Mga Salita sa Kung Paano Lumutas ng mga Tiwaling Disposisyon

Sipi 49

Mga kalokohan at kasamaan lang ang bumubuo sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Ang pinakamalala sa mga ito ay ang mapagmataas na disposisyon ng tao at ang mga bagay na nabubunyag mula rito, ibig sabihin, ang partikular na pag-aakalang mas matuwid siya kaysa sa iba at ang labis na pagpapahalaga sa sarili, ang paniniwalang mas malakas siya kaysa sa iba, ang pag-ayaw na magpasakop kaninuman, ang palaging pagpupumilit na magkaroon ng huling salita, ang pagpapakitang-gilas sa lahat ng bagay, ang paghahangad na bolahin at purihin sa kanyang mga kilos, ang palaging paghahangad na pumalibot sa kanya ang iba, at ang palaging pagiging makasarili, ang palaging pagkikimkim ng mga ambisyon at hangarin, at ang palaging kagustuhang magkaroon ng korona at mga gantimpala, at maghari-harian—kabilang ang lahat ng isyung ito sa kategorya ng malulubhang tiwaling disposisyon. Ang iba pa ay mga regular na problema lang. Halimbawa, ang pagkakaroon ng ilang maling pananaw, kakatwang pag-iisip, kabuktutan at pagiging mapanlinlang, paninibugho, pagiging makasarili, pagkahilig makipagtalo, at pagkilos nang walang mga prinsipyo, at iba pa, ang pinakakaraniwang tiwaling disposisyon. Maraming uri ng mga tiwaling disposisyon na kabilang sa disposisyon ni Satanas, pero ang isa na pinakahalatang-halata at pinakanamumukod-tangi ay ang mapagmataas na disposisyon. Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mapagmataas ang mga tao, mas hindi sila makatwiran, at kapag mas hindi sila makatwiran, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang itinuturing ng mga taong may mapagmataas na disposisyon ang lahat ng iba pa bilang mas mababa kaysa sa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos, at wala silang pusong may takot sa Diyos. Bagama’t maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mapagmataas na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—maliit na bagay iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mapagmataas na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging hilig ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos para sa kapangyarihan at kontrol sa iba. Ang ganitong tao ay walang pusong may takot sa Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Ang mga taong mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili, lalo na iyong mga nawalan na ng katwiran sa sobrang mapagmataas, ay hindi kayang magpasakop sa Diyos sa kanilang paniniwala sa Kanya, at sarili pa nga nila ang kanilang pinararangalan at pinatototohanan. Ang gayong mga tao ang pinakalumalaban sa Diyos at talagang hindi nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kung nais ng mga tao na magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, kailangan muna nilang lutasin ang mapagmataas nilang disposisyon. Habang mas masinsinan mong nilulutas ang mapagmataas mong disposisyon, mas lalong magkakaroon ka ng pusong may takot sa Diyos, at saka ka lang makakapagpasakop sa Kanya at makakapagtamo ng katotohanan at makikilala Siya. Ang mga nagkakamit lamang ng katotohanan ang siyang tunay na tao.

Sipi 50

Ang mga tiwaling disposisyon ng tao gaya ng pagmamataas, pagmamatuwid sa sarili, at pagmamatigas ay isang uri ng sakit na ayaw gumaling-galing. Parang isang nakamamatay na tumor ang mga ito na lumalaki sa katawan ng tao at hindi malulutas nang hindi nagdurusa. Hindi tulad ng mga pansamantalang sakit na kusang gumagaling pagkaraan ng ilang araw, hindi isang simpleng karamdaman lang ang sakit na ito na ayaw gumaling-galing, at dapat itong gamitan ng matinding pamamaraan. Subalit, may bagay kayong dapat malaman—walang problema na hindi kayang malutas. Unti-unting mababawasan ang mga tiwali mong disposisyon habang hinahangad mo ang katotohanan, lumalago ka sa buhay, at lumalalim ang pagkaunawa at karanasan mo sa katotohanan. Hanggang saan dapat mabawasan ang mga tiwaling disposisyon bago masasabing nadalisay na ang mga ito? Kapag hindi ka na nahahadlangan ng mga ito at nagagawa mo nang makilala at talikuran ang mga ito. Bagama’t maaaring magpakita ang mga ito paminsan-minsan, nagagawa mo pa ring tuparin ang tungkulin mo at isagawa ang katotohanan gaya ng dati, at manatiling maingat at responsable, at hindi napipigilan ng mga ito. Sa puntong iyon, hindi mo na nagiging problema ang mga tiwaling disposisyong ito, at napagtagumpayan at nalampasan mo na ang mga ito. Iyon ang ibig sabihin ng lumago na sa buhay, kung saan sa mga normal na sitwasyon, hindi ka na nahahadlangan o nagagapos ng mga tiwali mong disposisyon. May mga tao na kahit gaano pa karami ang mga tiwaling disposisyong inihahayag nila, ay hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Bunga nito, kahit maraming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, wala pa ring ipinagbago ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Iniisip nila, “Tuwing may gagawin ako, inihahayag ko ang aking mga tiwaling disposisyon; kung wala naman akong gagawin, hindi ko ihahayag ang mga ito. Hindi ba’t nalutas niyon ang problema?” Hindi ba’t pag-iwas ito na kumain sa takot na mabilaukan? Ano ang magiging resulta nito? Mauuwi lang ito sa matinding pagkagutom. Kung naghahayag ang isang tao ng mga tiwaling disposisyon at hindi niya nilulutas ang mga ito, katumbas lang ito ng hindi pagtanggap sa katotohanan at pagkamatay. Ano ang ibubunga kung sumasampalataya ka sa Diyos pero hindi naman hinahangad ang katotohanan? Ikaw ang huhukay sa sarili mong libingan. Kalaban ng pananampalataya mo sa Diyos ang mga tiwaling disposisyon; hinahadlangan ng mga ito ang pagsasagawa mo ng katotohanan, ang pagdanas mo sa gawain ng Diyos at ang pagpapasakop mo sa Kanya. Bunga nito, hindi mo matatamo ang pagliligtas ng Diyos sa bandang huli. Hindi ba’t paghuhukay iyon sa sarili mong libingan? Hinahadlangan ka ng mga satanikong disposisyon na matanggap at isagawa ang katotohanan. Hindi mo maiiwasan ang mga ito; dapat mong harapin ang mga ito. Kung hindi mo pagtatagumpayan ang mga ito, kokontrolin ka ng mga ito. Kung kaya mong pagtagumpayan ang mga ito, hindi ka na mapipigilan pa ng mga ito, at magiging malaya ka na. May mga pagkakataong lilitaw pa rin ang mga tiwaling disposisyon sa iyong puso at magpapakita ang mga ito, na magdudulot ng mga maling kaisipan at ideya, at masamang pag-iisip sa iyong kalooban, na magiging dahilan para maging mayabang o mapagmataas ka, at ibunyag ang gayong mga kaisipan; pero kapag kumilos ka, hindi na magagapos ng mga ito ang mga kamay at paa mo, at hindi na makokontrol ng mga ito ang puso mo. Sasabihin mo, “Intensyon kong isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, gawin ang mga bagay-bagay para mapalugod ang Diyos, at tuparin ang aking tungkulin at pagkamatapat bilang isang nilikha. Bagama’t naghahayag pa rin ako ng ganitong uri ng disposisyon paminsan-minsan, talagang wala na itong impluwensya sa akin.” Sapat na ito. Para na ring nalutas na ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Ang pagbabago ba sa disposisyon ng tao ay malabo at mahirap unawain? (Hindi.) Ganito ito kapraktikal. Sinasabi ng ilang tao na, “Kahit na nakakaunawa ako ng kaunting katotohanan, may mga tiwaling kaisipan at ideya pa rin ako paminsan-minsan, at naghahayag pa rin ako ng mga tiwaling disposisyon. Ano ang dapat kong gawin?” Kung talagang isa kang taong naghahangad sa katotohanan, sa tuwing nagkakaroon ka ng mga maling kaisipan at ideya, o naghahayag ka ng mga tiwaling disposisyon, dapat kang manalangin sa Diyos at dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Ito ang pinakapangunahing prinsipyo sa pagsasagawa; hindi mo naman makakalimutan iyon, hindi ba? Dagdag pa rito, dapat mo ring malaman na kapag mayroon kang mga maling kaisipan at ideya, dapat mong tanggihan ang mga ito. Hindi ka maaaring magpapigil at magpagapos sa mga ito, at lalong hindi ka maaaring sumunod sa mga ito. Hangga’t nakakaunawa ka ng kaunting katotohanan, madali na dapat itong maisagawa. Kung naghahayag ka ng mga tiwaling disposisyon, dapat mong pagsikapang hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Hindi mo puwedeng sabihin na, “O Diyos, muli na naman akong naghayag ng tiwaling disposisyon, disiplinahin Mo nawa ako! Hindi ko makontrol ang mga tiwali kong disposisyon.” Kung ganito ka manalangin, ipinapakita nitong hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan. Ipinapakita nito na negatibo at pasibo ka, at sinukuan mo na ang iyong sarili—maghanda ka na rin siguro ng ataul at paghandaan mo na ang burol mo. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng tao ang nananalangin nang ganito? Isang walang-kwenta lamang ang mananalangin nang ganito sa Diyos. Hindi kailanman sasambitin ng isang taong nagmamahal sa katotohanan ang gayong mga salita. Kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, dapat mong piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at dapat maging malinaw rin sa iyo kung paano ka magsasagawa. Kung hindi mo alam kung paano magsagawa kapag nangyayari sa iyo ang mga lubhang ordinaryong problemang ito, masyado kang walang silbi. Isang panghabambuhay na pagpupunyagi ang paglutas sa mga tiwaling disposisyon, hindi ito isang bagay na maaaring makamit sa loob lamang ng ilang taon. Bakit ka nagkikimkim ng mga pantasya tungkol sa pagtatamo ng katotohanan at ng buhay? Hindi ba’t kahangalan at kamangmangan iyon?

Sa proseso ng paghahangad ng pagbabago sa buhay disposisyon, ang pamimigil ng mga tiwaling disposisyon ang pinakamatinding paghihirap sa bawat tao. Kapag naghahayag ng kaunting tiwaling disposisyon ang mga tao, o paulit-ulit nila itong inihahayag, at kapag nararamdaman nilang hindi nila ito makontrol, kinokondena nila ang kanilang sarili, nagpapasyang katapusan na nila at hindi nila kayang magbago. Ito ay kalituhan at maling kaisipan na umiiral sa karamihan ng mga tao. Sa kasalukuyan, napagtanto ng ilang naghahangad sa katotohanan na hangga’t may mga tiwaling disposisyon sa loob ng isang tao, madalas niyang mabubunyag ang mga ito, na makaaapekto sa pagganap niya ng kanyang tungkulin at makahahadlang sa pagsasagawa niya ng katotohanan, at kung hindi siya makakapagnilay-nilay sa sarili para lutasin ang problema ng mga tiwali niyang disposisyon, hindi niya magagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin. Samakatuwid, ang mga laging gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa isang negatibo at pabasta-bastang paraan ay dapat seryosong magnilay-nilay sa kanilang sarili at tuklasin ang pinag-uugatan ng kanilang problema para lutasin ito. Subalit, may baluktot na pagkaunawa ang ilang tao, at iniisip nilang, “Ang lahat ng naghahayag ng mga tiwaling disposisyon habang gumaganap ng kanilang mga tungkulin ay dapat tumigil at ganap na lutasin ang mga ito bago magpatuloy sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.” Mapaninindigan ba ang pananaw na ito? Ito ay isang imahinasyon ng tao, at sadyang hindi ito mapaninindigan. Ang totoo, para sa karamihan ng mga tao, kahit ano pang mga tiwaling disposisyon ang inihahayag nila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, hangga’t hinahanap nila ang katotohanan para lutasin ang mga ito, unti-unti nilang mababawasan ang dami ng mga paghahayag ng katiwalian, at sa huli ay magagampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ito ang proseso ng pagdanas ng gawain ng Diyos. Sa sandaling maghayag ka ng tiwaling disposisyon, dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ito, at kilatisin at suriing mabuti ang sataniko mong disposisyon. Ito ang proseso ng pakikipaglaban sa sataniko mong disposisyon, at mahalaga ito para sa iyong karanasan sa buhay. Habang nararanasan mo ang gawain ng Diyos at binabago mo ang iyong disposisyon, ginagamit mo ang mga katotohanang nauunawaan mo para makipagtagisan laban sa sataniko mong disposisyon, at sa huli ay malulutas mo ang mga tiwali mong disposisyon at mapagtatagumpayan mo si Satanas, at sa gayon ay magkakamit ka ng pagbabago sa disposisyon. Ang proseso ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay ang paghahanap at pagtanggap sa katotohanan upang mapalitan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ang mga salita at doktrina, at para palitan ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwalang nagmumula kay Satanas, unti-unting pinapalitan ng katotohanan at ng salita ng Diyos ang mga bagay na ito. Ito ang proseso ng pagtatamo ng katotohanan at ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao. Kung gusto mong malaman kung gaano na nagbago ang disposisyon mo, kailangan mong makita nang malinaw kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan mo, kung gaano karaming katotohanan ang isinagawa mo na, at kung gaano karaming katotohanan ang naisasabuhay mo. Dapat mong makita nang malinaw kung ilan sa mga tiwali mong disposisyon ang napalitan na ng mga katotohanang naunawaan at natamo mo na, at kung hanggang saan nakokontrol ng mga ito ang mga tiwaling disposisyong nasa loob mo, ibig sabihin, kung hanggang saan nagagabayan ng mga katotohanang nauunawaan mo ang mga kaisipan at intensyon mo, at ang pang-araw-araw mong buhay at pagsasagawa. Marapat mong makita nang malinaw kung, kapag may nangyayari sa iyo, ang mga tiwaling disposisyon mo ba ang nakalalamang, o kung ang mga katotohanan bang nauunawaan mo ang namamayani at gumagabay sa iyo. Ito ang pamantayan kung saan sinusukat ang iyong tayog at pagpasok sa buhay.

Sipi 51

Ano ang nangyayari, kapag ang isang tao ay palaging nagdadahilan kapag nahaharap siya sa pananaway at pagpupungos? Ito ay isang uri ng disposisyon na napakayabang, mapagmagaling at matigas ang ulo. Para sa mga taong mayabang at matigas ang ulo, mahirap tanggapin ang katotohanan. Hindi nila matanggap kapag may narinig silang hindi umaayon sa kanilang mga perspektiba, opinyon, at kaisipan. Wala silang pakialam kung ang sinasabi ng ibang tao ay tama o mali, o kung sino ang nagsabi nito, o ano ang konteksto nito, o kung may kaugnayan ba ito sa kanilang mga sariling responsabilidad at tungkulin. Wala silang pakialam sa mga bagay na ito; ang kagyat para sa kanila ay ang bigyan muna ng kasiyahan ang sarili nilang mga damdamin. Hindi ba’t ito ay katigasan ng ulo? Anu-anong kawalan ang idudulot sa mga tao sa huli ng katigasan ng ulo? Mahirap para sa kanilang makamit ang katotohanan. Ang hindi pagtanggap sa katotohanan ay sanhi ng tiwaling disposisyon ng tao, at ang pangwakas na resulta ay hindi nila madaling matatamo ang katotohanan. Anumang likas na nabubunyag mula sa kalikasang diwa ng tao ay salungat sa katotohanan at walang kinalaman dito; walang kahit isa sa gayong bagay ang nakaayon o malapit sa katotohanan. Kaya, upang makamit ang kaligtasan, dapat tanggapin at isagawa ng isang tao ang katotohanan. Kung hindi matanggap ng isang tao ang katotohanan at palagi niyang nais na kumilos nang alinsunod sa mga sarili niyang kagustuhan, hindi makakamit ng taong iyon ang kaligtasan. Kung nais mong sundan ang Diyos at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat hindi ka muna maging mapusok kapag hindi umaayon sa gusto mo ang mga bagay-bagay. Kumalma ka muna at tumahimik sa harap ng Diyos, at sa puso mo, manalangin at maghanap sa Kanya. Huwag kang magmatigas; magpasakop ka muna. Kapag gayon ang pag-iisip mo, saka ka lamang makakaisip ng mas magagandang solusyon sa mga problema. Kung kaya mong magtiyagang mamuhay sa harap ng Diyos, at anuman ang sumapit sa iyo, nagagawa mong manalangin at maghanap sa Kanya, at harapin ito nang may mentalidad ng pagpapasakop, kung gayon ay hindi na mahalaga kung gaano karami ang pagbubunyag ng iyong tiwaling disposisyon, o kung anong mga paglabag ang dati mong nagawa—malulutas ang mga iyon basta’t hinahanap mo ang katotohanan. Anumang mga pagsubok ang sumapit sa iyo, magagawa mong manindigan. Basta’t tama ang mentalidad mo, nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, at nagpapasakop ka sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi, lubos kang may kakayahang isagawa ang katotohanan. Bagama’t medyo suwail ka at palaban paminsan-minsan, at kung minsan ay nangangatwiran ka para ipagtanggol ang sarili at hindi mo magawang magpasakop, kung kaya mong manalangin sa Diyos at baguhin ang iyong suwail na kalagayan, makakaya mong tanggapin ang katotohanan. Kapag nagawa mo ito, pagnilayan kung bakit umusbong sa iyo ang gayong pagrerebelde at paglaban. Tuklasin ang dahilan, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin iyon, at ang aspektong iyon ng iyong tiwaling disposisyon ay maaaring madalisay. Matapos kang makabawi nang ilang beses mula sa gayong mga pagkatisod at pagkadapa, hanggang sa naisasagawa mo na ang katotohanan, unti-unting maaalis ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos, maghahari ang katotohanan sa iyong kalooban at magiging buhay mo, at hindi na magkakaroon pa ng mga sagabal sa pagsasagawa mo ng katotohanan. Magagawa mo nang tunay na magpasakop sa Diyos, at isasabuhay mo ang katotohanang realidad. Sa panahong ito, magkakaroon ka ng praktikal na karanasan at pagkalantad sa pagsasagawa sa katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Kapag may nangyari sa iyo kinalaunan, malalaman mo kung paano magsagawa sa paraang mapagpasakop sa Diyos at kung anong klase ng pag-uugali ang mapaghimagsik laban sa Diyos. Yamang malinaw na ang mga bagay na ito sa puso mo, hindi mo pa rin ba kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanang realidad? Kung hihilingin sa iyong ibahagi ang iyong mga patotoong batay sa karanasan, hindi mo mararamdamang ito ay isang problema dahil marami ka nang naranasan at alam mo na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sa anumang paraan ka magsalita, ito ay magiging totoo, at anuman ang sabihin mo, ito ay magiging praktikal. At kung hihilingin sa iyo na talakayin ang mga salita at doktrina, hindi mo ito gugustuhin—magiging tutol ka sa mga ito sa puso mo. Hindi ba’t kung gayon ay nakapasok ka na sa katotohanang realidad? Ang mga taong naghahangad sa katotohanan ay makakapagkamit ng karanasan ukol dito sa loob lamang ng ilang taong pagsisikap, pagkatapos ay makapapasok sa katotohanang realidad. Para sa mga hindi naghahangad sa katotohanan, hindi madaling pumasok sa katotohanang realidad, kahit gusto nila. Ito ay dahil may sobra-sobrang paghihimagsik sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Sa tuwing kailangan nilang isagawa ang katotohanan ukol sa ilang bagay, palagi silang nagdadahilan para sa kanilang sarili at may mga sariling problema, kaya magiging napakahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Bagamat maaari silang manalangin at maghanap, at maging handang isagawa ang katotohanan, kapag may nangyari sa kanila, kapag nakatagpo sila ng mga paghihirap, lumilitaw ang kanilang kalituhan, at lumalabas ang kanilang mapaghimagsik na disposisyon, na talagang nagpapalabo ng kanilang kaisipan. Kung gayon ay malamang na napakatindi ng kanilang mapaghimagsik na disposisyon! Kung ang mas maliit na bahagi ng kanilang puso ang nagugulumihanan, at ang mas malaking bahagi ay nais na magpasakop sa Diyos, kaunting hirap lang ang kakaharapin nila sa pagsasagawa ng katotohanan. Marahil ay kaya nilang manalangin sa loob ng ilang panahon, o maaaring may isang taong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan; basta’t nauunawaan nila ito sa sandaling iyon, magiging mas madali itong isagawa. Kung ang kanilang kalituhan ay napakalaki na sinasakop nito ang malaking bahagi ng kanilang puso, kung saan ang pagiging mapaghimagsik ay pangunahin at ang pagpapasakop ay pumapangalawa lamang, hindi magiging madali para sa kanila ang magsagawa ng katotohanan, dahil napakaliit ng kanilang tayog. At ang mga hindi talaga nagmamahal sa katotohanan ay labis o ganap na mapaghimagsik, ganap na litung-lito. Ang mga taong ito ay iniraraos lamang ang gawain at hindi kailanman makakapagsagawa ng katotohanan, kaya magiging walang kabuluhan ang anumang lakas na gugugulin para sa kanila. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan ay may malakas na motibasyon para sa katotohanan; kung iyon ang mas malaking bahagi o ang kalakhan ng motibasyon nila, at ang katotohanan ay malinaw na naibahagi sa kanila, tiyak na maisasagawa nila ito. Hindi simpleng bagay ang magmahal sa katotohanan; ang pagkakaroon lang ng kaunting kahandaan ay hindi sapat upang magawang mahalin ng isang tao ang katotohanan. Dapat niyang marating ang punto kung saan sa sandaling maunawaan niya ang salita ng Diyos, makakapagsikap siya at makakapagtiis ng paghihirap at makakapagbayad ng halaga upang isagawa ang katotohanan. Iyon ang isang taong nagmamahal sa katotohanan. Ang isang taong nagmamahal sa katotohanan ay maaaring maging masigasig sa kanyang paghahangad, kahit gaano pa karaming tiwaling disposisyon ang ibinubunyag niya o kahit gaano karaming paglabag ang nagawa niya. Anuman ang mangyari sa kanya, maaari siyang manalangin sa Diyos, maaari niyang hanapin ang katotohanan, at tanggapin ang katotohanan. Pagkaraan ng dalawa o tatlong taon ng gayong karanasan, magbubunga ang kanyang mga pagsisikap, at hindi siya mahahadlangan ng mga ordinaryong paghihirap. Kung may makaharap nga siyang malalaking paghihirap, kung gayon, kahit na siya ay mabigo, ito ay normal, dahil napakaliit ng kanyang tayog. Basta’t kaya niyang isagawa ang katotohanan sa mga normal na sitwasyon, may pag-asa pa. Kapag nakilala niya ang Diyos at nagkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, kahit ang malalaking hamon ay madali para sa kanyang lutasin; hindi isyu sa kanya ang anumang hamon. Basta’t higit pang binabasa ng mga tao ang mga salita ng Diyos at higit pa silang nagbabahaginan sa katotohanan, at kung kaya nilang manalangin sa Diyos, kahit ano pang paghihirap ang dumating sa kanila, at kaya nilang umasa sa gawain ng Banal na Espiritu upang lutasin ang mga isyu, magiging madali para sa kanilang maunawaan ang katotohanan at isagawa ito, at ang kanilang tiwaling disposisyon ay magsisimulang mawaksi nang paunti-unti. Sa bawat pagsasagawa ng katotohanan, naiwawaksi nila nang kaunti ang kanilang tiwaling disposisyon, at kaakibat ng mas higit pang pagsasagawa sa katotohanan ang mas higit pang pagwawaksi sa kanilang tiwaling disposisyon. Ito ay batas ng kalikasan. Kung nakikita ng mga tao na sila ay nagbubunyag ng tiwaling disposisyon at sinusubukan nilang lutasin ito sa pamamagitan ng pag-asa sa pagpipigil sa sarili at pagtitiis, magtatagumpay ba sila? Hindi ito magiging madali. Kung malulutas nila ito sa ganoong paraan, kung gayon ay hindi na kailangan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain ng paghatol at pagkastigo. Upang lutasin ang isang tiwaling disposisyon, dapat umasa ang isang tao sa panalangin sa Diyos at umasa sa Kanya, sa paghahanap sa katotohanan at pagkilala sa sarili sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili, at umasa sa Banal na Espiritu upang kumilos. Iyon ang unti-unting makakalutas nito. Kung hindi makikipagtulungan ang mga tao, hindi alam kung paano pagninilay-nilayan ang kanilang sarili, hindi matanggap ang katotohanan, hindi nakikilala ang kanilang tiwaling disposisyon, walang pagsisisi, at hindi kinamumuhian ang laman at si Satanas, ang kanilang tiwaling disposisyon ay hindi kusang mawawaksi. Dito pinakakamangha-mangha ang gawain ng Banal na Espiritu; hangga’t nauuhaw ang mga tao sa katotohanan at naghahangad ng pagbabago sa kanilang disposisyon, bibigyan sila ng Diyos ng kaliwanagan at gagabayan sila. Sabay-sabay na mauunawaan ng mga tao ang katotohanan at magagawang kilalanin ang kanilang sarili nang hindi nila napapagtanto, at sa puntong ito, sisimulan nilang mahalin ang katotohanan at manabik para dito. Magagawa nilang mapoot sa kalikasan at disposisyon ni Satanas mula sa sarili nilang puso, at dahil dito ay magiging madali para sa kanila na maghimagsik laban sa laman, at maramdamang mas madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Sa puntong iyon, ang kanilang tiwaling disposisyon ay magbabago, paunti-unti, at hindi na sila magkakaroon ng anumang paghihimagsik sa Diyos; magagawa nilang ganap na magpasakop sa Kanya, nang hindi napipigilan ng kahit sinong tao, pangyayari, o bagay. Ito ay isang ganap na pagbabago sa kanilang buhay disposisyon.

Sipi 52

Hindi kailanman naghahanap ng katotohanan ang ilang tao habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ginagawa lamang nila kung anong gusto nila, kumikilos ayon sa kanilang sariling mga imahinasyon, at palaging pabasta-basta at padalos-dalos. Hindi talaga sila tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng pagiging “pabasta-basta at padalos-dalos”? Nangangahulugan ito ng pagkilos sa anumang paraan na sa tingin mo ay naaangkop kapag nahaharap sa isang isyu, nang walang anumang proseso ng pag-iisip o paghahanap. Walang masasabi ang sinumang iba pa na makakaantig sa puso mo o magpapabago ng isip mo. Ni hindi mo matanggap kapag ibinabahagi sa iyo ang katotohanan, kumakapit ka sa sarili mong mga opinyon, hindi ka nakikinig kapag may sinasabing anumang tama ang ibang mga tao, naniniwala ka na ikaw ang tama, at kumakapit ka sa sarili mong mga ideya. Kahit tama ang iniisip mo, dapat mo ring isaalang-alang ang mga opinyon ng ibang mga tao. At kung hindi mo talaga gagawin ito, hindi ba ito pagiging masyadong mapagmagaling? Hindi madali para sa mga taong masyadong mapagmagaling at matigas ang ulo na tanggapin ang katotohanan. Kapag gumawa ka ng mali at pinuna ka ng iba na sinasabing, “Hindi mo ito ginagawa ayon sa katotohanan!” sumasagot ka, “Kahit hindi, ganito ko pa rin gagawin ito,” at pagkatapos ay naghahanap ka ng dahilan para isipin nila na tama ito. Kapag sinaway ka nila, na sinasabing, “Ang pagkilos mo nang ganito ay nakakagambala, at makakapinsala ito sa gawain ng iglesia,” hindi ka lamang hindi nakikinig, kundi patuloy ka pang nagpapalusot: “Palagay ko ito ang tamang paraan, kaya gagawin ko ito sa ganitong paraan.” Anong disposisyon ito? (Kayabangan.) Kayabangan ito. Ang mayabang na kalikasan ay ginagawa kang mapagmatigas. Kung mayroon kang mayabang na kalikasan, kikilos ka nang basta-basta at padalos-dalos, nang hindi iniintindi ang sinasabi ninuman. Kung gayon, paano mo lulutasin ang iyong pagiging pabasta-basta at padalos-dalos? Sabihin na, halimbawa, na may nangyari sa iyo at may sarili kang mga ideya at plano. Bago mo pagpasyahan kung ano ang gagawin, dapat mong hanapin ang katotohanan, at dapat ka man lang magbahagi sa lahat tungkol sa iniisip at sa pinaniniwalaan mo tungkol sa bagay na iyon, na hinihiling sa lahat na sabihin sa iyo kung tama ang iyong mga iniisip at kung naaayon ang mga ito sa katotohanan, at na magsagawa sila ng mga pagsusuri para sa iyo. Ito ang pinakamagandang pamamaraan para malutas ang pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Una, maaari mong ipaliwanag ang mga pananaw mo at hanapin ang katotohanan—ito ang unang hakbang ng pagsasagawa para malutas ang pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Nangyayari ang ikalawang hakbang kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon—paano ka magsasagawa para maiwasang maging pabasta-basta at padalos-dalos? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang makapagbahaginan ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagtugon sa mga layunin ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi pagkapit sa sarili mong mga opinyon, dapat kang magdasal, hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng batayan sa mga salita ng Diyos—tukuyin kung paano kikilos batay sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakaangkop at tumpak na pagsasagawa. Kapag hinahanap mo ang katotohanan at inilalabas ang isang problema para sama-samang mapagbahaginan at masiyasat ng lahat, sa panahong iyon nagbibigay ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu. Binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga tao ayon sa mga prinsipyo, sinisiyasat Niya ang kanilang saloobin. Kung ayaw mong makipagkompromiso kahit tama man o mali ang pananaw mo, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at babalewalain ka; hindi ka Niya hahayaang umusad para ibunyag ka at ilantad ang iyong pangit na kalagayan. Sa kabilang banda, kung tama ang iyong saloobin, hindi mapilit sa sarili mong paraan, ni hindi mapagmagaling, ni hindi pabasta-basta at padalos-dalos, bagkus ay saloobin ng paghahanap at pagtanggap sa katotohanan, kung makikipagbahaginan ka sa lahat, kung gayon ay magsisimulang gumawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at marahil ay aakayin ka Niya sa pag-unawa sa pamamagitan ng mga salita ng iba. Minsan, kapag binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, inaakay ka Niya na maunawaan ang pinakakahulugan ng isang bagay sa pamamagitan lamang ng ilang salita o parirala, o sa pagbibigay sa iyo ng isang ideya. Napagtatanto mo, sa sandaling iyon, na anuman ang iyong kinakapitan ay mali, at, sa sandali ring iyon, nauunawaan mo ang pinakaangkop na paraan ng pagkilos. Sa pagdating sa gayong antas, hindi ba’t nagtagumpay ka nang maiwasan ang paggawa ng kasamaan, at kasabay niyon ay naiwasan mo na ang pagpasan ng mga kahihinatnan ng isang pagkakamali? Hindi ba’t ito ang proteksyon ng Diyos? (Oo.) Paano nakakamit ang ganoong bagay? Natatamo lamang ito kapag mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, at kapag hinahanap mo ang katotohanan nang may pusong nagpapasakop. Kapag natanggap mo na ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at natukoy ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, ang iyong pagsasagawa ay maaayon sa katotohanan, at magagawa mong matugunan ang mga layunin ng Diyos. Saan lubos na nakasalalay ang kakayahan mong maisagawa ang katotohanan sa gayong paraan? Pangunahin itong nakasalalay sa pagkakaroon mo ng mga tamang intensyon at saloobin. Lubos na mahalaga ito. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu, sinisiyasat Niya ang mga intensyon at saloobin ng mga tao, at nagpapasya Siya kung bibigyan sila ng kaliwanagan o gagabayan sila batay sa mga salik na ito. Kung mauunawaan ng mga tao ang gawain ng Diyos at makikita nang malinaw ang bagay na ito, malalaman nila kung paano manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan. Nakikita mo ba ito nang malinaw? Madalas, inaasam ng mga taong umiwas sa paggawa ng masama, at nais nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Ngunit nakasalalay ito sa pag-uugali ng mga tao ukol sa katotohanan at kung sila ay mayroong pusong may takot at nagpapasakop sa Diyos. Kung mabibitiwan mo ang mga personal na intensyon mo at magkakaroon ka ng kaisipan ng pagpapasakop sa Diyos, nananalangin at naghahanap mula sa Diyos nang mataimtim, hindi magtatagal ay matatanggap mo ang kaliwanagan ng Diyos. Gagamit ang Diyos ng ilang pamamaraan upang maipaunawa sa iyo kung ano ang mga prinsipyo ng katotohanan at kung saan matatagpuan ang mahahalagang punto ng katotohanan. Kapag nananalangin at naghahanap ka sa Diyos, basta’t tama ang kaisipan mo at ikaw ay tapat, bibigyan ka ng kaliwanagan ng Diyos. Ang nakakabahala lang ay kung hindi tunay na hinahanap ng mga tao ang katotohanan, bagkus ay ginagawa lang ang mga bagay at mga pormalidad nang wala sa loob upang makita ng iba. Kung ganoon, hindi nila makakamtan ang kaliwanagan ng Diyos. Kung ang iyong saloobin ay matigas na magpumilit, itatwa ang katotohanan, tanggihan ang mga mungkahi ng sinumang iba pa, hindi hanapin ang katotohanan, magtiwala lamang sa iyong sarili, at gawin lamang kung ano ang gusto mo—kung ito ang iyong saloobin anuman ang gawin o hingin ng Diyos, ano ang reaksyon ng Diyos? Hindi ka papansinin ng Diyos, isasantabi ka Niya. Hindi ba’t matigas ang ulo mo? Hindi ka ba mayabang? Hindi mo ba palaging iniisip na tama ka? Kung wala kang pagpapasakop, kung hindi ka kailanman naghahanap, kung ang puso mo ay lubusang sarado at palaban sa Diyos, hindi ka papansinin ng Diyos. Bakit hindi ka papansinin ng Diyos? Dahil kung sarado ang puso mo sa Diyos, matatanggap mo ba ang kaliwanagan ng Diyos? Madarama mo ba kapag kinagagalitan ka ng Diyos? Kapag nagmamatigas ang mga tao, kapag lumalabas ang kanilang satanikong kalikasan at pagiging halimaw, hindi nila nadarama ang anumang ginagawa ng Diyos, lahat ng iyon ay walang saysay—kaya hindi gumagawa ang Diyos ng gawaing walang silbi. Kung ganito katigas ang uri ng iyong pagiging palaban, ang tanging ginagawa ng Diyos ay manatiling tago mula sa iyo, hindi gagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi kailangan. Kapag ganito katigas ang iyong pagiging palaban, at ganito ka kasarado, hindi pipilitin ng Diyos kailanman na gumawa ng anumang bagay sa iyo, o ipipilit sa iyo ang anumang bagay, hindi Niya kailanman patuloy na sisikaping antigin ka at bigyan ka ng kaliwanagan, nang paulit-ulit—hindi ganito kumilos ang Diyos. Bakit hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan? Dahil higit sa lahat ay nakita na ng Diyos ang isang partikular na uri ng disposisyon sa iyo, isang pagiging halimaw na tutol sa katotohanan at hindi tinatablan ng katwiran. At sa palagay mo ba ay makokontrol ng mga tao ang isang mabangis na hayop kapag lumalabas ang pagiging halimaw nito? May nagagawa ba ang pagsigaw at paghiyaw rito? May silbi ba ang pangangatwiran o pag-aliw rito? Nangangahas ba ang mga tao na lapitan ito? May isang magandang paraan ng paglalarawan dito: Hindi ito tinatablan ng katwiran. Kapag sumisiklab ang iyong pagiging halimaw at hindi ka nakikinig sa katwiran, ano ang ginagawa ng Diyos? Hindi ka pinapansin ng Diyos. Ano pa ang masasabi sa iyo ng Diyos kapag hindi ka tinatablan ng katwiran? Walang silbing magsalita pa ng anuman. At kapag hindi ka pinapansin ng Diyos, pinagpapala ka ba, o nagdurusa? Nagkakamit ka ba ng kaunting pakinabang, o nawawalan? Walang dudang mawawalan ka. At sino ang nagsanhi nito? (Kami.) Ikaw ang nagsanhi nito. Walang namilit sa iyo na kumilos nang ganito, subalit naiinis ka pa rin. Hindi ba ikaw ang nagdulot nito sa sarili mo? Hindi ka pinapansin ng Diyos, hindi mo nadarama ang Diyos, may kadiliman sa puso mo, at nakokompromiso ang buhay mo—ikaw ang nagdulot nito sa sarili mo, ito ang nararapat sa iyo.

Kapag nahaharap sa isang usapin, kung ang mga tao ay masyadong matigas ang ulo at ipinipilit ang sarili nilang mga ideya nang hindi hinahanap ang katotohanan, ito ay napakamapanganib. Itataboy ng Diyos ang mga taong ito at isasantabi sila. Ano ang magiging bunga nito? Tiyak na masasabi na naroroon ang panganib na sila ay maititiwalag. Gayunman, makakamit ng mga naghahanap sa katotohanan ang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu, at bilang resulta, makakamit nila ang pagpapala ng Diyos. Ang dalawang magkaibang saloobin ng paghahanap at hindi paghahanap sa katotohanan ay maaaring makapagdulot ng dalawang magkaibang kalagayan sa iyo at ng dalawang magkaibang resulta. Anong uri ng resulta ang pipiliin mo? (Pipillin kong makamit ang kaliwanagan ng Diyos.) Kung nais ng mga tao na maliwanagan at magabayan ng Diyos, at matanggap ang mga biyaya ng Diyos, anong klaseng saloobin ang kailangan nilang taglayin? Kailangan ay madalas nilang taglayin ang saloobing naghahangad at nagpapasakop sa harap ng Diyos. Ginagampanan mo man ang iyong tungkulin, nakikisalamuha ka man sa iba, o humaharap sa ilang partikular na isyu na nangyayari sa iyo, kailangan mong magkaroon ng ugaling naghahanap at nagpapasakop. Sa ganitong klase ng saloobin, masasabi na mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang magawang hanapin ang katotohanan at magpasakop dito ay ang landas sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung wala kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, at sa halip ay kumakapit ka sa iyong sarili, masyado kang palaban, at ayaw mong tanggapin ang katotohanan, at tutol ka sa katotohanan, kung gayon ay likas kang gagawa ng malaking kasamaan. Hindi mo mapipigilan iyon! Kung hindi hahanapin ng mga tao ang katotohanan kailanman upang malutas ito, ang kalalabasan nito sa huli ay hindi pa rin nila mauunawaan ang katotohanan gaano man karami ang kanilang maranasan, ilang sitwasyon man ang makaharap nila, ilang aral man ang itakda ng Diyos para sa kanila, at sa huli ay mananatili silang walang kakayahang pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi taglay ng mga tao ang katotohanang realidad, hindi nila makakayang sundan ang daan ng Diyos, at kung hindi nila kailanman masusundan ang daan ng Diyos, kung gayon ay hindi sila mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Palaging sinasabi ng mga tao na gusto nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin at sumunod sa Diyos. Gayon ba kasimple ang mga bagay-bagay? Talagang hindi. Ang mga bagay na ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng mga tao! Hindi madaling gampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at magkaroon ng takot sa Diyos at maiwasan ang kasamaan. Subalit sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo ng pagsasagawa: Kung may saloobin ka ng paghahanap at pagpapasakop sa harap ng mga bagay-bagay, poprotektahan ka nito. Ang pangunahing mithiin ay hindi ang maprotektahan ka. Ito ay ang maipaunawa sa iyo ang katotohanan, at makapasok ka sa katotohanang realidad, at matamo ang kaligtasan ng Diyos—ito ang pangunahing mithiin. Kung ganito ang pag-uugali mo sa lahat ng nararanasan mo, hindi mo na madarama na ang pagganap sa iyong tungkulin at pagtugon sa mga layunin ng Diyos ay mga hungkag na salita at mga sawikain; hindi na ito parang napakahirap. Sa halip, bago mo pa matanto, mauunawaan mo na ang ilang katotohanan. Kung susubukan mong dumanas sa ganitong paraan, tiyak na aani ka ng mga gantimpala. Hindi mahalaga kung sino ka, kung ilang taon ka na, kung gaano ka kaedukado, kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, o kung anong tungkulin ang ginagampanan mo. Basta’t mayroon kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, basta’t ganito ang nararanasan mo, sa huli, tiyak na mauunawaan mo ang katotohanan at makakapasok ka sa katotohanang realidad. Gayunman, kung hindi mo ugaling maghanap at magpasakop sa lahat ng nangyayari sa iyo, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo magagawang pumasok sa katotohanang realidad. Iniisip ng mga hindi kailanman nakakaunawa sa katotohanan at hindi makakapasok kailanman sa katotohanang realidad, “Ano ang katotohanan at ano ang mga doktrina? Ano ang katotohanang realidad at ano ang hindi pagkakaroon ng katotohanang realidad? Bakit hindi ko ito nauunawaan?” Madalas silang nakikinig sa mga sermon at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, bumabangon sila nang maaga at nagpupuyat sa gabi sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, higit na nakikinig, nag-aaral, at nagsusulat. Isinusulat nila sa kanilang mga kuwaderno ang mga nakakapagpatibay na bagay na naririnig nila, pinupuno ang ilang buong aklat. Nagbuhos sila ng maraming pagsisikap, ngunit sa kasamaang-palad, hindi nila kailanman naunawaan ang katotohanan. Bunga nito, pakiramdam nila ay napakalalim ng katotohanan. Pagkatapos nilang makinig sa loob ng ilang taon, naunawaan na nila ang ilang doktrina, ngunit bakit hindi nila ito maisagawa? Bakit sila nalilito kapag nahaharap sa mga bagay-bagay? Itinuturing nila ang pag-unawa sa katotohanan at ang pagpasok sa katotohanang realidad bilang napaka-abstrakto at nararamdaman nilang ang mga bagay na ito ay napakahirap na matamo. Ang totoo, mali ang naging pagkaunawa nila rito. Ang paniniwala sa Diyos at pagkaunawa sa katotohanan ay hindi tungkol sa paglalaro ng mga salita, hindi ito tungkol sa pagkakaroon ng kakayahang matalakay ang ilan sa mga salita at doktrina, at iyon na iyon—hindi iyon ang ibig sabihin nito. Ang pinakabinibigyang-diin ng paniniwala sa Diyos ay ang pagsasagawa sa katotohanan at pagkakaroon ng kakayahang maunawaan ang mga prinsipyo sa pagsasagawa sa katotohanan. Tanging sa pamamagitan ng pagkaunawa kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng katotohanan, at kung ano ang pangangasiwa sa mga bagay nang may mga prinsipyo, masasabi na naunawaan na ng isang tao ang katotohanan at nakapasok na siya sa katotohanang realidad. Ang pagkakaroon ng kakayahang maisagawa ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad ang pinakaimportanteng bagay.

Sipi 53

Kapag hindi umaako ng responsabilidad ang mga tao sa kanilang mga tungkulin, kapag ginagawa nila ang mga ito nang pabasta-basta, kapag kumikilos sila na parang mga mapagpalugod ng mga tao, at hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, anong disposisyon ito? Ito ay katusuhan, ito ay disposisyon ni Satanas. Ang pinakakapansin-pansing aspekto sa mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo ay ang katusuhan. Iniisip ng mga tao na kung hindi sila tuso, malamang na masasaktan nila ang damdamin ng iba at hindi nila mapoprotektahan ang kanilang mga sarili; iniisip nila na kailangan nilang maging sapat na tuso upang hindi makapanakit o makapagpasama ng loob ninuman, nang sa gayon ay mapananatili nilang ligtas ang kanilang mga sarili, mapangangalagaan nila ang kanilang mga kabuhayan at magkakaroon sila ng matatag na katayuan sa ibang mga tao. Ang mga walang pananampalataya ay namumuhay lahat ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Silang lahat ay mga mapagpalugod ng mga tao at hindi nila pinapasama ang loob ng sinuman. Narito ka na sa sambahayan ng Diyos, nabasa mo na ang salita ng Diyos, at nakinig ka na sa mga sermon ng sambahayan ng Diyos, kaya bakit hindi mo maisagawa ang katotohanan, bakit hindi ka makapagsalita mula sa puso, at maging matapat na tao? Bakit lagi kang mapagpalugod ng mga tao? Pinoprotektahan lang ng mga mapagpalugod ng mga tao ang sarili nilang mga interes, at hindi ang mga interes ng iglesia. Kapag may nakikita silang isang taong gumagawa ng masama at pumipinsala sa mga interes ng iglesia, hindi nila ito pinapansin. Mahilig silang maging mapagpalugod ng mga tao, at ayaw nilang makapagpasama ng loob ng sinuman. Iresponsable ito, at ang ganoong uri ng tao ay masyadong tuso at hindi mapagkakatiwalaan. Para maprotektahan ang kanilang sariling banidad at pagpapahalaga sa sarili, at para mapanatili ang kanilang reputasyon at katayuan, masaya ang ilang tao na makatulong sa iba, at na magsakripisyo para sa kanilang mga kaibigan kahit ano pa ang maging kapalit. Pero kapag kailangan nilang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang katotohanan, at ang hustisya, nawawala ang kanilang mabubuting intensyon, ganap nang naglaho ang mga ito. Kapag dapat nilang isagawa ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa ni bahagya. Anong nangyayari? Para maprotektahan ang sarili nilang dignidad at pagpapahalaga sa sarili, magbabayad sila ng anumang halaga at magtitiis ng anumang pagdurusa. Pero kapag kailangan nilang gumawa ng totoong gawain at mag-asikaso ng mga praktikal na bagay, na protektahan ang gawain ng iglesia at ang mga positibong bagay, at protektahan at tustusan ang mga taong hinirang ng Diyos, bakit wala na silang lakas para magbayad ng anumang halaga at magtiis ng anumang pagdurusa? Hindi iyon kapani-paniwala. Ang totoo, mayroon silang isang uri ng disposisyon na tutol sa katotohanan. Bakit Ko sinasabing ang disposisyon nila ay tutol sa katotohanan? Dahil sa tuwing ang isang bagay ay nangangailangan ng pagpapatotoo sa Diyos, pagsasagawa ng katotohanan, pagprotekta sa mga taong hinirang ng Diyos, paglaban sa mga pakana ni Satanas, o pagprotekta sa gawain ng iglesia, tumatakas sila at nagtatago, at hindi sila nakikibahagi sa anumang nararapat na mga bagay. Nasaan ang kanilang kabayanihan at diwa na magtiis ng pagdurusa? Saan nila ginagamit ang mga iyon? Madali itong makita. Kahit pa pagsabihan sila, sabihan na hindi sila dapat maging masyadong makasarili at mababang-uri, at protektahan ang sarili nila, at na dapat nilang protektahan ang gawain ng iglesia, wala talaga silang pakialam. Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Hindi ko ginagawa ang mga bagay na iyon, at walang kinalaman ang mga iyon sa akin. Ano ang magandang maidudulot ng pagkilos nang gayon sa aking paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan?” Hindi sila mga taong hinahangad ang katotohanan. Gusto lang nilang maghangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan, at hindi man lang nila ginagawa ang gawaing naipagkatiwala sa kanila ng Diyos. Kaya, kapag kinakailangan sila para gawin ang gawain ng iglesia, pinipili na lang nilang tumakas. Nangangahulugan ito na sa puso nila, ayaw nila sa mga positibong bagay, at hindi sila interesado sa katotohanan. Malinaw itong pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad ang kayang tumulong kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos at ng mga taong hinirang ng Diyos, sila lamang ang kayang manindigan, nang buong tapang at nang nakatali sa tungkulin, upang magpatotoo sa Diyos at ibahagi ang katotohanan, inaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos papunta sa tamang landas, binibigyang-kakayahan silang makamit ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ito lamang ang saloobin ng pagkakaroon ng responsabilidad at pagpapamalas ng pagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa layunin ng Diyos. Kung wala kayong ganitong saloobin at kung pabaya lang kayo sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay at iniisip ninyong, “Gagawin ko ang mga bagay na nasa saklaw ng aking tungkulin ngunit wala na akong pakialam sa iba pa. Kung may itatanong ka sa akin, sasagutin kita—kung maganda ang lagay ng kalooban ko. Kung hindi naman, hindi kita sasagutin. Ito ang saloobin ko,” ito ay isang uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? Ang pagprotekta lamang sa sariling katayuan, reputasyon, at pagpapahalaga sa sarili, at ang pagprotekta lamang sa mga bagay na may kaugnayan sa mga pansariling interes—pagprotekta ba ito sa isang makatarungang layunin? Pagprotekta ba ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ang nasa likod ng mga hamak at makasariling motibong ito ay ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Ang karamihan sa inyo ay madalas na nagpapakita ng mga ganitong uri ng pagpapamalas, at sa sandaling may makaharap kayong may kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, umiiwas kayo sa pamamagitan ng pagsasabing, “Hindi ko nakita,” o “Hindi ko alam,” o “Hindi ko pa nabalitaan.” Talagang hindi mo man alam o nagkukunwari ka lamang, kung naghahayag ka ng ganitong klase ng tiwaling disposisyon kapag nasa mga krikital na sandali, mahirap sabihin kung isa kang taong tunay na nananalig sa Diyos; para sa Akin, isa kang taong nalilito sa kanyang pananalig, o kaya naman ay isang hindi mananampalataya. Walang dudang hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan.

Maaaring nauunawaan ninyo kung ano ang ibig sabihin ng maging tutol sa katotohanan, pero bakit sinasabi Ko na isang disposisyon ang pagiging tutol sa katotohanan? Walang kinalaman ang isang disposisyon sa mga paminsan-minsan at pansamantalang pagpapamalas, at hindi ibinibilang na problema sa disposisyon ang mga paminsan-minsan at pansamantalang pagpapamalas. Kahit ano pang uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon ang isang tao, madalas o lagi pa nga itong mabubunyag sa kanya, at mahahayag ito sa tuwing nasa tamang konteksto ang taong iyon. Samakatuwid, hindi mo maaaring basta-basta na lang ilarawan ang isang problema sa disposisyon batay sa paminsan-minsan at pansamantalang pagpapamalas. Kung gayon, ano ba ang isang disposisyon? May kaugnayan ang mga disposisyon sa mga intensyon at motibasyon, may kaugnayan ang mga ito sa pag-iisip at pananaw ng isang tao. Tila napapakiramdaman mo na pinangingibabawan at iniimpluwensyahan ka ng mga ito, pero ang mga disposisyon ay maaari din namang itago at ikubli, at palabuin ng mabababaw na pangyayari. Sa madaling salita, hangga’t may disposisyon sa loob mo, makikialam ito sa iyo, pipigilan at kokontrolin ka nito, at magiging sanhi ito ng maraming pag-uugali at pagpapamalas sa iyo—iyon ang isang disposisyon. Anong mga pag-uugali, kaisipan, pananaw, at saloobin ang madalas na ibinubunga ng disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Isa sa mga pangunahing katangian ng pagiging tutol sa katotohanan na ipinapakita ng mga tao ay ang kawalan ng interes sa mga positibong bagay at sa katotohanan, pati na ang kawalan ng interes, kawalan ng sigla ng puso, at kawalan ng pagnanasang abutin ang katotohanan, at ang pag-iisip na ayos lang ang lahat ng ito pagdating sa anumang bagay na may kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Magbibigay Ako ng simpleng halimbawa. Isang halimbawa ng sentido kumon na madalas pinag-uusapan ng mga tao tungkol sa mabuting kalusugan ay ang kumain ng mas maraming prutas at gulay, kumain ng mas maraming magagaan na pagkain at mas kaunting karne, at lalo na ng pinritong pagkain; positibong gabay ito para sa kalusugan at mabuting pangangatawan ng mga tao. Mauunawaan at matatanggap ng lahat kung ano ang dapat kainin nang mas marami at kung ano ang dapat kainin nang mas kaunti, kaya nakabatay ba ang pagtanggap na ito sa teorya o sa pagsasagawa? (Sa teorya.) Paano ipinapamalas ang teoretikal na pagtanggap? Sa isang uri ng pangunahing pagkilala. Ito ay ang pag-iisip na tama ang pahayag na ito, at na napakaganda ng pahayag na ito, sa pamamagitan ng pagkilatis na batay sa iyong paghusga. Pero may anumang katibayan ka ba para maipakita ang pahayag na ito? May anumang batayan ka ba para paniwalaan ito? Kahit hindi mo pa ito mismo nararanasan, kahit wala namang saligan o batayan para patunayan kung tama ba o mali ang pahayag na ito, at lalo nang kahit walang hinugot na mga aral mula sa mga nakaraang pagkakamali, at kahit walang mga halimbawa sa totoong buhay, basta mo na lang tinanggap ang pananaw na ito—ito ay teoretikal na pagtanggap. Teoretikal o praktikal mo man itong tinatanggap, dapat mo munang kumpirmahin na tama at isang positibong bagay ang pahayag na “kumain ng mas maraming gulay at mas kaunting karne.” Kaya, paano makikita ang disposisyon mo ng pagiging tutol sa katotohanan? Batay sa kung paano mo hinaharap at ginagamit ang pahayag na ito sa iyong buhay; ipinapakita nito ang saloobin mo patungkol sa pahayag na iyon, kung tinanggap mo ba ito nang teoretikal at ayon sa doktrina, o kung isinakatuparan mo ba ito sa totoong buhay at ginawa mo itong realidad mo. Kung tinanggap mo lang ang pahayag na ito nang ayon sa doktrina, pero ang ginagawa mo naman sa totoong buhay ay ganap na sumasalungat sa pahayag na ito, o kung wala kang ipinapakitang praktikal na aplikasyon ng pahayag na ito, gusto mo ba ang pahayag na ito, o tutol ka ba rito? Halimbawa, kapag kumakain ka at nakakakita ka ng ilang berdeng gulay, at naiisip mo na, “Mainam sa kalusugan ng isang tao ang mga berdeng gulay, pero hindi masarap ang mga ito, at mas masarap ang karne, kaya kakain muna ako ng kaunting karne,” at pagkatapos ay karne na lang ang kinain mo at wala kang kinaing berdeng gulay—anong uri ng disposisyon ang ipinapakita nito? Isang disposisyon na hindi tumatanggap ng mga tamang pahayag, na tutol sa mga positibong bagay, at ang gusto lamang ay ang kumain nang ayon sa mga kagustuhan ng laman. Ang ganitong uri ng tao na masiba at sakim sa kalayawan ay tutol, lumalaban, at nasusuklam sa mga positibong bagay, at isa itong uri ng disposisyon. Maaaring tanggapin ng isang tao na medyo tama ang pahayag na ito, pero hindi niya ito magawa mismo, at bagama’t hindi niya ito magawa, sinasabi pa rin niya sa iba na gawin nila ito; matapos sabihin ito nang maraming beses, nagiging isang uri na ng teorya ang pahayag na iyon sa kanya, at wala na itong bisa sa kanya. Alam na alam naman ng taong iyon sa kanyang puso na tamang kumain ng mas maraming gulay at na hindi mabuting kumain ng maraming karne, pero iniisip niya na, “Anuman ang mangyari, hindi ako nawalan, pananamantala ang pagkain ng karne, at hindi ko naman nararamdamang masama ito sa kalusugan.” Ang kasakiman at mga pagnanasa niya ang nagtulak sa kanya na piliin ang isang maling paraan ng pamumuhay, at nagtulak sa kanya na palaging kontrahin ang tamang sentido kumon at ang tamang paraan ng pamumuhay. Mayroon siyang uri ng tiwaling disposisyon na natatakam sa mga pakinabang at kasiyahan ng laman, kaya magiging madali ba para sa kanya na tumanggap ng mga tamang pahayag at positibong bagay? Hinding-hindi ito magiging madali. Hindi ba’t nakokontrol ng kanyang tiwaling disposisyon ang paraan ng kanyang pamumuhay, kung gayon? Isa itong pagbubunyag ng kanyang tiwaling disposisyon, at isa itong pagpapamalas ng kanyang tiwaling disposisyon. Ang hayag na ipinapamalas ay ang mga pag-uugaling ito at ang isang saloobin, pero ang totoo, isang disposisyon ito na kumokontrol sa kanya. Anong disposisyon ito? Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. Mahirap matuklasan ang disposisyong ito ng pagiging tutol sa katotohanan; hindi nararamdaman ng sinuman na tutol sila sa katotohanan, pero ang katunayang ilang taon na silang sumampalataya sa Diyos pero hindi pa rin nila alam kung paano isagawa ang katotohanan ay sapat na para ipakita na tutol sila sa katotohanan. Nakikinig ang mga tao sa napakaraming sermon at napakarami nilang binabasang salita ng Diyos, at ang layunin ng Diyos ay ang tanggapin nila ang Kanyang mga salita sa kanilang puso at dalhin ang mga salitang ito sa kanilang totoong buhay para isagawa at gamitin, para maunawaan nila ang katotohanan at maisabuhay ang katotohanan. Mahirap para sa karamihan ng mga tao na makamit ang hinihinging ito, at iyon ang dahilan kung bakit sinasabing may disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan ang karamihan sa mga tao.

Kapag nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi mahirap para sa kanya na isagawa ang katotohanan, at kapag naisasagawa na ng isang tao ang katotohanan, makakapasok na siya sa katotohanang realidad. Ganoon ba talaga kahirap na gawing mga realidad na isinasabuhay ng isang tao ang mga katotohanang nauunawaan niya? Hayaan mong bigyan kita ng halimbawa. Sabihin nang malamig ang panahon at sinubukan mong umalis ng bahay na may pawis pa sa iyong noo, at sinabi ng nanay mong punasin mo muna ang pawis mo bago ka lumabas o kung hindi ay sisipunin ka. Alam mong gusto lang ng nanay mo ang makabubuti para sa iyo, pero hindi mo sineryoso ang payo niya, at binalewala mo ito kahit na nararamdaman mo namang tama ang mungkahi niya. Lumabas ka pa rin nang may pawis sa iyong noo, at paminsan-minsan ay nagkakasipon ka nga matapos lumabas nang ganito, pero patuloy mo pa ring sinuway ang payo niya nang sumunod na pagkakataong lumabas ka ng bahay. Halata namang alam mong tama at para sa ikabubuti mo ang payo niya, at na ang mga motibo at intensyon ng nanay mo ay laging para sa kapakanan mo, pero nagbingi-bingihan ka pa rin at hindi mo ito pinakinggan—hindi ba’t disposisyon ito? Kung hindi ka nagkaroon ng ganitong disposisyon, ano kaya ang pipiliin mong gawin? (Ang makinig.) Malalaman mo ang kahalagahan ng payong ito, at malalaman mo ang ibubunga at sakit na maaari mong pagdusahan mula sa hindi pakikinig dito, at maiintindihan at mauunawaan mo ang kahulugan ng mungkahing ito. Magagawa mong mahigpit na sumunod sa payong ito at laging isakatuparan ito, at pagkatapos, malamang ay hindi ka na sisipunin. Isang halimbawa lang ito. Katulad ito ng pagsampalataya sa Diyos, at pagbabasa at pakikinig sa mga salita ng Diyos, kaya paano ba dapat tratuhin ng mga tao ang mga salita ng Diyos? Ito ang pinakamahalagang tanong. Kung nagsasalita ang isang tao alinsunod sa katotohanan at tama ito, makikinabang ang mga tao sa pagtanggap sa kanyang mga salita. Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at kung magagawa ng mga taong tanggapin ang mga ito, hindi lamang sila makikinabang, tatamuhin pa nila ang buhay. Hindi makita ng maraming tao ang bagay na ito nang malinaw, at lagi silang mapanghamak sa mga salita ng Diyos. Kahit ano pang sabihin ng Diyos, nanghihimok man Siya, sumasaway, nagpapaalala, umaalo, o taos-pusong pinapakiusapan ang mga tao, kahit paano pa Siya magsalita, hindi Niya magising ang kanilang puso. Hindi sila makakilos ayon sa Kanyang mga salita, at matapos mapakinggan ang mga ito, nagbibingi-bingihan lang sila. Isa ito sa mga disposisyon ng tao—pagmamatigas at pagiging tutol sa katotohanan. Kung hindi mo kayang sumunod sa mga salita ng Diyos sa kung paano mo hinaharap ang mga bagay-bagay na sinasabi at iniuutos ng Diyos na gawin mo, hindi mo magagawang baguhin ang disposisyong ito. Kahit gaano ka pa sumang-ayon o magsabi ng amen sa bawat salitang sinasabi ng Diyos, kahit gaano mo pa purihin ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan gamit ang iyong bibig, wala itong silbi; dapat ay magawa mong tanggapin ang mga salita ng Diyos, at dapat ay maisagawa at maranasan mo ang mga salita ng Diyos, at gawin mong buhay mo at realidad mo ang mga salita ng Diyos, iyon lang ang kapaki-pakinabang. Halimbawa, kung magpasyang maging tapat at magsalita nang totoo ang isang taong may mapanlinlang na disposisyon, medyo madali para sa kanya na makamit ito, pero ang pinakamahirap na baguhin ay ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan at pagmamatigas. Kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, hindi ito sineseryoso sa kanilang puso ng mga taong may ganitong disposisyon, at kahit ano pa ang maging saloobin ng Diyos, isa man itong pagbababala, pagpapaalala, panghihimok, o taos-pusong pakikiusap, pagpapakita ng mga katunayan o pangangatwiran ng mga bagay-bagay, hindi nito naaantig ang kanilang puso, at mahirap itong iwasto. Mahirap para sa mga tao na makilala ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan, at dapat nilang madalas na hanapin ang katotohanan at pagnilay-nilayan ang sarili nilang mga kalagayan, kung bakit hindi nila matanggap ang katotohanan, at kung bakit hindi nila maisagawa ang mga katotohanang kanilang nauunawaan. Kung lubusan nilang nauunawaan ang problemang ito, malalaman nila ang ibig sabihin ng maging tutol sa katotohanan.

May isang bagay na nakatago sa loob ng disposisyon ng mga tao na nagpapamalas sa saloobin ng hindi pagiging mapanupil ni pagiging alipin. May sarili silang paraan ng pag-iisip at pagpapahayag sa kanilang sarili, at iniisip nila na ito ang pinakaangkop na paraan. Kahit ano pa ang sabihin o gawin ng iba, hindi sila naiimpluwensyahan ng mga ito; pinagpipilitan nilang gawin ang anumang pakiramdam nila ay makakapagpataas ng tingin ng mga tao sa kanila, naniniwalang ito ang tamang gawin; hindi nila tinatanggap ang katotohanan ni bahagya man, hindi nila kayang harapin nang tama ang mga katunayan, at wala silang anumang katotohanang prinsipyo. Anong uri ng disposisyon ito? Ito ang disposisyon ng pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba at pagiging tutol sa katotohanan. Bingi at bulag sa mga salita at gawa ng Diyos ang mga nabibilang kay Satanas at tutol sa katotohanan, kahit gaano pa magsalita o gumawa ang Diyos. Hindi kailanman tinatrato ni Satanas ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan, binabalewala nito ang mga iyon, hindi nito hinahayaang tanggapin ng mga tao ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at nililihis din nito ang mga tao para magpasakop sila rito—ganito kinakalaban ni Satanas ang Diyos. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan para iligtas, gisingin, at dalisayin ang sangkatauhan, at ginagawa naman ni Satanas ang lahat para guluhin at wasakin ang gawain ng Diyos; ang layunin ni Satanas sa panlilihis sa sangkatauhan ay ang gawing tiwali at gambalain ang sangkatauhan, at sa huli ay lamunin at sirain ang sangkatauhan. Halimbawa, binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng iba’t ibang uri ng pagkain, at nilikha rin Niya ang iba’t ibang uri ng butil at gulay, pati na ang lupang angkop para pagtamnan ng mga ito. Hangga’t nagsisikap mabuti ang mga tao, magkakaroon sila ng sapat na makakain at magagamit, at sisiguraduhin nitong magkakaroon sila ng masustansyang pagkain. Pero walang kasiyahan ang mga tao at gusto nilang laging yumaman, at nagpupumilit silang manaliksik ng mga pamamaraan ng genetic modification para paramihin ang ani, na sinisira ang aktwal na sustansya ng mga butil, at ginagawang pagkaing hindi organiko ang mga pagkaing organiko. Pagkatapos kainin ng mga tao ang mga bagay na ito, lumilitaw ang iba’t ibang uri ng sakit sa kanilang katawan—hindi ba’t gawa ito ni Satanas? Talagang ginawa nang tiwali ni Satanas ang mga tao sa puntong naging mga buhay na Satanas at buhay na diyablo na silang lahat. Dati-rati, si Satanas at ang masasamang espiritu lamang ang lumalaban sa Diyos, pero ngayon lumalaban na sa Diyos ang buong tiwaling sangkatauhan. Kaya, hindi ba’t mga diyablo at Satanas ang mga tiwaling tao? Hindi ba’t sila ang mga inapo ni Satanas? (Oo.) Ito ang ibinunga nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Paano mo malalaman at makikilala ang isang satanikong disposisyon? Batay sa mga bagay na hilig gawin ni Satanas, pati na rin sa mga pamamaraan at panlilinlang na ginagamit nito sa paggawa ng mga bagay-bagay, makikita ng isang tao na hindi nito kailanman gusto ang mga positibong bagay, na kasamaan ang gusto nito, at na palagi nitong iniisip na may kakayahan ito at na nakokontrol nito ang lahat ng bagay. Ito ang mapagmataas na kalikasan ni Satanas. Iyon ang dahilan kung bakit walang-prinsipyong itinatatwa, nilalabanan, at sinasalungat ni Satanas ang Diyos. Si Satanas ang kinatawan at pinagmumulan ng lahat ng negatibong bagay at lahat ng masasamang bagay. Kung malinaw mo itong nakikita, mayroon kang pagkakilala sa mga satanikong disposisyon. Hindi isang simpleng bagay para sa mga tao na tanggapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan, dahil silang lahat ay may mga satanikong disposisyon, at lahat sila ay napipigilan at nagagapos ng kanilang mga satanikong disposisyon. Halimbawa, kinikilala ng ilang tao na mabuting maging isang matapat na tao, at naiinggit sila at nagseselos kapag nakikita nilang ang iba ay matapat, nagsasabi ng totoo, at nagsasalita nang simple at bukas ang puso, ngunit kung hihilingin mo sa kanila na sila mismo ay maging matatapat na tao, nahihirapan sila. Sadyang wala silang kakayahang magsalita ng mga tapat na salita at gumawa ng mga tapat na bagay. Hindi ba’t isa itong satanikong disposisyon? Nagsasabi sila ng mga bagay na masarap pakinggan, pero hindi naman nila isinasagawa ang mga ito. Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. Ang mga tutol sa katotohanan ay nahihirapang tanggapin ang katotohanan at wala silang paraan para makapasok sa mga katotohanang realidad. Ang pinakanakikitang kalagayan ng mga taong tutol sa katotohanan ay na hindi sila interesado sa katotohanan at sa mga positibong bagay, nasusuklam at namumuhi pa nga sila sa mga ito, at gustong-gusto nilang sumunod sa mga kalakaran. Hindi nila tinatanggap sa kanilang puso ang mga bagay na minamahal ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao. Sa halip, wala silang pakialam at wala silang interes sa mga ito, at madalas pa ngang kinamumuhian ng ilang tao ang mga pamantayan at prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao. Nasusuklam sila sa mga positibong bagay, at palagi silang nakadarama sa puso nila ng paglaban, pagtutol, at labis na pagkasuklam sa mga ito. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Sa buhay-iglesia, ang pagbabasa ng salita ng Diyos, pagdarasal, pagbabahaginan sa katotohanan, pagganap sa mga tungkulin, at paglutas ng mga problema gamit ang katotohanan ay pawang mga positibong bagay. Kasiya-siya ang mga ito para sa Diyos, pero ang ilang tao ay nasusuklam sa mga positibong bagay na ito, walang pakialam sa mga ito, at walang interes sa mga ito. Ang pinakanakapopoot na bahagi ay na may mapangutya silang saloobin sa mga positibong tao, gaya ng matatapat na tao, mga naghahangad sa katotohanan, mga matapat na gumaganap ng kanilang mga tungkulin, at mga pumoprotekta sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Palagi nilang sinusubukang batikusin at ibukod ang mga taong ito. Kung matuklasan nilang may mga pagkukulang o paghahayag ng katiwalian ang mga ito, sinusunggaban nila ito, gumagawa sila ng malaking gulo tungkol dito, at palagi nilang hinahamak ang mga ito dahil dito. Anong uri ng disposisyon ito? Bakit sila labis na mapanlaban sa mga positibong tao? Bakit nila labis na kinagigiliwan at pinagbibigyan ang masasamang tao, ang mga hindi mananampalataya, at ang mga anticristo, at bakit sila madalas na nagloloko kasama ang gayong mga tao? Pagdating sa mga may kinalaman sa mga negatibo at masasamang bagay, nasasabik at natutuwa sila, pero pagdating sa mga positibong bagay, nagsisimulang lumitaw sa kanilang saloobin ang paglaban; sa partikular, kapag naririnig nilang nagbabahagi ng katotohanan ang mga tao o lumulutas ng mga problema gamit ang katotohanan, may pagtutol at kawalang-kasiyahan sa kanilang puso, at naglalabas sila ng mga hinanakit. Hindi ba’t pagiging tutol sa katotohanan ang disposisyong ito? Hindi ba’t paghahayag ito ng isang tiwaling disposisyon? Maraming taong nananalig sa Diyos ang gustong gumawa ng gawain para sa Kanya at masiglang magpakaabala para sa Kanya, at pagdating sa paggamit ng kanilang mga kaloob at kalakasan, pagbibigay-layaw sa kanilang mga kagustuhan at pagpapakitang-gilas, hindi sila nauubusan ng enerhiya. Pero kung hihilingin mo sa kanila na isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nawawalan sila ng enerhiya, at nawawalan sila ng sigla. Kapag hindi sila pinapayagang magpakitang-gilas, nawawalan sila ng gana at nasisiraan ng loob. Bakit sila may enerhiya para sa pagpapakitang-gilas? At bakit sila walang enerhiya para sa pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang problema rito? Gusto ng lahat ng tao na maging natatangi; nagnanasa silang lahat ng hungkag na kaluwalhatian. Ang lahat ay may hindi maubos-ubos na enerhiya pagdating sa pananalig sa Diyos alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, kaya bakit sila nawawalan ng gana, bakit sila nasisiraan ng loob pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan at paghihimagsik laban sa laman? Bakit ito nangyayari? Pinatutunayan nito na may karumihan ang puso ng mga tao. Nananalig sila sa Diyos para lang magtamo ng mga pagpapala—sa madaling salita, ginagawa nila ito para makapasok sa kaharian ng langit. Kapag walang hahangaring mga pagpapala o pakinabang, nawawalan ng gana at nasisiraan ng loob ang mga tao, at wala silang kasigla-sigla. Ang lahat ng ito ay bunga ng isang tiwaling disposisyon na tutol sa katotohanan. Kapag nakokontrol ng disposisyong ito, ayaw ng mga taong piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak nila ang sarili nilang daan, at pinipili nila ang maling landas—alam na alam naman nilang maling hangarin ang katanyagan, pakinabang, at katayuan pero hindi pa rin nila kayang mabuhay nang wala ang mga ito o na isantabi ang mga ito, at hinahangad pa rin nila ang mga ito, tinatahak ang landas ni Satanas. Sa ganitong sitwasyon, hindi ang Diyos ang sinusunod nila, kundi si Satanas. Ang lahat ng ginagawa nila ay pagseserbisyo kay Satanas, at sila ay mga alipin ni Satanas.

Madali bang baguhin ang tiwaling disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Ang pagiging tutol sa katotohanan ay isang katangian ng malalim na katiwalian ng sangkatauhan, at ito ang pinakamahirap baguhin. Dahil makakamit lamang ang isang pagbabago sa disposisyon sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan. Hindi madaling matatanggap ng isang taong tutol sa katotohanan ang katotohanan, tulad ng kung paanong tinatanggihan ng isang taong mamamatay na sa sakit ang pagkain. Lubhang mapanganib ito, at hindi madaling maililigtas ang isang taong tutol sa katotohanan, kahit pa sumasampalataya siya sa Diyos. Kung ilang taon nang sinasampalatayaan ng isang tao ang Diyos pero hindi niya alam kung ano ang katotohanan, at kung ano ang mga positibong bagay, at ni hindi malinaw sa kanya ang mithiin sa buhay na paghahangad sa katotohanan para makamit ang kaligtasan, hindi ba’t isa itong taong bulag na naligaw ng landas? Samakatuwid, ginagawang imposible ng pagiging tutol sa katotohanan na tanggapin ang katotohanan, at ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon ay hindi madaling baguhin. Ang mga nagmamahal sa katotohanan ang mga taong nagagawang piliing tanggapin ang katotohanan at tahakin ang tamang landas, at madaling mababago ng mga taong gaya nito ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kung may disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan ang isang tao, pero inaasam pa rin niya sa kanyang puso na iligtas siya ng Diyos, saan siya dapat magsimula? Saan magsisimula para mas maging madali ito? Ano ang pinakamabilis na ruta? (Pagkatapos maunawaan kung ano ba ang mga positibong bagay, at kung ano ba ang mga prinsipyo, dapat niyang gamitin ang mga prinsipyo at pamantayan bilang kanyang sukatan habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at kung may isang bagay na sumasalungat sa mga prinsipyo at hindi ito alinsunod sa mga layunin ng Diyos, dapat niyang panghawakan ang mga prinsipyo at huwag gawin ito.) Dapat muna niyang maintindihang mabuti ang mga prinsipyo ng bawat katotohanan—napakahalaga nito. Ano ang susunod? (Kapag nagbubunyag siya ng kalagayan na tutol sa katotohanan, at sangkot dito ang kanyang tungkulin at ang mga prinsipyo, dapat siyang maghimagsik laban sa laman at dapat siyang magsagawa ayon sa mga prinsipyo.) Tama iyan, dapat mayroon siyang landas, at dapat malinaw ang mithiin at ang landas na iyon. Sa ngayon, ang napakahalagang bagay ay na hindi alam ng karamihan ng mga tao kung aling aspekto ng kanilang disposisyon ang nabubunyag sa kung anong konteksto at sa kung anong oras, at sa kung paanong paraan ito nabubunyag. Kung alam nila ang lahat ng iyon, hindi ba’t magiging madali para sa kanila na magbago? Kung ngayon titingnan, talagang sangkot sa iba’t ibang uri ng pag-iisip o saloobin ng mga tao ang mga disposisyon; kung wala ang pangingibabaw ng iba’t ibang disposisyon, kung wala ang panghahamon o pamiminsala ng kanilang mga tiwaling disposisyon, magiging madali sana para sa mga tao na itama ang mga mali nilang kaisipan. Halimbawa, ipagpalagay nang sinasabi sa iyo ng nanay mong punasin mo muna ang pawis mo bago ka lumabas ng bahay. Kung masunurin at uliran kang anak, habang napapakiramdaman mo ang mabuting intensyon ng iyong nanay, maiintindihan mo rin ang kawastuhan ng payong ito, at malalaman mo rin ang kapakinabangan nito, at masasang-ayunan at matatanggap mo ito. Kung wala kang tiwaling disposisyon na sumusumpong at pumipigil sa iyo, magiging madali para sa iyo na tanggapin ang mungkahing ito. Bagama’t napakasimple ng payo na ito at madali itong isakatuparan, at alam mo namang tama ito, dahil may disposisyon kang tutol sa katotohanan at nagmamatigas, maaaring humantong ito na sadya mo itong suwayin, at masasaktan mo ang damdamin ng iyong nanay dahil dito at mag-aalala siya tungkol sa iyo at magdurusa, iyon ang ibubunga nito. Sa madaling salita, kung paano harapin ng isang tao ang mga bagay na nangyayari sa kanya—kung paano hinaharap ng isang tao ang mga positibong bagay, at kung paanong palagi ring nakikipaglaban at nakikipagbaka ang isang tao sa kanyang mga tiwaling disposisyon—nirerepresenta nito ang kanyang paninindigan na hangarin ang katotohanan. Kung may ganito kang paninindigan at handa kang iwaksi ang tiwali mong disposisyon, tanggapin ang katotohanan, gawing buhay mo ang salita ng Diyos, at mamuhay nang may wangis ng tao, makapagbabago ka. Kung gaano katindi ang paninindigan mong hangarin ang katotohanan, magiging ganoon din katindi ang pagbabago mo.

Sa anong bagay ba pangunahing tumutukoy ang kaligtasan? Pangunahin itong tumutukoy sa pagbabago sa disposisyon. Tanging kapag nabago na ang disposisyon ng isang tao ay saka lamang niya maiwawaksi ang impluwensya ni Satanas at saka siya maililigtas. Samakatuwid, sa panig ng mga sumasampalataya sa Diyos, isang malaking isyu ang pagbabago sa disposisyon. Kapag nagbago na ang disposisyon ng isang tao, isasabuhay niya ang wangis ng tao at ganap niyang matatamo ang kaligtasan. Posible na ang isang tao ay maaaring hindi gaanong kaakit-akit tingnan, may-kaloob, o talentado, maaaring pautal-utal siya at hindi siya mahusay magsalita, o magandang manamit, at maaaring napakaordinaryo niyang tingnan sa panlabas, pero may kakayahan naman siyang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanya, sa halip na kumilos ayon sa sarili niyang kalooban o magpakana para sa sarili niyang kapakanan, at kapag inuutusan siya ng Diyos na gumanap ng tungkulin, nagagawa niyang magpasakop sa Kanya at tapusin kung ano ang ipinagkatiwala Niya sa kanya. Sa palagay ninyo, anong uri ng tao ito? Bagamat sa panlabas ay hindi siya kaakit-akit o kaaya-ayang tingnan, may puso siyang may takot at nagpapasakop sa Diyos, at sa bagay na ito nabubunyag ang kanyang mga kalakasan. Kapag nakita ito ng mga tao, sasabihin nila, “May matatag na disposisyon ang taong ito, at kapag may mga nangyayari, kaya niyang maghanap nang tahimik sa harapan ng Diyos nang hindi nagiging padalus-dalos o gumagawa ng kahangalan o katangahan. Mayroon siyang seryoso at responsableng saloobin; masunurin siya at kaya niyang ialay nang husto ang kanyang sarili para tapat na tuparin ang kanyang tungkulin.” May pagpipigil ang taong ito sa kung paano siya magsalita at kumilos, mayroon siyang normal na katinuan, at batay sa isinasabuhay niya at sa disposiyong ipinapakita niya, mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, may mga prinsipyo ba sa kanyang mga kilos? Siguradong hinahanap niya ang mga prinsipyo at hindi siya walang-ingat na gumagawa ng mga maling gawain. Ito ang resultang makakamit sa huli ng pagsasagawa sa katotohanan at ng paghahangad ng pagbabago sa disposisyon. Sukat at tumpak ang kanyang pananalita, hindi siya walang-ingat kung magsalita, kumikilos siya sa paraang nakakapanatag ng kalooban at katiwa-tiwala, at taglay niya ang mga realidad ng pagpapasakop sa Diyos at ng paglayo sa kasamaan. Makikita ang lahat ng pagpapamalas na ito sa taong ito. Isa itong taong nakapasok na sa katotohanang realidad, at nagbago na ang disposisyon. Hindi mapepeke ang mga bagay na ito. Ang disposisyon ng isang tao ay ang kanyang buhay; anuman ang disposisyong mayroon ang isang tao, iyon ang magiging pag-uugali niya. Ang pag-uugali at mga pagpapamalas ng mga tao ay kinokontrol ng kanilang mga disposisyon, at ang mga palaging ipinapahayag ng mga tao ay ang mga pagbubunyag ng kanilang disposisyon, hindi ang kanilang karakter. Ang makilala ang mga problema sa disposisyon at pagbubunyag ng iba’t ibang tiwaling disposisyon, at pagkatapos ay lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, ay ang pinakapangunahing bagay na dapat makamit ng isang tao sa paghahangad niya ng pagbabago sa disposisyon.

Sipi 54

Anumang uri ng tungkulin ang iyong ginagampanan o propesyon na iyong pinag-aaralan, dapat mas maging bihasa ka habang mas nag-aaral ka, at magsumikap na maging perpekto; pagkatapos ay huhusay nang huhusay ang pagganap mo sa iyong tungkulin. May ilang taong hindi maingat sa pagganap sa anumang tungkulin, at hindi naghahanap ng katotohanan para lutasin ang anumang paghihirap na kanilang kinakaharap. Gusto nila na palagi silang gabayan at alalayan ng iba, hanggang sa punto na hinihiling nila sa iba na turuan sila nang maigi at gawin ang mga bagay para sa kanila, nang hindi nagbibigay ng sarili nilang pagsisikap. Palagi silang nakaasa sa iba at hindi makagawa nang walang tulong ng mga ito. Hindi ba’t mga wala silang kwenta sa paggawa nito? Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, kailangan mong isapuso ang pag-aaral ng mga bagay-bagay. Kung wala kang propesyonal na kaalaman, mag-aral ng propesyonal na kaalaman. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hanapin ang katotohanan. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at nakakakuha ka ng propesyonal na kaalaman, magagamit mo ang mga iyon habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin at makakakuha ka ng mga resulta. Ito ang isang taong may tunay na talento at tunay na kaalaman. Kung hindi ka man lang nag-aaral ng anumang propesyonal na kaalaman habang ginagampanan ang iyong tungkulin, at hindi hinahangad ang katotohanan, ang pagtatrabaho mo ay hindi magiging pasado sa pamantayan: kaya paano ka makapagsasalita tungkol sa pagganap sa iyong tungkulin? Para magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat kang mag-aral ng maraming kapaki-pakinabang na kaalaman at sangkapan ang iyong sarili ng maraming katotohanan. Hindi ka dapat tumigil sa pag-aaral, sa paghahanap, at sa pagpapalakas sa iyong mga kahinaan sa pamamagitan ng pagkatuto mula sa iba. Anuman ang mga kalakasan ng ibang mga tao, o sa anumang paraan sila mas malakas kaysa sa iyo, dapat kang matuto mula sa kanila. At mas lalong dapat kang matuto mula sa sinumang nakakaunawa sa katotohanan nang higit kaysa sa iyo. Sa pamamagitan ng pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan sa loob ng ilang taon, mauunawaan mo ang katotohanan at makakapasok ka sa mga realidad nito, at ang pagganap mo sa iyong tungkulin ay makakapasa rin sa pamantayan. Magiging isa kang taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao, isang taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Nakakamtan ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Paano mo makakamit ang mga gayong resulta nang hindi gumaganap ng tungkulin? Ito ay pagtataas ng Diyos. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin at kuntento ka na sa pagtatrabaho lang, ano-ano ang mga kahihinatnan? Sa isang aspeto, hindi mo magagampanan nang maayos ang mga tungkulin mo. Sa isa pang aspeto, mawawalan ka ng tunay na patotoong batay sa karanasan at hindi mo makakamit ang katotohanan. Kung wala kang anumang maipapakita sa alinman sa mga aspetong ito, makakamit mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos? Magiging imposible iyon. Samakatuwid, hinding-hindi makakamit ng isang tao ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging kuntento sa pagtatrabaho. Ang isipin na magagantimpalaan at makapapasok ka sa kaharian ng langit sa pamamagitan lang ng pagtatrabaho ay isang pangangarap nang gising! Anong klaseng saloobin iyon? Ang pagnanais na makakamit ng mga pagpapala sa pamamagitan lang ng pagtatrabaho ay malinaw na pakikipagtawaran sa Diyos, isang pagtatangkang linlangin ang Diyos. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga gayong trabahador. Ano-anong mga disposisyon ang namamahala sa isang tao kapag siya ay pabasta-basta, o kapag nasasangkot siya sa panlilinlang, sa pagganap sa kanyang mga tungkulin? Pagmamataas, pagmamatigas, at hindi pagmamahal sa katotohanan—hindi ba’t pinamamahalaan siya ng mga ito? (Oo.) Mayroon ba kayong mga ganoong pagpapamalas? (Oo.) Madalas, paminsan-minsan, o sa ilang partikular na bagay lamang? (Madalas.) Ang inyong saloobin sa pagkilala sa mga gayong kalagayan ay sadyang taos-puso, at mayroon kayong matatapat na kalooban, pero hindi sapat ang pagkilala lamang sa mga ito; hindi nito mababago ang mga ito. Kung gayon, ano ang dapat gawin para mabago ang mga ito? Kapag kayo ay pabasta-basta sa pagganap sa inyong mga tungkulin, naglalantad ng mapagmataas na disposisyon, o may walang pakundangang pag-uugali, dapat kayong lumapit kaagad sa harap ng Diyos sa panalangin, pagnilayan ang sarili, at kilalanin kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang inyong ibinubunyag. Bukod dito, dapat ninyong maunawaan kung paano nagkakaroon ng ganoong uri ng disposisyon at kung paano ito maaaring baguhin. Ang layon ng pag-unawa nito ay para magdulot ng pagbabago. Kung gayon, ano ang dapat gawin ng isang tao para makamit ang pagbabago? Dapat malaman ng isang tao ang diwa ng kanyang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng paglalantad at paghatol ng mga salita ng Diyos—kung gaano ito kapangit at kanuknukan nang sama, walang ipinagkaiba sa tiwaling disposisyon ni Satanas o ng mga diyablo. Saka lang niya magagawang kamuhian ang kanyang sarili at si Satanas; saka lang siya makapaghihimagsik laban sa kanyang sarili at kay Satanas. Sa ganitong paraan maisasagawa ng isang tao ang katotohanan. Kapag determinado ang isang tao na isagawa ang katotohanan, dapat din niyang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at ang Kanyang pagdidisiplina. Pagkatapos ay dapat magkaroon ng elemento ng aktibong pakikipagtulungan mula sa kanya. Paano siya dapat makipagtulungan? Kapag gumaganap ng isang tungkulin, oras na maisip ng isang tao na “ayos na iyan,” dapat niya itong itama agad. Hindi dapat isaalang-alang ng isang tao ang mga gayong kaisipan. Kapag may lumilitaw na mapagmataas na disposisyon, dapat siyang magdasal, kilalanin ang kanyang tiwaling disposisyon, agad na pagnilayan ang kanyang sarili, maghanap ng salita ng Diyos, at tanggapin ang Kanyang paghatol at pagtutuwid. Sa ganitong paraan, magkakaroon siya ng nagsisising puso, at magbabago ang kalagayan ng kalooban niya. Ano ang layon ng paggawa nito? Ang layon ay himukin kang tunay na magbago, at magawang gumanap nang may katapatan, at magpasakop sa at tanggapin ang pagsaway at pagdidisiplina ng Diyos nang walang pasubali. Sa paggawa nito, mababaligtad ang kalagayan mo. Kapag malapit ka nang maging pabasta-basta ulit, at malapit mo nang tratuhin na naman nang walang paggalang ang iyong mga tungkulin, kung kaya mong magbago agad dahil sa pagdidisiplina at pagsaway ng Diyos, hindi ba’t maiiwasan mong gumawa ng isang paglabag? Ito ba ay mabuti o masama para sa iyong paglago sa buhay? Mabuting bagay ito. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan at pinalulugod ang Diyos, ang iyong puso ay magaan, nagagalak, at malaya sa mga pagsisisi. Iyon ang tunay na kapayapaan at kagalakan.

Madali para sa mga tao na maghimagsik laban sa Diyos at labanan Siya kapag mayroon silang mga tiwaling disposisyon, pero hindi ito nangangahulugang wala na silang pag-asang maligtas. Pumarito ang Diyos para gawin ang gawain ng pagliligtas sa mga tao at nagpahayag Siya ng maraming katotohanan; nakasalalay na ito sa kung kayang tanggapin ng mga tao ang mga katotohanang ito. Kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, matatamo niya ang kaligtasan. Kung hindi niya tinatanggap ang katotohanan at kaya niyang itanggi at ipagkanulo ang Diyos, talagang wala na siyang pag-asa—maaari na lang niyang hintaying mawasak siya sa gitna ng sakuna. Walang makatatakas sa kapalarang ito. Kailangang harapin ng mga tao ang katunayang ito. Sinasabi ng ilang tao, “Palagi akong nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at hinding-hindi na ako magbabago. Ano ang dapat kong gawin? Ganito ba talaga ako? Ayaw ba sa akin ng Diyos? Kinasusuklaman ba Niya ako?” Ito ba ang tamang saloobin? Ito ba ang tamang paraan ng pag-iisip? (Hindi.) Kapag may mga tiwaling disposisyon ang isang tao, likas niyang ibubunyag ang mga ito. Hindi niya mapipigilan ang mga ito, kahit na gustuhin niya, at kaya nadarama niyang wala na siyang pag-asa. Sa katunayan, hindi kinakailangang ganito ang sitwasyon. Nakadepende ito kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, kung kaya niyang umasa sa Diyos at tingalain Siya. Na ang mga tao ay malimit na nagpapakita ng tiwaling disposisyon ay nagpapatunay na ang kanilang buhay ay pinamamahalaan ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at na ang kanilang diwa ay ang diwa ni Satanas. Dapat na kilalanin at tanggapin ng mga tao ang katotohanang ito. Mayroong pagkakaiba sa pagitan ng kalikasang diwa ng tao at sa diwa ng Diyos. Ano ang dapat nilang gawin matapos kilalanin ang katunayang ito? Kapag nagpapakita ang mga tao ng tiwaling disposisyon; kapag nagpapakasasa sila sa mga pagnanasa ng laman at napapalayo sa Diyos; o kapag gumagawa ang Diyos sa paraang hindi tugma sa sarili nilang mga ideya, at umuusbong ang mga reklamo sa kalooban nila, dapat nilang ipamalay kaagad sa kanilang mga sarili na isa itong problema, at isang tiwaling disposisyon; ito ay paghihimagsik laban sa Diyos, pagsalungat sa Diyos; hindi ito umaayon sa katotohanan, at kinasusuklaman ito ng Diyos. Kapag napagtatanto ng mga tao ang mga bagay na ito, hindi sila dapat magreklamo, o maging negatibo at magpakatamad, at lalong hindi sila dapat mabalisa; sa halip, dapat ay magawa nilang kilalanin ang kanilang sarili nang mas malalim. Bukod pa rito, dapat ay magawa nilang maagap na lumapit sa harap ng Diyos at tanggapin ang pagsaway at pagdidisiplina ng Diyos, at dapat nilang baligtarin kaagad ang kanilang kalagayan, sa gayon ay nakapagsasagawa sila ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos, at makakikilos ayon sa mga prinsipyo. Sa ganitong paraan, magiging mas normal ang ugnayan mo sa Diyos, at gayundin ang kalagayan sa kalooban mo. Mas malinaw mong matutukoy ang mga tiwaling disposisyon, ang diwa ng katiwalian, at ang iba’t ibang pangit na kalagayan ni Satanas. Hindi mo na bibigkasin ang gayong mga kahangalan at isip-batang salita tulad ng “si Satanas iyon na nanghihimasok sa akin,” o “isa iyong ideya na ibinigay sa akin ni Satanas.” Sa halip, magkakaroon ka ng tumpak na kaalaman sa mga tiwaling disposisyon, sa diwa ng tao na lumalaban sa Diyos, at sa diwa ni Satanas. Magkakaroon ka ng mas tumpak na paraan ng pagtrato sa mga bagay na ito, at hindi ka pipigilan ng mga bagay na ito. Hindi ka magiging mahina o mawawalan ng pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang paglilitas dahil naipakita mo ang kaunti sa iyong tiwaling disposisyon, o lumabag, o nagawa ang iyong tungkulin nang walang sigasig, o dahil malimit mong natatagpuan ang iyong sarili sa isang pasibo at negatibong kalagayan. Hindi ka mamumuhay sa gitna ng mga gayong kalagayan, subalit haharapin mo nang tama ang iyong sariling tiwaling disposisyon. Magkakaroon ka ng kakayahan para sa normal na espirituwal na buhay. Kapag naglantad ng mga tiwaling disposisyon ang isang tao, kung kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili, humarap sa Diyos sa panalangin, hanapin ang katotohanan, at kilatisin at suriin ang diwa ng kanyang mga tiwaling disposisyon, nang sa gayon ay hindi na siya kontrolado at napipigilan ng kanyang mga tiwaling disposisyon, sa halip ay kaya niyang isagawa ang katotohanan, matatahak na niya ang landas patungo sa kaligtasan. Sa ganitong uri ng pagsasagawa at karanasan, maiwawaksi na ng isang tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon at makalalaya na siya mula sa impluwensya ni Satanas. Kung gayon, hindi ba’t nakapamuhay na siya sa harap ng Diyos at nagkamit na ng kalayaan at kasarinlan? Ito ang landas ng pagsasagawa at pagkakamit ng katotohanan, pati na ang landas sa kaligtasan. Malalim na nakaugat sa mga tao ang mga tiwaling disposisyon; ang diwa ni Satanas at ang kalikasan nito ay kinokontrol ang mga kaisipan, pag-uugali, at isip ng mga tao. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay walang kabuluhan kung ikukumpara sa katotohanan, sa gawain ng Diyos, at sa pagliligtas ng Diyos; wala itong ipinapakitang mga hadlang. Anumang tiwaling disposisyon ang mayroon ang isang tao, o anumang paghihirap ang kinahaharap niya, o anuman ang pumipigil sa kanya, may isang landas na maaaring tahakin, isang paraan para malutas ang mga ito, at mga kaukulang katotohanan para lutasin ang mga ito. Sa ganitong paraan, hindi ba’t may pag-asa para sa kaligtasan ng mga tao? Oo, mayroong pag-asa para sa kaligtasan ng mga tao.

Sipi 55

Ginagampanan man ng isang tao ang kanyang tungkulin o nag-aaral ng propesyonal na kaalaman, dapat siyang maging masigasig, at pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Huwag harapin ang mga bagay na ito nang pabasta-basta o nang wala sa loob. Ang layunin ng pag-aaral ng propesyonal na kaalaman ay upang magampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at dapat mo itong pagsumikapan—ito ay isang bagay na dapat makipagtulungan ang mga tao. Kung hindi handa ang isang tao na gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos at palagi siyang nakakahanap ng mga katwiran at dahilan upang hindi mag-aral ng propesyonal na kaalaman, ipinapakita nito na hindi niya tapat na ginugugol ang kanyang sarili sa Diyos, at na ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi ba’t ito ay isang taong walang konsensiya at katwiran? Hindi ba’t mapanggulo ang isang tao na may gayong karakter? Hindi ba’t napakahirap niyang pangasiwaan? Bagamat ang isang tao ay nag-aaral ng isang propesyon, dapat din niyang hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi dapat lumampas ang isang tao sa saklaw na ito at hindi maaaring maging magulo ang isip ng isang tao, gaya ng isang walang pananampalataya. Ano ang saloobin ng mga walang pananampalataya ukol sa gawain? Marami sa kanila ang pinalilipas lang ang kanilang mga araw at inaaksaya ang kanilang oras, iniraraos lang ang bawat araw para sa kanilang pang-araw-araw na suweldo, at ginagawa ang mga bagay sa pabasta-bastang paraan hangga’t maaari. Wala silang pakialam sa pagiging mahusay na mahusay, o sa pagkilos batay sa konsensiya, at wala silang seryoso at responsableng saloobin. Hindi nila sinasabi, “Ipinagkatiwala ito sa akin, kaya dapat ko itong panagutan hanggang sa matapos ito, dapat kong pangasiwaan nang maayos ang bagay na ito, at pasanin ang responsabilidad na ito.” Wala silang ganitong konsensiya. Dagdag pa, ang mga walang pananampalataya ay may isang partikular na klase ng tiwaling disposisyon. Kapag nagtuturo sila sa ibang tao ng isang propesyonal na kaalaman o kasanayan, iniisip nila, “Kapag alam na ng isang estudyante ang lahat ng alam ng kanyang guro, mawawalan ng kanyang kabuhayan ang kanyang guro. Kung ituturo ko ang lahat ng nalalaman ko sa iba, wala nang titingala o hahanga sa akin at mawawala na ang buong katayuan ko bilang isang guro. Hindi maaari ito. Hindi ko maaaring ituro sa kanila ang lahat ng nalalaman ko, kailangang may ilihim ako. Otsenta porsiyento lamang ng nalalaman ko ang ituturo ko sa kanila at ililihim ko ang iba pa; ito lamang ang paraan para maipakita na mas magaling ang mga kasanayan ko kaysa sa iba.” Anong uri ng disposisyon ito? Panlilinlang ito. Kapag nagtuturo ka sa iba, tumutulong sa iba, o nagbabahagi sa kanila ng isang bagay na pinag-aralan mo, anong saloobin ang dapat taglayin mo? (Dapat kong gawin ang lahat, at huwag maglihim.) Paano nagagawa ng isang tao na hindi maglihim ng kahit ano? Kung sinasabi mo, “Wala akong inililihim na anuman pagdating sa mga bagay na natutunan ko, at wala akong problemang sabihin sa inyong lahat ang tungkol sa mga ito. Mas mataas naman talaga ang kahusayan ko kaysa sa inyo, at kaya ko pa ring maunawaan ang mas matataas na bagay”—iyan ay paglilihim pa rin at ito ay pagiging mapagpakana. O kung sinasabi mo, “Ituturo ko sa inyo ang lahat ng batayang bagay na natutunan ko, walang problema. May mas mataas pa rin akong kaalaman, at kahit na matutunan ninyo ang lahat ng ito, hindi pa rin kayo magiging kasinggaling ko”—iyan ay paglilihim pa rin. Kung ang isang tao ay masyadong makasarili, hindi siya magkakaroon ng pagpapala ng Diyos. Dapat matutunan ng mga tao na isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Dapat mong ibahagi sa sambahayan ng Diyos ang mga pinakaimportante at pinakamahalagang bagay na naunawaan mo, upang ang mga ito ay matutunan ng mga hinirang ng Diyos at maging dalubhasa sila sa mga ito—iyan lang ang tanging paraan upang matamo ang pagpapala ng Diyos, at ipagkakaloob Niya sa iyo ang mas marami pang bagay. Gaya ng sinabi, “Lalo pang mapalad ang magbigay kaysa sa tumanggap.” Ilaan mo sa Diyos ang lahat ng iyong talento at kaloob, ipinapakita ang mga ito sa pagganap mo ng iyong tungkulin upang makinabang ang lahat, at magkaroon ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin. Kung ibinabahagi mo ang mga kaloob at talento mo nang buong-buo, magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa lahat ng mga gumagawa sa tungkuling iyon, at sa gawain ng iglesia. Huwag mo lang basta sasabihin sa lahat ang ilang simpleng bagay at pagkatapos ay iisipin mong maganda ang nagawa mo o na wala kang inilihim na anuman—hindi ito uubra. Nagtuturo ka lang ng ilang teorya o mga bagay na literal na mauunawaan ng mga tao, ngunit ang diwa at mahahalagang punto ay hindi maunawaan ng isang baguhan. Nagbibigay ka lang ng buod, nang hindi ito pinalalawak o idinedetalye, samantalang iniisip mo pa rin sa sarili mo, “Ano’t anuman, nasabi ko na sa iyo, at wala akong sinadyang ipagkait na anuman. Kung hindi mo nauunawaan, ito ay dahil lubhang napakababa ng iyong kakayahan, kaya huwag mo akong sisihin. Tingnan na lang natin kung paano ka gagabayan ng Diyos ngayon.” Ang gayong pag-iisip ay may kasamang panlilinlang, hindi ba? Hindi ba iyon makasarili at kasuklam-suklam? Bakit hindi mo maituro sa mga tao ang lahat ng nasa puso mo at lahat ng nauunawaan mo? Bakit sa halip ay ipinagkakait mo ang kaalaman? Problema ito sa iyong mga layon at iyong disposisyon. Kapag ipinaaalam sa karamihan ng mga tao sa unang pagkakataon ang ilang partikular na aspeto ng propesyonal na kaalaman, kaya lamang nilang maunawaan ang literal na kahulugan nito; mangangailangan ng panahon ng pagsasagawa bago magawang maunawaan ang mga pangunahing punto at diwa. Kung naging dalubhasa ka na sa mga pangunahing punto at diwang ito, dapat direkta mong sabihin ang mga ito sa iba; huwag kang magpaliguy-ligoy at magsayang ng oras sa pagpapasikot-sikot. Responsabilidad mo ito; ito ang dapat mong gawin. Wala kang ililihim, at hindi ka magiging makasarili, kung sasabihin mo sa kanila ang pinaniniwalaan mo na mga pangunahing punto at diwa. Kapag nagtuturo ka ng mga kasanayan sa iba, nakikipag-usap sa kanila tungkol sa iyong propesyon, o nakikipagbahaginan tungkol sa pagpasok sa buhay, kung hindi mo kayang lutasin ang mga makasarili at kasuklam-suklam na mga aspekto ng iyong mga tiwaling disposisyon, hindi mo magagampanan nang maayos ang mga tungkulin mo, na sa ganoong kaso, hindi ka isang taong nagtataglay ng pagkatao, o ng konsensiya at katwiran, o isang taong nagsasagawa sa katotohanan. Dapat mong hanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at marating ang punto kung saan ikaw ay wala nang taglay na mga makasariling motibo, at isinasaalang-alang lang ang mga layunin ng Diyos. Sa ganitong paraan, tataglayin mo ang katotohanang realidad. Masyadong nakakapagod kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan at mamumuhay sila ayon sa mga satanikong disposisyon gaya ng mga walang pananampalataya. Ang kompetisyon ay laganap sa mga walang pananampalataya. Ang pagiging dalubhasa sa diwa ng isang kasanayan o isang propesyon ay hindi simpleng bagay, at kapag nalaman ito ng ibang tao, at naging dalubhasa siya mismo rito, mamimiligro ang iyong kabuhayan. Para maprotektahan ang kabuhayang iyon, napipilitang kumilos ang mga tao sa ganitong paraan—kailangan nilang maging maingat sa lahat ng oras. Ang pinagkadalubhasaan nila ang kanilang pinakamahalagang puhunan, ito ang kanilang kabuhayan, ang kanilang kapital, ang pinakamahalaga sa buhay nila, at hindi nila dapat hayaang malaman ito ng iba. Ngunit naniniwala ka sa Diyos—kung ganito ka kung mag-isip at kumilos sa sambahayan ng Diyos, hindi ka naiiba sa isang walang pananampalataya. Kung hindi mo talaga tinatanggap ang katotohanan, at patuloy kang namumuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, kung gayon, hindi ka isang taong tunay na naniniwala sa Diyos. Kung palagi kang mayroong mga makasariling motibo at makitid ang isip mo habang ginagampanan mo ang tungkulin mo, hindi mo matatanggap ang pagpapala ng Diyos.

Pagkatapos mong makapanalig sa Diyos, kinain at ininom mo na ang mga salita ng Diyos, at tinanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, kaya napagnilay-nilayan mo na ba ang iyong mga tiwaling disposisyon at nakilala mo na ba ang mga ito? Nagbago na ba ang mga prinsipyo na batayan ng pagsasalita at pagkilos mo, ang pananaw mo sa mga bagay-bagay, at ang mga prinsipyo at mithiin ng iyong pag-asal? Kung hindi ka pa rin naiiba sa isang walang pananampalataya, kung gayon ay hindi kikilalanin ng Diyos ang paniniwala mo sa Kanya. Sasabihin Niya na ikaw ay isa pa ring walang pananampalataya, at na ikaw ay lumalakad pa rin sa landas ng isang walang pananampalataya. Kaya, ito man ay sa iyong asal o sa pagganap ng iyong tungkulin, dapat kang magsagawa batay sa mga salita ng Diyos, at alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, gamitin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema, lutasin ang mga tiwaling disposisyong inilalantad mo, at lutasin ang mga mali mong kaisipan, pananaw, at pagsasagawa. Sa isang banda, dapat mong tuklasin ang mga problema sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili at pagsisiyasat sa sarili. Sa kabilang banda, dapat mo ring hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema, at kapag natuklasan mo ang mga tiwaling disposisyon, dapat agad mong lutasin ang mga ito, maghimagsik laban sa laman, at talikuran ang sarili mong kalooban. Kapag nalutas mo na ang mga tiwaling disposisyon mo, hindi ka na kikilos batay sa mga ito, at magagawa mo nang bitiwan ang sarili mong mga intensyon at interes, at magsagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang katotohanang realidad na dapat taglayin ng isang tunay na tagasunod ng Diyos. Kung kaya mong pagnilay-nilayan ang iyong sarili, kilalanin ang iyong sarili, at hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema sa ganitong paraan, kung gayon, ikaw ay isang taong naghahangad sa katotohanan. Hinihingi ng paniniwala sa Diyos ang gayong pakikipagtulungan, at ang makapagsagawa sa ganitong paraan ay pinakapinagpapala ng Diyos. Bakit ko ito sinasabi? Dahil ikaw ay kumikilos alang-alang sa gawain ng iglesia, para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at para sa kapakanan ng mga kapatid, at kasabay nito, isinasagawa mo ang katotohanan. Ito mismo ang sinasang-ayunan ng Diyos; ang mga ito ay mabubuting gawa, at sa pagsasagawa ng katotohanan sa ganitong paraan, ikaw ay nagpapatotoo para sa Diyos. Gayunman, kung hindi mo ito ginagawa, at hindi ka naiiba sa isang walang pananampalataya, kumikilos alinsunod sa mga prinsipyo ng mga walang pananampalataya sa pangangasiwa sa mga bagay-bagay, at sa kanilang pamamaraan ng pag-asal, ito ba ay pagpapatotoo? (Hindi.) Anu-ano ang ibinubunga nito? (Ipinahihiya nito ang Diyos.) Ipinahihiya nito ang Diyos! Bakit mo sinasabing ipinahihiya nito ang Diyos? (Dahil hinirang tayo ng Diyos, nagpahayag Siya ng napakaraming katotohanan, personal Niya tayong ginabayan, tinustusan tayo, at diniligan tayo, ngunit hindi natin tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan, at namumuhay pa rin tayo batay sa mga satanikong bagay, at hindi nagpapatotoo sa harap ni Satanas. Ipinahihiya nito ang Diyos.) (Kung narinig ng isang mananampalataya ng Diyos na magbahagi ang Diyos ng napakaraming katotohanan at landas ng pagsasagawa, ngunit kapag siya ay kumikilos, namumuhay pa rin siya alinsunod sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ng mga walang pananampalataya, at partikular siyang mapanlinlang at pinaglilingkuran ang sariling interes, mas masahol pa siya at mas masama kaysa sa mga walang pananampalataya.) Maaaring kayong lahat ay may bahagyang pagkaunawa tungkol sa bagay na ito. Kinakain at iniinom ng mga tao ang mga salita ng Diyos, tinatamasa ang lahat ng ipinagkakaloob ng Diyos, ngunit sinusunod pa rin nila si Satanas. Ano pa mang mga bagay o mahihirap na kapaligiran ang sumapit sa kanila, hindi pa rin nila nagagawang makinig sa mga salita ng Diyos o magpasakop sa Diyos, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi sila naninindigan sa kanilang patotoo. Hindi ba’t ito ay pagtataksil sa Diyos? Ito nga ay pagtataksil sa Diyos. Kapag kailangan ka ng Diyos, hindi ka nakikinig sa Kanyang tawag o sa Kanyang mga salita, at sa halip ay sinusunod mo ang mga kalakaran ng mga walang pananampalataya, pinakikinggan si Satanas, sinusunod si Satanas, at nagsasagawa alinsunod sa lohika ni Satanas, at sa mga prinsipyo at pamamaraan nito sa pamumuhay. Ito ay pagtataksil sa Diyos. Hindi ba’t ang pagtataksil sa Diyos ay paglapastangan at pagpapahiya sa Diyos? Alalahanin mo sina Adan at Eba sa Halamanan ng Eden—Sabi ng Diyos, “Sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka” (Genesis 2:17). Kaninong mga salita ito? (Mga salita ito ng Diyos.) Ang mga ito ba ay mga ordinaryong salita? (Hindi.) Ano ang mga ito? Ang mga ito ang katotohanan, ang mga ito ang dapat na sundin ng mga tao, at ang dapat na paraan ng pagsasagawa ng mga tao. Sinabi ng Diyos sa mga tao kung paano dapat na ituring ang kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ang prinsipyo ng pagsasagawa ay huwag kumain mula rito, at pagkatapos ay sinabi Niya sa mga tao ang kahihinatnan—tiyak na sila ay mamamatay sa araw na kumain sila mula rito. Sinabi sa mga tao ang prinsipyo ng pagsasagawa at kung ano ang nakataya. Pagkatapos na marinig ito, naunawaan ba nila ito o hindi? (Naunawaan nila ito.) Ang totoo, naunawaan nila ang mga salita ng Diyos, ngunit kinalaunan ay narinig nilang sinabi ng ahas, “Sinabi ng Diyos na mamamatay kayo sa araw na kumain kayo mula sa punong iyon, ngunit hindi tiyak na kayo ay mamamatay. Maaari ninyo itong subukan,” at pagkatapos magsalita ni Satanas, pinakinggan nila ang mga salita nito at kumain sila mula sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ito ay pagtataksil sa Diyos. Hindi nila piniling makinig sa mga salita ng Diyos at magsagawa alinsunod sa mga ito. Hindi nila ginawa ang ayon sa iniutos ng Diyos, bagkus ay pinaniwalaan at tinanggap nila ang mga salita ni Satanas, at kumilos alinsunod sa mga ito. Ano ang naging resulta nito? Ang kalikasan ng kanilang pag-uugali at pagkilos ay pagtataksil at pagpapahiya sa Diyos, at ang resulta ay ginawa silang tiwali ni Satanas at sila ay naging mababa. Ang mga tao ngayon ay katulad nina Adan at Eba noon. Naririnig nila ang mga salita ng Diyos ngunit hindi nila isinasagawa ang mga ito, nauunawaan pa nga nila ang katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa. Ang kalikasan nito ay katulad ng hindi pakikinig nina Adan at Eba sa mga salita ng Diyos o sa Kanyang mga utos—ito ay pagtataksil at pagpapahiya sa Diyos. Kapag pinagtataksilan at ipinapahiya ng mga tao ang Diyos, ang resulta nito ay sila ay patuloy na ginagawang tiwali at kinokontrol ni Satanas, at kinokontrol ng kanilang satanikong disposisyon. Kaya, hindi sila kailanman makakalaya mula sa impluwensiya ni Satanas, o makakatakas sa pang-aakit, sa mga tukso, pag-atake, manipulasyon, at pagsila ni Satanas. Kung hindi ka kailanman makakalaya mula sa mga bagay na ito, ang buhay mo ay tiyak na magiging puno ng pasakit at kaguluhan, at hindi ito magkakaroon ng kapayapaan at kagalakan. Mararamdaman mo na ang lahat ay mababaw, at maaari pa ngang gustuhin mong hangarin ang kamatayan upang wakasan ang lahat ng ito. Ito ang kahabag-habag na kalagayan ng mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas.

Sipi 56

Kapag naglilingkod bilang mga lider o manggagawa ang ilang tao, palagi silang natatakot na makagawa ng pagkakamali at mabunyag at matiwalag, kaya madalas nilang sinasabi sa iba, “Hindi kayo dapat maging isang lider. Sa oras na magkaroon ng problema, matitiwalag kayo, at wala nang babalikan!” Hindi ba’t isang maling paniniwala ang pahayag na ito? Anong ibig sabihin ng “wala nang babalikan”? Anong klaseng mga lider at manggagawa ang tinitiwalag? Lahat sila ay masasamang tao na, sa kabila ng mga paulit-ulit na babala, walang habas na ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia. Kung ang isang tao ay nagkamali lamang dahil mababa ang kanyang tayog, o dahil mahina ang kanyang kakayahan, o dahil kulang siya sa karanasan, basta’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan at tunay na magsisi, ititiwalag ba siya ng sambahayan ng Diyos? Kahit na walang magawa na anumang totoong gawain ang taong iyon, aayusin lang nila ang kanyang tungkulin. Kung gayon, hindi ba’t binabaluktot ng mga taong nagsasabi ng mga ganoong bagay ang mga katunayan? Hindi ba’t nagpapalaganap sila ng mga haka-haka para ilihis ang iba? Ang mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos ay demokratikong inihahalal, hindi naman ito para bang kahit sinong may gusto ng mga tungkulin ito ay makukuha ang mga iyon. Itinuturing ng sambahayan ng Diyos ang mga lider at manggagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo; tanging iyong mga huwad na lider lamang na talagang hindi tumatanggap sa katotohanan at ang mga anticristong naghahangad katanyagan, pakinabang, at katayuan, at labis na tumatangging magsisi, ang ititiwalag. Iyong mga kayang tumanggap sa katotohanan, iyong mga tumatanggap na mapungusan, at iyong mga tunay na nagsisisi, ay hindi ititiwalag. Iyong mga nagpapakalat ng haka-haka na “masyadong mapanganib na maging isang lider” ay may mga intensyon at layunin. Nilalayon nilang ilihis ang mga tao, pigilang maging lider ang iba, at samantalahin ang pagkakataong handog nito. Hindi ba’t pagkakaroon ito ng lihim na motibo? Kung nag-aalala kang matiwalag, dapat kang maging maingat, magdasal sa Diyos at magsisi sa Kanya, at tanggapin ang katotohanan para maitama mo ang iyong mga kamalian. Kung gayon, hindi ba’t malulutas nito ang problema? Kung nagkamali ang isang tao, at, noong naharap siya sa pagpupungos, ay hindi niya tinanggap ang katotohanan, at wala siyang intensyon na tunay na magsisi, at patuloy siyang nagiging pabasta-basta, at labis na nanggugulo, dapat siyang itiwalag. Kapag ang ilang tao ay nagsisilbi bilang mga lider o manggagawa, nagiging matapang sila at malakas ang loob, nagsasalita at kumikilos sila nang walang pag-aalinlangan, at gustong linlangin ang lahat. Hindi lang nila hindi ginagamit ang katotohanan para lutasin ang mga problema, kundi tinutunton at ibinubukod din nila iyong mga nagsusumbong ng mga problema sa Itaas. Kapag nalaman ng Itaas ang tungkol sa isyung ito at pinanagot sila, nagiging para silang mga dagang takot sa pusa, mahigpit na tumatangging akuin ang kanilang ginawa. Akala nila, kapag tumanggi silang akuin ito, matatakasan nila ito at hindi na tutugisin ng sambahayan ng Diyos ang bagay na ito. Ganoon lang ba talaga iyon kadali? Malinaw na titiyakin ng sambahayan ng Diyos ang bagay na ito, at pagkatapos ay haharapin ito batay sa mga prinsipyo; ang sinumang may pananagutan ay hindi makakatakas. Kapag hindi naghahanap ng katotohanan ang mga tao sa mga bagay na kanilang ginagawa, at kumikilos nang basta-basta, walang pakundangan, at ayon sa kanilang mga sariling kagustuhan, na nauuwi sa panlilinlang at pagkukunwari, at labis na tumatangging akuin ang kanilang mga pagkakamali kapag nagkaproblema, anong klaseng problema ito? Ito ba ang tamang pag-uugali? Malulutas ba ang problema sa paggamit ng panlilinlang at pagkukunwari, at mahigpit na pagtangging akuin ang kanilang mga ginawa? Naaayon ba ang pag-uugaling ito sa katotohanan? Mayroon bang tunay na pagpapasakop dito? Natatakot silang magkamali at malantad at maisumbong, natatakot silang pananagutin sila ng sambahayan ng Diyos, at natatakot silang mahusgahan, makondena, at matiwalag. May problema ba sa takot na ito? Ang takot na ito ay hindi isang positibong bagay; saan ba ito nanggagaling? (Sa kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon.) Tama iyan. Kung gayon, ano mismo ang nasa takot na ito? Himayin natin ito. Bakit sila natatakot? Ang kanilang takot ay nagmumula sa pag-aalala na oras na malantad ang mga bagay, matatanggal at mapapalitan sila, at mawawala ang kanilang katayuan at kabuhayan. Kaya naman gumagamit sila ng kasinungalingan at panlilinlang, at mahigpit silang tumatangging akuin ang kanilang mga ginawa. Batay sa pag-uugaling ito, sila man ay mga taong tumatanggap ng katotohanan o hindi, mapagmataas at mapagmagaling man sila o hindi, at mapanlinlang man sila o hindi, ay nabunyag dito. Hindi ba’t sila ay mga diyablo? Sa wakas ay naipakita na nila ang kanilang tunay na kalikasan. Tuwing kailan ba pinakanabubunyag ang mga tao? Kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila, lalo na kapag nabunyag ang mga mali nilang gawa, tingnan niyo kung ano ang pag-uugali nila—pinakanabubunyag sila sa mga sandaling ito. Ang kanilang makikitid na pag-iisip, panlilinlang, panloloko, at mahigpit na pagtanggi na akuin ang kanilang mga pagkakamali, at iba pa—ang lahat ng mga tiwaling disposisyon na ito ay sabay-sabay na sumasambulat. Hindi ba’t ito ang pinakamadaling panahon para makilala ang mga tao? Hindi naniniwala ang ilang tao na kayang tratuhin nang patas ng sambahayan ng Diyos ang mga tao. Hindi sila naniniwala na naghahari ang Diyos sa Kanyang sambahayan, at na naghahari doon ang katotohanan. Naniniwala sila na anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, kung magkakaroon ng problema roon, haharapin kaagad ng sambahayan ng Diyos ang taong iyon, tatanggalin ang kanyang karapatang gampanan ang tungkuling iyon, ititiwalag siya, o paaalisin pa nga siya sa iglesia. Ganoon ba talaga iyon? Siguradong hindi. Pinakikitunguhan ng sambahayan ng Diyos ang bawat tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang Diyos ay matuwid sa Kanyang pagtrato sa bawat tao. Hindi lamang Niya tinitingnan kung paano kumilos ang isang tao sa isang pagkakataon; tinitingnan Niya ang kalikasang diwa ng isang tao, ang kanyang mga intensyon, ang kanyang pag-uugali, at tinitingnan Niya lalo na kung kaya ba ng isang tao na pagnilayan ang kanyang sarili kapag nagkakamali siya, kung nagsisisi ba siya, at kung kaya ba niyang mahanap ang diwa ng problema batay sa Kanyang mga salita, maunawaan ang katotohanan, kamuhian ang kanyang sarili, at tunay na magsisi. Kung walang ganitong tamang pag-uugali ang isang tao, at ganap na silang nahaluan ng mga personal na layunin, kung puno sila ng mga tusong pakana at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at kapag may mga dumating na problema, sila ay nagkukunwari, nanlilinlang, at nangangatwiran, at mahigpit na tumatangging akuin ang kanilang mga ginawa, kung gayon, ang ganoong tao ay hindi maliligtas. Hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at ganap na silang nabunyag. Iyong mga taong hindi tama, at hindi kayang tanggapin ang katotohanan kahit kaunti, ay kung gayon mga hindi mananampalataya at maaari lamang na itiwalag. Paanong hindi mabubunyag at matitiwalag ang mga hindi mananampalataya na naglilingkod bilang mga lider at manggagawa? Ang isang hindi mananampalataya, anuman ang tungkulin na kanyang ginagampanan, ay ang pinakamadaling mabunyag sa lahat, dahil masyadong marami at halata ang mga tiwaling disposisyon na kanyang ibinubunyag. Bukod dito, hindi talaga niya tinatanggap ang katotohanan at kumikilos nang walang pag-iingat at basta-basta na lamang. Sa huli, kapag siya ay natiwalag, at nawalan ng pagkakataong gampanan ang kanyang tungkulin, magsisimula siyang mag-alala, iniisip na, “Wala na akong pag-asa. Kung hindi na ako papayagang gampanan ang aking tungkulin, hindi na ako maliligtas. Ano ang dapat kong gawin?” Ang totoo ay palaging mag-iiwan ng paraan ang Kalangitan para sa tao. May isang pangwakas na landas, iyon ay ang tunay na magsisi, at magmadaling ipalaganap ang ebanghelyo at magkamit ng mga tao, pangbawi sa kanyang mga kamalian sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting gawa. Kung hindi niya tatahakin ang landas na ito, talagang wala na siyang pag-asa. Kung may taglay siyang katwiran at alam niyang wala siyang anumang kakayahan, dapat niyang ihanda nang wasto ang kanyang sarili sa katotohanan at magsanay na ipalaganap ang ebanghelyo—ito ay pagganap din ng isang tungkulin. Ito ay lubos na magagawa. Kung inaamin ng isang tao na siya ay natiwalag dahil hindi niya ginampanan nang maayos ang kanyang tungkulin, pero hindi pa rin niya tinatanggap ang katotohanan at wala siyang ni katiting na mapagsising puso, at sa halip ay inabandona niya ang kanyang sarili tungo sa kawalan ng pag-asa, hindi ba’t kahangalan at kamangmangan iyon? Sabihin mo sa Akin, kung nakagawa ng pagkakamali ang isang tao, ngunit kaya niyang tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba’t bibigyan siya ng pagkakataon ng sambahayan ng Diyos? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Pero kung wala kang konsiyensiya o katwiran, at pabaya ka sa iyong nararapat na gawain, kung nagkaroon ka ng pagkakataong gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hindi hinahangad ang katotohanan kahit paano, hinahayaang makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay malalantad ka. Kung palagi kang pabasta-basta sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagpupungos, gagamitin ka pa rin kaya ng sambahayan ng Diyos para gumanap sa isang tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas. Ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; kailangan mo lang makinig at magpasakop. Kapag nahaharap ka sa pagpupungos, dapat mong tanggapin ang katotohanan at magawang itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo ito, hindi aalisin sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang iyong karapatang gampanan ang isang tungkulin. Kung natatakot ka palagi na matiwalag, laging nagdadahilan, lagi mong pinangangatwiranan ang sarili mo, problema iyan. Kung hinahayaan mong makita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit katiting, at na hindi ka tinatablan ng katwiran, may problema ka. Magiging obligado ang iglesia na harapin ka. Kung hindi mo man lamang tinatanggap ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin at lagi kang natatakot na mabunyag at matiwalag, ang takot mong ito ay nababahiran ng intensyon ng tao at ng tiwaling satanikong disposisyon, at ng paghihinala, pag-iingat, at maling pagkaunawa. Wala sa mga ito ang mga pag-uugali na dapat mayroon ang isang tao. Dapat kang magsimula sa pamamagitan ng paglutas sa iyong takot, gayundin sa iyong mga maling pagkaunawa sa Diyos. Paano umuusbong ang mga maling pagkaunawa ng isang tao sa Diyos? Kapag maayos ang takbo ng mga bagay-bagay para sa isang tao, talagang hindi siya nagkakamali ng pag-unawa sa Kanya. Naniniwala siyang ang Diyos ay mabuti, na ang Diyos ay kagalang-galang, na ang Diyos ay matuwid, na ang Diyos ay maawain at mapagmahal, na ang Diyos ay tama sa lahat ng bagay na ginagawa Niya. Gayunman, kapag naharap siya sa isang bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, iniisip niya, “Mukhang hindi masyadong matuwid ang Diyos, kahit paano ay hindi sa bagay na ito.” Hindi ba’t maling pagkaunawa ito? Paanong hindi matuwid ang Diyos? Ano ang nagpausbong sa maling pagkaunawang ito? Bakit nagkaroon ka ng ganitong opinyon at pagkaunawa na hindi matuwid ang Diyos? Masasabi mo ba kung ano iyon? Aling pangungusap iyon? Aling bagay? Aling sitwasyon? Sabihin mo, para mapag-isipan ng lahat at makita kung may katwiran ka. At kapag nagkakamali ng pagkaunawa ang isang tao sa Diyos o nahaharap sa isang bagay na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, ano ang saloobing dapat niyang taglayin? (Yaong naghahanap sa katotohanan at nagpapasakop.) Kailangan niyang magpasakop muna at isipin: “Hindi ko maunawaan, pero magpapasakop ako dahil ito ang ginawa ng Diyos at hindi ito isang bagay na dapat suriin ng tao. Dagdag pa riyan, hindi ko maaaring pagdudahan ang mga salita ng Diyos o ang Kanyang gawain dahil ang salita ng Diyos ay ang katotohanan.” Hindi ba’t ganito ang saloobing dapat taglayin ng isang tao? Kapag may ganitong saloobin, magdudulot pa rin ba ng problema ang iyong maling pagkaunawa? (Hindi na.) Hindi nito maaapektuhan o magagambala ang pagsasagawa mo ng iyong tungkulin. Sino sa palagay ninyo ang kayang maging tapat—ang isang taong nagkikimkim ng mga maling pagkaunawa habang gumaganap sa kanyang tungkulin o ang hindi? (Ang isang taong hindi nagkikimkim ng mga maling pagkaunawa sa pagganap sa kanyang tungkulin ay kayang maging tapat.) Kung kaya’tkailangan mo munang magkaroon ng mapagpasakop na saloobin. Bukod pa riyan, kailangan mong maniwala man lang na ang Diyos ay ang katotohanan, na ang Diyos ay matuwid, at na lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Ito ang mga paunang kondisyon na magpapasya kung maaari kang maging tapat sa pagganap sa iyong tungkulin. Kung natutugunan mo ang parehong paunang kondisyon na ito, ang mga maling pagkaunawa ba sa iyong puso ay makakaapekto sa pagganap sa iyong tungkulin? (Hindi.) Hindi makakaapekto ang mga ito. Ibig sabihin nito, hindi mo madadala ang mga maling pagkaunawang ito sa pagganap sa iyong tungkulin. Una sa lahat, kailangan mong lutasin ang mga ito mula sa umpisa pa lamang, at tiyaking mananatili lamang ang mga ito sa kanilang maagang yugto. Anong sunod na dapat mong gawin? Lutasin ang mga ito sa pinakaugat. Paano mo dapat lutasin ang mga ito? Magbasa ng ilang nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos kasama ang lahat tungkol sa bagay na ito. Tapos, magbahaginan kayo kung bakit ganoon kumilos ang Diyos, ano ang layunin ng Diyos, at ano-anong resulta ang makakamit mula sa pagkilos ng Diyos sa ganitong paraan. Magbahaginan kayo nang lubusan tungkol sa mga bagay na ito, pagkatapos ay magkakaroon ka ng pagkaunawa sa Diyos at magagawa mong magpasakop. Kung hindi mo lulutasin ang mga mali mong pagkaunawa tungkol sa Diyos at magdadala ka ng mga haka-haka sa pagganap sa iyong tungkulin, at sinasabi mong, “Sa bagay na ito, mali ang ikinilos ng Diyos, at hindi ako magpapasakop. Ipaglalaban ko ito, makikipagtalo ako sa sambahayan ng Diyos. Hindi ako naniniwalang gawa ito ng Diyos”—anong disposisyon ito? Ito ay isang tipikal na satanikong disposisyon. Ang mga ganoong salita ay hindi dapat sinasabi ng mga tao; hindi ito ang pag-uugali na dapat mayroon ang isang nilikha. Kung kaya mong tutulan ang Diyos sa ganitong paran, karapat-dapat mo bang gampanan ang tungkuling ito? Hindi. Dahil isa kang diyablo, at wala kang pagkatao, hindi ka karapat-dapat na gumanap sa isang tungkulin. Kung may tinataglay na katwiran ang isang tao, at magkaroon siya ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, magdarasal siya sa Diyos, at hahanapin din niya ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, at kalaunan, malinaw niyang makikita ang mga bagay. Ito ang dapat gawin ng mga tao.

Sa proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos, maraming bagay ang hindi maunawaan o matanggap ng mga tao. Basta’t sila ay may mga mapagpasakop na puso, ang mga isyung ito ay unti-unting malulutas, at makakahanap sila ng mga kasagutan sa mga ito sa mga salita ng Diyos. Kahit na hindi sila makakuha ng mga resulta sa ngayon, natural nilang mauunawaan ang mga bagay na ito pagkatapos ng ilang taon ng karanasan. Kung hindi kailanman maunawaan ng isang tao ang mga ito kapag nahaharap sa mga problema, at kinakalaban niya ang mga lider at manggagawa, o nakikipagtalo siya sa sambahayan ng Diyos, ang tao bang ito ay nagtataglay ng katwiran? Para sumunod sa Diyos, dapat magtaglay man lamang ng katwiran ng normal na pagkatao at pundamental na pananampalataya ang isang tao, doon lang magiging madali sa kanya na magpasakop sa Diyos. Kung palagi mong tinututulan ang Diyos at kinakalaban mo Siya, at pagkatapos ay hindi mo hinahanap ang katotohanan o wala kang mapagsising puso, hindi ka nararapat na gumanap sa isang tungkulin o sumunod sa Diyos, at hindi ka nararapat na tumanggap ng Kanyang atas. Kung wala kang tunay na pananampalataya, pero ginagampanan mo pa rin ang isang tungkulin at sumusunod sa Diyos, hindi ka magkakaroon ng matibay na panghahawakan, at tiyak na matitiwalag ka. Hindi ba’t nagdudulot lamang ito ng gulo sa buhay mo? Pagpapahiya sa sarili ang tawag dito. Kung gayon, para malutas ang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, ang pag-uugali na dapat taglayin ng mga tao ay ang magpasakop muna, at maniwala na anumang gawin ng Diyos ay tama. Huwag kang magtiwala sa sarili mong paningin at paghusga—kung palagi kang magtitiwala sa sarili mong paghusga at paningin, magdudulot iyan ng gulo. Hindi ikaw ang Diyos; wala sa iyo ang katotohanan. Ikaw ay isang tao na may mga tiwaling disposisyon; puwede kang makagawa ng mga pagkakamali, at hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kinokondena ka ba ng Diyos? Hindi ka kinokondena ng Diyos, pero dapat mong hanapin ang katotohanan. Binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataon at panahon na maghanap, at Siya ay naghihintay. Naghihintay sa ano? Naghihintay sa iyo na hanapin ang katotohanan sa panahong ito. Kapag naunawaan mo at nagpasakop ka, magiging maayos ang lahat, at hindi na gagawin ng Diyos na alalahanin ito o kondenahin ka. Gayunpaman, kung patuloy mong gagawin ang mga parehong pagkakamali mo dati, talagang wala ka nang pag-asa at imposible nang matubos ka.

Sipi 57

Mayroon na kayo ngayong kaunting pagkakilala sa tiwaling disposisyon na inyong ibinubunyag. Kapag malinaw na ninyong nakikita kung aling mga tiwaling bagay ang nanganganib pa rin ninyong regular na ibunyag, at kung anong mga bagay ang malamang pa rin ninyong gawin na taliwas sa katotohanan, magiging madali na ang paglilinis ng tiwaling disposisyon ninyo. Bakit hindi makontrol ng mga tao ang kanilang mga sarili sa maraming bagay? Dahil sa lahat ng oras, at sa lahat ng aspeto, nakokontrol sila ng kanilang mga tiwaling disposisyon, na pumipigil at umaabala sa kanila sa lahat ng bagay. Kapag maayos ang lagay ng lahat ng bagay, at hindi sila nadapa o naging negatibo, palaging nadarama ng ilang tao na mayroon silang tayog, at wala lang sa kanila kapag nakakakita sila ng isang masamang tao, isang huwad na lider, o isang anticristo na nabubunyag at itinitiwalag. Magyayabang pa sila sa harap ng lahat na, “Ang sinumang iba pa ay maaaring madapa, pero hindi ako. Ang sinumang iba pa ay maaaring hindi nagmamahal sa Diyos, pero mahal ko ang Diyos.” Iniisip nila na kaya nilang panindigan ang kanilang patotoo sa anumang sitwasyon o kalagayan. At ang resulta? Dumarating ang araw na sinusubok sila at nagrereklamo at umaangal sila tungkol sa Diyos. Hindi ba’t pagkabigo ito, hindi ba’t pagkadapa ito? Wala nang nakapagbubunyag sa mga tao nang higit pa kaysa kapag sinusubok sila. Sinisiyasat ng Diyos ang nasa pinakakaibuturan ng puso ng tao, at hindi dapat nagyayabang ang mga tao anumang oras. Anuman ang kanilang ipinagyayabang, doon sila madarapa balang araw, sa malao’t madali. Kapag nakikita nila na nadarapa o nabibigo ang iba sa ilang partikular na sitwasyon, hindi nila ito iniintindi, at iniisip pa nga nila na sila mismo ay hindi makagagawa ng anumang pagkakamali, na magagawa nilang manindigan—ngunit sila rin, ay nadarapa at nabibigo sa parehong mga sitwasyon. Paano ito nangyari? Ito ay dahil hindi lubos na nauunawaan ng mga tao ang kanilang sariling kalikasang diwa; kulang pa rin sa lalim ang kanilang kaalaman tungkol sa mga problema sa kanilang sariling kalikasang diwa, kaya napakahirap para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, ang ilang tao ay lubos na mapanlinlang, at hindi matapat sa kanilang mga salita at gawa, ngunit kung tatanungin mo sila kung sa anong aspeto pinakamatindi ang kanilang tiwaling disposisyon, sasabihin nila, “Bahagya akong mapanlinlang.” Sasabihin lamang nila na sila ay bahagyang mapanlinlang, subalit hindi nila sasabihing ang mismong kalikasan nila ay mapanlinlang, at hindi nila sinasabi na sila ay isang mapanlinlang na tao. Ang kanilang kaalaman tungkol sa sarili nilang tiwaling kalagayan ay hindi gaanong malalim, at hindi nila ito tinitingnan nang kasingseryoso, o kasinglubusan, tulad ng ginagawa ng iba. Mula sa pananaw ng ibang tao, ang taong ito ay napakamapanlinlang at napakabuktot, at may panlalansi sa lahat ng sinasabi niya, at ang kanyang mga salita at kilos ay hindi kailanman matapat—subalit hindi nagagawa ng taong iyon na malalim na makilala ang kanyang sarili. Mababaw lamang ang anumang kaalaman na mayroon siya. Sa tuwing nagsasalita at kumikilos siya, nagbubunyag siya ng ilang bahagi ng kanyang kalikasan, ngunit hindi niya ito namamalayan. Naniniwala siya na ang pagkilos niya nang ganoon ay hindi isang paghahayag ng katiwalian, iniisip niya na naisagawa na niya ang katotohanan—pero para sa mga nag-oobserba, ang taong ito ay lubos na buktot at mapanlinlang, at ang mga salita at kilos niya ay labis na hindi matapat. Na ibig sabihin, ang mga tao ay may napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sariling kalikasan, at may napakalaking pagkakaiba sa pagitan nito at ng mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa kanila. Hindi ito isang pagkakamali sa kung ano ang inilalantad ng Diyos, kundi, ang mga tao ay walang sapat na malalim na pagkaunawa sa sarili nilang likas na pagkatao. Ang mga tao ay walang pangunahin o malaking pagkaunawa sa kanilang mga sarili; sa halip, itinutuon at inilalaan nila ang kanilang lakas sa pagkilala sa kanilang mga kilos at panlabas na pagpapahayag. Kahit na ang ilang tao ay paminsan-minsang nagagawang magsalita nang kaunti tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili, hindi ito magiging napakalalim. Walang tao ang nag-isip kailanman na siya ay isang partikular na uri ng tao o na mayroon siyang partikular na uri ng kalikasan dahil gumawa siya ng isang partikular na uri ng bagay o nagbunyag ng isang partikular na bagay. Nailantad na ng Diyos ang likas na pagkatao at diwa ng tao, subalit ang nauunawaan ng mga tao ay na ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay at kanilang mga paraan ng pananalita ay may kapintasan at depektibo; bilang resulta, medyo nakapapagod na gawain para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Iniisip ng mga tao na ang kanilang mga pagkakamali ay pansamantalang mga pagpapamalas lamang na nabubunyag nang walang ingat, sa halip na mga pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Kapag ganito mag-isip ang mga tao, napakahirap para sa kanila na talagang makilala ang mga sarili nila, at napakahirap para sa kanila na maunawaan at maisagawa ang katotohanan. Dahil hindi nila alam ang katotohanan at hindi nauuhaw rito, kapag isinasagawa ang katotohanan, sumusunod lamang sila sa mga regulasyon sa pabasta-bastang paraan. Hindi itinuturing ng mga tao ang kanilang sariling likas na pagkatao na napakasama, at naniniwala na hindi naman sila masama sa puntong dapat silang wasakin o parusahan. Ngunit ayon sa mga pamantayan ng Diyos, lubos na tiwali ang mga tao, malayo pa sila sa mga pamantayan para sa kaligtasan, dahil nagtataglay lamang sila ng ilang pamamaraan na sa panlabas ay hindi mukhang lumalabag sa katotohanan, at sa katunayan, hindi sila nagsasagawa ng katotohanan at hindi mapagpasakop sa Diyos.

Ang mga pagbabago sa pag-uugali o kilos ng mga tao ay hindi nagpapahiwatig ng pagbabago sa kanilang kalikasan. Kaya nagkaganito ay dahil ang mga pagbabago sa pag-uugali ng mga tao sa totoo lang ay hindi mababago ang kanilang orihinal na anyo, lalong hindi nito mababago ang kanilang likas na pagkatao. Kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan, nagkaroon ng kaalaman tungkol sa sarili nilang kalikasang diwa, at nakayang isagawa ang katotohanan, saka lamang magiging sapat na malalim at isang naiiba kaysa sa pagsunod sa isang kalipunan ng regulasyon ang kanilang pagsasagawa. Ang kasalukuyang paraan ng pagsasagawa ng katotohanan ng mga tao ay hindi pa rin umaabot sa pamantayan, at hindi nito lubos na makakamtan ang lahat ng hinihingi ng katotohanan. Isang bahagi lamang ng katotohanan ang isinasagawa ng mga tao, at kapag nasa ilang kalagayan at sitwasyon sila saka lamang nila naisasagawa ang kaunting katotohanan; hindi totoo na nagagawa nilang isagawa ang katotohanan sa lahat ng kalagayan at lahat ng sitwasyon. Kapag paminsan-minsan ang isang tao ay masaya at maganda ang kanyang kalagayan, o kapag siya ay nakikipagbahaginan sa iba at mayroon siyang landas ng pagsasagawa sa kanyang puso, pansamantala niyang nagagawa ang ilang bagay na naaayon sa katotohanan. Ngunit kapag namumuhay siya kasama ng mga tao na negatibo at hindi naghahanap ng katotohanan, at naiimpluwensiyahan siya ng mga taong ito, sa kanyang puso ay naiwawala niya ang landas, at wala siyang kakayahang isagawa ang katotohanan. Ipinapakita nito na napakababa ng kanyang tayog, at na hindi pa rin talaga niya nauunawaan ang katotohanan. May ilang indibiduwal na naisasagawa ang katotohanan kapag sila ay nagagabayan at naaakay ng tamang mga tao; gayunpaman, kapag sila ay nalihis at nagulo ng isang huwad na lider o anticristo, hindi lamang sila nawawalan ng kakayahang isagawa ang katotohanan, malamang din na malilihis sila na sumunod sa mga taong iyon. Ang mga gayong tao ay nasa panganib pa rin, hindi ba? Ang mga taong tulad nito, na may ganitong uri ng tayog, ay imposibleng kayaning magsagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay at sitwasyon. Kahit na isagawa pa nila ang katotohanan, mangyayari lamang ito kapag maganda ang lagay ng kalooban nila, o ginagabayan sila ng iba; kung walang isang mabuting taong umaakay sa kanila, kung minsan ay magkakaroon sila ng kakayahang gumawa ng mga bagay na lumalabag sa katotohanan, at lilihis sila sa mga salita ng Diyos. At bakit ganito? Ito ay dahil ilan lang sa mga kalagayan mo ang nalaman mo, wala kang alam tungkol sa iyong sariling kalikasang diwa, at hindi mo pa natatamo ang tayog ng paghihimagsik laban sa laman at pagsasagawa ng katotohanan; sa ganitong paraan, wala kang kontrol sa gagawin mo sa hinaharap, at hindi mo masisiguro na makakapanindigan ka sa anumang sitwasyon o pagsubok. May mga pagkakataon na nasa isang kalagayan ka at maisasagawa mo ang katotohanan, at tila nagbago ka na nang kaunti, subalit, sa ibang mga sitwasyon, hindi mo kayang isagawa ang katotohanan. Isa itong bagay na hindi mo sinasadya. Kung minsan ay naisasagawa mo ang katotohanan, at kung minsan ay hindi. Minsan, nauunawaan mo, at sa susunod, nalilito ka. Sa ngayon, wala kang ginagawang anumang masama, ngunit marahil ay gagawa ka ng masama maya-maya. Pinatutunayan nito na umiiral pa rin sa loob mo ang mga tiwaling bagay, at kung hindi mo magagawang tunay na kilalanin ang iyong sarili, hindi magiging madaling lutasin ang mga bagay na ito. Kung hindi mo kayang magtamo ng masusing pagkaunawa tungkol sa sarili mong tiwaling disposisyon, at sa bandang huli ay kaya mong gumawa ng mga bagay na lumalaban sa Diyos, nanganganib ka. Kung kaya mong maunawaan nang husto ang iyong likas na pagkatao at kamuhian ito, magagawa mong pigilan ang iyong sarili, maghimagsik laban sa iyong sarili, at isagawa ang katotohanan.

Hindi inuuna ng mga tao ngayon ang pagsasagawa at pagpasok sa katotohanan, nakatuon lang sila sa pag-unawa at pagsasabi ng mga salita at doktrina, iniisip nila na sapat nang matugunan ang mga sarili nilang sikolohikal na pangangailangan, at hindi madismaya o maging negatibo. Gaano man karaming pagbabahaginan sa katotohanan ang nakatutulong sa iyo sa panahong iyon, hindi mo isinasagawa ang katotohanan pagkatapos niyon—ano ang problema rito? Ang problema ay pag-unawa at pakikinig lang sa katotohanan ang pinagtutuunan mo, pero hindi mo pinagtutuunan ang pagsasagawa nito. Mayroon ba sa inyong nagbuod kung paano magsagawa ng elemento ng katotohanan, o kung ilang kalagayan ang nauugnay sa elementong iyon ng katotohanan? Wala! Paano ninyo maibubuod ang mga bagay na ito? Dapat ay naranasan ninyo ito mismo para maibuod ninyo ang mga bagay na ito; hindi epektibo na magbahaginan lang tungkol sa ilang salita at doktrina. Ito ang pinakamatindi sa lahat ng paghihirap ng tao—ang pagiging hindi interesado sa pagsasagawa sa katotohanan. Kung maisasagawa man o hindi ng isang tao ang katotohanan ay nakadepende sa kanyang mga paghahangad. May ilang tao na sinasangkapan ang kanilang sarili ng katotohanan para ipalaganap ang ebanghelyo, ang ibang tao naman ay sinasangkapan ang kanilang sarili ng katotohanan para sabihin ito sa iba at magpasikat, hindi para isagawa ang katotohanan at baguhin ang kanilang sarili. Ang mga taong nagbibigay-pansin sa mga bagay na ito ay nahihirapang isagawa ang katotohanan. Isa na naman ito sa mga paghihirap ng tao. Sabi ng ilang tao: “Pakiramdam ko kaya ko nang isagawa ang ilang katotohanan ngayon; hindi naman sa wala talaga akong kakayahang isagawa ang anumang katotohanan. Sa ilang sitwasyon, magagawa ko ang mga bagay-bagay alinsunod sa katotohanan, na nangangahulugan na maituturing akong isang tao na nagsasagawa at nagtataglay ng katotohanan.” Kumpara sa dati o noong una kang magsimulang manalig sa Diyos, nagbago na nang kaunti ang iyong kalagayan. Noong araw, wala kang naunawaang anuman, ni hindi mo alam kung ano ang katotohanan o kung ano ang tiwaling disposisyon. Ngayon ay alam mo na ang ilang bagay tungkol sa mga ito, at mayroon ka nang ilang mabubuting paraan, ngunit maliit na bahagi mo lamang ito na nagbago; hindi ito isang tunay na pagbabago ng iyong disposisyon, dahil hindi mo kayang isagawa ang mas malalaki at mas malalalim na katotohanan na nauugnay sa iyong likas na pagkatao. Kumpara sa iyong nakaraan, talagang nagbago ka na nang kaunti, ngunit ang pagbabagong ito ay maliit na pagbabago lamang sa iyong pagkatao; kung ikukumpara sa pagbabago ng disposisyon, malayong-malayo ka. Ibig sabihin, hindi mo pa naaabot ang pamantayan para sa pagsasagawa ng katotohanan. Minsan, ang mga tao ay nasa isang kalagayan kung saan hindi sila negatibo, at mayroon silang lakas, pero pakiramdam nila ay wala silang landas para sa pagkilala at pagsasagawa ng katotohanan, at hindi sila interesadong malaman kung paano isagawa ang katotohanan. Paano ito nangyayari? Kung minsan, hindi mo maunawaan ang landas, kaya sumusunod ka na lang sa mga regulasyon, at iniisip mo nang isinasagawa mo ang katotohanan, at bilang resulta, hindi mo pa rin malutas ang mga paghihirap mo. Nadarama mo sa puso mo na isinasagawa mo ang katotohanan at ipinapakita ang iyong pagkamatapat, pero nagtataka ka kung bakit dumarating pa rin ang mga problema. Ito ay dahil kumikilos ka ayon sa iyong mabubuting layunin, at ginagamit ang mga pansarili mong pagsisikap—hindi mo hinahanap ang mga layunin ng Diyos, hindi ka kumikilos ayon sa mga hinihingi ng katotohanan, o sumusunod sa mga prinsipyo. Bilang resulta, pakiramdam mo palagi, napakababa mo sa mga pamantayan ng Diyos, hindi mapalagay ang puso mo, at naging negatibo ka nang hindi mo namamalayan. Ang mga pansariling hangarin at pagsusumikap ng isang indibidwal ay malayong-malayo sa hinihingi ng katotohanan, at magkaiba rin ang kalikasan ng mga ito. Hindi kayang palitan ng mga panlabas na pamamaraan ng mga tao ang katotohanan, at hindi isinasagawa ang mga ito nang ganap na ayon sa mga pagnanais ng Diyos, dahil ang katotohanan ay ang tunay na pagpapahayag ng mga layunin ng Diyos. Iniisip ng ilang tao na nagpapalaganap ng ebanghelyo na, “Masyado na akong nagdusa at nagbayad ng halaga, at buong araw akong abala sa pangangaral ng ebanghelyo. Paano Mo nasasabing hindi ko isinasagawa ang katotohanan?” Kung gayon, hayaan mong tanungin kita: Ilang katotohanan ang pinanghahawakan mo sa iyong puso? Ilang bagay ang ginagawa mo na naaayon sa katotohanan kapag nangangaral ka ng ebanghelyo? Nauunawaan mo ba ang mga layunin ng Diyos? Ni hindi mo nga masabi mismo kung ginagawa mo lang ang mga bagay o isinasagawa mo ang katotohanan, dahil nakatuon ka lang sa paggamit ng iyong mga kilos para mapalugod ang Diyos, at para makamit ang pagkalugod ng Diyos, at hindi mo ginagamit ang pamantayan na “pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng paghahanap sa Kanyang mga layunin upang umayon sa katotohanan sa lahat ng bagay” para siyasatin ang iyong sarili. Kung sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan, gaano na nagbago ang iyong disposisyon sa panahong ito? Gaano na lumago ang pagmamahal mo para sa Diyos? Sa pamamagitan ng pagsuri sa iyong sarili sa ganitong paraan, magiging malinaw sa puso mo kung isinasagawa mo ba o hindi ang katotohanan.

Sipi 58

Ano ang nalalaman ninyo tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon? Ang mga pagbabago sa disposisyon ay iba, sa diwa, sa mga pagbabago sa pag-uugali, at iba rin ang mga ito sa mga pagbabago sa pagsasagawa—ang lahat ng ito ay magkakaiba sa diwa. Naglalagay ang karamihan ng mga tao ng natatanging diin sa paggawi sa kanilang paniniwala sa Diyos, na ang nagiging resulta ay ang pagkakaroon ng ilang pagbabago sa kanilang pag-uugali. Pagkatapos nilang magsimulang manalig sa Diyos, tumigil sila sa paninigarilyo at pag-inom, at hindi na sila nakikipaglaban sa iba, mas pinipiling maging mapagpasensya kapag dumaranas sila ng kawalan. Sumasailalim sila sa ilang pagbabago sa pag-uugali. Ang ilang tao ay nadarama na sa sandaling manalig sila sa Diyos, nauunawaan na nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos; na naranasan na nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at nagkaroon na sila ng tunay na kasiyahan sa kanilang mga puso, na ginagawa silang partikular na masigasig, at wala silang hindi kayang talikdan o pagdusahan. Gayunman, matapos manalig sa loob ng walo, sampu, o kahit dalawampu o tatlumpung taon, dahil walang naging pagbabago sa kanilang mga disposisyon sa buhay, nauwi sila sa pagbabalik sa dating mga gawi; lalong lumilitaw ang kanilang kayabangan at kapalaluan, nagsisimula silang makipagpaligsahan para sa kapangyarihan at pakinabang, pinag-iimbutan nila ang salapi ng iglesia, kinaiinggitan nila ang mga nagsamantala sa sambahayan ng Diyos. Sila ay nagiging mga parasito at salot sa loob ng sambahayan ng Diyos, at ang ilan ay ibinubunyag pa nga at itinitiwalag bilang mga huwad na lider at anticristo. At ano ang pinatutunayan ng mga katotohanang ito? Ang mga pagbabago lang sa ugali ay hindi napapanatili; kung walang pagbabago sa mga disposisyon sa buhay ng mga tao, sa malaon at madali ay ipapakita nila ang mga tunay nilang kulay. Ito ay dahil ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa ugali ay ang kasigasigan, at sinamahan ng ilang gawain ng Banal na Espiritu sa panahong iyon, nagiging napakadali para sa kanila na maging masigasig o magkaroon ng mabubuting intensyon sa loob ng maiksing panahon. Katulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Madali ang paggawa ng isang mabuting gawa; ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting gawa.” Bakit walang kakayahan ang mga tao na gumawa ng mabubuting gawa nang buong buhay nila? Dahil ang mga tao ay likas na masama, makasarili, at tiwali. Ang pag-uugali ng isang tao ay dinidikta ng kanyang kalikasan; anuman ang kalikasan ng isang tao, gayundin ang ugali na kanyang ibinubunyag, at iyon lamang likas na naihahayag ang kumakatawan sa kalikasan ng isang tao. Hindi magtatagal ang mga bagay na huwad. Kapag gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, hindi ito upang palamutian ang tao ng mabuting gawi—ang layunin ng gawain ng Diyos ay ang baguhin ang mga disposisyon ng mga tao, upang sila ay muling isilang na bagong mga tao. Ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos sa tao ay pawang nagsisilbi upang baguhin ang kanyang disposisyon, upang matamo niya ang ganap na pagpapasakop at pagkamatapat sa Diyos, at magawang normal na sambahin Siya. Ito ang layunin ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi katulad ng pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa ugali ay batay sa doktrina at bunga ng sigasig; hindi batay ang mga ito sa tunay na kaalaman sa Diyos o sa katotohanan, lalong hindi batay sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagama’t may mga pagkakataon na ang ilan sa ginagawa ng mga tao ay binibigyang-liwanag o pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ito isang pagbubunyag ng buhay nila. Hindi pa sila nakapasok sa mga katotohanang realidad, at ang kanilang disposisyon sa buhay ay hindi talaga nagbago. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito nagpapatunay na nagpapasakop siya sa Diyos o na isinasagawa niya ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay hindi kumakatawan sa mga pagbabago sa disposisyon sa buhay at hindi ito maaaring ituring bilang mga pagbubunyag ng buhay. Kaya, kapag nakikita ninyo ang ilang tao na may nagagawa para sa iglesia sa mga panahon ng kanilang kasigasigan, na nagagawa pa nga nilang isuko ang ilang bagay, huwag mo silang purihin o hangaan, huwag sabihing sila ay mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad o mga taong nagmamahal sa Diyos. Ang magsabi ng gayon ay mali, nakaliligaw, at nakapipinsala sa kanila. Ngunit, huwag mo ring pahinain ang kanilang loob; gabayan mo lamang sila tungo sa katotohanan at sa landas ng paghahangad sa buhay. Ang mga madalas na masigasig ay karaniwang may pagnanais na sumulong at may determinasyon. Karamihan sa kanila ay nag-aasam sa katotohanan at sila ang mga pauna nang inorden at hinirang ng Diyos. Karamihan sa mga may nag-aalab na puso na handang gumugol para sa Diyos ay mga tapat na mananampalataya sa Diyos. Ang mga hindi tapat sa paggugol para sa Diyos at hindi handang gawin ang kanilang tungkulin ay mga hindi tapat na mananampalataya sa Diyos. Karamihan sa mga maligamgam sa kanilang pananampalataya at madaling maging negatibo ay hindi nakakapanatiling tapat. Kapag nakakatagpo ng kaunting paghihirap, sila ay umaatras, at kapag humaharap sa pang-uusig at pagdurusa, tumatakas sila at tinatalikuran ang kanilang pananampalataya. Tanging ang mga mayroong malaking pananampalataya at kasigasigan ang makakapagpursige nang mahabang panahon, makahahangad sa katotohanan upang lutasin ang mga problema, at unti-unting makapapasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos. Ngunit ang mga may maliliit na pananampalataya at walang kasigasigan ay mahihirapang sumunod sa Diyos hanggang sa wakas.

Kung maraming mabubuting pag-uugali ang isang tao, hindi iyon nangangahulugan na taglay niya ang mga katotohanang realidad. Sa pagsasagawa lang ng katotohanan at pagkilos ayon sa mga prinsipyo mo maaaring taglayin ang mga katotohanang realidad. Sa pagkakaroon lang ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan mo maaaring taglayin ang mga katotohanang realidad. Ang ilang tao ay may kasigasigan, kayang magsalita ng doktrina, sumunod sa mga regulasyon, at gumawa ng maraming mabubuting gawa, pero ang masasabi lang tungkol sa kanila ay na may taglay silang kaunting pagkatao. Ang mga kayang magsalita ng doktrina at palaging sumusunod sa mga regulasyon ay hindi agad na masasabing kayang magsagawa ng katotohanan. Kahit tama ang sinasabi nila at parang walang mga problema ang mga iyon, wala silang masabi sa mga bagay na may kinalaman sa diwa ng katotohanan. Samakatuwid, gaano man karaming doktrina ang kayang sabihin ng isang tao, hindi iyon nangangahulugan na nauunawaan niya ang katotohanan, at gaano man karaming doktrina ang nauunawaan niya, hindi niya malulutas ang anumang mga problema. Maipaliliwanag ng lahat ng teorista tungkol sa relihiyon ang Bibliya, pero sa huli, babagsak silang lahat, dahil hindi nila tinatanggap ang buong katotohanang naipahayag ng Diyos. Ang mga taong nakaranas ng pagbabago sa kanilang disposisyon ay naiiba; naunawaan na nila ang katotohanan, naiintindihan nila ang lahat ng usapin, alam nila kung paano kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, kung paano kumilos alinsunod sa katotohanang prinsipyo, at kung paano kumilos upang mapalugod ang Diyos, at nauunawaan nila ang kalikasan ng katiwalian na kanilang ibinubunyag. Kapag ang kanilang sariling mga ideya at mga kuru-kuro ay naibubunyag, nagagawa nilang makakilala at maghimagsik laban sa laman. Ganito naipapamalas ang isang pagbabago sa disposisyon. Ang pangunahing pagpapamalas ng mga taong dumaan sa pagbabago ng disposisyon ay nagagawa nilang maunawaan nang malinaw ang katotohanan, at kapag ipinatutupad ang mga bagay, isinasagawa nila ang katotohanan nang may kaugnay na kawastuhan at hindi sila nagbubunyag ng katiwalian nang madalas. Karaniwan, ang mga nagbago na ang disposisyon ay nagiging makatwiran at nakakakilatis, at dahil sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, hindi sila gaanong nagbubunyag ng pagmamataas o kayabangan. Nauunawaan at nahihiwatigan nila ang marami sa katiwaliang naibunyag sa kanila, kaya hindi sila nagyayabang. Nagagawa nilang magkaroon ng isang nasusukat na pagkaunawa sa kung ano ang dapat nilang kalugaran at kung ano ang mga bagay na dapat nilang gawin na makatwiran, kung paano gumawi nang may katwiran, kung paano maging masunurin, kung ano ang sasabihin at kung ano ang hindi sasabihin, at kung ano ang sasabihin at kung ano ang gagawin sa alin mang mga tao. Kaya, ang mga taong nagbago ang mga disposisyon ay medyo makatwiran, at ang ganoong mga tao lamang ang tunay na nagsasabuhay ng wangis ng tao. Dahil nauunawaan nila ang katotohanan, nasasabi at nakikita nila ang mga bagay alinsunod sa katotohanan, at may prinsipyo sila sa lahat ng ginagawa nila; hindi sila sumasailalim sa impluwensiya ng sinumang tao, pangyayari o bagay, at lahat sila ay may sariling pananaw at kayang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang disposisyon ay medyo matatag, hindi sila sala sa init at sala sa lamig, at anuman ang kanilang sitwasyon, nauunawaan nila kung paano isagawa nang wasto ang kanilang tungkulin at kung paano umasal na ikalulugod ng Diyos. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay hindi nagtutuon ng pansin sa kung ano ang gagawin sa panlabas upang maging maganda ang tingin sa kanila ng iba; natamo nila ang panloob na kaliwanagan sa kung ano ang gagawin upang mapalugod ang Diyos. Kung gayon, sa panlabas maaaring tila hindi sila ganoon kasigasig o nakagawa ng anumang mahalaga, ngunit ang lahat ng kanilang ginagawa ay makahulugan, mahalaga, at nagbubunga ng praktikal na mga resulta. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay tiyak na nagtataglay ng napakaraming katotohanang realidad, at ito ay mapapatunayan sa pamamagitan ng kanilang mga pananaw sa mga bagay at sa kanilang mga prinsipyo ng pagkilos. Ang mga hindi pa nagtamo ng katotohanan ay talagang hindi nagkamit ng anumang pagbabago sa disposisyon sa buhay. Paano ba talaga nakakamit ang pagbabago sa disposisyon? Lubhang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, lahat sila ay lumalaban sa Diyos, at lahat sila ay may kalikasang lumalaban sa Diyos. Inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga may kalikasang lumalaban sa Diyos at maaaring lumaban sa Diyos na magpasakop at magkaroon ng takot sa Diyos. Ito ang kahulugan ng maging isang tao na nagbago na ang disposisyon. Gaano man katiwali ang isang tao o ilang tiwaling disposisyon ang mayroon siya, basta’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tanggapin ang iba’t ibang pagsubok at pagpipino, magkakaroon siya ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at kasabay nito ay malinaw niyang makikita ang sarili niyang kalikasang diwa. Kapag tunay niyang nakikilala ang kanyang sarili, magagawa niyang kamuhian ang kanyang sarili at si Satanas, at magiging handa siyang maghimagik laban kay Satanas, at ganap na magpasakop sa Diyos. Kapag may ganitong determinasyon na ang isang tao, kaya na niyang hangarin ang katotohanan. Kung may tunay na kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, kung nadalisay ang kanilang satanikong disposisyon, at nag-ugat ang mga salita ng Diyos sa kanilang kalooban, at naging buhay na nila at batayan ng kanilang pag-iral, kung namumuhay sila ayon sa mga salita ng Diyos, at lubusan nang nagbago at naging mga bagong tao—maituturing ito bilang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangangahulugang pagkakaroon ng hustong isipan at bihasang pagkatao, ni hindi ito nangangahulugan na mas maamo ang panlabas na mga disposisyon ng mga tao kaysa dati, na dati silang mayabang ngunit ngayon ay makatwiran nang magsalita, o na dati ay wala silang pinakikinggan ngunit ngayon ay kaya na nilang makinig sa iba nang kaunti; hindi masasabi na ang nakikitang mga pagbabagong ito ay mga pagbabago sa disposisyon. Siyempre pa, ang mga pagbabago sa disposisyon ay kinabibilangan ng mga ganoong pagpapamalas, ngunit ang pinakamahalagang bagay ay na sa loob, nagbago na ang buhay nila. Lahat ng ito ay dahil nag-ugat na ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa kanilang kalooban, namumuno sa kanilang kalooban, at naging buhay na nila. Nagbago na rin ang kanilang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay. Kitang-kita nila ang nangyayari sa mundo at sa sangkatauhan, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kung paano nilalabanan ng malaking pulang dragon ang Diyos, at ang diwa ng malaking pulang dragon. Kaya nilang kamuhian ang malaking pulang dragon at si Satanas sa puso nila, at kaya nilang lubos na bumaling at sumunod sa Diyos. Nangangahulugan ito na nagbago na ang kanilang disposisyon sa buhay, at nakamit na sila ng Diyos. Ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ay mga pangunahing pagbabago, samantalang ang mga pagbabago sa pag-uugali ay paimbabaw. Ang mga nagkamit lang ng mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ang mga nagtamo ng katotohanan, at sila lang ang nakamit ng Diyos.

Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos para sa kanilang sariling kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para gantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatatagal sa matinding pagdurusa: Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao. Ang mga taong nagbago ang mga disposisyon ay naiiba, nararamdam nila na ang kahulugan ay nagmumula sa pamumuhay sa katotohanan, na ang batayan ng pagiging tao ay ang pagpapasakop sa Diyos, pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, na ang pagtanggap sa ibinigay na gawain ng Diyos ay isang responsabilidad na ganap na likas at may katwiran, na tanging ang mga taong tumutupad sa mga tungkulin ng isang nilikha ang naaangkop na tawaging tao—at kung hindi nila magagawang mahalin ang Diyos at suklian ang Kanyang pagmamahal, hindi sila angkop na tawaging tao. Nararamdaman nilang ang pamumuhay para sa sarili ay hungkag at walang kabuluhan, na dapat mabuhay ang mga tao upang palugurin ang Diyos, gampanan ang kanilang tungkulin nang maayos, at mamuhay nang makabuluhan, upang kapag oras na para mamatay sila, makukuntento sila at hindi magkakaroon ng kahit katiting na panghihinayang, at na hindi sila nabuhay nang walang saysay. Sa pagkukumpara sa dalawang magkaibang sitwasyong ito, nakikita ng isang tao na ang huli ay sa mga tao na nagbago na ang mga disposisyon. Kapag nagbago na ang buhay disposisyon ng isang tao, tiyak na nagbago na rin ang kanyang pananaw sa buhay. Ngayong mayroon nang ibang mga pinahahalagahan, hindi na siya muling mamumuhay para sa sarili niya, at hindi na muling maniniwala sa Diyos para sa layuning magkamit ng mga pagpapala. Masasabi ng taong iyon na, “Sulit ang makilala ang Diyos. Kung mamatay ako pagkatapos kong makilala ang Diyos, napakaganda niyon! Kung makikilala ko ang Diyos at makakapagpasakop sa Diyos, at magagawa kong mamuhay nang makabuluhan, hindi ako mamumuhay nang walang saysay, ni hindi ako mamamatay nang may anumang panghihinayang; hindi ako magrereklamo.” Nagbago na ang pananaw sa buhay ng taong ito. Ang pangunahing dahilan ng pagbabago sa buhay disposisyon ng isang tao ay dahil taglay niya ang katotohanang realidad, nakamit na niya ang katotohanan, at may kaalaman na siya sa Diyos; samakatuwid ay nagbago ang pananaw ng isang tao sa buhay, at iba na ang kanyang mga pinahahalagahan kaysa dati. Ang pagbabago ay nagsisimula sa loob ng puso ng isang tao, at mula sa loob ng buhay ng isang tao; tiyak na hindi ito isang panlabas na pagbabago. Ang ilan sa mga bagong mananampalataya, kapag nagsimula na silang maniwala sa Diyos, ay tinatalikuran ang sekular na mundo. Kapag nakakatagpo sila kalaunan ng mga walang pananampalataya, walang gaanong masabi ang mga mananampalatayang ito, at bihira silang makipag-ugnayan sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan na walang pananampalataya. Sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Nagbago na ang taong ito.” Pagkatapos ay iniisip ng mga mananampalataya, “Nagbago na ang buhay disposisyon ko; sinasabi ng mga walang pananampalatayang ito na nagbago na ako.” Totoo bang nagbago na ang disposisyon ng taong iyon? Hindi pa. Ang ipinamamalas niya ay panlabas na mga pagbabago lamang. Wala pang tunay na pagbabago sa buhay niya, at ang kanyang satanikong kalikasan ay patuloy na nakaugat sa kanyang puso, ganap na hindi nagagalaw. Kung minsan, masiglang-masigla ang mga tao dahil sa gawain ng Banal na Espiritu; maaaring magkaroon ng ilang panlabas na pagbabago, at maaari silang gumawa ng ilang mabubuting gawa. Gayunman, hindi ito kapareho ng pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon. Kung hindi mo taglay ang katotohanan at hindi pa nagbabago ang iyong pananaw sa mga bagay-bagay, hanggang sa punto na hindi ka kaiba sa mga walang pananampalataya, at hindi rin nagbago ang iyong pananaw sa buhay at ang iyong mga pinahahalagahan, at kung wala ka man lamang may-takot-sa-Diyos na puso—na siyang nararapat mo man lang taglayin—napakalayo mo pa sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon. Upang magkaroon ng pagbabago sa disposisyon, ang pinakasusi ay dapat mong hangaring maunawaan ang Diyos at magkaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa Kanya. Gawin nating halimbawa si Pedro. Nang nais ng Diyos na ibigay siya kay Satanas, sinabi niya, “Kahit ibigay Mo ako kay Satanas, Ikaw pa rin ang Diyos. Ikaw ang makapangyarihan sa lahat, at ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay Mo. Paanong hindi Kita pupurihin para sa mga bagay na ginagawa Mo? Ngunit kung makikilala Kita bago ako mamatay, hindi ba’t mas maganda iyon?” Naramdaman niya na sa buhay ng mga tao, ang pinakaimportante ay ang makilala ang Diyos; pagkatapos na makilala ang Diyos, anumang uri ng kamatayan ay mabuti, at anumang paraan ng pangangasiwa ng Diyos dito ay mabuti. Naramdaman niya na ang pinakakritikal na bagay ay ang makilala ang Diyos; kung hindi niya nakamtan ang katotohanan, hinding-hindi siya masisiyahan, ngunit hindi rin siya magrereklamo laban sa Diyos. Kapopootan lang niya ang katunayan na hindi niya hinangad ang katotohanan. Dahil sa espiritu ni Pedro, ang marubdob niyang paghahangad upang makilala ang Diyos ay nagpapakita na ang kanyang pananaw ukol sa buhay at mga pinahahalagahan ay nagbago. Ang malalim niyang pag-aasam na makilala ang Diyos ay nagpapatunay na tunay na nakilala niya ang Diyos. Kaya, mula sa pahayag na ito, makikita na nagbago ang kanyang disposisyon; siya ay isang taong nagbago ang disposisyon. Sa pinakadulo ng kanyang karanasan, sinabi ng Diyos na siya ang pinakanakakakilala sa Diyos; siya ang tunay na nagmamahal sa Diyos. Kung wala ang katotohanan, ang buhay disposisyon ng isang tao ay hindi kailanman tunay na magbabago. Kung kaya mong tunay na hangarin ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad, saka mo lamang maisasakatuparan ang pagbabago sa iyong buhay disposisyon.

Sinundan: Mga Salita sa Pagkilala sa Sarili

Sumunod: Mga Salita sa Kung Paano Danasin ang mga Pagkabigo, Pagbagsak, Pagsubok, at Pagpipino

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito