7. Pinatototohanan mo na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay naglalaman ng mga bagong salita ng Diyos, ngunit malinaw na isinasaad ng Aklat ng Pahayag, “Aking sinasaksihan sa bawa’t taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito” (Pahayag 22:18). Hindi ba ito pagdaragdag sa Biblia?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi Siya magsasalita ng mula sa Kaniyang sarili; kundi ang anumang bagay na Kaniyang marinig, ang mga ito ang Kaniyang sasalitain: at Kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).
“Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia; Ang magtagumpay ay bibigyan Ko ng manang natatago” (Pahayag 2:17).
“At nakita ko sa kanang kamay Niyang nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong tatak. At nakakita ako ng isang malakas na anghel na nagtatanyag ng malakas na tinig, ‘Sinong karapat-dapat magbukas ng aklat, at magtanggal ng mga tatak nito? At sinuman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ay hindi makapagbukas ng aklat, o makatingin man.’ At ako’y umiyak na mainam, sapagka’t hindi nakasumpong ng sinumang marapat magbukas ng aklat, o makatingin man: At sinabi sa akin ng isa sa matatanda, ‘Huwag kang umiyak; narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito’” (Pahayag 5:1–5).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang mga naitala sa Biblia ay limitado; hindi nito kayang kumatawan sa kabuuan ng gawain ng Diyos. Ang Apat na Ebanghelyo sa kabuuan ay wala pang isang daang kabanata, kung saan nakasulat ang takdang bilang ng mga pangyayari, tulad ng pagsumpa ni Jesus sa puno ng igos, tatlong pagtatwa ni Pedro sa Panginoon, pagpapakita ni Jesus sa mga alagad kasunod ng Kanyang pagkapako sa krus at muling pagkabuhay, pagtuturo tungkol sa pag-aayuno, pagtuturo tungkol sa panalangin, pagtuturo tungkol sa diborsiyo, ang kapanganakan at talaangkanan ni Jesus, ang paghirang ni Jesus sa mga alagad, at iba pa. Subalit, pinahahalagahan ang mga ito ng tao bilang mga kayamanan, at ikinukumpara pa sa mga ito ang gawain sa ngayon. Naniniwala pa nga sila na gumawa lamang nang gayon karami si Jesus sa Kanyang buhay, na para bang gayon lamang karami ang kayang gawin ng Diyos at wala nang iba pa. Hindi ba ito katawa-tawa?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1
Kung nais mong makita ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, at makita kung paano sumunod ang mga Israelita sa landas ni Jehova, dapat mong basahin ang Lumang Tipan; kung nais mong maunawaan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, dapat mong basahin ang Bagong Tipan. Ngunit paano mo makikita ang mga gawain sa mga huling araw? Kailangan mong tanggapin ang pamumuno ng Diyos ng kasalukuyan, at pumasok sa gawain sa kasalukuyan, dahil ito ang bagong gawain, at wala pang nakapagtatala nito sa Biblia. Ngayon, ang Diyos ay naging tao at pumili ng ibang mga hinirang sa Tsina. Ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito, nagpapatuloy Siya mula sa Kanyang gawain sa daigdig, nagpapatuloy mula sa gawain sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang gawain sa kasalukuyan ay isang daan na hindi pa kailanman nalakaran ng tao, at daan na wala pang sinuman ang nakakita. Ito ay gawain na hindi pa kailanman nagawa—ito ang pinakabagong gawain ng Diyos sa mundo. Sa gayon, ang gawain na hindi pa nagawa noon ay hindi kasaysayan, dahil ang ngayon ay ngayon, at hindi pa nagiging nakaraan. Hindi alam ng mga tao na ang Diyos ay nakagawa nang mas nakahihigit, mas bagong gawain sa mundo, at sa labas ng Israel, na lumampas na ito sa saklaw ng Israel, at lampas sa mga propesiya na ibinigay ng mga propeta, na ito ay bago at kahanga-hangang gawain na hindi sakop ng mga propesiya, at mas bagong gawain na lampas sa Israel, at gawain na hindi makikita o kaya ay magawang akalain ng mga tao. Paanong ang Biblia ay naglalaman ng malinaw na mga talaan ng nasabing gawain? Sino sana ang maaaring makapagtala ng bawat isang bahagi ng gawain ngayon, nang walang makakaligtaan, nang hindi pa nangyayari? Sino sana ang maaaring makapagtala nitong mas makapangyarihan, mas may karunungang gawain na sumasalungat sa kinaugalian na nasa lumang inaamag na libro? Ang gawain sa kasalukuyan ay hindi kasaysayan, at dahil dito, kung nais mong lumakad sa bagong landas ngayon, kailangan mong lisanin ang Biblia, dapat mong lagpasan ang mga aklat ng propesiya o kasaysayan na nasa Biblia. Saka ka lamang maaaring makalakad sa bagong landas nang maayos, at saka ka lamang makakapasok sa bagong kaharian at sa bagong gawain. Dapat mong maunawaan kung bakit hinihiling ngayon na huwag mong basahin ang Biblia, kung bakit mayroong ibang gawain na hiwalay sa Biblia, kung bakit ang Diyos ay hindi na naghahanap ng mas bago, mas detalyadong pagsasagawa sa Biblia, at kung bakit sa halip ay mayroong mas makapangyarihang gawain sa labas ng Biblia. Ito ang lahat ng dapat ninyong maunawaan. Kailangan mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng luma at bagong gawain, at kahit na hindi mo binabasa ang Biblia, dapat ay kaya mo itong suriin; kung hindi, sasambahin mo pa rin ang Biblia, at magiging mahirap para sa iyo na makapasok sa bagong gawain at sumailalim sa mga bagong pagbabago. Yamang mayroong mas mataas na daan, bakit pag-aaralan ang mas mababa, makalumang daan? Yamang may bagong mga pagbigkas, at mas bagong gawain, bakit mamumuhay sa gitna ng lumang makasaysayang mga talaan? Ang mga bagong pagbigkas ay maaaring makapaglaan sa inyo, na nagpapatunay na ito ang bagong gawain; ang mga lumang talaan ay hindi ka magagawang pagsawain, o hindi tutugon sa iyong kasalukuyang pangangailangan, na nagpapatunay na kasaysayan na ang mga ito, at hindi gawain ng dito at ngayon. Ang pinakamataas na daan ay ang pinakabagong gawain, at sa bagong gawain, kahit gaano pa kataas ang daan ng nakaraan, ito pa rin ay kasaysayan ng mga pagninilay ng mga tao, at kahit ano pa ang halaga nito bilang sanggunian, ito pa rin ay lumang daan. Kahit na ito ay naitala sa “banal na aklat,” ang lumang daan ay kasaysayan; kahit na walang nakatala tungkol dito sa “banal na aklat,” ang bagong daan ay ang dito at ngayon. Ang daan na ito ay maaari kang iligtas, at ang daan na ito ay maaari kang baguhin, dahil ito ang gawain ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
Ang gawain ni Jesus ay para lamang sa kapakanan ng pagtubos sa tao at ang pagpako sa krus. Kaya, hindi Niya kailangang higit pang mangusap upang malupig ang sinumang tao. Ang karamihan sa Kanyang mga itinuro sa tao ay mula sa mga salita sa Banal na Kasulatan, at kahit na ang Kanyang gawain ay hindi higit sa Banal na Kasulatan, naisagawa pa rin Niya ang gawaing pagpapapako sa krus. Ang Kanyang gawain ay hindi gawain ng salita, ni para sa kapakanan ng paglupig sa sangkatauhan, sa halip ito ay upang matubos ang sangkatauhan. Gumanap lang Siya bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan, at hindi gumanap bilang mapagkukunan ng salita para sa sangkatauhan. Hindi Niya isinagawa ang gawain ng mga Gentil, na gawain ng panlulupig sa tao, kundi ang gawain ng pagpapapako sa krus, ang gawain na isinagawa sa mga naniniwala na mayroong Diyos. Kahit na ang Kanyang gawain ay naisakatuparan sa saligan ng Banal na Kasulatan, at ginamit Niya ang mga hula ng matatandang propeta upang isumpa ang mga Fariseo, ito ay sapat na upang matapos ang gawain ng pagpapapako sa krus. Kung ang gawain sa ngayon ay isinasagawa pa rin sa saligan ng mga hula ng matatandang propeta sa Banal na Kasulatan, magiging imposible na kayo ay malupig, dahil ang Lumang Tipan ay hindi naglalaman ng mga ulat ng hindi ninyo pagsunod at ng mga kasalanan ninyong mga Tsino, at walang kasaysayan ng inyong mga kasalanan. At kaya, kung ang gawaing ito ay nananatili pa rin sa Biblia, hindi kayo kailanman susuko. Ang Biblia ay nagtatala lang ng limitadong kasaysayan tungkol sa mga Israelita, isang hindi kayang itakda kung kayo ay mabuti o masama, o hatulan kayo. Ipagpalagay na kayo ay hahatulan Ko ayon sa kasaysayan ng mga Israelita—susundin pa rin ba ninyo Ako katulad ng inyong pagsunod ngayon? Alam ba ninyo kung gaano kayo kasutil? Kung walang binitiwang mga salita sa yugtong ito, magiging imposible ang pagtapos sa gawain ng panlulupig. Dahil hindi Ako pumarito upang maipako sa krus, nararapat Akong magbitiw ng mga salita na hiwalay mula sa Biblia, upang kayo ay malupig.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 1
Iba ang mga salita na winika ng Diyos sa kapanahunang ito sa mga winika noong Kapanahunan ng Kautusan, at kaya, gayon din, naiiba ang mga iyon mula sa mga salita na winika noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng salita, kundi isinalarawan lamang ang pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Isinasalarawan lamang ng Biblia kung bakit kailangang ipako sa krus si Jesus, at ang mga pagdurusang dinanas Niya sa krus, at kung paanong dapat maipako sa krus ang tao para sa Diyos. Sa kapanahunang iyon, nakatuon sa pagpapapako sa krus ang lahat ng gawain na ginawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kaharian, nagwiwika ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga salita upang lupigin ang lahat ng naniniwala sa Kanya. Ito ay “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao”; dumating ang Diyos sa panahon ng mga huling araw upang gawin ang gawaing ito, na ang ibig sabihin, naparito Siya upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Nagwiwika lamang Siya ng mga salita, at bihirang may pagdating ng mga katunayan. Ito ang pinakadiwa ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at kapag nagwiwika ng Kanyang mga salita ang Diyos na nagkatawang-tao, ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at ang Salita na nagiging katawang-tao. “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Diyos, at ang Verbo ay Diyos, at nagkatawang-tao ang Verbo.” Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na tutuparin ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at naparito nga ang Diyos sa lupa at naghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao. Yaong ginagawa ngayon, yaong gagawin sa hinaharap, yaong tutuparin ng Diyos, ang huling hantungan ng tao, yaong mga maliligtas, yaong mga mawawasak, at iba pa—maliwanag nang nakasaad ang lahat ng gawaing ito na dapat makamit sa katapusan, at ang lahat ay upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Ang mga atas administratibo at saligang-batas na dati nang nailabas, yaong mga mawawasak, yaong mga mamamahinga—dapat na matupad ang lahat ng salitang ito. Ito ang gawaing pangunahing natupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng mga huling araw. Pinangyayari Niya ang mga tao na maunawaan kung saan nabibilang yaong mga itinadhana ng Diyos at kung saan nabibilang yaong mga hindi itinadhana ng Diyos, kung paano mapapagbukud-bukod ang Kanyang mga tao at mga anak, ano ang mangyayari sa Israel, ano ang mangyayari sa Egipto—sa hinaharap, matutupad ang bawat isa sa mga salitang ito. Bumibilis ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang salita bilang paraan upang ihayag sa tao kung ano ang gagawin sa bawat kapanahunan, kung ano ang gagawin sa mga huling araw ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang ministeryo na Kanyang gagampanan, at lahat ng salitang ito ay upang isakatuparan ang aktuwal na kabuluhan ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao para magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, upang tunay na makita ng tao ang Diyos, na Siyang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Ang gayong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang kabuuan ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang mga tao ay inilalantad, inaalis, at sinusubukan. Nakita na ng mga tao ang mga salita ng Diyos, narinig ang mga salitang ito, at kinilala ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa walang-hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos sa tao at sa Kanyang hangaring iligtas ang tao. Ang salitang “mga salita” ay maaaring simple at ordinaryo, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng ngayon ang nakagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, na inaakay at tinutustusan ng Kanyang mga salita. Nabubuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at mas marami pang taong nagsimulang mabuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, ginabayan Niya ang mga tao sa buong sansinukob gamit ang mga salita, at nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita. Sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Kung mananatiling nakagapos ang mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi nila maaalis kailanman ang kanilang tiwaling disposisyon, lalong hindi nila malalaman ang likas na disposisyon ng Diyos. Kung palaging mabubuhay ang mga tao sa gitna ng kasaganaan ng biyaya, ngunit wala sa kanila ang daan ng buhay na nagtutulot sa kanila na makilala ang Diyos at mapalugod Siya, hindi nila Siya tunay na matatamo kailanman sa kanilang paniniwala sa Kanya. Kaawa-awa talaga ang ganitong uri ng paniniwala. Kapag natapos mo nang basahin ang aklat na ito, kapag naranasan mo na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa Kapanahunan ng Kaharian, madarama mo na ang mga hangaring taglay mo sa loob ng maraming taon ay natupad na rin sa wakas. Madarama mo na ngayon mo lamang tunay na nakita ang Diyos nang harapan; ngayon mo lamang natitigan ang Kanyang mukha, narinig ang Kanyang personal na mga pagbigkas, napahalagahan ang karunungan ng Kanyang gawain, at tunay na nadama kung gaano Siya katotoo at kamakapangyarihan sa lahat. Madarama mo na maraming bagay kang nakamtan na hindi pa nakita ni natamo ng mga tao noong nakalipas na mga panahon. Sa panahong ito, malinaw mong malalaman kung ano ang maniwala sa Diyos, at kung ano ang umayon sa kalooban ng Diyos. Siyempre pa, kung kakapit ka sa mga pananaw ng nakaraan, at aayawan o tatanggihan mo ang katunayan ng pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, mananatili kang walang napala, walang natamo, at sa huli ay ipapahayag kang nagkasala ng paglaban sa Diyos. Yaong mga sumusunod sa katotohanan at nagpapasakop sa gawain ng Diyos ay aangkinin sa ilalim ng pangalan ng pangalawang Diyos na nagkatawang-tao—ang Makapangyarihan sa lahat. Matatanggap nila ang personal na patnubay ng Diyos, na nagtatamo ng mas marami at mas matataas na katotohanan, at ng tunay na buhay. Mamamasdan nila ang pangitaing hindi pa nakita kailanman ng mga tao noong araw: “At ako’y lumingon upang makita ang tinig na kumausap sa akin. At nang ako’y lumingon, nakita ko ang pitong kandelerong ginto: At sa gitna ng mga kandelero ay may isang katulad ng isang Anak ng tao, na may suot na damit hanggang sa paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. At ang Kaniyang ulo at ang Kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang Kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi” (Pahayag 1:12–16). Ang pangitaing ito ay pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos, at ang pagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon ay pagpapahayag din ng gawain ng Diyos sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao. Sa mga pagdagsa ng mga pagkastigo at paghatol, ipinapahayag ng Anak ng tao ang Kanyang likas na disposisyon sa pamamagitan ng mga pagbigkas, na nagtutulot sa lahat ng tumatanggap ng Kanyang pagkastigo at paghatol na makita ang tunay na mukha ng Anak ng tao, na isang matapat na paglalarawan ng mukha ng Anak ng tao na nakita ni Juan. (Siyempre pa, lahat ng ito ay hindi makikita ng mga hindi tumatanggap sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.) Ang tunay na mukha ng Diyos ay hindi maaaring ganap na bigkasin nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao, kaya nga ginagamit ng Diyos ang paraan ng Kanyang pagpapahayag sa Kanyang likas na disposisyon upang ipakita sa tao ang Kanyang tunay na mukha. Na ibig sabihin ay lahat ng nagpahalaga sa likas na disposisyon ng Anak ng tao ay nakita na ang tunay na mukha ng Anak ng tao, sapagkat napakadakila ng Diyos at hindi maaaring lubos na mabigkas nang maliwanag gamit ang pananalita ng tao. Kapag naranasan na ng tao ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, malalaman niya ang tunay na kahulugan ng mga salita ni Juan nang banggitin niya ang Anak ng tao sa mga ilawan: “Ang Kaniyang ulo at ang Kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibong maputi ng tupa, gaya ng niebe; at ang Kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; At ang Kaniyang mga paa ay katulad ng tansong binuli, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim: at ang Kaniyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat ng matindi.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita