25. Paano Dapat Pahalagahan ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin

Ni Zheng Ye, South Korea

Bago pa lang akong mananampalataya noon, napansin kong madalas magbahagian ang mga kapatid na pinuno tungkol sa katotohanan, at ang ilan ay may tungkuling nangangailangan ng kasanayan, tulad ng paggawa ng video, o pagkanta at pagsayaw. Hanga ako sa kanila at gusto kong ganoon din ang tungkulin ko. Iyon namang pagiging punong-abala o pag-aasikaso ng mga gawain sa simbahan ay hindi gaanong maipagmamalaki at hindi kailangan ng husay, kaya hindi sila makikilala diyan. Inisip ko na, balang araw, gusto ko ng tungkulin kung saan magmumukha akong magaling. Pagkaraan ng dalawang taon, binigyan ako ng tungkulin ng pag-eedit ng mga dokumento. Ang saya ko, lalo na kapag nasa simbahan ako at gumagabay sa gawain ng pag-eedit, magiliw sa akin ang mga kapatid at hanga sa akin. Tuwang-tuwa ako sa sarili ko, at pakiramdam ko mas maraming hanga sa tungkulin ko kaysa sa iba. Noong 2018, ipinadala ako sa ibang lugar dahil sa tungkulin. Nalaman ng isang kapatid doon ang tungkulin ko, kinausap niya ako tungkol doon. Natuwa ako sa klase ng pagtrato niya sa akin, isang karangalan talaga ang tungkuling iyon.

Noong panahong iyon, puro lang ako yabang at paghanga sa sarili. Gusto kong makilala at makinabang sa tungkulin ko at hindi ito sineryoso. Tinanggal ako dalawang buwan kalaunan dahil wala akong anumang nagawa. Ikinasama iyon ng loob ko at naging negatibo ako, kaya kinausap ako ng pinuno tungkol sa kalooban ng Diyos at sinabi, “Kailangan ng bahay ng Diyos ng mga stagehand para sa ating mga pelikula. Kakayanin mo iyan. Anuman ang tungkulin mo, dapat mong hanapin ang katotohanan at gampanang mabuti ang tungkulin mo.” Tama. Hindi ko alam ang kailangang gawin sa tungkuling iyon, pero naisip ko na sumunod na lang, dahil iyon ang isinaayos ng pinuno. Noong matagal-tagal na ako sa pagiging stagehand napagtanto ko na mahirap palang pisikal na trabaho iyon, lipat nang lipat ng mga props kung saan-saan. Hindi kailangan ng talino at kasanayan. Paulit-ulit na trabaho lang. Naisip ko, “Dati, sa pag-eedit ko kailangan kong gamitin ang utak ko. May dignidad at kagalang-galang. Dito naglilipat lang ako ng mga props. Marumi at nakakapagod. Bababa kaya ang tingin sa akin ng mga kapatid?” Nadismaya ako nang naisip ko ito at parang ayoko nang gawin ang tungkuling ito. Mula noon, wala na akong ganang magtrabaho, at iniwasan ito hangga’t makakaya ko. Kung minsan kapag kulang kami ng props at kailangang humiram sa isang kapatid, iuutos ko ito sa iba, baka kung ako ang gagawa niyon, malalaman ng mga kapatid na nakakakilala sa akin na tinanggal ako sa dati kong tungkulin, at ngayo’y isa na lang hamak na tagabuhat ng props. Ano na lang ang iisipin nila sa akin? Ayoko ring paghusayan ang trabaho ko, baka kapag mas marami akong alam, iyan na lang ang maging tungkulin ko habangbuhay, at hindi na ako sisikat kailanman. Kung minsan kapag nasa set kami, inuutusan ako ng direktor na mag-ayos ng props. Talagang asiwa ako kapag ganito, kahihiyan ito para sa akin. Naisip ko na noong tagapag-edit pa ako, iginalang ako ng iba at sinusunod ang sinasabi ko, pero ngayon ako na ang inuutusan. Bumaba ang katayuan ko. Isang araw, pinakuha ako ng dayami ng isang kapatid para sa set. Ayoko talagang gawin iyon. Inisip ko, “Kahiya-kahiya kapag ginawa ko iyon. Kung makikita ako ng mga kapatid, tiyak iisipin nilang wala na akong mararating, dahil bata pa lang iyon na ang ginagawa ko.” Pero dahil tungkulin kong gawin iyon, hinintay ko muna na walang tao at inihanda ang sarili ko na gawin iyon. Nakita kong papalapit ang isang kapatid habang namumulot ako ng dayami. Nakasuot siya ng sapatos na balat at puting medyas—at malinis ang itsura samantalang ako, madumi mula ulo hanggang paa. Bigla akong nalungkot, iniisip na, “Magkaedad lang kami, pero maganda at malinis ang tungkulin niya, samantalang ako madumi ang trabaho, nagpupulot ng dayami. Ang laki ng pagkakaiba! Nakakahiya! Babalik ako at sasabihin ko sa pinuno na ayoko na ng tungkuling ito, at hihilingin sa kanya na bigyan ako ng ibang tungkulin.”

Nang nakabalik na ako, nagtalo ang isip ko, iniisip kung dapat ba akong magsabi sa pinuno. Kung hindi ako magsasabi, dapat ituloy ko ang tungkuling iyon, pero kung magsasalita ako at sasabihing ayokong gawin iyon, pagtalikod iyon sa tungkulin. Nang maisip ko ito, nagtimpi ako at walang sinabi. Hindi nagtagal matapos iyon, pinlano ng pinuno na magkasamang dumalo ang mga stagehand at mga artista sa mga pagtitipon. Hindi ko ikinatuwa iyon. Makapagpapasikat sila roon at magiging sentro ng atensyon habang nagpapakapagod ako. Hindi kami magkapantay. Hindi ba’t mas ipapakita nito ang kababaan ng katayuan ko? Aktibong sumali sa pagbabahagi ang lahat, pero ayokong magbahagi ng kahit ano. Sa mga pagtitipong kasama ang mga artista, pakiramdam ko lalo ko lang pinapaganda ang tingin sa kanila. Nakakasama ng loob. Habang tumatagal, lalong nagdilim ang aking espiritu at ayoko nang dumalo sa mga pagtitipon. Madalas kong gunitain ang panahong nag-eedit pa ako, noong masaya akong binabati ng mga kapatid at pinahahalagahan ng pinuno. Mula nang matanggal ako sa tungkuling iyon, kung anu-ano na lang ang trabaho ko, at wala nang humanga sa akin. Matamlay ako at miserable, at lalo pang bumaba ang tingin sa sarili at umiwas sa tao. Lagi na lang akong malungkot, at parang hindi na kilala ang sarili ko. Ang laki agad ng ipinayat ko. Isang gabi, habang mag-isang naglalakad, hindi ko na makayanan ang sobrang lungkot na nadama ko. Umiiyak akong nagdasal sa Diyos. “O Diyos ko! Dati ay determinado akong hanapin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko upang malugod Ka, pero ngayon hindi na ako makapagpasikat sa tungkulin ko. Pakiramdam ko ay mas magaling sa akin ang iba. Napakanegatibo at mahina ko, at ramdam ko na malapit na akong magkanulo sa Iyo anumang oras. Diyos ko, ayokong patuloy na maging negatibo, pero hindi ko alam ang gagawin. Gabayan Mo po ako para maalis sa kalagayang ito.”

Matapos iyan, binasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa tiyakang pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawaing pamamahala ng Diyos, umuusbong ang sari-saring gawain na dapat isagawa, at kinakailangan ng mga ito na magtulungan ang mga tao at tapusin ang mga ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsibilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsibilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan(“Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Anuman ang tungkulin mo, huwag kang mamili kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mo, ‘Bagama’t ang gawaing ito ay isang tagubilin mula sa Diyos at ang gawain ng bahay ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay may gawain na tinutulutan silang mamukod-tangi. Paanong matatawag na isang tungkulin ang gawaing ito na ibinigay sa akin, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi ngunit pinapagugol ako ng sarili ko nang hindi nakikita? Isa itong tungkulin na hindi ko matatanggap; hindi ito ang tungkulin ko. Ang tungkulin ko ay dapat akong mamukod-tangi sa iba at tinutulutan akong magkapangalan—at kahit na hindi ako magkapangalan o mamukod-tangi, dapat pa rin akong makinabang dito at maging pisikal na maginhawa.’ Ito ba ay katanggap-tanggap na pag-uugali? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa kung ano ang nanggagaling sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin. Sa sandaling subukan mong mamili, wala ka nang kakayahang tunay na tumanggap. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais; kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang pag-uugali mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop. Ito ang pag-uugali sa tungkulin: Una, hindi mo ito maaaring suriin, o isipin kung sino ang nagtalaga nito sa iyo; sa halip, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos, bilang ang tungkulin mo at kung ano ang dapat mong gawin. Ikalawa, huwag kang mamili kung ano ang mataas at mababa, at huwag mong abalahin ang sarili mo tungkol sa kalikasan nito—kung ito man ay ginagawa sa harap ng mga tao o nang hindi nila nakikita, kung ito man ay tinutulutan kang mamukod-tangi o hindi. Huwag mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Ang mga ito ang dalawang katangian ng pag-uugali na dapat taglayin ng mga tao pagdating sa paggawa ng kanilang tungkulin(“Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita nito sa akin na mali ang pananaw at saloobin ko sa aking tungkulin. Hinihingi ng Diyos na gampanan natin ang ating tungkulin, at dapat lang naman. Hindi tayo dapat mapamili sa bagay na iyan. Pero ipinilit ko ang gusto ko, ang gusto ko lang ay tungkulin na hinahangaan at nirerespeto. Inayawan ko ang lahat ng tungkulin na hindi nakikita o kapansin-pansin. Hindi ako sumunod sa panuntunan at pagsasaayos ng Diyos. Naging pabaya ako, negatibo at ayaw magtrabaho, at hindi umayon sa gusto ng Diyos. Inalala ko noong bago pa lang ako sa pananampalataya. Nainggit ako sa mga pinuno, at mga kapatid na nagtatanghal. Akala ko ang mga tungkuling iyon ang pinakaimportante at hinahangaan ng iba, at ang mga gumagawa ng trabahong hindi gaaanong napapansin ay walang alam. Mababa ang tingin ng mga tao sa ganoong tungkulin, naisip ko. Dahil maling mag-isip, nilagyan ko ng kategorya ang mga tungkulin, kaya nang naging stagehand ako inisip ko na walang kwentang trabaho iyon at makakasira sa reputasyon at imahe ko. Ayoko talagang tanggapin iyon at ayokong gawin. Hindi ako naging responsable sa tungkulin ko at ayokong matutuhan ang mga dapat kong matutuhan. Inisip ko pa na sukuan na ito at ipagkanulo ang Diyos. Nakita ko na puro personal na gusto ko lang ang inisip ko at kayabangan at karangalan lamang ang inisip ko, at sariling interes Lubusan akong sumuway, hindi isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos o ginampanang mabuti ang aking tungkulin. Kahiya-hiya at kasuklam-suklam ako sa Diyos! Nang mapagtanto ko ito ay nabalisa ako at nagsisi.

Binasa ko kalaunan ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang mga tao ay mga nilikhang nilalang. Ano ang mga papel ng mga nilikhang nilalang? Dito pumapasok ang mga pagsasagawa at mga tungkulin ng mga tao. Isa kang nilikhang nilalang; naigawad sa iyo ng Diyos ang talento sa pag-awit. Kapag ginagamit ka Niya upang umawit, anong dapat mong gawin? Dapat mong tanggapin ang gawaing ito na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos at umawit nang maayos. Kapag ginagamit ka ng Diyos upang ipalaganap ang ebanghelyo, nagiging ano ka bilang isang nilikhang nilalang? Nagiging ebanghelista ka. Kapag kailangan ka Niyang mamuno, dapat mong tanggapin ang tagubiling ito; kung kaya mong tuparin ang tungkuling ito alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, magiging isa na naman itong papel na ginagampanan mo. Hindi nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan ni hinahanap ito; kaya lang nilang magsikap. Kaya, ano ang papel ng mga nilikhang nilalang na iyon? Ito ay ang magsikap at magsilbi(“Sa Paghahanap Lamang ng Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Mula sa mga salita ng Diyos, natutuhan ko na anumang tungkulin ang ginagawa ng isang tao sa bahay ng Diyos, kapansin-pansin man o hindi, iba-iba lang ang pangalan at gawain, pero pareho lang na personal na responsibilidad ito. Hindi nagbabago ang likas na pagkakakilanlan at diwa ng tao—mananatili silang mga nilalang. Nilalang ako noong may tungkuling pag-eedit, at nilalang rin ako sa tungkulin ng stagehand. Walang herarkiya sa mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at isinaayos lahat batay sa pangangailangan ng gawain ng iglesia, at ayon sa tayog ng bawat indibiduwal, kakayahan, at mga kalakasan. Anuman ang tungkulin nila, ang nais ng Diyos ay taos-puso nating gawin ang ating tungkulin, na hindi tayo matitinag sa ating paghahanap ng katotohanan, nilulutas ang ating tiwaling disposisyon at ginagawa ang ating tungkulin. Ayon sa mga salita ng Diyos, “Hindi magkapareho ang mga tungkulin. May isang katawan. Bawat isa’y ginagawa ang kanyang tungkulin, bawat isa’y nasa kanyang lugar at ginagawa ang kanyang buong makakaya—para sa bawat siklab may isang kislap ng liwanag—at naghahangad na lumago sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). Isinaayos ng pinuno ng simbahan na gawin akong stagehand dahil iyon ang kailangan sa gawaing iyon at hindi ako dapat maging mapamili at ipilit ang gusto ko kundi dapat akong sumunod sa panuntunan at pagsasaayos ng Diyos. Dapat kong ihanda ang props na kailangan sa mga programa at gawin ang papel ko sa bawat produksyon na sumasaksi sa Diyos. Iyan ang gawain ko. Nabago ang pananaw ko matapos maunawaan ang kalooban ng Diyos at inalis ang matagal nang nagpapabigat sa kaloobaan ko. Naitama ko rin ang pagtingin ko sa aking tungkulin. Mula noon, masigasig akong naghanap ng mga materyal at reperensya para humusay sa tungkulin, at sa mga pagtitipon kasama ang mga artista, hindi ko na pinagkukumpara ang mga tungkulin namin, sa halip ipinagtapat ko na naging mapaghimagsik ako at tiwali. Ibinahagi ko ang lahat ng naunawaan ko. Matapos iyon, minsan takot pa rin akong baka maliitin ako, at napagtanto kong pinagkumpara ko na naman ang mga tungkulin, kaya kaagad akong nagdasal at iwinaksi ang maling pag-iisip ko, nagpokus sa tungkulin, at inuna ang pagpapalugod sa Diyos. Napanatag at naginhawahan ako matapos isagawa ito nang ilang panahon. Hindi ko na minaliit ang pagtatrabaho sa set at paglilipat-lipat ng props. Sa halip nadama kong pinagkatiwalaan ako ng Diyos ng responsibilidad. Ikinarangal at ipinagmalaki kong gampanan ang tungkuling ito, at gawin ang bahagi ko sa mga pelikulang pinoprodyus sa bahay ng Diyos.

Akala ko ay nagtamo ako ng tayog matapos mailantad sa gayong paraan, na masusunod ko ang pagsasaayos ng Diyos sa aking tungkulin at hindi na ako magiging negatibo at mapaghimagsik kahit pangkaraniwan lang ang tungkulin ko. Pero nang naharap ako sa sitwasyong hindi ko gusto, bumalik na naman ang dating problema.

Makalipas ang ilang buwan, sa panahon na abala ang mga magsasaka, may ilang kapatid na nagpalaganap ng ebanghelyo at hindi agad makabalik para sa anihan. Tinanong ng pinuno kung maaari ko ba silang tulungan sa gawain sa bukid. Naisip ko, “Mapapanatag ang isip ng mga kapatid kaya makakapokus sila sa gawain ng ebanghelyo, at kapaki-pakinabang ito sa gawain ng bahay ng Diyos. Tatanggapin ko ito.” Pero nang nagpunta ako sa bukid, nakita kong nasa edad 40s o 50s ang mga kapatid na lalaking naroon. Wala ni isa mang nasa edad 20s, katulad ko. Hindi ako natuwa. Maya-maya, lumapit ang isang kapatid at gulat na nagtanong, “Kapatid, paano ka pa nagkakaroon ng oras na gumawa sa bukid? Hindi ka na ba nag-eedit?” Nag-init agad ang mukha ko, at mabilis kong isinagot, “Tumutulong lang ako pansamantala.” Pagkaalis niya, naisip ko, “Ano ang iisipin niya sa akin? Iisipin ba niya na kaya ginagawa ko ang trabahong ito sa edad kong ito ay dahil wala akong kakayahan o talento, at narito lang ako dahil hindi ko kaya ang importanteng tungkulin? Sobrang pagbaba na iyan!” Lalo akong naawa sa sarili ko. Kahit nagtatrabaho ako, nakatuon ang isip ko sa iniisip sa akin ng mga kapatid na naroon, at kung mamaliitin ba nila ako. Tinapos ko na lang ang trabaho. Pag-uwi ko, nakita ko na gumagawa ng tungkulin nila ang ilang kapatid gamit ang computer, at bigla kong nadama na mas mababa ako. Inisip ko, “Mas maganda ang tungkulin ng iba kaysa akin. Bakit kailangan kong magpakahirap sa bukid? Anupaman iyan, nakapag-aral naman ako sa kolehiyo, at masipag akong mag-aral. Hindi ba sapat iyan para hindi ako pagawain nang maghapon sa bukid? Hindi ako pupunta bukas.” Alam kong maling mag-isip nang ganoon, pero parang naaagrabyado ako, kapag nagtarabaho ako sa bukid, sayang ang talento ko at insulto iyon sa akin. Lalo akong nabalisa, kaya nagdasal ako sa Diyos. “Diyos ko, para sa akin po ang pagtatrabaho sa bukid ay mababang tungkulin na mamaliitin ng iba. Ayoko nang gawin iyon. Alam kong mali pong isipin iyon, pero hindi ko mapigilan. Talagang miserable na ako. Gabayan nawa ako para maunawaan ko ang Inyong kalooban at sumunod.”

Matapos magdasal, binasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ano ang tunay na pagsuko? Tuwing gumagawa ang Diyos ng isang bagay na umaayon sa gusto mo, at pakiramdam mo ay kasiya-siya at maayos ang lahat, at natulutan kang mamukod-tangi, nararamdaman mong ito ay napakamaluwalhati, at sinasabi mong ‘salamat sa Diyos’ at nakakaya mong magpasakop sa Kanyang pagsasaayos at mga plano. Gayunman, tuwing itinatalaga ka sa isang lugar na hindi kapansin-pansin kung saan hindi mo kailanman nagagawang mamukod-tangi, at kung saan walang kumikilala sa iyo kailanman, hindi ka na masaya at nahihirapan ka nang magpasakop. … Kadalasan ay madaling sumuko kapag umaayon sa iyo ang mga sitwasyon. Kung kaya mo ring sumuko sa mahihirap na sitwasyon—kapag hindi umaayon sa gusto mo ang mga bagay-bagay at nasasaktan ka, nanghihina, nahihirapan ang katawan mo at nasisira ang iyong reputasyon, hindi nabibigyang-kasiyahan ang iyong kahambugan at kayabangan, at nahihirapan kang mag-isip—mayroon ka na talagang tayog. Hindi ba ito ang mithiing dapat mong pagsikapang matamo? Kung mayroon kayong ganitong pagnanais, ganitong mithiin, may pag-asa pa(Pagbabahagi ng Diyos).

Nahiya ako nang pagnilayan ko ang mga salita ng Diyos. Inilantad nito ang kalagayan ko nang eksakto. Nang naisip ko na makakapagpakitang-gilas ako sa pagsusulat, tuwang-tuwa kong tinaggap ito, at masigla kong ginawa ang tungkulin ko. Pero nang patulungin ako sa bukid, at naapektuhan ang pagiging mapagmataas ko, nainis ako at ayokong gawin iyon. Lalo na nang makita ko ang ibang mga kapatid na gumagamit ng computer, pakiramdam ko hindi ako kasinggaling nila. Nabagabag ako, iniisip na dahil may pinag-aralan ako, dapat may dignidad ang tungkulin ko kung saan kailangan ang kasanayan. Tumutol ako at nagreklamo, at ayoko nang magtrabaho sa bukid. Sa tungkulin ko, hindi ko inisip ang kapaki-pakinabang sa bahay ng Diyos, ni ang kalooban Niya. Bagkus, ang pagiging mapagmataas ko lang ang inisip ko. Makasarili at kakutya-kutya ako. Hindi ko nakikita ang sarili ko bilang kaanib ng bahay ng Diyos. Ang tapat na mananampalataya na maunawain sa kalooban ng Diyos ay responsable sa kanilang tungkulin, tumutulong sa tuwing kailanganin sila, kahit mahirap, nakakapagod, o nakokompromiso ang kanilang reputasyon at interes. Basta makakabuti sa gawain ng simbahan, magkukusa silang gawin iyon nang mahusay. Ang mga taong iyon lang ang may katauhan, sumusuporta sa bahay ng Diyos. Naisip ko ang ginawa ko nitong anihan sa taglagas. Kailangan ng ilang kapatid ng tulong, at marami namang pwedeng gumawa nito, kaya bakit sa akin ibinigay ng Diyos ang tungkulin na ito? Hindi dahil nakadagdag ako sa halaga ng gawaing iyon. Kundi inilalantad ng Diyos ang saloobin ko sa aking tungkulin sa pagpapagawa sa akin ng marumi, nakakapagod na trabaho para makita ko ang katiwalian at karumihan ko habang ginagawa ang tungkuling iyon, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan upang lutasin ang aking tiwaling disposisyon. Pero hindi ko naunawaan ang mabuting intensyon ng Diyos. Mapili pa rin ako sa tungkulin at laging may sariling gusto at hinihingi. Hindi ako makasunod sa pagsasaayos ng Diyos, kundi naghimagsik at tumutol ako sa Diyos. Sinaktan ko Siya! Naunawaan ko na ang kalooban ng Diyos ay ilantad at linisin ang aking tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng sitwasyong iyon, at ituwid ang saloobin ko sa aking tungkulin. Ito ang pagmamahal ng Diyos. Hindi mahalaga kung marumi, nakakapagod, o hindi kahanga-hanga ang trabaho ko. Basta kapaki-pakinabang ito sa gawain ng simbahan, dapat tanggapin ko ito nang walang kundisyon, at paghusayan ito. Ganyan ang taong may konsensiya at makatwiran. Nang naunawaan ko ito, unti-unti akong napanatag.

Kalaunan, hindi ko mapigilang magmuni-muni: Bakit tumutol at nainis ako nang pagawain ng pangkaraniwang tungkulin? Bakit hindi ko matanggap ito at makapagpasakop? Sa pagsasaliksik ko, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng edukasyon at impluwensiya ng mga pambansang pamahalaan at ng mga sikat at dakila. Ang kanilang mga malademonyong salita ay naging buhay kalikasan na ng tao. Ang ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ ay isang sikat na satanikong kasabihan na naikintal na sa lahat at iyan ay naging buhay na ng tao. May iba pang salita ng pilosopiya para sa pamumuhay na katulad rin nito. Ginagamit ni Satanas ang mainam na tradisyunal na kultura ng bawa’t bayan para turuan ang mga tao, nagsasanhi sa sangkatauhan na mahulog at masadlak sa isang walang-hanggang bangin ng pagkawasak, at sa huli ay winawasak ng Diyos ang tao dahil naglilingkod sila kay Satanas at nilalabanan ang Diyos. … Marami pa ring satanikong lason sa buhay ng mga tao, sa kanilang pag-uugali at asal; halos wala man lamang silang taglay na katotohanan. Halimbawa, ang mga pilosopiya nila sa pamumuhay, ang kanilang mga paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kanilang mga kasabihan ay pawang puno ng mga lason ng malaking pulang dragon, at lahat ng ito ay galing kay Satanas. Kaya, lahat ng dumadaloy sa mga buto at dugo ng mga tao ay pawang kay Satanas(“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Natulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na kaya masuwayin at mapamili ako sa tungkulin ay dahil naindoktrinahan at ginawa akong tiwali ng mga lason ni Satanas tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Yaong mga nagpapagal sa kanilang isipan ay namamahala sa iba, at yaong mga nagpapagal sa kanilang mga kamay ay pinamamahalaan ng iba,” at “Tanging ang pinakamatalino sa itaas at pinakabobo sa ibaba ang hindi maaaring magbago,” at dahil gusto kong mamukod-tangi, maging mas magaling sa iba. Naalala ko noong nag-aaral pa ako. Laging sinasabi sa akin ng mga guro at mga magulang ko na magsipag para makapasok sa magandang unibersidad at hindi maging magsasaka, na iyon lang ang paraan para umasenso. Kaya nag-aral ako nang mabuti mula pa noong bata, umaasa na makakapagtapos ako at makakahanap ng kagalang-galang na trabaho bilang tagapangasiwa o tagapamahala—trabaho na hahangaan at titingalain ng iba. Kahit mananampalataya na ako, inuri ko pa rin ang mga tungkulin sa bahay ng Diyos na parang di-mananampalataya, kung mataas o mababa ito. Akala ko kapag pinuno ka o kailangan ng husay sa tungkulin mo ay kagalang-galang ka na, at pahahalagahan ng mga kapatid ang gayong mga tungkulin, samantalang ang hindi kapansin-pansin na tungkulin ay mababang uri at mamaliitin. Nakita ko na naging likas ko ang mga lason ni Satanas, at nanaig sa isipan ko, inudyukan akong maghangad ng pangalan at katayuan, gustuhing laging ituring na espesyal. Kapag may nagbabanta sa aking reputasyon at katayuan, negatibo at tutol ako. Hindi ko matanggap ang kalagayan ko at magawa ang tungkulin bilang nilalang. Wala akong konsiyensya at katinuan. Alam ko na kung patuloy akong mamumuhay sa panlalasong ito, hindi naghahanap ng katotohanan, at hindi ginagawa ang tungkulin ko, hindi ako magtatamo ng katotohanan at buhay, at kayayamutan ang Diyos at matatanggal. Matapos mapagtanto ito, nagpasiya akong talikdan ang aking laman at bigyang-lugod ang Diyos. Ayoko nang mamuhay sa lason ni Satanas. Nagpunta akong muli sa bukid kinabukasan upang magtrabaho.

May nabasa akong mga salita mula sa Diyos. “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). “Sa huli, kung kaya man o hindi ng mga tao na matamo ang kaligtasan ay hindi nakabatay sa kung anong tungkulin ang tinutupad nila, kundi sa kung naunawaan at natamo na nila ang katotohanan, at kung kaya nila o hindi na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos at maging isang tunay na nilikhang nilalang. Matuwid ang Diyos, at ito ang prinsipyo na ginagamit Niya upang sukatin ang buong sangkatauhan. Hindi mababago ang prinsipyong ito, at kailangan mo itong tandaan. Huwag mong isipin na maghanap ng iba pang landas, o hanapin ang ilang bagay na hindi totoo. Ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa lahat ng nakatatanggap ng kaligtasan ay hindi nagbabago magpakailanman; nananatiling pareho ang mga iyon maging sino ka man(“Ang Dapat na Saloobin ng Tao Patungkol sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nakita ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa Kanyang mga salita. Hindi ipinapasiya ng Diyos ang kalalabasan ng tao batay sa tungkuling ginagawa nila, kung gaano karami ang nagawa nila, o gaano karami ang naiambag nila. Tinitingnan Niya kung sumusunod ba sila sa Kanyang panuntunan at tumutupad sa tungkulin, at kung natamo ba nila ang katotohanan at binago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kung hindi ko hahanapin ang katotohanan sa aking pananampalataya, gaano man kahanga-hanga ang tungkulin ko sa tingin ng iba, hindi ko matatamo ang katotohanan, lalo pa ang pagsang-ayon ng Diyos at Kanyang ganap na pagliligtas. Naisip ko ang anticristo na itiniwalag ng simbahan natin. Gumanap siya sa ilang mahalagang tungkulin at naglingkod bilang pinuno, at mataas ang tingin sa kanya ng ilang bagong kaanib. Pero hindi niya hinanap ang katotohanan o pagbabago ng disposisyon sa kanyang tungkulin, sa halip ay naghangad siyang magkapangalan at katayuan at naging anticristo. Gumawa siya ng kasamaan at ginambala ang gawain ng bahay ng Diyos. Kaya siya tinanggal kalaunan. Nakita ko rin na may mga kapatid na pangkaraniwan lang ang mga tungkulin, walang anumang espesyal, pero tahimik lang silang gumagawa nang walang anumang reklamo. Kapag nagkakaproblema sila, hinahanap nila ang katotohanan at kalooban ng Diyos. Taglay nila ang kaliwanagan at gabay ng Banal na Espiritu sa kanilang mga tungkulin na pinagbuti nila. Mas isinakabuhayan ang pagiging kawangis ng tao. Ipinakita nito sa akin na sa pananampalataya, ang pagtatamo ng katotohanan ay walang kinalaman sa tungkulin. Anuman ang tungkulin ng isang tao, ang paghahanap ng katotohanan at pagbabago ng disposisyon ang susi. Iyan lang ang landas na dapat tahakin. Ngayon, gawin man akong stagehand o magsasaka ng pinuno, iyan ang panuntunan at pagsasaayos ng Diyos, at kailangan ko sa pagpasok sa buhay. Dapat kong tanggapin at sundin ito. Sa aking tungkulin, kailangan kong hanapin ang katotohanan, isagawa ang mga salita ng Diyos, at kumilos nang ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Iyan lang ang nakaayon sa kalooban ng Diyos. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito naging malaya ako. Hindi nagtagal binigyan ako ng pinuno ng pangkaraniwang tungkulin, na tahimik kong tinanggap. Tumulong pa ako sa mga kapatid sa gawaing-bahay sa libreng oras ko. Noong nagsagawa ako sa gayong paraan tumutulong man ako sa paglilinis, pagtatanim ng puno, o paghuhukay ng kanal, may aral na laging matututuhan. Naging patas sa akin ang Diyos kahit mahirap na pisikal ang trabaho ko. Hangga’t isinasapuso ko ito, hinahangad ang katotohanan, at isinasagawa ang mga salita ng Diyos, may aanihin ako sa anumang bagay.

Matapos kong maranasan ito napagtanto ko na anuman ang tungkulin ko, iyon ang isinaayos ng Diyos, at iyon ang kailangan ko para sa pagpasok sa buhay. Dapat na lagi ko itong tanggapin at sundin, gampanan ang aking tungkulin at responsibilidad, at hanapin ang katotohanan at pagbabago ng disposisyon sa buong prosesong ito. Kahit lagi akong nagkukumpara ng mga tungkulin noon, at tinutulan ang tungkuling hindi ko gusto, naghimagsik at sumalungat sa Diyos, hindi pa rin Niya ako tinrato batay sa aking mga paglabag. Sa halip, ginabayan Niya ako nang unti-unti sa Kanyang mga salita, tinulutan akong maunawaan ang katotohanan at alamin ang mga responsibilidad at misyon ng isang nilalang. Itinuwid Niya ang aking maling pananaw upang magawa ko nang tama ang aking tungkulin at simulang sundin Siya. Ito ang pagmamahal ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 24. Mga Gantimpala ng Pagganap sa Tungkulin

Sumunod: 26. Paano Tingnan ang Iyong Tungkulin

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito