinsipyo ba ang mga kilos ng isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad? May isang tao bang kumikilos nang may prinsipyo na nagkamit ng katotohanan? Isinasabuhay ba ng isang taong nagkamit ng katotohanan ang normal na pagkatao? Ang isang tao ba na nagsasabuhay ng normal na pagkatao ay nagtataglay ng katotohanan at may pagkatao? Ang mga taong nagtataglay ng katotohanan at may pagkatao ay umaayon sa mga layunin ng Diyos, at ang mga taong umaayon sa mga layunin ng Diyos ay ang uri ng mga tao na gusto Niyang makamit. Ito ang karanasan ng paniniwala at pagiging nakamit ng Diyos, at ito rin ang proseso ng pagkamit sa katotohanan sa pamamagitan ng pagsisimulang kumain at uminom ng Kanyang mga salita, gayundin ang proseso ng pagkamit ng kaligtasan. Ang landas na ito ay ang landas ng paghangad sa katotohanan, at ang landas ng pagiging ginawang perpekto ng Diyos.

Sipi 68

Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung saan nakadepende ang pagkamit ng katotohanan at ang pagpasok sa katotohanang realidad? Nakadepende ang mga ito sa paghahanap sa katotohanan at pagsasagawa ng katotohanan—iyong dalawang bagay lamang na iyon, ganoon kasimple. Bagama’t ang katotohanang ipinapahayag ng Diyos ay nakatala nang pasulat, ang realidad ng katotohanan ay hindi nakasulat, at lalong mas mahirap maunawaan o maintindihan ng tao kumpara sa mga nakasulat na salita nito. Kaya, ano ang dapat gawin para maunawaan ang katotohanan? Ang pag-unawa at pagkamit sa katotohanan ay pangunahing nagagawa sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Diyos, pagdanas ng Kanyang gawain, at paghahanap sa katotohanan at sa kaliwanagang mula sa Banal na Espiritu. Ang realidad ng katotohanan ay mapagtatanto sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagsailalim ng mga tao sa katotohanan; isa itong bagay na nagmumula sa karanasan, isang bagay na isinasabuhay ng tao. Ang katotohanan ay hindi isang teoryang walang katuturan, at hindi rin ito isang simpleng katagang masarap sa tainga. Ito ay wikang mayaman sa kapangyarihan ng buhay; ito ay mga walang hanggang kawikaan ng buhay; ito ang pinakapraktikal at pinakamahalagang bagay na maaaring pumatnubay sa isang tao sa buhay, sa kanyang buong buhay. Ano ang katotohanan? Ang katotohanan ang pundasyon ng pag-iral sa buhay ng tao, ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa pag-asal at pagharap sa mga bagay-bagay. Ang katotohanan ang nagbibigay sa isang tao ng direksyon at layunin sa buhay; ito ang nagbibigay-daan sa isang tao na maisabuhay ang wangis ng isang totoong tao, at makapamuhay sa harapan ng Diyos nang may pagpapasakop at pagsamba sa Kanya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi mabubuhay ang mga tao kung wala ang katotohanan. Kaya, saan ka ngayon umaasa para mabuhay? Aling mga kaisipan at pananaw ang mayroon ka? Ano ang iyong direksyon at layunin sa paggawa ng mga bagay-bagay? Kung mayroon kang katotohanang realidad, ang iyong buhay ay mayroong mga prinsipyo, direksyon, at layunin. Kung wala, ang iyong buhay ay walang prinsipyo, direksyon, o layunin. Walang dudang namumuhay ka ayon sa pilosopiya ni Satanas, ayon sa mga bagay na iyon ng tradisyonal na kultura. Sa ganoong paraan namumuhay ang mga walang pananampalataya. Nauunawaan ba ninyo ang katotohanan tungkol sa usaping ito? Upang malutas ang problemang ito, dapat ay hanapin at tanggapin ng isang tao ang katotohanan. Madali lang bang makamit ang katotohanan? (Oo, kung aasa tayo sa Diyos.) Habang umaasa sa Diyos, ang isang tao ay dapat ding umasa sa sarili niya. Dapat ay taglay mo ang kumpiyansa, kagustuhan, at pangangailangang ito sa iyong puso, at sinasabi mong, “Ayokong mamuhay sa mga tiwali at satanikong disposisyon. Ayokong makontrol at malinlang ng mga ito, at tuluyang maging hangal dahil dito, at dahil dito ay kasuklaman ako ng Diyos. Sa ganoong paraan, hindi ako magiging karapat-dapat na mamuhay sa harapan ng Diyos.” Dapat ay may ganito kang pakiramdam sa iyong puso. At, kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo, kung ilalapat mo sa iyong totoong buhay ang mga katotohanang nauunawaan mo at malapit sa sitwasyon mo, at maisasagawa mo ito sa lahat ng bagay, hindi ba’t magiging realidad mo na rin ang katotohanan dahil dito? At kapag naging realidad mo na ang katotohanan, mag-aalala ka pa rin ba na hindi lalago ang iyong buhay? Paano mo matutukoy kung taglay ba ng isang tao ang katotohanang realidad? Makikita ito sa mga sinasabi niya. Ang isang taong nagsasalita lamang ng mga salita at doktrina ay hindi taglay ang katotohanang realidad, at siguradong hindi niya isasagawa ang katotohanan, kaya ang mga sinasabi niya ay walang kabuluhan at hindi makatotohanan. Ang mga salita ng isang taong may katotohanang realidad ay kayang lutasin ang mga problema ng mga tao. Kaya niyang makita nang malinaw ang diwa ng mga problema. Sa pamamagitan lamang ng ilang simpleng salita, malulutas ang isang problemang bumabagabag sa iyo sa loob ng maraming taon; mauunawaan mo ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, hindi na magiging mahirap pa ang mga bagay-bagay para sa iyo, hindi mo na mararamdamang natatalian ka’t napipigilan, at makakalaya ka at makakawala. Ang sinasabi ba ng gayong tao ay ang katotohanang realidad? Iyon ang katotohanang realidad. Kung hindi mo nauunawaan ang problema mo anuman ang sabihin ng isang tao, at kahit anong sabihin niya ay hindi nalulutas ang ugat na dahilan nito, kung gayon ang sinasabi niya ay mga salita at doktrina. Matutustusan at matutulungan ba ng mga salita at doktrina ang mga tao? Hindi matutustusan o matutulungan ng mga salita at doktrina ang mga tao at hindi malulutas ng mga ito ang mga aktuwal na paghihirap ng mga tao. Habang lalong sinasalita ang mga salita at doktrina, lalo namang nayayamot ang tagapakinig. Iba kung magsalita ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan. Sa pamamagitan ng ilang salita, maipapaalam nila ang ugat na dahilan ng problema o ang pinagmulan ng sakit. Kahit isang pangungusap lang ay kayang pukawin ang mga tao at matagpuan ang mahahalagang isyu. Ito ang paggamit ng mga salitang nagtataglay ng mga katotohanang realidad para lutasin ang paghihirap ng mga tao at ipaalam ang landas ng pagsasagawa.

Sa mga huling araw, ang Diyos na nagkatawang-tao ay pumarito na. Ano ang pinakanararapat na makamit ng tao, yamang nananalig siya sa praktikal na Diyos? Ito ay ang katotohanan, ang buhay; wala nang iba pang mahalaga bukod dito. Noong pumarito si Cristo, ang dinala Niya ay ang katotohanan, ang buhay; pumarito Siya para bigyan ng buhay ang mga tao. Kaya, paano maisasagawa ng isang tao na manalig sa praktikal na Diyos? Ano ang dapat gawin ng isang tao para makamit ang katotohanan at ang buhay? Nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan. Ang lahat ng gutom at uhaw sa pagiging matuwid ay dapat kumain at uminom hanggang sa mabusog sila sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang Kanyang mga salita ay siksik at nag-uumapaw; may mahahalagang bagay kahit saan at kayamanan saan ka man lumingon. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan, na siyang nagtatamasa sa kasaganaan ng magandang lupain ng Canaan, ay namumukadkad sa kagalakan sa kanilang puso. May katotohanan at liwanag sa bawat pangungusap sa mga salita ng Diyos, na siyang kinakain at iniinom nila, ang lahat ng ito ay mahalaga. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay nakasimangot sa kalungkutan; nakaupo sila sa isang piging ngunit nagdurusa sa gutom, na nagpapakita ng kanilang pagiging kaawa-awa. Patuloy na lalago ang mga natatamo ng mga taong nagagawang hanapin ang katotohanan, at iyong mga hindi ay wala nang mapupuntahan. Ang pinakanararapat pagtuunan ng pansin ngayon ay ang matutunang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, maunawaan ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, at tunay na makapagpasakop sa Diyos. Iyon ang pananalig sa Diyos. Ang manalig sa praktikal na Diyos ay ang makamit ang katotohanan at ang buhay. Saan ginagamit ang katotohanan? Ginagamit ba ito para payamanin ang espirituwal na mundo ng mga tao? Ito ba ay para mabigyan ng magandang edukasyon ang mga tao? (Hindi.) Kung gayon, anong problema ng tao ang malulutas ng katotohanan? Nariyan ang katotohanan upang lutasin ang tiwaling disposisyon ng tao, lutasin ang makasalanang kalikasan ng tao, kumbinsihin ang mga tao na mamuhay sa harap ng Diyos, at magsabuhay ng normal na pagkatao. Hindi nauunawaan ng ilang tao kung ano ang katotohanan. Pakiramdam nila palagi, ang katotohanan ay malalim at teoretikal, at isang misteryo ang katotohanan. Hindi nila nauunawaan na ang katotohanan ay isang bagay na dapat isagawa ng mga tao, isang bagay na dapat nilang isabuhay. May ilang taong sampu o dalawampung taon nang nananalig sa Diyos ngunit hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ba mismo ang katotohanan. Nakamit ba ng ganitong klase ng tao ang katotohanan? (Hindi.) Hindi ba’t kaawa-awa iyong mga hindi nakakamit ng katotohanan? Lubos silang nakakaawa—gaya nga ng inaawit sa himnong iyon, sila ay “nakaupo sa isang piging ngunit nagdurusa sa gutom.” Hindi mahirap makamit ang katotohanan, ni ang pagpasok sa katotohanang realidad, ngunit kung palaging tutol ang mga tao sa katotohanan, makakamit ba nila iyon? Hindi nila kaya. Kaya dapat kang lumapit palagi sa harap ng Diyos, suriin ang iyong panloob na mga kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan, tingnan kung anong mga pagpapakita ng pagiging tutol sa katotohanan ang taglay mo, at kung anong mga paraan ng paggawa ng mga bagay ang pagiging tutol sa katotohanan, at kung saang mga bagay ka may saloobin ng pagiging tutol sa katotohanan—dapat mong suriin nang madalas ang mga bagay na ito. Halimbawa, pinagsabihan ka ng isang tao sa pamamagitan ng pagsasabing, “Hindi mo puwedeng gawin ang iyong tungkulin sa pamamagitan lamang ng pagdepende sa sarili mong kagustuhan—dapat mong pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili,” at magagalit ka at sasagot ng, “Hindi maayos ang paggawa ko ng aking tungkulin, pero ‘yong paggawa mo ng iyo ay ayos lang? Ano’ng mali sa paggawa ko ng aking tungkulin? Alam ng Diyos ang puso ko!” Anong klaseng saloobin ito? Ito ba ay pagtanggap sa katotohanan? (Hindi.) Dapat ay magkaroon muna ang isang tao ng saloobin na tanggapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanya. Ang hindi pagkakaroon ng ganitong saloobin ay tulad ng hindi pagkakaroon ng sisidlan upang tumanggap ng kayamanan, kaya hindi mo magawang makamit ang katotohanan. Kung hindi makamit ng isang tao ang katotohanan, walang silbi ang pananalig niya sa Diyos! Ang layunin ng pananalig sa Diyos ay ang makamit ang katotohanan. Kung hindi makakamit ng isang tao ang katotohanan, nabigo ang kanyang pananalig sa Diyos. Ano ang pagkamit sa katotohanan? Ito ay kapag naging realidad mo na ang katotohanan, kapag naging buhay mo na ito. Iyon ang pagkamit sa katotohanan—iyon ang saysay ng pananalig sa Diyos! Para saan sinasabi ng Diyos ang Kanyang mga salita? Para saan ipinapahayag ng Diyos ang mga katotohanang iyon? Upang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, nang sa gayon ay gawing dalisay ang katiwalian; upang makamit ng mga tao ang katotohanan, nang sa gayon ay maging buhay nila ang katotohanan. Bakit ipapahayag ng Diyos ang napakaraming katotohanan kung hindi ganoon? Upang kalabanin ang Bibliya? Upang magtatag ng “Unibersidad ng Katotohanan” at magsanay ng isang grupo ng mga tao? Parehong hindi. Ito ay kundi para tuluyang mailigtas ang sangkatauhan, maipaunawa sa mga tao ang katotohanan at sa huli ay makamit nila ito. Nauunawaan mo na ngayon, hindi ba? Ano ang pinakamahalaga sa pananalig sa Diyos? (Ang pagkamit sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad.) Mula rito, nakadepende ito sa kung paano kayo makakapasok sa katotohanang realidad, at kung magagawa ninyo ito o hindi.

Sipi 69

Para sa mga salitang, “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan,” paano ninyo karaniwang isinasagawa at dinaranas ang mga ito? (Sa pagpapasakop sa lahat ng mgasalita at gawain ng Diyos.) Ito ay isang malawak na pahayag, isang doktrina. Tama itong pakinggan, pero medyo wala itong laman. Ano ang gagawin mo kung haharap ka sa isang bagay na labag sa mga kuru-kuro mo, at hindi mo kayang magpasakop? Ito ay isang makatotohanang hamon. Kapag nangyari ito, paano makakamit ng mga salitang ito ang mga resulta at magkakaroon ng epekto sa iyo, pinipigilan ang iyong ugali at binabago ang mga prinsipyo at direksyon ng mga kilos mo? Halimbawa, sabihin nating sumasakit ang tiyan mo at may taong nagsasabi, “Ang pag-inom ng gamot ay magpapatigil ng sakit.” Alam mong tama ang pahayag na ito, pero paano mo ito tatanggapin at isasagawa? Iinom ka ba ng gamot kapag sumasakit ang tiyan mo? Kailan mo iinumin ang mga ito? Bago o pagkatapos kumain? Ilang beses sa isang araw mo iinumin ang mga ito? Gaano karami ang iinumin mo sa isang beses para tumigil ang sakit, at ilang araw ka dapat uminom para makakuha ng mga resulta? Alam mo ba ang mga detalyeng ito? Mauunawaan mo lang ang mga detalyeng ito sa paggamit ng pahayag na “ang pag-inom ng gamot ay magpapatigil ng sakit” sa totoong buhay. Kung hindi mo ito gagamitin, paano mo man kinikilala, tinatanggap, o sinasang-ayunan ang pahayag na ito, ito ay magiging parirala lang ng doktrina sa iyo. Pero kung gagamitin mo ang pahayag na ito sa iyong tunay na buhay, gagamutin ang iyong sakit, at makikinabang dito, hindi na lang ito magiging walang kabuluhang pahayag kapag sinasabi mo ito, kundi isang praktikal na pahayag. Kapag may ibang humaharap sa katulad na sitwasyon, magagamit mo ang iyong praktikal na karanasan para tulungan sila. Kakabanggit lang natin na “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” Ang pariralang “ang pagkatakot kay Jehova” ay isang bagay na dapat isagawa ng mga tao, at “ang pasimula ng karunungan” ay ang resultang nakakamit nila sa pagsasagawa ng pagkatakot kay Jehova. Ibig sabihin, tanging kapag isinagawa mo ang pariralang “ang pagkatakot kay Jehova” at ginamit ito sa iyong tunay na buhay, at nakatulong sa iyo ang pariralang ito, at nakinabang ka rito, na magagawa mong makamit ang resulta ng karunungan. Pag-usapan muna natin kung paano isasagawa ang pariralang ito “ang pagkatakot kay Jehova.” Ang pariralang ito ay tumatalakay sa lahat ng mga problemang hinaharap ng mga tao sa aktuwal na buhay nila, gaya ng kanilang mga kaisipan, ideya, at kalagayan, mga paghihirap na hinaharap nila, mga kuru-kuro at imahinasyon nila, mga maling pag-iisip nila tungkol sa Diyos, mga paghihinala at haka-haka nila tungkol sa Kanya, pati na rin ang pagiging pabasta-basta, panloloko, pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, pagiging batas sa sarili nila, na madalas ipinapakita ng mga tao sa proseso ng pagtupad ng mga tungkulin nila, at iba pa. Kaya, paano mo magagamit ang pariralang “ang pagkatakot sa Diyos” para mabago mo ang mga prinsipyo ng mga kilos at asal mo? Kung dadaanan, dadanasin, at aalamin mo ang lahat ng mga detalye ng pariralang ito, magiging katotohanan ito sa iyo. Kung hindi mo kailanman dinaanan ang mga detalyeng ito, at nalaman mo lang at narinig ang pariralang ito, palaging magiging doktrina ito para sa iyo. Ito ay magiging pahayag sa isang libro, mga salita lang, at hindi isang katotohanan. Bakit ko sinasabi iyan? Dahil hindi kailanman nabago ng pahayag na ito ang alinman sa iyong mga intensyon, mga ideya, o mga kaisipan at pananaw. Hindi nito kailanman nabago ang mga prinsipyo sa pagharap mo sa mundo at sa pag-asal mo. Hindi nito nabago ang saloobing taglay mo kapag gumagawa ka ng mga bagay o gumaganap ng tungkulin mo, at hindi nito nabaligtad ang kalagayan mo. Hindi ka nakinabang dito sa anumang paraan. Alam ninyo ang lahat ng kilalang kasabihang ito at kaya ninyong sabihin ang mga ito, pero nauunawaan lang ninyo ang panlabas ng mga ito, at wala kayong praktikal na karanasan ng mga ito. Paano ito naiiba sa mga mapagkunwaring Pariseo? Ang mga pastor at nakatatanda sa mundo ng relihiyon ay nakatuong lahat sa pagbigkas at pagpapaliwanag ng mga kilalang kabanata at talata sa Bibliya. Ang sinumang pinakamaraming binibigkas ang pinakaespirituwal, ang pinakahinahangaan ng lahat, at ang pinakaprestihiyoso at pinakamataas ang katayuan. Sa tunay nilang buhay, nakikita talaga nila ang mundo, sangkatauhan, at lahat ng uri ng tao sa parehong paraan gaya ng mga makamundong tao, at hindi talaga nagbago ang mga pananaw nila. Pinapatunayan nito ang isang bagay: Ang mga bahaging iyon ng Bibliya na binibigkas nila ay hindi nila naging buhay sa anumang paraan, ang mga ito ay pawang mga teorya at relihiyosong doktrina lang sa kanila, at hindi nabago ang mga buhay nila. Kung ang landas na nilalakaran ninyo ay pareho sa mga relihiyosong tao, nananampalataya kayo sa Kristiyanismo at hindi sa Diyos, at hindi ninyo nararanasan ang gawain ng Diyos. Ang ilang taong nanalig sa Diyos sa loob ng maikling panahon ay humahanga sa mga matagal nang mananampalatayang iyon na kayang magsalita tungkol sa maraming espirituwal na doktrina. Kapag nakikita nila ang matatagal nang mananampalatayang nakaupo at nagsasalita ng diretsong dalawa o tatlong oras nang walang tigil, nagsisimula silang matuto sa kanila. Natututunan nila ang mga espirituwal na termino at pagpapahayag na iyon, at natututunan nila ang mga gawi ng pananalita at pag-asal ng matatagal nang mananampalatayang iyon, at pagkatapos kinakabisado nila ang ilang klasikong salita ng Diyos. Ipinagpapatuloy nila ito hanggang isang araw ay iniisip nila sa wakas na may tinataglay sila. Pagdating ng oras para magtipon, nagsisimula silang magsalita nang tuluy-tuloy tungkol sa mga ideyang magandang pakinggan, pero kung pakikinggan mo nang mabuti, lahat ng ito ay walang saysay, salitang walang laman, at mga salita at doktrina. Malinaw na sila ay mga huwad na relihiyoso na niloko ang sarili nila at ang ibang tao. Kalunus-lunos ito! Huwag ninyong tahakin ang landas na iyan. Sa sandaling simulan ninyo ito, lubusan kayong mawawasak, at pagkatapos magiging mahirap para sa inyong bumalik, kahit gustuhin pa ninyo! Kung tatratuhin mo ang mga salita at doktrinang iyon gaya ng mga kayamanan at buhay, at ipagmamalaki ninyo ang mga ito saan man kayo magpunta, dagdag pa sa mga tiwali at sataniko mong disposisyon, nagtataglay ka ng ilang espirituwal na teorya at ilang mapagkunwaring bagay. Hindi lang ito kasinungalingan, ganap itong kasuklam-suklam. Wala itong kahihiyan, at nakakasuka ito at nakakatakot tingnan. Ngayon, tinutukoy natin ang mga denominasyon na pinaniniwalaan ng mga tagasunod ng Panginoong Jesus bilang Kristiyanismo, inuuri ang mga ito bilang isang relihiyon at isang relihiyosong grupo. Ito ay dahil ang mga taong iyon ay nananalig sa Diyos pero hindi tinatanggap ang katotohanan, at hindi nila isinasagawa o dinaranas ang mga salita ng Diyos, at sa halip pinanghahawakan lang nila ang mga relihiyosong ritwal at pormalidad, na hindi talaga binabago ang kanilang mga buhay disposisyon. Sila ay hindi mga taong naghahangad ng katotohanan, at hindi nila hinahangad ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na nanggagaling sa Diyos, sa halip hinahangad nila ang biblikal na kaalaman, tinutularan nila ang mga Pariseo, at sila ay mapanlaban sa Diyos. Dahil dito, ang grupong ito ng mga tao ay inuuri bilang Kristiyanismo. Ang mga taong itong nananalig sa Panginoon ay mga tagasunod lahat ng relihiyon. Hindi sila nabibilang sa iglesia ng Diyos, at sila ay hindi Niya tupa. Saan nanggaling ang terminong “Kristiyanismo”? Ito ay nanggaling sa katunayan na ang mga tagasunod nito ay nagkukunwaring mga mananampalataya ni Cristo, nagkukunwari silang espirituwal, at nagkukunwari silang sumusunod sa Diyos, habang itinatanggi nila ang lahat ng katotohanang ipinahayag ni Cristo, itinatanggi nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at itinatanggi nila ang lahat ng mga positibong bagay na galing sa Diyos. Binibigkis, binabalot, at ikinukubli nila ang kanilang sarili ng mga bagay na sinabi ng Diyos sa nakaraan. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital, at ginagamit nila ang mga ito sa bawat pagkakataon para makapandaya sila para sa pera. Sa pakunwaring pananalig sa Diyos, niloloko nila ang mga tao sa bawat pagkakataon, nakikipagtalo sila sa iba tungkol sa kung gaano kahusay nilang naipapaliwanag ang kahulugan ng Bibliya at tungkol sa kanilang biblikal na kaalaman, itinuturing ang mga bagay na ito na gaya ng karangalan at kapital. Gusto pa nga rin nilang makamit ang mga pagpapala at gantimpala ng Diyos sa pamamagitan ng panlilinlang. Ito ang landas ng mga anticristo na nilalakaran nila na itinatanggi at kinokondena ang Diyos na nagkatawang-tao, at dahil nga sa landas na nilalakaran ng grupong ito kaya inuri ito sa huli bilang Kristiyanismo at isang relihiyon. Tingnan natin ngayon ang terminong “Kristiyanismo”—ito ba ay isang mabuti o isang masamang titulo? Tiyak na puwede nating sabihing hindi ito mabuting titulo. Ito ay tanda ng kahihiyan at hindi ito isang bagay na maipagmamalaki o kapuri-puri.

Ano ang pangunahing bagay na dapat mong maunawaan kapag hinahangad mo ang buhay pagpasok? Dapat mong hanapin kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, at kung paano dapat maranasan ng mga tao ang gawain Niya, sa saklaw ng lahat ng salita na sinabi ng Diyos—anuman ang paksa nila. Dapat mong ikumpara ang iyong asal at ang mga paraan mo ng pagharap sa mga bagay, ang mga kaisipan at pananaw mo, at ang iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas na taglay mo kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay sa buhay mo laban sa mga salita ng Diyos ng paglalantad at paghatol. Mas mahalaga, dapat mong pagnilayan ang sarili mo at unawain ang sarili mo, at hanapin ang katotohanan para tiyakin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Dapat mong hanapin ang landas ng pagsasagawa sa pamamagitan nito, matutunan kung paano matutugunan ang mga layunin ng Diyos habang ginagawa ang iyong tungkulin, umasal nang lubos ayon sa mga hinihingi Niya, at maging tapat na tao, at taong nagsasagawa ng katotohanan. Huwag kang gumawa ng mga bagay gaya ng pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga salita at doktrina at mga relihiyosong teorya. Huwag kang magkunwaring isang espirituwal na tao, at huwag kang maging ipokrito. Dapat kang tumuon sa pagtanggap at pagsasagawa ng katotohanan, at sa paggamit ng mga salita ng Diyos para ikumpara ang mga kalagayan mo at suriin ang mga ito, at pagkatapos ay baguhin ang mga maling pananaw at saloobin mo sa pagtrato sa bawat uri ng sitwasyon. Sa huli, dapat kang magtaglay ng isang may-takot-sa-Diyos na puso sa bawat sitwasyon, at hindi na kumilos nang padalus-dalos, sumunod sa mga sarili mong ideya, gumawa ng mga bagay ayon sa mga pagnanais mo, o mabuhay sa mga tiwaling disposisyon. Sa halip, lahat ng kilos at salita mo ay dapat nakabatay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sa paraang ito, unti-unti kang makakabuo ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang isang may-takot-sa-Diyos na puso ay lumilitaw habang hinahangad ng isang tao ang katotohanan; hindi ito nanggagaling sa pagpipigil. Ang idinudulot lang ng pagpipigil ay isang uri ng pag-asal; ito ay isang uri ng mababaw na limitasyon. Ang tunay na may-takot-sa-Diyos na puso ay nakakamit sa pamamagitan ng laging pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at pagtanggap ng pagpupungos habang nararanasan ang Kanyang gawain. Kapag nakikita ng mga tao ang tunay na mukha ng sarili nilang katiwalian, malalaman nila ang kahalagahan ng katotohanan, at magagawa nilang magsikap sa katotohanan. Ang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon ay magiging pakaunti nang pakaunti, at magagawa nilang mabuhay nang normal sa harap ng Diyos, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos araw-araw, at gumagawa ng mga tungkulin nila bilang mga nilikha. Ang isang may-takot-sa-Diyos na puso at pusong nagpapasakop sa Diyos ay lumilitaw sa prosesong ito. Ang lahat ng laging naghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga problema habang ginagawa ang mga tungkulin nila ay ang mga mayroong may-takot-sa-Diyos na puso. Alam ng lahat ng tumanggap ng disiplina at dumanas ng maraming pagpupungos kung ano ang ibig sabihin ng pagkatakot sa Diyos. Kapag nabunyag ang kanilang katiwalian, hindi lang sila nakakaramdam ng takot at pangamba sa puso nila, nararamdaman din nila ang poot ng Diyos at ang Kanyang pagiging maharlika. Sa sitwasyong ito, natural na lumilitaw ang takot sa puso nila. Lahat ba kayo ay mayroong anumang pang-unawang batay sa karanasan sa mga bagay na ito ngayon? (Kaunti.) Kailangan nitong lumalim nang dahan-dahan. Huwag kayong makontento sa katiting lang na pang-unawang batay sa karanasan. Nasa angkop na paligid kayo ngayon, nakikinig kayo sa maraming sermon, pumupunta sa maraming pagtitipon, nagbabasa ng maraming salita ng Diyos, at nagtataglay kayo ng isang kapaligiran kung saan ninyo gagawin ang inyong tungkulin at ang lahat ng iba pang uri ng kondisyon. Iniisip mo na may takot ka sa Diyos, kaya lumago ang iyong pananampalataya, pero kung ilalagay ka sa ibang kapaligiran, magagawa mo bang panatilihin ang kasalukuyan mong kalagayan? Maaari bang mabago ng mga katotohanang nauunawaan mo ngayon ang iyong perspektiba sa mga bagay-bagay o ang iyong pagtingin sa buhay at mga pinahahalagahan? Kung hindi maisasakatuparan ng mga katotohanang nauunawaan mo ang mga bagay na ito, hindi mo tunay na nauunawaan ang katotohanan. Kapag ang mga salita ng Diyos ay naging katotohanang nauunawaan mo at buhay mo, magkakaroon ka ng buhay pagpasok, at nakapasok ka sa katotohanang realidad. Ibig sabihin nito na ang pagsasagawa ng katotohanan ay magiging isang bagay na ginagawa mo sa sarili mong pagkukusa, mararamdaman mo na dapat kang likas na gumawa ng mga bagay na tulad nito. Ang paggawa ng mga bagay ayon sa katotohanan ay magiging natural para sa iyo; magiging regular ito, gaya ng isang natural na paghahayag. Ibig sabihin nito na ang mga salita ng Diyos ay naging buhay mo. Kung palagi mong tinatahak ang maling landas kapag humaharap ka sa isang bagay at palaging dapat kang magnilay sa sarili at magkaroon ng isang tutulong at susuporta sa iyo para makabalik ka sa tamang landas, hindi man lang ito malapit, at wala ka talagang tayog. Kung walang nariyan para tumulong at sumuporta sa iyo, walang makapagsasabi kung gaano kalayo ka babagsak sa sandaling magbago nang husto ang kapaligiran mo. Puwede mong itanggi at ipagkanulo ang Diyos sa iisang gabi, puwede mong iwan ang Diyos at bumalik sa mga bisig ni Satanas sa loob ng isang gabi. Sa madaling salita, bago mo makamit ang katotohanan, at bago mo maging buhay ang katotohanan, nasa panganib ka pa rin! Hindi pinapatunayan ng pagtataglay ng kaunting pananampalataya, pagiging handang gugulin ang iyong sarili, at pagkakaroon ng kaunting pagpapasya o mabubuting mithiin ngayon na ikaw ay may buhay. Ang mga bagay na ito ay mabababaw na pangyayari lang; ito ay pangangarap lang. Bago bumuti ang iyong relasyon sa Diyos, dapat mong bigkisin ang sarili mo ng katotohanan. Dapat kaya mong maranasan ang gawain ng Diyos at ang ilang pagsubok at pagpipino. Kapag lumitaw ang tunay na pananampalataya sa Diyos sa loob mo, magkakaroon ka ng tunay na panalangin at tunay na pagbabahaginan sa Kanya. Magagawa mong sabihin sa Diyos kung ano ang nasa puso mo, at kapag may kinakaharap kang isang bagay, mararamdaman mo na sa Kanya ka lamang makakasandig at na walang ibang puwede. Ito ay kung kailan magiging normal ang iyong relasyon sa Diyos. Kapag may tunay kang pananampalataya sa Diyos, saan ka man Niya ilagay, at kahit na hindi ka nakakadalo sa pagtitipon ng ilang taon, ang pananampalataya mo sa Diyos ay mananatiling ganap na hindi nagbago, gaya ng kay Job. Kahit na hindi ka makakadalo sa mga pagtitipon at walang mangangaral sa iyo ng mga sermon, ang daan ng Diyos at mga salita ng Diyos ay mananatiling nasa puso mo. Hindi mo iiwan ang Diyos, at magiging malinaw sa iyo kung paano ka Niya inaakay sa bawat araw. Hindi mo itatanggi ang Diyos kapag naharap mo ang mga pagsubok Niya, at makikita mo pa nga ang Kanyang mga gawa sa mga ito. Sa oras na iyon, kaya mo nang magsarili. Wala pa kayo roon, marami pa rin kayong kuru-kuro at imahinasyon at karumihan. Mayroon pa ring mga nagkukunwaring bagay sa mga kilos ninyo at sa pagganap ng tungkulin ninyo. Masyadong marami ang sarili ninyong kalooban. Nasa panahon pa rin kayo ng pagkukunwari, nagsisikap pa rin kayong maging espirituwal na tao, na mangaral ng mga espirituwal na doktrina, at na mas bigkisin ang inyong sarili ng mga espirituwal na parirala, termino, at teorya. Nagsisikap ka pa ring maging Pariseo at maging huwad na espirituwal na tao. Hinahangad mo pa ring tahakin ang ganitong uri ng landas at ikaw ay nasa ganitong uri pa rin ng maling landas. Napakalayo nito sa isang taong tunay na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan! Kung kaya, dapat ninyong gawin ang lahat ng kaya ninyo para hangarin ang katotohanan at danasin ang mas maraming paghatol, pagkastigo, pagsubok, at pagpipino. Saka lang lubos na maaalis ang mga pagkukunwari pagbabalatkayo, at mga hindi normal na kaisipang ito. Kapag nalinis na ang mga katiwaliang ito, natural na magiging normal ang relasyon sa pagitan ninyo at ng Diyos.

Sinundan: Mga Salita sa Kung Paano Danasin ang mga Pagkabigo, Pagbagsak, Pagsubok, at Pagpipino

Sumunod: Mga Salita sa Paglilingkod sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito